Isang Espesyal na Karanasan Noong Kabataan

Pebrero 24, 2024

Ni Zhengxin, Tsina

Noong 2002, nung ako’y 18 taong gulang, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Noong Hulyo ng 2004, inaresto kami ni Brother Wang Cheng ng mga pulis habang nangangaral ng ebanghelyo sa ibang probinsya. Noong panahong iyon, naisip ko, “Nangangaral lang kami ng ebanghelyo, at wala kaming nilabag na anumang batas. At saka, bata pa ako, kaya malamang walang gagawin sa akin ang mga pulis. Baka tatanungin lang nila ako, tapos pakakawalan na ako.” Hindi ko inaasahan, pagkatapos nila kaming dalhin sa istasyon ng pulisya, isang opisyal ang pumukpok sa mesa at marahas akong tinanong: “Ano’ng pangalan mo? Saan ka nakatira? Sino ang nagsabi sa iyong pumunta ka? Kanino mo ipinangaral ang ebanghelyo?” Nang hindi ako sumagot, dalawang beses niya akong sinampal nang malakas sa mukha, napakalakas na nagpanting ang mga tainga ko, at sinabi niyang sa pangangaral namin ng ebanghelyo ay ginagambala namin ang kaayusan ng lipunan at nilalabag ang batas. Nagalit ako dahil dito, at naisip ko, “Kalokohan! Nangangaral lang kami ng ebanghelyo dahil gusto naming maging mabubuting tao ang iba at tahakin ang tamang landas. Paano mo iyon matatawag na paggambala sa kaayusan ng lipunan?” Ngunit nang makita ko kung gaano kalupit ang mga pulis, alam kong walang silbi ang mangatwiran sa kanila, kaya wala na lang akong sinabi. Kalaunan, pinosasan nila kami ni Wang Cheng at isinakay kami sa kotse ng pulis. Habang nagmamaneho sila, kinakabahan talaga ako. Takot na takot akong bubugbugin at pahihirapan nila ako pagdating namin sa aming destinasyon. Kung hindi ko makayang tiisin ang hirap at maging isang Judas, hindi ko lang malalabag ang disposisyon ng Diyos, magsasanhi rin ako na maaresto at magdusa gaya ko ang mas marami pang kapatid. Tahimik akong nanalangin sa Diyos nang paulit-ulit: “Diyos ko, takot na takot ako. Pakiusap protektahan Niyo ako, at bigyan Niyo ako ng tiwala at lakas.” Pagkatapos kong magdasal, medyo kumalma ako.

Dinala nila kami sa Municipal Criminal Investigation Office. Nang kapkapan nila kami, nakita ng isa sa mga opisyal na may pager ako at sinabing malamang ay isa akong lider. Nang marinig ko ito, naisip ko, “Kung iniisip nilang isa akong lider, duda akong pakakawalan nila ako nang basta-basta.” Nang makitang hindi ako umiimik, isang pulis na may apelyidong Zhao ang nagsalita nang may walang ekspresyon na ngiti, “Kung hindi mo sasabihin sa amin ang nalalaman mo, tingnan natin kung hanggang kailan ka makakatagal!” Sinipa niya ako nang maraming beses habang minumura ako, at tapos sinuntok ako sa dibdib, sinasaktan ako nang husto at saglit akong nawalan ng hininga. Sinuntok at sinipa pa niya ako, kaya napaatras ako nang mahigit 2 metro at muntik na akong matumba. Tahimik kong tiniis ang sakit at hindi ako umimik. Huminto siya sa wakas nang mapagod siya, saka mabagsik na sinabing, “Kung hindi ka magsasalita, ilalagay ka namin sa tiger chair at ipapatikim sa’yo ang aming de-kuryenteng batuta!” Talagang natakot ako. Masakit na ang katawan ko dahil sa mga sipa at suntok. Hindi ko alam kung kakayanin ko ang matali sa tiger chair at makuryente, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos nang paulit-ulit, “Diyos ko, protektahan Mo po sana ang aking puso at bigyan ako ng tiwala at lakas ng loob. Gusto ko pong umasa sa Iyo para manindigan at hindi ako kailanman magiging isang Judas.” Pagkatapos, naalala ko ang ilan sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Tunay ngang ang Diyos ang matibay kong suporta, at nasa Kanyang mga kamay ang buhay ko. Inaresto ako nang may pahintulot ng Diyos. Pagsubok ito ng Diyos para sa akin. Gaano man ako pahirapan ng mga pulis, talagang maninindigan ako sa aking patotoo sa Diyos. Tinanong sa akin ng isa sa mga pulis ang pangalan at tirahan ko. Naisip ko, “Kasalukuyang nagho-host ang aking pamilya ng mga lider ng iglesia sa bahay namin. Kung sasabihin ko kung saan ako nakatira, at hahalughugin ng mga pulis ang bahay namin, huhulihin ang mga miyembro ng pamilya ko at ang mga lider, kaya hindi ko pwedeng sabihin sa kanila.” Nang makita niya na hindi ako nagsasalita, talagang nagalit siya, at walang sabi-sabing dinampot ang aklat ng salita ng Diyos at malakas itong inihampas sa mukha ko, kaya sobrang nanakit ang mukha ko, at pagkatapos malupit niya akong sinipa. Samantala, sinuntok ako nang malakas sa dibdib ng isa pang pulis. Hindi sila huminto hanggang sa sila’y humihingal na. Nang makitang hindi pa rin ako nagsasalita, sinabi ng isa sa kanila, “Isa talagang panatiko. Ikulong niyo siya sa bilangguan at pahirapan!” Nang marinig kong makukulong ako, medyo natakot ako. Nabalitaan ko na sa mga kulungan, binubugbog ng mga bilanggo ang mga kapwa bilanggo. Kung talagang makukulong ako, anong uri ng pagpapahirap ang kailangan kong tiisin? Lulumpuhin ba nila ako? Paano kung hindi ko ito kakayanin? Pinag-isipan ko ito nang husto, ngunit alam kong hinding-hindi ako pwedeng maging isang Judas at ipagkanulo ang Diyos, anuman ang mangyari. Sumumpa ako sa Diyos, “Diyos ko! Napakababa ng tayog ko at hindi ako makatayong matatag nang mag-isa, ngunit handa akong sumandig sa Iyo. Samahan Niyo po ako, at bigyan Niyo po ako ng kalooban na makayang tiisin ang pagdurusa. Hindi ako kailanman magiging isang Judas, at hindi ko ipagkakanulo ang aking mga kapatid!” Pagkatapos kong magdasal, nakaramdam ako ng lakas at tiwala.

Kalaunan, isang pulis na nasa katamtamang-gulang ang nagkunwaring palakaibigan sa akin, at sinabing, “Tingnan mo. Bata ka pa, matangkad, at gwapo. Bakit hindi ka maghanap ng magandang kasintahan o ng magandang trabaho? Bakit ka nag-aabalang maniwala sa Diyos?” Tapos naglabas siya ng liham ng pagsisisi para pirmahan ko. Binasa ko ito at napagtanto kong ang pagpirma rito ay mangangahulugang pinagtataksilan ko ang Diyos. Hindi ko pwedeng pirmahan ang sulat na iyon! Nang tumanggi akong pirmahan ito, inihampas ng opisyal ang matigas na aklat ng salita ng Diyos sa sentido ko, kaya nagpanting na naman ang aking mga tainga, at biglang lumitaw ang isang malaking bukol sa aking ulo. Pagkatapos akong tamaan nang ganon, nagmanhid ang ulo ko at namaga ang mukha ko, masakit at namamaga ang mga binti ko dahil sa mariing pagsipa. Pakiramdam ko’y naparalisa ang buong katawan ko, at sobrang masakit ito na hindi ko na napigilang mapaluha. Naisip ko, “Kung patuloy akong tumangging pirmahan ang liham ng pagsisisi, mas sasaktan ba nila ako? Papatayin ba nila ako? Pero hindi ko ito pwedeng pirmahan. Ang pagpirma nito ay pagtataksil sa Diyos.” Sa sandaling iyon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, na mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi ito hinahayaang maging marupok o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t maaaring mapait ang iyong pagluha o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Naunawaan ko na pagsubok para sa akin ang paghihirap at pagdurusa, upang makita kung may tunay akong pananampalataya, at kung kaya kong manindigan sa aking patotoo sa Diyos. Sinabi ng Diyos na ang tunay na pananampalataya ay nangangahulugan ng pagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos sa bawat kapaligiran at pagbibigay-kasiyahan sa Kanya kahit pa nangangahulugan ito ng pagtitiis ng pagdurusa at pasakit. Kailangan kong ganap na ipagkatiwala ang aking sarili sa Diyos, at gaano man katinding pagdurusa ang aking tiisin, hindi ako maaaring magpasakop kay Satanas. Kailangan kong sumandig sa Diyos at magpatotoo. Sa isiping ito, nagdasal ako, “Diyos ko, paano man nila ako bugbugin, kahit pa bugbugin nila ako hanggang mamatay ako, hinding-hindi ko pipirmahan ang liham ng pagsisisi na iyon.” Noong gabing iyon, ipinadala kami ni Wang Cheng ng mga pulis sa detention house, kung saan magkahiwalay kaming ikinulong.

