Walang Ranggo ang mga Tungkulin

Oktubre 13, 2022

Ni Karen, Philippines

Bago manalig sa Makapangyarihang Diyos, sanay ako na pinupuri ng mga guro. Gusto ko palagi na maging sentro ng atensyon, at masaya ako na mataas ang tingin ng iba sa’kin. Noong Mayo ng 2020, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Masugid kong ininom at kinain ang mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, at palaging ako ang nauunang magbahagi ng aking pagkaunawa sa mga pagtitipon. Palagi akong pinupuri ng mga kapatid ko sa aking pagbabahagi, na lubos na nagpasaya sa akin. Inisip ko na may mahusay akong kakayahan at mas magaling na pag-unawa kaysa sa iba. Kalaunan, nahalal ako bilang isang lider ng grupo. Tuwang-tuwa ako—sa dinami-rami ng tao, ako ang napili na maging lider ng grupo. Naramdaman kong nangangahulugan ito na may mahusay akong kakayahan at hindi ako katulad ng iba. Pagkatapos nun, nagsimula akong umakto bilang punong-abala sa mga pagtitipon ng grupo. Nagbigay-pansin at humangang lahat sa akin ang mga kapatid. Nakikipag-ugnayan din ako sa kanila sa mga pagtitipon, tinatanong sila tungkol sa kanilang mga kalagayan at problema at pinapadalhan sila ng mga salita ng Diyos. Kapag may napapansin akong isang taong hindi nagbabahagi o dumadalo sa mga pagtitipon, pribado ko siyang hinihikayat. Naging malapit ako sa mga kapatid, at sa tuwing nagkukwentuhan kami, palagi silang masaya. Naisip ko na bagay na bagay akong magdilig ng mga baguhan at pwede pa ngang maging diyakono ng pagdidilig. Gusto ko ng mas mataas na posisyon para matingnan ko ang gawain ng mga lider ng ibang grupo. Sa gano’ng paraan, makukuha ko ang paghanga at papuri ng mas maraming tao. Pero gulat na gulat ako no’ng, isang araw, sinabi sa akin ng isang lider, na mas bagay ako sa pagpapakalat ng ebanghelyo, kaya gusto niyang pagtuunan ko ang gawain ng ebanghelyo. Pero no’ng panahong iyon, hindi ko magawang maging masigla. Naisip ko: “Isa akong tagapagdilig. Alam na alam ko ang lahat ng gawain ng pagdidilig. Bakit hindi mo hayaang magpatuloy ako sa pagdidilig? Bakit mo ako pinagpapalaganap ng ebanghelyo? Bilang isang tagapagdilig, pwede kong gamitin ang lahat ng talento ko, pero, kung kailangan kong magpalaganap ng ebanghelyo, magsisimula na naman ako sa umpisa. Ang kailangan lang dito ay maghikayat ng mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan na makinig sa mga sermon. Kayang gawin ng kahit sino ang gano’ng kasimpleng tungkulin, kaya paano ko mapapatanyag ang sarili ko? Isa pa, isa na akong lider ng grupo ngayon. Kung ililipat nila ako sa pagbabahagi ng ebanghelyo, magiging isang tagapagbahagi na lang ako ng ebanghelyo. Sino nang hahanga sa akin kung magkagayon?” Medyo nalungkot ako at ayoko talagang ipangaral ang ebanghelyo. Hindi ko lang talaga magawang magpasakop. Pero no’ng panahong ‘yon, hindi ko ito napagtanto at naguluhan lang ako. Isang araw, tinanong ko ang lider: “Bakit mo ako pinagpapalaganap ng ebanghelyo? Bakit hindi ko pwedeng ipagpatuloy ang pagdidilig ng mga baguhan? Kaya kong gawin nang sabay ang dalawang tungkulin, kaya kong gumawa ng mga pagsasaayos para pagkasyahin lahat ito.” Sabi ng lider: “Masalita kang tao at may talento sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Mas nababagay sa’yo na gawin ito.” Pagkarinig nito, ang nagawa ko na lang ay subukang tanggapin ito, pero ramdam ko pa rin na walang hahanga sa akin kung hahayo ako para mangaral ng ebanghelyo. Nanlumo ako at naagrabyado. Matagal na panahon na akong nagtrabaho bilang isang tagapagdilig, naging sobrang epektibo sa aking gawain, at mataas ang tingin sa akin ng iba. Kung ililipat ako sa pagbabahagi ng ebanghelyo, mawawala ang lahat ng ‘yon sa akin. Kung hindi ako epektibo sa pagbabahagi ng ebanghelyo, anong iisipin ng lider sa akin? Talagang nalungkot ako at walang motibasyon para magpalaganap ng ebanghelyo. Kapag nag-iimbita ako ng mga tao na makinig sa mga sermon, iniraraos ko lang ito at hindi ibinibigay ang lahat ng makakaya ko. Ginugol ko ang halos lahat ng oras ko sa pakikipagkwentuhan sa mga kapatid at pagbibiro, umaasang maitataboy ang lahat ng negatibong pakiramdam na iyon. Madalas ko ring naiisip kung kailan ako makakabalik sa pagdidilig ng mga baguhan. Bilang resulta, wala akong maipakita sa loob ng isang buwan ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Noon lang ako nagdasal sa Diyos, “Mahal na Diyos, nahihirapan akong magpasakop sa sitwasyong ito at lagi kong gustong bumalik sa pagdidilig. Hinihiling ko sa Iyo na gabayan ako sa pag-unawa ng Iyong layunin, para magpasakop ako.”

Pagkatapos nun, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. “Ano ang saloobin na dapat mayroon ka sa iyong tungkulin, na matatawag na tama at naaayon sa kalooban ng Diyos? Una, hindi mo puwedeng suriing mabuti kung sino ang nagplano nito, kung ano ang antas ng pamumuno ng nagtalaga nito—dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos. Hindi mo ito maaaring suriin, dapat mong tanggapin ito mula sa Diyos. Ito ay isang kondisyon. Bukod pa riyan, anuman ang tungkulin mo, huwag kang mamili kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mo, ‘Bagama’t ang gawaing ito ay isang tagubilin mula sa Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay may gawain na tinutulutan silang mamukod-tangi. Ibinigay sa akin ang gawaing ito, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi kundi pinapagugol ako ng sarili ko nang hindi nakikita, hindi ito patas! Hindi ko gagawin ang tungkuling ito. Ang tungkulin ko ay dapat akong mamukod-tangi sa iba at tinutulutan akong magkapangalan—at kahit na hindi ako magkapangalan o mamukod-tangi, dapat pa rin akong makinabang dito at maging pisikal na maginhawa.’ Ito ba ay katanggap-tanggap na saloobin? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa kung ano ang nanggagaling sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin, isang pagpapamalas ng iyong pagrerebelde. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais; kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang pag-uugali mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop(“Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos mabasa ito, pinagnilayan ko ang mga kilos ko. Sinunod ko ang mga gusto ko sa aking mga tungkulin. Sa gawain ng pagdidilig, pwede kong gamitin ang mga talento ko, isa akong lider ng grupo, na namamahala sa ibang tao, nakakuha ako ng magagandang resulta sa pagdidilig ng mga baguhan, at inirespeto at pinuri akong lahat ng iba, kaya palagi akong masaya. Kahit na marami akong kailangang gawin, hindi ako kailanman nagreklamo. Pero no’ng itinalaga ako ng lider na magbahagi ng ebanghelyo, pakiramdam ko ay iniimbita ko lang ang mga tao na makinig sa mga sermon, isang gawain na kayang gawin ng kahit sino. At nawala ang posisyon ko bilang isang lider ng grupo, wala nang humahanga sa akin. Hindi ako masaya, nagreklamo ako sa sarili ko at sinubukang makipagtalo sa Diyos. Kahit na pumayag akong magpalaganap ng ebanghelyo, wala akong motibasyon na gawin ito. Mas gusto kong makipagkwentuhan sa iba, sa halip na isipin kung paano gagawin nang mas maayos ang tungkulin ko. Bilang resulta, wala akong maipakita sa loob ng isang buong buwan ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Sa aking tungkulin, pinahalagahan ko ang reputasyon at katayuan. Kung naaayon ito sa gusto ko at binibigyan ako ng reputasyon at katayuan, malamang na magpapasakop ako. Pero kung ayoko nito, at hindi nito pinapatibay ang reputasyon at katayuan ko, malulungkot ako at magrereklamo sa Diyos. Hindi ako tunay na nagpapasakop. Nagpapasya ako kung susundin ko ba ang Diyos batay sa kung pinapasikat ba ako ng tungkulin at binibigyan ng katayuan. Wala akong taos-pusong saloobin sa tungkulin ko. Kung patuloy kong hahangarin ang katayuan sa ganitong paraan, kahit marami akong ginawang gawain, ginampanan nang maayos ang aking mga tungkulin, at nakuha ang paghanga ng aking mga kapatid, anong silbi no’n kung hindi gusto at hindi kinikilala ng Diyos ang ginawa ko? Nang mapagtanto ito, handa na akong baguhin ang saloobin ko sa aking tungkulin. Tumigil ako sa pag-aalala sa kung anong iniisip ng iba sa akin at nagtuon na lang sa pagtatrabaho nang maayos.

Pagkatapos nun, ibinuhos ko ang sarili ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Pagkaraan ng maikling panahon, tinanggap ng ilang tao na nagsisiyasat sa tunay na daan ang gawain ng Diyos. Sinabi ng lider na naging mahusay ako at masayang-masaya ako. Hindi pa ako gano’n katagal na nangangaral ng ebanghelyo, pero mas magaling na agad ako kaysa sa iba. Nakakuha pa nga ako ng papuri mula sa lider. Talagang napakalaki ng potensyal ko! Nagsimula kong maisip na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi naman pala ganoon kababa. Baka pwede kong ipakita ang mga talento ko roon at magkamit nang mas maraming tagahanga. Pagkatapos nun, mas nagsumikap ako sa pagbabahagi ng ebanghelyo at gumanda nang gumanda ang nakuha kong resulta. Noong Marso ng 2021, nahalal akong maging lider ng iglesia. Tuwang-tuwa ako at nagpasalamat ako sa Diyos. Sa tungkulin na ito, pamamahalaan ko ang lahat ng kapatid sa iglesia at pamumunuan ang bawat proyekto ng gawain. Isa itong malaking pagkakataon para gawing tanyag ang sarili ko. Kailangan kong ibigay ang lahat ng makakaya ko sa tungkulin na ito. Noong panahong iyon, masigasig akong nagtrabaho. Palagi akong nagpapadala ng mga mensahe sa lahat, nagtatanong tungkol sa mga problemang mayroon sila sa kanilang mga tungkulin. Kapag napapansin kong may isang taong nagkukulang sa kanyang gawain, binibigyan ko siya ng mga praktikal na payo. Madalas ko ring kinukumusta ang bawat proyekto at nililinang ang mga kapatid na may mahusay na kakayahan. Kinakalinga ang mga kapatid, pakiramdam ko’y isa akong nakatatandang kapatid. Talagang lahat sila ay nakaasa sa akin at handang-handa na magtapat sa akin tungkol sa kanilang mga problema. Pinuri pa nga ako ng isang sister dahil mabilis akong nakahanap ng mga sipi ng mga salita ng Diyos para malutas ang kanyang mga problema. Ang makuha ang kanilang respeto at paghanga ay lubos na nagpasaya sa akin at mas lalo akong nagsumikap sa aking tungkulin.

Isang buwan pagkatapos nun, parami nang parami ang mga taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at hinati ang iglesia. Pero sa pagkakataong ito, napili ako na maging diyakono, hindi isang lider. Talagang nadismaya ako. Kung isa akong lider, mas makakakuha ako ng higit na respeto sa pamamagitan nito. Kaya kong maging isang magaling na lider, bakit hindi ako napili? Noong pinagawa ako ng ilang gawain ng bagong lider, ayokong tumugon. Sobrang sama ng loob ko at nahihirapan akong magpasakop sa sitwasyong ‘yon. Pero naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka talaga maaaring sumunod sa iyong personal na mga kagustuhan, sa paggawa lamang ng anumang gusto mong gawin, anuman na magiging masaya kang gawin, o anumang makakaganda sa iyo. Ito ay pagkilos alinsunod sa sariling kagustuhan ng isang tao. Kung umaasa ka sa sarili mong personal na mga kagustuhan sa pagganap sa iyong tungkulin, na iniisip na ito ang hinihingi ng Diyos, at na ito ang magpapasaya sa Diyos, at kung sapilitan mong iginigiit ang iyong personal na mga kagustuhan sa Diyos o isinasagawa ang mga iyon na para bang ang mga iyon ang katotohanan, na inoobserbahan ang mga ito na para bang ang mga ito ang prinsipyo ng katotohanan, hindi ba ito isang pagkakamali? Hindi ito pagtupad sa iyong tungkulin, at ang pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi maaalala ng Diyos(“Tanging sa Paghahanap ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Nagagampanan nang Maigi ng Isa ang Kanyang Tungkulin” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa pamamagitan ng siping ito ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang hindi pagkahalal bilang lider ay isang pagsubok para sa akin para makita kung kaya kong isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Kanya. Kung hindi ako magpapasakop sa Diyos dahil hindi naaayon sa gusto ko ang tungkulin, hindi ako pupurihin ng Diyos. Kaya kahit na nahihirapan akong tanggapin ang lahat ng ito, alam kong kailangan kong magpasakop. Makalipas ang dalawang buwan, inilipat ulit ako sa isa pang iglesia para magbahagi ng ebanghelyo. Inatasan ako ng lider ng napakaraming gawain, at madalas na hinihingi ang opinyon ko kapag tinatalakay ang gawain. Sinabi pa nga niyang bagay na bagay ako sa tungkulin na ito. Sa loob-loob ko: “Itinalaga sa akin ng lider ang lahat ng gawaing ito dahil nagtitiwala siya sa akin. Hindi ko siya pwedeng biguin. Dapat kong patunayan na may mahusay akong kakayahan at galing.” No’ng oras na ‘yon, napagtanto ko na naghahangad na naman ako ng reputasyon at katayuan. Talagang nalungkot ako at naging negatibo. Hindi ko maintindihan kung bakit palaging ganito ang ugali ko. Ano ang pinagmumulan ng tiwali kong disposisyon? Nagdasal ako sa Diyos, naghahanap. Mayamaya, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. “Partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at umiikot sa kanila. Gusto nilang magkaroon ng katayuan sa isipan ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Suriin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito: Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at hambog. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin sila, at magkaroon ng katayuan sa kanilang isipan. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao(“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). “Ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang katayuan at reputasyon ay higit pa sa mga normal na tao, at nasa loob ng kanilang disposisyon at diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng isang anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at wala nang iba. Para sa isang anticristo, ang katayuan at reputasyon ang kanyang buhay, at ang kanyang panghabambuhay na mithiin. Sa lahat ng kanyang ginagawa, ang una niyang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanyang iniisip, na sapat na patunay na mayroon siyang disposisyon at diwa ng mga anticristo; kung hindi, hindi niya isasaalang-alang ang mga problemang ito. Maaaring sabihin na para sa isang anticristo, ang katayuan at reputasyon ay hindi ilang karagdagang pangangailangan, at hindi rin isang bagay na kayang-kaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng katayuan o reputasyon; hindi ganito ang kanilang pag-uugali. Kung gayon, ano ang kanilang pag-uugali? Ang katayuan at reputasyon ay malapit na konektado sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang pinagsisikapan sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ay ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang pinagsisikapan, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila ito kayang isantabi. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto kong higit na pinapahalagahan ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan kaysa ng mga karaniwang tao, ito’y isang likas na aspeto ng kanilang pagkatao. Anuman ang kanilang ginagawa, palaging reputasyon at katayuan ang una nilang iniisip, at kung inirerespeto at hinahangaan ba sila ng ibang tao. Gusto nila ng puwang sa puso ng mga tao, para kontrolin ang mga ito at magkaroon ng kapangyarihan sa mga ito. Ito ay dahil sa kanilang diwa bilang mga anticristo. Pinagnilayan ko kung gaano ako kasakim sa reputasyon at katayuan. Bago ako nanalig sa Diyos, palagi akong naghahangad ng paghanga ng iba, naghahangad ng puwang sa puso nila. At kahit na no’ng nagsimula akong manalig sa Diyos, naghahangad pa rin ako ng respeto at paghanga tulad ng dati. Gustong-gusto kong nagiging punong-abala sa mga pagtitipon, nagbabahagi at inirerespeto ng iba. Nasisiyahan ako sa pakiramdam na tinitingala. Noong naging diyakono ako mula sa pagiging lider, medyo nainis ako. Pakiramdam ko, nawalan ako ng reputasyon at katayuan at nag-aalala na magiging mababa ang tingin sa akin ng iba. Noong inilipat ako sa isa pang iglesia para magbahagi ng ebanghelyo, gusto ko na namang patunayan ang sarili ko para makuha ang respeto ng lahat. Ang paghahangad ko ay walang ipinagkaiba kay Pablo. Gusto ni Pablo na nagtatalumpati sa publiko. Masaya siyang napapalibutan ng mga manonood, iginagalang at hinahangaan. Gusto niyang magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao at sa huli ay tinawag niya ang sarili na Cristo. Ang kanyang kalikasan ay lubos na mapagmataas. Habang ginagawa ang mga tungkulin ko, ang iniisip ko lang ay ang makuha ang respeto at paghanga ng iba. Gusto kong maging mataas sa puso ng mga tao. Talagang napakamapagmataas ko! Kahit na nananalig ako sa Diyos, wala akong puso na may takot sa Diyos. Ginagawa ko lang ang mga tungkulin ko para sa kasikatan at katayuan, hindi para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Nakapasok na ako sa landas ng anticristo. Talagang nasa panganib ako! Napagtanto ko na pinoprotektahan ako ng Diyos sa pamamagitan ng hindi pagpapahintulot na maihalal ako bilang isang lider. Kung wala ang sitwasyong ito na naglantad sa akin, hindi ko kailanman mapapagtanto kung gaano ako kayabang at kung gaano na kadelikado ang sitwasyon ko. Natakot, nakonsensya at nalungkot ako sa mga mali kong paghahangad. Nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, tinahak ko ang maling landas, naghahangad ng reputasyon at katayuan, at ang bigat ng pakiramdam ko. Salamat sa paglalantad Mo sa akin gamit ang Iyong mga salita. Hindi na ako maghahangad ng reputasyon at katayuan at magpapasakop ako sa lahat ng Iyong pagsasaayos. Anuman ang isipin sa akin ng iba, isasakatuparan ko ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya.”

Mayamaya, nakakita ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Bilang isang nilalang ng Diyos, dapat hangaring gampanan ng tao ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos, at hangaring mahalin ang Diyos nang hindi pumipili ng iba pa, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Yaong mga naghahangad na mahalin ang Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o hangarin yaong personal nilang inaasam; ito ang pinakatamang paraan ng paghahangad. Kung hinahangad mo ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak. Kung hinahangad mo ang mga pagpapala ng laman, at isinasagawa mo ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro, at kung walang pagbabago sa iyong disposisyon, at hindi ka masunurin kailanman sa Diyos na nasa katawang-tao, at nabubuhay ka pa rin sa kalabuan, siguradong dadalhin ka sa impiyerno ng iyong hinahangad, sapagkat ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan. Kung gagawin kang perpekto o aalisin ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Lubos na nakatulong sa akin ang siping ito ng mga salita ng Diyos. Napagtanto ko na dapat kong hangarin ang katotohanan at pagbabago ng disposisyon, ‘yon ang tamang landas. Ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay isang landas tungo sa kabiguan. Dati, palagi akong naghahangad ng reputasyon at katayuan. Noong nagdidilig ako ng mga baguhan, nagkamit ako ng paghanga at papuri, at kalaunan, na-promote ako bilang lider. Sa paningin ng iba, umangat ang katayuan ko, pero lalo akong naging mapagmataas. Napakataas ng tingin ko sa sarili ko at walang naging pagbabago sa disposisyon ko. Kung ipagpapatuloy ko ang paghahangad sa ganitong paraan, mapapalayas ako sa huli. Tulad lang ako ni Pablo, na nagkamit ng maraming tao mula sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Marami sa kanyang mga isinulat ay makikita sa Bibliya at siya ay sinasamba at hinahangaan sa mundo ng relihiyon. Pero hindi talaga naunawaan ni Pablo ang kanyang sarili, hindi niya kailanman binago ang kanyang tiwaling disposisyon at itinapon siya sa impiyerno. Napagtanto ko na ang pinakamahalagang aspeto ng pananampalataya ay ang pagtahak sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung hindi, sa malao’t madali ay pagsisisihan ko ito.

Kalaunan, habang pinapanood ang isang video ng patotoo sa karanasan, nakita ko ang sumusunod na sipi ng mga salita ng Diyos. “Kung nais mong maging tapat sa pagtugon sa kalooban ng Diyos sa lahat ng ginagawa mo, hindi maaaring gampanan mo lamang ang iyong tungkulin; kailangan mong tanggapin ang anumang utos na ibinibigay ng Diyos sa iyo. Tumutugon man ito o hindi sa iyong mga panlasa at kasama sa iyong mga interes, o isang bagay man ito na hindi nakakasiya sa iyo o hindi mo pa nagawa dati, o isang bagay na mahirap gawin, dapat mo pa rin itong tanggapin at sundin. Hindi mo lamang dapat tanggapin ito, kundi dapat ay aktibo kang makipagtulungan, matuto tungkol dito, at maranasan ito at matamo ang pagpasok. Kahit nagdurusa ka, hindi namumukod-tangi, napapahiya, at ibinubukod, dapat ka pa ring maging matapat. Dapat mo itong ituring na tungkulin mong tutuparin, hindi bilang personal na bagay. Paano dapat unawain ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Bilang isang bagay na ibinibigay sa kanila ng Lumikha—ang Diyos—para gawin; ganito nalilikha ang mga tungkulin ng mga tao. Ang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo ay tungkulin mo, at inorden ng Langit at kinilala ng lupa na gampanan mo ang iyong tungkulin gaya ng hinihingi ng Diyos(“Makakaya Lamang ng mga Tao na Maging Totoong Masaya sa Pamamagitan ng Pagiging Matapat” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Kailangan kong alalahanin na ang mga tungkulin ay atas ng Diyos sa mga tao. Kahit na mataas man ang tingin sa akin ng mga tao, kailangan kong ilaan ang buhay ko sa pagtupad sa responsibilidad ko, hindi ‘yong maging tampulan ng paghanga ng iba. Dati-rati, hindi ko tinatanggap ang tungkulin ko bilang mula sa Diyos, palagi kong sinusunod ang mga gusto ko. Iniraranggo ko ang mga tungkulin bilang mahalaga at hindi mahalaga, mas mataas o mas mababa. Masigasig at aktibo kong ginagawa ang mga tungkulin na nagpapahintulot sa akin na patanyagin ang aking sarili, at may mareklamo, negatibo, at lumalaban na saloobin sa mga hindi nagpapatanyag sa akin at hindi ko tinatanggap ang mga ‘yon. Napagtanto ko na hindi ako pwedeng maging pihikan sa mga tungkulin ko o sundin ang mga gusto ko. Sa totoo lang, maging mga tungkulin man ito na naglagay sa akin sa mata ng publiko o ginawa sa likod ng mga eksena, ang mga ito ay gawain ng iglesia, at walang pagkakaiba sa ranggo. Sa mga mata ng Diyos, lahat ng tungkulin ay pare-pareho. Itinatalaga sa atin ng iglesia ang iba't ibang tungkulin batay sa ating mga talento, upang lahat tayo ay magamit nang husto ang ating mga kalakasan. Kapaki-pakinabang ito kapwa sa gawain ng iglesia at sa ating sariling pagpasok sa buhay. Dapat akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Kaya nagdasal ako sa Diyos: “O Makapangyarihang Diyos, ayoko nang gawin ang tungkulin ko ayon sa mga kagustuhan ko. Kahit na hindi ko mapatanyag ang sarili ko, handa akong ibigay ang lahat ng makakaya ko sa aking tungkulin para mapasaya ang Diyos.”

Isang araw, mayroon kaming pagtitipon, at umaasa ako na hahayaan ako ng lider na maging punong-abala, pero no’ng dumating ako sa pagtitipon, nakita ko na ibang kapatid ang punong-abala. Sa loob-loob ko: “Dati akong lider ng sister na ito at ngayon, naging siya na ang lider ng aking grupo. Isa pa, palaging ako ang punong-abala sa mga pagtitipon dati. Ngayon, hindi na at hindi ko mapasikat ang sarili ko— bababa kaya ang tingin sa akin ng mga kapatid?” Sobrang hiyang-hiya ako. Gusto kong ‘wag pansinin ang mga mensahe ng grupo at dumalo na lang sa pagtitipon ng ibang grupo. Pero napagtanto ko na may mali akong saloobin, kung kaya’t nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan akong bitawan ang aking banidad. Matapos kong magdasal, medyo naging kalmado ako. Dapat kong pagtuunan na gawin nang maayos ang tungkulin ko at itigil ang pag-aalala tungkol sa pagpapatanyag sa sarili ko. No’ng mapagtanto ito, hindi gaanong sumama ang loob ko. Kalaunan, ipinagtapat ko sa lahat ang karanasan ko no’ng panahong iyon, at kung paano ako binago ng mga salita ng Diyos. Masayang-masaya ako at malayang-malaya. Ngayon, isa pa rin akong pangkaraniwang tagapagbahagi ng ebanghelyo, pero wala na akong pakialam sa kung ano ang ranggo ng tungkulin ko. Kahit na hindi na ako isang lider ng grupo, diyakono, o lider ng iglesia, handa pa rin akong patuloy na gawin ang tungkulin ko. Salamat sa Diyos. Binago ako ng mga salita ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman