Tungkol sa Pagganap ng Bawat Isa sa Kanilang Tungkulin
Sa kasalukuyang daloy, lahat niyaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos ay may pagkakataon na magawa Niyang perpekto. Maging sila man ay bata o matanda, hangga’t mayroon silang pusong nagpapasakop at natatakot sa Kanya, sila ay kaya Niyang gawing perpekto. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao ayon sa kanilang iba’t ibang mga tungkulin. Basta’t ginugugol mo ang lahat ng iyong kalakasan at nagpapasakop sa gawain ng Diyos, ikaw ay magagawa Niyang perpekto. Sa kasalukuyan wala sa inyong perpekto. Kung minsan nagagampanan ninyo ang isang uri ng tungkulin, at sa ibang pagkakataon nagagampanan ninyo ang dalawa. Hangga’t ginagawa ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang gugulin ang inyong sarili para sa Diyos, sa kahuli-hulihan kayo ay mapeperpekto ng Diyos.
Ang mga kabataan ay may kakaunting pilosopiya para mabuhay, at sila ay kulang sa karunungan at kabatiran. Ang Diyos ay dumating upang gawing perpekto ang karunungan at kabatiran ng tao. Ang salita Niya ay nagpupuno sa kanilang mga kakulangan. Gayunpaman, ang mga disposisyon ng kabataan ay hindi matatag, at dapat mapabagong-anyo ng Diyos. Ang mga kabataan ay may mas kaunting mga relihiyosong kuru-kuro at mas kaunting pilosopiya para mabuhay; sila ay nag-iisip tungkol sa lahat ng bagay sa mga simpleng termino, at ang kanilang mga pagmumuni-muni ay hindi kumplikado. Ito ang bahagi ng kanilang pagkatao na hindi pa nahubog, at ito ay isang kapuri-puring bahagi; subali’t ang kabataan ay ignorante at kulang sa karunungan. Ito ay isang bagay na kailangang maperpekto ng Diyos. Ang pagperpekto ng Diyos ay magbibigay-kakayahan sa inyo na mapaunlad ang pagkilatis. Makakaya ninyong malinaw na maunawaan ang maraming espirituwal na bagay, at unti-unting maging isang taong nababagay para gamitin ng Diyos. Ang mas matatandang kapatid na lalaki at babae ay mayroon ding kanilang tungkulin na gagampanan, at sila ay hindi iniiwan ng Diyos. Ang mas matatandang kapatid na lalaki at babae rin ay may mga kapwa kanais-nais at mga hindi-kanais-nais na aspeto. Sila ay may mas maraming pilosopiya para mabuhay at may mas maraming relihiyosong kuru-kuro. Sa kanilang mga kilos, sila ay kumakapit sa maraming mahigpit na kinasanayan, bilang mahihilig sa mga alituntunin na inilalapat nila nang mekanikal at walang kaluwagan. Ito ay hindi isang kanais-nais na aspeto. Gayunpaman, itong mga nakatatandang kapatid na lalaki at babae ay nananatiling kalmado at matatag anuman ang nangyayari; ang kanilang mga disposisyon ay matatag at sila ay walang mapupusok na damdamin. Maaaring mabagal sila sa pagtanggap ng mga bagay-bagay, subali’t ito ay hindi isang malaking pagkukulang. Hanggang kaya ninyong magpasakop; hangga’t kaya ninyong tanggapin ang kasalukuyang mga salita ng Diyos at hindi sinusuri ang mga salita ng Diyos; hangga’t ang inyong layon lamang ay pagpapasakop at pagsunod, at hindi nanghuhusga sa mga salita ng Diyos o nagkikimkim ng iba pang mga masamang kaisipan tungkol sa kanila; hangga’t inyong tinatanggap ang Kanyang mga salita at isinasagawa ang mga ito—kung gayon, dahil nasusunod ang lahat ng kundisyong ito—kayo ay kayang maperpekto.
Maging kayo man ay mas bata o mas matandang kapatid na lalaki o babae, nalalaman ninyo ang tungkulin na dapat ninyong gampanan. Yaong mga nasa kanilang kabataan ay hindi mapagmataas; yaong mga mas matatanda ay hindi walang-kibo, ni paurong sila. Higit pa, nakakaya nilang gamitin ang lakas ng bawa’t isa upang mapunan ang kanilang mga kahinaan, at nagagawa nilang maglingkod sa isa’t isa nang walang pagtatangi. Isang tulay ng pagkakaibigan ang nabubuo sa pagitan ng mas bata at mas matatandang kapatid na lalaki at babae, at dahil sa pag-ibig ng Diyos nagagawa ninyong mas mabuting maintindihan ang isa’t isa. Hindi hinahamak ng mga nakababatang kapatid na lalaki at babae ang mga mas matandang kapatid na lalaki at babae, at ang mga nakatatandang kapatid na lalaki at babae ay hindi mapagmagaling: Hindi ba ito isang may pagkakasunduang pagsasama? Kung lahat kayo ay mayroong ganitong paninindigan, kung gayon ang kalooban ng Diyos ay tiyak na matutupad sa inyong henerasyon.
Sa hinaharap, kung ikaw man ay pagpapalain o isusumpa ay pagpapasiyahan batay sa inyong mga kilos at asal ngayon. Kung kayo ay gagawing perpekto ng Diyos, iyon ay tiyak ngayon na, sa panahong ito; hindi na magkakaroon ng iba pang pagkakataon sa hinaharap. Ngayon din, nais talaga kayong gawing perpekto ng Diyos, at ito ay hindi isang paraan ng pagsasalita. Sa hinaharap, kung anumang mga pagsubok ang sumapit sa inyo, anumang mga pangyayari ang maganap, o anumang mga sakuna ang dumating sa inyo, kayo ay nais na gawing perpekto ng Diyos; ito ay isang tiyak at hindi mapagdududahang katunayan. Mula saan ito kayang makita? Nakikita ito sa katunayan na ang salita ng Diyos, sa lahat ng kapanahunan at mga henerasyon, ay hindi kailanman nakarating sa gayong kataas na tugatog na gaya ngayon. Ito ay nakapasok sa pinakamataas na kinasasaklawan, at ang gawain ng Banal na Espiritu sa buong sangkatauhan ngayon ay hindi pa kailanman nangyari. Halos walang sinuman mula sa mga henerasyong lumipas ang nakaranas nito; kahit na sa panahon ni Jesus wala ang mga pahayag ng panahon ngayon. Ang mga salitang sinabi sa inyo, kung ano ang naiintindihan ninyo, at mga bagay na inyong nararanasan ay nakaabot lahat sa isang bagong tugatog. Hindi kayo umaalis sa gitna ng mga pagsubok at mga pagkastigo, at ito ay sapat na upang patunayan na ang gawain ng Diyos ay umabot na sa hindi pa narating na kaluwalhatian. Ito ay hindi isang bagay na kayang gawin ng tao, ni ito ay isang bagay na pinananatili ng tao; nguni’t sa halip ito ay gawain ng Diyos Mismo. Kaya, mula sa maraming katotohanan ng gawain ng Diyos makikita na nais gawing perpekto ng Diyos ang tao, at tiyak na kaya Niya kayong gawing ganap. Kung makaya ninyong makita ito, kung makaya ninyong magkaroon ng bagong pagtuklas na ito, hindi ninyo na hihintayin ang ikalawang pagdating ni Jesus; sa halip, ay hahayaan ninyong gawing ganap kayo ng Diyos sa kasalukuyang panahon. Kaya, nararapat na ang bawa’t isa sa inyo ay gawin ang lubos na makakaya at huwag maglimita ng pagpupunyagi upang kayo ay maaaring gawing perpekto ng Diyos.
Sa mga panahong ito hindi mo dapat na pansinin ang mga negatibong bagay. Una, isantabi mo at huwag pansinin ang anumang bagay na nakakapagparamdam sa iyo ng negatibo. Kapag nangangasiwa ka ng mga bagay-bagay, gawin mo ang gayon taglay ang isang puso na naghahanap at nag-aapuhap, at isang sumusunod sa Diyos na puso. Sa tuwing nakakatuklas kayo ng kahinaan sa loob ninyo nguni’t hindi sumasailalim sa kontrol nito at inyong ginagampanan ang tungkulin na dapat ninyong gawin, ito ay isang positibong kilos na pasulong. Halimbawa, ang iyong mga mas matandang kapatid na lalaki at babae ay may mga relihiyosong kuru-kuro, nguni’t nakakaya mong manalangin, magpasakop, kumain at uminom ng salita ng Diyos, at kumanta ng mga himno…. Ibig sabihin nito, anuman ang kaya mong gawin, anumang tungkulin ang kaya mong gampanan, ilagay ang iyong lahat-lahat dito nang may buong lakas na maaari mong tipunin. Huwag maghintay nang walang-kibo. Ang mabigyang-kasiyahan ang Diyos sa paggawa ng iyong tungkulin ay ang unang hakbang. Pagkatapos kapag kaya mo nang maintindihan ang katotohanan at pumasok sa realidad ng salita ng Diyos, ikaw ay nagawa nang perpekto ng Diyos.