Paunang Salita
Bagama’t maraming taong naniniwala sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananalig sa Diyos, at kung ano ang kailangan nilang gawin upang maging naaayon sa mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t pamilyar ang mga tao sa salitang “Diyos” at sa mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay nalilito sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos, at ito ay dahil lamang sa masyado silang hindi pamilyar sa paniniwala sa Diyos, masyado itong kakaiba para sa kanila. Sa ganitong paraan, hinding-hindi sila makaabot sa mga hinihingi ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi alam ang Kanyang gawain, hindi sila akmang gamitin ng Diyos, at lalong hindi nila magagawang matugunan ang Kanyang mga layunin. Ang “pananampalataya sa Diyos” ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Bukod pa riyan, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na paniniwala sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananalig na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananalig sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa pananampalataya na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, tinutugunan ang mga layunin ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na “pananalig sa Diyos.” Subalit madalas ituring ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos bilang isang simple at walang-kabuluhang bagay. Nawala na sa mga taong naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Mayroon pa ring mga naniniwala sa Diyos ngayon ayon sa mga salita at sa hungkag na doktrina. Hindi nila alam na wala silang diwa ng pananampalataya sa Diyos, at hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Subalit nagdarasal pa rin sila sa Diyos para mapagpala ng kapayapaan at sapat na biyaya. Huminto tayo, patahimikin natin ang ating puso, at itanong sa ating sarili: Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos talaga ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay napapalugod ang mga layunin ng Diyos?
Ang Diyos at ang tao ay hindi maaaring banggitin nang magkapantay. Ang Kanyang diwa at Kanyang gawain ay pinakamahirap na maarok at maintindihan ng tao. Kung hindi personal na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at sinasambit ang Kanyang mga salita sa mundo ng tao, hindi mauunawaan ng tao ang mga layunin ng Diyos kailanman. Kaya nga, kahit yaong mga naglaan na ng kanilang buong buhay sa Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon. Kung hindi sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain, gaano man kahusay gumawa ang tao, mababalewala iyon, dahil ang mga iniisip ng Diyos ay laging magiging mas mataas kaysa mga iniisip ng tao, at ang karunungan ng Diyos ay hindi kayang maintindihan ng tao. Kaya nga sinasabi Ko na yaong mga nagsasabing “lubos na nauunawaan” nila ang Diyos at ang Kanyang gawain ay lubhang walang kakayahan; lahat sila ay hambog at mangmang. Hindi dapat nililimitahan ng tao ang gawain ng Diyos; bukod pa riyan, hindi maaaring limitahan ng tao ang gawain ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay kasinghamak na tulad ng isang langgam; kaya paano maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Yaong mga gustong magsabi na, “Ang Diyos ay hindi gumagawa sa ganito o ganoong paraan,” o “Ang Diyos ay ganito o ganoon”—hindi ba sila mayabang magsalita? Dapat alam nating lahat na ang tao, na may laman, ay nagawang tiwali ni Satanas. Ang pinaka-kalikasano ng sangkatauhan ay ang paglaban sa Diyos. Hindi maaaring pumantay ang sangkatauhan sa Diyos, lalong hindi maaaring hangarin ng sangkatauhan na magpayo sa gawain ng Diyos. Patungkol sa kung paano ginagabayan ng Diyos ang tao, ito ang gawain ng Diyos Mismo. Akma na dapat magpasakop ang tao, nang hindi nagpapahayag ng ganito o ganoong pananaw, sapagkat ang tao ay alabok lamang. Yamang ang ating layunin ay hanapin ang Diyos, hindi natin dapat pangibabawin ang ating mga kuru-kuro sa gawain ng Diyos para isaalang-alang ng Diyos, lalong hindi natin dapat gamitin ang ating tiwaling disposisyon para sadya at masigasig na labanan ang gawain ng Diyos. Hindi ba tayo gagawin niyan na mga anticristo? Paanong ang gayong mga tao ay naniniwala sa Diyos? Yamang naniniwala tayo na mayroong Diyos, at yamang nais nating palugurin Siya at makita Siya, dapat nating hanapin ang daan ng katotohanan, at dapat tayong humanap ng daan upang makaayon ng Diyos. Hindi tayo dapat makipagmatigasan sa paglaban sa Kanya. Anong kabutihan ang maaaring idulot nggayong mga pagkilos?
Ngayon, gumawa ang Diyos ng bagong gawain. Maaaring hindi mo magawang tanggapin ang mga salitang ito, at maaaring tila kakaiba ito sa iyo, ngunit ang ipapayo Ko sa iyo ay huwag ilantad ang iyong naturalesa, sapagkat yaon lamang mga tunay na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran sa harap ng Diyos ang maaaring magtamo ng katotohanan, at yaon lamang mga tunay na matapat ang maliliwanagan at magagabayan Niya. Natatamo ang mga resulta sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan nang may mahinahong kapanatagan, hindi sa pakikipag-away at pakikipagtalo. Kapag sinabi Kong “ngayon, gumawa ang Diyos ng bagong gawain,” tinutukoy Ko ang pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Marahil ay hindi nakakaligalig sa iyo ang mga salitang ito; marahil ay kinamumuhian mo ang mga ito; o marahil pa nga ay may malaking interes ka sa mga iyon. Anuman ang sitwasyon, sana ay kayang harapin ng lahat ng tunay na nasasabik na magpakita ang Diyos ang katunayang ito at mabigyan ito ng kanilang maingat na pagsusuri, sa halip na magsalita nang patapos tungkol dito; iyan ang dapat gawin ng isang matalinong tao.
Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dadalhin Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam. Hindi matutukoy ang diwa sa panlabas na anyo; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba ang Kanyang mukha at pananamit ay hindi nakapagbigay ng anumang mga palatandaan tungkol sa Kanyang tunay na pagkakakilanlan? Hindi ba kinontra ng mga sinaunang Pariseo si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila masinsinang tinanggap ang mga salita mula sa Kanyang bibig? Inaasahan Ko na hindi na uulitin ng bawat isang kapatid na naghahangad sa pagpapakita ng Diyos ang trahedya ng kasaysayan. Huwag kayong maging mga Pariseo ng makabagong panahon na muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong isiping mabuti kung paano malugod na sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsabilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus sakay ng ulap. Dapat nating kusutin ang ating espirituwal na mga mata para luminaw, at hindi tayo dapat malubog sa mga salita ng labis-labis na pantasya. Dapat nating pag-isipan ang makatotohanang gawain ng Diyos, at tingnan ang praktikal na aspekto ng Diyos. Huwag magpatangay o magpadala sa inyong mga pangangarap nang gising, na laging nananabik sa araw na ang Panginoong Jesus, na nakasakay sa ulap, ay biglang bumaba sa inyo, at dalhin kayong mga hindi nakakilala o nakakita sa Kanya kailanman, at hindi nakakaalam kung paano sumunod sa Kanyang kalooban. Mas mabuti pang pag-isipan ang mas praktikal na mga bagay!
Maaaring nabuksan mo na ang aklat na ito para sa layuning magsaliksik, o sa hangaring tanggapin ito; anuman ang iyong saloobin, umaasa Akong babasahin mo ito hanggang dulo, at hindi mo ito isasantabi nang basta-basta. Marahil, matapos basahin ang mga salitang ito, magbabago ang iyong saloobin, ngunit depende iyan sa iyong motibasyon at sa antas ng iyong pag-unawa. Gayunman, may isang bagay kang dapat malaman: Ang salita ng Diyos ay hindi maaaring ituring na salita ng tao, at lalong hindi maaaring ituring ang salita ng tao na salita ng Diyos. Ang isang taong ginagamit ng Diyos ay hindi ang Diyos na nagkatawang-tao, at ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi ang taong ginagamit ng Diyos. Dito, mayroong mahalagang pagkakaiba. Marahil, matapos basahin ang mga salitang ito, hindi mo kinikilala na ang mga ito ang mga salita ng Diyos, kundi bilang kaliwanagan lamang na natamo ng tao. Kung gayon, binubulag ka ng kamangmangan. Paano magiging kapareho ng kaliwanagang natamo ng tao ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagbubukas ng isang bagong kapanahunan, ginagabayan ang buong sangkatauhan, nagbubunyag ng mga hiwaga, at ipinapakita sa tao ang direksyong dapat niyang sundan sa bagong kapanahunan. Ang kaliwanagang natamo ng tao ay simpleng tagubilin lamang para sa pagsasagawa o sa kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maibubunyag ang mga hiwaga ng Diyos Mismo. Pagkatapos ng lahat, ang Diyos ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao. Kung ituturing ng tao ang mga salitang sinambit ng Diyos bilang simpleng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ituturing ang mga salita ng mga apostol at propeta bilang mga salitang personal na sinambit ng Diyos, pagkakamali iyan ng tao. Ano’t anuman, hindi mo kailanman dapat na pagbaligtarin ang itim at puti, o mailarawan bilang mababa ang mataas, o pagkamalang mababaw ang malalim; ano’t anuman, kailanman ay hindi mo dapat sadyang pabulaanan ang alam mong ang katotohanan. Lahat ng naniniwala na mayroong Diyos ay dapat siyasatin ang mga problema mula sa tamang pananaw, at tanggapin ang bagong gawain ng Diyos at Kanyang bagong mga salita mula sa pananaw ng isang nilikha ng Diyos; kung hindi, ititiwalag sila ng Diyos.
Pagkatapos ng gawain ni Jehova, naging tao si Jesus upang gawin ang Kanyang gawain sa gitna ng mga tao. Ang Kanyang gawain ay hindi isinagawa nang nakahiwalay, kundi nakabatay sa gawain ni Jehova. Iyon ay gawain para sa isang bagong kapanahunan na ginawa ng Diyos nang matapos Niya ang Kapanahunan ng Kautusan. Gayundin, nang matapos ang gawain ni Jesus, nagpatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain para sa susunod na kapanahunan, dahil ang buong pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong. Kapag lumipas ang lumang kapanahunan, papalitan ito ng isang bagong kapanahunan, at kapag natapos na ang lumang gawain, magkakaroon ng bagong gawain para ipagpatuloy ang pamamahala ng Diyos. Ang pagkakatawang-taong ito ay ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, na sinusundan ang gawain ni Jesus. Siyempre pa, ang pagkakatawang-taong ito ay hindi nangyayaring mag-isa; ito ang pangatlong yugto ng gawain pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya. Tuwing nagpapasimula ang Diyos ng isang bagong yugto ng gawain, kailangan ay palaging may isang bagong simula at kailangang maghatid ito ng isang bagong kapanahunan. Mayroon ding mga kaukulang pagbabago sa disposisyon ng Diyos, sa paraan ng Kanyang paggawa, sa lokasyon ng Kanyang gawain, at sa Kanyang pangalan. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na mahirap para sa tao na tanggapin ang gawain ng Diyos sa bagong kapanahunan. Ngunit paano man Siya nilalabanan ng tao, laging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging inaakay ang buong sangkatauhan pasulong. Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t gumawa ng maraming gawain si Jesus kasama ng tao, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang satanikong tiwaling disposisyon nito. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
Kung mananatiling nakatigil ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila maaalis kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung palaging mabubuhay ang mga tao sa gitna ng kasaganaan ng biyaya, ngunit hindi taglay ang daan ng buhay na magtutulot sa kanila na makilala ang Diyos o mapalugod Siya, hindi nila Siya tunay na matatamo kailanman sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Kaawa-awa talaga ang ganitong uri ng pananampalataya. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, madarama mo na ang mga pagnanais na taglay mo sa loob ng maraming taon ay natupad na rin sa wakas. Madarama mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harapan; ngayon mo lamang natitigan ang Kanyang mukha, narinig ang Kanyang personal na mga pagbigkas, napahalagahan ang karunungan ng Kanyang gawain, at tunay na nadama kung gaano Siya kapraktikal at kamakapangyarihan-sa-lahat. Madarama mo na maraming bagay kang nakamtan na hindi pa nakita ni natamo ng mga tao noong nakalipas na mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang maniwala sa Diyos, at kung ano ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Siyempre pa, kung kakapit ka sa mga pananaw ng nakaraan, at aayawan o tatanggihan mo ang katunayan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mananatili kang walang napala, walang natamo, at sa huli ay ipapahayag kang nagkasala ng paglaban sa Diyos. Yaong mga nakapagpapasakop sa katotohanan at nagpapasakop sa gawain ng Diyos ay aangkinin sa ilalim ng pangalan ng pangalawang Diyos na nagkatawang-tao—ang Makapangyarihan sa lahat. Matatanggap nila ang personal na patnubay ng Diyos, na nagtatamo ng mas marami at mas matataas na katotohanan, at ng tunay na buhay. Mamamasdan nila ang pangitaing hindi pa nakita kailanman ng mga tao noong araw: “At ako ay lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako ay lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto; At sa gitna ng pitong kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi” (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao. Sa mga pagdagsa ng mga pagkastigo at paghatol, ipinapahayag ng Anak ng tao ang Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng mga pagbigkas, na nagtutulot sa lahat ng tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, na isang matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre pa, lahat ng ito ay hindi makikita ng mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.) Ang tunay na mukha ng Diyos ay hindi maaaring ganap na bigkasin nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao, kaya nga ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapahayag sa Kanyang likas na disposisyon upang ipakita sa tao ang Kanyang tunay na mukha. Na ibig sabihin ay lahat ng nagpahalaga sa likas na disposisyon ng Anak ng tao ay nakita na ang tunay na mukha ng Anak ng tao, sapagkat napakadakila ng Diyos at hindi maaaring lubos na mabigkas nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao. Kapag naranasan na ng tao ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, malalaman niya ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Juan nang banggitin niya ang Anak ng tao sa gitna ng mga ilawan: “Ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi.” Sa panahong iyon, malalaman mo nang walang anumang pagdududa na ang ordinaryong katawan na ito na napakaraming nasabi ay hindi maikakailang ang pangalawang Diyos na nagkatawang-tao. Bukod pa riyan, madarama mo talaga kung gaano ka kapalad, at madarama mo sa sarili mo na ikaw ang pinakamapalad. Hindi ka ba handang tanggapin ang pagpapalang ito?
Ang unang bahagi ng aklat na ito ay “Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula.” Ang mga salitang ito ay kumakatawan sa paglipat mula sa katapusan ng Kapanahunan ng Biyaya tungo sa simula ng Kapanahunan ng Kaharian, at ito ang patotoo ng Banal na Espiritu sa publiko sa mga iglesia tungkol sa Anak ng tao. Ito rin ang katuparan ng mga salitang ito sa Pahayag: “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” Ang mga salitang ito ay kumakatawan sa paunang yugto ng gawain na sinimulan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian. Ang pangalawang bahagi ng aklat na ito ay binubuo ng mga salitang personal na sinambit ng Anak ng tao matapos Niyang pormal na ihayag ang Kanyang sarili. Kasama rito ang ilang uri ng mga pagbigkas at mga salita, tulad ng propesiya, ang paghahayag ng mga hiwaga, at ang daan ng buhay, na ang nilalaman ay medyo sagana—may mga hula para sa hinaharap ng kaharian, mga paghahayag ng mga hiwaga ng plano ng pamamahala ng Diyos, paghihimay sa kalikasan ng tao, mga payo at babala, mahihigpit na paghatol, taos-pusong mga salita ng kaaliwan, pagtalakay sa buhay, diskurso tungkol sa pagpasok, at iba pa. Sa madaling salita, kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya, gayundin ang disposisyon ng Diyos, ay ipinapahayag lahat sa Kanyang gawain at Kanyang mga salita. Siyempre pa, ang gawain ng Diyos sa kasalukuyang pagkakatawang-tao ay upang ipahayag ang Kanyang disposisyon una sa lahat sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol. Batay sa pundasyong ito, naghahatid Siya ng dagdag na katotohanan sa tao at nagtuturo rito ng iba pang mga paraan ng pagsasagawa, sa gayon ay nakakamit ang Kanyang layuning lupigin ang tao at iligtas ito mula sa sarili nitong tiwaling disposisyon. Ito ang nasa likod ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian. Nais mo bang pumasok sa bagong kapanahunan? Nais mo bang alisin sa iyong sarili ang iyong tiwaling disposisyon? Nais mo bang magtamo ng mas mataas na katotohanan? Nais mo bang makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao? Nais mo bang magkaroon ng kabuluhan ang buhay na ito? Nais mo bang magawang perpekto ng Diyos? Kung gayon ay paano mo malugod na sasalubungin ang pagbalik ni Jesus?