Kabanata 9
Nais Kong paalalahanan ka na kahit na kaunting kalabuan o kawalang-ingat sa Aking salita ay hindi katanggap-tanggap; dapat kang makinig at sumunod, at magsagawa alinsunod sa Aking mga intensyon. Dapat palagi kang alerto, at hindi kailanman magpakita ng isang mapagmataas o mapagmagaling na disposisyon; sa lahat ng oras, dapat kang umasa sa Akin upang maitakwil yaong luma at likas na disposisyong nananahan sa loob mo. Dapat kaya mo palaging mapanatili ang normal na kalagayan sa harapan Ko, at magtaglay ng isang matatag na disposisyon. Ang iyong pag-iisip ay dapat maging matino at malinaw, at hindi dapat makontrol o mapasunod ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay. Dapat palagi mong kaya na manahimik sa Aking presensya, at mapanatili ang patuloy na pagkamalapit at pagsasalamuha sa Akin. Dapat kang magpakita ng lakas at tapang, at manindigan sa iyong patotoo sa Akin; bumangon ka at magsalita sa ngalan Ko, at huwag kang matakot sa sasabihin ng ibang tao. Isakatuparan mo lamang ang Aking mga intensyon, at huwag hayaan ang sinuman na kontrolin ka. Ang Aking inihahayag sa iyo ay dapat sundin ayon sa Aking mga intensyon, at hindi maaaring maantala. Ano ang iyong nararamdaman sa kaibuturan mo? Hindi ka komportable, hindi ba? Mauunawaan mo. Bakit hindi mo magawang tumindig at magsalita sa ngalan Ko, habang isinasaalang-alang ang Aking pasanin? Pilit kang nakikisangkot sa walang-kuwentang pagpapakana, subali’t nakikita Ko ang lahat nang malinaw. Ako ang iyong suporta at ang iyong kalasag, at lahat ay nasa Aking mga kamay. Ano, kung gayon, ang iyong ikinatatakot? Hindi ka ba sobrang emosyonal? Dapat mong isantabi ang iyong mga emosyon sa lalong madaling panahon; hindi Ako kumikilos nang ayon sa emosyon, sa halip ay isinasakatuparan Ko ang katuwiran. Kung ang iyong mga magulang ay gumagawa ng anumang hindi kapaki-pakinabang sa iglesia, hindi sila makakatakas. Ang Aking mga intensyon ay naihayag na sa iyo, at hindi mo maaaring ipagwalang-bahala ang mga ito. Sa halip, dapat mong ituon ang lahat ng iyong pansin sa mga ito, at isantabi ang lahat upang sumunod nang buong puso. Palagi Kitang iingatan sa Aking mga kamay. Huwag kang palaging maging mahiyain at kontrolado ng iyong asawa; dapat mong tulutan na maisakatuparan ang Aking kalooban.
Manampalataya ka! Manampalataya ka! Ako ang iyong makapangyarihan sa lahat. Marahil ay may kaunti kang kabatiran tungkol dito, nguni’t kailangan mo pa ring maging mapagbantay. Para sa kapakanan ng iglesia, ng Aking kalooban, at ng Aking pamamahala, dapat kang ganap na maging tapat, at ang lahat ng misteryo at kalalabasan ay ipapakita sa iyo nang malinaw. Wala nang pagkaantala pa; ang mga araw ay dumarating sa isang katapusan. Ano ang dapat mong gawin? Paano ka dapat maghangad na lumago at gumulang sa iyong buhay? Paano mo magagawa ang iyong sarili na kapaki-pakinabang sa Akin nang mas maaga? Paano mo magagawa na maisakatuparan ang Aking kalooban? Ang mga katanungang ito ay nangangailangan ng masusing pag-iisip at mas malalim na pagsasalamuha sa Akin. Umasa ka sa Akin, maniwala sa Akin, huwag kailanman maging pabaya, at makayang gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa Aking patnubay. Ikaw ay dapat lubos na nasasangkapan ng katotohanan, at dapat mong kainin at inumin ito nang mas madalas. Bawa’t katotohanan ay dapat maisagawa bago ito maaaring maunawaan nang malinaw.
Nararamdaman mo ba ngayon na wala kang sapat na oras? Nararamdaman mo rin ba na sa loob, ikaw ay hindi na katulad ng dati, at na ang iyong pasanin ngayon ay tila napakabigat? Ang Aking mga intensyon ay nasa iyo; dapat malinaw ang iyong pag-iisip, huwag kang lumayo sa mga ito, at manatili kang nakaugnay sa Akin palagi. Manatili kang malapit sa Akin palagi, makipagniig sa Akin, maging mapagsaalang-alang sa Aking puso, at magawang maglingkod nang nakikipagtulungan sa iba, upang ang Aking mga intensyon ay laging maihahayag sa inyo. Magbigay ka ng masusing pansin sa lahat ng oras! Masusing pansin! Huwag magmabagal kahit na kaunti; iyon ay iyong tungkulin, at nananahan sa loob nito ang Aking gawain.
Sa puntong ito, maaaring mayroon ka nang nakamit na kaunting pagkaunawa, at nadarama mong ito ay lubhang kamangha-mangha. Maaaring nagkaroon ka ng pag-aalinlangan noong nakaraan, nadama na lubos itong naiiba sa mga konsepto, ideya, at kaisipan ng tao, nguni’t nauunawaan mo na ito ngayon. Ito ang Aking kamangha-manghang gawain, at ito rin ang kamangha-manghang gawain ng Diyos; talagang dapat kang gising na gising at maghintay habang lumalakad ka rito. Ang oras ay nasa Aking mga kamay; huwag mong sayangin ito, at huwag kailanman magmabagal kahit na isang sandali; ang pag-aaksaya ng oras ay umaantala sa Aking gawain at hinahadlangan nito ang Aking kalooban sa iyo. Dapat kang magnilay at magbahagi sa Akin nang madalas. Dapat mo ring dalhin sa harapan Ko ang lahat ng iyong pagkilos, paggalaw, kaisipan, ideya—ang iyong pamilya, iyong asawa, iyong mga anak na lalaki at babae. Huwag kang umasa sa sarili sa iyong pagsasagawa, o kung hindi ay magagalit Ako nang labis, at malaki ang mawawala sa iyo.
Pigilan mo ang mga sarili mong hakbang sa lahat ng oras, at palaging lumakad alinsunod sa Aking mga salita. Dapat kang magkaroon ng Aking karunungan. Lumapit ka sa harapan Ko kung humaharap ka sa anumang kahirapan, at bibigyan Kita ng patnubay. Huwag kang lumikha ng problema o makipagniig nang may kaguluhan. Kung walang tinatanggap na kapakinabangan ang iyong buhay, ito ay dahil kulang ang iyong kaalaman at hindi mo nakikita ang kaibahan ng mabubuti at masasamang salita. Hindi mo ito matatanto hanggang mapinsala ka na, at nasa masamang kalagayan, at wala ang presensya ng Banal na Espiritu, subali’t sa sandaling iyon, magiging huli na ang lahat. Kulang na kulang na sa oras ngayon, kaya’t hindi ka dapat mahuli kahit na kaunti sa karera ng buhay; dapat mong sundan nang mabuti ang Aking mga yapak. Kapag dumating ang anumang kahirapan, makibahagi ka sa madalas na pagninilay-nilay sa pamamagitan ng pananatiling malapit sa Akin, at direktang makisalamuha sa Akin. Kung maiintindihan mo ang landas na ito, mapapadali nito ang pagpasok na naghihintay sa iyo.
Ang Aking mga salita ay hindi lamang nakadirekta sa iyo; bawa’t isa sa iglesia ay nagkukulang sa iba’t ibang aspeto. Dapat kayong magbahagi nang higit pa, magawang kumain at uminom nang nakapag-iisa sa panahon ng inyong sariling espirituwal na debosyon, at magawang maunawaan ang mahahalagang katotohanan at maisagawa ang mga ito kaagad. Dapat mong masimulang maunawaan nang tama ang realidad ng Aking salita: Intindihin ang pinakabuod at mga prinsipyo nito, at huwag luwagan ang iyong kapit. Palaging magnilay, at palaging makisalamuha sa Akin, at unti-unting mabubunyag ang mga bagay-bagay. Hindi ka puwedeng lumapit sa Diyos nang sandaling panahon at, pagkatapos, nang hindi mo hinihintay na tumahimik ang puso mo sa harap Niya, magambala kapag may iba pang nangyari sa iyo. Lagi kang nalilito at nalalabuan sa mga bagay-bagay, at hindi kayang makita ang Aking mukha; kaya’t hindi mo nakakamit ang malinaw na pagkaunawa sa Aking puso—at kahit na nauunawaan mo ito nang kaunti, hindi ka nakatitiyak at nag-aalinlangan pa rin. Kapag lamang taglay Ko ang iyong buong puso, at ang iyong isip ay hindi na nagagambala ng anumang makamundong bagay at nakapaghihintay ka nang may malinaw at payapang isip, saka Ako maghahayag sa inyo, isa-isa, alinsunod sa Aking mga intensyon. Dapat ninyong maunawaan ang landas na ito ng pagiging malapit sa Akin. Sinumang humahampas o sumusumpa sa iyo, o gaano man kaganda ang mga bagay na iniaalok sa iyo ng mga tao, hindi ito katanggap-tanggap kung pinipigilan ka nila na maging malapit sa Diyos. Hayaan mo ang iyong puso sa Aking hawak, at huwag kang umalis sa tabi Ko kailanman. Sa ganitong uri ng pagkakalapit at pagsasalamuha, ang iyong mga magulang, asawa, mga anak, iba pang kaanak, at mga makamundong kaugnayan, ay lahat maglalaho. Tatamasahin mo ang isang halos di-mailalarawang katamisan sa iyong puso, at mararanasan mo ang isang mabango at masarap na lasa; bukod dito, tunay na hindi ka na mahihiwalay sa Akin. Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan, mauunawaan ninyo kung ano ang nasa Aking puso. Hindi kayo kailanman maliligaw ng landas habang patuloy kayong sumusulong, sapagka’t Ako ang inyong daan, at ang lahat ng bagay ay umiiral dahil sa Akin. Kung gaano kagulang ang inyong buhay, kung kailan ninyo magagawang makawala mula sa kamunduhan, kung kailan ninyo magagawang iwaksi ang inyong mga emosyon, kung kailan ninyo magagawang iwanan ang inyong asawa at mga anak, kung kailan magiging may gulang ang inyong buhay … ang lahat ng bagay na ito ay magaganap alinsunod sa Aking oras. Hindi na kailangang mabalisa.
Dapat kang magkamit ng pagpasok mula sa positibong panig. Kung basta ka lamang naghihintay, negatibo ka pa rin. Dapat kang maging maagap sa pakikipagtulungan sa Akin; maging masigasig at huwag kailanman maging tamad. Palaging makisalamuha sa Akin at magkamit ng mas malalim pang kaugnayan sa Akin. Kung hindi mo nauunawaan, huwag kang mainip para sa mabilisang mga resulta. Hindi naman sa hindi Ko sasabihin sa iyo; nais Ko lamang makita kung aasa ka sa Akin kapag ikaw ay nasa Aking presensya, at kung ikaw ay magtitiwala sa iyong pag-asa sa Akin. Dapat palagi kang manatiling malapit sa Akin, at ilagay ang lahat ng bagay sa Aking mga kamay. Huwag kang bumalik nang walang kabuluhan. Pagkatapos kang maging malapit sa Akin sa loob ng ilang panahon nang di-namamalayan, ang Aking mga intensyon ay ihahayag sa iyo. Kung maiintindihan mo ang mga ito, tunay na makakaharap mo Ako, at tunay mong matatagpuan ang Aking mukha. Ikaw ay magkakaroon ng lubhang kalinawan at katatagan sa loob mo, at magkakaroon ka ng isang bagay na maaasahan. At pagkatapos ay magtataglay ka rin ng kapangyarihan, gayon din ng kompiyansa, at magkakaroon ka ng isang landas pasulong. Ang lahat ay magiging madali sa iyo.