Huwag Magpakana ng mga Alternatibong Plano sa Isang Tungkulin

Hulyo 9, 2022

Ni Jingmo, USA

Gumawa ako ng gawain ng pagmamarka ng musika para sa mga video nang mahigit apat na taon sa iglesia. Dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, ang ilang kapatid sa paligid ko ay madalas na nalilipat sa kanilang mga tungkulin. Ang ilan na maikling panahon pa lamang na gumaganap sa kanilang mga tungkulin ay itinalaga sa ibang mga tungkulin dahil kulang sila sa abilidad. Sa tingin ko ay masyadong pabagu-bago ang lahat ng ito. Naisip ko, “Kung ililipat ako isang araw, hindi ko alam kung anong tungkulin ang isasaayos para sa akin. Kung isa itong gawaing hindi ako magaling, at lumabas na hindi ako epektibo, maaaring ilipat na naman ako. Kung wala talagang akmang tungkulin para sa akin, hindi ba ibig sabihin nun ay palalayasin ako at hindi maliligtas?” Nang maisip ko ito, ayaw ko talagang malipat. Kalaunan, unti-unting nabawasan ang bigat ng gawain sa grupo namin, at ilan sa mga kapatid ay inilipat sa ibang mga tungkulin, kaya nagsimula akong mag-alala, iniisip na, “Wala akong napakahusay na mga propesyonal na kasanayan, baka ililipat din ako. Wala akong ibang espesyal na kasanayan, kaya kung wala ang gawain ng pagmamarka ng musika, ano pa ang pwede kong gawin? Kung mauwi ako sa hindi pagganap ng anumang tungkulin, hindi ba’t kapareho lang iyon ng pinalayas?” Sa mahabang panahon, namuhay ako sa ganitong kalagayan ng pag-aalala at pangamba. Kahit sinuman sa paligid ko ang inilipat, labis akong nag-alala tungkol sa kinabukasan ko.

Noong Hulyo ng nakaraang taon, hiniling sa akin ng lider ko na gumawa ng gawaing part-time sa bakante kong oras. Pagkatapos niyang ipakilala sa akin ang gawain, kaswal na sinabi ng lider: “Magpapatuloy ang gawaing ito, kaya, magsanay ka at gawin mong mabuti ang gawaing ito.” Nang marinig ko ito, nabuhayan ako ng loob, dahil tila mas palagian at pangmatagalan ang gawaing ito kaysa sa gawain ng pagmamarka ng musika. Mukhang ang ilang tao sa grupong ito ay sila-sila pa rin. Ang ilan sa kanila ay anim o pitong taon nang ginagawa ang gawaing ito, at hindi pa kailanman nailipat. Mukhang mas magandang gawain ito! Kailangan kong magsanay at magsikap na makabisado ito sa lalong madaling panahon. Kung ililipat ako isang araw, mayroon pa akong alternatibong plano. Hangga’t nagsasagawa ako nang mabuti at hindi nakakagawa ng malalaking pagkakamali, maaari kong patuloy na gawin ang gawaing ito magpakailanman, at hindi ko na kailangang mag-alala na mapapalayas dahil sa kawalan na ng tungkulin. Lubos na nakakapanatag ang isiping ito, at napakasaya ko dahil dito. Pakiramdam ko, ang makatanggap ng ganoon kagandang oportunidad ay talagang biyaya ng Diyos. Mula sa sandaling iyon, binigyan ko ng espesyal na atensyon ang part-time na gawaing ito. Kapag nakakaharap ako ng mga bagay na hindi ko nauunawaan, nagtatanong ako sa ibang kapatid, umaasang makakabisado ko ito nang mabilis hangga’t maaari.

Sa hindi inaasahan, makalipas lamang ang mahigit kalahating buwan, nagsimulang maging abala ang gawain ko sa pagmamarka ng musika, kaya hindi na ako nagkaroon ng maraming oras o lakas na asikasuhin ang part-time kong gawain, pero gusto ko pa ring pagtuunan ang part-time kong gawain, dahil nag-alala ako na kung hindi ko matatapos ang nakatalagang gawain sa akin, malamang na maiwawala ko ang alternatibong planong ito. Kaya, ipinagpaliban ko ang gawain ng pagmamarka ng musika hangga’t kaya ko, iniisip na ang ilang araw ng pagkaantala ay hindi makakaapekto sa anuman. Pero dahil nagmamadali ako, palagi akong natataranta, at madalas akong nagkakamali sa part-time kong gawain: Nagiging makakalimutin ako, o paulit-ulit na palaging nagkakaroon ng parehong mga problema. Nakita ng lider ng grupo na ginugugol ko ang lahat ng oras ko sa part-time na gawain, na humahantong sa pagkaantala sa pangunahing gawain ko, at hiniling sa akin na isaalang-alang kung kaya kong asikasuhin ang dalawang trabaho. Bagamat alam kong hindi ko mapagsabay ang dalawang trabaho, at nagdudulot ako ng mga pagkaantala sa gawain ng pagmamarka ng musika, ayaw ko pa ring aminin ito, dahil alam kong kapag sinabi kong masyadong abala ang mga bagay, malamang na patitigilin ako sa aking part-time na gawain, na maaaring mangangahulugan na mawawala sa akin ang pangmatagalan at pirmihan na gawaing ito. Hindi ko matatanggap iyon, kaya gumawa ako ng ilang dahilan sa lider ng grupo, sinasabi na sa nakalipas na ilang araw, mayroong mga gawain na kailangang-kailangan na sa dalawang trabaho sa parehong oras, pero paminsan-minsan lamang nangyayari ang ganitong mga sitwasyon, at hindi naman madalas na ganito. Idinagdag ko na baguhan pa ako sa aking part-time na gawain, pero mas magiging maayos ito kapag naging pamilyar na ako rito, at kailangan ko lang ng kaunti pang oras para masanay sa mga bagay-bagay. Higit pa riyan, sinabi ko na sa part-time na gawain, kahit na medyo mas abala ako kaysa dati, pinuno nito ang oras ko habang nasa tungkulin ako. Wala nang sinabi pa ang lider ng grupo pagkatapos niyon.

Makalipas ang ilang araw, muli akong pinaalalahanan ng lider ng grupo na maghanap pa tungkol sa usapin ng pagkakaroon ng dalawang trabaho at alamin kung paano magsagawa ayon sa kalooban ng Diyos. Sinabi rin niya na nakikita niyang gusto ko talagang panatilihin ang aking part-time na trabaho, at hiniling sa akin na pagnilayan kung mayroon ba akong anumang mga maling pananaw o layunin. Nang marinig kong sabihin ito ng lider ng grupo, inamin ko na gusto kong panatilihin ang aking part-time na gawain, pero pakiramdam ko ay inuuna ko ang gawain sa naaayong paraan. Mas maraming oras ang ginugugol ko sa alinmang gawain na pinakamahalaga o kailangang-kailangan na, na mukha namang tamang gawin. Maya-maya, napagtanto ko na ang kalooban ng Diyos ay nasa likod ng paalala ng lider ng grupo, at kailangan kong pagnilayan nang tama ang sarili ko. Lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “Diyos ko, alam kong ang paalala ng lider ng grupo ay naglalaman ng Iyong kalooban, pero hindi ko pa rin alam kung saan ako magsisimulang magnilay-nilay sa sarili. Nakikiusap po akong gabayan Mo ako.” Pagkatapos kong manalangin, napaisip ako kung bakit pinaalalahanan ako ng lider ng grupo na pagnilayan ang saloobin ko sa aking tungkulin. Hindi kaya mali ang mga layunin ko sa tungkulin ko? Napagtanto ko na bago ako nagkaroon ng part-time na trabaho, pinahahalagahan ko pa ang gawain ko sa pagmamarka ng musika. Akala ko ang pagmamarka ko lang ng musika ang tanging paraan ko, at natakot akong mawala ito. Nang magsimula ako sa part-time na gawain at nakitang mas pirmihan at pangmatagalan ito kaysa sa pangunahing gawain ko, ginusto kong gawin ang lahat ng makakaya ko para makakapit dito. Inisip ko na hangga’t kaya kong gampanan ang isang pirmihan, pangmatagalang tungkulin, at hindi mapalitan, siguradong maliligtas ako. Noon ko napagtanto sa wakas na ang pagganap ko sa tungkulin ko ay narumihan ng sarili kong mga layunin. Karamihan sa ibang kapatid na inilipat sa ibang mga tungkulin ay kayang harapin ito nang tama. Bakit ba napakakumplikado ng mga iniisip ko? Bakit ang dami kong alalahanin at pangamba? Nagpatuloy akong magdasal sa Diyos at maghanap, at magsaliksik ng mga nauugnay na bahagi ng salita ng Diyos na babasahin.

Nabasa ko ang isang sipi ng paghahayag ng Diyos sa disposisyon ng mga anticristo na napakapartikular sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos, “Kapag may ginawang maliit na pagbabago sa kanilang tungkulin, dapat tumugon ang mga tao nang may saloobin ng pagsunod, gawin ang ipinagagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at gawin ang makakaya nila, at, anuman ang gawin nila, gawin ito nang maayos sa abot ng makakaya nila, nang buong puso nila at buong lakas nila. Ang nagawa ng Diyos ay hindi mali. Ang ganoon kasimpleng katotohanan ay maaaring isagawa nang may kaunting konsiyensya at pagiging makatwiran, ngunit lampas ito sa mga kakayahan ng mga anticristo. … Kailanman ay hindi sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at lagi nilang ikinakabit nang husto ang kanilang tungkulin, katanyagan, at katayuan sa kanilang pag-asam sa mga pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at para sa kanila iyon ay parang pagkawala ng buhay nila. Kaya naman, iniingatan nila ang sarili nila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos upang hindi masira ang kanilang pangarap na mga pagpapala. Kumakapit sila sa kanilang reputasyon at katayuan, dahil sa tingin nila ay ito ang kanilang tanging pag-asa na magtamo ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan mismo, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin pa, samantalang ang pagtatamo ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili(“Gusto Nilang Umatras Kapag Walang Katungkulan o Walang Pag-asang Magtamo ng mga Pagpapala” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Ang paghahayag ng Diyos sa mga saloobin ng mga anticristo sa paglilipat ng tungkulin ay tumugma lahat sa akin. Pinag-iisipan ko nang husto ang pagtatangkang mapanatili ang part-time kong gawain dahil gusto ko ng pangmatagalan at pirmihan na tungkulin para makapanatili sa sambahayan ng Diyos at hindi mapalayas. Lahat ng ginawa ko ay para lang makakuha ng mga pagpapala. Iyon ang tunay kong pakay. Sa katunayan, kahit sa anong tungkulin inililipat ang isang tao sa iglesia, nakabatay ito sa pangangailangan ng gawain, at ito ay ganap na normal. Gayunpaman, ang mga anticristo ay may masamang disposisyon, kaya iniisip nila ang bagay na ito sa hindi normal na paraan. Iniisip nilang walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang mapagkakatiwalaan, at walang nagmamalasakit sa kanila. Iniisip nila na habang sila ay pabalik-balik na inililipat, kung hindi sila mag-iingat, sila ay palalayasin at mawawala ang kanilang hantungan, kaya kailangan nilang maingat na magplano at maghanda, maging alerto, at magkaroon ng alternatibong plano. Pagkatapos lamang niyon sila makakasiguro sa isang kinalabasan at isang hantungan. Para sa mga anticristo, ang mapagpala ay mas mahalaga kaysa sa pagganap ng isang tungkulin o ang mailigtas. Hindi ba katulad ng sa isang anticristo ang mga pananaw ko? Lagi akong nakabantay sa paglilipat sa akin sa tungkulin. Ano ang gagawin ko kung mailipat ako isang araw? Paano kung hindi ako magaling sa gawaing iyon, hindi ako epektibo, at nailipat ulit? Kung wala akong magampanang tungkulin balang araw, hindi ba ako mapapalayas? Nang maisip ko ang mga bagay na ito, nagsimula akong mag-alala. Tulad ng isang anticristo, mayroon akong napakamasalimuot at masamang pag-iisip, at takot na tumahak sa landas na walang labasan, kaya ginusto kong kumapit sa trabahong akala ko ay magagawa ko nang pangmatagalan at hindi bibitiwan, katulad ng isang hindi mananampalataya na naghahangad ng “seguridad.” Pinapantasya kong gumawa ng siguradong tungkulin magpakailanman, at kapag tapos na ang gawain ng Diyos, maliligtas ako at paniguradong makakapasok sa kaharian ng langit. Para makamit ang layong ito, nagsumikap ako sa aking part-time na gawain, umaasang mabilis ko itong makakabisado at mabibigyan ang sarili ko ng alternatibong plano. Kahit hindi ko mabalanse ang dalawa kong trabaho, hinding-hindi ko ito aaminin. Nang magtanong ang lider ng grupo tungkol dito, nakahanap pa rin ako ng mga dahilan para tantanan niya ako, at ginusto kong panatilihin ang aking part-time na gawain kahit na nangangahulugan itong naaantala ang pangunahing trabaho ko, na nakaapekto sa gawain sa huli. Noon ko lang malinaw na nakitang ginagawa ko ang tungkulin ko para sa aking kinabukasan at hantungan. Ginagamit ko lang ang tungkulin ko bilang pamalit para sa hantungan ko. Lahat ng ginawa ko ay alang-alang sa pagkakamit ng pagpapala. Hindi ba pakikipagtransaksyon lamang ito sa Diyos at pagtatangkang linlangin Siya? Dati, lagi akong nananalangin sa Diyos, sinasabing ginagawa ko ang tungkulin ko para suklian ang pag-ibig ng Diyos at isabuhay ang wangis ng tao, pero nang ibunyag ako ng mga katunayan, nakita kong kasinungalingan lang ito! Ito ay panlilinlang!

Nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos. “Bilang isang nilalang, kapag humarap ka sa Lumikha, kailangan mong gampanan ang iyong tungkulin. Ito ang tamang gawin, at ang responsibilidad na nasa mga balikat mo. Sa batayan na ginagampanan ng mga nilalang ang kanilang mga tungkulin, nakagawa ang Lumikha ng mas dakilang gawain sa sangkatauhan. Naisagawa Niya ang isa pang hakbang ng gawain sa sangkatauhan. At anong gawain iyon? Ibinibigay Niya sa sangkatauhan ang katotohanan, na tinutulutan silang matamo ang katotohanan mula sa Kanya habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sa ganoong paraan ay maiwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon at malinis sila. Kaya, naisasakatuparan nila ang kalooban ng Diyos at nagsisimulang tumahak sa tamang landas sa buhay, at, sa huli, nagagawa nilang matakot sa Diyos at iwaksi ang kasamaan, magtamo ng ganap na kaligtasan, at hindi na magpasailalim sa mga pagdurusang dulot ni Satanas. Ito ang epektong gusto ng Diyos na makamtan ng sangkatauhan sa huli sa pamamagitan ng pagganap sa kanilang tungkulin. Samakatuwid, ang proseso ng pagganap sa iyong tungkulin ay hindi lamang para magawang makita mo nang malinaw ang isang bagay at maunawaan ang kaunting katotohanan, ni hindi lamang ito para tulutan kang matamasa ang biyaya at mga pagpapala na natatanggap mo sa pamamagitan ng pagtupad sa iyong tungkulin bilang isang nilalang. Bagkus, ito ay upang pahintulutan kang malinis at maligtas, at, sa huli, ay makapamuhay sa liwanag ng mukha ng Lumikha. Ang ‘liwanag ng mukha ng Lumikha’ ay kinapapalooban ng maraming pinalawig na kahulugan at nilalaman—hindi natin ito tatalakayin ngayon. Siyempre, tiyak na magbibigay ng mga pangako at pagpapala ang Diyos sa gayong mga tao, at gagawa ng iba’t ibang pahayag tungkol sa mga ito—ibang usapan pa ang bagay na ito. Patungkol sa kasalukuyan at ngayon, ano ang tinatanggap ng lahat ng humaharap sa Diyos at gumagawa ng kanilang tungkulin bilang isang nilikha mula sa Diyos? Ang pinakamahalaga at maganda sa sangkatauhan. Wala ni isang nilikha sa sangkatauhan ang maaaring tumanggap ng gayong mga pagpapala mula sa kamay ng Lumikha na nagkataon lamang. Ang gayon kaganda at gayon kadakilang bagay ay binaluktot ng kauri ng mga anticristo para maging isang transaksyon, kung saan ay humihingi sila ng mga korona at gantimpala mula sa kamay ng Lumikha. Ang gayong transaksyon ay ginagawang napakapangit at napakasama ang isang bagay na napakaganda at napakamatuwid. Hindi ba ito ang ginagawa ng mga anticristo? Batay rito, hindi ba masama ang mga anticristo? Talagang masama sila! Isang pagpapakita lamang ito ng isang aspeto ng kanilang kasamaan(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikapitong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Tumagos sa puso ko ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Nakaramdam ako ng labis na pagkakautang sa Diyos. Sinasabi ng Diyos na ang kakayahang gawin ang tungkulin bilang nilikha ay ang pinakamagandang bagay sa sangkatauhan, na ito ang pinakamakahulugan at pinakamatuwid na bagay at na hindi lahat ng nilikha ay nakakapagkamit ng pagpapalang ito. Napagtanto kong tama ito. Naisip ko kung paanong sa lahat ng tao sa mundo, inorden ng Diyos na ipanganak ako sa mga huling araw, at na mapalad akong masabayan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at may pagkakataon akong gampanan ang tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos at maranasan ang Kanyang gawain. Hindi kung sino-sino lang ang nakakatanggap ng pagpapalang ito. Ito ay natatanging biyaya at pag-ibig ng Diyos! Ang magampanan ang isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, anuman ito, ay mas mahalaga at makabuluhan kaysa sa paggawa ng anumang bagay sa mundo, kaya dapat ko itong ipagpasalamat at pahalagahan. Higit pa rito, ang Diyos ay palaging walang pag-iimbot na nagtutustos sa mga tao ng katotohanan. Kinakausap Niya ang mga tao nang harapan at pinapakain sila nang bibig sa bibig, tinutulutan silang maunawaan at makamit ang katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at unti-unting lumago sa buhay. Sa buong prosesong ito, walang hinihingi ang Diyos sa mga tao. Nais lamang ng Diyos na tanggapin ng mga tao ang Kanyang atas nang may tapat at masunuring puso, gawin ang kanilang makakaya para gampanan nang maayos ang tungkulin nila, at sa wakas, makamit ang katotohanan, makatakas sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at mailigtas ng Diyos. Samantalang ako? Kinuha ko ang magandang katunayan ng pagganap ng tungkulin ko bilang isang nilikha, ginawa itong transaksyon, at sinubukang gamitin ang tungkulin ko bilang isang pagkakataon para ipagpalit sa mga pagpapala. Tunay akong tuso, manloloko, at kasuklam-suklam sa Diyos.

Pagkatapos nito, madalas akong nanalangin sa Diyos tungkol sa kalagayan ko, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako, para mas malinaw kong maunawaan ang mga problema ko. Minsan, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa Diyos, at sa kanilang tungkulin, dapat magkaroon ang mga tao ng matapat na puso. Kung mayroon sila nito, sila ay magiging mga taong may takot sa Diyos. Anong klase ng saloobin sa Diyos ang mayroon ang mga taong may matapat na puso? Kahit paano, mayroon silang puso na may takot sa Diyos, isang puso na sumusunod sa Diyos sa lahat ng bagay, hindi sila nagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kasawian, wala silang binabanggit na mga kondisyon, ipinauubaya nila ang kanilang mga sarili sa awa ng Diyos—ito ang mga taong may matapat na puso. Iyong mga palaging nagdududa sa Diyos, na palagi Siyang sinusuri, palaging nakikipagtransaksyon sa Kanya—sila ba ay mga taong may matapat na puso? (Hindi.) Ano ang nananahan sa loob ng puso ng gayong mga tao? Katusuhan at kasamaan; palagi silang nagsusuri. At ano ang sinusuri nila? (Ang saloobin ng Diyos sa mga tao.) Palagi nilang sinusuri ang saloobin ng Diyos sa mga tao. Anong problema ito? At bakit nila ito sinusuri? Dahil may kaugnayan ito sa mahahalaga nilang interes. Sa kanilang mga puso, iniisip nila sa sarili, ‘Ginawa ng Diyos ang mga pangyayaring ito para sa akin, idinulot Niya na mangyari ito sa akin. Bakit Niya ginawa iyon? Hindi pa ito nangyayari sa ibang tao—bakit kailangan pang sa akin ito mangyari? At ano ang magiging mga bunga nito pagkatapos?’ Ito ang mga bagay na sinusuri nila, sinisiyasat nila ang kanilang mga pakinabang at kawalan, mga pagpapala at kasawian. At habang sinusuri ang mga bagay na ito, nagagawa ba nilang isagawa ang katotohanan? Nagagawa ba nilang sumunod sa Diyos? Hindi nila nagagawa. At ano ang nabubuo ng mga pag-iisip-isip nila? Ang lahat ng ito ay para sa sarili nilang kapakanan, isinasaalang-alang lang nila ang sarili nilang mga interes. … At ano ang pinakakahihinatnan ng pagsusuri ng mga taong palaging iniisip ang kanilang mga sariling interes? Ang tanging ginagawa nila ay sumuway at lumaban sa Diyos. Kahit kapag ipinipilit nilang gampanan ang kanilang tungkulin, ginagawa nila iyon nang masyadong pabaya at pabasta-basta, nang may negatibong pakiramdam; sa kanilang mga puso, isip sila nang isip kung paano magsasamantala, na hindi mapunta sa naluluging panig. Gayon ang mga motibo nila kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at dito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos. Anong disposisyon ito? Ang disposisyon ng katusuhan at kasamaan. Hindi na ito isang pangkaraniwang tiwaling disposisyon, lumala na ito sa kasamaan. At kapag may ganitong uri ng masamang disposisyon sa kanilang mga puso, isa itong pakikipaglaban sa Diyos. Dapat malinaw sa inyo ang problemang ito. Kung palaging sinusuri ng mga tao ang Diyos at sinusubukang makipagtawaran kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, magagampanan ba nila iyon nang maayos? Talagang hindi. Hindi nila sinasamba ang Diyos sa kanilang mga espiritu, at nang may katapatan, hindi sila nagtataglay ng matapat na puso, nagmamasid at naghihintay sila habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, palaging nagpipigil—at ano ang bunga? Hindi gumagawa ang Diyos sa kanila, at naguguluhan at nalilito sila, hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo ng katotohanan, at kumikilos sila alinsunod sa sarili nilang mga kagustuhan, at palagi silang nabibigo. At bakit palagi silang nabibigo? Dahil kulang na kulang sa kalinawan ang kanilang mga puso, at kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila ay hindi nila pinagninilayan ang kanilang mga sarili, o hinahanap ang katotohanan para makakita ng isang resolusyon, at ipinipilit nilang gawin ang mga bagay-bagay kung paano nila naisin, alinsunod sa sarili nilang mga kagustuhan—na ang resulta ay palagi silang nabibigo kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Kailanman ay hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia, ni ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagbabalak para sa sarili nilang kapakanan, palagi silang nagpaplano para sa sarili nilang mga interes, dangal, at katayuan, at hindi lang hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, kundi naaantala at naaapektuhan pa nila ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t pagkaligaw ito ng landas, pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin? Kung palaging nagpaplano ang mga tao para sa sarili nilang mga interes at mga pagkakataon kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi ito paggawa ng tungkulin, dahil nagbago na ang diwa at kalikasan ng kanilang mga kilos. At kung malubha ang kalikasan ng gayong mga bagay, at nagiging panghihimasok at panggagambala, at humahantong sa malulubhang kalalabasan, dapat itiwalag ang taong sangkot dito(“Tanging sa Paghahanap ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Nagagampanan nang Maigi ng Isa ang Kanyang Tungkulin” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naantig ako. Dati, naintindihan ko lang na ang pagiging mapagbantay sa tungkulin ko at laging paghahanap ng isang alternatibong plano ay isang pagpapamalas ng katusuhan at pagiging manloloko. Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabasa ng inihayag ng salita ng Diyos, nakita ko na higit pa ito sa pagiging tuso at pagiging manloloko at lumaki ito hanggang sa antas ng kasamaan, dahil hindi ako nanlilinlang sa kung sino-sino lang, ang tinatantiya ko ay ang Diyos. Kung titingnan, ginagampanan ko ang tungkulin ko, pero wala man lang akong sinseridad sa tungkulin ko. Palagi akong nagmamasid at nagkakalkula, ginagawa ang alinmang tungkulin na kapaki-pakinabang sa akin. Kung iisipin noong gumagawa ako ng gawain ng pagmamarka ng musika, itinuring ko ito bilang tanging paraan para mailigtas ang buhay ko. Nangamba ako na baka isang araw ay mapapalitan ako at hindi magkakaroon ng angkop na tungkuling gagampanan, at na mawawalan ako ng pagkakataong magkamit ng mga pagpapala, kaya ginugol ko ang mga araw ko sa pag-aalala tungkol sa pagkawala ng tungkulin ko. Kalaunan, nang makakuha ako ng part-time na trabaho, pakiramdam ko mas pirmihan at pangmatagalan ito kaysa sa pangunahing gawain ko, at binibigyan ako nito ng mas magandang pagkakataon na magtamo ng mga pagpapala, kaya kumapit ako rito nang buong lakas. Sa panlabas, tila napaka-aktibo ko sa aking part-time na gawain, nagtatanong tungkol sa lahat ng hindi ko alam, pero sa totoo lang, gusto ko lang mas mabilis itong makabisado para magkaroon ako ng isang kailangang-kailangan na posisyon sa tungkuling ito. Kasabay nito, nag-oobserba ako para makita kung ililipat ako mula sa aking pangunahing trabaho. Kung hindi ako ililipat, gagawin ko ang dalawang tungkulin para magkaroon ng karagdagang garantiya na mailigtas, at kung ililipat ako mula sa aking pangunahing gawain, hindi ko na kakailanganing mag-alala pa na mapalayas, dahil mayroon pa rin akong part-time na trabaho. Nakita ko na ang saloobin ko sa tungkulin ay hindi pagtanggap ng atas at responsibilidad mula sa Diyos, ni hindi ako nagpapahalaga at nagpapasakop sa bawat isa sa mga tungkuling ito mula sa Diyos nang may dalisay at tapat na puso. Sa halip, nagkaroon ako ng masasamang motibo, at pinag-aralan ko at kinalkula kung gaano kalaki ang pakinabang na makukuha ko at kung gaano ako makakaasa na pagpalain sa tungkulin ko. Hindi ako makapaniwala kung gaano ako kamapanlinlang! Sa panlabas, marami akong ginawang gawain, at abala ako buong araw, pinalalabas na napakaresponsable ko sa tungkulin ko, pero ang totoo ay naging abala lang ako para sa kinabukasan at hantungan ko. Nang hilingin sa akin ng lider ng grupo na isaalang-alang kung kaya kong asikasuhin ang dalawang trabaho, natakot akong masisira ang plano ko, kaya naghanap ako ng mga dahilan para tantanan niya ako, sinasabing, “Gusto kong mas punan ang oras ko sa tungkulin ko.” Napakamapanlinlang talaga ng sinabi ko! Para pagtakpan ang aking mga kasuklam-suklam at kahiya-hiyang layunin, gumamit ako ng hindi tapat na mapanghikayat na salita para linlangin ang lider ng grupo. Napakasama talaga ng disposisyon ko! Inalala ko ang lahat ng mapagkalkula kong mga iniisip at masasamang motibo. Hindi ko talaga ginagampanan ang mga tungkulin ko! Ito ay paggamit at panlilinlang sa Diyos. Wala akong sinseridad sa Diyos! Para akong isang oportunistang mangangalakal, interesado lang kumita. Ginusto kong gamitin ang lahat ng uri ng paraan para makinabang ang sarili kong mga interes. Sinasabi ng Diyos na ang mga hindi nagsasaalang-alang sa mga interes ng sambahayan ng Diyos sa kanilang mga tungkulin, kundi ang sa kanila lamang, ay hindi kailanman magkakaroon ng magagandang resulta sa kanilang ginagawa. Sa aking part-time na gawain, bagamat gusto kong magsagawa nang higit pa, ang layunin ko ay makahanap ng alternatibong plano. Nang ginawa ko ang mga bagay nang may ganitong layunin, hindi ko maingat na pinag-isipan kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo o kung paano makamit ang magagandang resulta. Sa halip, naghangad ako ng mabilis na tagumpay at gumawa lamang ng magagandang-tingnan na gawain. Para matapos ang mga gawain ko, nagmamadali akong magtrabaho, dahilan kaya nagiging makakalimutin ako sa mga bagay-bagay at nabibigong maunawaan ang mga prinsipyo, at laging puno ng mga pagkakamali ang gawain ko. Sa aking pangunahing tungkulin, naantala ko na ang aming pagsulong, pero hindi ako nag-alala o nakaramdam ng anumang pagmamadali. Naisip ko kung paano ko nagulo ang bawat tungkulin ko. Kung magpapatuloy ito, tiyak na mapipinsala nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos, tapos mapapalayas na talaga ako! Nang mapagtanto ko ito, medyo natakot ako, kaya nanalangin ako sa Diyos, sinasabi sa Kanya na handa akong magsisi, magbago, at baligtarin ang saloobin ko sa aking tungkulin.

Nang maglaon, sa pamamagitan ng panalangin at paghahanap, natanto ko na noon pa man ay mayroon na akong kakatwang pananaw, ito ay—hangga’t ginagampanan ko ang pangmatagalan at pirmihan na tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at hindi nailipat, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, maliligtas ako at mabubuhay. Hindi ko kailanman isinaalang-alang kung ang mga pananaw ko ba ay naaayon sa katotohanan o kung ano mismo ang mga hinihingi ng Diyos. Kaya, naghanap ako ng mga bahagi ng salita ng Diyos na may kaugnayan sa kalagayan ko at binasa ang mga ito. Sabi ng Diyos, “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). “Sa huli, kung ang mga tao ay magtatamo ng kaligtasan ay hindi nakasalalay sa kung anong tungkulin ang tinutupad nila, kundi kung kaya ba nilang maunawaan at makamit ang katotohanan, at kung, sa huli, ay kaya ba nilang lubos na magpasakop sa Diyos, magpasakop sa Kanyang pagsasaayos, hindi isaalang-alang ang kanilang hinaharap at tadhana, at maging isang karapat-dapat na nilikha. Matuwid at banal ang Diyos, at ito ang pamantayan na ginagamit Niya upang sukatin ang buong sangkatauhan. Hindi nababago ang pamantayang ito, at dapat mo itong tandaan. Ikintal mo ang pamantayan na ito sa iyong isipan, at huwag mong isipin na maghanap ng iba pang landas sa paghahangad ng ilang bagay na hindi totoo. Ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa lahat ng nais na matamo ang kaligtasan ay hindi nagbabago magpakailanman. Nananatiling pareho ang mga iyon maging sino ka man(Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Napakalinaw ng salita ng Diyos. Kung anong mga tungkulin ang ginagampanan ng mga tao at kung ang mga ito ay pangmatagalan at pirmihan ba ay walang kinalaman sa kung sila ba ay pinagpala o isinumpa. Bilang mga nilikha, kung ikaw man ay pinagpala o isinumpa, dapat mong gampanan ang iyong sariling tungkulin. Ito ang halaga ng buhay ng tao, gayundin ang tungkulin at obligasyon ng mga tao. Isa pa, hindi kailanman sinabi ng Diyos na hangga’t gumagawa ka ng pangmatagalan at pirmihang tungkulin, at hindi nailipat, magkakaroon ka ng magandang hantungan at maliligtas. Palaging sinasabi ng Diyos sa mga tao na sa pamamagitan lamang ng paghahangad sa katotohanan, pagtakas sa mga tiwaling disposisyon, at pagkakaroon ng tunay na pagsunod sa Diyos maililigtas ang mga tao. Ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos ay hindi kailanman nagbago, at palaging inuulit ng Diyos ang Kanyang mga hinihingi. Hindi sa hindi ko alam ang mga salitang ito ng Diyos o hindi pa nakita ang mga ito, ngunit, katulad ng isang walang pananampalataya, hindi ko kailanman pinaniwalaan o tinanggap ang mga ito, ni hindi ko naunawaan ang mabubuting layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao o ang Kanyang matuwid na disposisyon. Umasa lamang ako sa mga kuru-kuro at imahinasyon ko, kumapit sa sarili kong maling pananaw, at binigyan ang sarili ko ng isang nakakatawa at walang muwang na layon na maghangad. Pakiramdam ko, hangga’t patuloy kong ginagampanan ang isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang hindi nalilipat, makakaligtas ako kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Kung iisipin ito ngayon, tila lubos itong katawa-tawa! Inisip ko lang na ang pagkakaroon ng isang tungkulin na magagampanan at hindi mailipat ay ayos na, pero hindi ako kailanman tumuon sa paghahangad sa katotohanan sa panahon ng tungkulin ko, ni hindi ako tumuon sa pagninilay-nilay sa sarili ko o paglutas sa mga tiwali kong disposisyon. Dahil dito, wala akong malay sa ibinubunyag kong mga halatang layunin na magkamit ng mga pagpapala o ang masama kong disposisyon, pati na rin ang paghahanap sa katotohanan para malutas ang mga bagay na ito. Kahit na ang tungkulin ko ay pirmihan at pangmatagalan, makakasiguro ba akong kaya ko itong gawin magpakailanman? Naisip ko kung paanong ang ilang tao sa paligid ko ay nanatili sa mga tungkulin nila sa loob ng maraming taon at hindi kailanman nailipat, pero dahil hindi nila hinangad ang katotohanan o pinagtuunan ang paglutas ng kanilang mga tiwaling disposisyon, patuloy nilang iniraraos lamang ang kanilang tungkulin nang hindi nagtatamo ng anumang mga resulta, at sa huli ay pinalayas. Ang iba ay ginawa ang kanilang gawain batay sa mga taon ng karanasan o sa kanilang kaloob, at sila ay naging mas mayabang, kumilos batay sa kanilang sariling mga ideya, lubhang ginambala at inabala ang gawain ng pamilya ng Diyos, at sila ay ibinunyag at pinalayas. Pero ang ilang kapatid ay simple at matapat, at anuman ang tungkulin, kaya nilang tumuon sa paghahangad sa katotohanan at paglutas ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at kapag hindi nila maintindihan o magawa ang mga bagay-bagay, kaya nilang manalangin sa Diyos para hanapin ang katotohanan o maghanap at makipagbahaginan sa mga kapatid. Sila ay nagiging mas epektibo sa kanilang mga tungkulin, sila ay unti-unting lumalago sa buhay, at mayroon silang tunay na pananampalataya sa Diyos. Ang mga insidenteng ito ay nangyari sa paligid ko, kaya paanong hindi ko ito nakita? Bukod pa riyan, ang paglilipat ng tungkulin ay palaging nakabatay sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia at sa mga kalakasan ng bawat tao. Hangga’t ang isang tao ay may tunay na pananampalataya sa Diyos, ang sambahayan ng Diyos ay magsasaayos ng angkop na tungkulin para sa kanya. Ito ay pagbabago lang mula sa isang posisyon patungo sa isa pa, hindi pag-aalis ng karapatan niyang maranasan ang gawain ng Diyos at hangarin ang katotohanan, ni hindi ito pag-aalis ng kanyang pagkakataon na maligtas. Ito ay isang bagay na ganap na nararapat. Bakit ko palaging itinuturing ang paglilipat ng mga tungkulin bilang isang negatibong bagay, isang masamang bagay? Ngayon ko napagtanto na ang paniniwala kong magagarantiya sa akin ng isang pirmihan at pangmatagalan na tungkulin ang isang magandang hantungan, at mapanigurong hindi ako mabubunyag at mapapalayas, ay talagang hindi makatwiran at katawa-tawang pananaw. Ito ay ganap na sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, at ito ay mapanganib! Nang makilala ko ang mga bagay na ito, naliwanagan ang puso ko, at nakaramdam ako ng labis na paglaya. Pagkatapos niyon, kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, mas mabuti na ang kalagayan ng pag-iisip ko. Hindi ko na naramdaman na ang isa sa mga tungkulin ko ay mas mahalaga kaysa sa isa pa. Sa halip, naramdaman kong pareho itong mga atas mula sa Diyos, na parehong mahalaga ang mga ito, at kaya gusto kong gawin pareho ang mga ito sa abot ng aking makakaya. Tungkol naman sa kung kaya ko bang ipagpatuloy ang aking part-time na gawain, ipinaubaya ko na ito sa Diyos, at handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos.

Isang araw, noong katapusan ng Nobyembre, biglang sinabi sa akin ng superbisor na hindi ko na kailangang gawin ang part-time na gawain, dahil may iba na silang gagawa rito. Nang marinig ko ang balitang ito, hindi ko mailarawan ang naramdaman ko. Medyo nalungkot ako at nag-atubiling bumitaw. Napagtanto ko na mali ang kalagayan ko, kaya agad akong nanalangin sa Diyos. Naisip ko ang salita ng Diyos, “Sa Diyos, at sa kanilang tungkulin, dapat magkaroon ang mga tao ng matapat na puso. Kung mayroon sila nito, sila ay magiging mga taong may takot sa Diyos. Anong klase ng saloobin sa Diyos ang mayroon ang mga taong may matapat na puso? Kahit paano, mayroon silang puso na may takot sa Diyos, isang puso na sumusunod sa Diyos sa lahat ng bagay, hindi sila nagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kasawian, wala silang binabanggit na mga kondisyon, ipinauubaya nila ang kanilang mga sarili sa awa ng Diyos—ito ang mga taong may matapat na puso(“Tanging sa Paghahanap ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Nagagampanan nang Maigi ng Isa ang Kanyang Tungkulin” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Pagkatapos paulit-ulit na pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na gusto ng Diyos ang matatapat na tao, at nais ng Diyos na makita akong tinatrato ang mga tungkulin ko nang may matapat na puso, nagagawa lamang na sumunod, hindi nagpapakana para sa sarili, at nagpapasakop lamang sa Kanyang mga pangangasiwa. Wala pang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang napanatili ang kanilang puwesto sa pamamagitan ng panlilinlang at pagpapakana para sa sarili nila. Salungat nito, tanging ang mga dalisay, matapat, gumagawa ng mga bagay sa praktikal na paraan, at mga masunurin sa Diyos ang nakakapanindigan. Sa sandaling iyon, napagtanto ko na ang sitwasyong ito ay pagsubok sa akin ng Diyos. Tinitingnan ng Diyos ang saloobin ko. Hindi na ako pwedeng magplano at magpakana gaya ng dati. Kailangan kong sumunod sa mga pagsasaayos ng Diyos mula sa puso at pahalagahan ang kasalukuyan kong tungkulin. Gaano man katagal ang tungkuling ito, at anumang iba pang mga tungkulin ang isasaayos ng iglesia para sa akin sa hinaharap, kailangan kong tanggapin at sundin nang may dalisay at matapat na puso, at gawin ang makakaya ko para magampanan ang mga ito nang mabuti. Pagkatapos pag-isipan ang tungkol dito, bigla kong naunawaan na may magagandang layunin ang Diyos sa pagsasaayos ng part-time na trabahong ito na dumating sa akin. Isinaayos ng Diyos ang kapaligirang ito para ibunyag ang aking maling saloobin sa aking tungkulin at ang malalim na nakaugat na layunin na magtamo ng mga pagpapala. Kung wala ang paghahayag ng mga katunayan, hindi ko malalaman ang karumihan sa loob ng pananampalataya ko, at hindi ko malalaman kung anong saloobin sa tungkulin ang naaayon sa kalooban ng Diyos. Ang lahat ng ibinigay sa akin ng Diyos ay isang mahalagang kayamanan. Isa pa, ang biglaang pagbabagong ito sa aking tungkulin ay nagpahintulot sa akin na makita ang isang katunayan: Ang Diyos ay kataas-taasan sa lahat ng bagay, at kung anong tungkulin ang ginagampanan ng isang tao at kung kailan nila ito ginagampanan ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Isa itong bagay na hindi mahuhulaan ng mga tao at hindi mababago. Pero katulad ako ng isang walang pananampalataya, hindi alam ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nais na panatilihin ang lahat ng aking tungkulin sa pamamagitan ng sarili kong pagsisikap. Napakahangal ko at napakamangmang! Paano ko nagagawang umasa na mapanatili ang isang partikular na tungkulin na gusto kong gampanan? Sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos ako makapamumuhay nang maginhawa at malaya. Pagkaraan ng maikling panahon, isinaayos ng iglesia na gumawa ako ng ibang part-time na gawain, pero sa pagkakataong ito, hindi ko na inisip kung magtatagal ba ang tungkulin. Sa halip, nais ko lamang na pagsikapang gawin nang maayos ang tungkulin ko, hanapin at isagawa ang katotohanan sa aking tungkulin, lutasin ang aking tiwaling disposisyon, magpunyaging isabuhay ang isang tunay na wangis ng tao, at makamit ang tunay na pagsunod at katapatan sa Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ano ang Kahulugan ng Tunay na Pagbabago?

Inihahalintulad ko ang mga doktrinang tinaglay ko bilang aking sariling kapital, ngunit hindi binigyang pansin ang pag-unawa sa sarili, sa paghahanap ng pagpasok, sa pagkakamit ng katotohanan. At paano kaya ako magkakaroon ng pagbabago sa aking disposisyon sa buhay? Ang praktikal na gawain at mga salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng lahat ng katotohanan na kailangan natin at nais Niyang maunawaan natin ang katotohanang iyon

Ang Hirap ng Pagbabalatkayo

Ni Mu Chen, TsinaIsang araw noong 2018, inatasan ako ng lider ko na suportahan ang isang bagong tatag na iglesia. Nang matanggap ko ang...