J. Tungkol sa Kung Paano Magsikap na Mahalin ang Diyos
436. Ang diwa ng Diyos ay hindi lamang upang paniwalaan ng tao, ito ay higit na para mahalin ng tao. Subalit marami sa mga nananampalataya sa Diyos ang hindi kayang tuklasin ang “lihim” na ito. Hindi nangangahas ang mga tao na mahalin ang Diyos, ni hindi sumusubok na mahalin Siya. Hindi nila kailanman natuklasan na napakarami ng kaibig-ibig tungkol sa Diyos; hindi nila kailanman natuklasan na ang Diyos ay ang Diyos na nagmamahal sa tao, at Siya ang Diyos na dapat mahalin ng tao. Ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos ay ipinamamalas sa Kanyang gawain: Sa pagdanas lamang sa Kanyang gawain maaaring matuklasan ng mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig; sa realidad lamang nila maaaring maranasan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos; at kung hindi ito mararanasan at mapapansin sa tunay na buhay, walang sinuman ang makatutuklas sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Napakaraming kaibig-ibig sa Diyos, ngunit kung walang tunay na pakikipag-ugnayan sa Kanya, walang kakayahan ang mga tao na tuklasin ito. Ibig sabihin, kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, hindi makakaya ng mga tao na aktuwal na makipag-ugnayan sa Kanya, at kung hindi nila magawang aktuwal na makipag-ugnayan sa Kanya, hindi rin nila magagawang maranasan ang Kanyang gawain—kaya mababahiran ang kanilang pagmamahal para sa Diyos ng maraming pagkawalang-katotohanan at imahinasyon. Ang pagmamahal ng mga tao sa Diyos sa langit ay hindi kasingpraktikal ng pagmamahal nila sa Diyos sa lupa, dahil ang kaalaman ng mga tao sa Diyos sa langit ay nabuo sa kanilang mga imahinasyon, sa halip na sa kung ano ang nakita ng sarili nilang mga mata, at kung ano ang kanilang personal na naranasan. Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, napagmamasdan ng mga tao ang Kanyang praktikal na mga gawa at ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, at nakikita nila ang lahat ng Kanyang praktikal at normal na disposisyon, at ang lahat ng ito ay ilang libong ulit na mas praktikal kaysa sa kanilang pagkakilala sa Diyos sa langit. Gaano man kamahal ng mga tao ang Diyos sa langit, walang anumang praktikal sa pagmamahal na ito, at puno ito ng mga ideya ng tao. Gaano man kaliit ang kanilang pagmamahal para sa Diyos sa lupa, ang pagmamahal na ito ay praktikal; kahit ito ay kakaunti lamang, ito ay praktikal pa rin. Idinudulot ng Diyos na kilalanin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng praktikal na gawain, at sa pamamagitan ng kaalamang ito, nakakamit Niya ang kanilang pagmamahal. Katulad ito ni Pedro: Kung hindi sana siya namuhay na kasama si Jesus, magiging imposible para sa kanya na humanga kay Jesus. Ang kanyang katapatan kay Jesus ay nabuo rin sa kanyang pakikipag-ugnayan kay Jesus. Dahil hinihiling ng Diyos na mahalin Siya ng tao, personal Siyang pumarito sa gitna ng tao at namumuhay na kasama ng tao, at ang lahat ng Kanyang ipinakikita at ipinararanas sa tao ay ang pagiging praktikal ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag
437. Ang “pagmamahal,” ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging mapagsaalang-alang. Sa pagmamahal walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang distansiya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal, walang mga transaksiyon, at walang anumang mga adulterasyon. Kung mayroon kang pagmamahal, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magkakanulo, maghihimagsik, manghihingi, o maghahangad na magkamit ng isang bagay o magkamit ng isang partikular na dami ng isang bagay. Kung mayroon kang pagmamahal, masaya mong ilalaan ang iyong sarili at kusang-loob mong titiisin ang hirap, makakaayon mo Ako, at tatalikdan mo ang lahat ng mayroon ka para sa Akin, tinatalikdan ang iyong pamilya, ang iyong kinabukasan, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pagmamahal ay hindi talaga pagmamahal, kundi panlilinlang at pagkakanulo! Anong klaseng pagmamahal ang sa iyo? Tunay na pagmamahal ba iyon? O huwad? Gaano na ang natalikdan mo? Gaano na ang iyong naisakripisyo? Gaanong pagmamahal na ang natanggap Ko mula sa iyo? Alam mo ba? Ang inyong puso ay puno ng kasamaan, pagkakanulo, at panlilinlang—kaya gaano karami bang karumihan ang nasa pagmamahal ninyo? Iniisip ninyo na sapat na ang natalikdan ninyo para sa Akin; iniisip ninyo na sapat na ang pagmamahal ninyo sa Akin. Pero kung gayon ay bakit palaging nagtataglay ng paghihimagsik at panlilinlang ang inyong mga salita at kilos? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo kinikilala ang Aking salita. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit pagkatapos ay tinatanggihan naman ninyo Ako. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi kayo nagtitiwala sa Akin. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang Aking pag-iral. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo Ako tinatrato nang naaayon sa Aking pagkakakilanlan, at pinahihirapan ninyo Ako palagi. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit sinusubukan ninyong lokohin at linlangin Ako sa lahat ng bagay. Ito ba ay pagmamahal? Pinaglilingkuran ninyo Ako, subalit hindi kayo nasisindak sa Akin. Ito ba ay pagmamahal? Sinasalungat ninyo Ako sa lahat ng aspeto at sa lahat ng bagay. Pagmamahal ba ang anuman sa mga ito? Totoo, malaki na ang naialay ninyo, subalit hindi ninyo naisagawa kailanman ang ipinagagawa Ko sa inyo. Maaari bang maging pagmamahal ito? Ang maingat na pagbubuod ay nagpapakita na wala kayong kahit katiting na pahiwatig ng pagmamahal sa Akin. Pagkaraan ng napakaraming taon ng gawain at lahat ng maraming salitang naibigay Ko, gaano karami ba talaga ang inyong natamo? Hindi ba ito karapat-dapat sa isang maingat na pagbabalik-tanaw?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang
438. Walang aral ang mas malalim pa kaysa sa aral na ibigin ang Diyos, at masasabing ang aral na natututunan ng mga tao sa buong buhay ng pananampalataya ay ang mahalin ang Diyos. Na ang ibig sabihin, kung nananampalataya ka sa Diyos, dapat mong mahalin ang Diyos. Kung nananampalataya ka lamang sa Diyos ngunit hindi mo Siya minamahal at hindi mo pa nakamtan ang pagkilala sa Diyos, at hindi mo pa kailanman minahal ang Diyos nang tunay na pagmamahal na mula sa puso mo, ang pananampalataya mo sa Diyos ay walang saysay; kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos, ay hindi mo mahal ang Diyos, nabubuhay ka nang walang kabuluhan, at ang buong buhay mo ang pinakahamak sa lahat ng buhay. Kung, sa buong buhay mo, hindi mo pa kailanman inibig o binigyang-kasiyahan ang Diyos, ano ang saysay ng iyong buhay? At ano ang saysay ng iyong pananampalataya sa Diyos? Hindi ba iyon pag-aaksaya lang ng pagsisikap? Na ang ibig sabihin, kung sasampalatayanan at iibigin ng mga tao ang Diyos, dapat silang magbayad ng halaga. Sa halip na hangaring kumilos sa isang partikular na paraan sa panlabas, dapat silang maghanap ng tunay na kabatiran sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Kung kaya mong umawit at sumayaw nang puno ng sigla, ngunit wala kang kakayahang isagawa ang katotohanan, masasabi bang iniibig mo ang Diyos? Ang pag-ibig sa Diyos ay nangangailangan ng paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, at na magbulay-bulay ka nang malalim kapag may anumang nangyayari sa iyo, sinusubukang maarok ang mga layunin ng Diyos at tinitingnan kung ano ang mga ito sa mga usaping ito, kung ano ang hinihingi ng Diyos na makamit mo, at kung paano mo dapat isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Halimbawa: May nangyayari na kinakailangan mong magdusa, kung kailan dapat mong maunawaan kung ano ang layunin ng Diyos at kung paano mo dapat isaalang-alang ang Kanyang layunin. Hindi mo dapat bigyang-kasiyahan ang iyong sarili: Bitiwan mo muna ang iyong sarili. Wala nang mas hamak pa kaysa sa laman. Kailangan mong hangarin na mabigyang-kasiyahan ang Diyos, at dapat mong tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Sa gayong mga kaisipan, lalo kang bibigyang-liwanag ng Diyos hinggil sa bagay na ito, at makakahanap din ng kaginhawahan ang puso mo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos
439. Ngayon, alam na ninyong lahat na ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay hindi lamang para sa kaligtasan ng kaluluwa at kapakanan ng laman, ni hindi ito upang pagyamanin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos, at iba pa. Sa ngayon, kung mahal mo ang Diyos alang-alang sa kapakanan ng laman o panandaliang kasiyahan, kahit sa bandang huli ay umabot sa sukdulan ang pagmamahal mo sa Diyos at wala ka nang hinihiling pa, hindi pa rin puro ang pagmamahal na ito na hinahangad mo at hindi kalugud-lugod sa Diyos. Ang mga gumagamit ng pagmamahal sa Diyos upang pagyamanin ang nakababagot nilang buhay at punan ang kahungkagan sa kanilang puso ay ang uri ng mga tao na nag-iimbot ng kaginhawahan, hindi sila ang tunay na naghahangad na mahalin ang Diyos. Ang ganitong uri ng pagmamahal ay sapilitan, ito ay paghahangad ng kasiyahang pangkaisipan, at hindi ito kailangan ng Diyos. Kung gayon, anong klase ang pagmamahal mo? Ano ang dahilan ng pagmamahal mo sa Diyos? Gaano kalaki ang tunay na pagmamahal sa Diyos na nasa iyong kalooban ngayon? Ang pagmamahal ng karamihan sa inyo ay katulad ng nabanggit. Mapapanatili lamang ng gayong pagmamahal ang kasalukuyang estado ng mga bagay-bagay; hindi nito makakamit ang kawalan ng pagbabago, ni hindi ito mag-uugat sa tao. Ang ganitong klaseng pagmamahal ay katulad lamang ng isang bulaklak na namumukadkad at nalalanta nang hindi namumunga. Sa madaling salita, matapos mong mahaling minsan ang Diyos sa gayong paraan, kung walang sinumang aakay sa iyo sa landas sa unahan, malulugmok ka. Kung kaya mo lamang mahalin ang Diyos sa panahon ng pagmamahal sa Diyos ngunit pagkatapos ay hindi pa rin nagbabago ang iyong buhay disposisyon, mananatili ka sa ilalim ng balot ng impluwensiya ng kadiliman, hindi makatakas, at hindi ka pa rin makakalaya mula sa gapos ni Satanas at mula sa pagiging laruan nito. Walang sinumang tulad nito ang ganap na makakamit ng Diyos; sa huli, pag-aari pa rin ni Satanas ang kanilang espiritu, kaluluwa, at katawan. Walang alinlangan iyan. Lahat ng hindi ganap na makakamit ng Diyos ay babalik sa kanilang orihinal na lugar, ibig sabihin, babalik sila kay Satanas, at bababa sa lawa ng apoy at asupre upang tanggapin ang susunod na hakbang ng kaparusahan mula sa Diyos. Yaong mga nakamit ng Diyos ay yaong mga naghihimagsik laban kay Satanas at tumatakas mula sa kapangyarihan nito. Sila ay opisyal na kabilang sa mga tao ng kaharian. Dito nagmumula ang mga tao ng kaharian. Handa ka bang maging ganitong klaseng tao? Handa ka bang makamit ng Diyos? Handa ka bang tumakas mula sa kapangyarihan ni Satanas at bumalik sa Diyos? Isa ka na ba ngayong Satanas o isa ka ba sa mga tao ng kaharian?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pananaw na Dapat Panghawakan ng mga Mananampalataya
440. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng pagkakabalot ng impluwensya ng kadiliman, nakagapos sa impluwensya ni Satanas nang hindi makakatakas. At ang disposisyon niya, pagkatapos itong maproseso ni Satanas, ay nagiging lalo at lalo pang tiwali. Maaaring masabi na ang tao ay namumuhay, noon pa man, sa gitna ng kanyang satanikong tiwaling disposisyon, at walang kakayahang tunay na mahalin ang Diyos. Yamang ganito, kung nais ng tao na mahalin ang Diyos, kailangan niyang iwaksi ang kanyang pagmamagaling, labis na pagpapahalaga sa sarili, pagmamataas, kapalaluan, at iba pang gaya nito—lahat ng mula sa disposisyon ni Satanas. Kung hindi, ang pag-ibig ng tao ay isang pag-ibig na may karumihan, isang satanikong pag-ibig, at isa na siguradong hindi makakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Kung hindi direktang ginagawang perpekto, binabasag, pinupungusan, dinidisiplina, itinutuwid, at pinipino ng Banal na Espiritu, hindi magagawa ng sinuman na tunay na mahalin ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tiwaling Tao ay Walang Kakayahang Kumatawan sa Diyos
441. Kapag ginagamit ng mga tao ang kanilang puso para makipag-ugnayan sa Diyos, kapag nagagawa ng kanilang mga puso na ganap na bumaling sa Kanya, ito ang unang hakbang sa pag-ibig ng tao para sa Diyos. Kung nais mong ibigin ang Diyos, kailangan mo munang magawang ibaling ang iyong puso sa Kanya. Ano ang pagbaling ng iyong puso sa Diyos? Ito ay kapag ang lahat ng iyong hinahangad sa iyong puso ay para sa kapakanan ng pag-ibig at pagkakamit sa Diyos. Ipinakikita nito na ganap mo nang naibaling ang iyong puso sa Diyos. Maliban sa Diyos at sa Kanyang mga salita, halos wala nang ibang nasa iyong puso (pamilya, kayamanan, asawang lalaki, asawang babae, mga anak, atbp.). Kung mayroon man, hindi makakapanahan ang gayong mga bagay sa iyong puso, at hindi mo iniisip ang mga inaasahan mo sa iyong hinaharap kundi hinahangad lamang ang pag-ibig sa Diyos. Sa gayong pagkakataon ay naibaling mo na nang ganap ang iyong puso sa Diyos. Ipagpalagay mong gumagawa ka pa rin ng mga plano para sa iyong sarili sa iyong puso at palaging hinahangad ang pansariling pakinabang, palaging iniisip: “Kailan kaya ako makakahiling sa Diyos? Kailan kaya yayaman ang aking pamilya? Paano kaya ako makakakuha ng ilang magagandang damit? …” Kung ikaw ay nabubuhay sa gayong kalagayan, ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pa ganap na nakabaling sa Diyos. Kung taglay mo lamang ang mga salita ng Diyos sa iyong puso at nagagawa mong manalangin sa Diyos at maging malapit sa Kanya sa lahat ng pagkakataon—na parang napakalapit Niya sa iyo, na parang ang Diyos ay nasa loob mo at ikaw ay nasa loob Niya—kung ikaw ay nasa gayong uri kalagayan, nangangahulugan ito na ang iyong puso ay nasa presensya na ng Diyos. Kung ikaw ay nananalangin sa Diyos at kinakain at iniinom mo ang Kanyang mga salita araw-araw, palaging iniisip ang gawain ng iglesia, at kung nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ginagamit ang iyong puso upang ibigin Siya nang tunay at bigyang-kaluguran ang Kanyang puso, ang iyong puso ay magiging pag-aari ng Diyos. Kung ang iyong puso ay pinananahanan ng maraming ibang bagay, ito ay pinananahanan pa rin ni Satanas at ito ay hindi pa tunay na nakabaling sa Diyos. Kapag ang puso ng isang tao ay tunay na nakabaling na sa Diyos, magkakaroon sila ng tunay at kusang pag-ibig sa Kanya at magagawang isaalang-alang ang gawain ng Diyos. Bagama’t maaari silang malagay sa kamangmangan at kawalan ng katwiran, nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng bahay ng Diyos, sa Kanyang gawain, at sa sarili nilang pagbabago ng disposisyon, at malinis ang intensyon nila. May mga taong palaging sinasabi na lahat ng ginagawa nila ay para sa iglesia gayong, ang totoo, gumagawa sila para sa sariling pakinabang. Ang mga taong tulad nito ay nagtataglay ng maling uri ng layunin. Sila ay buktot at mapanlinlang at karamihan sa mga bagay na kanilang ginagawa ay para sa kanilang sariling pakinabang. Hindi hinahangad ng ganitong uri ng tao ang pagmamahal sa Diyos; ang kanilang puso ay pag-aari pa rin ni Satanas at hindi makakabaling sa Diyos. Sa gayon, walang paraan ang Diyos na magkamit ng ganitong uri ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Pag-ibig sa Diyos ay Kusa
442. Ang bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao sa panlabas ay mukhang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi ng mga ito sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang kinaharap ni Job ay ang mga kilos at mga panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod nito ay isang labanan. Halimbawa, kung ikaw ay may pagkiling laban sa iyong mga kapatid, magkakaroon ka ng mga salita na nais mong sabihin—mga salita na sa pakiramdam mo ay hindi magugustuhan ng Diyos—ngunit kung hindi mo sasabihin ang mga ito, makararamdam ka ng pagkabagabag sa kalooban mo, at sa sandaling ito, magsisimula ang isang labanan sa kalooban mo: “Magsasalita ba ako o hindi?” Ito ang labanan. Kaya, sa lahat ng bagay na nakakatagpo mo ay may labanan. Kapag may labanan sa iyong kalooban, gumagawa ang Diyos sa iyo sa pamamagitan ng iyong aktuwal na pakikipagtulungan at aktuwal na pagdurusa, at sa huli ay magagawa mong bitiwan ang usapin sa loob mo, at ang galit mo ay likas na mawawala. Ito rin ang bunga ng iyong pakikipagtulungan sa Diyos. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao, kinakailangan ng partikular na dami ng dugo ng kanilang puso. Kung walang aktuwal na pagdurusa, hindi nila mabibigyang-kasiyahan ang Diyos; hindi man lamang sila nakakaabot sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos, at naglilitanya lamang sila ng mga hungkag na islogan! Mabibigyang-kasiyahan ba ng mga hungkag na islogang ito ang Diyos? Kapag naglalaban sa espirituwal na mundo ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo para sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring mukhang hindi mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo ang Diyos, makakapanindigan ka sa iyong patotoo para sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pagmamahal sa Diyos, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa! Sa lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao, kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang patotoo para sa Kanya. Bagama’t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka nagbibigay ng malaking patotoo, ang lahat ng detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay nauugnay sa patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga walang pananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, kung gayon ay ito na ang iyong magiging patotoo. Kahit wala kang kabatiran at mababa ang iyong kakayahan, sa pamamagitan ng pagperpekto sa iyo ng Diyos, nagagawa mong bigyan Siya ng kasiyahan at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, na ipinapakita sa iba ang dakilang gawaing nagawa Niya sa mga tao na may pinakamabababang kakayahan. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos at nagiging mga mananagumpay sila sa harap ni Satanas, na lubhang tapat sa Diyos, wala nang iba pang mas may gulugod kaysa sa grupong ito ng mga tao, at ito ang pinakadakilang patotoo. Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng dakilang gawain, kaya mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi mabitiwan ng iba ang kanilang mga kuru-kuro, ngunit kaya mo; hindi kaya ng iba na magpatotoo sa Diyos sa panahon ng kanilang aktuwal na mga karanasan, ngunit magagamit mo ang iyong aktuwal na tayog at mga pagkilos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at magbigay ng matunog na patotoo para sa Kanya. Ito lamang ang mabibilang na aktuwal na pagmamahal sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos
443. Ang mga nagmamahal sa Diyos ay ang mga nagmamahal sa katotohanan, at habang lalo itong isinasagawa ng mga nagmamahal sa katotohanan, mas lalo silang nagkakaroon ng marami nito; habang mas isinasagawa nila ito, mas nagkakaroon sila ng higit pang pagmamahal ng Diyos; at habang mas isinasagawa nila ito, mas pinagpapala sila ng Diyos. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, ang pag-ibig ng Diyos sa iyo ay unti-unti kang bibigyang-kakayahan na makakita, tulad nang makilala ni Pedro ang Diyos: Sinabi ni Pedro na ang Diyos ay hindi lamang nagtataglay ng karunungang likhain ang langit at lupa at lahat ng bagay, kundi higit pa rito ay may karunungan din Siya na gumawa ng praktikal na gawain sa mga tao. Sinabi ni Pedro na hindi lamang Siya karapat-dapat sa pag-ibig ng mga tao dahil sa Kanyang paglikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, ngunit, higit pa rito, dahil sa Kanyang kakayahang likhain ang tao, iligtas ang tao, gawing perpekto ang tao, at ipagkaloob ang Kanyang pag-ibig sa tao. Kaya sinabi rin ni Pedro na maraming bagay na taglay ng Diyos ang karapat-dapat sa pag-ibig ng tao. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Ang paglikha ba ng langit at lupa at lahat ng bagay ang tanging dahilan upang maging karapat-dapat Ka sa pag-ibig ng mga tao? Marami Ka pang tinataglay na kaibig-ibig. Gumagawa at kumikilos Ka sa tunay na buhay, inaantig ng Iyong Espiritu ang kalooban ko, dinidisiplina Mo ako, sinasaway Mo ako—higit pang karapat-dapat ang mga bagay na ito sa pagmamahal.” Kung nais mong makita at maranasan ang pag-ibig ng Diyos, kung gayon ay dapat kang mag-apuhap at maghanap sa tunay na buhay at dapat maging handang bitiwan ang iyong sariling laman. Dapat mong gawin ang kapasyahang ito. Dapat kang maging isang taong may determinasyon na magagawang magbigay-lugod sa Diyos sa lahat ng bagay, nang hindi nagiging tamad o nag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, nang hindi nabubuhay para sa laman kundi nabubuhay para sa Diyos. Marahil ay hindi mo nabibigyang-lugod ang Diyos sa pagkakataong ito dahil hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos; sa susunod, kahit na kailangan mong maglaan ng kaunting pagsisikap, dapat mo Siyang bigyang-lugod at hindi dapat bigyang-kasiyahan ang laman. Kapag naranasan mo ito sa ganitong paraan, makikilala mo na ang Diyos. Makikita mo na kayang likhain ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, na Siya ay nagkatawang-tao upang makita Siya ng mga tao sa tunay at nahahawakang paraan, at na nakikisalamuha Siya sa kanila sa tunay at nahahawakang paraan; makikita mo na nagagawa Niyang lumakad sa gitna ng mga tao, at na makakaya ng Kanyang Espiritu na gawing perpekto ang mga tao sa tunay na buhay; makikita mo na magbibigay-daan ang lahat ng ito sa mga tao na makita ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at danasin ang Kanyang pagdidisiplina, ang Kanyang pagtutuwid, at ang Kanyang mga pagpapala. Kung lagi kang nakadaranas sa ganitong paraan, hindi ka mawawalay sa Diyos sa tunay na buhay, at kung isang araw ay naging hindi na normal ang ugnayan mo sa Diyos, magagawa mong dumanas ng pagsaway ng konsensiya at makaramdam ng pagsisisi. Kapag may normal kang relasyon sa Diyos, hindi mo na nanaisin kailanman na iwan ang Diyos, at kung dumating ang araw na sabihin ng Diyos na tatalikuran ka Niya, matatakot ka, at sasabihin na nanaisin mo pang mamatay kaysa talikuran ng Diyos. Sa sandaling maramdaman mo ito, mararamdaman mo na hindi mo kayang lisanin ang Diyos, at sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng isang pundasyon, at tunay na matatamasa ang pag-ibig ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag
444. Gaano mo kamahal ang Diyos ngayon? At gaano ba karami ang iyong nalalaman tungkol sa lahat ng ginawa ng Diyos sa iyo? Ito ang mga aral na dapat mong matutunan. Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, ang lahat ng Kanyang ginagawa sa tao at itinutulot na makita ng tao ay para mahalin Siya ng tao at makilala Siya nang tunay. Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa kabilang banda, dahil sa pagliligtas ng Diyos; higit pa rito, dahil ito sa paghatol at gawain ng pagkastigo na isinagawa ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi kayo pinagdusa ng Diyos, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na mamahalin ang Diyos. Habang lumalaki ang gawain ng Diyos sa tao, mas lumalala ang pagdurusa ng tao, mas lalo nitong naipakikita kung gaano kamakabuluhan ang gawain ng Diyos, at mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na mahalin ang Diyos. Paano natatamo ang aral ng pagmamahal sa Diyos? Kung walang paghihirap at pagpipino, kung walang masasakit na pagsubok—at kung, bukod pa roon, ang tanging ipinagkaloob ng Diyos sa tao ay biyaya, mapagmahal na kabaitan, at awa—makakaabot ka ba sa punto ng tunay na pagmamahal sa Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos ay nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay hamak, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman at walang halaga; sa kabilang banda, sa panahon ng mga pagsubok, naghahanda ang Diyos ng ilang kapaligiran para sa tao upang sa loob ng mga ito, mas nagagawang danasin ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi malagpasan—umaabot pa nga sa nakakadurog na pighati—pagkatapos itong maranasan, nakikita ng tao kung gaano kaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang umuusbong sa tao ang tunay na pagmamahal sa Diyos. Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, mapagmahal na kabaitan, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang makilala ang diwa ng tao, at sa pamamagitan lamang ng kapwa paghatol at pagpipino ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, malalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malalaman na wala siyang anuman. Kaya, ang pagmamahal ng tao sa Diyos ay itinatag sa pundasyon ng pagpipino at paghatol ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
445. Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang ganoong pagkatanto. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, at na itinatakwil sila ng mundo, magulo ang buhay nila sa tahanan, hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, at madilim ang kinabukasan nila. Gusto pa nga ng ilang tao na mamatay kapag nagdurusa sila sa isang partikular na antas. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahina ang loob at walang kakayahan! Inaasam ng Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok sa tao. Kung minamahal mo Siya, bawat uri ng pagdurusa ay darating sa iyo—at kung hindi mo Siya mahal, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo palagi na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan. At dahil ang iyong tayog ay napakababa, ikaw ay pipinuhin, at hindi mo makakayang palugurin ang Diyos—palagi mong madarama na napakatayog ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito, ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa loob mo, at sa maraming aspekto, hindi mo kayang tugunan ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ka nang panloob. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo para sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan ninyong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong mapalugod nang maayos ang Diyos.” Habang mas pinalulugdan mo ang Diyos, mas pagpapalain ka ng Diyos, at mas titindi ang iyong sigasig na mahalin ang Diyos; magkakaroon ka rin ng pananalig at determinasyon, at mararamdaman mo na ang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang buhay. Masasabing sa sandaling mahalin mo ang Diyos, mawawalan ka ng kalungkutan. Bagama’t may mga pagkakataon na mahina ang iyong laman at marami kang tunay na paghihirap, kung sa mga panahong ito ay tunay kang aasa sa Diyos, makadarama ka ng kaginhawahan, kapanatagan, at suporta sa loob ng iyong espiritu. Sa ganitong paraan, mapagtatagumpayan mo ang maraming sitwasyon, at hindi ka magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa pagdurusang tinitiis mo. Sa halip, gugustuhin mong umawit ng mga himno, sumayaw, at manalangin, makipagtipon at makipagbahaginan, at isipin ang Diyos, at mararamdaman mo na ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, ang lahat ng titingnan mo ay hindi aayon sa iyong gusto at walang makapagpapalugod sa iyong mga mata; hindi ka magkakaroon ng pagpapalaya at masusupil ka sa loob ng iyong espiritu, at palagi kang magkikimkim ng mga reklamo tungkol sa Diyos, at palagi mong mararamdaman na ang pagdurusang tinitiis mo ay napakatindi, at na labis kang inapi. Kung hindi ka maghahangad alang-alang sa kaligayahan, kundi upang palugdan ang Diyos at upang hindi akusahan ni Satanas, kung gayon ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding sigasig na mahalin ang Diyos. Kapag nagagawa mong isagawa ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa mo ay nakapagpapalugod sa Diyos, ito ay tinatawag na pagtataglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugdan ang Diyos ay ang paggamit ng iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso upang isagawa ang Kanyang mga salita. Kahit kailan, palagi kang mayroong mapagmahal-sa-Diyos na puso sa loob mo, kahit na ang iba ay walang lakas, at inaasam at iniisip mo ang Diyos mula sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ay tunay na tayog.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
446. Sa panahon ng mapait na pagpipino, pinakamadaling mahulog ang tao sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya paano mo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng gayong pagpipino? Dapat mong pukawin ang iyong determinasyon, ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos at ilaan ang iyong natitirang sandali sa Kanya. Paano ka man pinipino ng Diyos, dapat mong maisagawa ang katotohanan upang matugunan ang mga layunin ng Diyos, at dapat kang magkusa sa sarili mo na hanapin ang Diyos at hanaping makipagbahaginan. Sa mga panahong kagaya nito, habang lalo kang pasibo, mas lalong magiging madali para sa iyo na maging negatibo at mas lalong magiging madali para sa iyo na umurong. Kapag kinakailangan mong gampanan ang iyong tungkulin, bagama’t hindi mo ito nagagampanan nang maayos, ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya, at ginagawa ito gamit lamang ang walang iba kundi ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso; anuman ang sinasabi ng iba—sinasabi man nilang mahusay ang paggawa mo, o na hindi maganda ang paggawa mo—sa kabuuan, ang iyong mga intensyon ay tama, at hindi ka mapagmagaling, sapagkat ikaw ay kumikilos alang-alang sa Diyos. Kapag mali ang pakahulugan sa iyo ng iba, nagagawa mong manalangin sa Diyos at magsabi ng: “O Diyos! Hindi ko hinihiling na patawarin ako ng iba o tratuhin nila ako nang maayos, ni maintindihan o sang-ayunan nila ako. Hinihiling ko lamang na magawa kong ibigin Ka sa puso ko, na mapalagay ako sa aking puso, at na maging malinis ang aking konsensiya. Hindi ko hinihiling na purihin ako ng iba, o tingalain ako; hinahangad ko lamang na mapalugod Ka mula sa aking puso. Ginagawa ko ang aking tungkulin sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng aking makakaya. Bagama’t ako ay hangal, may mahinang kakayahan at bulag, nalalaman ko na Ikaw ay kaibig-ibig, at nakahanda akong ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo.” Sa sandaling manalangin ka sa ganitong paraan, lilitaw ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas lalong mapapanatag ang iyong pakiramdam sa puso mo. Ito ang kahulugan ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
447. Paano dapat ibigin ng tao ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pamamagitan ng determinasyon na ibigin ang Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagpipino: Sa panahon ng pagpipino ikaw ay nagdurusa sa loob, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa iyong puso, ngunit nakahanda kang palugurin ang Diyos gamit ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at ayaw mong bigyang-layaw ang laman. Ito ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos. Nasasaktan ka sa loob, at ang iyong pagdurusa ay nakarating na sa isang partikular na punto, ngunit nakahanda ka pa ring lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing: “O Diyos! Hindi Kita maaaring iwan. Bagama’t mayroong kadiliman sa loob ko, handa akong palugurin Ka; kilala Mo ang puso ko, at nawa ay ikintal Mo sa akin ang higit pang pagmamahal Mo.” Ito ang pagsasagawa sa panahon ng pagpipino. Kung gagamit ka ng mapagmahal-sa-Diyos na puso bilang pundasyon, maaari kang mas mailapit ng pagpipino sa Diyos at gagawin ka nitong mas matalik sa Diyos. Yamang nananampalataya ka sa Diyos, dapat mong isuko ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kung ihahandog at ilalatag mo ang iyong puso sa harap ng Diyos, sa panahon ng pagpipino ay tiyak na hindi mo ikakaila ang Diyos, o iiwanan ang Diyos. Sa ganitong paraan, ang iyong ugnayan sa Diyos ay magiging mas malapit, at mas normal, at ang iyong pakikipagbahaginan sa Diyos ay magiging mas madalas. Kung palagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, gugugol ka ng mas maraming panahon sa liwanag ng Diyos at ng mas maraming panahon sa ilalim ng gabay ng Kanyang mga salita. Magkakaroon din ng mas marami pang pagbabago sa iyong disposisyon, at ang iyong kaalaman ay madaragdagan araw-araw. Kapag dumating ang araw na ang mga pagsubok ng Diyos ay biglang sumapit sa iyo, hindi ka lamang makapaninindigan sa panig ng Diyos, kundi magagawa mo ring magpatotoo para sa Diyos. Sa panahong iyon, ikaw ay magiging kagaya ni Job at ni Pedro. Kapag nagpatotoo ka para sa Diyos, mangangahulugan ito na ikaw ay isang taong tunay na nagmamahal sa Kanya, isang taong masayang mag-aalay ng kanyang buhay para sa Diyos, at na ikaw ay tagapagpatotoo ng Diyos, at ang siyang iniibig ng Diyos. Ang pag-ibig na nakaranas na ng pagpipino ay matatag, hindi marupok. Kailanman o paano ka man isailalim ng Diyos sa Kanyang mga pagsubok, nagagawa mong huwag isipin ang sarili mong buhay, masayang isantabi ang lahat para sa Diyos, at nagagalak na tiisin ang anuman para sa Diyos—sa ganitong paraan, magiging dalisay ang pag-ibig mo at magkakaroon ng realidad ang iyong pananalig. Sa gayon ka lamang magiging isang tunay na iniibig ng Diyos, at isang tunay na nagawang perpekto na ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
448. Kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang tao dahil kinakailangan ito ng Kanyang gawain, at, higit pa rito, dahil kailangan ito ng tao. Kailangan ng tao na makastigo at mahatulan, at saka lamang niya makakamit ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngayon, kayo ay lubos nang kumbinsido, ngunit kapag kayo ay naharap sa kahit napakaliit na dagok ay nahihirapan na kayo; ang inyong tayog ay napakababa pa rin, at kailangan pa rin ninyong makaranas ng higit pang gayong pagkastigo at paghatol para magtamo ng mas malalim na kaalaman. Ngayon, kayo ay medyo may kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, at natatakot kayo sa Diyos, at batid ninyong Siya ang tunay na Diyos, ngunit wala kayong masyadong pag-ibig para sa Kanya, lalong hindi pa ninyo natamo ang dalisay na pag-ibig; ang inyong kaalaman ay napakababaw, at ang inyong tayog ay hindi pa rin sapat. Kapag kayo ay tunay na nahaharap sa isang kapaligiran, hindi pa kayo nakapagpatotoo, napakakaunti ng inyong positibong pagpasok, at wala kayong ideya kung paano magsagawa. Karamihan ng mga tao ay negatibo at pasibo; palihim lamang nilang iniibig sa kanilang puso ang Diyos, ngunit wala silang paraan ng pagsasagawa, at hindi rin malinaw sa kanila kung ano ang kanilang mga layon. Ang mga taong nagawang perpekto ay hindi lamang nagtataglay ng normal na pagkatao, kundi nagtataglay ng mga katotohanang nakahihigit sa mga sukat ng konsensiya, na mas mataas pa sa mga pamantayan ng konsensiya. Hindi lamang nila ginagamit ang kanilang konsensiya upang masuklian ang pag-ibig ng Diyos, ngunit, higit pa rito, nakilala na nila ang Diyos, at nakita na nila na ang Diyos ay kaibig-ibig, at na karapat-dapat Siyang ibigin ng tao, at napakaraming bagay ang kaibig-ibig tungkol sa Diyos at hindi maiiwasan ng tao na ibigin Siya. Ang pag-ibig para sa Diyos ng mga nagawang perpekto ay upang tuparin nila ang kanilang sariling personal na determinasyon. Ang pag-ibig nila ay pag-ibig na kusa, isang pag-ibig na hindi humihiling ng kapalit, at na hindi isang transaksyon. Iniibig nila ang Diyos dahil lamang sa kanilang pagkakilala sa Kanya at wala nang iba pa. Hindi iniisip ng gayong mga tao kung pinagkakalooban ba sila ng Diyos ng mga biyaya, at kontento na sila na mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi sila nakikipagtawaran sa Diyos, at hindi rin nila sinusukat ang kanilang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng konsensiya: “Nagbigay Ka sa akin, kaya minamahal Kita bilang kapalit. Kung hindi Ka nagbibigay sa akin, wala akong anumang maibibigay na kapalit sa Iyo.” Ang mga nagawang perpekto ay laging naniniwala na, “Ang Diyos ang Lumikha, at isinasakatuparan Niya ang gawaing ito sa atin. Dahil mayroon akong pagkakataon, kondisyon, at kalipikasyon na ito upang magawang perpekto, ang dapat kong hangarin ay ang magsabuhay ng isang makabuluhang buhay, at dapat ko Siyang mapalugod.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
449. Sa buong buhay niya, si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses at sumailalim sa maraming masakit na pagpapanday. Ang pagpipinong ito ang naging pundasyon ng kanyang sukdulang pagmamahal sa Diyos, at ang naging pinakamakabuluhang karanasan sa buong buhay niya. Sa isang banda, nagawa niyang taglayin ang isang sukdulang pagmamahal sa Diyos dahil sa kanyang determinasyong ibigin ang Diyos; higit na mas mahalaga, gayumpaman, ito ay dahil sa pagpipino at pagdurusa na kanyang pinagdaanan. Ang pagdurusang ito ay ang kanyang naging gabay sa landas ng pag-ibig sa Diyos, at ang naging pinakahindi malilimutang bagay para sa kanya. Kung hindi pagdadaanan ng mga tao ang kirot ng pagpipino kapag nagmamahal sa Diyos, ang kanilang pag-ibig ay puno ng karumihan at ng kanilang sariling mga kagustuhan; ang pag-ibig na kagaya nito ay puno ng mga ideya ni Satanas, at talagang walang kakayahan na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang pagkakaroon ng determinasyon na ibigin ang Diyos ay hindi katumbas ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Kahit pa ang lahat ng iniisip nila sa kanilang puso ay alang-alang sa pagmamahal at pagpapalugod sa Diyos—tila wala itong anumang mga ideya ng tao, tila para lang sa kapakanan ng Diyos—kapag ang gayong pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos ay dinadala sa harap Niya, hindi Niya ito sinasang-ayunan o pinagpapala. Kahit na ganap na maunawaan at malaman ng mga tao ang lahat ng katotohanan, hindi masasabi na isa itong tanda ng pagmamahal sa Diyos, hindi masasabi na ang mga taong ito ay may realidad ng pagmamahal sa Diyos. Sa kabila ng pagkaunawa sa maraming katotohanan nang hindi sumasailalim sa pagpipino, walang kakayahan ang mga tao na isagawa ang mga katotohanang ito; tanging sa panahon ng pagpipino mauunawaan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga katotohanang ito, sa gayon lamang tunay na mapahahalagahan ng mga tao ang mas panloob na diwa ng mga ito. Sa panahong iyon, kapag isinagawa nila ang mga katotohanang ito, nagagawa na nila ito nang tumpak, at nang naaayon sa mga layunin ng Diyos; sa pagsasagawa nila noong panahong iyon, nababawasan ang sarili nilang mga ideya, nababawasan ang kanilang katiwalian, at nababawasan ang kanilang mga damdaming pantao. Sa panahon lamang na iyon magiging isang tunay na pagpapamalas ng pagmamahal sa Diyos ang kanilang pagsasagawa. Ang epekto ng katotohanan ng pagmamahal sa Diyos ay hindi natatamo sa pamamagitan ng binigkas na kaalaman o kahandaan ng isipan, at ni hindi ito maaaring matamo sa pamamagitan ng pag-unawa lamang sa katotohanang iyon. Hinihingi nitong magbayad ng halaga ang mga tao, na sila ay sumailalim sa maraming pasakit sa panahon ng pagpipino, at saka lamang magiging dalisay at naaayon sa mga layunin ng Diyos ang kanilang pagmamahal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
450. Noong malapit na siyang mamatay, matapos siyang gawing perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilang taon pa, nais kong maabot ang mas higit na dalisay at higit na malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon; ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat na maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magbigay ng patotoong ito para sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga hinihingi, at na ito ay mas magiging dalisay. Ngayon, ang magawang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay nagpaparamdam sa akin ng kaginhawahan at kapayapaan, sapagkat maaari akong maipako sa krus para sa Iyo at makatugon sa Iyong mga ninanais. Ang maibigay sa Iyo ang aking sarili, at maialay sa Iyo ang aking buhay ay sukdulang nagbibigay-kasiyahan sa akin. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung pahihintulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay nabubuhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hinahatulan Mo ako, at kinakastigo at sinusubok dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagkat nagagawa Kitang ibigin nang mas malalim. Handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagkat dahil dito ay mas nagagawa kong isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Palagi kong nararamdaman na ang buhay ko ngayon ay mas makabuluhan, sapagkat ipinapako ako sa krus dahil sa Iyo, at makabuluhan ang mamatay para sa Iyo. Gayon pa man hindi pa rin ako nakakaramdam ng kasiyahan, sapagkat lubhang kakaunti ang nalalaman ko tungkol sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga nais, at kakaunti lamang ang isinukli ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nagawang lubusan Kang suklian; malayo pa ako roon. Habang nagbabalik-tanaw ako ngayon, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, at ang sandaling ito lamang ang mayroon ako upang makabawi sa lahat ng pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
451. Dapat hangarin ng lahat ng tao na maisabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi sila dapat masiyahan sa kanilang kasalukuyang mga kalagayan. Dapat nilang maisabuhay ang wangis ni Pedro, at dapat nilang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat nilang hangarin ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat nilang hangarin ang isang mas malalim at mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may halaga at kabuluhan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang sila magiging katulad ni Pedro. Dapat kang tumuon sa kusang pagpasok sa positibong panig, at hindi ka dapat maging negatibo at hindi mo dapat hayaan ang iyong sarili na umurong dahil kontento ka na sa pansamantalang ginhawa, habang kasabay nito ay binabalewala mo ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng lahat ng posibleng paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa dekadente at pamumuhay nang walang inaalala na walang ipinagkaiba sa pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan, isang buhay na may halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o tratuhin ang iyong buhay na parang isang laruan na paglalaruan. Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi maaabot at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong uri ng determinasyon at pagtitiyaga, at hindi dapat maging mahina na walang lakas ng loob. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makabuluhang buhay at maranasan ang makabuluhang mga katotohanan, at hindi mo dapat tratuhin ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganoong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos? Maaari bang mahalin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng determinasyon at ng konsensiya na katulad ng kay Pedro; dapat kang mamuhay ng makabuluhang buhay, at hindi mo dapat paglaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong isaalang-alang at harapin nang maingat ang buhay mo—isinasaalang-alang kung paano mo dapat ialay ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka dapat magkaroon ng isang mas makabuluhang pananalig sa Diyos, at dahil iniibig mo ang Diyos, kung paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
452. Kung nais ng mga tao na mahalin ang Diyos, dapat nilang danasin ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at makita ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos; sa gayon lamang makakayang pukawin sa kanila ang isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at isang pusong debotong gumugugol ng sarili nila para sa Diyos. Hindi ginagawa ng Diyos na mahalin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita o ng kanilang mga imahinasyon, at hindi Niya pinipilit ang mga tao na mahalin Siya. Sa halip, hinahayaan Niyang kusang-loob na mahalin nila Siya, at hinahayaan Niya na makita nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig sa Kanyang gawain at mga salita, at matapos nito ay sumisibol sa kanila ang pagmamahal sa Diyos. Tanging sa ganitong paraan tunay na makakapagpatotoo ang mga tao sa Diyos. Hindi minamahal ng mga tao ang Diyos dahil nahimok sila ng iba na gawin ito, at hindi rin ito panandaliang bugso ng damdamin. Minamahal nila ang Diyos sapagkat nakita na nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, nakita nila na marami sa Kanya ang karapat-dapat na mahalin ng mga tao, sapagkat nakita na nila ang pagliligtas, karunungan, at mga kamangha-manghang gawa ng Diyos—at bunga nito, sila ay tunay na nagbibigay-papuri sa Diyos at tunay na nananabik sa Kanya, at may ganoong maalab na damdamin na napupukaw sa kanila na hindi sila mabubuhay nang hindi nakakamit ang Diyos. Ang dahilan kung bakit ang mga taong tunay na nagpapatotoo sa Diyos ay nakakagawa niyon nang napakamatunog ay dahil ang kanilang patotoo ay nakasalalay sa pundasyon ng tunay na pagkakilala at tunay na pananabik para sa Diyos. Ang ganoong patotoo ay hindi ibinigay ayon sa isang bugso ng damdamin, kundi ayon sa kanilang pagkakilala sa Diyos at sa Kanyang disposisyon. Dahil nakilala na nila ang Diyos, sa pakiramdam nila ay tiyak na dapat silang magpatotoo sa Diyos, at idulot na ang lahat ng nananabik sa Diyos ay makakilala sa Diyos, at malaman ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at ang Kanyang pagiging praktikal. Tulad ng pag-ibig ng mga tao sa Diyos, ang kanilang patotoo ay kusang-loob; ito ay may taglay na realidad at may tunay na kabuluhan at halaga. Hindi ito pasibo o hungkag at walang-kabuluhan. Ang dahilan kung bakit sinasabi na ang mga tunay lamang na nagmamahal sa Diyos ang may pinakamataas na halaga at kahulugan sa kanilang buhay, at tunay na nananampalataya sa Diyos, ay dahil nagagawa ng mga taong ito na mamuhay sa liwanag ng Diyos at nagagawa nilang mamuhay para sa gawain at pamamahala ng Diyos. Ito ay dahil hindi sila namumuhay sa kadiliman, kundi namumuhay sila sa liwanag; hindi sila namumuhay nang walang-kahulugang mga buhay, bagkus ay mga buhay na pinagpala ng Diyos. Tanging ang mga nagmamahal sa Diyos ang nakakapagpatotoo sa Diyos, sila lamang ang mga saksi ng Diyos, sila lamang ang pinagpala ng Diyos, at sila lamang ang makapagmamana ng mga pangako ng Diyos. Ang mga nagmamahal sa Diyos ay mga kapalagayang-loob ng Diyos; sila ang mga tao na minamahal ng Diyos, at matatamasa nila ang mga pagpapala kasama ang Diyos. Ang mga taong tulad lamang nito ang mabubuhay hanggang sa kawalang-hanggan, at sila lamang ang mabubuhay magpakailanman sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Ang Diyos ay para mahalin ng tao, at karapat-dapat Siya sa pagmamahal ng lahat ng tao, ngunit hindi lahat ng tao ay kayang mahalin ang Diyos, at hindi lahat ng tao ay kayang magpatotoo para sa Diyos at maghari kasama ang Diyos. Dahil nagagawa nilang magpatotoo sa Diyos, at maglaan ng lahat ng kanilang pagsisikap sa gawain ng Diyos, ang mga taong tunay na nagmamahal sa Diyos ay maaaring maglakad saanman sa ilalim ng langit nang walang sinumang mangangahas na labanan sila, at makakaya nilang maghari sa lupa at pamunuan ang lahat ng tao ng Diyos. Nagsama-sama ang mga taong ito mula sa iba’t ibang dako ng mundo. Sila ay mga tao mula sa buong mundo na nagsasalita ng iba’t ibang wika at may iba’t ibang kulay ng balat, ngunit ang kabuluhan ng kanilang pag-iral ay pareho; silang lahat ay may mapagmahal-sa-Diyos na puso, silang lahat ay nagtataglay ng magkakatulad na patotoo, at may magkakatulad na determinasyon, at magkakatulad na minimithi. Makapaglalakad nang malaya sa buong mundo ang mga nagmamahal sa Diyos, at makapaglalakbay sa buong sansinukob ang mga taong nagpapatotoo sa Diyos. Minamahal ng Diyos ang mga taong ito, pinagpala sila ng Diyos, at mamumuhay sila magpakailanman sa Kanyang liwanag.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag