Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Una, umawit tayo ng isang himno: Awit ng Kaharian (I) Ang Kaharian ay Bumaba sa Mundo.

Pagsasaliw: Ipinagbubunyi Ako ng mga tao, pinupuri Ako ng mga tao; lahat ng bibig ay tinatawag ang nag-iisang tunay na Diyos. Ang kaharian ay bumababa sa mundo ng mga tao.

1  Ipinagbubunyi Ako ng mga tao, pinupuri Ako ng mga tao; lahat ng bibig ay tinatawag ang nag-iisang tunay na Diyos, lahat ng tao ay tumitingala upang masdan ang Aking mga gawa. Ang kaharian ay bumababa sa mundo ng mga tao, ang Aking persona ay mayaman at sagana. Sino ang hindi magagalak dito? Sino ang hindi sasayaw sa galak? O, Sion! Itaas ang iyong matagumpay na bandila upang ipagbunyi Ako! Awitin ang iyong awit ng tagumpay upang ipalaganap ang Aking banal na pangalan!

2  Lahat ng nilikha hanggang sa mga dulo ng daigdig! Magmadaling linisin ang inyong sarili na magagawa kayong mga alay sa Akin! Mga konstelasyon ng kalangitan! Magmadaling bumalik sa inyong lugar upang ipakita ang Aking dakilang kapangyarihan sa kalawakan! Ako ay nakikinig sa tinig ng mga tao sa lupa, na ibinubuhos ang kanilang walang-hanggang pagmamahal at pagpipitagan sa Akin sa awit! Sa araw na ito, kung kailan lahat ng nilikha ay muling nabubuhay, Ako ay bumababa sa mundo ng mga tao. Sa sandaling ito, sa sandaling ito mismo, lahat ng bulaklak ay mag-uunahang mamukadkad, lahat ng ibon ay sabay-sabay na aawit, lahat ng bagay ay manginginig sa galak! Sa tunog ng pagpupugay ng kaharian, bumabagsak ang kaharian ni Satanas, nawasak sa dagundong ng awit ng kaharian, hindi na babangong muli kailanman!

3  Sino sa lupa ang nangangahas na bumangon at lumaban? Habang Ako ay bumababa sa lupa, dala Ko ay pagsunog, dala Ko ay poot, dala Ko ay lahat ng klaseng kapahamakan. Ang mga kaharian sa lupa ay Akin nang kaharian ngayon! Sa kalangitan, gumugulong at umaalon ang mga ulap; sa ilalim ng langit, ang mga lawa at mga ilog ay rumaragasa at kumakatha ng isang nakaaantig na himig. Naglalabasan ang nagpapahingang mga hayop mula sa kanilang lungga, at lahat ng tao ay ginigising Ko mula sa kanilang pagtulog. Dumating na rin sa wakas ang araw na pinakahihintay ng napakaraming tao! Inaalay nila ang pinakamagagandang awit sa Akin!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Awit ng Kaharian

Ano ang iniisip ninyo tuwing kinakanta ninyo ang awit na ito? (Tuwang-tuwa at masayang-masaya, at iniisip namin kung gaano kaluwalhati ang kagandahan ng kaharian, kung paano magkakasama ang sangkatauhan at ang Diyos magpakailanman.) May nakaisip na ba tungkol sa anyong kailangang taglayin ng tao para makasama ng Diyos? Sa inyong imahinasyon, paano dapat ang isang tao para makasama ang Diyos at matamasa ang maluwalhating pamumuhay na magiging kasunod sa kaharian? (Dapat mabago ang kanilang mga disposisyon.) Dapat mabago ang kanilang mga disposisyon, ngunit hanggang saan? Ano ang kauuwian nila pagkatapos magbago ang kanilang mga disposisyon? (Magiging banal sila.) Ano ang pamantayan para sa kabanalan? (Dapat ay nakatugma kay Cristo ang lahat ng saloobin at iniisip ng isang tao.) Paano ipinapamalas ang pagkakatugmang ito? (Hindi nilalabanan o ipinagkakanulo ng isang tao ang Diyos, nagpapasakop nang lubusan sa Kanya, at ang isang tao ay may takot sa Diyos na puso.) Nasa tamang daan ang ilan sa inyong mga sagot. Buksan ninyo ang inyong puso, lahat kayo, at sabihin ang nais ninyong sabihin. (Dapat magawa ng mga taong nabubuhay sa piling ng Diyos sa kaharian ang kanilang tungkulin—nang may katapatan—sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan at hindi nagpapapigil sa sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay. Sa gayon ay nagiging posible sa kanila ang makaalpas mula sa impluwensya ng kadiliman, iakma ang kanilang puso sa Diyos, at matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan.) (Maaaring umayon sa Diyos ang aming pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, at maaari kaming makaalpas mula sa impluwensya ng kadiliman. Kahit paano, makakarating kami sa kung saan hindi na kami makakasangkapan ni Satanas, at kung saan maitatakwil namin ang anumang tiwaling disposisyon, at makakapagpasakop kami sa Diyos. Naniniwala kami na mahalagang makaalpas ang mga tao mula sa impluwensya ng kadiliman. Ang mga taong hindi makaalpas sa impluwensya ng kadiliman at makatakas sa mga gapos ni Satanas ay hindi pa nagtatamo ng pagliligtas ng Diyos.) (Para makatugon sa pamantayan para magawang perpekto ng Diyos, kailangang makiisa ang puso at isipan ng mga tao sa Kanya, at hindi na nila Siya labanan. Kailangan nilang makilala ang kanilang sarili, isagawa ang katotohanan, maunawaan ang Diyos, mahalin ang Diyos, at makaayon sa Diyos. Iyan lamang ang kailangan.)

Gaano Kabigat ang Timbang ng Kahihinatnan ng mga Tao sa Kanilang Puso

Mukhang mayroon kayong ilang ideya tungkol sa daan na dapat ninyong sundan, at nakabuo na kayo ng kaunting pagkaunawa o pagpapahalaga rito. Gayunman, kung lumabas mang hungkag o totoo ang mga salitang inyong nabigkas, depende iyon sa inyong pinagtutuunan sa inyong pang-araw-araw na pagsasagawa. Sa paglipas ng mga taon, nakaani kayong lahat ng ilang bunga mula sa bawat aspeto ng katotohanan, kapwa patungkol sa doktrina at patungkol sa tunay na nilalaman ng katotohanan. Nagpapatunay ito na lubhang binibigyang-diin ng mga tao sa panahong ito ang pagsusumikap para sa katotohanan, at dahil dito, siguradong nag-ugat na ang bawat aspeto at bagay ng katotohanan sa puso ng ilang tao. Gayunman, ano ang labis Kong kinatatakutan? Iyon ay na sa kabila ng katunayan na nag-ugat na sa puso ninyo ang mga paksang ito ng katotohanan at ang mga teoryang ito, napakaliit ng halaga ng tunay na nilalaman ng mga ito. Kapag nagkakaroon kayo ng mga problema at nahaharap sa mga pagsubok at pagpapasya, gaano kapraktikal ang pakinabang ng realidad ng mga katotohanang ito sa inyo? Matutulungan ba kayo nitong malagpasan ang inyong mga paghihirap at makalabas mula sa inyong mga pagsubok, upang mapalugod ang kalooban ng Diyos? Maninindigan ba kayo sa gitna ng inyong mga pagsubok at magpapatotoo nang malakas para sa Diyos? Nag-alala na ba kayo tungkol sa mga bagay na ito? Tinatanong Ko kayo: Sa inyong puso, at sa lahat ng inyong pang-araw-araw na iniisip at pinagmumuni-muni, ano ang pinakamahalaga sa inyo? Nagkaroon na ba kayo ng konklusyon tungkol dito? Ano sa inyong paniniwala ang pinakamahalaga sa inyo? Sabi ng ilang tao, “Iyon ay ang isagawa ang katotohanan, siyempre pa,” samantalang ang sabi ng iba, “Siyempre, ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw.” Sabi ng ilang tao, “Iyon ay ang pagharap sa Diyos at pagdarasal sa Kanya araw-araw, siyempre,” at mayroon pang nagsasabi na, “Siyempre, ang gawin nang maayos ang aking tungkulin araw-araw.” Mayroon pang ilang nagsasabi na ang iniisip lamang nila ay palugurin ang Diyos, paano Siya susundin sa lahat ng bagay, at paano kumilos nang naaayon sa Kanyang kalooban. Tama ba iyon? Ito lamang ba? Halimbawa, sinasabi ng ilan, “Gusto ko lang magpasakop sa Diyos, ngunit tuwing nagkakaroon ako ng problema, hindi ko iyon magawa.” Sabi ng ilan, “Gusto ko lamang palugurin ang Diyos, at ayos lang iyon kahit minsan ko lamang Siya mapalugod—ngunit hindi ko Siya mapalugod kailanman.” Sabi ng ilan, “Gusto ko lamang magpasakop sa Diyos. Sa mga oras ng pagsubok gusto ko lamang magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, nang walang anumang mga reklamo o kahilingan. Subalit halos palagi akong nabibigong magpasakop.” Sinasabi pa ng iba, “Kapag nahaharap ako sa mga desisyon, hindi ko mapipiling isagawa ang katotohanan kailanman. Gusto ko palaging bigyang-kasiyahan ang laman at gusto kong tuparin ang sarili kong personal at makasariling mga pagnanasa.” Ano ang dahilan para dito? Bago dumating ang pagsubok ng Diyos, hinamon na ba ninyo ang inyong sarili nang maraming beses, na sinusubukan at pinatutunayan ang inyong sarili nang paulit-ulit? Tingnan kung tunay kayong makakapagpasakop sa Diyos at talagang mapapalugod Siya, at kung magagarantiyahan ninyo na hindi ninyo Siya ipagkakanulo; tingnan kung kaya ninyong hindi bigyang-kasiyahan ang inyong sarili at hindi isakatuparan ang inyong makasariling mga pagnanasa, at sa halip ay palugurin lamang ang Diyos, nang hindi gumagawa ng anumang sariling mga pagpili. Ginagawa ba ito ng sinuman? Sa totoo lang, mayroong kaisa-isang katunayan na inilagay sa harapan mismo ng inyong mga mata, at dito pinakainteresado ang bawat isa sa inyo at ito ang pinakagusto ninyong malaman—ang tungkol sa kahihinatnan at kahahantungan ng lahat. Maaaring hindi ninyo ito natatanto, ngunit ito ay isang bagay na hindi maikakaila ninuman. Pagdating sa katotohanan ng kahihinatnan ng mga tao, ang pangako ng Diyos sa sangkatauhan, at kung anong uri ng hantungan ang layon ng Diyos na pagdalhan sa mga tao, alam Ko na ilang beses nang napag-aralan ng ilan ang mga salita ng Diyos tungkol sa mga paksang ito. At may mga taong paulit-ulit na hinahanap ang sagot at pinagninilayan ito sa kanilang isipan, subalit wala pa rin silang napapala, o marahil ay nakakabuo sila ng ilang malalabong konklusyon sa huli. Sa huli, hindi pa rin nila tiyak kung anong uri ng kahihinatnan ang naghihintay sa kanila. Kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nais malaman ng karamihan sa mga tao ang malilinaw na sagot sa sumusunod na mga tanong: “Ano ang kahihinatnan ko? Maaari ko bang tahakin ang landas na ito hanggang sa dulo nito? Ano ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan?” Nag-aalala pa ang ilang tao nang ganito: “Noon, may nagawa akong ilang bagay, at may nasabi akong ilang bagay; naging masuwayin ako sa Diyos, mayroon akong mga kilos na nagkanulo sa Diyos, at, sa ilang pagkakataon, nabigo akong palugurin ang Diyos, sinaktan ko ang Kanyang damdamin, at nabigo ko Siya at napagalit ko Siya at kinasuklaman Niya ako. Marahil, kung gayon, walang nakakaalam sa aking kahihinatnan.” Makatarungang sabihin na karamihan sa mga tao ay nababalisa tungkol sa sarili nilang kahihinatnan. Walang nangangahas na magsabing: “Pakiramdam ko, nang may siyento-por-siyentong katiyakan, na makakaligtas ako; siyento-por-siyentong nakatitiyak ako na mapapalugod ko ang kalooban ng Diyos. Ako ay isang tao na kaayon ng puso ng Diyos; ako ay isang tao na pinupuri ng Diyos.” Iniisip ng ilang tao na talagang mahirap sundan ang daan ng Diyos, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ang pinakamahirap gawin sa lahat. Dahil dito, kumbinsido ang mga taong iyon na wala nang makakatulong sa kanila, at hindi sila nangangahas na umasa pang magkaroon ng mabuting kahihinatnan; o, marahil, naniniwala sila na hindi nila mapapalugod ang kalooban ng Diyos at sa gayon ay hindi sila maaaring makaligtas. Dahil dito, sinasabi nila na wala silang kahihinatnan at hindi sila magtatamo ng magandang hantungan. Paano man mag-isip talaga ang mga tao, napag-isip-isip nila nang maraming beses ang kanilang kahihinatnan. Sa mga tanong tungkol sa kanilang hinaharap at kung ano ang makukuha nila kapag natapos ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi silang nagkakalkula at nagpaplano. Doble ang isinasakripisyo ng ilan; inaabandona ng ilan ang kanilang pamilya at trabaho; iniiwan ng ilan ang kanilang asawa; nagbibitiw ang ilan sa trabaho para gugulin ang kanilang sarili para sa kapakanan ng Diyos; iniiwan ng ilan ang kanilang tahanan para tuparin ang kanilang mga tungkulin; pinipili ng ilan na mahirapan, at nagsisimulang tanggapin ang pinakamasasaklap at nakakapagod na mga gawain; pinipili ng ilan na ilaan ang kanilang kayamanan at iukol ang lahat-lahat nila; at ang iba naman ay pinipili pa ring hanapin ang katotohanan at sikaping makilala ang Diyos. Paano man ninyo pinipiling magsagawa, mahalaga ba ang paraan ng inyong pagsasagawa o hindi? (Hindi.) Kung gayon ay paano natin ipaliliwanag itong “kawalang-halaga”? Kung hindi mahalaga ang pamamaraan ng pagsasagawa, ano ang mahalaga? (Ang ipinapakitang mabuting pag-uugali ay hindi kumakatawan sa pagsasagawa ng katotohanan.) (Hindi mahalaga ang mga iniisip ng bawat indibiduwal; ang mahalaga rito ay kung naisagawa natin ang katotohanan o hindi, at kung mayroon tayong pusong nagmamahal sa Diyos o wala.) (Ang pagbagsak ng mga anticristo at ng mga huwad na lider ay naipapaunawa sa atin na hindi ang ipinapakitang pag-uugali ang pinakamahalagang bagay. Sa tingin, tila marami silang natalikuran at tila handa silang magsakripisyo, ngunit kapag sinuri nang mas mabuti, makikita natin na talagang wala silang may takot sa Diyos na puso, kundi sa halip ay kinokontra nila Siya sa lahat ng aspeto. Sa mga kritikal na sandali, lagi silang pumapanig kay Satanas at nanggugulo sa gawain ng Diyos. Sa gayon, ang mga pangunahing konsiderasyon dito ay kung kanino tayo nakapanig pagdating ng oras, at kung ano ang ating mga pananaw sa mga bagay-bagay.) Lahat kayo ay mahusay magsalita, at tila mayroon na kayong pangunahing pagkaunawa at pamantayang susundin pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan, mga layunin ng Diyos, at ano ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Lubhang nakakaantig na nagagawa ninyong magsalita nang ganito. Bagama’t hindi gaanong tumpak ang ilan sa sinasabi ninyo, malapit nang mapasainyo ang wastong paliwanag tungkol sa katotohanan—at nagpapatunay ito na napaunlad na ninyo ang inyong sariling tunay na pag-unawa sa mga tao, pangyayari, at bagay sa inyong paligid, sa lahat ng nasa inyong kapaligiran ayon sa isinaayos ng Diyos, at lahat ng bagay na nakikita ninyo. Ito ay isang pagkaunawang malapit sa katotohanan. Kahit hindi gaanong kumpleto ang sinabi ninyo, at hindi gaanong angkop ang ilan sa inyong mga salita, ang inyong pagkaunawa ay papalapit na sa realidad ng katotohanan. Ang marinig kayong magsalita sa ganitong paraan ay nagpapaganda na sa Aking pakiramdam.

Hindi Mapapalitan ng mga Paniniwala ng mga Tao ang Katotohanan

Nagagawa ng ilang tao na magtiis ng mga paghihirap, magsakripisyo, magpakita ng mabuting asal, maging medyo kagalang-galang, at magalak sa paghanga ng iba. Masasabi ba ninyo na maituturing na pagsasagawa ng katotohanan ang ganitong klase ng ipinapakitang pag-uugali? Matutukoy kaya ng isang tao na napapalugod ng gayong mga tao ang kalooban ng Diyos? Bakit paulit-ulit na nakakakita ang mga tao ng gayong mga indibiduwal at iniisip nila na napapalugod nila ang Diyos, na tumatahak sila sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, at sinusundan ang daan ng Diyos? Bakit ganito ang iniisip ng ilang tao? Isa lamang ang paliwanag para dito. Ano ang paliwanag na iyon? Na para sa napakaraming tao, ang ilang katanungan—tulad ng ano ang ibig sabihin ng isagawa ang katotohanan, ano ang ibig sabihin ng palugurin ang Diyos, at ano ang ibig sabihin ng tunay na taglayin ang katotohanang realidad—ay hindi gaanong malinaw. Sa gayon, may ilang tao na madalas malinlang ng mga tao na sa tingin ay mukhang espirituwal, marangal, matayog, at dakila. Tungkol naman sa mga taong mahusay bumigkas ng mga salita at doktrina, at ang pananalita at mga kilos ay tila karapat-dapat sa paghanga, yaong mga nalilinlang ng mga ito ay hindi natingnan kailanman ang diwa ng kanilang mga kilos, ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga gawa, o kung ano ang kanilang mga mithiin. Bukod pa riyan, hindi nila natingnan kailanman kung tunay na nagpapasakop sa Diyos ang mga taong ito, ni hindi nila natukoy kailanman kung tunay na may takot sa Diyos ang mga taong ito o wala at umiiwas sila sa kasamaan o hindi. Hindi nila nahiwatigan kailanman ang pagkataong diwa ng mga taong ito. Sa halip, simula sa unang hakbang ng pagkilala sa kanila, unti-unti na nilang hinangaan at iginalang ang mga taong ito, at sa huli, naging mga idolo nila ang mga taong ito. Bukod pa riyan, sa isipan ng ilang tao, ang mga idolong sinasamba nila—at pinaniniwalaan nila na kayang iwan ang kanilang pamilya at trabaho, at tila paimbabaw na nagagawang magsakripisyo—ang mga tunay na nagpapalugod sa Diyos at talagang magtatamo ng magagandang kahihinatnan at hantungan. Sa kanilang isipan, ang mga idolong ito ang mga taong pinupuri ng Diyos. Ano ang nagiging dahilan para maniwala sila sa gayong bagay? Ano ang diwa ng isyung ito? Ano ang mga bungang kahahantungan nito? Talakayin muna natin ang diwa nito.

Ang mahalaga, ang mga isyung ito tungkol sa mga pananaw ng mga tao, ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa, aling mga prinsipyo ng pagsasagawa ang pinipili nilang gamitin, at ano ang gusto nilang pagtuunan ay walang kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Nakatutok man ang mga tao sa mabababaw na usapin o malalalim na isyu, o sa mga salita at doktrina o realidad, hindi sila sumusunod doon sa pinaka-nararapat nilang sundin, ni hindi nila alam yaong bagay na pinaka-nararapat nilang malaman. Ito ay dahil sa ni ayaw man lamang ng mga tao sa katotohanan; sa gayon, ayaw nilang gumugol ng panahon at pagsisikap sa paghahanap at pagsasagawa ng mga prinsipyo ng pagsasagawa na matatagpuan sa mga pagbigkas ng Diyos. Sa halip, mas gusto nilang gumamit ng mas madaling paraan, na ibinubuod ang nauunawaan at nalalaman nilang mahusay na pagsasagawa at mabuting pag-uugali; ang buod na ito kung gayon ang nagiging sarili nilang mithiing pagsisikapang matupad, na itinuturing nilang katotohanang isasagawa. Ang tuwirang resulta nito ay na gumagamit ang mga tao ng mabuting pag-uugali bilang kapalit ng pagsasagawa ng katotohanan, na tumutupad din sa hangarin nilang makahingi ng pabor sa Diyos. Binibigyan sila nito ng puhunang magagamit para labanan ang katotohanan, na ginagamit din nila para mangatwiran at makipaglaban sa Diyos. Kasabay nito, walang-takot na isinasantabi rin ng mga tao ang Diyos, at ipinapalit sa lugar Niya ang mga idolong hinahangaan nila. Iisa lamang ang ugat na dahilan kaya nagiging gayon kamangmang ang mga kilos at pananaw ng mga tao, o isang panig lamang ang mga opinyon at gawi nila—at ngayon ay sasabihin Ko sa inyo ang tungkol dito: Ang dahilan nito ay na, bagama’t maaaring sinusunod ng mga tao ang Diyos, nagdarasal sila sa Kanya araw-araw, at binabasa nila ang Kanyang mga pagbigkas araw-araw, hindi nila talaga nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Narito ang ugat ng problema. Kung may nakaunawa sa puso ng Diyos, at nakaalam kung ano ang gusto Niya, ano ang kinasusuklaman Niya, ano ang nais Niya, ano ang inaayawan Niya, anong klaseng tao ang minamahal Niya, anong klaseng tao ang inaayawan Niya, anong klaseng pamantayan ang ginagamit Niya kapag may hinihingi Siya sa mga tao, at anong klaseng pamamaraan ang ginagamit Niya para gawin silang perpekto, maaari pa rin kayang magkaroon ang taong iyon ng sarili nilang mga opinyon? Maaari kayang basta humayo ang mga tao at sambahin nila ang ibang tao? Maaari kayang maging idolo nila ang isang ordinaryong tao? Ang mga taong nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay magtataglay ng medyo mas makatwirang pananaw kaysa riyan. Hindi nila basta iidolohin ang isang taong natiwali, ni hindi sila maniniwala, habang tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, na ang pikit-matang pagsunod sa isang simpleng panuntunan o mga prinsipyo ay katumbas ng pagsasagawa ng katotohanan.

