Isang Napakasakit na Pagpili

Enero 10, 2022

Ni Alina, Espanya

Noong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, at hindi nagtagal ay nahalal akong maging isang lider ng iglesia. Noong Disyembre ng 2000, katanghaliang tapat isang araw, kumakain kami ng dalawang anak ko nang biglang dumating sa bahay ang limang pulis at sinimulang halughugin ang lugar, sinisiyasat ang lugar nang walang ipinapakitang warrant. Noong panahong iyon, anim na taon pa lang ang anak ko, at nakakapit nang mahigpit ang dalawang bata sa damit ko sa takot, nanginginig ang kanilang mga kamay. Sa huli, nakakita sila ng isang Bibliya at isang journal ng mga debosyonal na isinulat ko. Hinihila nila ako at itinutulak, tinatangkang ipasok ako sa sasakyan ng pulis. Nag-iiyakan at sumisigaw ang mga bata, “Ma! Huwag kang umalis!” Sa sandaling iyon, biglang dumaloy ang mga luha sa aking mukha, dahil hindi ko alam kung makakabalik pa ako at makikita silang muli. Napuno ng kalungkutan ang puso ko. Kalaunan, dinala nila ako sa isang PSB interrogation room kung saan nila ako ipinosas sa isang silyang bakal. May ilang tao roon na mabangis na nakatitig sa akin. Takot na takot ako noon, at nagdasal ako sa Diyos nang walang humpay, na hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananampalataya. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananampalataya, at habang iniisip ko kung paanong ang Diyos ang aking suporta, nabawasan ang takot ko. Gaano man kalupit ang mga pulis, nasa mga kamay sila ng Diyos. Sumumpa ako na paano man nila ako pahirapan, hindi ko tutularan si Judas at ipagkakanulo ang Diyos. Nangako ako na tatayo akong saksi para sa Diyos habambuhay!

Nagsimula ang isa sa mga pulis sa interogasyon: “Sino ang naghikayat sa iyo na maniwala sa Makapangyarihang Diyos? Sino ang lider ninyo? Saan nakatago ang pera ng iglesia?” Sabi ko, “Wala akong alam.” Sabi ng direktor ng National Security Brigade, “Nahanap namin ang bahay mo ngayon dahil may ebidensya na kami tungkol sa pananampalataya mo. Pwede ka naming pahatulan na may sala ka kahit hindi ka umimik. Pero kung sasabihin mo sa amin ang alam mo, pauuwiin ka namin ngayon din.” Hindi ako nagsalita. Pagkatapos ay sinabi niya, “Napakabata pa ng mga anak mo—masaklap kung mawalan sila ng nanay na mag-aalaga sa kanila. Kung malaman ng kanilang mga guro at kaklase na nakakulong ang nanay nila, tutuyain sila at hahamakin. Hindi ba napakasama niyon sa pag-iisip nila? Kaya mo bang magmatigas doon? Hindi mo babalewalain ang mga anak mo para sa pananampalataya mo, hindi ba?” Nang marinig kong sabihin niya iyon, agad kong naisip ang bakas ng takot sa mga bata nang arestuhin ako, at kinabahan ako sandali. Lahat ng nangyari ngayon ay makaka-trauma at makakaapektong masyado sa mga bata! Kung masentensyahan ako, sino ang mag-aalaga sa kanila? Lalo na ang anak kong lalaki, na sakitin na noon pa man, ano ang gagawin niya kung wala ako roon para alagaan siya? Kung hindi maging maganda ang pakikitungo ng iba sa kanila at pagtawanan sila ng mga guro at kaklase nila, makakayanan kaya nilang harapin iyon? Walang tigil ang pag-agos ng mga luha ko sa mga ideyang ito at nagmadali akong magdasal sa Diyos: “Diyos ko! Nag-aalala ako sa mga anak ko at lungkot na lungkot ako. Protektahan Mo sana ang puso ko para kumalma ako, umasa sa Iyo, at tumayong saksi.” Pagkatapos kong magdasal, naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak at mga magulang na nasa bahay. Lahat ba ng ito ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang sapat na paniniwala sa Akin? O ito ba’y dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga di-karapat-dapat na mga pagsasaayos para sa iyo? Bakit ka laging nag-aalala sa pamilya ng iyong laman? Lagi kang nasasabik sa iyong mga mahal sa buhay! Mayroon ba Akong puwang sa puso mo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Agad na pinagliwanag ng mga salita ng Diyos ang puso ko. Ang Diyos ang Lumikha, at Siya ang may kapangyarihan at pamamahala sa kapalaran ng lahat. Anuman ang mangyari sa dalawang anak ko sa hinaharap ay nasa Kanyang mga kamay, at walang saysay ang aking pag-aalala. Kinailangan kong manampalataya sa Diyos, at ipagkatiwala sila sa Kanyang mga kamay. Sa ideyang ito, kumalma ako, at hindi na masyadong nag-alala para sa kanila. Alam ko na ginagamit ng mga pulis ang mga bata para i-blackmail ako na ipagkanulo ang iglesia. Sila ang umaresto sa akin sa ilegal na paraan, sumira sa normal na buhay ng pamilya ko, at ngayon ay sinasabi nila na ang pananampalataya ko ang humadlang sa akin na maalagaan ang aking mga anak. Hindi ba ito pagbabaluktot ng mga tunay na nangyari, at pinalalabas na mabuti ang masama? Nang mapagtanto ko iyon, pagalit ko silang sinagot, “Dahil ba ito sa pananampalataya ko, o dahil ba ikinulong ninyo ako rito? Binabasa ng mga mananampalataya sa Diyos ang salita ng Diyos at hinahangad na maging mabubuting tao, wala silang ginagawang ilegal. Bakit patuloy ninyong inaaresto ang mga mananampalataya?” Humagalpak sila ng tawa nang sabihin ko iyon, at sinabi ng isang pulis, “Wala ka talagang kamuwang-muwang. Kung naniwala ang lahat sa Diyos, sino ang makikinig sa CCP? Tapos ay sino ang pamumunuan ng Partido? Kaya hindi ka namin maaaring hayaang maniwala, at kung naniniwala ka, aarestuhin ka!” Nagsiklab ang galit ko, at ipinaalala nito sa akin ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko ang diwa ng CCP. Sila ay tampalasan at salungat sa Langit. Ang Diyos ang lumikha sa lahat ng bagay, lumikha sa sangkatauhang ito, at ang Diyos ang nangangalaga at tumutustos sa buong sangkatauhan. Ang pagsamba sa Diyos ay inorden ng Langit at kinikilala sa lupa, pero hindi hinahayaan ng Communist Party na maniwala at sumunod ang mga tao sa Diyos, itinataguyod nila ang ateismo at ebolusyon para iligaw ang mga tao. Walang kahihiyan pa nilang ipinapahayag na “talagang walang Diyos sa mundo” at na ang “kaligayahan ng mga tao ay ganap na nanggagaling sa Partido.” Gusto nilang ang mga tao ay labis na magpasalamat, makinig at sumunod sa kanila. Labis ang kasamaan at pagiging kasuklam-suklam ng CCP! Sa mga huling araw, personal na dumating sa lupa ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan, na nagpapahayag ng milyon-milyong salita. Ang labis na kinatatakutan ng CCP ay na mabasa ng mga tao ang salita ng Diyos at maunawaan nila ang katotohanan, at na magkaroon sila ng pagkakilala sa Partido at, hindi na sila sasailalim sa kontrol nito, babaling sila sa Diyos. Kaya nga ginagawa ng CCP ang lahat ng magagawa nito para arestuhin ang mga Kristiyano, na walang saysay na umaasa na masusugpo ang gawain ng Diyos at mararating nila ang kanilang mithiing kontrolin ang sangkatauhan magpakailanman. Nang personal kong maranasan ang pagpapahirap nila, nakita ko ang kanilang malademonyong diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at pagiging kaaway ng Diyos, at kinamuhian ko sa kaibuturan ng aking puso ang masamang pangkat na ito ng mga demonyong lumaban sa Diyos. Nagpasya akong matatag na sundan ang Diyos at tumayong saksi gaano man ako maghirap.

Kalaunan, nagpinyansa ang asawa ko para makalabas ako sa pamamagitan ng pagbabayad sa isang tao na asikasuhin iyon. Sa araw ng paglaya ko, sabi ng isang pulis, “Batay sa kasalukuyang saloobin mo, tiyak na patuloy kang mananalig. Mamatyagan ka namin, at ibabalik ka namin dito sa sandaling makita ka naming nakikitipon o nagbabahagi ng ebanghelyo!” Para patuloy kong magawang manalig at magawa nang normal ang aking tungkulin, napilitan akong magpalipat-lipat ng tirahan nang ilang beses. Ang asawa ko ay isang punong kinatawan ng bayan sa panahong iyon at nawalan siya ng anumang pagkakataong mataas ng ranggo mula nang maaresto ako dahil sa aking pananampalataya. Tapos noong Abril 2007, isang gabi ay umuwi siya at sinabing, “Hindi magtatagal ay matataas ng ranggo ang ilang kadre sa lungsod. Dahil sa iyong pananampalataya, hindi ako nakapasa sa mga political background check noong huling ilang beses na nagkaroon ako ng pagkakataon. Sinabi ko na sa lider ko na gusto kong maging bahagi ng larangang iyon sa pagkakataong ito, at sinabi niya na irerekomenda niya ako basta’t isuko mo ang iyong relihiyon.” Sinabi rin niya sa akin, “Kailangan mo lang tumigil sa paniniwala para magkaroon tayo ng magandang buhay, at mabibigyan natin ng matatag na tahanan ang ating mga anak. Kung ipipilit mong ituloy ang iyong pananampalataya, kailangan tayong magdiborsyo. Ayaw ko nang madamay rito. Pag-isipan mo ito!” Nasaktan ako talaga nang marinig ko siyang sabihin ang lahat ng ito. Kung magdidiborsyo kami, masasaktan nang husto ang mga anak namin! Naging mabuti siya palagi sa akin, at masunurin ang aming mga anak. May trabaho siya, may negosyo ako, at talagang masaya ang buhay namin. Ang maganda naming pamilya ay nawawasak dahil sa pag-uusig ng pamahalaan ng China. Habang iniisip ito, sumama ang pakiramdam ko, parang nadudurog ang puso ko. Nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko, hindi ko kayang iwan Ka, pero hindi ko puwedeng pabayaan ang aking asawa at mga anak. Hindi ko alam ang gagawin. Liwanagan Mo sana ako, para maunawaan ko ang kalooban Mo.” Tapos, naisip ko ang salita ng Diyos: “Walang ugnayan sa pagitan ng isang naniniwalang esposo at ng hindi naniniwalang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga naniniwalang anak at mga di-naniniwalang magulang; ganap na hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, may pisikal na mga kamag-anak ang isang tao, ngunit sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang isang tao, wala na siyang anumang pisikal na mga kamag-anak na masasabi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Pinag-isipan ko ang mga salita ng Diyos at naunawaan ko na ang mga taong may pananampalataya at mga taong walang pananampalataya ay dalawang uri ng tao na magkaiba ang diwa. Magkaiba ang kanilang mga pananaw sa buhay at mga pinahahalagahan. Nasa tamang landas ako ng pananampalataya, sa paghahangad ng katotohanan. Ang asawa ko ay nasa isang landas ng opisyal na trabaho, isang landas ng pag-angat ng ranggo at pagkita ng pera. Para tumaas ang ranggo, binalewala niya ang maraming taon ng aming pagsasama bilang mag-asawa at ang damdamin ng aming mga anak, at sa halip ay pinili niyang makipagdiborsyo. Iyan ay dahil sa puso niya, ang kanyang katayuan at kinabukasan ay naging mas mahalaga sa kanya kaysa sa akin at sa mga bata. Kahit sinabi niya na gusto niyang bigyan ng matatag na tahanan ang mga bata at magkaroon ng masayang buhay, ilusyon lang ang lahat ng iyon. Mabait siya sa akin dati, dahil hindi ako nagkaroon ng anumang epekto sa kanyang mga personal na interes. Ngayon ay nakaapekto na sa opisyal na trabaho niya ang aking pananampalataya at naging hadlang sa pagtaas ng kanyang ranggo at pagkita ng mas malaking pera, kaya gusto niyang makipagdiborsyo. Nanlamig talaga ako nang maisip ko iyon. Nakita ko na walang tunay na pagmamahal sa pagitan ng mga tao, kundi panlilinlang at pananamantala lamang. Alam na alam ng asawa ko na ang Communist Party ay isang masamang partido, pero lagi siyang pumapanig doon, at sinasabi sa akin na isuko ko ang aking pananampalataya, pinipilit pa akong makipagdiborsyo. Magkaiba ang aming mga pananaw at nasa magkaiba kaming mga landas, at hindi kami magiging masaya kahit na manatili kaming magkasama. Nang matanto ko ito, nalaman ko kung ano ang kailangan kong gawin.

Pumunta kami sa Civil Affairs Bureau kinabukasan ng umaga para asikasuhin ang mga papeles para sa aming diborsyo, at habang nasa daan ay sinabi niya, “Alam mo, ayoko ng diborsyo pero wala nang ibang opsyon. Alagaan mong mabuti ang sarili mo.” Bigla akong naluha nang marinig kong sabihin niya ito. Naisip ko ang lahat ng paghihirap at pangungutya ng iba na kailangan kong harapin pagkatapos ng diborsyo, at labis akong nasaktan. Mabilis akong nagdasal sa Diyos, na hinihiling sa Kanya na protektahan ang puso ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na gaano man kaganda ang buhay ng isang tao sa laman, gaano man karami ang naiinggit at humahanga sa kanya, walang anuman doon ang may kabuluhan. Sa paghahangad lang ng katotohanan at paggawa ng tungkulin ng isang nilalang matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Ito lang ang buhay na may integridad at dignidad, at ito ang pinakamakabuluhan at mahalaga sa buhay. Talagang nagpapalaya ang maisip ito, at hinarap ko ang paglilitis sa diborsyo nang walang pag-aalinlangan.

Noong Mayo 2011 habang nasa isang pagtitipon, muli akong naaresto. Sila pa rin ang mga pulis isang dekada na ang nakararaan. Nakita nila ang ID ko at tinawag ako sa pangalan, sinasabing, “Sampung taon na kaming pabalik-balik nang maraming beses sa bahay mo nang hindi ka nakikita at ngayon ay sinuwerte kami. Hindi ka na namin pakakawalan sa pagkakataong ito!” Habang nagsasalita sila, pinosasan nila ako at isinakay sa kotse ng pulis. Sa loob ng kotse, naisip ko ang tatlong sister na naaresto dati at malupit na pinahirapan ng mga pulis sa loob ng isang buong buwan. Ang isa sa kanila ay nagkaroon ng permanenteng pinsala sa kaliwang braso dahil sobrang tagal siyang iniwang nakasabit. Bumilis ang pintig ng puso ko nang maisip ko iyon. Natakot ako na bubugbugin ako hanggang sa mabaldado ako o mamatay. Dali-dali akong nanawagan sa Diyos sa puso ko: “Diyos ko! Protektahan Mo sana ako at gabayan sa sitwasyong ito. Kahit bugbugin ako hanggang sa mamatay hindi ako kailanman magiging Judas.” Naisip ko ang mga salita ng Diyos pagkatapos kong magdasal: “Alam mong ang lahat ng bagay sa iyong kapaligiran ay naroon dahil sa Aking pahintulot, Ako ang nagsasaayos nitong lahat. Tingnan ito nang malinaw at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo. Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Totoo ito. Lubos na nasa mga kamay ng Diyos ang aking buhay at kamatayan, at hindi nila makukuha ang buhay ko nang hindi ito tinutulutan ng Diyos. Naisip ko ang pagdanas ni Job ng kanyang mga pagsubok. Hindi hahayaan ng Diyos na pinsalain ni Satanas ang buhay ni Job at hindi maaaring suwayin ni Satanas ang sinabi ng Diyos. Nagbigay ito sa akin ng kaunting kapayapaan sa puso ko at binigyan ako ng pananampalatayang harapin ang naghihintay sa akin.

Kalaunan, inusisa ako ng pinuno ng National Security Brigade. Sinabi niya, “Malaki at kritikal ang kasong ito para sa ating lungsod sa ngayon. Inaresto ka sampung taon na ang nakararaan, at noong 2009 ay may nagsumbong na nagpapalaganap ka ng ebanghelyo. Nabigo ang ilang pagtatangkang arestuhin ka. Ngayon, nahuli ka namin mismo sa isang pagtitipon, kaya kahit wala kang sabihin, puwede ka pa rin naming ipakulong nang pito hanggang sampung taon. Kapag nasentensyahan ka, hindi tatanggapin ang mga anak mo sa kolehiyo at hindi sila makakakuha ng mga trabaho sa serbisyo sibil. At hindi magiging maganda ang pagtrato sa kanila ng lahat dahil mayroon silang isang inang katulad mo. Ikaw ang sisisihin sa pagsira sa kanilang kinabukasan. Kamumuhian ka nila habambuhay! Kahit hindi mo iniisip ang sarili mo, isipin mo ang kinabukasan ng mga anak mo. Kung makikipagtulungan ka sa amin, sasabihin sa amin kung sino ang mga lider na nakatataas sa iyo, at ibibigay mo sa amin ang pera ng iglesia, pakakawalan ka namin.” Nang marinig ko siyang sabihin iyon, inis na inis ako. Walang makakapigil sa Communist Party na pahirapan ang mga Kristiyano—ginamit pa nila ang kinabukasan ng mga anak ko para takutin ako, at pilitin akong ipagkanulo ang iglesia at pagtaksilan ang Diyos, tapos ay sinabi na ang pananampalataya ko ang sumisira sa mga inaasam ng mga anak ko para sa hinaharap. Lubos na pagbabaluktot iyon ng mga totoong pangyayari!

Kinuwestyon nila ako nang tuluy-tuloy noong araw na iyon hanggang pasado alas-2 ng umaga. Nang makita nila na hindi ako magsasalita, ipinadala nila ako sa detention house. Sinabi ng isang pulis, “Sa pagkakataong ito ay sesentensyahan ka na at makukulong!” Madilim at mamasa-masa ang kulungan. Lumala lang nang lumala ang rayuma ko at sakit sa puso, at sumakit ang bawat kasu-kasuan ko. Nagbantay ako sa loob ng dalawang oras gabi-gabi, matapos tumayo nang matagal ay bumilis ang tibok ng puso ko at nanikip ang dibdib ko. Nakakatakot iyon. Naisip ko ang sinabi ng pulis na makukulong ako nang pito hanggang sampung taon, at sinimulan kong kalkulahin kung ilang araw ang mayroon sa pitong taon, tapos ay sa sampung taon. Libu-libong araw at gabi iyon! Paano ako makakatiis? Makakaalis ba ako rito nang buhay? Habang iniisip ito, hindi ko napigilan ang mga luha sa pagdaloy sa aking mukha at nadama ko na nagdidilim ang puso ko. Natanto ko na wala ako sa tamang kalagayan, kaya mabilis akong nagdasal, na hinihiling sa Diyos na protektahan ang puso ko at bigyan ako ng pananampalatayang tiisin ang mga sitwasyong ito. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Sa malawak na mundong ito, sino ang personal Ko nang nasuri? Sino ang personal na nakarinig sa mga salita ng Aking Espiritu? Napakaraming taong nangangapa at naghahanap sa dilim; napakaraming nagdarasal sa gitna ng kahirapan; napakarami, gutom at giniginaw, ang nakamasid na umaasa; at napakaraming iginapos ni Satanas; subalit napakaraming hindi alam kung saan babaling, napakaraming nagtataksil sa Akin sa gitna ng kanilang kaligayahan, napakarami ang walang utang na loob, napakaraming walang utang na loob, at napakaraming tapat sa mapanlinlang na mga pakana ni Satanas. Sino sa inyo si Job? Sino si Pedro? Bakit paulit-ulit Kong nabanggit si Job? Bakit Ko natukoy si Pedro nang napakaraming beses? Natiyak na ba ninyo kung ano ang mga inaasam Ko para sa inyo? Dapat kayong gumugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa gayong mga bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 8). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sinang-ayunan ng Diyos sina Job at Pedro dahil tunay silang naniwala at nagpasakop. Si Job ay nagdaan sa mga pagsubok, nawala ang kanyang kayamanan at mga anak, at napuno ng mga pigsa ang buong katawan niya, pero nagawa pa rin niyang purihin ang pangalan ng Diyos, at sinabing “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21), na hiniya si Satanas. At si Pedro ay ipinako sa krus nang patiwarik para sa Diyos, masunurin hanggang kamatayan, matunog na nagpatotoo. Ako naman, tinamasa ko ang maraming pagdidilig at pagtustos mula sa mga salita ng Diyos, pero ginusto kong tumakbo palayo nang maharap ako sa pinakamaliit na pagdurusa. Nasaan ang aking pananampalataya? Nasaan ang aking pagkamasunurin? Napakalayo ko sa hinihingi ng Diyos. Masyado akong kumapit sa buhay ko, paano ako magpapatotoo sa Diyos? Talagang nagsisi at nakonsensya ako rito at nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko! Handa akong ialay ang sarili ko sa Iyong mga kamay. Ilang taon man ang ibigay na sentensya sa akin o gaano man ako magdusa, nais kong tumayong saksi para sa Iyo at pahiyain si Satanas.” Sa gulat ko, matapos kong ialay ang lahat at handa na akong tumayong saksi, pinalaya ako. Nalaman ko kalaunan na ang dati kong asawa, sa takot na maapektuhan ang pagtanggap sa aming mga anak sa unibersidad, ay may sinuhulang tao para sigurhin ang paglaya ko.

Nagmaneho ang dati kong asawa papuntang detention house para katagpuin ako sa araw ng aking paglaya. Nakita niya kung gaano naiba ang hitsura ko matapos akong pumayat, at tinanong ako, “Ang payat-payat mo na makalipas lang ang isang buwan, hindi mo kakayanin ang ilang taon pa. Sa pagkakataong ito, titigil ka na sa pananalig mo, hindi ba?” Nang hindi ako sumagot, patuloy niya akong kinulit: “Sige na, titigil ka na sa pananalig mo?” Mahinahon kong sinabi sa kanya, “Patuloy akong mananalig! Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay inorden ng Langit at kinikilala sa lupa, at mananalig ako habambuhay.” Nang marinig niya akong sabihin ito, hinampas niya ang manibela sa galit, bumuntong-hininga at umiling, tapos ay bumulalas, na sinasabing, “Bahala na ang Diyos mo rito! Ginagawa ng Partido ang lahat para makuha ang puso ng mga tao, pero hindi nito magawa iyon kailanman, samantalang nagpupumilit kayong mga mananampalataya na manalig nang walang nakukuhang anumang materyal na pakinabang at kahit pagkatapos pa ng maraming pagkaaresto. Iba talaga ang Diyos ninyo!” Nagpasalamat ako sa Diyos sa paggabay sa akin na tumayong saksi.

Ilang araw matapos akong makauwi, umuwi ang anak ko galing sa eskwela at pormal na sinabi sa akin, “Ma, kailangan mong pumili ngayon. Kung gusto mo akong manatiling anak mo, kailangan mong isuko ang iyong pananampalataya. Kung mananatili ka sa iyong relihiyon, lalayas ako at hindi mo na ako muling makikita.” Natigilan ako. Napakalapit sa akin ng anak kong lalaki at hindi niya sinalungat kailanman ang aking pananampalataya dati. Bakit niya nasabi ito ngayon? Napakasakit talaga niyon, at pakiramdam ko ang landas na ito ng pananampalataya ay talagang puno ng paghihirap, at mga tagumpay at kabiguan. May pagpipilian sa bawat hakbang. Nadama ko na napakahirap ng desisyong ito, kaya nagdasal ako sa Diyos, at hiniling ko sa Kanya na gabayan akong maunawaan ang Kanyang kalooban. Pagkatapos kong magdasal, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na, bagama’t mukhang hinihiling ng anak kong lalaki na pumili, sa katunayan ay si Satanas ang nanunukso at umaatake sa akin, para makita kung pipiliin ko ang pagiging magkapamilya namin ng anak ko, o kung pipiliin ko ang Diyos. Kailangan kong tumayong saksi para pahiyain si Satanas. Habang iniisip ito, sinabi ko sa anak ko, “Hindi ako maaaring lumayo sa Diyos. Ang piliing iwan ang Diyos ay parang pagpapasya na iwan mo ako ngayon. Hindi ito tama at bibiguin nito ang Diyos. Palagi akong susunod sa Diyos. Iyan ang pinili ko!” Nang marinig niya akong sabihin ito, umalis siyang umiiyak. Sumama rin ang loob ko noon, pero alam ko na tama ang ginawa kong desisyon!

Makalipas ang mga kalahating oras, bumalik siya at sinabi sa akin, “Ma, mali ako. Hindi kita dapat pinilit na pumili. Sabi ni papa kung mahuli ka ulit, hindi ka na makakalabas kailanman. Natakot ako na baka mahuli ka, kaya gusto kong gamitin ang taktikang iyon para ipasuko sa iyo ang iyong pananampalataya.” Nang marinig ko siyang ipaliwanag ito, napuno ako ng pagkasuklam para sa demonyong Communist Party na ito na laban sa Diyos. Dahil lang sa nanalig ako sa Diyos, inaresto ako at pinahirapan ng Communist Party, winasak ang aking pamilya at kinaladkad ang aking asawa at mga anak dito. Mas lalo ako nitong pinapahirapan, lalo ko itong tatalikdan, at susunod ako sa Diyos nang may matibay na kalooban!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Kapaki-pakinabang Na Ulat

Ni Ding Li, Estados Unidos Tag-init noon, dalawang taon na ang nakalilipas. Narinig ko na si Sister Zhou, isang lider, ay itinalaga si...

Paglabas Mula sa Pagkalito

Gaya ng sinabi ng Diyos: “Sa ngayon, hindi ka maaring masiyahan na sa kung paano ka nalupig, kundi dapat mo ring isaalang-alang ang daan na iyong tatahakin sa hinaharap. Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng lakas-ng-loob upang magawang perpekto, at hindi mo dapat isipin na hindi kaya ng iyong sarili. May pinapanigan ba ang katotohanan?”