656 Ang Disposisyon ng Diyos ay Banal at Walang Kapintasan
I
Gaano man kagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng kayong magaspang at naglagay ng mga abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang magbago ang Kanyang isip. Noong bago Niya ipinahayag sa kanila na wawasakin Niya ang bayan nila—ang sandali bago ang kanilang pagtatapat at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan—galit pa rin sa kanila ang Diyos. Sa sandaling nagsagawa sila ng sunod-sunod na mga kilos ng pagsisisi, unti-unting nagbago at napalitan ng awa at pagpaparaya ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive.
II
Ipinapahayag ng Diyos ang matinding poot bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan. Ang puso ng Diyos ay naaantig bilang tugon sa pagsisisi ng mga tao, at ang pagsisising ito ang siyang nagdudulot ng pagbabago sa Kanyang puso. Kapag naaantig Siya, kapag may pagbabago sa Kanyang puso, at kapag nagpapakita Siya ng awa at pagpaparaya sa tao, ang lahat ng ito ay lubos na walang kapintasan; ang mga iyon ay malinis, dalisay, walang-dungis at walang halo. Ang pagpaparaya ng Diyos ay sadyang pagpaparaya, at ang Kanyang awa ay sadyang awa.
III
Ang Kanyang disposisyon ay nagbubunyag ng poot o nagpapahayag ng awa at pagpaparaya ayon sa iba’t ibang pagpapamalas ng tao at sa pagsisisi nito. Kahit anuman ang Kanyang ibunyag at ipahayag, lahat ng ito ay dalisay at tuwiran; ang diwa nito ay naiiba sa diwa ng anumang nilikha. Sa loob ng mga prinsipyo ng pagkilos, ng mga kaisipan, at ng mga ideyang ipinapahayag ng Diyos, pati na ng bawat desisyon at kilos na ginagawa Niya—walang anumang kapintasan o dungis.
mula sa Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II