Panimula

Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag, itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos ng pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang mga tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman. Ako ang panustos ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda batay sa kung kinikilala at tinatanggap ba ng sangkatauhan ang mga ito, kundi batay sa diwa ng mismong mga salita. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang kayang tumanggap sa Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik laban, nagpapabulaan, o lubos na nanghahamak sa Aking mga salita, ang Aking saloobin ay ito lamang: Hayaan ang panahon at mga katunayan ang maging saksi Ko at magpatunay na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang patunayan ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at na ito ang dapat na taglayin ng tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layon sa Aking mga salita, at ang mga hindi makatanggap sa biyaya ng kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga kinokondena ng Aking mga salita; higit pa rito, ang mga ito ang nawalan ng biyaya ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman malilihis ang Aking tungkod mula sa kanila.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa

Mababaw man o malalim ang mga salitang sinasambit ng Diyos sa panlabas, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan sa buhay pagpasok ng tao; ang mga iyon ang pinagmumulan ng mga buhay na tubig na nagbibigay sa tao ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ibinibigay ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang mga prinsipyo at kredo para sa kanyang sariling asal sa kanyang pang-araw-araw na buhay; ang landas na kailangan niyang tahakin sa kaligtasan, pati na rin ang mga layon at direksyon para sa pagtatamo ng kaligtasan; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paanong ang tao ay nagpapasakop at sumasamba sa Diyos. Ang mga ito ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga ito ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagbibigay ng kakayahan sa tao na maging malakas at manindigan. Sagana ang mga iyon sa katotohanang realidad na ginagamit ng nilikhang sangkatauhan para isabuhay ang normal na pagkatao, sagana sa katotohanang nagpapalaya sa sangkatauhan mula sa katiwalian at sa mga patibong ni Satanas, sagana sa taimtim at mapagtimping pagtuturo, panghihikayat, pagpapalakas-loob, at pag-aliw na ibinibigay ng Lumikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagbibigay ng liwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na isasabuhay at tataglayin ng mga tao ang lahat ng makatarungan, maganda, at mabuti, ang mga iyon ang pamantayan kung saan lahat ng tao, pangyayari, at bagay ay sinusukat, at ang pananda rin sa nabigasyon na gumigiya sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa landas ng liwanag.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

Sa “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita mula sa pananaw ng Espiritu. Ang paraan ng Kanyang pagsasalita ay hindi kayang matamo ng nilikhang sangkatauhan. Bukod pa riyan, ang bokabularyo at estilo ng Kanyang mga salita ay maganda at nakakaantig, at walang anyo ng panitikan ng tao ang maaaring humalili sa mga ito. Ang mga salita kung saan inilalantad Niya ang tao ay tumpak, hindi mapapasinungalingan ang mga ito ng anumang pilosopiya, at hinihikayat ng mga ito ang lahat ng tao na magpasakop. Gaya ng matalas na tabak, ang mga salitang ginagamit ng Diyos sa paghatol sa tao ay tuwirang humihiwa sa kailaliman ng kaluluwa ng mga tao, napakalalim para maiwan silang walang lugar na mapagtataguan. Ang mga salitang ginagamit Niya para aliwin ang mga tao ay may dalang awa at mapagmahal na kabaitan, magiliw ang mga ito na tulad ng yakap ng isang mapagmahal na ina, at ipinararamdam ng mga ito sa mga tao na ligtas sila nang higit kailanman. Ang kaisa-isang pinakadakilang katangian ng mga pagbigkas na ito ay na, sa yugtong ito, hindi nangungusap ang Diyos gamit ang identidad ni Jehova o ni Jesucristo, ni hindi ng identidad ni Cristo ng mga huling araw. Sa halip, gamit ang Kanyang likas na identidad—ang Lumikha—Siya ay nagsasalita at nagtuturo sa lahat ng sumusunod sa Kanya at lahat ng susunod pa sa Kanya. Makatarungang sabihin na ito ang unang pagkakataon mula noong paglikha ng mundo na nangusap ang Diyos sa buong sangkatauhan. Hindi kailanman nangusap ang Diyos sa nilikhang sangkatauhan nang ganito kadetalyado at napakaayos. Siyempre pa, ito rin ang unang pagkakataon na marami Siyang sinabi, at napakatagal, sa buong sangkatauhan. Wala pang nakagawa nito kailanman. Bukod pa riyan, ang mga pagbigkas na ito ang bumubuo sa unang tekstong ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan kung saan inilalantad Niya ang mga tao, ginagabayan sila, hinahatulan sila, at nagsasalita Siya nang tapatan sa kanila at ito rin ang unang mga pagbigkas kung saan ipinaaalam ng Diyos sa mga tao ang Kanyang mga yapak, ang lugar na Kanyang pinaghihimlayan, ang disposisyon ng Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, ang mga kaisipan ng Diyos, at ang Kanyang pag-aalala sa sangkatauhan. Masasabi na ito ang mga unang pagbigkas na sinambit ng Diyos sa sangkatauhan mula sa ikatlong langit simula noong paglikha, at ang unang pagkakataon na nagamit ng Diyos ang Kanyang likas na pagkakakilanlan upang magpakita at ipahayag ang tinig ng Kanyang puso sa sangkatauhan sa gitna ng mga salita.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Panimula

Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring taglayin ng sinumang tao, hindi rin ito isang bagay na madaling matamo ng bawat tao. Ito ay sapagkat ang buhay ay maaari lamang magmula sa Diyos, ibig sabihin, tanging ang Diyos Mismo ang nagtataglay ng diwa ng buhay, at tanging ang Diyos Mismo ang may daan ng buhay. Kaya tanging ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay, at ang bukal na may patuloy na umaagos na buhay na tubig ng buhay. Magmula noong nilikha Niya ang mundo, marami nang nagawang gawain ang Diyos na nagtataglay ng kasiglahan ng buhay, marami na Siyang nagawang gawain na nagbibigay-buhay sa tao, at nagbayad Siya ng napakaraming halaga na nagbibigay-kakayahan sa tao na magkamit ng buhay. Ito ay sapagkat ang Diyos Mismo ang buhay na walang hanggan, at ang Diyos Mismo ang daan kung saan muling mabubuhay ang tao. Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at Siya ay namumuhay sa gitna ng mga tao sa lahat ng oras. Siya ang puwersang nag-uudyok sa pamumuhay ng tao, ang ugat ng pananatiling buhay ng tao, at isang mayamang mapagkukunan para sa pananatiling buhay ng tao pagkatapos ng kapanganakan. Binibigyang-kakayahan Niya ang tao na muling isilang, at binibigyang-kakayahan Niya ang tao na mamuhay nang matatag sa bawat papel nito. Dahil sa pagsandig sa Kanyang kapangyarihan at sa Kanyang di-mapapawing puwersa ng buhay, nabuhay ang tao sa sunud-sunod na mga salinlahi, habang ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay palaging nagbibigay ng suporta sa gitna ng mga tao, at nagbayad ang Diyos ng halagang hindi pa kailanman nabayaran ng isang ordinaryong tao. Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; higit pa rito, lagpas ito sa alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, pambihira ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilalang o puwersa ng kaaway ang kapangyarihan ng Kanyang buhay. Umiiral at nagniningning ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos nang may makinang na liwanag anuman ang oras o lugar. Maaaring sumailalim sa malalaking pagbabago ang langit at lupa, ngunit ang buhay ng Diyos ay ganoon pa rin magpakailanman. Maaaring lumipas ang lahat ng bagay, ngunit iiral pa rin ang buhay ng Diyos, sapagkat ang Diyos ang pinagmulan ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay at ang ugat ng kanilang pananatiling buhay. Ang buhay ng tao ay nagmumula sa Diyos, umiiral ang langit dahil sa Diyos, at dahil sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos kaya nananatili ang mundo. Walang anumang may kasiglahan ang makalalampas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at walang anumang may lakas ang makatatakas sa saklaw ng awtoridad ng Diyos. Sa ganitong paraan, maging sino man sila, dapat sumuko ang lahat ng tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, dapat mamuhay ang lahat sa ilalim ng kontrol ng Diyos, at wala sa kanila ang makatatakas mula sa Kanyang mga kamay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat pareho kang isang papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay o ng walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging mayroon sila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Naghahangad ka lang na kumapit sa nakaraan, na manatili sa iyong kinalalagyan at panatilihin ang mga bagay-bagay, at hindi naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kung gayon, hindi ba’t palagi kang magiging kaaway ng Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng pagkawasak, kumakapit sa iyong kahangalan at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salitang makapagbibigay lang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay sa iyo. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi ang mga landas na kayang maghatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t nagdudulot sa iyo ng pagninilay-nilay ang pagkakaibang ito? Hindi ba’t naipapaunawa nito sa iyo ang mga hiwagang nakapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Iminumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Sumunod: I. Mga Salita tungkol sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos sa Pagliligtas sa Sangkatauhan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito