Pagsasagawa (1)

Sa nakalipas, napakaraming paglihis at maging mga kahangalan sa mga paraan ng pagdanas ng mga tao. Hindi nila talaga naunawaan ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos, kaya maraming lugar kung saan ang mga karanasan ng mga tao ay napalihis. Ang hinihingi ng Diyos sa tao ay ang magawa nilang magsabuhay ng normal na pagkatao. Halimbawa, ayos lang na sumunod ang mga tao sa mga makabagong kaugalian na may kaugnayan sa pagkain at pananamit, na magsuot ng amerikana at kurbata, na matuto nang kaunti tungkol sa makabagong sining, at sa kanilang libreng oras maaari silang masiyahan sa sining, kultura at libangan. Maaari silang kumuha ng ilang di-malilimutang larawan, maaari silang magbasa at magkamit ng ilang kapaki-pakinabang na kaalaman, at magkaroon ng isang medyo magandang kapaligiran para mabuhay. Ito ang lahat ng bagay na naaangkop sa buhay ng normal na pagkatao, gayunma’y itinuturing ang mga ito ng mga tao bilang mga bagay na kinamumuhian ng Diyos at pinipigilan nila ang kanilang mga sarili na gawin ang mga ito. Ang kanilang pagsasagawa ay binubuo lamang ng pagsunod sa ilang patakaran, na nagdudulot ng isang buhay na kasing-tamlay ng tubig-kanal at ganap na walang kahulugan. Sa katunayan, hindi kailanman hiniling ng Diyos na ganito ang gawin ng mga tao. Ninanais ng lahat ng tao na bawasan ang kanilang sariling mga disposisyon, nananalangin nang walang tigil sa kanilang mga espiritu na maging mas malapit sa Diyos, ang kanilang mga isipan ay palaging nagninilay kung ano ang binabalak ng Diyos, ang kanilang mga mata ay palaging nagmamasid sa ganito at sa ganyan, na may malaking takot na ang kanilang kaugnayan sa Diyos ay mapuputol. Ang lahat ng ito ay mga konklusyong ginawa ng mga tao mismo; ang mga ito ay ang mga patakarang itinakda ng mga tao para sa kanilang mga sarili. Kung hindi mo kilala ang iyong sariling kalikasang diwa at hindi mo nauunawaan kung anong antas ang maaabot ng iyong sariling pagsasagawa, wala kang magiging paraan para matiyak kung ano ang eksatong mga pamantayan na hinihingi ng Diyos sa tao, at ni magkakaroon ka man ng tumpak na landas ng pagsasagawa. Dahil hindi mo kayang maunawaan kung ano ang eksaktong hinihingi ng Diyos sa tao, ang iyong isip ay palaging nababalisa, at matamang nag-iisip sa pagsusuri ng mga intensyon ng Diyos at nag-aapuhap sa paghahanap ng ilang paraan kung paano maantig at maliwanagan ng Banal na Espiritu. Bilang resulta, nalilinang mo ang ilang paraan ng pagsasagawa na pinaniniwalaan mong naaangkop. Wala ka talagang ideya kung ano ang eksaktong hinihingi ng Diyos sa tao; basta isinasakatuparan mo lamang ang iyong sariling kalipunan ng mga pagsasagawa, walang masyadong pakialam sa kalalabasan at lalo na sa kung may mga paglihis o mga pagkakamali man sa iyong pagsasagawa. Sa ganitong paraan, ang iyong pagsasagawa ay likas na kulang sa katumpakan at walang prinsipyo. Ang partikular na kulang dito ay ang normal na katwiran at konsiyensya ng tao, gayundin ang papuri ng Diyos at ang pagpapatunay ng Banal na Espiritu. Nagiging ganap na masyadong madaling tahakin na lamang ang iyong sariling landas. Ang ganitong uri ng pagsasagawa ay sumusunod lamang sa mga patakaran o kusang kumukuha ng higit na pasanin upang higpitan ang iyong sarili at kontrolin ang iyong sarili. Gayunma’y iyong iniisip na tumpak at tiyak ang iyong pagsasagawa, nang hindi nalalaman na ang nakararami sa iyong pagsasagawa ay di-kailangang mga proseso o mga pagdiriwang. Marami ang nagsasagawa na kagaya nito sa loob ng maraming taon na wala man lang pagbabago sa kanilang mga disposisyon, walang bagong pagkaunawa, at walang bagong pagpasok. Hindi namamalayan na muli nilang ginagawa ang parehong mga pagkakamali noon at nililinang nang husto ang kanilang mababangis na kalikasan, maging hanggang sa punto na maraming beses silang gumagawa ng di-makatwiran, di-makataong mga pagkilos, at kumikilos sa mga paraang nag-iiwan sa mga tao na naguguluhan at lubos na nalilito. Ang ganoong uri ba ng mga tao ay masasabing dumanas na ng pagbabago sa disposisyon?

Ngayon, ang paniniwala sa Diyos ay nakapasok na sa Kapanahunan ng Salita ng Diyos. Sa pangkalahatan, ang mga tao ay hindi na kasing-dalas manalangin tulad ng dati; ang mga salita ng Diyos ay maliwanag nang ipinagbigay-alam ang lahat ng aspeto ng katotohanan at mga paraan ng pagsasagawa, kaya’t hindi na kinakailangan ng mga tao na maghanap at mangapa. Sa buhay ng Kapanahunan ng Kaharian, ang mga salita ng Diyos ang pumapatnubay sa mga tao pasulong, at ito ang isang buhay kung saan ang lahat ay ginawang malinaw para makita nila—dahil inilatag ng Diyos ang lahat nang malinaw, at ang tao ay hindi na naiwang nangangapa sa buhay. Tungkol sa pag-aasawa, mga makamundong usapin, buhay, pagkain, pananamit at tirahan, mga relasyong interpersonal, kung paano makapaglilingkod ang isang tao sa paraang tumutugon sa kalooban ng Diyos, kung paano tatalikdan ng isang tao ang laman, at iba pa, alin sa mga ito ang hindi pa naipaliwanag sa inyo? Kailangan pa ba ninyong manalangin at maghanap? Hindi na talaga kinakailangan! Kung ginagawa mo pa rin ang mga bagay na ito, kumikilos ka lamang nang labis. Ito ay kamangmangan at kahangalan, at lubos na di-kinakailangan! Iyon lamang na masyadong kulang sa kakayahan at hindi kayang maunawaan ang mga salita ng Diyos ang walang-tigil na sumasambit ng hangal na mga panalangin. Ang susi sa pagsasagawa ng katotohanan ay kung mayroon kang pagpapasiya o wala. Ang ilang tao ay iginigiit ang pagsunod sa kanilang makalamang mga pagpili sa kanilang mga pagkilos kahit na alam nilang hindi ito ayon sa katotohanan. At kung gayo’y hinahadlangan nito ang kanilang sariling pag-unlad sa buhay, at kahit na pagkatapos ng pananalangin at paghahanap nais pa rin nilang kumilos nang ayon sa laman. Sa paggawa nito, hindi ba sadya silang nagkakasala? Kagaya ng mga nagnanasa sa mga kasiyahan ng laman at nananabik sa salapi, at pagkatapos ay nananalangin sa Diyos, na nagsasabing: “Diyos! Pahihintulutan Mo ba ako na pagnasaan ang mga kasiyahan ng laman at pagnasaan ang kayamanan? Kalooban Mo ba na ako ay kumita ng salapi sa ganitong paraan?” Ito ba ay isang naaangkop na paraan para manalangin? Alam na alam ng mga taong gumagawa nito na ang Diyos ay hindi nagagalak sa mga bagay na ito, at na dapat nilang talikuran ang mga ito, nguni’t ang mga bagay na nasa kanilang mga puso ay napagpasiyahan na, at kapag sila ay nananalangin at naghahanap ay sinusubukan nilang pilitin ang Diyos na hayaan silang kumilos sa ganitong paraan. Sa kanilang mga puso, maaaring hilingin pa nila na magsabi ang Diyos ng isang bagay upang patunayan ito—ito ang tinatawag na pagiging-mapanghimagsik. Mayroon ding mga nagdadala sa mga kapatid sa iglesia tungo sa kanilang panig at nagtatayo ng kanilang sariling malayang mga kaharian. Lubos mong nalalaman na ang ganitong mga pagkilos ay sumasalungat sa Diyos, nguni’t sa sandaling ikaw ay determinado na gumawa ng isang bagay na gaya nito ay patuloy ka pa ring naghahanap at nananalangin sa Diyos, kalmado at walang takot. Napakawalang-hiya at napakakapal ng pagmumukha mo! Tungkol sa pagtalikod sa makamundong mga bagay, matagal na itong nasabi. Mayroong ilan na malinaw na nalalaman na kinasusuklaman ng Diyos ang makamundong mga bagay, nguni’t nananalangin pa rin, na nagsasabing: “Oh Diyos! Nauunawaan ko na ayaw Mong makiayon ako sa makamundong mga bagay, nguni’t ginagawa ko ito upang hindi hiyain ang Iyong pangalan; ginagawa ko ito upang maaaring makita ng makamundong mga tao ang Iyong kaluwalhatian sa akin.” Anong klaseng panalangin iyon? Masasabi ba ninyo? Ito ay isang panalangin para pilitin at gipitin ang Diyos. Hindi ka ba nahihiya na manalangin sa ganitong paraan? Ang mga taong nananalangin sa ganitong paraan ay sadyang sinasalungat ang Diyos, at ang ganitong uri ng panalangin ay isang bagay na may kaduda-dudang mga motibo lamang; tunay na ito ay isang pagpapahayag ng mala-satanas na disposisyon. Ang mga salita ng Diyos ay malinaw na malinaw, lalo na yaong ipinahayag patungkol sa Kanyang kalooban, Kanyang disposisyon, at kung paano Niya itinuturing ang iba’t ibang uri ng mga tao. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang higit na magbasa ng mga salita ng Diyos—higit na mas mabuti ang mga resulta ng paggawa nito kaysa sa bulag na pananalangin at paghahanap. Maraming pagkakataon kung saan ang paghahanap at pananalangin ay dapat mapalitan ng higit na pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahagi sa katotohanan. Sa iyong regular na mga panalangin, dapat na magnilay at subukang mas kilalanin ang sarili mula sa nilalaman ng mga salita ng Diyos. Ito ay mas kapaki-pakinabang para sa iyong pag-unlad sa buhay. Kung, ngayon, ay naghahanap ka pa rin sa pamamagitan ng pagtingin sa langit, hindi ba iyon nagpapakita na ikaw ay naniniwala pa rin sa isang malabong Diyos? Dati, nakita mo ang mga resulta mula sa iyong paghahanap at pananalangin, at kahit papaano ay naantig ng Banal na Espiritu ang iyong espiritu sapagka’t iyon ang panahon ng Kapanahunan ng Biyaya. Hindi mo nakikita ang Diyos, kaya wala kang magawa kundi mangapa at maghanap sa gayong paraan. Ngayon ang Diyos ay naparito na sa mga tao, ang Salita ay nagpakita na sa katawang-tao, at nakita mo na ang Diyos; kaya ang Banal na Espiritu ay hindi na gumagawa kagaya ng Kanyang ginawa noong una. Ang kapanahunan ay nagbago na at gayundin ang paraan kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Bagaman ang mga tao ay maaaring hindi na kasing-dalas manalangin tulad ng dati, dahil ang Diyos ay nasa lupa, mayroon nang pagkakataon ang tao ngayon para ibigin ang Diyos. Nakapasok na ang sangkatauhan sa kapanahunan ng pag-ibig sa Diyos at maaari nang normal na maging mas malapit sa Diyos sa kalooban nila: “Oh Diyos! Ikaw ay talagang napakabuti, at nais kong ibigin Ka!” Ilang malinaw at simpleng salita lamang ang nagpapahayag sa pag-ibig para sa Diyos na nasa loob ng puso ng mga tao; ang panalanging ito ay sinambit lamang alang-alang sa pagpapalalim ng pag-ibig sa pagitan ng tao at ng Diyos. Minsan maaaring nakikita mo ang iyong sarili na nagpapamalas ng ilang pagkasuwail, at nagsasabi: “Oh Diyos! Bakit masyado akong tiwali?” Nararamdaman mo ang isang matinding pagnanais na sampalin ang iyong sarili nang ilang beses, at naiiyak ka. Sa ganoong mga pagkakataon, nadarama mo ang pagsisisi at pagkabalisa sa iyong puso, nguni’t wala kang paraan upang ipahayag ang mga damdaming ito. Ito ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, nguni’t yaong naghahangad lamang ng buhay ang makatatamo nito. Nadarama mo na ang Diyos ay mayroong dakilang pag-ibig para sa iyo at mayroon kang isang natatanging uri ng damdamin. Bagama’t wala kang mga salita para makapanalangin nang malinaw, lagi mong nadarama na ang pag-ibig ng Diyos ay kasing-lalim ng karagatan. Walang angkop na mga salita para ipahayag ang kalagayang ito, at ito ay isang kalagayan na madalas nanggagaling sa loob ng espiritu. Ang ganitong uri ng panalangin at pagbabahagi, na naglalayon na mas mapalapit ang isang tao sa Diyos sa kanyang puso, ay normal.

Bagama’t lipas na ang panahon na ang mga tao ay kailangang mangapa at maghanap, hindi iyon nangangahulugan na hindi na nila kailangang manalangin at maghanap, ni nangangahulugan na hindi na kailangang hintayin ng mga tao na ihayag ng kalooban ng Diyos ang sarili nito bago magpatuloy sa gawain; ang mga ito ay maling mga palagay lamang ng tao. Ang Diyos ay naparito na sa mga tao upang mamuhay kasama nila, maging kanilang liwanag, kanilang buhay, at kanilang daan: Ito ay isang katunayan. Siyempre, sa pagdating ng Diyos sa mundo, tiyak na dinadala Niya sa sangkatauhan ang isang praktikal na daan at buhay na nababagay sa kanilang tayog para kanilang tamasahin—hindi Siya naparito upang sirain ang lahat ng paraan ng pagsasagawa ng tao. Ang tao ay hindi na nabubuhay sa pangangapa at paghahanap sapagka’t ito ay pinalitan na ng pagparito ng Diyos sa lupa upang gumawa at sabihin ang Kanyang salita. Siya ay naparito upang palayain ang tao mula sa buhay ng kadiliman at kalabuan na kanilang pinangungunahan at tulungan silang magkaroon ng isang buhay na puno ng liwanag. Ang kasalukuyang gawain ay upang ituro nang malinaw ang mga bagay, magsalita nang malinaw, magpabatid nang tuwiran, at ipaliwanag ang mga bagay nang tahasan, upang maisagawa ng mga tao ang mga bagay na ito, kagaya ng pangunguna ng Diyos na si Jehova sa mga tao ng Israel, sinasabi sa kanila kung paano mag-alay ng mga sakripisyo at kung paano itayo ang templo. Samakatuwid, hindi na ninyo kailangang mamuhay nang may marubdob na paghahanap gaya ng inyong ginawa pagkatapos lumisan ang Panginoong Jesus. Dapat ba kayong mangapa sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa hinaharap? Dapat ba kayong mangapa sa paghahanap ng wastong paraan upang mabuhay? Dapat ba kayong mangapa upang mabatid kung paano ninyo dapat gampanan ang inyong sariling mga tungkulin? Kailangan pa ba ninyong magpatirapa sa lupa, naghahanap, upang malaman kung paano kayo dapat magpatotoo? Kailangan pa ba ninyong mag-ayuno at manalangin upang malaman kung paano kayo dapat manamit o mabuhay? Kailangan pa ba ninyong manalangin nang walang patid sa Diyos sa langit upang malaman kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagiging nalupig ng Diyos? Kailangan pa ba ninyong manalangin nang palagi, araw at gabi, upang malaman kung paano kayo dapat sumunod sa Diyos? Marami sa inyo ang nagsasabi na hindi kayo makapagsagawa dahil hindi ninyo nauunawaan. Hindi lang talaga nagbibigay-pansin ang mga tao sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan! Maraming salita ang matagal na panahon Ko nang nasabi, nguni’t ni katiting ay hindi ninyo kailanman binigyang-pansin ang pagbabasa sa mga ito, kaya hindi nakapagtataka na hindi ninyo alam kung paano magsagawa. Siyempre, sa kapanahunan ngayon inaantig pa rin ng Banal na Espiritu ang mga tao upang tulutan silang makadama ng kasiyahan, at Siya ay namumuhay kasama ng tao. Ito ang pinagmumulan ng espesyal, nakasisiyang mga damdaming iyon[a] na madalas mangyari sa iyong buhay. Paminsan-minsan, dumarating ang araw na nadarama mo na ang Diyos ay talagang kaibig-ibig at hindi mo mapigilang manalangin sa Kanya: “Oh Diyos! Napakaganda ng Iyong pag-ibig at ang Iyong imahe ay napakadakila. Nais kong ibigin Ka nang mas malalim. Nais kong ilaan ang lahat ng aking sarili upang gugulin ang kabuuan ng aking buhay. Ihahandog ko ang lahat sa Iyo, basta ito ay para sa Iyo, basta sa paggawa nito ay magagawa kong mahalin Ka….” Ito ay isang damdamin ng kasiyahan na ibinigay sa iyo ng Banal na Espiritu. Hindi ito kaliwanagan, ni ito man ay pagpapalinaw; ito ang karanasan ng pagiging inaantig. Ang mga karanasang kapareho nito ay mangyayari paminsan-minsan: Minsan kapag papunta ka na sa iyong gawain, mananalangin ka at mapapalapit sa Diyos, at maaantig ka hanggang sa mababasa na ng luha ang iyong mukha at mawawala ang lahat ng iyong pagpipigil sa sarili, at mababalisa ka na maghanap ng isang angkop na lugar kung saan maipahahayag mo ang lahat ng alab sa loob ng iyong puso…. May mga pagkakataon na kapag ikaw ay nasa isang pampublikong lugar, at madarama mo na masyado kang nasisiyahan sa pag-ibig ng Diyos, na ang iyong kapalaran ay hindi karaniwan, at na bukod pa rito ay isinasabuhay mo ang iyong buhay nang mas makabuluhan kaysa kaninuman. Lubos mong malalaman na itinaas ka na ng Diyos at na ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa iyo. Sa kaibuturan ng iyong puso madarama mo na mayroong isang uri ng pag-ibig sa Diyos na di-maipahahayag at di-maarok ng tao, na parang alam mo ito nguni’t walang paraan para ilarawan ito, palagi kang pinag-iisip nang mabuti nguni’t iiwan kang hindi ito maipahayag nang lubos. Sa mga panahong kagaya nito, makakalimutan mo pa nga kung nasaan ka, at mananawagan ka: “Oh Diyos! Napakahirap Mong arukin, at talagang minamahal!” Dahil dito ay magugulumihanan ang mga tao, nguni’t lahat ng gayong mga bagay ay medyo madalas mangyari. Napakaraming beses na ninyong naranasan ang ganitong klaseng bagay. Ito ang buhay na naibigay sa iyo ng Banal na Espiritu ngayon at ang buhay na dapat mong ipinamumuhay ngayon. Ito ay hindi upang pigilan ka mula sa pagsasabuhay ng buhay, nguni’t sa halip ay upang baguhin ang paraan ng pagsasabuhay ng iyong buhay. Ito ay isang damdamin na hindi maaaring mailarawan o maipahayag. Ito rin ang totoong damdamin ng tao at, higit pa rito, ito ang gawain ng Banal na Espiritu. Maaaring maunawaan mo ito sa iyong puso, nguni’t wala ka talagang paraan na maipahayag ito nang malinaw sa sinuman. Hindi ito dahil sa ikaw ay mabagal magsalita o na ikaw ay nauutal, kundi dahil ito ay isang uri ng damdamin na hindi kayang mailarawan sa mga salita. Pinapayagan kang tamasahin ang mga bagay na ito ngayon, at ito ang buhay na dapat mong isinasabuhay. Siyempre, ang ibang aspeto ng iyong buhay ay hindi hungkag; subali’t ang karanasang ito ng pagiging inaantig ay nagiging isang uri ng kagalakan sa iyong buhay na ginagawa kang palaging handang tamasahin ang gayong mga karanasan mula sa Banal na Espiritu. Nguni’t dapat mong malaman na ang maantig sa ganitong paraan ay hindi upang maaari mong mahigitan ang laman at pumunta sa ikatlong langit o maglakbay sa buong mundo. Sa halip, ito ay upang maaari mong madama at matikman ang pag-ibig ng Diyos na iyong tinatamasa ngayon, maranasan ang kahalagahan ng gawain ng Diyos ngayon, at sariwain ang iyong sarili sa pagmamalasakit at pangangalaga ng Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay upang magkaroon ka ng higit na kaalaman sa gawain na ginagawa ng Diyos ngayon—ito ang layunin ng Diyos sa paggawa ng gawaing ito.

Ang paghahanap at pangangapa ay ang paraan ng pamumuhay bago ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Sa panahong iyon hindi nakikita ng mga tao ang Diyos at kaya wala silang magawa kundi maghanap at mangapa. Sa kasalukuyan nakita mo na ang Diyos at sinasabi Niya sa iyo nang tuwiran kung paano ka dapat magsagawa; ito ang dahilan kung bakit hindi mo na kailangang mangapa o maghanap. Ang landas kung saan inaakay Niya ang tao ay ang daan ng katotohanan, at ang mga bagay na Kanyang sinasabi sa tao at na tinatanggap ng tao ay ang buhay at ang katotohanan. Nasa iyo ang daan at ang buhay katotohanan, kaya bakit pa kailangang maghanap kahit saan? Ang dalawang yugto ng gawain ay hindi gagawin ng Banal na Espiritu nang sabay. Kung, kapag matapos Ko nang sabihin ang Aking salita, ang mga tao ay hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang mabuti at naghahangad sa katotohanan nang wasto, kumikilos pa rin tulad ng kanilang ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, nangangapa silang parang bulag, palaging nananalangin at naghahanap, hindi ba iyon mangangahulugan na ang yugtong ito ng Aking gawain—ang gawain ng mga salita—ay ginagawa nang walang kabuluhan? Bagaman maaaring natapos Ko nang sabihin ang Aking salita, hindi pa rin lubos na nauunawaan ng mga tao, at ito ay dahil sila ay kulang sa kakayahan. Ang suliraning ito ay maaaring malutas sa pamamagitan ng pamumuhay ng buhay-iglesia at sa pamamagitan ng pagbabahagi sa isa’t isa. Noon, sa Kapanahunan ng Biyaya, bagaman ang Diyos ay nagkatawang-tao, hindi Niya ginawa ang gawain ng mga salita, na siyang dahilan kung bakit gumawa sa gayong paraan ang Banal na Espiritu sa panahong iyon upang mapanatili ang gawain. Sa panahong iyon ang Banal na Espiritu ang pangunahing gumawa ng gawain, nguni’t ngayon ang nagkatawang-taong Diyos Mismo ang gumagawa nito, na pumalit sa lugar ng gawain ng Banal na Espiritu. Noon, hangga’t madalas na nanalangin ang mga tao, nakaranas sila ng kapayapaan at kagalakan; mayroong pagsisisi at disiplina. Ito ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu. Ngayon ang mga kalagayang ito ay kakaunti at bibihira. Ang Banal na Espiritu ay kaya lamang gumawa ng isang uri ng gawain sa anumang kapanahunan. Kung ginawa Niya ang dalawang uri ng gawain nang magkasabay, na ginagawa ng katawang-tao ang isang uri at ginagawa ng Banal na Espiritu ang isa pang uri sa loob ng mga tao, at kung ang sinabi ng katawang-tao ay hindi ibinilang at tanging ang ginawa ng Espiritu ang ibinilang, si Cristo ay hindi magkakaroon ng anumang katotohanan, daan, o buhay na sasabihin. Magiging pagsalungat ito sa sarili. Maaari bang gumawa ang Banal na Espiritu nang tulad nito? Ang Diyos ay makapangyarihan at marunong sa lahat, banal at matuwid, at talagang hindi Siya gumagawa ng anumang mga pagkakamali.

Napakaraming paglihis at pagkakamali sa nakaraang mga karanasan ng mga tao. Mayroong ilang bagay na nilayong taglayin o gawin ng mga taong may normal na pagkatao, o mayroong mga pagkakamali na mahirap iwasan sa buhay ng tao, at kapag hindi mahusay ang pagharap sa mga bagay na ito, inilalagay ng mga tao ang pananagutan para rito sa Diyos. Mayroong isang kapatid na babae na nagkaroon ng mga panauhin sa kanyang tahanan. Ang kanyang pinasingawang tinapay ay hindi napasingawan nang tama, kaya naisip niya: “Marahil ito ay pagdidisiplina ng Diyos. Ang Diyos ay muling nakikitungo sa aking pusong palalo; ang aking kapalaluan ay talagang masyadong matindi.” Sa katunayan, kung ang pag-uusapan ay ang normal na paraan ng pag-iisip ng tao, kapag dumarating ang mga panauhin, nasasabik ka at nagmamadali, walang kaayusan sa lahat ng iyong ginagawa, at kaya malamang na kung hindi sunog ang kanin ay masyadong maalat naman ang mga putahe. Ito ay dahil sa masyadong pagpapagal, nguni’t nauuwi ang mga tao sa pagpapalagay na ito ay “pagdidisiplina ng Diyos.” Sa katunayan, ang lahat ng ito ay mga pagkakamali lamang na nagawa sa buhay ng tao. Hindi mo rin ba makahaharap nang madalas ang ganitong uri ng bagay kung hindi ka naniniwala sa Diyos noon? Ang mga suliraning dumarating ay madalas na resulta ng mga pagkakamaling nagawa ng tao—ang mga pagkakamaling ito ay hindi gawa ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga pagkakamali ay walang kinalaman sa Diyos. Tulad ng kapag nakagat mo ang iyong dila habang kumakain—maaari ba iyong pagdidisiplina ng Diyos? Ang disiplina ng Diyos ay mayroong mga prinsipyo at karaniwang nakikita kapag sinasadya mong gumawa ng pagkakasala. Didisiplinahin ka lamang Niya kapag gumagawa ka ng mga bagay na nasasangkot ang pangalan ng Diyos o may kinalaman sa Kanyang patotoo o gawain. Sapat na naiintindihan ng mga tao ngayon ang katotohanan upang magkaroon ng panloob na kamalayan sa mga bagay na kanilang ginagawa. Halimbawa: Posible bang wala kang maramdaman kung nilustay mo ang salapi ng iglesia o ginugol ito nang basta-basta? May madarama ka habang ginagawa iyon. Hindi posible na may maramdaman lamang kapag tapos nang gawin ang isang bagay. Malinaw sa iyong puso ang mga bagay na iyong ginagawa na laban sa iyong konsiyensya. Dahil ang mga tao ay may sariling mga kagustuhan at mga pagpili, nagpapakasasa lamang sila kahit na malinaw nilang nalalaman kung paano isagawa ang katotohanan. Kaya, pagkatapos nilang gumawa ng isang bagay, wari’y hindi sila nakadarama ng pagsisisi o sumasailalim sa anumang malinaw na pagdidisiplina. Ito ay dahil sa sinadya nilang gumawa ng pagkakasala, kaya hindi sila dinidisiplina ng Diyos; kapag dumating ang panahon ng matuwid na paghatol, ang pagpaparusa ng Diyos ay ipagkakaloob sa bawat isa ayon sa kanilang mga pagkilos. Sa kasalukuyan ay mayroong ilang tao sa iglesia na lumulustay ng salapi, ilan na hindi nagpapanatili ng malinaw na hangganan sa pagitan ng mga lalaki at mga babae, at ilan na humahatol, sumasalungat at nagtatangkang gibain nang lihim ang gawain ng Diyos. Bakit ang lahat ay maayos pa rin sa kanila? Kapag gumagawa ng ganoong mga bagay, taglay nila ang kamalayan at nakadarama ng pagsisisi sa kanilang mga puso at dahil dito ay dumaranas sila kung minsan ng pagkastigo at pagpipino, nguni’t talaga lamang masyado silang walang kahihiyan! Kagaya ng kapag ang mga tao ay nakikibahagi sa kahalayan—nalalaman nila kung ano ang kanilang ginagawa sa panahong iyon, nguni’t ang kanilang kahalayan ay masyadong malala at hindi nila kayang kontrolin ang kanilang mga sarili. Kahit na disiplinahin sila ng Banal na Espiritu, ito ay magiging walang kabuluhan, kaya ang Banal na Espiritu ay hindi magsasagawa ng pagdidisiplina. Kung hindi sila dinidisiplina ng Banal na Espiritu noon, kung wala silang nadaramang pagsisisi at walang nangyayari sa kanilang laman, anong pagsisisi ang maaaring umiral pagkatapos? Ang gawa ay nagawa na—ano pang pagdidisiplina ang maaaring umiral? Pinatutunayan lamang nito na sila ay masyadong walang kahihiyan at walang pagkatao, at na nararapat sila sa mga sumpa at kaparusahan! Ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa nang di-kinakailangan. Kung nalalaman mo nang husto ang katotohanan nguni’t hindi isinasagawa ito, kung may kakayahan kang gumawa ng anumang kasamaan, ang maaari mo lamang hintayin ay ang pagdating ng araw na ikaw ay parurusahan kasama ng masama. Ito ang pinakamainam na katapusan para sa iyo! Ngayon ay paulit-ulit Ko nang ipinangaral ang tungkol sa konsiyensya, na siyang pinakamababang pamantayan. Kung walang konsiyensya ang mga tao, wala na sa kanila ang pagdidisiplina ng Banal na Espiritu; magagawa nila ang anumang kanilang maibigan at hindi sila pinapansin ng Diyos. Yaong talagang mayroong konsiyensya at katinuan ay malalaman ito kapag gumagawa sila ng isang bagay na mali. Hindi sila mapapakali sa sandaling makaramdam sila ng kaunting pagsisisi sa kanilang konsiyensya; sasailalim sila sa isang panloob na labanan at sa bandang huli ay tatalikdan nila ang laman. Hindi sila aabot sa punto na gumagawa sila ng isang bagay na lubhang sumasalungat sa Diyos. Dinidisiplina at kinakastigo man sila ng Banal na Espiritu, ang lahat ng tao ay may madarama kapag sila ay gumagawa ng isang bagay na mali. Samakatuwid, naiintindihan na ngayon ng mga tao ang lahat ng uri ng mga katotohanan at kung hindi nila isinasagawa ang mga ito, iyon ay isang usaping pantao. Hindi Ako tumutugon sa mga taong kagaya nito sa anumang paraan, ni pinanghahawakan man ang anumang pag-asa para sa kanila. Magagawa mo kung ano ang iyong maibigan!

Kapag nagkakatipon ang ilang tao, isinasantabi nila ang salita ng Diyos at palaging pinag-uusapan ang tungkol sa kung anong uri ng tao ang taong ito o ang taong iyon. Siyempre, mainam na maging medyo marunong kumilatis, sa gayon ay saan ka man magpunta hindi ka madaling malilinlang, ni madaling madadaya o maloloko—ito ay isa ring aspeto na dapat taglayin ng mga tao. Nguni’t hindi ka dapat magtuon lamang sa aspetong ito. Tumutukoy ito sa negatibong panig ng mga bagay, at hindi maaaring palaging nakatuon ang mga mata mo sa ibang tao. Ang iyong kaalaman sa kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu ay napakakaunti sa ngayon, ang iyong paniniwala sa Diyos ay napakababaw, at nagtataglay ka nang masyadong kakaunting mga bagay na positibo. Ang iyong pinaniniwalaan ay ang Diyos, at ang kailangan mong maunawaan ay ang Diyos, hindi si Satanas. Kung nakikilala mo lamang kung paano gumagawa si Satanas at lahat ng paraan kung paano gumagawa ang masasamang espiritu, nguni’t walang kahit anong kaalaman sa Diyos, ano ang magiging punto noon? Hindi ba ang Diyos ang pinaniniwalaan mo ngayon? Bakit hindi kasama sa iyong kaalaman ang positibong mga bagay na ito? Hindi mo lamang binibigyang-pansin ang positibong aspeto ng pagpasok, ni mayroon kang pagkaunawa rito, kaya ano ba ang gusto mong makamit sa iyong pananampalataya? Hindi mo ba alam kung paano ka dapat naghahangad? Marami kang alam tungkol sa negatibong mga aspeto, nguni’t wala kang natatandaan sa positibong aspeto ng pagpasok, kaya paano maaaring umunlad ang iyong tayog? Anong mga inaasahan para sa pag-unlad sa hinaharap ang tataglayin ng isang taong gaya mo na walang ibang bukambibig kundi ang pakikidigma kay Satanas? Hindi ba masyadong magiging makaluma ang iyong pagpasok? Sa paggawa nito ay ano ang makakamit mo mula sa kasalukuyang gawain? Ang mahalaga ngayon ay na maunawaan mo kung ano ang nais gawin ng Diyos ngayon, kung paano dapat makipagtulungan ang tao, kung paano nila dapat ibigin ang Diyos, kung paano nila dapat maunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu, kung paano sila dapat pumasok sa lahat ng salita na sinasabi ng Diyos ngayon, kung paano nila dapat kainin at inumin, danasin, at unawain ang mga ito, kung paano nila dapat tugunan ang kalooban ng Diyos, lubusang malupig ng Diyos at magpasakop sa harap ng Diyos…. Ito ang mga bagay na dapat mong pagtuunan at na dapat pasukin ngayon. Naiintindihan mo ba? Anong halaga ng pagtutuon lamang sa pagkilala sa ibang tao? Maaari mong makilala si Satanas dito, makilala ang masasamang espiritu roon—maaari kang magkaroon ng isang ganap na pagkaunawa sa masasamang espiritu, nguni’t kung hindi mo kayang magsalita ng anuman tungkol sa gawain ng Diyos, maaari bang maging kahalili ng pagkaunawa sa Diyos ang gayong pagkilala? Akin nang ibinahagi noong nakaraan ang tungkol sa mga pagpapahayag ng gawain ng masasamang espiritu, nguni’t hindi pa ito ang karamihan nito. Siyempre, ang mga tao ay dapat magkaroon ng kaunting pagkilala at ito ay isang aspeto na dapat taglayin ng mga naglilingkod sa Diyos upang maiwasang gumawa ng mga kahangalan at magambala ang gawain ng Diyos. Gayunpaman, nananatili pa ring pinakamahalagang bagay ang pagkakaroon ng kaalaman sa gawain ng Diyos at pag-unawa sa kalooban ng Diyos. Anong kaalaman sa yugtong ito ng gawain ng Diyos ang nasa loob mo? Makakapagsalita ka ba tungkol sa kung ano ang ginagawa ng Diyos, kung ano ang kalooban ng Diyos, kung ano ang iyong sariling mga pagkukulang at kung anong mga bagay ang dapat mong isangkap sa iyong sarili? Masasabi mo ba kung ano ang iyong pinakabagong pagpasok? Dapat mong magawa na umani ng bunga at magkamit ng pagkaunawa sa bagong pagpasok. Huwag magkunwaring nalilito; dapat kang mas magsikap sa bagong pagpasok upang mapalalim ang iyong sariling karanasan at kaalaman, at higit pa rito ay dapat mong makamit ang pagkaunawa sa kasalukuyang pinakabagong mga pagpasok at sa pinakatamang paraan ng pagdanas. Bukod diyan, sa pamamagitan ng bagong gawain at bagong mga pagpasok, dapat kang magtaglay ng pagkilala na may kaugnayan sa iyong dating makaluma at lihis na mga pagsasagawa, at maghangad na itakwil ang mga ito upang makapasok sa bagong mga karanasan. Ito ang mga bagay na kailangang-kailangan mo nang maunawaan at mapasok. Dapat mong maintindihan ang mga pagkakaiba at ang kaugnayan sa pagitan ng luma at bagong mga pagpasok. Kung wala kang pagkaunawa sa mga bagay na ito, wala kang magiging paraan upang umunlad, sapagka’t hindi ka makasasabay sa gawain ng Banal na Espiritu. Dapat mong magawa ang normal na pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos at normal na pagbabahagi at gamitin ang mga ito para baguhin ang dati mong makalumang mga paraan ng pagsasagawa at iyong dating tradisyonal na mga kuru-kuro para makapasok ka sa isang bagong pagsasagawa, at makapasok sa bagong gawain ng Diyos. Ito ang mga bagay na dapat mong makamit. Hindi Ko lang hinihingi sa iyo ngayon na alaming mabuti kung paano kayo makatutugon; hindi ito ang layunin. Sa halip ay hinihiling Ko sa iyo na seryosohin ang iyong pagsasagawa ng katotohanan at ang iyong pagkaunawa sa pagpasok sa buhay. Ang iyong kakayahan na makilala ang iyong sarili ay hindi kumakatawan sa iyong tunay na tayog. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos, magkaroon ng karanasan at pagkaunawa sa katotohanang salita ng Diyos, at kayang makilala ang iyong nakaraang pansariling mga kuru-kuro at mga pagkakamali, ito ang iyong tunay na tayog at isang bagay na dapat makamit ng bawat isa sa inyo.

Maraming pagkakataon na hindi ninyo talaga alam kung paano magsagawa, at lalo na kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Minsan gumagawa ka ng isang bagay na malinaw na masuwayin sa Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, mayroon ka nang pagkaunawa sa kasalukuyang prinsipyo sa bagay na iyon, kaya mayroon kang panloob na damdamin ng pagsisisi at pagkabalisa; ito siyempre ay isang damdamin na mararamdaman lamang sa ilalim ng saligan ng pagkaalam sa ilang katotohanan. Kung ang mga tao ay hindi nakikipagtulungan o nagsasagawa alinsunod sa salita ng Diyos ngayon, hinahadlangan nila ang gawain ng Banal na Espiritu at siguradong mababalisa sila sa loob. Maaaring nauunawaan mo ang prinsipyo ng isang partikular na aspeto nguni’t hindi ka nagsasagawa ayon dito, daranas ka kung gayon ng isang damdamin ng pagsisisi sa loob. Kung hindi mo nauunawaan ang prinsipyo at hindi talaga nalalaman ang aspetong ito ng katotohanan, hindi mo kakailanganing makadama ng isang pakiramdam ng pagsisisi sa bagay na ito. Ang panunumbat ng Banal na Espiritu ay palaging ayon sa konteksto. Iniisip mo na dahil hindi ka pa nananalangin at hindi pa nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu kaya naantala mo na ang gawain. Sa totoo lang, hindi ito maaaring maantala. Aantigin ng Banal na Espiritu ang ibang tao; hindi napipigilan ng kahit na sino ang gawain ng Banal na Espiritu. Nararamdaman mong nabigo mo na ang Diyos, at ito ang isang damdamin na dapat mong taglayin sa iyong konsiyensya. Kung makakamit mo man ang katotohanan o hindi ay sarili mong gawain at walang kaugnayan sa Diyos. Ang iyong sariling konsiyensya minsan ang nakadarama na ikaw ay inaakusahan, nguni’t hindi ito ang kaliwanagan o pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, ni ang panunumbat man ng Banal na Espiritu. Sa halip ay isa itong damdamin sa loob ng konsiyensya ng tao. Kung ikaw ay kikilos nang walang habas sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa pangalan ng Diyos, sa patotoo ng Diyos o sa gawain ng Diyos, hindi ka pakakawalan ng Diyos. Nguni’t mayroong hangganan—ang Diyos ay hindi mag-aabala sa iyo sa karaniwan, maliliit na mga bagay. Hindi ka Niya papansinin. Kung lumalabag ka sa mga prinsipyo, at iyong ginugulo at ginagambala ang gawain ng Diyos, pakakawalan Niya ang Kanyang poot sa iyo at talagang hindi ka palalampasin. Ang ilan sa mga pagkakamaling iyong nagagawa ay di-maiiwasan sa buhay ng tao. Halimbawa, hindi mo napasingawan nang tama ang iyong mga tinapay at sinasabi na ikaw ay dinidisiplina ng Diyos—ito ay isang lubos na di-makatwirang bagay upang sabihin. Noong hindi ka pa naniniwala sa Diyos, hindi ba madalas mangyari ang ganitong uri ng bagay? Nararamdaman mo tila ito ang pagdidisiplina ng Banal na Espiritu, nguni’t sa katunayan ay hindi ganoon (maliban sa ilang bukod-tanging mga pangyayari), sapagka’t ang gawaing ito ay hindi ganap na nagmumula sa Banal na Espiritu, sa halip ay mula sa mga damdamin ng tao. Gayunpaman, normal para sa mga taong sumasampalataya na mag-isip nang ganito. Maaaring hindi ka nakapag-isip nang ganito noong hindi ka pa naniniwala sa Diyos. Nang naniwala ka sa Diyos, nagsimula kang maglaan ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga bagay na ito at kaya likas na nag-iisip ka nang gaya sa mga linyang ito. Ito ay umuusbong mula sa pag-iisip ng normal na mga tao at may kinalaman sa kanilang mentalidad. Nguni’t hayaang sabihin Ko sa iyo, ang gayong pag-iisip ay hindi saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu. Ito ay halimbawa ng pagbibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao ng isang normal na reaksyon sa pamamagitan ng kanilang mga kaisipan; nguni’t dapat mong maunawaan na ang reaksyong ito ay hindi ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang pagkakaroon ng ganitong uri ng “kaalaman” ay hindi nagpapatunay na taglay mo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang iyong kaalaman ay hindi nanggagaling sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu, mas lalong hindi ito gawain ng Banal na Espiritu. Ito ay produkto lamang ng normal na kaisipan ng tao at ito ay talagang walang kaugnayan sa kaliwanagan o pagpapalinaw ng Banal na Espiritu—ang mga ito ay tiyak na natatanging mga kababalaghan. Ang ganoong kaisipang pantao ay hindi ganap na nagmumula sa Banal na Espiritu. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa upang liwanagan ang mga tao, karaniwang binibigyan Niya sila ng kaalaman sa gawain ng Diyos, at sa kanilang totoong pagpasok at totoong kalagayan. Pinahihintulutan din Niya silang maunawaan ang mga layunin ng Diyos na kailangang-kailangan na at ang Kanyang mga hinihingi sa tao ngayon, upang mayroon silang pagpapasiya na isakripisyo ang lahat para mapalugod ang Diyos, mahalin ang Diyos kahit makatagpo sila ng pag-uusig at kahirapan, at tumayong saksi para sa Diyos kahit nangangahulugan ito ng pagdanak ng kanilang dugo o pagbibigay ng kanilang buhay, at gawin iyon nang walang panghihinayang. Kung mayroon kang ganitong uri ng pagpapasiya, nangangahulugan ito na mayroon kang mga pagkapukaw at gawain ng Banal na Espiritu—nguni’t dapat malaman na hindi mo taglay ang gayong mga pagkapukaw sa bawat sandali. Minsan kapag ikaw ay nananalangin sa mga pagpupulong at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, maaaring maramdaman mo na lubhang naantig at kinasihan ka. Napakabago at sariwa sa pakiramdam kapag nagbabahagi ang iba ng kanilang karanasan at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at ang iyong puso ay lubos na malinaw at maliwanag. Ito ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang pinuno at binibigyan ka ng Banal na Espiritu ng pambihirang kaliwanagan at pagpapalinaw kapag ikaw ay nagpupunta sa iglesia upang gumawa, binibigyan ka ng kabatiran sa mga suliraning umiiral sa loob ng iglesia, tinutulutan kang malaman kung paano magbahagi sa katotohanan para lutasin ang mga ito, ginagawa kang sobrang masigasig, responsable at seryoso sa iyong gawain, ang lahat ng ito ay gawain ng Banal na Espiritu.

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “May ilan.”

Sinundan: Tungkol sa Biblia (4)

Sumunod: Pagsasagawa (2)

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Kabanata 3

Ngayon ay hindi na Kapanahunan ng Biyaya, ni kapanahunan ng awa, kundi Kapanahunan ng Kaharian kung saan ang mga tao ng Diyos ay...

Kabanata 19

Sa imahinasyon ng mga tao, tila ang Diyos ay napakatayog, at hindi Siya maarok. Parang hindi naninirahan ang Diyos sa piling ng...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito