Sa Likod ng mga Eksena ng Pang-uusig sa Isang Pamilya

Pebrero 24, 2024

Ni Chen Li, Tsina

Ibinahagi sa akin ni Mama at ng kapatid ko ang ebanghelyo ng mga huling araw ng Makapangyarihang Diyos noong Oktubre 2009. Matapos tanggapin ito, binasa ko ang mga salita ng Diyos araw-araw, at dumalo ako sa mga pagtitipon at nagbahaginan kasama ang mga kapatid. Unti-unti kong naunawaan ang ilang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos; natutunan ko ang tungkol sa ugat ng kadiliman at kasamaan sa mundo, ano ang dapat nating hanapin sa ating mga buhay, at paano mamuhay nang may kabuluhan. Sobrang naging masaya ako, kalmado, at walang inaalala nang mahanap ko ang tamang landas sa buhay. Napansin ng asawa at anak ko na pagkatapos kong maging isang mananampalataya, madalas na mas maaliwalas ang pakiramdam ko, kaya hindi nila tinutulan ang pananampalataya ko. Kalaunan, kinailangang umalis ng asawa ko para sa trabaho, kaya inalagaan ko ang aming mga anak habang nagpapalaganap din ako ng ebanghelyo.

Isang gabi ng tagsibol ng 2013, bigla na lang akong tinawagan ng asawa ko at sabi niya sa nag-uutos na tono, “Mula ngayon, gawin mo na lang kung ano ang dapat mong gawin at manatili ka sa bahay—wala na iyang mga paniniwalang iyan sa Diyos. Sinasabi sa online at sa balita sa TV na inaabandona ng mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos ang kanilang mga pamilya. Huwag ka nang magpaabot sa punto na tatalikuran mo ang pamilya natin. Isa pa, labag sa batas ng Tsina ang pagkakaroon ng pananampalataya at maaaresto ka kapag nalaman ito ng mga may awtoridad. Paanong ang tulad nating mga pangkaraniwang tao ay makakalaban sa Partido Komunista? Kung sinasabi ng gobyerno na hindi ka pwedeng maging relihiyoso, huwag mong gawin ito. Huwag kang gumawa ng gulo!” Sa takot na baka sinusubaybayan ng mga pulis ang cellphone ko, hindi ko siya hinayaang patuloy na magsalita. Masamang-masama ang loob ko nang ibaba ko ang tawag. Paano niya nagawang pikit-mata na makinig na lang sa mga kasinungalingan ng Partido Komunista? Alam niyang mabuting bagay ang paniniwala sa Diyos at sinuportahan niya ang pananampalataya ko, kaya bakit niya tatangkaing hadlangan ako pagkarinig na pagkarinig niya sa mga kasinungalingan nila? Halata naman na ang pagsunod sa Diyos ay ang tamang landas sa buhay—bakit ayaw hayaan ng Partido Komunista na magkaroon ng pananampalataya ang mga tao? Wala kaming anumang ginagawang ilegal bilang mga mananampalataya, kaya bakit nila ipinagpipilitang arestuhin at usigin kami? Pagkatapos noon, sinabi ko sa isang kapatid ang tungkol sa pagkalito ko sa isang pagtitipon, at nagbahagi siya ng isang sipi ng mga salita ng Diyos sa akin. Sabi ng Diyos: “Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi…. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong ginawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Matapos basahin ito, nagbahagi siya sa akin, sinasabing, “Ang Partido Komunista ay ateista; isa itong demonyong laban sa Diyos at talagang hindi nito mapahihintulutan ang sinumang may pananampalataya at sumasamba sa Diyos. Simula nang maluklok ito sa kapangyarihan ay inaresto at inusig na nito ang mga Kristiyano. Ngayong nagpakita na ang Makapangyarihang Diyos at gumagawa sa mga huling araw, nagpapahayag ng mga katotohanan para iligtas ang sangkatauhan, natatakot ang Partido Komunista na babasahin ng mga tao ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at mauunawaan ang katotohanan at makakakilala sila. Pagkatapos ay talagang makikita nila ang masamang mukha nito at hindi na madadala nito—hindi na ito susundan ng mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit lubos nitong pinatindi ang paglaban at pagkondena nito sa Diyos, at ang pang-uusig nito sa mga mananampalataya. Nagpapakalat din ito ng mga sabi-sabi at kasinungalingan para iligaw ang aming mga kaibigan at pamilyang hindi mananampalataya, at inuudyukan silang guluhin at hadlangan kami sa pagsunod sa Diyos. Gusto ng Partido Komunista na itanggi at pagtaksilan ng lahat ang Diyos para mawalan tayo ng kaligtasan ng Diyos at sa huli’y maparusuhan sa impiyerno kasama nito. Kapag napigilan tayo ng ating mga pamilya at hindi naglakas-loob na sumunod sa Diyos o gumawa ng tungkulin, nangangahulugan iyon na nahulog tayo sa mga pakana ni Satanas at nawalan na tayo ng pagkakataong maligtas. Pinahihintulutan ng Diyos na magdusa tayo sa mga pagsupil at pag-aresto ng Partido Komunista—ginagamit Niya ito bilang tagapagserbisyo para malinaw nating makita ang malademonyong diwa nito, makilala natin ito, at tanggihan ito. Kasabay nito, pwedeng gawing perpekto ng Diyos ang pananampalataya natin sa pamamagitan nito at gawin tayong mga mananagumpay. Ang mabuting kalooban ng Diyos ay napapaloob dito!” Matapos makinig sa pagbabahagi ng kapatid na ito, naging malinaw sa akin na pinahihintulutan ng Diyos ang pang-aapi ng Partido Komunista at ang mga kaguluhan sa pamilya ko para lubos kong makita na ang Partido ay si Satanas, ang demonyo—isang kaaway ng Diyos. Ito’y karunungan sa loob ng gawain ng Diyos. Nagpapakalat ng mga kasinungalingan ang Partido Komunista para iligaw ang mga tao para sumama sila rito sa paglaban sa Diyos at pang-uusig sa mga mananampalataya, ginugulo at pinipinsala ang gawain ng Diyos. Ito ang masamang layunin ng Partido Komunista, at alam kong hindi ako pwedeng mahulog sa mga pakana ni Satanas.

Pagkatapos noon, nagbasa ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos ang sister para sa akin: “Bilang mga mananampalataya sa Diyos, dapat pasalamatan ng bawat isa sa inyo kung paano ninyo tunay na natamo ang sukdulang pagdadakila at pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at sa gawain ng Kanyang plano na ginagawa Niya sa iyo ngayon. Ginawa ng Diyos na nag-iisang tuon ng Kanyang gawain ang grupong ito ng mga tao sa buong sansinukob. Isinakripisyo na Niya ang lahat ng dugo sa Kanyang puso para sa inyo; binawi at ibinigay na Niya sa inyo ang buong gawain ng Espiritu sa buong sansinukob. Ito ang dahilan kung bakit kayo ang mapapalad. Bukod pa rito, inilipat na Niya ang Kanyang kaluwalhatian mula sa Israel, ang mga taong Kanyang hinirang, sa inyo, at lubos Niyang ipamamalas ang layunin ng Kanyang plano sa pamamagitan ng grupong ito. Samakatuwid, kayo ang mga tatanggap ng pamana ng Diyos, at higit pa rito, kayo ang mga tagapagmana ng kaluwalhatian ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Talagang nakaramdam ako ng karangalan nang mabasa ko ito. Para mailigtas tayo, na lubhang ginawang tiwali ni Satanas, nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito sa lupa para gumawa sa ikalawang pagkakataon, pinagdurusahan ang paglaban, pagkondena, at pati na ang pambabastos ng Partido Komunista at ng mundo ng mga relihiyon. Tiniis niya ang labis-labis na panghahamak, ipinapahayag ang katotohanan at ginagawa ang Kanyang gawain para iligtas ang sangkatauhan, ibinibigay ang lahat ng Kanyang dugo, pawis, at mga luha. Ito ang pambihirang pagmamahal ng Diyos! Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos. Ang pagkakataong ito na maligtas ay minsan lang sa buhay na hindi ko pwedeng palagpasin—gaano man nang-aapi ang Partido Komunista o gaano man ako hinahadlangan ng asawa ko, alam kong kailangan kong magkaroon ng pananampalataya at sundin ang Diyos. Pagkatapos noon, paulit-ulit akong tinawagan ng asawa ko para subukan na pigilan akong manampalataya sa Diyos, at sinigawan pa nga niya ako. Medyo masakit iyon, pero alam kong ang pagkakaroon ng pananampalataya ay tama at mabuti, kaya hindi niya ako napigilan kailanman at patuloy kong ginawa ang aking tungkulin.

Tapos noong Mayo 2014, noong nakita ng asawa ko na hindi ko pa rin isinusuko ang pananampalataya ko, bumalik siya sa bayan namin mula sa kanyang pinagtatrabahuhan. Talagang mariin niyang sinabi sa akin, “Ilang ulit ko nang sinabi sa’yo na kailangan mong isuko ang pananampalataya mo, pero ayaw mo talagang makinig. Sinasabi ng lahat sa online at sa TV na inaabandona ng mga tao ang kanilang pamilya matapos nilang maging mananampalataya, pero gusto mo pa rin ito?” Naisip ko sa sarili ko na ang pang-aakusa ng Partido Komunista na inaabandona ng mga mananampalataya ang kanilang pamilya ay paninisi lang sa biktima. Hindi nito hinahayaan ang mga tao na magkaroon ng pananampalataya at tahakin ang tamang landas, kaya hibang nitong inaaresto at inuusig ang mga Kristiyano, pinupwersa ang napakaraming mga kapatid na lisanin ang kanilang mga bahay at magpalipat-lipat ng lugar. Malinaw na hindi nakakauwi ang mga kapatid dahil sa pang-uusig ng Partido Komunista, pero sinasabi nilang inaabandona namin ang aming mga pamilya pagkatapos naming maging mananampalataya. Hindi ba’t pagbaluktot iyon ng katotohanan? Kaya sinabi ko sa asawa ko, “Ang lahat ng sinasabi ng mga tao online ay hindi totoo. Iyon ay mga kasinungalingan lang ng Partido Komunista na kumokondena at naninira sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos….” Pero ayaw niya talagang makinig sa akin. Ang sabi lang niya, “Ano man ang mangyari, iyon ang sinasabi nila sa internet, kaya kapag patuloy kang maniniwala sa Diyos at malaman ito ng gobyerno, maaaresto ka at ikukulong. Kayang gawin ng Partido Komunista ang kahit ano. Kapag sinabi nilang hindi ka dapat maniwala, tumigil ka sa paniniwala. Paano mababasag ng itlog ang isang bato? Mananatili ako sa bahay at babantayan kita. Kung patuloy kang maniniwala, maghihiwalay tayo!” Naisip ko: paano kung maghiwalay kami at walang mag-alaga sa dalawang anak namin? Mapupunta ba sila sa maling landas? Magiging napakasakit sa kanila ang mawalan ng pagmamahal ng isang ina sa napakamurang edad! Lubos na nakakadurog ng pusong isipin kung gaano ito magiging masakit at hindi patas para sa mga anak namin. Agad akong lumapit sa harap ng Diyos sa panalangin, “Diyos ko, gusto pong makipagdiborsyo ng asawa ko sa akin, at alalang-alala ako sa mga anak ko. Pakiusap, protektahan mo po ako at tulutan Mo po akong maging matatag.” May isang bagay akong naalala na sinabi ng Diyos matapos kong magdasal: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nag-aabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling hinaharap, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, isa ka pa rin bang nilikha?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Talagang niliwanagan ng mga salita ng Diyos ang puso ko at ipinakita sa akin na ang kapalaran ng mga tao ay ganap na nasa mga kamay ng Diyos. Ang magagawa ko na lang ay medyo mas alagaan nang maayos ang mga anak ko sa kanilang mga buhay; hindi ako pwedeng magpasya kung anong klase ng kapalaran ang magkakaroon sila, o kung gaano sila maaaring magdusa. Kailangan kong ipaubaya sila sa mga kamay ng Diyos at magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Nakahinga ako nang maluwag nang maisip ko ito—hindi na ako masyadong namimighati. Napagtanto ko rin na ang pagkaligaw asawa ko sa mga kasinungalingan ng Partido Komunista, ang pagsisikap niya na pigilan ako na sundin ang Diyos at ang pananakot niya sa akin gamit ang diborsyo, ay pakanang lahat ni Satanas. Hindi ako pwedeng mahulog dito. Kaya sinabi ko sa kanya, “Hindi ko kailanman isusuko ang pananampalataya ko. Ang paniniwala sa Diyos at pagbabasa sa mga salita ng Diyos ay pagiging isang mabuting tao at pagtahak sa tamang landas. Bakit ka ba palaging sumasang-ayon sa Partido at humahadlang sa akin?” Tapos, bigla niya akong itinulak sa kama at sinigawan nang galit na galit, “Laban sa mga relihiyoso ang ating gobyerno. Kung ayaw ng Partido Komunista na maging mananampalataya ka, huwag kang maging mananampalataya! Sino ang pwedeng makatalo sa kanila?” Nasaksihan ng anak namin ang lahat ng ito at labis siyang natakot kaya tumakbo siya at nagsabi ng, “Papa, ano’ng ginagawa mo? Sobrang mas naging masaya po si Mama noong nagsimula siyang maniwala sa Diyos. Ang pananampalataya ay isa pong mabuting bagay! Huwag po kayong makialam dito!” Nang hindi man lang nakinig sa kanya kahit kaunti, sinampal siya ng asawa ko sa mukha. Galit na galit ako! Sinaktan niya ang anak ko dahil lang may sinabi siya para ipagtanggol ako. Nakita kong sinusunod ng asawa ko ang Partido Komunista at parang baliw na pinipigilan ako sa aking pananampalataya—nawalan na siya ng lahat ng katwiran. Wala na akong gustong sabihin pa sa kanya at dinala ko ang anak ko pabalik sa kanyang kuwarto. Kinabukasan na kinabukasan, pumunta kami sa Civil Affairs Bureau. Bago namin sinimulan ang mga pagproseso ng aming diborsyo, dumating ang tiyuhin ng asawa ko at dahil sa payo nito, nagpasya ang asawa ko na huwag ituloy ang pakikipagdiborsyo.

Patuloy ang naging pang-aapi at paghadlang ng asawa ko sa pananampalataya ko pagkatapos noon. Palagi siyang nanunuya at sumisimangot kapag nakikita niya akong umuuwi mula sa isang pagtitipon. Mas lalo ring lumala nang lumala ang pag-uugali niya. Isang gabi, mga bandang alas-diyes, lasing na lasing na umuwi ang asawa ko, at parang nababaliw na hinila ako sa kama, mariin na sinasabing, “Ngayong naniniwala ka sa Diyos, wala na akong mukhang ihaharap sa mundo. Pinag-uusapan ng lahat ang tungkol sa relihiyon mo. Ano na ang tingin sa akin ng mga kaibigan natin ngayon? Kung ipagpapatuloy mo ang mga bagay na ito ng Diyos, aarestuhin at iwawasto ka ng gobyerno. Kalaunan, wala na sa ating mga kapamilya ang makakaharap sa mga tao. Kailangan mong tumigil sa pananalig!” Isa akong matatakutin na tao, kaya nasindak ako nang makita ko kung gaano siya kabagsik. Malapit na siyang magwala at napakarami niyang nainom na alak—hindi ko alam kung ano ang pwede niyang gawin. Paulit-ulit akong tumawag sa Diyos para protektahan ako at nagawa kong unti-unting kumalma. Nang makitang hindi ko pa rin isusuko ang pananampalataya ko, mas nagalit ang asawa ko. Kinuha niya ako sa kama at inihagis sa sahig, tapos ay ilang beses akong sinuntok sa mukha, dahilan para magka-black eye ako. Sabi ko sa kanya, “Walang masama sa pagkakaroon ko ng pananampalataya. Bakit mo ako sinasaktan? Bakit palagi kang kumakampi sa Partido Komunista at inaapi ako?” Wala siyang pinakinggan sa mga sinabi ko, sa halip ay kinuha ako at binuhat palapit sa bintana, kumikilos na parang ganap na baliw. Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos sa puso ko. Dinala niya ako sa tangwa ng bintana, hinawakan ako sa bukong-bukong at itiniwarik, nang nakalawit ang buong katawan ko sa labas ng bintana. Tapos ay sumigaw siya, “Sabihin mo! Sabihin mong isusuko mo ang iyong pananampalataya! Kung hindi, ihuhulog kita mula rito ngayon din!” Nakatira kami sa ikalimang palapag, kaya kung ihuhulog niya ako, iyon na ang magiging katapusan ko. Takot na takot ako, at nagdasal ako nang nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Pakiusap, protektahan Mo po ako at bigyan ng pananampalataya. Kahit mamatay ako ngayon, hindi apo ko susuko kay Satanas!” Nang sandaling iyon, naalala ko ang karanasan ni Job. Sa buong itinagal ng kanyang mga pagsubok, binantayan siya ng Diyos, at nanood din si Satanas. Sa huli, si Job ay nanindigan sa kanyang patotoo sa Diyos, at si Satanas ay napahiya at umatras. Kaya sa puso ko, tinawag ko si Satanas, “Satanas, wala akong pakialam kung anong klaseng masasamang pakana ang ginagamit mo laban sa akin—hindi ko kailanman pagtataksilan ang Diyos. Patuloy akong maniniwala sa Diyos at susunod sa Kanya, kahit na mangahulugan pa ito ng kamatayan ko!” Nang mabuo ko ang pagpapasyang ito, pakiramdam ko’y talagang gumaan ang katawan ko, at kahit na nakatiwarik ako, hindi ko naramdamang bumubulusok ang dugo sa ulo ko. Pakiramdam ko’y may kung anong pwersang nagtataas sa katawan ko. Alam kong malinaw na hindi sapat ang lakas ng asawa ko para hawakan ako. Ito’y proteksyon ng Diyos, at paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos sa puso ko. Noong oras na iyon, nakita ng mga anak ko kung ano ang nangyayari mula sa kabilang balkonahe—nagtatakbo sila at nagsimulang kumatok sa pintuan. Umiyak at nagsisigaw sila, pero ikinando ng asawa ko ang pinto mula sa loob, kaya hindi sila makapasok. Pumunta sa kabilang balkonahe ang anak namin at sumigaw, “Papa, ano sa tingin mo ang ginagawa mo?” Talagang pumapalahaw ito ng iyak, at patuloy na sumisigaw sa kanya na huwag niya akong ihulog sa baba. Tapos, mukhang bigla siyang natauhan, at hinila ako pabalik. Punong-puno ako ng pasasalamat sa Diyos. Kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos, siguradong nawalan na ako ng buhay.

Buong gabi akong hindi nakatulog nang gabing iyon. Iniisip ko ang mga araw na magkasama kaming nagtrabaho nang husto ng asawa ko—palagi kaming magkasundo, at noong una akong magkaroon ng pananampalataya, hindi talaga siya humadlang. Pero ngayon, naniniwala na siya sa mga kasinungalingan ng Partido Komunista at palagi akong inaapi. Paano ko man ipaliwanag ang mga bagay sa kanya, ayaw niya talagang makinig, at pinagbantaan pa nga niya akong makikipagdiborsyo siya sa akin para ipasuko sa akin ang pananampalataya ko. Sinaktan pa nga niya ako, at muntik nang ihulog mula sa ikalimang palapag. Tila ba ibang tao na siya. Sobrang nakakadurog ng puso, nakakadismaya. Hindi ko maunawaan kung papaano nagawang magbago ng asawa ko nang ganoon. Tapos, naalala ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga di-mananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa” at “Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ay malademonyo at, higit pa rito, wawasakin sila. … Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Napagtanto kong hindi nagbago ang asawa ko bilang isang tao, bagkus ay nabunyag ang kanyang diwa. Alam na alam niyang ang pananampalataya sa Diyos ay isang mabuting bagay, pero kumampi pa rin siya sa panig ng Partido Komunista, at nilabanan ako. Sa diwa, namuhi siya at lumaban sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit nagawa niyang maging malupit sa akin. Muntik na niya akong patayin, at ganap na siyang nawalan ng lahat ng katwiran—iyon ay isang pagpapamalas ng isang demonyo! Namumuhay ako kasama ang isang demonyong ganap na lumalaban sa Diyos; nasa magkaiba kaming landas—kaya paano kami magiging masaya na magkasama? Napakabait niya sa akin no’ng una, pero dahil lang iyon sa ipananganak ko ang mga anak niya at inasikaso ang lahat ng gawain sa bahay. Pero ngayong nakakaapekto sa sarili niyang mga interes ang pananampalataya ko, lumabas na ang tunay niyang pagkatao. Ang pagkatanto nito ay nakatulong sa akin na maunawaan ang totoong diwa ng asawa ko, at nagawa kong pakawalan siya nang kaunti sa puso ko. Kalaunan, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kapag ang Diyos ay gumagawa, nagmamalasakit sa isang tao, at nagmamasid sa taong ito, at kapag pinapaboran at sinasang-ayunan Niya ang taong ito, nakabuntot din nang malapitan si Satanas, tinatangkang linlangin ang taong ito at ilagay sa kapahamakan. Kung nais ng Diyos na makamit ang taong ito, gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito upang hadlangan ang Diyos, gamit ang iba’t ibang masasamang kaparaanan upang tuksuhin, guluhin at pinsalain ang gawain ng Diyos, upang makamit ang natatagong layon nito. Ano ang layon nito? Ayaw nito na makamit ng Diyos ang sinuman; nais nitong agawin ang pagmamay-ari sa mga taong nais makamit ng Diyos, gusto nitong kontrolin sila, ang pangasiwaan sila upang sambahin nila ito nang sa gayon ay samahan nila ito sa paggawa ng mga kasamaan, at labanan ang Diyos. Hindi ba ito ang masamang layunin ni Satanas?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Isinaalang-alang ko ang mga salita ng Diyos, at napagtanto na ginagamit ni Satanas ang lahat ng uri ng masasamang pakana para isabotahe ang pananampalataya ng mga tao, hindi nagpapapigil sa kahit ano para makipagpaligsahan sa Diyos para sa mga tao. Sa ganoong paraan, sasambahin ng lahat si Satanas at pagtataksilan ang Diyos, at pagkatapos ay mawawalan sila ng pagkakataong maligtas. Ang pananatiling matatag sa iyong pananampalataya sa Diyos, patuloy na pagsunod sa Kanya, at paninindigan sa iyong patotoo sa Kanya ay ang tanging paraan para labanan ang mga pakana ni Satanas at tunay na ipahiya ito. Naisip ko ang karanasan ni Job: si Job ay may takot sa Diyos at umiwas sa masama, kaya hinamak ni Satanas si Job, at inatake at sinubok ito. Si Satanas ang sanhi ng pagkawala ng lahat ng ari-arian at mga anak ni Job, pero hindi lang hindi sinisi ni Job ang Diyos, pinuri pa nito ang pangalan ng Diyos. Pagkatapos ay pinatubo ni Satanas ang mga pigsa sa buong katawan ni Job, at naimpluwensyahan nito ang kanyang asawa na atakihin siya para subukang ipasuko sa kanya ang Diyos. Hindi lang hindi sumunod dito si Job, kundi sinuway niya ang kanyang asawa bilang isang hangal na babae. Sa huli, malakas na nagpatotoo si Job para sa Diyos, at lubos na napahiya si Satanas. Binalikan ko ang naging karanasan ko, ang mga kasinungalingang gawa-gawa ng Partido Komunista, at kung paanong paulit-ulit nitong ginamit ang asawa ko para labanan ang aking pananampalataya at impluwensyahan akong pagtaksilan ang Diyos at sa huli’y mapunta sa impiyerno at maparusahan kasama nito. Alam kong kailangan kong tularan ang halimbawa ni Job; anumang uri ng masasamang pakana ang gamitin ni Satanas sa akin, hindi ako pwedeng bumigay rito. Kailangan kong manampalataya sa Diyos, sumandal sa Kanya, at manindigan sa aking patotoo. Nang maisip ko ito, mas kumalma ako, at naging malaya sa paraang hindi ko naranasan kailanman noon. Pagkatapos nito, nakita ng asawa kong determinado pa rin akong maniwala sa Diyos at magbahagi ng ebanghelyo, kaya hindi na niya masyadong inabala ang sarili sa pananampalataya ko.

Kumuha ng pagsusulit ang anak kong babae sa isang unibersidad pagkatapos noon, pero ang anak kong lalaki ay hindi. Gustong gawin ng asawa ko ang lahat ng kanyang makakaya para maipalista siya sa hukbo. Isang araw, bumalik ang asawa ko at galit na sinabi sa aking, “Talagang sumosobra na kayo ng nanay mo! Sinubukan kong ipalista ang anak nating lalaki sa hukbo, pero nalaman nilang relihiyoso ang iyong ina, kaya kinailangan kong sabihin ang lahat ng kaya ko para kumbinsihin sila, dagdag pang gumugol ako ng pera, at nagbigay ng mga regalo sa kanila para mangyari ito. Huwag mong isipin na ayos na ang lahat ngayon! Kung ipagpapatuloy mo ang iyong pananampalataya at nalaman ito ng gobyerno, hindi makakapasok sa hukbo ang anak nating lalaki at hindi makakapasok sa unibersidad ang anak nating babae. Mawawalan na sila ng kinabukasan. Bakit hindi mo magawang isipin ang ating tahanan, ang ating mga anak? Kung ipagpipilitan mo ang iyong pananampalataya, imposible nang magkasundo tayo. Kailangan na nating magdiborsyo. Pag-isipan mo ito!” Galit na galit ako nang sabihin niya iyon. Talagang sukdulan ang kasamaan ng Partido Komunista—binabantaan nito ang kinabukasan ng mga anak ko para pagtaksilan ko ang Diyos. Kinamumuhian ko ito mula sa kaibuturan ng aking puso. Pero nang maisip kong maaapektuhan ng pananampalataya ko ang kinabukasan ng mga anak ko, at na tiyak na sisisihin at kamumuhian nila ako, talagang sumama ang loob ko at pakiramdam ko’y may utang na loob ako sa kanila. Tapos, naalala ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Ang pinagsisikapang hanapbuhay, ang ginagawa ng isang tao upang kumita, at kung gaano karami ang natitipong kayamanan ng isang tao sa buhay ay hindi napagpapasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, at sa halip ay itinadhana ng Lumikha(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Totoo ito. Ang kapalaran ng tao ay nasa kamay lahat ng Diyos, at ang kapalaran ng mga anak ko ay nasa mga kamay rin ng Diyos. Kung anong klase ang magiging trabaho nila, at kung anong klase ang magiging kinabukasan nila ay matagal nang itinakda ng Diyos. Hindi ito isang bagay na kaya kong manipulahin, at hindi ito isang bagay na pagpapasyahan ng Partido Komunista. Isa pa, kahit na siguruhin ng Partido Komunista na hindi makakapasok sa unibersidad ang anak ko at sa gayon ay hindi siya makakahanap ng disenteng trabaho, mangangahuluhan iyon na ang kanilang mga polisiya ay sobrang masama—wala akong kasalanan dito. Nang isipin ko iyon sa gano’ng paraan, unti-unti kong napakawalan ang mga pag-aalala ko at sinabi ko sa asawa kong, “Napag-isipan ko na ito. Walang masama sa pananampalataya ko, pero kung natatakot kang madamay at talagang gusto mong makipagdiborsyo, iproseso na natin ang mga papeles.” Sabi niya, “Kung maghihiwalay tayo, wala kang makukuha sa ari-arian ng ating pamilya!” Talagang nagalit ako nang marinig iyon. Dalawampung taon kaming kasal, pero gusto niyang makipaghiwalay dahil lang sa naniniwala ako sa Diyos, at hindi ako bibigyan ni singko sa higit isang milyong yuan na mga ari-arian ng aming pamilya. Gusto niyang walang mapunta sa akin. Walang puso! Malinaw ko nang nakilatis ang tinatawag na “kaligayahan sa pag-aasawa,” at nakipagdiborsyo sa aking asawa nang walang pasubali.

Talagang napayapa ako, at talagang naging malaya nang umalis kami sa Civil Affairs Bureau. Ang Diyos ang gumabay sa akin sa bawat hakbang, at binigyan ako ng kaliwanagan mula sa Kanyang mga salita, na dahilan kaya napagtagumpayan ko ang mga pagsubok at pag-atake ni Satanas. Lubos akong nagpapasalamat sa awa at proteksyon ng Diyos. Sa Tsina, ang pagkakaroon ng pananampalataya ay nangangahulugan ng pagdanas ng napakaraming pang-aapi at paghihirap, pero ano man ang maranasan ko sa hinaharap, tiyak akong susundin ko ang Diyos hanggang sa pinakahuli!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Hindi Mabuburang Desisyon

Ni Bai Yang, TsinaNoong ako ay 15 taong gulang, namatay ang tatay ko dahil sa isang biglaang sakit. Hindi nakayanan ng nanay ko ang dagok...

Leave a Reply