Isang Sandali ng Pagpili
Isinilang ako sa probinsya at lumaki ako sa isang mahirap na pamilya. Mga simpleng magsasaka lang ang aking mga magulang na madalas apihin. Noong bata pa ako, isinumpa ko na paglaki ko, magiging matagumpay ako, babaguhin ko ang tingin ng ibang taga-nayon sa amin para matigil na ang pangmamaliit at pang-aapi nila sa amin. Nagsimula akong mag-aral ng martial arts noong 11 taong gulang ako, at kahit nakakapagod ito at nasusugatan ako, hindi ko inurungan kailanman ang pagsasanay, gaano man katindi ang lagay ng panahon. Kalaunan, sa pagnanais kong makapagnegosyo at mamukod-tangi sa karamihan, kung saan-saan ako napadpad para mangutang, magbigay ng mga regalo, at makipag-ugnayan. Sa wakas, noong 1999, matagumpay kong naiparehistro ang isang paaralan ng martial arts.
Pagkatapos maitatag ang paaralan, lalo itong lumago sa ilalim ng masigasig kong pamamahala, at lumaki ang kita namin. Tinangkilik ito ng mga lokal at nadama ng mga magulang ko na nakapagdala ako ng karangalan sa aming pamilya. Ipinagmalaki nila ako nang husto. Kinagiliwan ako ng lahat ng estudyante at mga magulang nila, at lubos akong pinahalagahan ng Kawanihan ng Palakasan ng Lungsod at ng alkalde ng bayan. Magiliw silang lahat sa akin. Ang makita ang paghanga ng lahat ay nagparamdam sa akin na napakahalaga ko at labis na iginagalang at lubos na natupad ang inaasam kong katayuan. Pakiramdam ko’y nagtagumpay na ako sa wakas at napakasaya ko. Nakibahagi ako sa maraming okasyong may pagtitipon para tulungan ang paaralan na magkaroon ng matibay na suporta, at nagbigay ng mga suhol sa iba’t ibang departamento at nagpadala ng mga regalo sa mga lider tuwing may kapistahan para parangalan nila ako at maitaguyod ang paaralan. Para magpalakas sa kanila, nakapagsabi at nakagawa ako ng hindi mabilang na panlilinlang, sa takot na kung pumalpak ako sa isang opisyal, masasayang ang lahat ng pagsisikap kong maitatag ang aking negosyo, katayuan at reputasyon. Palagi akong balisa at hindi makampante. Nakakapanghina ito ng katawan at isipan, at isang mahirap at nakakapagod na paraan para mabuhay. Naguluhan ako: Matagumpay ang negosyo ko at pareho kong nakuha ang karangalan at pakinabang, kaya bakit napakahirap at nakakapagod ng buhay?
Pagkatapos, noong Mayo ng 2012, tinanggap ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pakikipagtipon at pakikisalamuha ko sa mga kapatid sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, nakita kong isa itong lugar na walang transaksyon ng kapangyarihan at pera, walang panlilinlang at intriga. Nakatuon ang lahat sa paghahangad ng katotohanan, at nakapagtatapat sila sa bahaginan at nakikilala ang sarili kapag nagpapakita sila ng katiwalian, at hinahanap nila ang katotohanan para lutasin ito. Isang bagay iyon na hindi ko nakita sa lipunan. Naramdaman kong ang landas ng pananampalataya ang tamang landas na dapat tahakin sa buhay. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nalaman ko na sa mga huling araw, ginagawa ng Diyos ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagpaparusa sa kasamaan, at tanging ang mga tunay na nananalig sa Diyos at naghahangad ng katotohanan ang magkakaroon ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at maliligtas sila sa huli at mapoprotektahan sa gitna ng matitinding sakuna. Para sa mga walang pananampalataya o hindi naghahangad ng katotohanan, gaano man sila kahusay magpatakbo ng negosyo o gaano man karami ang pera nila, mawawalan ng saysay ang lahat ng ito sa huli, at hindi nila maililigtas ang sarili nilang buhay. Nang maunawaan ko na ang lahat ng iyon, hindi na ako gaanong nakatuon sa pag-unlad ng paaralan, kundi lumabas ako upang magbahagi ng ebanghelyo sa bakanteng oras ko para mas maraming tao ang makalapit sa Diyos at matanggap ang Kanyang pagliligtas.
