Ang Bunga ng Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Enero 18, 2022

Ni Patricia, Timog Korea

Noong Setyembre 2017, may nakilala akong isang Pinay na Kristiyano online na nagngangalang Teresa. Sinabi niyang wala siyang anumang nakukuha mula sa mga church service, at nakita niyang parami nang parami ang ibang mananampalataya na sumusunod sa mga sekular na kalakaran. Mapanglaw sa kanya ang kanyang simbahan, at gusto niyang maghanap ng isang may gawain ng Banal na Espiritu. Sinabi niya ring gusto niyang magbasa pa ng mas maraming salita ng Diyos, kilalanin Siya, at magbagong-buhay. Nang makita ang kanyang espirituwal na pananabik, gusto kong ibahagi sa kanya ang ebanghelyo nang sa gayon ay marinig niya ang tinig ng Diyos at tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Isang beses, tinanong ko siya kung anong gusto niyang makuha sa kanyang pananampalataya. Sabi niya, “Gusto kong pumunta sa kaharian ng Diyos at makasama Siya magpakailanman, pero makasalanan ako, at hindi ako karapat-dapat sa Kanyang kaharian.” Sinabi ko sa kanya na kailangan nating maunawaan ang mga pamantayan ng kaharian ng Diyos kung gusto nating makapasok, at tinanong ko kung gusto niyang malaman ang tungkol sa aspetong ito ng katotohanan. Talagang tuwang-tuwa niyang sinabing, “Oo naman!” Nakita kong isa siyang tunay na mananampalataya na gusto itong siyasatin, kaya sabik akong magbahagi ng patotoo tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Pero oras na para bumalik siya sa trabaho, kaya kinailangan naming tapusin ang aming kuwentuhan sa araw na iyon.

Kalaunan, naging sobrang abala siya sa kanyang trabaho, nagtatrabaho mula umagang-umaga hanggang gabing-gabi, at pagod na pagod siya pagkatapos ng trabaho at kailangang magpahinga. Bukod pa roon, kinailangan niyang gugulin ang kakaunting oras na mayroon siya bawat linggo sa pagpunta sa mga church service, kaya walang masyadong pagkakataon para makapagkuwentuhan kami. Halos palagi siyang nasa trabaho sa tuwing kinokontak ko siya, kaya wala talaga kaming panahon para mag-usap. Hindi nagtagal ay nagsimula akong panghinaan ng loob. Iniisip ko na kailangan naming mag-usap online dahil wala kami sa iisang bansa, kaya kung wala siyang panahon para mag-log in papaano ko maibabahagi sa kanya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw? Nagsimula kong isipin na wala akong magagawa, kaya dapat kong kalimutan ito. Baka may ibang magbabahagi ng ebanghelyo sa kanya. Noong pasuko na sana ako, naalala ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong atas, at ang iyong responsabilidad? Nasaan ang iyong pakiramdam ng makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang sapat bilang isang panginoon sa susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang matibay na paninindigan ng pagiging panginoon? Paano mo ipaliliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pagsulong ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na maging pastol nila? Mabigat ba ang iyong gawain? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at nalilito, dumaraing sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, upang biglang bumulusok at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sino ang makakaalam kung gaano sila sabik na umaasa, at gaano sila nananabik, araw at gabi, para dito? Kahit sa isang araw na nagdaraan ang kumikinang na liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagluha? Grabe ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang patuloy na nakatali sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at malamig na kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa ingay ng kanilang pagdaing? Sino na ang nakakita sa kanilang kaawa-awang kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdaranas ng gayong paghihirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang kapus-palad na mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masamang nilalang ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang patuloy na mabuhay, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, upang iligtas ang mga natirang buhay na ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang laman at dugo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?). Nang mapag-isipan ang mga salita ng Diyos, talagang nakonsensya ako. Hindi ko pa nagagawa ang lahat para ibahagi sa kanya ang ebanghelyo, at ni hindi ko pa nga nasasabi sa kanya na ang Panginoong Jesus ay nagbalik na. May taos-puso siyang pananampalataya sa Panginoon at inaasam na maunawaan ang Kanyang kalooban, pero siya ay nasa espirituwal na kadiliman, walang panustos. Kung susukuan ko siya kung kailan kailangang-kailangan niya ng tulong, kailan niya maririnig ang tinig ng Diyos? Ngayong lumalaki na ang mga sakuna, kung hindi ako nagpatotoo kaagad sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, maaaring mapalampas niya ang kaligtasan. Lalong sumama ang pakiramdam ko sa isiping iyon, at nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, alam kong lahat ay posible sa Iyo. Gusto kong gawin ang lahat ng makakaya ko para ibahagi ang ebanghelyo kay Sister Teresa. Pakiusap, gabayan Mo po ako.” Matapos magdasal, bigla kong naisip na kulang siya sa oras, pero puwede akong maagang magtakda ng oras para makapagdasal kami nang sabay. Kaya tinanong ko siya tungkol dito at agad siyang sumang-ayon. Bandang alas singko ng umaga araw-araw ang itinakda naming oras. Talagang abala ako sa tungkulin ko noong panahong iyon, at inaabot ako ng gabi sa pagtatrabaho araw-araw. Iniisip kong halos hindi ako makakatulog kung kailangan kong gumising nang ganoon kaaga. Pero sinabi ko sa sarili ko na kung aalalahanin ko ang pisikal kong kaginhawaan, maaantala nito ang paglapit ni Teresa sa harap ng Diyos. Nakonsensya ako tungkol doon. Naalala kong sinabi ng Diyos: “Ang laman ay pagmamay-ari ni Satanas. Sa loob nito ay mayroong maluluhong pagnanasa, iniisip lamang nito ang sarili nito, nais nitong magtamasa ng kaginhawahan at magsaya sa paglilibang, magumon sa kakuparan at katamaran, at matapos itong bigyang-kasiyahan nang bahagya ay kakainin kayo nito sa bandang huli(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Alam kong ang pagbibigay-kasiyahan sa laman ay nangangahulugang pagbibigay-kasiyahan kay Satanas. Mabibigo akong magpatotoo at gawin ang tungkulin ko, at mawawalan ng pagkakataong magpatotoo sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nagdasal ako, handang talikuran ang laman. Kahit pa kailanganin kong magbayad ng higit pang halaga, kailangan kong ibahagi ang ebanghelyo sa kanya. Nagsimula kaming magpulong para sa napakaagang pagdarasal, at nang umusal ako nang talagang taos-pusong dasal para sa kanya, umaasang mas magkakaroon siya ng oras para makapagbahaginan kami sa mga salita ng Diyos, seryosong-seryoso niyang sinabi sa akin, “Nararamdaman ko kung gaano ka katotoo. Salamat sa iyong dasal. Talagang naantig ako.” Masarap sa pakiramdam nang marinig kong sabihin niya ito, at nakita kong nararamdaman talaga ng mga tao kapag totoo sa kanila ang isang tao. Tahimik akong nagpasya sa Diyos na sisiguruhin kong ibabahagi ko sa kanya ang patotoo ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Kaya iminungkahi ko sa kanya na maglaan kami ng ilang oras para magkasamang magbahaginan. Sumang-ayon siya, at nagawang isingit ang tatlumpung minutong pagbabahaginan araw-araw, at binanggit niyang muli na gusto niyang malaman kung paano makapasok sa kaharian ng Diyos.

Pinag-usapan namin iyon sa aming pagbabahaginan nang sumunod na araw mismo. Sinabi ko, “Bawat mananampalataya ay gustong makapasok sa kaharian ng langit, kaya anong kailangan nating gawin? Kailangan nating makinig sa Panginoon. Sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit(Mateo 7:21). Napakaklaro ng Panginoon. Ang susi sa pagpasok sa kaharian ng langit ay gawin ang kalooban ng Diyos. Anong ibig sabihin niyon? Sa madaling salita, ang paggawa sa kalooban ng Diyos ay pagsasagawa ng mga salita ng Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Nangangahulugan iyon ng pagwawaksi sa kasalanan at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at pagmamahal at pagpapasakop sa Diyos nang mula sa puso. Ang mga taong palaging nagsisinungaling, nagkakasala, nilalabanan ang Diyos, at sumasalungat sa Kanyang mga hinihingi ay hindi ginagawa ang Kanyang kalooban, kaya’t karapat-dapat ba silang makapasok sa kaharian ng langit?” Sabi niya, “Hindi. Palagi tayong nagsisinungaling, nagkakasala sa ating mga salita, at mas maraming mananampalataya ang sumusunod sa makamundong kalakaran, naghahabol ng pera. Hindi natin tunay na sinasamba ang Diyos at kahit ang mga pastor ay walang ipinagkaiba. Paano tayo makakapasok sa kaharian ng langit sa ganoong paraan?” Sumagot ako, “Oo. Natubos tayo ng Panginoong Jesus at ang ating mga kasalanan ay pinatawad, pero patuloy tayong nagsisinungaling at nagkakasala. Nagkakasala tayo sa araw, nangungumpisal sa gabi. Sabi ng Bibliya: ‘Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon(Mga Hebreo 12:14). Hindi tayo banal ngayon, at hindi tayo karapat-dapat sa kaharian ng Diyos sa ganitong paraan. Ngunit gusto ng lahat na maligtas at makapasok sa Kanyang kaharian. Kung gayon paano ito ginagawa ng Diyos para sa atin? Sinasabi ng Bibliya: ‘Ay gayon din naman si Cristo; na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa’y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa Kanya’ (Mga Hebreo 9:28). Muling paparito ang Panginoon sa mga huling araw para iligtas tayo, para ganap tayong palayain mula sa mga gapos ng kasalanan, para gawin tayong mga taong nagpapasakop sa Diyos at ginagawa ang Kanyang kalooban, nang sa gayon ay ganap tayong maligtas at makapasok sa Kanyang kaharian.” Tuwang-tuwa siyang marinig ito, at sinabing, “Gusto kong tumigil sa pagkakasala. Paano tayo ililigtas ng Diyos mula sa kasalanan?” Pinadalhan ko siya ng ilang bersikulo ng Kasulatan: “Gawin Mo silang banal sa pamamagitan ng Iyong katotohanan: ang salita Mo’y katotohanan(Juan 17:17). “At nakita ko sa kanang kamay Niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong tatak. At nakakita ako ng isang malakas na anghel na nagtatanyag ng malakas na tinig, ‘Sinong karapatdapat magbukas ng aklat, at magtanggal ng mga tatak nito?’(Pahayag 5:1–2). “Masdan mo ang Leon ng angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay na buksan ang aklat at ang pitong selyo nito(Pahayag 5:5). Sabi ko, “Sinabi ng Panginoon na gagamitin Niya ang katotohanan para pabanalin ang sangkatauhan, at parehong sinasabi ng Pahayag at ng Aklat ni Daniel na isang selyadong libro ang mabubuksan sa mga huling araw. Ang librong ito ay tumutukoy sa mga bagong salitang binigkas ng Diyos sa mga huling araw, at ito ang katotohanang magpapabanal sa sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang makapagbubukas ng libro at makapagpapahayag ng katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Maraming binibigkas na katotohanan ang Panginoon para dalisayin at baguhin tayo, para iligtas tayo mula sa kasalanan pagparito Niya sa mga huling araw. Maraming beses ding sinasabi ng Aklat ng Pahayag, ‘Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia(Pahayag mga Kapitulo 2, 3). Kakausapin ng Diyos ang mga iglesia sa mga huling araw. Kailangan lang nating pakinggan ang Kanyang tinig. Hindi natin masasalubong ang Panginoon maliban na lang kung maririnig natin ang Kanyang tinig, at ito ang tanging pagkakataon natin para madalisay at maligtas ng Diyos, para maging karapat-dapat sa Kanyang kaharian.”

Sa puntong ito ng pagbabahagi, tinanong ako ni Teresa, “Bakit kailangan ng Panginoon na bumigkas ng mga bagong salita sa mga huling araw? Buong buhay kong nabasa ang Bibliya at binigyan ako nito ng pananampalataya at napakaraming itinuro sa akin, tinuturuan ako ng pagpapaubaya, pasensya, at pagpapatawad. Pakiramdam ko ay sapat na ang Bibilia, at palaging sinasabi ng aming pastor na ang lahat ng salita ng Diyos ay nasa Bibliya, na walang anuman sa labas nito ang salita ng Diyos.” Nakita kong may ilang kuru-kuro si Teresa tungkol sa pagsasalita ng Panginoon sa mga huling araw, na hindi niya tinatanggap ito, kaya hindi ko direktang pinabulaanan ang kanyang sinabi. Ibinahagi ko ang sarili kong karanasan sa kanya. Sabi ko, “Ganyan din ang iniisip ko dati. Akala ko lahat ng sinabi ng Panginoon ay nasa Bibliya, at walang anumang mga bagong salita mula sa Diyos na wala rito. Pero kalaunan, narinig kong may binanggit ang isang kapatid na isang bagay na sinabi ng Panginoong Jesus na nagpabago sa pagtingin ko rito. Sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13). Napakalinaw ng Panginoong Jesus tungkol doon. Sinabi Niyang napakarami pa Niyang mga bagay na ibabahagi, pero kulang sa tayog ang mga tao at hindi ito kakayanin nang panahong iyon. Mas magsasalita pa Siya sa mga huling araw para gabayan ang mga tao na makaunawa at makapasok sa lahat ng katotohanan, para mapalaya tayo mula sa mga gapos ng kasalanan at ganap na maligtas. Isipin mo ang isang maliit na bata. Noong siya ay bata pa at tinuturuan siya ng kanyang ina na magsalita at maglakad, sasabihin ba niya sa kanya na magkaroon ng magandang kabuhayan para maalagaan niya ang kanyang Nanay at Tatay? Siyempre hindi. Napakabata pa niya para maunawaan iyon, kaya sa ganoong edad, sasabihin lang sa kanya ng mga magulang niya ang mga bagay na kaya niyang maunawaan. Tapos paglaki niya at natuto nang higit pa, mas magkukwento sila sa kanya ng tungkol sa buhay, tulad ng kung paano maghanap ng trabaho at magkaroon ng pamilya. Parang ganoon lang din ang Panginoong Jesus na ginagawa ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya batay sa hinihingi ng Kanyang plano ng pamamahala at ng mga tao, ipinapahayag ang paraan ng pagsisisi, tinuturuan ang mga taong magpakumbaba at magparaya, na bumuhat ng krus, at patawarin ang iba nang makapitongpung pitong beses. Pero may iba pang bagay na hindi sinabi ng Panginoong Jesus sa mga tao—ang lahat ng katotohanan para dalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Itinabi Niya ang mga ito para sa pagparito ng Panginoon sa mga huling araw, at ito ang selyadong libro na ipinropesiya sa Aklat ng Pahayag. Sa loob ng 2,000 taon na ito, walang nagbasa ng librong iyon, dahil hindi ito nabuksan hanggang sa bumalik ang Panginoon sa mga huling araw. Tingin mo, posible bang nasa Bibliya ang kung anong nakasulat sa librong iyon?” Seryoso niyang sinabing, “Hindi maaaring nakapaloob ito sa Bibliya.” Ilang beses pa akong nagbahagi sa kanya tungkol dito hanggang sa sinabi niyang naunawaan niya ito.

Akala ko nalutas na ang mga kuru-kuro ni Sister Teresa, pero kinabukasan, nang banggitin ko ulit ang pagsasalita ng Panginoon ng mga bagong salita sa mga huling araw, sinabi niyang ang lahat ng salita ng Diyos para sa mga huling araw ay nasa Bibliya dapat. Noong una, akala ko nagkamali ako ng dinig, ngunit matapos kong makumpirma sa kanya, labis akong nadismaya at pinanghinaan ako ng loob. Naisip ko na, unang-una, napakahirap magtakda ng oras sa kanya, at ngayon, hindi pa rin niya nauunawaan kahit na ilang beses ko itong ipinaliwanag. Mauunawaan ba niya ito? Hindi ako nagsalita, pero naiisip ko nang umatras. Pero napagtanto kong hindi naman sa wala siyang nakuhang kahit ano mula sa aming pagbabahaginan. Ang limitahan ang isang tao nang ganoon kadali ay hindi naaayon sa kalooban ng Diyos. Tapos ay bigla kong naalala ito mula sa mga salita ng Diyos: “Kung ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mong tanggapin ang atas ng Diyos, nang may paggalang at pagsunod. Dapat mong pagsikapang tratuhin ang bawat taong nagsisiyasat sa tunay na daan nang may pagmamahal at pasensya, at dapat magawa mong magtiis ng paghihirap at magpakapagod. Maging masigasig sa pag-ako ng responsibilidad para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo; magbigay ng malinaw na pagbabahagi tungkol sa katotohanan, nang sa gayon ay maaari mo itong iulat sa Diyos. Ito dapat ang saloobin ng isang tao sa pagganap sa kanyang tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). “Kung paulit-ulit na nagtatanong ang isang taong nagsisiyasat ng tunay na daan, paano ka dapat sumagot? Dapat ayos lang sa iyo ang paglalaan ng oras at abala upang sagutin sila, at dapat maghanap ng paraan upang malinaw na magbahagi tungkol sa kanilang katanungan, hanggang sa maunawaan nila at hindi na muli pang magtanong dito. Sa gayon ay natupad mo ang iyong responsabilidad, at magiging malaya sa pagkakonsiyensiya ang iyong puso. Ang pinakamahalaga, magiging malaya ka sa pagkakonsiyensiya sa Diyos sa bagay na ito, dahil ang tungkuling ito, ang responsabilidad na ito, ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Nahiya ako sa sarili ko nang maisip ko kung anong hinihingi ng Diyos. Ilang beses lang akong nagbahagi, pero ayokong patuloy na subukan dahil hindi pa niya binibitiwan ang kanyang mga kuru-kuro. Hindi ako naging mapagmahal. Napakarami ko ring kuru-kuro noong una akong naging isang mananampalataya, pero paulit-ulit na nagbahagi sa akin ang mga kapatid, at ipinagdasal ako bago ko nabitiwan ang mga kuru-kurong iyon, at humarap sa Diyos para tanggapin ang Kanyang kaligtasan. Ito ay dahil sa pagmamahal at pagpaparaya ng Diyos. Kaya bakit hindi ko nagawang matiyagang magbahagi sa kanya noong ibinabahagi ko ang ebanghelyo? Sa puntong ito, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, kung isa siya sa Iyong mga tupa, pakiusap, gabayan Mo po ako. Gagawin ko po ang lahat ng makakaya ko para makipagtulungan sa Iyo.” Matapos magdasal, naisip ko kung paanong ang Bibliya ang naging pundasyon ng pananampalataya ni Teresa sa lahat ng mga taong iyon. Kauna-unawa na hindi niya kaagad lubos na matanggap nang marinig niya na ang mga bagong salita ng Diyos para sa mga huling araw ay wala sa Bibliya. Naisip kong puwede ko siyang kausapin tungkol dito mula sa ibang pananaw. Pagkatapos noon, nagbahagi ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos sa kanya: “Ang Diyos Mismo ang buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Ang mga walang kakayahang magkamit ng katotohanan ay hindi kailanman magkakamit ang buhay. Kung wala ang patnubay, pag-alalay, at pagtustos ng katotohanan, ang tanging makakamit mo lamang ay mga salita, mga doktrina, at, higit sa lahat, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, kung gayon ay hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, kung gayon tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, kaya bukod sa mga guni-guni at mga kuru-kuro, ang kabuuan ng katawan mo ay magiging walang iba kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Dapat mong malaman na hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring sambahin na katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga salitang sinasabi ng Diyos sa kasalukuyan ang mga tuntunin ng nakalipas. Tanging ang mga inihahayag lamang ng Diyos kapag pumaparito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). “Ang katotohanan na nais Kong ipaliwanag dito ay ito: Kung ano at kung anong mayroon ang Diyos ay di-nauubos magpakailanman at walang katapusan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay at ng lahat ng bagay; hindi Siya maaaring maarok ng anumang nilalang. Ang panghuli, dapat Kong patuloy na ipaalala sa lahat: Huwag na muling lagyan ng limitasyon ang Diyos batay sa mga aklat, mga salita, o sa Kanyang nakaraang mga pagbigkas kahit kailan. Mayroon lamang iisang salita na naglalarawan ng katangian ng gawain ng Diyos: bago. Ayaw Niyang tahakin ang lumang mga landas o ulitin ang Kanyang gawain; higit pa riyan, ayaw Niyang sambahin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng paglalagay sa Kanya ng limitasyon sa loob ng partikular na saklaw. Ito ang disposisyon ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pangwakas na Pananalita). Pagkatapos niyon, nagbahagi ako sa kanya, “Ang Diyos ang Lumikha, at ang Kanyang karunungan ay walang hanggan. Palaging kaya ng Diyos na magpahayag ng mas maraming katotohanan batay sa Kanyang plano ng gawain at sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Paano Siya malilimitahan sa kung anong sinasabi sa Bibliya? Hindi ba’t pagkukulong iyon sa Diyos sa kung anong nilalaman ng Bibliya?” Tapos ikinuwento ko sa kanya ang pabulang Chinese tungkol sa palaka na nasa ilalim ng isang balon. Sabi ko, “May isang palakang nakatira sa ilalim ng isang balon, at nakikita lang ang langit sa bukana ng balon, kaya akala nito ay kasinglaki lang ng bukana na iyon ang langit. Tapos isang araw, napakalakas ng bumuhos na ulan dahil sa isang malaking bagyo na puwede itong tumalon palabas ng balon. Nakita nito ang walang hanggang kalawakan ng kalangitan, na sa totoo ay mas malaki ito kaysa sa bukana ng balon. Napagtanto nitong hindi lang nito nakita ang buong kalangitan dahil nasa ilalim ito ng balon.” Sinabi kong ganoon din ang naramdaman ko, at na ang pagkakaunawa ko sa Diyos ay talagang naging mababaw. Napakadakila ng Diyos, at napakaliit natin. Masagana ang Diyos! Ang Kanyang mga salita ay gaya ng buhay na tubig, magpakailanmang dumadaloy at walang hanggan. Hindi natin kailanman malalaman kung ano ang mayroon at ano Siya sa pamamagitan ng sarili nating pangangatwiran. Paano natin malilimitahan ang Diyos? Sinabi ng Panginoong Jesus: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay(Juan 14:6). Ang Diyos ang bukal ng buhay. Tinanong ko siya kung kayang magpahayag ng Diyos nang mas maraming katotohanan kaysa sa kung anong nasa Bibliya, mga bagay na mas mataas pa kaysa doon, lahat ng kinakailangan ng mga tao sa mga huling araw. Sabi niya, “Siyempre, kaya Niya.” Nakikita kong unti-unti nang nawawala ang kanyang mga kuru-kuro, bumubukas na ang kanyang puso. Ipinadala ko sa kanya ang parehong bersikulong iyon: “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia(Pahayag 2:7). Sinabi ko sa kanya na kung anong sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia ay iyon mismo ang sinasabi ng Panginoong Jesus pagbalik Niya sa mga huling araw. At may tala ang Bibliya ng kung anong sinabi at ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Lahat iyon ay itinala ng mga tao at pagkatapos ay pinagsama-sama sa isang aklat matapos gawin ng Diyos ang gawaing iyon. Nang tanungin ko siya kung maaari bang bago pa man ay napapaloob na sa Bibliya ang mga bagong salitang ipinahayag ng Panginoong Jesus nang Siya ay bumalik, ngumiti siya at sinabing, “Nauunawaan ko na ngayon. Ang mga salita ng Panginoon nang Siya ay bumalik ay wala sa Bibliya, at maaaring bumigkas ng mga salita ang Diyos na wala sa Bibliya.” Talagang labis siyang naantig, at sinabing hindi masyadong nauunawaan ng mga tao ang Diyos. Gusto niyang mas magbasa pa ng mga salita ng Diyos para mas maunawaan Siya.

Tuwang-tuwa ako, at labis na nagpapasalamat sa patnubay ng Diyos, na makitang kinikilala ni Teresa na magbabalik ang Panginoon at magsasalitang muli. Kaya tinanong ko siya, “Bilang magbabalik ang Panginoon at mas magsasalita pa, ano sa tingin mo ang paraan na gagamitin Niya para sa Kanyang mga pagbigkas?” Sabi niya, “Sa pamamagitan ng Espiritu.” Sinabi ko sa kanya na ganoon din ang naisip ko dati, pero siniyasat ko ang Kasulatan kasama ang mga kapatid at nakita na sinasabi nitong: “Sapagkat gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito(Lucas 17:24–25); “At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao(Lucas 17:26); “Kayo rin ay magsihanda; sapagkat paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip(Mateo 24:44). Sabi ko, “Binabanggit ng lahat ng bersikulong ito na magbabalik ang Panginoon bilang ‘ang Anak ng tao.’ Ang Anak ng tao ay nangangahulugan na Siya ay ipinanganak ng tao at may normal na katauhan. Hindi Siya matatawag na ganoon kung Siya ay nasa espirituwal na anyo. Ang Diyos na si Jehova ay nasa espirituwal na anyo, kaya hindi Siya tinawag na Anak ng tao. Ibig sabihin noon ang Panginoon ay bumalik sa katawang-tao sa mga huling araw. Kung Siya ay pumarito sa isang muling nabuhay na espirituwal na katawan, pumaparito sakay ng isang ulap at lantarang nagpapakita sa lahat ng tao, magpapatirapa ang lahat, manginginig sa takot, at walang magtatangkang tanggihan Siya. Kung gayon, paanong ang mga salita ng Panginoon na, ‘kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito’ ay maisasakatuparan?” Mukhang may kung anong pinagninilayan si Teresa, kaya nagpatuloy ako para tanungin siya, “Kapag nagpakita at gumawa na ang Panginoon sa mga huling araw, bakit Siya magpapasyang pumarito sa katawang-tao at hindi bilang isang Espiritu?” Umiling siya. Sabi ko, “Hindi nakikita o nahahawakan ng tao ang Diyos sa espirituwal na anyo. Kung biglang magpakita ang isang espirituwal na katawan at nagsalita, anong mararamdaman mo?” Sabi niya, “Matatakot.” Tumugon ako, “Oo, matatakot at malilito ang mga tao. Gusto ba ng Diyos na matakot ang lahat kapag kinakausap Niya tayo? Talagang hindi. Masyado nang nadungisan ang tiwaling sangkatauhan; hindi tayo karapat-dapat na makita ang Espiritu ng Diyos. Mamamatay lang tayo kapag nakita natin ang Espiritu ng Diyos. Kaya napakahalaga para sa atin, na tiwaling sangkatauhan, na pumarito ang Diyos sa katawang-tao sa mga huling araw upang magpahayag ng mga katotohanan para sa ating kaligtasan.” Pagkatapos niyon, binasa ko sa kanya ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay hindi direktang ginagawa gamit ang pamamaraan ng Espiritu at pagkakakilanlan ng Espiritu, sapagkat ang Kanyang Espiritu ay hindi maaaring mahawakan o makita ng tao, at hindi Siya maaaring malapitan ng tao. Kung sinubukan Niyang direktang iligtas ang tao sa paraan ng Espiritu, hindi magagawa ng tao na tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Kung hindi isinuot ng Diyos ang panlabas na anyo ng isang nilalang na tao, hindi magkakaroon ang tao ng paraan para tanggapin ang kaligtasang ito. Sapagkat walang paraan ang tao upang makalapit sa Kanya, katulad ng walang nakalapit sa ulap ni Jehova. Personal Niyang magagawa ang salita sa lahat ng sumusunod sa Kanya sa pamamagitan lamang ng pagiging isang nilikhang tao, ibig sabihin, sa pamamagitan ng paglalagay ng Kanyang salita sa Kanyang magiging katawang-tao. Sa ganitong paraan lamang maaaring personal na makita at marinig ng tao ang Kanyang salita, at higit pa rito, taglayin ang Kanyang salita, at nang sa gayon ay lubusang mailigtas. Kung ang Diyos ay hindi naging katawang-tao, walang nagtataglay ng laman at dugo ang makakatanggap ng ganoon kadakilang kaligtasan, at wala rin kahit isang tao ang maliligtas. Kung ang Espiritu ng Diyos ay gumawa nang direkta sa gitna ng sangkatauhan, ang buong sangkatauhan ay babagsak o di kaya ay ganap na mabibihag ni Satanas dahil hindi kaya ng tao na makalapit sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4). “Ito ang kabutihan ng pagkakatawang-tao ng Diyos: Mapakikinabangan Niya ang kaalaman ng sangkatauhan at magagamit ang wika ng tao upang magsalita sa mga tao, at upang ipahayag ang Kanyang kalooban. Ipinaliwanag Niya o ‘isinalin’ sa tao ang Kanyang malalim, maka-Diyos na wika na nahihirapan ang mga taong maunawaan sa wika ng tao, sa paraan ng tao. Nakatulong ito sa mga tao na maunawaan ang Kanyang kalooban at malaman kung ano ang nais Niyang gawin. Nagagawa rin Niyang makipag-usap sa mga tao mula sa pananaw ng tao, gamit ang wika ng tao, at magbigay-alam sa mga tao sa paraang nauunawaan nila. Nagagawa pa nga Niyang magsalita at gumawa gamit ang wika at kaalaman ng tao nang maaaring maramdaman ng mga tao ang kagandahang-loob at pagiging malapit ng Diyos, nang maaaring makita nila ang Kanyang puso(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, ipinagpatuloy ko ang aking pagbabahagi: “Nagpasya ang Diyos na pumarito sa katawang-tao, at mamuhay ng isang tunay na buhay kasama natin para mas mapalapit Siya sa atin, at mabigyan tayo ng katotohanan para iligtas tayo. Parang mga magulang lang sa kanilang anak. Gugustuhin ba ng magulang na matakot ang kanyang anak sa tuwing nakikita siya nito? Siyempre hindi. Hindi kailanman gugustuhin ng mga magulang na matakot ang kanilang anak, na magtago sa tuwing nakikita sila nito, kaya paano ang Diyos? Kung nagsalita lang mula sa kalangitan ang Diyos, matatakot tayo at lalayo sa Kanya. Ayaw ng Diyos na lumayo tayo, na maramdaman nating mahirap na mapalapit sa Kanya, kaya ang pagbabalik ng Panginoon sa mga huling araw ay tulad lang noong nagpakita at gumawa ang Panginoong Jesus. Pumarito Siya sa katawang-tao, bilang isang regular na normal na Anak ng tao, kumakain at nakikipag-usap sa Kanyang mga disipulo, at palaging tumutulong na lutasin ang kanilang mga problema at pagkalito. Ang makita ang tunay na nabubuhay na Diyos na talagang namumuhay kasama ng tao ay nakakatulong sa ating maramdaman na mas malapit tayo sa Diyos. Nais nating mas mapalapit sa Kanya, na sumandal sa Kanya. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay kayang makisalamuha sa atin nang walang anumang distansiya, at puwede Niyang gamitin ang sarili nating wika para ipahayag ang katotohanan, para tustusan at alagaan tayo. Puwede Siyang gumamit ng mga halimbawa at analohiya para mas maunawaan natin ang Kanyang kalooban, at pagkatapos ay mas madali na para sa atin na makaunawa at makapasok sa katotohanan. Napakapraktikal ng pagmamahal sa atin ng Diyos, napakatotoo! Sa pamamagitan ng pagiging tao, tinitiis ng Diyos ang napakalaking kahihiyan at pagdurusa para magsalita at gumawa para maunawaan natin ang katotohanan, mapalaya sa kasalanan, at ganap na maligtas. Ito ang Kanyang kaligtasan para sa tiwaling sangkatauhan.” Sa puntong ito, napaiyak si Teresa. Sabi niya, “Nauunawaan ko na ngayon. Nagbabalik ang Panginoon sa anyong katawang-tao sa mga huling araw. Gusto ko ring makasama natin ang Diyos sa katawang-tao. Nagbayad ng ganoon kalaking halaga ang Diyos para sa ating kaligtasan. Hindi tayo karapat-dapat dito….” Talagang naantig akong makita kung gaano naapektuhan si Teresa, at may naalala akong isang bagay na sinabi ng Diyos: “Nagagawa mo bang ipabatid ang disposisyong ipinahayag ng Diyos sa bawat kapanahunan sa isang kongkretong paraan, gamit ang wikang angkop na nagpapahayag ng kabuluhan ng kapanahunan? Ikaw ba, na nakakaranas ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, ay may kakayahan na detalyadong ilarawan ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Malinaw at tumpak ka bang makapagpapatotoo tungkol sa disposisyon ng Diyos? Paano mo ipapasa ang iyong nakita at naranasan sa mga taong nakakaawa, dukha, at tapat na relihiyosong mga mananampalataya na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran at naghihintay sa iyo na akayin sila?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?). “Para makapagpatotoo sa gawain ng Diyos, kailangan mong umasa sa iyong karanasan, kaalaman, at sakripisyong nagawa. Saka mo lamang mapapalugod ang Kanyang kalooban(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Noong ibinabahagi ko ang ebanghelyo bago iyon, kadalasan ay nagbabahagi lang ako ng mga teorya sa mga tao at hindi ko kailanman naisip kung may tunay ba akong pagkaunawa sa Diyos, kung kaya ko bang magbahagi ng patotoo mula sa tunay na personal kong mga karanasan. Ipinakita sa akin ng karanasang ito na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi lang pakikipag-usap sa ibang tao, pero ito’y isang pagkakataon para sa akin na mas makilala ang Diyos. Nararamdaman ko rin ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ko kay Teresa. Kung hindi Siya pumarito para gumawa at magsalita sa katawang-tao, tiyak na hindi natin mauunawaan ang katotohanan o malilinis ang ating mga tiwaling disposisyon. Mawawasak lang tayo sa mga sakuna. Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo kong nararamdaman kung gaano kalaki at gaano katotoo ang pagmamahal ng Diyos para sa atin.

Pagkatapos ng aming pagbabahaginan, sinabi ni Teresa, “Bago lahat sa akin ang pagbabahagi ngayon. Talagang marami akong nakamit mula rito.” Tuwang-tuwa akong marinig na sabihin niya ito, at sinabi ko sa kanya, “Ang Panginoong Jesus ay nagbalik na bilang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao. Nagpahayag ng mga bagong salita ang Makapangyarihang Diyos at ginagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw para ganap na linisin at iligtas ang sangkatauhan. Isinasakatuparan nito ang mga biblikal na propesiya, kabilang na ang ‘Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos(1 Pedro 4:17), at ‘Ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol(Juan 5:22).” Talagang nasabik si Teresa na marinig na nagbalik na ang Panginoon, pero naguluhan din siya. Tinanong niya ako, “Pinatawad na ng Panginoong Jesus ang ating mga kasalanan nang Siya ay ipinako sa krus. Bakit kailangan pang bumalik ng Panginoon at gawin ang gawain ng paghatol para iligtas ang tao sa mga huling araw?” Binasahan ko siya ng dalawang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos para sagutin ang tanong niya: “Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan). “Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, sinabi kong, “Tinubos nga tayo ng Panginoong Jesus. Anong nakamit ng pagtubos na ito? Tinubos tayo sa ating mga kasalanan kaya hindi na tayo pinarusahan sa paglabag sa kautusan. Ito ang nagawa ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus. Napatawad ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Panginoon, pero hindi pa rin natin mapigilang magsinungaling at magkasala sa lahat ng oras. Namumuhay tayo sa masamang siklo ng pagkakasala sa araw, at pangungumpisal sa gabi, hindi kailanman makatakas sa kadena ng kasalanan. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi natin naalis ang ating makasalanang kalikasan. Ang makasalanang kalikasan na ito ay parang isang malignant na tumor sa ating kaloob-looban. Kapag hindi ito tinanggal, maaari tayong mapatawad nang isang libong beses, sampung libong beses, pero hindi tayo kailanman mapapalaya mula sa kasalanan o magiging karapat-dapat sa kaharian ng langit. Ito ang dahilan kung bakit kailangang bumalik ng Panginoon, ipahayag ang mga katotohanan, at gawin ang gawain ng paghatol. Ang gawain ng paghatol na iyon ay para lutasin ang ating mga makasalanang kalikasan nang sa gayo ay ganap tayong mapalaya sa mga kadena ng kasalanan, at madalisay at ganap na maligtas.”

Masayang-masaya si Teresa na marinig ito at sabik na sinabing, “Puwede mo bang sabihin sa akin ang tungkol sa gawain ng paghatol? Paano isinasakatuparan ng Diyos ang paghatol na ito para iligtas tayo sa kasalanan?” Binasahan ko siya ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan). Matapos basahin ito, sinabi kong, “Sa mga huling araw, ginagawa ng Diyos ang Kanyang paghatol sa pamamagitan ng mga salita para ilantad ang satanikong kalikasan ng paglaban sa Diyos ng sangkatauhan. Ibinubunyag nito ang lahat ng ating pagpapahayag ng ating satanikong disposisyon at paglaban sa Diyos kaya nalalaman natin ang katotohanan kung gaano tayo kalalang ginawang tiwali ni Satanas habang nakikita rin ang banal at matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghatol, pagkastigo, pagtabas, at pagwawasto ng mga salita ng Diyos, nakikita natin ang lahat ng satanikong disposisyong ating ibinubunyag, tulad ng pagiging mapagmataas at mapanlinlang. Kaya man nating magsakripisyo para sa Diyos, pero kapag may nangyari na hindi natin gusto, tulad ng pagkakasakit o pagharap sa sakuna, hindi natin nauunawaan at sinisisi natin ang Diyos. Noon lamang natin nakikita na mayroon pa rin tayong kalikasang laban sa Diyos, at kahit na nagsasakripisyo tayo para sa Diyos, ito ay para lang sa mga pagpapala at gantimpala, at para makapasok sa kaharian ng langit. Nakikipagtawaran tayo sa Diyos. Wala tayong tunay na debosyon o pagpapasakop sa Diyos, lalong walang tunay na pagmamahal. Sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at ng kung anong ibinunyag ng mga bagay na nangyari sa atin, nakikita natin ang katotohanan ng ating katiwalian at kinamumuhian ito. Nararanasan din natin ang banal at matuwid na disposisyon ng Diyos na walang palalampasing paglabag at mayroon tayong puso na may takot at sumusunod sa Diyos. Ito ang tanging paraan para makita natin kung gaano kalala tayo ginawang tiwali ni Satanas. Kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw, hindi natin kailanman makikita ang katotohanan ng ating katiwalian o mapapalaya mula rito. Lalong hindi tayo magkakaroon ng pagmamahal o pagsunod sa Diyos kailanman. Tulad ng isang taong may sakit, kung hindi niya alam na may mali sa kanya, hindi siya magpapagamot o malalaman kung anong panggamot ang kailangan niya, kaya hindi siya gagaling. Pero kung pumunta siya sa doktor, masasabi sa kanya ng doktor kung anong problema, anong nagdudulot nito, at paano ito gagamutin, at siya ay gagaling kung susundin niya ang payo ng doktor. Kaya hinahatulan ng Diyos ang sangkatauhan gamit ang Kanyang mga salita sa mga huling araw para lutasin ang ating makasalanang kalikasan at mga satanikong disposisyon. Kailangan nating tanggapin ang paghatol at pagkastigo na iyon ng Kanyang mga salita para mapalaya mula sa kasalanan, at maalis ang ating mga tiwaling satanikong disposisyon, maligtas ng Diyos, at makapasok sa kaharian ng langit.” Sa puntong iyon, sinabi ni Teresa, “Nauunawaan ko na ngayon. Ang gawain ng paghatol ay paglilinis at pagliligtas sa atin ng Diyos. Gusto kong makatakas sa buhay na ito ng pagkakasala at pangungumpisal, kaya kailangan kong tanggapin ang paghatol at paglilinis ng Diyos.” Magkasama kaming nanood ng ilang pelikulang pang-ebanghelyo pagkatapos noon at pagkatapos ay nagbasa ng maraming salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabik na sinabi sa akin ni Teresa, “Ang mga salitang ito ay lubhang may awtoridad at kapangyarihan. Napakahalaga ng mga ito. Ito ang tinig ng Diyos! Ang Makapangyarihang Diyos ay talagang ang Panginoong Jesus na nagbalik. Siya ang Panginoong bumalik para dalisayin at iligtas tayo!” Tapos nagmamadali niya akong tinanong, “Paano ako makakakuha ng kopya ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos? Saan ako puwedeng magbahagi nang personal kasama ang ibang mananampalataya?” Sinabi kong puwede ko siyang ipakilala sa mga lokal na miyembro ng iglesia at ipinadala ko sa kanya ang online version ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Talagang tuwang-tuwa siya—nanlaki ang kanyang mga mata, at sinabi niyang gusto niyang makuha ang libro at basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa lalong madaling panahon. Nang makita kung gaano siya kasabik na salubungin ang Panginoon, talagang nagpapasalamat ako para sa kaliwanagan at patnubay ng Diyos na hinayaan si Teresa na marinig ang tinig ng Diyos at pumasok sa Kanyang sambahayan.

Makalipas ang dalawa o tatlong araw, sinabi niya sa akin na ikinuwento niya sa kanyang pinakamalapit na kaibigan ang balita na nagbalik na ang Panginoon, na nagbabala sa kanyang huwag itong paniwalaan. Tinatawagan at binabantaan din siya ng kanyang pastor, sinasabing mapapatalsik siya sa simbahan kung pananatilihin niya ang pananalig niya sa Makapangyarihang Diyos. Sabi niya, “Sigurado akong ang Makapangyarihang Diyos ay si Cristo ng mga huling araw dahil ang Kanyang mga salita ay ang katotohanan, at si Cristo lang ang makapagpapahayag ng katotohanan. Siya ang Panginoong Jesus na nagbalik. Hindi ako maaapektuhan ng aking kaibigan, at hindi ako mapipigilan ng pastor.” Sinabi rin niyang, “Ilang taon na akong naghahanap ng isang tunay na iglesia, pero palagi akong nadidismaya. Walang mapag-aruga sa kanila, at parami nang parami ang mga miyembro na sumusunod sa mga makamundong kalakaran. Nawawalan ako ng pag-asa. Sobrang nagpapasalamat ako sa Diyos. Hindi ko kailanman inakalang maririnig ko ang tinig ng Diyos at sasalubungin ang Panginoon. Sa wakas ay nahanap ko na ang iglesia ng Diyos.” Talagang emosyonal siya at nakikita ko ang luha sa kanyang mga mata—punong-puno siya ng pag-asa. Labis akong naantig. Nakita kong kapag narinig ng isa sa mga tupa ng Diyos ang Kanyang tinig, susundan niya Siya at pananatilihin ang kanyang pananampalataya gaano man humadlang si Satanas. Pero noong iniisip ko kung paano ako pinanghinaan ng loob at ginustong sumuko noong nahadlangan ako, at handa na ako na pabayaan siya, muntik nang sumuko sa pagbabahagi ng patotoo sa kanya tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, puno ako ng pagsisisi at konsensya. Nakita ko rin kung paanong ang Diyos lang talaga ang nagmamahal at nagmamalasakit para sa atin, dahil noong pasuko na sana ako, binigyan ako ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos at ginabayan ako sa tamang panahon, para makita ko ang pagrerebelde ko at maunawaan ang pagmamadali ng kalooban ng Diyos para iligtas ang tao. Tapos ay puwede na akong unti-unting magbago at tumupad ng aking tungkulin.

Isa rin itong malalim na karanasan para sa akin na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay paggamit ng sarili kong karanasan at pagkaunawa sa gawain at mga salita ng Diyos para magpatotoo sa Diyos, para dalhin sa harap ng Diyos ang mga taong inaasam ang pagbabalik ng Panginoon. Wala nang ibang mas makahulugan pa. Nadama ko rin ang apurahang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang pag-asa na mas maraming tunay na mananampalataya ang lalapit sa harap Niya at tatanggapin ang Kanyang kaligtasan. Napakaraming tao mula sa bawat denominasyon ang nakikibaka sa paghihirap ng pamumuhay sa kadiliman, inaasam na magpakita ang Diyos. Punong-puno ng kalungkutan ang Diyos, at Siya ay nababalisa para sa kanila. Kaya mas lalo kong naramdamang responsibilidad ko ang pagbabahagi ng ebanghelyo. Nanumpa ako sa Diyos na anumang hadlang ang makaharap ko, sasandal ako sa Kanya at tutuparin ang aking tungkulin at responsibilidad sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Magbabahagi ako ng patotoo batay sa aking tunay na pagkaunawa sa Diyos at dadalhin ang Kanyang tupa sa Kanyang harapan, nang sa gayon ay matanggap nila ang Kanyang kaligtasan sa mga huling araw sa lalong madaling panahon.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman