Paano Nakatulong sa Akin ang Pagtanggap ng Pangangasiwa

Oktubre 13, 2022

Ni Shan Yi, Japan

Ako ang responsable para sa gawain ng ebanghelyo ng dalawang grupo. Kailan lamang, ang ilang ibang kapatid ay natanggal dahil sa hindi paggawa ng praktikal na gawain at laging pagraraos lang ng kanilang tungkulin. Medyo kinabahan ako. Iniisip ko na kailangan kong siguruhin na makakatapos ako ng totoong gawain at makakalutas ng mga praktikal na isyu, o kung hindi ay matatanggal din ako. Sa isang pagtitipon minsan, tinanong ako ng lider, “Nakapagbahagi ka na ba tungkol sa mga prinsipyo sa mga kapatid na inilipat mula sa mga ibang iglesia kamakailan?” Nagulat ako. Problema iyon—Sinabi ko lang sa kanila ang tungkol sa daloy ng trabaho namin, hindi ang mga prinsipyo. Ano ang dapat kong sabihin sa lider? Kung sasabihin kong hindi pa ako nakakapagbahagi sa kanila, iisipin ba niyang hindi ako gumagawa ng totoong gawain? Pero kung sasabihin kong nakapagbahagi na ako sa kanila, hindi naman iyon totoo. Medyo nakonsensya ako, at nauutal na sinabing, “Nagbahagi lang ako nang konti base sa kung ano ang kulang sa kanila.” Agad namang sumagot ang lider, “Kung hindi mo ibabahagi ang mga prinsipyo sa kanila, wala silang magiging direksyon sa tungkulin nila. Makakakuha ba sila ng magagandang resulta kapag gano’n? Kailangan nating tumuon sa paglilinang ng mga kapatid na ito.” Nang tukuyin ng lider ang problema ko, naramdaman kong nag-init ang mukha ko. Nag-aalala ako kung ano ang iisipin niya sa akin pagkatapos nun, kung iisipin ba niyang hindi ko man lang tinapos ang gano’n kasimpleng gawain, kaya ibig sabihin nun, hindi ako gumawa ng praktikal ng gawain.

Hindi nagtagal, nagsimulang bumaba ang pagiging produktibo ng isa sa mga grupong pinangangasiwaan ko at ilang problema ang nagsusulputan sa gawain ko no’ng panahong ‘yon. Naisip ng lider na kung magpapatuloy ‘yon, maaari itong makaapekto sa bisa ng gawain namin, kaya ginawa niyang isa na lang sa halip na dalawa ang grupong responsibilidad ko. Sumama talaga ang loob ko nang mabalitaan ito. Napaisip ako kung inakala ba ng lider na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain. Kung hindi, hindi niya babawasan ang saklaw ng mga responsibilidad ko. Kamakailan ay madalas niyang kinukumusta ang gawain ko. Iniisip ba niya na hindi ako masipag sa tungkulin ko, na hindi ako maaasahan? Tatanggalin ba niya ako ‘pag nakahanap siya ng mas marami ko pang pagkakamali? Nung panahong ‘yon, sa tuwing naririnig kong sasali ang lider sa pagtitipon namin, nag-iisip-isip ako kung anong uri ng mga tanong ang itatanong niya, kung anong gawain ang kukumustahin niya. Naisip ko na tatanungin ng lider kung kumusta na ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin sa bawat pagkakataon, kaya nagmamadali akong alamin ang tungkol dito bago ang mga pagtitipon. Minsan, may iba pang mga isyu na kailangang lutasin, pero sa pag-iisip na hindi ko masasagot ang mga tanong ng lider kinabukasan, natakot ako na malantad na hindi gumagawa ng praktikal na gawain. Kaya’t isinasantabi ko ang mga isyung iyon na kailangang agarang matugunan at isa-isang kinakausap ang iba. Makalipas ang ilang panahon, tuluy-tuloy ko na lang pinagtatrabahuhan ang mga gampaning pinagtutuunan ng lider higit sa lahat, at kahit na abala ako araw-araw, hindi ako nakakakuha ng mas magagandang resulta sa tungkulin ko—sa katunayan, mas lumalala pa nga. Minsan, tinanong ako ng lider sa isang pagtitipon, “Talagang mahusay ang ginawa ni Sister Liu sa kanyang gawain ng ebanghelyo no’ng nakaraang buwan, kaya bakit hindi siya naging mahusay nitong mga nakaraang araw? Alam mo ba ang dahilan?” Nabigla ako. Hala! Lubos akong nakatuon sa pag-aasikaso ng iba pang mga isyu. Hindi ko alam kung bakit hindi ginagawa nang maayos ni Sister Liu ang kanyang gawain ng ebanghelyo. Tapos ay tinanong ako ng lider, “Nasuri mo na ba kung aling mga katotohanan ang ibinabahagi ni Sister Liu kapag nag-eebanghelyo, at kung nalulutas ba niya ang mga kuru-kuro ng mga tao?” Lalo akong nataranta sa tanong na iyon. Hindi ako nakapagtanong tungkol do’n—ano ang dapat kong gawin? Kung hindi ako makakapagsalita, baka isipin ng lider na hindi ko sinusubaybayan ang trabaho ni Sister Liu, na hindi ko natutuklasan at nalulutas ang mga isyu niya sa oras, at iyon ang dahilan kung bakit bumababa ang pagiging produktibo niya. Nagpadala ako agad ng mensahe kay Sister Liu, pero hindi niya ito nakita. Sa sobrang balisa ko ay pinagpapawisan na ang mga kamay ko. Tapos biglang sumagi sa isip ko na binanggit sa akin ni Sister Liu kung ano ang kanyang ibinabahagi, kaya sinabi ko kaagad sa lider. Hindi na siya nagsalita pa, at sa wakas ay humupa na ang pagkabalisa ko. Sa loob ng maikling panahon, takot akong makatanggap ng mga mensahe mula sa lider, at minsan hindi pa nga ako makatulog nang maayos sa gabi bago ang isang pagtitipon. Hindi ko mapigilang isipin: Ano ang itatanong sa akin ng lider? Paano ako dapat sumagot? Mas lalo pa akong kinakabahan kapag oras na ng pagtitipon, nag-aalala na kung lilitaw pa ang maraming problema sa gawain ko, tatanggalin ako. Nagawa kong mairaos ang bawat pagtitipon, pero miserable ako sa loob ko, at nakakapagod ito para sa akin. Wala akong lakas sa aking tungkulin, at kapag nagkakaroon ng mga problema sa gawain ng iba at bumababa ang pagiging produktibo nila, wala akong ganang lutasin ito. Sa puntong iyon napagtanto ko na wala ako sa mabuting kalagayan. Agad akong lumapit sa Diyos sa panalangin at paghahanap: “Diyos ko, nitong huli, talagang natatakot ako sa lider na nangangasiwa sa gawain ko. Nag-aalala ako na tatanggalin ako kapag nagkaroon ng mga problema. Alam kong hindi iyon ang tamang pananaw. Gusto ko pong pagnilayan at kilalanin ang sarili ko—pakiusap gabayan Mo po ako.”

Pagkatapos ay nabasa ko ang isang sipi sa aking mga debosyonal. “Hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, kung sakaling magkaroon ng problema roon, haharapin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin siya sa kanyang katayuan na gampanan ang tungkuling iyon, palalayasin siya, o paaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga iyon? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang likas na pagkatao at diwa ng isang tao, ang kanyang intensyon, ang kanyang pag-uugali, at tinitingnan Niya lalo na kung kaya ba ng isang tao na pagnilayan ang kanyang sarili kapag nagkakamali siya, at kung nagsisisi ba siya, at kung kaya ba niyang mahalata ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, nang sa gayon ay maunawaan niya ang katotohanan, kamuhian ang kanyang sarili, at tunay na magsisi. … Sabihin mo sa Akin, kung kaya ng isang taong nakagawa ng pagkakamali na tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba ibibigay sa kanya ng sambahayan ng Diyos ang pagkakataong iyon? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Ang nakakatakot ay kapag walang konsensya o katwiran ang mga tao, at pabaya sa kanilang gawain, kapag nagkamit na sila ng oportunidad na gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hindi hinahangad ang katotohanan kahit paano, hinahayaang makalampas ang pinakamagandang pagkakataon. Ibinubunyag nito ang mga tao. Kung palagi kang walang ingat at pabasta-basta sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagpupungos at pagwawasto, gagamitin ka pa rin ba ng sambahayan ng Diyos para gumanap sa isang tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas. Ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang lumulutas sa mga problema. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; ang kailangan mo lang gawin ay makinig at sumunod, at kapag nahaharap ka sa pagpupungos at pagwawasto, dapat mong tanggapin ang katotohanan at magawang itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo ito, hindi ka aalisan ng sambahayan ng Diyos ng karapatang gampanan ang isang tungkulin. Kung natatakot ka palagi na mapalayas, laging nagdadahilan, lagi mong pinangangatwiranan ang sarili mo, problema iyan. Kung hinahayaan mong makita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit katiting, at nakikita ng lahat na hindi ka tinatablan ng katwiran, may problema ka. Magiging obligado ang iglesia na harapin ka. Kung hindi mo man lamang tinatanggap ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin at lagi kang natatakot na malantad at mapalayas, ang takot mong ito ay nababahiran ng intensyon ng tao at ng tiwaling satanikong disposisyon, at ng paghihinala, pag-iingat, at maling pagkaunawa. Walang isa man dito ang dapat maging saloobin ng isang tao. Dapat kang magsimula sa pamamagitan ng paglutas sa iyong takot, gayundin sa iyong mga maling pagkaunawa sa Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Napagtanto ko mula sa mga salita ng Diyos na natatakot akong matanggal dahil hindi ko nauunawaan ang disposisyon ng Diyos o ang mga prinsipyo para sa pagtanggal ng mga tao sa sambahayan ng Diyos. Nang makita ko ang ilang tao na tinanggal dahil sa hindi paggawa ng praktikal na gawain, at malinaw na may mga problema sa trabaho ko, nag-alala ako na kung dadami nang dadami ang mga problema, iisipin ng lider na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain at tatanggalin din ako. Kaya namumuhay ako sa kalagayan ng maling pagkaunawa at pagiging mapagbantay, takot na susuriin ng lider ang gawain ko. Pero ang totoo, ang pagkalantad sa mga isyu at pagkukulang sa gawain ko ay hindi isang masamang bagay. Makakatulong ‘yon sa akin na mabilis na mahanap at malutas ang mga problema, at mapabuti ang pagiging epektibo ko sa aking tungkulin. Pero ako, naging makitid ang isip ko, Nang pangasiwaan ng lider ang gawain ko, naging maingat ako at nagsimulang manghula sa kanya, iniisip kung inaakala ba niyang hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain, na hindi ako maaasahan. Akala ko sinusubaybayan niya ako at baka tanggalin ako balang araw. Napuno ako ng pagkukunwari at panlilinlang. Sa sambahayan ng Diyos, nangingibabaw ang katotohanan, at may mga prinsipyo sa pagtanggal ng mga tao. Walang matatanggal dahil sa konting pagkalingat, dahil sa isang pagkakamali sa kanilang tungkulin. Nakakakuha ng maraming pagkakataon ang mga tao hangga’t maaari para magsisi, at kung tatanggi silang magbago at negatibo nilang maaapektuhan ang gawain, kailangan nilang matanggal. Nakita ko na nagkaroon ng mga pagkalingat at isyu sa kanilang gawain ang ilang kapatid, pero hindi sila tinanggal ng lider. Ginawa niya ang kanyang makakaya para suportahan at tulungan sila, at nagbahagi sa kanila sa mga prinsipyo. Pagkatapos, sa pamamagitan ng patuloy na pagsusuri at pagbabago, humusay sila nang humusay sa kanilang mga tungkulin. At ang ilang kapatid ay hindi kaya ang gawain, kaya’t nagsaayos ang iglesia ng angkop na tungkulin para sa kanila batay sa kanilang mga kalakasan. Hindi iyon basta-bastang pagtanggal. Bagamat ang ilang tao ay tinanggal dahil sa hindi paggawa ng praktikal na gawain, pagkatapos nilang pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili nang ilang panahon, at magkamit ng tunay na pagsisisi, ipo-promote at gagamitin silang muli ng iglesia. Ang paglitaw ng mga isyu sa ‘yong tungkulin ay hindi naman talaga nakakatakot. Ang pinakamahalaga ay ang kakayahang tumanggap sa katotohanan at magnilay sa ‘yong mga problema, at pagkatapos ay tunay na magsisi at magbago. Nakita ko na hindi ako tinanggal ng lider dahil sa aking mga paglihis at pagkakamali, kaya hindi ako dapat naging mapagbantay o nagkamali sa pagkaunawa sa kanya. Dapat ay ibinuod at pinagnilayan ko ang mga problema ko, at gumawa ng ilang pagbabago. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin pagkatapos nun, at nadama kong handa na akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos matanggal man ako o hindi, na gawin nang tapat ang aking tungkulin. Mas napayapa ako pagkatapos kong manalangin.

Kalaunan, nagtapat ako sa pakikipagbahaginan sa isang sister tungkol sa kalagayan ko. Iminungkahi niya na basahin ko ang ilan sa mga salita ng Diyos tungkol sa pagtanggap ng pangangasiwa. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Isang magandang bagay kung matutulutan mong pangasiwaan, obserbahan, at siyasatin ka ng sambahayan ng Diyos. Makakatulong ito sa pagganap mo sa iyong tungkulin, sa paggawa mo sa iyong tungkulin nang kasiya-siya at sa pagtupad mo sa kalooban ng Diyos. Kapaki-pakinabang at nakakatulong ito sa mga tao, nang wala talagang negatibong epekto. Kapag naunawaan na ng isang tao ang mga prinsipyo tungkol sa bagay na ito, dapat ba o hindi siya dapat makaramdam ng paglaban o pag-iingat laban sa pangangasiwa ng mga lider, manggagawa, at mga taong hinirang ng Diyos? Maaaring masiyasat ka at maobserbahan paminsan-minsan, at maaaring masubaybayan ang iyong gawain, ngunit hindi mo ito dapat personalin. Bakit ganoon? Dahil ang mga gawaing nasa iyo ngayon, ang tungkuling ginagampanan mo, at anumang gawaing ginagawa mo ay hindi mga pribadong gawain o personal na trabaho ng sinumang tao; may kinalaman ang mga ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos at may kaugnayan sa isang bahagi ng gawaing iyon. Samakatuwid, kapag may sinumang gumugugol ng kaunting oras para subaybayan o obserbahan ka, o tinatanong ka ng malalalim na tanong, sumusubok na kausapin ka nang masinsinan at tuklasin kung ano ang naging kalagayan mo sa panahong ito, at kapag medyo mabagsik pa kung minsan ang kanilang pag-uugali, at iwinawasto at tinatabasan ka nila nang kaunti, at dinidisiplina, at pinagsasabihan, lahat ng ito ay dahil tapat at responsable sila sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka dapat magkaroon ng mga negatibong saloobin o damdamin tungkol dito(Ang Salita, Vol. IV. Mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Medyo naliwanagan ako sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang mga gampanin natin sa trabaho ay hindi mga personal na bagay. Mahahalagang bagay ang mga ito, na may kinalaman sa gawain ng iglesia at pagpasok sa buhay ng ating mga kapatid. Kapag pinangangasiwaan at sinusuri ng mga lider at manggagawa ang mga tungkulin natin, ginagawa nila ang nararapat. Ito ay kapaki-pakinabang para sa ating mga tungkulin at para sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Lahat ay may tiwaling disposisyon. Bago natin makamit ang katotohanan, bago magbago ang ating disposisyon sa buhay, hindi tayo maaasahan o mapagkakatiwalaan. Kung hindi tayo pangangasiwaan, malamang na gagawin lang natin ang ating gusto sa anumang oras. Magiging di-makatwiran at mapanlinlang tayo sa gawain natin, at gagawa tayo ng mga bagay na makakagambala sa gawain ng iglesia. Kaya, ang pangangasiwa ng mga lider sa gawain natin ay para tulungan tayo sa ating tungkulin, at para sa pag-usad ng gawain ng iglesia. Naalala ko dati, nang banggitin ng lider na hindi ko pa naibahagi ang mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga bagong miyembro ng grupo, iyon ay paglihis talaga sa tungkulin ko. Hindi ko iniisip ang mapausad ang tungkulin ko, kundi nasiyahan na ako sa kasalukuyang kalagayan, kaya inakala ko na ang mga kapatid na hindi pamilyar sa gawain ay pwedeng maturuan sa paglipas ng panahon, at hindi iyon makakaapekto sa bisa ng gawain namin. Ang saloobin kong iyon sa tungkulin ko ay talagang kasuklam-suklam para sa Diyos, at kung hindi ko ito binago, sa paglipas ng panahon, hindi lamang nito mahahadlangan ang gawain ng iglesia, kundi mapipinsala rin nito ang sarili kong pagpasok sa buhay. Nang mapansin ng lider ang isyung ito at ipinaalam sa akin, nagkaroon ako ng pagkakataong magnilay-nilay kaagad, na itama ang aking mga pagkakamali. Labis ‘yong nakatulong sa akin. At sa tuwing sinusuri ng lider ang gawain ko, tinutukoy niya ang ilang problema na hindi ko karaniwang nakikita. Sa ganitong paraan, napakaraming isyu sa gawain ko ang pwedeng malutas nang walang pagkaantala, at nagkaroon ako ng landas ng pagsasagawa at direksyon sa aking tungkulin. Matapos mapagtanto ang lahat ng iyon, pakiramdam ko’y naging napakahangal ko, at napuno ako ng panghihinayang. Kung kusa kong naibahagi sa lider ang mga pagkakamali ko sa aking tungkulin, nalutas na sana noon pa ang mga isyung ito, at hindi sana naapektuhan ang aming gawain ng ebanghelyo.

Kalaunan, pinagnilayan ko ang sarili ko. Bakit ba ako laging takot sa pangangasiwa ng lider, takot na matanggal? Ano ang ugat ng problema? Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal. “Kung kayo ay isang lider o manggagawa, natatakot ba kayong kuwestiyunin at pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang inyong gawain? Natatakot ba kayong matuklasan ng sambahayan ng Diyos ang mga kapabayaan at kamalian sa inyong gawain at iwasto kayo? Natatakot ba kayo na kapag nalaman na ng Itaas ang inyong tunay na kakayahan at tayog, maiiba ang tingin Niya sa inyo at hindi Niya isiping itaas kayo ng ranggo? … Nababatid mong may disposisyon ka ng isang anticristo, bakit hindi ka nangangahas na harapin ito? Bakit hindi mo ito maharap nang tapatan at sabihing, ‘Kung magtatanong ang Itaas tungkol sa aking gawain, sasabihin ko ang lahat ng alam ko, at kahit malantad pa ang masasamang bagay na nagawa ko, at hindi na ako gamitin ng Itaas kapag nalaman Niya, at mawalan ako ng katayuan, sasabihin ko pa rin nang malinaw ang kailangan kong sabihin’? Ang takot mong pangasiwaan at kuwestiyunin ang gawain mo ng sambahayan ng Diyos ay nagpapatunay na mas mahal mo ang iyong katayuan kaysa sa katotohanan. Hindi ba ito ang disposisyon ng isang anticristo? Ang pagpapahalaga sa katayuan nang higit sa lahat ay disposisyon ng isang anticristo(Ang Salita, Vol. III. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi)). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang ugat kung bakit ako natatakot na pangasiwaan ng lider ang gawain ko. Masyado kong pinahahalagahan ang katayuan ko. Natatakot akong matuklasan ng lider ang mga isyu sa tungkulin ko, at pagkatapos ay iisiping hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain, at tatanggalin ako. Kaya para mapanatili ang katayuan ko, pakitang-tao lang akong gumawa ng tungkulin ko, gumawa lang ng mababaw na gawain nang hindi ginagawa ang mahalaga at pangunahing gawain na dapat ko sanang gawin. Dahil dito, bumaba ang pagiging produktibo ng gawain ng ebanghelyo. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam! Sa katunayan, ang mga may tunay na pusong gumagalang sa Diyos ay inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa kanilang tungkulin. Mas gugustuhin nilang makitang nagdurusa ang sarili nilang pangalan at katayuan kung nangangahulugan naman ito na naitataguyod ang gawain ng iglesia. Sa tungkulin nila, kaya nilang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at ang pangangasiwa ng mga kapatid. Sila ay simple at tapat ang puso. Samantalang ako, ang inisip ko lang ay kung paano protektahan ang aking pangalan at katayuan, at handa pa nga akong makitang naaapektuhan ang gawain ng iglesia para mapangalagaan ang aking posisyon. Naisip ko kung paano pinahahalagahan ng mga anticristo ang katayuan higit sa lahat, at ginagawa ang lahat para magkamit ng katayuan. Ang pag-uugali ko ay naghahayag mismo ng disposisyon ng isang anticristo. Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas nararamdaman kong ang ipinapakita ko ay parang sa isang taong walang kwenta, walang anumang integridad o dignidad. Nasuklam talaga ako sa sarili ko. Hinangad ko mula sa kaibuturan ng puso ko na maging isang matuwid at marangal na tao. Naisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Para sa mga nagmamahal sa katotohanan, ang pinipili nila ay isagawa ang katotohanan, maging matatapat na tao. Ito ang tamang landas, at pinagpala ng Diyos. Para sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan, ano ang pinipili nilang gawin? Gumagamit sila ng mga kasinungalingan para maprotektahan ang kanilang reputasyon, katayuan, dignidad, at pagkatao. Mas gusto pa ng gayong mga tao na maging mapanlinlang at kamuhian at itakwil ng Diyos. Ayaw nila sa katotohanan o sa Diyos. Ang pinipili nila ay ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Gusto nilang maging mapanlinlang na mga tao, at wala silang pakialam kung nagpapalugod ba iyon sa Diyos o kung ililigtas ba sila ng Diyos, kaya maaari pa rin bang iligtas ng Diyos ang gayong mga tao? Siguradong hindi, dahil tinatahak nila ang maling landas. Maaari lang silang mabuhay sa pamamagitan ng pagsisinungaling at pandaraya, at kaya lang nilang mamuhay ng masakit na buhay ng pagsisinungaling at pagtatakip sa mga iyon at pag-iisip nang husto para maipagtanggol ang kanilang sarili araw-araw. Maaaring iniisip mo na mapoprotektahan ng paggamit ng mga kasinungalingan ang iyong hinahangad na reputasyon, katayuan, at banidad, ngunit malaking pagkakamali ito. Ang mga kasinungalingan ay hindi lamang nabibigong protektahan ang iyong banidad at personal na dignidad, kundi, mas malala pa, nagiging dahilan din para mapalampas mo ang mga pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging matapat na tao. Kahit na ipagtanggol mo ang iyong reputasyon at banidad sa oras na iyon, ang nawawala sa iyo ay ang katotohanan, at pinagtataksilan mo ang Diyos, na nangangahulugan na lubos na nawawala sa iyo ang pagkakataong mailigtas at magawang perpekto ng Diyos. Ito ang pinakamalaking kawalan at walang-hanggang pagsisisihan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagiging Matapat Lamang Makakapamuhay ang Isang Tao Bilang Isang Tunay na Tao). Napahiya ako nang pag-isipan ko ang mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng pag-asa sa mga kasinungalingan para maprotektahan ang aking pangalan at katayuan sa panlabas, inakala kong napakatalino ko, pero nawawalan ako ng pagkakataon na maging isang matapat na tao, at higit pa ro’n, ng pagkakataong makamit ang kaligtasan at katotohanan. Iyon ay isang kawalan na hindi na mababawi. Paulit-ulit akong gumamit ng mga kasinungalingan at pandaraya para protektahan ang pangalan at katayuan ko, pero nakikita ng Diyos ang lahat. Pwede kong lokohin ang mga tao sa ilang panahon, pero hinding-hindi ko matatakasan ang pagsisiyasat ng Diyos. Ang katunayang hindi ako gumagawa ng totoong gawain at inaantala ang mga bagay-bagay ay malalantad sa malao’t madali. Hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi ako magsisisi, bagkus ay patuloy lang na magsisinungaling at poprotektahan ang aking katayuan, siguradong matatanggal ako. Naisip ko ang tungkol sa mga huwad na lider at anticristo na iyon. Nagtatrabaho lang sila alang-alang sa pangalan at katayuan, at hindi gumagawa ng praktikal na gawain. Ang ilan nga sa kanila ay hindi man lang titigil sa pamiminsala sa gawain ng iglesia para sa sarili nilang pangalan at katayuan, at sa huli ay gumagawa sila ng maraming kasamaan, at inilalantad at pinalalayas. Naisip ko rin kung paanong ang pinakamahalagang gawain ng sambahayan ng Diyos ngayon ay ang palawakin ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Ngunit bilang ang namamahala sa gawain ng ebanghelyo, bukod sa hindi ko itinaguyod ang gawain ng ebanghelyo, sinikap ko pang protektahan ang aking pangalan at katayuan, inantala ang aming gawain ng ebanghelyo. Base sa ugali ko, dapat pinalitan ako. Ang makapagpatuloy sa paggawa ng tungkulin ko ang malaking pagpapasensya ng Diyos para sa’kin. Matapos matanto ang lahat ng ito, lumapit ako sa Diyos para manalangin at magsisi, handang baguhin ang aking maling paghahangad, tanggapin ang pangangasiwa sa akin ng lider, at gawin ang lubos na makakaya ko sa aking tungkulin.

Kalaunan sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ang mga kayang tumanggap ng pangangasiwa, pagsusuri, at pagsisiyasat ng iba ang mga pinakamakatwiran sa lahat, may pagpaparaya at normal na pagkatao sila. Kapag nadiskubre mong may mali kang ginagawa o may pagbuhos ka ng tiwaling disposisyon, kung nagagawa mong magtapat at makipag-usap sa mga tao, makakatulong ito sa mga nasa paligid mo para mabantayan ka nila. Talagang kailangang tumanggap ng pangangasiwa, ngunit ang pinakamahalaga ay magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya, na isinasailalim ang iyong sarili sa palagiang pagninilay. Lalo na kapag mali ang landas na natahak mo o nakagawa ka ng mali, o kapag kikilos ka na parang diktador at may kinikilingan, at binanggit ito ng isang tao sa malapit at binalaan ka, kailangan mong tanggapin iyon at magmadali kang pagnilayan ang iyong sarili, at aminin ang iyong pagkakamali, at itama iyon. Maaari nitong pigilan ka sa pagtahak sa landas ng mga anticristo. Kung may isang taong tumutulong at nagbababala sa iyo sa ganitong paraan, hindi ka ba iniingatan nang hindi mo alam? Iniingatan ka—iyon ang pag-iingat sa iyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Nagkakaisang Pakikipagtulungan). Salamat sa Diyos! Nakaramdam ako ng labis na ginhawa nang magkaroon ako ng landas ng pagsasagawa at hindi na ako mapagbantay sa pangangasiwa at pagtatanong ng lider. Isa pa, tumigil na ako sa pagtatago ng aking mga problema, at nagsimulang tumuon sa paggawa ng praktikal na gawain at paglutas ng mga praktikal na isyu. Hindi na ako gaanong napipigilan kapag tinatanong ng lider ang tungkol sa gawain ko, at nagagawa kong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at isagawa ang pagiging isang matapat na tao. Kaya kong aminin kapag hindi ko nagawa nang maayos ang ilang gawain, at tumigil na ako sa pagpoprotekta sa aking reputasyon at katayuan. Kapag nakakakita ang lider ng mga isyu sa gawain ko, hindi ko na iniisip kung ano ang magiging tingin niya sa akin o kung tatanggalin ba niya ako, bagkus iniisip ko lang kung paano magbago sa lalong madaling panahon, at magawa nang maayos ang gawain ko. Lumuwag talaga ang pakiramdam ko simula nang maisagawa ang lahat ng ito, at ang magawa ang tungkulin ko nang bukas ang puso ay napakaganda.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sa Pamamagitan ng Malaking Pagdurusa, Natamo ko ang Malalaking Pakinabang

Naramdaman ko na ang gawain ng Diyos ng paghatol at pagkastigo ay tunay na naglilinis ng mga tao at hangga’t taos-puso kong hinahanap ang katotohanan, tiyak na ako ay malilinis at maliligtas. Nang una kong maramdaman ang kahalagahan ng mga salita ng Diyos at ang kahalagahan ng katotohanan, naging masaya ang kaibuturan ng aking puso