Tungkol sa Hantungan
Sa tuwing binabanggit ang hantungan, itinuturing ninyo ito nang may espesyal na kaseryosohan; higit pa riyan, kayong lahat ay partikular na sensitibo tungkol sa bagay na ito. May ilang taong hindi makapaghintay na iyukod ang kanilang mga ulo hanggang lupa, yumuyuko nang mababa sa harap ng Diyos para lamang makapagkamit ng magandang hantungan. Nakikilala Ko ang inyong pagiging masigasig, na hindi na kailangang ilahad pa sa pamamagitan ng mga salita. Ito’y dahil lamang ayaw ninyong humantong ang inyong laman sa kapahamakan, at bukod pa rito, ayaw ninyong mahulog sa walang hanggang kaparusahan sa hinaharap. Kayo ay umaasa lamang na tulutan ang inyong sarili na mabuhay nang higit na malaya at maalwan. Kaya kayo ay lalong higit na nagiging maligalig sa tuwing nababanggit ang hantungan, lubos na nangangamba na kapag hindi kayo naging sapat na maingat, maaaring magkasala kayo sa Diyos at makatatanggap kung gayon ng nararapat na parusa. Hindi kayo nag-alinlangan na makipagkompromiso para lamang sa inyong hantungan, at maging ang marami sa inyo na dating mapanlinlang at walang galang ay bigla na lamang naging napakamalumanay at tapat; ang anyo ng inyong katapatan ay nakapangingilabot sa mga tao. Gayon pa man, lahat kayo’y may mga “tapat” na puso, at patuloy ninyong ibinabahagi sa Akin ang mga lihim ng inyong mga puso nang walang anumang itinatago, maging ito man ay hinaing, panlilinlang o pamimintuho. Sa kabuuan, napakamatapat ninyong “ikinumpisal” sa Akin ang napakahalagang mga bagay na nasa kaibuturan ng inyong pagiging tao. Mangyari pa, hindi Ko iniwasan kailanman ang gayong mga bagay, dahil naging napakapamilyar na ang mga ito sa Akin. Mas nanaisin pa ninyong pumasok sa dagat ng apoy alang-alang sa inyong huling hantungan kaysa mawalan ng isa mang hibla ng buhok para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi sa Ako ay nagiging masyadong dogmatiko sa inyo; kayo ay labis na nagkukulang lamang sa pusong namimintuho upang harapin ang lahat ng Aking ginagawa. Maaaring hindi ninyo naiintindihan kung ano ang kapapahayag Ko lamang, kaya hayaan ninyo Akong magbigay sa inyo ng payak na paliwanag: Ang kailangan ninyo ay hindi ang katotohanan at buhay; ni ang mga prinsipyo kung paano kayo kikilos, lalong hindi ang Aking maingat na paggawa. Sa halip, ang kailangan ninyo ay ang lahat na taglay ng inyong laman—kayamanan, katayuan, pamilya, buhay may-asawa, at iba pa. Lubos ninyong ipinagwawalang-bahala ang Aking mga salita at gawain, kung kaya’t malalagom Ko ang inyong pananampalataya sa iisang salita: padaskol. Gagawin ninyo ang kahit ano upang matamo lamang ang mga bagay na inyong pinipintuho nang labis, ngunit natuklasan Kong hindi ninyo ito gagawin alang-alang sa mga bagay na tungkol sa inyong paniniwala sa Diyos. Sa halip, kayo ay bahagyang nakatuon, at bahagyang masigasig. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang mga taong walang pusong may sukdulang katapatan ay mga bigo sa kanilang paniniwala sa Diyos. Pag-isipan ninyong mabuti—marami bang mga bigo sa inyong hanay?
Dapat ninyong malaman na natatamo ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos bilang resulta ng sariling mga kilos ng mga tao; kapag hindi nagtatagumpay ang mga tao bagkus ay nabibigo, iyon din ay dahil sa sarili nilang mga kilos, at walang papel na ginagampanan ang anupamang bagay. Naniniwala Ako na gagawin ninyo ang lahat ng maaaring gawin para makamit ang isang bagay na mas mahirap at nangangailangan ng higit na pagdurusa kaysa paniniwala sa Diyos, at ituturing ninyo ito na napakaseryoso, kung kaya’t hindi ninyo pahihintulutan ang anumang mga pagkakamali; ito ang mga uri ng walang-humpay na pagsisikap na ibinubuhos ninyo sa sarili ninyong mga buhay. Kaya pa nga ninyong linlangin ang Aking katawang-tao sa mga pagkakataon kung saan hindi ninyo lilinlangin ang sarili ninyong pamilya. Ito ang inyong palagiang pag-uugali at ang prinsipyong ipinamumuhay ninyo. Hindi ba’t nagkukunwari pa rin kayo para linlangin Ako alang-alang sa inyong hantungan, upang ang inyong hantungan ay maging lubos na maganda at ayon sa lahat ng inyong hinahangad? Batid Kong panandalian lamang ang inyong pamimintuho, gayundin ang inyong katapatan. Hindi ba’t ang inyong paninindigan at ang halagang ibinabayad ninyo ay para lamang sa ngayon at hindi para sa hinaharap? Nais lamang ninyong magbuhos ng huling pagsisikap para matiyak ang isang magandang hantungan, na ang tanging layunin ay makipagpalitan. Hindi ninyo ginagawa ang pagsisikap na ito upang maiwasan ang pagkakautang sa katotohanan, at lalong hindi upang bayaran Ako sa halagang pinagbayaran Ko. Sa madaling salita, handa lamang kayong gumamit ng mga tusong pakana upang makamit ang inyong gusto, pero hindi ang ipaglaban ito. Hindi ba’t ito ang pinakaninanais ng inyong puso? Hindi kayo dapat magbalatkayo, o magpagod sa pag-iisip tungkol sa inyong hantungan hanggang sa puntong hindi na kayo makakain o makatulog. Hindi ba totoo na ang kahihinatnan ninyo ay naitakda na sa huli? Dapat ninyong gawin ang inyong sariling tungkulin sa abot ng inyong makakaya nang may bukas at tapat na mga puso, at maging handang magbayad ng anumang kinakailangang halaga. Gaya nga ng sinabi ninyo, pagdating ng araw na iyon, hindi pababayaan ng Diyos ang sinumang nagdusa o nagbayad para sa Kanya. Ang ganitong uri ng matibay na paniniwala ay karapat-dapat panghawakan, at nararapat lamang na hindi ninyo ito kailanman kalimutan. Sa ganitong paraan Ko lamang mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo. Kung hindi, magpakailanman kayong magiging mga taong hindi Ko makakayang ipagpalagay ang Aking isipan, at magpakailanman kayong magiging mga layon ng Aking pag-ayaw. Kung masusunod ninyong lahat ang inyong konsensya, at ibibigay ang inyong lahat para sa Akin, nang walang hindi pagsusumikapan para sa Aking gawain, at mag-uukol ng buong buhay na pagsusumikap sa Aking gawain ng ebanghelyo, hindi ba’t laging lulukso sa tuwa ang Aking puso dahil sa inyo? Sa ganitong paraan, lubos Kong mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo, hindi ba? Nakapanghihinayang na ang tanging nagagawa ninyo ay hamak at katiting na bahagi lamang ng Aking inaasahan. Yamang ganito ang kalagayan, ano’t may lakas kayo ng loob na hingin sa Akin ang inyong inaasam?
Napakahalaga sa inyo ng inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay ipinag-aalala ninyo nang lubos. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo ginawa ang mga bagay nang maingat, magiging katumbas ito ng hindi pagkakaroon ng hantungan at ng pagkawasak ng inyong kapalaran. Subalit naisip na ba ninyo kailanman na ang mga taong nagsusumikap para lamang sa kanilang hantungan ay nagpapakapagod nang walang saysay? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga iyon. Kung gayon, ang mga taong nagsisikap para lamang sa kanilang hantungan ay nasa bungad na ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang kabiguan sa paniniwala ng isang tao sa Diyos ay dulot ng panlilinlang. Nasabi Ko na noon na hindi Ko ninanais na Ako ay bolahin o kunwari’y hangaan, o pakitunguhan Ako nang may lubos na kasiglahan. Nais Ko na ang mga matapat na tao ay humarap sa Aking katotohanan at Aking mga inaasahan. Higit pa rito, naiibigan Ko sa tuwing ang mga tao ay nakakayang magpakita ng lubos na pangangalaga at pagsasaalang-alang sa Aking puso, at kapag nagagawa pa nilang isuko ang lahat para sa Aking kapakanan. Sa ganitong paraan lamang maaaring mabigyan ng kaginhawahan ang Aking puso. Sa ngayon, ilang bagay tungkol sa inyo ang hindi Ko nagugustuhan? Ilang bagay tungkol sa inyo ang nagugustuhan Ko? Maaari kayang walang sinuman sa inyo ang nakapagtanto na ng lahat ng iba’t ibang pagpapakita ng kapangitang inyong ginawa alang-alang sa inyong hantungan?
Sa Aking puso, hindi Ko ninanais makasakit sa kanino mang puso na positibo at naghahangad paitaas, at lalong ayaw Kong mabawasan ang sigla ng sinumang tapat na ginagawa ang kanyang tungkulin. Gayunpaman, kailangan Kong paalalahanan ang bawat isa sa inyo tungkol sa inyong mga pagkukulang at ang maruming kaluluwa na nasa kaibuturan ng inyong mga puso. Ginagawa Ko ito sa pag-asang magagawa ninyong ihandog ang inyong tunay na puso sa pagharap sa Aking mga salita, dahil ang pinakakinasusuklaman Ko ay ang panlilinlang ng mga tao sa Akin. Umaasa lamang Ako na sa huling yugto ng Aking gawain, maibibigay ninyo ang inyong pinakamahusay na pagganap, at mailalaan ninyo ang inyong mga sarili nang buong puso, hindi na kalahati lamang. Mangyari pa, umaasa rin Ako na lahat kayo ay magkakaroon ng isang magandang hantungan. Gayunpaman, mayroon pa rin Akong kinakailangan, at ito ay ang magawa ninyo ang pinakamahusay na desisyon na ihandog sa Akin ang inyong natatangi at huling pamimintuho. Kung may isang tao na walang ganitong natatanging pamimintuho, tiyak na siya ay isang iniingatang pag-aari ni Satanas, at hindi Ko na ipagpapatuloy ang paggamit sa kanya kundi pauuwiin Ko siya para alagaan ng kanyang mga magulang. Malaking tulong sa inyo ang Aking gawain; ang inaasahan Kong makuha sa inyo ay pusong tapat at naghahangad paitaas, ngunit hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring laman ang Aking mga kamay. Pakaisipin ninyo ito: Kung pagdating ng araw ay naaagrabyado pa rin Ako, na walang sapat na mga salitang makapaglarawan dito, ano ang Aking magiging saloobin sa inyo noon? Magiging magiliw pa rin kaya Ako sa inyo katulad ngayon? Magiging ganito pa rin kaya kapayapa ang Aking puso? Nauunawaan ba ninyo ang damdamin ng isang taong matapos maingat na magsaka sa bukid ay hindi man lamang umani ng kahit na isang butil? Nauunawaan ba ninyo kung gaano kalaki ang pinsala sa puso ng isang taong nakaranas ng matinding dagok? Nalalasahan ba ninyo ang pait ng taong noon ay puno ng pag-asa, na kailangang lumayo nang may hidwaan? Nakita na ba ninyo ang poot na nagmumula sa taong pinukaw ang damdamin? Kaya ba ninyong malaman ang pananabik sa paghihiganti ng isang taong pinakitunguhan nang may poot at panlilinlang? Kung naiintindihan ninyo ang pag-iisip ng mga taong ito, sa tingin Ko ay hindi magiging mahirap para sa inyo na maisip ang saloobin ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagganti! Bilang pangwakas, umaasa Akong lahat kayo ay lubos na nagsisikap para sa inyong sariling hantungan; bagama’t makabubuting hindi kayo gumamit ng mapanlinlang na mga paraan sa inyong mga pagsusumikap, kung hindi ay patuloy Akong madidismaya sa inyo sa Aking puso. At saan humahantong ang gayong pagkadismaya? Hindi ba ninyo nililinlang ang inyong mga sarili? Ang mga taong iniisip ang kanilang hantungan ngunit sinisira ito ay ang mga taong pinakamaliit ang kakayahang mailigtas. Kahit na mayamot at magalit ang gayong tao, sino ang magkakaroon ng simpatya sa ganoong klaseng tao? Sa kabuuan, ninanais Ko pa rin na magkaroon kayo ng hantungang kapwa nararapat at mabuti, at, higit pa rito, umaasa Akong walang sinuman sa inyo ang mahuhulog sa kapahamakan.