Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang

Marami na Akong nahanap sa lupa para maging Aking mga alagad. Sa lahat ng alagad na ito, mayroong naglilingkod bilang mga pari, mga namumuno, mga anak ng Diyos, mga tao ng Diyos, at mga nagsisilbi. Iginrupo Ko sila batay sa katapatang ipinakikita nila sa Akin. Kapag nabukud-bukod na ang lahat ayon sa kanilang uri, ibig sabihin, kapag ang likas na katangian ng bawat uri ng tao ay nalinawan na, ibibilang Ko ang bawat isa sa kanila sa kanilang tamang kategorya at ilalagay ang bawat uri sa kanilang angkop na lugar, upang makamtan ang layunin ng Aking pagliligtas sa sangkatauhan. Sa mga grupo, tinatawag Ko ang mga nais Kong iligtas sa Aking sambahayan, at pagkatapos ay ipinatatanggap Ko sa kanilang lahat ang Aking gawain ng mga huling araw. Kasabay nito, ibinubukud-bukod Ko sila ayon sa uri, pagkatapos ay ginagantimpalaan o pinarurusahan ang bawat isa batay sa kanilang mga kilos. Ito ang mga hakbang na bumubuo sa Aking gawain.

Ngayon, naninirahan Ako sa lupa, at nabubuhay Ako sa piling ng mga tao. Dinaranas ng mga tao ang Aking gawain, at binabantayan ang Aking mga pahayag, at kasabay nito ay ipinagkakaloob Ko ang lahat ng katotohanan sa bawat isa sa Aking mga alagad, upang matanggap nila ang buhay mula sa Akin at sa gayon ay matamo ang landas na maaari nilang tahakin. Sapagkat Ako ang Diyos, Tagapagbigay ng buhay. Sa loob ng maraming taon ng Aking gawain, maraming natamo ang mga tao, at maraming tinalikdan, subalit sinasabi Ko pa rin na hindi talaga sila naniniwala sa Akin. Sapagkat kinikilala lamang ng mga tao na Ako ang Diyos gamit ang kanilang bibig, ngunit hindi sila sumasang-ayon sa mga katotohanang ipinapahayag Ko, at, dagdag pa riyan, hindi nila isinasagawa ang mga katotohanang hinihiling Kong gawin nila. Ibig sabihin, kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang katotohanan; kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang buhay; kinikilala lamang ng mga tao ang pangalan ng Diyos, ngunit hindi ang Kanyang diwa. Kinasusuklaman Ko sila dahil sa kanilang kasigasigan, sapagkat gumagamit lamang sila ng mga salitang masarap pakinggan para linlangin Ako; walang isa man sa kanila ang talagang sumasamba sa Akin. Ang inyong mga salita ay naglalaman ng tukso ng ahas; higit pa riyan, sukdulan sa kahambugan ang mga ito, isang tunay na pagpapahayag ng arkanghel. Dagdag pa riyan, ang inyong mga gawa ay nakakahiya dahil sira-sira at gutay-gutay; ang inyong walang-habas na mga pagnanasa at mapag-imbot na mga layunin ay masakit pakinggan. Lahat kayo ay naging mga gamu-gamo sa Aking sambahayan, mga bagay na Aking itataboy. Sapagkat walang isa man sa inyo ang nagmamahal sa katotohanan; bagkus, hangad ninyong mapagpala, makaakyat sa langit, mamasdan ang kagila-gilalas na pangitain ni Cristo na ginagamit ang Kanyang kapangyarihan sa lupa. Ngunit naisip ba ninyo kailanman kung paanong ang katulad ninyo, na napakatiwali, na walang ideya kung ano ang Diyos, ay maaaring maging karapat-dapat na sumunod sa Diyos? Paano kayo makakaakyat sa langit? Papaano kayo magiging karapat-dapat na mamasdan ang mariringal na tagpo, mga tagpong walang katulad sa kanilang ningning? Ang inyong bibig ay puno ng mga salita ng panlilinlang at karumihan, ng pagkakanulo at kayabangan. Kailanma’y hindi kayo nangusap ng mga salita ng katapatan sa Akin, walang mga banal na salita, walang mga salita ng pagpapasakop sa Akin matapos maranasan ang Aking salita. Ano, sa huli, ang katulad ng inyong pananampalataya? Walang anuman kundi pagnanasa at salapi ang nasa inyong puso, at wala kundi mga materyal na bagay ang nasa inyong isipan. Araw-araw, kinakalkula ninyo kung paano makakakuha ng isang bagay mula sa Akin. Araw-araw, binibilang ninyo kung gaano kalaking kayamanan at gaano karaming materyal na bagay ang natamo ninyo mula sa Akin. Araw-araw, hinihintay ninyong bumaba sa inyo ang mas marami pang biyaya nang sa gayon ay matamasa ninyo, nang mas marami at mas mataas ang kalidad, ang mga bagay na maaaring matamasa. Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng higit at mas mataas pang kasiyahan. Ngunit kahit halos pumutok na ang inyong tiyan sa kabusugan, hindi pa rin ba kayo isang bangkay? Kahit, sa tingin, napapalamutian ninyo nang marangyang bihisan ang inyong sarili, hindi pa rin ba kayo naglalakad na bangkay na walang buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa tubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong humahangos, pinapagod ninyo ang inyong katawan at kinakalog ninyo ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking kalooban. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?

Hindi Ako kailanman nagmamadali kapag gumagawa Ako. Paano man Ako sundin ng mga tao, ginagawa Ko ang Aking gawain alinsunod sa bawat hakbang, alinsunod sa Aking plano. Kaya sa kabila ng lahat ng inyong paghihimagsik laban sa Akin, gumagawa pa rin Ako nang walang tigil, at patuloy Ko pa ring ipinapahayag ang mga salitang kailangan Kong ipahayag. Tinatawag Ko sa Aking sambahayan ang Aking mga itinadhana, upang makinig sila sa Aking mga salita. Lahat ng nagpapasakop sa Aking mga salita, na nananabik sa Aking mga salita, ay dinadala Ko sa harap ng Aking luklukan; lahat ng tumatalikod sa Aking mga salita, na hindi sumusunod sa Akin, at hayagan Akong sinusuway, ay isinasantabi Ko para hintayin ang huling parusa sa kanila. Lahat ng tao ay namumuhay sa gitna ng katiwalian at sa ilalim ng kamay ng masama, kaya nga kakaunti sa mga sumusunod sa Akin ang nananabik sa katotohanan. Ibig sabihin, karamihan ay hindi tunay na sumasamba sa Akin; hindi sila sumasamba sa Akin nang taglay ang katotohanan, kundi sinusubukan nilang matamo ang Aking tiwala sa pamamagitan ng katiwalian at paghihimagsik, sa mapanlinlang na mga kaparaanan. Dahil dito kaya Ko sinasabi: Marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang nahirang. Ang mga tinawag ay labis na nagawang tiwali at namumuhay na lahat sa iisang kapanahunan—ngunit ang mga nahirang ay bahagi nila, sila ang mga naniniwala at kumikilala sa katotohanan, at nagsasagawa ng katotohanan. Ang mga taong ito ay napakaliit na bahagi lamang ng kabuuan, at mula sa kanila ay tatanggap Ako ng higit pang kaluwalhatian. Batay sa mga salitang ito, alam ba ninyo kung kabilang kayo sa mga nahirang? Ano ang magiging katapusan ninyo?

Tulad ng Aking sinabi, marami ang sumusunod sa Akin ngunit kakaunti ang tunay na nagmamahal sa Akin. Marahil ay sasabihin ng ilan, “Magsasakripisyo ba ako nang malaki kung hindi Kita mahal? Susunod ba ako sa Iyo hanggang sa puntong ito kung hindi Kita mahal?” Tiyak na marami kang dahilan, at tiyak na napakalaki ng iyong pagmamahal, ngunit ano ang pinakadiwa ng iyong pagmamahal para sa Akin? Ang “pagmamahal,” ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso para magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pagmamahal walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang distansya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal walang humihingi ng kapalit at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magtataksil, susuway, maniningil, o maghahangad na magtamo ng isang bagay o ng isang partikular na halaga. Kung nagmamahal ka, masaya mong ilalaan ang iyong sarili, masaya mong titiisin ang hirap, makakasundo mo Ako, tatalikdan mo ang lahat ng mayroon ka para sa Akin, tatalikdan mo ang iyong pamilya, ang iyong kinabukasan, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pagmamahal ay hindi talaga pagmamahal, kundi panlilinlang at pagtataksil! Anong klaseng pagmamahal ang sa iyo? Tunay na pagmamahal ba iyon? O huwad? Gaano na ang natalikdan mo? Gaano na ang iyong naisakripisyo? Gaanong pagmamahal na ang natanggap Ko mula sa iyo? Alam mo ba? Ang inyong puso ay puno ng kasamaan, pagtataksil, at panlilinlang—at yamang ganoon, gaano sa pagmamahal ninyo ang marumi? Iniisip ninyo na sapat na ang natalikdan ninyo para sa Akin; iniisip ninyo na sapat na ang pagmamahal ninyo sa Akin. Kung gayo’y bakit palaging suwail at mapanlinlang ang inyong mga salita at kilos? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo kinikilala ang Aking salita. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit isinasantabi naman ninyo Ako. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi kayo nagtitiwala sa Akin. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang Aking pag-iral. Itinuturing ba ng pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo Ako tinatrato nang angkop sa Akin, at pinahihirapan ninyo Ako palagi. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit sinusubukan ninyong lokohin at linlangin Ako sa lahat ng bagay. Itinuturing bang pagmamahal ito? Pinaglilingkuran ninyo Ako, subalit hindi kayo nangangamba sa Akin. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sinasalungat ninyo Ako sa lahat ng aspeto at sa lahat ng bagay. Itinuturing bang pagmamahal ang lahat ng ito? Totoo, malaki na ang naialay ninyo, subalit hindi ninyo naisagawa kailanman ang ipinagagawa Ko sa inyo. Maituturing bang pagmamahal ito? Ang maingat na pagbubuod ay nagpapakita na wala ni katiting na pahiwatig ng pagmamahal sa Akin sa inyong kalooban. Pagkaraan ng napakaraming taon ng gawain at lahat ng maraming salitang naibigay Ko, gaano karami ba talaga ang inyong natamo? Hindi ba ito karapat-dapat sa isang maingat na pagbabalik-tanaw? Pinapayuhan Ko kayo: Ang mga tinatawag Ko ay hindi ang mga hindi naging tiwali kailanman; bagkus, ang mga hinihirang Ko ay ang mga tunay na nagmamahal sa Akin. Samakatuwid, kailangan kayong maging maingat sa inyong mga salita at gawa, at suriin ang inyong mga intensyon at saloobin upang ang mga iyon ay hindi umabot sa paglabag. Sa panahon ng mga huling araw, gawin ang lahat ng inyong makakaya para ialay ang inyong pagmamahal sa Aking harapan, kung hindi ay hindi mawawala ang galit Ko sa inyo!

Sinundan: Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos

Sumunod: Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito