Kabanata 62
Ang unawain ang Aking kalooban ay hindi lamang upang malaman mo ito, kundi upang makakilos ka nang naaayon sa Aking mga layunin. Sadyang hindi nauunawaan ng mga tao ang Aking puso. Kapag sinasabi Ko na ang isang direksyon ay silangan, kailangan nila itong pag-isipan, iniisip na, “Tunay nga bang silangan iyon? Baka hindi. Hindi ako puwedeng basta maniwala; kailangang makita ko ito mismo.” Ganito kahirap pakitunguhan kayong mga tao; hindi ninyo alam kung ano ang tunay na pagpapasakop. Kapag alam ninyo ang Aking mga layunin, alalahanin ninyo lamang na isakatuparan ang mga ito—huwag nang mag-isip! Lagi mong pinag-aalinlanganan ang Aking sinasabi at kakatwa ang paraan mo ng pagtanggap dito. Paano ito makapagbubunga ng tunay na kabatiran? Hindi ka kailanman pumapasok sa Aking mga salita. Gaya ng nasabi Ko na noon, ang ninanais Ko ay ang kahusayan ng mga tao, sa halip na malaking bilang nila. Ang hindi nagtutuon sa pagpasok sa Aking mga salita ay hindi karapat-dapat na maging mabuting kawal ni Cristo, kundi sa halip ay kumikilos bilang kampon ni Satanas at ginagambala ang Aking gawain. Huwag isiping maliit na bagay ito. Sinumang gumagambala sa Aking gawain ay lumalabag sa Aking mga atas administratibo, at tiyak na didisiplinahin Ko nang matindi ang ganitong mga tao. Ibig sabihin nito, mula ngayon, kung tatalikod ka sa Akin nang isang saglit, sasapit sa iyo ang paghatol. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, subukan mong tingnan mismo kung anong kalagayan ang mamuhay sa liwanag ng Aking mukha at anong kalagayan ang iwan Ako.
Hindi Ko ikinababahala kung hindi ka namumuhay sa espiritu. Ang Aking gawain ay umunlad na hanggang sa kasalukuyang yugto, kaya anong magagawa mo? Huwag kang mabahala, dahil may mga hakbang ang lahat ng Aking ginagawa, at gagawin Ko Mismo ang Aking gawain. Sa sandaling kumilos Ako, lubos na napapaniwala ang lahat; kung hindi, kakastiguhin Ko sila nang mas matindi, na higit na may kinalaman sa Aking mga atas administratibo. Makikita na ang Aking mga atas administratibo ay nagsimula na ngayong ipalaganap at ipatupad, at hindi na natatago. Dapat mo itong makita nang malinaw! Ngayon, lahat ng bagay ay may kinalaman na sa Aking mga atas administratibo, at sinumang lumabag sa mga iyon ay dapat magdusa ng kawalan. Ito ay hindi isang maliit na bagay. Tunay bang mayroon kayong kabatiran dito? Malinaw ba ninyong nakikita ito? Sisimulan Kong magbahagi: Lahat ng bansa at lahat ng bayan sa mundo ay pinangangasiwaan sa Aking mga kamay, at, anuman ang kanilang relihiyon, dapat silang dumaloy pabalik sa Aking trono. Siyempre, ang iba na nahatulan na ay itatapon sa walang hanggang hukay (dahil sila ay mga layon ng pagkawasak na lubusang susunugin at hindi na mananatili pa), samantalang ang iba na nahatulan na ay tatanggapin ang Aking pangalan at magiging mga tao ng Aking kaharian (na tatamasain lamang nila sa loob ng isang libong taon). Samantala, kayo ay maghahari kasama Ko magpakailanman, at dahil nagdusa kayo dati para sa Akin, Aking papalitan ang inyong mga pagdurusa ng mga pagpapala na Aking ipinagkakaloob sa inyo nang walang katapusan. Ang Aking bayan ay magpapatuloy lamang na maglingkod kay Cristo. Ang sinasabing pagtatamasa rito ay hindi lamang nangangahulugan ng pagtatamasa, kundi na hindi rin pagdurusahin ang mga taong iyon ng mga sakuna. Ito ang napapaloob na kahulugan ng pagiging napakahigpit na ngayon ng Aking mga hinihingi sa inyo, at ang pagkakaroon ng lahat ng kaugnayan sa Aking mga atas administratibo. Ito ay dahil kung hindi ninyo tinanggap ang Aking pagsasanay, walang magiging paraan upang maibigay Ko sa inyo ang inyong nararapat na manahin. Gayunpaman, natatakot pa rin kayong magdusa at natatakot kayo na masusugatan ang inyong mga kaluluwa, laging nag-iisip para sa laman at laging nagsasaayos at nagpaplano para sa inyong mga sarili. Hindi ba angkop ang mga pagsasaayos Ko para sa inyo? Kung gayon ay bakit patuloy kang gumagawa ng mga pagsasaayos para sa iyong sarili? Sinisiraan mo Ako! Hindi ba totoo? Nagsasaayos Ako ng isang bagay para sa iyo, pagkatapos tinatanggihan mo ito nang lubusan at gumagawa ka ng sarili mong mga plano.
Maaaring mahusay kayong magsalita, ngunit sa realidad ay hindi ninyo sinusunod ni paanuman ang Aking kalooban. Makinig kayo sa Akin! Tiyak na hindi Ko sasabihin na mayroong sinuman sa inyo na kayang tunay na magpakita ng pagsasaalang-alang sa Aking kalooban. Kahit na maaaring umayon sa Aking kalooban ang iyong mga kilos, tiyak na hindi kita pupurihin. Ito ang Aking paraan ng pagliligtas. Gayunpaman, kampante pa rin kayo kung minsan, iniisip na kayo ay kamangha-mangha habang winawalang-halaga ang lahat ng iba pa. Ito ay isang aspeto ng tiwaling disposisyon ng tao. Kinikilala ninyong lahat ang Aking ginagawang punto rito, ngunit sa pang-ibabaw lamang. Upang tunay na makapagbago, kailangan ninyong lumapit sa Akin. Makipagbahaginan sa Akin at bibiyayaan kita. May mga tao na gustong maupo na lamang at anihin kung ano ang itinanim ng iba, iniisip na kailangan lamang nilang iunat ang kanilang mga braso upang mabihisan, at ibuka ang kanilang bibig upang mapakain, naghihintay pa nga na nguyain ng iba ang kanilang pagkain at ilagay ito sa loob ng bibig nila bago ito lunukin. Ang ganyang mga tao ang pinakahangal, gustung-gustong kainin ang nginuya na ng iba. Isa rin itong pagpapamalas ng pinakatamad na aspeto ng tao. Ngayong narinig na ninyo ang mga salita Kong ito, hindi na ninyo dapat lampasan ang mga ito. Ang tanging tamang gawin ay ang doblehin ang inyong pansin, saka lamang mabibigyang-kasiyahan ang Aking kalooban. Ito ang pinakamabuting uri ng pagpapasakop at pagsunod.