Ang Makita ang mga Gawa ng Diyos sa Pamamagitan ng Pag-uusig
Sa dis-oras ng gabi, isang araw noong Hulyo 2018, ako at ang isang sister ay nasa bahay ng aming host, tinatapos ang isang talakayan sa gawain at matutulog na sana kami nang bigla naming marinig ang pagpihit ng pinto at tahol ng aso—medyo kinabahan ako dahil dito. Sa mismong sandaling iyon, pito o walong pulis ang biglang pumasok sa kwarto at pinosasan ang mga kamay namin sa aming likuran. Nang walang ipinapakitang anumang papeles, sinimulan nilang halughugin ang lugar sa paghahanap. Sa huli ay natagpuan nila ang mahigit 7,000 yuan na pera at isang resibo para sa 350,000 yuan na pera ng iglesia. Natakot ako—dahil nakita nila ang resibo, siguradong tatanungin ng mga pulis kung nasaan ang pera. Hindi ko alam kung paano nila ako pahihirapan o kung bubugbugin ba nila ako hanggang mamatay. Kaagad akong nagdasal sa puso ko, humihingi sa Diyos ng lakas at ng Kanyang proteksyon, para hindi ako maging isang Hudas at ipagkanulo Siya. Pagkatapos ay sumagi sa isip ko ang himnong “Patotoo ng Buhay”: “Balang araw maaari akong mahuli dahil sa pagpapatotoo sa Diyos. Alam ko sa puso ko na ang pagdurusang ito’y alang-alang sa katarungan. Kung mamatay ako sa isang kisapmata, ipagmamalaki ko pa rin na kaya kong sundan si Cristo at patotohanan Siya sa buhay na ito” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Totoo iyon. Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay isang makatarungang bagay, kaya kahit anong uri ng brutal na pagpapahirap ang kakaharapin ko, pagdurusa iyon alang-alang sa pagiging matuwid. Hindi ako pwedeng matakot o mangamba—kailangan kong malampasan ito sa pamamagitan ng pagsandal sa Diyos. Sa isiping ito, unti-unti akong kumalma.
Nang hapong iyon, dinala kaming dalawa ng sister ng mga pulis sa isang hotel para sa magkahiwalay na interogasyon. Sumigaw ang isang pulis na nagngangalang Liu, “Sige na, sabihin mo na ang totoo tungkol sa mga relihiyosong usaping ito! Ano ang mayroon sa resibong iyon na 350,000 yuan?” Naisip ko, “Pag-aari ng iglesia ang perang iyon—wala itong kinalaman sa kanila. Bakit ako magsasabi sa kanila ng kahit ano?” Kaya tumahimik na lang ako. Pagkatapos, galit akong sinampal ni Officer Liu sa mukha, kaya humapdi ang mukha ko sa sakit. Diniinan niya nang husto ang mga pressure point sa leeg ko, pero pinagngalit ko ang mga ngipin ko sa sakit at hindi ako kumibo. Pagkatapos, sinabi ng isang matabang pulis, “Heto, tutulungan kitang makapag-ehersisyo.” Dinaklot niya ang buhok ko at hinatak ito pataas at pababa, pinapatalungko ako. Matapos itong gawin nang limampu o animnapung beses, kumikirot na ang anit ko at lubusan nang nabunot ang mga buhok ko. Pagkatapos ay nagdala sila ng isang upuan at inilagay ito sa likuran ko nang nakasandal ang likuran nito sa likod ko. Inilagay nila ang nakaposas kong mga braso sa isang siwang sa sandalan kaya nakapatong ang mga ito sa puwitan ng upuan. Nakaupo ako sa sahig habang nakainat ang mga binti ko sa harapan ko. Patuloy silang humihingi ng impormasyon tungkol sa 350,000 yuan; nang makita nilang hindi ako magsasalita, nagpatuloy sila sa pagpapahirap sa akin. Pagkaraan ng ilang sandali, nananakit na nang husto ang mga kasukasuan ng balikat ko mula sa pagkabanat at parang nabali na ang likod ko. Bumabaon sa laman ko ang mga kandado ng posas. Nanginginig ang buong katawan sa sakit, walang tigil na pinapawisan, pakiramdam ko ay hindi ko na talaga kaya. Nagdasal ako nang nagdasal sa puso ko, hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng lakas at bantayan ako para manatili akong matatag. Sa sandaling iyon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, panatilihin mo ang iyong pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t ikaw ay tatangis nang labis o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Mula sa mga salita ng Diyos, alam ko na pinahihintulutan Niya si Satanas na usigin ako para gawing perpekto ang aking pananampalataya at pagmamahal, at para makita kung mananatili akong naninindigan sa aking patotoo at mapapalugod ang Diyos sa buong pagdurusa ko. Pinahihirapan ni Satanas ang katawan ko para ipagkanulo ko ang Diyos, at hindi ako pwedeng sumuko rito. Sa sandaling naunawaan ko ang layunin ng Diyos, nagkaroon ako ng lakas sa loob-loob ko at, bago ko pa namalayan, nakaya kong tiisin ang pasakit.