Dinala ako ng nakatalagang opisyal sa isang selda. Mayroong mahigit isang dosenang tao sa loob. Lahat ay may mabangis na mukha at ekspresyon. Mukhang nakakatakot at nakakakilabot ang selda kaya natakot talaga ako. Sinabi ng opisyal sa mga bilanggo, “Isa itong naniniwala sa Diyos. ‘Kayo na ang bahala’ sa kanya.” Sa sandaling natapos siyang magsalita, lumapit ang dalawang bilanggo upang bugbugin at sipain ako, saka sinabihan akong maghubad. Nagdala sila ng isang hose at mahigit kalahating oras na binuhusan ng malamig na tubig ang aking katawan, at sa puntong iyon ay nanginginig na ako sa lamig. Paulit-ulit nila akong tinanong kung ano ang pangalan ko at kung kanino ko ipinangaral ang ebanghelyo. Patuloy akong nagdasal nang tahimik sa Diyos, humihiling sa Kanya na protektahan ang aking puso. Hindi ako umimik. Kinabukasan, binugbog na naman nila ako. Hinawakan ng isang preso ang buhok ko at napakalakas niyang inihampas ang likod ng ulo ko sa dingding kung kaya’t nagpanting ang mga tainga ko at dumugo ang ilong ko. Kalaunan, “ineroplano” nila ako, na ibig sabihin ay pinayuko nila ako habang dalawang preso ang humawak sa aking mga braso at ibinangga ako nang malakas sa pader, na dahilan para bumukol ang ulo ko at mahilo at manlabo. Bago ko pa mabawi ang aking ulirat, binigyan nila ako ng “pai gow,” na ibig sabihin, idinapa nila ako sa sahig at hinawakan ang mga braso ko sa likuran ko, habang isang tao sa harap ang humahawak sa aking mga kamay at hinihila ako paabante, habang may isa na nakaupo sa aking likuran at hinahawakan ang aking mga braso at tinutulak ako paabante. Pakiramdam ko parang natatanggal ang mga braso ko. Napasigaw ako sa sakit. Pinahirapan nila ako nang mahigit sampung minuto bago sila tumigil, at nang bitawan nila ako sa wakas, namanhid na ang mga braso ko. Naisip ko, “Napilayan na ba ang mga braso ko? Kung ganun nga, bata pa ako, kaya paano ako mabubuhay sa hinaharap? Hindi ko alam kung ano ang susunod nilang gagawin para pahirapan ako. Bubugbugin ba nila ako hanggang mamatay?” Habang lalo kong iniisip iyon, lalo akong natatakot. Pero pagkatapos ay naisip ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Napagtanto ko na alam ni Satanas na minamahal ng mga tao ang buhay at kinatatakutan ang kamatayan, kaya ginagamit nito ang ating kahinaan para atakihin tayo at pilitin tayong ipagkanulo ang Diyos. Hindi ako pwedeng mahulog sa panlilinlang ni Satanas at mamuhay sa kahihiyan para lang mapanatili ang aking buhay. Naisip ko ang mga banal noong mga panahong nakalipas, na nagdusa nang husto para ipangaral ang ebanghelyo. Ang ilan ay inaresto at ikinulong, at nagbuwis pa nga ng buhay ang ilan. Isang karangalan na marinig ko ang tinig ng Diyos sa mga huling araw, na maipangaral ko ang ebanghelyo, at mapatotohanan ang pagpapakita at gawain ng Diyos. Kahit na pahirapan ako ng mga taong ito hanggang kamatayan, ako ay inuusig alang-alang sa pagkamatuwid. Isa itong maluwalhating bagay, at mangangahulugan ito na hindi ako nabuhay nang walang kabuluhan. Nang mapagtanto ko ito, nakahanap ako ng lakas sa aking puso. Paano man nila ako usigin, maninindigan ako at hindi pagtataksilan ang Diyos.

Nang maglaon, nang dalhin ako ng mga pulis para sa interogasyon, binantaan nila ako, sinabing, “May pagkakataon ka pang umamin. Isa kang bilanggong pulitikal, at kung hindi ka umamin, masesentensyahan ka. Masasama ang mga taong makakatagpo mo sa bilangguan. Magsisisi ka! Hindi namin masasabi kung makakalabas ka nang buhay.” Sa sandaling narinig kong masesentensyahan ako, at na itinuturing akong isang bilanggong pulitikal, napagtanto ko na ito ay isang seryosong krimen. Ilang taon kaya ako makukulong? Kailangan ko bang gugulin ang buong kabataan ko sa bilangguan? Narinig ko mula sa ibang mga preso na maraming tao sa bilangguan ang binubugbog hanggang mamatay. Mas lalo akong nag-alala. Hindi ko alam kung anong mga paraan ang maaaring gamitin ng mga preso para pahirapan ako, o kung mabubuhay pa ako. Habang lalo kong iniisip iyon, lalo akong nagiging miserable. Ayaw ko talagang masentensyahan, at gustong-gusto ko nang makaalis sa lugar na iyon. Paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos, sinasabing, “Diyos ko! Mahinang-mahina ako ngayon, at hindi ko nauunawaan ang Inyong kalooban, subalit alam kong narito ako ngayon sa sitwasyong ito nang may pahintulot Niyo. Pakiusap, bigyang-kaliwanagan at gabayan Niyo po ako upang ako’y makapanindigan.” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Matapos kong pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pag-uusig at pagpapahirap sa akin ngayon ay isang bagay na dapat kong pagdusahan. Ito ay pag-uusig dahil sa pagiging matuwid at pagdurusa kasama ni Cristo. Ito ay makabuluhan. Ang maaresto at mausig sa ganitong paraan ay nagbigay-daan sa akin na malinaw na makita ang masamang diwa ng malaking pulang dragon. Ang malaking pulang dragon ay isang kaaway ng Diyos at isang diyablo na lumalaban sa Kanya. Ipinakita rin sa’kin ng sitwasyong ito kung paano gumagawa at nagliligtas sa mga tao ang nagkatawang-taong Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon. Tunay ngang ito ay napakahirap na trabaho. Sa isiping ito, labis akong naging inspirado. Nadama kong hindi ko maaaring biguin ang Diyos. Kahit pa bugbugin nila ako hanggang mamatay, nakahanda akong manindigan at palugurin ang Diyos.

