Paunang Salita
Dapat suriing muli ng bawat isa sa inyo kung paano kayo naniwala sa Diyos sa buong buhay ninyo, para makita ninyo kung, sa proseso ng pagsunod sa Diyos, tunay ninyong naunawaan, tunay ninyong naintindihan, at tunay ninyong nakilala ang Diyos, kung tunay ninyong alam kung ano ang saloobin ng Diyos sa iba’t ibang uri ng tao, at kung tunay ninyong nauunawaan ang gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo at paano tinutukoy ng Diyos ang bawat kilos mo. Ang Diyos na ito, na nasa tabi mo, na gumagabay sa direksyon ng iyong pag-unlad, nagtatakda sa iyong tadhana, at tumutustos sa iyong mga pangangailangan—gaano mo nauunawaan ang Diyos na ito, matapos masabi at magawa ang lahat. Gaano talaga ang alam mo tungkol sa Diyos na ito? Alam mo ba kung anong gawain ang ginagawa Niya sa iyo sa bawat araw? Alam mo ba ang mga prinsipyo at layuning Kanyang pinagbabatayan sa bawat kilos Niya? Alam mo ba kung paano ka Niya ginagabayan? Alam mo ba ang paraan kung paano ka Niya tinutustusan? Alam mo ba ang mga pamamaraan ng Kanyang pag-akay sa iyo? Alam mo ba kung ano ang nais Niyang matamo mula sa iyo at kung ano ang nais Niyang makamit sa iyo? Alam mo ba ang saloobin Niya sa iba’t ibang asal mo? Alam mo ba kung isa kang taong minamahal Niya? Alam mo ba ang pinagmumulan ng Kanyang kagalakan, galit, kalungkutan, at tuwa, ang mga kaisipan at ideya sa likod ng mga iyon, at ang Kanyang diwa? Alam mo ba, sa huli, kung anong klaseng Diyos ang Diyos na ito na pinaniniwalaan mo? Ang mga ito ba at ang iba pang mga tanong na katulad nito ay isang bagay na hindi mo naunawaan o napag-isipan kailanman? Sa iyong patuloy na paniniwala sa Diyos, naiwaksi mo na ba, sa pamamagitan ng tunay na pagpapahalaga at pagdaranas sa mga salita ng Diyos, ang iyong mga maling pagkaunawa tungkol sa Kanya? Nagtamo ka na ba, matapos tumanggap ng pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos, ng tunay na pagsunod at pagmamalasakit? Nalaman mo na ba, sa gitna ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, ang pagkasuwail at ang satanikong kalikasan ng tao at nagkamit ng kaunting pagkaunawa tungkol sa kabanalan ng Diyos? Nagsimula ka na ba, sa ilalim ng patnubay at kaliwanagan ng mga salita ng Diyos, na magkaroon ng bagong pananaw tungkol sa buhay? Nadama mo na ba, sa gitna ng mga pagsubok na ipinadala ng Diyos, ang hindi Niya pagpapalampas sa mga pagkakasala ng tao gayundin sa Kanyang hinihiling sa iyo at kung paano ka Niya inililigtas? Kung hindi mo alam kung ano ang pakiramdam ng magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, o kung paano iwaksi ang maling pagkaunawang ito, masasabi na hindi ka pa nakapasok sa tunay na pakikipagniig sa Diyos at hindi mo pa naunawaan ang Diyos kailanman, o kahit paano’y masasabi na hindi mo ninais kailanman na unawain Siya. Kung hindi mo alam kung ano ang pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos, siguradong hindi mo alam kung ano ang pagsunod at pagmamalasakit, o kahit paano’y hindi ka pa sumunod o nagmalasakit talaga sa Diyos kailanman. Kung hindi mo pa naranasan kailanman ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, siguradong hindi mo malalaman kung ano ang Kanyang kabanalan, at lalong hindi mo malilinawan kung ano ang paghihimagsik ng tao. Kung hindi ka pa talaga nagkaroon kailanman ng tamang pananaw sa buhay, o ng tamang layunin sa buhay, kundi nalilito ka pa rin at hindi makapagdesisyon tungkol sa iyong magiging landas ng buhay sa hinaharap, maging hanggang sa puntong nag-aalangan kang sumulong, tiyak na hindi mo pa natanggap kailanman ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos; masasabi rin na hindi ka pa tunay na natustusan o naragdagan ng mga salita ng Diyos kailanman. Kung hindi ka pa nakaranas ng mga pagsubok ng Diyos, malinaw na siguradong hindi mo malalaman ang hindi pagpapalampas ng Diyos sa mga pagkakasala ng tao, ni hindi mo mauunawaan kung ano ang huling hinihiling ng Diyos sa iyo, at lalo na kung ano, sa huli, ang Kanyang gawain ng pamamahala at pagliligtas sa tao. Ilang taon man naniwala ang isang tao sa Diyos, kung hindi pa nila naranasan o nahiwatigan kailanman ang anuman sa mga salita ng Diyos, tiyak na hindi nila tinatahak ang landas tungo sa kaligtasan, tiyak na ang pananampalataya nila sa Diyos ay walang tunay na laman, tiyak na wala rin silang kaalaman tungkol sa Diyos, at malinaw na wala silang ideya man lamang kung paano matakot sa Diyos.
Ang mga pag-aari at katauhan ng Diyos, ang diwa ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos—lahat ay naipaalam sa Kanyang mga salita sa sangkatauhan. Kapag naranasan niya ang mga salita ng Diyos, habang ang tao ay nasa proseso ng pagsasagawa ng mga ito, mauunawaan nila ang layunin sa likod ng mga salitang sinasambit ng Diyos, at mauunawaan ang pinagmumulan at pinanggalingan ng mga salita ng Diyos, at mauunawaan at mapapahalagahan ang epektong layon ng mga salita ng Diyos. Para sa sangkatauhan, lahat ng ito ay mga bagay na kailangang maranasan, maintindihan, at matamo ng tao upang makamit ang katotohanan at buhay, maintindihan ang mga layon ng Diyos, mabago ang kanyang disposisyon, at magawang sundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kasabay ng pagdanas, pag-intindi, at pagtatamo ng tao ng mga bagay na ito, unti-unti siyang magkakaroon ng pag-unawa sa Diyos, at sa panahong ito ay magtatamo rin siya ng iba’t ibang antas ng kaalaman tungkol sa Kanya. Ang pagkaunawa at kaalamang ito ay hindi nanggagaling sa isang bagay na nawari o nabuo ng tao, kundi sa halip ay mula sa pinahahalagahan, nararanasan, nadarama, at napagtitibay niya sa kanyang kalooban. Matapos mapahalagahan, maranasan, madama, at mapagtibay ang mga bagay na ito, saka lamang nagkakaroon ng laman ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos; tanging ang kaalamang natatamo ng tao sa panahong ito ang tunay, totoo, at tumpak, at ang prosesong ito—ng pagkamit ng tunay na pagkaunawa at kaalaman tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapahalaga, pagdanas, pagdama, at pagpapatibay sa Kanyang mga salita—ay walang iba kundi ang tunay na pagniniig sa pagitan ng tao at ng Diyos. Sa gitna ng ganitong klaseng pagniig, tunay na nauunawaan at naiintindihan ng tao ang mga layon ng Diyos, tunay na nauunawaan at nalalaman ang mga pag-aari at katauhan ng Diyos, tunay na nauunawaan at nalalaman ang diwa ng Diyos, unti-unting nauunawaan at nalalaman ang disposisyon ng Diyos, nararating ang tunay na katiyakan, at tamang pakahulugan, sa katunayan ng kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng nilikha, at nagkakamit ng tunay na kaugnayan at kaalaman tungkol sa identidad at posisyon ng Diyos. Sa gitna ng ganitong klaseng pagniniig, unti-unting binabago ng tao ang kanyang mga ideya tungkol sa Diyos, na hindi na iniisip na Siya ay nagmula sa kawalan, o pinalalakas ang sarili niyang mga hinala tungkol sa Kanya, o nagkakamali sa pag-unawa sa Kanya, o isinusumpa Siya, o hinuhusgahan Siya, o pinagdududahan Siya. Sa gayon, mababawasan ang mga pakikipagtalo ng tao sa Diyos, at mababawasan ang pakikipaghidwaan niya sa Diyos, at mababawasan ang mga pagkakataon na naghihimagsik ang tao laban sa Diyos. Bagkus, madaragdagan ang pagmamalasakit at pagsunod ng tao sa Diyos, at magiging mas tunay at malalim ang takot niya sa Diyos. Sa gitna ng gayong pagniniig, hindi lamang makakamit ng tao ang pagtustos ng katotohanan at ang pagbabago ng buhay, kundi kasabay nito ay magkakamit din siya ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sa gitna ng gayong pagniniig, hindi lamang mababago ng tao ang kanyang disposisyon at matatanggap ang kaligtasan, kundi kasabay nito ay magkakaroon din siya ng tunay na pagkatakot at pagsamba ng isang nilikha sa Diyos. Sa pagkakaroon ng ganitong klaseng pagniniig, ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay hindi na magiging isang blangkong piraso ng papel, o isang pangako sa salita lamang, o isang anyo ng bulag na paghahangad at pag-idolo; sa ganitong klaseng pagniniig lamang lalago ang buhay ng tao tungo sa pagyabong araw-araw, at ngayon lamang unti-unting mababago ang kanyang disposisyon, at ang kanyang pananampalataya sa Diyos, mula sa pagiging malabo at walang-katiyakang paniniwala, ay unti-unting magiging tunay na pagkatakot, at ang tao, sa proseso ng pagsunod sa Diyos, ay unti-unti ring susulong mula sa pagiging walang-kibo tungo sa pagiging aktibo, mula sa pagiging negatibo tungo sa pagiging positibo; sa ganitong klaseng pagniniig lamang makakarating ang tao sa tunay na pagkaunawa at pagkaintindi sa Diyos, sa tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Dahil karamihan sa mga tao ay hindi pa nakapasok kailanman sa tunay na pakikipagniig sa Diyos, ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos ay hanggang sa teorya lamang, hanggang sa mga salita at doktrina. Ibig sabihin, karamihan sa mga tao, ilang taon man sila naniwala sa Diyos, pagdating sa pagkilala sa Diyos ay hindi pa rin sumusulong mula sa kanilang pinagsimulan, natigil sa pundasyon ng tradisyunal na mga uri ng pagsamba, sa kanilang mga makalumang pamahiin at mga bahid ng romansa. Na ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos ay dapat itigil sa simula pa lamang ay nangangahulugan na talagang hindi ito umiiral. Maliban sa pagpapatibay ng tao sa posisyon at identidad ng Diyos, hindi pa rin maipahayag nang husto ang pananampalataya ng tao sa Diyos. Dahil dito, gaano katunay ang takot na mararamdaman ng tao sa Diyos?
Gaano man katatag ang paniniwala mo sa pag-iral ng Diyos, hindi nito mapapalitan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, maging ang pagkatakot mo sa Diyos. Gaano mo man natamasa ang Kanyang mga pagpapala at Kanyang biyaya, hindi nito mapapalitan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos. Gaano ka man kahandang italaga ang lahat-lahat mo at gugulin ang lahat-lahat mo para sa Kanyang kapakanan, hindi nito mapapalitan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos. Marahil ay lubha kang naging pamilyar sa mga salitang nasambit Niya, o kabisado mo pa nga ang mga ito at mabibigkas mo nang pabaligtad, ngunit hindi nito mapapalitan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos. Gaano man kaseryoso ang tao sa pagsunod sa Diyos, kung hindi pa siya nagkaroon kailanman ng tunay na pakikipagniig sa Diyos o nagkaroon ng tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos, ang kaalaman niya tungkol sa Diyos ay walang laman, o isang walang-katapusang pangangarap; sa lahat ng iyan maaaring nakabunggo mo na ang Diyos nang bahagya, o nakaharap Siya, wala ka pa ring kaalaman tungkol sa Diyos, at ang iyong pagkatakot sa Diyos ay puro hungkag na salitang walang laman o isang ulirang konsepto.
Maraming tao ang sumusuporta sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, hanggang sa puntong maingat nilang isinasaulo ang lahat ng klasikong sipi roon bilang kanilang pinakaiingatang pag-aari, at bukod pa riyan ay ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos kahit saan, tinutustusan at tinutulungan ang iba sa mga salita ng Diyos. Iniisip nila na ang paggawa nito ay pagpapatotoo sa Diyos, pagpapatotoo sa Kanyang mga salita, na ang paggawa nito ay pagsunod sa daan ng Diyos; iniisip nila na ang paggawa nito ay pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, na ang paggawa nito ay pagdadala ng Kanyang mga salita sa kanilang tunay na pamumuhay, na ang paggawa nito ay magbibigay-daan para purihin sila ng Diyos, at maligtas at magawang perpekto. Ngunit, kahit ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman sinusunod ang mga salita ng Diyos sa kanilang pagsasagawa, o sinusubukang ihambing ang kanilang sarili sa inihahayag sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para matamo ang paghanga at tiwala ng iba sa pamamagitan ng pandaraya, para pasuking mag-isa ang pamamahala, at lustayin at nakawin ang kaluwalhatian ng Diyos. Umaasa sila, nang walang saysay, na samantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos para magantimpalaan ng paggawa ng Diyos at ng Kanyang papuri. Ilang taon na ang lumipas, ngunit hindi lamang walang kakayahang maani ng mga taong ito ang papuri ng Diyos sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang tuklasin ang daan na dapat nilang sundan sa proseso ng pagpapatotoo sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang nila hindi tinulungan o tinustusan ang kanilang sarili sa proseso ng pagtulong at pagtustos sa iba sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang kilalanin ang Diyos, o pukawin ang kanilang sarili sa tunay na pagkatakot sa Diyos, sa proseso ng paggawa ng lahat ng bagay na ito; kundi, bagkus, lalong lumalalim ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, lalo pang lumalala ang kawalan nila ng tiwala sa Kanya, at lalong lumalabis ang kanilang mga imahinasyon tungkol sa Kanya. Dahil tinutustusan at ginagabayan ng kanilang mga teorya tungkol sa mga salita ng Diyos, mukha silang masiglang-masigla, na para bang ginagamit nila ang kanilang angking mga galing nang walang kahirap-hirap, na para bang natagpuan na nila ang kanilang layunin sa buhay, kanilang misyon, at para bang nagkaroon na sila ng bagong buhay at naligtas, na para bang, sa mga salita ng Diyos na malutong na binibigkas ng kanilang dila, natamo na nila ang katotohanan, naintindihan ang mga layon ng Diyos, at natuklasan ang landas tungo sa pagkilala sa Diyos, na para bang, sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, madalas nilang makaharap ang Diyos. Gayundin, madalas silang “nauudyukan” na manaka-nakang umiyak, at, madalas na inaakay ng “Diyos” sa mga salita ng Diyos, mukha silang walang-tigil sa pag-intindi sa Kanyang maalab na pagmamalasakit at mabuting layon, at kasabay noon ay naintindihan nila ang pagliligtas ng Diyos sa tao at ang Kanyang pamamahala, nalaman ang Kanyang diwa, at naunawaan ang Kanyang matuwid na disposisyon. Batay sa pundasyong ito, tila lalo pang tumibay ang kanilang paniniwala na mayroong Diyos, mas napapansin nila ang Kanyang dakilang kalagayan, at nadarama nang mas matindi ang Kanyang karingalan at kadakilaan. Babad sa mababaw na kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos, magmumukhang lumago na ang kanilang pananampalataya, lumakas ang determinasyon nilang magtiis ng pagdurusa, at lumalim ang kaalaman nila tungkol sa Diyos. Hindi nila alam na, hangga’t hindi nila nararanasan talaga ang mga salita ng Diyos, lahat ng kaalaman nila tungkol sa Diyos at ang kanilang mga ideya tungkol sa Kanya ay nanggagaling sa sarili nilang mga minimithing imahinasyon at haka-haka. Hindi tatagal ang kanilang pananampalataya sa ilalim ng anumang klaseng pagsubok ng Diyos, ang kanilang tinatawag na espirituwalidad at tayog ay hindi talaga tatagal sa ilalim ng pagsubok o pagsusuri ng Diyos, ang kanilang matibay na pasiya ay isang kastilyong buhangin lamang, at ang tinatawag nilang kaalaman tungkol sa Diyos ay kathang-isip lamang nila. Sa katunayan, ang mga taong ito na nagsisikap nang husto, kahit paano, sa mga salita ng Diyos, ay hindi pa natanto kailanman kung ano ang tunay na pananampalataya, ano ang tunay na pagsunod, ano ang tunay na pagmamalasakit, o ano ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Kinukuha nila ang teorya, imahinasyon, kaalaman, kaloob, tradisyon, pamahiin, at maging ang mga kagandahang-asal ng sangkatauhan, at ginagawang “puhunan” at “mga sandata” ang mga ito sa paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya, ginagawa pa ngang pundasyon ang mga ito ng kanilang paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Kasabay nito, kinukuha rin nila ang puhunan at mga sandatang ito at ginagawang mga anting-anting para kilalanin ang Diyos, harapin at pakitunguhan ang mga pagsusuri, pagsubok, pagkastigo, at paghatol ng Diyos. Sa huli, ang natamo pa rin nila ay walang iba kundi mga palagay tungkol sa Diyos na puno ng relihiyosong pakahulugan, makalumang pamahiin, at lahat ng romantiko, katawa-tawa, at misteryoso. Ang kanilang paraan ng pagkilala at paglalarawan sa Diyos ay katulad ng sa mga taong naniniwala lamang sa Langit sa Itaas o sa Matandang Tao sa Langit, samantalang ang pagiging totoo ng Diyos, ang Kanyang diwa, Kanyang disposisyon, Kanyang mga pag-aari at katauhan, at iba pa—lahat ng may kaugnayan sa totoong Diyos Mismo—ay mga bagay na hindi naintindihan ng kanilang kaalaman, na lubhang hiwalay sa kanilang kaalaman, at magkasinglayo pa na tulad ng hilaga at timog. Sa ganitong paraan, bagama’t ang mga taong ito ay nasa ilalim ng panustos at pangangalaga ng mga salita ng Diyos, sila magkagayunman ay hindi tunay na nakatahak sa landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang totoong dahilan nito ay na hindi talaga nila nakilala ang Diyos kailanman, ni hindi sila nagkaroon ng tunay na pakikipag-ugnayan o pakikipagniig sa Kanya kailanman, kaya nga imposible silang magkaunawaan ng Diyos, o mapukaw sa kanila ang tunay na paniniwala, pagsunod, o pagsamba sa Diyos. Na dapat nilang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos nang gayon, na dapat nilang isaalang-alang ang Diyos nang gayon—ang pananaw at saloobing ito ang naging dahilan kaya bumalik sila na walang napala sa kanilang mga pagsisikap, kaya hindi nila nagawa kailanman na tumahak sa landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan sa buong kawalang-hanggan. Ang layuning kanilang inaasam, at ang direksyong kanilang tinutungo, ay nagpapahiwatig na sila ay mga kaaway ng Diyos hanggang sa kawalang-hanggan, at na hindi sila kailanman tatanggap ng kaligtasan hanggang sa kawalang-hanggan.
Kung, sa sitwasyon ng isang taong nakasunod sa Diyos nang maraming taon at natamasa ang panustos ng Kanyang mga salita nang maraming taon, ang paglalarawan nila sa Diyos ay totoong magiging katulad ng sa isang taong nagpapatirapa sa pagsamba sa mga idolo, pahiwatig ito na hindi pa natamo ng taong ito ang realidad ng mga salita ng Diyos. Ito ay dahil talagang hindi pa sila nakapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, at dahil dito, ang realidad, ang katotohanan, ang mga layon, at mga hinihiling sa sangkatauhan, na nakapaloob lahat sa mga salita ng Diyos, ay walang anumang kinalaman sa taong iyon. Ibig sabihin, gaano man magsumikap ang taong iyon sa mababaw na kahulugan ng mga salita ng Diyos, lahat ay walang saysay: Dahil mga salita lamang ang kanilang pinagsusumikapan, kaya talagang ang matatamo nila ay mga salita lamang. Simple man o malalim sa tingin ang mga salitang sinasambit ng Diyos, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan ng buhay pagpasok ng tao; ang mga iyon ang pinagmumulan ng tubig na buhay na nagbibigay sa tao ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ipinagkakaloob ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang mga prinsipyo at doktrina para pangasiwaan ang kanyang pang-araw-araw na buhay; ang landas na kailangan niyang tahakin para maligtas, pati na rin ang layunin at direksyon nito; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paano sumusunod ang tao at sumasamba sa Diyos. Ang mga iyon ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga iyon ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagbibigay-kakayahan sa tao na maging malakas at manindigan. Sagana ang mga iyon sa katotohanang realidad na ginagamit ng nilikhang sangkatauhan para isabuhay ang normal na pagkatao, sagana sa katotohanang nagpapalaya sa sangkatauhan mula sa katiwalian at iniiwas sila sa mga patibong ni Satanas, sagana sa walang-pagod na pagtuturo, pangaral, paghihikayat, at pag-aliw na ibinibigay ng Lumikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagbibigay liwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na isasabuhay at tataglayin ng mga tao ang lahat ng matuwid at mabuti, ang pamantayan kung saan lahat ng tao, kaganapan, at bagay ay sinusukat, at pananda rin sa paglalakbay na nag-aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa landas ng liwanag. Sa praktikal na pagdanas lamang sa mga salita ng Diyos maaaring tustusan ng katotohanan at buhay ang tao; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung ano ang normal na pagkatao, ano ang isang makabuluhang buhay, ano ang isang tunay na nilalang, ano ang tunay na pagsunod sa Diyos; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung paano niya dapat pagmalasakitan ang Diyos, paano tuparin ang tungkulin ng isang nilalang, at paano magtaglay ng wangis ng isang tunay na tao; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung ano ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya at tunay na pagsamba; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung sino ang Hari ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay; dito lamang maaaring maunawaan ng tao ang kaparaanang gamit Niya na siyang Panginoon ng lahat ng nilikha sa paghahari, pamumuno, at paglalaan para sa mga nilikha; at dito lamang maaaring maunawaan at maintindihan ng tao ang kaparaanang gamit Niya na Panginoon ng lahat ng nilikha sa pag-iral, pagpapakita, at paggawa. Hiwalay sa tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos, walang tunay na kaalaman o kabatiran ang tao sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ang gayong tao ay talagang isang buhay na bangkay, isang lalagyang walang kalaman-laman, at lahat ng kaalamang may kaugnayan sa Lumikha ay walang anumang kinalaman sa kanya. Sa mga mata ng Diyos, ang gayong tao ay hindi naniwala sa Kanya kailanman, ni hindi sumunod sa Kanya kailanman, kaya nga hindi rin siya kinikilala ng Diyos bilang Kanyang mananampalataya o Kanyang tagasunod, lalong hindi bilang isang tunay na nilalang.
Ang isang tunay na nilalang ay kailangang malaman kung sino ang Lumikha, para saan nilikha ang tao, paano isagawa ang mga responsibilidad ng isang nilalang, at paano sambahin ang Panginoon ng lahat ng nilikha, kailangang maunawaan, maintindihan, malaman, at pagmalasakitan ang mga layon, naisin, at hinihiling ng Lumikha, at kailangang kumilos alinsunod sa daan ng Lumikha—ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
Ano ang magkaroon ng takot sa Diyos? At paano maiiwasan ng isang tao ang kasamaan?
Ang “magkaroon ng takot sa Diyos” ay hindi nangangahulugan ng di-maipaliwanag na sindak at takot, ni hindi ng paglayo, ni hindi ng pagpapalayo, ni hindi rin ito pag-iidolo o pamahiin. Sa halip, ito ay paghanga, paggalang, pagtitiwala, pag-unawa, pagmamalasakit, pagsunod, pagtatalaga, pagmamahal, at walang-kundisyon at walang-reklamong pagsamba, pagbabayad-utang, at pagpapasakop. Kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na paghanga, tunay na pagtitiwala, tunay na pag-unawa, tunay na pagmamalasakit o pagsunod ang sangkatauhan, kundi ng takot lamang at pagkabalisa, pagdududa, di-pagkakaunawaan, paglayo, at pag-iwas; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi posible na masundan ng sangkatauhan ang daan ng Diyos; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na pagsamba at pagpapasakop ang sangkatauhan, kundi ng bulag na pag-iidolo at pamahiin lamang; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi posibleng makakilos ang sangkatauhan alinsunod sa daan ng Diyos, o magkakaroon ng takot sa Diyos, o iiwas sa kasamaan. Bagkus, bawat aktibidad at pag-uugali ng tao ay mapupuno ng paghihimagsik at pagsuway, ng mapanirang mga pahiwatig at mapanirang-puring mga paghusga tungkol sa Kanya, at ng masamang asal na taliwas sa katotohanan at sa tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos.
Kapag nagkaroon na ng tunay na pagtitiwala sa Diyos ang sangkatauhan, magiging tunay na ang kanilang pagsunod sa Kanya at pag-asa sa Kanya; sa tunay na pagtitiwala at pag-asa sa Diyos lamang maaaring magkaroon ng tunay na pagkaunawa at pagkaintindi ang sangkatauhan; kasama ng tunay na pagkaintindi sa Diyos ang tunay na pagmamalasakit sa Kanya; sa tunay na pagmamalasakit lamang sa Diyos maaaring tunay na sumunod ang sangkatauhan; sa tunay na pagsunod lamang sa Diyos magkakaroon ng tunay na pagtatalaga ang sangkatauhan; sa tunay na pagtatalaga lamang sa Diyos maaaring magbayad-utang ang sangkatauhan nang walang kundisyon at walang reklamo; sa tunay na pagtitiwala at pag-asa, tunay na pag-unawa at pagmamalasakit, tunay na pagsunod, tunay na pagtatalaga at pagbabayad-utang lamang tunay na malalaman ng sangkatauhan ang disposisyon at diwa ng Diyos, at malalaman ang identidad ng Lumikha; kapag tunay na nilang nakilala ang Lumikha, saka lamang magigising sa kalooban ng sangkatauhan ang tunay na pagsamba at pagpapasakop; kapag may tunay na silang pagsamba at pagpapasakop sa Lumikha, saka lamang magagawang isantabi ng sangkatauhan ang kanilang masasamang gawi, ibig sabihin, maiwasan ang kasamaan.
Ito ang buong proseso ng “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan,” at ito rin ang buong nilalaman ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ito ang daan na kailangang bagtasin upang magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan.
Ang “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” at pagkilala sa Diyos ay matibay na pinagkonekta ng napakaraming sinulid, at ang koneksyon sa pagitan ng mga ito ay malinaw. Kung nais ng sinuman na makaiwas sa kasamaan, kailangan muna siyang magkaroon ng tunay na takot sa Diyos; kung nais ng sinuman na magkaroon ng tunay na takot sa Diyos, kailangan muna siyang magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos; kung nais ng sinuman na magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos, kailangan muna niyang maranasan ang mga salita ng Diyos, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, maranasan ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at paghatol; kung nais ng sinuman na maranasan ang mga salita ng Diyos, kailangan muna niyang makaharap ang mga salita ng Diyos, makaharap ang Diyos, at humiling sa Diyos na magbigay ng mga pagkakataong maranasan ang mga salita ng Diyos sa anyo ng lahat ng uri ng sitwasyong sangkot ang mga tao, kaganapan, at bagay; kung nais ng sinuman na makaharap ang Diyos at ang mga salita ng Diyos, kailangan muna siyang magtaglay ng simple at matapat na puso, kahandaang tanggapin ang katotohanan, kagustuhang tiisin ang pagdurusa, matibay na determinasyon at tapang na iwasan ang kasamaan, at ang hangaring maging isang tunay na nilalang…. Sa ganitong paraan, sa unti-unting pagsulong, lalo kang mapapalapit sa Diyos, lalong magiging dalisay ang puso mo, at lalo pang magiging makabuluhan at mas maningning ang iyong buhay at ang kahalagahan ng pagiging buhay, sa iyong pagkakilala sa Diyos. Hanggang, isang araw, madarama mo na hindi na isang palaisipan ang Lumikha, na hindi kailanman nakatago ang Lumikha mula sa iyo, na hindi kailanman nagkubli ng Kanyang mukha ang Lumikha mula sa iyo, na hindi pala malayo ang Lumikha sa iyo, na hindi na ang Lumikha ang lagi mong pinananabikan sa iyong mga iniisip kundi hindi mo Siya maabot sa iyong damdamin, na talaga at totoong nakabantay Siya sa iyong kaliwa at kanan, tinutustusan ang iyong buhay, at kinokontrol ang iyong tadhana. Hindi Siya natatanaw sa malayo, ni hindi Niya itinago ang Sarili Niya sa mga ulap sa itaas. Siya ay nasa tabi mo mismo, nangangasiwa sa iyong kabuuan, Siya ang lahat ng mayroon ka, at Siya ang tanging mayroon ka. Ang gayong Diyos ay tinutulutan kang mahalin Siya nang taos-puso, kapitan Siya, hawakan Siya nang mahigpit, hangaan Siya, matakot na mawala Siya, at aayawan mong talikuran pa Siya, suwayin pa Siya, o layuan o palayuin pa Siya. Ang tanging gusto mo ay pagmalasakitan Siya, sundin Siya, bayaran ang lahat ng ibinibigay Niya sa iyo, at magpasakop sa Kanyang kapangyarihan. Hindi ka na tumatangging magabayan, matustusan, mabantayan, at maingatan Niya, hindi ka na tumatanggi sa Kanyang idinidikta at itinatakda para sa iyo. Ang tanging nais mo ay sundan Siya, ang makasama Niya; ang tanging nais mo ay tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang buhay, tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang Panginoon, iyong kaisa-isang Diyos.
Agosto 18, 2014