Kinabukasan, patuloy akong tinatanong ng mga pulis tungkol sa pera ng iglesia. Hindi pa rin ako nagsasalita, kaya naglabas ng isang bote ng lacrimator ang isa sa kanila—isang likido na nakakapagpaluha. Inalog niya ito sa mukha ko, sinasabing, “Kapag na-spray ito sa mukha mo, hindi titigil ang pagdaloy ng luha at sipon mo. Sobrang masakit ito. Gagamitin namin ito sa iyo kung hindi ka pa rin magsasalita.” Galit na galit na sinabi ni Officer Liu, “Gamitan ninyo siya ng maanghang na tubig—iyan ang magpapasalita sa kanya!” Pagkatapos niyon, nagdala sila ng isang tiger chair at pinagbantaan ako, sinasabing, “Ilalagay ka namin dito kung hindi ka magsasalita, at kukuryentihin ka namin hanggang mamatay ka!” Natakot talaga ako—kung talagang pahihirapan nila ako nang ganoon, makakaya ko ba ito? Pagkatapos ay sumagi sa isip ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na kumalma. Totoo iyon—hindi ko mag-isang pinagdaraanan ang pang-aapi at paghihirap na ito, nasa tabi ko ang Diyos; nasa likod ko ang Diyos. Gaano man ako pahihirapan ng mga pulis, gagabayan at tutulungan ako ng Diyos sa mahirap na sitwasyong ito. Kasama ang Diyos sa tabi ko, wala akong dapat ikatakot. Nang makitang hindi pa rin ako nagsasalita, kinuha ng mga pulis ang lacrimator at isang supot, at kinaladkad nila ako sa banyo. Nahulaan kong ilalagay nila ang supot sa ulo ko, kaya bago pa nila magawa, huminga ako nang malalim at nagpigil-hininga. Pagkalipas ng mga 40 segundo, inalis nila ang supot, at agad na inispray ang lacrimator sa mukha ko. Dahil pinipigilan ko pa rin ang paghinga ko, hindi ako nabulunan nito. Ang dalawang pulis tuloy ang nakalanghap nito, at napaubo sila. Kaya ibinalik nila ang supot sa ulo ko, sa pagkakataong ito sa loob ng humigit-kumulang na isang minuto. Nang muli nilang i-spray ang lacrimator, mas marami ito kaysa noong una. Gayunpaman, hindi kapani-paniwalang nakaramdam lang ako ng bahagyang hapdi sa leeg at mukha ko—wala nang iba pang epekto. Walang nagawa ang mga pulis kundi ibalik ako sa silid. Naantig talaga ako. Tunay kong nakita ang gawain ng Diyos at naramdaman kong nasa tabi ko ang Diyos na tinutulungan ako. Pagkatapos niyon, sinampal nila ako sa mukha at diniinan ang mga pressure point ko. Pinatalungko nila ako sa pamamagitan ng paghila sa buhok ko, at pilit na namang ipinatong ang mga braso ko sa puwitan ng upuan. Paulit-ulit nila akong pinahirapan nang ganoon; nanatili akong matatag sa pamamagitan ng patuloy na pagdarasal.
Pagsapit ng tanghali sa ika-apat na araw, nang makitang wala pa rin akong anumang sinasabi sa kanila, mariing pinisil ni Officer Liu ang aking baba, at marahas na sinabing, “Walang limitasyon sa oras ng interogasyon para sa mga kasong tulad ng sa iyo. Iniatas ng pambansang pamahalaan na pwede kayong patayin, ikulong, o piliting magsisi. Marami kaming sapat na oras. Kung hindi mo ibubuka iyang bibig mo, makakatikim ka talaga sa amin ngayong hapon!” Nagsimulang kumabog ang puso ko, hindi ko alam kung anong uri ng pagpapahirap ang gagawin nila sa akin noon. Patindi nang patindi ang kaba ko. Tahimik at walang tigil akong nagdarasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at lakas. Pagkatapos ay naalala ko ang Kanyang mga salita: “Siguradong kayo, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, siguradong hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng Aking liwanag. Siguradong kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng nilikha. Siguradong kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Siguradong tatayo kayo, sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, sa gitna ng napakaraming tao, bilang patunay sa Aking tagumpay. Siguradong kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at siguradong magniningning sa inyo ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng lakas. Gagawing perpekto ng Diyos ang isang grupo ng mananagumpay sa gitna ng mabagsik na pag-uusig ng malaking pulang dragon, at anuman ang pasakit at paghihirap na kakaharapin ng mga mananagumpay na ito, magagawa nilang magpasakop sa Diyos at maging tapat sa Kanya, hanggang sa wakas. Gaano man ito kalupit, nasa mga kamay rin ng Diyos ang malaking pulang dragon; nagseserbisyo lang ito sa Diyos para magawang perpekto ang Kanyang mga hinirang. Anumang kahindik-hindik na pagpapahirap ang gagawin sa akin ng mga pulis, kailangan ko lang umasa nang tunay sa Diyos, at magtiwala na aakayin Niya ako na manaig laban sa pag-uusig ni Satanas. Dahil sa patnubay ng mga salita ng Diyos, hindi na ako gaanong nababalisa o natatakot.
Nang hapong iyon, ipinagpatuloy ng mga pulis ang kanilang pagpapahirap. Walang tigil akong sinasampal ni Officer Liu, kaya umuugong ang mga tainga ko. Kumurot siya ng kaunting buhok sa mga sentido ko at paulit-ulit iyong hinila, pagkatapos ay diniinan niya nang husto ang mga pressure point sa aking leeg, tainga, at collarbone. Pinagpawisan ako sa sakit. Hinablot ng isa pang pulis ang buhok ko at pinilit akong tumalungko. Ginawa niya iyon nang hindi bababa sa 90 beses. Hindi ko inakala na kakayanin ko ang ganoon katindi, pero ni hindi man lang namanhid ang mga binti ko. Mapwersang diniinan ni Officer Liu ang mga pressure point ko sa leeg, at kahit masakit sa una, pagkaraan ng ilang sandali ay nakaya ko itong tiisin. Galit na galit na sinabi niya, “Mukhang matibay ka!” Paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos nang sabihin niya iyon. Hindi iyon sa matibay ako, kundi iyon ay ganap na proteksyon ng Diyos. Pagkatapos niyon, ipinatong nilang muli ang mga braso ko sa puwitan ng upuan. Hindi ko alam kung gaano katagal ang lumipas, pero sumakit nang husto ang mga braso ko, at walang tigil na nanginginig ang buong katawan ko. Sa sandaling iyon, idiniin ni Officer Liu ang isang paa sa mukha ko, pinipigilan akong makagalaw. Itinaas niya ang mukha ko gamit ang kanyang paa, ipinasok ang sapatos niya sa aking bibig, at sinabing, “Kung tatanggi ka pa ring magsalita, tatanggalin ko ang medyas ko at ilalagay ito sa bibig mo. At mabahong-mabaho ang mga paa ko.” Sumiklab ang galit ko sa kanyang masamang ngisi. Isa lang akong mananampalataya—wala akong ginawang anumang ilegal, pero pinahihirapan at pinaglalaruan ako ng grupo ng mga demonyong ito. Kinamumuhian ko sila sa bawat himaymay ng aking pagkatao. Tahimik at walang humpay akong nagdasal sa Diyos, humihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas at bantayan ako para manatili akong matatag. Unti-unting nawala ang sakit sa mga braso ko at nagawa kong maupo nang mahinahon sa sahig. Labis akong naantig—naranasan kong muli ang awa ng Diyos sa akin. Sa sobrang pasasalamat ko sa Diyos, hindi ko napigilan ang mga luha ko. Kalaunan, nang makitang wala silang makukuhang anumang impormasyon tungkol sa pera mula sa akin, sinubukan nilang pilitin akong pumirma ng isang liham ng pagsisisi. Sinabi nila na makukulong ako kung hindi ko ito pipirmahan, at pinagbantaan ako: “Talagang matindi ang paghihirap na mararanasan mo sa bilangguan. May araw-araw na trabaho, bubugbugin at pagagalitan ka, at hindi angkop sa mga tao ang pagkain doon. Magiging huli na ang lahat para sa anumang pagsisisi! Mas mainam na pag-isipan mo ito nang mabuti. May oras ka pa na pumirma.” Naisip ko, “Hindi lumalabag sa anumang batas ang pananampalataya ko, kaya hindi ako pipirma sa kanilang liham. Pagtataksil at pagpapahiya sa Diyos kung gagawin ko iyon. Gaano man kahirap sa bilangguan, handa akong sumandal sa Diyos at magtiyaga.” Kaya sumagot ako, “Hindi ako pipirma.” Galit na galit nilang sinabi, “Sige! Kung gusto mong magdusa, bahala ka,” at pagkatapos ay umalis na sila.
Noong unang bahagi ng Agosto, inilipat ako sa mga awtoridad ng lokal na pampublikong seguridad sa bayan ko. Dinala ako ng mga pulis diretso sa isang hotel para tanungin. Natatandaan kong may anim na pulis na nagpares-pares, naghahalinhinan sa pagbabantay sa akin at sinisigurong hindi ako natutulog. Tinatawag nila itong “pagpapagod ng isang agila”—hindi pinahihintulutan ang mga tao na matulog sa loob ng mahabang panahon para masiraan sila ng loob, pagkatapos ay tatanungin sila at pipilitin silang magtapat habang sila ay nasa nalilitong kalagayan. Isa itong karaniwang uri ng pagpapahirap na ginagamit ng mga pulis. Noong una, sinubukan nila akong i-brainwash, nagsasalita tungkol sa ateismo at ebolusyon, at sinasabi sa akin ang lahat ng uri ng maling pananampalataya at kabulaanan na nagtatatwa at lumalaban sa Diyos. Minsan ay nagpapalabas sila ng mga video para sa akin, na lumalapastangan sa Diyos at sumisirang-puri sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos—sobrang nakakasuka ito. Nakipagtalo ako sa kanila noong umpisa, pero kalaunan ay napagtanto ko na sila ay mga demonyong lumalaban sa Diyos, mga kaaway ng Diyos, kaya kahit anong sabihin ko, nagsasayang lang ako ng hininga. Simula noon, hindi ko na sila pinansin. Dinalhan ako ng isa sa mga pulis ng isang bagay na babasahin na lumalapastangan lang sa Diyos. Nang tumanggi akong basahin ito, sinampal niya ako nang malakas at binantaan ako nang may kasamang masamang ngiti: “Kung hindi mo ito babasahin, huhubarin namin ang lahat ng damit mo at ididikit ang kalapastanganang ito sa buong katawan mo.” Labis kong kinasusuklaman ang mga demonyong iyon, gumagamit ng gayong ubod ng sama at maruming taktika sa kanilang pagsisikap na pilitin akong ipagkanulo ang Diyos. Nagpasya ako, nanunumpa na hinding-hindi ko lalapastanganin ang Diyos. Ibinaling ko ang mukha ko sa gilid at hindi ko sila pinansin. Habang naroon ako, sa sandaling nagsisimula akong maidlip, sumisigaw ang isang pulis, “Bawal matulog!” Sa mga ganoong sandali, nagdarasal ako sa puso ko, tahimik na binibigkas ang ilang salita ng Diyos, o inaawitan ang sarili ko ng isang himno, at bago ko pa mamalayan, ni hindi na ako nakakaramdam ng antok. Habang tumatagal, mas sumisigla ako; ang mga pulis, sa kabilang banda, ay umaabot na sa kanilang sukdulan—ang ilan sa kanila ay nagkasakit pa. Sa ganitong paraan, nalampasan ko ang walong araw ng “pagpapagod ng isang agila” sa pamamagitan ng pagsandal sa mga salita ng Diyos. Naantig talaga ako rito. Kung mag-isa lang ako, imposibleng magkakaroon ako ng lakas pagkatapos ng maraming araw na walang tulog. Alam kong lahat ito ay gawain ng Diyos, at lubos akong nagpapasalamat sa proteksyon ng Diyos. Pinalakas din nito ang aking kumpiyansa na kaya kong manindigan sa aking patotoo sa Diyos sa gitna ng anumang karagdagang interogasyon. Nang makitang hindi pa rin ako nagsasalita, galit na sinampal ako ng isa sa kanila, kinaladkad ako paalis ng upuan, hinablot ang buhok ko, at ibinalibag ako sa sahig at sa dingding. Pagkatapos ay hinawakan niya ako nang mahigpit at idiniin nang husto ang kanyang paa sa aking kaliwang binti para hindi ako makagalaw, habang sinipa naman ng isa pang pulis ang kanang binti ko, pinilit ibuka ang mga binti ko, pinaghiwalay ang mga ito nang halos 120 degrees. Napasigaw ako sa sakit. Isang buong minuto ang lumipas bago nila ako pinakawalan, at binantaan ako ng isa sa kanila: “Kung tatahimik ka, huhubaran ka namin, isasabit ka, at bubugbugin ka nang husto! Sa Tsina, ang pananalig sa Diyos ay isang politikal na krimen. Kung noong araw, maaaring pinatay ka na sa pamamagitan ng firing squad, pero ngayon ay pwede ka naming tratuhin na parang isang hayop. Magagawa namin ang kahit anong gusto namin sa iyo!” Galit na galit ako nang sinabi niya iyon, pero medyo nag-alala rin ako. Hindi ko alam kung paano ako pahihirapan at ipapahiya ng mga demonyong iyon sa susunod. Paano kung talagang hubarin nila ang lahat ng damit ko at isabit ako? Sa gitna ng aking pasakit, walang tigil akong nagdasal sa Diyos, humihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas at protektahan ako para makapanindigan. Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang himno—“Ang Kaharian”:
…………
2 … Ang Diyos ang aking suporta, ano ang dapat kong ikatakot? Isinusumpa ko ang buhay ko na labanan si Satanas hanggang katapusan. Binubuhat tayo ng Diyos, kailangan nating iwanan ang lahat at lumaban upang magpatotoo para kay Cristo. Isasakatuparan ng Diyos ang kalooban Niya sa daigdig na ito. Ihahanda ko ang aking pagmamahal at katapatan at ilalaan ang lahat ng ito sa Diyos. Nagagalak kong sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos kapag bumaba Siya sa kaluwalhatian, at makikipagkitang muli sa Kanya kapag naisakatuparan na ang kaharian ni Cristo.
3 … Mula sa paghihirap dumarating ang maraming matagumpay na mabuting sundalo. Matagumpay tayo sa Diyos at nagiging patotoo tayo ng Diyos. Tingnan ang araw na nagkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos, dumarating ito nang may kasamang di-mapaglabanang puwersa. Dumadaloy ang lahat ng tao sa bundok na ito, naglalakad sa liwanag ng Diyos. Ang walang kaparis na karilagan ng kaharian ay dapat magpamalas sa buong mundo. …
—Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin
Talagang napukaw ang damdamin ko ng himnong ito. Isang karangalan para sa akin na maranasan ang gayong pang-aapi at paghihirap sa aking pananampalataya, at ang magkaroon ng pagkakataong magpatotoo sa Diyos sa harap ni Satanas. Naisip ko noong gumagawa ang Panginoong Jesus; nagtiis ng pag-uusig ang Kanyang mga apostol at disipulo sa kanilang pagsisikap na maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo. Ang ilan ay binato hanggang mamatay, ang ilan ay hinila ang kanilang mga braso at paa sa iba’t ibang direksyon at inihiwalay sa kanilang katawan, pero silang lahat ay nagbigay ng matunog na patotoo para sa Diyos, nagtatagumpay laban kay Satanas. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito para gumawa, upang ganap na iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at dalhin tayo sa isang magandang hantungan. Pero ang Partido Komunista ay isang masamang partido na lumalaban at napopoot sa Diyos. Hindi nito pinahihintulutan ang mga tao na magkaroon ng pananampalataya at sumamba sa Diyos, at matindi nitong sinusupil at inuusig ang mga Kristiyano. Napakaraming kapatid ang walang-awang pinahirapan matapos maaresto, pero sa pamamagitan ng pagsandal sa Diyos, nakapagbigay sila ng magandang patotoo. Alam ko na kailangan kong tularan ang kanilang halimbawa, na hindi ako pwedeng matakot sa pisikal na pagdurusa at kahihiyan, bagkus kailangan kong manindigan sa patotoo ko at ipahiya si Satanas.
Ipinagpatuloy ng mga pulis ang kanilang interogasyon pagkaraan ng ilang araw, sinusubukan akong piliting pagtaksilan ang aking mga kapatid at sabihin sa kanila ang tungkol sa pera ng iglesia. Wala akong anumang sinabi sa kanila, kaya pinaupo nila ako habang nakadikit ang likod ko sa dingding at pinilit na ipabuka ang mga binti ko. Hinawakan ng isang pulis ang aking kaliwang binti sa tabi ng dingding at hinawakan ang aking mga braso para hindi ako makagalaw, habang ang isa naman ay marahas na sinipa ang aking kanang binti para mailapat ito sa dingding sa kabilang gilid. Lumukob sa akin ang matinding sakit. Walang tigil nila akong pinahirapan mula bandang 8 p.m. hanggang 11 p.m. Hindi ko na maalala kung ilang beses nila itong ginawa sa akin. Sa huli ay inilapat nila ang aking kanang binti sa dingding nang 180 degrees habang nakalupaypay ako sa sahig, ubos na ubos na ang lakas. Nang sumikat na ang araw, nakita kong sobrang namamaga at pasa-pasa ang magkabilang binti ko. Ang loob na bahagi ng kanang hita ko ay tuluyang nagkapasa at kahit ang pagtayo para gumamit ng banyo ay sobrang nakakapagod. Kailangang may tumulong sa akin na makaupo sa inidoro. Sinabi ng isang pulis, sinusubukan akong takutin, “Kung ganito ang mga binti mo, kung patuloy ka naming pahihirapan, doble ang magiging lala nito kaysa kahapon. Mas magiging masakit ito sa bawat pagkakataon. Magtapat ka na lang!” Nang makitang wala akong anumang sinasabi sa kanila, marahas na pinaghiwalay ng isa pang pulis ang aking mga binti para pilitin akong ibuka ang mga ito, at nakaramdam ako ng matinding sakit nang lumampas ang mga ito sa 90 degrees. Sumigaw ako, hindi ko na kinaya. Sabi niya, “Iyon lang, at sobrang sakit na? Tatapatin kita. Ginagamit ang pagpapahirap na ito lalo na para sa mga babaeng espesyal na ahente. Kakayanin kaya ito ng katawan mo? Pag-isipan mong mabuti.” Sinabi ng isa pang matabang pulis, “Ang mga taong tinanong ko noon ay pawang mamamatay-tao. Sa huli, lahat sila ay umamin, umiiyak na parang mga bata. Handa silang mamatay kaysa tanggapin ang ganoong uri ng pagdurusa.” Nakakatakot para sa akin na marinig ito. Mas gusto ng mga kriminal ang kamatayan kaysa sa kanyang parusa—tiyak na isa itong kakila-kilabot na pagpapahirap! Nagsimulang kumabog ang puso ko sa isipin na mapahirapan hanggang sa puntong mas mainam na lang na mamatay ako. Sunud-sunod akong tahimik na nagdasal sa Diyos. Sa sandaling iyon, may naalala akong sinabi ng Panginoong Jesus: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28). At saka, ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Pinagtibay ng mga salita ng Diyos ang aking lakas. Maaari akong brutal na pahirapan ng mga pulis, pero maaari lamang nilang wakasan ang aking pisikal na pag-iral. Hindi nila makakanti ang aking kaluluwa. Kung ipagkakanulo ko ang Diyos dahil natatakot ako sa pisikal na paghihirap, patatagalin ko lang ang isang walang-dangal na pag-iral bilang isang Hudas, at sa huli ay mapaparusahan lahat ang aking kaluluwa, espiritu, at katawan. Ginagamit ni Satanas ang aking kahinaan ng laman para ipagkanulo ko ang Diyos, at hindi ako pwedeng mahulog sa mga panlilinlang nito. Gaano man ako pahirapan ng mga pulis, kahit na bugbugin nila ako hanggang mamatay, determinado akong manindigan sa aking patotoo at ipahiya si Satanas.
Patuloy akong tinatanong ng mga pulis sa sumunod na ilang araw, muli akong binabantaan na ipabubuka ang mga binti ko. Sinabi nila na dadalhin nila ako sa silid ng pagpapahirap at gagamitin ang lahat ng pamamaraan ng malupit na pagpapahirap sa akin, at na hindi sila titigil hangga’t hindi ko sinasabi sa kanila ang tungkol sa impormasyon ng iglesia. Naalala ko ang sakit ng pagbuka ng mga binti ko—para iyong puwersahang tinatanggal ang mga binti ko mula sa katawan ko. Ayaw ko nang tiising muli ang matinding sakit na iyon. Sumagi sa isip ko na mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa tiisin ang higit pang kakila-kilabot na pagpapahirap na iyon. Ginutom ko ang sarili ko, tinanggihan ang ilang magkakasunod na pagkain. Sinigawan ako ng mga pulis, galit na galit, sinasabing sapilitan nila akong pakakainin kapag tumanggi akong kumain. Nasindak ako at sa wakas ay napagtanto ko na kailangan kong hanapin ang layunin ng Diyos. Sa sandaling iyon ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! … Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na karuwagan ang paghahangad ng kamatayan dahil sa takot na magdusa ang katawan. Hindi lang ako hindi magdadala ng kaluwalhatian sa Diyos sa ganoong paraan, kundi magiging katatawanan din ako ni Satanas. Umaasa ang Diyos na magpapatotoo ako sa Kanya sa harap ni Satanas, magiging tapat sa Kanya hanggang sa aking huling hininga, at hinding-hindi susuko kay Satanas. Iyon ang isang matibay na patotoo na maigaganti kay Satanas. Nang mapagtanto ko ang layunin ng Diyos, tumigil na ako sa pagtanggi sa pagkain. Pero pinanghinaan ako ng loob sa pag-iisip sa nakaambang patuloy na pagpapahirap sa kamay ng mga pulis, nang walang ideya kung kailan matatapos ang lahat. Pagkatapos ay naalala ko ang isang himno, “Tularan ang Panginoong Jesus”: “Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensyon na hindi tuparin ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naisip ko kung paanong, noong kinukumpleto ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Hinagupit Siya ng mga sundalong Romano, kinailangang magsuot ng koronang tinik, at napakahirap ng bawat hakbang Niya papunta sa lugar kung saan Siya ipinako sa krus. Sa huli, ibinuhos Niya ang Kanyang pinakahuling patak ng dugo sa krus, tinitiis ang hindi mailarawang sakit. Para iligtas tayo, ibinigay ng Diyos ang Kanyang sariling buhay nang walang pag-aalinlangan—napakadakila ng pagmamahal ng Diyos! Samantalang ako, nang makita ko ang kakila-kilabot na pagpapahirap na hindi ko matakasan, ayaw ko nang magdusa pa. Nawalan ako ng determinasyon na magpatotoo para sa Diyos. Sa tingin ko ay nakakahiya talaga iyon. Nagawa ng Diyos na ialay ang Kanyang buhay para sa atin, kaya bakit hindi ko maialay ang sarili ko para suklian ang Kanyang pagmamahal? Nang maramdaman ko ang pagmamahal ng Diyos, walang tigil na umagos ang mga luha sa mukha ko. Tahimik akong nagdasal, “Diyos ko, gaano man katagal o gaano man katindi ako kailangang magdusa, gusto kong manindigan sa aking patotoo!”
Habang nakaupo ako sa sahig nang gabing iyon, nakaramdam ako ng lakas sa buong katawan ko at mas sumigla ang pakiramdam ko. Patuloy akong tinatanong ng isa sa mga pulis tungkol sa impormasyon ng iglesia. Matatag kong sinabi sa kanya, “Wala akong sasabihin sa iyo.” Padabog siyang umalis, ibinalibag ang pinto. Hindi nagtagal, nagdala ang mga pulis ng isang bagong-bagong upuan para sa interogasyon, pinosasan ako roon, at sinabing magiging kakila-kilabot para sa akin ang susunod na araw. Nang gabing iyon, napansin kong parehong nakatulog ang dalawang pulis na nagbabantay sa akin, kaya nagpasya akong subukan at tingnan kung makakawala ako sa posas ko. Kamangha-manghang medyo maluwag ang mga ito at agad na nakalabas ang mga kamay ko. Nagdasal ako sa puso ko, “Diyos ko, ito ba ang pagbubukas Mo ng daan para sa akin? Hindi ko alam kung ano ang nasa labas ng silid na ito o kung saan ako maaaring tumakbo. Ipinagkakatiwala ko po ang sarili ko sa Iyo—pakiusap gabayan Mo po ako!” Pagkatapos magdasal, umalis ako sa upuan ng interogasyon at lumapit sa pintuan. Dahan-dahan ko itong binuksan at tumakbo papunta sa entrada ng hotel. Sa gulat ko, nakayuko rin sa isang mesa at natutulog ang mga bantay sa pintuan, kaya’t nakaalis ako ng hotel nang walang anumang problema at tumakas sa isang eskinita. Lubhang nasugatan ang mga binti ko, pero sa sandaling iyon, hindi kapani-paniwalang hindi man lang sumakit ang mga ito. Basta tumakbo lang ako nang mabilis hangga’t maaari. Kinakabahan talaga ako, natatakot na baka maabutan ako ng mga pulis at dalhin ako pabalik. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, at hindi ako naglakas-loob na pumunta sa mga kapatid ko, dahil sa takot na malagay sila sa panganib. Naalala ko ang isang bahay na binili ng pamilya ko kamakailan na marahil ay hindi pa alam ng mga pulis. Gusto kong pumunta roon at magtago saglit, kaya mabilis akong tumakbo pauwi. Hindi pa ako natatagalan doon nang bumalik ang nanay ko. Kinakabahan niyang sinabi, “Nasa labas ang mga pulis dala-dala ang litrato mo, nagtatanong tungkol sa iyo kung saan-saan. Hindi ka pwedeng manatili rito—kailangan mong umalis kaagad.” Kinabahan ako nang husto dahil dito, at kumabog ang puso ko. Dali-dali akong lumuhod at nagdasal, “Diyos ko, hindi ko po alam kung saan ako pupunta. Pakiusap, gabayan Mo po ako. Hindi ko alam kung magiging matagumpay ang pagtakas na ito, pero ipinapaubaya ko po sa Iyo ang lahat, ipinapaubaya ko po ito sa mga pagsasaayos Mo. Kung hindi ako makakatakas, handa akong isuko ang buhay ko para manindigan sa aking patotoo.” Unti-unti akong kumalma pagkatapos magdasal. Pagkatapos niyon, inilabas ako ng tatay ko gamit ang kanyang electric scooter. Nang malapit na kami sa labasan sa likod ng apartment complex, nakita ko sa hindi kalayuan ang mga pulis na nang-interrogate sa akin, may hawak na litrato at nagtatanong sa mga dumadaan. Kinabahan ako at pinagpawisan ang buong katawan ko. Habang hindi sila nakatingin, bumaba ako sa scooter at tumakbo sa kalapit na gusali para magtago. Nagpatuloy sa pagmamaneho ang tatay ko, nagkukunwaring kalmado. Walang tigil akong nagdarasal sa Diyos, humihingi ng Kanyang patnubay. Hindi nagtagal ay bumalik ang tatay ko para kunin ako, sinabing umalis na ang mga pulis. Walang nagbabantay sa labasan sa likod ng apartment complex, kaya ginamit ko ang pagkakataong iyon para tumakas. Matapos ang ilang balakid, sa tulong ng aking mga kapatid, nakahanap ako ng medyo ligtas na lugar na mapagtataguan.
Kalaunan ay nabalitaan ko na sa mismong araw ding iyon, pagkaalis na pagkaalis ko sa bahay ng mga magulang ko, maraming sasakyan ng mga pulis ang dumating at pinalibutan ang apartment complex. Ilang araw silang naghahanap sa bahay-bahay. Hinalughog nila ang bahay ng mga magulang ko pagkatapos nilang mahanap ito, at dinala ang tatay ko sa istasyon ng pulis para tanungin siya tungkol sa aking kinaroroonan. Hindi lang iyon, nagkabit pa sila ng isang high-definition camera sa gusali na direktang nasa tapat ng bahay ng mga magulang ko. Nagsagawa rin ang mga pulis ng masusing paghahanap sa akin sa palibot ng bahay ng lola ko. Nang tahimik na may sinabi ang isang kapitbahay na matandang babae sa isang taong nakatayo sa tabi nito, inutusan ito ng mga pulis na ibigay ako sa kanila, pagkatapos ay dinala ito sa istasyon ng pulis at pinanatili ito roon nang magdamag. Pagkatapos niyon ay nadetene ang tiyahin ko at tinanong nila ito tungkol sa kinaroroonan ko. Ang lahat ng kamag-anak ko ay napasailalim sa pagbabantay ng mga pulis. Galit na galit ako nang mabalitaan ko ito. Tunay na mabangis ang Partido Komunista—hindi lumalabag sa anumang batas ang pananampalataya ko, pero hindi pa rin ito tumitigil sa pagtatangka nitong hulihin ako. Naalala ko ito mula sa mga salita ng Diyos: “Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! … Ang libu-libong taon ng poot ay naiipon sa puso, nakaukit sa puso ang libu-libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito pupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway, huwag nang hayaan pa itong patuloy na magwala, at huwag na itong hayaang mamuno bilang isang diktador! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng diyablong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at maghimagsik laban sa masama at matandang diyablong ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw at nagpapahayag ng mga katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Inihatid Niya sa atin ang ebanghelyo para mailigtas tayo at makapasok sa kaharian ng langit, pero hindi pinahihintulutan ng Partido Komunista ang mga tao na magkaroon ng pananampalataya at sumunod sa Diyos. Mahigpit nitong inaaresto at inuusig ang mga Kristiyano, malupit tayong pinahihirapan, hinahatulan tayong makulong, at iniiwan pa nga tayong baldado o patay. Ang Partido Komunista ay isang masamang demonyo ng masasamang-loob! Habang mas pinatitindi nito ang pang-aapi nito, mas malinaw kong nakikita ang mala-demonyong diwa nito, at mas lalo ko itong taos-pusong kinapopootan at pinaghihimagsikan. Sinusumpa ko na patuloy kong susundin ang Diyos.
Ipinakita sa akin ng karanasang ito ng pag-aresto at pag-usig ang makapangyarihang pamumuno ng Diyos at ang Kanyang mga kamangha-manghang gawa. Sa gitna ng paghihirap, binantayan ako ng Diyos para mapagtagumpayan ko ang kalupitan ni Satanas. Ang mga salita rin ng Diyos ang paulit-ulit na nagbigay sa akin ng lakas at pananalig. Talagang naranasan ko ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at naramdaman ko ang Kanyang pagmamahal at proteksyon para sa akin. Nagpapasalamat ako sa Diyos at pinupuri ko Siya mula sa kaibuturan ng aking puso!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.