Maraming Opinyon Tungkol sa Pamantayan ng Diyos sa Pagpapasya sa Kahihinatnan ng mga Tao

Balikan natin ang paksang ito at patuloy nating talakayin ang tungkol sa kahihinatnan.

Dahil nag-aalala ang bawat tao sa sarili nilang kahihinatnan, alam ba ninyo kung paano pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnang iyan? Sa anong kaparaanan tinutukoy ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao? Bukod pa riyan, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya upang mapagpasyahan ito? Kapag kailangan pang pagpasyahan ang kahihinatnan ng tao, ano ang ginagawa ng Diyos para ihayag iyon? Mayroon bang nakakaalam? Tulad ng sinabi Ko kanina, may ilan na napakatagal nang nagsasaliksik sa mga salita ng Diyos sa pagsisikap na makahanap ng mga tanda tungkol sa mga kahihinatnan ng mga tao, tungkol sa mga kategorya kung saan hinati-hati ang mga kahihinatnang ito, at tungkol sa sari-saring mga kahihinatnan na naghihintay sa iba’t ibang klase ng mga tao. Umaasa rin silang malaman kung paano ipinapataw ng salita ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya, at kung paano Niya talaga ipinapasya ang kahihinatnan ng isang tao. Gayunman, sa huli, hindi nahanap ng mga taong ito ang anumang mga sagot kailanman. Sa totoo lang, napaka-kaunti ng nasabi tungkol sa mga pagbigkas ng Diyos. Bakit nagkagayon? Hangga’t hindi pa inihahayag ang mga kahihinatnan ng mga tao, ayaw sabihin ng Diyos kaninuman ang mangyayari sa huli, ni ayaw Niyang ipaalam nang maaga kaninuman ang kanilang hantungan—dahil ang paggawa niyon ay walang anumang pakinabang sa sangkatauhan. Ngayon mismo, nais Ko lamang sabihin sa inyo ang tungkol sa paraan kung paano ipinapasya ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao, tungkol sa mga prinsipyong ginagamit Niya sa Kanyang gawain sa pagpapasya at pagpapamalas ng mga kahihinatnang ito, at tungkol sa pamantayang ginagamit Niya sa pagpapasya kung makakaligtas ba ang isang tao o hindi. Hindi ba ito ang mga tanong na labis ninyong ipinag-aalala? Kung gayon, paano naniniwala ang tao na ang Diyos ang nagpapasya sa mga kahihinatnan ng mga tao? Binanggit ninyo ang ilang bahagi nito ngayon lamang: Sinabi ng ilan sa inyo na may kinalaman ito sa tapat na pagganap ng isang tao sa tungkulin at paggugol para sa Diyos; sinabi ng ilan na tungkol ito sa pagpapasakop at pagpapalugod sa Diyos; sinabi ng ilan na ang isang dahilan ay ang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos; at sinabi ng ilan na ang mahalaga ay magpakumbaba…. Kapag isinagawa ninyo ang mga katotohanang ito, at kapag nagsasagawa kayo alinsunod sa mga prinsipyo na pinaniniwalaan ninyong tama, alam ba ninyo kung ano ang iniisip ng Diyos? Napag-isip-isip na ba ninyo kung ang patuloy na pamumuhay nang ganito ay nagpapalugod sa Kanyang kalooban? Tumutugon ba ito sa Kanyang pamantayan? Nagsisilbi ba ito sa Kanyang mga hinihingi? Naniniwala Ako na hindi talaga pinag-iisipan nang husto ng karamihan sa mga tao ang mga tanong na ito. Ginagamit lamang nila nang wala sa loob ang isang bahagi ng salita ng Diyos, o isang bahagi ng mga sermon, o mga pamantayan ng ilang espirituwal na taong iniidolo nila, na pinipilit ang kanilang sarili na gawin ang kung anu-ano. Naniniwala sila na ito ang tamang paraan, kaya palagi nilang sinusunod ito at ginagawa ito, anuman ang mangyari sa bandang huli. Iniisip ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang nanampalataya; ganito na ako magsagawa noon pa man. Pakiramdam ko talagang napalugod ko ang Diyos, at pakiramdam ko marami rin akong napala mula rito. Ito ay dahil naunawaan ko na ang maraming katotohanan sa panahong ito, gayundin ang maraming bagay na hindi ko naunawaan dati. Lalo na, marami nang nagbago sa aking mga ideya at pananaw, malaki na ang ipinagbago ng mga pinahahalagahan ko sa buong buhay ko, at medyo may maganda na akong pagkaunawa sa mundong ito.” Naniniwala ang gayong mga tao na ito ay isang pag-aani, at na ito ang huling resulta ng gawain ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa inyong opinyon, sa mga pamantayang ito at sa lahat ng pagsasagawa ninyo kapag pinagsama-sama, pinalulugod ba ninyo ang kalooban ng Diyos? Sasabihin ng ilan sa inyo nang may lubos na katiyakan, “Siyempre! Nagsasagawa kami ayon sa salita ng Diyos; nagsasagawa kami ayon sa ipinangaral at ibinahagi ng nasa Itaas. Lagi naming ginagawa ang aming mga tungkulin at palagi naming sinusunod ang Diyos, at hindi namin Siya iniwan kailanman. Samakatuwid ay masasabi natin nang may ganap na tiwala na napapalugod namin ang Diyos. Gaano man namin nauunawaan ang Kanyang mga layunin, at gaano man namin nauunawaan ang Kanyang salita, lagi kaming nasa landas ng paghahangad na maging kaayon ng Diyos. Basta’t kumikilos kami nang tama, at nagsasagawa nang tama, malamang na makamtan namin ang tamang resulta.” Ano ang palagay ninyo sa pananaw na ito? Tama ba ito? Maaaring mayroon ding ilang nagsasabi, “Hindi ko naisip kailanman ang tungkol sa mga bagay na ito dati. Iniisip ko lamang na basta’t patuloy akong tumutupad sa aking tungkulin at kumikilos ayon sa mga hinihingi ng mga pagbigkas ng Diyos, maaari akong maligtas. Hindi ko naisaalang-alang kailanman ang tanong kung mapapalugod ko ang puso ng Diyos, ni hindi ko naisip kailanman kung natutugunan ko ang pamantayang Kanyang naitakda. Yamang walang nasabi o naibigay na anumang malilinaw na tagubilin sa akin ang Diyos, naniniwala ako na basta’t patuloy akong gumagawa at hindi ako tumitigil, malulugod ang Diyos at hindi Siya dapat gumawa ng anumang karagdagang mga hinihingi sa akin.” Tama ba ang mga paniniwalang ito? Para sa Akin, ang paraang ito ng pagsasagawa, ang paraang ito ng pag-iisip, at ang mga pananaw na ito ay pawang may kasamang mga kathang-isip, gayundin ng kaunting pagkabulag. Marahil ay medyo nasisiraan ng loob ang ilan sa inyo dahil sa sinasabi Kong ito, at iniisip ninyo, “Pagkabulag? Kung ito ay pagkabulag, napakaliit at walang katiyakan ang pag-asa naming maligtas at manatiling buhay, hindi ba? Sa ganitong paraan, hindi Mo ba kami binubuhusan ng malamig na tubig?” Anuman ang inyong pinaniniwalaan, ang mga bagay na Aking sinasabi at ginagawa ay hindi para iparamdam sa inyo na parang binuhusan kayo ng malamig na tubig. Sa halip, ito ay para mapahusay ang inyong pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos at mapag-ibayo ang pagkaintindi ninyo sa Kanyang iniisip, sa Kanyang nais na isakatuparan, anong klaseng mga tao ang Kanyang gusto, ano ang Kanyang kinasusuklaman, ano ang Kanyang kinamumuhian, anong uri ng tao ang nais Niyang matamo, at anong uri ng tao ang Kanyang tinatanggihan. Ang mga ito ay para bigyan ng linaw ang inyong isipan at bigyan kayo ng malinaw na pang-unawa kung gaano na napalayo ang mga kilos at kaisipan ng bawat isa sa inyo mula sa pamantayang hinihingi ng Diyos. Kailangan bang talakayin ang mga paksang ito? Dahil alam Kong matagal na kayong nananampalataya, at nakinig sa napakaraming pangangaral, ngunit ito mismo ang mga bagay na kulang na kulang sa inyo. Bagama’t naitala ninyo ang bawat katotohanan sa inyong mga kuwaderno, at naisaulo at naiukit sa inyong mga puso ang ilan sa mga bagay na personal na pinaniniwalaan ninyong mahalaga, at bagama’t plano ninyong gamitin ang mga bagay na ito para palugurin ang Diyos sa inyong pagsasagawa, na gamitin ang mga ito kapag nangangailangan kayo, na gamitin ang mga ito upang malagpasan ang mahihirap na panahon na naghihintay sa inyo, o basta hayaan ang mga bagay na ito na samahan kayo habang nabubuhay kayo, para sa Akin, paano man ninyo ito ginagawa, kung ginagawa lamang ninyo ito, hindi ito gaanong mahalaga. Ano, kung gayon, ang napakahalaga? Iyon ay na habang ikaw ay nagsasagawa, kailangan mong malaman sa iyong kaibuturan, nang may lubos na katiyakan, kung lahat ng iyong ginagawa—bawat gawa—ay nakaayon sa nais ng Diyos o hindi, at kung ang lahat ng kilos ninyo, lahat ng iniisip ninyo, at ang mga resulta at layuning nais ninyong matupad ay talagang nagpapalugod sa kalooban ng Diyos at nagsisilbi sa Kanyang mga hinihingi, gayundin kung Kanyang sinasang-ayunan ang mga ito o hindi. Ito ang napakahalaga.

Sundan ang Daan ng Diyos: Matakot sa Diyos at Umiwas sa Kasamaan

May isang kasabihan na dapat ninyong itala. Naniniwala Ako na napakahalaga ng kasabihang ito, dahil para sa Akin, naiisip ito nang napakaraming beses bawat araw. Bakit ganoon? Dahil tuwing nakakaharap Ko ang isang tao, tuwing naririnig Ko ang kuwento ng isang tao, at tuwing naririnig Ko ang karanasan o patotoo ng isang tao tungkol sa paniniwala sa Diyos, lagi Kong ginagamit ang kasabihang ito para matukoy sa Aking puso kung ang indibiduwal na ito ang uri ng taong nais ng Diyos at ang uri ng taong gusto ng Diyos. Kaya, sa gayon: ano ang kasabihang ito? Ngayon ay napasabik Ko kayong lahat nang husto. Kapag inihayag Ko ang kasabihan, marahil ay madidismaya kayo, dahil ang ilan ay sinasabi lamang ito nang hindi taos-puso sa loob ng maraming taon ngunit hindi ito ginagawa. Gayunman, ni minsan ay hindi Ko man lamang ito sinabi nang hindi taos-puso. Nananahan sa puso Ko ang kasabihang ito. Kaya, ano ang kasabihang ito? Ito iyon: “Sundan ang daan ng Diyos: Matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.” Hindi ba napakasimpleng parirala nito? Magkagayunman, sa kabila ng kasimplihan nito, madarama ng mga taong tunay na may malalim na pagkaunawa sa mga salitang ito na may malaking kahalagahan ang mga ito, na napakahalaga ng kasabihang ito para sa pagsasagawa ng isang tao, na naaayon ito sa wika ng buhay na naglalaman ng katotohanang realidad, na ito ay panghabambuhay na layunin para sa mga nagsisikap na palugurin ang Diyos, at na ito ay panghabambuhay na daan na dapat sundan ng sinumang may konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos. Kaya, ano sa palagay ninyo: Hindi ba katotohanan ang kasabihang ito? Makabuluhan ba ito o hindi? Gayundin, marahil ay pinag-iisipan ng ilan sa inyo ang kasabihang ito, at sinusubukang unawain ito, at marahil ay nagdududa pa ang ilan sa inyo tungkol dito: Napakahalaga ba ng kasabihang ito? Kailangan bang bigyang-diin ito nang husto? Maaaring mayroon ding ilan sa inyo na hindi gaanong gusto ang kasabihang ito, dahil iniisip ninyo na ang pagtahak sa daan ng Diyos at pagpapaikli nito sa isang kasabihang ito ay labis na pagpapasimple. Ang pagkuha sa lahat ng sinabi ng Diyos at pagpapaikli nito sa isang kasabihan—hindi ba nito pinaliliit nang husto ang kahalagahan ng Diyos? Ganoon ba iyon? Maaaring hindi lubos na nauunawaan ng karamihan sa inyo ang malalim na kahulugan ng mga salitang ito. Bagama’t itinala na ninyong lahat ito, wala kayong balak na ilagak ang kasabihang ito sa inyong puso; naitala lamang ninyo ito sa inyong mga kuwaderno upang muling basahin at pagnilayan sa bakanteng oras ninyo. Ni hindi mag-aabala ang ilan sa inyo na isaulo ang kasabihang ito, lalo nang hindi ninyo susubuking gamitin ito sa mabuting paraan. Kung gayon, bakit nais Kong banggitin ang kasabihang ito? Anuman ang inyong pananaw at anuman ang isipin ninyo, kinailangan Kong banggitin ang kasabihang ito, sapagkat may malaking kaugnayan ito sa kung paano ipinapasya ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao. Anuman ang inyong kasalukuyang pagkaunawa sa kasabihang ito o paano man ninyo ito tinatrato, sasabihin Ko pa rin ito sa inyo: Kung maisasagawa ng mga tao ang mga salita ng kasabihang ito at mararanasan ang mga ito, at makakamit ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, mapapanatag sila na sila ay maliligtas at tiyak na maganda ang kanilang kahihinatnan. Gayunman, kung hindi mo matugunan ang pamantayang inilatag ng kasabihang ito, masasabi na walang nakakaalam sa kahihinatnan mo. Sa gayon, nagsasalita Ako sa inyo tungkol sa kasabihang ito para maging handa ang inyong isipan, at para malaman ninyo kung anong klaseng pamantayan ang ginagamit ng Diyos para sukatin kayo. Tulad ng kasasabi Ko lamang sa inyo, ang kasabihang ito ay may malaking kaugnayan sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, pati na sa kung paano Niya ipinapasya ang mga kahihinatnan ng mga tao. Sa anong paraan ito nagkaroon ng kaugnayan? Talagang gugustuhin ninyong malaman ito, kaya pag-uusapan natin ito ngayon.

Gumagamit ang Diyos ng Iba-ibang Pagsubok Upang Suriin Kung ang mga Tao ay May Takot sa Diyos at Umiiwas sa Kasamaan

Sa bawat kapanahunan ng gawain ng Diyos, nagkakaloob Siya ng ilang salita sa mga tao at nagsasabi sa kanila ng ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat sundan ng mga tao, ang daan na dapat nilang lakaran, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan, at ang daan na dapat isagawa at sundan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang mga dahilan kaya ipinapahayag ng Diyos ang mga pagbigkas na ito sa sangkatauhan. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat sundin ng mga tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susundin ng isang tao ang mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. Bukod pa riyan, kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at hindi nila iniiwasan ang kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Ang mga taong hindi kayang palugurin ang Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang papuri, at walang kahihinatnan ang gayong mga tao. Kaya, kung gayon, sa takbo ng Kanyang gawain, paano ipinapasya ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao? Anong mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos upang ipasya ang kahihinatnan ng isang tao? Marahil ay hindi pa rin masyadong malinaw ito sa inyo sa ngayon, ngunit kapag sinabi Ko sa inyo ang proseso, medyo magiging malinaw ito, dahil marami sa inyo mismo ang nakaranas na nito.

Sa kabuuan ng gawain ng Diyos, mula pa sa simula, nagtakda na ng mga pagsubok ang Diyos para sa bawat tao—o maaari ninyong sabihing, bawat taong sumusunod sa Kanya—at iba-iba ang bigat ng mga pagsubok na ito. May mga taong nakaranas ng pagsubok na maitakwil ng kanilang pamilya, may mga nakaranas ng pagsubok na masasamang kapaligiran, may mga nakaranas ng pagsubok na maaresto at mapahirapan, may mga nakaranas ng pagsubok na maharap sa mga pagpipilian, at may mga naharap sa mga pagsubok na pera at katayuan. Sa pangkalahatan, bawat isa sa inyo ay naharap na sa lahat ng uri ng mga pagsubok. Bakit ganito kung gumawa ang Diyos? Bakit Niya tinatrato ang lahat sa ganitong paraan? Anong klaseng resulta ang hinahanap Niya? Narito ang puntong nais Kong iparating sa inyo: Nais makita ng Diyos kung ang taong ito ang uri na may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan. Ang ibig sabihin nito ay na kapag binibigyan ka ng Diyos ng isang pagsubok, at inihaharap ka sa ilang sitwasyon, layon Niyang suriin kung isa kang taong may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan o hindi. Kung nahaharap ang isang tao sa tungkuling ingatan ang isang handog, at humantong ang tungkuling ito sa paggalaw sa handog sa Diyos, sasabihin mo ba na ito ay isang bagay na naisaayos ng Diyos? Walang duda! Lahat ng bagay na kinakaharap mo ay isang bagay na naisaayos ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa bagay na ito, lihim kang oobserbahan ng Diyos, minamatyagan kung anong mga pagpili ang ginagawa mo, paano ka nagsasagawa, at ano ang mga naiisip mo. Ang pinakamahalaga sa Diyos ay ang huling resulta, dahil ito ang resultang tutulong sa Kanya na masukat kung namuhay ka ayon sa Kanyang pamantayan o hindi sa partikular na pagsubok na ito. Gayunman, tuwing nahaharap ang mga tao sa isang problema, madalas ay hindi nila iniisip kung bakit sila nahaharap sa mga ito, anong pamantayan ang inaasahan ng Diyos na matugunan nila, ano ang nais Niyang makita sa kanila o ano ang nais Niyang matamo mula sa kanila. Kapag naharap sa problemang ito, iniisip lamang ng mga tao ito: “Ito ang bagay na kinakaharap ko; kailangan kong mag-ingat, hindi magpabaya! Anuman ang mangyari, ito ay handog sa Diyos, at hindi ko ito maaaring galawin.” Nasasaisip ang mga simpleng bagay na ito, naniniwala ang mga tao na natupad na nila ang kanilang mga responsibilidad. Malulugod ba ang Diyos sa resulta ng pagsubok na ito o hindi? Sumige kayo at pag-usapan ninyo ito. (Kung ang mga tao ay may takot sa Diyos na puso, kapag naharap sila sa isang tungkulin na nagtutulot sa kanila na magalaw ang handog sa Diyos, isasaalang-alang nila kung gaano kadaling magkasala sa disposisyon ng Diyos, at sisiguraduhin nilang mag-ingat sa kanilang pagkilos.) Ang tugon mo ay nasa tamang landas, ngunit hindi iyon nagtatapos doon. Ang pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mabababaw na panuntunan; sa halip, nangangahulugan ito na kapag nahaharap ka sa isang problema, ituring mo muna ito una sa lahat bilang isang sitwasyon na naisaayos ng Diyos, isang responsibilidad na naipagkaloob Niya sa iyo, o isang gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag nahaharap sa problemang ito, dapat mo ngang ituring ito bilang isang pagsubok ng Diyos sa iyo. Kapag nahaharap ka sa problemang ito, kailangan ay mayroon kang pamantayan sa puso mo, kailangan mong isipin na ang bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Kailangan mong pag-isipan kung paano mo haharapin ito sa isang paraan na matutupad mo ang iyong responsibilidad habang nananatili kang tapat sa Diyos, gayundin kung paano ito gawin nang hindi Siya ginagalit o hindi ka nagkakasala sa Kanyang disposisyon. Kanina lamang ay pinag-usapan natin ang pag-iingat sa mga handog. Kasali rito ang mga handog, at binabanggit din dito ang iyong tungkulin at iyong responsibilidad. Nakatali ka sa responsibilidad na ito. Gayunman, kapag naharap ka sa problemang ito, mayroon bang anumang tukso? Mayroon. Saan nanggagaling ang tuksong ito? Galing ang tuksong ito kay Satanas, at nagmumula rin ito sa masasama at tiwaling mga disposisyon ng mga tao. Dahil may tukso, kasali sa isyung ito ang paninindigan sa patotoo na dapat panindigan ng mga tao, na responsibilidad at tungkulin mo rin. Sabi ng ilang tao, “Napakaliit na bagay nito; kailangan ba talagang palakihin ito?” Wala nang mas hihigit pang kailangan! Ito ay dahil para sundin ang daan ng Diyos, hindi natin maaaring hayaan ang anumang nangyayari sa atin o sa paligid natin, kahit ang maliliit na bagay; iniisip man natin na dapat itong bigyang-pansin o hindi, basta’t may anumang bagay tayong nakakaharap, hindi natin ito dapat hayaan. Lahat ng bagay na nangyayari ay dapat ituring na mga pagsubok na bigay sa atin ng Diyos. Ano sa palagay mo ang ganitong paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay? Kung mayroon kang ganitong klaseng saloobin, nagpapatibay ito sa isang katunayan: Sa iyong kalooban, may takot ka sa Diyos at handa kang umiwas sa kasamaan. Kung may hangarin kang palugurin ang Diyos, hindi malayong matugunan ng isinasagawa mo ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Madalas ay may mga taong naniniwala na ang mga bagay na hindi gaanong pinapansin ng mga tao at hindi karaniwang binabanggit ay maliliit na bagay lamang na walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag naharap sa ganito lamang na isyu, hindi ito gaanong pinag-iisipan ng mga taong ito, at hinahayaan lamang nila ito. Gayunman, sa katunayan, ang bagay na ito ay isang aral na dapat mong pag-aralan—isang aral kung paano magkaroon ng takot sa Diyos at paano umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, ang dapat mong higit na alalahanin ay ang pag-alam kung ano ang ginagawa ng Diyos kapag dumarating ang bagay na ito sa iyong harapan. Nasa tabi mo ang Diyos, inoobserbahan ang bawat salita at kilos mo, at minamatyagan ang lahat ng ginagawa mo at ang mga pagbabagong nagaganap sa iyong isipan—ito ay gawain ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Kung totoo iyan, bakit hindi ko iyon naramdaman?” Hindi mo iyon naramdaman dahil hindi ka sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang pangunahin mong daan; kaya hindi mo maramdaman ang banayad na gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, na nagpapamalas mismo ayon sa iba-ibang saloobin at kilos ng mga tao. Isa kang hangal! Ano ang malaking bagay? Ano ang maliit na bagay? Ang mga bagay na nauugnay sa pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi nahahati sa pagitan ng malalaki o maliliit na bagay, lahat ng ito ay malalaking bagay—matatanggap ba ninyo iyon? (Matatanggap namin iyon.) Pagdating sa pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na itinuturing ng mga tao na napakalaki at makabuluhan, at ang iba pa na itinuturing nilang maliliit na bagay. Madalas ituring ng mga tao ang malalaking bagay na ito na napakahalaga, at itinuturing nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunman, habang lumalabas ang malalaking bagay na ito, dahil sa kamusmusan ng isip ng tao at dahil sa kanilang mahinang kakayahan, madalas ay hindi natutupad ng mga tao ang kalooban ng Diyos, hindi sila makatanggap ng anumang mga paghahayag, at hindi sila makakuha ng anumang aktuwal na kaalaman na may halaga. Pagdating sa maliliit na bagay, hindi talaga napapansin ng mga tao ang mga ito at hinahayaan lamang na unti-unting mawala. Sa gayon, nawala sa mga tao ang maraming pagkakataong masuri sa harap ng Diyos at masubok Niya. Kung lagi mong kinaliligtaan ang mga tao, pangyayari, at bagay, at mga sitwasyong naisaayos ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin niyan ay na bawat araw, at kahit bawat sandali, palagi mong tinatalikuran ang pagpeperpekto ng Diyos sa iyo, pati na ang Kanyang pamumuno. Tuwing nagsasaayos ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, lihim Siyang nakamasid, nakatingin sa iyong puso, inoobserbahan Niya ang iyong mga iniisip at pagwawari, minamasdan kung paano ka mag-isip, at hinihintay na makita kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang taong hindi kailanman naging seryoso tungkol sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan—hindi ka magiging maingat o hindi mo papansinin ang nais ng Diyos na tapusin o ang mga kinakailangang inasahan Niyang tugunan mo kapag nagsaayos Siya ng isang sitwasyon para sa iyo. Hindi mo rin malalaman kung paano nauugnay ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na nakakatagpo mo sa katotohanan o sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang paulit-ulit na mga sitwasyon at pagsubok na tulad nito, nang walang nakikita ang Diyos na anumang resulta sa iyo, paano Siya magpapatuloy? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo dinakila ang Diyos sa puso mo, ni hindi mo nakita kung ano ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo: mga pagsubok at pagsusuri mula sa Diyos. Sa halip, sunud-sunod mo nang tinanggihan ang mga pagkakataong ibinigay ng Diyos sa iyo, at hinayaang makalampas ang mga ito nang paulit-ulit. Hindi ba sukdulang pagsuway ang ipinapakitang ito ng mga tao? (Oo.) Masasaktan ba ang Diyos dahil dito? (Oo.) Mali, hindi masasaktan ang Diyos! Minsan pa kayong nagulat na marinig Akong sabihin ang gayong bagay. Iniisip siguro ninyo: “Hindi ba sinabi kanina na palaging nasasaktan ang Diyos? Kung gayon ba ay hindi nasasaktan ang Diyos? Kung gayon, kailan nasasaktan ang Diyos?” Sa madaling salita, hindi masasaktan ang Diyos sa sitwasyong ito. Kaya, ano, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa uri ng pag-uugaling nakabalangkas sa itaas? Kapag tinatanggihan ng mga tao ang mga pagsubok at pagsusuring ipinadadala sa kanila ng Diyos, at kapag iniiwasan nila ang mga ito, iisa lamang ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao. Anong saloobin ito? Tinatanggihan ng Diyos ang ganitong klaseng tao, sa kaibuturan ng Kanyang puso. May dalawang antas ng kahulugan para sa salitang “tanggihan.” Paano Ko dapat ipaliwanag ito mula sa Aking pananaw? Sa Aking kaibuturan, ang salitang “tanggihan” ay nangangahulugan ding kasuklaman at kamuhian. Ano naman ang isa pang antas ng kahulugan nito? Iyan ang bahaging nagpapahiwatig ng pagsuko sa isang bagay. Alam ninyong lahat ang kahulugan ng “pagsuko,” hindi ba? Sa madaling sabi, ang “tanggihan” ay isang salitang kumakatawan sa huling reaksyon at saloobin ng Diyos sa mga taong kumikilos sa ganitong paraan; iyon ay sukdulang pagkamuhi sa kanila, at pagkayamot, at, sa gayon, nagreresulta ito sa desisyon na pabayaan sila. Ito ang panghuling desisyon ng Diyos sa isang taong hindi kailanman sinunod ang daan ng Diyos at hindi kailanman nagkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Makikita ba ninyong lahat ngayon ang kahalagahan ng kasabihang binanggit Ko kanina?

Nauunawaan na ba ninyo ngayon ang pamamaraang ginagamit ng Diyos sa pagpapasya sa mga kahihinatnan ng mga tao? (Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang sitwasyon araw-araw.) Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang sitwasyon—ito ay isang bagay na nadarama at nahahawakan ng mga tao. Kaya, ano ang motibo ng Diyos sa paggawa nito? Ang Kanyang layunin ay bigyan ang bawat isang tao ng iba-ibang pamamaraan ng mga pagsubok sa iba’t ibang panahon at iba’t ibang lugar. Anong mga aspeto ng isang tao ang sinusuri sa panahon ng isang pagsubok? Tinutukoy ng isang pagsubok kung ikaw ay isang uri ng tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi sa bawat isyung iyong kinakaharap, naririnig, nakikita, at personal mong nararanasan. Lahat ay haharap sa ganitong klaseng pagsubok, dahil makatarungan ang Diyos sa lahat ng tao. Sinasabi ng ilan sa inyo, “Nanampalataya na ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, kaya bakit hindi pa ako naharap sa anumang mga pagsubok?” Pakiramdam mo ay hindi ka pa naharap sa anuman dahil kapag nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo, hindi mo sineseryoso ang mga ito at ayaw mong sumunod sa daan ng Diyos. Sa gayon, talagang hindi mo man lamang nadarama ang mga pagsubok ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Naharap na ako sa ilang pagsubok, ngunit hindi ko alam kung paano magsagawa nang wasto. Kahit noong magsagawa ako, hindi ko pa rin alam kung nanindigan ba ako sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos.” Ang mga tao sa ganitong uri ng kalagayan ay tiyak na hindi lamang kakaunti. Sa gayon, ano ang pamantayang ginagamit ng Diyos sa pagsukat sa mga tao? Katulad ng sinabi Ko kanina: Iyon ay kung may takot ka man sa Diyos o wala at umiiwas ka sa kasamaan o hindi sa lahat ng bagay na ginagawa, iniisip, at ipinapakita mo. Ganito magpasya kung isa kang taong may takot sa Diyos o wala at umiiwas ka sa kasamaan o hindi. Simple ba ang konseptong ito, o hindi? Madali itong sabihin, ngunit madali ba itong isagawa? (Hindi iyon gayon kadali.) Bakit hindi iyon gayon kadali? (Dahil hindi kilala ng mga tao ang Diyos, at hindi nila alam kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, kaya kapag nahaharap sila sa mga bagay-bagay, hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang kanilang mga problema. Kailangan silang magdaan sa iba-ibang pagsubok, pagpipino, pagkastigo, at paghatol bago nila taglayin ang realidad na magkaroon ng takot sa Diyos.) Maaari ninyong sabihin iyan nang ganyan, ngunit para sa inyo, tila napakadaling magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan ngayon. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil nakinig kayo sa maraming sermon at marami kayong natanggap na pagdidilig mula sa katotohanang realidad; ito ang nagtulot sa inyo na teoretikal at matalinong unawain kung paano magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Tungkol sa kung paano talaga isagawa ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, malaking tulong ang lahat ng kaalamang ito at ipinadama nito sa inyo na parang madaling makamtan ang gayong bagay. Kung gayon, bakit hindi ito talaga nakakamtan ng mga tao kailanman? Ito ay dahil ang kalikasang diwa ng mga tao ay walang takot sa Diyos, at gusto nito ang kasamaan. Ito ang tunay na dahilan.

Ang Hindi Matakot sa Diyos at Umiwas sa Kasamaan ay Paglaban sa Diyos

Magsisimula Ako sa pagtatanong sa inyo kung saan nagmula ang kasabihang, “matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.” (Ang Aklat ni Job.) Yamang nabanggit natin si Job, talakayin natin siya. Noong panahon ni Job, gumawa ba ang Diyos para iligtas at lupigin ang sangkatauhan? Hindi. Ganoon ba? Gayundin, pagdating kay Job, gaano karami ang kanyang kaalaman noon tungkol sa Diyos? (Kaunti lamang.) Mas marami ba ang alam ni Job sa Diyos kaysa sa inyo ngayon o mas kaunti? Bakit hindi kayo naglalakas-loob na sumagot? Napakadaling sagutin ng tanong na ito. Mas kaunti! Tiyak iyan! Kaharap ninyo ang Diyos sa mga panahong ito, at kaharap ninyo ang mga salita ng Diyos; mas marami kayong alam tungkol sa Diyos kaysa kay Job. Bakit Ko sinasabi ito? Bakit Ko sinasabi ang mga bagay na ito? Gusto Kong ipaliwanag ang isang katunayan sa inyo, ngunit bago Ko gawin iyan, nais Ko munang tanungin kayo: Kakaunti ang alam ni Job tungkol sa Diyos, subalit nagawa pa rin niyang magkaroon ng takot sa Kanya at iwasan ang kasamaan; bakit nabibigo ang mga tao na gawin ito sa mga panahong ito? (Malalim ang kanilang katiwalian.) Ang pagiging malalim ng kanilang katiwalian ang mababaw na pangyayari na nagsasanhi ng problema, ngunit hindi Ko titingnan iyon sa gayong paraan kailanman. Madalas ay kinukuha ninyo ang madalas gamiting mga doktrina at salita, tulad ng “malalim na katiwalian,” “paghihimagsik laban sa Diyos,” “pagtataksil sa Diyos,” “pagsuway,” “pag-ayaw sa katotohanan,” at kung anu-ano pa, at ginagamit ninyo ang mga kilalang pariralang ito upang ipaliwanag ang diwa ng bawat isang isyu. Mali ang paraang ito ng pagsasagawa. Ang paggamit ng iisang sagot para ipaliwanag ang mga bagay tungkol sa iba’t ibang kalikasan ay tiyak na pupukaw sa lapastangang mga hinala tungkol sa katotohanan at sa Diyos; ayaw Kong marinig ang ganitong klaseng sagot. Pag-isipan ninyong mabuti ito! Walang isa man sa inyo ang nakapag-isip tungkol sa bagay na ito, ngunit nakikita Ko ito bawat araw, at bawat araw ay nadarama Ko ito. Sa gayon, habang kumikilos kayo, nakamasid Ako. Kapag may ginagawa kayo, hindi ninyo madama ang diwa nito, ngunit kapag nakamasid Ako, nakikita ko ang diwa nito, at nadarama Ko rin ang diwa nito. Kaya, ano ang diwang ito, kung gayon? Bakit walang takot sa Diyos ang mga tao sa panahong ito at hindi sila umiiwas sa kasamaan? Ang inyong mga sagot ay malayong maipaliwanag ang diwa ng problemang ito, ni hindi ito kayang lutasin ng mga ito. Ito ay dahil may isang pinagmulan ito na hindi ninyo alam. Ano ang pinagmulang ito? Alam Kong gusto ninyong marinig ang tungkol dito, kaya sasabihin Ko sa inyo ang pinagmulan ng problemang ito.

Mula nang magsimulang gumawa ang Diyos, paano Niya itinuring ang mga tao? Sinagip sila ng Diyos; nakita na Niya ang mga tao bilang mga miyembro ng Kanyang pamilya, bilang mga pakay ng Kanyang gawain, bilang mga taong nais Niyang lupigin at iligtas, at bilang mga taong nais Niyang gawing perpekto. Ito ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan sa simula ng Kanyang gawain. Ngunit ano ang saloobin ng sangkatauhan sa Diyos noon? Hindi pamilyar ang Diyos sa mga tao, at itinuring nila ang Diyos bilang isang estranghero. Masasabi na ang kanilang saloobin sa Diyos ay hindi umani ng mga tamang resulta, at wala silang malinaw na pagkaunawa kung paano nila dapat tratuhin ang Diyos. Sa gayon, itinuring nila Siya ayon sa gusto nila, at ginawa nila ang anumang gusto nila. May mga opinyon ba sila tungkol sa Diyos? Noong una, wala; ang tinatawag na mga opinyon ay binuo lamang ng ilang kuru-kuro at sapantaha tungkol sa Kanya. Tinanggap nila kung ano ang umayon sa kanilang mga kuru-kuro, at kapag may isang bagay na hindi umayon sa kanilang mga kuru-kuro, pakunwari nila itong sinunod, ngunit lubhang nagtalo ang kanilang kalooban at kinontra nila ito. Ganito ang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng mga tao sa simula: Itinuring sila ng Diyos bilang mga miyembro ng pamilya, subalit itinuring Siya ng tao bilang isang estranghero. Gayunman, pagkaraan ng ilang panahon ng gawain ng Diyos, naunawaan ng mga tao kung ano ang sinisikap Niyang makamit, at nalaman nila na Siya ang tunay na Diyos; nalaman din nila kung ano ang maaari nilang matamo mula sa Diyos. Paano itinuring ng mga tao ang Diyos sa panahong ito? Ang tingin nila sa Kanya ay isang mahihingan ng tulong, at inasam nilang mapagkalooban ng Kanyang biyaya, mga pagpapala, at mga pangako. Sa panahong ito, paano itinuring ng Diyos ang mga tao? Itinuring Niya sila bilang mga layon ng Kanyang paglupig. Nais ng Diyos na gumamit ng mga salita upang hatulan sila, suriin sila, at isailalim sila sa mga pagsubok. Gayunman, para sa mga tao noon, ang Diyos ay isang bagay na maaari nilang gamitin upang makamtan ang sarili nilang mga layunin. Nakita ng mga tao na ang katotohanang inilabas ng Diyos ay maaari silang lupigin at iligtas, na nagkaroon sila ng isang pagkakataong matamo ang mga bagay na nais nila mula sa Kanya, at matamo rin ang mga hantungang nais nila. Dahil dito, nabuo ang katiting na katapatan sa kanilang puso, at naging handa silang sundan ang Diyos na ito. Lumipas ang ilang panahon, at dahil nagtamo sila ng kaunting mababaw at doktrinal na kaalaman tungkol sa Diyos, masasabi pa na nagsisimula nang maging “pamilyar” ang mga tao sa Diyos at sa mga salitang Kanyang sinabi, Kanyang pangangaral, sa mga katotohanang Kanyang inilabas, at Kanyang gawain. Sa gayon ay nagkamali sila sa pagkaintindi na kilala na nila ang Diyos, at na nagsimula na silang lumakad sa landas ng pagiging kaayon ng Diyos. Sa ngayon, nakarinig na ang mga tao ng napakaraming sermon tungkol sa katotohanan at nakaranas na ng malaking bahagi ng gawain ng Diyos. Magkagayunman, dahil sa panghihimasok at paghadlang sanhi ng iba’t ibang kadahilanan at mga sitwasyon, hindi maaaring magtagumpay ang karamihan sa mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nila mapapalugod ang Diyos. Lalong naging matamlay at lalong nawalan ng tiwala ang mga tao. Nag-iibayo ang pakiramdam nila na walang nakakaalam sa sarili nilang mga kahihinatnan. Hindi sila nangangahas na mag-isip ng anumang magara na mga ideya, at wala silang hangad na umunlad; nag-aatubili lamang silang sumusunod, sumusulong, sa paisa-isang hakbang. Patungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga tao, ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Nais lamang Niyang ipagkaloob ang mga katotohanang ito sa kanila at pagtibayin ang mga ito sa Kanyang daan, at pagkatapos ay magpaplano Siya ng iba-ibang sitwasyon upang subukan sila sa iba’t ibang paraan. Ang Kanyang layunin ay gamitin ang mga salitang ito, ang mga katotohanang ito, at ang Kanyang gawain, at magdulot ng isang kahihinatnan kung saan may kakayahan ang mga tao na magkaroon ng takot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Karamihan sa mga taong nakita Ko ay itinuturing lamang ang mga salita ng Diyos bilang mga doktrina, mga salita lamang, mga regulasyong susundin. Sa kanilang mga kilos at pananalita, o habang nahaharap sa mga pagsubok, hindi nila itinuturing ang daan ng Diyos bilang daan na dapat sundan. Lalong totoo ito kapag nahaharap ang mga tao sa malalaking pagsubok; wala pa Akong nakitang tao na nagsasagawa sa direksyon ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Sa gayon, ang saloobin ng Diyos sa mga tao ay puno ng matinding pagkamuhi at pag-ayaw! Sa kabila ng Kanyang paulit-ulit na pagbibigay sa kanila ng mga pagsubok, kahit daan-daang beses pa, wala pa rin silang anumang malinaw na saloobin upang maipamalas ang kanilang determinasyon: “Gusto kong magkaroon ng takot sa Diyos at iwasan ang kasamaan!” Dahil hindi taglay ng mga tao ang pasyang ito at hindi nila ito ipinapakita, ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa kanila ay hindi katulad noong araw, kung kailan ipinaabot Niya sa kanila ang Kanyang awa, pagpaparaya, pagtitimpi, at pagpapasensya. Sa halip, bigung-bigo Siya sa sangkatauhan. Sino ang nagsanhi ng kabiguang ito? Kanino nakasalalay ang saloobin ng Diyos sa mga tao? Nakasalalay ito sa bawat taong sumusunod sa Kanya. Sa maraming taon ng Kanyang gawain, maraming hinihingi ang Diyos sa mga tao at nagsaayos Siya ng maraming sitwasyon para sa kanila. Gayunman, paano man sila nagsagawa, at anuman ang saloobin nila sa Diyos, nabigo ang mga tao na magsagawa nang may malinaw na pagsunod sa layuning magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa gayon, ibubuod Ko ito sa isang parirala, at gagamitin Ko ang pariralang ito para ipaliwanag ang lahat ng kasasabi pa lamang natin kung bakit hindi makasusunod ang mga tao sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ano ang pariralang ito? Ito iyon: Itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga layon ng Kanyang pagliligtas at mga layon ng Kanyang gawain; itinuturing ng mga tao ang Diyos bilang kanilang kaaway at kanilang kakontra. Malinaw na ba sa iyo ngayon ang bagay na ito? Napakalinaw ng saloobin ng sangkatauhan, ng saloobin ng Diyos, at ng relasyon sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Gaano mang pangaral ang napakinggan ninyo, yaong mga bagay na pinaghugutan ninyo ng sarili ninyong mga konklusyon, tulad ng pagiging tapat sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, paghahanap ng daan para maging kaayon ng Diyos, pagkagustong gugulin ang buong buhay para sa Diyos, at pagnanais na mabuhay para sa Diyos—para sa Akin, ang mga bagay na iyon ay hindi mga halimbawa ng sadyang pagsunod sa daan ng Diyos, ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kundi sa halip, mga daluyan lamang ang mga ito tungo sa inyong pagtatamo ng ilang layunin. Para matamo ang mga iyon, nag-aatubili kayong sumunod sa ilang regulasyon, at ang mga regulasyong ito mismo ang naglalayo sa mga tao mula sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at minsan pang inilalagay niyan ang Diyos bilang kakontra ng sangkatauhan.

Medyo mabigat ang paksa ngayon, ngunit ano’t anuman, umaasa pa rin Ako na kapag dumaan kayo sa mga karanasang darating, at sa mga panahong darating, magawa ninyo ang kasasabi Ko pa lamang sa inyo. Huwag ninyong ituring ang Diyos na walang halaga—na para bang umiiral Siya kapag may silbi Siya sa inyo, ngunit hindi Siya umiiral kapag wala Siyang silbi sa inyo. Kapag nagkaroon ka ng gayong ideya nang wala kang kamalay-malay, napagalit mo na ang Diyos. Marahil ay may mga taong nagsasabing, “Hindi ko itinuturing ang Diyos na walang halaga. Lagi akong nagdarasal sa Kanya at lagi kong sinusubukang bigyang-kasiyahan Siya, at lahat ng ginagawa ko ay nasa loob ng saklaw, pamantayan, at mga prinsipyong kinakailangan ng Diyos. Talagang hindi ako nagsasagawa ayon sa sarili kong mga ideya.” Oo, tama ang paraang ito ng iyong pagsasagawa. Magkagayunman, ano ang iniisip mo kapag nahaharap ka sa isang problema? Paano ka nagsasagawa kapag nahaharap ka sa isang isyu? Nadarama ng ilang tao na umiiral ang Diyos kapag nagdarasal sila sa Kanya at nagsusumamo sa Kanya, ngunit tuwing nahaharap sila sa isang problema, bumubuo sila ng sarili nilang mga ideya at nais nilang sundin ang mga ito. Ang ibig sabihin niyan ay itinuturing nila ang Diyos na walang halaga, at dahil sa gayong sitwasyon, hindi umiiral ang Diyos sa kanilang isipan. Naniniwala ang mga tao na dapat umiral ang Diyos kapag kailangan nila Siya, ngunit hindi kapag hindi nila Siya kailangan. Iniisip ng mga tao na ang pagsasagawa batay sa sarili nilang mga ideya ay sapat na. Naniniwala sila na magagawa nila ang anumang gusto nila; hindi talaga sila naniniwala na kailangan nilang hanapin ang daan ng Diyos. Para sa mga taong kasalukuyang nasa ganitong uri ng sitwasyon at hindi sila makaalpas, hindi ba nila inilalagay ang sarili nila sa panganib? Sabi ng ilang tao, “Inilalagay ko man ang sarili ko sa panganib o hindi, sumampalataya na ako sa loob ng maraming taon, at naniniwala ako na hindi ako pababayaan ng Diyos, dahil hindi Niya ako matitiis.” Sabi ng iba, “Naniwala na ako sa Panginoon noon pa mang nasa sinapupunan ako ng aking ina. Apatnapu o limampung taon na ang nakalipas, kaya sa tagal ng panahon, lubha akong karapat-dapat na iligtas ng Diyos at lubha akong karapat-dapat na patuloy na mabuhay. Sa nakalipas na apat o limang dekada, tinalikuran ko na ang aking pamilya at aking trabaho at naisuko ko na ang lahat ng mayroon ako—tulad ng pera, katayuan, kasiyahan, at oras para sa aking pamilya. Hindi ako kumain ng maraming masasarap na pagkain, hindi ako nagpakasaya sa maraming libangan, hindi ko nabisita ang maraming interesanteng lugar, at naranasan ko pa ngang maghirap na hindi kayang tiisin ng mga ordinaryong tao. Kung hindi ako maililigtas ng Diyos sa kabila ng lahat ng ito, hindi makatarungan ang pagtrato sa akin, at hindi ako maniniwala sa ganitong uri ng Diyos.” Marami bang taong ganito ang pananaw? (Marami.) Kung gayon, ipauunawa Ko sa inyo ngayon ang isang katunayan: Lahat ng taong gayon ang pananaw ay binabaril ang kanilang sariling paa. Ito ay dahil tinatakpan nila ang kanilang mga mata sa sarili nilang mga imahinasyon. Ang mga imahinasyong ito mismo, pati na ang sarili nilang mga konklusyon, ang pumapalit sa pamantayang pinatutugunan ng Diyos sa mga tao at pumipigil sa kanila na tanggapin ang tunay na mga layunin ng Diyos. Dahil dito, hindi nila madama ang Kanyang tunay na pag-iral, at nawawalan din sila ng pagkakataong magawang perpekto ng Diyos, na tinatalikuran ang anumang bahagi o kabahagi nila sa pangako ng Diyos.

Paano Pinagpapasyahan ng Diyos ang Kahihinatnan ng mga Tao at ang mga Pamantayang Ginagamit Niya sa Paggawa Niyon

Bago ka mapanatag sa anumang mga pananaw o konklusyon, dapat mo munang maunawaan ang saloobin ng Diyos sa iyo, at ang Kanyang iniisip, at saka ka magpasya kung tama o hindi ang sarili mong iniisip. Hindi kailanman ginamit ng Diyos ang panahon bilang panukat sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao, ni hindi Niya kailanman ibinatay ang gayong pagpapasya sa kung gaano nagdusa ang isang tao. Ano, kung gayon, ang pamantayang ginagamit ng Diyos sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao? Ang pagpapasya roon batay sa panahon ang siyang pinakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Bukod pa riyan, may mga taong madalas ninyong makita na minsa’y lubhang naging tapat, gumugol nang malaki, nagsakripisyo nang husto, at nagdusa nang matindi. Sila, sa tingin ninyo, ang maaaring iligtas ng Diyos. Lahat ng ipinamamalas at isinasabuhay ng mga taong ito ay tiyak na nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa itinakdang mga pamantayan ng Diyos sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao. Anuman ang pinaniniwalaan ninyo, hindi Ko ililistang isa-isa ang mga halimbawang ito. Sa madaling salita, anumang hindi ayon sa pamantayang iniisip mismo ng Diyos ay nagmumula sa imahinasyon ng tao, at lahat ng gayong bagay ay mga kuru-kuro ng tao. Kung pikit-mata mong igigiit ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, ano ang magiging resulta? Medyo malinaw na ang ibubunga nito ay pagtanggi lamang ng Diyos sa iyo. Ito ay dahil lagi mong ipinagyayabang ang iyong mga kwalipikasyon sa harap ng Diyos, nakikipagpaligsahan ka sa Kanya, at nakikipagtalo sa Kanya, at hindi mo talaga sinisikap na unawain ang Kanyang iniisip, ni hindi mo sinisikap na unawain ang kalooban o Kanyang saloobin sa sangkatauhan. Ang pagpapatuloy sa ganitong paraan ay pagpaparangal sa iyong sarili higit sa lahat; hindi nito pinupuri ang Diyos. Naniniwala ka sa iyong sarili; hindi ka naniniwala sa Diyos. Ayaw ng Diyos ang gayong mga tao, ni hindi Niya sila ililigtas. Kung maaari mong kalimutan ang ganitong uri ng pananaw at, bukod pa riyan, maitatama mo ang mga maling pananaw mong iyon noong araw, kung maaari kang magpatuloy ayon sa mga hinihingi ng Diyos, kung maaari mong isagawa ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan mula ngayon, kung maaari mong parangalan ang Diyos bilang Isa na dakila sa lahat ng bagay at magpipigil kang gamitin ang sarili mong personal na mga kagustuhan, pananaw, o paniniwala upang ilarawan ang iyong sarili at ang Diyos, at sa halip ay hahanapin mo ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng aspeto, matatanto at mauunawaan mo ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan, at mapapalugod mo Siya sa pamamagitan ng pagtugon sa Kanyang mga pamantayan, kamangha-mangha iyan! Ipapakita niyan na magsisimula ka na sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Kung hindi ginagamit ng Diyos ang iba-ibang iniisip, ideya, at pananaw ng mga tao bilang mga pamantayan sa pagpapasya sa kanilang kahihinatnan, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya upang ipasya ang kahihinatnan ng mga tao? Ginagamit Niya ang mga pagsubok upang ipasya ang kanilang kahihinatnan. May dalawang pamantayan sa paggamit ng Diyos ng mga pagsubok upang ipasya ang kahihinatnan ng mga tao: Ang una ay ang dami ng mga pagsubok na pinagdaraanan ng mga tao, at ang pangalawa ay ang mga resulta ng mga pagsubok na ito sa mga tao. Ang dalawang tagapagpahiwatig na ito ang nagtatakda ng kahihinatnan ng isang tao. Ngayon, ipaliwanag natin ang dalawang pamantayang ito.

Una sa lahat, kapag nahaharap ang isang tao sa isang pagsubok mula sa Diyos (maaaring hindi mabigat ang pagsubok na ito para sa iyo, hindi na kailangang banggitin), titiyakin ng Diyos na may kamalayan ka na ito ang Kanyang kamay sa iyo, at na Siya ang nagsaayos ng sitwasyong ito para sa iyo. Habang musmos pa ang iyong tayog, magsasaayos ng mga pagsubok ang Diyos upang subukin ka, at ang mga pagsubok na ito ay tutugma sa iyong tayog, kung ano ang kaya mong unawain, at ano ang kaya mong tiisin. Anong bahagi mo ang susubukin? Ang saloobin mo sa Diyos. Napakahalaga ba ng saloobing ito? Siyempre mahalaga iyon! Napakahalaga niyon! Ang saloobing ito ng mga tao ang resultang hangad ng Diyos, para sa Kanya, ito ang pinakamahalagang bagay sa lahat. Kung hindi, hindi gugugulin ng Diyos ang Kanyang mga pagsisikap sa mga tao sa pag-aabala sa gayong gawain. Sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito, nais ng Diyos na makita ang iyong saloobin sa Kanya; nais Niyang makita kung ikaw ay nasa tamang landas o hindi. Nais din Niyang makita kung may takot ka sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi. Samakatuwid, marami man o kaunti ang nauunawaan mong katotohanan sa anumang partikular na panahon, mahaharap ka pa rin sa mga pagsubok ng Diyos, at kasunod ng anumang pagdami ng katotohanang iyong nauunawaan, patuloy Siyang magsasaayos ng mga pagsubok na may kaugnayan sa iyo. Kapag minsan ka pang naharap sa isang pagsubok, nanaisin ng Diyos na makita kung ang iyong pananaw, mga ideya, at saloobin sa Kanya ay nagkaroon na ng anumang paglago sa pagitan ng panahong iyan. Iniisip ng ilang tao, “Bakit nais palaging makita ng Diyos ang saloobin ng mga tao? Hindi pa ba Niya nakita kung paano nila isinasagawa ang katotohanan? Bakit nanaisin pa rin Niyang makita ang kanilang saloobin?” Walang kabuluhang kalokohan iyan! Ipagpalagay nang ganito kung gumawa ang Diyos, tiyak na nakapaloob diyan ang Kanyang kalooban. Palaging inoobserbahan ng Diyos ang mga tao sa tabi, minamasdan ang bawat salita at kilos nila, ang bawat gawa at galaw nila; inoobserbahan pa nga Niya ang bawat iniisip at ideya nila. Itinatala ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa mga tao—ang kanilang mabubuting gawa, kanilang mga pagkakamali, kanilang mga paglabag, at pati nga ang kanilang mga paghihimagsik at pagkakanulo—bilang katibayan sa pagpapasya sa kanilang kahihinatnan. Sa paisa-isang hakbang, habang lumalaki ang gawain ng Diyos, makakarinig ka ng mas marami pang katotohanan at tatanggap ka ng mas marami pang positibong bagay at impormasyon, at magtatamo ka ng mas marami pang realidad ng katotohanan. Sa buong prosesong ito, madaragdagan din ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo, at kasabay nito, magsasaayos Siya ng mas mabibigat na pagsubok para sa iyo. Samantala, ang Kanyang layon ay suriin kung umunlad na ang iyong saloobin sa Kanya. Siyempre pa, kapag nangyari ito, ang pananaw na hinihingi ng Diyos sa iyo ay aayon sa iyong pagkaunawa sa katotohanang realidad.

Habang unti-unting nadaragdagan ang iyong tayog, gayundin ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa iyo. Habang musmos ka pa, magtatakda Siya ng napakababang pamantayan para tugunan mo; kapag medyo mas mataas na ang iyong tayog, medyo tataasan Niya ang iyong pamantayan. Ngunit ano ang gagawin ng Diyos kapag naunawaan mo na ang buong katotohanan? Ihaharap ka Niya sa mas malalaking pagsubok. Sa gitna ng mga pagsubok na ito, ang nais na matamo ng Diyos sa iyo, ang nais Niyang makita sa iyo, ay ang mas malalim na kaalaman tungkol sa Kanya, isang tunay na pagkatakot sa Kanya. Sa panahong ito, ang Kanyang mga hinihingi sa iyo ay magiging mas mataas at “mas malupit” kaysa noong mas musmos pa ang iyong tayog (maaaring ituring ng mga tao na malupit ang mga ito, ngunit itinuturing talaga ng Diyos na makatwiran ang mga ito). Kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, anong klaseng realidad ang nais Niyang likhain? Palagi Niyang hinihingi na ibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Kanya. Sasabihin ng ilang tao, “Paano ko maibibigay iyan? Nagawa ko na ang aking tungkulin; tinalikuran ko na ang aking tahanan at kabuhayan, at ginugol ko na ang sarili ko. Hindi ba mga halimbawa ang lahat ng ito ng pagbibigay ng aking puso sa Diyos? Maaari kayang hindi talaga mga paraan ito ng pagbibigay ng aking puso sa Kanya? Ano ang partikular na hinihingi ng Diyos?” Napakasimple ng hinihingi. Sa katunayan, may ilang taong nakapagbigay na ng kanilang puso sa Diyos sa iba-ibang antas sa panahon ng iba-ibang yugto ng kanilang mga pagsubok, ngunit hindi kailanman ibinigay ng karamihan sa mga tao ang kanilang puso sa Diyos. Kapag sinusubok ka ng Diyos, nakikita Niya kung ang puso mo ay nasa Kanya, nasa laman, o kay Satanas. Kapag sinusubok ka ng Diyos, nakikita Niya kung lumalaban ka sa Kanya o nakaayon ka sa Kanya, at nakikita rin Niya kung nasa panig Niya ang puso mo. Kapag musmos ka pa at nahaharap sa mga pagsubok, kakaunti ang iyong tiwala, at hindi mo malalaman talaga kung ano ang kailangan mong gawin upang matupad ang mga layunin ng Diyos, sapagkat limitado ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Gayunman, kung maaari ka pa ring manalangin sa Diyos nang tunay at taimtim, at kung handa kang ibigay ang iyong puso sa Kanya, gawin mo Siyang pinakamakapangyarihang pinuno mo, at maging handang ialay sa Kanya ang lahat ng bagay na pinaniniwalaan mong pinakamahalaga, sa gayon ay naibigay mo na ang puso mo sa Diyos. Habang nakikinig ka sa mas maraming sermon at mas nauunawaan mo ang katotohanan, unti-unti ring madaragdagan ang iyong tayog. Sa panahong ito, ang pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos ay hindi na katulad noong musmos ka pa; hihingin Niya ang mas mataas na pamantayan sa iyo. Habang unti-unting ibinibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Diyos, dahan-dahang mapapalapit ang kanilang puso sa Diyos; kapag tunay na napapalapit ang mga tao sa Diyos, mas lalo silang nagkakaroon ng may takot sa Diyos na puso. Gayong puso lamang ang nais ng Diyos.

Kapag nais ng Diyos na maangkin ang puso ng isang tao, isasailalim Niya ang taong iyon sa maraming pagsubok. Sa panahon ng mga pagsubok na ito, kung hindi maangkin ng Diyos ang puso ng taong iyon o makita na may anumang saloobin ang taong ito—ibig sabihin, kung hindi nakikita ng Diyos na nagsasagawa o kumikilos ang taong ito sa isang paraan na nagpapakita ng pagkatakot sa Kanya, at kung hindi rin Niya nakikita sa taong ito ang isang saloobin at matibay na pagpapasya na umiwas sa kasamaan—pagkaraan ng maraming pagsubok, hindi na sila pagpapasensyahan ng Diyos, at hindi na Siya magpaparaya sa kanila. Hindi na Niya susubukin ang taong ito, at hindi na Siya gagawa pa sa kanila. Kaya, ano ang ipinahihiwatig nito sa kahihinatnan ng taong ito? Nangangahulugan ito na wala silang kahihinatnan. Marahil ay wala silang nagawang nakakagambala at hindi sila nagsanhi ng kaguluhan. Marahil ay hindi nila hayagang nilabanan ang Diyos. Gayunman, nananatiling tago ang puso ng taong ito sa Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng malinaw na saloobin at pananaw sa Diyos, at hindi makita nang malinaw ng Diyos kung naibigay nila ang kanilang puso sa Kanya o kung hinahangad nilang magkaroon ng takot sa Kanya at iwasan ang kasamaan. Nauubos ang pasensya ng Diyos sa gayong mga tao, at hindi na Siya magsasakripisyo para sa kanila, maaawa sa kanila, o gagawa sa kanila. Nagwakas na ang pamumuhay ng isang tao nang may pananampalataya sa Diyos. Ito ay dahil, sa lahat ng maraming pagsubok na naibigay ng Diyos sa kanila, hindi natamo ng Diyos ang resultang nais Niya. Sa gayon, may ilang tao na hindi Ko kailanman nakitaan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Paano ito makikita? Ang mga taong ito ay maaaring naniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, at sa tingin, kumilos sila nang masigla; nakabasa ng maraming aklat, nangasiwa sa maraming gawain, nakapuno ng isang dosena o mas marami pang kuwaderno, at naging dalubhasa sa napakaraming salita at doktrina. Gayunman, kailanman ay walang anumang nakikitang paglago sa kanila, hindi pa rin makita ang kanilang mga pananaw sa Diyos, at malabo pa rin ang kanilang saloobin. Sa madaling salita, hindi makita ang nilalaman ng kanilang puso; laging balot at selyado ang kanilang puso—selyado ang mga ito sa Diyos. Dahil dito, hindi pa Niya nakita ang tunay na nilalaman ng kanilang puso, hindi pa Niya nakita sa mga taong ito ang anumang tunay na pagkatakot sa Kanya, at, bukod pa riyan, hindi pa Niya nakita kung paano sinusunod ng mga taong ito ang Kanyang daan. Kung hindi pa rin natatamo ng Diyos ang gayong mga tao hanggang ngayon, matatamo ba Niya sila sa hinaharap? Hindi! Ipagpipilitan ba Niya ang mga bagay na hindi matatamo? Hindi! Ano, kung gayon, ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao? (Tinatanggihan Niya sila at binabalewala.) Binabalewala Niya sila! Hindi pinakikinggan ng Diyos ang gayong mga tao; tinatanggihan Niya sila. Nakabisado na ninyo ang mga salitang ito nang napakabilis, at napakatumpak. Mukhang naunawaan na ninyo ang inyong narinig!

Ang ilang tao, kapag nagsisimula silang sumunod sa Diyos, ay musmos at mangmang; hindi nila nauunawaan ang Kanyang kalooban, ni hindi nila alam kung ano ang paniniwala sa Kanya. Ginagamit nila ang naisip at maling paraan ng tao sa paniniwala at pagsunod sa Diyos. Kapag nahaharap ang gayong mga tao sa mga pagsubok, hindi nila namamalayan ito; nananatili silang manhid sa patnubay at kaliwanagan ng Diyos. Hindi nila alam ang ibig sabihin ng ibigay ang kanilang puso sa Diyos o ang ibig sabihin ng manindigan sa panahon ng isang pagsubok. Bibigyan ng Diyos ng limitadong oras ang gayong mga tao, at sa panahong ito, ipauunawa Niya sa kanila kung ano ang Kanyang mga pagsubok at kung ano ang Kanyang mga layunin. Pagkatapos, kailangang ipamalas ng mga taong ito ang kanilang pananaw. Para sa mga taong nasa yugtong ito, naghihintay pa rin ang Diyos. Tungkol naman sa mga taong may ilang pananaw subalit nag-aalinlangan pa rin, na nais ibigay ang kanilang puso sa Diyos ngunit hindi kayang gawin ito, at sinusubukan na magtago at sumuko kapag nahaharap sila sa malalaking pagsubok kahit naisagawa na nila ang ilang pangunahing katotohanan—ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Umaasa pa rin Siya nang kaunti sa kanila, at ang resulta ay nakasalalay sa kanilang saloobin at pagganap. Kung hindi aktibo sa pag-unlad ang mga tao, ano ang ginagawa ng Diyos? Isinusuko Niya sila. Ito ay dahil, bago sumuko ang Diyos sa iyo, sumuko ka na sa sarili mo. Kaya, hindi mo masisisi ang Diyos sa paggawa nito. Mali na nagkikimkim ka ng hinaing laban sa Diyos.

Ang Iba-ibang Kahihiyang Hatid ng Isang Praktikal na Tanong sa mga Tao

May isa pang uri ng tao na may lubhang nakalulungkot na kahihinatnan sa lahat; ito ang uri ng taong pinaka-ayaw Kong banggitin. Nakalulungkot sila hindi dahil natanggap nila ang kaparusahan ng Diyos, o dahil malupit ang Kanyang mga hinihingi sa kanila kaya nakalulungkot ang kanilang kinahihinatnan; sa halip, nakalulungkot sila dahil ginagawa nila ito mismo sa kanilang sarili. Tulad ng sabi sa karaniwang kasabihan, hinuhukay nila ang sarili nilang libingan. Anong uri ng tao ang gumagawa nito? Ang mga taong ito ay hindi tumatahak sa tamang landas, at inihayag nang maaga ang kanilang kahihinatnan. Sa mga mata ng Diyos, ang gayong mga tao ang pinakamalalaking pakay ng Kanyang pagkamuhi. Sabi nga ng mga tao, ang ganitong mga tao ang pinaka-nakakaawa sa lahat. Kapag nagsimulang sumunod sa Diyos ang gayong mga tao, napakasipag nila; marami silang isinasakripisyo, maganda ang opinyon nila sa mga inaasam ng gawain ng Diyos, at sagana sila sa imahinasyon pagdating sa sarili nilang hinaharap. Tiwala rin sila lalo na sa Diyos, na naniniwala na kaya Niyang gawing ganap ang mga tao at dalhin sila sa isang maluwalhating hantungan. Magkagayunman, anuman ang dahilan, ang taong ito ay tumatakas pagkatapos sa panahon ng gawain ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “tumatakas” dito? Ang ibig sabihin nito ay naglaho sila nang walang paalam, ni walang sabi-sabi; umaalis sila nang walang kibo. Bagamat sinasabi ng mga taong iyon na naniniwala sila sa Diyos, kailanman ay talagang hindi sila nagkaugat sa kanilang landas ng pananampalataya. Sa gayon, gaano man sila katagal na naniwala sa Kanya, kaya pa rin nilang tumalikod sa Diyos. Ang ilang tao ay umaalis para magnegosyo, ang ilan ay umaalis para mamuhay, ang ilan ay umaalis para magpayaman, at ang ilan ay umaalis para mag-asawa at magkaanak…. Sa mga umaalis, may ilan na kalaunan ay nakonsiyensya at nais bumalik, at may iba na nahihirapang makaraos at natatangay sa agos ng mundo sa loob ng maraming taon. Itong mga natatangay sa agos ay nagdaranas ng maraming pagdurusa, at naniniwala sila na ang pamamalagi sa mundo ay napakasakit at na hindi sila maaaring humiwalay sa Diyos. Nais nilang bumalik sa sambahayan ng Diyos para tumanggap ng ginhawa, kapayapaan, at galak, at nais nilang patuloy na maniwala sa Diyos upang matakasan ang kapahamakan, o upang maligtas at magkaroon ng magandang hantungan. Ito ay dahil naniniwala ang mga taong ito na ang pagmamahal ng Diyos ay walang hangganan, na ang Kanyang biyaya ay hindi nauubos. Iniisip nila na anuman ang nagawa ng sinuman, dapat silang patawarin ng Diyos at maging mapagparaya ang Diyos sa kanilang nakaraan. Paulit-ulit na sinasabi ng mga taong ito na nais nilang bumalik at gawin ang kanilang tungkulin. Mayroon pang mga nagbibigay ng ilan sa kanilang mga pag-aari sa iglesia, sa pag-asang magbubukas ito ng daan pabalik sa sambahayan ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao? Paano Niya dapat ipasya ang kanilang kahihinatnan? Huwag kayong mag-atubiling magsalita. (Akala ko tatanggapin ng Diyos ang ganitong uri ng tao, ngunit matapos marinig iyan ngayon lang, palagay ko ay maaaring hindi Niya sila tanggapin.) Sabihin mo ang katwiran mo. (Lumalapit lamang sa Diyos ang gayong mga tao upang hindi kamatayan ang kanilang kahihinatnan. Hindi sila naniniwala sa Diyos dahil sa tunay na katapatan; lumalapit sila dahil alam nila na malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, kaya mayroon silang maling akala na maaari silang lumapit at tumanggap ng mga pagpapala.) Sinasabi mo na hindi tapat na naniniwala ang mga taong ito sa Diyos, kaya hindi Niya sila maaaring tanggapin, tama ba? (Oo.) (Ang pagkaunawa ko ay na ang gayong mga tao ay mga mapagsamantala, at hindi sila tapat na naniniwala sa Diyos.) Hindi sila naniwala sa Diyos; mga mapagsamantala sila. Magaling ang pagkasabi mo! Ang mga mapagsamantalang ito ang uri ng tao na kinasusuklaman ng lahat. Naglalayag sila sa direksyon ng ihip ng hangin, at hindi sila nag-aabalang gumawa ng anuman maliban kung may mapapala sila roon, kaya siyempre pa, kasuklam-suklam sila! May iba pa bang kapatid na gustong magbahagi ng kanyang opinyon? (Hindi na sila tatanggapin ng Diyos, dahil malapit nang matapos ang Kanyang gawain, at ngayon ang panahon kung kailan itinatakda ang kahihinatnan ng mga tao. Sa panahong ito nais bumalik ng mga taong ito—hindi dahil talagang nais nilang hangarin ang katotohanan, kundi nakikita nila ang pagbaba ng mga kalamidad, o dahil naiimpluwensyahan sila ng mga panlabas na kadahilanan. Kung talagang layon nilang hangarin ang katotohanan, hindi sana sila tumakas kailanman sa gitna ng gawain ng Diyos.) May iba pa bang mga opinyon? (Hindi sila tatanggapin. Talagang nabigyan na sila ng Diyos ng mga pagkakataon, ngunit ipinagpilitan nilang huwag Siyang pakinggan. Anuman ang layon ng mga taong ito, at kahit talagang magsisi sila, hindi pa rin sila hahayaan ng Diyos na bumalik. Ito ay dahil binigyan na sila ng Diyos ng napakaraming pagkakataon, ngunit naipamalas na nila ang kanilang saloobin: Nais nilang talikuran ang Diyos. Dahil dito, kung susubukin nilang bumalik ngayon, hindi sila tatanggapin ng Diyos.) (Sang-ayon ako na hindi tatanggapin ng Diyos ang ganitong uri ng tao, dahil kung nakita na ng isang tao ang tunay na daan, naranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng napakahabang panahon, at nakakaya pa ring bumalik sa mundo at sa yakap ni Satanas, isang malaking pagkakanulo ito sa Diyos. Sa kabila ng katotohanan na ang diwa ng Diyos ay awa at pagmamahal, nakasalalay ito sa klase ng taong pinatutungkulan ng diwang iyan. Kung haharap ang taong ito sa Diyos na naghahanap ng ginhawa o naghahangad ng isang bagay na kanilang maaasahan, hindi talaga sila ang uri ng tao na tapat na naniniwala sa Diyos, at hanggang diyan lamang ang awa ng Diyos sa gayong mga tao.) Kung ang diwa ng Diyos ay awa, bakit hindi Niya binibigyan ng kaunti pa nito ang ganitong klaseng tao? Sa kaunti pang awa, hindi ba magkakaroon ng pagkakataon ang taong ito? Noong araw, madalas sabihin ng mga tao na nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman; kung may nawawalang isa sa isandaang tupa, iiwan ng Diyos ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang isang nawawala. Ngayon, pagdating sa mga taong ito, dapat ba silang tanggapin ng Diyos at bigyan sila ng pangalawang pagkakataon dahil sa kanilang tapat na pananampalataya? Hindi talaga ito isang mahirap na tanong; napakasimple nito! Kung tunay ninyong nauunawaan ang Diyos at may tunay na kaalaman kayo tungkol sa Kanya, hindi na kailangan pa ang maraming paliwanag—at hindi na kailangan ang maraming haka-haka, tama ba? Tama ang inyong mga sagot, ngunit napakalayo pa rin nito sa saloobin ng Diyos.

Ngayon lamang, nagpahayag ng katiyakan ang ilan sa inyo na hindi posibleng tanggapin ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Ang iba naman ay hindi gaanong malinaw, na iniisip na baka tanggapin sila ng Diyos o baka hindi—mas matimpi ang saloobing ito. Mayroon ding mga tao na ang pananaw ay na umaasa kayo na tatanggapin ng Diyos ang ganitong klaseng tao—mas malabo ang saloobing ito. Yaong mga nakatitiyak sa inyo sa inyong iniisip ay naniniwala na napakatagal nang gumagawa ng Diyos, at na tapos na ang Kanyang gawain, kaya hindi Niya kailangang maging mapagparaya sa mga taong ito; kung gayon, iniisip ninyo na hindi Niya sila muling tatanggapin. Naniniwala ang mga mas matimpi sa inyo na ang mga bagay na ito ay dapat na pangasiwaan ayon sa indibiduwal na mga sitwasyon; kung ang puso ng mga taong ito ay hindi maihiwalay sa Diyos, at tunay silang naniniwala sa Diyos at nagsisikap na matamo ang katotohanan, dapat kalimutan ng Diyos ang kanilang nakaraang mga kahinaan at kamalian—dapat Niyang patawarin ang mga taong ito, bigyan sila ng pangalawang pagkakataon, at hayaan silang bumalik sa Kanyang sambahayan at tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Gayunman, kung minsan pang tatakas ang mga taong ito, aayawan na sila ng Diyos, at ang pagtalikod sa mga taong ito ay hindi maituturing na kawalan ng katarungan. May isa pang grupong umaasa na matatanggap ng Diyos ang gayong tao. Medyo hindi nakatitiyak ang grupong ito kung talagang gagawin iyon ng Diyos o hindi. Kung naniniwala sila na dapat Niyang tanggapin ang ganitong klaseng tao, ngunit hindi Niya tinanggap, tila medyo hindi ito naaayon sa pananaw ng Diyos. Kung naniniwala sila na hindi dapat tanggapin ng Diyos ang gayong tao, at sinasabi ng Diyos na walang hangganan ang Kanyang pagmamahal sa mga tao at na handa Siyang bigyan ng isa pang pagkakataon ang ganitong klaseng tao, hindi ba isa itong halimbawa ng nalantad na kamangmangan ng tao? Ano’t anuman, lahat kayo ay may sariling pananaw. Ang mga pananaw na ito ay isang klase ng kaalaman na nasa sarili ninyong isipan; sumasalamin din ang mga ito sa lalim ng inyong pagkaunawa sa katotohanan at sa kalooban ng Diyos. Tamang sabihin ito, hindi ba? Kahanga-hanga na may mga opinyon kayo sa bagay na ito. Gayunman, nariyan pa rin ang tanong kung tama ba ang inyong mga opinyon. Medyo nag-aalala kayo, hindi ba? “Kung gayon ay ano ang tama? Hindi ko makita nang malinaw, at hindi ko alam talaga kung ano ang iniisip ng Diyos, at wala Siyang sinabing anuman sa akin. Paano ko malalaman kung ano ang Kanyang iniisip? Ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan ay pagmamahal. Batay sa saloobin Niya noong araw, dapat Niyang tanggapin ang gayong tao, ngunit hindi gaanong malinaw sa akin ang kasalukuyang saloobin ng Diyos; ang masasabi ko lamang ay siguro ay tatanggapin Niya ang taong ito, at siguro ay hindi.” Nakakatawa ito, hindi ba? Talagang hindi ninyo masagot ang tanong na ito. Kung wala kayong tamang pananaw tungkol sa bagay na ito, ano ang gagawin ninyo kapag naharap talaga ang inyong iglesia sa gayong tao? Kung hindi ninyo mapangasiwaan nang tama ang sitwasyon, maaari kayong magkasala sa Diyos. Hindi ba mapanganib na gawain ito?

Bakit nais Kong magtanong tungkol sa inyong mga pananaw hinggil sa bagay na binanggit Ko? Nais Kong suriin ang inyong mga pananaw, suriin kung gaano karami ang kaalaman ninyo tungkol sa Diyos, at kung gaano ang nauunawaan ninyo sa Kanyang mga layunin. Ano ang sagot? Ang sagot ay nasa inyong mga pananaw mismo. Ang ilan sa inyo ay napaka-konserbatibo, at ang ilan sa inyo ay gumagamit ng inyong mga imahinasyon para manghula. Ano ang “paghula”? Ang ibig sabihin nito ay kapag hindi ninyo mahiwatigan kung paano mag-isip ang Diyos, at sa gayon ay nagbubuo kayo ng walang-batayang sapantaha na dapat mag-isip ang Diyos sa ibang paraan; hindi ninyo talaga alam mismo kung tama kayo o mali, kaya nagsasabi kayo ng malabong pananaw. Nahaharap sa katunayang ito, ano ang nakita ninyo? Sa pagsunod sa Diyos, bihirang pansinin ng mga tao ang Kanyang kalooban, at bihira nilang pansinin ang Kanyang mga iniisip at Kanyang saloobin sa mga tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang mga iniisip ng Diyos, kaya, kapag tinatanong kayo tungkol sa Kanyang mga layunin at disposisyon, nalilito kayo; lubha kayong nawawalan ng katiyakan, at pagkatapos ay nanghuhula kayo o nakikipagsapalaran. Anong uri ng pag-iisip ito? Pinatutunayan nito ang isang katotohanan: na karamihan sa mga tao na naniniwala sa Diyos ay itinuturing Siyang walang halaga at isang bagay na tila umiiral nang isang minuto at nawawala sa susunod. Bakit Ko sinasabi ito nang ganito? Dahil tuwing nahaharap kayo sa isang problema, hindi ninyo alam ang kalooban ng Diyos. Bakit hindi ninyo alam ang Kanyang kalooban? Hindi lamang ngayon, kundi mula simula hanggang katapusan, hindi ninyo alam ang saloobin ng Diyos sa problemang ito. Hindi mo ito maarok at hindi mo alam kung ano ang saloobin ng Diyos, ngunit napag-isipan mo ba ito nang husto? Naghangad ka na bang malaman iyon? Nakapagbahaginan ka na ba tungkol doon? Hindi! Pinagtitibay nito ang isang katunayan: Ang Diyos na iyong pinaniniwalaan ay walang kaugnayan sa Diyos ng realidad. Sa iyong paniniwala sa Diyos, pinagninilayan mo lamang ang sarili mong mga layunin at ng iyong mga lider; iniisip mo lamang ang mabababaw at doktrinal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, nang hindi tunay na nagsisikap na alamin o hangarin man lamang ang kalooban ng Diyos. Hindi ba ganito iyon? Ang diwa ng bagay na ito ay medyo nakakakilabot! Makalipas ang napakaraming taon, nakita Ko na ang maraming tao na naniniwala sa Diyos. Ano ang nabago ng kanilang paniniwala sa Diyos sa kanilang isipan? Naniniwala ang ilang tao sa Diyos na para bang wala Siyang halaga. Walang sagot ang mga taong ito sa mga tanong tungkol sa pag-iral ng Diyos, dahil hindi nila nadarama ni nararamdaman ang Kanyang presensya o pagkawala, lalo nang hindi nila nakikita nang malinaw o nauunawaan ito. Hindi nila namamalayan, iniisip ng mga taong ito na hindi umiiral ang Diyos. Naniniwala ang iba pa sa Diyos na para bang Siya ay isang tao. Iniisip ng mga taong ito na hindi Niya kayang gawin ang lahat ng bagay na hindi rin nila kayang gawin, at na dapat Siyang mag-isip kung paano sila mag-isip. Ang pakahulugan nila sa Diyos ay “isang taong hindi nakikita at hindi nahahawakan.” Mayroon ding isang grupo ng mga tao na naniniwala sa Diyos na para bang Siya ay isang tau-tauhan; naniniwala ang mga taong ito na walang damdamin ang Diyos. Iniisip nila na ang Diyos ay isang rebultong gawa sa luwad, at na kapag naharap sa isang isyu, ang Diyos ay walang saloobin, pananaw, o mga ideya; naniniwala sila na Siya ay minamanipula ng sangkatauhan. Naniniwala lamang ang mga tao kung paano nila gustong maniwala. Kung ginagawa nila Siyang dakila, Siya ay dakila; kung ginagawa nila Siyang maliit, Siya ay maliit. Kapag nagkakasala ang mga tao at kailangan nila ang awa, pagpaparaya, at pagmamahal ng Diyos, ipinapalagay nila na dapat ipaabot ng Diyos ang Kanyang awa. Nag-iimbento ang mga taong ito ng isang “Diyos” sa sarili nilang isipan, at pagkatapos ay ginagawa ang “Diyos” na ito na tuparin ang kanilang mga kahilingan at palugurin ang lahat ng pagnanasa nila. Kailan man o saan man, at anuman ang ginagawa ng gayong mga tao, gagamitin nila ang kahibangang ito sa pagtrato nila sa Diyos at sa kanilang pananampalataya. Mayroon pa ngang mga tao, matapos galitin ang disposisyon ng Diyos, na naniniwala pa rin na maaari Niya silang iligtas, dahil ipinapalagay nila na ang pagmamahal ng Diyos ay walang hangganan at ang Kanyang disposisyon ay matuwid, at gaano man magkasala ang mga tao sa Diyos, hindi Niya aalalahanin ang anuman dito. Iniisip nila na yamang ang mga pagkakamali ng tao, mga pagkakasala ng tao, at mga pagsuway ng tao ay pansamantalang mga pagpapahayag ng disposisyon ng isang tao, bibigyan ng Diyos ng mga pagkakataon ang mga tao, at magpaparaya at magpapasensya sa kanila; naniniwala sila na mamahalin pa rin sila ng Diyos tulad ng dati. Sa gayon, nananatiling malaki ang kanilang pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Sa katunayan, paano man naniniwala ang mga tao sa Diyos, basta’t hindi nila sinisikap na matamo ang katotohanan, negatibo pa rin ang Kanyang saloobin sa kanila. Ito ay dahil habang sumasampalataya ka sa Diyos, bagamat nakuha at napahalagahan mo na ang aklat ng mga salita ng Diyos, at pinag-aaralan at binabasa mo ito araw-araw, isinasantabi mo ang tunay na Diyos. Itinuturing mo Siyang walang halaga, o isang tao lamang—at ang ilan sa inyo ay itinuturing Siyang isang tau-tauhan lamang. Bakit Ko ito sinasabi sa ganitong paraan? Ginagawa Ko iyon dahil ang tingin Ko rito, nahaharap ka man sa isang problema o sa isang sitwasyon, ang mga bagay na umiiral sa likod ng iyong isipan, ang mga bagay na nabubuo sa iyong kalooban, ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang kaugnayan sa mga salita ng Diyos o sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Alam mo lamang kung ano ang iniisip mo mismo, kung ano ang sarili mong pananaw, at pagkatapos ay ipinipilit mo ang sarili mong mga ideya at opinyon sa Diyos. Sa iyong isipan nagiging mga pananaw ng Diyos ang mga ito, at ginagawa mong mga pamantayan ang mga pananaw na ito na walang-sawa mong pinaninindigan. Sa paglipas ng panahon, ang pagpapatuloy nang ganito ay lalong maglalayo sa iyo sa Diyos.

Unawain ang Saloobin ng Diyos at Isantabi ang Lahat ng Maling Akala Tungkol sa Diyos

Anong uri ba talaga ng Diyos itong Diyos na kasalukuyan ninyong pinaniniwalaan? Napag-isipan na ba ninyo ito? Kapag nakakakita Siya ng isang masamang tao na gumagawa ng masasamang bagay, kinamumuhian ba Niya ito? (Oo, kinamumuhian Niya.) Ano ang Kanyang saloobin kapag nakikita Niyang nagkakamali ang mga taong mangmang? (Kalungkutan.) Kapag nakikita Niyang ninanakaw ng mga tao ang mga handog sa Kanya, ano ang Kanyang saloobin? (Kinamumuhian Niya sila.) Napakalinaw ng lahat ng ito. Kapag nakikita Niya ang tao na nalilito sa kanilang paniniwala sa Kanya, na hindi nagsisikap na malaman ang katotohanan, ano ang saloobin ng Diyos? Hindi kayo masyadong nakatitiyak, hindi ba? Ang “pagkalito,” bilang isang saloobin, ay hindi isang kasalanan, ni hindi nito sinasaktan ang Diyos, at nadarama ng mga tao na hindi ito isang uri ng malaking pagkakamali. Kaya, sabihin ninyo sa Akin—ano ang saloobin ng Diyos sa sitwasyong ito? (Ayaw Niyang kilalanin ang mga ito.) “Ayaw kilalanin ang mga ito”—anong uri ng saloobin ito? Ang ibig sabihin nito ay mababa ang tingin ng Diyos sa mga taong ito at kinasusuklaman sila! Ang paraan ng pakikitungo Niya sa gayong mga tao ay ipinagwawalang-bahala Niya sila. Ang paraan ng Diyos ay ang isantabi sila, hindi Siya nag-aabalang gumawa ng anuman sa kanila, at kabilang diyan ang gawain ng pagbibigay-liwanag, pagtatanglaw, pagtutuwid, at pagdidisiplina. Ang gayong mga tao ay talagang hindi kabilang sa gawain ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos doon sa mga nagpapagalit sa Kanyang disposisyon at lumalabag sa Kanyang mga atas administratibo? Matinding pagkasuklam! Matindi ang galit ng Diyos sa mga taong hindi nagsisisi tungkol sa pagpapagalit sa Kanyang disposisyon! Ang “matinding galit” ay isang damdamin lamang, isang pakiramdam; hindi ito katumbas ng isang malinaw na saloobin. Gayunman, ang damdaming ito—ang pakiramdam na ito—ay magdudulot ng isang kahihinatnan para sa gayong mga tao: Pupunuin nito ng matinding pagkamuhi ang Diyos! Ano ang ibubunga ng matinding pagkamuhing ito? Isasantabi ng Diyos ang mga taong ito at pansamantala Siyang hindi tutugon sa kanila. Pagkatapos ay hihintayin Niyang maiayos sila “pagkaraan ng taglagas.” Ano ang ipinahihiwatig nito? May kahihinatnan pa rin ba ang mga taong ito? Hindi kailanman nilayon ng Diyos na bigyan ng anumang kahihinatnan ang gayong mga tao! Samakatuwid, hindi ba normal na normal na hindi tumutugon ngayon ang Diyos sa gayong mga tao? (Oo, normal iyan.) Ano ang dapat paghandaang gawin ng gayong mga tao? Dapat silang maghandang tiisin ang mga negatibong ibubunga ng kanilang pag-uugali at ng mga kasamaang nagawa nila. Ito ang tugon ng Diyos sa gayong tao. Kaya, malinaw Kong sinasabi ngayon sa gayong mga tao: Huwag na kayong kumapit sa inyong mga kahibangan, at huwag na kayong mag-abala sa anumang iniisip ninyong mithiin. Hindi magpaparaya ang Diyos sa mga tao nang walang-katapusan; hindi Niya titiisin ang kanilang mga paglabag o pagsuway magpakailanman. Sasabihin ng ilang tao, “Nakakita na rin ako ng ilang taong ganoon, at kapag nagdarasal sila, nadarama nila na lalo silang naaantig ng Diyos, at pagkatapos ay mapait silang lumuluha. Karaniwan ay napakasaya rin nila; parang nasa presensya sila ng Diyos at pinapatnubayan sila ng Diyos.” Huwag ninyong sabihin ang walang katuturang iyan! Ang mapapait na luha ay hindi nangangahulugan na ang isang tao ay naaantig ng Diyos o natatamasa ang presensya ng Diyos, lalo na ang patnubay ng Diyos. Kung ginagalit ng mga tao ang Diyos, gagabayan pa rin ba Niya sila? Sa madaling salita, kapag nakapagpasya ang Diyos na alisin at pabayaan ang isang tao, wala nang kahihinatnan ang taong iyon. Gaano man kaganda ang kanilang pakiramdam kapag nagdarasal sila, o gaano man kalaki ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa kanilang puso, hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga ay na hindi kailangan ng Diyos ang ganitong klaseng pananampalataya; natanggihan na Niya ang mga taong ito. Kung paano sila pakikitunguhan sa hinaharap ay hindi rin mahalaga. Ang mahalaga ay na sa mismong sandali na galitin ng mga taong ito ang Diyos, nakatakda na ang kanilang kahihinatnan. Kung naipasya na ng Diyos na huwag iligtas ang gayong mga tao, maiiwanan sila upang parusahan. Ito ang saloobin ng Diyos.

Bagamat may elemento ng pagmamahal ang diwa ng Diyos, at maawain Siya sa bawat isang tao, nakaligtaan at nalimutan ng mga tao ang katotohanan na may dignidad din ang Kanyang diwa. Hindi komo may pagmamahal Siya ay maaari na Siyang saktan nang buong laya ng mga tao, nang walang pinupukaw na damdamin o reaksyon sa Kanya, ni hindi nangangahulugan na komo may awa Siya ay wala na Siyang mga prinsipyo sa pagtrato Niya sa mga tao. Ang Diyos ay buhay; Siya ay tunay na umiiral. Hindi Siya isang kathang-isip na tau-tauhan ni anupamang ibang bagay. Dahil Siya ay umiiral, dapat tayong makinig na mabuti sa tinig ng Kanyang puso sa lahat ng oras, pansinin nating mabuti ang Kanyang saloobin, at unawain natin ang Kanyang damdamin. Hindi natin dapat gamitin ang mga imahinasyon ng tao para tukuyin ang Diyos, ni hindi natin dapat igiit ang mga iniisip o ninanais ng tao sa Kanya, na nagiging sanhi upang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa paraan ng tao batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, gagalitin mo ang Diyos, bubuyuhin mo Siyang mapoot, at hahamunin mo ang Kanyang dignidad! Sa gayon, kapag naunawaan na ninyo ang katindihan ng bagay na ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mahinahon sa inyong mga kilos. Maging maingat at mahinahon din sa inyong pananalita—patungkol sa pagtrato ninyo sa Diyos, mas maingat at mahinahon kayo, mas mabuti! Kapag hindi mo nauunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, iwasang magsalita nang walang-ingat, huwag magpadalus-dalos sa iyong mga kilos, at huwag basta-basta magbansag. Ang mas mahalaga pa, huwag magsalita nang patapos na walang batayan. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap; ang mga kilos na ito ay pagpapahayag din ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Higit sa lahat, kung magagawa mo ito, at higit sa lahat, kung angkin mo ang saloobing ito, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong kahangalan, kamangmangan, at kawalan ng pang-unawa sa mga dahilan sa likod ng mga bagay-bagay. Sa halip, dahil sa iyong saloobing takot na magkasala sa Diyos, paggalang sa Kanyang mga layunin, at kahandaang sundin Siya, aalalahanin ka ng Diyos, gagabayan at liliwanagan ka, o magpaparaya Siya sa iyong kakulangan sa gulang at kamangmangan. Sa kabilang dako, kapag nawalan ka ng pitagan sa Kanya—na hinuhusgahan Siya ayon sa gusto mo o hinuhulaan at tinutukoy mo nang di-makatwiran ang Kanyang mga ideya—isusumpa ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa; o, maaari Siyang magkomento sa iyo. Marahil ay kasama ang iyong kahihinatnan sa komentong ito. Samakatuwid, nais Kong minsan pang bigyang-diin: Dapat maging maingat at mahinahon ang bawat isa sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang walang ingat, at huwag magpadalus-dalos sa inyong mga kilos. Bago ka magsalita ng anuman, dapat kang tumigil at mag-isip: Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Sa paggawa nito, natatakot ba ako sa Diyos? Kahit sa mga simpleng bagay, dapat mo pa ring subuking unawain ang mga tanong na ito, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip tungkol sa mga ito. Kung talagang makapagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspeto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkaroon ka ng gayong saloobin lalo na kapag mayroon kang hindi nauunawaan, lagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ka ng isang landas na susundan. Anumang pagganap ang ipinapakita ng mga tao, nakikita ng Diyos ang mga iyon nang malinaw at maliwanag, at mag-aalok Siya ng isang tumpak at angkop na pagsusuri sa mga ipinapakita mong ito. Matapos mong pagdaanan ang huling pagsubok, kukunin ng Diyos ang lahat ng pag-uugali mo at ibubuod ang mga ito nang ganap upang maipasya ang iyong kahihinatnan. Ang resultang ito ay kukumbinsihin ang bawat isang tao nang walang anumang pagdududa. Ang gusto Kong sabihin sa inyo rito ay ito: Ang bawat gawa ninyo, bawat kilos ninyo, at bawat iniisip ninyo ang nagpapasya sa inyong kapalaran.

Sino ang Nagpapasya sa Kahihinatnan ng mga Tao?

May isa pang bagay na napakahalagang talakayin, at ito ay ang saloobin ninyo sa Diyos. Ang saloobing ito ay napakahalaga! Ito ang nagpapasya kung sa huli ay patungo kayo sa pagkawasak o sa isang magandang hantungang naihanda ng Diyos para sa inyo. Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumawa na ang Diyos ng mahigit dalawampung taon, at marahil, sa paglipas ng dalawang dekadang ito, sa inyong kaibuturan ay hindi kayo gaanong nakatitiyak tungkol sa inyong pagganap. Gayunman, sa puso ng Diyos, gumawa na Siya ng isang tunay at matapat na talaan ng bawat isa sa inyo. Mula nang magsimulang sumunod sa Kanya ang bawat tao at makinig sa Kanyang mga sermon, na unti-unting mas lalong nauunawaan ang katotohanan, at hanggang sa panahon na bawat tao ay nagsimulang tuparin ang kanilang mga tungkulin, nag-ingat na ng talaan ang Diyos tungkol sa lahat ng pamamaraan ng pagsasagawang nagawa ng bawat tao. Habang tinutupad ang kanilang mga tungkulin at nahaharap sa lahat ng uri ng sitwasyon at pagsubok, ano ang mga saloobin ng mga tao? Paano sila gumaganap? Ano ang nadarama nila sa Diyos sa kanilang puso? … May ulat ang Diyos ng lahat ng ito; may talaan Siya ng lahat ng ito. Marahil, mula sa inyong pananaw, nakalilito ang mga isyung ito. Gayunman, mula sa kinatatayuan ng Diyos, kasinglinaw ng kristal ang mga ito, at wala ni katiting na pahiwatig ng kawalang-ingat. Ito ay isang isyu na nauugnay sa kahihinatnan ng bawat tao, at binabanggit ang kapalaran at mga inaasam din ng mga tao sa hinaharap, at higit pa riyan, dito ginugugol ng Diyos ang lahat ng Kanyang napakaingat na mga pagsisikap; samakatuwid, hindi ito kaliligtaan ng Diyos ni bahagya, ni hindi Siya nagpaparaya sa anumang kawalang-ingat. Gumagawa ng isang talaan ang Diyos tungkol sa salaysay na ito ng sangkatauhan, na itinatala ang buong landasin ng mga tao sa kanilang pagsunod sa Diyos, mula simula hanggang wakas. Ang saloobin mo sa Kanya sa panahong ito ang nagpasya sa iyong kapalaran. Hindi ba totoo ito? Ngayon, naniniwala ka ba na ang Diyos ay matuwid? Angkop ba ang Kanyang mga kilos? Mayroon pa rin ba kayong anumang iba pang mga imahinasyon tungkol sa Diyos sa inyong isipan? (Wala.) Kung gayon ay sasabihin ba ninyo na ang Diyos ang nagpapasya sa kahihinatnan ng mga tao, o ang mga tao ang nagpapasya sa sarili nila? (Diyos ang nagpapasya nito.) Sino ang nagpapasya sa mga ito? (Ang Diyos.) Hindi kayo sigurado, hindi ba? Mga kapatid mula sa Hong Kong, magsalita kayo—sino ang nagpapasya sa mga ito? (Mga tao mismo ang nagpapasya nito.) Mga tao ba mismo ang nagpapasya nito? Nangangahulugan ba iyan na walang kinalaman sa Diyos ang kahihinatnan ng mga tao? Mga kapatid mula sa South Korea, magsalita kayo. (Diyos ang nagpapasya sa kahihinatnan ng mga tao batay sa lahat ng kanilang kilos at gawa, at alinsunod sa landas na kanilang tinatahak.) Napakamakatarungan ng sagot na ito. May isang katotohanan dito na kailangan Kong ipaalam sa inyong lahat: Sa panahon ng gawain ng pagliligtas ng Diyos, nagtakda na Siya ng isang pamantayan para sa mga tao. Ang pamantayang ito ay na kailangan nilang makinig sa salita ng Diyos at sundin ang daan ng Diyos. Ang pamantayang ito ang ginagamit para timbangin ang kahihinatnan ng mga tao. Kung nagsasagawa ka alinsunod sa pamantayang ito ng Diyos, maaari kang magtamo ng magandang kahihinatnan; kung hindi naman, hindi ka magtatamo ng magandang kahihinatnan. Sino, kung gayon, ang masasabi mong nagpapasya sa kahihinatnang ito? Hindi lamang ang Diyos ang nagpapasya nito, kundi sa halip ay ang Diyos at ang mga tao nang magkasama. Tama ba ito? (Oo.) Bakit ganoon? Dahil ang Diyos ang aktibong nagnanais na maging abala sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan at maghanda ng isang magandang hantungan para sa sangkatauhan; ang mga tao ang mga pakay ng gawain ng Diyos, at ang kahihinatnang ito, ang hantungang ito, ang inihahanda ng Diyos para sa kanila. Kung wala Siyang mga pakay na tutuparin, hindi Niya kailangang gawin ang gawaing ito; kung hindi Niya ginagawa ang gawaing ito, hindi magkakaroon ng pagkakataon ang mga tao na magtamo ng kaligtasan. Ang mga tao ang ililigtas, at bagamat ang maligtas ay ang pasibong bahagi ng proseso, ang saloobin ng mga gumaganap sa bahaging ito ang nagpapasya kung magtatagumpay ang Diyos o hindi sa Kanyang gawaing iligtas ang sangkatauhan. Kung hindi sa patnubay na ibinibigay ng Diyos sa iyo, hindi mo malalaman ang Kanyang pamantayan, ni hindi ka magkakaroon ng obhektibo. Kung ganito ang iyong pamantayan, ang iyong obhektibo, subalit hindi ka pa rin nakikipagtulungan, nagsasagawa, o nagbabayad ng halaga, hindi mo matatamo ang kahihinatnang ito. Dahil dito, sinasabi Ko na ang kahihinatnan ng isang tao ay hindi maihihiwalay sa Diyos, at hindi rin ito maihihiwalay sa tao. Kung gayon, alam na ninyo ngayon kung sino ang nagpapasya sa kahihinatnan ng tao.

Kadalasang Ipinapakahulugan ng mga Tao ang Diyos Batay sa Karanasan

Kapag nag-uusap-usap tungkol sa paksa ng pagkilala sa Diyos, mayroon ba kayong napansin? Napansin ba ninyo na nagkaroon na ng pagbabago ang Kanyang saloobin sa mga panahong ito? Hindi ba maaaring baguhin ang Kanyang saloobin ukol sa mga tao? Lagi ba Siyang magtitiis na kagaya nito, na ipinapaabot nang walang hangganan ang Kanyang pagmamahal at awa sa pagtataksil ng mga tao? Ang bagay na ito ay nauugnay rin sa diwa ng Diyos. Balikan natin ang tanong tungkol sa tinatawag na alibughang anak na binanggit dati. Matapos itanong iyon, hindi masyadong malinaw ang mga sagot ninyo; sa madaling salita, wala pa rin kayong matibay na pagkaunawa tungkol sa mga layunin ng Diyos. Nang malaman na mahal ng Diyos ang sangkatauhan, itinuturing nila Siya na isang simbolo ng pagmamahal: Naniniwala sila na anuman ang ginagawa ng mga tao, paano man sila kumikilos, paano man nila tinatrato ang Diyos, at gaano man sila kasuwail, wala sa mga ito ang mahalaga, sapagkat ang Diyos ay may pagmamahal, at ang Kanyang pagmamahal ay walang hangganan at hindi masusukat; ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging mapagparaya sa mga tao; at ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging maawain sa mga tao, maawain sa kanilang pagiging isip-bata, maawain sa kanilang kamangmangan, at maawain sa kanilang pagsuway. Ganito ba talaga ito? Para sa ilang tao, kapag naranasan na nilang minsan o kahit ilang beses ang pasensya ng Diyos, ituturing nila ang mga karanasang ito bilang puhunan sa kanilang sariling pagkaunawa sa Diyos, naniniwala na magiging mapagpasensya at maawain Siya sa kanila magpakailanman, at pagkatapos, habang nabubuhay sila, itinuturing nila ang pasensyang ito ng Diyos at isinasaalang-alang bilang pamantayan ng Kanyang pagtrato sa kanila. May mga tao rin na, matapos maranasan nang minsan ang pagpaparaya ng Diyos, ay magpakailanmang ipapakahulugan ang Diyos na mapagparaya—at sa kanilang isipan, ang pagpaparayang ito ay walang hangganan, walang kondisyon, at lubos pa ngang walang prinsipyo. Tama ba ang ganitong mga paniniwala? Tuwing tinatalakay ang mga bagay tungkol sa diwa o disposisyon ng Diyos, tila nalilito kayo. Lubha Akong nababalisa kapag nakikita Ko kayong ganito. Marami na kayong narinig na katotohanan tungkol sa diwa ng Diyos; nakinig na rin kayo sa maraming talakayan tungkol sa Kanyang disposisyon. Gayunman, sa inyong isipan, ang mga isyung ito at ang katotohanan ng mga aspetong ito ay mga alaala lamang na batay sa teorya at nakasulat na mga salita; sa inyong pang-araw-araw na buhay, walang sinuman sa inyo ang nakaranas o nakakita kailanman sa kung ano ba talaga ang disposisyon ng Diyos. Sa gayon, naguguluhan kayong lahat sa inyong mga paniniwala; lahat kayo ay pikit-matang naniniwala, hanggang sa puntong wala na kayong pagpipitagan sa Diyos at binabalewala pa ninyo Siya. Saan humahantong ang pagkakaroon ninyo ng ganitong klase ng saloobin tungo sa Diyos? Humahantong ito sa palagi ninyong paggawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos. Kapag nagkaroon na kayo ng kaunting kaalaman, masyado na kayong nasisiyahan, na para bang natamo na ninyo ang Diyos sa Kanyang kabuuan. Pagkatapos, ipinapalagay ninyo na ganito ang Diyos, at hindi ninyo Siya hinahayaang kumilos nang malaya. Bukod pa riyan, tuwing may ginagawang bago ang Diyos, sadyang ayaw ninyong tanggapin na Siya ay Diyos. Balang araw, kapag sinabi ng Diyos na, “Hindi Ko na mahal ang sangkatauhan; hindi na Ako maaawa sa mga tao; wala na Akong anumang pagpaparaya o pasensya sa kanila; punung-puno na Ako ng matinding pagkamuhi at pagkainis sa kanila,” ang gayong mga pahayag ay magsasanhi ng pagtatalo sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Sasabihin pa ng ilan sa kanila, “Hindi na Ikaw ang Diyos ko; hindi na Ikaw ang Diyos na nais kong sundin. Kung ganito ang sinasabi Mo, hindi Ka na karapat-dapat na maging Diyos ko, at hindi ko na kailangang patuloy na sumunod sa Iyo. Kung hindi Mo ako kaaawaan, mamahalin, at pagpaparayaan, titigil na ako sa pagsunod sa Iyo. Kung nagpaparaya Ka sa akin nang walang hangganan, lagi Kang nagpapasensya sa akin, at tinutulutan Mo akong makita na Ikaw ay pagmamahal, na Ikaw ay pagpapasensya, at na Ikaw ay pagpaparaya, saka lamang Kita masusunod, at saka lamang ako magkakaroon ng tiwala na sumunod sa Iyo hanggang wakas. Dahil nagpapasensya at naaawa Ka sa akin, maaaring mapatawad ang aking pagsuway at aking mga paglabag nang walang hangganan, at maaari akong magkasala kailanman at saanman, mangumpisal at mapatawad kailanman at saanman, at galitin Ka kailanman at saanman. Hindi Ka dapat magkaroon ng anumang mga opinyon o gumawa ng anumang mga konklusyon tungkol sa akin.” Bagamat walang isa man sa inyo ang maaaring mag-isip tungkol sa ganitong uri ng isyu nang pansarili o sadya, tuwing itinuturing mong kasangkapan ang Diyos na gagamitin para mapatawad ka sa iyong mga kasalanan o isang bagay na gagamitin para magtamo ng magandang hantungan, bahagya mo nang nagawa ang buhay na Diyos bilang kakontra mo, bilang kaaway mo. Ito ang nakikita Ko. Maaari mong patuloy na sabihin ang mga bagay na tulad ng, “Naniniwala ako sa Diyos,” “Hinahangad ko ang katotohanan,” “Nais kong baguhin ang aking disposisyon,” “Nais kong makawala sa impluwensya ng kadiliman,” “Nais kong palugurin ang Diyos,” “Nais kong magpasakop sa Diyos,” “Nais kong maging tapat sa Diyos, at gawin nang maayos ang aking tungkulin,” at iba pa. Gayunman, gaano man katamis pakinggan ang iyong mga salita, gaano man karami ang teoryang maaaring alam mo, at gaano man kahanga-hanga o karangal ang teoryang iyon, ang totoo ay na marami na sa inyo ang natuto na kung paano gamitin ang mga regulasyon, doktrina, at teoryang napagdalubhasaan ninyo upang gumawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos, sa gayon ay likas ninyo Siyang ginagawang kakontra ninyo. Bagamat maaaring napagdalubhasaan mo na ang mga salita at mga doktrina, hindi ka pa talaga nakapasok sa realidad ng katotohanan, kaya napakahirap para sa iyo ang makalapit sa Diyos, makilala Siya, at maunawaan Siya. Lubhang nakakalungkot iyan!

Nakita Ko ang sumusunod na tagpo sa isang video: Ang ilang kapatid na babae ay may kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at hawak nila ito nang napakataas; itinataas nila ang aklat sa kalagitnaan nila, nang mas mataas kaysa kanilang ulo. Bagamat isang imahe lamang ito, ang pinukaw nito sa Aking kalooban ay hindi isang imahe; sa halip, dahil dito ay naisip Ko na ang itinataas ng bawat tao sa kanyang puso ay hindi ang salita ng Diyos, kundi ang aklat ng salita ng Diyos. Lubhang nakakalungkot ang bagay na ito. Ang gayong pagkilos ay hindi kapareho ni anuman ng pagtataas sa Diyos, dahil umabot na ang kawalan ninyo ng pagkaunawa sa Diyos sa puntong kahit sa isang napakalinaw na tanong, sa isang napakaliit na isyu, ay nakakabuo kayo ng sarili ninyong mga kuru-kuro. Kapag may mga hinihingi Ako sa inyo, at seryoso Ako sa inyo, tumutugon kayo ng haka-haka at sarili ninyong mga imahinasyon; ang ilan sa inyo ay may duda pa nga ang tono at sinasagot ng mga tanong ang Aking mga tanong. Mas malinaw pa nitong sinasabi sa Akin na ang Diyos na inyong pinaniniwalaan ay hindi ang tunay na Diyos. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, ginagamit ninyo ang mga ito, ang gawain ng Diyos, at higit pang mga doktrina para minsan pang gumawa ng mga konklusyon tungkol sa Kanya. Bukod pa riyan, hindi ninyo sinusubukan kailanman na unawain ang Diyos; hindi ninyo sinisikap kailanman na alamin ang Kanyang mga layunin, unawain ang Kanyang saloobin ukol sa mga tao, o unawain kung paano mag-isip ang Diyos, bakit Siya malungkot, bakit Siya galit, bakit Siya namumuhi sa mga tao, at iba pang gayong mga tanong. Bukod pa riyan, mas marami pang ibang tao ang naniniwala na noon pa man ay tahimik na ang Diyos dahil pinanonood lamang Niya ang iba’t ibang kilos ng sangkatauhan, nang walang saloobin o mga ideya tungkol sa mga ito. Gayunman naniniwala ang isa pang grupo ng mga tao na hindi bumibigkas ng anumang tunog ang Diyos dahil hindi na Siya tutol, na nananatiling tahimik dahil naghihintay Siya o dahil wala Siyang saloobin; iniisip nila na dahil ang saloobin ng Diyos ay lubos nang naipaliwanag sa aklat, at naipahayag na ang kabuuan nito sa sangkatauhan, samakatuwid ay hindi na kailangang paulit-ulit na sabihin iyon sa mga tao. Bagamat tahimik ang Diyos, mayroon pa rin Siyang saloobin at pananaw, gayundin ng isang pamantayang hinihingi Niya sa mga tao na maabot. Bagamat hindi Siya sinisikap na unawain o hanapin ng mga tao, napakalinaw ng saloobin ng Diyos. Isipin ang isang tao na minsan ay masigasig na sumunod sa Diyos, kaya lamang, sa isang punto, ay tinalikuran Siya at umalis. Kung nanaisin ng taong ito na bumalik ngayon, ang nakakagulat, hindi ninyo alam ang magiging pananaw ng Diyos, o kung ano ang Kanyang magiging saloobin. Hindi ba lubhang nakakalungkot iyan? Ang totoo ay medyo mababaw na bagay ito. Kung tunay ninyong nauunawaan ang puso ng Diyos, malalaman ninyo ang Kanyang saloobin sa ganitong klaseng tao, at hindi kayo magbibigay ng hindi maliwanag na sagot. Dahil hindi ninyo alam, hayaan ninyong ituro Ko ito sa inyo.

Ang Saloobin ng Diyos sa mga Tumatakas sa Panahon ng Kanyang Gawain

May ganitong mga tao kahit saan: Pagkatapos nilang makatiyak tungkol sa daan ng Diyos, sa iba-ibang dahilan, tahimik silang lumilisan, nang hindi nagpapaalam, humahayo at gumagawa ng anumang naisin ng kanilang puso. Samantala, hindi natin tatalakayin ang mga dahilan ng pag-alis ng mga taong ito; titingnan muna natin kung ano ang saloobin ng Diyos sa ganitong klaseng tao. Napakalinaw nito. Mula sa sandaling lumayo ang taong ito, sa paningin ng Diyos, tapos na ang maikling panahon ng kanilang pananampalataya. Hindi ang indibiduwal na tao ang tumapos nito, kundi ang Diyos. Ang ibig sabihin ng iniwan ng taong ito ang Diyos ay na itinakwil na nila ang Diyos, na ayaw na nila sa Kanya, at na hindi na nila tinatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Yamang ayaw ng ganitong mga tao ang Diyos, gugustuhin pa rin ba Niya sila? Bukod pa riyan, kapag taglay ng mga taong ito ang ganitong uri ng saloobin, ang pananaw na ito, at nakapagpasya nang lisanin ang Diyos, napagalit na nila ang disposisyon ng Diyos. Ito ay sa kabila ng katotohanan na maaaring hindi sila nagwala at hindi nila isinumpa ang Diyos, sa kabila ng katunayan na maaaring hindi sila gumawa ng anumang nakasusuklam o labis na pag-uugali, at sa kabila ng katotohanan na iniisip ng mga taong ito na, “Kung dumating ang araw na napuno na ako ng kasiyahan sa labas, o kapag may kailangan pa rin ako sa Diyos, babalik ako. O kapag tinawag ako ng Diyos, babalik ako,” o sinasabi nilang, “Kapag nasasaktan ako sa labas, o kapag nakikita ko na napakadilim at napakasama ng mundo sa labas at ayaw ko nang magpatangay sa agos, babalik ako sa Diyos.” Kahit nakalkula na ng mga taong ito sa kanilang isipan kung kailan talaga sila babalik, at kahit nagsikap na silang iwanang bukas ang pinto para sa kanilang pagbalik, hindi nila natatanto na anuman ang kanilang pinaniniwalaan o paano man sila nagpaplano, lahat ng ito ay pangarap lamang. Ang pinakamalaki nilang pagkakamali ay ang pagiging malabo sa kanila kung ano ang nadarama ng Diyos tungkol sa kanilang hangarin. Sa mismong sandali na nagpasya silang lisanin ang Diyos, ganap Niya silang tatalikuran; sa oras na iyon, naipasya na Niya ang kahihinatnan ng gayong tao sa Kanyang puso. Anong kahihinatnan iyon? Iyon ay na ang taong ito ay magiging isa sa mga daga, at samakatuwid ay mamamatay na kasama ang mga ito. Sa gayon, madalas makita ng mga tao ang ganitong klaseng sitwasyon: Tinatalikuran ng isang tao ang Diyos, ngunit hindi tumatanggap ng kaparusahan. Kumikilos ang Diyos ayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo; ang ilang bagay ay nakikita, samantalang ang iba ay tinatapos lamang sa puso ng Diyos, kaya hindi nakikita ng mga tao ang mga resulta. Ang bahaging nakikita ng mga tao ay hindi kinakailangang tunay na panig ng mga bagay-bagay, kundi ang kabilang panig na iyon—ang panig na hindi mo nakikita—ay talagang naglalaman ng taos na mga saloobin at konklusyon ng Diyos.

Ang mga Taong Tumatakas sa Panahon ng Gawain ng Diyos ay Yaong mga Tumalikod sa Tunay na Daan

Bakit binibigyan ng Diyos ng gayon kalubhang kaparusahan ang mga taong tumatakas sa panahon ng Kanyang gawain? Bakit Siya galit na galit sa kanila? Una sa lahat, alam natin na ang disposisyon ng Diyos ay pagiging maharlika at poot; hindi Siya isang tupa na kakatayin ninuman, lalong hindi Siya isang tau-tauhang kokontrolin ng mga tao kahit paano nila gusto. Hindi rin Siya isang hungkag na uutus-utusan. Kung talagang naniniwala ka na mayroong Diyos, dapat ay mayroon kang pusong may takot sa Diyos, at dapat mong malaman na ang Kanyang diwa ay hindi maaaring galitin. Ang galit na ito ay maaaring idulot ng isang salita, o marahil ay ng isang ideya, o marahil ay ng isang uri ng nakasusuklam na ugali, o marahil ay kahit ng isang uri ng banayad na ugali, o ugaling uubra sa mga mata at moralidad ng mga tao; o, marahil ay inudyok ito ng isang doktrina o isang teorya. Gayunman, kapag napagalit mo na ang Diyos, nawawala ang iyong pagkakataon, at dumating na ang katapusan ng mga araw mo. Grabeng bagay ito! Kung hindi mo maunawaan na hindi dapat magkasala sa Diyos, hindi ka siguro takot sa Kanya, at marahil ay palagi kang nagkakasala sa Kanya. Kung hindi mo alam kung paano matakot sa Diyos, hindi ka natatakot sa Diyos, at hindi mo malalaman kung paano tumahak sa landas ng pagsunod sa daan ng Diyos—na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kapag nagkaroon ka na ng kamalayan, at alam mo na hindi dapat magkasala sa Diyos, malalaman mo kung ano ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

Ang sundin ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ay hindi kinakailangang tungkol sa dami ng katotohanang alam mo, ilang pagsubok na ang naranasan mo, o gaano ka nadisiplina. Sa halip, nakasalalay ito sa uri ng saloobin mo sa Diyos sa puso mo, at kung anong diwa ang ipinapahayag mo. Ang diwa ng mga tao at ang kanilang pansariling mga saloobin—ang mga ito ay napakahalaga, napaka-kritikal. Patungkol doon sa mga tao na itinakwil at iniwan na ang Diyos, pinagalit na ng kasuklam-suklam na saloobin nila sa Kanya at ng puso nilang namumuhi sa katotohanan ang Kanyang disposisyon, para sa Kanya, hindi sila patatawarin kailanman. Nalaman na nila ang tungkol sa pag-iral ng Diyos, naipaalam na sa kanila ang balita na dumating na Siya, at naranasan pa nila ang bagong gawain ng Diyos. Ang kanilang paglisan ay hindi dahil sa nalinlang o naguluhan sila, lalong hindi ito dahil napilitan silang umalis. Sa halip, sadya nilang pinili, at nang may malinaw na isipan, na lisanin ang Diyos. Ang kanilang paglisan ay hindi pagkaligaw sa kanilang landas, ni hindi sila itinakwil. Samakatuwid, sa paningin ng Diyos, hindi sila mga korderong napawalay sa kawan, lalong hindi sila mga alibughang anak na naligaw ng kanilang landas. Lumisan sila nang hindi napaparusahan—at ang gayong kondisyon, gayong sitwasyon, ay nagpapagalit sa disposisyon ng Diyos, at dahil sa pagkagalit na ito kaya Niya sila binibigyan ng walang pag-asang kahihinatnan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong klaseng kahihinatnan? Samakatuwid, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos, maaari silang magkasala sa Kanya. Hindi ito maliit na bagay! Kung hindi sineseryoso ng mga tao ang saloobin ng Diyos, at naniniwala pa rin sila na inaasam Niya ang kanilang pagbabalik dahil kasama sila sa Kanyang nawawalang mga kordero at hinihintay pa rin Niyang magkaroon sila ng pagbabago ng puso, hindi sila nalalayo sa mga araw ng kanilang kaparusahan. Hindi lamang aayaw ang Diyos na tanggapin sila—dahil ito ang kanilang pangalawang pagkakataon na ginagalit nila ang Kanyang disposisyon, mas nakakatakot ang bagay na ito! Ang walang-pitagang saloobin ng mga taong ito ay lumabag na sa mga atas administratibo ng Diyos. Tatanggapin pa ba Niya sila? Sa Kanyang puso, ang mga prinsipyo ng Diyos tungkol sa bagay na ito ay na natiyak na ng isang tao kung alin ang tunay na daan, subalit kaya pa rin niyang sadya at malinaw ang isipan na tanggihan ang Diyos at lisanin ang Diyos, sa gayon ay haharangan Niya ang daan patungo sa kaligtasan ng taong iyon, at para sa indibiduwal na ito, sarado na ang pintuan papasok sa kaharian mula ngayon. Kapag minsan pang kumatok ang taong ito, hindi bubuksan ng Diyos ang pintuan; sasaraduhan na ang taong ito magpakailanman. Marahil ay nabasa na ng ilan sa inyo ang kuwento tungkol kay Moises sa Bibliya. Matapos pahiran ng Diyos ng langis si Moises, ipinahayag ng 250 pinuno ang kanilang pagsuway kay Moises dahil sa kanyang mga kilos at sa iba-iba pang mga dahilan. Kanino sila tumangging magpasakop? Hindi kay Moises. Tumanggi silang magpasakop sa mga plano ng Diyos; tumanggi silang magpasakop sa gawain ng Diyos sa isyung ito. Sinabi nila ang sumusunod: “Kayo’y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawat isa sa kanila, at si Jehova ay nasa gitna nila.” Napakaseryoso ba ng mga salita at linyang ito, mula sa pananaw ng isang tao? Hindi seryoso ang mga ito. Kahit paano, ang literal na kahulugan ng mga salitang ito ay hindi seryoso. Sa legal na kahulugan, hindi lumalabag ang mga ito sa anumang mga batas, dahil sa tingin pa lamang, hindi ito pagalit na pananalita o bokabularyo, lalong wala itong anumang mapaglapastangang mga konotasyon. Karaniwang mga pahayag lamang ang mga ito, wala nang iba. Kung gayon, bakit maaaring magpasimula ng gayong pagkagalit ng Diyos ang mga salitang ito? Dahil hindi sinabi ang mga ito sa mga tao, kundi sa Diyos. Ang saloobin at disposisyong ipinahayag ng mga ito ang mismong nagpapagalit sa disposisyon ng Diyos, at nagkakasala sila sa disposisyon ng Diyos na hindi dapat pagkasalahan. Alam nating lahat kung ano ang kinahinatnan ng mga pinunong iyon sa huli. Tungkol sa mga taong tumalikod na sa Diyos, ano ang kanilang pananaw? Ano ang kanilang saloobin? At bakit naging sanhi ang kanilang pananaw at saloobin na pakitunguhan sila ng Diyos sa gayong paraan? Ang dahilan ay na bagamat malinaw nilang alam na Siya ang Diyos, pinili pa rin nilang pagtaksilan Siya, at ito ang dahilan kaya lubos silang inalisan ng kanilang mga pagkakataong maligtas. Tulad ng nakasulat sa Bibliya, “Sapagkat kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan” (Mga Hebreo 10:26). Mayroon na ba kayo ngayong malinaw na pagkaunawa sa bagay na ito?

Ang Kapalaran ng mga Tao ay Ipinapasya ng Kanilang Saloobin sa Diyos

Ang Diyos ay isang buhay na Diyos, at tulad ng mga tao na magkakaiba ang kilos sa iba’t ibang sitwasyon, nag-iiba ang Kanyang saloobin ukol sa mga pag-uugaling ito dahil hindi Siya isang tau-tauhan ni hindi Siya hungkag. Ang pag-alam sa saloobin ng Diyos ay isang makabuluhang hangarin para sa sangkatauhan. Dapat malaman ng mga tao, sa pamamagitan ng pag-alam sa saloobin ng Diyos, kung paano sila unti-unting magtatamo ng kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos at mauunawaan ang Kanyang puso. Kapag unti-unti mong naunawaan ang puso ng Diyos, hindi mo madarama na mahirap magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, kapag nauunawaan mo ang Diyos, malamang ay hindi ka gagawa ng mga konklusyon tungkol sa Kanya. Kapag tumigil ka na sa paggawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos, mas malamang na hindi ka magkasala sa Kanya, at hindi mo mamamalayan, gagabayan ka ng Diyos na magtamo ng kaalaman tungkol sa Kanya; pupuspusin nito ang puso mo ng pagkatakot sa Kanya. Sa gayon ay titigil ka sa pagtukoy sa Diyos sa pamamagitan ng mga doktrina, salita, at teoryang saulado mo na. Sa halip, sa pamamagitan ng palaging paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi mo mamamalayan na nagiging isa kang tao na kaayon ng puso ng Diyos.

Ang gawain ng Diyos ay hindi nakikita at hindi nagagalaw ng sangkatauhan, ngunit para sa Diyos, ang mga kilos ng bawat isang tao—pati na ang kanilang saloobin sa Kanya—ay hindi lamang nahihiwatigan ng Diyos, kundi nakikita rin Niya. Ito ay isang bagay na dapat tanggapin at malinawan ng lahat. Maaaring lagi mong itinatanong sa iyong sarili, “Alam ba ng Diyos kung ano ang ginagawa ko rito? Alam ba Niya kung ano ang iniisip ko ngayon mismo? Siguro ay alam Niya, at siguro ay hindi Niya alam.” Kung nag-aangkin ka ng ganitong uri ng pananaw, sumusunod at naniniwala sa Diyos subalit nagdududa sa Kanyang gawain at sa Kanyang pag-iral, sa malao’t madali ay darating ang araw na magagalit Siya sa iyo, sapagkat nakabingit ka na sa isang mapanganib na bangin. May nakita na Akong mga tao na naniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi pa rin nila natatamo ang katotohanang realidad, ni hindi pa rin nila naunawaan ang kalooban ng Diyos. Hindi umuunlad ang mga taong ito sa kanilang mga buhay at tayog, na sumusunod lamang sa pinakamabababaw na doktrina. Ito ay dahil hindi kailanman sineryoso ng mga taong ito ang salita ng Diyos bilang buhay nila mismo, at hindi pa nila kailanman nakaharap at natanggap ang Kanyang pag-iral. Sa palagay mo ba napupuspos ng kasiyahan ang Diyos kapag nakikita Niya ang gayong mga tao? Inaaliw ba nila Siya? Kung gayon, ang paraan ng paniniwala ng mga tao sa Diyos ang nagpapasya sa kanilang kapalaran. Tungkol sa kung paano hinahanap at nilalapitan ng mga tao ang Diyos, pangunahin ang kahalagahan ng saloobin ng mga tao. Huwag magpabaya sa Diyos na parang wala Siyang halaga sa likod ng iyong isipan; laging isipin ang Diyos na iyong pinaniniwalaan bilang isang buhay na Diyos, isang tunay na Diyos. Hindi Siya uupu-upo lamang doon sa ikatlong langit nang walang ginagawa. Sa halip, patuloy Siyang nakatingin sa puso ng lahat, inoobserbahan kung ano ang binabalak mo, pinanonood ang bawat maliit na salita at gawa mo, pinanonood kung paano ka kumilos at tinitingnan kung ano ang saloobin mo sa Kanya. Kung handa ka bang ibigay ang iyong sarili sa Diyos o hindi, lahat ng pag-uugali mo at kaibuturan ng iyong mga iniisip at ideya ay nalalantad sa Kanyang harapan at tinitingnan Niya. Dahil sa iyong pag-uugali, dahil sa iyong mga gawa, at dahil sa iyong saloobin sa Kanya, palaging nagbabago ang opinyon ng Diyos tungkol sa iyo at ang Kanyang saloobin sa iyo. Gusto Kong mag-alok ng kaunting payo sa ilang tao: Huwag ninyong ilagay ang inyong sarili na parang mga sanggol sa mga kamay ng Diyos, na parang dapat Siyang mahaling sa iyo, na parang hindi ka Niya kailanman maaaring iwanan, at na parang pirmihan ang Kanyang saloobin sa iyo at hindi na magbabago kailanman, at ipinapayo Ko sa iyo na tigilan na ang pangangarap! Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat isang tao, at marubdob Niyang hinaharap ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa mga tao. Ito ang Kanyang pamamahala. Tinatrato Niya nang seryoso ang bawat isang tao, at hindi kagaya ng isang alagang hayop na paglalaruan. Ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao ay hindi ang klaseng nagpapalayaw o nagpapamihasa, ni hindi mapagbigay o pabaya ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan. Bagkus, ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay may kasamang pagtatangi, pagkaawa, at paggalang sa buhay; inihahatid ng Kanyang awa at pagpaparaya ang Kanyang mga inaasahan sa kanila, at ang siyang kailangan ng sangkatauhan upang patuloy na mabuhay. Ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay talagang umiiral; ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan ay may prinsipyo, hindi man lamang sangkaterbang dogmatikong mga panuntunan, at maaari itong magbago. Ang Kanyang mga layunin para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nag-iiba sa paglipas ng panahon, depende sa mga pangyayaring nagaganap, at pati na sa saloobin ng bawat isang tao. Samakatuwid, dapat mong malaman sa puso mo nang may tiyak na kalinawan na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at na lalabas ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring hindi mo iniisip na seryoso ang bagay na ito, at maaaring ginagamit mo ang sarili mong mga kuru-kuro upang wariin kung paano dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Gayunman, may mga pagkakataon na totoo ang ganap na kabaligtaran ng iyong pananaw, at sa paggamit ng sarili mong personal na mga kuru-kuro para tangkaing sukatin ang Diyos, napagalit mo na Siya. Ito ay dahil hindi kumikilos ang Diyos sa paraang iniisip mo na ginagawa Niya, ni hindi Niya ituturing ang bagay na ito na kagaya ng sinasabi mong gagawin Niya. Sa gayon, ipinapaalala Ko sa iyo na mag-ingat at maging mahinahon sa pagturing mo sa lahat ng bagay na nasa paligid mo, at pag-aralan kung paano sundin ang prinsipyo ng pagsunod sa daan ng Diyos sa lahat ng bagay, ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kailangan mong bumuo ng isang matibay na pagkaunawa hinggil sa mga bagay tungkol sa kalooban at saloobin ng Diyos, kailangan mong humanap ng mga taong nabigyang-liwanag na magpapaalam ng mga bagay na ito sa iyo, at kailangan mong maghanap nang seryoso. Huwag mong ituring ang Diyos na pinaniniwalaan mo na isang tau-tauhan—na hinuhusgahan Siya kung paano mo gusto, nagbubuo ng di-makatwirang mga konklusyon tungkol sa Kanya, at hindi Siya tinatrato nang may paggalang na nararapat sa Kanya. Samantalang inililigtas ka ng Diyos at ipinapasya ang iyong kahihinatnan, maaari ka Niyang pagkalooban ng awa, o pagpaparaya, o paghatol at pagkastigo, ngunit ano’t anuman, ang Kanyang saloobin sa iyo ay hindi pirmihan. Depende ito sa iyong sariling saloobin sa Kanya, gayundin sa iyong pagkaunawa sa Kanya. Huwag mong tulutan ang isang lumilipas na aspeto ng iyong kaalaman o pagkaunawa sa Diyos na ilarawan Siya nang panghabambuhay. Huwag maniwala sa isang patay na Diyos; maniwala sa Isang nabubuhay. Tandaan mo ito! Bagamat natalakay Ko ang ilang katotohanan dito—mga katotohanang kailangan ninyong marinig—dahil sa inyong kasalukuyang kalagayan at kasalukuyang tayog, hindi Ako gagawa ng anumang mas malalaking hinihingi sa inyo sa ngayon, upang hindi masaid ang inyong kasigasigan. Ang paggawa nito ay maaaring puspusin ang inyong puso ng labis na kalungkutan at ipadama sa inyo ang labis na pagkabigo sa Diyos. Sa halip, sana ay magamit ninyo ang isang pusong mapagmahal sa Diyos at magamit ninyo ang isang saloobing may paggalang sa Diyos habang naglalakad kayo sa landas na nasa inyong harapan. Huwag maguluhan tungkol sa kung paano maniwala sa Diyos; ituring itong isa sa pinakamalalaking isyung mayroon. Ilagay ito sa inyong puso, isagawa ito, at iugnay ito sa tunay na pamumuhay; huwag lamang basta sabihin ito—sapagkat buhay at kamatayan ang nakataya rito, at siyang magpapasya sa iyong tadhana. Huwag itong ituring na parang isang biro o larong pambata! Matapos Kong ibahagi sa inyo ang mga salitang ito ngayon, iniisip Ko kung gaano ang naani ninyong pagkaunawa sa inyong isipan. Mayroon bang anumang mga bagay kayong nais itanong tungkol sa nasabi Ko rito ngayon?

Bagamat medyo bago ang mga paksang ito, at medyo malayo sa inyong mga pananaw, sa inyong mga karaniwang hangarin, at sa hilig ninyong pagtuunan ng pansin, palagay Ko kapag napagbahaginan na ninyo ang mga ito sa loob ng ilang sandali, magkakaroon kayo ng isang karaniwang pagkaunawa sa lahat ng bagay na nasabi Ko rito. Bagung-bago ang lahat ng paksang ito, at hindi pa ninyo kailanman naisip noon, kaya umaasa Ako na hindi makaragdag ang mga ito sa inyong pasanin sa anumang paraan. Hindi Ko sinasabi ang mga salitang ito ngayon para takutin kayo, ni hindi Ko ginagamit ang mga ito bilang isang paraan para pakitunguhan kayo; sa halip, ang Aking layon ay ipaunawa sa inyo ang totoong mga pangyayari tungkol sa katotohanan. Dahil may kaibhan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos, bagamat naniniwala ang mga tao sa Diyos, hindi nila Siya naunawaan kailanman o nalaman ang Kanyang saloobin. Hindi rin naging napakasigasig ng mga tao kailanman sa kanilang alalahanin para sa saloobin ng Diyos. Sa halip, naniwala sila at nagpatuloy nang pikit-mata, at naging pabaya sa kanilang kaalaman at pagkaunawa tungkol sa Diyos. Sa gayon ay napilitan Akong liwanagin ang mga isyung ito para sa inyo, at ipaunawa sa inyo kung anong klase talaga ng Diyos ang Diyos na ito na inyong pinaniniwalaan, gayundin kung ano ang Kanyang iniisip, ang Kanyang saloobin sa Kanyang pagtrato sa iba-ibang uri ng mga tao, gaano kayo kalayo sa pagtupad sa Kanyang mga hinihingi, at gaano kalaki ang pagkakaiba sa pagitan ng inyong mga kilos at ng pamantayang Kanyang hinihingi. Ang mithiin sa pagpapaalam sa inyo ng mga bagay na ito ay upang bigyan kayo ng isang pamantayan sa pagsukat sa inyong sarili, at upang malaman ninyo kung anong klase ng pag-ani ang kahahantungan ng daan na inyong tinatahak, kung ano ang hindi ninyo natamo sa pagtahak sa landas na ito, at saang mga lugar kayo talaga hindi nakibahagi. Habang nag-uusap-usap kayo, karaniwan ay pinag-uusapan ninyo ang ilang paksang karaniwang tinatalakay na napakakitid ng saklaw at mababaw ang nilalaman. May agwat, may puwang, sa pagitan ng tinatalakay ninyo at ng mga layunin ng Diyos, gayundin sa pagitan ng inyong mga talakayan at ng saklaw at pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos. Ang pagpapatuloy nang ganito sa paglipas ng panahon ay mas maglalayo pa sa inyo sa daan ng Diyos. Kinukuha lamang ninyo ang kasalukuyang mga pagbigkas ng Diyos at ginagawang mga pakay ng pagsamba ang mga ito, at itinuturing ang mga ito na mga ritwal at regulasyon. Iyan lamang ang inyong ginagawa! Sa totoo lang, wala talagang lugar ang Diyos sa inyong puso, at hindi Niya kailanman natamo ang inyong puso. Iniisip ng ilang tao na napakahirap kilalanin ng Diyos, at ito ang katotohanan. Mahirap ito. Kung ipagawa sa mga tao ang kanilang mga tungkulin at ginagawa nila ang mga bagay-bagay sa panlabas, at nagsusumikap sila, iisipin nila na napakadaling maniwala sa Diyos, dahil lahat ng bagay na iyon ay saklaw ng kakayahan ng tao. Gayunman, sa sandaling lumipat ang paksa sa mga layunin ng Diyos at sa Kanyang saloobin sa sangkatauhan, sa pananaw ng lahat, medyo humihirap nga ang mga bagay-bagay. Ito ay dahil kailangan dito ang pang-unawa ng mga tao sa katotohanan at ang pagpasok nila sa realidad, kaya siyempre magkakaroon ng isang antas ng paghihirap! Magkagayunman, kapag nakalagpas ka na sa unang pinto at nagsimula ka nang magkaroon ng pagpasok, ang mga bagay ay unti-unting dumadali.

Ang Panimula ng Pagkakaroon ng Takot sa Diyos ay Pagtrato sa Kanya Bilang Diyos

Kani-kanina lamang, mayroong nagtanong: Paano nangyari na kahit mas marami tayong alam tungkol sa Diyos kaysa kay Job, hindi pa rin natin magawang matakot sa Kanya? Natalakay na natin nang kaunti ang bagay na ito dati. Natalakay na rin natin talaga ang diwa ng tanong na ito noon, na totoo na bagamat hindi kilala ni Job ang Diyos noon, tinrato pa rin niya Siya bilang Diyos at itinuring Siya bilang Panginoon ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Hindi itinuring ni Job ang Diyos na isang kaaway; sa halip, sinamba niya Siya bilang Lumikha ng lahat ng bagay. Bakit matindi ang paglaban ng mga tao sa Diyos sa mga panahong ito? Bakit hindi nila nagagawang matakot sa Kanya? Ang isang dahilan ay lubha na silang nagawang tiwali ni Satanas, at sa gayong malalim na nakaugat at napakasamang likas na pagkatao, naging mga kaaway na sila ng Diyos. Sa gayon, kahit naniniwala sila sa Diyos at kinikilala nila ang Diyos, nagagawa pa rin nilang labanan Siya at kontrahin Siya. Ito ay ipinapasya ng likas na pagkatao ng tao. Ang isa pang dahilan ay na sa kabila ng kanilang paniniwala sa Diyos, hindi talaga Siya itinuturing ng mga tao bilang Diyos. Sa halip, itinuturing nila Siyang laban sa sangkatauhan, itinuturing Siyang kanilang kaaway, at pakiramdam nila ay hindi sila magkakasundo ng Diyos. Ganoon lang iyon kasimple. Hindi ba natalakay ang bagay na ito sa ating nakaraang sesyon? Pag-isipan ito: Hindi ba iyan ang dahilan? Maaaring mayroon kang kaunting kaalaman tungkol sa Diyos, ngunit ano ba ang kasama sa kaalamang ito? Hindi ba ito ang pinag-uusapan ng lahat? Hindi ba ito ang sinabi ng Diyos sa iyo? Pamilyar ka lamang sa teoretikal at doktrinal na mga aspeto nito—ngunit nalugod ka na ba sa tunay na mukha ng Diyos? Mayroon ka bang pansariling kaalaman? Mayroon ka bang praktikal na kaalaman at karanasan? Kung hindi pa nasabi sa iyo ng Diyos, malalaman mo ba iyon? Ang iyong teoretikal na kaalaman ay hindi kumakatawan sa tunay na kaalaman. Sa madaling salita, gaano man karami ang alam mo at paano mo man nalaman iyon, hangga’t hindi ka nagtatamo ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, magiging kaaway mo Siya, at hangga’t hindi mo talaga sinisimulang tratuhing Diyos ang Diyos, kokontrahin ka Niya, sapagkat ikaw ay isang sagisag ni Satanas.

Kapag kasama mo si Cristo, marahil ay maaari mo Siyang silbihan ng pagkain tatlong beses sa isang araw, o marahil ay silbihan Siya ng tsaa at asikasuhin ang Kanyang mga pangangailangan sa buhay; magmumukhang natrato mo na si Cristo bilang Diyos. Tuwing may nangyayari, palaging sumasalungat ang mga pananaw ng mga tao sa Diyos; laging hindi maunawaan at matanggap ng mga tao ang pananaw ng Diyos. Bagamat sa tingin ay maaaring kasundo ng mga tao ang Diyos, hindi ito nangangahulugan na kasundo nila Siya. Sa sandaling may mangyari, lumilitaw ang tunay na mukha ng pagsuway ng sangkatauhan, sa gayon ay napapatibay ang alitang umiiral sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Ang alitang ito ay hindi ang pagkontra ng Diyos sa mga tao o ang pagnanais ng Diyos na awayin sila, ni hindi Niya sila kinokontra at pagkatapos ay tinatrato silang ganoon. Sa halip, ito ay isang kaso ng salungat na diwang ito ukol sa Diyos na nakatago sa pansariling kalooban ng mga tao at sa likod ng kanilang isipan. Dahil itinuturing ng mga tao ang lahat ng nagmumula sa Diyos bilang mga pakay ng kanilang pagsasaliksik, ang kanilang tugon sa anumang nagmumula sa Diyos at sa lahat ng nauugnay sa Diyos, higit sa lahat, ay manghula, magduda, at pagkatapos ay agad magkaroon ng isang saloobin na salungat at kontra sa Diyos. Maya-maya pa, nagkakaroon sila ng negatibong pakiramdam sa mga pagtatalo o nakikipagtunggali sila sa Diyos, hanggang sa punto kung saan pinagdududahan pa nila kung nararapat nga bang sundin ang isang Diyos na ganoon. Sa kabila ng katotohanan na sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran na hindi sila dapat magpatuloy sa ganitong paraan, pipiliin pa rin nilang gawin iyon kahit ayaw nila, kaya magpapatuloy sila nang walang pag-aatubili hanggang sa pinakahuli. Halimbawa, ano ang unang reaksyon ng ilang tao kapag naririnig nila ang ilang tsismis o paninirang-puri tungkol sa Diyos? Ang una nilang reaksyon ay ang mag-isip kung totoo ang tsismis na ito o hindi at kung umiiral ang mga tsismis na ito o hindi, at pagkatapos ay hinihintay nila kung ano ang mangyayari. Pagkatapos ay nagsisimula silang mag-isip, “Walang paraan para mapatunayan ito. Talaga bang nangyari iyon? Totoo ba ang tsismis na ito o hindi?” Bagamat hindi ito ipinapakita ng mga taong ganito, nagsimula na silang magduda sa kanilang puso, at nagsimula nang ikaila ang Diyos. Ano ang diwa ng ganitong klaseng saloobin at ng gayong pananaw? Hindi ba ito pagkakanulo? Hangga’t hindi sila nahaharap sa bagay na ito, hindi mo makikita ang mga pananaw ng mga taong ito; tila hindi sila sumasalungat sa Diyos, at parang hindi nila Siya itinuturing na kaaway. Gayunman, sa sandaling maharap sila sa isang problema, agad silang kumakampi kay Satanas at lumalaban sa Diyos. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na magkasalungat ang mga tao at ang Diyos! Hindi naman sa itinuturing ng Diyos ang sangkatauhan bilang kaaway, kundi ang mismong diwa ng sangkatauhan ang salungat sa Diyos. Gaano man katagal nang nakasunod ang isang tao sa Kanya o gaano man kalaki ang halagang ibinayad nila, at paano man nila pinupuri ang Diyos, paano man nila pigilan ang kanilang sarili sa pagsuway sa Kanya, at gaano pa man nila hinihimok ang kanilang sarili na mahalin ang Diyos, hindi nila kailanman magagawang tratuhin ang Diyos bilang Diyos. Hindi ba ito ipinapasya ng diwa ng mga tao? Kung tinatrato mo Siya bilang Diyos at tunay kang naniniwala na Siya ay Diyos, maaari ka pa rin bang magkaroon ng anumang mga pagdududa sa Kanya? Maaari ka pa rin bang magkimkim ng anumang mga pagdududa tungkol sa Kanya sa puso mo? Hindi na maaari, hindi ba? Ang mga kalakaran ng mundong ito ay napakasama, at ang sangkatauhan ding ito; kaya, paano ka hindi magkakaroon ng anumang mga kuru-kuro tungkol sa mga ito? Ikaw mismo ay napakasama, kaya paano nangyari na wala kang mga kuru-kuro tungkol diyan? Gayunman, sa ilang tsismis lamang at ilang paninirang-puri ay maaaring magpasimula ng gayon kalalaking kuru-kuro tungkol sa Diyos, at humahantong sa iyong pagkakaroon ng napakaraming imahinasyon, na nagpapakita kung gaano kamusmos ang iyong tayog! Ang “paghugong” lamang ng ilang lamok at ilang nakakainis na mga langaw—sapat na ba iyan para malinlang ka? Anong klaseng tao ito? Alam mo ba kung ano ang iniisip ng Diyos tungkol sa gayong mga tao? Ang saloobin ng Diyos ay talagang napakalinaw hinggil sa kung paano Niya sila tinatrato. Iyon ay na ang pagtrato ng Diyos sa mga taong ito ay ang balewalain lamang sila—ang Kanyang saloobin ay huwag silang pansinin, at huwag seryosohin ang mangmang na mga taong ito. Bakit ganoon? Ito ay dahil sa puso ng Diyos, hindi Niya kailanman binalak na tamuhin ang mga taong iyon na nangakong maging kagalit Niya hanggang sa pinakahuli at hindi kailanman nagbalak na hanapin ang daan ng pagiging kaayon Niya. Marahil ay maaaring masaktan ang ilang tao sa mga salitang nasambit Ko. Handa ba kayo na lagi Ko kayong saktan nang ganito? Handa man kayo o hindi, lahat ng sinasabi Ko ay ang katotohanan! Kung lagi Ko kayong sinasaktan at inilalantad ang inyong mga pilat nang ganito, makakaapekto ba ito sa matayog na larawan ng Diyos na inyong kimkim sa puso ninyo? (Hindi.) Sang-ayon Ako na hindi, sapagkat wala talagang Diyos sa puso ninyo. Ang matayog na Diyos na nasa puso ninyo—yaong masidhi ninyong ipinagtatanggol at pinoprotektahan—ay hindi talaga Diyos. Sa halip, siya ay isang kathang-isip ng imahinasyon ng tao; hindi talaga siya umiiral. Samakatuwid, mas mabuti pang ilantad Ko ang sagot sa bugtong na ito; hindi ba nito inilalantad ang buong katotohanan? Ang tunay na Diyos ay hindi ang iniisip ng mga tao. Sana ay matanggap ninyong lahat ang realidad na ito, at makatulong ito sa inyong kaalaman tungkol sa Diyos.

Ang mga Taong Iyon na Hindi Kinikilala ng Diyos

Mayroong ilang tao na ang paniniwala ay hindi kailanman kinikilala sa puso ng Diyos. Sa madaling salita, hindi kinikilala ng Diyos na mga tagasunod Niya sila, dahil hindi Niya pinupuri ang kanilang paniniwala. Para sa mga taong ito, ilang taon man nila nasunod ang Diyos, hindi kailanman nagbago ang kanilang mga ideya at pananaw; para silang mga hindi mananampalataya, sumusunod sa mga prinsipyo at paraan ng pakikisalamuha sa mga tao ng mga hindi manananampalataya, at sa mga batas ng pananatiling buhay at pananampalataya. Hindi nila kailanman tinanggap ang salita ng Diyos bilang kanilang buhay, hindi kailanman naniwala na ang salita ng Diyos ay katotohanan, hindi kailanman nilayon na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, at hindi kailanman kinilala ang Diyos bilang kanilang Diyos. Ang tingin nila sa paniniwala sa Diyos ay libangan ng baguhan, na tinatrato Siya bilang isang espirituwal na pagkain lamang; sa gayon, hindi nila iniisip na mahalagang subukan at unawain ang disposisyon o diwa ng Diyos. Masasabi na lahat ng tumutugma sa tunay na Diyos ay walang kinalaman sa mga taong ito; hindi sila interesado, ni hindi sila mag-aabalang makinig. Ito ay dahil sa kaibuturan ng kanilang puso, mayroong isang malakas na tinig na laging nagsasabi sa kanila, “Ang Diyos ay hindi nakikita at hindi nahihipo, at hindi umiiral.” Naniniwala sila na ang pagsisikap na unawain ang ganitong uri ng Diyos ay pagsasayang ng kanilang pagsisikap, at na niloloko lamang nila ang kanilang sarili sa paggawa nito. Naniniwala sila na sa pamamagitan lamang ng pagkilala sa Diyos sa mga salita nang walang anumang tunay na paninindigan o pamumuhunan ng kanilang sarili sa anumang tunay na mga kilos, medyo matalino sila. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga tao? Ang tingin Niya sa kanila ay mga hindi mananampalataya. Tinatanong ng ilang tao, “Maaari bang basahin ng mga hindi mananampalataya ang mga salita ng Diyos? Maaari ba nilang tuparin ang kanilang mga tungkulin? Maaari ba nilang sambitin ang mga salitang, ‘Mabubuhay ako para sa Diyos’?” Ang madalas makita ng mga tao ay ang pagkukunwaring ipinapakita ng mga tao sa panlabas; hindi nila nakikita ang diwa ng mga tao. Gayunman, hindi tinitingnan ng Diyos ang mga paimbabaw na mga pagpapakitang ito; ang tanging nakikita Niya ay ang diwa sa kanilang kalooban. Sa gayon, ito ang klase ng saloobin at paglalarawan ng Diyos sa mga taong ito. Sinasabi ng mga taong ito, “Bakit ito ginagawa ng Diyos? Bakit iyon ginagawa ng Diyos? Hindi ko ito maunawaan; hindi ko iyon maunawaan; hindi ito naaayon sa mga kuru-kuro ng tao; kailangan Mong ipaliwanag iyan sa akin….” Para sagutin ito, ang tanong Ko: Kailangan ba talagang ipaliwanag ang mga bagay na ito sa iyo? May kaugnayan ba talaga ang mga bagay na ito sa iyo? Sino ka ba sa tingin mo? Saan ka nanggaling? Karapat-dapat ka ba talagang magbigay ng mga punto sa Diyos? Naniniwala ka ba sa Kanya? Kinikilala ba Niya ang iyong pananampalataya? Yamang walang kinalaman sa Diyos ang iyong pananampalataya, ano ang pakialam mo sa Kanyang mga ginagawa? Hindi mo alam kung ano ang katayuan mo sa puso ng Diyos, kaya paano ka magiging karapat-dapat na makipag-usap sa Kanya?

Mga Salita ng Payo

Hindi ba kayo nababalisa matapos ninyong marinig ang mga pahayag na ito? Bagamat maaaring ayaw ninyong makinig sa mga ito o ayaw ninyong tanggapin ang mga ito, totoo ang lahat ng ito. Dahil ang yugtong ito ng gawain ay isasagawa ng Diyos, kung wala kang pakialam sa Kanyang mga layunin, wala kang pakialam tungkol sa Kanyang saloobin, at hindi mo nauunawaan ang Kanyang diwa at disposisyon, sa huli, ikaw ang matatalo. Huwag sisihin ang Aking mga salita na mahirap dinggin, at huwag sisihin ang mga ito sa pagkawala ng inyong kasigasigan. Sinasabi Ko ang katotohanan; hindi Ko layunin na pahinain ang loob ninyo. Anuman ang hingin Ko sa inyo, at paano man ninyo kinakailangang gawin ito, sana ay tumatahak kayo sa tamang landas at sumusunod sa daan ng Diyos, at hindi kayo lumilihis mula sa tamang landas kailanman. Kung hindi ka magpapatuloy alinsunod sa salita ng Diyos o sumusunod sa Kanyang daan, walang duda na naghihimagsik ka laban sa Diyos at lumihis ka na sa tamang landas. Sa gayon, palagay Ko ay may ilang bagay Akong kailangang linawin para sa inyo, at na kailangan Ko kayong paniwalain nang ganap, malinaw, at walang bahid ng kawalang-katiyakan, at ipaunawa sa inyo nang malinaw ang saloobin ng Diyos, ang Kanyang mga layunin, paano Niya ginagawang perpekto ang mga tao, at sa anong paraan Niya ipinapasya ang kahihinatnan ng mga tao. Kung sakaling dumating ang araw na hindi mo magawang tumahak sa landas na ito, wala Akong pananagutan, sapagkat naipahayag na sa iyo nang napakalinaw ang mga salitang ito. Patungkol sa kung paano mo pakikitunguhan ang sarili mong kahihinatnan, ito ay isang bagay na lubos na nakasalalay sa iyo. Hinggil sa kahihinatnan ng iba-ibang uri ng mga tao, may iba’t ibang saloobin ang Diyos, mayroon Siyang sarili Niyang mga paraan sa pagtimbang sa kanila, pati na sarili Niyang pamantayan ng mga kinakailangan sa kanila. Ang Kanyang pamantayan sa pagtimbang sa kahihinatnan ng mga tao ay makatarungan para sa lahat—walang duda iyan! Samakatuwid, hindi kailangang matakot ang ilang tao. Naginhawahan na ba kayo ngayon? Iyan na lamang muna para sa ngayon. Paalam!

Oktubre 17, 2013

Sinundan: Paunang Salita

Sumunod: Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito