Pagtalakay sa Buhay Iglesia at sa Tunay na Buhay

Pakiramdam ng mga tao ay nagagawa lamang nilang magbago sa loob ng buhay-iglesia. Kung wala sila sa loob ng buhay-iglesia, pakiramdam nila ay hindi nila kayang magbago, na para bang hindi maaaring magawa ang pagbabago sa tunay na buhay. Nakikita ba ninyo ang problema rito? Tinalakay ko na dati ang pag-anyaya sa Diyos sa tunay na buhay; sa mga naniniwala sa Diyos, ito ang landas upang makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Sa katunayan, ang buhay-iglesia ay isa lamang limitadong paraan upang gawing perpekto ang mga tao. Ang pangunahin pa ring kapaligiran para sa pagperpekto ng mga tao ay ang tunay na buhay. Ito ang aktwal na pagsasagawa at aktwal na pagsasanay na tinalakay ko, na nagtutulot sa mga tao na matamo ang isang buhay na may normal na pagkatao, at isabuhay ang wangis ng isang tunay na tao sa pang-araw-araw na buhay. Sa isang banda, dapat mag-aral ang isang tao upang mapataas ang antas ng kanyang edukasyon, maunawaan ang mga salita ng Diyos, at matamo ang kakayahang makaunawa. Sa kabilang banda, dapat masangkapan ang isang tao ng pangunahing kaalaman na kinakailangan upang mabuhay bilang isang tao upang matamo niya ang kabatiran at katwiran ng normal na pagkatao, sapagkat kulang na kulang ang mga tao sa mga ito. Bukod pa roon, dapat ding namnamin ng isang tao ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng buhay-iglesia, at unti-unting magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa katotohanan.

Bakit sinasabi na sa paniniwala sa Diyos, dapat anyayahan ng isang tao ang Diyos sa tunay na buhay? Hindi lamang buhay-iglesia ang nakapagbabago sa mga tao; ang mas mahalaga ay makapasok ang mga tao sa realidad sa tunay na buhay. Palagi ninyong pinag-uusapan noon ang inyong espirituwal na kalagayan at ang mga espirituwal na bagay samantalang ipinagwawalang-bahala ang pagsasagawa ng maraming bagay sa tunay na buhay, at ipinagwawalang-bahala ang pagpasok ninyo sa mga ito. Araw-araw kayong sumulat, araw-araw kayong nakinig, araw-araw kayong nagbasa. Nanalangin pa kayo habang nagluluto: “O, Diyos! Nawa ay Ikaw ang maging buhay sa loob ko. Anumang mangyari ngayong araw, pagpalain Mo po ako at liwanagan. Anuman ang pagliwanagin Mo sa akin ngayong araw, tulutan Mong maunawaan ko ito sa sandaling ito, upang ang Iyong mga salita ay magsilbing aking buhay.” Nanalangin din kayo habang naghahapunan: “O, Diyos! Ipinagkaloob Mo sa amin ang pagkaing ito. Nawa ay pagpalain Mo kami. Amen! Tulutan Mo po kami na mabuhay nang naaayon sa Iyo. Nawa ay samahan Mo po kami. Amen!” Pagkatapos ninyong maghapunan at habang hinuhugasan ang mga pinagkainan, sinimulan ninyong magsalita nang masalita: “O, Diyos, ako ang mangkok na ito. Ginawa kaming tiwali ni Satanas, at tulad lang ng mga mangkok na nagamit na at dapat linisin ng tubig. Ikaw ang tubig, at ang Iyong mga salita ang buhay na tubig na nagtutustos sa aking buhay.” Bago pa ninyo namalayan, oras na para matulog, at muli ninyong inumpisahang magsalita nang magsalita: “O, Diyos! Pinagpala Mo ako at ginabayan ako sa buong maghapon. Ako ay tunay na nagpapasalamat sa Iyo. …” Ganito ninyo pinalipas ang inyong araw, at pagkatapos ay nakatulog na kayo. Karamihan ng tao ay nabubuhay nang gaya nito araw-araw, at kahit ngayon, nagpapabaya sila sa aktwal na pagpasok, nagtutuon lamang ng pansin sa mapagkunwaring pananalita habang nananalangin. Ito ang buhay nila noon—ang dating buhay nila. At ang karamihan ay ganito; wala silang anumang aktwal na pagsasanay, at kakaunti lamang ang nararanasang tunay na pagbabago. Mapagkunwari lamang silang nagsasalita habang nananalangin, lumalapit sa Diyos sa pamamagitan lamang ng kanilang mga salita, ngunit kulang sila ng kalaliman sa kanilang pagkaunawa. Suriin natin ang pinakasimpleng halimbawa—ang paglilinis ng inyong tahanan. Nakikita ninyo na ang inyong tahanan ay makalat, kaya umuupo kayo roon at nananalangin: “O, Diyos! Masdan Mo ang katiwalian na ginawa ni Satanas sa akin. Ako ay kasing dumi ng tahanang ito. O, Diyos! Tunay Kitang pinupuri at pinasasalamatan. Kung wala ang Iyong pagliligtas at kaliwanagan, hindi ko mapagtatanto ang katotohanang ito.” Umuupo lamang kayo roon at magsasalita nang magsasalita, nananalangin nang matagal, at pagkatapos ay kumikilos kayo na parang walang nangyari, na parang isa kayong matandang babaeng salita nang salita. Pinalilipas ninyo ang inyong espirituwal na buhay sa ganitong paraan nang walang anumang tunay na pagpasok sa realidad, nang may napakaraming paimbabaw na mga pagsasagawa! Ang pagpasok sa aktwal na pagsasanay ay kinasasangkutan ng tunay na buhay ng mga tao at ng mga praktikal nilang paghihirap—ito lamang ang paraan na nagbabago sila. Kung wala ang tunay na buhay, hindi maaaring magbago ang mga tao. Ano ang saysay ng mapagkunwaring pananalita sa panalangin? Kung walang pagkaunawa sa kalikasan ng mga tao, ang lahat ay pagsasayang ng oras, at kung walang landas sa pagsasagawa, ang lahat ay pagsasayang ng pagsisikap! Makakatulong ang normal na panalangin na mapanatili ng mga tao ang normal na kalagayan ng kanilang kalooban, ngunit hindi sila nito ganap na mababago. Ang pagkaalam sa pagmamagaling, kayabangan, kapalaluan, pagmamataas, at tiwaling disposisyon ng tao—ang kaalaman sa mga bagay na ito ay hindi nakukuha sa panalangin—natutuklasan ang mga ito sa pamamagitan ng pagnamnam sa mga salita ng Diyos, at nakikilala ang mga ito sa pamamagitan ng kaliwanagang dulot ng Banal na Espiritu sa tunay na buhay. Mahusay magsalita ang lahat ng tao sa kasalukuyan, at nakapakinig na sila sa pinakadakilang pangangaral—na mas dakila kaysa iba pa sa lahat ng kapanahunan—ngunit napakakaunti rito ang aktwal na naisasakatuparan sa kanilang tunay na buhay. Ibig sabihin, walang Diyos sa kanilang tunay na buhay; hindi sila nagkaroon ng bagong pagkatao matapos ang pagbabago. Hindi nila isinasabuhay ang katotohanan sa tunay na buhay, at hindi rin nila inaanyayahan ang Diyos sa tunay na buhay. Namumuhay sila na parang mga anak ng impiyerno. Hindi ba ito malinaw na paglihis?

Upang mapanumbalik ang wangis ng isang normal na tao, iyon ay, upang magkaroon ng normal na pagkatao, hindi basta na lamang mapapalugod ng mga tao ang Diyos gamit ang kanilang mga salita. Pinipinsala lamang nila ang kanilang sarili sa paggawa nito, at wala itong dalang pakinabang sa kanilang pagpasok o pagbabago. Samakatuwid, upang matamo ang pagbabago, dapat magsagawa nang paunti-unti ang mga tao. Kailangang pumasok sila nang dahan-dahan, maghanap at magsaliksik nang paunti-unti, pumasok mula sa positibo, at isabuhay ang isang praktikal na buhay ng katotohanan; ang buhay ng isang santo. Pagkatapos noon, tutulutan ng mga tunay na bagay, pangyayari, at kapaligiran ang mga tao na magkaroon ng praktikal na pagsasanay. Hindi kinakailangang magsalita ng mga tao nang mapagkunwari; sa halip, kinakailangan nilang magsanay sa tunay na mga kapaligiran. Nauunawaan muna ng mga tao na mahina ang kanilang kakayahan, at pagkatapos ay normal na nilang kinakain at iniinom ang mga salita ng Diyos, at pumapasok sila at normal ding nagsasagawa; sa paraang ito lamang sila maaaring magtamo ng realidad, at ganito lalong mapapabilis ang pagpasok. Upang mapagbago ang mga tao, dapat magkaroon ng kaunting praktikalidad; dapat silang magsanay sa mga tunay na bagay, pangyayari, at kapaligiran. Maaari bang matamo ang tunay na pagsasanay ng isang tao kung aasa lamang siya sa buhay-iglesia? Makakapasok ba ang mga tao sa realidad sa ganitong paraan? Hindi! Kung hindi makakapasok ang mga tao sa tunay na buhay, hindi rin nila mababago ang dati nilang pamumuhay at mga pamamaraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Hindi ito dahil lamang sa katamaran ng mga tao at mataas na antas ng pagpapakalinga, sa halip ito ay dahil wala talagang kakayahan ang mga tao para mabuhay, at bukod pa rito, wala silang pagkaunawa sa pamantayan ng Diyos sa wangis ng isang normal na tao. Noon, palaging nag-uusap, nagsasalita, at nagtatalastasan ang mga tao—at sila ay naging “mga mananalumpati” pa nga—ngunit walang sinuman sa kanila ang naghangad ng pagbabago sa disposisyon sa buhay; sa halip, naghanap lamang sila ng malalalim na teorya. Kaya, dapat baguhin ng mga tao ngayon ang ganitong paraan ng mga relihiyon ng paniniwala sa Diyos sa kanilang buhay. Kinakailangan nilang simulan ang pagsasagawa sa pamamagitan ng pagtutuon sa isang pangyayari, isang bagay, isang tao. Dapat nila itong gawin nang may pagtutuon—sa gayon lamang sila magkakamit ng mga resulta. Ang pagbabago ng mga tao ay nagsisimula sa pagbabago ng kanilang diwa. Dapat ituon ang gawain sa diwa ng mga tao, sa kanilang buhay, sa kanilang katamaran, pagpapakalinga, at pagkaalipin—sa ganitong paraan lamang sila maaaring mapagbago.

Bagama’t ang buhay iglesia ay makapagdudulot ng mga resulta sa ilang aspeto, ang pinakamahalaga pa rin ay na maaaring baguhin ng tunay na pamumuhay ang mga tao. Ang dating likas na pagkatao ng isang tao ay hindi mababago kung walang tunay na pamumuhay. Gawin nating halimbawa ang gawain ni Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya. Nang buwagin ni Jesus ang naunang mga kautusan at itatag ang mga kautusan ng bagong kapanahunan, nagsalita Siya gamit ang mga aktwal na halimbawa mula sa tunay na pamumuhay. Nang patunguhin ni Jesus ang Kanyang mga disipulo sa taniman ng trigo isang araw ng Sabbath, nagutom ang Kanyang mga disipulo at namitas ng mga butil ng trigo para kainin. Nakita ito ng mga Pariseo at sinabi na hindi nila iginagalang ang Sabbath. Sinabi rin nila na hindi maaaring iligtas ng mga tao ang mga guyang nahulog sa isang hukay sa araw ng Sabbath, sinasabi na hindi maaaring magtrabaho sa araw ng Sabbath. Binanggit ni Jesus ang mga pangyayaring ito upang unti-unting ipahayag ang mga kautusan ng bagong kapanahunan. Sa oras na iyon, gumamit Siya ng maraming praktikal na bagay para matulungan ang mga tao na makaunawa at magbago. Ito ang prinsipyong sinusunod ng Banal na Espiritu sa pagganap sa Kanyang gawain, at ito ang tanging paraan para mapagbago ang mga tao. Kung walang praktikal na mga bagay, maaari lamang magtamo ang mga tao ng teoretikal at intelektuwal na pagkaunawa—hindi ito isang epektibong paraan para magbago. Kaya paano nagkakamit ng karunungan at kabatiran ang isang tao sa pamamagitan ng pagsasanay? Maaari bang magkamit ng karunungan at kabatiran ang mga tao mula lamang sa pakikinig, pagbabasa, at pagpapalago ng kanilang kaalaman? Paano ito maaaring mangyari? Kailangang makaunawa at makaranas ang mga tao sa tunay na pamumuhay! Samakatuwid, kailangang magsanay ng isang tao, at hindi siya maaaring lumihis sa tunay na pamumuhay. Kailangang bigyang-pansin ng mga tao ang iba’t ibang aspeto at makapasok sa iba-ibang aspeto: antas ng edukasyon, pagpapahayag, kakayahang makita ang bagay-bagay, kakayahang makakilala, kakayahang maunawaan ang mga salita ng Diyos, sentido kumon at mga panuntunan ng sangkatauhan, at iba pang mga bagay na may kaugnayan sa sangkatauhan na kailangang isangkap sa mga tao. Matapos magtamo ng pagkaunawa, kailangang magtuon ang mga tao sa pagpasok, at saka lamang magkakaroon ng pagbabago. Kung nagkamit ng pag-unawa ang isang tao, subalit kinaliligtaan nilang magsagawa, paano magkakaroon ng pagbabago? Sa kasalukuyan, maraming nauunawaan ang mga tao, ngunit hindi nila isinasabuhay ang realidad; samakatuwid, kakaunti ang taglay nilang kinakailangang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Bahagya ka pa lamang naliwanagan; nakatanggap ka na ng kaunting pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu, subalit wala kang pagpasok sa tunay na pamumuhay—o maaaring wala ka man lamang pakialam tungkol sa pagpasok—kaya nabawasan ang iyong pagbabago. Pagkaraan ng napakahabang panahon, marami nang nauunawaan ang mga tao. Nagagawa nilang magsalita nang husto tungkol sa kanilang kaalaman sa mga teorya, ngunit ganoon pa rin ang kanilang panlabas na disposisyon, at ganoon pa rin ang kanilang orihinal na kakayahan, walang pagsulong ni katiting. Kung ganito ang nangyayari, kailan ka talaga makakapasok?

Ang buhay-iglesia ay isang uri lamang ng pamumuhay kung saan ang mga tao ay nagtitipun-tipon upang namnamin ang mga salita ng Diyos, at ito ay bumubuo lamang sa maliit na hibla ng buhay ng tao. Kung ang tunay na pamumuhay ng mga tao ay maaari ring maging katulad ng kanilang buhay-iglesia—kabilang na ang isang normal na espirituwal na buhay, normal na pagtamasa ng mga salita ng Diyos, normal na pagdarasal at pagiging malapit sa Diyos, pamumuhay ng isang tunay na pamumuhay kung saan lahat ay isinasagawa alinsunod sa kalooban ng Diyos, pamumuhay ng isang tunay na pamumuhay kung saan ang lahat ay isinasagawa alinsunod sa katotohanan, pamumuhay ng isang tunay na pamumuhay ng pagsasagawa ng panalangin at pagiging tahimik sa harap ng Diyos, ng pagsasanay na umawit ng mga himno at magsayaw—ito lamang ang klase ng buhay na maghahatid sa kanila sa pamumuhay ng mga salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay nakatuon lamang sa ilang oras ng kanilang buhay-iglesia nang walang “pag-aalala” sa kanilang buhay maliban sa mga oras na iyon, na para bang hindi nag-aalala sa mga iyon. Maraming tao rin na pumapasok lamang sa buhay ng mga santo kapag kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, umaawit ng mga himno, o nagdarasal, at pagkatapos ay nanunumbalik sila sa dati nilang pag-uugali pagkaraan noon. Hindi mababago ng ganitong pamumuhay ang mga tao, lalo nang hindi nila makikilala ang Diyos dahil dito. Sa paniniwala sa Diyos, kung nais ng mga tao na baguhin ang kanilang disposisyon, hindi nila dapat ihiwalay ang kanilang sarili mula sa tunay na pamumuhay. Sa tunay na pamumuhay, kailangan mong kilalanin ang iyong sarili, talikuran ang iyong sarili, isagawa ang katotohanan, at matutuhan din ang mga prinsipyo, sentido kumon, at mga panuntunan ng sariling pag-uugali sa lahat ng bagay bago mo magawang unti-unting magbago. Kung pagtutuunan mo lamang ang teoretikal na kaalaman at mabubuhay ka lamang sa mga relihiyosong seremonya nang hindi pumapasok nang husto sa realidad, nang hindi pumapasok sa tunay na pamumuhay, hindi mo kailanman mapapasok ang realidad, hindi mo kailanman makikilala ang iyong sarili, ang katotohanan, o ang Diyos, at magiging bulag at mangmang ka magpakailanman. Ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao ay hindi upang tulutan silang mamuhay nang normal pagkaraan ng maikling panahon, ni hindi para baguhin ang kanilang mga maling kuru-kuro at doktrina. Sa halip, ang Kanyang layunin ay baguhin ang dati nilang mga disposisyon, baguhin ang kabuuan ng dati nilang paraan ng pamumuhay, at baguhin ang lahat ng makalumang paraan ng kanilang pag-iisip at pananaw. Hindi mababago ng pagtutuon lamang sa buhay-iglesia ang mga dating gawi ng mga tao sa buhay o ang mga pamamaraan ng pamumuhay na nakasanayan nila sa mahabang panahon. Anuman ang mangyari, hindi dapat mahiwalay ang mga tao mula sa tunay na pamumuhay. Hinihiling ng Diyos na mamuhay nang normal bilang tao ang mga tao sa tunay na pamumuhay, hindi lamang sa buhay-iglesia; na isabuhay nila ang katotohanan sa tunay na pamumuhay, hindi lamang sa buhay-iglesia; at na tuparin nila ang kanilang mga tungkulin sa tunay na pamumuhay, hindi lamang sa buhay-iglesia. Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na pamumuhay. Kung, sa paniniwala sa Diyos, hindi makilala ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpasok sa tunay na pamumuhay, at kung hindi sila makapamuhay nang normal bilang tao sa tunay na pamumuhay, mabibigo sila. Ang mga sumusuway sa Diyos ay pawang mga taong hindi makakapasok sa tunay na pamumuhay. Silang lahat ay mga taong nagsasalita tungkol sa pagiging tao, ngunit isinasabuhay ang likas na pagkatao ng mga demonyo. Silang lahat ay mga taong nagsasalita tungkol sa katotohanan, ngunit isinasabuhay naman ang mga doktrina. Ang mga hindi makayang isabuhay ang katotohanan sa tunay na pamumuhay ay ang mga naniniwala sa Diyos, ngunit kinasusuklaman at inaayawan Niya. Kailangan mong isagawa ang iyong pagpasok sa tunay na pamumuhay, alamin ang iyong mga kakulangan, pagsuway, at kamangmangan, at alamin ang iyong abnormal na pagkatao at mga kahinaan. Sa gayong paraan, ang iyong kaalaman ay mapag-iisa sa iyong aktwal na kalagayan at mga paghihirap. Ang klaseng ito lamang ng kaalaman ang tunay at maaaring magtulot sa iyo na tunay na maunawaan ang iyong sariling kalagayan at mabago ang iyong disposisyon.

Ngayong ang pagpeperpekto sa mga tao ay pormal nang nagsimula, kailangan mong pumasok sa tunay na pamumuhay. Samakatuwid, upang magtamo ng pagbabago, kailangan mong magsimula sa pagpasok sa tunay na pamumuhay, at unti-unting magbago. Kung iniiwasan mo ang normal na buhay ng tao at magsasalita ka lamang tungkol sa mga espirituwal na bagay, nagiging nakakabagot at walang kuwenta ang mga bagay-bagay; hindi nagiging makatotohanan ang mga ito, at kung gayon ay paano makakapagbago ang mga tao? Ngayon ay sinabihan kang pumasok sa tunay na pamumuhay upang magsagawa, upang magtatag ng isang pundasyon sa pagpasok sa tunay na karanasan. Ito ay isang aspeto ng kailangang gawin ng mga tao. Ang gawain ng Banal na Espiritu higit sa lahat ay gumabay, samantalang ang iba pa ay nakasalalay sa pagsasagawa at pagpasok ng mga tao. Lahat ay maaaring makapasok sa tunay na pamumuhay sa pamamagitan ng iba’t ibang landas, nang sa gayon ay maisama nila ang Diyos sa tunay na pamumuhay, at maisabuhay ang tunay na normal na pagkatao. Ito lamang ang klase ng buhay na may kabuluhan!

Sinundan: Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay

Sumunod: Tungkol sa Pagganap ng Bawat Isa sa Kanilang Tungkulin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito