Ang Mga Kalalabasan ng Pikit-matang Pagtitiwala sa Isang Tao

Nobyembre 28, 2022

Ni Kelley, Pilipinas

Noong Nobyembre ng 2020, inakusahan ng ilang kapatid ang kapareha ko na si Liliana, ng hindi paggawa ng praktikal na gawain at pagiging isang huwad na lider. Kinumpirma ng nakatataas sa amin na totoo ito matapos itong beripikahin at tinanggal niya si Liliana. Pagkatapos niyon, tinanong niya ako, “Ikaw ang kapareha niya. Alam mo ba na hindi gumagawa si Liliana ng praktikal na gawain?” Nautal ako at hindi makapagpaliwanag nang malinaw, kaya iwinasto niya ako dahil sa pagtuon lang sa sarili kong gawain, pagwawalang-bahala sa ibang gawain, at sa pagiging makasarili, kasuklam-suklam, at iresponsable. Kalaunan, sinabi ng iba na pinrotektahan ko si Liliana. Nahaharap sa ganoong sitwasyon, alam kong tiyak na may mga aral na dapat kong matutuhan, kaya sinimulan kong pagnilayan ang aking sarili. Bago matanggal si Liliana, nakatanggap ako ng ulat na nagpaparatang sa kanya. Ang liham na isinulat ng mga manggagawa ng ebanghelyo ay nag-uulat na hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain. Hindi siya nagbabahagi ng katotohanan para lutasin ang mga bagay-bagay kapag nagkakaroon ng mga paghihirap ang mga manggagawa ng ebanghelyo, at nagtatanong lang siya tungkol sa pag-usad ng gawain. Bukod pa roon, madalang siyang magtanong kung paano ginagampanan ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin, at kapag nagtatanong siya ay wala sa loob niya lang iyong ginagawa. Sa mga pagtitipon, kapag nagtatanong sa kanya ang mga kapatid, magbabanggit lang siya ng ilang wala sa loob na salita at aalis na, nang hindi nilulutas ang mga aktwal na problema. Hindi ko iyon masyadong pinaniwalaan noong panahong iyon. Paanong hindi gumagawa ng praktikal na gawain si Liliana? Hindi lang siya responsable sa gawain ng ebanghelyo, kundi pati sa paggawa ng video. Naisip kong marahil ay abala siya sa pangungumusta sa paggawa ng video, kaya wala siyang panahon para lutasin ang mga problema ng mga kapatid na gumagawa ng gawain ng ebanghelyo. Responsable si Liliana sa maraming aspeto ng gawain, kaya inakala ko na normal lang na hindi niya naaasikaso nang mabuti ang bawat gawain. Sa tuwing pumupunta ang nakatataas sa amin para magtanong tungkol sa pag-usad ng gawain, nakasasagot siya nang mahusay. Paano niya nagamay ang mga sitwasyong ito kung hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain? Maaari kayang hindi nila tinrato nang tama si Liliana at hindi isinaalang-alang ang mga paghihirap niya? Isa pa, hindi siya isang pambihirang tao. Hindi niya magagawa nang mabuti ang lahat ng bagay. Hindi nila pwedeng isisi sa kanya ang lahat. Nang isipin ko ito nang ganito, hindi ko sineryoso ang ulat. Sinabi ko lang sa tagapangasiwa ng ebanghelyo ang tungkol sa sitwasyon. Kalaunan ay sinabi niya sa akin na talagang totoo ang nilalaman ng liham, pero hindi ko pa rin iyon sineryoso. Sa palagay ko ay walang mga lider o manggagawa na walang mga paglihis o pagkukulang sa kanilang gawain. Hindi iyon ganoon kalaking problema, kaya hindi na kailangang ituring iyon na ganoon, at wala na akong ginawa tungkol doon. Natatakot ako kapag iniisip ko ulit iyon. Pagkatapos kong matanggap ang ulat, bakit hindi ko iyon siniyasat at detalyadong bineripika? Hindi ko tinalakay sa mga katrabaho ko kung paano iyon haharapin, ni hindi ko sinabi sa nakatataas sa akin. Tahimik ko lang na isinantabi ang liham. Hindi ba’t pagtatakip lang ito kay Liliana? Habang mas iniisip ko iyon, lalo akong nalulungkot. Tinanong ko ang sarili ko: Bakit wala akong mga prinsipyo sa mga kilos ko? Sa isang bagay na kasingseryoso ng pag-uulat ng mga kapatid sa isang huwad na lider, paanong nagawa ko iyong balewalain nang ganoon kadali? Bakit siguradong-sigurado ako na kayang gumawa ni Liliana ng praktikal na gawain? Saan ko ito ibinabatay?

Kalaunan, matapos mabasa ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting pag-unawa sa isyung ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Paano mapagpapasyahan kung ginagampanan ng isang lider ang kanilang mga responsibilidad, kung sila ay isang huwad na lider? Ang pinakamahalagang tingnan ay kung kaya ba nilang gumawa ng tunay na gawain, at kung taglay ba nila ang kakayahang ito o hindi. Ikalawa, tingnan kung talaga bang gumagawa sila ng tunay na gawain. Huwag pansinin ang sinasabi nila at kung anong klase ang pagkaunawa nila sa katotohanan; kapag paimbabaw ang paggawa nila ng gawain, huwag magtuon sa kung may kakayahan ba sila, kung mayroon ba silang talento at kaloob, kung ginagawa ba nila ang gawaing ito nang maayos o hindi— hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang mahalaga ay kung nagagawa ba nilang isagawa nang wasto ang pinakapangunahing gawain ng iglesia, kung nagagawa ba nilang lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, kung naaakay ba nila ang mga tao tungo sa realidad ng katotohanan. Ang gawaing ito ang pinakapangunahin at mahalaga. Kung hindi nila kayang gawin ang tunay na gawaing ito, gaano man sila kahusay, gaano man kalaki ang kanilang talento, gaano man nila kayang magtiis ng hirap at magbayad ng halaga, huwad na lider pa rin sila. Sabi ng ilang tao, “Kalimutan ninyo na wala pa silang nagawang anumang tunay na gawain. Mahusay sila at may kakayahan. Sanayin sila sandali at tiyak na makagagawa sila ng tunay na gawain. Bukod pa riyan, wala naman silang nagawang anumang masama, at wala rin namang nagawang anumang kasamaan o isinanhing anumang mga paggambala at panghihimasok—paano mo nasasabing huwad na lider sila?” Paano ito maipapaliwanag? Kalimutan mo kung gaano kalaki ang talento mo, kung gaano kahusay ang kakayahan mo, o kung gaano kataas ang pinag-aralan mo; ang mahalaga ay kung gumagawa ka ba ng tunay na gawain o hindi, at kung ginagampanan mo ang mga responsibilidad ng isang lider. Sa iyong panahon bilang lider, nakibahagi ka ba sa bawat partikular na bahagi ng gawain na saklaw ng iyong responsibilidad, ilang problema na lumitaw habang nasa trabaho ang mabisa mong nalutas, ilang tao ang nakaunawa sa mga prinsipyo ng katotohanan dahil sa iyong paggawa, iyong pamumuno, iyong pamamatnubay, gaano karami sa gawain ng iglesia ang umusad at sumulong? Ang mga ito ang mahalaga. Kalimutan mo kung ilang mantra ang kaya mong ulitin, ilang mga salita at doktrina ang napaghusayan mo, kalimutan mo kung ilang oras ang ginugugol mo sa mabibigat na gawain araw-araw, kung gaano ka kapagod, at kalimutan mo kung gaano karaming oras ang ginugol mo sa daan, kung ilang iglesia na ang nabisita mo, kung ilang pakikipagsapalaran ang sinuong mo, gaano ka nagdusa—kalimutan mo ang lahat ng ito. Tingnan mo lamang kung gaano kaepektibo ang gawaing saklaw ng iyong mga responsibilidad, kung nagkaroon ba ito ng anumang mga resulta, ilan sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at mga target na dapat mong makamit ang nakamtan mo, ilan sa mga iyon ang nagkaroon ng bunga, gaano kahusay mo napagbunga ang mga iyon, gaano kahusay mo nasubaybayan ang mga iyon, ilang isyung may kaugnayan sa mga problema ng pagkaligta, paglihis, o paglabag sa prinsipyo na lumitaw sa gawain ang iyong nilutas, itinuwid, niremedyuhan, at ilang problemang may kaugnayan sa HR, admin, o iba’t ibang gawaing pang-espesyalista ang tumulong kang lutasin, at kung nilutas mo ba ang mga iyon ayon sa prinsipyo at mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at iba pa—lahat ng ito ay mga pamantayang gagamitin para suriin kung tinutupad ba ng isang lider o manggagawa ang kanyang mga responsibilidad(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para masuri kung kwalipikado ang isang lider, ang pinakamahalagang prinsipyo ay makita kung kaya niyang gumawa ng praktikal na gawain, kung talagang gumagawa siya ng praktikal na gawain, kung ang kanyang gawain ay nakapagbibigay sa mga tao ng isang landas, at kung kaya niyang lumutas ng mga praktikal na problema sa pagpasok sa buhay ng iba at sa kanilang mga tungkulin. Kung hindi niya ito kayang gawin, gaano man kahusay ang kanyang kakayahan, gaano man siya katalentado, o gaano man siya kahusay magsalita, isa pa rin siyang huwad na lider, at dapat na matanggal at mapalayas. Kung titingnan si Liliana, kahit na gumawa siya ng kaunting praktikal na gawain noon, matapos madagdagan ang trabaho, nagsimula siyang bigyang-layaw ang laman at hangarin ang kaginhawahan. Hinding-hindi talaga niya pinatnubayan ang gawain ng mga kapatid, at kahit na minsan ay nagtatanong siya tungkol sa gawain, iniraraos lamang niya iyon. Hindi siya tumuon sa paghahanap ng mga problema, nagtanong lang siya tungkol sa pag-usad ng gawain, kaya kapag may mga problema at paglihis sa gawain ng mga kapatid, hindi talaga niya sila nauunawaan. Kapag nagkakaroon sila ng mga paghihirap sa kanilang mga tungkulin at nagiging negatibo, madalang siyang mag-alok ng tulong o pagbabahagi, na direktang nakaapekto sa pag-usad ng gawain ng ebanghelyo. Nang magpakita ang ilang kapatid ng mga tiwaling disposisyon at nanghingi ng tulong sa kanya, wala sa loob ang mga tugon niya. Hindi siya nagmalasakit o sumubok na lutasin ang mga problema nila, at kailanman ay wala silang natamong kahit na ano mula sa kanya. Kung pagbabatayan ang pag-uugali ni Liliana, gusto lang niyang gumawa ng mga bagay na magpapaganda sa imahe niya. Pero kapag kailangan niyang magdusa, magbayad ng halaga, at lumutas ng aktwal na mga problema, tumatakas siya. Hindi talaga siya gumagawa ng praktikal na gawain. Hinusgahan ko siya batay sa mga nauna kong pagsusuri at impresyon sa kanya. Namuhay ako sa mga kuru-kuro at imahinasyon. Napakahangal ko.

Kalaunan, pinagnilayan ko ang aking sarili, at inisip kung bakit kaya kong labis na paniwalaan ang aking sarili at si Liliana. Ano ang ugat ng problemang ito? Nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hindi susuriin ng mga huwad na lider ang mga superbisor na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, o nagpapabaya sa kanilang mga responsibilidad. Iniisip nila na kailangan lang nilang pumili ng isang superbisor at magiging maayos na ang lahat; pagkatapos niyon, bahala na ang superbisor sa lahat ng usapin sa gawain, at ang kailangan lang nilang gawin ay magdaos ng pagtitipon nang madalas, hindi nila kailangang bantayan ang gawain o kumustahin iyon, maaari silang hindi makialam. Kung may nagpapaalam na may problema sa isang superbisor, sasabihin ng huwad na lider na, ‘Maliit na problema lang iyon, ayos lang. Kaya mo nang mag-isa iyan. Huwag mo na akong tanungin.’ Sasabihin ng taong nagpapaalam sa isyu na, ‘Tamad ang masibang superbisor na iyon. Wala siyang ginagawa kundi kumain at libangin ang sarili nila, at napakatamad niya. Ayaw niyang mahirapan kahit kaunti sa tungkulin niya, at lagi siyang naghahanap ng mga paraan para mandaya at magdahilan para makaiwas sa kanyang gawain at mga responsibilidad. Hindi siya karapat-dapat na maging superbisor.’ Sasagot ang huwad na lider ng, ‘Ayos lang siya noong piliin siyang maging superbisor. Hindi totoo ang sinasabi mo, o kahit pa, pansamantala lang ang ipinamamalas niya.’ Hindi sinusubukang tuklasin ng huwad na lider ang iba pa tungkol sa sitwasyon ng superbisor, pero hinuhusgahan at pinagpapasyahan ang usapin batay sa kanyang mga nakaraang impresyon sa taong iyon. Sino man ang nagpapaalam ng mga problema tungkol sa superbisor, hindi iyon pinapansin ng huwad na lider. Hindi na alam ng superbisor ang gagawin, hindi sapat ang kakayahan niya para kumpletuhin ang kanyang gawain, at malapit na niyang magulo ang lahat—ngunit walang pakialam ang huwad na lider. Masama na nga na kapag may nagsusumbong tungkol sa mga isyu ng superbisor, ay hindi niya iyon pinapansin. Ngunit ano ang pinakanakasusuklam sa lahat? Kapag sinasabi sa kanya ng mga tao ang talagang mabibigat na isyu ng superbisor, hindi niya sinusubukang ayusin ang mga ito, at gumagamit pa nga siya ng lahat ng uri ng pagdadahilan: ‘Kilala ko ang superbisor na ito, talagang nananalig siya sa Diyos, hindi siya magkakaroon ng anumang problema kahit kailan. At kung magkaroon man, poprotektahan at didisiplinahin siya ng Diyos. Kung makagawa siya ng anumang pagkakamali, nasa kanila na ng Diyos iyon—hindi natin kailangang makialam.’ Ganito gumawa ang mga huwad na lider: ayon sa sarili nilang mga haka-haka at imahinasyon. Nagkukunwari sila na nauunawaan nila ang katotohanan, at na may pananampalataya sila—na ang resulta ay nagugulo nila ang gawain ng iglesia, o napapatigil pa nga ito, habang nagkukunwari silang walang alam. Hindi ba’t mga kawani sa opisina lamang sila? Ang mga huwad na lider ay walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, at hindi rin nila sineseryoso ang gawain ng mga lider ng grupo at ng mga superbisor. Ang pananaw nila sa mga tao ay batay lamang sa sarili nilang mga impresyon at imahinasyon. Kapag nakita nilang naging mahusay ang isang tao sa loob ng maikling panahon, naniniwala sila na ang taong ito ay magiging mahusay magpakailanman, na hindi ito magbabago; hindi sila naniniwala sa sinumang nagsasabi na may problema sa taong ito, hindi nila pinapansin kapag may nagsasabi ng isang bagay tungkol sa taong iyon. … Masyadong may labis na pagtingin sa sarili ang mga huwad na lider, hindi ba? Iniisip nila na, ‘Hindi ako nagkamali sa pagpili sa taong ito. Wala naman sigurong magiging problema; tiyak na hindi siya isang taong manloloko, na gustong magpakasaya at ayaw magtrabaho nang mabuti. Lubhang maaasahan at mapagkakatiwalaan siya. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?’ Anong uri ng lohika ito? Isa ka bang eksperto? May paningin ka bang gaya ng x-ray? Natatanging kasanayan mo ba ito? Maaaring makasama mo ang taong ito nang isa o dalawang taon, subalit magagawa mo kayang makita kung ano talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kanyang kalikasan at diwa? Kung hindi siya inilantad ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasan at diwang mayroon siya. At gaano pa kaya katotoo iyon kapag madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama? Basta-basta ka nagtitiwala sa kanya batay sa isang panandaliang impresyon o positibong pagtatasa ng ibang tao sa kanya, at naglalakas-loob na ipagkatiwala ang gawain ng iglesia sa ganoong mga tao. Sa bagay na ito, hindi ka ba nagiging bulag na bulag? Hindi ka ba nagiging padalos-dalos? At kapag ganito sila magtrabaho, hindi ba nagiging lubhang iresponsable ang mga huwad na lider?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Mula sa salita ng Diyos, nakita ko na ang mga huwad na lider ay madalas manghusga ng mga tao batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Nagtitiwala sila sa mga tao batay lamang sa pansamantalang pag-uugali ng mga ito, at pagkatapos ay ganap nilang ipinapasa sa mga ito ang gawain ng iglesia at nagsisimulang magpabaya, at sa panahong ito ay hindi nila kailanman hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan o pinakikinggan ang iba na nag-uulat ng mga problema. Sarili lang nila ang pinaniniwalaan nila at pinanghahawakan ang sarili nilang mga opinyon. Masyado silang mapagmataas, at lubos na iresponsable. Hindi ba’t katulad ng sa mga huwad na lider na ibinunyag ng Diyos ang pag-uugali ko? Inakala kong responsable si Liliana sa maraming gawain at abala siya araw-araw, at kaya niyang sumagot nang mahusay kapag nagtatanong ang nakatataas sa amin tungkol sa gawain, kaya natukoy ko na gumagawa siya ng praktikal na gawain. Nang iulat siya ng mga kapatid, hindi ko iyon sineryoso. Pakiramdam ko ay sobra-sobra ang hinihingi nila sa kanya at isinisisi sa kanya ang lahat. Kalaunan, nalaman ko na nagpakita nga si Liliana ng ilang palatandaan ng hindi paggawa ng praktikal na gawain, pero naisip ko, “Walang sinuman ang perpekto, kaya tiyak na mayroong magagandang dahilan kung bakit hindi nagagawa nang maayos ang ilang trabaho, at hindi malaking problema iyon.” Dahil sa aking pagmamataas, pagmamagaling, at tiwala sa sarili, matagal na hindi nalutas ang problema kay Liliana, na nakahadlang sa gawain ng iglesia at nakapinsala sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Nang makita kong ihayag ng Diyos na ang mga huwad na lider ay may labis na pagtingin sa sarili at nanghuhusga ng iba batay sa kanilang mga kuru-kuro, nalungkot ako. Talagang labis ang pagtingin ko sa sarili ko. Hindi ko taglay ang mga realidad ng katotohanan, hindi ko kayang makakilala ng mga tao, at hindi ko makita ang diwa ng mga tao. Bukod pa roon, kailanman ay hindi ko talaga pinangasiwaan o siniyasat ang gawain ni Liliana, kung paano siya magpatupad o mangumusta ng iba’t ibang gawain ng iglesia, kung nalulutas ba ang aktwal na mga problema, o kung nagagawa ba ang aktwal na gawain. Wala akong alam tungkol sa mga bagay na ito, at madalang akong magtanong tungkol sa mga ito. Paano ko siya nagawang pagkatiwalaan nang basta-basta? Kahit kapag nagpapatulong ako sa kaibigan ko na bumili ng mga gamit, hindi ako napapanatag. Nag-aalala ako na kapag tinutulungan niya akong pumili ng mga gamit, hindi niya sinusuri nang mabuti ang kalidad ng mga gamit. Paano kung makabili siya ng mga depektibong produkto na hindi masyadong magtatagal? Kaya binibigyan ko siya ng hindi mabilang na mga babala. Kapag dinadala niya ang mga gamit, sinusuri ko nang mabuti ang mga iyon. Kung hindi angkop ang mga iyon, gusto kong isauli agad ang mga iyon para maiwasang dumanas ng anumang pagkalugi. Pagdating sa mga personal kong interes, hindi ako nangangahas na magtiwala sa kahit kanino nang basta-basta. Pero sa mahalagang usapin ng pag-uulat ng mga kapatid ko sa isang huwad na lider, pikit-mata kong pinaniwalaan si Liliana batay sa pansamantala kong impresyon sa kanya. Hindi ko talaga inasikaso ang gawain niya, at hindi ko sineryoso nang may magparatang sa kanya. Masyado akong iresponsable sa gawain ng iglesia. Kung naging responsable ako at nagdala ng pasanin sa gawain ng iglesia, pinangasiwaan at siniyasat ko sana talaga ang gawain ni Liliana sa halip na pinakinggan lang ang magagandang bagay na sinasabi niya, pikit-mata siyang pinagkatiwalaan, at isinantabi ang liham ng pag-uulat. Sa prosesong ito, ni hindi ako nagkaroon ng saloobin ng paghahanap sa katotohanan. Tunay akong mapagmataas at wala sa katwiran para paniwalaan lang ang sarili kong opinyon.

Kalaunan, nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at sundin ang Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa kalooban ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawan ka ng mga ito ng puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, labis akong napahiya. Ako ang mapagmataas na taong inihayag sa salita ng Diyos. Sa pagharap sa mga ulat, ang isang makatwirang tao na may pusong may takot sa Diyos ay magiging maingat, titingnan ang problema mula sa isang patas at makatarungang perspektibo, hindi padalus-dalos na magtitiwala sa alinmang panig, ni hindi basta-bastang magpapasya sa isang kaso. Susuriin at beberipikahin niya ang problemang inilantad ng mga kapatid, at pagkatapos ay haharapin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga prinsipyo. Pero pagkatapos kong matanggap ang ulat, hindi ko man lang hinanap ang mga prinsipyo sa pagharap sa mga ulat, at hindi ko siniyasat ang mga detalye kung totoo ang mga problemang iniulat. Sa halip, tumayo ako sa panig ni Liliana at hinusgahan ang mga nagsulat ng liham ng pagpaparatang. Kahit nang sabihin sa akin ng tagapangasiwa na totoo ang mga problemang iniulat, at inilatag ang mga katunayan sa harapan ko, binalewala ko pa rin iyon, at hinamak ko ang naberipika na. Talagang mapagmataas ako at matigas ang ulo ko. Wala akong anumang takot sa Diyos. Sa sobrang paniniwala ko sa aking sarili ay padalus-dalos kong isinantabi ang liham nang hindi iyon bineberipika o inaasikaso. Hindi ba’t pagpanig lang iyon sa isang huwad na lider para protektahan siya? Ang aking mga kapatid ay nagkaroon ng lakas ng loob para mag-ulat ng isang huwad na lider. Mayroon silang pagpapahalaga sa katarungan, at itinataguyod nila ang gawain ng iglesia. Bilang isang lider, dapat ay sinuportahan ko sila at bineripika ang ulat alinsunod sa mga prinsipyo, at kung natukoy na isang huwad na lider si Liliana, dapat ay nagmadali akong ilipat o tanggalin siya. Pero itinuring ko ang lehitimong ulat na ito na paghingi nang sobra-sobra sa mga lider at manggagawa. Sa paggawa nito, pinagtatakpan ko talaga ang isang huwad na lider. Hindi ba’t katulad ito ng mga opisyal ng malaking pulang dragon na pinoprotektahan ang isa’t isa? Sa mundo sa labas, kung saan mga opisyal ang namumuno at nagpapasya, walang karapatang magsalita ang mga pangkaraniwang tao. Ni hindi sila nangangahas na “humindi” sa mga lider, sa takot na pahihirapin ang mga bagay-bagay para sa kanila. Sa malalalang sitwasyon, pinahihirapan pa nga ang mga tao. Pero sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, at ang Diyos ang may hawak ng kapangyarihan. Tinatrato ng iglesia ang mga tao alinsunod sa mga prinsipyo. Anuman ang antas nila bilang lider, kung hindi sila gumagawa ng praktikal na gawain o nagsasagawa ng katotohanan, beberipikahin, sisiyasatin, at aasikasuhin ng iglesia ang bagay na iyon alinsunod sa mga prinsipyo. Ipinakikita nito ang pagiging matuwid ng Diyos, na lubos na naiiba sa mundo sa labas. Pero bilang isang lider ay hindi ko inasikaso o nilutas ang ulat pagkatapos iyong matanggap. Sa halip, sa pagmamataas ko ay ipinagtanggol ko ang sinumang gusto kong ipagtanggol, at wala akong mga prinsipyo ng katotohanan. Ito ang pag-uugali ng isang huwad na lider. Nanginig ako sa takot nang maisip ko ito. Dahil kumilos ako nang walang mga prinsipyo, namuhay ang mga kapatid sa ilalim ng isang huwad na lider, hindi nalutas ang kanilang mga paghihirap at negatibong kalagayan, at namuhay sila sa pasakit at kadiliman. Hindi ba’t pinipinsala ko lang ang aking mga kapatid? Talagang kasuklam-suklam ako! Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “Diyos ko, ayaw ko nang gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa sarili kong kagustuhan. Pakiusap, patnubayan Mo ako sa paglutas ko sa aking mapagmataas na disposisyon.”

Kalaunan, naghanap ako ng isang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos para malutas ang aking mapagmataas na disposisyon. Sa mga salita ng Diyos, nabasa ko, “Paano mo ba dapat pagnilayan ang iyong sarili, at subukang kilalanin ang iyong sarili, kapag may nagawa kang isang bagay na lumalabag sa mga prinsipyo ng katotohanan at hindi nakalulugod sa Diyos? Nang gagawin mo na ang bagay na iyon, nanalangin ka ba sa Kanya? Kahit kailan ba ay inisip mong, ‘Naaayon ba sa katotohanan ang paggawa sa mga bagay na ito sa ganitong paraan? Paano titingnan ng Diyos ang bagay na ito kung iniharap ito sa Kanya? Masisiyahan ba Siya o maiinis kung malaman Niya ang tungkol dito? Kasusuklaman o kamumuhian ba Niya ito?’ Hindi mo hinanap iyon, hindi ba? Kahit pinaalalahanan ka ng iba, iisipin mo pa rin na ang usapin ay hindi malaking bagay, at na hindi iyon labag sa anumang mga prinsipyo at hindi iyon kasalanan. Dahil dito, nalabag mo ang disposisyon ng Diyos at ginalit mo Siya, hanggang sa puntong kamuhian ka Niya. Ito ay dulot ng pagrerebelde ng mga tao. Samakatuwid, dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ang dapat mong sundin. Kung taimtim kang makakalapit sa Diyos para manalangin muna, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka magkakamali. Maaaring mayroon kang ilang paglihis sa iyong pagsasagawa ng katotohanan, ngunit mahirap itong maiwasan, at magagawa mong magsagawa nang wasto matapos kang magtamo ng kaunting karanasan. Gayunman, kung alam mo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, subalit hindi mo ito isinasagawa, ang problema ay ang pag-ayaw mo sa katotohanan. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hinding-hindi ito hahanapin, anuman ang mangyari sa kanila. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang may mga pusong may takot sa Diyos, at kapag may mga nangyayaring bagay-bagay na hindi nila nauunawaan, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan. Kung hindi mo maintindihan ang kalooban ng Diyos at hindi mo alam kung paano magsagawa, dapat mong hanapin ang katotohanan sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa isang taong nakakaunawa sa katotohanan. Kung wala kang matagpuang sinuman na nakauunawa sa katotohanan, dapat kang humanap ng ilang tao na makakasama mong manalangin sa Diyos nang may iisang isipan at iisang puso, maghanap sa Diyos, maghintay sa takdang oras ng Diyos, at hintaying magbukas ng daan ang Diyos para sa iyo. Basta’t nananabik kayong lahat sa katotohanan, naghahanap ng katotohanan, at sama-samang nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, maaaring dumating ang oras na makakaisip ng magandang solusyon ang isa sa inyo. Kung sa tingin ninyong lahat ay angkop ang solusyon at magandang paraan ito, maaaring dahil ito sa kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Pagkatapos kung magpapatuloy kayo na sama-samang magbahaginan para makaisip ng isang mas tumpak na landas ng pagsasagawa, tiyak na aayon iyon sa mga prinsipyo ng katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinaalam ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa. Para magawa ang ating tungkulin alinsunod sa kalooban ng Diyos, dapat tayong magkaroon ng puso na may takot sa Diyos. Kapag gumagawa tayo ng mga bagay-bagay, dapat ay kaya nating maghanap at malaman kung mayroon ba itong basehan sa salita ng Diyos, kung nakaayon ba ito sa mga prinsipyo, at kung ano ang kalooban ng Diyos. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng madalas na pagsisiyasat sa ating mga sarili, maiiwasan nating kumilos ayon sa sarili nating kagustuhan at gumawa ng mga bagay na nakagagambala sa gawain ng iglesia. Dagdag pa roon, dapat nating magawang tanggihan ang ating mga sarili, at pakinggan ang mga mungkahi ng ating mga kapatid nang may bukas na isipan. Lalo na sa mga bagay na hindi malinaw sa atin at na may kinalaman sa importanteng gawain ng iglesia, dapat tayong maghanap at makipagbahaginan sa ating mga katrabaho, at kumilos nang may mga prinsipyo matapos may mapagkasunduan. Kung pikit-mata nating paniniwalaan ang ating mga sarili at gagawin ang gusto natin, madaling makagawa ng mga bagay na pagkakasala sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagkabigong ito, nakita ko na wala akong taglay na mga realidad ng katotohanan, ni hindi ko kayang makakilala ng mga tao. Kapag may mga bagay na nangyayari sa akin pagkatapos niyon, hindi na ako nangangahas na basta-bastang ipilit ang sarili kong opinyon, at kaya ko nang sadyang tanggihan ang aking sarili at hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan.

Kalaunan, nagsimula akong magdilig ng mga baguhan, at ako ang responsable sa gawain ng isang grupo. Minsan, inutusan ako ng lider na subaybayan at siyasatin ang gawain ng ilang kapatid. Kilala ko ang lahat ng taong ito, at lahat sila ay talagang praktikal, kaya naisip ko na baka hindi ko naman kakailanganing magsiyasat nang masyadong madalas, at hindi naman siguro magkakaroon ng anumang malalaking problema. Pagkatapos ay bigla kong nabatid na muli ko na namang ginagawa ang mga bagay ayon sa gusto ko, kaya nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos, bakit po kaya inilalantad kong muli ang mapagmataas kong disposisyon? Palagi kong iniisip na kaya kong mahalata ang mga problemang ito, na nagpapakita lamang ng aking pagmamataas at pagmamagaling. Ang pag-iisip ko ng ganito ay iresponsable. Ang patuloy kong pag-asa sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon ay paghahayag ng isang mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon. O Diyos, gusto kong magsisi. Ayaw ko nang mamuhay ayon sa isang tiwaling disposisyon." Matapos ang aktwal na pagsisiyasat sa sitwasyon, nalaman ko na maraming problema at paglihis sa gawain, at sa pamamagitan ng pagbabahagi ng katotohanan, nalutas ang mga problema at unti-unting bumuti ang gawain. Dahil sa karanasang ito, nakita ko na kahit ano pang tungkulin ang ginagawa ko, sa pamamagitan lamang ng paglutas sa aking tiwaling disposisyon, maisasagawa ko ang aking tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply