Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagkakaloob ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan sa Tao
Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring taglayin ng sinumang tao, hindi rin ito isang bagay na madaling makamit ng bawat tao. Ito ay sapagkat ang buhay ay maaari lamang magmula sa Diyos, ibig sabihin, tanging ang Diyos Mismo ang nagtataglay ng diwa ng buhay, at tanging ang Diyos Mismo ang may daan ng buhay. Kaya tanging ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay, at tanging ang Diyos ang patuloy na umaagos na bukal ng buhay na tubig ng buhay. Magmula noong paglikha ng mundo, ang Diyos ay nakagawa ng napakaraming gawain na naghahatid ng kasiglahan ng buhay, marami na Siyang nagawang gawain na nagbibigay-buhay sa tao, at nagbayad Siya ng malaking halaga na nagbibigay-kakayahan sa tao na magkamit ng buhay. Ito ay dahil ang Diyos Mismo ay walang hanggang buhay, at ang Diyos Mismo ang daan na nagbibigay-daan sa tao na muling mabuhay. Walang oras na wala ang Diyos sa puso ng tao, at walang oras na hindi Siya namumuhay sa gitna ng mga tao. Nagsilbi Siya bilang puwersang nagpapakilos sa pamumuhay ng tao, nagsilbi bilang ugat ng pananatiling buhay ng tao, at nagsilbi bilang masaganang mapagkukunan para sa pananatiling buhay ng tao pagkatapos ipanganak. Binibigyang-daan Niya ang mga tao na muling isilang, at binibigyang-daan sila na mamuhay nang matatag sa sarili nilang indibidwal na papel. Umaasa sa Kanyang kapangyarihan at umaasa sa Kanyang hindi mapupuksa na puwersa ng buhay, namuhay ang mga tao sa sunod-sunod na henerasyon, habang ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay palagiang nagbibigay ng suporta sa gitna ng mga tao, at nagbayad ang Diyos ng halaga na hindi pa kailanman ibinayad ng sinumang ordinaryong tao. Kayang manaig ng puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; higit pa rito, nahihigitan nito ang anumang kapangyarihan. Ang Kanyang buhay ay walang hanggan, ang Kanyang kapangyarihan ay ekstraordinaryo; walang nilikha at walang mapanlabang puwersa ang posibleng makadaig sa Kanyang puwersa ng buhay. Umiiral ang puwersa ng buhay ng Diyos at kumikinang nang may maningning na liwanag anuman ang oras o lugar. Maaaring dumaan sa matitinding pagbabago ang mga langit at ang lupa, ngunit ang buhay ng Diyos ay magpakailanmang hindi nababago. Maaaring lumipas ang lahat ng bagay, ngunit iiral pa rin ang buhay ng Diyos. Ito ay dahil ang Diyos ang pinagmumulan ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay, at Siya ang ugat na sinasandigan ng lahat ng bagay para sa pananatiling buhay. Ang buhay ng tao ay nagmumula sa Diyos, ang langit ay umiiral dahil sa Diyos, at nag-uugat din sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos ang pananatili ng lupa. Walang anumang bagay na may buhay ang makalalampas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at walang anumang bagay na may sigla ang makatatakas sa saklaw ng awtoridad ng Diyos. Sa ganitong paraan, maging sino man sila, dapat magpasailalim ang lahat ng tao sa kapamahalaan ng Diyos, dapat mamuhay ang lahat ng tao sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, at wala sa kanila ang makatatakas mula sa Kanyang mga kamay.
Marahil ngayon ay gusto mo talagang magkamit ng buhay, o marahil gusto mo talagang makamit ang katotohanan. Anuman ang kalagayan, ninanais mo pa ring matagpuan ang Diyos, matagpuan ang Diyos na maaasahan mo, at ang Diyos na nagbibigay-daan sa iyo na magkamit ng walang hanggang buhay. Kung nais mong makamit ang buhay na walang hanggan, dapat mo munang maintindihan ang pinagmumulan ng buhay na walang hanggan at dapat mo munang malaman kung nasaan ba mismo ang Diyos. Nasabi Ko na na tanging ang Diyos lamang ang buhay na hindi nababago, at tanging ang Diyos lamang ang nagtataglay ng daan ng buhay. Dahil ang Diyos ay ang buhay na hindi nagbabago, Siya kung gayon ang buhay na walang hanggan; dahil tanging ang Diyos lamang ang daan ng buhay, ang Diyos Mismo kung gayon ang daan ng buhay na walang hanggan. Samakatwid, dapat mo munang maunawaan kung nasaan nga ba ang Diyos, at kung paano makamit itong daan ng buhay na walang hanggan. Magkahiwalay nating pagbahaginan ngayon ang dalawang usaping ito.
Kung nais mo talagang makamit ang daan ng buhay na walang hanggan, at kung masigasig ka sa paghahanap mo nito, kung gayon ay sagutin mo muna ang tanong na ito: Nasaan nga ba ang Diyos ngayon? Marahil ay sasabihin mo, “Siyempre, nakatira ang Diyos sa langit—hindi Siya titira sa tahanan mo, hindi ba?” Marahil ay sasabihin mo na, siyempre, naninirahan ang Diyos sa gitna ng lahat ng bagay. O marahil ay sasabihin mo na ang Diyos ay nasa puso ng bawat tao, o marahil ay sasabihin mo na ang Diyos ay nasa espirituwal na mundo. Hindi Ko ipinagkakaila ang alinman dito, ngunit dapat Kong linawin ang usapin. Ang pahayag na ”Ang Diyos ay naninirahan sa puso ng tao” ay hindi ganap na tama, ngunit hindi rin ito lubos na mali. Ito ay sapagkat, sa mga nananampalataya sa Diyos, mayroong mga totoo ang pananampalataya at mga huwad ang pananampalataya, mayroong mga sinasang-ayunan ng Diyos at mga hindi Niya sinasang-ayunan, mayroong mga kinalulugdan ng Diyos at mga kinasusuklaman Niya, at mayroong mga ginagawa Niyang perpekto at mga itinitiwalag Niya. Kaya naman sinasabi Ko na naninirahan ang Diyos sa puso ng iilang tao lamang, at walang-alinlangang ang mga taong ito ay ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos, ang mga sinasang-ayunan ng Diyos, ang mga kinalulugdan Niya, at ang mga ginagawa Niyang perpekto. Sila ang mga pinamumunuan ng Diyos. Dahil pinamumunuan sila ng Diyos, sila ang mga taong nakarinig at nakakita na ng daan ng buhay na walang hanggan ng Diyos. Iyong mga may huwad na pananampalataya sa Diyos, ang mga hindi sinasang-ayunan ng Diyos, ang mga kinasusuklaman ng Diyos, at ang mga itinitiwalag ng Diyos—sila ay tiyak na mga taong iwinawaksi ng Diyos, tiyak na mga taong hindi nakapagkamit sa daan ng buhay, at tiyak na mga taong hindi nakakaalam kung nasaan nga ba ang Diyos. Sa kabaligtaran, iyong mga taong may Diyos na naninirahan sa kanilang puso ay ang mga nakakaalam kung nasaan nga ba Siya, ang mga pinagkakalooban ng Diyos ng daan ng walang hanggang buhay, at, sa madaling salita, ang mga sumusunod sa Diyos. Ngayon, alam mo ba kung nasaan nga ba ang Diyos? Ang Diyos ay parehong nasa puso ng tao at nasa tabi ng tao. Siya ay parehong nasa espirituwal na mundo at itaas ng lahat ng bagay, at lalo na sa lupa kung saan umiiral ang tao. Kaya naman, ang pagdating ng mga huling araw ay nagdala sa mga hakbang ng gawain ng Diyos tungo sa isang bagong mundo. Ang Diyos ay nasa gitna ng lahat ng bagay, may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at Siya nasa puso rin ng mga tao, nagsisilbing suporta nila, at lalo na, namumuhay Siya sa gitna ng mga tao. Sa ganitong paraan lamang Niya madadala ang daan ng buhay sa sangkatauhan; sa ganitong paraan lamang Niya madadala ang tao tungo sa daan ng buhay. Pumarito ang Diyos sa lupa, at namumuhay sa mundo ng tao, upang makamit ng tao ang daan ng buhay, at alang-alang sa pananatiling buhay ng tao. Kasabay nito, Siya ay nasa gitna ng lahat ng bagay, inuutusan ang lahat ng bagay, upang makipagtulungan sa Kanyang pamamahala sa mundo ng tao. Kaya naman, kung kinikilala mo lamang ang doktrina na ang Diyos ay nasa langit at ang Diyos ay nasa puso ng tao, subalit hindi mo kinikilala ang katotohanan na namumuhay ang Diyos sa mundo ng tao, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang buhay, at hindi mo kailanman makakamit ang daan ng katotohanan.
Ang Diyos Mismo ang buhay, at Siya ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Ang mga walang kakayahang makamit ang katotohanan ay tiyak na hindi kayang magkamit ng buhay. Kung wala ang gabay, pagsuporta, at pagtustos ng katotohanan, ang tanging makakamit mo ay mga salita lamang, mga doktrina, at, higit pa rito, kamatayan. Laging umiiral ang buhay ng Diyos, at umiiral nang magkasabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at bukod sa mga imahinasyon at mga kuru-kuro, ang iyong buong pagkatao ay magiging walang iba kundi ang iyong laman—ang umaalingasaw mong laman. Dapat mong malaman na hindi maituturing na buhay ang mga salita lamang ng mga aklat, hindi maaaring idambana bilang katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at ang mga regulasyon sa nakaraan ay hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga pinakabagong salita ng Diyos, at tanging ang mga salitang ipinapahayag ng Diyos kapag pumaparito Siya sa lupa at namumuhay sa gitna ng mga tao ang katotohanan, at ang mga ito lang ang buhay, ang mga ito lang ang mga layunin ng Diyos, at ang mga ito lang ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kung kukunin mo ang mga talaan ng mga salitang sinabi ng Diyos sa mga nagdaang kapanahunan at kakapit ka sa mga ito ngayon, gagawin ka nitong isang arkeologo, at sa gayong kaso, ang pinakaangkop na paraan para ilarawan ka ay bilang isang dalubhasa sa pananaliksik sa mga labi ng kasaysayan. Palagi kang naniniwala sa mga bakas ng gawaing ginawa ng Diyos sa nakaraan, naniniwala ka lamang sa aninong iniwan ng Diyos noong gumawa Siya sa mundo ng tao sa nakaraan, at naniniwala lamang sa daan na ibinahagi ng Diyos sa nakaraan sa Kanyang mga tagasunod noong panahong iyon, ngunit hindi ka naniniwala sa oryentasyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi naniniwala sa mukha ng Diyos ngayon, at hindi naniniwala sa daan ng katotohanang kasalukuyang ipinapahayag ng Diyos. Samakatwid, hindi mapapasubaliang masasabi na ikaw ay isang nangangarap nang gising na ganap na wala sa realidad. Kung hanggang ngayon ay kumakapit ka pa rin sa mga salitang walang kakayahang magbigay-daan sa tao na mabuhay, kung gayon, ikaw ay isang walang-pag-asang piraso ng patay na kahoy, sapagkat masyado kang nakapako sa mga lumang pamamaraan, masyado kang matigas ang ulo, at masyado kang hindi makatwiran!
Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, kung kaya’t ang pagtawag na Diyos sa Cristo na kayang magkaloob ng katotohanan sa tao ay hindi kalabisan kahit kaunti. Ito ay dahil taglay Niya ang diwa ng Diyos, at taglay Niya ang disposisyon ng Diyos at ang karunungan ng gawain ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao. Ang mga hindi kayang gumawa sa gawain ng Diyos pero tumatawag sa kanilang sarili na mga cristo ay mga impostor. Ang tinatawag na Cristo ay hindi lamang pagpapamalas ng Diyos sa lupa, kundi ang partikular din na katawang-taong tinataglay ng Diyos habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa lupa at tinatapos ang Kanyang gawain sa gitna ng mga tao. Hindi maaaring palitan ng sinuman ang katawang-taong ito, kundi isa itong katawang-tao na kayang pasanin nang husto ang gawain ng Diyos sa lupa, isang katawang-tao na kayang ipahayag ang disposisyon ng Diyos, isang katawang-tao na kayang sapat na katawanin ang Diyos, at isang katawang-tao na kayang magbigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, babagsak ang lahat ng nagpapanggap na Cristo, sapagkat bagama’t sinasabi nilang sila si cristo, hindi nila taglay ang diwa ni Cristo kahit kaunti. Kaya naman, sinasabi Ko na ang pagiging tunay ni Cristo ay hindi matutukoy ng tao; sa halip, ang Diyos Mismo ang nagbibigay ng sagot, at ang Diyos Mismo ang gumagawa ng pasya. Sa ganitong paraan, kung tunay mong nais na hanapin ang daan ng buhay, dapat mo munang kilalanin na sa mundo ng tao pumaparito ang Diyos upang gampanan ang gawain ng pagkakaloob ng daan ng buhay sa tao, at na sa panahon ng mga huling araw Siya pumaparito sa mundo ng tao upang ipagkaloob ang daan ng buhay sa tao—hindi sa nakaraan, kundi ngayon.
Ang inihahatid ni Cristo ng mga huling araw ay buhay; ang inihahatid Niya ay ang pangmatagalan at walang hanggang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan siya ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hinding-hindi ka magiging kalipikadong pumasok sa tarangkahan ng kaharian ng langit, sapagkat ikaw ay papet ng kasaysayan at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay, at hindi kailanman makakapagkamit ng walang hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging nakakamit nila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay magpakailanman, mananatiling mga laruan ni Satanas magpakailanman, at mananatiling mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Hangad mo lamang na kumapit sa kasaysayan, hangad mo lamang na manatili sa iyong kinaroroonan at panatilihin ang lahat sa dati nitong kalagayan, at hindi ka naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kaya hindi ba’t isa kang tao na kaaway ng Diyos magpakailanman? Napakalawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng kamatayan, naghihintay lang na dumating sa iyo ang mga bagay-bagay nang kusa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano nito maipapakita na ang diyos na kinakapitan mo ay ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mo nang libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito na hanapin ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay hamak na mga salita na makapagbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanan na makapagbibigay-daan sa iyo na magkamit ng buhay. Ang mga salita ng mga Kasulatang binibigkas mo ay mga Kasulatan lamang na kayang pumuno sa iyong bibig; ang mga ito ay hindi mga pilosopiya na makatutulong sa iyo na maunawaan ang buhay ng tao, lalong hindi ang landas na magbibigay-kakayahan sa iyo na magawang perpekto. Hindi ba’t binibigyan ka ng pagkakaibang ito ng dahilan para magnilay? Hindi ba’t binibigyan ka nito ng kabatiran sa mga misteryong nakapaloob dito? Kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagparito ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa mo ang kaligayahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Hinihikayat kita, kung gayon, na tumigil na sa pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo ito gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.
Ang mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinambit ni Cristo ang pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo, at ang mga hindi tumatanggap sa daan ng buhay na dinala ni Cristo ay namumuhay sa pantasya. Kaya naman sinasabi Ko na kasusuklaman ng Diyos magpakailanman ang mga taong hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pintuan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makararaan kung hindi sa pamamagitan Niya. Walang mapeperpekto ng Diyos kung hindi sa pamamagitan ni Cristo. Isa kang taong nananampalataya sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at dapat kang magpasakop sa Kanyang daan. Huwag mong isipin lamang ang pagkakamit ng mga pagpapala habang hindi mo naman magawang tanggapin ang katotohanan at hindi magawang tanggapin ang pagtustos ng buhay. Pumaparito si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan Niya ng buhay ang lahat ng sinserong nananampalataya sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago kaya umiiral ang gawaing ito, at ang gawaing ito ay ang landas na dapat tahakin ng lahat ng pumapasok sa bagong kapanahunan. Kung hindi mo kinikilala si Cristo, at higit pa rito, kinokondena, nilalapastangan, o inuusig mo Siya, kung gayon ay tiyak na isa kang taong masusunog magpasawalang-hanggan, at isang taong hindi kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo magawang tanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon, isa kang taong lumalapastangan saBanal na Espiritu. Maliwanag sa bawat tao ang nararapat na retribusyon sa mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo ito: Kung nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tinatalikuran mo si Cristo ng mga huling araw, wala nang iba pang makapagpapasan sa mga kahihinatnan nito para sa iyo. Higit pa rito, mula sa puntong iyon ay hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit pa gusto mong makabawi, hindi mo mapagmamasdang muli ang mukha ng Diyos. Ito ay dahil ang taong nilalabanan mo ay hindi ordinaryong tao, at ang taong tinatalikuran mo ay hindi isang di-mahalagang tao, kundi si Cristo. Alam mo ba kung ano ang mga kahihinatnan nito? Hindi paggawa ng maliit na pagkakamali ang ginagawa mo, kundi paggawa ng isang karumal-dumal na kasalanan. Kaya naman, pinapayuhan Ko ang bawat tao na huwag ilabas ang kanilang mga pangil at iwasiwas ang kanilang mga kuko o huwag magsabi ng mga walang pagpipigil at walang batayang pahayag sa harap ng katotohanan, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala nang iba pa kundi ang katotohanan ang magbibigay-kakayahan sa iyo na muling isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.