Kailangan ba ng Katayuan Para Maligtas?
Sa loob ng maraming taon, ginagampanan ko ang tungkulin ko nang malayo sa tahanan, at ako ang responsable sa gawain ng iglesia. Bagama’t mayroon akong congenital heart disease, hindi ako nagkaroon ng anumang malalang problema sa kalusugan kailanman. Pero dahil may edad na ako nitong nakalipas na dalawang taon, iba na talaga ako kaysa dati sa pangangatawan at isipan. Pagod na pagod ang pakiramdam ko kinabukasan kapag napuyat ako nang kaunti sa gabi, nanghihina ang buong katawan, at masakit ang puso ko. Noong Agosto ng 2021, isinaalang-alang ng lider ang kalagayan ko at natakot na hindi na kayanin ng katawan ko ang malaking stress sa tungkulin bilang isang lider, kaya pinauwi niya ako para maingatan ko ang kalusugan ko at magawa ang anumang tungkuling kaya ko. Sumama talaga ang loob ko nang marinig ko ito. Naisip ko, “Mahalagang panahon ito para makaipon ng mabubuting gawa sa isang tungkulin. Dahil nalipat ako, at naging karaniwang mananampalataya na lang sa halip na isang lider, iilan na lang ang pagkakataon kong magsagawa, mas babagal ang pagkatuto ko ng katotohanan at pagpasok sa realidad, kaya liliit ang posibilidad na maligtas ako. Hindi na iyon parang pagiging isang lider, na laging lumulutas ng iba’t ibang isyu at paghihirap ng mga kapatid, mabilis na natututo at pumapasok sa mga katotohanan, na may mas malaking posibilidad na maligtas. Ginagamit ba ng Diyos ang sitwasyong ito para ilantad at alisin ako?” Lalong sumama ang loob ko nang maisip ko iyon, at hindi ko napigilang umiyak. Kalaunan, nagbahagi sa akin ang isang sister nang malaman niya ang kalagayan ko. Sabi niya sa akin, “Ang mabuting kalooban ng Diyos ay nakapaloob dito, at kapag hindi natin nauunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangan muna nating magpasakop, magdasal, at maghanap pa, pero hindi tayo maaaring magkamali sa pag-unawa o magreklamo.” Ipinaalala sa akin ng kanyang pagbabahagi na ang sitwasyong ito ay hindi basta na lang nangyari, kundi dapat ay may katotohanan akong hanapin at pasukin, at na dapat akong magpasakop. Pero masama pa rin talaga ang loob ko. Nang magising ako sa gabi at maisip ko iyon, nagpabiling-biling lang ako sa paghiga, hindi ako makatulog, paulit-ulit kong iniisip na, “Naniniwala na ako sa lahat ng taong ito, at nang sumapit ang gawain ng Diyos sa mahalagang sandali nito, nawalan ako ng pagkakataong maglingkod bilang isang lider. Isa lang akong karaniwang mananampalataya. May pag-asa pa rin ba akong maligtas at magawang perpekto?” Gusto ko pa ring patuloy na maglingkod bilang isang lider, pero natakot ako na baka lumala ang karamdaman ko at maapektuhan ang gawain ng iglesia. Hindi maaaring sarili ko lang ang isipin ko at ilagay sa panganib ang gawain ng iglesia. Nang lalo ko itong isipin, lalo akong namroblema. Hindi ko alam kung paano ko dapat lampasan ito.
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos na naghayag kung paano pinangangasiwaan ng mga anticristo ang mga pagbabago sa kanilang tungkulin, at may kaunti akong naunawaan tungkol sa aking sarili. Sabi ng Diyos: “Kapag may ginagawang mga pag-aakma sa kanilang mga tungkulin, kahit papaano, dapat magpasakop ang mga tao, makinabang sa pagninilay sa kanilang sarili, pati na rin magkaroon ng tumpak na pagsusuri kung kuwalipikado ba ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Subalit hindi ganito para sa mga anticristo. Iba sila sa mga normal na tao, kahit ano pa ang mangyari sa kanila. Ano ang ipinagkaiba nila? Hindi sila sumusunod, hindi sila maagap na nakikipagtulungan, ni hindi sila naghahanap ng katotohanan kahit katiting. Sa halip, inaayawan nila ito, at tinututulan ito, sinusuri ito, pinagninilay-nilayan ito, at nagsasapantaha nang husto ukol dito: ‘Bakit hindi ako pinapayagang gawin ang tungkuling ito? Bakit ako inililipat sa isang hindi mahalagang tungkulin? Paraan ba ito para ibunyag ako at palayasin ako?’ Paulit-ulit nilang iniisip ang mga nangyari, walang tigil na sinusuri ito at pinag-iisipan itong mabuti. Kapag walang nangyari, ayos na ayos lang sila, pero kapag may nangyari nga, nagsisimulang maging maligalig ang kanilang puso, at napupuno ng mga katanungan ang kanilang isip. Maaaring sa hitsura nila ay mukhang mas mahusay sila kaysa sa iba sa pagninilay sa mga isyu, pero sa totoo lang, mas masama lang ang mga anticristo kaysa sa mga normal na tao. … Hindi kailanman sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at palagi nilang mahigpit na iniuugnay ang kanilang tungkulin, kasikatan, at katayuan sa mga inaasam nilang pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang matamo ang mga pagpapala at gantimpala, at pakiramdam nila ay katulad ito ng mawalan ng buhay. Iniisip nila, ‘Kailangan kong mag-ingat, hindi ako dapat maging pabaya! Ang sambahayan ng Diyos, ang mga kapatid, ang mga lider at manggagawa, at maging ang Diyos ay hindi maaasahan. Hindi ko mapagkakatiwalaan ang sinuman sa kanila. Ang taong pinakamaaasahan mo at ang pinakakarapat-dapat mong pagkatiwalaan ay ang iyong sarili. Kung hindi ka nagpaplano para sa iyong sarili, sino ang mag-aasikaso sa iyo? Sino ang mag-iisip sa kinabukasan mo? Sino ang mag-iisip kung makatatanggap ka ba ng mga pagpapala o hindi? Kaya, kailangan kong magplano at magkalkula nang maingat para sa sarili kong kapakanan. Hindi ako pwedeng magkamali o maging pabaya kahit kaunti, kung hindi, ano ang gagawin ko kung may sumubok na manamantala sa akin?’ Kaya, nagiging mapagbantay sila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos, natatakot na may makakilatis o makahalata sa kanila, at na pagkatapos ay matatanggal sila at masisira ang mga pinapangarap nilang pagpapala. Iniisip nila na dapat nilang panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan, dahil sa tingin nila ay ito lamang ang kanilang pag-asa sa pagkamit ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan mismo, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin pa, samantalang ang pagtatamo ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala ng Diyos, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili. Kaya kapag binago nang kaunti ang kanyang tungkulin, kung promosyon ito, iisipin ng isang anticristo na may pag-asa siyang pagpalain. Kung ito ay demosyon, mula sa pagiging lider ng grupo pababa sa pagiging katuwang na lider ng grupo, o mula sa katuwang na lider ng grupo pababa sa pagiging karaniwang miyembro ng grupo, inaasahan nilang ito ay magiging isang malaking problema, at pakiramdam niya ay isa itong malaking problema at sa tingin niya ay maliit ang pag-asa niyang magtamo ng mga pagpapala. Anong uri ng pag-iisip ito? Tama bang pag-iisip ito? Talagang hindi. Katawa-tawa ang pananaw na ito!” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). “Sa kanilang mga puso, palaging itinutumbas ng mga anticristo kung gaano kataas o kababa ang kanilang katayuan sa kung gaano kalaki o kaliit ang mga pagpapala nila. Kabilang man ito sa pamilya ng Diyos o sa iba pang grupo, para sa kanila, mahigpit na inilalarawan ang katayuan at klase ng mga tao, maging ang kanilang kahihinatnan sa huli; kung gaano kataas ang posisyon ng isang tao at kung gaanong kapangyarihan ang hawak niya sa sambahayan ng Diyos sa buhay na ito ay katumbas ng laki ng mga pagpapala, gantimpala at ng putong na tatanggapin niya sa kabilang buhay—tuwirang nakatali ang mga ito sa isa’t isa. Makatwiran ba ang gayong pananaw? Hindi ito kailanman sinabi ng Diyos, ni hindi Niya kailanman ipinangako ang anumang bagay na kagaya nito, pero ganito ang uri ng pag-iisip na uusbong sa kalooban ng isang anticristo. … Hindi ba ninyo masasabing may kaunting problema sa pag-iisip ang mga taong gaya ng mga anticristo? Sukdulan ba silang masasama? Kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, hindi sila nakikinig, ni hindi nila ito tinatanggap. Inaakala nila na anuman ang iniisip at pinaniniwalaan nila ay tama, at dito, nasisiyahan sila, nagagalak at humahanga sa kanilang sarili. Hindi nila hinahanap ang katotohanan o sinisiyasat kung iyon nga ang sinasabi sa mga salita ng Diyos, o kung iyon ang ipinangako ng Diyos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Ipinapakita ng mga salita ng Diyos na ang mga anticristo ay sumasampalataya lamang para sa mga pagpapala at gantimpala. Nilalagyan nila ng ranggo ang iba’t ibang tungkulin, lubhang inuugnay ang mataas o mababang katayuan sa mas marami o mas kaunting pagpapalang maaaring matanggap. Iniisip nila na kung walang katayuan, halos wala silang anumang pagkakataong maligtas, kaya sinisisi, hindi nauunawaan, at nilalabanan pa nila ang Diyos. Inaalala lang nila ang sarili nilang mga interes at kung maaari silang magtamo ng pagpapala o hindi, pero hindi sila naghahanap ng katotohanan o natututo ng mga aral kahit kailan. Bukod pa riyan, wala talaga silang anumang takot o pagpapasakop sa Diyos sa kanilang puso, kundi likas silang masasama at mapanlinlang. Batay sa ugali ko, tulad lang ako ng isang anticristo. Inuugnay ko ang aking katayuan sa laki ng aking mga pagpapala, at lagi kong iniisip na ang hindi pagiging lider ay nangangahulugan na wala akong katayuan at na wala akong pag-asang maligtas o makatanggap ng mga pagpapala. Dahil dito, hindi ko kayang maasikaso nang wasto kahit ang isang normal na pagbabago sa tungkulin at napakarami kong iniisip. Pero sa katunayan, isinasaayos ng iglesia ang tungkulin ng bawat tao ayon sa mga prinsipyo at sa kanilang aktuwal na sitwasyon. Mayroon akong mga problema sa kalusugan. Napakaraming kailangang asikasuhin ang mga lider, maraming stress, at hindi iyon makaya ng katawan ko. Magdurusa ang tungkulin ko. Makabubuti kapwa para sa akin at sa gawain ng iglesia ang isinasaayos ng iglesia na kaya kong gawin. Pero naghinala ako at nag-alinlangan. Ang una kong naisip sa hindi pagiging lider ay na maliit ang pag-asa kong maligtas. Nang maisip ko na hindi ako mapagpapala at maiiwan akong walang magandang hantungan, pakiramdam ko ay parang nawala ang tanging pag-asa ko sa pananampalataya. Bigla akong lubusang nawalan ng gana at medyo naging negatibo. Nakita ko na hindi ko ibinatay ang mga bagay-bagay sa mga katotohanang prinsipyo, kundi ibinatay ko ang mga iyon sa kung makikinabang ako mula sa mga iyon. Nang hindi natugunan ang sarili kong mga ambisyon at hangarin, inakala ko na ginagamit ng Diyos ang sitwasyong iyon para palayasin ako. Nakita ko na talagang mapanlinlang ako. Iniisip ko na ang Diyos ay tulad lang ng tiwaling sangkatauhan, hindi patas o hindi makatarungan. Inakala ko na sinukat Niya tayo at ipinasya ang ating mga kahihinatnan batay sa taas ng ating katayuan o tungkulin. Inakala ko na kung may katayuan ang mga tao, papaburan sila at ililigtas ng Diyos, pero kung hindi ay hindi Niya sila ililigtas. Hindi ba pagtatatwa iyon sa pagiging matuwid ng Diyos at paglapastangan sa Kanya? Pagkaraan ng maraming taon na iyon ng pananalig, nakita ko na hindi ko talaga naunawaan o sinunod ang Diyos. Kung hindi ako inilantad ng mga katunayan, hindi ko sana natanto kung gaano kamali ang aking pananaw tungkol sa paghahangad ko.
Nabasa ko kalaunan ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na tumulong sa akin na makita ang aking maling pananaw. Sabi sa mga salita ng Diyos: “Hindi maliwanag sa maraming tao ang ibig sabihin ng maligtas. Naniniwala ang ilang tao na kung maraming taon na silang naniniwala sa Diyos, mas malamang na maligtas sila. Iniisip ng ilang tao na kung nauunawaan nila ang maraming espirituwal na doktrina, mas malamang na maligtas sila, o iniisip ng ilan na tiyak na maliligtas ang mga lider at manggagawa. Ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang susi ay dapat maunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng kaligtasan. Ang maligtas ay nangangahulugang, unang-una, na makalaya mula sa kasalanan, makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas, at tunay na bumaling sa Diyos at sumunod sa Diyos. Ano ang dapat ninyong taglayin para makalaya mula sa kasalanan at mula sa impluwensiya ni Satanas? Ang katotohanan. Kung hangad ng mga taong matamo ang katotohanan, dapat silang masangkapan ng marami sa mga salita ng Diyos, dapat magawa nilang maranasan at maisagawa ang mga ito, nang sa gayon ay maunawaan nila ang katotohanan at makapasok sa realidad. Saka lamang sila maaaring maligtas. Kung maliligtas man o hindi ang isang tao ay walang kinalaman sa kung gaano katagal na siyang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming kaalaman ang mayroon siya, kung nagtataglay siya ng mga kaloob o kalakasan, o kung gaano siya nagdurusa. Ang tanging bagay na may direktang kaugnayan sa kaligtasan ay kung kaya bang matamo ng isang tao ang katotohanan o hindi. Kaya sa kasalukuyan, gaano karaming katotohanan ang tunay na naunawaan mo? At gaano karami sa mga salita ng Diyos ang isinabuhay mo? Sa lahat ng hinihingi ng Diyos, alin ang nakamit mo ang pagpasok? Sa mga taon ng paniniwala mo sa Diyos, gaano ka na nakapasok sa realidad ng salita ng Diyos? Kung hindi mo alam, o kung hindi mo nakamit ang pagpasok sa realidad ng anumang salita ng Diyos, kung gayon ay sa totoo lang, wala kang pag-asa sa kaligtasan. Imposibleng maligtas ka” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos). “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan. Samakatuwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan nang gayon para sa katuwiran ng Diyos at bilang ganti sa kanilang maraming masasamang gawa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Naantig talaga ako sa mga siping ito. Nakita ko na walang kinalaman ang maligtas sa pagiging lider o pagkakaroon ng katayuan. Ang kaligtasan ay tungkol sa pagwawaksi ng mga disposisyon ni Satanas at pagpapasakop sa Diyos. Yaon lamang mga nagsasagawa ng katotohanan, nabago ang kanilang tiwaling disposisyon, nagpapasakop sa Diyos at namumuhay ayon sa Kanyang mga salita ang tunay na maliligtas. Anumang tungkulin ang ating ginagawa, basta’t maaari nating tanggapin ang katotohanan, nagtutuon sa pagninilay sa sarili kapag pinupungusan at iwinawasto tayo, alam natin ang ating mga katiwalian at pagkakamali sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nagsisisi tayo at nagbabago, sa pamamagitan ng paghahangad na iyon ay maaari tayong magtamo ng katotohanan at maligtas. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao o gaano man siya nagdurusa, kung hindi siya naghahanap ng katotohanan, paaalisin siya. Tulad ni Pablo. Bagama’t napakataas ng kanyang katayuan at sikat na sikat siya, at maraming nagawa, lahat ng pagsisikap na ginugol niya sa gawaing kanyang ginawa ay para magtamo ng mga pagpapala at gantimpala. Hindi niya kailanman hinangad ang katotohanan o pagbabago ng disposisyon. Wala siyang anumang pagkaunawa sa kanyang sarili o sa Diyos sa huli. Lagi siyang nagpapatotoo tungkol sa kanyang sarili, at kung gaano siya nagdusa para sa Panginoon. Ipinagmalaki niya na “Hindi ako huli sa lubhang mga dakilang apostol” (2 Corinto 11:5), at walang kahihiyan pang ipinagyabang na “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:8). Ang makayang bigkasin ang gayong erehiya na isa siyang buhay na Cristo, ay lumabag sa disposisyon ng Diyos at pinarusahan siya ng Diyos. Pero walang pakialam si Pedro tungkol sa paghahangad ng katayuan sa kanyang pananampalataya. Hinangad lang niyang makilala ang Diyos at magpasakop sa Kanya. Hinangad niyang isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, malaman ang kanyang tiwaling disposisyon, at sa huli’y ipinako siya nang patiwarik para sa Diyos. Nagpasakop siya hanggang kamatayan, at minahal niya ang Diyos nang sukdulan. Ipinapakita nito sa atin na ang pagkakaroon ng mataas na katayuan at paggawa ng malaking tungkulin ay hindi isang kundisyon o pamantayan para maligtas. Ang isang taong may katayuan na hindi naghahanap ng katotohanan kundi madalas lumaban sa Diyos, na walang anumang tunay na patotoo tungkol sa pagsasabuhay ng mga salita ng Diyos, ay nakatakdang paalisin. Kahit walang mataas na katayuan ang isang tao, pero nasa tamang landas siya at naghahanap ng katotohanan, maaari pa rin siyang magtamo ng katotohanan at maligtas ng Diyos. Gumanda nang husto ang pakiramdam ko nang matanto ko iyon. Naging handa akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at mahinahong tanggapin ang pagbabago sa tungkulin.
Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan na mas nagpaunawa sa akin ng kalooban ng Diyos. Sabi sa mga salita ng Diyos: “Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan. Ang mga itinataas ng ranggo at nililinang ay hindi gaanong nakahihigit sa iba. Ang lahat ay naranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng halos parehong panahon. Ang mga hindi pa naitataas ng ranggo o nalilinang ay dapat ding maghangad sa katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Walang sinumang maaaring magkait sa iba ng karapatang hanapin ang katotohanan. Ang ilang tao ay mas masigasig sa paghahanap nila ng katotohanan at may kaunting kakayahan, kaya sila itinataas ng ranggo at nililinang. Ito ay dahil sa mga kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Bakit may gayong mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos sa pagtataas ng ranggo at paggamit ng mga tao? Dahil may pagkakaiba-iba sa kakayahan at personalidad ng mga tao, at pumipili ang bawat tao ng magkakaibang landas, ito ay humahantong sa magkakaibang kahihinatnan sa pananalig ng mga tao sa Diyos. Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay naliligtas at nagiging mga tao ng kaharian, habang iyong mga hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, na hindi matapat sa kanilang tungkulin, ay itinitiwalag. Nililinang at ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, at sa kung matapat sila sa kanilang tungkulin. Mayroon bang pagkakaiba sa herarkiya ng iba’t ibang tao sa sambahayan ng Diyos? Sa ngayon, walang herarkiya sa katayuan, posisyon, halaga, o titulo ng iba’t ibang tao. Kahit man lang sa panahon na gumagawa ang Diyos para iligtas at gabayan ang mga tao, walang pagkakaiba ang ranggo, posisyon, halaga, o katayuan sa pagitan ng iba’t ibang tao. Ang tanging mga bagay na nagkakaiba ay nasa paghahati ng gawain at sa mga tungkuling ginagampanan. Mangyari pa, sa panahong ito, ang ilang tao, na hindi kasali, ay itinataas ng ranggo at nililinang, at gumaganap ng ilang espesyal na trabaho, samantalang ang ilang tao ay hindi nakakatanggap ng gayong mga oportunidad dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng mga problema sa kanilang kakayahan o sitwasyon sa pamilya. Ngunit hindi ba inililigtas ng Diyos ang mga hindi pa nakatanggap ng gayong mga oportunidad? Hindi iyon ganoon. Mas mababa ba ang kanilang halaga at posisyon kaysa sa iba? Hindi. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan, lahat ay may oportunidad na hanapin at makamit ang katotohanan, at tinatrato ng Diyos ang lahat nang patas at makatwiran” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na sa Kanyang sambahayan, walang mataas o mababang katayuan para sa mga tungkulin dito. Lahat ay tumatanggap ng magkakaibang tungkulin ayon sa pangangailangan ng gawain, pero ang totoo ay pantay-pantay ang lahat sa harap ng katotohanan. Saanman tayo nagsasagawa ng isang tungkulin, may katayuan man tayo o wala, tinutustusan ng mga salita ng Diyos ang bawat isa sa atin. Wala Siyang kinikilingang sinuman dahil sa kanilang katayuan. Isinasaayos ng Diyos ang lahat ng uri ng sitwasyon at kaganapan para sa lahat batay sa kanilang mga pangangailangan, upang maranasan nila ang Kanyang gawain at makapasok sila sa katotohanang realidad. Hindi Niya kailanman inaalisan ang sinuman sa atin ng ating pagkakataong magsagawa at makapasok sa katotohanan. Pantay-pantay ang tingin ng Diyos sa lahat. Ang pagtatamo ng katotohanan o maligtas ng Diyos ay hindi tinutukoy batay sa ating tungkulin, kundi sa ating sariling paghahangad. Hindi nito sinasabi na kung maglilingkod tayo bilang lider, partikular tayong bibiyayaan o bibigyang-liwanag ng Diyos, at na kung tayo ay mga karaniwang mananampalataya, babalewalain Niya tayo. Binibigyang-liwanag at tinutustusan ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang paghahangad at saloobin sa katotohanan. Makikita natin ang Kanyang pagiging matuwid dito. Bagama’t ang mga tao ay may magkakaibang tungkulin at nakakaranas ng iba’t ibang bagay, ang mayabang at mapanlinlang na mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila ay magkakatulad na lahat. Basta’t handa silang maghanap at magsagawa ng katotohanan, at iwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, maaari silang maligtas ng Diyos. Sa kabilang banda, kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi hinahanap o isinasagawa ang katotohanan sa harap ng mga problema, anumang tungkulin ang ginagawa nila o ilan ang pagkakataon nilang magsanay, hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan sa huli at hindi sila maliligtas ng Diyos. Tulad ko, pagkaraan ng mga taon na iyon ng pagka-lider, sa lahat ng katayuan at pagkakataon kong magsanay, gaano karaming katotohanan talaga ang aking natamo? Naisip ko kung paano ako iniwan ng pagbabago sa aking tungkulin na negatibo, may maling pagkaunawa, at nagrereklamo. Hindi ako naging masunurin sa Diyos kahit kaunti at ni wala akong anumang katotohanang realidad. Isang perpektong halimbawa ako. Gayunpaman, patuloy kong inisip nang may kahangalan na kaya kong magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng katayuan. Lubos nang nilamon ng katayuan ang aking isipan. Bagama’t hindi kailanman naging lider ang ilang kapatid, patuloy nilang hinahangad ang katotohanan, may pasanin sa kanilang tungkulin, nakatuon sa paghahanap ng katotohanan sa kanilang tungkulin kapag may nangyayari, at nagsasagawa ng mga katotohanang alam nila. Ang katiwaliang ipinapakita nila ay unti-unting naglalaho at mas lalo silang nagpapasakop sa Diyos. Mayroon silang tunay na patotoo sa pagsasabuhay ng mga salita ng Diyos. Natatamo nito ang pagsang-ayon at pagtanggap ng Diyos. Ipinaalala sa akin niyan ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Kung tapat kang naghahanap, handa Akong ibigay sa iyo nang buong-buo ang daan ng buhay, upang maging tulad ka ng isang isda na naibalik sa tubig. Kung hindi ka tapat na naghahanap, babawiin Ko itong lahat. Hindi Ako handang ibigay ang mga salitang nagmumula sa Aking bibig sa mga yaong ganid sa kaginhawahan, na katulad lamang ng mga baboy at aso!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Minsan ding sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagkat ang bawat mayroon ay bibigyan, at siya’y magkakaroon ng kasaganaan: nguni’t ang wala, pati pa ang nasa kanya ay aalisin sa kanya” (Mateo 25:29). Ang Diyos ay patas at matuwid sa sangkatauhan at walang kinikilingang sinumang tao. Karaniwang mananampalataya man o lider ang isang tao, basta’t hinahanap niya ang katotohanan, maglalaan ang Diyos ng kaliwanagan at pamumuno. Ang mahalaga ay kung may determinasyon ang isang tao na hanapin at isagawa ang katotohanan. Ang pag-unawa rito ay talagang nagbigay-liwanag sa akin. Dati-rati, lagi akong nag-aalala na baka hindi ako magkaroon ng maraming pagkakataong magsagawa kung hindi ako isang lider, at sa gayon ay kakaunti ang pag-asa kong maligtas. Naisip ko pa nga na gusto akong paalisin ng Diyos, na hindi na Niya ako ililigtas. Mga maling pagkaunawa ko ang mga iyon tungkol sa Diyos, at kalapastanganan ito. Wala akong pagkaunawa sa matatapat na layunin ng Diyos. Nang isipin ko talagang mabuti iyon, sa buong panahon na iyon ng pananampalataya ay kontrolado ako ng aking mga maling pananaw, ginagawa ko lang ang aking tungkulin para mapagpala, iniisip na mayroon akong dakilang hangarin. Nalinlang ako sa sarili kong huwad na imahe, at hindi ko pinagnilayan ang aking sarili o hindi ko talaga kilala ang sarili ko. Ang pagbabagong ito sa aking tungkulin ay nagbunyag sa aking maling pananaw sa paghahanap, at sa wakas ay nagawa kong lumapit sa harap ng Diyos para pagnilayan at kilalanin ang aking sarili. Nagtamo ako ng kaunting pagkaunawa sa aking tiwaling disposisyon at mga problema sa aking pananaw, at nakita ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Natutunan ko rin kung sino ang inililigtas ng Diyos at kung sino ang inaalis ng Diyos, at nagtamo ako ng kaunting pagpapasakop sa Diyos. Ang sitwasyong ito talaga ang proteksyon at pagliligtas ng Diyos sa akin.
Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan na tumulong sa akin na makita ang landas ng pagpasok na dapat kong tahakin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang nilalang ng Diyos, dapat hangaring gampanan ng tao ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos, at hangaring mahalin ang Diyos nang hindi pumipili ng iba pa, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Yaong mga naghahangad na mahalin ang Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o hangarin yaong personal nilang inaasam; ito ang pinakatamang paraan ng paghahangad. Kung hinahangad mo ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak. … Kung gagawin kang perpekto o aalisin ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Nakakita ako ng landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Isa akong nilalang, kaya anuman ang isaayos ng Diyos, kailangan kong magpasakop sa Kanyang tuntunin at mga pagsasaayos. Hindi ako maaaring manampalataya at tumupad ng tungkulin para lamang sa mga pagpapala at gantimpala. Maliligtas man ako o hindi sa huli, pagpapalain man ako o hindi, hangga’t nabubuhay ako, dapat kong hanapin ang katotohanan at kaalaman tungkol sa Diyos. Kahit tanggihan ako at paalisin ng Diyos sa huli, iyon ang Kanyang pagiging matuwid. Matapos kong maunawaan ang kalooban ng Diyos, hindi na ako lubhang apektado kung anong tungkulin ang ginampanan ko. Nagawa kong tanggapin nang mahinahon ang mga pagbabago sa aking tungkulin.
Sa pamamagitan ng inilantad ng sitwasyong ito, nalaman ko ang ilang bagay tungkol sa aking mga maling pananaw sa aking pananampalataya. Natutunan ko rin na kung maliligtas ba ang isang tao ay hindi nakasalalay sa kanilang katayuan o kung gaano karaming gawain ang kanilang nagawa. Ang mahalaga ay kung nagtamo ba siya ng katotohanan at isa siyang taong nagpapasakop sa Diyos, at kung may nabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Mula noon, ninais ko na lang na panatilihin ang aking mga paa na nakatapak sa lupa at gawin nang maayos ang aking tungkulin para malugod ang Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.