Nakapagsasalita na Ako Ngayon mula sa Puso

Pebrero 14, 2022

Ni Matthew, France

Noong ginagampanan ko ang aking tungkulin kaagapay ang isa pang kapatid, kapag may napansin akong isang personal na kapintasan o na may ginawa silang hindi naaayon sa katotohanan, alam na alam ko na dapat ko silang paalalahanan o tulungan, pero karaniwan ay iniwasan ko ang ganitong klaseng mga isyu sa pagsisikap na iwasang sumama ang loob ng sinuman. Hindi pa gaanong natatagalan, may nangyaring ilang bagay na nagpatanto sa akin ng pinsala at mga bunga ng gayong pag-uugali at natulungan ako ng mga itong magbago.

Alam mo, kamakailan, pagkatapos ng isang pagtitipon isang araw, sinabi sa amin ng sister na namamahala na kailangan naming maghandang pumili ng ilang tao mula sa amin na gumagawa ng tungkuling pagdidilig na humayo at magpalaganap ng ebanghelyo, at binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kapwa pagdidilig at gawain ng ebanghelyo. Hiniling niya na seryoso naming pag-isipan ito batay sa mga prinsipyo at pagkatapos ay talakayin ito bilang isang grupo at magdesisyon. Sa gulat ko, maaga pa kinaumagahan ay tinawagan ako ni Brother James, na katulong ko sa aking tungkulin, at sinabihan ako na nakapili na siya ng ilang kapatid at naisaayos na magsama-sama sila. Hiniling niya na sumama ako sa kanya sa pagbabahagi sa kanila tungkol sa pagbabago sa kanilang mga tungkulin. Nang marinig ko siyang sabihin ito, naisip ko sa sarili ko, “Hindi ba medyo pabigla-bigla at mapusok na desisyon ito sa parte mo? Hindi pa natin ito natatalakay na lahat nang magkakasama, at bukod pa riyan, ginagawa ng lahat ang sarili nilang indibiduwal na tungkulin ngayon. Kung pikit-mata mo lang gagawin ang pagbabagong ito at lalabas na hindi pala ito ang tamang pasiya, hindi ba iyon makakaapekto sa gawain ng iglesia?” Gusto kong sabihin kay Brother James kung ano talaga ang naisip ko, pero nagsimulang magtalo ang loob ko nang marinig ko sa telepono kung gaano siya kasabik. Baka mabalisa siya kapag sinabi ko sa kanya na masyado siyang pabigla-biglang magdesisyon at na hindi siya dapat gumawa ng mga bagay-bagay nang hindi iniisip ang mangyayari. Kung tanggihan ko ang kanyang paanyaya, hindi ba niya mararamdaman na kinokontra ko ang kanyang ideya at iisipin na nagmamataas ako? Dahil napigilan ako ng gayong klaseng mga ideya, hindi ako nagsalita. Sa kabila ng aking mga alalahanin tungkol sa kanyang iminungkahi, tinanggap ko pa rin ang paanyaya niya at pumayag ako na mangasiwa ng mga pagtitipon na kasama niya upang magbahagi sa mga kapatid.

Matapos ibaba ang telepono, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos na naibahagi sa isang grupo sa WhatsApp: Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hindi ka dapat malito, na pikit-matang sumasang-ayon sa mga tao nang wala kang sariling mga ideya; sa halip, kailangan mong maglakas-loob na manindigan at tumutol sa mga bagay na hindi nagmumula sa Akin. Kung alam na alam mo na may mali, subalit nananatili kang walang kibo, hindi ka isang taong nagsasagawa ng katotohanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 12). Alam mo, pakiramdam ko direktang sinabi sa akin ang mga salitang iyon. Talagang isa itong malalim na karanasan kung paanong tunay na nakikita ng Diyos ang kaibuturan ng ating puso. Hindi ba ako mismo ang klase ng taong inilantad sa mga salita ng Diyos, na malinaw na nakakaalam na may mali pero nananatiling tahimik? Hindi, hindi na ako dapat maging gayon. Kaya nagtipon ako ng lakas ng loob at nagbalak na magsalita. Ngunit nang maisip ko kung gaano kasigasig si Brother James, natakot ako na baka maramdaman niya na inaaway ko siya kung hahadlangan ko siya. Matapos magtalo ang loob ko, inalo ko lang ang sarili ko, na iniisip na hindi ko masisiguro na nasa tama ako. Maaaring mayroon akong hindi nakikita. Kung kaya, tinalikuran ko ang katotohanan, binalewala ang pagsaway mula sa Diyos, at wala akong sinabing anuman kay Brother James. Kalaunan ay inayunan ko ang plano ni Brother James at sinimulang ayusin ang gawain.

Samantala, ipinaalam ko iyon sa sister na namamahala. Nang marinig niya ang tungkol doon, kinausap niya kami ni James online at mahigpit kaming pinagsabihan, na sinasabing, “May mga partikular na kinakailangan sa pagpaplano at pag-aayos ng mga pagbabago sa mga kawani. Kailangang piliin ang mga taong para sa pagbabahagi ng ebanghelyo o para sa tungkuling pagdidilig ayon sa kanilang personal na mga kalakasan upang hindi mahadlangan ang gawain ng iglesia. Panggugulo sa gawain ng iglesia ang basta na lang ninyong pagsasabi sa isang grupo ng mga tao na humayo at ibahagi ang ebanghelyo, hindi ba? Hindi ninyo hinangad ang mga katotohanang prinsipyo o tinalakay ito sa lahat. Sa diwa, ito ay pagkilos nang walang-pakundangan.” Talagang nabalisa ako at nakonsiyensiya nang marinig ko siyang sabihin ito. Alam ko na iyon ang Diyos na nagtatabas at nagwawasto sa akin, at talagang tama siya. Kumikilos kami nang walang-pakundangan at hindi sumusunod sa mga prinsipyo. Sa pagninilay-nilay ko sa sarili, napagtanto ko sa wakas na dapat kong tanggihan at patigilin ang anumang hindi kapaki-pakinabang sa iglesia, at kahit hindi ko lubos na nauunawaan ang isang bagay, dapat ko pa ring sabihin ang nasa isip ko at makisangkot sa paghahangad at pagbabahagi na kasabay ng lahat ng iba pa. Hindi maaaring pikit-mata na lang akong sumunod, dahil maaaring makagambala iyon sa gawain ng iglesia. Ngunit sa pagsisikap kong protektahan ang relasyon namin ni Brother James at tiyakin na hindi masama ang tingin niya sa akin, naging handa akong hadlangan ang gawain ng iglesia bago banggitin ang kanyang isyu, tinalikuran ko pa ang kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu. Nakita ko kung gaano ako naging tuso, makasarili, at kasuklam-suklam. Nang lalo kong isipin iyon, lalo kong nadama na hangal ako, at napuno ako ng pagkainis at pagkasuklam sa sarili ko.

Sa pagninilay ko tungkol dito kalaunan, nagtaka ako kung bakit lagi kong pinoprotektahan ang sarili kong mga interes sa halip na isagawa ang katotohanan. Sa aking pagkabalisa, nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko, ginagawa ko ang mga bagay ayon sa aking satanikong disposisyon. Hindi ko isinasagawa ang katotohanan kahit napakalinaw nito sa akin. Nakikita ko kung gaano ako labis na nagawang tiwali ni Satanas. Diyos ko, pakiusap, tulungan Mo po ako.” Nang maglaon ay nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Yaong mga tunay na naniniwala sa Diyos ay yaong mga handang isagawa ang salita ng Diyos at handang isagawa ang katotohanan. Ang mga taong tunay na nagagawang manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos ay yaon ding mga handang isagawa ang Kanyang salita at talagang kayang pumanig sa katotohanan. Wala sa lahat ng taong nanloloko at walang katarungan ang katotohanan, at nagdadala sila ng kahihiyan sa Diyos.” “Hindi tinutulutan ng pamilya ng Diyos na manatili ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nito tinutulutang manatili yaong mga sadyang gumigiba sa iglesia. Gayunman, hindi ito ang panahon para gawin ang gawain ng pagtitiwalag; ilalantad at aalisin lamang ang gayong mga tao sa huli. Wala nang walang-silbing gawaing iuukol sa mga taong ito; yaong mga nabibilang kay Satanas ay hindi kayang pumanig sa katotohanan, samantalang yaong mga naghahanap sa katotohanan ay kayang gawin ito. Ang mga taong hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi karapat-dapat na marinig ang daan ng katotohanan at hindi karapat-dapat na magpatotoo tungkol sa katotohanan. Ang katotohanan ay hindi talaga para sa kanilang mga pandinig; sa halip, ito ay para sa mga nagsasagawa nito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Napakasidhi ng mga salita ng Diyos para sa akin. Ang isang tunay na mananampalataya sa Diyos ay handang isagawa ang salita ng Diyos, at sa harap ng isang isyu ay maaari nilang hangarin ang katotohanan at isagawa ito, nang nasa panig ng Diyos. Ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay sumusunod sa kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon, nasa panig ni Satanas at nagpapahina sa iglesia. Napagtanto ko na sa pagiging isang taong nagbibigay-kasiyahan sa mga tao at nabibigong isagawa ang katotohanan, nasa panig ako ni Satanas. Sa bawat pagkakataon na naharap ako sa isang sitwasyon na kinailangan kong manindigan para protektahan ang mga interes ng iglesia, tumanggi akong isagawa ang katotohanan sa takot na sumama ang loob ng mga tao o mawalan ako ng puwang sa puso nila. Alam ko na kung nanatili akong gayon, sa huli ay itataboy at paaalisin ako ng Diyos. Sa puntong iyon, napagtanto ko lang ang likas na katangian ng mga bagay na ginagawa ng mga taong nagpapalugod ng mga tao, pero halos wala pa rin akong anumang pagkaunawa sa ugat ng aking satanikong katiwalian, kaya itinurong muli ng Diyos ang aking mga pagkukulang sa pamamagitan ng isang brother upang tulungan akong mas makilala ang sarili ko.

Naaalala ko, minsan noong magkasama kaming gumagawa ni Brother Michael ng tungkuling pagdidilig, nagtapat siya at nagbahagi, “Brother Matthew, paunti nang paunti ang pagtutulungan natin nitong huli. Halos hindi mo na pinapansin ang mga kapintasan ko, at wala kang sinasabing anuman kapag nakikita mo akong gumagawa ng isang bagay na hindi naaayon sa katotohanan. Paano ako lalago sa gayong paraan? Kailangan ko ng tulong na makita ang mga problema at kailangan akong matabasan at maiwasto para lumago.” Sumama ang pakiramdam ko nang sabihin niya iyon, at binalikan ko sa aking isipan ang lahat ng pag-uugnayan namin. Napansin ko kamakailan na ginagawa niya ang mga bagay-bagay nang paulit-ulit sa kanyang tungkulin iniraraos lang ang mga pagtitipon para sa mga bagong mananampalataya. Direkta lang siyang nagbahagi sa kung ano mang paksa ang pinlano naming pag-usapan nang hindi gumagawa ng anumang mga pag-aakma sa sandaling iyon mismo batay sa kanilang mga aktwal na isyu at paghihirap, batay sa mga prinsipyo ng paglutas ng mga problema at pagtatamo ng mga pakinabang. Ang mga kinalabasan ng mga pagtitipon na iyon ay hindi kaaya-aya at hindi malutas ng ilan sa baguhan ang kanilang mga isyu sa tamang panahon. Hindi ko nabanggit sa kanya ang anuman sa mga iyon, sa takot na sumama ang loob niya at magalit siya sa akin. Nagsinungaling ako tungkol sa lahat ng problemang iyon. Tama si Brother Michael—nakita ko na ang kanyang mga isyu pero hindi ko sinabi sa kanya kailanman ang tungkol sa mga iyon. Naging isa akong taong nagpapalugod ng mga tao, na kumikilos na parang matalik na kaibigan ako ng lahat. Nalaman ko na patuloy akong kinontrol ng pag-iisip na gaya ng isang taong nagpapalugod ng mga tao, na pumigil sa akin na isagawa ng katotohanan. Dahil hindi ko tiyak kung ano ang gagawin, ipinagdasal ko ito sa Diyos: “Diyos ko, patnubayan mo sana akong malaman ang sarili kong likas na katiwalian at maiwaksi ang mga gapos ng aking tiwaling satanikong disposisyon.”

Pagkatapos niyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Paano mo mauunawaan ang kalikasan ng tao? Ang pinakamahalaga ay makilala ito mula sa perspektibo ng pananaw ng tao sa mundo, pananaw sa buhay, at mga pinahahalagahan. Yaong mga kampon ng diyablo ay nabubuhay na lahat para sa kanilang mga sarili. Ang pananaw nila sa buhay at mga salawikain ay kalimitang nagmumula sa mga kasabihan ni Satanas, tulad ng, ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ang mga salitang sinambit ng mga diyablong haring iyon, ng matatayog, at ng mga pilosopo sa lupa ay naging ang mismong buhay ng tao. … Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay kalikasan na ng tao. Ang ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at iyan ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyunal na kultura ng bawat bayan para turuan, linlangin, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli ay winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. Isipin na kunwari’y itinatanong mo ito sa isang tao na maraming taon nang aktibo sa lipunan: ‘Ipagpalagay nang nabubuhay ka na sa mundo at napakarami mo nang nagawa, anong mga bantog na kasabihan ang batayan mo sa buhay?’ Maaaring sabihin niya, ‘Ang pinakamahalaga ay “Hindi gagalawin ng mga opisyal ang mga sipsip sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.”’ Hindi ba kumakatawan ang mga salitang ito sa kanyang likas na pagkatao? Naging kalikasan na niya ang walang-pakundangang paggamit ng anumang paraan para makakuha ng katungkulan, at ang pagiging opisyal at tagumpay sa karera ang kanyang buhay. Marami pa ring satanikong lason sa buhay ng mga tao, sa kanilang pag-uugali at asal. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay pawang kay Satanas(“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita sa akin ng mga salitang ito ng Diyos ang ugat ng problema. Palagi akong naging isang “mabait na tao” dahil ginagamit ni Satanas ang ating lipunan at pormal na edukasyon para ilubog ako sa mga pilosopiya ng pamumuhay at mga maling paniniwala, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Sumambit ng mabubuting salita na umaayon sa mga damdamin at katwiran ng iba, dahil naiinis ang iba sa pagiging prangka,” at iba pa. Naging mga prinsipyo ng pag-uugali ko ang mga ito. Ang totoo, noong maliit pa ako, medyo matapat ako sa salita at sa gawa; sinasabi ko lang ang anumang nakita ko. Kung may nakita akong kaklase na inaapi sa paaralan, naninindigan ako at ipinagtatanggol ko sila, kaya nagiging target ako ng panliligalig. Kapag may napansin akong mga personal na kapintasan sa mga kaibigan o kamag-anak o nakita ko silang gumawa ng masama, agad akong nagsasalita. Karaniwan ay hindi sila gaanong nasisiyahan at nagagalit sila sa akin, o malamig pa ang pagtrato nila sa akin. Humihingi ako ng paumanhin at hinihiling kong patawarin nila ako sa pagtatangkang ayusin ang mga bagay-bagay. Dahil sa mga karanasang ito, unti-unti kong nadama na, para makaraos sa mundong ito, ang pagsasalita nang malinaw at diretsahan ay hindi talaga masasabi na isang magandang bagay, at maghahatid sa akin ng di-kinakailangang problema. Mula noon, naging tuso ako at palaiwas at pinanatili kong nakatikom ang bibig ko para protektahan ang aming relasyon kapag may nakita akong taong gumagawa ng isang bagay na hindi nila dapat gawin. Sa paggawa nito, natuklasan ko na mas lalo kong “nakasundo” ang iba at napakisamahan nang maayos ang halos lahat. Pinuri pa ako ng ilang tao dahil dito. Unti-unti, natutunan kong tanggapin ang mga satanikong pilosopiya, tulad ng “Kapag alam mong may mali, tumahimik ka na lang,” “Mas mabuti pang manahimik,” “Sumambit ng mabubuting salita na umaayon sa mga damdamin at katwiran ng iba, dahil naiinis ang iba sa pagiging pranka,” at “Matitinong tao’y mabuti’t maingat sa sarili, tanging hangad nila’y hindi magkamali.” At itinuring ko ang mga ito bilang mga salitang dapat sundin sa buhay, bilang gumagabay na mga prinsipyo para sa aking pag-uugali. Sa mundo sa labas, medyo matagumpay ang mga nambobola at naglalangis, na palaging sinusubukang makita kung saang direksyon umiihip ang hangin, na madiskarteng doble-kara. Madalas silang sinasamba bilang mga idolo ng katalinuhan at emosyonal na karunungan. Pero ang mga nag-uulat na nagsasabi ng katotohanan o yaong mga naglalantad ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan ay kadalasang nakakakilabot ang kinahahantungan. Suwerte na kung mawalan lang sila ng trabaho, pero ang pinakamasama ay kung paghigantihan sila ng mga tao at maaari pang manganib ang kanilang buhay. Sinasamba ng buong lipunan ang satanikong pag-iisip at mga argumento, at dahil dito ay lalo kong natiyak na kailangang-kailangang sundin ang mga pilosopiyang ito upang mabuhay. Kaya nga, sa sandaling maniwala tayo at tanggapin natin ang mga satanikong paniniwala at kamaliang ito, ang mga makamundong pilosopiyang ito, nagiging baluktot ang ating pagtingin sa buhay at sa mundo. Matapos makamit ang aking pananampalataya, natutunan ko na hinihingi ng Diyos ang ating katapatan, pero dahil kontrolado ako ng mga satanikong pilosopiyang ito, hindi ko pa rin isinagawa ang katotohanan na malinaw kong naunawaan. Ayaw kong magsalita ng anuman at itaguyod ang buhay ng iglesia nang makita ko na gumagawa si Brother Michael ng mga bagay nang hindi nag-iisip at nakokompromiso ang bisa ng mga pagtitipon. Nalaman ko na kumikilos si Brother James nang hindi kumokonsulta sa iba at magagambala nito ang gawain ng iglesia, pero hindi ko siya pinigilan. Walang-habas ko pa ngang tinalikuran ang kaliwanagang bigay ng Diyos, sa halip ay tinulungan ko siya upang hindi sumama ang loob niya o ang tingin niya sa akin. Nakita ko na nabubuhay ako ayon sa mga prinsipyo ni Satanas para patuloy na mabuhay, na mas lalong nagiging makasarili, kasuklam-suklam, madaya, at masama. Ni hindi ko mapangalagaan man lang ang mga interes ng iglesia at ganap na wala akong anumang diwa ng responsibilidad o pananagutan. Nakaririmarim ang aking pamumuhay. Pagkatapos ay nanalangin ako sa Diyos at hiniling ko sa Kanya na tulungan akong makalaya mula sa mga gapos ni Satanas at isagawa ang Kanyang mga salita, dahil napakahirap para sa akin na gawin iyon nang mag-isa.

Matapos manalangin, mas natahimik ang puso ko, pagkatapos ay nagtapat ako sa mga kapatid tungkol sa karanasan ko. Dalawang sipi ng mga salita ng Diyos ang sumagi sa isip ko: “Hinihingi ng Aking kaharian ang mga tapat, ang mga hindi mapagkunwari o mapanlinlang. Hindi ba’t ang mga tunay at tapat na tao ay hindi sikat sa mundo? Mismong kabaligtaran Ako. Katanggap-tanggap na lumapit sa Akin ang matatapat na tao; nalulugod Ako sa ganitong uri ng tao, at kailangan Ko rin ang ganitong uri ng tao. Ito mismo ang Aking pagiging matuwid(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 33). “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos yaong mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, at kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos yaong mga lubos na tapat sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Ang diwa ng Diyos ay banal at matuwid, kaya lahat ng Kanyang sinasabi at ginagawa ay mapagkakatiwalaan. Lahat ay walang-halong mga satanikong pilosopiya. Para sa Diyos, ang itim ay itim at ang puti ay puti—walang alanganin! Ipinaalala nito sa akin ang isang bagay na sinabi ng Panginoong Jesus: “Datapuwa’t ang magiging pananalita ninyo’y, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama(Mateo 5:37). Palaging hinihingi sa atin ng Diyos na maging matatapat na tao, at ito ang katotohanan. Sa mundo, na pag-aari ni Satanas, hindi gaanong tanggap ang matatapat na tao at nahihirapan silang makaraos. Pero hindi ganyan ang kaso sa sambahayan ng Diyos. Hinihingi ng Diyos ang mga taong matapat, matuwid, makatarungan, sapat ang tapang para ilantad ang katotohanan, at kayang isagawa ang katotohanan. Sila lang ang magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos, at sila lang ang minamahal at tinatanggap ng Diyos. Ipinaaalala nito sa akin ang isang bagay na nasa Aklat ng Pahayag tungkol sa mga mananagumpay: “At sa kani-kaniyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis(Pahayag 14:5). Mula sa mga salitang ito maaari nating maunawaan na mahal ng Diyos ang matatapat at kinamumuhian ang mga hindi matapat, madaya, at ang alam lang ay kung paano bolahin ang iba. Ang mga taong tulad niyon ay tiyak na aalisin ng Diyos sa huli. Ito ang kaibhan sa pagitan ng mundo at ng sambahayan ng Diyos. Naunawaan ko na sa wakas na ang katotohanan ang may kapangyarihan sa lahat sa sambahayan ng Diyos, kaya hindi ako dapat mabigong isagawa ang katotohanan sa takot na sumama ang loob ng isang tao. Sa halip, dapat akong matakot na magkasala sa Diyos sa pagsunod kay Satanas at sa kabiguang isagawa ang katotohanan. Hindi ang matanggihan o mahusgahan ng ibang tao ang nakakatakot. Hindi ang iniisip sa akin ng isang tao ang magpapasiya ng aking huling kalalabasan; Diyos lang ang maaaring magpasiya ng aking kalalabasan, at ang dapat ko lang pagtuunan ay kung ano ang iniisip ng Diyos sa akin at ang relasyon ko sa Diyos, hindi ang mga relasyon ko sa ibang mga tao. Dati-rati ay palagi kong pinoprotektahan ang mga relasyon ko sa iba, at paulit-ulit kong tinatalikuran ang katotohanan. Ngunit napagtanto ko na sa wakas na ang kailangan kong hangarin ay ang pagsang-ayon ng Diyos, pati na rin ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, pagiging isang matapat na tao, at pagiging prangka at tapat sa mga kapatid. Sa katunayan, mula sa mga karanasan ng mga kapatid, makikita natin na ang pagbibigay ng mga paalala o puna sa iba ay hindi magpapasama ng loob nila, tulad ng akala natin. Kung ang ibang tao ay naghahanap ng katotohanan, kahit makasakit pa ito sa kanilang kapalaluan doon mismo, maaari silang matuto ng aral ayon sa katunayan sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan at nagiging malapit ang mga kapatid sa isa’t isa. Ito lang ang normal na relasyon sa pagitan ng mga tao.

Alam mo, pagkatapos niyon, sinimulan ko nang magsanay na magsabi ng katotohanan at maging isang matapat na tao. Kalaunan, nalaman ko na ang isang brother na nagngangalang Tom ay hindi sineseryoso ang kanyang mga pakikipagtipon sa mga baguhan, kundi wala sa loob niya ang kanyang ginagawa. Nais ko siyang kausapin sa pagbabahagi tungkol sa kanyang isyu, pero nagsimulang magtalo ang loob ko. Kung binanggit ko ang kanyang problema, baka isipin niya na napakalaki ng inaasahan ko sa kanya at hindi na niya ako magustuhan. Inisip ko kung maaari itong makaapekto sa pagsulong ng aming pag-uugnayan. Nang lumitaw ang mga ideyang iyon, agad kong ginunita ang dati kong mga kabiguan, kaya nanalangin ako sa Diyos, na hinihiling sa Kanya na akayin akong isagawa ang katotohanan. Isang araw pagkatapos ng isang pagtitipon, hinanap ko si Brother Tom at itinuro ang kawalan niya ng pananagutan sa kanyang tungkulin pati na ang kanyang kaswal na paraan sa mga pagtitipon. Pagkatapos ay nagbahagi kami tungkol sa mga prinsipyo ng buhay iglesia upang mas maunawaan ang kalooban ng Diyos tungkol sa aming tungkulin. Natuwa ako na hindi lang hindi sumama ang loob niya, kundi talagang pinasalamatan niya ako sa pagtulong sa kanya na makita ang sarili niyang mga pagkukulang. Nakatuklas din siya ng isang landas ng pagsasagawa. Kalaunan ay binanggit niya sa isang pagtitipon, “Ang isang brother o sister na nag-aalok ng isang mungkahi, na itinuturo ang ating mga kapintasan o pagkakamali ay maaari talagang makatulong sa atin.” Pagkatapos niyon, napansin ko na tumanggap siya ng iba pang responsibilidad sa mga pagtitipon. Tuwang-tuwa ako. Napagtanto ko na ang mga tunay na naghahanap sa katotohanan ay hindi magagalit sa akin sa pagsasabi ng katotohanan—masyado akong naging tuso, na palaging hinuhulaan ang susunod na kilos ng ibang tao at hindi maganda ang tingin sa iba. Nagkamit din ako ng tunay na pagkaunawa na ang pagiging matapat na tao at pagsasabi ng katotohanan ay labis na kapaki-pakinabang para sa pagpasok ng mga kapatid sa buhay at para sa gawain ng sambahayan ng Diyos.

Tinulungan ako ng karanasang iyon na maunawaan ang kalooban ng Diyos at hindi na matakot na matanggihan dahil sa pagiging matapat. Nagpapasalamat ako para sa kaliwanagan at patnubay ng mga salita ng Diyos sa pagbibigay sa akin ng pagkaunawa sa sarili kong likas na katusuhan at ng kaunting pagkaintindi tungkol sa mga pilosopiya ni Satanas. Binuksan din nito nang kaunti ang aking mga mata sa matuwid at banal na diwa ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa Diyos ay walang panlilinlang, walang kasamaan, walang inggit, at walang alitan, kundi tanging katuwiran at pagiging tunay, at ang lahat ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay dapat kasabikan ng mga tao. Dapat itong pagsikapan at hangarin ng mga tao. Sa anong batayan nakatayo ang kakayahan ng mga tao na makamtam ito? Nakatayo ito batay sa pagkaunawa nila sa disposisyon ng Diyos, at sa kanilang pagkaunawa sa diwa ng Diyos. Kaya ang pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya, ay isang panghabang-buhay na aral sa bawa’t tao; isang panghabang-buhay na mithiin na hinahangad ng bawa’t tao na nagsisikap na mabago ang kanilang disposisyon, at nagsisikap na makilala ang Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III). Madarama natin ang kabanalan at kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita—walang panlilinlang o katusuhan sa Diyos. Sa kabaligtaran, iyon ay mapagkakatiwalaan at matuwid. Ang pagiging kaibig-ibig ay laganap sa lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos. Taos-puso akong nagpapasalamat sa Diyos at handa akong maghangad na maging matapat na tao na minamahal ng Diyos, na hindi na tinatangkang lokohin ang Diyos o ang tao! Amen, salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Huling Pagkamulat

Ni Lin Min, Tsina Noong 2013, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Napakasigasig ko noong panahong ‘yon....