Isang Pakikipaglaban sa Brainwashing
Inaresto ako ng Komunistang Partido ng Tsina dahil sa aking pananampalataya noong 19 ako. Nagdanas ako ng 60 na araw ng pagpapahirap at pag-brainwash para itakwil ko ang Diyos at ipagkanulo ko ang aking mga kapatid. Talagang tumatak ang karanasang iyon sa puso ko. Hinding-hindi ko iyon makakalimutan.
Habang papunta ako sa isang pagtitipon nang umagang iyon, nang malapit na ako, napansin kong may tatlong kotseng nakaparada sa malapit. Medyo nabalisa ako. Hindi karaniwang may ganoon karaming kotse roon. Sinabi ko iyon sa mga kapatid sa sandaling dumating ako at napagtanto naming hindi na ligtas ang pagtitipon namin. Sinimulan naming pag-usapan ang pagpapalit ng lokasyon. Hindi nagtagal, apat na estranghero ang pumasok sa bakuran, sinabi nilang taga-National Security Brigade sila at iniinspeksiyon ang bahay para sa mga nakatagong pampasabog. Puwersahan nila kaming pinadapa sa sofa at kinapkapan at nang wala silang makita, isinakay nila ako at ang isa pang brother sa isa sa mga sasakyan nila. Dinala nila kami sa istasyon ng pulis, kung saan dinala kami ng mga pulis sa silong at magkahiwalay na kinulong. Ang biglaang pag-aresto na ito ay parang isa lang panaginip at wala akong ideya kung paano ako tatratuhin ng mga pulis. Medyo natakot ako at walang tigil na nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanyang bigyan ako ng pananampalataya. Naalala ko ang ilang linya mula sa isang himno ng mga salita ng Diyos na madalas naming awitin, “Ang Kahigitan at Kadakilaan ng Makapangyarihan-sa-lahat.” “Lahat ng bagay sa mundong ito ay mabilis na nagbabago kasabay ng mga iniisip ng Makapangyarihan sa lahat at habang Siya’y nakamasid. Biglang dumarating ang mga bagay na kailanma’y hindi pa naririnig ng sangkatauhan, samantalang hindi nila alam na ang mga bagay na matagal na nilang taglay ay unti-unting naglalaho. Walang nakakaarok sa kinaroroonan ng Makapangyarihan sa lahat, lalo nang walang nakakaramdam sa kahusayan at kadakilaan ng Kanyang puwersa ng buhay” (Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Nagdasal ako sa Diyos: “Makapangyarihang Diyos, nagpapasalamat at nagpupuri ako sa Iyo! Ikaw ang naghahari sa lahat nang nasa sanlibutan at nakasalalay ang kapalaran ko sa Iyong mga kamay. Pinahintulutan Mong arestuhin ako ng mga pulis ngayong araw. Paano man nila ako pahirapan o gaano man ako magdusa, gusto kong magpatotoo, na hindi Ka ipagkanulo kailanman at maging isang Judas.”
Pagsapit ng 4:00 p.m., dinala ako ng mga pulis sa isang liblib na looban na may hanay ng apat na palapag na gusali sa bakuran, na mukhang hotel. Maraming kapatid ang nagsasabing dinadala ng mga pulis ang mga bilanggo sa mga hotel para sa lihim na interogasyon at pagpapahirap. Hindi ko maiwasang isipin kung pahihirapan din nila ako. Medyo bakante ang lugar na iyon. Puwede nila akong patayin at walang makakaalam. Tumindi ang takot ko habang iniisip iyon at paulit-ulit akong tahimik na tumawag sa Diyos. Dinala nila ako sa isang kuwarto sa pang apat na palapag, at sinabi ng hepe ng Criminal Police Brigade, nagpapanggap na mabait, “Anong pangalan mo? Saan ka nakatira?” Tinanong ko siya, “Bakit niyo ako inaresto? Bakit niyo ako dinala rito?” Sabi niya, “Isa itong kurso ng legal na edukasyon para turuan at baguhin ang mga mananampalataya. Kinuha ka namin dahil alam namin ang lahat tungkol sa iyo. Kung hindi, kukuha kami ng iba. Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang pinakamalaki naming pakay sa bansa, pupuksain namin iyon. Maaaresto ang mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos.” “Hindi ba’t nasa konstitusyon ang kalayaan sa pananampalataya?” tanong ko. Nakangising sinabi niya, “Kalayaan sa pananampalataya? May hangganan iyon. Sa pananampalataya mo, kailangan mong makinig sa Partido at sumunod sa mga tuntunin nito para makuha ang suporta namin. Sa paniniwala sa Makapangyarihang Diyos, kinakalaban mo ang Partido. Paano ka naming hindi aarestuhin?” Sumagot ako, “Nagbabasa lang kami ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at nagbabahagi ng ebanghelyo para magpatotoo sa Diyos. Hindi kami kailanman sumasali sa politika. Paano mo nasasabing kinakalaban namin ang Partido? Sabi ng Makapangyarihang Diyos, ‘Hindi nakikibahagi ang Diyos sa pulitika ng tao, gayon pa man ang kapalaran ng isang bayan o bansa ay pinamamahalaan ng Diyos. Pinamamahalaan ng Diyos ang mundong ito at ang buong sansinukob. Ang kapalaran ng tao at ang plano ng Diyos ay may malapit na ugnayan, at walang tao, bayan o bansa ang hindi saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang tao ay nais na malaman ang kanyang kapalaran, dapat siyang humarap sa Diyos. Pasasaganain ng Diyos ang mga sumusunod at sumasamba sa Kanya, at Siya’y magdadala ng pagbagsak at pagkalipol sa mga taong lalaban at tatanggi sa Kanya’ (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Malinaw na malinaw ang mga salita ng Diyos. Pinamumunuan Niya ang sanlibutan at nasa Kanyang mga kamay ang kapalaran ng lahat ng bayan at lahi, pero hindi nakikialam ang Diyos sa politika. Dumating ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa sa mga huling araw para magpahayag ng katotohanan at gawin ang paghatol upang maunawaan ng mga tao ang katotohanan, maiwaksi ang kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon, at maligtas.” Masungit na pinutol ng pulis ang sinasabi ko bago pa ako matapos, at kung ano-anong sinabi, nilalapastangan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Pinayuhan niya akong talikuran ang pananampalataya ko. Kahit anong sabihin niya, nanatili akong kalmado sa harap ng Diyos, hinihiling sa Kanyang protektahan ako sa mga pakana ni Satanas.
Bandang tanghali sa ikatlong araw, pinabalik nila ako sa kuwartong pinagpupulungan. Nagpakilala ang isang pulis, sabi niya ay siya ang hepe ng National Security Brigade at nagtatrabaho rin siya sa edukasyon at pagbabago ng pananampalataya. Tinanong niya ang pangalan ko, tirahan, at impormasyon ng iglesia. Hindi ako nagsalita, kaya pinaunat niya ang kaliwang kamay ko sa mesa, nakataas ang palad, tapos ay pinitik ang mga abo sa kamay ko habang naninigarilyo siya, sinasabing, “Dapat mong malaman na sa teknolohiya ngayon, malalaman din namin iyan magsalita ka man o hindi. Hangal ka ba? Binibigyan kita ng pagkakataon. Nasa 800 digri ang dulo ng sigarilyo ko. Gusto mong malaman kung anong pakiramdam nito?” Humithit siya nang dalawang beses, tapos ay pinaso ang palad ko ng nagbabagang pulang dulo nito. Nang hatakin ko ang kamay ko sa sakit, puwersahang hinawakan ng isa pang pulis ang kamay ko. Mahapdi ang palad ko sa matitinding kirot habang paulit-ulit niyang dinidikit ang dulo ng sigarilyo niya. Tagaktak ang pawis sa noo ko. Medyo nanghihina, sinabi ko ang sarili kong pangalan. Tumigil sila sa pagpapahirap sa akin sa puntong iyon, pero pinanood ako ng mga video at pinagbasa ng mga usap-usapan na tumutuligsa at lumalapastangan sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos.
Noong tanghali sa ikalimang araw, pinanood nila ako ng mga balita sa telebisyon tungkol sa kaso ng Shandong Zhaoyuan at tinanong ako kung ano ang palagay ko. Sabi ko, “Wala silang kinalaman sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Walang sinuman sa Iglesia ko ang gagawa ng ganoong bagay. May mga prinsipyo kami sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Ibinabahagi lang namin iyon sa mga taong may mabubuting puso na naniniwalang may Diyos, hindi sa masama. Ang masasamang taong tulad ni Zhang Lidong ay malayong pumasa sa pamantayan namin sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Hindi sila kinikilala ng Diyos na mananampalataya at hinding-hindi sila kikilalanin ng Iglesia.” Nang makitang hindi nayanig ang aking pananampalataya, sinabi niyang, “Naaresto na namin ang lahat ng lider mo, at malalaman namin ang lahat sa pagkukuwestiyon sa kanila. Hindi na namin kailangang sayangin ang oras namin sa iyo. Gusto ka naming iligtas, dahil batang-bata ka pa.” Naisip ko, “Kasinungalingan iyang lahat. Gusto lang nilang ipagkanulo ko ang Diyos. Kahit ano pang sabihin nila, hinding-hindi ko itatatwa ang mga kapatid ko. Hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos!” Pagkalipas ng alas siete nang gabing iyon, isang psychologist na may klase sa brainwashing ang nagpasulat sa akin ng mga saloobin tungkol sa kurso. Ang sinulat ko ay, “Ang insidente ng Zhaoyuan ay hindi gawa ng isang mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos. Ginawa iyon ng isang masamang demonyo. Parurusahan siya ng Diyos sa ginawa niya.”
Paglipas ng alas nuwebe, pumasok ang hepe ng National Security Brigade at talagang hindi siya masaya sa isinulat ko. Lumapit siya at iniangat ako sa silya gamit ang isang kamay, sinampal ako nang paulit-ulit gamit ang kabila, pagkatapos ay sinipa ako sa sahig. Tapos ay kinaladkad niya ako sa kama at sinimulang pagsusuntukin. Pagkatapos ng ilang suntok, kumuha siya ng kahoy na hanger, hinahampas iyon sa akin kung saan-saan at inuutusan akong magbigay ng impormasyon sa iglesia. Tumahimik ako. Naiinis dahil dito, inutusan niya akong hubarin ang lahat ng damit ko. Natakot ako nang makitang wala na siya sa sarili. Walang tigil akong tahimik na nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanyang bigyan ako ng pananampalataya at lakas. Hinatak niya ako, pinuwersang maghubad at hinampas ako nang ilan pang beses ng hanger, tapos ay pinahawakan niya ako sa kama sa dalawang guro. Akala ko ay binabayaran ng mga pulis ang mga guro, pero may konsiyensiya sila at hindi sila sasang-ayon sa mga pulis sa pagpapahirap sa isang teenager. Mali ang inakala ko. Mahigpit nila akong hinawakan, lubusan akong hindi makagalaw. Pinaso ng hepe ng National Security Brigade ang mga utong ko gamit ang sigarilyo niya na parang isang baliw, mabilis iyong nalalapnos at pinupuno ang hangin ng amoy ng nasusunog na laman. Basang-basa ako sa pawis dala ng sakit at sipa ako nang sipa. Tapos ay sinimulan niya ang ari ko habang isinisigaw, “Magsasalita ka ba o ano?” Humihiyaw nang malakas sa sakit, napuno ako ng isang saloobin lang: “Hindi ko puwedeng ipagkanulo ang Diyos.” Walang tigil akong nagdarasal sa Diyos sa aking puso, nagmamakaawa sa Kanyang bigyan ako ng lakas at pananampalataya para malagpasan ko ang pagpapahirap ng masamang pulis.
Nanatili akong tahimik, kaya mabagsik na sinabi ng hepe, “Hindi ka magtitino kung hindi ako magiging mas malupit sa iyo.” Tumalikod siya, kumuha ng termos, at binuhusan ako ng isang tasa ng pinakulong tubig. Humiyaw ako sa sakit. Malamig niyang sinabi, “Magsasalita ka ba?” Walang takot kong sinabing, “Wala akong alam!” Galit na galit nang marinig iyon, binuhusan niya ako sa tiyan ng dalawa pang tasa ng pinakulong tubig. Nakita niyang hindi na ako gaanong nasasaktan tulad noong una, kaya’t hinawakan niya ang tiyan ko at sumigaw na hindi mainit ang tubig. Tapos ay tumalikod siya at nag-utos na magpakulo ng isang kaldero ng tubig. Tapos sinabi niya nang may malupit na ngisi sa kanyang mukha, “Maya-maya lang ay mararamdaman mong mabuhusan ng kumukulong tubig sa katawan mo.” Hindi ko mapigilang matakot nang marinig ito at naisip ko kung paanong mas malamig doon ang naunang mainit na tubig. Kapag nabuhusan ako ng kumukulo talagang tubig, makakayanan ko ba iyon? Kinakabahan at natatakot, tahimik akong nagdasal sa Diyos: “Makapangyarihang Diyos, bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas. Gusto kong magpatotoo at hindi Ka ipagkanulo o itatwa ang mga kapatid.” Naisip ko ang mga salita ng Diyos pagkatapos kong magdasal: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Pinag-isipan ko ang mga salita ng Diyos at napagtanto na ang pagkakaroon ng mahina at matatakuting mga saloobin ay pagiging biktima ng mga pakana ni Satanas, at nalaman kong wala akong tunay na pananampalataya sa Diyos. Kailangan kong itaya ang buhay ko at sumandal sa Diyos sa bawat sandali para magpatotoo. Ang pag-unawang ito ay nagbigay sa akin ng pananampalatayang kailangan ko para harapin ang pagpapahirap na naghihintay sa akin.
Sa sandaling iyon, bigla siyang nagsindi ng sigarilyo at humithit nang dalawang beses, tumayo sa harap ko at sinabi, habang malupit na nakangiti, “Diyan ka lang, malapit nang kumulo ang tubig!” Habang nagsasalita siya, dinikit niya ang dulo ng sigarilyo niya sa dibdib ko kung saan ako mismo nalapnos ng tubig. Pilit kong sinusubukang umatras dahil sa sakit. Kumulo na ang tubig pagkalipas ng anim o walong minuto. Habang nakikita kong bumubula at umuusok ang tubig mula sa takure, nagsimulang kilabutan ang anit ko, nanginginig ako, at tumatayo ang mga balahibo ko. Binuhat niya palapit ang takure, binuksan ang takip, at lumapit sa akin. Nararamdaman ko ang usok sa katawan ko. Tapos ay dinikit niya ang mainit na takure ng tubig sa tiyan ko mismo. Nakaramdam ako ng matinding sakit at awtomatikong napasigaw. Sinamantala niya ang pagkakataong iyon para itanong sa akin kung magsasalita ako, at nang makitang tahimik lang ako, kumuha siya ng tasa, pinuno iyon ng tubig, at sinaboy iyon sa dibdib ko. Sa sobrang sakit ay napatalon ako, at patuloy niya akong sinabuyan ng mainit na tubig hanggang sa maubos ang laman ng takure. Hindi ko mapigilan ang panginginig, at puno ng paltos ang buong harap ng katawan ko dahil sa pagkalapnos. Ang pinakamalalaking paltos ay sinlaki ng itlog. Hindi matagalan ng mga guro ang nakikita nila at gusto nilang umalis, kaya’t dumiretso ang hepe sa pinto at kinulong sila sa loob, tapos ay isinigaw, “Huwag kayong umalis, diyan lang kayo at manood. Tingnan niyo kung paano ko ipakita sa kanya ang totoo.” Tapos ay sinabihan niya silang magpakulo pa ng mas maraming tubig. Hindi ko mapigilan ang takot ko nang marinig iyon. Naisip ko, “May mas marami pa, at kung ganoon ang inabot ko sa unang takure ng tubig, anong gagawin sa akin ng mas maraming lapnos? Mananatili ba akong malakas?” Walang tigil akong tumawag sa Diyos; humihiling sa Kanya ng pananampalataya at lakas. Tapos ay naisip ko ang mga salitang ito na mula sa Diyos: “Yaong mga may kapangyarihan ay maaaring mukhang masama sa tingin, ngunit huwag kayong matakot, sapagkat ito ay dahil mahina ang inyong pananampalataya. Hangga’t lumalago ang inyong pananampalataya, walang magiging napakahirap” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 75). Ang pagpapahirap sa akin ng pulis ay nangyayari sa pahintulot ng Diyos. Gusto ng Diyos na gawing perpekto ang pananampalataya ko. Gaano man sila kasama at kabangis, iyon ay nasa mga kamay pa rin ng Diyos. Basta’t nagdarasal at sumasandal ako sa Diyos, alam kong papatnubayan ako ng Diyos para magtagumpay sa pagpapahirap ni Satanas. Hindi na ako masyadong natakot at nagkaroon ako ng pananampalataya para ipagpatuloy ang pagharap sa paghihirap.
Hindi nagtagal ay kumulo na ang pangalawang takure. Dinala niya iyon, pinuno ang tasa ng mainit na tubig, dinala iyon sa harap ko at sinimulang isaboy iyon sa ari ko. Humiyaw ako sa sakit at hindi ko mapigilang umatras. Humakbang siya palapit at patuloy akong kinuwestiyon, pero hindi pa rin ako sumagot. Nagdala siya ng isang tasang puno ng mainit na tubig sa ilalim ng ari ko at nagtanong, “Magsasalita ka ba, o hindi?” Hindi ako nagsalita. Binaltak niya pataas ang tasa upang lubusang malubog ang ari ko roon. Humihiyaw ako sa sakit at awtomatikong napapaatras, nanginginig. Hindi ko na talaga iyon makayanan at walang tigil akong nagdarasal, humihiling sa Diyos ng lakas, para pigilan akong ipagkanulo Siya. Tapos ay may naisip akong sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagka’t ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon” (Mateo 16:25). Alam ko na kapag itinatwa ko ang iba at ipinagkanulo ang Diyos para makaiwas sa pisikal na pagdurusa, pagkakasala iyon sa disposisyon ng Diyos. Mapupunta ako sa impiyerno at magdurusa magpakailanman. Nang maunawaan iyon, nagpasya ako na gaano man ako katinding magdusa, titiisin ko iyon at hinding-hindi ipagkakanulo ang Diyos. Nagbuhos pa ang masamang pulis na iyon ng dalawang tasa ng mainit na tubig sa ari ko at patuloy akong kinuwestiyon. Tumungo ako at nakita kong nasunog na ang panlabas na balat ng ari ko at hindi makayanan ng dalawang guro na makita ako. Walang magawa, sinabi nila, “Anak, magsalita ka na lang. Ano bang silbi ng pagdurusa nang ganito?” Tumahimik lang ako. Noon ay pumasok ang alalay ng pulis. Sandali siyang natigilan nang makita ako. Nag-iwas siya ng tingin, lumapit sa akin, at sinabing, “Umamin ka na lang. Marami sa inyo ang naaresto namin. Kahit na hindi ka magsasalita, may ibang magsasalita. Binibigyan ka namin ng pagkakataon.” Tumungo ako at hindi nagsalita. Nang makitang tahimik lang ako, galit na galit na sumigaw ang pulis, “Huwag kayong makialam. Titingnan ko kung hanggang saan ang kaya niyang tiisin!” Tapos ay nagsalin siya ng isang tasa ng mainit na tubig at isinaboy na naman iyon sa dibdib ko, na nagpapaiyak at nagpapalundag sa akin sa matinding sakit. Habang sinasabuyan niya ako ng mainit na tubig, nagputukan ang mga paltos sa katawan ko at dumikit sa akin ang balat. Hindi nagtagal ay nagkaroon ako ng mga bagong paltos; napakatindi ng sakit. Nagsimula akong manghina nang kaunti. Naisip ko, “Marami silang kapatid na naaresto. Kahit na hindi ako magsalita, malamang na may ibang magsasalita. Bakit kailangan ko pang pagdaanan ang lahat ng ito? Puwede akong magsalita nang kaunti para hindi na ako magdusa nang ganito.” Nakita kong walang balak tumigil ang pulis at wala akong ideya kung matatagalan ko pa ang kung anong binabalak niya sa akin. Pero magiging isa akong Judas kapag nagsalita ako. Bigla kong naalala ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Ayaw ng Diyos magkaroon ng kaugnayan sa mga taong itinatwa ang interes ng kanilang mga kaibigan. Kapag nagsalita ako, hindi ba’t mangangahulugan iyong ipinagkanulo ko na ang Diyos? Hindi ako puwedeng magsalita. Hinding-hindi. Inusal ko ang tahimik na panalanging ito: “Diyos ko, salamat sa pagbibigay Mo ng kaliwanagan sa akin at pagpipigil sa aking itatwa ang mga kapatid. Gaano man ako katinding magdusa, hinding-hindi ako magiging isang Judas.”
Nang makitang tahimik ako, nagsindi ng sigarilyo ang hepe ng National Security Brigade at may malupit na ngiting sinabing, “Maghinay-hinay lang tayo. Marami tayong oras,” habang binubugahan ako ng usok sa ilong. Pagkatapos noon, kinuha niya ang tasa at binuhusan ako ng mainit na tubig sa ulo. Awtomatiko akong napalayo, at tumulo ang tubig sa kanan kong tenga at sa likod ko. Humiyaw ako sa sakit at parang nasusunog ang likod ko. Nagbuhos pa siya ng ilang tasa pababa sa tiyan ko at nagsaboy ng tubig sa mga hita ko. Agad nagkaroon ng mga paltos kung saan niya ibinuhos ang tubig. Pinagpakulo pa niya ng isa ang mga guro nang maubos na ang laman ng takure. Makalipas ang ilang minuto ay kumukulo na ang pangatlo. Nang makita ko ang usok na lumalabas sa takure, hindi ko mapigilan ang panginginig. Nakangisi, kinuha niya ang takure at sinabing, “Ayos!” Tapos ay dinikit niya ulit iyon sa katawan ko at mabagsik na sinabing, “Ano, magsasalita ka ba, o hindi?” Hindi ako sumagot, kaya binuhusan niya ako ng tasa-tasa ng kumukulong tubig. Namilipit ako sa sakit. Nakita kong wala siyang balak tumigil at hindi ko alam kung hanggang kailan ko ito matatagalan. Namimilipit ako sa labis na sakit; gusto ko na lang mamatay para hindi na ako magdusa sa ganitong paraan at hindi ko maitatatwa ang kahit sino dahil sa kahinaan ng aking laman. Luminga-linga ako sa kuwarto para maghanap ng matigas na bagay na puwede kong gamitin sa pagpapatiwakal, pero tanging mesa lang ang nandoon at gawa sa kahoy ang mga dingding. Sa palagay ko ay hindi ako mamamatay sa paghampas ng ulo ko nang isang beses, tapos ay kailangan ko pang tiisin ang higit pang pagpapahirap. Naisip kong puwede akong umoo sa ngayon, tapos ay isasama nila ako para ituro ang mga bahay ng iba. Sa labas, puwede akong lumundag palabas ng sasakyan at mamatay. Habang iniisip ko ito, patuloy akong tinatanong ng pulis kung magsasalita na ako at tumango ako. Akala ko ay isasama nila agad ako para ituro ang mga bahay, pero sa pagkabigla ko, inutusan niya akong kuwentuhan siya tungkol sa iglesia. Mahigit sampung pulis ang pumasok galing sa ibaba. Medyo nanghina ang loob ko sa puntong iyon. Tumango lang ako, kapag hindi ako nagsalita, gagamitan ba nila ako ng mas brutal na pagpapahirap? Naisip kong puwede na lang akong magsabi ng pangalan ng iglesia at ang malapit na lokasyon nito. Sa gulat ko, binigyan ko siya nang kaunting pagkakataon, pero gusto niyang samantalahin ito. Binato niya ako ng maraming tanong tungkol sa iglesia, at talagang pinagsisihan kong binigyan ko si Satanas ng pagkakataon. Hindi ba’t magiging isa akong Judas kapag ipinagpatuloy ko iyon? Nagmaang-maangan ako nang tanungin niya ako tungkol sa ibang bagay. Wala siyang makuha sa akin, kaya’t pinabalik na niya ako sa kuwarto ko. Sa kuwarto ko, naisip ko, “Bakit gusto kong mamatay? Gusto ba ng Diyos na mamatay ako? Hindi ba’t tanda iyon ng kahinaan?” Tapos ay naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos, “Hangaring Mahalin ang Diyos Kahit Gaano Kalaki ang Iyong Pagdurusa.” “Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay naniniwala na ang pagdurusa ay walang halaga, na inaapi sila sa kanilang pananampalataya, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, at wala silang masyadong maaasahan. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Paano nito maipapakita ang pusong may pagmamahal sa Diyos? Ang gayong mga tao ay mga walang-silbi, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! … Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, nalaman ko kung gaano ako kaduwag, kahina, at kawalang kakayahan. Gusto kong mamatay dahil sa kahinaan ng aking laman, dahil natakot ako sa pagdurusa. Hindi niyon maluluwalhati ang Diyos. Hindi iyon tunay na pagpapatotoo. Bago ako maaresto, nangako ako sa harap ng Diyos na kung maaresto at mausig man ako ng Komunistang Partido ng Tsina, gusto kong magpatotoo tulad ng ibang mga kapatid. Hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos, at magiging isang Judas. Pero nang may mangyari sa akin, sa harap ng pagpapahirap ng pulis, inisip ko lang kung paano ko matatakasan ang sitwasyon. Hindi ko inisip kung paano magpapatotoo at magbibigay-lugod sa Diyos. Napagtanto kong wala akong tunay na pananampalataya o pagpapasakop sa Diyos. Pinahihirapan ako ng mga pulis para ipagkanulo ko ang Diyos at mawala ang pagpapatotoo ko. Kapag natakasan ko iyon sa pamamagitan ng kamatayan, hindi ba’t magiging katatawanan ako ni Satanas? Sa saloobing ito, napuno ako ng pagsisisi sa kahinaan ko. Paano ko nagawang magsalita? Binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong magpatotoo, pero hindi ko iyon sinunggaban. Nakasasakit at nakabibigo ito para sa Diyos. Ipinasya ko na kung gusto nila akong magturo ng mga bahay ay hindi ako sasama. Paano man nila ako pahirapan, sasandal ako sa Diyos at magpapatotoo!
Kinaumagahan nang 6:30 a.m., nakita ng direktor ng tanggapan ng munisipyo laban sa kulto kung gaano kalala ang tama ko at pinadala ako sa ospital para hindi sila managot. Sa biyahe papunta sa ospital, malupit niya akong binantaan, “Huwag kang magsasabi ng kahit ano sa ospital, o mananagot ka sa mga kahihinatnan!” Galit na galit ako nang marinig ko iyon. Tinatakot nila ako at ayaw nilang sabihin ko ang totoo matapos nila akong saktan nang matindi. Napakasama at kasuklam-suklam noon! Tinanong ako ng doktor kung paano ko nakuha ang lahat ng pasong iyon at alam kong kahit sabihin ko sa kanya ang totoo, wala siyang magagawa. Sinabi kong dahil iyon sa nasirang termos. Hindi makapaniwala, tinanong niya, “Isang sirang termos ang may gawa ng lahat ng ito?” Agad hinila ng pulis ang doktor sa gilid at binulungan siya, pagkatapos noon ay sinimulang linisin ng doktor ang mga sugat ko, at sinabing kailangan kong mamalagi sa ospital. Sinabi ng pulis na hindi pangkaraniwan ang sitwasyon ko at hindi ako puwedeng mamalagi sa ospital, at pinapirma ako ng kasulatang tinatanggap ko ang lahat ng pananagutan. Tapos ay ibinalik niya ako sa brainwashing center. Masyadong malala ang mga tama ko para dumalo sa mga klase, pero hindi iyon nagustuhan ng mga pulis, kaya nagpadala sila ng dalawang tao para bantayan at i-brainwash ako araw-araw. Pareho nilang sinubukan ang matigas at malambot na taktika para talikuran ko ang pananampalataya ko.
Makalipas ang labimpitong araw, bago maghilom ang mga sugat ko, pinabalik nila ako sa klase. Meron silang propesor sa unibersidad at isang psychologist na nagkunwaring mabait, nagsasabi ng magagandang bagay at sinusubukang mapalapit sa akin at mapagsalita ako. Paulit-ulit akong tumawag sa Diyos, hinihiling sa Kanyang protektahan ako sa mga pakana ni Satanas. Ibinahagi ko sa kanila ang patotoo ko sa Diyos. Nagalit sila nang makita nilang hindi nila ako nauuto. Sa mga sumunod na araw, pinagbasa nila ako ng mga librong isinulat nila na lumalapastangan sa iglesia namin at pinanood ng ilang lapastangang video. Nagalit at nasuklam ako sa lahat ng mga walang basehang kasinungalingang gawa-gawa nila. Hindi ako nakinig sa kahit isang sinabi nila.
Isang umaga, sumugod ang direktor ng pangkat sa tinitirahan ko kasama ang ilang guro. Medyo natakot ako nang makita kong nangyayari ito, kaya’t tahimik akong nagdasal, hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng karunungan para harapin ang masasamang pulis na iyon. Mabagsik niyang sinabi, “Nagpulong kami kahapon tungkol sa Isandaang Araw na Pakikipaglaban namin sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Magiging malupit ang mga sentensiya. Mas magiging malala iyon para sa mga bata at walang asawang taong tulad mo. Lalo na sa mga hindi matinag na tulad mo, dederetso ka sa firing squad. Pasasabugin nila ang ulo mo, pasasabugin ang utak mo.” Nakadama ako ng kaunting pagkataranta nang sabihin niya iyon pero naisip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Sapagka’t ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon” (Mateo 16:25). Alam ko na ang pagiging martir para sa Diyos ay isang karangalan, at hahangaan iyon ng Diyos. Pero ang pagkakanulo sa Diyos sa takot sa kamatayan ay pagkakasala sa Kanyang disposisyon at aanihin ang Kanyang pagkasuklam. Kahit na magpatuloy ang katawan ko sa pamumuhay, magiging patay na ako sa mga mata ng Diyos. Aalisin ng Diyos ang kaluluwa ko at mapaparusahan ako sa impiyerno. Hindi na mabilang na mananampalataya ang inusig at naging martir sa mga nagdaang panahon. Lahat sila ay nagpatotoo sa Diyos. Ang maging martir ay pagtataas sa akin ng Diyos. Handa akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos at magpatotoo kahit na ang katumbas noon ay kamatayan. Nang manatili akong tahimik, pinagbantaan ako ng pulis: “Gusto mo bang umuwi, o makulong?” Gustong-gusto ko nang umuwi, pero alam ko ang kapalit noon ay pagpirma ng mga sulat ng pagsisisi at paghiwalay sa iglesia. Puno ng paninindigan kong sinabing, “Makulong!” Nanlaki ang mga mata niya sa galit, tapos ay dinuro ako at sinabing, “Mukhang hindi ka talaga nahirapan!” Tapos ay galit siyang umalis.
Pagkatapos noon, nakahanap sila ng pastor na pupunta para mag-brainwash sa akin. Sa sandaling pumasok siya, sinabi niya, “Anak, bata ka pa. Makinig ka sa akin, nasa maling landas ka.” Binuklat niya ang Biblia sa Mateo 24:23–24, sinasabing, “Sinasabi mong nagbalik na ang Panginoong Jesus, pero tingnan mo kung anong sinasabi sa Biblia: ‘Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinumang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka’t may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati na’ng mga hirang.’ Sinumang nagsasabing dumating na ang Panginoon ay mali. Hindi mo ito puwedeng sundin.” Kinuha ko ang Biblia at sumagot, “Binabalaan tayo ng Panginoong Jesus na kapag bumalik Siya sa mga huling araw, magpapakita ang mga huwad na Cristo at huwad na propeta ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan para iligaw ang tao. Sinabihan niya tayong mag-ingat. Kapag sinabi mong lahat ng balita ng pagdating ng Panginoon ay mali, hindi ba’t itinatanggi mo ang katotohanan ng pagbabalik ng Panginoon? Hindi taglay ng mga huwad na Cristo ang katotohanan. Nililinlang lang nila ang mga tao gamit ang mga tanda at kababalaghan. Hindi ipinapakita ng Makapangyarihang Diyos ang mga bagay na iyon. Ipinapahayag lang Niya ang katotohanan at ginagawa ang Kanyang gawain ng paghatol para ganap na malinis at maligtas ang sangkatauhan. Ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus, ang nag-iisang tunay na Diyos.” Nang makitang hindi ako nadala roon, kung ano-anong kalapastanganan ang sinabi niya. Galit akong tumugon, “Hindi mapapatawad ang kalapastanganan sa Banal na Espiritu, sa buhay na ito o sa susunod.” Dito, sinabi niya sa akin, “Matigas talaga ang ulo mong bata ka. Gumising ka, anak. Sabihin mo na lang kung anong gusto nila at umamin ka na. Pagsisisihan mo iyan kapag nakulong ka na talaga!” Sabi ko, “Hindi ko ito pagsisisihan, at pinapayuhan talaga kitang hanapin ang tunay na daan. Huwag mo nang labanan ang Diyos. Mahuhuli na ang lahat kapag gumawa ka ng matinding kasalanan.” Naiinis, sinabi niya sa akin, “Wala ka nang pag-asa. Masyado kang matigas.” Tapos ay napilitan siyang tumayo at umalis.
Makalipas ang ilang araw, sinubukan ng hepe ng Criminal Police Brigade na puwersahang ipaulit sa akin ang mga pahayag na nagtatanggi at lumalapastangan sa Diyos. Nang tumanggi ako, agresibo niyang sinabing, “Natatakot ka ba na magantihan? Walang Diyos, kaya saan iyon manggagaling? Hindi ba’t maayos naman ang lagay ng mga taong tumalikod sa kanilang pananampalataya?” Sabi ko, “Ang hindi mamatay sa ngayon ay hindi nagpapahiwatig ng magandang kalalabasan. Ang Diyos ay hindi agad-agad nagpaparusa ng tao.” Galit niya akong hinablot at sinampal nang ilang beses, pero hindi pa rin ako nagsalita. Iniisip ko ang isang bagay na sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang bawa’t kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa’t ang kapusungang laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad” (Mateo 12:31). Sa lakas ng mga salitang ito, hindi ako natinag kahit kaunti. Nagdaan ang ilang oras nang hindi ako nagsasalita. Galit na galit, kinaladkad niya ako sa buhok pabalik sa dormitoryo, at mabagsik na sinabing, “Huwag niyo siyang pakakainin hangga’t hindi siya nagsasalita.” Nagdasal ako sa Diyos sa puso ko at naisip ko ang mga salitang ito ng Panginoong Jesus: “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4). Ang mga salita ng Diyos ang panustos natin para sa buhay. Kahit walang pagkain, hindi ako mamamatay kung hindi iyon pahihintulutan ng Diyos. Kamangha-mangha na isang tagalinis ang palihim na nagbigay sa akin ng isang siopao nang gabing iyon. Naramdaman ko talaga na nasa mga kamay ng Diyos ang puso at kaluluwa ng mga tao. Pagkatapos noon, pinaglinis ako ng mga pulis ng opisina nila araw-araw, at nagkataong may kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao sa isang mesa. Panakaw ko iyong tinitingnan habang ginagawa ko ang pang-araw-araw na paglilinis at binigyan ako ng pananampalataya at lakas ng mga salita ng Diyos. Palagi akong binabato ng mga pulis ng mga ateistikong kabulaanan, pero sa patnubay ng mga salita ng Diyos, hindi ako naapektuhan kahit kaunti.
Isang araw, dalawang propesor ng unibersidad ang pinasubok nilang gumawa ng kung ano-ano para i-brainwash ako at tuksuhin ako, sinasabing, “Kapag hindi ka sumang-ayon at pumirma sa tatlong sulat, makakakuha ka ng limang taon sa kulungan at paglaon ay mahihirapan kang humanap ng mapapangasawa. Paano mo nagagawang sayangin ang pagkabata mo nang ganito? Sulit ba ito?” Nagkaroon iyon ng epekto sa akin. Naisip ko kung gaano pa ako kabata, at inisip ko kung talagang magdurusa ako roon nang ilang taon. Habang iniisip ko iyon, napagtanto kong nahuhulog ako sa pakana ni Satanas, kaya’t nagmadali akong ipanalangin ito: “Diyos ko! Kamuntik na akong mahulog sa pakana ni Satanas. Protektahan Mo ako para makapagpatotoo ako.” Naalala ko ang ilang linya mula sa himno ng mga salita ng Diyos pagkatapos manalangin: “Ang mga kabataan ay hindi dapat mawalan ng katotohanan, ni hindi sila dapat maging mapagpaimbabaw at makasalanan—dapat silang maging matatag sa wastong paninindigan. Hindi sila dapat magpatangay na lamang, kundi dapat silang magkaroon ng espiritung may tapang na magsakripisyo at makibaka para sa katarungan at katotohanan” (“Ang Dapat Itaguyod ng mga Kabataan” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Alam kong dapat kong matiis ang anumang sakit upang matamo ang katotohanan. Hindi ko puwedeng ipagkanulo ang Diyos para sa pansamantalang ginhawa. Kailangan kong magpatotoo at magbigay-lugod sa Diyos, anuman ang gawin ng mga pulis sa akin. Nang hindi ako magsalita, umalis na sila, wala nang ibang magawa. Nang hapong iyon, bumalik ang pastor at may mapagpanggap na ngiting sinabing, “Nabalitaan kong makukulong ka raw. Hindi mo puwedeng gawin iyon. Hindi makatao ang buhay doon. Palagay mo ba ay makakayanan iyon ng maliit na taong tulad mo?” Nilabas niya ang telepono niya at pinakitaan ako ng ilang litrato ng mga Kristiyanong inabuso at sinabing, “Tingnan mo sila. Ang ilan sa kanila ay nakakuha ng 10 taon, ang ilan ay nakakuha ng 20. Ang ilan sa kanila ay namatay sa kulungan. Nakikita kong tunay na mananampalataya ka. Pirmahan mo lang ang pinapipirmahan nila at maisasagawa mo na ang pananampalataya mo kapag nakalabas ka. Hindi mo kailangang magdusa nang ganito! Pumirma ka na ngayon at ako ang magsasalita para sa iyo. Kung hindi, hindi ka makakaligtas.” Nabagabag ako, iniisip na kapag nasentensiyahan talaga ako, puwede akong pahirapan ng mga pulis kung paano nila gustuhin sa kulungan. Mas matinding paghihirap ang kahaharapin ko. Hindi ko mapigilang matakot, pero alam ko na ang pagpirma sa mga sulat na iyon ay pagkakanulo sa Diyos at magkakaroon ako ng marka ng hayop. Nagdasal ako at tumawag sa Diyos sa aking puso, humihiling sa Kanya ng pananampalataya para makapagpatotoo ako. Sinabi ko sa pastor, “Hindi ako pipirma.” Umalis siya, naguguluhan.
Sinubukan din ng direktor ng tanggapan ng munisipyo laban sa kulto na papirmahan sa akin ang tatlong sulat, galit na sinasabi sa akin, “Dalawang buwan na at wala pa ring nagbabago. Ibang pag-uugali na ang inaasahan ko sa iyo ngayon. Makakauwi ka na kapag sinabi mong hindi ka na sumasampalataya, pero makukulong ka agad kapag sinabi mong sumasampalataya ka! Isa ka pa rin bang mananampalataya?” Gulong-gulo talaga ako. Kapag umoo ako ay makukulong ako, at walang nakakaalam kung anong klaseng pagpapahirap ang naghihintay sa akin doon. Pero kapag humindi ako ay ipagkakanulo ko ang Diyos. Nagdasal ako, hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng lakas ng loob, at naramdaman kong handa na akong magpatotoo. Noon lamang, naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Nagawa ni Jesus na tapusin ang atas ng Diyos—ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan—dahil ibinigay Niya ang masusing pangangalaga sa kalooban ng Diyos, nang walang pansariling mga plano at pagsasaayos. Nagawa Niyang ilagay ang plano ng pamamahala ng Diyos sa pinakasentro, at palaging nanalangin sa Ama sa langit at hinangad ang kalooban ng Ama sa langit. Nanalangin Siya at nagsabi: ‘Diyos Ama! Ganapin ang Iyong kalooban, at kumilos hindi ayon sa Aking mga kagustuhan kundi ayon sa Iyong plano. Maaaring mahina ang tao, ngunit bakit Ka dapat mag-alala para sa kanya? Paano magiging karapat-dapat ang tao sa Iyong pag-aalala, ang tao na tulad ng isang langgam sa Iyong kamay? Sa Aking puso, nais Ko lamang na tuparin ang Iyong kalooban, at nais Ko na Iyong magawa ang nais Mong gawin sa Akin ayon sa Iyong sariling mga kagustuhan’” (“Tularan ang Panginoong Jesus” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Nagdusa ang Panginoong Jesus habang naglalakad Siya para maipako sa krus. Nagkaroon Siya ng kahinaan ng laman, pero nagawa Niyang tumuon sa pagtupad sa atas ng Diyos. Nagpasakop Siya sa mga pagsasaayos ng Diyos sa kabila ng pisikal na sakit. At si Pedro ay handang sumunod hanggang sa kamatayan para sa pag-ibig niya sa Diyos, para pabaligtad na maipako sa krus para sa Diyos. Anong halaga ng kaunti kong paghihirap? Pinalakas ng mga salita ng Diyos ang aking pananampalataya at hindi na ako natakot. Ipinasya kong kahit na makulong ako, magpapatotoo ako para sa Diyos! Mariin kong sinabing, “Kung ganoon ay magpapakulong ako.” Nagagalit, sumagot siya, “Magbalot ka na, pupunta ka na sa kulungan bukas.” Tapos ay binagsak niya ang pinto at galit na naglakad palayo. Ang nakakagulat, makalipas ang dalawang araw, dumating ang apat na pulis galing sa lokal na istasyon ko ng pulis at nagsabing pauuwiin na nila ako. Sa sandaling iyon ay naramdaman ko kung gaano talaga kamangha-mangha ang gawain ng Diyos, at nadama ko ang Kanyang malasakit at awa para sa akin. Dinala ako ng mga pulis sa bayan at nagtala ng berbal na salaysay, at sinabihan akong magpakita sa istasyon isang beses kada linggo. Sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos, paglaon ay tumakas ako sa lugar na iyon at nagawang muli ang tungkulin ko.
Tumatak sa akin ang aking pagkakaaresto at pagpapahirap ng mga pulis. Nakita ko kung gaano kalupit at hindi makatao ang Komunistang Partido. Lubusan kong nakita ang kanilang diwa na lumalaban sa Diyos. Labis kong kinamumuhian ang mga demonyong iyon. Naranasan ko rin ang kapangyarihan at awtoridad ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga pagsubok at paghihirap, patuloy na ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para patnubayan ako at bigyan ako ng pananampalataya at lakas. Nalaman ko na ang Diyos lang ang nagmamahal sa atin, at ang mga salita ng Diyos lang ang puwede nating maging buhay. Lalong lumago ang pananampalataya ko sa Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.