Kung Bakit Napakayabang Ko Noon

Nobyembre 28, 2022

Ni Chengxin, Timog Korea

Isang araw, binanggit sa akin ng dalawang lider ng iglesia ang isang isyu. Sinabi nila na si Isabella, na siyang namamahala sa gawain ng ebanghelyo, ay hindi maprinsipyo sa kanyang mga kilos, hindi niya tinatalakay ang mga bagay-bagay sa mga lider ng iglesia, kundi walang pili lang na inililipat ang mga tao para magbahagi ng ebanghelyo, na nakakaapekto sa gawain na kasalukuyang pinamamahalaan ng mga kapatid, at nakakagambala sa gawain ng iglesia. Walang pag-aalinlangang sumagot ako, “Tiyak na binago nang ganoon ni Isabella ang mga tungkulin ng mga tao para matugunan ang mga pangangailangan ng gawain.” Sinabi ng isa sa mga lider, “Kulang sa kakayahan si Isabella at hindi maabilidad sa trabaho niya. Hindi nagagawa nang mabuti ang mga pagsasaayos ng mga tauhan at hindi natutuwa ang iba tungkol dito. Nagiging negatibo ang kalagayan ng ilang tao dahil dito at naaapektuhan ang ating gawain ng ebanghelyo. Hindi ba’t hindi siya angkop na mamahala sa gawaing ito?” Nainis talaga ako nang marinig kong tatanggalin siya, at sumagot ako, “Ano? Kung hindi si Isabella ang mamamahala sa gawain ng ebanghelyo, makakahanap ba kayo ng kung sinong mas mahusay? May angkop bang tao sa atin? Totoong umiiral ang mga isyung ito na binanggit mo, pero hindi ito masyadong kritikal. Nagkakaroon siya ng mga resulta sa gawain ng ebanghelyo—hindi natin siya pwedeng tanggalin dahil sa maliliit na bagay na ito! Kailangan nating pangalagaan ang gawain ng iglesia.” Habang pinabubulaanan ang mga lider ng iglesia, iniisip ko na naghahanap sila ng mali, at walang taong perpekto! Lahat tayo ay tiwali at may kapintasan, kaya tama bang hingin na gawin ng mga tao ang lahat nang tama? Bakit hindi nila unahin ang mga resulta ng gawain? Paano kung tinanggal namin siya at nabawasan ang mga nagagawang gawain? Baka pagmukhain ako nun na hindi ko kayang gumawa ng praktikal na gawain, tulad ng isang huwad na lider. Tapos ano na lang ang iisipin ng iba sa’kin? At tatanggalin ba ako ng nakatataas na lider kapag nalaman niya? Hindi nakaimik sa pagtutol ko ang dalawang lider ng iglesia, at walang magawang sinabing, “Panatilihin muna natin siya sa pwesto.” Pagkalipas ng ilang araw, nakipag-ugnayan sa akin online ang nakatataas na lider at tinanong ako kung kumusta si Isabella sa tungkulin niya. Sabi ko, “Maayos naman siya. May ilan siyang natutupad sa gawain niya, at natatapos talaga niya ang mga bagay-bagay.” Pagkatapos ay tinanong ako ng lider bilang tugon, “Ano itong mga natutupad niya na binanggit mo? Nasuri mo ba talaga kung gaano karaming tao ang totoong nakamit niya sa gawain ng ebanghelyo? Alam mo bang pinepeke niya ang mga bilang niya? Mahina ang kakayahan niya at hindi siya gaanong mahusay. Hindi niya kayang lutasin ang mga problema. Alam mo ba ‘yon? Alam mo ba na walang prinsipyo siyang nagtatalaga ng mga tao, na ginagambala ang gawain ng ebanghelyo?” Nang maharap sa sunod-sunod na tanong, kumabog ang puso ko at nablangko ang isipan ko. Nang makitang hindi ako makasagot sa kahit isang tanong, nagpatuloy ang lider: “Grabe ang tiwala mo sa sarili mo! Ang mga taong masyadong tiwala sa sarili ay walang kamalayan sa sarili. Kung kilala mo talaga ang sarili mo, bakit hindi mo talikdan ang sarili mo? Bakit hindi mo tanggihan ang sarili mo? Malinaw na binanggit ng ibang tao ang isyung ito, pero hindi mo ito tinanggap. Napakayabang mo naman? Taglay mo ba ang realidad ng katotohanan? Ang isang taong talagang may realidad ng katotohanan ay hindi naniniwala sa kanyang sarili. Nagagawa niyang makinig kapag tama ang ibang tao. Kaya niyang tumanggap at magpasakop sa katotohanan. Iyan ang taong may normal na pagkatao. Anong uri ng tao ang lubhang mayabang at mapagtiwala sa sarili? Kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan? Hindi tinatanggap ng mayayabang na tao ang katotohanan, at talagang hindi sila magpapasakop sa katotohanan. Hindi kilala ng mga taong mayabang at mapagtiwala sa sarili ang kanilang sarili, hindi nila nagagawang talikdan ang sarili nila, at talagang hindi nila kayang isagawa ang katotohanan o itaguyod ang mga prinsipyo ng katotohanan. Hindi nila nakakasundo nang maayos ang iba. Ang mayayabang na tao ay ang mga hindi nagbabago ang disposisyon. Mula sa mga ito, makikita natin na ang mayayabang na tao ay pawang matatandang Satanas na nananatiling hindi nagbabago. Dapat kang magnilay kung ganoong uri ka ba ng tao.” Natigilan ako noon—para akong tinamaan ng kidlat. Nakaupo lang ako roon pagkatapos kong mag-offline, paulit-ulit na iniisip ang sinabi niya: “hindi tinatanggap ang katotohanan,” “hindi magpapasakop sa katotohanan,” “hindi nakakasundo nang maayos ang iba,” “hindi nagbabago ang disposisyon,” at “pawang matatandang Satanas na nananatiling hindi nagbabago.” Habang mas iniisip ko ito ay mas lumalala ang pakiramdam ko, at hindi ko mapigilan ang mga luha ko. Sa pasakit ko, nagdasal ako habang lumuluha, “Diyos ko! Hindi ko akalain na isa akong taong mayabang, mapagtiwala sa sarili na hindi tumatanggap ng katotohanan. Pakiusap gabayan Mo po ako para mapagnilayan at makilala ang sarili ko.”

Pagkatapos, isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mapagmataas ang mga tao, mas hindi sila makatwiran, at kapag mas hindi sila makatwiran, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang isinasaalang-alang ng mga taong may mapagmataas na disposisyon ang lahat ng iba pa na mas mababa kaysa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos, at wala silang takot sa Diyos sa kanilang mga puso. Bagama’t maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mapagmataas na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—maliit na bagay iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mapagmataas na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kapamahalaan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging nadarama ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos para magkaroon ng kapangyarihan sa iba. Ang ganitong tao ay hindi iginagalang ang Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Ang mga taong mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili, lalo na iyong mga nawalan na ng katinuan sa sobrang mapagmataas, ay hindi kayang magpasakop sa Diyos sa kanilang paniniwala sa Kanya, at pinaparangalan pa nila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Ang gayong mga tao ang pinakalumalaban sa Diyos at talagang walang takot sa Diyos. Kung nais nilang umabot kung saan iginagalang nila ang Diyos, kailangan nilang lutasin muna ang mapagmataas nilang disposisyon. Habang mas ganap mong nilulutas ang mapagmataas mong disposisyon, mas magpipitagan ka sa Diyos, at saka ka lang makakapagpasakop sa Kanya at makakapagtamo ng katotohanan at makikilala Siya. Ang mga nagkakamit lamang ng katotohanan ang siyang tunay na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Lubos na nagbigay-liwanag sa’kin ang mga salita ng Diyos. Totoo iyon. Ang kayabangan ang ugat ng katiwalian. Sa pagiging mayabang, hindi ko lang minamaliit ang iba, kundi ang mas malala pa, minamaliit ko ang Diyos. Kapag may mga nangyayari, hindi ako lumalapit sa Diyos, hindi ko hinahanap ang kalooban Niya o ang mga prinsipyo ng katotohanan, bagkus sinusunod ko ang gusto ko, gustong makinig ang lahat sa akin. Naalala ko ang komento sa akin ng mga lider ng iglesia tungkol sa mga isyu ni Isabella. Pinabulaanan ko ang lahat ng sinabi nila nang hindi ‘yon pinag-iisipan. Sinabi nilang hindi maprinsipyo si Isabella, na walang pili niyang inililipat ang mga tao nang hindi nakikipag-usap sa mga lider ng iglesia, ginagambala ang mga bagay-bagay hanggang sa puntong hindi na alam ng mga tao kung anong tungkulin ang dapat nilang gawin. Pinabulaanan ko talaga ang isyung ito at hindi nakinig. Lubos kong ipinagtanggol si Isabella, sinasabing ganoon ang ginawa niya dahil agarang nangangailangan ng mga tao ang gawain ng ebanghelyo, na kailangan itong gawin. Sinabi ng mga lider ng iglesia na kulang siya sa kakayahan at hindi maabilidad sa trabaho niya, at hindi siya angkop na mamahala sa gawain ng ebanghelyo. Hindi ko inalam ang aktwal na sitwasyon o kinonsidera kung dapat ba siyang ilipat batay sa prinsipyo. Sa halip, tumutol ako at nayamot. Tinanong ko ang mga lider ng iglesia kung bakit hindi siya dapat mamahala, at kung makakahanap ba sila ng mas mahusay na superbisor kaysa sa kanya. Tinanggihan at pinigilan ko sila. Sa pagbabanggit ng isyung ito, ang mga lider ng iglesia ay nagpapakaresponsable at itinataguyod ang gawain ng iglesia, pero ang tingin ko lagi ay mas nauunawaan ko ang katotohanan kaysa sa kanila, na mas higit ang kabatiran ko, na may mababaw silang pagkaunawa sa katotohanan at hindi nakikita nang tama ang mga bagay-bagay, kaya hindi ko kailangang makinig sa kanila. Napakayabang ko at mapagtiwala sa sarili! Nagmamatigas kong sinunod ang gusto ko, tumatangging tanggapin ang katotohanan at hindi tumatanggap ng kahit isang totoong pahayag. Pinabulaanan ko ang bawat sinabi nila, nakipagtalo hanggang sa tumigil silang magpahayag ng kanilang mga opinyon. Sobrang yabang ko at wala akong anumang paggalang sa Diyos. Hindi ako gumagamit ng mga tao ayon sa prinsipyo at napinsala ko na ang gawain ng iglesia, at hindi lang ako nabigong aminin ang mga pagkakamali ko, bagkus sinisi ko pa ang mga lider ng iglesia nang banggitin nila ito. Pinagalitan ko sila sa pagiging mapaghanap ng mali at hindi patas na pagtrato nila kay Isabella. Hindi ba’t isa lang akong matandang Satanas na walang anumang pagbabago sa disposisyon, gaya pa rin nang dati? Paano ko makakasundo nang tama ang iba at magagawang makipagtulungan nang maayos sa gano’ng paraan? Nakonsensya talaga ako nang maisip ko ‘yon, at nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi at harapin kaagad ang sitwasyon ni Isabella. Pagkatapos aktwal na suriin ang mga bagay-bagay, nalaman ko na si Isabella ay naging mapanlinlang sa mga ulat tungkol sa gawain niya at ginulo ang mga bagay-bagay, at maraming bagong mananampalataya ang hindi dumadalo sa mga pagtitipon dahil hindi siya nagtatalaga ng mga tagapagdilig. Mahina ang kakayahan ni Isabella, pero mayabang siya at mapandikta, at hindi niya tinatalakay ang gawain niya sa kahit sino. Nang lumitaw ang mga problema, hindi niya nalutas ang mga ito at hindi niya tinanggap ang mga mungkahi ng iba, kaya maraming isyu ang hindi natugunan sa loob ng mahabang panahon, hinahadlangan ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo. Sa harap ng mga katunayang ito, sa wakas ay inamin kong maling tao ang napili ko. Nang iminungkahi ng mga lider ng iglesia na palitan siya, hindi ako pumayag, at pinagalitan at sinupil pa sila. Mas sumama ang pakiramdam ko habang mas iniisip ko ‘yon, at kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagiging mayabang at mapagtiwala sa sarili. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na maunawaan ang diwa ng aking problema.

Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na tumatalakay sa isyu ng kayabangan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kayabangan at pagmamagaling ang pinakahalatang satanikong disposisyon ng mga tao, at kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan, walang paraan para malinis sila. Ang mga tao ay may mayabang at mapagmagaling na mga disposisyon, lagi silang naniniwala na tama sila, at sa lahat ng kanilang iniisip, sinasabi, at binibigyan ng opinyon, lagi silang naniniwala na tama ang sarili nilang pananaw at pag-iisip, na wala sa anumang sinasabi ng ibang tao ang kasinghusay at kasingtama ng sinasabi nila. Lagi silang nakakapit sa sarili nilang mga opinyon, at hindi nakikinig sa anumang sinasabi ng iba; kahit tama ang sinasabi ng ibang mga tao, at naaayon sa katotohanan, hindi nila iyon tinatanggap, mukha lamang silang nakikinig, ngunit wala silang naiintindihan. Kapag oras na para kumilos, ginagawa pa rin nila ang gusto nila; lagi nilang iniisip na tama sila at may katwiran. Maaaring tama ka, at may katwiran, o maaaring tama ang ginagawa mo, walang mga isyu, ngunit ano ang disposisyong ibinubunyag mo? Hindi ba kayabangan at pagmamagaling? Kung hindi mo maalis ang mayabang at mapagmagaling na disposisyong ito, makakaapekto ba ito sa pagganap mo sa iyong tungkulin? Makakaapekto ba ito sa kakayahan mong isagawa ang katotohanan? Kung hindi mo malutas ang ganitong klase ng mayabang at mapagmagaling na disposisyon, malamang bang makaranas ka ng malalaking balakid sa hinaharap? Walang dudang oo, hindi maiiwasan ito. Nakikita ba ng Diyos ang mga bagay na ito na namamalas sa mga tao? Kitang-kita Niya ito; hindi lamang sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng tao, kundi palagi ring minamasdan ang bawat binibigkas at ikinikilos niya. At ano ang sasabihin ng Diyos kapag nakita niya ang mga bagay na ito na namamalas sa iyo? Sasabihin ng Diyos, ‘Napakatigas ng ulo mo! Madaling unawain kung ayaw mong makipagkompromiso kapag hindi mo alam na mali ka, ngunit kung ayaw mo pa ring makipagkompromiso kapag alam na alam mo na mali ka, at ayaw mong magsisi, napakatigas ng ulo mo, at nanganganib ka. Kung, kaninumang mungkahi iyon, tumutugon ka nang negatibo at pagalit, at hindi mo talaga tinatanggap ang katotohanan—kung, sa puso mo, walang iba kundi galit, saradong isip, pagtanggi—katawa-tawa ka, isa kang kakatwang hangal! Napakahirap mong pakitunguhan.’ Anong mayroon sa iyo na napakahirap pakitunguhan? Ang problema sa iyo ay na ang pag-uugali mo ay hindi isang maling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay o isang maling uri ng asal, kundi ibinubunyag nito ang isang partikular na uri ng disposisyon. Anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag nito? Nayayamot ka sa katotohanan at napopoot sa katotohanan. Sa sandaling matukoy ka na napopoot sa katotohanan, sa paningin ng Diyos, mapapahamak ka; itataboy ka ng Diyos, at hindi ka papansinin. Sa mga tao, ang pinakamalalang maaaring mangyari ay, baka sabihin nila, ‘Hindi mabuti ang disposisyon ng taong ito—suwail siya, mapagmatigas, at bastos! Mahirap siyang pakisamahan, at hindi niya minamahal ang katotohanan ni hindi niya ito tatanggapin o isasagawa kailanman.’ Ang pinakamalalang maaaring mangyari ay na magiging ganito ang pagsusuri ng lahat sa iyo, subalit maitatakda ba ng ganitong pagsusuri ang kapalaran mo? Hindi maitatakda ng mga tao ang kapalaran mo sa pamamagitan ng kanilang pagsusuri, subalit may isang bagay na hindi mo dapat malimutan, at iyon ay nakikita ng Diyos ang loob ng puso ng tao, at kasabay nito ay pinagmamasdan din Niya ang lahat ng ginagawa at sinasabi ng tao. Kung nagpasya nang ganito ang Diyos tungkol sa iyo at sinabi Niyang kinapopootan mo ang katotohanan, sa halip na sabihin lang na may tiwali kang disposisyon at medyo masuwayin—seryosong problema ba ito? (Oo.) Kung magkagayon, kapahamakan ang naghihintay sa iyo. May kinalaman ang kapahamakang ito, hindi sa kung paano ka nakikita ng mga tao o kung paano ka nila sinusuri, kundi sa kung paano nakikita ng Diyos ang tiwali mong disposisyong ito na napopoot sa katotohanan. Kung gayon, ano ang magiging tingin sa iyo ng Diyos? Uuriin ka lamang ba ng Diyos bilang isang taong kinapopootan at hindi minamahal ang katotohanan, at wala nang iba? Ganoon lang ba kasimple iyon? Saan nanggagaling ang katotohanan? Sino ang kinakatawan ng katotohanan? (Kinakatawan nito ang Diyos.) Kailangan ninyong pag-isipan itong mabuti, kung napopoot ang isang tao sa katotohanan, ano kaya ang magiging dating nito sa Diyos? (Na kaaway siya ng Diyos.) Hindi ba ito magiging isang seryosong bagay? Ang isang taong napopoot sa katotohanan ay mapopoot sa Diyos sa kanyang puso(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya). Malaki ang naging epekto sa akin ng paghahayag ng mga salita ng Diyos. Nakita ko ang pangit na katiwalian ng aking kayabangan at pagmamagaling. Nagbigay ng ilang mungkahi ang dalawang sister tungkol sa isang taong pinili ko na hindi ko tinanggap ni bahagya—pakiramdam ko’y tama ako. Hindi ko man lang sila binigyan ng pagkakataong makapagsalita, kundi patuloy ko silang pinagalitan at pinigilan. Marami akong mayayabang na sinabi, nakipagtalo sa kanila at umatras sila. Hindi ‘yon simpleng pagkakamali sa pakikitungo at pag-uugali ko, kundi ito ay isang satanikong disposisyon ng pagkayamot at pagkapoot sa katotohanan. Ang isipin kung paano ako nagsalita at kumilos nang sagutin ko ang mga lider na iyon ay nakakasuka sa akin na tulad ng pagkain ng uod. Sobra akong nahiya, napahiya na parang isang payaso. Sa mata ng Diyos, ang pagkayamot at pagkamuhi sa katotohanan ay pagkapoot sa Diyos at pagiging kaaway Niya, at lahat ng kaaway ng Diyos ay mga diyablo. Tumpak na tumpak ang paglalantad sa akin ng nakatataas na lider bilang isang ganap na di-nagbabagong matandang Satanas. Iyon ang kalikasan at diwa ko. Sa pagharap sa mga isyu, tumututol lang ako, lumalaban, at hindi tumatanggap ng katotohanan, ginagawa ang tungkulin ko ayon sa aking tiwali at satanikong disposisyon. Paanong hindi ko malalabanan ang Diyos at malalabag ang disposisyon Niya? At paano ko maiiwasan ang pagpuna? Sa puntong ‘yon, napagtanto ko na ang matabasan at maiwasto sa gano’ng paraan ay pagiging matuwid ng Diyos. Bagamat nasaktan ang pride ko at mahirap para sa’kin ang mailantad at mapuna, tinulungan ako nitong makita ang aking mayabang na kalikasan at binigyan ako ng kaunting paggalang sa Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting pag-unawa at pagkakilala sa sarili kong kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Anuman ang ginagawa nila, laging may sariling mga pakay at layunin ang mga anticristo, lagi silang kumikilos ayon sa sarili nilang plano, at ang saloobin nila sa mga pagsasaayos at gawain ng sambahayan ng Diyos ay, ‘Maaaring libu-libo ang mga plano mo, pero may isang tuntunin ako’; ganap itong tinutukoy ng likas na pagkatao ng anticristo. Maaari bang baguhin ng isang anticristo ang kanyang pag-iisip at kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? Imposible talaga iyan, maliban kung puwersahin siya ng Itaas, kung magkagayon ay magagawa niya iyon nang kaunti, nang mabigat sa kalooban at napipilitan. Makakagawa lamang siya ng kaunting praktikal na gawain kapag malalantad at mapapalitan na siya kung wala siyang anumang gagawin. Ito ang saloobing mayroon ang mga anticristo sa pagsasagawa ng katotohanan: Kapag kapaki-pakinabang ito sa kanila, kapag pupurihin at hahangaan sila ng lahat para dito, siguradong gagawin nila ito, at kunwaring medyo magsisikap para magpakitang-tao. Kung wala silang mapapala sa pagsasagawa ng katotohanan, kung walang makakakita nito, at wala roon ang mga nakatataas na lider, sa gayong mga pagkakataon wala nang pagdududang hindi nila isasagawa ang katotohanan. Nakadepende ang pagsasagawa nila ng katotohanan sa konteksto, sa pagkakataon, sa kung hayagan ba itong gagawin sa publiko o hindi, at sa kung gaano kalaki ang mga pakinabang; pambihira ang kanilang galing at talas ng isip pagdating sa gayong mga bagay, at ang hindi pagkakamit ng anumang pakinabang o pagbabandera sa kanilang sarili ay hindi katanggap-tanggap. Wala silang ginagawang anumang gawain kung hindi kikilalanin ang kanilang mga pagsisikap, kung walang makakakita gaano man karami ang ginagawa nila. Kung ang gawain ay direktang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, at wala silang magagawa kundi gawin ito, isinasaalang-alang pa rin nila kung makikinabang ba ang kanilang katayuan at reputasyon dito. Kung mainam ito para sa kanilang katayuan at mapapaangat nito ang kanilang reputasyon, ibinubuhos nila ang lahat ng mayroon sila sa gawaing ito at ginagalingan nila ang trabaho rito; pakiramdam nila ay nasapul nila ang dalawang ibon sa isang bato. Kung wala itong pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, at ang gawin ito nang hindi maayos ay makapagpapasama sa kanilang imahe, umiisip sila ng paraan o dahilan para matakasan ito. Anuman ang tungkuling gampanan niya, lagi siyang nakakapit sa iisang prinsipyo: Dapat siyang makakuha ng kaunting pakinabang. Ang klase ng gawaing pinakagusto ng mga anticristo ay kapag wala silang kailangang gastusin, kapag hindi nila kailangang magdusa o magbayad ng anumang halaga, at may pakinabang iyon sa kanilang reputasyon at katayuan. Sa kabuuan, anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi nila tunay, taos, at talagang sinusunod ang katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga prinsipyo ng katotohanan, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tuparin ang kalooban ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapapalugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang sarili nilang katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang sarili nilang reputasyon at mapagtatanto sa maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasan at diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung ang paggawa ng praktikal na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasan at diwa ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang pagiging tutol at iritable kapag binabanggit ng iba ang mga isyu ni Isabella, at hindi pagpayag na palitan siya ay hindi lamang dahil sa mayabang na disposisyon. Nakatago sa likod nun ang aking mga makasarili at masasamang motibo. Tumanggi akong tanggapin ang mga mungkahi ng mga lider para maprotektahan ko ang aking reputasyon at katayuan. Tama ang dalawang lider na iyon tungkol sa mga isyu ni Isabella. Malinaw na hindi siya angkop na maging superbisor at inaantala na niya ang gawain ng ebanghelyo. Dapat ay tinanggal ko siya kaagad, pero nakahanap ako ng lahat ng uri ng dahilan para hadlangan ‘yon upang mapanatili ko ang aking karangalan at katayuan. Dahil dito, hindi alam ng dalawang lider ng iglesia kung paano isaayos nang tama ang mga bagay-bagay, kaya naapektuhan nito ang aming gawain ng ebanghelyo nang mas matagal. Ang aking kayabangan, pagkabigo kong itaguyod ang gawain ng iglesia, at pagsasaalang-alang lang sa sarili kong karangalan at katayuan ay nakaapekto sa aming gawain ng ebanghelyo at sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Ginagambala ko ang gawain ng iglesia. Sinabi kong susuportahan ko ang pagtataguyod ng gawain ng iglesia, pero ang totoo, itinataguyod ko lang ang reputasyon at katayuan ko. Hangga’t napoprotektahan ko ang katayuan ko, kahit na ang isang taong pinili ko ay may mga isyu at nahahadlangan ang gawain ng iglesia, nagbubulag-bulagan ako. Handa akong makitang magdusa ang mga interes ng iglesia kung nangangahulugan ito na mapoprotektahan ko ang sarili kong katayuan. Hindi ba’t ugali ‘yon ng isang anticristo? Sa pamamagitan ng paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos, nakita ko ang kalikasan at diwa ko na laban sa Diyos, at malinaw na nakita ang aking mga kasuklam-suklam at masasamang motibo. Sa puntong ‘yon, medyo natakot ako, at handang magsisi sa Diyos, tumigil sa paggawa ng masama at paglaban sa Kanya dahil sa kayabangan.

Minsan, sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. “Kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon, ano ang maisasagawa mo para maiwasang maging pabasta-basta at padalos-dalos? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang magbahagi ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagbibigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi mo pagkapit sa sarili mong opinyon, dapat kang magdasal, hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng batayan sa mga salita ng Diyos—tukuyin kung paano kikilos batay sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakaangkop at tumpak na pagsasagawa. Kapag hinahanap ng mga tao ang katotohanan at inilalabas ang isang problema para sama-samang mapagbahaginan ng lahat at makahanap ng sagot para doon, sa panahong iyon nagbibigay ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu. Binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga tao ayon sa prinsipyo, sinisiyasat Niya ang iyong saloobin. Kung ayaw mong makipagkompromiso kahit tama man o mali ang pananaw mo, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at babalewalain ka; hindi ka Niya hahayaang umusad, ilalantad ka Niya at ibubunyag ang iyong pangit na kalagayan. Sa kabilang banda, kung tama ang iyong saloobin, hindi mapilit sa sarili mong paraan, ni hindi mapagmagaling, ni hindi pabasta-basta at padalos-dalos, bagkus ay saloobin ng paghahanap at pagtanggap ng katotohanan, kung ibabahagi mo ito sa lahat, gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at marahil ay aakayin ka Niya sa pag-unawa sa pamamagitan ng mga salita ng iba. Minsan, kapag binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, inaakay ka Niya na maunawaan ang pinakakahulugan ng isang bagay sa pamamagitan lamang ng ilang salita o parirala, o sa pagbibigay sa iyo ng pakiramdam. Napagtatanto mo, sa sandaling iyon, na anuman ang iyong kinakapitan ay mali, at, sa sandali ring iyon, nauunawaan mo ang pinakaangkop na paraan ng pagkilos. Sa pagdating sa gayong antas, nagtagumpay ka bang maiwasan ang paggawa ng kasamaan, at pagpasan ng mga kahihinatnan ng isang pagkakamali? Paano nakakamit ang ganoong bagay? Natatamo lamang ito kapag mayroon kang pusong may takot sa Diyos, at kapag hinahanap mo ang katotohanan nang may pusong masunurin. Kapag natanggap mo na ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at natukoy ang mga prinsipyo para sa pagsasagawa, ang iyong pagsasagawa ay maaayon sa katotohanan, at magagawa mong matugunan ang kalooban ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Para hindi makagawa ng masama sa tungkulin ko o makagambala sa gawain ng iglesia, ang susi ay magkaroon ng saloobing naghahanap ng katotohanan kapag may mga lumilitaw na isyu, ng isang pusong gumagalang sa Diyos, makipagtulungan sa iba, at isantabi muna ang sarili ko, manalangin, at maghanap, kapag nakakatagpo ako ng iba’t ibang opinyon. Iyon ang tanging paraan para makamit ang gawain ng Banal na Espiritu, gawin nang tama ang mga bagay-bagay, at mabawasan ang mga pagkakamali. Ang pagkaunawa rito ay nagbibigay-liwanag sa akin, at alam ko na kung paano magpatuloy. Tinanggal ko si Isabella pagkatapos nun at pumili ng bagong superbisor. Pagkaraan ng ilang panahon, kapansin-pansing bumuti ang gawain ng ebanghelyo. Pero mas lalo akong nagsisi at nakonsensya nang makita ko ang mga resultang ito. Kinasuklaman ko ang dati kong kayabangan, at kung paano ko sinadyang panatilihin si Isabella sa pwesto, ang paggambala ko sa gawain ng iglesia at paggawa ng paglabag. Nagdasal ako, umaasang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay at hindi na sundin ang sarili kong kagustuhan at mamuhay sa kayabangan.

Naharap ako sa isa pang sitwasyon kalaunan. Nagbigay ako ng ilang mungkahi sa isang talakayan sa gawain kasama ang ilang diyakono ng ebanghelyo, at sa sandaling nagsalita ako, sumabad ang lahat para tanggihan ito. Medyo napahiya ako at nagtataka, mali ba talaga ang lahat ng sinabi ko? Tama ba kayo sa lahat ng bagay? Ano ang iisipin sa akin ng iba, bilang lider, kung lahat ng opinyon ko ay tinatanggihan? Tiyak na iisipin nilang hindi ko nauunawaan ang katotohanan at kulang ako sa pagiging praktikal. Makikinig ba sila sa akin pagkatapos nito? Magkakaroon pa rin ba ako ng katanyagan ng isang lider sa mata ng lahat? Sa isiping ito, gusto kong magsalita alang-alang sa reputasyon ko at pabulaanan na naman ang mga pananaw ng iba. Pagkatapos ay talagang nakonsensya ako, napagtantong wala ako sa tamang kalagayan. Tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, “O Diyos, alam kong tama sila, pero nasaktan ang pride ko at gusto ko na namang protektahan ang reputasyon at katayuan ko. Pakiusap bantayan Mo po ako at tulungan akong tanggapin ang kanilang mga tamang mungkahi, sundin ang mga prinsipyo ng katotohanan at huwag mamuhay sa katiwalian.” Nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos pagkatapos kong manalangin: “Dapat talakayin ng isang tao sa iba ang lahat ng ginagawa niya. Pakinggan muna ang sasabihin ng lahat. Kung ang pananaw ng nakararami ay tama at naaayon sa katotohanan, dapat mong tanggapin iyon at magpasakop doon. Anuman ang ginagawa mo, huwag kang magyayabang. Ang pagyayabang ay hindi kailanman isang mabuting bagay, kahit saanmang grupo ng mga tao. … Dapat kang makipagbahaginan nang madalas sa iba, nang nagmumungkahi at nagpapahayag ng sarili mong mga pananaw—ito ay iyong tungkulin at iyong kalayaan. Ngunit sa huli, kapag kailangang magdesisyon, kung ikaw lamang ang gumagawa ng huling pasya, at pinasusunod mo ang lahat sa iyong sinasabi at pinaaayon sila sa iyong kagustuhan, nilalabag mo ang mga prinsipyo. … Kung walang anumang malinaw sa iyo at wala kang mga pananaw, matutong makinig at sumunod, hanapin ang katotohanan. Ito ang tungkuling dapat mong gampanan; ito ay isang matapat na saloobin. Kung ang isang tao ay walang sariling mga pananaw subalit laging natatakot na magmukhang hangal, na hindi maitangi ang kanyang sarili, na mapahiya; kung natatakot siyang itakwil ng iba at mawalan ng katayuan sa kanilang puso, kung kaya’t lagi siyang nagsisikap na mamukod-tangi at palaging nagyayabang, gumagawa ng mga kakatwang pahayag na hindi tumutugma sa realidad, na gusto niyang tanggapin ng iba—ginagampanan ba ng taong iyon ang kanyang tungkulin? (Hindi.) Ano ang ginagawa niya? Nagiging mapanira siya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nagbibigay-liwanag ang mga salita ng Diyos. Ang pakikilahok sa gawain, pagpapahayag ng mga opinyon at mungkahi ay bahagi ng tungkulin at mga responsibilidad ko, pero ang pilitin ang lahat na gawin ang gusto ko at makinig sa akin ay kayabangan lang. Sa mga talakayan sa gawain, lahat ay may karapatang magpahayag ng kanilang opinyon, at dapat tayong sumunod sa kung ano ang naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan at kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Iyon ang saloobing tumatanggap sa katotohanan. Pagkatapos nun, nagsimula akong tumuon sa pagsasagawa ng katotohanan, at kapag nagkakaroon ng iba’t ibang opinyon sa mga talakayan sa gawain, nagtatanong pa ako ng mga ideya sa mga tao para may mapagkasunduan kami na pwede naming ipatupad. Naalala ko minsan, natapos kong gawin ang isang bagay nang mag-isa at medyo hindi ako mapakali. Sa pamamagitan ng pagdarasal at pagninilay-nilay, napagtanto ko na hindi ko nakausap ang mga kapareha ko para may mapagkasunduan kami, at hindi iyon ang tamang pakikitungo. Nagtapat ako sa lahat sa pagbabahaginan na mayabang ako, hindi tinatalakay ang mga bagay-bagay bago gumawa ng desisyon, hindi ako naging makatwiran sa ganoong paraan, at na magbabago ako at ititigil ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganoong paraan pagkatapos nun. Hiniling ko rin sa lahat na bantayan ako. Naramdaman kong ang pagsasantabi sa sarili ko at pagsasagawa ng katotohanan sa ganitong paraan ay nagbigay sa akin ng kapayapaan ng isip.

Isinagawa ko ‘yon sa mga sumunod na talakayan sa gawain, at bumuti ang takbo ng mga bagay-bagay nang wala talagang anumang problema. Laking pasasalamat ko sa Diyos. Sa pamamagitan nito, naranasan ko na sa pagiging hindi mayabang sa tungkulin at pakikipagtulungan nang mabuti sa iba, makakamit mo ang gawain ng Banal na Espiritu at mas malamang na matatapos mo ang mga bagay-bagay. Ngayon ay may kaunti na akong pagkaunawa sa aking mayabang at mapagmagaling na tiwaling disposisyon. Kaya ko nang isagawa ang katotohanan at medyo nagbago na ako. Ito ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Tanging ang paghatol, pagkastigo, pagtatabas at pagwawasto ng Diyos ang makapagbabago at makapaglilinis sa mga tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman