Paano Ko Hinarap ang Pang-uusig ng Aking Pamilya

Oktubre 24, 2022

Ni Zheng Lan, Tsina

Nung bata pa ako, madalas sabihin sa’kin ng aking ina: “Para sa isang babae, wala nang mas mabuti pa sa buhay kaysa makahanap ng mabuting asawa at magkaroon ng maayos na pamilya. Ang mga ito lang ang makapagpapasaya sa buhay ng isang babae.” Ang ganitong paraan ng pag-iisip ay malalim na naitanim sa isipan ko, at ninais kong makahanap ng mabuting asawang mag-aalaga sa akin paglaki ko. Pero hindi nangyari ang gusto ko. Hindi naging masaya ang una kong pag-aasawa, na nagbigay-daan sa akin na manampalataya sa Panginoong Jesus. Sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoon, medyo napanatag ang puso ko, pero madalas akong bugbugin ng asawa ko dahil sa aking pananampalataya, at wala akong nagawa kundi hiwalayan siya para patuloy akong makapanampalataya. Kalaunan, sa pagpapakilala ng isang katrabaho sa simbahan na si Yang, nakarelasyon ko si Brother Wang. Naging masaya talaga ako na makitang ang buong pamilya niya ay nananalig sa Panginoon at talagang mabait sila sa akin. Nagpasya kami ni Brother Wang na magsisikap kami para sa Panginoon at maghihintay sa pagbabalik Niya nang magkasama.

Makalipas ang isang taon, inanyayahan ako ng isang sister na makinig sa isang sermon. Nagbahaginan kami nang ilang araw at nagbasa ako ng maraming salita ng Makapangyarihang Diyos. Nagpahayag ng maraming katotohanan ang Makapangyarihang Diyos, inihahayag ang mga misteryo ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at ginagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Natiyak ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Masyado akong nasabik, at nang makauwi ako, nagmadali akong sabihin sa asawa ko ang magandang balita, na masaya rin niyang tinanggap. Pagkatapos nito, ibinahagi namin ang ebanghelyo sa mga kapatid sa simbahan namin, marami sa kanila, nang mabasa ang salita ng Makapangyarihang Diyos, ay natukoy na ito ay tinig ng Diyos, at tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.

Pero nagulat ako na nang malaman ito ni Yang, nagmadali siyang pumunta sa ilang kalapit na simbahan kasama ang ilan pang katrabaho nung gabing ‘yon, at tinakot ang marami sa mga katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos sa mga huling araw na lumayo sa kanilang pananalig. Kinaumagahan, pumunta siya sa bahay ko para manggulo, at walang pakundangan akong tinanong: “Tinanggap mo na nga ang Kidlat ng Silanganan, inakay mo pa ang ibang mga kapatid na manalig dito. Hindi ba’t pinagtataksilan mo ang Panginoon?” Sumagot ako: “Ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Ang pagtanggap ko sa Makapangyarihang Diyos ay pagsalubong sa Panginoon. Ang malaman na nagbalik na ang Panginoon at hindi pa rin Siya tanggapin—iyon ang pagtataksil sa Panginoon.” Pero hindi man lang nila ako pinakinggan, at sa halip kinondena lang ako, sinasabing: “Ninakaw mo ang mga tupa ng mga simbahan natin. Dapat mong ipagtapat kaagad sa Panginoon ang mga kasalanan mo, kung hindi, susumpain at parurusahan ka ng Panginoon.” Nang may lakas ng pananalig ko, sumagot ako: “Sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Ako ang mabuting pastol; at nakikilala Ko ang Aking mga tupa, at ang sariling Akin ay nakikilala Ako(Juan 10:14). Ang mga tupa ay sa Diyos, hindi sa sinumang tao. Ang mga naniniwala sa Makapangyarihang Diyos ay ang mga nakakarinig sa tinig ng Diyos, sumasalubong sa Panginoon, at sumusunod sa mga yapak ng Diyos.” Nang makitang hindi nila kayang makipagtalo sa’kin, galit nilang sinabing: “Kami ang nagtatag ng mga simbahang ito, napagbalik-loob namin ang mga taong ito na manalig sa Panginoon. Amin ang mga tupang ito, at ipinagbabawal ko ang sinuman na sumampalataya sa Makapangyarihang Diyos kasama mo!” Binantaan din nila ang asawa at biyenan kong babae: “Palaging tinutulungan ng simbahan ang pamilya niyo kapag nahihirapan kayo, pero kung patuloy na mananalig si Zheng Lan sa Kidlat ng Silanganan, puputulin na namin ang ugnayan at hinding-hindi na kayo tutulungan.” Natakot ang biyenan ko nang marinig ito, at tumango bilang pagsang-ayon, nagsasabing: “Huwag kang mag-alala! Hindi ako nananalig sa Kidlat ng Silanganan, at hindi ko rin hahayaang manalig si Zheng Lan.” Pagkatapos ay sinabi niya sa’kin: “Si Yang ang unang nagdala sa’kin na manalig sa Panginoon, at tinulungan niya tayo sa ilang pagkakataon. Kailangan nating makinig sa kanya. Hindi natin siya pwedeng biguin. Anuman ang mangyari, hindi ka pwedeng manalig sa Makapangyarihang Diyos. Sa pamilyang ito, ako ang nasusunod, kaya kailangan ninyong sumunod sa akin sa pananampalataya ko!” Matapos marinig ang mga ‘to, bumigay rin siya, nagsasabing: “Hindi na ako pwedeng manalig sa Makapangyarihang Diyos kasama mo. Napakalaki ng naitulong ni Yang sa atin, at naging mag-asawa tayo dahil ipinakilala niya tayo sa isa’t isa. Bibiguin ko siya kung mananalig ako sa Makapangyarihang Diyos, at dahil tutol na tutol dito ang inay, hindi ko makakayang makipagtalo tungkol dito araw-araw.” Galit na galit ako nang marinig ko ito at sinabi kong: “Nabasa mo na ang napakaraming salita ng Makapangyarihang Diyos, at alam mo na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, pero ayaw mong sumunod sa Kanya, para lang maprotektahan ang relasyon mo kay Yang. Naniniwala ka ba sa mga tao o sa Diyos?” Nag-alinlangan ang asawa ko, at pagkatapos ay sinabing: “Inaamin kong ito ang tunay na daan, pero sabi ni Yang na kung patuloy tayong mananalig sa Makapangyarihang Diyos, hindi na nila tayo tutulungan. Hindi ko pwedeng panatilihin ang pananampalatayang ito.”

Pagkatapos nito, madalas akong pigilan ng biyenan ko. Isang beses, sinabi niya sa akin: “Magiging masaya ang pamilya natin kung sama-sama tayong mananampalataya sa Panginoon. Kung ipipilit mong manalig sa Makapangyarihang Diyos, at nananalig kami ng anak ko sa Panginoong Jesus, magagawa ba ninyong dalawa na magsama habang tumatagal, nang may magkaibang mithiin at landas? Hindi ba kailangan ng isang babae na bumuo ng pamilya sa isang punto? Sino ang mag-aalaga sa’yo pagtanda mo? Kung sasakit ang ulo mo o lalagnatin ka, sino ang mag-aalaga sa iyo? Mahal na mahal ka ng anak ko, pero kung ipipilit mong manalig sa Makapangyarihang Diyos, maghihiwalay kayong dalawa, at kapag nangyari ‘yon, mawawalan ka ng tahanan. Sinasabi ko ang lahat ng ‘to para sa ikabubuti mo. Pag-isipan mo itong mabuti!” Nung oras na ‘yon, medyo hindi ako sigurado. Mawawasak ba ang pamilya kung pananatilihin ko ang pananampalataya ko sa Makapangyarihang Diyos? Ang pinakamalaking kasiyahan sa buhay ng isang babae ay ang makahanap ng mabuting asawa at magkaroon ng matatag na pamilya. Ayokong mawala ang pamilyang ito, kaya dapat ba akong makinig sa biyenan ko at isuko ang pananampalataya ko sa Makapangyarihang Diyos? Nakonsensya talaga ako nung naisip ko ‘yon nang gano’n. Hindi ba’t inaasam ko ang pagbabalik ng Panginoon sa mga taon ng pananampalataya ko sa Panginoon? Nagbalik na ang Panginoong Jesus, kaya kung hindi ko Siya susundin, isa pa rin ba akong mananampalataya? Hindi ako pwedeng sumuko sa pagsunod sa Diyos. Nung panahong ‘yon, may nakikita pa rin akong pag-asa sa asawa ko. Sa tingin ko, hangga’t patuloy ko siyang babasahan ng salita ng Diyos araw-araw, mamumulat siya sa kanyang pang-unawa at magagawang patuloy na manalig kasama ko. Pagkatapos nito, binabasahan ko ng salita ng Diyos ang asawa ko sa tuwing may oras ako. Palagi akong nagluluto ng masarap na pagkain para sa pamilya, at pinananatili kong malinis at maayos ang buong bahay. Anuman ang sabihin ng biyenan ko tungkol sa’kin, iginagalang ko pa rin siya gaya ng dati, umaasang maaantig nito ang asawa ko, at na patuloy kaming makakapanalig sa Makapangyarihang Diyos nang magkasama. Pero kahit gaano ako magsikap, naiinis ang asawa ko sa tuwing binabanggit ko ang Makapangyarihang Diyos, at nakakatulog siya sa tuwing binabasahan ko siya ng salita ng Diyos. Nang makita kong ganito ang asawa ko, nanlamig ang puso ko. Sa panahong ito, napagtanto ko na naririnig ng mga tupa ng Diyos ang Kanyang tinig, at na hindi totoo ang pananalig ng asawa ko, na hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan, at na hindi ako dapat umasa sa mga emosyon ko para himukin siya, dahil hindi ito naaayon sa kalooban ng Diyos. Kung ang isang tao ay hindi kabilang sa mga tupa ng Diyos at hindi niya mahal ang katotohanan, gaano mo man subukan, walang kabuluhan ang lahat. Maaaring nananalig ang buong pamilya, pero walang garantiya na madadala silang lahat. Tinutupad din nito ang propesiya ng Panginoong Jesus: “Sa gabing yaon ay dalawang lalaki ang sasa isang higaan; ang isa’y kukunin, at ang isa’y iiwan(Lucas 17:34). “Kung magkagayo’y sasa bukid ang dalawang lalaki; ang isa’y kukunin, at ang isa’y iiwan(Mateo 24:40).

Pagtagal-tagal, tumindi nang tumindi ang pang-uusig ng asawa at biyenan ko. Isang araw, dumating si Sister Li para bigyan ako ng ilang aklat ng salita ng Diyos, at nakatayo ang biyenan ko sa bakuran habang minumura siya, na umani ng maraming atensyon sa kaguluhan. Papaalisin ko na sana si Sister Li nang sigawan ng biyenan ko ang aking asawa: “Gulpihin mo nga si Zheng Lan para sa’kin!” Pagkatapos ay dumaklot ng manok ang asawa ko at marahas itong inihampas sa akin na parang isang baliw. Nakailag ako at tumama ang manok sa gate na bakal sa tabi ko, at nahulog ito na patay na. Nang makitang hindi ako natamaan ng asawa ko, sumigaw ang biyenan ko nang napakalakas: “Paluin mo siya! Paluin mo siya!” Namumula ang mga mata ng asawa ko, at sumugod siya sa akin habang sumisigaw: “Mukhang gusto mong masaktan! Malilintikan ka ngayon! Kung patuloy kang mananalig sa Makapangyarihang Diyos, lumayas ka na!” Takot na takot akong makita ang asawa ko, na dati’y laging napakaamo sa akin, ngayon ay biglang naging malupit at mala-demonyo. Paanong sobra siyang napopoot sa’kin na para bang isang kaaway? Labis akong nadismaya na makitang gigil na gigil siyang patayin ako para mailabas ang poot sa loob niya. Nang makita kong itinaas niyang muli ang kamao niya sa’kin, agad akong tumawag sa puso ko para sa proteksyon ng Diyos. Mahinahon kong sinabi sa asawa ko: “Itinuro sa atin ng Panginoong Jesus na mahalin maging ang ating mga kaaway. Hindi mo ako kaaway, at hindi kita ginawan ng masama sa anumang paraan, kaya bakit mo ako sinasaktan? Sa paggawa nito, isa ka pa rin bang mananampalataya sa Panginoon?” Napatigil siya sa pagsuntok sa akin nang sabihin ko ‘yon. Pero hindi natinag ang biyenan ko at sinabing: “Mamamatay ako sa galit kung patuloy na mananalig si Zheng Lan sa Makapangyarihang Diyos. Mamili ka kung siya o ako ang nasa pamilyang ito. Gusto mo ba ng asawa o ako?” Kalaunan, lumuhod ang asawa ko sa harap ko at umiiyak na sinabing: “Nagmamakaawa ako sa’yo, pakiusap tumigil ka na sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos. Hindi ako dapat nawalan ng pasensya at hinding-hindi na kita sasaktan muli. Pakinggan mo lang ako sa pagkakataong ito, at isauli mo na ang mga aklat na iyon. Kung talagang gagalitin mo ang ina ko hanggang mamatay, magkakaroon tayo ng reputasyon na walang galang sa magulang, at mabubuhay tayo sa kahihiyan hanggang mamatay. Hangga’t hindi mo ginagalit ang ina ko, dadalhin kita para manirahan sa lungsod balang araw, at magkasama tayong makakapanalig sa Makapangyarihang Diyos.” Nang makitang sobrang balisa ang asawa ko, hindi ko alam kung ano ang gagawin. Alam ko na naglabas ng maraming katotohanan ang Makapangyarihang Diyos para iligtas ang tao, at kailangan kong manalig sa Kanya. Pero ayokong mawala ang pamilyang ito. Hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Kung mababago niya ang isip niya at mananalig sa Makapangyarihang Diyos kasama ko, maganda ‘yon. Pero ano ang gagawin ko kung hindi ko siya pakikinggan, at masyadong sumama ang loob niya at may mangyaring hindi maganda? Isa pa, kung talagang gagalitin ko ang biyenan ko, hindi lang ako mababansagang walang galang sa magulang, kundi patatalsikin din ako ng asawa ko. Nanlambot at nanghina ang buong katawan ko nang maisip ang mga kahihinatnang ito. Pakiramdam ko’y talagang nakagapos ako, at hindi ko malampasan ang sitwasyong ito. Pagkatapos ay gumawa ako ng isang desisyon na pinagsisisihan ko hanggang ngayon.

Pagkalipas ng ilang araw, isang sister ang dumaan para makipagtipon sa akin at walang magawang sinabi ko sa kanya: “Kailangan mong bawiin ang mga aklat na ito ng salita ng Diyos para matahimik ang biyenan ko. Mananampalataya kaming muli ng asawa ko kapag nakaalis na kami.” Hinimok ako ng sister na pag-isipan pa ito, pero para maprotektahan ang pamilya, pagkatapos ng labis na pag-aalinlangan, pinaalis ko pa rin sa kanya ang mga aklat ng salita ng Diyos. Nang maalis na ang mga aklat, lumipas ang mga araw na balisa at malungkot ako, na para bang nahungkag ang puso ko. Hindi ako makakain o makatulog at nasaktan talaga ang puso ko. Tuwang-tuwa ang biyenan ko nang makitang hindi na ako nagbabasa ng salita ng Makapangyarihang Diyos o dumadalo pa sa mga pagtitipon, at tumatayo siya sa bakuran nang umaawit, at kumakanta siya nang mas malakas sa tuwing nakikita niya ako. Pakiramdam ko’y si Satanas itong nanunuya sa akin. Lubos akong nagsisi, at kinamuhian ko ang sarili ko sa pagsasauli ng mga aklat ng salita ng Diyos. Nang makita kung gaano ako katamlay sa bawat araw, isinama ako ng asawa ko para mag-shopping at para bisitahin ang mga kamag-anak namin. Nang makita ko ang asawa ko kasama ang mga hindi mananampalataya, na naninigarilyo, umiinom, naglalaro, at naglalasing, nang wala man lang anumang wangis ng isang mananampalataya, labis akong nadismaya. Sa wakas ay natauhan na ako. Malinaw na alam ng asawa ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, pero mas pinili pa rin niyang makinig kay Yang at sa biyenan ko. Bukod sa hindi siya nanalig sa Makapangyarihang Diyos, inusig din niya ako at pinigilan akong manalig. Ni hindi na nga siya sumusunod sa mga salita ng Panginoong Jesus, hindi siya nananalangin sa Panginoon o nagbabasa ng Bibliya, kundi naninigarilyo at umiinom. Ang pananalita at pag-uugali niya ay lubusang hindi Kristiyano. Isa siyang walang pananampalataya, kaya paano niya magagawang manalig sa Makapangyarihang Diyos kasama ko? Bigla kong nabatid na ang sinabi sa’kin ng asawa ko na mananalig siya sa Makapangyarihang Diyos balang araw kasama ko ay isang panlilinlang lamang para alisin ko ang mga aklat ng salita ng Diyos, upang mapigilan ako sa pagsunod sa Makapangyarihang Diyos, upang mapatahimik ang ina niya, at magawa akong buong pusong pagsilbihan ang pamilya nila. Hindi ba’t isa ito sa mga panlilinlang ni Satanas para maihiwalay ako sa Diyos at maipagkanulo ko Siya? Napakabulag at mangmang ko noon na nahayaan kong magtagumpay ang mga panlilinlang ni Satanas. Masyado akong nangulila sa mga araw na iyon ng pagtitipon at pagbabasa ng salita ng Diyos kasama ng mga kapatid, at na-miss ko ang kagalakang dulot ng saliw ng salita ng Diyos. Kalaunan, hinanap ko ang isang sister na nakakatipon ko, pero nasa malayo na siya, at hindi ko alam kung saan nakatira ang iba pang mga kapatid. Umiiyak akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako. Naalala ko na may tape pa ng mga himno ng mga salita ng Diyos sa bahay. Tuwang-tuwa ako at paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos. Ang unang himno na tumugtog ay ang “Puno ng Pagdurusa ang mga Araw ‘Pag Walang Diyos.” “Kapag walang Diyos ang isang tao, kapag hindi niya Siya nakikita, kapag hindi niya malinaw na nakikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang bawat araw ay walang kabuluhan, walang halaga, kahabag-habag. Saanman naroroon ang isang tao, anuman ang trabaho niya, ang paraan ng paghahanap-buhay niya at ang pagsisikap niya sa sariling mga layunin ay nagdadala lamang sa kanya ng walang-katapusang sakit sa damdamin at di-maibsang pagdurusa, hanggang sa hindi na siya makalingon sa nakaraan. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, pagpapasailalim sa Kanyang mga pagsasaayos at paghahanda, at paghahanap sa tunay na buhay ng tao siya unti-unting makakalaya mula sa lahat ng sakit ng damdamin at pagdurusa, at maiibsan ang lahat ng kahungkagan sa buhay(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Hindi ko napigilang maluha habang nakikinig. Lumuhod ako at nanalangin sa Diyos: “O Diyos! Talagang malungkot at masakit ang mga araw ko nang wala Ka. Ganap na walang pag-asa sa buhay ko, at pakiramdam ko’y mas mabuti pang mamatay na lang ako. Naging mabuti Ka sa akin upang makalapit ako sa harap Mo, at pinakilos Mo ang mga kapatid na patuloy akong diligan at suportahan. Lahat ito’y pagmamahal Mo. Pero hindi ko alam kung pa’no ito pahalagahan at ipinagkanulo Kita para maprotektahan ang pamilya ko. Wala talaga akong konsensya. Diyos ko, sobra akong nagrebelde, pero binigyang-liwanag Mo pa rin ako, at inantig ang puso ko ng Iyong mga salita. Tunay na may pagkakautang ako sa Iyo. Gusto kong ayusin ang mga gawi ko. Gaano man ako usigin ng pamilya ko, susunod ako sa Iyo nang buong puso.” Pagkatapos magdasal, talagang napayapa at gumaan ang pakiramdam ko. Sa gulat ko, nakasalubong ko ang isang sister sa kalye kinabukasan. Tuwang-tuwa ako, para akong nakatagpo ng isang matagal nang nawawalang kamag-anak. Alam kong lahat ito’y ang pagmamahal ng Diyos sa’kin, at pinasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko.

Nang makita ng asawa ko na muli akong nagsimulang makipagtipon, gusto niyang sirain ang bisikleta ko at pinagbantaan niya akong bubugbugin. Nagsimula rin akong usiging muli ng biyenan ko tulad ng dati, pero kahit anong pang-uusig nila sa akin, hindi ako sumuko sa kanila. Para makapagtipon nang normal, kinailangan kong gumising nang maaga at gabi na matulog araw-araw para matapos ko agad ang lahat ng gawaing bahay ko upang magkaroon ako ng oras na makipagtipon at magbasa ng salita ng Diyos. Bagamat pinapasan ko ang lahat ng gawaing bahay at minsan ay pagod na pagod na ako, hindi man lang bumuti ni kaunti ang pakikitungo ng asawa at biyenan ko sa akin. Mas lumala pa nga ang pang-uusig nila. Kapag nakikita nila akong nagbabasa ng salita ng Diyos, tinutuya nila ako, sinasabing: “Mapapalitan ba ng pagbabasa ng aklat ang pagkain? Sino’ng nagtatrabaho kung wala kang ginagawa?” Minsan, nung gusto kong magpahinga nang isang araw dahil masakit ang tiyan ko at hindi ako makapagtrabaho, galit na sinabi sa’kin ng asawa ko: “At paano naman ang mga pinapagawa ko sa’yo? Kung hindi mo gagawin ‘yon, sino ang gagawa?” Tapos ay dinalhan ako ng biyenan ko ng ilang gamot na pampawala ng sakit, at pinainom sa akin ang mga ito at pinabalik ako sa trabaho. Talagang nasasaktan ako na makitang tinatrato nila ako nang ganito. Nagdusa at nagtrabaho ako tulad ng isang aso para sa pamilyang ito, araw-araw, pero wala man lang silang katiting na pag-aalaga o pagsasaalang-alang sa akin. Hindi ko mabasa ang salita ng Diyos sa bahay na ito at wala man lang akong karapatang magpahinga nung may sakit ako. Ito ba ang pamilyang gusto ko? Ito ba ang “kaligayahan”? Masyadong malupit at masakit ang mamuhay nang ganito. Nabasa ko ang salita ng Diyos: “Ang mga mapanirang impluwensya ng libu-libong taon na ‘matayog na diwa ng pagiging makabayan’ ay malalim na tumimo sa puso ng tao, at pati na rin ang pyudal na pag-iisip kung saan ang mga tao ay nakatali at nakakadena, wala ni gatuldok na kalayaan, walang kagustuhang maghangad o magtiyaga, walang pagnanais na umunlad, at sa halip ay nananatiling walang-pagkilos at paurong, nakabaon sa kaisipan ng isang alipin, at iba pa—ang obhetibong mga salik na ito ay nag-iwan ng di-mabuburang bakas ng karumihan at kapangitan sa ideolohikal na pananaw, mga huwaran, moralidad, at disposisyon ng sangkatauhan. Tila nakatira ang mga tao sa isang madilim na mundo ng terorismo, na hindi hinahangad na malampasan ng sinuman sa kanila, at hindi iniisip na iwan ng sinuman sa kanila para sa isang huwarang mundo; sa halip, kuntento na sila sa kanilang kalagayan sa buhay, sa paggugol ng kanilang mga araw sa panganganak at pagpapalaki ng mga anak, pagsusumikap, pagpapapawis, sa pagtapos ng mga gawain, pangangarap ng isang maginhawa at masayang pamilya, ng pagmamahal ng asawa, ng paggalang ng mga anak sa kanilang mga magulang, ng kagalakan sa kanilang katandaan habang matiwasay na namumuhay…. Sa loob ng mga dekada, ng libu-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng isang perpektong buhay, lahat ay naghahangad lamang na makipagpatayan sa madilim na mundong ito, nakikipagkarera para sa katanyagan at kapalaran, at nang-iintriga laban sa isa’t isa. Sino ang naghanap na sa kalooban ng Diyos? Mayroon na bang nagbigay-pansin sa gawain ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 3). Nang matapos kong basahin ang salita ng Diyos, umaagos ang mga luha sa pisngi ko. Inihahayag ng salita ng Diyos ang kalagayan ko. Masyado akong nagapos ng pyudal na paraan ng pag-iisip kung kaya’t wala akong kalayaan. Mula sa murang edad ay kontrolado na ako ng mga ideya tulad ng “Magpakasal habang bata pa para magkaroon ng kasama sa katandaan” at “Ang asawa mo ang sandigan mo at ang pamilya ang kanlungan mo,” kaya lagi kong pinangarap na magkaroon ng masayang tahanan, masayang buhay may-asawa, isang maayos na pamilya, at buhay na puno ng ligaya. Pero ang realidad ay ganap na naiiba sa kung ano ang gusto ko. Hindi naging masaya ang una kong pag-aasawa, at inapi ako ng asawa ko sa aking pananampalataya at binugbog ako nang maraming beses. Matapos bumuo ng tahanan kasama ang sumunod kong asawa, talagang pinahalagahan ko ang pamilyang iyon, at upang mamuhay nang masaya, nagtrabaho ako mula madaling araw hanggang dapit-hapon nang walang reklamo para maasikaso ang mga gawaing bahay, pinapagod ang sarili ko hanggang sa sumasakit na ang likod ko. Pero bukod sa walang pakialam sa’kin ang asawa at biyenan ko, inusig din nila ako, hinadlangan, hindi ako pinahintulutang magbasa ng salita ng Makapangyarihang Diyos, at pinilit akong magpatuloy na magtrabaho kahit may sakit ako. Para akong alipin. Hindi ito pamilya! Kung wala ang pamilyang ito, kahit papaano ay malaya akong makakapanalig sa Diyos, makakapagbasa ng Kanyang salita, at madalas na makakapagtipon at makakapagbahaginan sa mga kapatid. Sinasakal ako ng pamilyang ito hanggang mamatay, naging bitag at mga tanikala ko na ito. Hindi ito kapaki-pakinabang sa pananampalataya ko o sa pagganap ng aking tungkulin. Sisirain ng pamilyang ito ang buhay ko. Sa wakas ay natauhan na ako. Palagi ko noong pinangarap na magkaroon ng isang masayang pamilya, pero ang mga tao ay lahat ginawa nang tiwali ni Satanas at puno ng tiwaling disposisyon. Ang mga tao ay masyadong mayabang, palalo, buktot, taksil, at makasarili. Walang tsansa na iiral sa mundong ito ang masayang pag-aasawa na dati kong inaasam. Ang mga ideya tulad ng “Magpakasal habang bata pa para magkaroon ng kasama sa katandaan” at “Ang asawa mo ang sandigan mo at ang pamilya ang kanlungan mo,” ay mga kasinungalingan lamang na ginagamit ni Satanas para linlangin ang mga tao at mga panlalansi na ginagamit nito para saktan ang mga tao! Sa paghahayag ng salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkakilala sa diwa ng pamilya ko. Napakabulag at mangmang ko noon! Sa pananalig sa Diyos, nasa tamang landas ako ng buhay at hindi na napipigilan nila. Kailangan kong magpatuloy sa pakikipagtipon at pagganap ng tungkulin ko sa lahat ng oras. Kaya sinabi ko sa asawa ko: “Nakipagrelasyon lang ako sa iyo dahil sa pananampalataya sa Diyos. Ngayon ay sinasalubong ko ang pagbabalik ng Panginoon, at kahit na hindi ka nananalig, kailangan kong manalig. Maghiwalay man tayo, patuloy akong makikipagtipon at magpapalaganap ng ebanghelyo.” Nang makitang determinado ako, pumayag siyang huwag nang humadlang sa akin. Pero hindi nagtagal ang magagandang bagay, at kalaunan ay nagsimula na naman siyang usigin ako.

Minsan, ilang kapatid ang pumunta sa bahay ko para sa isang pagtitipon. Na-flat ang gulong ng bisikleta ng isang sister, kaya kumuha ako ng pambomba para lagyan ito ng hangin. Pero nang makita ito ng biyenan ko, sumugod siya at inagaw ang pambomba nang may nakakatakot na ekspresyon sa mukha niya. Takot na takot ang sister at pinagalitan ako ng biyenan ko, nang nagngangalit ang mga ngipin: “Hindi kita pinapayagang manalig sa Makapangyarihang Diyos, pero iginigiit mo ito. Ipapakita ko sa’yo ang mapapala mo. Mas gugustuhin ko pang paalisin ka rito kaysa hayaan kang manalig sa Makapangyarihang Diyos …” Pagkasabi nito, sinimulan niya akong bugbugin habang sinisigawan. Ginulpi niya ako hanggang sa umuugong na ang ulo ko. Nang makitang binubugbog ako, lumapit ang mga kapatid para subukang pigilan ang biyenan ko, pero sinigawan niya sila: “Ipapadala ko kayong lahat sa Public Security Bureau, at tingnan natin kung kaya ninyong manalig sa Makapangyarihang Diyos!” Sa puntong ito, nagkumpulan na ang mga tao sa kalye para panoorin ang kaguluhan. Akala ko’y tutulungan ako ng asawa ko na kausapin siya, pero sa gulat ko, dahil sa galit ng ina niya, sinuntok niya ako sa likod ng ulo ko kung kaya’t nawalan ako ng malay. Tuluyang nanlamig ang puso ko dahil sa suntok ng asawa ko at nagsimula akong magnilay-nilay sa sarili: Ano ang silbi ng pagpapanatili ko sa pamilyang ito?

Kalaunan, naalala ko ang salita ng Diyos: “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanasa? … May mga pisikal na ugnayang umiiral sa pagitan ng mga tao ng ngayon, gayundin ang mga pagkakaugnay sa dugo, ngunit sa hinaharap, babasagin ang lahat ng ito. Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga di-mananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Mula sa paghahayag ng salita ng Diyos naunawaan ko na ang mga tao ay lahat ginawang tiwali ni Satanas at lahat ay makasarili. Ang mga mag-asawa ay nagsasama lamang para matugunan ang kanilang mga makasariling hangarin at para gamitin ang isa’t isa. Ang matamis na pananalita at pag-aalaga ng asawa ko sa’kin ay para lang gamitin ako para alagaan ko ang mga bata at matatanda, at gawin ang gawaing bahay para sa kanya, at pinakasalan ko siya para magsilbi siyang silungan ko. Paano magkakaroon ng tunay na pag-ibig ang ganung relasyon? Hindi ito tunay na pagmamahal. Palagi akong hinahadlangan ng asawa ko sa pananalig sa Diyos at pagbabasa ng salita ng Diyos, at matagal na siyang inilantad ng Diyos bilang isang taong hindi tunay na nananalig sa Diyos. Gaya ng inihahayag ng salita ng Diyos: “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga di-mananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa.” Pero kahit kailan hindi ko siya nagawang pakawalan, at lagi kong ginustong ipagpatuloy ang pamilyang ito. Talagang hangal ako. May nabasa pa akong salita ng Diyos: “Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong masuwayin sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananampalataya, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo para sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Matapos basahin ang salita ng Diyos, mas malinaw kong nakita ang diwa ng asawa ko. Nanalig ang asawa ko sa Panginoong Jesus sa pangalan, pero sa diwa, gusto lang niya ng biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos. Mananalig lang siya kung makikinabang siya, pero kung hindi, hindi niya ito gagawin. Nang marinig niya ang tungkol sa pagbabalik ng Panginoon, naisip niyang makakapasok siya sa kaharian ng langit at mabubuhay, kaya malugod niya itong tinanggap. Pero nang ginambala at tinanggihan siya ng mga relihiyosong tao, bukod sa tumigil siyang manalig, inusig at hinadlangan pa niya ako. Ang diwa niya ay kay Satanas na diyablo—ang kaaway ng Diyos. Iba-iba ang diwa ng mga tao, gayundin ang mga landas na tinatahak nila, at maging ang mga pamilya’y maaaring maging magkaaway. Talagang pinatutunayan nito ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang magiging kaaway ng tao ay ang kanya ring sariling kasama sa bahay(Mateo 10:36). Marami pa akong nabasang salita ng Diyos. “Bakit sobra siyang walang malasakit sa puso ng Diyos? Tahimik ba niyang kinukunsinti ang pang-aapi at paghihirap na ito? Hindi ba niya inaasam ang araw na maaari niyang palitan ng liwanag ang kadiliman? Hindi ba niya inaasam na minsan pang malunasan ang mga kawalang-hustisya tungo sa katuwiran at katotohanan? Handa ba siyang manood nang walang ginagawa habang tinatalikdan ng tao ang katotohanan at binabaluktot ang mga katunayan? Masaya ba siyang patuloy na tiisin ang pagmamaltratong ito? Payag ba siyang maging alipin? Handa ba siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos kasama ang mga alipin ng nabigong kalagayang ito? Nasaan ang iyong kapasyahan? Nasaan ang iyong ambisyon? Nasaan ang iyong dignidad? Nasaan ang iyong integridad? Nasaan ang iyong kalayaan? … Bakit hindi niya ibinibigay ang kanyang buhay sa Diyos sa pinakamadaling panahong makakaya niya? Bakit nag-aalinlangan pa rin siya? Kailan niya matatapos ang gawain ng Diyos? Dahil walang-katuturang tinakot at inapi nang ganoon, ang kanyang buong buhay sa kahuli-hulihan ay magugugol sa walang-kabuluhan; bakit siya nagmamadaling dumating, at nagmamadaling umalis? Bakit hindi siya nagtatabi ng isang bagay na mahalaga upang ibigay sa Diyos? Nakalimutan na ba niya ang libu-libong taon ng poot?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Tinulungan ako ng salita ng Diyos na maunawaan ang Kanyang mga agarang layunin. Nag-aalala ang Diyos para sa sangkatauhan, at ayaw Niyang mamuhay tayo magpakailanman sa gapos at pagpapahirap ni Satanas. Nais Niyang makalaya tayo sa mga paghadlang ng puwersa ng kadiliman, para maibigay ang buhay natin sa Kanya at mamuhay sa liwanag. Pero naging duwag ako noon. Ang asawa at biyenan ko ay sa diyablo, at hinahadlangan nila ang pananampalataya ko, binubugbog, pinagagalitan, at inuusig ako, pero hindi ko makayang mawalay sa pamilyang ito. Kaya’t tiniis ko ang kawalan ng katarungan at ang kahihiyan, at gaya ng isang alipin, umikot ang buhay ko sa asawa at pamilya ko, at hinangad ko ang mga walang kabuluhang bagay. Inaakay ako ng Diyos sa tamang landas, nagpahayag Siya ng mga katotohanan na nagpaunawa sa akin sa kahulugan at halaga ng buhay ng tao, pero wala akong determinasyon na maghangad nun. Talagang isa akong walang kwentang sawing-palad. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin(Mateo 10:37). Hinirang at iniligtas ako ng Diyos—binigyan Niya ako ng katotohanan at buhay. Dapat kong hangarin at mahalin ang Diyos. Parehong lumaban sa Diyos ang asawa at biyenan ko at hindi sila karapat-dapat sa aking pagmamahal o lakas. Dati napakamangmang at bulag ko. Palagi kong hinahangad ang pagkakasundo ng mag-asawa at ang kaligayahan ng pamilya. Ang kalahati ng buhay ko ay naigugol sa walang kabuluhan. Dapat kong gamitin ang mga natitirang araw ko para palugurin ang Diyos. Nasa mahalagang panahon tayo ngayon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian, at mas maraming tao ang kailangang magpatotoo sa gawain ng Diyos sa mga huling araw upang mas maraming tao ang makakamit ng pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw. Dapat akong makipagtulungan sa Diyos at gampanan ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Ito ang tanging paraan para mamuhay ng isang buhay na may kahulugan at halaga.

Hindi nagtagal pagkatapos nun, iniwan ko ang tahanan ko para ipalaganap ang ebanghelyo. Ibinahagi ko ang salita ng Diyos at ginampanan ang tungkulin ko kasama ang mga kapatid araw-araw, at labis na napanatag at napalaya ang puso ko. Ngayon, kapag minsan ay nahihirapan ako sa tungkulin ko o nagkakasakit ako, palagi akong tinutulungan at inaalagaan ng mga sister. Tinatrato nila akong parang kapamilya. Lahat ito’y pagmamahal ng Diyos. Napagtanto ko na ngayon na ang Diyos ang tunay kong sandigan, at na ang sambahayan ng Diyos ang tunay kong pamilya. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Lihim na Nakatanim nang Malalim sa Puso Ko

Salamat sa Diyos para sa pagliliwanag na ito, na ibinangon ako mula sa pagkakabulag. Kung hindi, marahil ay nililinlang pa rin ako ng aking sariling kasinungalingan—nagpapagewang-gewang kasama ng bulag na ambisyon patungo sa aking sariling napipintong pagbagsak. Talaga namang nakakatakot! Sa prosesong ito, napagtanto ko ring sa loob ng pagpapalit sa akin, pinoprotektahan ako ng Diyos at pinagkalooban ako ng kaligtasan.

Leave a Reply