Pagkaraan ng labing-apat na araw, isinakay ako ng mga pulis sa isang kotse ng pulis kasama ang ilan pang kapatid, sinasabing inilabas na ang aming sentensyang reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho, at dinala nila kami sa labor center. Habang papunta roon, naisip ko, “Hindi ko alam kung ilang taon ako mananatili sa labor center. Sana hindi masyadong matagal, para makaalis na ako, makapagtipon kasama ang mga kapatid sa lalong madaling panahon, at makapagpatuloy sa pagtupad ng aking tungkulin. Dati, hindi ako nagseryoso at hindi ko ginampanan nang maayos ang aking tungkulin. Paglabas ko, ipinapangako kong hahanapin ko ang katotohanan at maayos na gagampanan ang aking tungkulin.” Pagdating namin sa Municipal Public Security Bureau, pumasok ang mga pulis at kinuha ang mga sentensyang reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho, at binasa ang mga ito sa amin sa loob ng kotse. Ilang kapatid ang sinentensyahan ng isang taon o isang taon at kalahati, ngunit ang sentensya ko ay tatlong taon. Nang marinig ko ito, parang naparalisa ako. Naisip ko, “Tatlong taon? Bakit mas mahaba ang sentensya ko kaysa sa iba? Paano ako mabubuhay nang ganoon katagal?” Sobra akong nahirapan, at hindi ko ito matanggap. Lubos akong nawalan ng pag-asa. Subalit noon din, naalala ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang kalooban ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos…. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at tumayong saksi. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung walang pananampalataya, hindi Niya ito magagawa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Pagkatapos kong pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anumang uri ng kahabag-habag na mga pangyayari ang naranasan ko, o gaano man kasuklam-suklam ang mga ito, makakapanindigan lamang ako kung may pananampalataya ako sa Diyos. Subalit kulang ako sa pananampalataya sa Diyos. Noong sandaling narinig kong isasailalim ako sa reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa loob ng tatlong taon, hindi ko ito matanggap, kaya sinubukan kong mangatwiran sa Diyos, at nagreklamo ako sa Kanya. Nahiling kong sana ay mas magaan ang sentensya, at mabawasan ang paghihirap ko. Noon, nanumpa ako sa harap ng Diyos na susundin ko Siya kahit pa maging gaano kahirap ang mga bagay-bagay, pero ngayong nahaharap ako sa ganitong kapaligiran na hindi kaayon ng aking mga kuru-kuro, naging negatibo ako at nagreklamo. Napakarebelde ko. Hindi ako pwedeng magpatuloy sa ganitong paraan. Kailangan kong umasa sa Diyos na maranasan ang susunod na sitwasyon.

Sa labor center, hindi ako nakakakain nang sapat araw-araw, at labis akong pinagtrabaho nang walang laman ang tiyan. Minsan kailangan ko pang magtrabaho hanggang alas-dos o alas-tres ng umaga, at kung hindi tama ang sinabi ko habang nagtatrabaho o nagkamali ako, bubugbugin nila ako. Sa tuwing babalik ako mula sa trabaho, pinahihirapan at ikinukulong ako sa water room nang mga isang oras. Ganito ang naging kalagayan sa buong taon. Masyadong maalinsangan sa water room, at sa paglipas ng panahon, maraming tao ang nagkasakit. Ang ilan ay nagkagalis, ang ilan ay nirayuma, at nagkaroon ako ng pantal-pantal sa buong katawan. Gabi-gabi, masyado akong nangangati kung kaya’t hindi ako makatulog, at sobra kong nakamot ang sarili ko na nagsimula akong dumugo, kaya natuklap ang kakabuong mga langib, at nabakbak ang ilang bahagi ng balat ko. Sinabi ko sa punong guwardya na kailangan ko ng doktor, pero walang pakialam niyang sinabi, “Pantal lang iyan. Ayos ka lang. Hindi ito makakasagabal sa iyong trabaho.” Sa puntong ito, lalo akong nalungkot. Naisip ko, “Nagkaroon ako ng kondisyong ito sa napakamurang edad. Anong gagawin ko kung hindi ito mawala? Labis akong pinagtatrabaho araw-araw, at kailangan kong tiisin ang mga pambubugbog at pamamahiya ng mga preso. Kailan matatapos ang pasakit na ito?” Mas lalo lang akong nagiging miserable sa pag-iisip. Lalo kong naramdamang agrabyado ako nang makita ko ang ibang mga kapatid na nakakulong nang magkakasama, at nakakapagbahagi at nakakasuporta sa isa’t isa, habang nag-iisa akong napapaligiran ng mga hindi nananalig, at wala akong makausap. Madalas akong nakabaluktot sa aking kama sa gabi at tahimik na umiiyak. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, labis akong nanghihina rito. Pakiusap bigyan Niyo po ako ng kaliwanagan upang maunawaan ko ang Inyong kalooban.”

Minsan, nang lumabas kami para mag-ehersisyo, palihim na inabot sa akin ng isang kapatid mula sa ibang grupo ang isang maliit na pakete. Dinala ko ito sa pagawaan at binuksan, at may isang sulat sa loob, na may mga salita ng Diyos na kinopya roon. Hindi ko inasahan na makikita ko ang mga salita ng Diyos sa bilangguan, at labis akong naantig at naging inspirado. Ito ang siping nabasa ko: “Ang tao ay lubusang gagawing ganap sa Kapanahunan ng Kaharian. Pagkatapos ng gawain ng panlulupig, ang tao ay isasailalim sa pagpipino at kapighatian. Yaong mga makakapagtagumpay at makakatayong saksi sa panahon nitong kapighatian ay yaong mga gagawing ganap sa kahuli-hulihan; sila ang mga mananagumpay. Sa panahon nitong kapighatian, kinakailangan sa tao na tanggapin ang pagpipinong ito, at ang pagpipinong ito ang huling pagkakataon sa gawain ng Diyos. Ito ang huling panahon na pipinuhin ang tao bago ang pagtatapos ng lahat ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay kailangang tanggapin itong huling pagsubok, kailangan nilang tanggapin itong huling pagpipino. Yaong mga lugmok sa kapighatian ay walang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos, ngunit yaong mga tunay na nalupig na at tunay na naghahangad sa Diyos ay makakatayong matatag sa kahuli-hulihan; sila yaong mga may angking pagkatao, at siyang mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Kahit na ano ang ginagawa ng Diyos, ang mga matagumpay na ito ay hindi mawawalan ng mga pangitain at patuloy pa ring magsasagawa ng katotohanan nang hindi nabibigo sa kanilang patotoo. Sila yaong mga makalalampas sa matinding kapighatian sa wakas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Naantig ako sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Nakita ko na sa gitna ng paghihirap, kailangan kong manalig sa Diyos at umasa sa Diyos para manindigan sa aking patotoo sa Kanya. Nag-iisa lang ako, walang mga kapatid sa paligid ko, at maraming pakikibaka at paghihirap. Isa itong pagsubok sa akin. Nagbigay-daan ito sa akin na makita ko ang sarili kong mga pagkukulang at ang tunay kong tayog. Naging daan din ito para hindi ako umasa sa iba, para maranasan ko ang kapaligirang ito sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos, at para madaig ko ang paghihirap at pasakit. Noong mahina ako, tinulungan ako ng aking kapatid, ipinapasa sa akin ang mga salita ng Diyos, na talagang nagbigay sa akin ng inspirasyon. Alam ko na ito ay pagmamahal ng Diyos, at na palaging nasa tabi ko ang Diyos na binabantayan ako at pinoprotektahan. Sa isiping ito, nakahanap ako ng lakas para magpatuloy, at nagkaroon ako ng tiwala na makakaya kong tiisin ang kapaligirang ito.

Noong 2006, nagkaroon ako ng malubhang alipunga. Sobrang sakit ng mga daliri ko sa paa kaya hindi ako makalakad. Hindi ako pinayagan ng pulisya na magkaroon ng anumang medikal na paggamot, at binigyan lamang ako ng ilang pamahid, subalit hindi lamang nito hindi napagaling ang aking mga paa, mas napalala pa ang mga ito. Labis ko itong ikinalungkot, at pakiramdam ko ay masyadong miserable at madilim ang lugar na ito para kayanin ko. Walang sinuman ang dapat magtiis nito. Ngunit pagkatapos, naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Awit ng mga Mananagumpay”: “Nakatanggap na ba kayo ng mga pagpapalang ibinigay sa inyo? Naghanap na ba kayo ng mga pangakong ginawa para sa inyo? Siguradong kayo, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, siguradong hindi mawawala sa inyo ang liwanag na gumagabay sa inyo. Siguradong kayo ang magiging panginoon ng lahat ng nilikha. Siguradong kayo ay magiging mananagumpay sa harap ni Satanas. Siguradong tatayo kayo, sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, sa gitna ng napakaraming tao upang sumaksi sa Aking tagumpay. Siguradong kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at siguradong magniningning sa inyo ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19). Pagkatapos kong pagnilayan ang himnong ito ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang mabubuting layunin ng Diyos. Layunin Niya ang gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao upang maging mga mananagumpay sa bansa ng malaking pulang dragon, mga taong kayang takasan ang madilim na pananakop ni Satanas at maliligtas ng Diyos, at mga karapat-dapat pumasok sa kaharian ng Diyos at tumanggap ng mga pangako ng Diyos. Habang pinag-iisipan ko itong mabuti, napagtanto ko na kung hindi ko naranasan ang malupit na pagpapahirap ng Partido Komunista at ang hindi makataong pagtrato sa labor center, hindi ko makikita nang malinaw ang masamang diwa ng poot ng Partido Komunista sa Diyos at ang kanilang kasamaan sa Diyos, at lalong hindi ko ito lubusang matatanggihan mula sa kaibuturan ng aking puso. Kung wala ang pagpapahirap ng kahabag-habag na kapaligirang ito at ang paglalantad ng mga katotohanan, hindi ko mapagtatanto na humihingi pa rin ako sa Diyos, o na kapag ang mga ginagawa ng Diyos ay hindi umaayon sa aking mga kuru-kuro, kaya ko pa ring magreklamo at mangatwiran sa Diyos, o na napakababa ng aking tayog at na napakaliit ng aking pananalig sa Diyos. Hindi ba’t natanggap ko ang lahat ng kaalaman at pakinabang na ito sa miserableng kapaligirang ito? Ito ang biyaya ng Diyos sa akin! Ang isipin ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa akin ay nagbigay sa akin ng tiwala. Naisip ko rin kung paanong si Job ay nawalan ng mga anak, tinubuan ng mga sugat sa buong katawan, at nagtiis ng labis na pagdurusa ng laman, ngunit sinamba pa rin ang Diyos nang walang reklamo. Ang di-seryosong sakit at ang kaunting pagdurusang tiniis ko ay kakarampot lang kumpara ng kay Job. Dapat akong sumunod at umasa sa Diyos para manindigan sa aking patotoo sa Kanya. Habang iniisip ko ito, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, gaano man kasama ang lugar na ito o gaano man maghirap ang aking katawan, handa akong magpasakop. Ayaw ko nang maging negatibo, kailangan kong lumago, para hindi Ka mag-aalala sa akin.”

Sa mga sumunod na araw, ang isang bagay na hindi ko pwedeng hindi gawin ay ang magdasal. Sa tuwing pagod ako mula sa trabaho o hindi ko makayanan ang sakit at nagiging negatibo at nanghihina, agad akong nagdarasal sa Diyos. Unti-unti akong lumalakas, hindi na ako madalas nakaramdam ng pagkanegatibo at panghihina, at maayos kong naharap ang kapaligirang ito na isinaayos ng Diyos para sa akin. Salamat sa Diyos! Sa tatlong taon na iyon, sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos, pagtitiwala sa Diyos, at pag-asa sa patnubay ng mga salita ng Diyos, nalampasan ko ang mahirap na panahong iyon.

Matapos maranasan ang lahat ng ito, malinaw kong nakita na ang malaking pulang dragon ay si Satanas, ang diyablo na napopoot sa Diyos at namiminsala at gumagawang tiwali sa mga tao. Ang Diyos lamang ang pagmamahal, at Siya lamang ang makapagliligtas sa mga tao. Noong pinahihirapan ako, ang salita ng Diyos ang gumabay sa akin, nagbigay sa akin ng tiwala at lakas, at nagbigay-daan sa akin na madaig ang kalupitan ng diyablo. Ang miserableng kapaligirang ito ang naging dahilan upang ang aking bata, ignorante at mahinang sarili ay maging malakas, mature at matatag, at natutunan kong umasa sa Diyos at tumingala sa Kanya kapag ako ay nagkakaproblema. Ito rin ang nagbigay-daan para makita ko ang walang hanggang kapangyarihan at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at na ang Diyos ay laging nandiyan para sa akin, nasa aking tabi upang bantayan at protektahan ako, at handa akong tustusan at tulungan anumang oras. Gaano man katindi ang pag-uusig at paghihirap na maaari kong maranasan sa hinaharap, determinado akong sundin ang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pag-uusig at Paghihirap ay Tumulong sa Akin upang Lumago

Ang Diyos ay tunay na isang marunong na Diyos! Talagang ang gawain ng Diyos ay kahanga-hangang at di-inaasahan! Ang sitwasyong ito ngayon ay dumating sa akin at, sa ibabaw, ito ay mukhang waring bang tinangay ang aking ina nang malaking pulang dragon, kinuha ang aking tanging sandigan, ginawang mahirap para sa akin na bumalik nang bahay, sinubukan nang walang kabuluhan para gamitin ito para hadlangan ang aking paniniwala sa Diyos at upang ako ay gumuho

Ang Mga Kayamanan ng Buhay

Wang Jun Lalawigan ng Shandong Sa paglipas ng mga taon mula nang tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, ang...