Isang Pagsusuri na Naglantad sa Akin
Sa kalagitnaan ng Mayo 2021, pinuntahan ako ni Sister Chen na isang lider para kausapin at tanungin ako kung marami akong alam tungkol kay Sister Lu, kung patas ba siya sa iba, kung tila ba mapanghugsa siya. Napakaseryoso niya, kaya tinanong ko siya agad kung ano ang nangyari kay Sister Lu. Sabi niya, talagang mapagmataas daw si Sister Lu at nagsabi ng mapanghusgang mga bagay tungkol sa ilang lider, sinasabing mga huwad na lider sila. Sinabi rin niya na magaling magsalita si Sister Lu, na sa mga pagtitipon ay kaya niyang magsalita tungkol sa kanyang pagkakilala sa sarili, pero ang totoo’y hindi niya talaga nauunawaan ang sarili niya. Sinabi niya na hindi nabuko si Sister Lu ng karamihan sa mga kapatid, na nagustuhan nila ang pagbabahagi niya. Agad kong naisip na ganoon din ang ginawa ng ilang anticristo na napatalsik sa iglesia. Hindi ba’t ganoon kumilos ang mga anticristo? Maaari mong sabihin na ang isang lider dito o doon ay isang huwad, pero mapagmataas ang sabihing huwad ang ilan sa kanila. At naalala ko ang halalan para sa mga lider noong nakaraang taon, nang palihim na pinag-usapan ni Sister Lu at ng isa pang sister ang isa sa mga kandidato, sinasabing pinapahalagahan nito ang karangalan at katayuan, gumawa ng mga bagay para lang magmukhang may ginagawa, at hindi gumawa ng tunay na gawain. Hindi ko maiwasang magsimulang makadama ng pagkiling laban kay Sister Lu at naisip kong talagang mapanghusga siya.
Tapos inudyukan ako ng lider na sumulat ng pagsusuri kay Sister Lu. Naalala ko rin ang pakikipag-ugnayan ko sa kanya kamakailan nang ilang tao ang pumuna sa kanya para sa ilang bagay, at depensibo siya noong una, pero pagkatapos no’n ay nagnilay-nilay siya at nagkaroon ng ilang pagbabago at pagpasok sa buhay. Tinanggap niya ang katotohanan. Sa mga pag-uusap namin, nakikita ko na pinapahalagahan niya ang pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili, na nagdasal siya, naghanap ng mga prinsipyo ng katotohanan, at nakakita ng mga salita ng Diyos para sa pagpasok. Nagsulat din siya ng dalawang patotoo at nadama kong isa siyang naghahanap ng katotohanan. Pero nang naisip ko kung paanong sinabi ng lider na mapagmataas siya, mabulaklak ang dila, talagang nakakalinlang, at kaswal na hinuhusgahan ang mga lider, kung sasabihin kong isa siyang taong kayang tanggapin at hanapin ang katotohanan, sasabihin ba ng lider na wala akong pagkakilala, na isa akong hangal? Kung hindi maganda ang maging impresyon niya sa akin, maaaring mawalan ako ng pagkakataon na gumawa ng ilang tungkulin. Habang naiisip iyon, sinabi ko sa pagsusuri ko na nahirapan si Sister Lu na tanggapin ang katotohanan, at may gawi siyang pangatwiranan ang sarili niya kapag nahaharap sa mga problema. Isinulat ko rin ang tungkol sa ilang katiwaliang ipinakita niya sa pang-araw-araw na buhay. Isinulat ko rin ang tungkol sa ilang paraan na malinaw niyang hinanap ang katotohanan, pero nagdagdag ako ng komento na nagsasabing hindi ako sigurado kung talagang naghahanap siya ng katotohanan. Nakadama ako ng kaunting pagkabalisa matapos isulat ang pagsusuri. Ang mga karanasan ko kay Sister Lu ay hindi kailanman naging katulad ng inilarawan ng lider. Mayroon nga siyang kaunting mapagmataas na disposisyon, minsan ay prangka siya at nagsasabi ng mga bagay na mahirap tanggapin, pero sa puso niya’y hindi siya masama, at itinaguyod niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Naglakas-loob siyang magsalita nang makita niyang nilalabag ng iba ang mga prinsipyo ng katotohanan. Halimbawa, nang makita niya ang isang sister na iniraraos lang ang tungkulin at naaapektuhan ang pag-usad ng gawain, nagawa niyang isantabi ang relasyon nila at kaagad iyong pinuna, at sinabi niya rin sa lider ang lahat ng tungkol doon. Kung titingnan ang karaniwang pag-uugali ni Sister Lu, itinaguyod niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at isang tamang tao, pero iba ang sinabi ng lider na ’yon. Napaisip ako kung may pagkiling ang lider. Sa pamamagitan ng pangangalap ng mga pagsusuri kay Sister Lu, napaisip ako kung mapapaalis siya sa kanyang tungkulin o matatanggal sa iglesia. Lalo akong nabalisa habang lalo ko iyong iniisip, kaya tinanong ko ang lider kung nakipagbahaginan na ba siya kay Sister Lu tungkol sa kanyang mga problema, kung naunawaan niya ang mga ito. Pero iniwasan ng lider ang tanong, sinasabing mahilig dati si Sister Lu na manghusga ng mga lider, at nagsimula na naman siyang gawin iyon. Sinabi niyang isang lider ang nag-iisip na magbitiw dahil kay Sister Lu, kaya nakakagambala na siya. Nang marinig ito mula sa lider, naisip ko na mas nauunawaan niya ang problema, na hindi ko kayang makakilala ng tao at nalinlang ako ng panlabas na pag-uugali ni Sister Lu. Wala na akong ibang sinabi.
Makalipas ang dalawang araw, siniyasat ng isang nakatataas na lider ang sitwasyon at sinabing hindi basta-basta hinuhusgahan ni Sister Lu ang mga lider, kundi wasto niyang inilalantad ang mga huwad na lider. Iniulat ni Sister Lu si Sister Chen, kaya binabatikos siya nito, kinokondena siya na basta-basta siya nanghuhusga ng mga lider at mag-isa nitong pinatigil ang tungkulin ni Sister Lu. Ang ilang huwad na lider na iniulat ni Sister Lu ay tinanggal na lahat, at naibalik sa kanya ang tungkulin niya. Kumakabog ang puso ko nang marinig ito—gulat na gulat ako. Medyo nakaramdam din ako ng pagkabagabag. Nakiayon ako sa lider na kumondena kay Sister Lu sa pagiging mapagmataas nito, sa walang habas na paghusga nito sa mga lider, at hindi pagtanggap nang mabuti sa katotohanan. Kinondena ko rin Sister Lu. Seryosong problema ’yon. Pakiramdam ko’y hindi ito maliit na bagay, na dapat ko talagang pagnilayan ang sarili ko. Kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na maunawaan ang sarili ko. Kalaunan, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Upang matahak ang tamang landas ng buhay ng tao, dapat ay mamuhay ka man lang nang may dignidad at may wangis ng tao; dapat ay makuha mo ang tiwala ng iba, at mapataas mo ang tingin ng iba sa iyo, at dapat ay maipadama mo sa kanila na matimbang ang iyong pagkatao at integridad at totoo ang lahat ng sinasabi mo. … Ang personalidad ng mga taong mayroong dignidad ay hindi palaging lubos na tumutugma sa ibang tao, ngunit sila ay matapat, at magiging mataas pa rin ang tingin sa kanila ng ibang tao sa huli, dahil naisasagawa nila ang katotohanan, sila ay matapat, at may dignidad, mayroon silang integridad, at pagkatao, at kahit kailan ay hindi sila nagsasamantala sa iba, tinutulungan nila ang mga tao kapag may ilang problema sa kanila, at kasundo nila ang ibang may konsiyensya at katwiran, at hindi sila basta-basta gumagawa ng mga paghatol tungkol sa iba; tumpak ang pananalita nila kapag sinusuri nila ang iba o kapag tinatalakay nila ang iba, sinasabi nila kung ano ang alam nila, at kapag hindi nila alam ang isang bagay, hindi sila nagsasalita nang walang ingat at hindi sila nagdaragdag ng mga hindi tumpak na impormasyon. Ang mga bagay na sinasabi nila ay mapagkakatiwalaan, at maaaring isaalang-alang ang mga ito. Ang mga salita at gawa ng mga may pagkatao ay may halaga, at karapat-dapat sa tiwala ng mga tao—ito ang tinatawag na dignidad. Walang sinumang mataas ang tingin sa mga taong walang pagkatao, walang nagbibigay ng anumang pansin sa kanilang mga salita at gawa, walang sumiseryoso sa kanila at walang nagtitiwala sa kanila, dahil napakarami nilang sinasabing kasinungalingan at ang sinasabi nilang katotohanan ay napakakaunti; wala silang sinseridad at walang integridad kapag nakikipag-ugnayan sila sa mga tao at kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay para sa iba, wala silang integridad, at walang may gusto sa kanila. May nakita na ba kayo ngayon na sa tingin ninyo ay marapat sa pagtitiwala ninyo? Sa tingin ba ninyo’y marapat kayong pagkatiwalaan ng ibang mga tao? Nakukuha ba ninyo ang tiwala ng iba? Halimbawa, may nagtanong sa iyo kung ano ang tingin mo sa isang tao, at naisip mo sa sarili mo: ‘Maganda na tinanong nila ako. Hinding-hindi ko susuriin o hahatulan ang isang tao nang basta-basta. Sasabihin ko talaga sa kanila kung ano ang alam ko, pero hindi talaga ako magsasalita tungkol sa mga bagay na wala akong alam. Sasabihin ko sa kanila ang mga bagay na nakasisiguro ako, pero para naman sa mga hula at imahinasyon ko, hinding-hindi ako magdaragdag ng mga hindi tumpak na impormasyon at hinding-hindi ako magsasalita ng ganoong mga bagay. Kung ito ay sarili kong paghatol o nakita ko ang isang bagay sa isang partikular na paraan, tiyak na sisimulan ko ito sa pagsasabi ng, “Batay sa paghatol ko” o “Batay sa mga naobserbahan ko at sa natuklasan ko,” para makita nila ang aking katapatan at ang aking saloobin, at para pagkatiwalaan nila ako.’ Kaya ba ninyong gawin ito? (Hindi.) Kung gayon ay pinatutunayan nito na hindi sapat ang katapatan ninyo sa iba, at wala kayong matapat na puso o matapat na saloobin sa inyong pag-uugali” (“Sa Pamamagitan Lamang ng Pagiging Matapat Maaaring Makapamuhay na Tulad ng Isang Tunay na Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga taong matuwid at matapat ay sinusuri ang iba nang tama at walang kinikilingan, at hindi basta-basta lang nagsasalita. Sinasabi nila kung ano lang ang alam nila, at wala nang iba. Mapagkakatiwalaan sila. Pero iyong mga hindi matuwid ay may mga pansariling motibo sa kanilang mga pagsusuri, binubulalas ang anumang nasa imahinasyon nila, binabaluktot pa nga ang mga totoong impormasyon, binabaligtad ang mga bagay-bagay upang makamit ang sarili nilang mga layunin. Ang gayong uri ng tao’y masyadong nagsisinungaling, napakakaunti ng katotohanang sinasabi, at hindi mapagkakatiwalaan. Wala talaga siyang dignidad at integridad. Muli kong inisip ang pagsusuri ko kay Sister Lu. Nang marinig ko ang lider na ’yon na kinokondena siya na mapagmataas at mapanghusga, hindi ko natukoy kung tama ba ang lider o hindi at hindi ko alam kung ang mga lider na iniulat ni Sister Lu ay mga huwad na lider. Pikit-mata lang akong nakiayon sa lider. Kahit na napagtanto ko na iba sa naranasan ko ang opinyon ng lider na ’yon kay Sister Lu, at nabagabag ako, natakot akong sasabihin niyang hindi ako makakilala at magkakaroon siya ng pangit na impresyon sa akin, kung magkagayon baka hindi ako makakuha ng mas maraming mahahalagang tungkulin. Kaya naman nagsulat ako ng negatibong pagsusuri kay Sister Lu. Binaligtad ko ang mga totoong impormasyon, at pinaratangan siya. Pagbukod at paniniil ’yon sa kanya, na naghahayag ng isang napakamapaminsalang disposisyon. Ang pag-uulat at paglalantad ni Sister Lu sa mga huwad na lider nang hindi napipigilan ng kanilang katayuan ay isang matuwid na bagay. Hindi lang ako nabigong suportahan siya, kundi kinondena namin siya ng lider, tinatawag na masama ang isang mabuting bagay. Talagang nakasakit ’yon kay Sister Lu. Paggawa ’yon ng kasamaan, pagkilos bilang utusan ni Satanas. Puno ako ng panghihinayang at paninisi sa sarili. Pakiramdam ko’y talagang ginawan ko ng masama si Sister Lu at hindi ko siya kayang makita. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, wala po akong pagkatao. Sumunod ako sa isang huwad na lider, sinisiil at kinokondena si Sister Lu. Nakagawa po ako ng isang paglabag sa harap Mo. Diyos ko, nagkamali ako, gusto ko pong magsisi….”
Nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na mas maunawaan ang sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Itinuturing ng mga anticristo si Cristo kung paano rin nila itinuturing ang mga tao, kumukuha ng mga hudyat mula kay Cristo sa lahat ng sinasabi at ginagawa nila, nakikinig sa tono Niya, at nakikinig para sa kahulugan ng Kanyang mga salita. Kapag nagsasalita sila, wala ni isa mang salita ang totoo o matapat. Ang alam lamang nila ay ang magsalita ng hungkag na mga salita at doktrina. Sinusubukan nilang linlangin at dayain ang taong ito, na sa kanilang mga mata, ay isang karaniwang tao lamang. Nagsasalita sila na parang isang gumagapang na ahas, ang galaw ay paliku-liko at hindi tuwiran. Ang paraan at gawi ng mga salita nila ay tulad ng isang baging ng melon na umaakyat sa isang poste. Kapag sinasabi Mong ang isang tao ay may mahusay na kakayahan at maaaring itaas, kaagad silang nagsasalita tungkol sa kung gaano sila kahusay, at kung ano ang nakikita at naihahayag sa kanila. At kung sasabihin Mong ang isang tao ay masama, mabilis sila sa pagsasalita kung gaano ito kasama at kamakasalanan, kung paano niya ginagambala at inaabala ang iglesia. Kapag ninanais Mong malaman ang katotohanan tungkol sa isang bagay, wala silang masasabi. Nagpapaliguy-ligoy sila, naghihintay na gumawa Ka ng pasya, nakikinig para sa kahulugan ng mga salita Mo, sinusubukang alamin ang mga layunin Mo. Ang lahat ng sinasabi nila ay pangbobola, pagpapakasipsip, at pagbibigay ng labis na papuri. Wala kahit isang salitang may katotohanan ang lumalabas sa kanilang mga bibig” (“Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalawang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). “Ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi matapat, ibig sabihin ay hindi sila nagpapakatotoo kahit kaunti. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay nahahaluan ng sarili nilang mga intensyon at layunin, at nakatago sa lahat ng ito ang kanilang mga hindi masabi at napakasamang panlalansi, pamamaraan, pakay, at pagsasabwatan. Ang paraan ng kanilang pagsasalita ay talagang napakarumi kaya imposibleng malaman kung alin sa kanilang mga sinasabi ang totoo at alin ang hindi totoo, kung alin ang tama at alin ang mali. Dahil hindi sila matapat, ang kanilang isipan ay lubhang kumplikado, puno ng pagpapaikut-ikot at sagana sa mga panlalansi. Wala silang sinasabi nang prangkahan. Hindi nila sinasabi na ang isa ay isa, ang dalawa ay dalawa, ang oo ay oo, at ang hindi ay hindi. Sa halip, sa lahat ng bagay, paliguy-ligoy sila at pinag-aaralang mabuti nang ilang beses ang mga bagay-bagay sa kanilang isipan, iniisip ang mga sanhi at kahihinatnan, tinitimbang ang mga pakinabang at disbentaha mula sa bawat anggulo. Pagkatapos, minamanipula nila ang mga bagay-bagay sa kanilang pananalita upang lahat ng sinasabi nila ay medyo masalimuot sa pandinig. Ang matatapat na tao ay hindi nauunawaan kailanman ang kanilang sinasabi at madali silang malinlang at maloko ng mga ito, at sinumang nakikipag-usap sa gayong mga tao ay napapagod at nahihirapan. Hindi nila sinasabi kailanman na ang isa ay isa at ang dalawa ay dalawa, hindi nila sinasabi kailanman ang kanilang iniisip, at hindi nila inilalarawan kailanman ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito. Lahat ng sinasabi nila ay hindi maarok, at ang mga layunin at intensyon ng kanilang mga kilos ay napakakumplikado. At kung, matapos magsalita, inilalantad nila ang kanilang sarili o mahuli sila, dali-dali silang humahabi ng isa pang kasinungalingan para pagtakpan ang kanilang sarili. … Ang prinsipyo at pamamaraan ng mga taong ito sa pakikipag-ugnayan sa iba ay nilalansi nila ang mga tao gamit ang mga kasinungalingan. Doble-kara sila at nagsasalita para masiyahan ang kanilang tagapakinig; ginagampanan nila ang anumang papel na hinihingi ng sitwasyon. Madulas sila at madaya, puno ng mga kasinungalingan ang kanilang bibig, at hindi sila mapagkakatiwalaan. Sinuman ang nakikipag-ugnayan sandali sa kanila ay nalilinlang o naguguluhan at hindi makatanggap ng panustos, tulong, o magandang halimbawa” (“Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Diwa ng Kanilang Disposisyon (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Inihahayag ng mga salita ng Diyos na ang mga anticristo ay laging may nakatagong mga panlilinlang sa kanilang mga salita at kilos, paliguy-ligoy sila kung magsalita, niloloko ang iba, at walang anumang kredibilidad. Kahit sa pakikisalamuha nila sa Cristo, naghahanap sila ng mga pahiwatig, tinitingnan kung saang direksyon umiihip ang hangin, nagiging mambobola. Walang anumang totoo sa kanila. Talagang mandaraya at masasama sila. Hindi ko pa direktang nakakasalamuha ang Cristo, pero inabangan kong marinig ang mga pahiwatig, nakiramdam ako, at hinulaan ang gusto ng iba. Nagpakita ako ng disposisyon ng isang anticristo. Ilang buwan na ang nakararaan, hiniling ng lider ang pagsusuri ko kay Sister Lu, at nung panahong ’yon hindi ko inisip na may negatibong opinyon ang lider sa kanya, ang akala ko’y baka gusto siyang ipromote nito. Kaya sinabi kong kaya ni Sister Lu na maghanap at tumanggap ng katotohanan sa harap ng mga problema, na may pagkaunawa siya sa pagiging matuwid at nakapagtataguyod siya ng mga interes ng iglesia. Talagang isinulat ko ang kanyang mga kalakasan, halos hindi binabanggit ang kanyang mga kahinaan. Pero nang batikusin ng lider na ’yon si Sister Lu at nangangalap ng impormasyon tungkol sa kanyang pag-uugali, alam kong iba ang naging karanasan ko kay Sister Lu kaysa sa lider, pero natakot akong sasabihin niyang hindi ako makakilala, kaya nakiayon ako sa kanya, sinasabing mayabang at mapanghusga si Sister Lu at nahirapang tumanggap ng katotohanan. Iisang tao lang ang sinusuri ko, pero magkaibang-magkaiba ang mga sinabi ko tungkol sa kanya. Ni bahagya ay hindi ako naging patas o walang kinikilingan. Naisip ko ang itinuro sa atin ng Panginoong Jesus, “Ang magiging pananalita ninyo’y, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’” (Mateo 5:37). Pero noong nagsusulat ako tungkol sa kanya, dahil gusto kong magkaroon ng magandang impresyon ang lider tungkol sa akin, hinulaan ko kung ano ang gusto niya, kaya naging maligoy ako sa mga opinyon ko, hindi tinitingnan ang mga bagay-bagay sa simpleng paraan. May bahid ng mga pansariling motibo ang lahat ng sinabi at ginawa ko na walang kahit isang totoo at tunay na salita. Talagang tuso at masama ako. Nakita kong wala akong prinsipyo sa mga salita at kilos ko, na hindi ako karapat-dapat pagkatiwalaan o paniwalaan. Ganap na nawala ang dignidad ko. Mas lalo akong nasuklam sa sarili ko. Nakakita na ako noon ng mga huwad na lider at anticristo na nambu-bully ng iba para sa sarili nilang pangalan at katayuan, nagalit ako. Hindi ko inakalang gagawa ako ng ganoong uri rin ng kasamaan. Binaluktot ko ang mga salita ko para lang sa sarili kong mga layunin, para pangalagaan ang sarili kong mga interes. Pinagmukha kong masama ang isang mabuting tao. Pinagmukha kong mapanghusga ang isang matuwid na tao na pinangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Naging mapagparatang ako, hindi tinatrato nang tama ang isang mabuting tao. Pumanig ako sa isang huwad na lider, kinokondena at inaapi si Sister Lu. Napagtanto ko na mapag-isip ako ng masama tungkol sa iba sa puso ko.
Minsan sa isang pagtitipon, sinabi ng isang sister na narinig niyang gusto ng isang lider na mangalap ng mga pagsusuri kay Sister Lu, at naramdaman niyang si Sister Lu ay hindi katulad ng kung paano siya inilarawan ng lider na ’yon. Hindi siya pikit-matang nakinig sa lider, sa halip ay nakilala niya ang sinabi at ginawa ng lider. Sinabi rin niya sa mga nakatataas na lider ang tungkol dito at napatigil ang gayong pagtrato kay Sister Lu. Parehong sitwasyon ang isinaayos ng Diyos para sa amin. Kaya ng sister na ’yon na hanapin ang katotohanan, mayroon siyang pusong may paggalang sa Diyos at prangka siya. Nanindigan siya para kay Sister Lu at itinaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero napaniwala ako ng mga kasinungalingan at panlilinlang ng huwad na lider, at ginatungan ko ang kanyang hindi masawatang kasamaan, umaastang parang kampon ni Satanas. Kinamuhian ko talaga ang sarili ko nang makita ko ’yon. Tapos napaisip ako kung bakit napakadali kong bumigay noong sinabi ’yon ng lider na iyon tungkol kay Sister Lu. Iyon ay dahil hindi ko lubos na naunawaan ang mga katotohanan sa kung ano ang pagiging mapanghusga. Sa katunayan, ang susi para makita kung mapanghusga ang isang tao ay ang alamin kung ano ang mga motibo niya, kung ang mga problemang iniuulat niya ay mga totoong problema. Kung ang isang tao ay may matuklasang mga huwad na lider na sumasalungat sa mga prinsipyo at hindi gumagawa ng totoong gawain, at pagkatapos ay nakipagbahaginan siya sa iba na nakauunawa sa katotohanan para matukoy sila, at ang intensiyon niya ay itaguyod ang gawain ng iglesia, hindi ’yon pagiging mapanghusga, kundi pagiging matuwid. Ang mga talagang mapanghusga ay may sariling mga motibo, binabaluktot nila ang mga totoong impormasyon, sinisiraan at inaatake nila ang mga tao. Nakakahanap sila ng mga magagamit laban sa iba, o pinapalaki nila ang mga bagay-bagay, at hindi nila pinipili kung sino ang pupunahin na nagpapakita ng ilang katiwalian. Lahat ’yon ay mapang-api at mapagkondena. Iyon ay pagiging mapanghusga. Wala akong dalisay na pagkaunawa sa kung ano ang pagiging mapanghusga, nagkamali ako ng paniniwala na kung matuklasan natin ang mga problema ng isang lider, kailangan nating sabihin nang direkta sa kanya o iulat ito sa isang nakatataas na lider, pero kung kakausapin natin ang mga kapatid nang palihim, pagiging mapanghusga ’yon. Hindi ko tinitingnan ang konteksto o kung ano talaga ang nasa likod nito. Nang marinig ko na nakipag-usap si Sister Lu sa ibang mga kapatid nang palihim, sinasabing hindi gumagawa ng totoong gawain ang ilang lider, na mga huwad na lider sila, akala ko’y naging mapanghusga siya, kaya’t basta-basta ko siyang kinondena. Hindi ko inisip kung totoo ba ang sinabi niya. Pero ipinakita ng mga katunayan na katotohanan ang iniuulat niya. Naglakas-loob siyang magsabi ng katotohanan at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pagtataguyod ’yon ng pagkamatuwid, hindi pagiging mapanghusga. Sa panlabas ay mukhang magkatulad na magkatulad ang lahat, pero kung titingnan mo ang mga motibo, napakalaki ng pagkakaiba. Sa pagsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, sa mga salita ng Diyos, dagdag pa ang pagsiyasat sa konteksto ng isang sitwasyon, magiging mas maliit ang posibilidad na manirang-puri tayo ng mga tao.
Natuto ako ng ilang aral sa kabiguan kong ito. Sa mga pagsusuri sa hinaharap, kailangan kong magkaroon ng mapitagang puso, at hindi pikit-matang makinig sa iba. Kailangan kong sundin ang mga totoong impormasyon, upang makilala ang diwa ng mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Kung hindi ko kaagad makikita nang malinaw ang mga bagay-bagay batay sa katotohanan, kailangan kong maging prangka man lang, at hindi mambola ng tao at baluktutin ang mga bagay-bagay. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Sundin ang paraan ng Diyos: Ano ang pinatutungkulan ng ‘paraan ng Diyos’? Pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. At ano ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Kapag sinusuri mo ang isang tao, halimbawa—nauugnay ito sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kapag sinasabi mo kung ano mismo ang iniisip mo, at kung ano mismo ang nakita mo, nagiging matapat ka. At higit sa lahat, ang ibig sabihin ng pagiging matapat ay pagsunod sa paraan ng Diyos. Ito ang itinuturo ng Diyos sa mga tao; ito ang paraan ng Diyos. Ano ang paraan ng Diyos? Pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang pagiging matapat ba ay bahagi ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? (Oo.) At ito ba ay pagsunod sa paraan ng Diyos? (Oo.) Kung ikaw ay hindi matapat, ang nakita mo at ang naiisip mo ay hindi tugma sa lumalabas sa bibig mo. May nagtatanong sa iyo, ‘Ano ang opinyon mo sa taong iyon? Tumatanggap ba siya ng responsibilidad para sa gawain ng sambahayan ng Diyos?’ at sumasagot ka, ‘Medyo magaling siya, at tumatanggap siya ng mas maraming responsibilidad kaysa sa akin, mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin, at mabuti rin ang pagkatao niya, nasa kahustuhan ito.’ Pero ano talaga ang iniisip mo sa puso mo? Ang talagang iniisip mo ay may kahusayan nga ang taong ito, pero hindi siya maaasahan, at siya ay may pagkatuso, at napakamapagpakana. Ito talaga ang iniisip mo, pero noong oras nang magsalita, naisip mo na, ‘Hindi ko puwedeng sabihin ang totoo, hindi ko dapat mapasama ang loob ng sinuman,’ kaya mabilis kang nagsabi ng ibang bagay, pinili mong magsalita ng mabubuting bagay tungkol sa kanya, at wala ni isa sa sinabi mo ang talagang nasa isip mo, ang lahat ng ito ay kasinungalingan at pagpapaimbabaw. Ipinapakita ba nito na sinusunod mo ang paraan ng Diyos? (Hindi.) Ang tinatahak mo ay ang landas ni Satanas, ang paraan ng mga demonyo. Ano ang paraan ng Diyos? (Pagiging matapat.) Bagama’t sinasabi mo ang mga pagsusuring ito sa ibang tao, nakikinig at nanonood din ang Diyos, sinisiyasat ang pinakakaibuturan ng puso mo. Kaya bang gawin ng mga tao ang gayong pagsisiyasat? Ang pinakamagagawa nila ay ang makita na hindi ka nagsasabi ng totoo. Nakikita nila ang panlabas mo. Ang Diyos lamang ang nakakakita ng nasa pinakakaibuturan ng puso mo, ang Diyos lamang ang nakakakita ng iniisip mo, ng pinaplano mo, ng maliliit na pakana na nasa loob ng puso mo, ng mga mapandayang paraan, at ng masasamang iniisip. At nakikitang hindi ka nagsasabi ng totoo, ano ang opinyon sa iyo ng Diyos, ano ang pagsusuri Niya sa iyo? Na sa bagay na ito, hindi mo sinunod ang paraan ng Diyos, dahil hindi ka nagsabi ng totoo” (“Ang Pinakamahalagang Bahagi ng Paniniwala sa Diyos ay ang Pagsasagawa ng Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Napagtanto ko mula sa mga salita ng Diyos na ang lahat ng nangyayari ay may kaugnayan sa kung kaya nating matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Nakikita ng Diyos ang puso at isipan natin. Nakikita ng Diyos ang lahat-lahat ng iniisip at ginagawa natin. Dapat tayong magkaroon ng mapitagang puso sa mga pagsusuri, hindi nagpapadala sa mga damdamin o nakokontrol ng sarili nating mga motibo, kundi hinahanap ang katotohanan mula sa mga totoong impormasyon, sinasabi kung ano lang ang nalalaman natin, at nagiging matapat ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi natin nakikita nang malinaw ang kalikasan ng pag-uugali ng isang tao o naiintindihan ang mga prinsipyo, dapat ay mas maghanap at magdasal pa tayo para hindi tayo nanghuhusga ng isang tao nang hindi nag-iisip o pikit-matang binabansagan siya. At naisip ko ang gawain ng paglilinis ng iglesia. Kung may mga pansariling motibo, ang pagkabigong sumunod sa mga totoong impormasyon o walang kinikilingang pagsusuri sa mga tao ay maaaring makaligaw sa iba. Sa mga malalalang kaso, maaaring maling mapatalsik ang isang tao, na paggawa ng hindi tama sa kanya. O ang pagsasalita batay sa damdamin, pagprotekta sa walang pananalig, sa gumagawa ng masama ay maaaring mangahulugan na ang isang taong dapat matanggal ay napanatili sa iglesia upang gumawa ng higit pang pinsala. Ganoon din ang prinsipyo sa mga pagbabago ng tungkulin. Kung mali ang isang pagsusuri, maaaring mapigilan nito ang mabubuting tao na mapromote at malinang, habang ang masasamang tao ay nananatili sa kanilang posisyon. Hindi lang nito naaantala ang pagpasok sa buhay ng iba, kundi napipinsala nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Napagtanto ko rin na ang mga pagsusuri ay kailangang nakabatay sa palagiang pag-uugali. Upang patas na masuri ang isang tao, hindi tayo puwedeng tumuon lang sa kanyang mga kahinaan o sandaling paghahayag ng katiwalian, tapos ay binabansagan siya. Matapos maunawaan ito, sinimulan kong paalalahanan ang sarili ko na kailangan kong panatilihin ang pusong nagpipitagan sa Diyos sa mga pagsusuri, para magawa ito nang ayon sa katotohanan, nang patas, at walang kinikilingan.
Kalaunan, kinailangan kong sumulat ng isa na namang pagsusuri kay Sister Lu dahil sa mga kailangan sa gawain. Alam kong isinaayos ito ng Diyos para subukin ako, upang makita kung magagawa kong isagawa ang katotohanan at pumasok sa mga prinsipyo, para masuri siya nang patas. Kaya pinayapa ko ang puso ko sa harap ng Diyos at nagdasal, humihiling sa Diyos na siyasatin ang puso ko at tulungan akong maging tapat. Kailangan kong magsalita nang malinaw, huwag magpadala sa damdamin o sa sarili kong mga motibo. Kailangan kong sabihin ang alam ko, at aminin na hindi ko alam ang hindi ko alam. Mas gumaan ang pakiramdam ko nang isagawa ko iyon. Ang pagsusuri na ito kay Sister Lu ay nakatulong sa aking makita ang sarili kong tuso’t mapanlinlang na tiwaling disposisyon, na kung magsasalita at kikilos ako nang may mga nakatagong motibo, gagawa ako ng kasamaan, masasaktan at mahuhusgahan ko ang mga tao nang hindi ko namamalayan. Nakita ko rin na ang pamumuhay lamang ayon sa mga salita ng Diyos, paggawa ng mga bagay sa paraang itinuturo sa atin ng Diyos, at pagiging matapat na tao, ay ang tanging paraan para makapamuhay nang may tunay na wangis ng tao, upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.