Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan ang Pagtataglay ng Realidad

Ang hawakan ang mga salita ng Diyos at magawang ipaliwanag ang mga ito nang hindi nahihiya ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang realidad; ang mga bagay ay hindi kasing-simple ng iyong iniisip. Kung nagtataglay ka ng realidad ay hindi nababatay sa kung ano ang iyong sinasabi; sa halip, nababatay ito sa iyong isinasabuhay. Kapag naging buhay at likas na pagpapahayag mo ang mga salita ng Diyos, saka lamang masasabi na taglay mo ang realidad, at saka ka lamang maituturing na nagkamit ng tunay na pagkaunawa at totoong tayog. Kailangan mong matagalan ang pagsusuri sa loob ng mahabang panahon, at kailangan mong maisabuhay ang wangis na hinihingi ng Diyos. Hindi ito dapat maging pakitang-tao lamang; kailangan itong likas na dumaloy mula sa iyo. Saka ka lamang tunay na magtataglay ng realidad, at saka ka lamang magkakamit ng buhay. Hayaan mong gumamit Ako ng halimbawa ng pagsubok sa mga tagasilbi na pamilyar sa lahat: Maaaring ialok ng sinuman ang pinakamatatayog na teorya tungkol sa mga tagasilbi, at lahat ay may maayos na pagkaunawa tungkol sa paksa; pinag-uusapan nila iyon at bawat pananalita ay mas magaling kaysa sa huli, na para bang isang paligsahan iyon. Gayunman, kung hindi pa sumailalim ang tao sa isang malaking pagsubok, napakahirap sabihin na may maibabahagi siyang magandang patotoo. Sa madaling salita, kulang na kulang pa rin ang pagsasabuhay ng tao, lubos na salungat sa kanyang pagkaunawa. Kung gayon, kailangan pa itong maging totoong tayog ng tao, at hindi pa ito buhay ng tao. Dahil hindi pa nadadala sa realidad ang pagkaunawa ng tao, para pa ring kastilyong itinayo sa buhangin ang kanyang tayog, na umuuga at nasa bingit ng pagguho. Lubhang kakaunti ang taglay na realidad ng tao; halos imposibleng makahanap ng anumang realidad sa tao. Lubhang kakaunti ang realidad na likas na dumadaloy mula sa tao, at lahat ng realidad na isinasabuhay nila ay sapilitan. Iyan ang dahilan kaya Ko sinasabi na walang taglay na realidad ang tao. Bagama’t sinasabi ng mga tao na hindi nagbabago ang kanilang pusong mapagmahal sa Diyos kailanman, ito lamang ang sinasabi nila bago sila naharap sa anumang mga pagsubok. Balang araw, kapag bigla silang naharap sa mga pagsubok, muling hindi aayon sa realidad ang mga bagay na sinasabi nila, at minsan pa itong magpapatunay na walang taglay na realidad ang tao. Masasabi na tuwing nahaharap ka sa mga bagay na hindi akma sa iyong mga kuru-kuro at na kinakailangang isantabi mo ang iyong sarili, ang mga bagay na iyon ang mga pagsubok sa iyo. Bago mahayag ang kalooban ng Diyos, lahat ay nagdaraan sa isang mahigpit na pagsusuri at napakalaking pagsubok. Naaarok mo ba ito? Kapag gusto ng Diyos na subukin ang mga tao, palagi Niya silang hinahayaang pumili bago ibunyag ang aktwal na katotohanan. Ibig sabihin, kapag isinasailalim ng Diyos ang tao sa mga pagsubok, hindi Niya kailanman sasabihin sa iyo ang katotohanan; sa ganyang paraan inilalantad ang mga tao. Isang paraan ito ng pagsasagawa ng Diyos ng Kanyang gawain, upang makita kung kilala mo ang Diyos ngayon, at kung nagtataglay ka ng anumang realidad. Talaga bang wala kang mga pagdududa tungkol sa gawain ng Diyos? Magagawa mo bang tunay na manindigan kapag dumating sa iyo ang isang matinding pagsubok? Sino ang nangangahas na magsabing, “Ginagarantiyahan ko na walang magiging mga problema”? Sino ang nangangahas na igiit na, “Maaaring may mga pagdududa ang iba, pero hindi ako kailanman”? Kagaya lamang noong isailalim si Pedro sa mga pagsubok: Palagi siyang nagyayabang bago nahayag ang katotohanan. Hindi natatangi kay Pedro ang personal na kapintasang ito; ito ang pinakamalaking hirap na kasalukuyang kinakaharap ng bawat tao. Kung bibisitahin Ko ang ilang lugar o ang ilang kapatid upang tingnan kung ano ang inyong pagkaunawa sa gawain ng Diyos ngayon, tiyak na marami kayong masasabi tungkol sa inyong kaalaman, at magmumukhang wala kayong anumang pagdududa. Kung tatanungin Ko kayo, “Maaari mo ba talagang matukoy na ang gawain ngayon ay isinasagawa ng Diyos Mismo? Nang walang anumang pagdududa?” tiyak na isasagot mong, “Walang anumang pagdududa, ito ang gawaing isinasagawa ng Espiritu ng Diyos.” Kapag nakasagot ka na sa gayong paraan, tiyak na hindi ka makararamdam ni katiting na pagdududa, at baka nga medyo masiyahan ka pa, na iniisip na nagkamit ka na ng kaunting realidad. Yaong mga malamang na makaunawa sa mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay mga taong nagtataglay ng kaunting realidad; habang lalong iniisip ng isa na nakamit na niya ito, lalong hindi niya magagawang manindigan kapag naharap siya sa mga pagsubok. Kaawa-awa ang mayayabang at hambog, at kaawa-awa ang mga hindi nakakakilala sa kanilang sarili; ang gayong mga tao ay magaling magsalita, subalit pinaka-hindi magawa ang sinasabi nila. Sa pinakamaliit na tanda ng problema, nagsisimulang magkaroon ng mga pagdududa ang mga taong ito, at sumasagi sa kanilang isipan ang pagsuko. Wala silang taglay na anumang realidad; ang tanging mayroon sila ay mga teorya na mas matayog pa sa relihiyon, na walang anumang realidad na kinakailangan ngayon ng Diyos. Ang labis Kong kinaiinisan ay yaong mga bumabanggit lamang ng mga teorya nang walang anumang taglay na realidad. Sila ang pinakamalakas sumigaw kapag nagsasagawa ng kanilang gawain, ngunit sa sandaling nahaharap sila sa realidad, nababagabag sila. Hindi ba ito nagpapakita na walang realidad ang mga taong ito? Gaano man kabagsik ang hangin at mga alon, kung nakakaya mong manatiling nakatayo nang wala ni katiting na pagdududang pumapasok sa iyong isipan, at nakakaya mong manindigan at manatiling malaya sa pagtanggi, kahit wala nang iba pang natitira, ituturing kang mayroong totoong pagkaunawa at tunay na nagtataglay ng realidad. Kung magpapatangay ka sa ihip ng hangin—kung susundan mo ang karamihan, at natututo kang ulitin ang pananalita ng iba—gaano ka man kahusay magsalita, hindi iyan katibayan na taglay mo ang realidad. Kung gayon, iminumungkahi Ko na huwag kang sumigaw ng hungkag na mga salita nang wala sa panahon. Alam mo ba kung ano ang gagawin ng Diyos? Huwag kumilos na parang isa ka pang Pedro, kung hindi ay magdudulot ka ng kahihiyan sa iyong sarili at hindi ka na makapagtataas ng ulo; hindi iyon makabubuti kahit kanino. Karamihan sa mga tao ay walang totoong tayog. Bagama’t napakarami nang nagawang gawain ang Diyos, hindi pa Niya naihahatid ang realidad sa mga tao; para mas eksakto, hindi pa Niya nakastigo nang personal ang sinuman kailanman. Ang ilang tao ay nalantad na sa gayong mga pagsubok, ang kanilang makasalanang mga kamay ay palayo nang palayo, iniisip na madaling malamangan ang Diyos, na kaya nilang gawin ang anumang gusto nila. Yamang hindi nila kayang matagalan maging ang ganitong uri ng pagsubok, lalo na ang mas mahihirap pa na pagsubok para sa kanila, gayon din ang pagtataglay ng realidad. Hindi ba sinusubukan lamang nilang lokohin ang Diyos? Ang pagkakaroon ng realidad ay hindi isang bagay na maaaring dayain, ni hindi isang bagay ang realidad na makakamit mo sa pamamagitan ng pag-alam dito. Depende iyon sa iyong totoong tayog, gayon din kung kaya mong matagalan ang lahat ng pagsubok o hindi. Nauunawaan mo ba?

Hindi lamang kakayahang magsalita tungkol sa realidad ang kinakailangan ng Diyos sa mga tao; napakadali sana niyan, hindi ba? Kung gayon, bakit binabanggit ng Diyos ang buhay pagpasok? Bakit Siya nagsasalita tungkol sa pagbabago? Kung ang kaya lamang ng mga tao ay hungkag na pananalita tungkol sa realidad, magkakamit ba sila ng pagbabago sa kanilang disposisyon? Ang mabubuting kawal ng kaharian ay hindi sinanay na maging isang grupo ng mga tao na kaya lamang magsalita tungkol sa realidad o magyabang; sa halip, sinanay silang isabuhay ang mga salita ng Diyos sa lahat ng oras, manatiling hindi sumusuko anumang mga dagok ang kinakaharap nila, at patuloy na mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos at huwag bumalik sa mundo. Ito ang realidad na sinasabi ng Diyos; ito ang kinakailangan ng Diyos sa tao. Sa gayon, huwag isiping napakadali ng realidad na binabanggit ng Diyos. Ang kaliwanagan lamang mula sa Banal na Espiritu ay hindi kapantay ng pagtataglay ng realidad. Hindi gayon ang tayog ng tao—ito ang biyaya ng Diyos, kung saan walang iniaambag ang tao. Bawat tao ay kailangang tiisin ang mga pagdurusa ni Pedro, at, higit pa rito, taglayin ang kaluwalhatian ni Pedro, na kanilang isinasabuhay matapos nilang matamo ang gawain ng Diyos. Ito lamang ang matatawag na realidad. Huwag isipin na taglay mo ang realidad dahil lamang sa kaya mong magsalita tungkol dito; maling akala iyan. Ang gayong mga saloobin ay hindi naaayon sa kalooban ng Diyos at walang tunay na kabuluhan. Huwag mong sabihin ang gayong mga bagay sa hinaharap—pawiin ang gayong mga kasabihan! Lahat ng may maling pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ay mga walang pananampalataya. Wala silang anumang tunay na kaalaman, lalo nang walang anumang totoong tayog; sila ay mga mangmang na walang realidad. Sa madaling salita, lahat ng nabubuhay sa labas ng diwa ng mga salita ng Diyos ay mga walang pananampalataya. Yaong mga itinuturing ng mga tao na walang pananampalataya ay mga hayop sa mga mata ng Diyos, at yaong mga itinuturing ng Diyos na mga walang pananampalataya ay mga taong walang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Kung gayon ay masasabi na yaong mga hindi nagtataglay ng realidad ng mga salita ng Diyos at bigong isabuhay ang Kanyang mga salita ay mga walang pananampalataya. Ang layunin ng Diyos ay ipasabuhay sa lahat ang realidad ng Kanyang mga salita—hindi lamang basta mapagsalita ang lahat tungkol sa realidad, kundi, higit pa riyan, bigyang kakayahan ang lahat na isabuhay ang realidad ng Kanyang mga salita. Ang realidad na nahihiwatigan ng tao ay napakababaw; wala itong halaga at ni hindi nito matutupad ang kalooban ng Diyos. Napakaaba nito at ni hindi nararapat banggitin. Kulang na kulang ito at napakalayo sa mga pamantayan ng mga kinakailangan ng Diyos. Bawat isa sa inyo ay isasailalim sa isang matinding pagsisiyasat upang makita kung sino sa inyo ang nakaaalam lamang kung paano magsalita tungkol sa inyong pagkaunawa nang hindi nagagawang ituro ang landas, gayundin upang matuklasan kung sino sa inyo ang mga walang-silbing basura. Tandaan ito mula ngayon! Huwag magsalita tungkol sa hungkag na kaalaman; magsalita lamang tungkol sa landas ng pagsasagawa at tungkol sa realidad. Ang paglipat mula sa tunay na kaalaman tungo sa tunay na pagsasagawa, at pagkatapos ay paglipat mula sa pagsasagawa tungo sa tunay na pagsasabuhay. Huwag pangaralan ang iba, at huwag magsalita tungkol sa tunay na kaalaman. Kung ang iyong pagkaunawa ay isang landas, malaya kayong magsalita tungkol doon; kung hindi, mangyaring itikom mo ang bibig mo at tumigil ka sa pagsasalita! Walang silbi ang sinasabi mo. Binabanggit mo ang pag-unawa upang linlangin ang Diyos at inggitin ang iba. Hindi ba iyon ang ambisyon mo? Hindi ba sadya mong pinaglalaruan ang iba? Mayroon bang anumang halaga ito? Kung nagsasalita ka tungkol sa pag-unawa pagkatapos mo iyong maranasan, hindi nila iisipin na nagyayabang ka. Kung hindi, isa kang taong nagbubuga ng mga salita ng pagyayabang. Maraming bagay sa iyong totoong karanasan na hindi mo madaig, at hindi ka maaaring maghimagsik laban sa sarili mong laman; palagi mong ginagawa ang gusto mo, hindi mo pinalulugod kailanman ang kalooban ng Diyos—subalit malakas pa rin ang loob mong magsalita tungkol sa teoretikal na pag-unawa. Wala kang kahihiyan! Ang tapang mo pa ring magsalita tungkol sa iyong pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Wala kang pakundangan! Ang pagdidiskurso at pagyayabang ay naging likas na sa iyo, at nakasanayan mo nang gawin iyon. Tuwing nanaisin mong magsalita, ginagawa mo iyon nang madali, ngunit pagdating sa pagsasagawa, ang dami mong sinasabi. Hindi ba ito isang paraan ng panloloko sa iba? Maaari mong malinlang ang mga tao, ngunit hindi malilinlang ang Diyos. Ang mga tao ay walang kamalayan at walang pagkahiwatig, ngunit seryoso ang Diyos tungkol sa gayong mga bagay, at hindi ka Niya palalampasin. Maaaring mamagitan ang iyong mga kapatid para sa iyo, pupurihin nila ang iyong pagkaunawa at hahangaan ka, ngunit kung wala kang realidad, hindi ka palalampasin ng Banal na Espiritu. Marahil ay hindi ka hahanapan ng mali ng praktikal na Diyos, ngunit hindi ka papansinin ng Espiritu ng Diyos, at sapat ang hirap niyon para pasanin mo. Naniniwala ka ba rito? Magsalita ka pa tungkol sa realidad ng pagsasagawa; nalimutan mo na ba? Magsalita ka pa tungkol sa praktikal na mga landas; nalimutan mo na ba? “Huwag gaanong magsalita tungkol sa matatayog na teorya at walang-halaga at pinalaking usapan; ang pinakamabuting gawin ay magsimulang magsagawa mula ngayon.” Nalimutan mo na ba ang mga salitang ito? Ni hindi mo man lamang ba nauunawaan? Wala ka bang pag-unawa tungkol sa kalooban ng Diyos?

Sinundan: Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ay ang Diyos Mismo

Sumunod: Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito