11. May Natutunan Akong Aral Mula sa Karamdaman
Noong Marso 2023, napansin kong madalas akong nauuhaw, nanunuyo ang aking bibig, at lumalabo ang aking paningin. Minsan, sampung minutong biyahe lang ang kailangan papunta sa pagtitipon, pero pagdating ko sa bahay ng host, kailangan ko agad maghanap ng tubig na maiinom. Isang kapatid ang nagpayo sa akin na suriin ko ang aking asukal sa dugo. Nang mabanggit niya ito, naalala kong nagkaroon ako ng diyabetes noong nagdadalang-tao ako, at pagkatapos kong manganak, mataas pa rin ang aking asukal sa dugo, kaya niresetahan ako ng doktor ng gamot. Noon, inisip ko na hindi naman ito malubhang sakit dahil bata pa ako, at kaya ko itong kontrolin sa pamamagitan lamang ng pag-iwas sa asukal, kaya pagkatapos ng insidenteng iyon, hindi ko na ito muling sinuri pa. Pagkatapos akong payuhan ng isang kapatid, umuwi ako at sinukat ang aking asukal sa dugo, at sa loob ng dalawang magkasunod na araw, umabot sa mahigit 15 mmol/L ang aking asukal sa dugo. Nanghina ang loob ko at nakumpirma kong may diyabetes ako. Naalala ko kung paano pumanaw ang aking ina sa edad na apatnapu’t dalawa, at madalas din siyang nauuhaw, kaya naisip kong baka namana ko ang diyabetes, at hindi ko maiwasang matakot na baka maaga akong mamatay tulad ng aking ina. Naramdaman ko ang hirap na dulot ng sakit na ito, iniisip ko, “Hindi katulad ng sipon ang diyabetes, kapag nakuha mo ito, mayroon ka na nito habambuhay!” Noong panahong iyon, ang unang ginagawa ko pag-uwi ko mula sa aking mga tungkulin ay maghanap sa internet ng mga lunas, iniisip kung paano pababain ang aking asukal sa dugo. Isang beses, habang tumitingin sa isang website, nakita kong binanggit ng isang doktor na ang mga komplikasyon ng diyabetes ay napakabigat, at maaari itong humantong sa pagkabulag at, sa malulubhang kaso, pagputol ng mga bahagi ng katawan. Labis akong nag-alala, iniisip ko, “Nasa trenta pa lang ako, paano ko nakuha ang sakit na ito? Kung patuloy itong lumala at mawalan ako ng paningin at kailangan pang putulin ang mga bahagi ng katawan ko, magiging wala na akong silbi. Hindi ba’t mas masahol pa iyon kaysa kamatayan? Napakabata ko pa, ano na ang gagawin ko sa hinaharap? Ang hindi maayos na pangmatagalang pagkontrol sa aking asukal sa dugo ay maaaring magdulot ng panganib sa aking buhay!” Nabubuhay ako sa kalagayan ng pagkataranta at pagkabalisa, madalas iniisip kung ano ang maaaring mangyari kung lumala ang aking sakit at kung gaano pa katagal akong mabubuhay. Pakiramdam ko ay talagang malubha ang aking sakit, at ang patuloy na pagdurusa habang ginagawa ang aking mga tungkulin ay magdudulot lamang ng pinsala sa aking katawan. Kapag walang mabuting kalusugan, anong silbi ng magdusa at magbayad ng halaga sa aking mga tungkulin? Sa huli, haharapin ko pa rin ang kamatayan, at mawawalan ng saysay ang lahat ng aking paghahangad!
Pagkalipas ng ilang araw, nagkaroon ng paglaganap ng influenza A, at ang tatlo kong anak ay nagkasipon at nagkalagnat. Kinailangan kong dalhin ang mga anak ko para mabakunahan araw-araw, at pagkatapos ay aalis na ako para gawin ang aking mga tungkulin. Ginugol ko ang aking mga araw na abalang-abala, at ramdam ko ang labis na pagkapagod. Naiisip ko, “Dahil kaya ito sa aking sakit? Hindi ko puwedeng patuloy na pagurin ang sarili ko, baka hindi na kayanin ng katawan ko!” Naisip ko rin, “Hindi pa gaanong katagal mula nang mahanap ko ang Diyos, ginugugol ko na ang aking sarili at nagbabayad na ako ng halaga. Bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos at hindi pinagaling ang sakit na ito?” May hinanakit ako sa aking puso, at nawala ang aking motibasyon na gawin ang aking mga tungkulin. Noong panahong iyon, lider ako sa iglesia, at kahit mukhang ginagawa ko ang aking mga tungkulin, palagi akong wala sa sarili ko tuwing mga pagtitipon at ang aking isip ay laging nakatuon sa kung paano gagamutin ang aking sakit. Nakaligtaan kong mapansin, lalo na ang tugunan ang mga isyu sa gawain ng iglesia. Ginagawa ko lang ang aking mga tungkulin nang walang sigla, at bahagya akong nakonsensiya, pero sinabi ko na lamang sa sarili ko, “May mga tao namang ginagawa ang kanilang mga tungkulin nang hindi kasing abala ko, at hindi ba’t maayos naman sila? Hindi ko puwedeng hayaan na lumala ang aking sakit dahil lang sa sobrang abala ako. Kapag walang mabuting kalusugan, lahat ay mawawala, at kung mamamatay ako, hindi ako maliligtas. Kailangan kong alagaan ang aking kalusugan.” Pagkalipas ng ilang araw, unti-unting gumaling ang aking mga anak mula sa kanilang mga sakit. Pero nagsimula naman akong lagnatin, at parang walang bisa ang gamot. Malala ang aking pag-ubo kaya masakit at naninikip ang aking dibdib, at wala akong lakas para dumalo sa mga pagtitipon, kaya nagpahinga na lang ako sa bahay. Bigla kong naramdaman na masyadong nakakapagod ang pagsabayin ang aking mga tungkulin at ang pag-aalaga sa pamilya, kaya sumagi sa isip ko na ayaw ko nang gawin ang aking mga tungkulin. Nagreklamo rin ako sa aking sarili, “Bakit ba kailangan kong magdusa sa sakit na ito sa ganitong murang edad? Napakaaktibo ko naman sa aking pananalig at mga tungkulin. Bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos mula sa sakit na ito?” Pagkalipas ng ilang araw, gumaling ako mula sa aking sipon pero hindi pa rin ako lumabas upang gawin ang aking mga tungkulin. Naisip ko, “Kung hindi ko gagawin ang aking mga tungkulin, may iba namang gagawa nito. Kailangan ko munang alagaan ang aking kalusugan sa ngayon. Ngayong nagkasakit na ako, natatakot akong mapagod nang husto at lumala pa ito. Hindi na ako puwedeng magtrabaho nang sobra.” Noong panahong iyon, ayaw kong magbasa ng mga salita ng Diyos, at ginugol ko na lamang ang aking mga araw sa pag-iisip kung paano gagamutin ang aking sakit. Ginugol ko ang aking mga araw na nalulunod sa mga iniisip ko, nakakulong sa kadiliman, nagdurusa at nahihirapan.
Isang araw, dumalaw sa akin si Sister Zhao Jing. Sinabi niya na may mga ipinadalang liham ang nakatataas na pamunuan upang magsaayos ng pagtitipon para talakayin ang pagpapatupad ng gawain, at dalawang beses na nila akong sinubukang hanapin pero hindi nila ako mahanap. May ilang gampanin na hindi naisagawa, at may ilang bagay na naantala. Bahagya akong nakonsensiya. Naisip ko kung paanong nanatili lang ako sa bahay nitong mga nakaraang araw, na hindi dumadalo sa mga pagtitipon o ginagawa ang aking mga tungkulin, at hindi ko napigilang tanungin ang sarili ko, “Paano ako naging ganito? Paano ako nawalan ng konsensiya at katwiran?” Nakipag-usap ako kay Zhao Jing tungkol sa kalagayan ko, at pinaalalahanan niya akong hanapin ang mga layunin ng Diyos sa bagay na ito. Kaya nagsimula akong maghanap at mag-isip, “Anong aral ba ang dapat kong matutunan mula sa sakit na ito?” Nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung magkasakit ka, at kahit gaano pa karaming doktrina ang nauunawaan mo ay hindi mo pa rin ito malampasan, ang iyong puso ay mababagabag, mababalisa, at mag-aalala pa rin, at maliban sa hindi mo mahaharap ang usapin nang kalmado, ang iyong puso ay mapupuno rin ng mga reklamo. Palagi kang magtatanong, ‘Bakit walang ibang may ganitong sakit? Bakit ako ang pinili na magkaroon nito? Paano nangyari ito sa akin? Ito ay dahil malas ako at may masamang kapalaran. Kailanman ay wala akong pinasama ng loob, ni hindi ako gumawa ng pagkakasala, kaya bakit nangyari ito sa akin? Labis na hindi patas ang pagtrato sa akin ng Diyos!’ Makikita mo, bukod sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, nalulugmok ka rin sa depresyon, nang may sunud-sunod na negatibong emosyon at hindi mo maiwasan ang mga ito kahit gaano mo pa kagusto. Dahil ito ay totoong karamdaman, hindi ito madaling mawala o mapagaling, kaya ano ang dapat mong gawin? Gusto mong magpasakop pero hindi mo magawa, at kung ikaw ay magpapasakop isang araw, sa susunod na araw ay lalala ang iyong kalagayan at masyado nang masakit, at pagkatapos ay hindi mo na nais pang magpasakop, at muli kang magsisimulang magreklamo. Palagi kang ganito, kaya ano ang dapat mong gawin? Hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang sekreto sa tagumpay. Ikaw man ay maharap sa malala o simpleng karamdaman, sa sandaling ang iyong sakit ay maging malubha o ikaw ay maharap sa kamatayan, tandaan mo lamang ang isang bagay: Huwag mong katakutan ang kamatayan. Kahit pa ikaw ay nasa mga huling yugto na ng kanser, kahit pa napakalaki ng posibilidad na mamatay sa iyong partikular na karamdaman, huwag mong katakutan ang kamatayan. Gaano man katindi ang iyong pagdurusa, kung ikaw ay natatakot sa kamatayan ay hindi ka magpapasakop. May mga nagsasabi, ‘Nang marinig kong sinabi Mo ito, nakadama ako ng inspirasyon at may mas magandang ideya pa ako. Bukod sa hindi ako matatakot sa kamatayan, magmamakaawa pa akong makamit iyon. Hindi ba’t mas magiging madali kapag ganoon?’ Bakit ka magmamakaawang mamatay? Ang pagmamakaawang mamatay ay isang sukdulang ideya, samantalang ang hindi katakutan ang kamatayan ay isang makatwirang saloobin na dapat taglayin. Tama ba iyon? (Tama.) Ano ang tamang saloobin na dapat mong taglayin upang hindi mo katakutan ang kamatayan? Kung ang iyong karamdaman ay lumala nang husto na maaari mo na itong ikamatay, at malaki ang posibilidad na mamatay rito anuman ang edad ng tao na tinamaan ng sakit, at ang panahon mula sa pagkakasakit ng tao hanggang sa mamatay siya ay labis na maikli, ano ang dapat mong isipin sa iyong puso? ‘Hindi ko dapat katakutan ang kamatayan, ang lahat naman ay namamatay sa huli. Gayunpaman, ang magpasakop sa Diyos ay isang bagay na hindi magawa ng karamihan sa mga tao, at magagamit ko ang karamdamang ito upang maisagawa ang pagpapasakop sa Diyos. Dapat akong magkaroon ng kaisipan at saloobing nagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at hindi ko dapat katakutan ang kamatayan.’ Ang mamatay ay madali, higit na mas madali kaysa mabuhay. Maaaring ikaw ay labis na nasasaktan at hindi mo ito namamalayan, at sa sandaling pumikit ang iyong mga mata, humihinto ang iyong paghinga, lumilisan ang iyong kaluluwa mula sa katawan, at ang iyong buhay ay nagwawakas. Ganito mamatay; ganito ito kasimple. Ang hindi katakutan ang kamatayan ay isang saloobing dapat taglayin. Bukod dito, hindi mo dapat alalahanin kung lalala ba ang iyong sakit o hindi, o kung mamamatay ka ba kung hindi ka magagamot, o kung gaano pa katagal bago ka mamatay, o kung anong kirot ang mararanasan mo kapag dumating na ang oras ng kamatayan. Hindi mo dapat alalahanin ang mga bagay na ito; ito ay mga bagay na hindi mo dapat alalahanin. Ito ay sapagkat darating ang araw na iyon, at darating iyon sa partikular na taon, buwan, at araw. Hindi mo ito mapagtataguan at hindi mo ito matatakasan—ito ang iyong kapalaran. Ang iyong diumano’y kapalaran ay pauna nang itinakda ng Diyos at isinaayos na Niya. Ang haba ng iyong mga taon at ang edad mo at ang oras kung kailan ka mamamatay ay naitakda na ng Diyos, kaya ano ang inaalala mo? Maaari mo itong alalahanin, pero wala itong mababago; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo ito mapipigilang mangyari; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo mapipigilan ang pagdating ng araw na iyon. Samakatuwid, ang iyong pag-aalala ay walang kabuluhan, at ang idinidulot lamang nito ay ang pabigatin pa lalo ang pasanin mo sa iyong karamdaman” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na walang saysay na matakot sa kamatayan at mag-alala kapag nakararanas ng sakit. Kailangan kong matutong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa bagay na ito. Itinakda na ng Diyos kung kailan mamamatay ang mga tao, at walang sinuman ang makakatakas dito. Hindi mababago ng pag-aalala ang kahit ano, at lalo lamang itong magdadala ng mas mabibigat na pasanin sa sarili. Sa pagninilay ko sa aking sakit, napagtanto kong hindi ako nananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Wala akong tamang mentalidad o saloobin na magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at nag-aalala ako na kung hindi makokontrol ang aking diyabetes, maaari itong humantong sa iba’t ibang komplikasyon, at na kung lalala ito, maaari akong mabulag, maputulan ng mga bahagi ng katawan, o mamatay pa nga. Labis akong natakot. Naisip ko rin kung paanong namatay ang aking ina sa edad na apatnapu’t dalawa. Mamamatay rin ba ako nang maaga tulad ng aking ina? Nakaramdam ako ng matinding sakit at paghihirap sa puso ko. Lubusan na akong nilamon ng aking sakit, at hindi ko na inisip ang aking mga tungkulin. Ginugol ko ang aking mga araw sa paghahanap ng mga lunas na magagawa sa bahay para magamot ang aking sakit, at hindi ako naniwala na ang kalubhaan ng sakit na ito at kung mamamatay ba ako ay itinakda ng Diyos. Ang buhay at kamatayan ng isang tao ay matagal nang itinakda ng Diyos. Kung mamamatay ba ako ay isang bagay na hindi ko matatakasan, at walang saysay ang mag-alala o matakot tungkol dito. Kailangan kong magsanay na magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos sa pamamagitan ng sakit na ito. Ito ang tamang mentalidad at saloobin na dapat kong taglayin. Hindi ko dapat katakutan ang kamatayan, at hindi ko rin dapat talikuran ang aking mga tungkulin dahil sa aking sakit.
Isang araw, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan na pinamagatang Ibinunyag Ako ng Pagkakaroon ng Covid. Sa video, may isang sipi ng mga salita ng Diyos na tunay na nagbigay-inspirasyon sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bago magpasyang gawin ang kanilang tungkulin, sa kaibuturan ng kanilang puso, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon tungkol sa kanilang kinabukasan, pagtatamo ng mga pagpapala, magandang hantungan, at maging ng isang korona, at malaki ang kanilang kumpiyansa na matatamo nila ang mga bagay na ito. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may gayong mga layunin at adhikain. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita ng isang tao ang kanyang tunay na katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim ang lahat ng isang ganap na transaksiyonal na pag-iisip bago nila gawin ang kanilang mga tungkulin; lahat ay nagdedesisyon na gawin ang kanilang tungkulin batay sa kanilang mga hilig, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanilang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang layunin ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin? Ito ay upang makipagkasundo, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggawa ng tungkulin: ‘Kung gagawin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng diyos na inihanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagawin ang tungkuling ito.’ Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may mga gayong layunin, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang na gawin ang kanilang tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Kung titingnan ang saloobing ito ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin, ito ay ganap na transaksiyonal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtatamo ng mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala. Kaya, sa panlabas, bago mapatalsik, mukhang maraming anticristo ang gumagawa ng tungkulin nila at mas marami na nga silang tinalikuran at pinagdusahan kaysa sa karaniwang tao. Ang iginugugol nila at ang halagang ibinabayad nila ay kapantay ng kay Pablo, at hindi rin masasabi na hindi sila gaanong abala kumpara kay Pablo. Isa itong bagay na nakikita ng lahat” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Isinisiwalat ng Diyos na ang mga anticristo ay puno ng labis-labis na mga pagnanasa para sa kanilang hinaharap at para sa isang magandang hantungan para sa kanilang sarili. Ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin nang may ganoong mga layunin, para lamang magkamit ng mga pagpapala, nang walang anumang sinseridad o katapatan. Nang ikumpara ko ito sa aking sarili, napagtanto kong ang paraan ng aking paghahangad ay katulad ng sa isang anticristo. Noong una kong tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, masigasig kong ginugol ang aking sarili upang makapasok sa kaharian at magkamit ng mga pagpapala. Handa akong isantabi ang aking mga anak at ang aking pamilya para lamang mapagtuunan ko ang aking mga tungkulin. Pero nang makita ko kung gaano kataas ang aking asukal sa dugo, at dahil alam kong maaari itong humantong sa malulubhang komplikasyon, lubos na nagbago ang aking saloobin sa aking mga tungkulin at isinantabi ko na lamang ang mga ito. Napagtanto kong ang layunin ko sa paggawa ng aking mga tungkulin ay ang subukang makipagtawaran sa Diyos, at nang mabigo ang aking pag-asang makatanggap ng mga pagpapala, tinalikuran ko ang aking mga tungkulin at ipinagkanulo ko ang Diyos. Pinakakinamumuhian ng Diyos ang pagkakanulo, pero iyon mismo ang ginawa ko. Labis akong nakadama ng pagsisisi. Naisip ko si Pablo na mahigpit na pinanghawakan ang mga salitang ito: “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikibaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Ang lahat ng kanyang paggugol, mga paghihirap, at mga sakripisyo ay upang magkamit ng mga pagpapala at korona, at hindi para sa layunin na gumawa ng mga tungkulin ng isang nilikha. Dahil mali ang kanyang landas, sinubukan niyang makipagtawaran sa Diyos sa bawat pagkakataon, at sa huli, sinalungat niya ang disposisyon ng Diyos at pinarusahan siya ng Diyos. Ginugol ko rin ang aking sarili bilang kapalit ng mga pagpapala, na pagmamanipula sa Diyos. Hindi ba’t katulad lang ng kay Pablo ang aking mga pananaw sa paghahangad? Ang gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw ay upang dalisayin at gawing perpekto ang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, pero nanampalataya ako sa Diyos para lamang makatanggap ng biyaya at mga pagpapala, iniisip na hangga’t masigasig kong ginagawa ang aking mga tungkulin, poprotektahan ako ng Diyos at hindi Niya ako hahayaang magkasakit o makaranas ng sakuna. Ang pananampalatayang ito ay batay sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi tama ang ganitong pananaw sa paghahangad, hindi ito naaayon sa mga layunin ng Diyos, at kasuklam-suklam ito sa Kanya. Inakala ko noon na tama ang aking paghahangad, pero sa pamamagitan ng sakit na ito, napagtanto kong nananampalataya ako sa Diyos para lamang sa aking hinaharap at kapalaran, at na ginagamit ko ang Diyos para sa pansarili kong kapakinabangan. Kung hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala, ayaw kong gawin ang aking mga tungkulin, at hindi ko rin hinanap ang katotohanan upang lutasin ang aking mga problema. Wala akong sinseridad o katapatan sa Diyos kahit kaunti. Ang Diyos ay banal, kaya paanong hindi Niya kamumuhian ang ganitong kasuklam-suklam na paraan ng paghahangad? Sa pagbabalik-tanaw ko ngayon, kung hindi ko naranasan ang pagbubunyag ng sakit na ito, hindi ko sana napagnilayan ang sarili ko o napagtantong mali ang naging paghahangad ko.
Kalaunan, nakatagpo ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na tunay na nakatulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ang mga tao ay hindi malinaw na nakikita, nauunawaan, natatanggap, o nakapagpapasakop sa mga kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at kapag ang mga tao ay nahaharap sa iba’t ibang paghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o kapag ang mga paghihirap na ito ay lampas na sa kayang tiisin ng pangkaraniwang tao, hindi nila namamalayan na nakadarama sila ng iba’t ibang uri ng pag-aalala at pagkabalisa, at maging ng pagkabagabag. Hindi nila alam kung ano ang mangyayari bukas, o sa susunod na araw, o kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay sa mga susunod na ilang taon, o kung ano ang kanilang magiging hinaharap, kaya sila ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay. Ano ang konteksto kung saan ang mga tao ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay? Ito ay ang hindi nila paniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ibig sabihin, hindi nila magawang maniwala at lubos na maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kahit pa makita ito ng sarili nilang mga mata, hindi pa rin nila ito mauunawaan o paniniwalaan. Hindi sila naniniwala na hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang kapalaran, hindi sila naniniwala na ang kanilang buhay ay nasa mga kamay ng Diyos, at kaya umuusbong sa kanilang puso ang kawalan ng tiwala sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at pagkatapos ay lumilitaw ang paninisi at hindi nila magawang makapagpasakop. Maliban sa paninisi at hindi pagpapasakop, nais nilang maging panginoon ng kanilang sariling kapalaran at kumilos sa kanilang sariling inisyatiba. Ano nga ba ang nagiging aktuwal na sitwasyon kapag nagsimula silang kumilos sa kanilang sariling inisyatiba? Ang kaya lamang nilang gawin ay ang mamuhay nang umaasa sa kanilang sariling kakayahan at mga abilidad, ngunit maraming bagay ang hindi nila makamit, maabot, o maisakatuparan gamit ang kanilang sariling kakayahan at mga abilidad” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, sa wakas ay naunawaan ko na wala akong tunay na pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Palagi akong nababahala, balisa, at nag-aalala dahil sa sakit ko, laging nag-iisip at nagpaplano nang mag-isa, nang hindi nananalangin o hinahanap ang mga layunin ng Diyos. Hindi ako nanampalataya na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at palagi kong gustong maghanap ng solusyon nang mag-isa. Nakita kong talagang hindi ako karapat-dapat na tawaging isang Kristiyano! Naisip ko kung paanong kapag nagkakasakit ang mga walang pananampalataya, nakakaramdam sila ng kawalan ng pag-asa, kawalan ng magagawa, at kawalan ng masasandalan, at kung paanong sila na lang ang bahalang maghanap ng mga paraan para pagalingin ang kanilang sarili. Ako ay isang mananampalataya sa Diyos, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, kaya dapat akong magtiwala sa Kanya. Kailangan kong makipagtulungan sa aking gamutan habang ginagawa ko rin nang maayos ang aking mga tungkulin. Pinagnilayan ko ang mahigit dalawang taon na pananampalataya ko sa Diyos, at napagtanto ko na ang lahat ng aking natamasa ay biyaya ng Diyos, at na bawat araw ay nabuhay ako sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Ang sakit na ito ay pinahintulutan ng Diyos, at maingat Niyang isinaayos ang mga sitwasyong ito upang makilala ko ang aking sarili at maunawaan ko na ang buhay ng tao ay nasa kamay ng Diyos, at sa gayon ay dinadalisay Niya ang aking pagnanais ng mga pagpapala. Pero hindi ko naunawaan ang Diyos at nagreklamo ako laban sa Kanya, pinagdudahan ko Siya, at patuloy akong naghanap ng paraan para sa aking laman. Nakita ko na wala akong anumang katotohanang realidad. Tunay akong naging bulag at hangal! Naisip ko rin ang isang matandang kapatid sa iglesia na may malubhang kondisyon sa puso. Sinabi ng mga doktor na hindi na siya makakaligtas, at naghanda na ang kanyang pamilya para sa kanyang libing, pero bagamat nahihirapan siya, hindi siya nagreklamo laban sa Diyos, at kalaunan, milagrosong bumuti ang kanyang kondisyon. Pagkalipas ng ilang panahon, patuloy pa rin niyang ginagawa ang kanyang mga tungkulin, at hindi na siya kailangang uminom ng kahit anong gamot, at bumalik na sa maayos-ayos na kondisyon ang kanyang kalusugan. Nakita ko kung paanong ang matandang kapatid ko ay umasa sa Diyos sa gitna ng kanyang sakit at nanindigan sa kanyang patotoo, pero ang sakit ko, na hindi man lang kasinglala ng sa kanya, ay ikinatakot ko. Wala talaga ako ng tunay na pananalig na mayroon siya. Nakaramdam ako ng matinding kahihiyan! Hindi ako dapat mag-alala o matakot, at kailangan kong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at aktibong maranasan ang sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos para sa akin.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Kaya, paano ka dapat pumili, at paano mo dapat harapin ang usapin ng pagkakaroon ng karamdaman? Napakasimple nito, at isang landas lang ang dapat sundan: Ang hangarin ang katotohanan. Hangarin ang katotohanan at tingnan ang usapin ayon sa mga salita ng Diyos at ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang pang-unawa na dapat mayroon ang mga tao. At paano ka dapat magsagawa? Ikonsidera mo ang lahat ng karanasang ito at isagawa mo ang pang-unawang nakamit mo at ang mga katotohanang prinsipyong naunawaan mo ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at gawin mo ang mga ito na iyong realidad at iyong buhay—ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay hindi mo dapat iwanan ang iyong tungkulin. Ikaw man ay may karamdaman o may pasakit, hangga’t may natitira kang hininga, hangga’t ikaw ay nabubuhay pa, hangga’t ikaw ay nakapagsasalita at nakapaglalakad pa, may enerhiya ka pa para gampanan ang tungkulin mo, at dapat ay maganda ang asal mo sa pagganap mo ng iyong tungkulin at praktikal kang mag-isip. Hindi mo dapat talikuran ang tungkulin ng isang nilalang o ang responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Lumikha. Hangga’t hindi ka pa patay, dapat mong tapusin ang iyong tungkulin at tuparin ito nang maayos” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakakatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa kapagnagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos ang isang tao matapos magdanas ng paghatol. Ang magdusa sa kasawian ay tumutukoy sa kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol; hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit nakakatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdursa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Sinabi ng Diyos na hangga’t may hininga ang isang tao, dapat niyang gawin nang maayos ang kanyang mga tungkulin at huwag talikuran ang kanyang mga responsibilidad, dahil ang mga tungkulin ng isang tao ang bokasyon na ipinagkaloob ng langit at isa itong ibinigay na gawain ng Diyos. Kahit ano pa ang kalagayan ko, kailangan kong gawin nang maayos ang aking tungkulin, dahil ito ay ganap na likas at may katwiran. Naunawaan ko rin na ang aking mga tungkulin ay walang kinalaman sa pagtanggap ko ng mga pagpapala o pagdurusa ng kamalasan. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay nagmumula sa pagbabago ng disposisyon ng isang tao matapos niyang maranasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Kapag ang isang tao ay nakapagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ginagawa nang maayos ang mga tungkulin ng isang nilalang, at hindi na naghihimagsik o lumalaban sa Diyos, saka lamang niya matatanggap ang pagtanggap at pagsang-ayon ng Diyos. Itinatakda ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa kung nagbago ba ang kanyang disposisyon o hindi, pero palagi kong itinuturing ang aking mga tungkulin bilang isang paraan ng pakikipagtawaran sa Diyos para sa mga pagpapala. Kung hindi ko hahangarin ang katotohanan, siguradong madadapa at mabibigo ako. Kahit pa wala akong sakit, kung hindi ko magagawa nang maayos ang aking mga tungkulin at hindi ko makakamtan ang katotohanan, hindi ba’t sa huli ay ititiwalag at lilipulin pa rin ako ng Diyos? Hindi talaga mahalaga kung may sakit ba ako o wala, ang mahalaga ay kung makakamtan ko ba ang katotohanan. Ngayon, hindi na ako nalilimitahan ng sakit ko, iniinom ko ang aking gamot kung kinakailangan at binibigyan ko ng pansin ang aking diyeta, at hindi na ako nag-aalala kung mamamatay ba ako. Sa halip, isinasagawa ko na ipagkatiwala ang lahat sa Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos.
Ang karanasan ko sa sakit na ito ay napakalaking pakinabang sa akin, dahil itinama nito ang aking maling paraan ng paghahangad sa pananampalataya ko sa Diyos. Kung hindi dahil sa sakit na ito, patuloy kong gagawin ang aking mga tungkulin nang may layuning magkamit ng mga pagpapala, at ang paggugol ko ng buhay ko sa pananampalataya nang ganito ay hindi magbibigay-daan upang makamtan ko ang pagsang-ayon ng Diyos. Napagtanto ko na ang sitwasyong ito na isinaayos ng Diyos ay tunay na mabuti at kapaki-pakinabang, at ako ay lubos na nagpapasalamat sa Diyos!