87. Ang Pagtupad sa Aking Tungkulin Ang Aking Misyon
Noong nag-aaral pa ako, madalas itinuturo sa amin ng aming mga guro na ang pagpapakita ng paggalang at pagmamahal sa ating mga magulang at paggalang sa mga nakatatanda ay isang tradisyunal na kaugaliang Tsino. Madalas din itong ituro sa akin ng mga magulang ko, at maging sila ay isinagawa rin nila ito. Kapag mayroong kailangang gawin sa bahay ng lola ko, isinasaisantabi ng tatay ko ang sarili niyang gawain para tulungan siya. Tuwing Sabado’t Linggo, isinasama niya kami sa lola ko para tumulong sa mga gawaing bukid. Noong panahong iyon, madalas na nagtatrabaho sa bukid ang mga magulang ko, at mga bata pa kami ng mga kapatid ko, walang nagbabantay sa amin, at hindi kami inaalagaan ng lola ko. Pero hindi iyon ikinasama ng loob ng nanay ko. Sa halip, inalagaan niya ang lola ko. Ipinagluluto niya ang lola ko ng mga paborito nitong pagkain, at dinadala niya sa doktor sa tuwing ito ay may sakit. Pinuri ng aming mga kamag-anak, kaibigan at kapitbahay ang mga magulang ko sa pagmamahal at paggalang nila sa kanilang magulang at sa pagkakaroon nila ng mabuting pagkatao. Nang makita ko ito, naisip ko sa sarili ko, “Gusto kong maging katulad ng mga magulang ko balang araw, irerespeto ko ang mga magulang ko at magiging magalang ako sa aking mga biyenan. Ito ang dapat gawin ng isang taong mabuti ang pagkatao.”
Noong 2013, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos. Ang asawa ko, na naimpluwensyahan ng mga walang basehang sabi-sabi mula sa CCP, ay tumutol sa pananalig ko at hiniwalayan ako noong 2014. Pagkatapos naming maghiwalay, bumalik ako sa mga magulang ko, ginagampanan ko ang mga tungkulin ko habang nag-aalaga ako ng aking mga magulang at tumutulong sa mga gawaing bahay. Noong 2017, pumunta ako sa ibang lugar upang gampanan ang aking mga tungkulin. Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng sulat galing sa amin, na ang sabi ay may pumuntang mga pulis sa bahay namin at pinagbantaan at binalaan ang mga magulang ko na huwag nang manampalataya sa Diyos. Humingi rin sila ng larawan ko at masusi nilang tinanong ang mga magulang ko kung nasaan ako. Pagkatapos noon, hindi ako naglakas-loob na umuwi. Kapag naiisip ko ang mga magulang ko, na halos nasa animnapung taong gulang na at hindi maganda ang kalusugan, lalo na ang nanay ko, na hindi na lubusang gumaling matapos magkaroon ng matinding bali sa binti ilang taon na ang nakakaraan, at na hirap nang magtrabaho kapag sumasakit ang kanyang binti, palagi kong naiisip kung kailan ako makakauwi para makita sila.
Noong Agosto 2019, naglakas-loob akong umuwi. Nang makita ko ang mga magulang ko, napansin ko na mas marami na silang kulubot sa mukha, at marami na silang mga puting buhok sa gilid ng noo nila. Labis ding namayat ang nanay ko, at nakaramdam ako ng pait at bigat sa aking puso. Hindi naging madali para sa mga magulang ko ang pagpapalaki sa amin, at ngayon, sa kanilang edad, at sa kanilang mahinang kalusugan, kailangan pa rin nilang magtrabaho nang todo sa bukid. Bilang anak, hindi ko sila magawang alagaan at tulungan sa kanilang trabaho, kaya pakiramdam ko ay hindi ako isang mabuting anak at medyo nakonsensiya ako. Maging ang tiyahin ko ay pinagsabihan ako, “Ilang taon kang nawala, nang hindi ka man lang bumabalik. Tumatanda na ang mga magulang mo, at kapag nagkasakit sila o naaksidente, wala silang kasamang mag-aalaga sa kanila. Ilang araw lang ang nakakaraan, nagbobomba ng pamatay-insekto ang tatay mo sa bukid, at nasobrahan siya sa init. Mabuti na lamang at nakaabot siya sa ospital, kung hindi maaaring ikinamatay niya iyon.” Labis akong nabahala nang marinig ko iyon, at naalala ko ang kasabihang: “Huwag maglakbay nang malayo habang nabubuhay pa ang iyong mga magulang.” Pero hindi ko sila makasama upang alagaan sila o makagawa ng kahit ano para sa kanila. Pakiramdam ko ay sayang ang pagpapalaki sa akin ng mga magulang ko. Dati, ang tingin sa akin ng aming mga kamag-anak ay isang mabait at masunuring anak, ngunit ngayon, ay naging isa na akong anak na walang galang at walang utang na loob. Noong gabi bago ako umalis, sinabi ng tatay ko na ako ang pinakamabigat niyang alalahanin. Sinabi niyang dahil wala na akong bahay at trabaho ngayon, nagtatrabaho siyang mabuti para makapag-ipon ng kaunting pera para sa akin. Sinabi niya ring palagi siyang nag-aalala na baka maaresto ako, na madalas siyang hindi makatulog sa gabi, at sa araw ay laging hindi siya mapakali. Sa tuwing nakakatanggap siya ng tawag mula sa komite ng nayon, nag-aalala siyang baka tungkol ito sa pag-aresto sa akin ng mga pulis. Sinabi ng tatay ko ang lahat ng ito nang may mga luha sa kanyang mga mata. Pakiramdam ng puso ko ay tila ba pinukpok ito ng martilyo, at hindi ko napigilan ang lumuha. Pakiramdam ko, sa edad nilang iyon, bukod sa hindi ko na nga sila maalagaan, pinag-aalala ko pa sila para sa akin, talagang hindi ako mabuting anak! Pagbalik ko sa pamilyang tinutuluyan ko, palagi kong iniisip ang mga sinabi ng tatay ko at ang kanyang hapis na mukha, at nakaramdam ako ng matinding sakit sa puso ko. Kung hindi ako malayo at ginagampanan ang aking tungkulin, hindi ba’t maipapakita ko ang paggalang at pagmamahal sa aking mga magulang? Nang maisip ko ito, ayaw ko nang gumawa pa ng aking tungkulin nang malayo sa bahay. Ginusto ko talagang umuwi at alagaan ang mga magulang ko, para hindi na nila kinakailangan pang mag-alala o magdusa para sa akin. Pero pinaghahanap pa rin ako ng mga pulis, at ang pag-uwi ko ay maaaring mangahulugan ng aking pagkaaresto. Bukod doon, abala talaga ako sa aking mga tungkulin, at kung tatalikuran ko ang mga ito, hindi ba’t ipagkakanulo ko ang Diyos? Noong mga araw na iyon, lubos akong naguguluhan at nakakaramdam ng matinding sakit at pighati. Sa pamumuhay sa ganoong kalagayan, hindi ko mapagtuunan ng pansin ang aking mga tungkulin, na naging dahilan kaya naantala ang mga ito. Alam kong hindi tama ang aking kalagayan, kaya’t nagdasal ako sa Diyos, hiniling ko sa Kanya na gabayan ako paalis sa maling kalagayan na ito.
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pagpapakita ba ng pagiging mabuting anak sa mga magulang ang katotohanan? (Hindi.) Ang pagiging mabuting anak sa mga magulang ay isang tama at positibong bagay, ngunit bakit natin sinasabing hindi ito ang katotohanan? (Dahil ang mga tao ay hindi nagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang nang may mga prinsipyo at hindi nila nakikilatis kung anong uri talaga ng tao ang kanilang mga magulang.) Ang paraan kung paano dapat tratuhin ng isang tao ang kanyang mga magulang ay nauugnay sa katotohanan. Kung naniniwala ang iyong mga magulang sa Diyos at tinatrato ka nang mabuti, dapat ka bang maging mabuting anak sa kanila? (Oo.) Paano ka naging mabuting anak? Iba ang pakikitungo mo sa kanila sa pakikitungo mo sa mga kapatid. Ginagawa mo ang lahat ng sinasabi nila, at kung matatanda na sila, dapat kang manatili sa kanilang tabi upang alagaan sila, na pumipigil sa iyo na lumabas upang tuparin ang iyong tungkulin. Tama bang gawin ito? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Depende ito sa mga pangyayari. Kung kaya mo pa rin silang alagaan habang tinutupad mo ang iyong tungkulin nang malapit sa iyong tahanan, at hindi tinututulan ng iyong mga magulang ang pananalig mo sa Diyos, dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad bilang isang anak na lalaki o babae at tulungan ang iyong mga magulang sa ilang gawain. Kung mayroon silang karamdaman, alagaan mo sila; kung may bumabagabag sa kanila, aliwin mo sila; kung ipahihintulot ng iyong kalagayang pinansiyal, ibili mo sila ng mga bitamina na pasok sa budget mo. Subalit, ano ang dapat mong piliing gawin kung ikaw ay abala sa iyong tungkulin, walang magbabantay sa iyong mga magulang, at sila rin naman, ay nananampalatya sa Diyos? Anong katotohanan ang dapat mong isagawa? Yamang ang pagiging mabuting anak sa mga magulang ay hindi ang katotohanan, kundi isa lamang responsabilidad at obligasyon ng tao, ano, kung gayon, ang dapat mong gawin kung ang iyong obligasyon ay sumasalungat sa iyong tungkulin? (Gawing prayoridad ang aking tungkulin; unahin ang tungkulin.) Ang isang obligasyon ay hindi naman tungkulin ng isang tao. Ang pagpili na gampanan ang tungkulin ng isang tao ay pagsasagawa ng katotohanan, samantalang ang pagtupad sa isang obligasyon ay hindi. Kung ganito ang kondisyon mo, maaari mong tuparin ang responsabilidad o obligasyong ito, pero kung hindi ito pinahihintulutan ng kasalukuyang kapaligiran, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihin na, ‘Kailangan kong gawin ang aking tungkulin—iyon ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang pagiging mabuting anak sa aking mga magulang ay pamumuhay ayon sa aking konsensiya at hindi ito pagsasagawa sa katotohanan.’ Kaya, dapat mong unahin ang iyong tungkulin at itaguyod ito. Kung wala kang tungkulin ngayon, at hindi malayo sa bahay mo ang pinagtatrabahuhan mo, at malapit ang tirahan mo sa iyong mga magulang, maghanap ka ng mga paraan para alagaan sila. Gawin mo ang makakaya mo para tulungan silang mabuhay nang mas maayos at mabawasan ang paghihirap nila. Pero depende rin ito sa kung anong klase ng tao ang mga magulang mo. Ano ang dapat mong gawin kung ang mga magulang mo ay may masamang pagkatao, kung palagi ka nilang hinahadlangan na sumampalataya sa Diyos, at kung lagi ka nilang inilalayo sa pananampalataya sa Diyos at pagganap sa iyong tungkulin? Anong katotohanan ang dapat mong isagawa? (Pagtanggi.) Sa pagkakataong ito, kailangan mo silang tanggihan. Natupad mo na ang iyong obligasyon. Ang iyong mga magulang ay hindi sumasampalataya sa Diyos, kaya wala kang obligasyong magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila. Kung sumasampalataya sila sa Diyos, sa gayon ay pamilya sila, mga magulang mo. Kung hindi sila sumasampalataya, magkaibang mga landas ang tinatahak ninyo: Sumasampalataya sila kay Satanas at sumasamba sa haring diyablo, at tinatahak nila ang landas ni Satanas; sila ay mga taong tumatahak ng mga landas na kaiba sa mga sumasampalataya sa Diyos. Hindi na kayo isang pamilya. Itinuturing nilang mga kalaban at kaaway ang mga mananampalataya ng Diyos, kaya wala ka nang obligasyong alagaan sila at kailangan nang ganap na putulin ang ugnayan sa kanila. Alin ang katotohanan: ang pagiging mabuting anak sa mga magulang o ang pagganap sa tungkulin? Siyempre, ang pagganap sa tungkulin ang katotohanan. Ang pagganap sa tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay hindi lamang tungkol sa pagtupad sa obligasyon at paggawa ng kung ano ang dapat gawin. Ito ay tungkol sa pagganap sa tungkulin ng isang nilikha. Ito ang atas ng Diyos; ito ay obligasyon mo, responsabilidad mo. Isa itong tunay na responsabilidad, na tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon sa harap ng Lumikha. Ito ang hinihingi ng Lumikha sa mga tao, at ito ang dakilang usapin ng buhay. Samantalang ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang ay responsabilidad at obligasyon lamang ng isang anak. Talagang hindi ito iniatas ng Diyos, at lalong hindi ito naaayon sa hinihingi ng Diyos. Samakatwid, sa pagitan ng pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang at pagganap sa tungkulin, walang duda na ang pagganap sa tungkulin ng isang tao, at iyon lang, ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang pagganap sa tungkulin bilang isang nilikha ay ang katotohanan, at isa itong obligasyon. Ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang ay tungkol sa pagiging mabuting anak sa mga tao. Hindi ito nangangahulugang ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin, ni nangangahulugang isinasagawa niya ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). Matapos kong mabasa ang mga salita ng Diyos, naginhawahan ako nang kaunti, at naunawaan ko na ang pagiging magalang at mapagmahal sa mga magulang ay isang mabuting bagay at bahagi ng normal na pagkatao, pero hindi ito pagsasagawa ng katotohanan. Ang pagtupad ng tungkulin ng isang nilikha ang pagsasagawa ng katotohanan. Palagi akong sinusuportahan noon ng mga magulang ko sa aking pananalig at mga tungkulin, at ang pagpapakita ng pagmamahal at paggalang sa kanila ay responsabilidad ko bilang kanilang anak. Sa mga tamang kalagayan at kondisyon, magagawa ko ang aking makakaya upang alagaan sila, upang bawasan ang kanilang mga alalahanin at paghihirap, at upang tuparin ang aking mga responsabilidad bilang anak nila. Pero dahil pinaghahanap ako ng mga pulis at hindi ko sila kayang alagaan sa bahay, at dahil sa abala ako sa mga tungkulin ko, sa panahong ito, kinailangan kong unahin ang mga tungkulin ko. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko rin na bilang isang nilikha, ang pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha ang aking misyon, ang pinakamahalagang bagay sa buhay, at isang nakatalagang tungkulin na dapat gampanan. Ang pagmamahal at paggalang sa mga magulang ay pagtupad lamang sa responsabilidad ng isang anak, at hindi ito nangangahulugan na ang isang tao ay nagsasagawa ng katotohanan, hindi rin ito nangangahulugan na ang isang tao ay nagpapasakop sa Diyos. Kung ang pagmamahal at paggalang sa magulang ay nagiging hadlang sa pagganap sa mga tungkulin, kailangan kong piliin ang pagganap sa tungkulin ng isang nilikha. Noong mapagtanto ko ito, hindi na ako naguluhan o nasaktan. Handa na akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at maging panatag na gawin ang mga tungkulin ko.
Kinalaunan, may nabasa akong isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pang-unawa sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan silang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi nagiging mabuting anak sa kanyang magulang ay isang suwail na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, ‘Mas mahalaga ang pagiging isang mabuting anak kaysa sa anupaman. Kung hindi ko ito susundin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong suwail na anak at itatakwil ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsensiya.’ Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng pagiging mabuting anak sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga sumasampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik laban sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. … Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga kuru-kuro ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang isip mo, at ang puso mo, na ginagawa kang hindi matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay inari na ng mga bagay na ito ni Satanas, at ginawa kang walang kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at ginagawa kang walang lakas na iwaksi ang impluwensiya ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga taong ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang ganting-paratang ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, isinasailalim ang sarili mo sa mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling salungatin ang Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos? May mga taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, ngunit wala pa ring kabatiran sa usapin ng pagiging mabuting anak sa magulang. Talagang hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi nila kailanman malalagpasan ang balakid na ito ng mga makamundong relasyon; wala silang tapang, ni tiwala sa sarili, lalo nang wala silang determinasyon, kaya hindi nila kayang mahalin at sundin ang Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Nang pagnilayan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang paghihirap ko ay nag-uugat sa tradisyonal na kultura. Mula pagkabata, itinuro na sa amin ng aming mga guro na maging masunurin sa aming mga magulang, at na ito ay isang tradisyonal na katangian ng mga Tsino, at itinanim din ng mga magulang ko sa aking isip ang ideyang ito—na habang lumalaki ako, dapat akong magpakita ng pagmamahal at paggalang sa mga nakatatanda at sa mga magulang ko, at nagpakita sila ng halimbawa nang sila mismo ay nagsasagawa nito, na naging dahilan kung bakit ang ideyang ito ay naitanim nang mabuti sa mura kong puso. Naniwala ako na maituturing na mabuting tao at mabuting anak ang isang tao sa pamamagitan lamang ng pagiging magalang at mapagmahal sa magulang, at kung hindi ito magagawa ng isang tao, hindi siya mabuting anak at wala siyang utang na loob, at siya ay kamumuhian, isusumpa, at hindi magiging karapat-dapat na tawaging tao. Noong umalis ako ng bahay para gampanan ang mga tungkulin ko at hindi ko maalagaan ang mga magulang ko, pakiramdam ko ay hindi ako mabuting anak, at sa partikular, noong marinig ko na nag-aalala ang mga magulang ko na baka mahuli ako, mas lalo kong naramdamang hindi ako mabuting anak. Hindi ko na nga sila maalagaan, pinag-aalala ko pa sila para sa akin, na nagparamdam sa akin na may pagkakautang ako sa kanila. Ang mga tradisyonal na ideya gaya ng “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” “Palakihin mo ang iyong mga anak upang matiyak na ikaw ay maaalagaan sa iyong pagtanda,” at “Huwag maglakbay nang malayo habang nabubuhay pa ang iyong mga magulang” ay gumapos at pumigil sa akin. Palagi akong nakokonsensiya dahil wala ako sa tabi ng mga magulang ko upang alagaan sila, at pinagsisihan ko pa nga ang pag-alis ng bahay para gampanan ang aking mga tungkulin. Kahit na hindi naman ako bumalik sa bahay, nalihis na sa Diyos ang puso ko. Pabasta-basta ako sa mga tungkulin ko at wala akong katapatan. Sa puntong ito, nakita ko sa wakas na ang mga tradisyonal na ideyang itinanim ni Satanas ang naging dahilan upang lumayo ako sa Diyos at ipagkanulo ko Siya, na naging dahilan upang sumalungat ako sa Diyos nang hindi ko namamalayan. Naisip ko si Pedro noong Kapanahunan ng Biyaya, na iniwan ang kanyang pamilya at mga magulang para sumunod sa Panginoong Jesus, mangaral ng ebanghelyo sa lahat ng dako, at gabayan ang iglesia. Naisip ko rin ang mga misyonerong mula sa Kanluran na isinaalang-alang ang mga layunin ng Panginoon, at iniwan ang kanilang mga pamilya, magulang, at anak para mas maraming tao ang madala na tanggapin ang pagliligtas ng Panginoon. Naglakbay sila ng libo-libong milya papuntang Tsina para ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoon at kumpletuhin ang kanilang misyon. Sila ay mga indibidwal na may pagkatao at konsensiya. Ngayon, habang lumalala ang mga sakuna, ito na ang panahon para lumaganap nang husto ang ebanghelyo ng kaharian, at kailangan ng mas maraming tao para tumindig at ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos. Napakarami nang salita ng Diyos ang aking kinain at ininom, at naunawaan ko ang ilang katotohanan, at bilang isang nilikha, dapat kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at ipangaral ang ebanghelyo upang mas maraming tao ang madala sa Kanya para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang taong may pagkatao. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, nagawa kong maipanatag ang aking puso sa aking mga tungkulin.
Pagkatapos, nakatanggap ako ng isa pang sulat galing sa bahay, na ang sabi ay noong Agosto 2022, nagpunta sa bahay ang mga pulis para arestuhin ako. Sinabi sa kanila ng tatay ko na wala ako sa bahay, pero hindi sila naniwala sa kanya, kaya palihim silang naglagay ng “bug” sa bodega ng aming pamilya. Isang hapon, may apat na taong dumating mula sa istasyon ng pulis. Pumunta sila sa bahay na may dalang mga baril para arestuhin ako at itinaboy nila palabas ng bahay ang mga magulang ko, at naghalungkat sila sa loob nang mahigit sampung minuto. Pagkatapos ay tinawagan ng mga pulis ang mga kamag-anak ko para itanong kung nasaan ako. Talagang nabahala ako sa sulat na ito, at hindi ko napigilang umiyak. Naisip ko kung paanong nag-alala ang mga magulang ko na maaresto ako habang ginagampanan ko ang aking mga tungkulin nang malayo ako sa aming bahay sa lahat ng mga taong iyon, at kung paanong ang mga pulis ay naglagay pa nga ng “bug” sa bahay ko para mahuli ako, at na ang mga nalalabing taon ng mga magulang ko ay kanilang gugugulin sa ilalim ng pagmamatyag ng mga pulis. Ang lahat ng paghihirap na ito ng mga magulang ko ay dahil sa akin. Talagang balisa ako at hindi matahimik ang puso ko, kahit na habang ginagawa ko ang aking mga tungkulin. Kalaunan, napagtanto ko na hindi tama ang kalagayan ko, kaya sadya akong nagdasal at naghanap. Naalala ko ang ilan sa mga salita ng Diyos na nabasa ko noon at hinanap ko agad ang mga ito upang basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Tinatalikuran ng ilang tao ang kanilang mga pamilya dahil sumasampalataya sila sa Diyos at gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Nagiging tanyag sila dahil dito at madalas na hinahalughog ng pamahalaan ang mga bahay nila, nililigalig ang kanilang mga magulang, at pinagbabantaan pa nga ang mga ito upang isuko sila. Pinag-uusapan sila ng lahat ng kapitbahay nila, sinasabing, ‘Walang konsensiya ang taong ito. Wala siyang pakialam sa kanyang matatandang magulang. Bukod sa hindi siya mabuting anak sa kanyang mga magulang, nagdudulot pa siya ng napakaraming problema sa mga ito. Isa siyang hindi mabuting anak!’ Naaayon ba sa katotohanan ang alinman sa mga salitang ito? (Hindi.) Ngunit hindi ba’t itinuturing na tama ang mga salitang ito sa mga mata ng mga walang pananampalataya? Sa mga walang pananampalataya, iniisip nilang ito ang pinakalehitimo at pinakamakatwirang paraan ng pagtingin dito, at na naaayon ito sa etika ng tao, at alinsunod sa mga pamantayan ng pag-asal ng tao. Gaano man karaming paksa ang kalakip ng mga pamantayang ito, katulad ng kung paano magpakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang, kung paano sila aalagaan sa kanilang pagtanda at isasaayos ang kanilang mga libing, o kung gaano kalaki ang isusukli sa kanila, at naaayon man ang mga pamantayang ito sa katotohanan o hindi, sa mga mata ng mga walang pananampalataya, mga positibong bagay ang mga ito, positibong enerhiya ang mga ito, tama ang mga ito, at itinuturing ang mga ito na hindi mapipintasan sa lahat ng grupo ng mga tao. Sa mga walang pananampalataya, ang mga ito ang mga pamantayang dapat ipamuhay ng mga tao, at kailangan mong gawin ang mga bagay na ito upang maging isang sapat na mabuting tao sa kanilang mga puso. Bago mo sampalatayanan ang Diyos at maunawaan ang katotohanan, hindi ba’t matibay mo ring pinaniwalaan na ang gayong asal ay pagiging isang mabuting tao? (Oo.) Dagdag pa, ginamit mo rin ang mga bagay na ito upang suriin at pigilan ang sarili mo, at hiningi mo sa sarili mong maging ganitong uri ng tao. Kung ninais mong maging isang mabuting tao, tiyak na isinama mo ang mga bagay na ito sa mga pamantayan mo ng pag-asal: kung paano maging mabuting anak sa iyong mga magulang, kung paano mabawasan ang pag-aalala nila, kung paano sila bibigyan ng karangalan at papuri, at kung paano bibigyan ng kaluwalhatian ang iyong mga ninuno. Ang mga ito ang mga pamantayan ng pag-asal sa iyong puso at ang direksyon ng iyong pag-asal. Gayunpaman, pagkatapos mong pakinggan ang mga salita ng Diyos at ang Kanyang mga sermon, nagsimulang magbago ang iyong pananaw, at naunawaan mong kailangang mong talikdan ang lahat ng bagay upang gampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at na hinihingi ng Diyos sa mga taong umasal sa ganitong paraan. Bago ka nakatiyak na ang pagganap sa iyong tungkulin bilang isang nilikha ang katotohanan, inakala mong dapat kang maging mabuting anak sa iyong mga magulang, ngunit pakiramdam mo rin ay dapat mong gampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at nagtalo ang kalooban mo. Sa pamamagitan ng patuloy na pagdidilig at pagpapastol ng mga salita ng Diyos, unti-unti mong naunawaan ang katotohanan, at saka mo napagtantong ang pagganap sa iyong tungkulin bilang isang nilikha ay ganap na likas at may katwiran. Magpahanggang sa araw na ito, nagawa nang tanggapin ng maraming tao ang katotohanan at lubos na talikuran ang mga pamantayan ng pag-asal mula sa mga tradisyonal na kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Kapag lubos mo nang nabitiwan ang mga bagay na ito, hindi ka na mapipigilan ng mga salita ng panghuhusga at pagkokondena mula sa mga walang pananampalataya kapag sinusunod mo ang Diyos at ginagampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at madali mong maiwawaksi ang mga iyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). Dahil sa kaliwanagan at paggabay ng mga salita ng Diyos, napagtanto kong muli na naman akong namumuhay ayon sa itinanim ni Satanas na mga pinahahalagahan ng tradisyonal na kultura. Naisip ko kung paanong hindi ko naalagaan ang aking mga magulang sa lahat ng mga taong iyon, at kung paanong dahil sa akin, nagpunta ang mga pulis sa bahay ko para arestuhin ako, at na hindi lamang kinakailangan ng mga magulang ko na tiisin ang pangungutya ng mga kapitbahay namin, kundi kinakailangan din nilang tiisin ang matagal na panggugulo ng mga pulis, kasabay ng pag-aalala sa kaligtasan ko. Kaya ang pakiramdam ko ay ang lahat ng pagdurusa na kinakailangang danasin ng mga magulang ko ay dahil sa akin, at kung hindi dahil sa akin, hindi sana nila daranasin ang mga ganitong paghihirap. Dahil dito, pakiramdam ko ay hindi ako isang mabuting anak. Ang perspektiba ko ay katulad ng sa mga walang pananampalataya at hindi umaayon sa katotohanan. Ang pananampalataya ko sa Diyos ay binubuo lamang ng pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita at ng paghahanap sa katotohanan, at hindi ako nakagawa ng krimen, pero lumusob sa bahay ko nang may dalang mga baril ang maraming pulis ng CCP para arestuhin ako, pinagbantaan nila ang mga magulang ko at pinilit nilang alamin kung nasaan ako. Malinaw na ang tunay na nagdudulot ng lahat ng paghihirap na ito sa aking mga magulang ay ang malaking pulang dragon, pero sa halip na kamuhian ang malaking pulang dragon, inakala ko na ang pananalig ko ang nagdawit sa mga magulang ko. Hindi ba’t hindi ko nakikita kung ano ang tama at mali? Hindi ko puwedeng sisihin ang aking sarili sa lahat ng pagdurusa na dinaranas ng mga magulang ko, at hindi rin dapat ako nabubuhay na palaging may nararamdamang pagkakautang sa kanila. Sa panahong ito, kailangan kong magtuon ng pansin sa aking mga tungkulin, manindigan sa aking pagpapatotoo, at hiyain si Satanas.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Kung tunay kang nananalig na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, dapat kang manalig na nasa mga kamay rin ng Diyos ang isyu ng kung gaano katinding hirap ang kanilang dinaranas at kung gaano sila kasaya sa buong buhay nila. Mabuting anak ka man o hindi, hindi nito mababago ang anumang bagay—hindi mababawasan ang pagdurusa ng iyong mga magulang dahil ikaw ay mabuting anak, at hindi sila higit na magdurusa dahil hindi ka mabuting anak. Matagal nang inorden ng Diyos ang kanilang kapalaran, at wala rito ang magbabago dahil sa iyong saloobin sa kanila o sa lalim ng damdamin sa pagitan ninyo. Mayroon silang sarili nilang kapalaran. Sila man ay mahirap o mayaman sa kanilang buong buhay, nagiging maayos man ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanila, o anumang uri ng kalidad ng buhay, mga materyal na benepisyo, katayuan sa lipunan, at kalagayan sa pamumuhay ang tinatamasa nila, wala rito ang may gaanong kinalaman sa iyo. Kung nakokonsensiya ka sa kanila, kung pakiramdam mo ay may utang ka sa kanila, at na dapat kang nasa tabi nila, ano ang magbabago kahit na nasa tabi ka pa nila? (Wala namang magbabago.) … pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, lumalabas ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang magagawa kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon ka ngang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, palagi silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo lang ito magawa. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging masamang anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng kaunting hirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging hindi mabuting anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka masamang anak; hindi ka pa umabot sa punto ng kawalan ng pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka masamang anak. Ito ang dalawang dahilan. At may isa pa: Kung ang iyong mga magulang ay hindi ang uri ng mga taong partikular na umuusig sa iyo o humahadlang sa iyong pananampalataya sa Diyos, kung sinusuportahan nila ang iyong pananampalataya sa Diyos, o kung sila ay mga kapatid na nananampalataya sa Diyos tulad mo, mga miyembro mismo ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, sino sa inyo ang hindi tahimik na nagdarasal sa Diyos kapag iniisip ang iyong mga magulang sa kaloob-looban? Sino sa inyo ang hindi ipinagkakatiwala ang inyong mga magulang—kasama na ang kanilang kalusugan, kaligtasan, at lahat ng kanilang pangangailangan sa buhay—sa mga kamay ng Diyos? Ang ipagkatiwala ang iyong mga magulang sa mga kamay ng Diyos ang pinakamainam na paraan para magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila. Hindi mo gusto na maharap sila sa iba’t ibang klase ng suliranin sa kanilang buhay, at ayaw mo rin na mamuhay sila nang hindi komportable, hindi kumakain nang maayos, o nagdurusa sa masamang kalusugan. Sa kaibuturan ng iyong puso, talagang umaasa ka na poprotektahan sila ng Diyos at pananatilihing ligtas. Kung sila ay mga mananampalataya sa Diyos, umaasa ka na magagampanan nila ang kanilang sariling mga tungkulin at umaasa ka rin na makakapanindigan sila sa kanilang patotoo. Ito ay pagtupad sa mga responsabilidad ng tao; makakamit lamang ng mga tao ang ganito karami sa pamamagitan ng kanilang sariling pagkatao. Dagdag pa rito, ang pinakamahalaga ay na pagkatapos ng mga taon ng pananampalataya sa Diyos at pakikinig sa napakaraming katotohanan, kahit papaano, ang mga tao ay may ganitong kaunting pagkaunawa at pagkaintindi: Ang kapalaran ng tao ay itinatakda ng Langit, ang tao ay namumuhay sa mga kamay ng Diyos, at ang pagkakaroon ng pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ay mas mahalaga kaysa sa mga alalahanin, pagiging mabuting anak, o ang samahan ka ng iyong mga anak. Hindi ba’t magaan sa pakiramdam na nasa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ang iyong mga magulang? Hindi mo na kailangang mag-alala para sa kanila. Kung mag-aalala ka, ibig sabihin ay wala kang tiwala sa Diyos; masyadong maliit ang iyong pananalig sa Kanya. Kung tunay kang nag-aalala at nagmamalasakit para sa iyong mga magulang, dapat kang madalas na magdasal sa Diyos, ipagkatiwala sila sa mga kamay ng Diyos, at hayaang patnugutan at isaayos ng Diyos ang lahat ng bagay. Pinamumunuan ng Diyos ang kapalaran ng sangkatauhan at Siya ang namumuno sa kanilang bawat araw at sa lahat ng pinagdaraanan nila, kaya ano pa ba ang ipinag-aalala mo? Ni hindi mo kayang kontrolin ang sarili mong buhay, ikaw mismo ay may napakaraming suliranin; ano ang magagawa mo para makapamuhay nang masaya ang iyong mga magulang araw-araw? Ang tanging magagawa mo ay ipagkatiwala ang lahat ng bagay sa mga kamay ng Diyos. Kung sila ay mga mananampalataya, hilingin mo sa Diyos na gabayan sila sa tamang landas upang maligtas sila sa huli. Kung sila ay hindi mananampalataya, hayaan mo silang tumahak sa anumang landas na gusto nila. Para sa mga magulang na mas mabait at may kaunting pagkatao, maaari kang manalangin sa Diyos na pagpalain sila para makapamuhay sila nang masaya sa kanilang mga nalalabing taon. Tungkol sa kung paano gumagawa ang Diyos, mayroon Siyang Kanyang mga pagsasaayos, at dapat magpasakop ang mga tao sa mga ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16). Matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng lubos na kaliwanagan. Palagi kong nararamdaman noon na dahil hindi ako makasama ng mga magulang ko para alagaan sila, nangangahulugan ito na wala akong konsensiya at pagkatao, pero hindi ko pala naunawaan ang tunay na kahulugan ng pagiging hindi mabuting anak. Halimbawa, may mga taong namumuhay kasama ang kanilang mga magulang o nakatira malapit lang sa mga ito, at may pagkakataon silang alagaan ang kanilang mga magulang, pero dahil sa pansariling pakinabang o pagpapakasasa ng laman, pinababayaan nila ang kanilang mga responsabilidad bilang anak, at hindi nila pinapansin ang kanilang mga magulang kapag tumatanda na o nagkakasakit ang mga ito. Ang mga ganoong tao ay talagang hindi mabuting anak at walang pagkatao. Noong nasa bahay pa ako, nagawa kong alagaan ang mga magulang ko habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, tinulungan ko ang mga magulang ko sa mga gawaing bahay sa abot ng aking makakaya. Ang dahilan kung bakit hindi ko naaalagaan ang aking mga magulang sa ngayon ay hindi dahil sa nawalan ako ng konsensiya o wala akong pagkatao, hindi rin dahil iniiwasan ko ang mga responsabilidad ko bilang anak, kundi dahil sa isang banda ay hindi ako nagtangkang umuwi dahil pinaghahanap ako ng malaking pulang dragon, at dahil na rin bilang isang nilikha, dapat kong gawin ang aking mga tungkulin; ito ang aking misyon. Hindi ko maaaring talikuran ang mga tungkulin ko para alagaan ang mga magulang ko. Hindi naman sa para bang may oras ako sa bahay pero mas pinipili ko lang na huwag gawin ang mga responsabilidad ko sa aking mga magulang. Kailangan kong tingnan ang bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kasabay nito, naunawaan ko rin na ang laki ng pagdurusa at ang mga klase ng paghihirap na pagdadaanan ng mga magulang ko, at kung magiging masaya ba sila sa mga huling taon nila sa mundo ay naitakda nang lahat ng Diyos, at walang kinalaman ang mga ito sa kung aalagaan ko ba sila o kung ako ba ay nasa tabi nila. Wala akong anumang mababago. Naalala ko noong nagkaroon ng “synovitis” ang nanay ko sa binti niya, noong nasa bahay ako. Kahit na nagagawa kong makatulong sa ilang gawaing bahay at alagaan siya, hindi nabawasan kahit kaunti ang sakit na nararamdaman niya dahil sa pag-aalaga ko sa kanya. Sa mga taon na wala na ako sa bahay, unti-unting gumaling ang binti ng nanay ko, at ngayon ay kaya na niya ang kahit anong gawain. Ito ang nagpapatunay na kung gaano kaayos ang buhay ng mga magulang ko at kung paano ang kanilang mga huling taon sa mundo ay naitakda na ng Diyos. Kailangan kong ipagkatiwala sa kamay ng Diyos ang aking mga magulang at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang ‘Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao’? Ito ay para mapagtanto ng lahat na: Ang buhay natin at kaluluwa ay nagmula lahat sa Diyos at nilikha Niya—hindi mula sa mga magulang natin, at lalong hindi mula sa kalikasan, kundi ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Tanging ang laman natin ang isinilang ng mga magulang natin, kung paanong ang mga anak natin ay isinilang natin, ngunit ang tadhana nila ay ganap na nasa kamay ng Diyos. Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin mo sa Diyos bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ang pangunahing bagay na dapat gawin bilang ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng isang tao. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang karapat-dapat na nilikha. Sa mata ng ibang tao, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang napakahusay na maybahay, isang anak na may paggalang sa magulang, at isang kagalang-galang na miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang naghihimagsik laban sa Kanya, isang hindi ginampanan ang mga obligasyon o tungkulin niya kahit kailan, isang tinanggap ngunit hindi kinumpleto ang atas ng Diyos, isang sumuko sa kalagitnaan. Maaari bang makamit ng isang gaya nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na nabubuhay ako ngayon nang dahil sa proteksiyon ng Diyos. Binigyan ako ng Diyos ng buhay at palagi Niya akong inaalagaan, hanggang sa araw na ito. Ang pinagmulan ng aking buhay ay ang Diyos, hindi ang aking mga magulang. Ang totoo, ang lahat ng ginawa ng mga magulang ko para sa akin ay bilang pagtupad nila sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon bilang mga magulang. Anuman ang nagawa ng aking mga magulang, dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos. Ang pinakanararapat kong pasalamatan ay ang Diyos, hindi ang aking mga magulang. Sa pagbabalik-tanaw sa mga taong ito, nakita ko na namumuhay ako na sumusunod sa mga ideya at mga pinahahalagahan ng tradisyonal na kultura, itinuturing ko ang pagmamahal at paggalang sa magulang at ang pagtupad ng isang anak sa kanyang mga responsabilidad bilang ang mga prinsipyong gabay ko sa pag-asal, tinatanaw kong mas mahalaga ang mga ito kaysa sa kahit anong bagay. Inisip ko pa ngang talikuran ang aking mga tungkulin para umuwi at alagaan ang aking mga magulang. Hindi ba’t naghihimagsik ako laban sa Diyos sa ganitong paraan? Kahit na gaano pa kahusay ang pag-aalaga ko sa aking mga magulang, hindi pa rin ito pagsasagawa ng katotohanan, hindi rin ito mangangahulugan na mayroon akong konsensiya at pagkatao. Tanging sa pamamagitan ng paggawa sa mga tungkulin ng isang nilikha na tunay na nagkakaroon ng pagkatao ang isang tao. Kahit na iniisip ko pa rin ang aking mga magulang at inaalala ko pa rin sila paminsan-minsan, mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang laki ng pagdurusa at ang mga uri ng karanasan na pinagdaraanan ng isang tao sa kanyang buhay ay nasa kamay lahat ng Diyos. Nakahanda ako na ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng bagay tungkol sa aking mga magulang, magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, at gampanan nang mahusay ang aking mga tungkulin.