Bukod sa Biblia Nakagawa na ba ang Diyos ng mga Pagbigkas?

Pebrero 7, 2021

Ni Xunqiu, Singapore

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sinundan ng mga Israelita ang landas ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ng kasalukuyan, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Biblia. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang hinirang na mga tao sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, at nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas nakahihigit at mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi makikita o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Biblia ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon bago ito maganap, nang walang makakaligtaan? Sino ang maaaring makapagtala nitong mas makapangyarihan at mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro na iyon? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Biblia, dapat mong lagpasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Biblia. Sa ganitong paraan ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos na ang Biblia ay isa lang talaan ng mga salita at gawain ng Diyos noong mga Kapanahunan ng Kautusan at Biyaya, pero hindi ng mga salita at gawain Niya sa mga huling araw. Kung kakapit lang tayo sa Biblia at hindi hahanapin ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia sa mga huling araw, hindi natin masasabayan ang Cordero at masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon. Importante para sa atin ang katotohanang ito para masalubong natin ang Panginoon.

Isang araw noong Enero 2018 nakilala ko online sina Sister Xie at Sister Chen, at mayroon silang mga napakakakaibang pananaw tungkol sa Biblia. Napakapraktikal at puno ng liwanag ang mga pagbabahagi nila. Sinabi nila sa akin ang mga sanhi ng pagkawasak ng mga iglesia, kung paano maging matalinong dalaga at salubungin ang Panginoon, kung bakit nilabanan ng mga Fariseo ang Panginoong Jesus, ang gawaing gagawin ng Diyos sa mga huling araw na ipinropesiya sa Pahayag, at iba pa. Nagbahagi sila sa akin sa loob ng ilang araw at nakaunawa ako ng higit pa sa sampung taong pakikinig ko sa aking pastor. Sariwa at bago sa pakiramdam ang lahat, at namamangha akong napaisip kung paano sila nakapagkamit ng napakalaking liwanag mula sa Biblia. Nagsimula akong sumali sa mga pagtitipon nila para matuto pa ng mga katotohanan at misteryo at mas malalim pang makilala ang Panginoon.

Sa isa sa mga pagtitipong ito, masayang sinabi sa akin ni Sister Xie, “May maganda akong balita! Nagbalik na ang Panginoon at ipinahahayag Niya ang katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw.” Nasabik akong marinig ito, pero medyo nahirapan akong maniwala, kaya tanong ko, “Totoo ba?” Sabi ni Sister Chen, “Oo, totoo. Nagbalik na ang Panginoon bilang ang Makapangyarihang Diyos. Nagpapahayag Siya ng mga salita at ginagawa ang gawain ng paghatol.” Bigla kong naalala ang isang post na nakita ko sa Facebook na sinabing ang Kidlat ng Silanganan ay nagpapatotoo na nagbalik na ang Panginoon para magsalita at gawin ang gawain ng paghatol, at na lumalampas sa Biblia ang ipinapangaral nila. Bigla akong naging maingat, at mabilis na tinanong si Sister Chen, “Naniniwala ba kayo sa Kidlat ng Silanganan?” Prangka siyang sumagot, “Oo.” Medyo nataranta ako at naisip ko kung paanong palaging sinasabi ng pastor at ng mga nakatatanda na nasa Biblia ang lahat ng salita at gawain ng Diyos, na dapat base sa Biblia ang pananampalataya sa Panginoon, at erehiya ang paglayo sa Biblia. Lampas sa Biblia ang mga ipinapangaral ng mga sister na ito. Hindi ba sila lumihis sa landas ng Panginoon? Kaya sinabi ko, “Iba ang pangaral ninyo sa pangaral ng aming pastor at mga nakatatanda. Sa tingin ko hindi na ako puwedeng makipagkita sa inyo.” Pagkatapos mabilis kong pinutol ang koneksyon namin. Pero pagkatapos noon, antagal kong napaisip tungkol sa balita ng pagbabalik ng Panginoon. Naisip ko kung gaano nakakaliwanag at kapraktikal ang mga pagbabahagi ng mga sister. Napakarami kong naunawaan tungkol sa mga misteryo sa Biblia at tungkol sa kalooban ng Diyos. Napaisip ako: “Maaari kayang galing sa Diyos ang Kidlat ng Silanganan? Kung hindi ako makikinig at mapapalampas ko ang pagkakataong salubungin ang Panginoon, magiging huli na ang lahat para magsisi.” Pero nang maisip ko kung ano ang sinabi ng pastor, nag-alala ako na baka maligaw ako ng landas. Parang hinihila ang puso ko sa dalawang magkaibang direksyon, kaya nagdasal na lang ako nang taimtim sa Panginoon, hinihiling na gabayan Niya ako para makagawa ng tamang pasya.

May isa pa dapat akong talakayan kasama ang mga sister online kinabukasan ng umaga. Noong iniisip ko kung gaano sila palaging mapagmahal at matiyaga sa akin, naisip ko na magiging kabastusan kung hindi ko ipapaalam sa kanila na hindi ako dadalo. Kaya nag-online ako tulad ng dati, at nang konektado na kami, sinabi ko, “Nakapagliwanag talaga ang mga pagbabahagi ninyo at talagang praktikal ang binasa ninyo sa akin. Pero sabi ninyo nagbalik na ang Panginoong Jesus at gumagawa ng bagong gawain at nagpapahayag ng mga bagong salita. Lumalampas ito sa Biblia at nalilihis mula sa landas ng Panginoon. Sabi ng mga pastor at nakatatanda, nasa Biblia ang lahat ng salita at gawain ng Diyos. Paano magkakaroon ng mga bagong salita mula sa Diyos na wala sa Biblia?”

Pasensiyosang sinabi ni Sister Xie, “Palaging sinasabi ng mga pastor at nakatatanda na, ‘Nasa Biblia ang lahat ng salita at gawain ng Diyos at hindi matatagpuan saanmang iba pa.’ Pero umaayon ba ang pananaw na ito sa mga katotohanan at sa mga salita ng Diyos? Sinabi ba ito ng Panginoong Jesus kailanman? Sinabi ba ng Banal na Espiritu? Kung hindi ito base sa mga salita ng Diyos, ni sa katotohanan, kung ganon isa lang sa mga kuro-kuro ng tao at walang tibay ang pananaw na ito. Alam ng mga taong maalam sa Biblia na dahil may mga hindi naisali ang mga bumuo ng Lumang Tipan, ang ilan sa mga salita ng Diyos na si Jehova na ipinarating ng mga propeta ay hindi naitala sa Lumang Tipan. Halimbawa, ang mga propesiya ni Ezra ay hindi naisama sa Biblia, at isa itong katotohanang alam ng marami. Habang gumagawa ang Panginoong Jesus, hindi lang ang mga limitadong salita na nakatala sa Apat na Ebanghelyo ang sinabi niya. Kagaya ito ng sinasabi sa Ebanghelyo ni Juan, ‘At mayroon ding iba’t ibang bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay sa palagay ko kahit sa sanlibutan ay hindi magkakasya ang mga aklat na susulatin’ (Juan 21:25). Kung susundin natin ang pananaw ng mga pastor at nakatatanda, hindi ba natin itinatanggi at kinokondena ang mga salitang ‘yon ng Diyos na hindi nakatala sa Biblia? Isa pa, malinaw na inihula ng Panginoong Jesus: ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13). Maraming beses din itong ipinropesiya sa Pahayag: ‘Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia(Pahayag mga Kapitulo 2, 3). Nariyan din ang balumbon na bubuksan ng Cordero at ang mga dagundong ng pitong kulog. Sinasabi sa atin ng mga salitang ito na pagbalik ng Panginoon sa mga huling araw, magsasabi Siya ng mas marami pang pahayag, at na hindi puwedeng maunang isulat sa Biblia ang mga pahayag na ito. Kung sa Biblia lang makikita ang mga salita ng Diyos, paano matutupad ang mga propesiyang ito? Ang Diyos ang Lumikha, ang bukal ng laging umaagos na tubig na buhay, paanong ang mga limitadong salita na naisulat sa Biblia lang ang nasabi Niya? Sinasabi ng pastor na ‘nasa Biblia ang lahat ng gawain at salita ng Diyos at hindi matatagpuan saanmang iba pa,’ pero hindi ba nito itinatanggi at kinokondena ang gawain at mga salita ng nagbalik na Panginoong Jesus?”

Pagkatapos pakinggan ang pagbabahagi niya, naisip ko, “Oo, ipinropesiya ng Panginoon na babalik Siya at magsasalita pa, at lalampas ang mga salitang iyon sa kung ano ang nasa Biblia.” Pero nabahala ako na isipin na lumayo sa Biblia, at naisip ko, “Palaging sinasabi ng mga pastor at nakatatanda na erehiya ang paglayo sa Biblia. Paano kung malihis ako sa pananampalataya ko? Matagal na akong naniniwala sa Panginoon at palaging binabasa ang Biblia. Binabase ng lahat ng Kristiyano sa buong mundo ang pananampalataya nila sa Biblia. Ang Biblia ang haligi ng pananampalataya natin. Paano makakalayo rito ang sinuman nang naniniwala pa rin sa Panginoon?” Natahimik ako sa isiping ito.

Nang makitang hindi ako umiimik, hindi na tinuloy ni Sister Chen ang pagbabahagi. Pagkatapos naming putulin ang koneksyon namin, pinadalhan niya ako ng klip na may titulong Naaayon Ba sa Biblia ang Gawain ng Diyos? mula sa isang pelikulang pang-ebanghelyo na may titulong Lumabas sa Biblia, at sinabing panoorin ko iyon. Binuksan ko ang link at pinanood ang bidang si Wang Yue na nakikipagbahagian sa isang pastor. Nakuha agad ang atensyon ko Sinabi niya, “Kasasabi mo lang na hindi gagawin ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa labas ng Biblia, at erehiya ang anumang lumalampas sa Biblia. Kaya may tanong ako sa iyo: Alin ang nauna, ang Biblia o ang gawain ng Diyos? Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa simula. Binaha Niya ang mundo at sinunog ang Sodoma at Gomorra. May Lumang Tipan na ba nang gawin ng Diyos ang mga bagay na iyon? May Bagong Tipan na ba nang dumating ang Panginoong Jesus para gumawa noong Kapanahunan ng Biyaya? Ang Luma at Bagong Tipan ay parehong binuo base sa mga talaan ng mga tao ng natapos nang gawain ng Diyos. Hindi gumagawa ang Diyos ayon sa Biblia at hindi Siya nalilimitahan nito dahil gumagawa siya ayon sa Kanyang sariling plano ng pamamahala at sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Kung ganon hindi natin puwedeng limitahan ang gawain ng Diyos na sa Biblia lang o gamitin ang Biblia para limitahan ang gawain ng Diyos, dahil may karapatan ang Diyos na gawin ang Kanyang sariling gawain.” Sumaya ang puso ko sa pagbabahagi ni Sister Wang. Naisip ko, “Wala pa ang Bagong Tipan nang dumating ang Panginoong Jesus para gumawa, at wala pa ang Lumang Tipan nang likhain ng Diyos ang lahat ng bagay at maglabas ng mga kautusan. Hindi ito maikakaila! Paanong hindi ko ito naisip noon?”

Nagpatuloy ang pagbabahagi sa bidyo: “Kung sasabihin nating erehiya ang lahat ng lumalampas sa Biblia, hindi ba natin kinokondena ang lahat ng salita at gawain ng Diyos sa buong kasaysayan? Nang gumawa ang Panginoong Jesus, hindi Niya ito ginawa ayon sa Lumang Tipan. Ipinangaral Niya ang daan ng pagsisisi, nagpagaling Siya ng may sakit, nagpalayas ng mga demonyo, hindi ipinangilin ang Araw ng Sabbath, nagpatawad ng mga tao nang makapitongpung pitong beses, at iba pa—wala sa mga ito ang nasa Lumang Tipan. Ang mga Fariseo, punong saserdote at tagasulat ay ginamit ang mga bagay na ito laban sa Panginoon at kinondena ang Kanyang gawain bilang erehiya. Naniwala sila sa Diyos pero sinalungat Siya.”

Pagkatapos, nagbasa ang sister ng dalawang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. “Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Biblia: na ito’y wala nang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at na hindi ito nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Biblia na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at ang gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo—hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4). “Noong panahon ni Jesus, pinamunuan Niya ang mga Judio at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Biblia bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita Siya ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Biblia, o kaya ay naghanap sa Biblia ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula noong nagsimula Siyang gumawa, ipinalaganap Niya ang daan ng pagsisisi—ni isang salita tungkol dito ay hinding-hindi nabanggit sa mga propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Biblia, kundi Siya ay namuno rin sa isang bagong daan, at gumawa ng bagong gawain. Kahit kailanman ay hindi Siya sumangguni sa Biblia kapag Siya ay nangangaral. Noong Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Gayundin, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Basta lamang ginawa ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Biblia—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan upang ipapako Siya sa krus—nahigitan ng Kanyang gawain ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang turo, at sa Kanyang kakayahan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay ginawa upang umakay sa bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Biblia, o kaya ay sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Pumarito lamang upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. … Sa mga tao, lumitaw na parang ang Kanyang gawain ay walang batayan, at marami rito ang salungat sa mga talaan sa Lumang Tipan. Hindi ba ito kamalian ng tao? Ang doktrina ba ay kailangang iangkop sa gawain ng Diyos? At Diyos ba ay dapat na gumawa ayon sa mga propesiya ng mga propeta? Kung tutuusin, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Biblia? Bakit kailangang gumawa ang Diyos nang naaayon sa Biblia? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Biblia? Hindi ba maaaring lumihis ang Diyos sa Biblia at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya nang isinasaalang-alang ang araw ng Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya hindi isinagawa ang mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Biblia!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1).

Pagkatapos nagpatuloy si Sister Wang: “Talaan lang ang Biblia ng dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong mga Kapanahunan ng Kautusan at Biyaya. Patotoo ito ng dalawang yugto ng gawain ng Diyos kung saan ginabayan Niya at tinubos ang sangkatauhan pagkatapos likhain ang lahat ng bagay at gawin ang sangkatauhan. Hindi ito puwedeng kumatawan sa kabuuan ng gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Palaging sumusulong ang gawain ng Diyos. Nagsisimula ng bagong kapanahunan ang Diyos at gumagawa ng bagong gawain sa mga huling araw. Nagbibigay Siya ng mas maraming katotohanan sa tao, na sa wakas ay nagpapalaya sa atin sa kasalanan, para malinis tayo, lubusang mailigtas, at makapasok sa Kanyang kaharian. Kaya hindi ginagabayan ng Diyos ang tao base sa Kanyang dating gawain na nakatala sa Biblia, at lalong hindi Niya uulitin ang gawaing nagawa na Niya. Parehong Panginoon ng nilikha at ng Biblia ang Diyos. May karapatan Siyang lampasan ang Biblia at gumawa ng bagong gawain ayon sa Kanyang plano ng pamamahala. Kaya naman ang ‘Nasa Biblia ang lahat ng salita at gawain ng Diyos at erehiya ang lumayo sa Biblia’ ay hindi makatwirang pahayag na nililimitahan at nilalapastangan lang ang Diyos. Hindi kilala ng sinumang nagsasabi nito ang gawain ng Diyos at nilalabanan niya ang Diyos. Gumagawa ang Diyos ayon sa Kanyang plano, hindi sa Biblia. Ipinangaral ng Panginoong Jesus ang daan ng pagsisisi, nagpalayas Siya ng mga demonyo at nagpagaling ng may sakit, hindi Niya ipinangilin ang Araw ng Sabbath at tinuruan Niya ang mga tao na palaging magpatawad—hindi ba lumampas ang lahat ng ito sa Lumang Tipan? Nilabag pa nga Niya ang mga kautusan ng Lumang Tipan, pero hindi ba gawain pa rin ito ng Diyos?” Mahabang panahon na akong nananampalataya sa Panginoon at palaging naniniwala at kumakapit sa kung ano ang sinasabi ng mga pastor, na “Nasa Biblia ang lahat ng salita at gawain ng Diyos at erehiya ang lumayo sa Biblia.” Hindi ba’t kinokondena ko ang gawain ng Diyos? Nakikita ko na ngayon kung gaano ako naging hangal at lito!

Pagkatapos ‘non, sa tuwing may oras ako, nanonood ako ng mga pelikulang pang-ebanghelyo at mga bidyo na ginawa ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa YouTube. Isang araw, pinindot ko ang isang klip ng pelikulang may titulong Ano ang Relasyon sa Pagitan ng Diyos at ng Biblia? Sobra akong naantig ng mga salita ng Diyos sa klip na ‘yon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mula sa panahon ng pagkakaroon ng Biblia, ang pananalig ng mga tao sa Panginoon ay ang pananalig sa Biblia. Sa halip na sabihing ang mga tao ay naniniwala sa Panginoon, mas mabuting sabihin na naniniwala sila sa Biblia; sa halip na sabihing nagsimula na silang magbasa ng Biblia, mas mabuting sabihing nagsimula na silang maniwala sa Biblia; at sa halip na sabihing nagbalik na sila sa Panginoon, mas mabuti pang sabihing nagbalik na sila sa Biblia. Sa ganitong paraan, sinasamba ng mga tao ang Biblia na para bang ito ang Diyos, na para bang ito ang dugong bumubuhay sa kanila, at ang mawalan nito ay kapareho ng mawalan ng kanilang buhay. Itinuturing ng mga tao ang Biblia na kasintaas ng Diyos, at mayroon pang ang turing dito ay mas mataas kaysa sa Diyos. Kung wala sa mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi nila nadarama ang Diyos, maaari pa rin silang patuloy na mabuhay—ngunit sa sandaling mawala sa kanila ang Biblia, o mawala ang mga kilalang kabanata at kasabihan mula sa Biblia, parang nawalan na rin sila ng buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1). “Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Biblia, at ipinapantay nila Ako sa Biblia; kung wala ang Biblia wala Ako, at kung wala Ako wala ang Biblia. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Banal na Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga salita at mga pagpapahayag, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Biblia upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagiging kaayon ng mga salita ng Biblia, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Biblia ay, walang pagtatanging, hindi Ko gawain. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Fariseo? Ginamit ng mga Fariseong Judio ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi masigasig na sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang sa puntong—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at hindi pagiging ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t na hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Banal na Kasulatan habang hindi binibigyang pansin ang kalooban Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanalig sa Diyos, kundi mga taong nanalig sa Biblia. Sa diwa, mga tagapagbantay sila ng Biblia(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo).

Pagkatapos panoorin ang klip na ‘to, napagtanto ko na hindi magkapareho ang pagiging bihasa sa Biblia at ang tunay na pagkakilala o pagsunod sa Diyos. Ang mga Fariseong Judio ay magaling sa pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan, pero ipinapako nila sa krus ang Panginoong Jesus. Ipinapakita nito na ang maunawaan ang Biblia ay di nangangahulugang nauunawaan mo ang Diyos, at dahil lang sumusunod ang isang tao sa Biblia, hindi ibig sabihin na sinusundan niya ang daan ng Panginoon. Napagtanto ko na kahit na binasa ko ang Biblia sa loob ng maraming taon at medyo may alam ako tungkol dito, talagang hindi ko pa rin pala kilala ang Panginoon. Mali ang paniwala kong puwedeng kumatawan sa Panginoon ang Biblia, na ang pananampalataya sa Biblia ay pananampalataya sa Kanya, na ang pagsunod sa Biblia ay pagsunod sa daan ng Panginoon. Nang patotohanan ni Sister Xie na nagpakita na ang Diyos at gumagawa sa mga huling araw, hindi ako nangahas imbestigahan ito. At kalaunan, pagkatapos mabasa ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nahirapan pa rin akong tanggapin ito kahit na alam ko sa puso ko na ang mga salita Niya ang katotohanan at ang tinig ng Diyos, dahil lang hindi nakasulat ang mga ito sa Biblia. Sinamba at kumapit ako sa Biblia at tumangging tanggapin ang mga bagong pahayag at gawain ng Diyos. Paano ako naiba sa mga Fariseong nilabanan ang Panginoong Jesus? Natakot ako sa isiping ito. “Kailangan kong pakawalan ang mga kuro-kuro ko,” naisip ko. “Kailangang magbasa pa ako ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos.”

Sa sumunod na pagtitipon, sinabi ko sa mga sister kung ano ang nakamit at naunawaan ko mula sa panonood ng mga pelikulang pang-ebanghelyo na iyon. Sobrang saya nila, at binasa nila sa akin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang tao. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan).

Pagkatapos nagbahagi si Sister Xie, sabi niya, “Sa mga huling araw, sinisimulan ng Makapangyarihang Diyos ang Kapanahunan ng Kaharian at tinatapos ang Kapanahunan ng Biyaya. Ipinahahayag Niya ang katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa bahay ng Diyos para linisin at iligtas sa wakas ang sangkatauhan. Nagsalita na ng milyon-milyong salita ang Makapangyarihang Diyos. Makikita ang karamihan sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao—ang Biblia ng Kapanahunan ng Kaharian. Ibinunyag Niya ang mga importanteng misteryo sa Biblia tulad ng pagsalubong ng matatalinong dalaga sa Panginoon, ano ang pagiging nadala, ang paggawa ng mga mananagumpay bago ang mga sakuna, ang mga misteryo ng anim na libong taong gawaing pamamahala ng Diyos, ang kuwento sa loob ng Kanyang tatlong yugto ng gawain, ang mga relasyon sa pagitan ng tatlong yugto ng gawain, at ang kinalabasan ng mga ito, ang mga misteryo ng pagkakatawang-tao at paghatol sa mga huling araw, ang katotohanan tungkol sa Biblia, at iba pa. Inihahayag din ng Makapangyarihang Diyos ang matuwid at maringal Niyang disposisyon na walang pinapayagang pagkakasala. Inilalantad at hinahatulan Niya ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan na gawa ni Satanas, sinusuri ang pinag-ugatang dahilan kung bakit sinusuway at nilalabanan ng mga tao ang Diyos, at sinasabi sa atin kung ano ang kalooban at mga hinihingi Niya para sa tao. Kasama sa mga ito ang kung ano ang tunay na pananampalataya sa Diyos, ano ang ibig sabihin ng sumunod sa Diyos, matakot sa Diyos at magpatotoo sa Diyos, paano isagawa ang katotohanan at maging tapat, paano isabuhay ang makahulugang buhay, at iba pa. Masagana ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at naglalaman ng lahat ng kailangan natin. Ang mga katotohanang ito ang daan ng walang-hanggang buhay na ibinibigay ng Diyos sa tao sa mga huling araw. Malilinis at mababago tayo ng mga ito, mapapalaya tayo mula sa kasalanan, lubos tayong maililigtas at magagabayan patungo sa kaharian ng Diyos.”

Naging klarong-klaro ang lahat dahil sa pagbabahagi ni sister. Napakaraming ipinahahayag na katotohanan ng Makapangyarihang Diyos, Talagang Siya ang walang-hanggang bukal ng tubig na buhay! Alam ko sa puso ko na tinig ng Diyos ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at na Siya ang nagbalik na Panginoong Jesus. Naniwala ako sa Diyos sa lahat ng taong ‘yon pero hindi ko talaga Siya kailanman nakilala, at sa halip naniwala ako sa kung ano ang sinabi ng pastor at mga nakatatanda. Nilimitahan ko ang mga pahayag at gawain ng Diyos sa Biblia at tumangging tanggapin ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Hindi pa rin ako iniwan ng Diyos, kundi ginamit ang mga sister para paulit-ulit na ipangaral ang ebanghelyo sa akin. Napakasuwerte kong marinig ang tinig ng Diyos at masalubong ang pagbabalik ng Panginoon, at matamasa ang tustos ng tubig na buhay na umaagos mula sa trono. Biyaya ito ng Diyos sa akin. Malaki ang pasasalamat ko sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman