Pagkamulat Mula sa Paghahangad sa mga Pagpapala

Mayo 11, 2024

Ni Anjing, Tsina

Noong 1994, sumampalataya sa Panginoong Jesus ang aking ina. Sa loob lamang ng tatlong buwan, gumaling na ang sakit niya sa puso, pinakita nito sa akin ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at ang Kanyang pagpapala. Inakala ko na basta’t taimtim akong nananampalataya sa Diyos, poprotektahan Niya ang aming pamilya at ilalayo kami sa karamdaman at kalamidad. Sa ganitong paraan ko sinundan ang aking ina sa pagsampalataya sa Panginoon. Simula noon, aktibo na akong lumalahok sa mga pagtitipon, at nakita ko rin ang mga pagpapala ng Panginoon kapag nagnenegosyo ako; naging labis akong mapagpasalamat.

Noong Hunyo 1, 2002, narinig ko ang ebanghelyo ng pagdating ng Panginoong Jesus, at nalaman kong bumalik ang Diyos sa katawang-tao para gawin sa huling pagkakataon ang pagliligtas sa mga tao. Naisip kong labis akong pinagpala, at na dapat kong samantalahin ang huling pagkakataong ito at masigasig na gawin ang aking tungkulin. Noong Nobyembre ng taong iyon, itinigil ko ang negosyo ko sa pagtotroso at ibinuhos ko ang lahat ng oras ko sa paggawa ng aking tungkulin. Inisip ko, “Hangga’t tapat akong nananampalataya sa Diyos, at hangga’t nagpapakaabala ako at ginugugol ang sarili ko para sa Kanya, pagpapalain Niya ako at titiyakin Niyang magiging maayos ang lahat.” Kaya, nagpakaabala ako sa iglesia mula bukang-liwayway hanggang takip-silim, lagi akong nasisiyahan sa ginagawa ko at hindi ako napapagod. Noong 2012, dinala ko ang aking anak sa sambahayan ng Diyos. Pagkatapos niyon, ginawa ng anak ko ang tungkulin niya sa iglesia kasama ako. Inisip ko: Sa ilang taong iyon, tinalikuran namin ng anak ko ang lahat at ibinuhos ang lahat ng oras namin sa paggugol ng sarili namin para sa Diyos; siguradong makakamit namin ang proteksyon at mga pagpapala ng Diyos. Subalit noong masigasig ko nang ginugugol ang sarili ko para tumanggap ng mas malalaking pagpapala, winasak ng isang biglaang insidente ang pangarap kong magkamit ng mga pagpapala.

Pasado alas-6 ng hapon noong Oktubre 17, 2020, tinawagan ako ng anak ko. Sinabi niya nang may malungkot na boses, “Nay, may sakit ako, pumunta ka na dito agad!” Nang oras na iyon, hindi ako masyadong naniwala, at sinabi ko, “Maayos ka naman nang nakita kita kaninang tanghali; ilang oras pa lang ang nakakalipas, paanong bigla kang nagkasakit?” Nayayamot na sinabi ng anak ko, “Nay, napakalala ng sakit na ito! Bilisan mo, pumunta ka na rito!” Nagmadali ako at sumakay ng taxi papunta sa anak ko. Pagkapasok na pagkapasok ko sa kwarto niya, sinabi ng anak ko, “Nay, hindi ako makatayo. Manhid ang ibabang bahagi ng katawan ko.” Nakita ko ang anak ko, na hindi makagalaw, at nablangko ang isip ko. Agad sinabi ng isang nakababatang brother na nasa tabi niya, “Kailangang isugod na natin siya sa ospital!” Nahimasmasan ako, binuhat namin ang anak ko at pababa na kami sa hagdan, pero parang lantang gulay ang mga binti ng anak ko, at hindi siya makahakbang. Wala na kaming magawa, kaya tumawag kami sa 911 para maisugod siya sa ospital. Sinabi ng doktor, “Batay sa mga sintomas ay Guillain-Barre syndrome ito, pero hindi madaling gamutin ang sakit na ito. Nito lang, may isang nurse na na-diagnose na may ganitong sakit din. Gumastos siya ng 60 o 70 libong yuan pero hindi pa rin siya gumaling; pumanaw pa rin siya.” Sobrang nakakagulat iyon, at biglang nanghina ang mga binti ko. Kinakabahan ako nang sobra, iniisip ko, “Paanong biglang nagkaroon ng gayon kalalang sakit ang anak ko? Nilisan namin ng anak ko ang aming tahanan para gawin ang aming mga tungkulin dito; kaya bakit nangyayari ito? Bakit hindi kami pinrotektahan ng Diyos?” Hindi ako nangahas na paniwalaan ang bagay na ito. Sinabi ng doktor na pumunta na kami kaagad sa pamprobinsyang ospital, dahil mas malaki ang tyansang magamot doon ang sakit ng anak ko. Sumilay ang pag-asa sa puso ko. Pero nang makabalik ako sa kwarto ng anak ko sa ospital at nakita ko siyang nakahiga roon, nanakit ang puso ko. Mayroon lang ako ngayong 20 libong yuan; hindi ito sapat para mapagamot siya! Hindi ko maiwasang sisihin ang Diyos: Napakaraming taon ko nang ginagawa ang tungkulin ko nang malayo sa bahay. Hindi ako kailanman humindi sa anumang tungkuling isinaayos ng iglesia para sa akin. Ganito ko ginugol ang sarili ko; bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ito sa anak ko? Hindi ako mapakali habang nakahiga sa kama, hindi ako makatulog. Walang tigil ang utak ko sa kakaisip, “Hindi naman hahayaan ng Diyos na mamatay ang anak ko, hindi ba? Siguro ay pagsubok ito mula sa Diyos at sinusubukan Niya ang aming pananampalataya? O marahil ay magiging maayos na ang anak ko pagsikat ng araw?” Hindi ako nakatulog sa buong magdamag kakaisip nang ganito hanggang kinabukasan, nang mabilisan kong ipinasa ang aking tungkulin at dinala ang anak ko sa pamprobinsyang ospital. Pagkatapos suriin ng doktor ang kondisyon ng anak ko, sinabi niya sa akin, “Kung titingnan, kahawig ng Guillain-Barre syndrome ang mga sintomas niya, pero kailangang maghintay tayong masuri ito hanggang bukas bago natin gamutin ang sakit. Bantayan mo siyang maigi ngayong gabi; madali siyang mamamatay kapag nahirapan siyang makahinga.” Nang marinig ko ito, nabigla ako. Hindi na ba talaga matatakasan ng anak ko ang kamatayan? Talagang natakot akong hindi na aabutin ng bukas ang anak ko. Habang mas nag-iisip ako, mas natatakot ako, at agad akong nanalangin nang tahimik sa Diyos, “Diyos ko! Pakiusap, iligtas Mo ang anak ko. Makapangyarihan Ka sa lahat, at kung Ikaw ang tutulong sa amin, hindi niya kakailanganing mamatay. Diyos ko, wala na akong ibang hihingin sa Iyo; ang hinihingi ko lang ay protektahan Mo ang anak ko at hayaan siyang mabuhay….” Pagkatapos kong manalangin, mas kumalma na nang kaunti ang puso ko. Nang gabing iyon, walang tigil akong nanalangin sa Diyos, at hindi ko inalisan ng tingin ang anak ko. Tuwing naririnig ko siyang humihingal nang sobra, ginigising ko siya agad. Natatakot akong baka mahirapan siyang huminga. Sa pangatlong araw namin doon, na-diagnose ang anak ko na may acute transverse myelitis. Sinabi ng punong doktor, “Kung hindi man siya mamamatay, magiging paralisado siya o parang lantang gulay.” Nang marinig ko ang mga sinabi ng doktor, halos masiraan na ako ng bait. Naisip ko, “Kung magiging paralisado o lantang gulay siya, hindi ba’t magiging walang saysay na rin ang buhay niya?” Pagkatapos, sinabi sa akin ng nakatalagang doktor na napakadelikado ng paggamit ng mga hormonal drug, at pinapirma niya ako sa isang informed consent form. Nang oras na iyon, naramdaman kong nanginginig ang kamay ko. Kung pipirma ako, natatakot akong may hindi magagandang epekto ang gamot, at katapusan na ng nalalabing buhay ng anak ko. Pero kung hindi naman ako pipirma, katumbas iyon ng pagsuko ko na gamutin ang sakit at ng paghihintay na lang na mamatay na siya. Nang oras na iyon, medyo atubili ako, at inisip ko, “Makapangyarihan-sa-lahat ang Diyos, at nasa mga kamay Niya ang lahat ng bagay, kabilang na ang sakit ng anak ko. Dapat akong kumalma at ipagkatiwala ang lahat ng ito sa Diyos.” Kaya pinirmahan ko ang form. Pagkatapos mabigyan ng mga hormonal drug ang anak ko, sa ikalawang araw ay bumalik na nang kaunti ang pakiramdam ng mga binti at paa niya, at sa ikatlong araw, medyo nakakagalaw na siya. Naging sobrang emosyonal ako, at paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos sa puso ko. Pero ang hindi ko inaasahan ay nang kinaumagahan ng ikaapat na araw, nang iniaabot ko ang telepono ko sa aking anak, biglang ganap na nawalan ng lakas ang kamay niya at ang lakas ng tunog ng pagkakabagsak ng telepono sa higaan. Nang makita ko ito, natigilan ako: Anong nangyayari? Bakit biglang naging mas malubha ang kondisyon niya? Agad kong tinawag ang doktor, at sinabi ng doktor, “Paparalisahin ng virus na ito ang anumang bahagi ng katawan na pasukin nito. Ngayon, napasok na nito ang itaas na bahagi ng katawan, at kung aakyat pa ito nang kaunti, papasukin na nito ang utak. Kung magpapatuloy ito, talagang magiging lantang gulay na siya. Kailangang paghandaan mo ito.” Nang marinig ko ang mga salitang ito, sobra akong nayanig. Naisip ko, “Kung magiging lantang gulay siya, hindi ba’t parang namatay na rin siya?” Natakot ako, at dali-dali akong nanalangin nang tahimik sa Diyos, “Diyos ko, napakabata pa ng anak ko. Sa loob ng ilang taong ito, lagi niyang ginagawa ang tungkulin niya sa iglesia. Pakiusap, protektahan Mo siya. Ipinagkakatiwala ko ang anak ko sa Iyo; Ikaw na ang bahala kung mabubuhay o mamamatay siya.”

Kalaunan, nawala na ang panganib sa buhay ng anak ko, at napigilan na din ang pagpasok ng virus sa utak niya. Nakakita ako ng pag-asa at lumuluha akong nagpasalamat sa Diyos sa panalangin. Pagkatapos magpatuloy nang ganito ang mga bagay-bagay sa loob ng kalahating buwan, iminungkahi ng doktor na lumipat na kami sa isang rehabilitation center para manumbalik na ang paggalaw ng katawan niya. Noong makarating na kami sa rehabilitation center, sinabi ng doktor, “Ang unang tatlong buwan ang pinakamainam na panahon para makabawi siya mula sa sakit na ito. Dahil sa lala ng sakit ng anak mo, mababa ang posibilidad na makatayo siyang muli. Kung hindi siya makakatayo sa loob ng susunod na tatlong buwan, hindi na talaga siya makakatayo pang muli.” Isang araw, sinamahan ko ang anak ko sa kanyang rehab training, at nang makita ko siyang paralisado sa higaan at mukhang nababalisa, lalong bumigat ang kalooban ko. Naisip ko, “Napakasaya kong nanampalataya sa Diyos, at ang inasam ko lang ay ang ingatan Niya kami ng anak ko. Hindi ko kailan man naisip na biglang babagsak ang anak ko at hindi makakagalaw, at ngayon ay wala man lang katiyakan kung makakatayo ba siyang muli. Kailan kaya matatapos ang lahat ng ito?” Naisip ko ang isang bagay na ipinaalala sa akin ng isang sister: “Hindi aksidente na biglang nagkaroon ng gayon kalalang sakit ang anak mo. Minsan, ginagamit ng Diyos ang isang partikular na sitwasyon para linisin ang tiwaling disposisyong nasa loob natin.” Inisip ko kung ano kaya ang mismong layunin ng Diyos, at dinampot ko ang aking telepono at nagbasa ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking mga kapangyarihan upang itaboy ang masasamang espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming naniniwala sa Akin para maiwasang magdusa sa impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad na magkamit ng anuman sa mundong darating. Nang ibuhos Ko ang Aking matinding galit sa tao at bawiin ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati niyang taglay, nagsimulang magduda ang tao. Noong ibinigay Ko sa tao ang pagdurusa ng impiyerno at binawi ang mga pagpapala ng langit, ang kahihiyan ng tao ay naging galit. Noong hilingin ng tao na pagalingin Ko siya, hindi Ko siya pinakinggan at namuhi Ako sa kanya; lumayo sa Akin ang tao upang hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Noong alisin Ko ang lahat ng hiningi ng tao sa Akin, naglaho ang lahat ng tao nang walang bakas. Samakatuwid, sinasabi Ko na ang tao ay may pananampalataya sa Akin sapagkat Ako ay nagbibigay ng masyadong maraming biyaya, at masyadong maraming magiging pakinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Labis na naantig ang puso ko sa bawat salita ng Diyos. Inilantad Niya na mali ang mga pananaw ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos, na silang lahat ay may kanya-kanyang mga layunin at mithiin. Humihingi at humihiling sila sa Diyos para magkamit ng biyaya at mga pakinabang mula sa Kanya. Ganoon ako mismo. Sa simula pa lang, nakita ko na magmula nang sumampalataya ang aking ina sa Panginoon, gumaling ang malalang sakit niya sa puso. Nang makita ko mismo ang mga pagpapala ng Diyos ay saka lang ako nagsimulang sumampalataya sa Diyos at tumalikod at gumugol ng sarili ko para sa Kanya. Ginusto ko rin na protektahan at ingatan ako ng Diyos, at tiyakin Niya na magiging maayos ang lahat. Karamdaman, kalamidad, o kahit na anong paghihirap man ang makaharap ko, lagi akong humihingi ng tulong sa Diyos. Itinuring ko ang Diyos bilang aking silungan. Pagkatapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, mas lalo akong naging handang magpakaabala at gugulin ang sarili ko para sa Kanya, inaakalang kung maghahangad ako nang ganito, tiyak na tatanggap ako ng mas malalaking pagpapala mula sa Diyos. Pero nang magkasakit nang malubha ang anak ko at posible pa nga siyang mamatay o maparalisa, hindi ko ito matanggap, at nagreklamo ako sa Diyos, nangatwiran sa Kanya, at inisa-isa ko ang ginawa ko para sa Kanya. Kinuwenta ko kung gaano ko iginugol ang sarili ko dati, at ginamit ko iyon bilang kapital para hingin sa Diyos na pagalingin ang sakit ng anak ko, inaakala ko talagang gagawin iyon ng Diyos. Katulad lang ako ng mga taong nasa relihiyon na itinuring ang mga sarili nila na mga sanggol sa mga kamay ng Diyos; itinuring ko ang Diyos bilang Diyos na tumutugon sa bawat daing ng mga tao at nagkakaloob lamang ng biyaya at mga pagpapala sa mga tao. Basta’t may hinihingi ako sa Kanya, dapat Niya akong tugunan. Kahit na sumusunod ako sa Makapangyarihang Diyos, hindi ba’t ang paraan ko ng pananampalataya ay katulad ng sa mga taong nasa relihiyon? Katulad ito sa Kapanahunan ng Biyaya, nang pakainin ng Panginoong Jesus ang limang libong katao gamit lamang ang limang tinapay at dalawang isda. Gusto lang ng mga taong ito na tumanggap ng mga pakinabang mula sa Diyos. Hindi nila kilala ang Diyos, at hindi sila kailanman interesado sa mga katotohanang ipinahayag Niya o sa gawaing ginawa Niya. Hindi dininig ng Diyos ang mga taong ito, na tinutugunan lamang ang mga pangangailangan ng laman nila at hindi Niya ginagawa ang gawain ng pagliligtas sa kanila. Ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw ay hindi ang gawain ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo, bagkus ay ang gawain ng pagpapahayag sa mga katotohanan upang hatulan at dalisayin ang mga tao, nang sa gayon ay maiwaksi nila ang kanilang katiwalian at makamit ang pagliligtas ng Diyos. Pero nananampalataya na ako sa Diyos sa loob ng maraming taong ito para lang tumanggap ng mga pagpapala at pakinabang. Ang ganitong uri ng paghahangad ay laban sa gawain ng Diyos, kaya paano ako maliligtas? Sa panahong ito, naunawaan ko na pinahintulutan ng Diyos ang sakit ng anak ko, ito ay para tulungan akong hanapin at pasukin ang katotohanan. Gayunpaman, hindi ko naunawaan ang gawain ng Diyos, at hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos upang makamit ko ang katotohanan, gusto ko lang na protektahan at pagpalain Niya ang anak ko para gumaling agad ito sa lalong madaling panahon. Katulad ako ng mga tao sa relihiyon na naghanap ng tinapay para mabusog; katulad ng sa walang pananampalataya ang diwa ko! Hindi na ako pwedeng humingi nang hindi makatwiran sa Diyos. Gaano man lumala ang kondisyon ng anak ko, handa akong magpasakop at maranasan ang gawain ng Diyos.

Mula noon, araw-araw ay anim na klase ng rehab training ang kinailangang gawin ng anak ko. Tuwing makakatapos siya ng isang training, pawis na pawis siya. Pagkatapos ng mga kalahating buwan, bumalik na nang kaunti ang pakiramdam sa mga braso at binti niya. Nakakita ako ng pag-asa, at araw-araw akong umaasa na may himalang mangyayari, umaasa ako na isang araw ay muling makakatayo ang anak ko. Pero hindi nangyari ang inaasam ko.

Isang araw, sinamahan ko ang anak ko sa training, at nadumi siya sa salawal niya. Noon, labis akong nalulungkot kapag nangyayari ang ganoong eksena. Kahit wala na sa panganib ang buhay ng anak ko, nakasuot pa rin siya ng urinary pouch at diaper araw-araw. Napakasakit mamuhay nang ganito! Higit 30 anyos pa lang ang anak ko, napakabata pa niya; paano siya makakapagpatuloy nang ganito sa hinaharap? Nakaramdam ako ng kaunting kalungkutan sa puso ko, kaya lumapit ako sa Diyos at tahimik na nanalangin sa Kanya, “Diyos ko! Kung hindi maaalagaan ng anak ko ang sarili niya, ano na ang mangyayari sa kanya sa hinaharap? Diyos ko, nananalig ako sa kapangyarihan Mo. Kung muling makakatayo ang anak ko, mas lalo talaga akong magsisikap at masigasig kong gagawin ang tungkulin ko.” Napagtanto ko na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos ang ganoong panalangin. Kaya pinagnilayan ko ang sarili ko. Sinabi ko na handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, kaya bakit humihingi na naman ako sa Diyos? Sa pagkakataong ito, naalala ko ang mga salita ng Diyos. “Inaasam ninyo na kalugdan kayo ng Diyos, subalit napakalayo ninyo sa Diyos. Ano ang problema rito? Ang mga salita lamang Niya ang tinatanggap ninyo, ngunit hindi ang pagpupungos Niya, lalong hindi ninyo magawang tanggapin ang bawat pagsasaayos Niya, ang magkaroon ng ganap na pananampalataya sa Kanya. Kung gayon, ano ang problema rito? Sa huling pagsusuri, ang inyong pananampalataya ay isang basyong balat ng itlog, iyong hindi kailanman makabubuo ng sisiw. Sapagkat hindi nakapagdala sa inyo ng katotohanan o nakapagbigay sa inyo ng buhay ang inyong pananampalataya, bagkus ay nakapagbigay ito sa inyo ng mapanlinlang na pakiramdam ng pagtustos at pag-asa. Itong pakiramdam ng pagtustos at pag-asa ang layunin ng paniniwala ninyo sa Diyos, hindi ang katotohanan at ang buhay. Kaya’t sinasabi Ko na ang landas ng inyong pananampalataya sa Diyos ay walang iba kundi ang subukang magpalakas sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapaalipin at kawalan ng kahihiyan, at sa kahit anong paraan ay hindi maipapalagay na totoong pananampalataya. Paano isisilang ang isang sisiw sa pananampalatayang tulad nito? Sa madaling salita, ano ang magagawa ng pananampalatayang tulad nito? Ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos ay gamitin Siya upang makamit ang inyong mga layunin. Hindi ba ito dagdag na katotohanan na nagkakasala kayo laban sa disposisyon ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naramdaman kong namumula ang mga pisngi ko. Pinaramdam sa akin ng mga salitang ito na para bang hinahatulan ako ng Diyos nang harap-harapan. Nang sabihin ng doktor na malamang ay hindi na magagamot ang sakit ng anak ko, iniasa ko na sa Diyos ang lahat, nagsabi ako ng magagandang salita para paboran Niya ako at para mabola ko Siya. Nang pinrotektahan ng Diyos ang anak ko at inilayo siya mula sa bingit ng kamatayan, masaya ko Siyang pinasalamatan. Nabuhay pa rin ang anak ko, pero may posibilidad naman na siya ay maparalisa o maging lantang gulay, at muli, hiningi ko sa Diyos na huwag tulutang maging lantang gulay ang anak ko, naging sakim pa nga ako sa paghiling sa Diyos, na kung bibigyang-kakayahan Niyang maalagaan ng anak ko ang sarili nito, tiyak na masigasig kong gagawin ang tungkulin ko at susuklian ko ang pagmamahal Niya. Nakita ko na ang walang kahihiyan kong paghingi ng pabor sa Diyos ay para lamang sa pagkamit ko ng sarili kong mga layon. Masyado talaga akong kasuklam-suklam! Ang naging pagtingin ko sa Diyos ay pareho ng pagtingin ko sa tiwaling sangkatauhan, inakala ko na gusto Niya ang binobola-bola Siya. Inakala ko na basta’t nagsasabi ako ng ilang magandang salita, matutuwa ang Diyos at pagkatapos ay bibigyan Niya ako ng mga gantimpala, at gagaling na ang sakit ng anak ko. Banal at tapat ang Diyos, at ang gusto Niya ay gamitin ng mga tao ang puso at katapatan nila sa pagsamba sa Kanya, ang ituring nila ang Diyos nang may sinserong puso, pero binola at hiningan ko ng pabor ang Diyos alang-alang sa mga personal kong layon. Ito ay isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Sa pagkakataong ito, naranasan ko mismo ang pagsasaalang-alang ng Diyos. Kung hindi Niya isinaayos ang gayong mga sitwasyon, hindi ko kailanman makikita na ang pananampalataya ko sa loob ng maraming taong ito ay para lamang maging ligtas at mapagpala. Kahit manampalataya pa ako sa Diyos nang ganito sa buong buhay ko, hindi ko kailanman makakamit ang katotohanan at buhay. Para sa akin, ang mga pangyayaring ito ay isang napakadakilang pagliligtas at pagpapakita ng awa. Nang mapagtanto ko ito, lumuha akong batid ang pagkakautang ko at nang may pagsisisi. Nagsisi ako na lubha akong naghimagsik, nanghingi ng pabor, at na ginamit ko ang Diyos; hindi ko Siya tinrato bilang Diyos. Gayunman, hindi ako tinrato ng Diyos ayon sa kung ano ang ginawa ko, kundi ginamit Niya ang Kanyang mga salita para gabayan akong maunawaan ang layunin Niya. Sa pagkakataong ito, mas lalo pa akong nahiya na matanggap ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, maaalagaan man ng anak ko ang sarili niya sa hinaharap o hindi, handa akong magpasakop, hanapin ang katotohanan at danasin ang mga salita at gawa Mo, at matuto ng aral mula sa mga sitwasyong ito.”

Isang araw, habang sinasamahan ko ang anak ko sa kanyang training, hindi sinasadyang bumalik sa isipan ko ang lahat ng ala-ala ng aking pananampalataya sa Diyos: Nang gumaling ang malalang sakit sa puso ng aking ina, nanghingi ako ng mga pagpapala sa Panginoon. Nang magnegosyo ako, umasa rin akong gagawing maayos ng Panginoon ang lahat ng bagay. Pagkatapos kong tanggapin ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, tumalikod ako at gumugol nang kaunti, pero alang-alang pa rin ito sa paghingi ko ng biyaya at mga pagpapala mula sa Kanya. Pagkatapos, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Naging sukdulang malupit na ang disposisyon ng tao, naging lubos na mapurol na ang kanyang katinuan, at lubusang niyurakan na ng masamang nilalang ang kanyang konsensiya at matagal nang tumigil na maging orihinal na konsensiya ng tao. Hindi lamang walang utang na loob ang tao sa nagkatawang-taong Diyos para sa pagkakaloob Niya ng kayraming buhay at biyaya sa sangkatauhan, bagkus ay naghihinakit pa nga sa Diyos dahil sa pagbibigay sa kanya ng katotohanan; dahil wala ni kaunting interes sa katotohanan ang tao kaya naghihinakit siya sa Diyos. Bukod sa hindi magawa ng taong ialay ang kanyang buhay para sa nagkatawang-taong Diyos, sinusubukan din niyang makakuha ng mga pabor mula sa Kanya, at humihingi ng interes na dose-dosenang beses na mas malaki kaysa sa naibigay na ng tao sa Diyos. Iniisip ng mga taong may gayong konsensiya at katinuan na hindi ito mahalagang bagay, at naniniwala pa rin na masyado na nilang iginugol ang sarili nila para sa Diyos, at na masyadong kakaunti ang naibigay na ng Diyos sa kanila. May mga tao na, matapos magbigay sa Akin ng isang mangkok ng tubig, inilalahad ang kanilang mga kamay at humihiling na bayaran Ko sila para sa dalawang mangkok ng gatas, o, matapos makapagbigay sa Akin ng isang kuwarto para sa isang gabi, humihiling na magbayad Ako ng renta para sa maraming gabi. Sa gayong pagkatao at sa gayong konsensiya, paano ninyo nagagawa pa ring naising magkamit ng buhay? Anong kasuklam-suklam na masasama kayo! Ang ganitong uri ng pagkatao sa tao at ganitong uri ng konsensiya sa tao ang dahilan kung bakit nagpapagala-gala sa buong lupain ang nagkatawang-taong Diyos, na walang mahanap na lugar para masilungan. Silang mga tunay na nagtataglay ng konsensiya at pagkatao ay dapat sumamba at buong pusong maglingkod sa nagkatawang-taong Diyos hindi dahil sa dami ng gawaing nagawa na Niya, nguni’t kahit na wala Siyang ginawang anumang gawain. Ito ang dapat gawin ng mga may maayos na katinuan, at ito ang tungkulin ng tao. Naghahayag pa ang karamihan ng mga tao ng mga kundisyon sa kanilang paglilingkod sa Diyos: Wala silang pakialam kung Siya man ay Diyos o tao, at binabanggit lamang nila ang sarili nilang mga kundisyon, at hinahangad lamang na mabigyang kasiyahan ang sarili nilang mga pagnanais. Kapag nagluluto kayo para sa Akin, naniningil kayo ng bayad para sa serbisyo, kapag tumatakbo kayo para sa Akin, naniningil kayo ng bayad para sa pagtakbo, kapag nagtatrabaho kayo para sa Akin, naniningil kayo ng sahod, kapag nilalabhan ninyo ang Aking mga damit, naniningil kayo ng bayad para sa paglalaba, kapag nagbibigay kayo sa simbahan, naniningil kayo ng pambawi sa gastos, kapag nagsasalita kayo, naniningil kayo ng bayad para sa pagsasalita, kapag namimigay kayo ng mga libro naniningil kayo ng bayad para sa pamamahagi, at kapag nagsusulat kayo, naniningil kayo ng bayad para sa pagsusulat. Yaong pinungusan Ko na ay naniningil pa nga ng kabayaran mula sa Akin, samantalang ang mga napauwi na ay naniningil ng bayad-pinsala para sa pagkasira ng kanilang pangalan; yaong hindi pa kasal ay naniningil ng dote, o ng kabayaran para sa nawala nilang kabataan; yaong kumakatay ng manok ay naniningil ng bayad para sa mangangatay, yaong nagpiprito ng pagkain ay naniningil ng bayad para sa pagpiprito, at yaong nagluluto ng sopas ay naniningil rin ng bayad para rito…. Ito ang inyong matayog at makapangyarihang pagkatao, at ito ang mga pagkilos na idinidikta ng inyong masiglang konsensiya. Nasaan ang inyong katinuan? Nasaan ang inyong pagkatao? Hayaang sabihin Ko sa inyo! Kung magpatuloy kayong gaya nito, titigil Ako sa paggawa sa piling ninyo. Hindi Ako gagawa sa piling ng kawan ng mga hayop na nakadamit-pantao, samakatuwid ay hindi Ako magpapakasakit para sa gayong pangkat ng mga tao na ang magagandang mukha ay nagtatago ng mababangis na puso, hindi Ako magtitiis para sa gayong kawan ng mga hayop na wala ni katiting na posibilidad ng kaligtasan. Ang araw na talikuran Ko kayo ay ang araw na mamamatay kayo, ito ang araw na darating sa inyo ang kadiliman, at ang araw na itatakwil kayo ng liwanag. Hayaang sabihin Ko sa inyo! Hindi Ako kailanman magiging mabait sa isang pangkat na katulad ninyo, isang pangkat na mas mababa pa sa mga hayop! May mga hangganan ang Aking mga salita at pagkilos, at sa ganyan ninyong pagkatao at konsensiya, hindi na Ako gagawa pa, sapagka’t sobrang kulang kayo sa konsensiya, nagdulot na kayo ng matinding sakit sa Akin, at lubos Kong kinasusuklaman ang inyong pag-uugaling nakaririmarim. Hindi kailanman magkakaroon ng pag-asa sa kaligtasan ang mga taong kulang na kulang sa pagkatao at konsensiya; hindi Ko kailanman ililigtas ang gayong walang puso at walang utang na loob na mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Dati, kapag binabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, hindi ko kailanman inihambing ang sarili ko rito at hinamak ko pa nga ang mga taong ito. Inisip kong ang mga taong humihingi at naniningil sa Diyos ay may napakaliit na pagkatao! Nang mabasa ko ang mga salitang ito ngayong araw, namula ang pisngi ko. Para bang sinampal ako: talagang nakakahiya ito. Hindi ba’t ganitong-ganito ako? Magmula nang manampalataya ako sa Diyos, naniwala na ako na iingatan at ilalayo ng Diyos sa sakuna ang pamilya ko. Tinalikuran ko ang lahat upang magkamit ng malalaking pagpapala; ano mang tungkulin ang ginawa ko, kusang-loob ko itong ginawa, at naniwala akong dahil ginugol ko ang sarili ko, bibigyan ako ng Diyos ng biyaya at mga pagpapala. Kagaya lang ito ng pagbili ng insurance para sa sarili ko sa mundong ito. Kung ginamit ko ang puhunan ko para ma-insure, mapoprotektahan ang mga personal kong pag-aari, at dapat kong matanggap ang mga bonus na nararapat sa akin. Gayundin, basta’t ginugugol ko ang sarili ko para sa Diyos, kailangan Niyang tugunan ang lahat ng hinihingi ko. Ginawa kong kapital ang paggawa ko sa aking tungkulin bilang isang nilikha para humingi sa Diyos, at dapat pa nga na maging labis na mas malaki ang mga pagpapala kaysa sa ginugol ko. Nang magkasakit ang anak ko, kinuwenta ko kung gaano karami na ang ginugol ko sa loob ng ilang taong ito, at naniwala akong tiyak na pagagalingin ng Diyos ang sakit na ito ng anak ko. Naging sakim din ako sa paghingi sa Diyos na gumawa Siya ng himala para makatayong muli ang anak ko at maalagaan niya ang sarili niya. Inakala kong hangga’t nananampalataya ako sa Diyos, kailangan Niya akong alagaan at tugunan ang lahat ng hinihingi ko. Kung hindi, magiging hindi matuwid ang Diyos. Ganito ko walang kahihiyan na pinilit ang Diyos at ganito ako humingi sa Kanya nang may labis na kumpiyansa. Wala talaga akong pagkatao at katwiran. Naalala ko si Pablo noong Kapanahunan ng Biyaya, noong tiniis niya ang maraming pagdurusa habang ipinalalaganap ang ebanghelyo pero hindi niya hinangad ang katotohanan o ang pagbabago sa disposisyon. Ginawa niyang isang kondisyon at isang uri ng kapital para makapasok sa kaharian ng langit ang pagdurusa, pagbabayad ng halaga, at ang pagsisikap, humingi siya ng korona ng katuwiran mula sa Diyos. Sinabi niya, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Naniwala si Pablo na kung hindi siya pagkakalooban ng Diyos ng korona, hindi matuwid ang Diyos. Lantaran siyang gumigiit sa Diyos, at dahil doon, nalabag niya ang disposisyon ng Diyos kaya pinarusahan siya. Hindi ba’t katulad na katulad ng kay Pablo ang landas na sinusundan ko? Landas ito ng hindi paghahangad sa katotohanan o ng pagbabago sa disposisyon at paghahangad lamang ito sa pagkamit ng biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos. Napagtanto kong ginamit kong kapital ang mga taon ng aking pagtalikod, paggugol, at pagsisikap, pati na rin ang pagtalikod ng anak ko sa kanyang kabataan at ang hindi niya pag-aasawa matapos na sumampalataya sa Diyos para pilitin ang Diyos. Nang hindi tinugunan ng Diyos ang mga pagnanais ko, kinuwestyon ko Siya, nagalit ako sa Kanya, at tinutulan ko Siya. Talagang wala akong hiya! Habang mas nagninilay-nilay ako, mas lalo kong napagtatanto na nilabag ng pag-uugali ko ang disposisyon ng Diyos at na napoot ang Diyos dahil dito. Natakot ako; Kung hindi pa rin ako magsisisi, tiyak na parurusahan ako ng Diyos katulad ni Pablo. Dali-dali akong nanalangin sa Diyos at nagsisi, “Diyos ko, sa loob ng maraming taong ito, hindi Kita sinamba nang tapat. Palagi Kitang itinuturing bilang isang bagay na magagamit ko at palagi kong hinihiling na tugunan Mo ang pagnanais ko para sa mga pagpapala. Talagang sobrang kasuklam-suklam ako! Diyos ko! Handa akong magsisi sa Iyo. Mabuhay man o mamatay ang anak ko, o maparalisa man siya, hindi na ako magrereklamo sa Iyo, at handa akong magpasakop sa lahat ng sitwasyong pinapatnugutan Mo at kumilos bilang isang nilikhang may katwiran at pagkatao para suklian ang pagmamahal Mo at bigyang-ginhawa ang puso Mo!”

Pagkatapos nito, sinabi ko sa anak ko, “Iwasto natin ang mga pag-iisip natin at tanggapin natin kung ano ang dumarating sa atin. Hindi natin maaaring hingin na pagalingin ng Diyos ang sakit mo, kaya’t pag-aralan natin ang leksyon ng pagpapasakop. Kahit na maparalisa ka at hindi na makatayo pang muli, hindi tayo dapat magreklamo.” Sinabi niya, “Tama ka. Kung kailan isisilang at mamamatay ang mga tao ay pawang nasa mga kamay na ng Diyos. Itinakda na Niya ito; handa akong magpasakop sa Kanya!” Pagkatapos niyon, hindi na kami masyadong nagdurusa ng anak ko, at hindi na ako huminging mabilis na pagalingin ng Diyos ang anak ko. Tinanggap namin ang mga nangyayari sa amin. Hindi naglaon, nang hindi namin inaasahan, nagsimula nang bumuti araw-araw ang kalagayan ng anak ko. Isang araw, nagpapabalik-balik ang anak ko sa pasilyo sakay ng kanyang wheelchair gaya ng kanyang nakagawian. Medyo inaantok ako noon, kaya pumasok ako sa kwarto para magpahinga sandali. Kahihiga ko pa lang nang may narinig akong sumisigaw nang malakas mula sa pasilyo, na nagsasabi, “Tingnan ninyo, nakatayo na ang taong iyon!” Nang marinig ko ang sigaw na iyon, binuksan ko ang pinto at sumilip ako, at nakita kong anak ko pala ang tumayo. Para bang nananaginip ako; hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Sa puso ko, paulit-ulit kong sinabi, “Diyos ko! Salamat sa Iyo, Diyos ko! Pinupuri Kita! Dahil sa kapangyarihan Mo kaya nakatayo ang anak ko, gawa Mo ito!” Unti-unti, nakokontrol na ng anak ko ang pag-ihi at pagdumi niya, at nakakapunta na siyang mag-isa sa banyo nang naka-wheelchair. Isang araw, isang kapamilya ng isang pasyente ang naiingit na sinabi sa akin, “Pareho ang sakit ng mga anak natin. Gumastos na kami ng isang milyong yuan, pero hindi pa rin siya nakakatayo!” Naisip ko, “Kaya nakakatayo na ngayon ang anak ko ay dahil sa gawa ng Diyos, at ang Diyos lamang ang may ganitong kapangyarihan!” Isang tao pa ang nagsabi rin na, “Talagang natatangi ang anak mo, dahil nagawa niyang gumaling mula sa sakit na ito. Talagang masuwerte ka!” Ngumiti at tumango ako, at paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos sa puso ko! Makalipas ang ilang araw, lumabas na kami ng ospital at umuwi na.

Dalawampu’t isang taon na akong sumusunod sa Makapangyarihang Diyos. Kung magbabalik-tanaw, dahan-dahan akong inakay ng Diyos sa prosesong ito. Masyado lang talaga akong mapaghimagsik at nagdagdag ng mga kondisyon sa aking pananampalataya sa Diyos. Nakipagtransaksyon ako sa Diyos para magkamit ng biyaya at mga pagpapala. Kung hindi ginamit ng Diyos ang sakit ng anak ko para ilantad ako at wasakin ang pangarap kong magkamit ng mga pagpapala, hindi ko makikilala ang nakalilinlang na pananaw na ito sa pananampalataya ko sa Diyos. Nakita kong napakapangit at masyadong kasuklam-suklam ang layon ko sa pananampalataya sa Diyos! Ipinaramdam sa akin ng pagdanas ko sa gawaing ito ng Diyos na ang sakit ng anak ko ay isang napakalaking pagliligtas para sa amin. Hindi lang matatagpuan sa biyaya at mga pagpapala ang pagmamahal ng Diyos; sa halip, ang totoo Niyang pagmamahal ay nasa pagkakasakit at paghihirap, paghatol at pagkastigo, at mga pagsubok at pagpipino, lahat ng ito ay para dalisayin at baguhin ako. Tinulutan din ako ng sakit ng anak ko na maranasan ang matuwid, maganda, at mabuting diwa ng Diyos. Ngayon, nakabawi na ang katawan ng anak ko. Naalala ko kung paanong sinentensiyahan ng doktor ng kamatayan ang anak ko, at ngayon, bukod sa naaalagaan na niya ang sarili niya, natutulungan niya rin ako sa ilang gawain. Ito ay isang bagay na hindi ako naglakas-loob na asamin. Nakikita ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagsasaayos sa lahat ng bagay, na ang awtoridad sa buhay at kamatayan ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at na Siya ang namamahala sa lahat ng bagay. Ang lahat ng kaluwalhatian ay sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pasakit Ng Pagsisinungaling

Ni Ni Qiang, Myanmar No’ng Oktubre 2019, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa mga pagtitipon, nakita...