7. Tama bang Husgahan ang mga Bagay Ayon sa Suwerte?

Ni Ruonan, Tsina

Noong Agosto 2023, napili kami ni Sister Xu Xin bilang superbisor para sa gawain ng ebanghelyo. Inatas kay Xu Xin ang Iglesia ng Chengbei, at ako naman ay naatasan para sa Iglesia ng Chengnan. Hindi gaanong epektibo ang gawain ng ebanghelyo sa Iglesia ng Chengnan. Ilang taon na ang nakakaraan, ako ang inatasan para sa gawain ng ebanghelyo sa iglesiang ito, pero hindi talaga maganda ang naging resulta, kaya nang italaga ulit sa akin ang iglesiang ito, medyo nagdalawang-isip ako. Pero naisip ko rin, “Ilang taon na ang dumaan, kaya posibleng gumanda na rin ngayon ang resulta ng gawain kahit paano.” Kaya sinimulan ko nang ituon ang sarili ko sa abalang gawaing ito.

Hindi nagtagal, oras na para gumawa ng buod ng ginawang trabaho. Nakita ko na hindi pa rin maganda ang naging resulta, na hindi gaanong naarok ng mga manggagawa sa ebanghelyo ang mga prinsipyo at ang kanilang pagkakaunawa sa mga katotohanan para sa pangangaral ng ebanghelyo ay hindi gaanong malinaw, at na hindi rin umusad ang gawain para maglinang ng mga manggagawa sa ebanghelyo o mga tagadilig. Nang malaman ng lider ang sitwasyon, sumulat siya sa amin, binahaginan niya kami at tinukoy ang mga isyu, pinaalalahanan kami na kung hindi epektibo ang gawain, dapat naming pagnilayan kung gumagawa ba kami ng totoong gawain. Nabanggit niya rin na mas maganda ang resulta sa Iglesia ng Chengbei, at pinayuhan ako na humingi ng payo at matuto mula sa kanila. Pagkatapos kong mabasa ang sulat, sinabi ko sa sarili ko, “Sabay kaming inatasan ni Xu Xin para mamahala sa gawain ng ebanghelyo, pero masuwerte si Xu Xin na maitalaga sa isang iglesia na mas maganda ang resulta, habang ako ay naitalaga naman sa isang iglesia na hindi maganda ang resulta. Kauumpisa ko pa lang at napakarami nang problema ang natukoy. Ang malas naman! Kapag patuloy na hindi maganda ang resulta, baka sabihin ng superbisor na wala akong kakayahan para sa gawain na ito. Sobrang nakakahiya kapag nangyari iyan! Wala talaga akong kasuwerte-suwerte!” Noong mga panahon na iyon, patuloy na hindi maganda ang resulta ng gawain ng ebanghelyo sa iglesia namin, at may ilang tao na nagkaroon ng mga kuru-kuro pagkatapos nilang maimpluwensiyahan ng mga tsismis na walang basehan at hindi man lang inalam ang totoo. Hindi rin malinaw ang pagbabahagi ng ilang manggagawa sa ebanghelyo ukol sa mga katanungan ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, kaya sumulat sila sa akin para humingi ng tulong, at tumugon ako sa bawat isa sa kanila, subalit wala pa ring nakikitang pagbabago sa gawain namin. Dahil dito, lalo lang akong napaniwala na napakamalas ko talaga, at naisip ko, “Paano ba ako nauwing nakatali sa gayong iglesia? Ano na lang ang iisipin ng superbisor tungkol sa akin? Sasabihin niya kayang hindi ako gumagawa ng tunay na gawain at nagpapakatamad ako sa aking tungkulin?” Habang iniisip ko ito, lalo rin akong napanghihinaan ng loob. Napuno ako ng mga negatibong emosyon at nawalan ng interes sa lahat ng aking ginagawa. Isang araw, napansin ko na ang isang manggagawa ng ebanghelyo ay nasa isang hindi magandang kalagayan at nakakaapekto ito sa paggawa niya ng kanyang tungkulin, pero ayaw kong mag-abala tungkol dito kasi iniisip ko, “Dahil malas talaga ako, kahit magsikap pa ako, pareho lang ang magiging resulta.” Kaya hindi ko nilutas ang isyu sa pamamagitan ng napapanahong pagbabahagi. Kapag may sumusulat sa akin tungkol sa mga katanungang may kaugnayan sa gawain, ilang araw akong hindi sumasagot, at wala akong ganang alamin o pag-isipan ang mga problemang lumilitaw sa gawain. Sa pagtatapos ng bawat araw, para akong basyo na walang laman at para bang lumayo na ang puso ko mula sa Diyos. Hindi ko na rin alam kung ano ang sasabihin kapag magdarasal. Alam kong magiging mapanganib kung hindi ko aayusin ang kalagayan na ito, kaya kusa kong hinanap ang katotohanan para lutasin ang aking mga problema.

Isang araw sa gitna ng aking mga debosyonal, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang tumutugma sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Ano ang problema sa mga taong palaging iniisip na malas sila? Palagi nilang ginagamit ang pamantayan ng suwerte upang sukatin kung tama o mali ang kanilang mga ikinikilos, at upang timbangin kung aling landas ang dapat nilang tahakin, ang mga bagay na dapat nilang maranasan, at ang anumang problema na kanilang hinaharap. Tama ba iyon o mali? (Mali.) Nilalarawan nila ang masasamang bagay bilang malas at ang mabubuting bagay bilang suwerte o kapaki-pakinabang. Tama ba o mali ang perspektibang ito? (Mali.) Ang pagsukat ng mga bagay mula sa ganitong uri ng perspektiba ay mali. Ito ay isang sagad-sagaran at maling paraan at pamantayan ng pagsukat ng mga bagay-bagay. Dahil sa ganitong uri ng pamamaraan, madalas na nalulugmok ang mga tao sa pagkalumbay, at madalas silang nababagabag, at pakiramdam nila ay hindi kailanman nangyayari ang mga gusto nila, at na kailanman ay hindi nila nakukuha ang gusto nila, at sa huli, dahil dito ay palagi silang nababalisa, iritable, at nababagabag. Kapag hindi nalulutas ang mga negatibong emosyon na ito, patuloy na nalulumbay ang mga taong ito at nararamdaman nilang hindi sila pinapaboran ng Diyos. Iniisip nila na mabait ang Diyos sa iba ngunit hindi sa kanila, at na inaalagaan ng Diyos ang iba ngunit sila ay hindi. ‘Bakit lagi akong nababahala at nababalisa? Bakit palaging nangyayari sa akin ang masasamang bagay? Bakit hindi kailanman nangyayari sa akin ang mabubuting bagay? Kahit isang beses lang, iyon lang ang hinihiling ko!’ Kapag tinitingnan mo ang mga bagay-bagay gamit ang ganitong maling paraan ng pag-iisip at perspektiba, ikaw ay mahuhulog sa bitag ng suwerte at malas. Kapag ikaw ay patuloy na nahuhulog sa bitag na ito, patuloy kang makadarama ng pagkalumbay. Sa gitna ng pagkalumbay na ito, lalo kang magiging sensitibo sa kung ang mga bagay na nagaganap sa iyo ay suwerte ba o malas. Kapag ito ay nangyari, pinapatunayan nito na kontrolado ka na ng perspektiba at ideya ng suwerte at malas. Kapag ikaw ay kontrolado ng ganitong uri ng perspektiba, ang iyong mga pananaw at saloobin sa mga tao, pangyayari, at bagay ay wala na sa saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at sa halip ay naging sagad-sagaran na. Kapag ikaw ay naging sagad-sagaran na, hindi ka makakaahon sa iyong pagkalumbay. Paulit-ulit kang malulumbay, at kahit na ikaw ay karaniwang hindi nakakaramdam ng pagkalumbay, sa sandaling may mangyaring hindi kanais-nais, sa sandaling madama mo na may nangyaring kamalasan, agad kang malulumbay. Ang pagkalumbay na ito ay makakaapekto sa iyong normal na paghusga at pagpapasya, at maging sa iyong kaligayahan, galit, lungkot, at kasiyahan. Kapag ito ay nakaapekto sa iyong kaligayahan, galit, lungkot, at kasiyahan, guguluhin at sisirain nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, pati na rin ang iyong kagustuhan at pagnanais na sundin ang Diyos. Kapag ang mga positibong bagay na ito ay nasira, ang ilang katotohanan na iyong naunawaan ay mawawala na parang bula at hindi talaga makakatulong sa iyo. Iyan ang dahilan kung bakit, kapag ikaw ay nahulog sa masamang siklo na ito, magiging mahirap para sa iyo na isagawa ang ilang katotohanang prinsipyo na iyong nauunawaan. Kapag iyo nang nadama na nasa iyo na ang suwerte, kapag hindi ka na nasusupil ng pagkalumbay, ay saka mo lamang kayang mabigat sa loob na magbayad ng kaunting halaga, magdusa ng kaunting hirap, at magpakita ng kaunting sinseridad habang ginagawa ang mga bagay na handa kang gawin. Sa sandaling madama mong nawala na ang iyong suwerte at nangyayari na sa iyong muli ang mga kamalasan, mabilis kang pinangingibabawang muli ng iyong pagkalumbay, at ang iyong sinseridad, katapatan, at kahandaang magtiis ng hirap ay biglang mawawala sa iyo. Kaya naman, ang mga taong naniniwala na sila ay malas o yaong labis na sineseryoso ang suwerte, ay katulad lang ng mga taong naniniwala na masama ang kanilang kapalaran. Madalas na mayroon silang sagad-sagarang mga emosyon—partikular na madalas silang nalulugmok sa mga negatibong emosyon tulad ng pagkalumbay. Sila ay lalo pang negatibo at mahina, at may tendensiya pa ngang maging pabago-bago ang lagay ng kanilang loob. Kapag nadarama nilang suwerte sila, sila ay puno ng kasiyahan, puno ng enerhiya, at kaya nilang magtiis ng mga hirap at magbayad ng halaga; kaya nilang matulog nang mas kaunting oras sa gabi, at kumain nang mas kaunti tuwing umaga, handa silang magtiis ng anumang hirap, at kung makaramdam sila ng panandaliang pananabik, masaya nilang iaalay ang kanilang buhay. Ngunit sa sandaling maramdaman nila na sila ay malas kamakailan, kapag tila wala na yatang tama na nangyayari sa kanila, agad na napupuno ng emosyon ng pagkalumbay ang kanilang puso. Nababalewala ang lahat ng panata at resolusyong ginawa nila noon; bigla silang nagiging parang isang bola na sumingaw, wala nang enerhiya, o nanlambot na, ayaw gumawa ng anuman o magsabi ng anuman. Iniisip nila, ‘Ang mga katotohanang prinsipyo, paghahangad sa katotohanan, pagkamit ng kaligtasan, pagpapasakop sa Diyos—walang kinalaman sa akin ang mga ito. Ako ay malas at walang halaga kahit gaano karaming katotohanan ang aking isagawa o gaano kalaking halaga ang aking ibayad, hindi ko kailanman makakamit ang kaligtasan. Katapusan ko na. Para akong isang sumpa, isang malas na indibidwal. Kung ganoon, bahala na, malas naman talaga ako!’ Kita mo, sa una ay para silang bolang sasabog na sa dami ng hangin nito, tapos bigla na lang silang lumalambot. Hindi ba’t problematiko ito? Paano nangyayari ang problemang ito? Ano ang ugat ng problema? Palagi nilang inoobserbahan ang sarili nilang kapalaran, na para bang inoobserbahan nila ang stock market, upang makita kung ito ba ay umaangat o bumabagsak, kung ito ba ay isang bull market o bear market. Palagi silang balisa, lubhang sensitibo sa usapin ng kanilang kapalaran, at sobrang matigas ang ulo. Ang ganitong uri ng sagad-sagarang tao ay madalas na malulumbay dahil sobra nilang iniintindi ang kanilang sariling kapalaran at namumuhay sila batay sa lagay ng kanilang loob(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang kalagayan ko ng kawalan ng pag-asa ay dahil gumagamit ako palagi ng mga maling pananaw gaya ng suwerte at kamalasan para husgahan ang mga kapaligiran na isinaayos ng Diyos para sa akin. Lagi kong iniisip na ang paggawa ng tungkulin nang walang kagipitan o paghihirap, kung saan hindi ko kailangang mahirapan o magbayad ng halaga at puwede pa akong makatanggap ng paghanga at papuri mula sa iba, ay nangangahulugang masuwerte ako. Kung ang tungkulin ko ay laging mahirap, walang resultang nakakamit o kaya naman ay napupungusan ako, itinuturing ko ito na isang kamalasan, nabubuhay ako na nasisiraan ng loob at nawawalan ako ng gana sa aking tungkulin. Hindi epektibo ang gawain ko, at nagbigay ng gabay at tulong ang lider at pinayuhan niya kami na matuto mula sa iglesia na may mas magagandang resulta. Mabuting bagay ito dahil hinihimok ako nito na magnilay at unawain ang sarili ko, at na ibuod ang mga isyu at paglihis sa aking gawain at na itama ang mga ito sa napapanahong paraan. Kapwa makikinabang dito ang aking buhay pagpasok at ang gawain ng iglesia. Pero dahil nakaapekto sa aking reputasyon at katayuan ang mga hindi epektibong resulta na ito, inisip kong ang lahat ng ito ay dahil malas lang ako. Nakita ko na ang iglesiang pinangangasiwaan ni Xu Xin ay nagkaroon ng magagandang resulta at na natanggap niya ang mataas na pagtingin at ang pagkilala ng lider, kaya naman nakaramdam talaga ako ng inggit at inisip kong masuwerte siya. Pagkatapos ay tiningnan ko ang hindi magagandang resulta ng gawain ng ebanghelyo sa iglesia na responsabilidad ko at mas lalo akong naging kumbinsido na malas nga ako. Lagi kong ginagamit ang maling pananaw na ito ng suwerte at kamalasan para tingnan ang mga kapaligiran na isinaayos ng Diyos para sa akin. At kapag nahaharap ako sa mahihirap na sitwasyon, nagrereklamo ako, iniisip na pinapaboran ng Diyos si Xu Xin at hindi ako binibiyayaan, at nabubuhay ako sa mga negatibong emosyon at nagiging pasibo at mapanlaban. Ang mga walang pananampalataya, na hindi nananampalataya sa Diyos o nakakaunawa sa katotohanan, ay laging ginagamit ang suwerte at kamalasan para husgahan ang lahat ng nangyayari sa kanila. Pakiramdam nila ay masuwerte sila kapag nagkakamit sila ng kasikatan, kapakinabangan, kayamanan, o promosyon, at nagrereklamo sila tungkol sa hindi pagiging patas ng Langit o sinisisi nila ang iba kapag hindi maganda ang mga nangyayari. Pero bilang mananampalataya ng Diyos, malinaw kong nalalaman na ang lahat ng nangyayari sa akin, tila mabuti man ito o masama mula sa perspektiba ng tao, ay pinamamahalaan at isinasaayos ng Diyos at may mga aral mula sa mga ito na kailangan kong matutuhan, pero hindi ko ito tinanggap mula sa Diyos. Sa halip, ginamit ko ang pananaw ng mga walang pananampalataya para husgahan ang mga kapaligiran na isinaayos ng Diyos para sa akin. Isa itong malaking kalokohan; mga pananaw ito ng mga hindi mananampalataya! Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng matinding kahihiyan, at ginusto kong hanapin ang katotohanan para itama ang maling pananaw na ito.

Kalaunan, nabasa ko ang mga siping ito mula sa mga salita ng Diyos: “Bumalik tayo sa paksa ng suwerte o malas, ngayon ay alam na ng lahat na ang kasabihang ito tungkol sa suwerte ay walang saysay, at na ito ay hindi maganda at hindi rin masama. Ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap mo, maging ang mga ito man ay maganda o masama, ay pawang itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, kaya dapat harapin mo nang wasto ang mga ito. Tanggapin mo ang magandang bagay mula sa Diyos, at tanggapin mo rin ang masamang bagay mula sa Diyos. Huwag mong sabihing suwerte ka kapag mabubuting bagay ang nangyayari, at na malas ka kapag masasamang bagay ang nangyayari. Masasabi lamang na mayroong mga aral na dapat matutunan ang mga tao sa lahat ng bagay na ito, at hindi nila ito dapat tanggihan o iwasan. Pasalamatan ang Diyos para sa mabubuting bagay, ngunit pasalamatan din ang Diyos para sa masasamang bagay, sapagkat ang lahat ng ito ay isinaayos Niya. Ang mabubuting tao, mga pangyayari, bagay, at kapaligiran ay nagbibigay ng mga aral na dapat matutunan nila, ngunit may mas higit pa na matututunan sa masasamang tao, mga pangyayari, bagay, at kapaligiran. Lahat ng ito ay mga karanasan at senaryo na dapat maging bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi dapat gamitin ng mga tao ang ideya ng suwerte para sukatin ang mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). “Kung bibitiwan mo ang ideya ng kung gaano ka kasuwerte o kamalas, at tatratuhin mo ang mga bagay na ito nang kalmado at tama, makikita mong karamihan sa mga bagay ay hindi naman gaanong hindi paborable o mahirap harapin. Kapag tinalikuran mo ang iyong mga ambisyon at ninanais, kapag hindi mo na tinutulan o iniwasan ang anumang kapahamakan na iyong nararanasan, at hindi mo na sinukat ang gayong mga bagay batay sa kung gaano ka kasuwerte o kamalas, marami sa mga bagay na dati mong itinuturing na kapahamakan at masama, ay iisipin mo na ngayon na mabuti—ang masasamang bagay ay magiging mabubuti. Ang iyong mentalidad at kung paano mo tingnan ang mga bagay-bagay ay magbabago, na magbibigay-daan sa iyo na magbago ng damdamin tungkol sa iyong mga karanasan sa buhay, at kasabay nito ay magkakamit ka ng iba’t ibang gantimpala. Ito ay isang kakaibang karanasan, isang bagay na magdadala sa iyo ng mga di-inaasahang gantimpala. Ito ay isang mabuting bagay, hindi masama(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang lahat ng nangyayari sa akin, tila mabuti man ito o masama mula sa perspektiba ng tao, ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at nagtataglay ng layunin ng Diyos. Dapat tanggapin ko ang mga bagay mula sa Diyos at magpasakop, hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral. Ito ang saloobin at pagsasagawa na dapat mayroon ako. Naisip ko si Jose, na ibinenta ng kanyang mga kapatid para maging alipin sa Ehipto at na dumanas ng maraming paghihirap. Bagamat tila hindi magandang pangyayari ito, kalaunan ay naging punong administrador ng Ehipto si Jose. Noong taggutom, nakaligtas si Jose sa pagdurusa ng pagkagutom, at nasa ilalim siya ng pangangalaga at proteksiyon ng Diyos. Kalaunan, pumunta sa Ehipto ang mga kapatid ni Jose para bumili ng butil, at lumipat sa Ehipto ang kanilang buong pamilya, at tumira doon ang kanilang mga inapo sa loob ng apat na raang taon. Napagtanto ko mula rito na hindi naman laging masama ang ilang bagay na tila kamalasan mula sa perspektiba ng tao, at na ang lahat ng bagay na ito ay kalakip ang mabuting kalooban ng Diyos. Kagaya na lang ngayon nang itinalaga ako para mangasiwa sa Iglesia ng Chengnan. Sa isang banda, base ito sa mga pangangailangan ng gawain dahil mas pamilyar ako sa mga tauhan ng iglesiang ito, at mas may karanasan ako sa gawain ng ebanghelyo kaysa kay Xu Xin. Kaya ang pagsasaayos na ito ay makakabuti sa gawain ng iglesia, at sa kabilang banda, kailangan ito para sa aking buhay pagpasok. Isa akong tao na mahilig magpakasasa sa pisikal na kaginhawahan at hindi ako magaling sa paghahanap sa katotohanan kapag nahaharap ako sa mga isyu. At ang iglesia na pinangangasiwaan ko ay nagkaroon ng maraming problema at paghihirap, kaya naman kinailangan kong mas magsikap, maghanap, magnilay, makipag-usap, at magbuod ng mga bagay-bagay. Sa paggawa nito ay maiiwasan ko ang maging kampante at ang mamuhay sa laman. Isinaayos ng Diyos ang kapaligiran na ito ayon sa matitinding kapintasan ko; ito ay pagliligtas Niya sa akin! Naisip ko rin kung paanong naging tagapangasiwa ako ng iglesiang ito ilang taon na ang nakakaraan, at noong panahong iyon, hindi ako gumawa ng totoong gawain. Nang makita kong hindi magaganda ang resulta ng aking mga kapatid, hinamak at hinusgahan ko lang sila, nang hindi nagbibigay ng kahit anong tulong para sa kanilang buhay pagpasok. Umalis ako nang may panghihinayang at pagkakautang, at ngayon ay binibigyan ako ng pagkakataon para pangasiwaan muli ang kanilang gawain. Isa itong pagkakataon sa akin para bumawi sa mga naging pagsalangsang ko, at kailangan kong itama ang saloobin ko sa aking tungkulin sa napapanahong paraan, makipagtulungan sa abot ng aking makakaya, at huwag magsanhi ng anumang panghihinayang. Sa puntong iyon, naramdaman ko na kinakailangan sa buhay ko ang pagbibigay ng Diyos sa akin ng pagkakataon para pangasiwaan ang iglesiang ito, na ipinakita nito ang mabubuting layunin ng Diyos, at hindi ko na puwedeng tingnan ang mga bagay-bagay mula sa perspektiba ng mga walang pananampalataya o labanan ang mga kapaligiran na isinaayos ng Diyos para sa akin. Ang totoo, anuman ang kapaligiran na isinasaayos ng Diyos, kailangan ito para sa ating buhay, at walang bagay na suwerte o malas lang. Nang tumigil ako sa panghuhusga sa mga tao, pangyayari, at bagay nang base sa suwerte at sa halip ay tiningnan ko ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng ginhawa at hindi na ako namuhay sa mga negatibong emosyon.

Napaisip din ako kung bakit ko nga ba laging iniisip na kamalasan kapag nahaharap ako sa mga hindi kaaya-ayang sitwasyon, at lagi akong nag-aasam na mangyari sa akin ang magagandang bagay, at napaisip ako kung anong tiwaling disposisyon ba ang nagsasanhi nito. Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kaya, ano ang mga iniisip at pananaw ng mga taong gumagamit ng suwerte para sukatin kung ang mga bagay ay mabuti ba o masama? Ano ang diwa ng gayong mga tao? Bakit masyado nilang binibigyang-pansin ang suwerte at malas? Ang mga tao bang masyadong nakatuon sa suwerte ay umaasa na suwerte sila, o umaasa ba silang malas sila? (Umaasa silang suwerte sila.) Tama iyan. Sa katunayan, hinahangad nila ang suwerte at na mangyari sa kanila ang mabubuting bagay, at sinasamantala lang nila ang mga ito at pinakikinabangan ang mga ito. Wala silang pakialam kung gaano man magdusa ang iba, o kung gaano karaming paghihirap o suliranin ang kailangang tiisin ng iba. Ayaw nilang mangyari sa kanila ang anumang bagay na sa tingin nila ay malas. Sa madaling salita, ayaw nilang mangyari sa kanila ang anumang masama: walang mga dagok, pagkabigo o pagkapahiya, walang pagpupungos, walang kawalan, pagkatalo, o pagkalinlang. Kapag nangyari ang anuman sa mga iyon, iniisip nilang malas ito. Sinuman ang nagsaayos nito, kung mangyari ang masasamang bagay, malas ito. Umaasa sila na ang lahat ng mabubuting bagay—ang maitaas ang ranggo, mamukod-tangi, at ang masamantala ang iba, ang makinabang mula sa ibang bagay, kumita nang malaki, o maging opisyal na mataas ang ranggo—ay mangyayari sa kanila, at iniisip nila na suwerte iyon. Palagi nilang sinusukat batay sa suwerte ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakahaharap nila. Hinahangad nila ang suwerte, hindi ang malas. Sa sandaling magkaroon ng aberya sa kaliit-liitang bagay, sila ay nagagalit, nayayamot, at hindi nasisiyahan. Sa mas prangkang pananalita, makasarili ang ganitong uri ng mga tao. Hinahangad nilang masamantala ang iba, makinabang, manguna, at mamukod-tangi. Masisiyahan sila kung sa kanila lang mangyayari ang lahat ng mabubuting bagay. Ito ang kanilang kalikasang diwa; ito ang tunay nilang mukha(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga taong laging nagrereklamo tungkol sa kanilang kamalasan ay mga taong makasarili at kapakanan lang nila ang iniisip. Laging gusto ng mga ganitong tao na maganda ang mangyari sa kanila, na maging maayos ang lahat ng bagay, na sila ay magkamit ng tagumpay sa trabaho, maging kapansin-pansin, at magkamit ng kaluwalhatian, at hindi maharap sa kahit anong dagok o pagkabigo. Kahit sa kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, gusto nilang magkaroon ng magagandang resulta nang hindi ito pinaghihirapan, at ayaw nilang mahirapan o magbayad ng halaga na kailangan para gawin ang kanilang tungkulin, at nag-aatubili silang mapungusan. Nagrereklamo agad sila kapag napahiya sila o medyo nadismaya. Sa pagninilay sa aking sarili, napagtanto ko na ganito pala ako. Tuwing nakakaranas ako ng hirap sa aking tungkulin, o tuwing nahaharap ako sa mga dagok, o pagkabigo, o pagpupungos, nagrereklamo ako tungkol sa kapaligiran na isinaayos ng Diyos para sa akin. Gusto ko lagi na sumikat ako at makinabang nang wala akong mga inaalala o nararanasang paghihirap, at na makapamuhay ako nang maginhawa. Maraming isyu ang Iglesia ng Chengnan na pinangangasiwaan ko, at hindi epektibo ang gawain at madalas ay napupungusan kami, kaya naisip ko na walang mabuting maidudulot ang maging tagapangasiwa ng ganitong iglesia, at na kahit gaano pa ako magsikap araw-araw, hindi ito makikita ng iba, kaya ako nagkaroon ng hinaing, naging negatibo, at naging tamad. Nakita ko na lumala ang kalagayan ng aking mga kapatid at na nakakaapekto ito sa kanilang tungkulin, pero wala akong pakialam, at ayaw kong harapin ang mga problema sa gawain. Umasa ako sa mga satanikong pilosopiya gaya ng “Huwag tumulong kung walang gantimpala” at “Walang nagtatrabaho nang walang kapalit,” at ako ay naging makasarili, mapag-isip sa sarili kong kapakanan, kasuklam-suklam, at malupit. Naisip ko kung paanong nilinang ako ng iglesia para maging superbisor at binigyan ako nito ng maraming oportunidad para magsanay, at ngayon ay itinatalaga ako para pangasiwaan ang isang iglesia na hindi magaganda ang resulta sa gawain ng ebanghelyo. Dapat ay isinaalang-alang ko ang layunin ng Diyos at naging aktibo ako sa aking tungkulin para lutasin ang mga problema at paghihirap sa gawain. Pero sa halip, nagreklamo ako dahil sa takot ko na mahirapan at mapahiya, at sa gayon ay nabigo ako na gawin ang sarili kong mga tungkulin. Hindi ko ginagawa ang aking mga tungkulin para palugurin ang Diyos, kundi para maghangad ng pisikal na kasiyahan, kasikatan, at katayuan. Naging sobrang makasarili at kasuklam-suklam ako! Nang mapagtanto ko ito, labis akong nakonsensiya, at ayaw ko nang hangarin pa ang mga sarili kong interes. Gusto kong isaalang-alang ang layunin ng Diyos at umasa sa Kanya sa pagtupad ko ng aking mga responsabilidad. Kalaunan, kapag may nakikita akong mga manggagawa sa ebanghelyo na nahaharap sa mga paghihirap at isyu, o hindi nauunawaan ang mga prinsipyo ng ebanghelyo, hindi na ako nagrereklamo kundi sumusulat ako ng mga liham para paulit-ulit na makipag-usap. At kapag nakita kong hindi maganda ang kalagayan nila, binabahaginan ko sila ng mga salita ng Diyos para tulungan at suportahan sila. Nang simulan kong magsagawa nang ganito, naramdaman kong kasiya-siya ang bawat araw, at na mayroon akong natatamo.

Isang araw, nakatanggap ako ng liham mula sa isang manggagawa sa ebanghelyo sa Iglesia ng Chengnan, at sinabi niyang nagbitiw ang kanyang kapareha na si Sister Jing’an dahil pakiramdam nito ay hindi sapat ang kakayahan nito para magawa ang mga tungkulin nito. Pagkaraan ng ilang araw, nakatanggap ako ng isa pang liham mula sa isang lider ng grupo, na nagsasabing hindi rin maganda ang kalagayan ni Sister Wei Zhen, at na nabubuhay ito sa isang tiwaling disposisyon at ayaw nitong mag-ebanghelyo. Sinabi rin ng lider ng grupo na “Ako rin ay nahihirapan at hindi ko alam kung paano makikipagtulungan….” Nang makita ko ang mga isyung ito, nadismaya ako, iniisip na, “Bakit ba ang dami ninyong problema? Kung gaano kayo kakulang sa resulta sa gawain, binabawi naman ninyo sa dami ng problema na mayroon kayo. Isang araw, isa sa inyo ang nagbibitiw, at sa sumunod, isa naman ang hindi maganda ang kalagayan. Ang paglutas pa lang ng mga kalagayan ninyo ay matrabaho na. Paano pa ako makakahanap ng oras para mag-ebanghelyo? Hindi pa kabilang diyan ang pisikal na paghihirap, at higit sa lahat, ano na lang ang iisipin ng superbisor sa akin kung hindi epektibo ang gawain? Ang daming problema ng iglesiang ito; wala talaga akong suwerte!” Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, kaya hinanap ko ang mga salita ng Diyos tungkol dito. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Madali bang makaahon sa pagkalumbay na ito? Sa katunayan, madali lamang ito. Iwanan mo lang ang iyong mga baluktot na pananaw, huwag mong asahan na palaging magiging maganda ang takbo ng lahat, o aayon sa mismong gusto mo, o magiging magaan. Huwag mong katakutan, kalabanin, o tanggihan ang mga bagay na hindi nagiging maayos. Sa halip, bitiwan mo ang iyong pagsalungat, maging kalmado ka, at lumapit ka sa Diyos nang may saloobin ng pagpapasakop, at tanggapin mo ang lahat ng isinasaayos ng Diyos. Huwag mong hangarin ang diumano’y ‘suwerte’ at huwag mong tanggihan ang diumano’y ‘malas.’ Ibigay mo ang iyong puso at buong pagkatao sa Diyos, hayaan mong Siya ang kumilos at mamatnugot, at magpasakop ka sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Ibibigay sa iyo ng Diyos ang kailangan mo sa tamang sukat kapag kailangan mo na ito. Pamamatnugutan Niya ang mga kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na kinakailangan mo, ayon sa iyong mga pangangailangan at kakulangan, upang matuto ka ng mga aral na dapat mong matutunan mula sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong pagdaraanan. Siyempre, ang pangunahing kondisyon para sa lahat ng ito ay dapat may mentalidad ka ng pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kaya huwag mong hangarin ang pagiging perpekto; huwag mong tanggihan o katakutan ang mga pangyayaring hindi kanais-nais, nakakahiya, o hindi paborable; at huwag mong gamitin ang iyong pagkalumbay upang labanan ng iyong kalooban ang hindi magagandang bagay na nangyayari(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan kong may mabuting kalooban ang Diyos sa mga ganitong sitwasyon. Dapat mag-umpisa ako sa pagpapasakop at paghahanap sa layunin ng Diyos, at hindi magkaroon ng reaksyon na lumaban, magreklamo, o maghimutok agad kapag may bagay na puwedeng makaapekto sa reputasyon o sa mga pisikal na interes ko, na mabuhay sa mga negatibong emosyon. Hindi ito ang saloobin na dapat mayroon ako sa aking mga tungkulin. Noong panahong iyon, tatlong mga kapatid ang negatibo at mahina, nabubuhay sa mga tiwaling disposisyon at hindi makaahon dito, na napakahirap, at kung hindi ito malulutas sa tamang panahon sa pamamagitan ng pagbabahaginan, hindi lang ito makakaapekto sa gawain ng ebanghelyo kundi maaantala rin nito ang kanilang buhay pagpasok. Hindi ko sila dapat hinamak, kundi dapat ay nagbahagi ako sa kanila at tinulungan ko sila nang may pagmamahal bilang pagtupad sa aking responsabilidad. Kaya agad akong sumulat sa kanila, ikinuwento ko ang mga karanasan ko at binahaginan ko sila, tinulungan ko silang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at tumigil sa pamumuhay nang may paghihirap. Ibinahagi ko rin ang mga karanasan ko at ang mga natamo ko sa pag-eebanghelyo. Pagkaraan ng ilang araw, nakatanggap ako ng liham, na sinasabing bumuti na ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at na normal na uli nilang nagagawa ang kanilang mga tungkulin. Nang makita ko ang mga ganitong resulta, nakaramdam ako ng matinding ginhawa at tumibay ang aking pananalig. Ang lahat ay nasa kamay ng Diyos, at anumang paghihirap o dagok ang isaayos ng Diyos para sa akin, dapat ay umasa ako sa Kanya para mapagdaanan ang mga ito, at dapat kong hanapin ang katotohanan at pasukin ito sa lahat ng bagay. Ito ang saloobin na dapat mayroon ako sa aking mga tungkulin. Hindi ko makakamit ang mga kapakinabangang ito at ang pagkaunawang ito sa isang komportableng kalagayan!

Pagkatapos ng karanasang ito, napagtanto ko na ang panghuhusga sa mga bagay nang ayon sa suwerte o kamalasan ay isang malaking kalokohan! Kasabay nito, napagtanto ko rin na ang kapaligiran na isinasaayos ng Diyos para sa akin araw-araw, mabuti man ang tingin ko rito o salungat sa aking mga kagustuhan, ay laging may mga aral na dapat kong matutuhan. Kailangan ang lahat ng ito para sa aking buhay pagpasok, at taglay ng mga ito ang mabuting kalooban ng Diyos. Dapat magsikap ako na hanapin ang katotohanan at na maabot ang punto kung saan tinitingnan ko na ang mga tao at bagay nang ayon sa pamantayan ng mga salita ng Diyos, at na pasukin ang realidad ng mga salita ng Diyos sa lalong madaling panahon.

Sinundan: 6. Ang mga Kahihinatnan ng Pagbabantay ng isang Pastor

Sumunod: 8. Hindi Na Mataas ang Inaasahan Ko sa Aking Anak

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito