Pagpupuri Sa Desperadong Mga Panahon

Enero 16, 2022

Ni Dong Mei, Tsina

Isang araw noong Disyembre ng 2011 bandang alas siyete ng umaga, gumagawa ako ng imbentaryo ng iglesia kasama ang isang kapatid nang biglang sumugod ang higit sa sampung pulis at sumigaw: “Walang gagalaw!” Tapos ay sinimulan nila kaming kapkapan nang sapilitan na parang isang grupo ng mga magnanakaw at pinasok ang bawat kuwarto, hinahalughog at binabaligtad ang lahat. Sa ilang saglit lang, sobrang nagulo ang lugar. Bukod sa iba pang bagay, may nakita silang ilang pagmamay-ari ng iglesia, tatlong bank card, mga resibo ng savings account, isang computer, at isang cell phone at sinamsam nila ’yon lahat. Tapos ay dinala nila kami sa istasyon ng pulis.

Nang hapong iyon, may tatlong iba pang kapatid na inaresto ng mga pulis at ikinulong kaming lahat sa isang silid. Pinagbawalan kaming magsalita at nang gabing iyon, hindi nila kami pinayagang matulog. Ang makita ang mga kapatid na iyon na nakakulong at iniisip kung paanong pinansiyal na maaapektuhan ang iglesia, sumama ang loob ko at tahimik na nagdasal sa Diyos: “Mahal kong Diyos! Hindi ko talaga alam kung anong gagawin sa sitwasyong ito. Ipinagdarasal kong tulungan Mo akong mapayapa ang puso ko.” Pagkatapos magdasal, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang sumagi sa isip ko: “Alam mong ang lahat ng bagay sa iyong kapaligiran ay naroon dahil sa Aking pahintulot, Ako ang nagsasaayos nitong lahat. Tingnan ito nang malinaw at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Unti-unting napayapa ang isip ko at napagtanto ko na ang lahat ng nangyayari nang araw na iyon ay may pahintulot ng Diyos at dapat akong magpatotoo para sa Kanya. Sa sandaling naunawaan ko ang layunin ng Diyos, nagdasal ulit ako sa Kaniya, sinasabing, “Mahal kong Diyos! Handa akong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos Mo at tumayong saksi para sa Iyo, pero mababa ang tayog ko, kaya ipinagdarasal kong bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas.” Kinaumagahan ng ikalawang araw, isa-isa kaming tinanong ng mga pulis. Mayabang na sinabi ng pulis na nagtatanong sa akin: “Alam kong isa kang lider ng iglesia. Minamanmanan ka na namin sa nakaraang limang buwan …” Nang detalyado niyang inilarawan sa akin kung paano nila ako minamanmanan, nagulantang ako at napaisip: “Inilaan ng CCP ang lahat ng oras at lakas na ito sa paghuli at pag-aresto sa amin, at ngayong alam na nilang isa akong lider ng iglesia, siguradong hindi nila ako basta-basta pakakawalan.” Tahimik akong nagdasal at gumawa ng isang kapasyahan: “Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa pagtaksilan ang Diyos tulad ni Judas.” Nang wala silang napala sa interogasyon, nagtalaga sila ng isang tao para bantayan ako at hindi ako patulugin.

Sa ikatlong araw ng interogasyon, binuksan ng head officer ang kanyang computer at ipinakita sa akin ang ilang impormasyon na naninirang-puri at nilalapastangan ang Diyos. Tinanong din niya ako tungkol sa kinalalagyan ng pondo ng iglesia. Nang hindi ako sumagot, nagwala siya sa galit, minumura at binabantaan ako, sinasabing: “Ayos lang kung ayaw mong magsalita. Pananatilihin ka namin dito hanggang kailan namin gusto at pahihirapan ka sa tuwing gusto namin.” Kinagabihan, nagsimula ang pagpapahirap. Hinila nila ang isang braso ko pataas sa aking balikat at pagkatapos ay pababa sa likod ko. Hinila nila ang isa ko pang braso sa likod ko at pagkatapos ay iniangat ito. Tapos ay tinapakan nila ang likod ko at malakas na hinila ang mga kamay ko at magkasamang pinosasan. Sumigaw ako sa sakit. Pakiramdam ko’y pinaghihiwalay ang mga kalamnan at buto ko sa balikat. Ang nagawa ko na lang ay lumuhod sa sahig habang ang ulo ko’y nasa lapag, hindi makagalaw. Naisip ko na baka ang pag-iyak ko ay magpapagaan sa ginagawa nila, pero sa halip, naglagay pa talaga ng tasa ng tsaa ang mga pulis na iyon sa pagitan ng nakaposas kong mga kamay at likod ko. Pakiramdam ko’y nababali ang mga buto ko. Labis ang sakit na nararamdaman ko na halos hindi ako makahinga at nagsimulang tumulo sa mukha ko ang malamig na pawis. Tapos, nakakita ng pagkakataon ang isa sa mga pulis at sinabing: “Ang kailangan mo lang gawin ay magsabi ng isang pangalan at pakakawalan ka namin.” Tahimik akong tumawag sa Diyos para protektahan ang puso ko, at sa sandaling iyon may isang himno na sumagi sa isip ko. “Diyos sa katawang-tao’y nagdurusa, gaano pa kaya ako? Kung nagparaya ako sa kadiliman, paano ko makikita ang Diyos? Kapag iniisip ko ang mga salita Mo, mas lalo Kitang inaasam. Sa tuwing nakikita ko ang Iyong mukha, sa bagbag ng budhi ko, nagpupugay ako sa’Yo. Pa’no Kita iiwan para hanapin ’di-umano’y kalayaan? Mas nais kong magdusa upang hilumin puso Mong nalulumbay” (“Naghihintay sa Mabuting Balita ng Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Sobra akong naantig ng himno. Naisip ko kung paanong nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito sa mundong ito para iligtas tayo, kung paano Niya naranasan ang pag-uusig at paghabol ng CCP at nilabanan at kinondena ng sangkatauhan. Ang Diyos ay banal at hindi dapat magdusa, pero tahimik Siyang nagtitiis para iligtas tayong lahat. Kaya’t ano ang kaunting pagdurusa para sa isang katulad kong ginawang tiwali ni Satanas? Kung hindi ko matiis ang sakit at sumuko ako kay Satanas, hindi ba’t mahihiya akong magpakita sa harap ng Diyos? Sa pag-iisip ng lahat ng ito, pakiramdam ko’y pinatibay ako ng isang panloob na lakas. Halos isang oras akong pinahirapan ng mga pulis at nang sa wakas ay niluwagan nila ang mga posas, nanghihina akong bumagsak sa sahig, pero sinigawan lang nila ako: “’Pag hindi ka nagsalita, ipoposas ka ulit namin sa likuran!” Saglit ko silang tiningnan at hindi sumagot. Pagkatapos na pagkatapos noon, isang pulis ang dumating at ipinosas ako ulit sa likuran. Medyo natakot ako, inaasahan ang matinding sakit na iyon kaya’t tuloy-tuloy akong nagdasal sa Diyos. Nakamamangha, nang lumapit ang pulis para hilahin ang mga braso ko sa aking likuran, hindi gumalaw ang mga braso ko at wala akong naramdamang anumang sakit. Pinagod nila ang kanilang sarili sa kakahila sa mga braso ko pero hindi nila ako naposasan. Hinihingal nilang sinabi: “Lumalaban ka pa rin ha!” Alam kong ito ang Diyos na nagbabantay sa akin at nagbibigay sa akin ng lakas.

Kahit papaano’y nakaligtas ako hanggang madaling araw kinabukasan. Nangingikig pa rin ako kapag binabalikan ko sa isip ko kung paano ako pinahirapan ng mga pulis na iyon. Binantaan nila ako, sinasabing ’pag hindi ako nagsalita, dadalhin nila ako sa liblib na kagubatan at papatayin ako at sa tuwing mayroon silang bagong naaaresto, sasabihin nila sa mga ito na pinagtaksilan ko ang iglesia, para masira ang reputasyon ko at kamumuhian at tatalikuran ako ng mga kapatid. Bahagya akong naduwag at nanghina dahil sa lahat ng ito. Naisip ko: “Mas mabuti pang mamatay ako. Kahit papaano’y hindi ko pagtataksilan ang Diyos tulad ni Judas at hindi ako tatalikuran ng mga kapatid, makalalaya pa ako sa pagdurusa at paghihirap ng aking laman.” Kaya naghintay ako hanggang sa hindi nakatingin ang mga pulis na nagbabantay sa akin at pagkatapos ay buong lakas kong inuntog ang ulo ko sa pader. Pero nahilo lang ako sa ginawa ko, hindi ako namatay. Nang sandaling iyon, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Kapag mali ang pakahulugan sa iyo ng iba, nagagawa mong manalangin sa Diyos at sinasabi: ‘O Diyos! Hindi ko hinihiling na pagtiisan ako ng iba o tratuhin ako nang maayos, ni maintindihan o sang-ayunan nila ako. Hinihiling ko lamang na magawa kong ibigin Ka sa puso ko, na mapalagay ako sa aking puso, at na maging malinis ang aking konsiyensya. Hindi ko hinihiling na purihin ako ng iba, o tingalain ako; hinahangad ko lamang na mapalugod Ka mula sa aking puso; …’(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Tama ’yan. Sinusuri ng Diyos ang ating mga puso at isip. Kung ako’y maling inakusahan ng mga pulis at ’di ako naunawaan ng mga kapatid at tinalikuran nila ako dahil hindi nila alam ang katotohanan, ang lahat ng ito’y may pinakamagagandang layunin ng Diyos. Sinusubok ako ng Diyos at ginagawang perpekto ang aking pananampalataya. Dapat kong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, tumayong saksi, at mapalugod Siya. Sa sandaling naunawaan ko na ang pakana ng demonyo, bigla akong nakaramdam ng sobrang pagkapahiya at konsensya. Nakita ko kung gaano kakulang ang pananampalataya ko sa Diyos. Kung nagdusa kahit kaunti lang ang aking laman, hindi ko kayang manindigan at ginustong takasan ang sitwasyon sa pamamagitan ng kamatayan. Napakahina ko! Binabantaan ako ng mga pulis para pagtaksilan ko ang Diyos, kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos, nahulog na sana ako sa pakana ni Satanas. Sa pag-iisip sa mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaliwanagan. Ayokong mamatay, gusto kong mabuhay, tumayong saksi, at ipahiya si Satanas.

Tinanong ako ng dalawang pulis na nagbabantay sa akin kung bakit ko iniumpog ang ulo ko sa pader. Sinabi kong sinaktan ako ng isa pang pulis. Tumawa ang isa sa mga pulis at sinabing: “Narito lang kami para turuan ka, ’wag kang mag-alala, nangangako akong hindi namin hahayaang saktan ka ulit nila.” Nang sabihin niya iyon, naisip ko: “Hindi gano’n kasama ang dalawang pulis na ito. Tinrato nila ako nang maayos sa buong panahong ito.” Kaya nakampante ako. Sa sandaling ’yon, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking bahay para sa Akin; … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na iba’t-iba ang anyo ng mga pakana ng demonyo. Hindi ako puwedeng malinlang ng kanilang panlabas na anyo, kailangan kong mag-ingat sa lahat ng oras. Sa gulat ko, mabilis nilang ipinakita ang kanilang tunay na kulay. Nagsimulang magsabi ng mga bagay na mapanirang-puri tungkol sa Diyos ang isa sa mga pulis, at ang isa naman ay umupo sa tabi ko, tinatapik-tapik ang hita ko, habang binibigyan ako ng malaswang tingin at nagtatanong tungkol sa pondo ng iglesia. Sa gabi, hinahawakan pa niya ang dibdib ko kapag nakakatulog ako. Nang magsimula silang ipakita ang tunay nilang kulay, galit na galit ako. Nakita kong ang dapat sana’y Pulis ng mga Tao na ito ay walang iba kundi grupo ng mga sanggano at magnanakaw. Gumawa sila ng mga gayong kasuklam-suklam na bagay!

Sa sumunod na ilang araw, nagpalitan ng shift ang mga pulis at hindi ako hinayaang makatulog. Tinanong din nila ako tungkol sa lokasyon ng pondo ng iglesia. Nang hindi ko sabihin sa kanila, naging galit ang pagkadismaya nila, at ang isa sa kanila ay nagsimulang paulit-ulit akong sampalin sa mukha. Namaga ang mukha ko at namanhid dahil sa pananampal. Dahil hindi ko pa rin ibinibigay ang gusto nila, hind sila tumigil sa kanilang pagpapahirap. Isang gabi, sinigawan ako ng isang head officer: “Matigas ang ulo mo. Sinusubukan mo ang pasensya ko ano? Alam kong kaya kitang pasukuin. Marami na akong hinarap na mas matigas pa ang ulo kaysa sa’yo. Siguro, dapat na naming tigilan ang paglalaro kung gusto naming magsalita ka!” Pagkatapos ay nag-utos siya at sinimulan ng ilang pulis ang pagpapahirap. Pinayuko nila ako sa sahig, at hinila ang nakaposas kong mga kamay sa harap ng aking mga binti. Tapos ay naglagay sila ng kahoy na poste sa pagitan ng aking mga kamay at binti, habang nakabaluktot ang katawan ko. Tapos ay itinaas nila ang poste at ipinatong ito sa pagitan ng dalawang lamesa, iniwan ang katawan kong nakabitin sa ere habang nakatiwarik ang aking ulo. Nang una nila akong ibinitin, nagsimulang sumakit ang ulo ko, at kinapos ako ng hininga na parang masasakal na ako. Dahil nakatiwarik ako, ang lahat ng bigat ko’y nasa aking mga pulsuhan. No’ng una, para maiwasang dumiin sa balat ko ang ngipin ng posas, pinagdikit ko ang mga kamay ko at binaluktot ang katawan ko, pirming nanatili sa ganitong posisyon. Pero unti-unti, napagod na akong buhatin ang sarili ko, at dumulas ang mga kamay ko mula sa aking mga bukong-bukong papunta sa aking mga tuhod. Malalim na bumaon sa mga pulsuhan ko ang posas, na nagdulot ng labis na sakit. Matapos ibitin nang halos kalahating oras, pakiramdam ko’y naipon sa ulo ko ang lahat ng dugo sa aking katawan, at sobrang sakit ng ulo at mga mata ko na akala ko sasabog ang mga ito. Malalim na dumiin ang posas sa mga pulsuhan ko at namaga ang mga kamay ko na parang mga lobo. Pakiramdam ko’y nasa bingit ako ng kamatayan at desperado akong sumigaw: “Hindi ko na kaya, ibaba n’yo ako!” Pero umangil lang ang pulis: “Walang makapagliligtas sa’yo, ikaw lang ang makapagliligtas sa sarili mo. Bigyan mo lang kami ng isang pangalan at ibababa ka namin.” Saka lang nila ako ibinaba nang malinaw na napakasama na ng lagay ko. Tapos ay pilit nila akong pinainom ng kaunting glucose syrup at ipinagpatuloy ang interogasyon. Bumagsak ako sa sahig, ipinikit ang aking mga mata, at hindi sila pinansin. Sa gulat ko, ibinitin ako ulit ng mga pulis na iyon. Sa pagkakataong ito, tuluyan nang nanghina ang mga braso ko, kaya kinailangan ko na lang tiisin habang dumidiin ang posas sa mga pulsuhan ko, ang mga ngipin nito ay sumusugat sa aking laman. Sumigaw ako sa matinding paghihirap at sobrang pagod na para magpumiglas. Naging mahina ang paghinga ko, at akala ko sa pagkakataong iyon ay mamamatay na talaga ako. Sa bingit ng kamatayan, kinausap ko ang Diyos sa aking isip: “Mahal kong Diyos! Ngayon na talagang nasa bingit ako ng kamatayan, takot na takot ako. Pero kahit na mamatay ako ngayong gabi, pupurihin pa rin Kita. O Diyos! Nagpapasalamat ako sa pagliligtas Mo sa akin mula sa masamang mundong ito at sa pagdadala Mo sa akin sa Iyong harapan. Dinala Mo ako sa Iyong mainit na yakap no’ng ako’y nagpapagala-gala at naliligaw. Mahal kong Diyos! Lubos kong tinamasa ang Iyong biyaya at masaganang pagtustos ng buhay, pero ngayon lang na ang buhay ko’y malapit nang magwakas ko napagtanto na hindi ko natupad ang tungkulin ko para suklian ang Iyong pagmamahal. Maraming beses Kitang nasaktan at binigo. Naging tulad ako ng isang ’di makatwirang anak na tinatamasa lang ang pagmamahal ng kanyang mga magulang, pero hindi gumawa kailanman ng anumang bagay para suklian ang mga ito. Ang pinakapinagsisisihan ko ngayon ay na kahit kailan ay wala akong anumang ginawa para sa Iyo, at malaki ang pagkakautang ko sa Iyo. Kung makakaalis ako rito ng buhay, tutuparin ko talaga ang aking tungkulin. O Diyos, ipinagdarasal ko na bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas, at alisin ang takot ko sa kamatayan para matatag akong makaharap …” Umagos ang luha ko pababa sa noo ko, at ang naririnig ko lang ay ang tunog ng orasan, para bang binibilang nito ang aking natitirang ilang minuto. Sa sandaling ’yon, may milagrosong nangyari. Para bang niyakap ako ng init ng araw, at unti-unting nawala ang sakit na nararamdaman ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Tama ’yan. Ang Diyos ang naghahari sa ating kapalaran. Desisyon ng Diyos kung ako’y mabubuhay o mamamatay. Dapat kong ilagay ang sarili ko sa mga kamay ng Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos. Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng kapayapaan at katahimikan ng kalooban, at nakatulog ako. Natakot ang mga pulis na mamamatay ako, kaya ibinaba nila ako at dali-daling binigyan ako ng tubig at glucose. Nang oras na iyon, habang nanginginig sa bingit ng kamatayan, nasaksihan ko ang mga milagrosong gawain ng Diyos.

Patuloy na panaka-naka akong ibinitin ng mga pulis sa buong gabing iyon at tinatanong ako sa kinaroroonan ng pondo ng iglesia. Dahil wala akong sinasabing kahit ano sa kanila, patuloy lang nila akong pinahirapan. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang libu-libong taon ng poot ay naiipon sa puso, nakaukit sa puso ang libu-libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito pupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway, huwag nang hayaan pa itong patuloy na magwala, at huwag na itong hayaang magsimula pa ng problema hangga’t gusto nito! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ang mga salita ng Diyos ay nagtanim sa akin ng labis na kumpiyansa at lakas. Makikipaglaban ako hanggang kamatayan kay Satanas. Dapat akong tumayong saksi para sa Diyos kahit pa ikamatay ko ito. Sa gabay ng mga salita ng Diyos, parang nakalimutan ko ang aking pasakit. Pagkatapos no’n, sa tuwing ibinibitin nila ako, pinalakas ng mga salita ng Diyos ang loob ko at binigyan ako ng lakas. Habang lalo nila akong ibinibitin, mas malinaw kong nakita ang mala-demonyo nilang diwa, at mas naging desidido ako sa pagnanasa kong tumayong saksi para sa Diyos at mapalugod Siya. Sa huli, lubos silang napagod at nagsama-sama, sinasabing: “Karamihan ay ’di tumatagal nang higit sa tatlumpung minuto. Mukhang isa siyang matatag na tao para tumagal nang ganoong katagal!” Nang marinig ko ito, sobrang nasabik ako at naisip: “Sa pagsuporta sa akin ng Diyos, hindi ninyo ako kailanman mapapatumba!” Sa siyam na araw at gabi ko sa istasyon ng pulis, walang tigil akong pinahirapan at sinaktan ng mga pulis at hindi ako pinatulog. Sa sandaling pumikit ang mga mata ko, pupukpukin nila ang lamesa ng batuta at sasabihan akong tumayo o tumakbo. Minsan, sisigawan lang nila ako. Gusto nila akong gupuin at magkaroon ng mental breakdown. Pagkatapos ng siyam na araw, hindi pa rin nakuha ng mga pulis ang gusto nila, kaya dinala nila ako sa isang hotel at puwersahang hinila ang nakaposas kong mga kamay pababa sa aking mga paa. Tapos ay naglagay sila ng isang kahoy na poste sa pagitan ng aking mga braso at binti nang sa gayo’y pabaluktot akong nakaupo na parang bola sa sahig. Sa sumunod na ilang araw, buong araw nila akong pinanatili sa posisyong iyon sa sahig. Malalim na bumaon ang posas sa balat ko at naging kulay lila at namaga ang mga kamay at pulsuhan ko. Sobrang sakit ng aking pang-upo na ni hindi ako nangahas na hawakan ito. Pakiramdam ko’y nakaupo ako sa isang kamang puno ng karayom. Isang araw, nakita ng isa sa mga chief officer na hindi sila umuusad, kaya lumapit siya sa akin at napakalakas akong sinampal na dalawa sa mga ngipin ko ay natanggal. Sa huli, dalawang section chief na mula sa Provincial Public Security Department ang dumating. Pagkarating na pagkarating nila, tinanggal nila ang posas ko, iniupo ako sa sofa at binigyan ng isang basong tubig. Nagpanggap silang may maawaing tono, sinasabing: “Napakahirap ng mga nakaraang araw para sa iyo. Sumusunod lang sila sa mga utos, ’wag mo silang sisihin …” Nagtiim ang bagang ko sa pagkamuhi sa kanilang huwad na kabutihan. Tapos ay binuksan nila ang kanilang computer at ipinakita sa akin ang ilang huwad na ebidensiya at nagpahayag ng maraming kalapastanganan at akusasyon laban sa Diyos. Galit na galit ako at gusto kong makipagtalo sa kanila, pero alam kong mas lalo lang nilang lalapastanganin ang Diyos. Sa sandaling iyon, tunay kong naramdaman na alam ko kung gaano kahirap para sa Diyos na magkatawang-tao, at kung gaanong kahihiyan ang pinagdusahan Niya para iligtas ang sangkatauhan. Nakita ko rin kung gaano kasuklam-suklam at kababa ang demonyo. Tahimik akong nangako na lubusang puputulin ang ugnayan kay Satanas at ipapangako ang aking katapatan sa Diyos magpakailanman. Pagkatapos no’n, gaano man nila ako subukang himukin, ’di ko na lang sila pinansin. Hindi ako makumbinsi ng mga section chief at mabilis na umalis ang mga ito.

Sa sampung araw at sampung gabi ko sa hotel, halos walang tigil akong ipinosas ng mga pulis nang nakapalibot ang mga braso ko sa aking mga binti habang nakayukyok ako sa sahig. Mula nang naaresto ako, sa buong labinsiyam na araw ko sa istasyon ng pulis at sa hotel, hindi ako kailanman pinatulog ng mga pulis. Ang pinakanakuha ko lang ay ilang sandali ng pahinga habang hindi sila nakatingin. Sa sandaling nakita ng isa sa mga pulis na nakapikit ako, pinupukpok nila ang lamesa, sinisipa ako, sumisigaw o inuutusan akong tumakbo. Sa tuwing nagugulat ako, marahas na nanginginig ang puso ko at palagi akong balisa. Isama pa ang pagpapahirap, labis akong nagupo at namaga ang buong katawan ko. Nagdoble ang paningin ko, at para bang napakalayo ng mga boses at tunog. Naging napakabagal din ng reaksiyon ko. Sa pamamagitan lang ng kapangyarihan ng Diyos na nakayanan ko ang labis na paghihirap na iyon. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan Siyang kasama ng tao sa lahat ng oras. Siya ang puwersang nag-uudyok sa pamumuhay ng tao, ang ugat ng pag-iral ng tao, at isang mayamang lagak para sa pag-iral ng tao pagkatapos ng kapanganakan. Siya ang sanhi upang muling isilang ang tao, at binibigyang-daan siyang isabuhay nang masigasig ang bawat papel niya. Salamat sa Kanyang kapangyarihan at sa Kanyang di-mapapawing puwersa ng buhay, nabuhay ang tao sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi, kung saan sa kabuuan nito ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ang pangunang sandigan sa pag-iral ng tao, at binayaran ng Diyos ang isang halagang wala pang isang karaniwang tao ang nakapagbayad. Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, bukod-tangi ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway ang Kanyang buhay na puwersa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Sa pamamagitan ng karanasang ito, nasaksihan ko ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Pinasalamatan at pinuri ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso. Sa huli, walang nakuhang anumang impormasyon sa akin ang mga pulis kaya ipinadala nila ako sa detention house.

Habang papunta sa detention house, sinabi sa akin ng dalawang pulis: “Napakagaling ng ginawa mo. Maaaring nasa dentention house nga kayo, pero mabubuti pa rin kayong tao. Mayroong lahat ng uri ng tao roon: mga drug dealer, mamamatay-tao, prostitute, kahit anong maisip mo.” Tinanong ko sila: “Kung alam n’yong mabubuti kaming tao, bakit n’yo kami inaaresto? Hindi ba’t ipinapahayag ng bansa na mayroong kalayaan sa relihiyon?” Sabi nila: “Nagsisinungaling ang CCP sa inyo. Pinapasuweldo kami ng CCP, kaya siyempre kailangan naming gawin kung anong sinasabi nila. Wala kaming anumang galit sa inyo, kailangan lang naming arestuhin kayo dahil naniniwala kayo sa Diyos.” Matapos kong makipag-usap sa kanila at balikan sa isip ko ang lahat ng aking naranasan, bigla kong naalala ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga pandarayang lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko kung paano itinataas ng CCP ang sarili nito sa pamamagitan ng panlilinlang sa publiko. Ipinapahayag nilang sinusuportahan nila ang kalayaan sa relihiyon, pero ang totoo, marahas nilang inaaresto, pinipigilan at pinagmamalupitan ang mga mananampalataya sa Diyos, walang kabuluhang sinusubukang pagbawalan ang gawain ng Diyos. at walang hiyang ninanakaw ang pondo ng iglesia. Ang lahat ng ito’y lubusang inilalantad ang kanilang mala-demonyong kalikasan na galit sa katotohanan at galit sa Diyos.

Marami akong pinagdaanang pagdurusa at pagpapahirap sa detention house, pero ang salita ng Diyos ay palaging pinapalakas ang loob ko at binibigyan ako ng lakas at pananampalataya. Nang bigyan ako ng gawain sa detention house, kumakanta ako ng mga himno at tahimik na nagninilay tungkol sa pagmamahal ng Diyos. Pakiramdam ko’y mas malapit sa akin ang Diyos kaysa dati.

Kalaunan, kinuha ng mga pulis ang lahat ng pera sa tatlong bank card na kinumpiska nila. Talagang nagalit ako na makitang napasakamay nila ang pondo ng iglesia at kinamuhian ko ang mga demonyong iyon sa bawat hibla ng aking katawan. Sa huli’y nag-imbento sila ng isang ’di napatunayang akusasyon ng “panggugulo sa pampublikong kaayusan” at hinatulan ako ng isang taon at tatlong buwan ng muling pagtuturo sa pamamagitan ng paggawa.

Sa pamamagitan ng malupit na pag-uusig ng CCP, nakita ko ang kanilang mala-demonyong diwa na lumalaban sa Diyos at nagagalit sa Diyos at isinumpa at tinalikuran ko sila. Kasabay nito, naranasan ko rin ang pagmamahal at kaligtasan ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin sa mga pinakamahirap na araw at gabi, at tinulungan akong makaligtas sa brutal na pang-aabuso at pag-uusig ni Satanas. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagtakas sa Pangil ng Kamatayan

Ni Wang Cheng, Tsina Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan Siyang kasama ng...