Nakalaya sa Pagsisikap Kong Mauna

Enero 11, 2022

Ni Xinliang, Germany

Noong nagsisimula pa lang akong maglingkod bilang pinuno ng grupo ng pagdidilig, ang mga kapatid sa tungkuling iyon ay kumokunsulta sa akin kapag may problema sila at mataas-taas ang tingin nila sa akin. Nang mangailangan ng pagdidilig ang ilang bagong dayuhang mananampalataya, ako ang sinabihan ng mga lider na mag-asikaso nito at ako ang inatasan sa pagtuturo ng German sa iba pang nasa team. Kaya, nagsimula akong lalong tingalain ng lahat at sabik silang makausap ako tungkol sa mga problema nila. Pakiramdam ko kailangang-kailangan ako sa team, at gustong-gusto kong hinahangaan ako at pinalilibutan ng iba.

Pagkatapos ay pinasali ng mga lider si Sister Fang sa team namin, sinasabi na magdidilig siya ng mga baguhan kasama namin. Sa paglipas ng panahon, nalaman kong mahusay siya, ang pagbabahagi niya sa katotohanan ay malinaw, at kapag may mga tanong o problema ang mga baguhan, ’di lang siya nakakahanap ng nauugnay na mga salita ng Diyos, kundi may kasamang sariling karanasan sa pagbabahagi niya. Mabilis nilang nahahanap ang mga solusyon na kailangan nila. Makalipas ang ilang panahon, pumupunta na lang kay Sister Fang ang mga kapatid kapag may hadlang sa pagsulong nila. Nakapanghihina ito ng loob para sa akin. Naisip ko, “Simula nang dumating siya, tinitingala na siya ng lahat at siya ang nilalapitan kapag may mga problema sila. Iniisip ba nilang mas may kakayahan siya kaysa sa akin? Pero ako ang team leader! Hindi ko puwedeng hayaang palitan niya ako, bagkus kailangan kong bawiin ang katanyagang nararapat na akin.”

Minsan, bago ang isang pagtitipon, bumuo si Sister Wang ng isang dokumento sa German at ipinadala sa grupo, sinasabi na gumamit siya ng translation software para sa ilang bahagi. Gusto niyang suriin namin ni Sister Fang kung may mga isyu ito pagkatapos ng pagtitipon. Habang binabasa ito, nakita ko ang lahat ng uri ng problema sa pagsasalin at naisip kong, “Pagkakataon ko na ito. May alam si Sister Fang na kaunting German, pero hindi kasing-husay ko. Ngayon kailangan kong ipakita sa lahat na mas may kakayahan ako.” Kaya pinasadahan ko ang dokumento, binago, at ni-reformat ito. Pakiramdam ko kapag nakita ng mga kapatid na nagawa ko itong napakalinaw at napakaliwanag, tiyak na makikita nila ang talento ko. Ginugol ko ang sa oras sa buong pagtitipon sa dokumentong iyon sa halip na makinig talaga. Kahit nang matapos ang pagtitipon ay ginugol ko ang buong gabi na sinusuri ito at pinagsasama-sama itong muli. Sumakit ang ulo ko at nanuyo ang mata ko sa maraming oras na tinatrabaho ko ito, pero nang naisip ko na makikita ng mga kapatid ang tinrabaho ko nang lihim at muling makukuha ang kanilang paghanga, ay nawala ang pagod ko. Ipinadala ko ang dokumento sa grupo kinabukasan, pero noong tinatalakay ng lahat ang mga isyung nakapalibot sa pagdidilig ng mga baguhan, si Sister Fang ang tinatanong nilang lahat tungkol sa mga puntong ’di nila naintindihan. Wala ni isang tao na nagbanggit na ako ang nag-ayos ng pagsasalin. Nakaramdam talaga ako ng pagkabigo at napaisip kung bakit nasa tabi na lang ako simula nang dumating si Sister Fang. Hindi naman siya mas magaling kaysa sa akin. Walang-imik na lang akong naupo sa harap ng computer at ayaw kong makisali sa talakayan. Naisip ko pa nga na ayaw ko nang gawin ang tungkuling iyon. Sa sandaling iyon, biglang nagtanong sa akin ang isang sister at ’di ko alam kung paano sasagot dahil hindi ko talaga sinusundan ang talakayan. Nang makitang wala akong sinasabi, nagbigay si Sister Fang ng sarili niyang opinyon at sumang-ayon sa kanya ang lahat. Nag-init ang mukha ko. Nagmadali akong hanapin ang kaukulang bahagi ng dokumento at noon ko lang natanto na napagbahagian na nila ang karamihan nito, pero hindi ako nakasubaybay. Medyo nakonsiyensya ako noong oras na iyon. Ako ang team leader sa pagdidilig, kaya dapat ay ginagabayan ko ang proseso ng pagkatuto at tumutulong na malutas ang mga problema ng mga tao sa tungkulin nila, pero palagi kong ikinukumpara ang sarili ko kay Sister Fang at ang inaalala ko lang ay kung ano ang iniisip sa akin ng ibang tao. Hindi ko inilalagay ang puso ko sa tungkulin ko. Paano ko magagawa nang mabuti ang tungkulin ko nang may ganoong saloobin?

Pagkatapos ng pagtitipon, pinagnilayan ko ang kalagayan ko kamakailan. Mula nang sumali si Sister Fang, siya ang nilalapitan ng lahat sa mga problema nila at talagang tumututol ako, na pakiramdam ko parang naagaw ang aking pangunahing papel at katanyagan. Sinubukan ko ang lahat para magpasikat, ninanais na mabawi ang dati kong posisyon sa puso ng lahat. Nang hindi ko makuha ang gusto ko, para bang nawalan ako ng kumpiyansa at determinasyon at gusto ko pa ngang magbitiw. ’Di ba’t pagtataksil ’yon sa Diyos? Nang matanto kong wala ako sa tamang kalagayan, tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para makilala ang sarili ko. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Kapag hindi nauunawaan o isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, kadalasan ay nabubuhay sila sa gitna ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Nabubuhay sila sa gitna ng iba’t ibang patibong ni Satanas, na pinag-iisipan nang husto ang sarili nilang kinabukasan, karangalan, katayuan, at iba pang makasariling mga interes. Ngunit kung gagamitin mo ang pananaw na ito sa iyong tungkulin, sa paghahanap at pagtatamo ng katotohanan, matatamo mo ang katotohanan. … Kung lagi kang nagsusumikap sa katotohanan, madalas na humaharap sa Diyos, madalas na naghahanap sa katotohanan, aanihin mo ang bunga ng katotohanan, at ang pamumuhay mo ay magiging kahawig ng sa tao, at normal na sangkatauhan, at ng realidad ng katotohanan. Kung madalas kang nagpaplano, nagbubulay-bulay, gumugugol ng oras sa pag-iisip, nagsisikap—ibinibigay pa ang iyong buhay—para sa iba’t ibang bagay na kapaki-pakinabang sa iyo, na hindi nagtitipid sa anumang gastos, maaari mong matamo ang paggalang ng mga tao, at matamo ang iba’t ibang mga benepisyo at anyo ng karangalan—ngunit alin ang mas mahalaga, ang mga bagay na ito o ang katotohanan? (Ang katotohanan.) Nauunawaan ng mga tao ang mensaheng ito, subalit hindi nila hinahanap ang katotohanan, at pinahahalagahan lamang ang sarili nilang mga interes at katayuan. Kaya tunay ba nila itong nauunawaan, o mali ang pag-unawang ito? Ang totoo, sila ay mga hangal. Hindi nila nakikita nang malinaw ang gayong mga bagay. Kapag may kakayahan silang makita nang malinaw ang mga ito, nagtamo na sila ng kaunting katayuan. Dahil dito ay kinakailangan nilang hanapin ang katotohanan, gumugol ng pagsisikap sa salita ng Diyos; hindi sila maaaring maguluhan at maging pabaya. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan at dumating ang araw na sabihin ng Diyos na tapos na Siyang magsalita, na wala na Siyang nais pang sabihin sa sangkatauhan, at wala nang gagawin pang iba, at na dumating na ang panahon para subukin ang gawain ng tao, kung gayon nakatadhana kang tanggalin(Pagbabahagi ng Diyos). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, lalo na ang “kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, nakatadhana kang tanggalin” ay talagang nakaaantig para sa akin. Ginunita ko ang pag-uugali ko kamakailan, at kahit na mukhang ginagawa ko ang tungkulin ko, sa bawat sandali ay pinoprotektahan ko lang ang sarili kong interes at katayuan. Nang nakita kong nadaig ako ni Sister Fang sa kakayahan at kapabilidad, at na mataas ang tingin sa kanya ng ibang team member, nakadama ako ng peligro, na para bang may banta sa posisyon ko. Lihim akong nagsimulang makipagpaligsahan sa kanya, ikinukumpara ang sarili ko sa kanya at gusto kong isipin ng lahat na mas magaling ako sa trabaho kaysa sa kanya. Gusto ko lang mabawi ang paghanga ng lahat sa akin. ’Di ba pinoprotektahan ko lang ang personal kong katayuan habang ginagawa ang tungkulin ko? Itinaas ako ng Diyos upang tumayong team leader para mapangalagaan ko ang Kanyang kalooban at maitaguyod ang gawain ng iglesia. Ito rin ay sa pag-asa na magagamit ko ang pagkakataong ito para gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema at isagawa ang katotohanan sa tungkulin ko, para medyo mabago ang tiwaling disposisyon ko. Pero hindi ko talaga isinasagawa ang katotohanan. Nakatigil lang ako at nakikipaglaban para sa reputasyon at pakinabang, at ang iniisip ko lang ay kung paano malalampasan si Sister Fang, at kung maaari kong mapahanga ang mga kapatid. Ganap kong itinatabi ang tungkulin ko. Nang mabigo akong magkamit ng katanyagan at katayuan, gusto kong sumuko at pagtaksilan ang Diyos. Paglaban iyon sa Diyos. Medyo natakot ako sa puntong ito, at natanto kong madilim at nasasaktan ang aking espiritu, at nawala ko ang gawain ng Banal na Espiritu dahil ang lahat ng ginagawa ko ay nakasusuklam sa Diyos, kaya itinago Niya ang Kanyang mukha mula sa akin. Kung hindi ako nagsisi, aalisin Niya ako. Nang matanto ko ang lahat ng ito, kaagad akong lumapit sa harap ng Diyos at nagdasal, sabi ko, “Diyos ko, ayokong magsalita at kumilos para lang sa sarili kong katanyagan at katayuan, pero hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko. Gabayan Mo po ako para maisagawa ko ang katotohanan.”

Nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos no’n, at ipinakita nito sa akin kung paano pakawalan ang lahat ng iyon. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Yaong mga may kakayahang magsagawa ng katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa paggawa ng mga bagay. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, naitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba at hindi tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, kung gayon, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang paggalang sa Diyos. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag isipin ang iyong sariling katayuan, katanyagan, o reputasyon. Huwag mo ring isaalang-alang ang mga interes ng tao. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng bahay ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung ikaw ba’y naging hindi dalisay sa iyong tungkulin, kung nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang maging matapat, nagawa ang lahat ng iyong makakaya upang matupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng bahay ng Diyos. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito, at magiging higit na madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. May puwang ang Diyos sa puso ng taong tunay na isinasaalang-alang ang Kanyang kalooban at kaya nilang tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat sa lahat ng ginagawa nila. Kaya nilang bitawan ang sariling reputasyon, katayuan, at personal na interes, at isaalang-alang ang mga interes ng Diyos sa lahat ng bagay, ibinubuhos nila ang lahat sa paggawa ng tungkulin nila. Iyon ang uri ng taong nagdadala ng kagalakan sa Diyos. Kung talagang iisipin ito, malinaw talaga ang pagbabahagi ni Sister Fang ng katotohanan at nakalulutas ng mga problema, at mas nakinabang ang gawain namin sa mga mungkahi niya kaysa sa mga mungkahi ko. Talagang kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia at sa buhay ng aming mga kapatid. Mabuti para sa aming gawain kung mas hahanapin ng iba si Sister Fang kaysa sa akin para magpatulong para lahat ay maaaring matuto at lumago nang magkakasama. Mabuti iyon. Pero sa halip na isaalang-alang ang lahat ng ito, inalala ko lang ang sarili kong interes at kalagayan. Habang nakikitang tinitingala ng iba si Sister Fang, pakiramdam ko inagaw niya ang puwesto ko, kaya lihim kong inilaban ang sarili ko sa kanya. ’Di ba’t ginagambala at sinisira ko ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Sumama ang pakiramdam ko nang maging malinaw ang lahat ng ito sa akin. Namuhi talaga ako sa sarili ko at ginusto kong isagawa ang katotohanan para masiyahan ang Diyos. Pagkatapos no’n, sadya akong nagsikap na bitawan ang reputasyon at katayuan ko, at kapag nagbabahagi kami at nag-aaral, hindi ko na inisip na magpakitang-gilas para magmukhang mas magaling sa kanya. Sa halip, tumuon ako sa pagpapayapa ng aking sarili sa harap ng Diyos at pag-iisip kung paano magbabahagi nang pinakamabisa. Kinaya ko nang makita ang mga kapatid na dinadala ang kanilang mga problema kay Sister Fang. Nadama ko na hindi na mahalaga kung sino ang tinanong nila, basta’t malutas ang problema. At kapag may problema ako sa tungkulin ko, nagsimula akong hanapin din siya, at makinig sa sasabihin niya. Mas nakadama ako ng kapayapaan nang gawin ko ang mga bagay sa ganitong paraan, at napatnubayan ako ng Banal na Espiritu sa tungkulin ko, na nakatulong na malutas ang ilang problema. Napabuti ang gawain ng team bilang resulta. Nagpasalamat ako sa patnubay ng Diyos.

Pagkatapos ng karanasang ito akala ko nagkaroon na ako ng kaunting kaalaman sa sarili at nagbago na ako kahit paano, pero may nangyari kalaunan na nagtulot na magnilay ako at maunawaan ang sarili ko nang mas malalim. Isang hapon nagpadala sa akin ng mensahe ang isang lider, na sinasabing gusto niyang makatrabaho ko si Sister Fang sa isa sa mga gawain ko, para matapos iyon agad. Hindi ako masyadong nasiyahan tungkol dito. Simula pa lang ay ako na ang responsable rito, kaya nadama ko sa biglang pagsali ni Sister Fang na para bang inisip ng lider na mas magaling siya sa akin, na makatutulong sa akin si Sister Fang na pagbutihin ang kahusayan ko sa trabaho. At, kung maayos ang kinalabasan ng proyektong iyon, mapapansin ang pagsisikap ni Sister Fang. Alam kong mahusay siya at matalino, at kapwa mas mahusay ang kakayahan at mga abilidad niya kaysa sa akin, bukod doon ay gusto siya ng lahat. Ito ay parang paparating na panganib. Kung makikita ng lider na mas magaling kaysa sa akin si Sister Fang, ibibigay ba niya sa kanya ang puwesto ko bilang team leader? Nang maisip ko iyon, sumikip ang dibdib ko sa pagkabalisa. Natanto kong nakikipagkompitensiya na naman ako kay si Sister Fang para sa katayuan, pero nang naisip ko ang posibilidad na pumalit siya sa akin kinabahan talaga ako, takot na takot na mawala ang posisyon ko. Naisip ko, “Dapat patunayan ko kaagad sa lider na kaya ko ang gawain.” At kaya, hinati ko ang proyekto sa dalawang bahagi para tigkalahati kami. Sa ganoong paraan makikita ng lider kung sino ang gumawa ng ano at magiging malinaw kung sino ang may pinakamaraming nakamit. At kaya, lumitaw na naman ang pakiramdam ng tunggalian na hindi ko pa napuksa.

Noong hinahati ko ang gawain, hindi ko ipinaalam kay Sister Fang ang mga detalye, dahil ayaw kong ibahagi sa kanya ang lahat ng nalalaman ko. Natakot ako na baka maintindihan niya agad ang gagawin. Pinadalhan ko lang siya ng isang walang-interes na mensahe tungkol sa paghahati ng gawain, pagkatapos ay magkahiwalay kaming nagtrabaho. Sa sumunod na ilang araw, walang-tigil kong tinrabaho ang proyekto, iniisip na basta’t magawa ko ito nang maayos at mabilis, iisipin ng lider na mas mahusay at mas epektibo ako kaysa kay Sister Fang. Pagkatapos ay makakamit ko ang pagsang-ayon ng lider at magiging ligtas ang posisyon ko. Sa panahong ito, kapag kailangan ng tulong ng mga kapatid sa tungkulin nila ginagawa ko ang lahat para maglaan ng oras dito, na para bang ’pag mas marami akong nagawa, mas mapatutunayan ko ang kahalagahan ko sa team, na kaya kong gawin lahat. Pagkatapos naisip kong magiging matatag akong tulad ng bato. Binantayan ko rin ang pag-unlad ni Sister Fang, natatakot na mapag-iwanan niya ako. Hindi ko talaga ako nagkaroon ng katahimikan sa tungkulin ko, at mas lalo akong nabalisa. Wala akong anumang kabatiran sa mga naging problema ko, kaya talagang mabagal ang pag-unlad ko. Ang nasa isip ko lang ay paghahanap ng reputasyon at katayuan. Kung hindi nalaman ng lider ang nangyayari, hindi ko sana pagninilayan ang sarili ko. Makalipas ang isang linggo, pagkakitang walang tunay na pag-unlad, tinanong ako ng lider tungkol sa katayuan ng proyekto at kinumusta ang aming pagtutulungan. Ipinunto rin niya na wala sa aking mahahalagang gawain ang nagawa nang maayos, at tinanong ako kung ano ang ginagawa ko. Nagdahilan ako, sabi ko hindi ko napamahalaan nang mabuti ang oras ko at na mahirap ang gawain. Sa katunayan, alam ko na dahil iyon sa hinahabol ko lang ulit ang reputasyon at pakinabang, kaya hindi ako nakikipagtulungan nang mabuti kay Sister Fang at wala sa tamang lugar ang puso ko. Kaya nawala sa akin ang patnubay ng Diyos. Nang makitang nagdadahilan ako, iwinasto ako ng lider sa hindi ko wastong pag-una sa gawain ko at tinanong ako tungkol sa kalagayan ko. Ibinahagi ko sa kanya ang ibinubunyag ko nitong huli.

Binasa niya sa akin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagbahagi at sinuri ang kalikasan at ugat ng pakikipaglaban para sa reputasyon at pakinabang. Nakatulong ito sa akin na mas maunawaan ang tiwaling disposisyon ko. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Sa tuwing nasa isang grupo sila, ang unang ginagawa ng ganitong tipo ng mga tao na mga anticristo ay kunin ang tiwala at pagpapahalaga ng mga tao, at ang paggalang, ang mataas na pagtingin, at paghanga ng mas maraming tao, upang makamit ang kanilang layuning magkaroon ng lubos na kapangyarihan at magkaroon ng huling salita sa grupo. … Upang makamit ang katayuan, upang maging pinakamataas sa isang grupo, gagawin nila ang lahat, nang walang pinalalampas na sinumang indibiduwal o anumang salik na banta sa kanilang katayuan. Siyempre, tiyak na gagamit ang mga anticristo ng anumang bilang ng kaparaanan upang makamit ito. Ang sinumang mahusay magsalita, lohikal kung magsalita, sa paraang maayos at lubhang organisado, ay nagiging puntirya ng kanilang selos, puntirya para gayahin, at higit pa rito, puntirya ng kanilang pakikipagkumpitensya. Ang mga naghahanap sa katotohanan at may matatag na paninindigan, ang mga madalas tumutulong at sumusuporta sa mga kapatid, na nag-aalis sa kanila mula sa pagiging negatibo at mahina, ay nagiging puntirya rin ng kanilang pakikipagkumpitensya. Ang sinumang mahusay sa isang partikular na gampanin, at iginagalang nang bahagya ng mga kapatid, ay nagiging puntirya rin ng kanilang pakikipagkumpitensya. Ang mga malakas magbunga sa kanilang gawain, at napupuri ng Itaas, ay lalong nagiging puntirya ng kanilang pakikipagkumpitensya. At ano ang tatak na nilang sinasabi sa anumang grupo? Hindi naman ibig sabihing gusto talaga ng gayong mga tao na magtamo ng pinakamataas na katayuan o magkaroon ng isang antas ng kontrol sa mga tao; mayroon lang talaga silang isang partikular na disposisyon, isang partikular na mentalidad, na nag-uutos sa kanila na gawin ito. Ano ang mentalidad na ito? Ito’y ‘Dapat akong makipagkompitensya! Makipagkompitensya! Makipagkompitensya!’ ‘Makipagkompitensya’: Iyan ang kanilang disposisyon. Ang disposisyon nila ay hindi kayang pigilan ninuman. Hindi ito makokontrol ninuman, kahit sila mismo ay hindi nila kaya; dapat silang makipagkumpitensya(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Pinag-isipan ko kung ano ang ibinubunyag ng siping ito tungkol sa mga kalagayang ito. Perpektong inilarawan nito ang kalagayan ko kamakailan. Sa tungkulin ko, gusto ko lagi na tinitingala ako ng iba at magkaroon ng partikular na katayuan. Nang maramdaman kong mukhang mapapalitan ako ni Sister Fang, itinuring ko siyang parang kaaway, lihim ko siyang kinalaban para mapanatili ko ang posisyon ko. Gusto kong hatiin ang gawain para makita kung sino sa amin ang mas epektibo at gusto kong gamitin ang pagtulong sa mga kapatid sa kanilang mga problema para ipakitang mas dedikado ako kaysa sa kanya, na mas naunawaan ko ang katotohanan at mas mahusay magtrabaho, umaasang makikita ng lahat na ako ay malakas at may kakayahang team member para patibayin ang posisyon ko. Nahumaling ako sa kung paano ako makakapagpasikat, paulit-ulit na ikinukumpara ang sarili ko sa kanya. ’Di ba’t ito mismo ang anticristong disposisyon na ibinunyag ng Diyos? Nang mapag-isip ko ito, nakita ko na ang kagustuhan ng lider na magtulungan kami ay unang-una, para maaari kaming maging mas mahusay at mas mabilis na matapos ang proyekto. Pero nadaig ng mga munting pakana, gusto kong gamitin ang tungkulin ko para itaguyod ang sarili ko at ni hindi sumagi sa isip ko ang gawain ng iglesia. Hindi ko ibinubuhos ang puso ko sa atas ng Diyos, sa halip ay wala akong iniisip kundi kung paano ko pagagandahin ang tingin sa akin. Nagpapakana at gumagawa ako laban kay Sister Fang para matiyak ang lugar ko, na umaantala sa aming gawain. Paano iyon paggawa sa aking tungkulin? Malinaw na lubos akong naglilingkod kay Satanas, sinasabotahe ang gawain ng iglesia!

May binasa pa akong ibang sipi ng mga salita ng Diyos. “Maaaring may anticristo sa anumang grupo, at maaaring isa siyang huwad, o isang masipag na manggagawa, subalit isang bagay ang laging nasa kaibuturan ng kanyang puso: katayuan. Sa lahat ng kanyang ginagawa, kailangan niyang makipagkompitensya sa iba para sa katayuan, para sa karangalan, at para sa kapakinabangan. Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ay ang pakikipagkompitensya para sa magandang reputasyon, para sa pasyang pabor sa kanya, para magkapuwang sa puso ng mga tao, upang igalang siya ng mga taong ito, at maging mataas ang tingin nila sa kanya, at gawin siyang sentrong iniikutan nila. Ito ang landas na tinatahak ng mga anticristo—at para sa mga bagay na ito mismo nakikipagkompitensya ang mga anticristo(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). “Kung talagang pinahahalagahan mo ang katayuan at katanyagan, at malalim ang koneksyon mo sa mga ito, hindi mo makayanang isuko ang mga ito, kung laging pakiramdam mo ay wala nang saya o pag-asa pang mabuhay kung wala rin lang katayuan at katanyagan, na dapat kang mabuhay para sa katayuan at katanyagan, na dapat kang pakilusin ng dalawang bagay na ito, na kahit pa hindi mo makamit sa huli ang iyong mga minimithi, hindi mo kayang ganap na sumuko, at dapat kang magsumikap hanggang sa huling sandali hangga’t may hibla pa ng pag-asa—kung may gayon kang mga iniisip, malamang na hindi ka nagpupursigi sa mga bagay na isinasagawa mo, at malamang na magbubulag-bulagan ka sa iyong pagsasagawa. … Ang gayong paghahangad sa katayuan ay nakakaapekto sa iyong kakayahang maging isang katanggap-tanggpap na nilalang ng Diyos, at siyempre, nakakaapekto ito sa iyong kakayahang gampanan ang iyong tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Walang higit na kamuhi-muhi para sa Diyos kundi ang mga taong naghahangad ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay tiwaling disposisyon; bunga ito ng katiwalian ni Satanas, at sa pananaw ng Diyos hindi ito dapat umiiral. Hindi niloob ng Diyos na ibigay ito sa tao. Kung lagi kang nakikipagkumpitensya at nakikipaglaban para sa katayuan, kung palagi mo itong pinakaiingat-ingatan, kung lagi mong gustong sunggaban ito para sa iyong sarili, hindi ba ito nagtataglay ng kaunting kalikasan ng paglaban sa Diyos? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli’y ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, isang hamak at walang-kabuluhang nilalang ng Diyos—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektibo ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahanggad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi kapuri-puri para sa Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban isa lamang ang kauuwian nito: kamatayan! Wala itong kahahantungan—nauunawaan mo ito, hindi ba?(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Natakot ako matapos ko itong mabasa sa mga salita ng Diyos. ’Di ko hinahanap ang katotohanan sa tungkulin ko, sa halip ay hinahabol ko ang reputasyon at katayuan para matupad ang sarili kong mga naisin. Nasa landas ako ng isang anticristo. Naisip ko, bakit ako masyadong nakatuon sa paghahanap ng mga bagay na ito? Ito ay dahil sa katiwalian ni Satanas. Mula pa noong bata ako, naririnig ko na ang mga bagay na tulad ng “Nagsisikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Ang pangarap ng sinumang mabuting sundalo ay maging heneral.” Babad sa mga lasong ito ni Satanas, pakiramdam ko wala akong halaga kung masaya na ako sa pagiging pangkaraniwan. Gusto kong nasa itaas ako saanman ako magpunta, kung hindi ay hindi ako magkakaroon ng halaga. Iyon ang naging pundasyon ko bilang tao. ’Di ko mapigilan ang sarili ko sa pamumuhay sa mga satanikong pilosopiyang ito kahit nang maging mananampalataya na ako. Kapag may nakikita akong maaaring makalampas sa akin, kinakailangan ko talagang kalabanin sila at iniisip ang lahat para patunayan ang sarili ko. Gusto kong magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao, na mapalibutan ako ng lahat at tingalain ako. Akala ko ibig sabihin no’n ay karapat-dapat ako. Sa gayong uri ng pananaw at hangarin, hindi ko nagawa ang tungkulin ko mula sa lugar ng isang nilikha, sa halip, nagkukunwari ako na ginagawa ang ungkulin ko habang nakikipagpaligsahan sa Diyos para sa katayuan. Nagkakasala ako sa disposisyon ng Diyos at kinakalaban Siya! Alam ko na kung hindi ako nagsisi, aalisin ako ng Diyos sa malao’t madali. Talagang natakot ako sa kaisipang ito. Nakita ko na lubos na mapanganib ang landas na tinatahak ko. Lumapit ako sa harap ng Diyos sa panalangin at nagsisi. Kung maaari man akong manatili sa paglilingkod bilang team leader, kung papalitan man ako ni Sister Fang, handa akong magpasakop. Dati iniisip ko lagi na pagpapakita lang ito ng kaunting katiwalian, kaya hindi ko ito masyadong sineryoso. Pero sa pamamagitan ng paghatol at pagbubunyag ng mga salita ng Diyos, natanto ko kung gaano ito kaseryoso at pagkatapos ay nagkaroon ako ng tunay na pagnanasang lutasin ang katiwaliang ito. Pagkatapos no’n, nagsimula akong magbasa ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga taong naghahanap ng ganitong bagay. May isang sipi na partikular na nag-iwan ng malalim na impresyon sa akin, at nakatulong ito sa akin na makahanap ng landas. “Bilang isa sa mga nilalang, kailangang panatilihin ng tao ang kanyang sariling posisyon, at kumilos nang maingat. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging dakila, o maging superman, o mataas sa lahat, o maghangad na maging Diyos. Ito ang hindi dapat nasain ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang kapuri-puri, at ang dapat na panghawakan ng mga nilalang nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilalang; ito lamang ang tanging mithiin na dapat hangarin ng lahat ng tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Napasaya talaga ng mga salita ng Diyos ang puso ko at natulungan akong maunawaan ang Kanyang kalooban. Ang pagiging dakilang tao, isang superman ay hindi ang dapat hanapin ng isang nilikha. Dapat tayong lumugar bilang nilikha ng Diyos at tuloy-tuloy na isakatuparan ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa atin. Ito ang tamang paghahangad, at ang tanging sinasang-ayunan ng Diyos.

Kapag natatagpuan ko ang sarili kong ginugusto na namang lumaban para sa reputasyon at pakinabang pagkatapos no’n, sinisikap kong magdasal sa Diyos at talikuran ang sarili ko, at hinahanap ko si Sister Fang para kausapin siya tungkol sa mga isyu sa aming tungkulin. Nang maging bukas ako sa kanya natuklasan kong may magaganda siyang ideya tungkol sa kung paano gagawin ang mga bagay at agad kaming mayroong plano ng pagkilos kapag magkasama kaming nag-iisip. Sinikap din ni Sister Fang na ibahagi ang buod ng kanyang karanasan sa akin para tulungan akong mapabuti ang aking kahusayan. Kapwa ako nakaramdam ng hiya at talagang pagkaantig. Ang pagkakaroon ng partner na katulad niya sa tabi ko ay malaking tulong sa akin, at kinamuhian ko ang sarili ko na naging bulag ako, na nakipaglaban lang ako para sa reputasyon at pakinabang at napalampas ang napakaraming pagkakataon para makamit ang katotohanan. Tumigil na ako sa pag-aalala na papalitan ako ni Sister Fang bilang team leader pagkatapos noon. Naging mas panatag ako at naging mas epektibo sa tungkulin ko. Ang sa sandaling nagtutulungan na kami bilang team, natapos namin kaagad ang proyektong iyon. Nang maranasan ko ang lahat ng ito, nadama ko talaga na nasa panig ko ang Diyos, at napakarami Niyang inilagay na sitwasyon para linisin at baguhin ang tiwaling disposisyon ko. Hinatulan, inilantad, binigyan ng kaliwanagan, at ginabayan Niya rin ako gamit ang Kanyang mga salita, tinutulutan akong magkamit ng kaunting kaalaman sa sarili. Punong-puno ako ng pasasalamat sa Diyos at nagpasiya akong gawin nang mabuti ang tungkulin ko at pasayahin Siya.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Hindi Ako Karapat-Dapat na Makita si Cristo

Ang mga salita ng Diyos ang tumulong sa akin para maunawaan na hindi ko mabatid ang tinig ng Diyos dahil ako ay masyadong arogante, masyadong rebelde, at masyadong mapagmataas, masyadong madaling matukso para makinig nang mabuti at tumango bilang pagsang-ayon sa mga nasa posisyon at estado, habang minamaliit ko ang mga walang posisyon at estado, kung kaya’t kahit na sinabi nila ang katotohanan, hindi ko ito naririnig.