78. Walang Pagsisisi sa Aking Pinili
Ipinanganak ako noong dekada 90, at noong middle school, nahumaling ako sa mga romance drama. Sa tuwing nakikita ko ang wagas na pag-ibig ng mga bida, lalo na kapag inaalagaang mabuti ng lalaki ang babae, naiinggit ako, at umaasa ako na balang-araw ay magkakaroon din ako ng ganoong pag-ibig. Inakala ko na ang makahanap ng isang taong nagmamahal sa akin, at ang magkasama kami sa hirap at ginhawa, ang pinakamasaya at pinakamakabuluhang paraan para mabuhay.
Noong Abril 2009, hindi pa natatagalan matapos kong matagpuan ang Diyos, nakilala ko si Wenbin. Apat na taon ang tanda niya sa akin, at siya ay isang taong totoo, tapat, mature, at matatag, at maalalahanin at maalaga rin siya sa akin. Sa tuwing masama ang loob ko sa kanya, lagi niya akong pinagpapasensiyahan. Kadalasan, kapag may nangyayari, tinatanong niya muna ang opinyon ko, at palagi siyang umaayon sa akin at iginagalang ang mga desisyon ko. Komportable ang pakiramdam ko kapag kasama ko siya. Pati mga kamag-anak at kaibigan namin ay naiinggit sa amin, sabi nila, palaging sobrang mapagbigay ni Wenbin, at mahirap nang makahanap ng ganoong tao sa panahon ngayon. Lubos akong nalunod sa tamis ng pag-ibig, at madalas, pakiramdam ko ay napakasuwerte kong magkaroon ng ganoon kamaalalahaning kasintahan.
Habang paparami ang nababasa kong mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao ay para iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan, dinadala ang mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos at ang mga nadalisay sa susunod na kapanahunan, at ito ang huling hakbang sa gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Madalas ding nakikipagbahaginan sa akin ang mga magulang ko tungkol sa kahalagahan ng pananampalataya sa Diyos, pinaaalalahanan akong pahalagahan ang napakabihirang pagkakataong ito. Gusto kong dalhin si Wenbin sa harap ng Diyos para pareho kaming manampalataya sa Diyos at hangarin ang katotohanan nang magkasama, at para sa huli ay magkasama kaming maligtas at makapasok sa kaharian. Magiging napakasaya niyon! Kaya, pasimple ko siyang tinanong tungkol sa saloobin niya sa pananalig. Hindi siya naniniwala sa Diyos, at naniniwala siyang hawak ng tao ang sarili nitong tadhana. Sabi niya, “Mga bata pa tayo, at lahat ay dapat na tungkol sa pera.” Sinabihan din niya akong huwag makinig sa mga magulang ko kapag nagsasalita sila tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at na walang Diyos sa mundong ito. Nang marinig ko siyang sabihin ang mga iyon, hindi maipaliwanag ang pagkabalisa ko. Noong una, gusto ko siyang dalhin sa harap ng Diyos para pareho kaming manampalataya sa Kanya, pero hinding-hindi ko talaga inasahan na isa pala siyang ateista. Ano na ang gagawin ko? Nakita kong ang ilang kapatid na may mga pamilyang hindi nananampalataya sa Diyos ay hinadlangan at inusig ng mga ito. Katulad na lang ng pinsan ko— bago siya ikasal, aktibo siyang gumagawa ng kanyang mga tungkulin at nangangaral ng ebanghelyo sa iba’t ibang lugar, pero pagkatapos niyang ikasal, inusig at hinadlangan ng asawa niyang ateista ang kanyang pananalig, at araw-araw, lagi silang nagtatalo o kaya ay nag-aaway. Nang maglaon, hindi na nakadadalo sa mga pagtitipon ang pinsan ko, at sa huli, napilitan siyang makipagdiborsiyo, at napunta sa asawa niya ang kanilang anak. Sobra siyang nalulungkot sa tuwing naiisip niya ang kanyang anak. Ayokong magtiis ng ganoong klaseng pagsasama o pasakit. Hindi nananampalataya sa Diyos si Wenbin, kaya kung uusigin niya ako sa hinaharap, makapaninindigan kaya ako? Sandali kong hindi malaman ang gagawin. Sa aking pasakit, lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “O Diyos! Hindi ko po inasahan na ateista pala si Wenbin. Sa tagal naming magkasama, napakalaki na ng naipuhunan kong damdamin, at kung makikipaghiwalay ako sa kanya, magiging parang dinudurog ang puso ko sa sakit. Hindi ko kayang bitiwan ang pagmamahal na ito. Pero kung mananatili ako sa relasyon namin, at hahadlangan niya ang pananalig ko dahil magkaiba kami ng landas, ano ang gagawin ko? O Diyos, napakababa po ng aking tayog, pakiusap, gabayan Mo po akong makagawa ng tamang desisyon.” Sa mga sumunod na araw, sinimulan kong basahin ang mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano ituring ang pag-aasawa, at naunawaan ko na may mga prinsipyo sa pagpili ng kapareha. Mahalagang humanap ng isang taong kapareho ko ng mga pananaw, may mabuting pagkatao, at hindi hahadlang sa aking pananalig. Hindi nananampalataya sa Diyos si Wenbin, hindi kami magkapareho ng mga pananaw o nasa iisang landas, at hindi magtatagal, maghihiwalay rin kami. Habang mas maraming pagmamahal ang ipinupuhunan ko, mas magiging masakit ang paghihiwalay. Noong mga panahong iyon, sa tuwing naiisip ko ito, sumasakit ang puso ko. Hindi ko kayang isipin ang makipaghiwalay, pero kung mananatili kaming magkasama, lalakad kami sa magkaibang landas. Puno ng salungatan ang puso ko, kaya sinabi ko sa Diyos ang aking pasakit at mga paghihirap at humingi ako ng tulong sa Kanya.
Bago ko namalayan, Marso 2011 na, at gusto na ng pamilya ni Wenbin na magkasunduan na kami para sa kasal. Kinailangan kong magdesisyon. Sa puso ko, malinaw sa akin na hindi nananampalataya sa Diyos si Wenbin, at na wala kaming patutunguhan, pero umasa pa rin ako, iniisip na, “Hindi ko pa naman pormal na napatotohanan sa kanya ang gawain ng Diyos, at hindi ako sigurado sa saloobin niya sa katotohanan. Kung hindi siya mananampalataya sa Diyos pero hindi naman ako hahadlangan, puwede pa rin kaming magsama.” Kaya nagpasya akong kausapin siya tungkol sa pananalig ko sa Diyos at tingnan kung ano ang magiging reaksyon niya. May nangyaring hindi ko talaga inasahan. Sa sandaling narinig niyang nananampalataya ako sa Diyos, ikinuyom niya ang kanyang kamao sa galit at sinuntok ang pader. Nabigla ako sa ikinilos niya, at nang makabawi ako, dumudugo na ang kamay niya dahil sa suntok. Nang makita kong susuntukin na naman niya ang pader, mabilis kong hinawakan ang kamay niya, pero pilit siyang kumawala. Nang makita ko ang kakaiba niyang kilos at malamig na ekspresyon, parang naging estranghero siya, at natakot ako, iniisip na, “Ito pa rin ba ang nobyo ko na laging sumasang-ayon sa lahat ng sinasabi ko? Bakit may ganito siyang saloobin nang marinig niyang nananampalataya ako sa Diyos? Puno ng pagkamuhi ang mga mata niya. Nananampalataya lang naman ako sa Diyos, wala naman akong ginagawang masama, bakit ganito ang reaksyon niya?” Sa puso ko, patuloy akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, kung talagang hahadlangan niya ang pananalig ko, handa po akong makipaghiwalay sa kanya. Pero napakababa po ng aking tayog, at hindi ko kayang bitiwan ang dalawang taon ng pagmamahalan namin. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng lakas para makagawa ng tamang desisyon.” Pagkatapos manalangin, ibinahagi ko sa kanya ang karanasan ko sa pagprotekta ng Diyos, at nilinaw ko rin ang paninindigan ko. Sandali siyang nanahimik, pagkatapos ay pumayag na hindi hadlangan ang pananalig ko. Nagkasundo kami na kung hahadlangan niya ang pananalig ko, makikipaghiwalay ako sa kanya. Natigilan siya noong una nang marinig niya ito, pero pumayag pa rin siya.
Disente naman ang pagkatao ng kuya at hipag ni Wenbin, at naniniwala sila na may Diyos, kaya nagpatotoo ako sa kanila tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nang malaman ni Wenbin, sumabog siya sa galit, at sa harap ng pamilya niya, sinabihan niya akong umalis, at na ayaw na niya akong makita kailanman. Padabog niyang ibinagsak ang cellphone niya sa harap ko. Kailanman ay hindi ko pa siya nakitang ganoon kagalit. Puno ng pagkamuhi ang boses niya nang sabihin niyang, “Hindi ko hahadlangan ang pananalig mo, pero huwag mong subukang mangaral sa pamilya ko!” Nang makita ko kung gaano ang paglaban niya sa pananalig ko, nag-alala ako, iniisip na, “Sinabi niyang hindi niya hahadlangan ang pananalig ko, pero iyon ay dahil hindi niya alam na dumadalo ako sa mga pagtitipon at ginagawa ko ang mga tungkulin ko. Kung malalaman niya, susubukan kaya niyang hadlangan ang pananalig ko? Kung susubukan niya akong hadlangan, tiyak na mag-aaway kami, at baka masira pa ang pagsasama namin bilang mag-asawa. Ano na ang gagawin ko kung ganoon?” Nagtalo ang kalooban ko. Kung maghihiwalay kami, baka hindi na ako makakilala ng isa pang taong tunay na magmamahal sa akin gaya nito, at kung ganoon, ano pa ang saysay ng buhay ko? Pero kung hindi kami maghihiwalay, tiyak na patuloy kaming mag-aaway, kaya anong kaligayahan pa ang mayroon sa ganoong buhay? Nadudurog na ang puso ko, isipin pa lang ito, at nalagay ako sa alanganin. Nang maglaon, napagtanto kong mayroon kaming malinaw na pagkakaiba sa mga pananaw sa buhay. Halimbawa, sabi niya, pagkatapos naming ikasal, dapat ay magbukas kami ng restawran, kumita ng pera para makabili ng kotse, bahay, at kung ano-ano pa. Sabi ko, “Kung gaano karaming pera ang kikitain ng isang tao ay itinakda na ng Langit, at kailangan lang natin ng sapat para mabuhay. Hindi pera ang pinakamahalaga sa buhay. Dapat nating sambahin ang Diyos. Iyon ang tamang landas sa buhay.” Walang saya niyang sinabi, “Ano ang saysay ng buhay kung hindi ka kikita ng pera? Paano ka kakain o iinom kung walang pera? Wala kang ambisyon!” Madalas mangyari ang mga ganitong pagtatalo, at pagod na pagod na ako. Sa tuwing may hindi kami pagkakasunduan na nagdudulot ng samaan ng loob, napapaisip ako, “Ito ba ang kaligayahang gusto ko? Bakit hindi ako makadama ng kaligayahan? Ano ba talaga ang pinakamakabuluhang hangarin sa buhay? Paano ko maiiwasang masayang ang buhay kong ito?” Pagkatapos, lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “O Diyos, noong una, akala ko ay magdudulot ng kaligayahan ang mamuhay kasama si Wenbin, at ito ang buhay na lagi kong pinapangarap, pero nakikita ko ngayon na hindi ito gaya ng inakala ko. Magkaiba kami ng landas na tinatahak at wala kaming mapagkasunduan, kaya hindi kailanman lumaya ang puso ko. Araw-araw, patago kong binabasa ang mga salita Mo at dumadalo sa mga pagtitipon dahil takot akong pag-awayan namin ang mga bagay na ito. O Diyos, sobrang sakit po ng nararamdaman ko, at gusto ko nang makawala sa mga damdaming ito, pero sa kaibuturan ko, hindi ko magawang bitiwan ang relasyong ito. Tulungan Mo po ako.”
Nang maglaon, tila may naramdaman si Wenbin. Ilang beses na pagkauwi ko galing sa labas, kung ano-ano ang itinatanong niya. Noong una, hindi ko iyon gaanong pinansin, hanggang isang araw, noong oras na para sa isa na namang pagtitipon. Maaga akong nag-ayos at paalis na sana, nang sabihin niya, “Sabihin mo sa akin ang totoo, pupunta ka na naman ba sa pagtitipon?” Biglang nagbago ang dati niyang malumanay na tono, at naging napakaseryoso ng itsura niya. Sabi ko, “Oo. Bakit? Hindi ba’t sinabi mong hindi mo pipigilan ang pananalig ko sa Diyos?” Sabi niya, “Noon, akala ko kung hindi ako papayag, makikipaghiwalay ka sa akin. Kaya paano kong hindi sasabihin iyon? Akala ko, paglipas ng panahon, hihina na ang pagnanais mong manampalataya sa Diyos, at titigil ka nang manampalataya. Hindi ko inasahan na mas lalo ka pang naging masigasig sa nakalipas na anim na buwan! Hindi ko na kaya. Kailangan mong pumili sa pagitan namin ng pananalig mo. Kung ako ang pipiliin mo, kailangan mong isuko ang pananalig mo!” Alam kong kung magsasama pa rin kami, palagi kaming mag-aaway, at simula pa lang ang pagtatalong ito. Pero kung talagang maghihiwalay kami, labis pa rin akong mag-aatubili at ayokong isuko ang relasyong ito, pero kung pipiliin kong makasama si Wenbin, kailangan kong isuko ang pananalig ko. Ito ang mahalagang sandali para gawing perpekto ng Diyos ang mga tao, at matatag na rin akong nananampalataya na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa pamamagitan ng pagdanas sa gawain ng Diyos, naranasan ko kung paano dinadalisay ng mga salita ng Diyos ang mga tao, nilulutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at itinuturo ang mga tao sa tamang direksyon at landas ng kanilang pag-uugali at pag-asal. Ang katotohanang ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay tunay na napakahalaga, kaya kung palalampasin ko ang pagkakataong ito, habambuhay ko itong pagsisisihan! Paano ako pipili sa pagitan ng aking pananalig at pag-aasawa? Bakit hindi ko puwedeng makuha pareho? Nag-aalangan ako, at tahimik akong nanalangin sa Diyos. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko sa isang pagtitipon: “Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod nito ay isang labanan. … Kapag naglalaban sa espirituwal na mundo ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananalig sa Diyos). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na gusto ng Diyos na iligtas ang mga tao, pero hindi basta-basta bumibitaw si Satanas. Hinahayaan ng Diyos na tuksuhin tayo ni Satanas para makita kung paano tayo pipili sa mga ganitong sitwasyon, at kung makapaninindigan ba tayo sa Kanya para mabigyang-kasiyahan Siya. Sa panlabas, mukhang si Wenbin ang pumipigil sa akin na sumunod sa Diyos, pero sa totoo lang, si Satanas ang nagdudulot ng mga kaguluhan sa likod nito. Parehong pinanonood ng Diyos at ni Satanas kung paano ako pipili, at kailangan kong magpatotoo para sa Diyos. Kinontrol ko ang aking emosyon at mahinahong sinabi, “Pinipili kong manampalataya sa Diyos!” At nilinaw din ni Wenbin ang kanyang paninindigan: Mas gugustuhin pa niyang makipaghiwalay kaysa payagan akong manampalataya sa Diyos. Bigong-bigo ang pakiramdam ko, at pag-uwi ko, hindi ko napigilang umiyak nang husto. Hindi ko inasahan na pagkatapos ng lahat ng mga taon, hahantong talaga sa puntong ito ang relasyon namin. Sa aking pasakit, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na tulungan akong makapanindigan sa sitwasyong ito.
Nang maglaon, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pagkakasundo ng pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang pagtatamasa. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng gayong isang ordinaryo at makamundong buhay, at wala kang anumang layong hahangarin, hindi ba’t pag-aaksaya ito sa iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong paraan ng pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang ganitong mga tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Sa pag-iisip nang mabuti sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi pag-aasawa ang pinakamahalaga sa buhay, at ang pananampalataya sa Diyos, pagkakamit ng katotohanan, at pagkakilala sa Diyos ang nagbibigay-kahulugan sa buhay. Sa mga huling araw, ang Diyos na nagkatawang-tao ay naparito sa gitna ng mga tao at nagpahayag ng napakaraming katotohanan upang pagkalooban tayo ng buhay na walang hanggan. Pero sa pansamantalang pisikal na kasiyahan lang ako nakatuon. Ayaw kong magdusa at magbayad ng halaga para makamit ang katotohanan at ang buhay, at lagi kong inaasam ang pisikal na kaginhawahan. Ano ang makakamit ko sa huli sa pamumuhay nang ganito? Kapag dumating ang malalaking kalamidad, sino ang makapagliligtas sa akin? Para makamit ang katotohanan, kailangang magdusa at magbayad ng halaga, dahil imposibleng makapasok sa kaharian ng langit na parang buhay-prinsesa. Dati, akala ko ay maganda ang pag-aasawa, at na ang paggugol ng buhay kasama ang isang taong nagmamahal sa iyo ay makabuluhan, pero ngayon ko lang napagtanto na masyado pala akong walang muwang. Magkaiba kami ng landas ni Wenbin. Hindi nananampalataya sa Diyos si Wenbin, sinasamba niya ang agham at materyal na kasiyahan, at naghahanap siya ng mga paraan para kumita ng pera at mamuhay nang nakahihigit sa iba. Samantalang ako, naniniwala ako sa pagiging kontento sa sapat na pagkain at inumin para mabuhay, at na dapat hangarin ng mga tao ang katotohanan at isabuhay ang tunay na wangis ng tao, tuparin ang mga tungkulin ng mga nilikha, at kamtin ang pagsang-ayon ng Lumikha. Ang aming mga pananaw at mga hinahangad sa buhay ay ganap na magkaiba, kaya wala kaming mapagkasunduan. Kahit na napakamaalalahanin at napakamaalaga niya sa akin, nakararamdam pa rin ako ng pasakit sa loob-loob ko at namumuhay sa pagkasupil. Kapag kasama ko siya, kailangan kong dumalo sa mga pagtitipon at magbasa ng mga salita ng Diyos nang patago, dahil takot akong pag-awayan namin ang pananampalataya ko sa Diyos, at matindi akong napigilan at napagod sa loob-loob ko. Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang pinakamahalaga sa buhay ay ang hangarin ng isang tao ang katotohanan, tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, at tapusin ang misyong ibinigay ng Lumikha. Ang ganoong tao ay itinuturing na mahalaga sa mga mata ng Lumikha, at namumuhay nang makabuluhan at may halaga. Katulad ni Pedro, ginugol niya ang kanyang buhay na nakatuon sa paghahangad ng katotohanan at pagtupad sa kanyang tungkulin para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at sa huli, natanggap niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Matapos itong maunawaan, mas lalo akong nakatiyak na ang pagpili na manampalataya sa Diyos ang tamang desisyon. Pagkatapos ay aktibo akong naglingkod sa hanay ng mga gumagawa ng kanilang tungkulin.
Pagkalipas ng ilang panahon, biglang pumunta sa bahay namin si Wenbin at ang kanyang mga magulang. Habang tumutulo ang luha sa kanyang mukha, sinabi ni Wenbin, “Hindi ko kayang bitiwan ang relasyong ito, pero hindi ko talaga matanggap ang pananalig mo. Para sa akin, hindi mo ba kayang isuko ang pananalig mo? Magkasama na lang tayong mamuhay nang maayos.” Hinikayat din ako ng mga magulang niya na isuko ang pananalig ko. Napagtanto kong isa na naman itong desisyon na kailangan kong gawin. Kumalma ako at naisip, “Kung talagang mahal ako ni Wenbin, basta’t masaya ako, dapat suportahan niya ako anuman ang gawin ko. Kung ang pananampalataya sa Diyos ay nagpapasaya sa akin, susuportahan niya ako. Pero hindi ako pinapayagan ni Wenbin na manampalataya sa Diyos. Tunay na pag-ibig ba ito? Hindi, hindi ako puwedeng makipagkompromiso.” Kaya, mahinahon kong ipinahayag ang aking paninindigan, “Gusto kong manampalataya sa Diyos, at hindi ko pagsisisihan ang pinili ko.” Bago umalis, tinanong ako ni Wenbin kung bakit hindi ko siya pinili, at iniisip niya kung hindi ba siya sapat para sa akin. Sabi ko, “Hindi, naging mabuti ka sa akin. Dati, akala ko ay napakaganda ng pag-aasawa, at malaking bahagi ito ng buhay, pero matapos kong matagpuan ang Diyos, naunawaan ko na hindi pag-aasawa ang pinakamahalagang bagay sa buhay. Kung pipiliin kong isuko ang pananalig ko para makasama ka, bagama’t sa panlabas, maaaring mukhang maginhawa at mapayapa ang buhay, na may pisikal na kasiyahan, ano naman ang magiging kahulugan ng mabuhay nang ganito? Hindi ba’t mabubuhay ako na parang bangkay na walang kaluluwa? Ang buhay ba ay tungkol lang sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, habang naghihintay ng kamatayan? Anong halaga ang mayroon sa ganoong buhay? Hinahangad mo ang pisikal na kasiyahan at isang buhay na nakahihigit sa iba, pero hindi iyan ang mga bagay na gusto ko. Hinahangad kong mamuhay ng isang tunay na buhay, isabuhay ang tunay na wangis ng tao, at matanggap ang pagsang-ayon ng Lumikha. Magkaiba tayo ng landas na tinatahak, at hinding-hindi tayo makararating sa iisang hantungan.” Nanahimik si Wenbin matapos itong marinig, at natapos na ang aming relasyon.
Nang maglaon, pinagnilayan ko kung bakit ako labis na nabagabag nang mamili ako sa pagitan ng pag-aasawa at pananalig. Nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga mapanirang impluwensiya ng libu-libong taon na ‘matayog na diwa ng nasyonalismo’ ay malalim na tumimo sa puso ng tao, at pati na rin ang pyudal na pag-iisip kung saan ang mga tao ay nakatali at nakakadena, wala ni gatuldok na kalayaan, walang ambisyon o pagtitiyaga, walang pagnanais na umunlad, at sa halip ay nananatiling negatibo at paurong, nakabaon sa kaisipan ng isang alipin, at iba pa—ang obhetibong mga salik na ito ay nag-iwan ng di-mabuburang bakas ng karumihan at kapangitan sa ideolohikal na pananaw, mga adhikain, moralidad, at disposisyon ng sangkatauhan. Tila nakatira ang mga tao sa isang madilim na mundo ng terorismo, na hindi hinahangad na malampasan ng sinuman sa kanila, at hindi iniisip na iwan ng sinuman sa kanila para sa isang ideyal na mundo; sa halip, kuntento na sila sa kanilang kalagayan sa buhay, sa paggugol ng kanilang mga araw sa panganganak at pagpapalaki ng mga anak, pagsusumikap, pagpapapawis, pag-aasikaso ng mga gawain, pangangarap ng isang maginhawa at masayang pamilya, at nangangarap ng pagmamahal ng asawa, ng paggalang ng mga anak, ng kagalakan sa kanilang katandaan habang matiwasay na namumuhay…. Sa loob ng mga dekada, ng libu-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng isang perpektong buhay, lahat ay naghahangad lamang na makipagpatayan sa madilim na mundong ito, nakikipagkarera para sa kasikatan at pakinabang, at nang-iintriga laban sa isa’t isa. Sino ang naghanap na sa mga layunin ng Diyos? Mayroon na bang nagbigay-pansin sa gawain ng Diyos? Ang lahat ng bahagi ng sangkatauhan na sinakop ng impluwensiya ng kadiliman ay matagal nang naging kalikasan ng tao, kaya napakahirap na isakatuparan ang gawain ng Diyos, at lalo pang walang pagnanais ang mga tao na bigyang-pansin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ngayon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (3)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung bakit napakahirap para sa akin na pumili sa pagitan ng pag-aasawa at pananalig. Mula pagkabata, nadoktrinahan ako ng mga drama sa TV na nagturo sa akin, “Ang buhay ay mahalaga, mas lalo na ang pagmamahal,” at “Pag-ibig ang pinakamahalaga.” Naimpluwensiyahan at nalason ng mga ideyang ito ang isipan ko. Inakala ko na ang pinakamasayang bagay sa buhay ay ang makahanap ng isang taong magmamahal sa iyo at ang magkasama kayong tatanda at susuportahan ang isa’t isa. Lalo na kapag nakikita ko ang mga bidang babae na inaalagaan sa lahat ng paraan ng mga bidang lalaki, iniisip kong napakasaya nila, at sa paraang nakalilinlang ay naniwala ako na ang makahanap ng isang taong nagmamahal sa iyo ay nangangahulugang hindi nasayang ang buhay mo. Matapos kong matagpuan ang Diyos, mahigpit itong tinutulan ni Wenbin, at pinapili niya ako sa pagitan niya at ng aking pananalig. Napuno ako ng pasakit at pagtatalo sa kalooban, at inisip ko na kung hindi ko makakasama habambuhay ang isang taong nagmamahal sa akin, wala nang halaga o kahulugan ang buhay ko. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko sa wakas na hindi pag-ibig at pag-aasawa ang pinakamakabuluhang mga bagay. Katulad na lang na kahit palaging maalalahanin at maalaga sa akin si Wenbin, madalas pa rin akong makaramdam ng kahungkagan at kawalang-magawa, at tanging sa pagbabasa lang ng mga salita ng Diyos napanatag ang puso ko. Napagtanto ko na ang kahungkagan ng puso ay hindi mapupunan ng materyal na kasiyahan o ng pag-aalaga ng isang kapareha. Ang mga ideyang tulad ng “Pag-ibig ang pinakamahalaga” at “Ang buhay ay mahalaga, mas lalo na ang pagmamahal” ay pawang mga maladiyablong salita ni Satanas para linlangin ang mga tao, at sinusubukan ni Satanas na gamitin ang mga ito para tuksuhin at linlangin tayo, na nagiging dahilan para bulag nating hangarin ang pag-ibig at pag-aasawa, at ituring ang mga ito bilang mga tamang hangarin, na sa huli ay nagiging sanhi ng ating paglayo sa Diyos, pagkakanulo sa Diyos, at pagkawala ng ating pagkakataong maligtas. Kung hindi dahil sa kaliwanagan at patnubay ng mga salita ng Diyos, pipiliin ko sana ang pag-aasawa at palalampasin ang pagkakataon kong maligtas ng Diyos. Sa pag-iisip nito, mas lalo pang tumibay ang desisyon kong sumunod at manampalataya sa Diyos.
Sa paulit-ulit na paghadlang ni Wenbin sa aking pananalig, unti-unti kong nakita ang kanyang diwa. Mukhang mabait, madaling lapitan, at palakaibigan si Wenbin, pero isa siyang ateista, at sa tuwing naririnig niya ang tungkol sa pananalig ko, nagagalit siya, at namumula ang kanyang mga mata. Puno ng pagkamapanlaban ang kanyang mga salita at paghahayag, at mayroon siyang diwa ng isang demonyo. Gaya ng sinabi ng Diyos, “Lahat ng yaong hindi naniniwala, gayundin ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ay mga demonyo!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Ang isang normal na tao, kahit hindi niya tanggapin ang pananalig, ay hindi magiging mapanlaban. Tanging mga demonyo lang ang namumuhi sa Diyos, at talagang may diwa ng isang demonyo si Wenbin. Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga intensyon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang intensyon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanais?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao ay pawang nakabatay sa mga interes at transaksyon, at na walang tunay na pag-ibig. Ang kabaitan ni Wenbin sa akin ay para lang talaga sa sarili niyang kapakinabangan, dahil hindi ako magastos na tulad ng ibang mga babae, at wala rin akong anumang masamang ugali. Mabuti rin ako sa mga magulang niya, masipag akong magtrabaho para sa pamilya niya, at hindi ako takot madumihan o mapagod. Nakikinabang siya sa mga bagay na ito. Pero nang malaman niyang nananampalataya ako sa Diyos, nag-alala siya na ngayong natagpuan ko ang Diyos, hindi na ako kikita ng pera kasama niya, at dahil sangkot na ang kanyang mga interes, nagsimula na siyang lumaban. Sa tuwing may nababanggit na may kaugnayan sa pananalig, pinagagalitan niya ako at minamaliit, nang hindi man lang isinasaalang-alang ang nararamdaman ko. Hindi pa kami kasal, at hindi ko pa talaga naapektuhan ang mga interes niya, pero ganito na niya ako tratuhin. Kapag nagpakasal kami, sa sandaling ilaan ko ang sarili ko sa aking tungkulin, tiyak na mas hahadlangan at uusigin niya ako, at baka mauwi pa kami sa diborsyo. Paanong magkakaroon ng kaligayahan kasama ang isang taong inuuna ang pansariling interes at namumuhi sa Diyos?
Pagkatapos makipaghiwalay kay Wenbin, mas gumaan ang pakiramdam ko, at nakapagbabasa na ako ng mga salita ng Diyos, nakadadalo sa mga pagtitipon, at nakagagawa ng mga tungkulin nang walang mga pumipigil. Naisip ko na ang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos sa aking buhay, matanggap ang pagdalisay at pagperpekto ng mga salita ng Diyos, at matupad ang tungkulin ng isang nilikha ay tunay na isang malaking pagpapala, at napuno ng tamis at galak ang puso ko. Ngayon, kaya ko nang ilaan nang buo ang aking sarili sa aking pananalig at tungkulin. Ito ang pag-ibig at pagliligtas ng Diyos para sa akin, at nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!