Suportado nila ito noong una. Kalaunan, nakita ng panganay kong anak na lalaki sa balita na inaapi at inaaresto ng gobyerno ang mga mananampalataya. Nagsimula siyang tumutol sa aking pananampalataya, sa takot na makakaapekto ito sa paaralan, at nagbanta siyang isusumbong niya ako sa pulis. Pinayuhan din ako ng isang opisyal ng pamahalaan na naging kasundo ko, “Hindi pinapayagan ang pananampalataya sa bansang ito. Dapat mong isuko ang pananalig mo. Kung maaaresto ka, hindi ka lamang masesentensiyahan, maipapasara din pati ang paaralan mo. Hindi ba nun sisirain ang pamilya mo?” Sinabi ko sa kanyang ito ang tunay na daan at determinado akong panatilihin ang aking pananampalataya hanggang sa huli. Nang hindi niya ako makumbinsi, sinabi niya sa asawa ko ang ilang kasinungalingan ng Partido Komunista na paninira sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sinabi rin niya na pangunahing target ng pag-aresto ng pamahalaan ang mga mananampalataya ng Kidlat ng Silanganan, at maaapektuhan ang mga susunod na henerasyon ng kanilang mga pamilya, na hindi makakapasok sa kolehiyo ang kanilang mga anak at hindi papayagang pumasok sa militar o maging opisyal ng pamahalaan. Nang marinig ito ng asawa ko, inaway niya ako, natakot siya na madamay ang aming mga anak sa pananampalataya ko, at pinagbantaan akong hihiwalayan niya ako. Napakasakit nun para sa akin. Nakapagtapos na sa graduate school at may magandang trabaho ang ikalawa kong anak na lalaki. Kung mawalan siya ng trabaho dahil sa pananampalataya ko, tiyak na kokomprontahin niya ako. Isa pa, umaasenso na ang paaralang pinaghirapan kong maitayo. Kung maipasara ito balang araw dahil sa pananampalataya ko sa Diyos, mauuwi sa wala ang maraming taong pagtatrabaho ko. Ano ang iisipin ng mga kapitbahay ko tungkol sa akin? Sa maikling panahon, nawalan ako ng ganang kumain, at hindi makatulog. Nakaramdam ako ng panghihina at pagkalungkot at naisipan ko ring talikuran ang pananampalataya ko. Pero alam kong iyon lamang ang daan para makamit ang kaligtasan, hindi pwedeng hindi ako manampalataya.
Ipinagtapat ko ang aking kalagayan sa isang pagtitipon kalaunan. Nagbahagi sa akin ang lider ng maraming salita ng Diyos, pati na ang siping ito: “Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gampanan ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Nagbahagi siya: “Nasa mga kamay ng Diyos ang ating kapalaran at mula sa sandaling isilang ang bawat isa sa atin, ang mararanasan natin sa buhay na ito, ang mga balakid at paghihirap na haharapin natin ay pauna nang itinakda ng Diyos. Na nagagawa nating manampalataya at tanggapin ang kaligtasan ng Diyos ngayon ay paunang itinakda rin Niya. Ang katunayan na tayo ay mga mananampalataya sa Tsina at sumasailalim sa pang-aapi at paghihirap na ito ay may pahintulot ng Diyos, at ginagamit Niya ang mga bagay na ito upang gawing perpekto ang pananampalataya at katapatan ng mga taong hinirang ng Diyos. Kung maaaresto ka man, kung maipapasara man ang paaralan mo, anuman ang magiging hinaharap ng mga anak mo, ay ganap na nasa mga kamay ng Diyos. Walang taong makapagpapasya nun, at wala rin sa pamahalaan ang huling salita.” Nagbigay-liwanag sa akin ang mga salita ng Diyos at ang pagbabahagi ng lider. Totoo ‘yan. Naipamuhay ko na ang halos buong buhay ko at nagkaroon ng maraming karanasan, at hindi nangyari ayon sa inaakala ko ang mga pinagdaanan ko. Noong nasa militar ako, nagsanay ako nang husto at naging mahusay, at akala ko’y tataas ang ranggo ko, pero nagulat ako na iba ang nakakuha ng promosyon. Tapos nakaranas ako ng iba’t ibang klase ng hirap habang itinatayo ang paaralan, pero sa huli, naitatag ko ito at napatakbo nang maayos, at ngayon ay maganda na ang lagay nito. Hindi ako ang nagpasya ng lahat ng tagumpay at kabiguang ito. Dahil dito, napagtanto ko na lahat ng nararanasan natin sa buhay ay itinakda ng pamumuno ng Diyos, at hindi natin ito kontrolado. Walang silbi ang pag-aalala ko kung maaaresto ako o hindi. Matagal nang napagpasyahan iyon ng Diyos, kaya kailangan kong ipaubaya ang lahat ng ito sa mga kamay ng Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos.
Nagbahagi rin sa akin ang lider na mula pa noong unang panahon ay sinusupil na ang tunay na daan. Kapag mas tunay itong daan, mas malupit itong inuusig ng mga puwersa ni Satanas. Paanong hahayaan ni Satanas na iligtas ng Diyos ang mga tao? Nang pumarito ang Panginoong Jesus upang gumawa, matindi Siyang nilabanan at inapi ng pamahalaang Romano at ng mundo ng relihiyon, at inusig din maging ang Kanyang mga tagasunod. Ngayon, nananalig tayo sa tunay na Diyos, kaya hindi maiiwasan na inuusig tayo ng satanikong rehimen na pinamumunuan ng Partido Komunista. At ginagamit ng Diyos ang pag-uusig na ito para tulungan tayong magkaroon ng pagkakilala, para makita natin nang malinaw ang malademonyo at laban sa Diyos na diwa ng Partido. Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan,[1] walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[2] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na kalooban ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang Partido Komunista ay isang partidong ateista, kaaway ng Diyos na ayaw umiral ang Diyos. Sinasabi nito na pinapayagan ang kalayaan sa relihiyon, pero nanlilinlang lang ‘yan, nagsisinungaling sa mga tao. Natatakot ito na kung ang mga tao ay mananampalataya, babasahin ang mga salita ng Diyos, at malalaman ang katotohanan, makikita nila na ito ang diyablo na si Satanas na nananakit ng mga tao, pagkatapos ay tatalikdan at tatanggihan nila ito. Kung magkagayon, ang ambisyon at mithiin nito na kontrolin ang mga tao ay mawawasak magpakailanman. Kaya’t para mapigilang manalig at sumunod ang mga tao sa Diyos, matindi nitong inaaresto at inuusig ang mga taong hinirang ng Diyos at ginagamit ang media para batikusin at siraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, tinatakot pa nga ang mga pamilya ng mga nananalig, hinihikayat ang mga itong apihin at kontrahin sila para isuko ng mga tao ang tunay na daan, maiwala ang kaligtasan ng Diyos, at mapuksa sa impiyerno kasama nito. Ang Partido Komunista ay lubhang napakasama at kasuklam-suklam! Ang pamilya ko ay nalinlang nito at sinimulan akong apihin. Kung sumunod ako sa kanila, malalansi ako ni Satanas. Hindi ako pwedeng maloko nito. Paano man ako hadlangan ng pamilya ko, alam kong kailangan kong panatilihin ang aking pananampalataya at patuloy na gawin ang aking tungkulin.
Nang makita kung gaano ako kadeterminado na sundin ang Diyos, lalong tumindi ang pag-uusig ng panganay kong anak sa akin. Isang araw, itinaboy niya ako palabas ng paaralan sa harap mismo ng mga estudyante. Galit niya akong sinigawan, “Hindi pinahihintulutan ng gobyerno ang relihiyon, pero pinipilit mong manalig! Kung maaaresto ka, madadamay ang buong pamilya, pati mga anak ko. Katanggap-tanggap ba iyon? Kung gusto mong manatili sa pananampalataya mo, umalis ka dito sa paaralan at huwag mo na kaming idamay pa!” Hindi talaga ako makapaniwala sa mga narinig ko, nagawa ng sarili kong anak na magbitiw ng mga masasakit na salita sa akin, ipinagtabuyan ako dahil lang sa pananalig sa Diyos. Sobra akong nasaktan. Kung palalayasin ako sa paaralan, hindi ba’t ibig sabihin nun na ang dugo, pawis, at luha ng buong buhay ko ay mawawalan ng kabuluhan? Sino pa ang tatawag sa akin na “Headmaster,” at sino pa ang rerespeto sa akin? Hindi ko na matatamasa ang mga bagay na iyon at magiging isang karaniwang magsasaka na lang uli ako. Paano ko haharapin ang mga kaibigan at kakilala ko? Napakasakit sa’kin na isipin ang mga ito. Saan ako pupunta kung palalayasin ako ng anak ko? Sa tingin ko dapat siguro’y makinig na lang ako sa kanya. Naalala ko ang mga salita ng Diyos nang maisip ko iyon. “Kung ang mga tao ay walang anumang tiwala, hindi madali para sa kanila na magpatuloy sa landas na ito. Nakikita ng lahat ngayon na ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao kahit kaunti. Napakarami nang nagawa ng Diyos at bumigkas na Siya ng napakaraming salita, at bagamat maaaring kilalanin ng mga tao na ang mga ito ay ang katotohanan, malamang pa ring lumitaw sa kanila ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung nais ng mga tao na maunawaan ang katotohanan at makamit ito, dapat silang magkaroon ng tiwala at determinasyon na manindigan sa nakita na nila at sa natutuhan na nila mula sa kanilang mga karanasan. Anuman ang gawin ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang panindigan ang taglay nila mismo, maging taos sa harap ng Diyos, at manatiling tapat sa Kanya hanggang sa pinakahuli. Ito ang tungkulin ng sangkatauhan. Kailangang panindigan ng mga tao yaong dapat nilang gawin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Nakatulong ang mga salita ng Diyos na pakalmahin ako. Totoo iyan. Ang landas ng pananampalataya ay hindi madali. Kailangan nating tiisin ang mga paghihirap, at kung walang tiwala, mahirap manatili sa landas na ‘yon. Kung naging negatibo ako at umatras dahil sa pang-aapi na ito, nasaan ang tiwala ko? Bago ako nanalig sa Diyos, noong ako ay nagpupunyaging umangat sa mundo sa lahat ng mga taong iyon, isa iyong mahirap at nakapapagod na paraan para mabuhay, nang walang anumang inaasahan. Ngayon, napakapalad kong magkaroon ng ganitong oportunidad na minsan lang sa buhay—ang pagparito ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Paano ko magagawang basta na lang itong isuko? Kung magkagayon, paano ako maliligtas ng Diyos? Sinabi ng Panginoong Jesus, “Masdan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: sapagkat ang mga ito’y hindi naghahasik, ni umaani, ni nagtitipon man sa mga kamalig; ngunit ang mga ito’y pinakakain ng inyong Ama sa langit. Hindi ba lalong higit ang halaga ninyo kaysa sa mga ito?” (Mateo 6:26). Nilikha ng Diyos ang mga ibon, na hindi nagpupunla o nag-aani, pero hinahayaan Niya pa ring mabuhay ang mga ito. Magbubukas ang Diyos ng daan para sa akin. Kung palalayasin ako ng anak ko sa bahay, naniniwala akong aakayin ako ng Diyos, at wala akong dapat ipag-alala. Binuhay ng kaisipang ito ang tiwala ko at hindi na ako nakaramdam na napipigilan niya ako. Nang makita niyang nananatili akong matatag sa aking pananampalataya, galit niya akong itinaboy palabas ng entrada ng paaralan. Wala akong nagawa kundi umalis sa paaralan at tumuloy sandali sa bahay ng mga magulang ko.
Noong gabing iyon, miserable talaga ako habang iniisip ang aking kalagayan. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, hindi ko alam kung ano ang Iyong kalooban dito. Nananalig ako sa Iyo at nasa tamang landas ako, kaya bakit ganito ang pakikitungo sa akin ng anak ko? Patnubayan Mo sana ako na maunawaan ang kalooban Mo.” Pagkatapos ay naisip ko ang isang sipi na ibinahagi sa akin ng ilang kapatid: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa kalooban ng mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panghihimasok ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at panghihimasok ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos ay nakikita ko na ang isyung ito na kinakaharap ko kung titingnan ay parang nalinlang ang anak ko ng mga kasinungalingan ng Partido Komunista, kaya sinupil at hinadlangan niya ang pananampalataya ko, at pinalayas ako sa paaralan. Ngunit sa likod nito ay si Satanas na nanggagambala at nagmamanipula ng mga bagay para makita kung ano ang pipiliin ko—ang panatilihin ang aking relasyon sa pamilya, protektahan ang aking karangalan at katayuan at ipagkanulo ang Diyos, o bitiwan ang mga pansarili kong interes at piliin na patuloy na sundin ang Diyos. Nag-aalala ako sa sitwasyon ko at nababalisa dahil wala akong tunay na pananampalataya sa Diyos, at wala akong determinasyon na isuko ang lahat. Ginagamit ni Satanas ang mga kahinaan ko—ang pagmamahal ko, reputasyon, at katayuan—para mahikayat akong iwanan ang Diyos, ipagkanulo Siya, tapos sa huli ay wawasakin ako nito, lalamunin ako. Lubos itong nakakatakot at masama! Nakaramdam ako nang kaunting ginhawa nang maunawaan ko ito. Napagdesisyunan ko na kahit anong gawin ng pamilya ko para pigilan ako at kahit anong mga paghihirap ang haharapin ko sa buhay kalaunan, mananatili akong matatag sa aking pananampalataya at susundin ko ang Diyos hanggang sa huli, ipapahiya si Satanas!
Hindi ako pwedeng magtagal sa bahay ng mga magulang ko, kaya kinailangan kong bumalik sa paaralan. Patuloy akong dumadalo sa mga pagtitipon at nagbabahagi ng ebanghelyo nang makabalik ako. Lalong pinag-igihan ng panganay kong anak na lalaki at ng asawa niya ang pang-aapi nila nang makita nilang patuloy kong isinasagawa ang aking pananampalataya. Palagi nilang sinasabi na palalayasin nila ako, kinuha ang kontrol sa pananalapi ng paaralan at iniwan akong walang kahit isang sentimo. Palagi rin silang nagsasabi ng mga masasakit na bagay sa akin. Madalas akong hindi makakain dahil sa labis na sama ng loob. Sa maikling panahon, palagi akong galit at nahihirapang kumain, kaya naapektuhan talaga ang kalusugan ko. Nagdidilim ang paningin ko kapag naglalakad ako, at halos himatayin ako nang ilang beses. Nagkaroon ako ng erosive gastritis, at sobrang sakit ng tiyan ko tuwing gabi na ang tanging paraan para maginhawahan nang kaunti ay ang pagdiin ng unan sa tiyan ko. Kapag hindi ako makatulog sa gabi ay lalabas ako at pupunta sa sports field at titingnan ang gusali ng pagsasanay, mga opisina, kapiterya, at mga dormitoryo na itinayo ko, pinagmamasdan ang paaralang pinaghirapan kong itatag. Ang bigat talaga sa pakiramdam ko. Para mabuksan ang paaralang ito, hindi ko alam kung gaano kalayo ang nilakbay ko, kung gaano ko sinubukang magpalakas sa ibang tao, at kung gaano ako nagdusa. Ngayong nagkamit ako ng kaunting tagumpay, kinukuha naman ito sa akin ng sarili kong anak. Buong buhay kong pinagtrabahuhan iyon. Kung mananatili ako sa aking pananampalataya, baka mawala ang lahat ng ito sa akin. Parang sinasaksak ang puso ko nang maisip ko ito. Nanghihina talaga ako noong panahong iyon at laging umiiyak nang palihim sa gabi. Lumuluha akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos ko, mawawala sa akin ang negosyong ito na buong buhay kong itinayo, at hindi ko ito mabitawan. Gabayan Mo sana ako na malampasan ang sitwasyong ito.”
Kalaunan, ibinahagi sa akin ng mga kapatid ang ilang salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ngayon ay dapat mo nang makita nang malinaw ang eksaktong landas na tinahak ni Pedro. Kung malinaw mong nakikita ang landas ni Pedro, makatitiyak ka sa gawaing ginagawa ngayon, para hindi ka magreklamo o magsawalang-kibo, o manabik sa anuman. Dapat mong maranasan ang pakiramdam ni Pedro sa panahong iyon: Labis siyang nalungkot; hindi na siya humiling ng kinabukasan o anumang mga pagpapala. Hindi siya naghangad na kumita, lumigaya, sumikat, o yumaman sa mundo; hinangad lamang niyang mamuhay ng pinaka-makabuluhang buhay, yaong masuklian ang pagmamahal ng Diyos at mailaan ang itinuring niyang pinakamahalaga sa Diyos. Sa gayon ay malulugod siya sa kanyang puso” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus). Namulat ako nang mapag-isipan ko ang mga salita ng Diyos. Noong araw, dinanas din ni Pedro ang pang-aapi ng kanyang pamilya dahil sa kanyang pananampalataya. Gusto ng pamilya niya na maging tanyag siya at magdala ng karangalan sa kanila, pero hindi siya napigilan ng mga ito. Nang tawagin siya ng Panginoong Jesus, isinuko niya ang lahat para sundin ang Panginoon at hangarin ang buhay na may kabuluhan. Nagbigay-liwanag sa akin ang karanasan ni Pedro. May tunay na pananampalataya si Pedro sa Diyos at nagawa niyang isuko ang lahat para sumunod sa Kanya. Hinangad niya ang katotohanan, nakilala at minahal niya ang Diyos, sa huli ay nakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Maikling panahon pa lang akong mananampalataya at mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, pero habang iniisip ko ang paghihirap na idinulot sa akin ng nakaraan kong paghahangad ng karangalan at katayuan, at kung titingnan ang landas na tinahak ni Pedro na nagkamit ng pagsang-ayon ng Diyos, talagang nagbigay-inspirasyon iyon sa akin. Gusto kong tularan ang halimbawa ni Pedro, bitawan ang karangalan at reputasyon, at hangarin ang katotohanan. Kalaunan ay nagpasya akong umalis sa paaralan at patuloy na isagawa ang aking pananampalataya at gumawa ng tungkulin.
Makalipas ang ilang araw, nagalit nang husto ang ilan sa mga dati kong kaibigan sa militar nang mabalitaan nila ang tungkol sa pagpapalayas sa akin ng anak ko sa paaralan, at kung anu-ano ang inisip nilang paraan para mabawi ko iyon. Tinutuligsa ng lahat ng kaibigan at kamag-anak ko ang kawalan ng katarungan, at tinulungan ako ng kalihim ng nayon sa pamamagitan ng pagbibigay ng opisyal na sertipikasyon na mag-isa kong itinayo ang paaralan, at walang ibang sangkot dito. Nang marinig ko ang lahat ng ito, napaisip ako na sa sertipikasyong iyon, kung tutulungan ako ng mga kaibigan kong militar na mabawi ang paaralan, maibabalik ko ang aking dating karangalan. Pero napagtanto kong gusto ko na namang hangarin ang karangalan at katayuan, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, humiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas na talikdan ang laman. Naisip ko ang karanasan ni Job pagkatapos ng aking panalangin. Ang lahat ng kanyang ari-arian ay kinuha sa kanya sa magdamag, at kahit napakasakit niyon, hindi siya umasa sa sarili niyang lakas para bawiin ang mga iyon, bagkus ay nanalangin siya at nagpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang mga ari-arian ko ay malayo sa kabuuan ng ari-arian ni Job, pero kung hindi ako mananalangin at maghahanap sa Diyos sa sitwasyong ito, at gusto ko lang na mabawi iyon nang mag-isa, paano ‘yun naging pagpapasakop sa Diyos? Kung mabawi ko nga ang paaralan at maging abala ako araw-araw sa pagpapatakbo nito, hindi ako magkakaroon ng lakas na isagawa ang aking pananampalataya at gawin ang tungkulin ko nang maayos. Ngayong kinuha ng anak ko ang paaralan mula sa akin, maisasagawa ko na ang aking pananampalataya at magagawa ang tungkulin ko nang buong-puso. Magandang bagay iyon, at pagbubukas iyon ng Diyos ng landas para sa akin. Lubos na pinaaliwalas ng kaisipang ito ang puso ko. Napagtanto ko na kaya hindi ko mabitawan ang paaralan ay dahil lubos akong nagawang tiwali at masyado kong pinahalagahan ang reputasyon at katayuan.
Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos kalaunan: “Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang sumunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng sakop ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Mula pa noong maliit ako, itinuro na sa akin ng mga magulang ko at mga guro ang mga bagay na tulad ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Kung walang hirap, walang sarap,” at “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno.” Malalim na nag-ugat sa puso ko ang mga satanikong pilosopiyang ito, kaya nagkaroon ako ng maling pananaw sa buhay at mga maling pagpapahalaga. Inakala ko na ang pagsisikap na maging matagumpay, maging mas mahusay kaysa sa iba, at magkamit ng reputasyon at katayuan ang tanging paraan para mamuhay nang may integridad at saysay. Handa akong tiisin ang anumang paghihirap para maging tanyag ako. Noong itinatatag ko ang paaralan ng martial arts, ang bawat araw ay nakakapagod, at ginamit ko ang perang pinaghirapan kong kitain para magpalakas sa mga opisyal ng gobyerno, sumisipsip, binobola sila, at namumuhay akong walang dignidad. Nagpapadala ako ng iba’t ibang regalo sa mga pinuno ng departamento tuwing may kapistahan, takot na magkaroon ng problema at malasin sa kaunting pagkakamali. Nakakapanghina ng katawan at isipan ang pagpapanatili ng mga kumplikadong relasyon na ito sa ibang tao, pero nasadlak ako nang husto rito at hindi ko na maialis ang sarili ko. Nagsimulang gumawa ng lahat ng uri ng kakila-kilabot na bagay ang mga tao sa paligid ko pagkatapos nilang magkaroon ng karangalan at katayuan, nakikisangkot sa katiwalian at panunuhol, nakikipagkita sa mga bayarang babae, nagsusugal, nang walang limitasyon. Ganyang-ganyan ginagawang tiwali at pinipinsala ni Satanas ang mga tao. At ang pang-aagaw ng anak ko sa paaralang ako mismo ang nagtayo ay mula rin sa pagiging nadaig ng karangalan at pakinabang. Binalewala niya ang pagmamahalan ng mag-ama para lang makamit ang mga bagay na ito. Ipinaalala nito sa akin ang mga sinaunang maharlikang pamilya kung saan nagpapatayan ang magkakapatid, mga ama at mga anak para agawin ang trono. Iyan ang mga maling paniniwala at kasinungalingan ni Satanas na gumagawang tiwali sa mga tao hanggang sa puntong lubos na silang mawalan ng pagkatao at katwiran. Sa puntong iyon ay nakita ko kung paanong ang karangalan at pakinabang ay mga kadenang pinanggagapos ni Satanas sa sangkatauhan. Kung tayo ay mamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, maghahanap ng karangalan at pakinabang, lalo’t lalo lang tayong magiging tiwali at magiging pasakit nang pasakit ang mabuhay. Noong ako ay lubog na lubog sa karangalan at pakinabang, ang mga salita ng Diyos ang nagpakita sa akin na ang paghahangad sa katotohanan ang tamang landas sa buhay at ang pinakamakabuluhang uri ng buhay. Pero ako ay iginapos at pinigil ng mga satanikong pilosopiya, kaya nang mawala ang ligaya ng pera, reputasyon, at katayuan, nahirapan akong pakawalan ang mga ito, at naging miserable ako. Ginusto ko pa ngang magsampa ng kaso para mabawi ang mga bagay na iyon. Napakahangal ko. Kung ganoon ang ginawa ko, patuloy lang akong mapipinsala ni Satanas at sa huli ay mawawasak ako kasama nito. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagkat ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?” (Mateo 16:26). Totoo iyon. Kahit gaano pa karami ang pera o gaano kataas ang katayuan ng isang tao, hindi nun mabibili ang katotohanan at buhay! Nawala sa akin ang mga ari-arian, reputasyon at katayuan na binuo ko sa halos buong buhay ko, pero sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko kung paano nakakapinsala sa mga tao ang mga bagay na ito, at ang nakakatakot na mga kahihinatnan ng paghahangad sa mga ito. Nakita ko rin ang kahulugan at halaga ng paghahangad ng katotohanan at nagawang bitiwan ang mga ito para sundin ang Diyos at gumawa ng tungkulin. Pagmamahal at pagliligtas iyon ng Diyos sa akin. Nang maunawaan ko na ang kalooban ng Diyos, hindi ko na nais pang makipag-away sa aking anak sa anumang bagay at ayaw ko na rin siyang kasuhan. Tumuon na lang ako sa pagpapasakop sa pamumuno ng Diyos, paghahangad sa katotohanan, at paggawa ng tungkulin.
Simula noon, ibinabahagi ko na ang ebanghelyo sa iglesia, at kahit hindi na ako hinahangaan ng iba, mas payapa na ang pakiramdam ko sa aking puso at ang bawat araw ay lubos na kasiya-siya. Natitiyak ko sa aking puso na ang pananampalataya at pagsunod sa Diyos ang pinakamagandang pasya at ang pinakamakabuluhang paraan para mabuhay. Salamat sa Diyos!
Mga Talababa:
1. Ang “nagpaparatang nang walang batayan” ay tumutukoy sa mga paraan kung paano pinipinsala ng diyablo ang mga tao.
2. Ang “mahigpit na binabantayan” ay nagpapahiwatig na ang mga paraan kung saan pinahihirapan ng diyablo ang mga tao ay lalo nang malupit, at kontrolado nang labis ang mga tao na wala na silang makilusan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.