42. Alam Ko Na Ngayon ang Mga Benepisyo ng Pagsusulat ng Mga Artikulo ng Patotoong Batay sa Karanasan
Taong 2020 noon, at isa akong lider sa iglesia. Nakita kong nagsulat ng ilang magagandang artikulo ng patotoong batay sa karanasan ang ilang kapatid, at nainggit ako sa kanila. Gayunpaman, hindi ko masyadong pinahalagahan ang pagsusulat ng mga artikulong ito, lagi kong inaakala na mga tao lang na may kakayahan at kasanayan sa pagsusulat ang makakagawa ng magagandang artikulo. Maliit lang ang kakayahan ko, at mababaw ang pang-unawa ko sa katotohanan. Para sa akin, aksaya lang ng oras ang pagsusulat ng mga artikulo, at mas mainam na gamitin ko na lang ang oras na iyon para gumawa ng mas maraming trabaho. Kung hindi maayos ang paggawa ko, magmumukhang wala akong pagpapahalaga sa pasanin, at papangit ang tingin sa akin ng mga kapatid. Bukod pa diyan, personal na bagay ang pagsusulat ng mga artikulo, at nasa akin na kung gagawin ko ba iyon o hindi. Mas makakabuting magtrabaho ako at makipagtipon pa para purihin ng mga kapatid ko ang pagpapahalaga ko sa pasanin. Samakatuwid, ayokong magbigay ng oras para sa pagsusulat ng mga artikulo. Ganyan lang ako, bawat araw ay nakatuon lang sa gawain at sa pagtitipon kasama ng mga kapatid ko. Kapag may nangyayari sa akin, bihira akong magnilay sa sarili ko. Minsan, nagagawa kong kilalanin kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang naipakita ko, pero hindi ko hinahanap ang katotohanan para malutas iyon. Sinabi ng mga kapatid na nakapareha ko na hindi ako nakatuon sa buhay pagpasok, pero hindi ko tinanggap iyon at nangatwiran ako sa kanila. Pagkatapos, kahit abala ako sa mga pagtitipon araw-araw, dahil hindi ko binigyan ng halaga ang pagninilay sa sarili, ang pag-unawa sa sarili, o ang paghahanap sa katotohanan, wala akong kahit anong buhay pagpasok, at sa mga pagtitipon, nakakapagsalita lang ako ng ilang doktrina o mga salita ng pangangaral at pagpapalakas ng loob, pero hindi ko kayang lumutas ng mga aktuwal na isyu. Isang beses, sinabi ng isang superbisor na hindi niya kayang gumawa ng aktuwal na trabaho, na nabubuhay siya sa isang negatibong kalagayan at ayaw na niyang gumawa ng mga tungkulin sa pangangasiwa. Hindi ko nakita nang malinaw ang pinakadahilan ng kanyang pagkanegatibo at hindi ko alam kung paano iyon lulutasin. Nalutas lang iyon nang hindi nagtagal ay nakabahaginan niya ang kapatid na naging partner ko. Iniisip ko pa noon na ang pagiging aktibo at ang higit pang pakikipagtipon ay nangangahulugan na may pagpapahalaga ako sa pasanin. Hindi ako makapanahimik at makapagnilay tungkol sa kalagayan ko. Pagkatapos ng ilang panahon, naging hungkag ang puso ko, at wala akong anumang nakamit.
Isang beses, tinanong ako ng kapatid ko kung nagsulat na ba ako ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Nagbahaginan kami, sinabi niya na ang pagsusulat ng mga artikulo ay makakapag-udyok sa atin na patahimikin ang puso natin at hanapin ang katotohanan, para makamit natin ang buhay pagpasok. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagpabago ng saloobin ko pagdating sa pagsusulat ng mga artikulo ng patotoo. Sabi ng Diyos: “Ang natanggap ninyo ay hindi lamang ang Aking katotohanan, ang Aking daan, at ang Aking buhay, kundi isang pangitain at pahayag na higit pa kaysa kay Juan. Naunawaan ninyo ang higit na maraming misteryo, at nasaksihan na rin ang Aking tunay na mukha; higit pa ang natanggap ninyo sa Aking paghatol at higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking matuwid na disposisyon. Kung kaya, kahit na ipinanganak kayo sa mga huling araw, ang inyong pang-unawa ay sa nauna at nakalipas, at naranasan na rin ninyo ang mga bagay sa kasalukuyan, at ang lahat ng ito ay personal Kong ginawa. Hindi labis ang hinihingi Ko sa inyo, sapagkat napakarami Ko nang naibigay sa inyo, at marami na ang nakita ninyo sa Akin. Samakatuwid, hinihiling Ko sa inyong magpatotoo para sa Akin sa mga banal ng mga nagdaang kapanahunan, at ito lamang ang nais ng Aking puso” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Sa iilang taon ng pananalig sa Diyos, naunawaan ko ang ilang katotohanan, nagkaroon ako ng ilang kaalaman tungkol sa tiwaling disposisyon ko, at nabago ang pananaw ko sa ilang bagay. Ito ang bunga ng paggawa ng Diyos sa akin. Sa pagsusulat tungkol sa mga natamo ko, magpapatotoo ako sa Diyos; responsabilidad ko ito, bukod pa sa tungkulin ko rin. Dapat tratuhin ko ito na isang obligasyon; na nakaayon sa layunin ng Diyos. Pero, hindi ko itinuring kailanman na isang tungkulin ang pagsusulat ng patotoong batay sa karanasan. Sa halip, inisip ko ito bilang isang bagay na opsyonal, at tiningnan ko ito nang may malaking pagwawalang-bahala. Hindi talaga ako maagap. Naranasan ko ang paggawa ng Diyos; kung hindi ko isusulat ang aking mga karanasan at patotoo sa Diyos, tatakpan ko ang Kanyang biyaya at mga pagpapala at mawawalan ako ng konsensiya at katwiran.
Pagkatapos niyon, nagkaroon ako ng malabong kamalayan na ang pag-ayaw kong sumulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan at magpatotoo sa Diyos ay isang pagpapamalas ng hindi pagmamahal sa katotohanan. Sa oras na iyon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na hinanap ko at binasa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang pinakanakikitang kalagayan ng mga taong tutol sa katotohanan ay na hindi sila interesado sa katotohanan at sa mga positibong bagay, nasusuklam at namumuhi pa nga sila sa mga ito, at gustong-gusto nilang sumunod sa mga kalakaran. Hindi nila tinatanggap sa kanilang puso ang mga bagay na minamahal ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao. Sa halip, wala silang pakialam at wala silang interes sa mga ito, at madalas pa ngang kinamumuhian ng ilang tao ang mga pamantayan at prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao. Nasusuklam sila sa mga positibong bagay, at palagi silang nakadarama sa puso nila ng paglaban, pagtutol, at labis na pagkasuklam sa mga ito. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. … Maraming taong nananalig sa Diyos ang gustong gumawa ng gawain para sa Kanya at masiglang magpakaabala para sa Kanya, at pagdating sa paggamit ng kanilang mga kaloob at kalakasan, pagbibigay-layaw sa kanilang mga kagustuhan at pagpapakitang-gilas, hindi sila nauubusan ng enerhiya. Pero kung hihilingin mo sa kanila na isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nawawalan sila ng enerhiya, at nawawalan sila ng sigla. Kapag hindi sila pinapayagang magpakitang-gilas, nawawalan sila ng gana at nasisiraan ng loob. Bakit sila may enerhiya para sa pagpapakitang-gilas? At bakit sila walang enerhiya para sa pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang problema rito? Gusto ng lahat ng tao na maging natatangi; nagnanasa silang lahat ng hungkag na kaluwalhatian. Ang lahat ay may hindi maubos-ubos na enerhiya pagdating sa pananalig sa Diyos alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, kaya bakit sila nawawalan ng gana, bakit sila nasisiraan ng loob pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan at paghihimagsik laban sa laman? Bakit ito nangyayari? Pinatutunayan nito na may karumihan ang puso ng mga tao. Nananalig sila sa Diyos para lang magtamo ng mga pagpapala—sa madaling salita, ginagawa nila ito para makapasok sa kaharian ng langit. Kapag walang hahangaring mga pagpapala o pakinabang, nawawalan ng gana at nasisiraan ng loob ang mga tao, at wala silang kasigla-sigla. Ang lahat ng ito ay bunga ng isang tiwaling disposisyon na tutol sa katotohanan. Kapag nakokontrol ng disposisyong ito, ayaw ng mga taong piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak nila ang sarili nilang daan, at pinipili nila ang maling landas—alam na alam naman nilang maling hangarin ang katanyagan, pakinabang, at katayuan pero hindi pa rin nila kayang mabuhay nang wala ang mga ito o na isantabi ang mga ito, at hinahangad pa rin nila ang mga ito, tinatahak ang landas ni Satanas. Sa ganitong sitwasyon, hindi ang Diyos ang sinusunod nila, kundi si Satanas. Ang lahat ng ginagawa nila ay pagseserbisyo kay Satanas, at sila ay mga alipin ni Satanas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inilantad ng Diyos na ang mga taong tumatanggi sa katotohanan ay mas gusto ang mga negatibong bagay kaysa mga positibong bagay. Ganoon ako dati. Kung magiging aktibo ako at makakagawa nang higit pa para maipakita sa mga kapatid ko na may pagpapahalaga ako sa pasanin, o kung makakapagpakitang-gilas ako at magiging mataas ang tingin sa akin ng nakatataas na lider, ilalagay ko roon ang walang limitasyong pagsisikap ko, hindi ako mag-aalinlangang gumugol ng gaano mang panahon o lakas. Sa kabilang banda, pagdating sa pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, kahit alam na alam kong nakaayon ito sa layunin ng Diyos at kapaki-pakinabang sa aking buhay pagpasok, inakala kong iaantala nito ang gawain ko, at talagang sumalungat ako roon. Maghahanap din ako ng mga dahilan at magpapalusot, sinasabing abala ako sa gawain at walang oras para magsulat. Ang katotohanan, hindi sa wala akong oras, kundi tumatanggi sa katotohanan ang aking kalikasan. Ayaw kong magsulat ng mga artikulo, ni magsikap na hangarin ang katotohanan. Nakita ko na napakalamig ng saloobin ko sa katotohanan, at na namuhi, sumalungat, at tumanggi ako sa mga positibong bagay. Lumalakad ako sa maling landas na sumasalungat sa mga hinihingi ng Diyos. Nang maunawaan ko ito, natakot ako, at ginusto kong mag-iba ng landas at magbago.
Nagnilay rin ako at naunawaan kong ang pag-ayaw kong sumulat ng mga artikulo ay naimpluwensiyahan ng isang nakalilinlang na pananaw ko; inakala ko na hindi ako mahusay na manunulat at hindi ko kayang magsulat ng magagandang artikulo ng patotoo. Ngayon nakikita ko nang ito ay isang maling pananaw. Kapag nagsusulat ng mga artikulo, hindi mahalaga kung gaano kagaling na manunulat ang isang tao. Hindi makapagsusulat ng magandang artikulo ng patotoo ang isang tao dahil lang gumagamit siya ng mabulaklak na pananalita. Ang mahalaga ay kung may tunay siyang karanasan at pang-unawa. Kung walang karanasan, makakapagsulat lang ang isang tao ng mga hungkag na doktrina kahit gaano pa siya kahusay sa pagsusulat. Nang maunawaan ko ito, nagbago nang malaki ang pag-iisip ko, at lumapit ako sa Diyos at nanalangin sa Kanya, “O Diyos, palagi kong pinapahalagahan ang panlabas na pagiging aktibo at paggawa, at hindi pa ako lumapit sa Iyo para tahimik na pag-isipan ang mga salita Mo. Nag-aksaya ako ng maraming oras, hindi ko hinangad ang katotohanan. Mula ngayon, handa na akong maging tahimik sa harap Mo at hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga problema.”
Pagkatapos, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Hinggil sa gawain, naniniwala ang tao na ang gawain ay pumaroo’t parito para sa Diyos, mangaral sa lahat ng dako, at gumugol para sa Kanyang kapakanan. Bagama’t ang paniniwalang ito ay tama, masyado itong may pinapanigan; ang hinihiling ng Diyos sa tao ay hindi lamang ang magparoo’t parito para sa Diyos; higit pa rito, ang gawaing ito ay may kinalaman sa ministeryo at pagtustos sa loob ng espiritu. Maraming kapatid, kahit pagkaraan nitong lahat ng taon ng karanasan, ang hindi nakaisip na gumawa para sa Diyos, dahil ang gawaing iniisip ng tao ay hindi tumutugma sa hinihiling ng Diyos. Samakatuwid, hindi interesado ang tao sa anupamang patungkol sa gawain, at ito mismo ang dahilan kaya medyo may pinapanigan din ang pagpasok ng tao. Dapat ninyong simulang lahat ang inyong pagpasok sa paggawa para sa Diyos, upang mas mainam ninyong maranasan ang lahat ng aspeto ng karanasan. Ito ang dapat ninyong pasukin. Ang gawain ay tumutukoy hindi sa pagparoo’t parito para sa Diyos, kundi sa kung ang buhay ng tao at ang isinasabuhay ng tao ay nagbibigay ng kasiyahan sa Diyos. Ang gawain ay tumutukoy sa paggamit ng tao ng kanilang katapatan sa Diyos at sa kanilang kaalaman sa Diyos upang magpatotoo tungkol sa Diyos, at magministeryo din sa tao. Ito ang responsibilidad ng tao at ito ang dapat maunawaan ng lahat ng tao. Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagpasok ninyo ang inyong gawain, at na naghahangad kayong pumasok sa panahon ng inyong paggawa para sa Diyos. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi lamang nangangahulugan na marunong kayong kumain at uminom ng Kanyang salita; ang mas mahalaga, kailangan ninyong malaman kung paano magpatotoo tungkol sa Diyos at makapaglingkod sa Diyos at makapagministeryo at makapaglaan sa tao. Ito ang gawain, at ito rin ang inyong pagpasok; ito ang dapat isakatuparan ng bawat tao. Marami ang nakatuon lamang sa pagparoo’t parito para sa Diyos at pangangaral sa lahat ng dako, subalit hindi pinapansin ang kanilang personal na karanasan at kinaliligtaan ang kanilang pagpasok sa espirituwal na buhay. Ito ang dahilan kaya yaong mga naglilingkod sa Diyos ay naging yaong mga lumalaban sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 2). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kailangang magkaroon ng karanasan sa buhay ang isang tao para talagang magampanan niya ang gawain sa iglesia. Kapag ang isang tao ay nagbabahagi tungkol sa katotohanan at lumulutas ng mga aktuwal na problema, doon lang siya gumagawa ng aktuwal na gawain, at kapag nagbubunga ng mga resulta ang kanyang gawain, doon lang siya tunay na gumaganap ng tungkulin niya. Noon, naniwala ako na kung magiging aktibo ako at mas makikipagtipon sa mga kapatid, ibig sabihin niyon ay gumagawa ako ng aktuwal na gawain. Mali ang pananaw na ito at hindi talaga umaayon sa mga salita ng Diyos. Sa lahat ng panahon na nakipagtipon ako at nakipagbahaginan sa mga kapatid, palaging hindi ko makita ang pinakadahilan ng problema kapag hinaharap ko ang kanilang mga kalagayan at paghihirap. Hindi ko maituro ang pinakabuod ng suliranin, nagsasabi lang ako ng ilang salita at doktrina para payuhan sila o kaya binibigyan ko sila ng mga panuntunan kung paano kumilos, ganap na hindi maipakita ang landas sa pagsasagawa. Kahit gaano pa ako makipagbahaginan, hindi ito praktikal at hindi nito malulutas ang mga problema ng mga kapatid. Hindi alam ng mga kapatid kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, at namumuhay lang sila sa loob ng kanilang mga tiwaling disposisyon kapag kumakaharap ng mga problema. Hindi nila mapigilang maging negatibo at mahina, at nagpatuloy lang sa pag-iral ang mga problema sa gawain nila. Paano ito matatawag na pagtupad sa aking tungkulin? Pareho kong niloloko at dinaraya ang Diyos at ang mga kapatid. Sa panahong ito ko lang sa wakas nakita nang malinaw na ang mababaw na pagpapahalaga sa pasanin ay hindi tunay na pagpapahalaga sa pasanin. Ang paggawa at pagiging aktibo nang higit pa ay hindi nangangahulugan na tapat na ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, o na gumagawa siya ng aktuwal na trabaho. Ang pagkakaroon ng tunay na pagpapahalaga sa pasanin patungkol sa tungkulin ay hindi nangangahulugan ng pagiging aktibo sa lahat ng lugar. Sa halip, nangangahulugan ito ng espirituwal na pagtustos sa buhay, pagtuon sa pagdanas ng gawain ng Diyos sa tungkulin ng isang tao at ang paghahanap sa katotohanan kapag may nangyayaring mga bagay, at pagsubok na kilalanin kung ano ang kakulangan ng isang tao at hanapin ang mga prinsipyo sa pagsasagawa, pagkatapos ay paggamit ng kaalamang galing sa karanasan para malutas ang mga aktuwal na problema at isyu ng mga kapatid. Ito lamang ang makatutulong sa isang tao na magkamit ng magandang resulta sa kanyang tungkulin, at ito lang ang nagbibigay-aral at kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok ng iba. Naunawaan ko na rin na ang pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ay maaaring mag-udyok sa akin na patahimikin ang aking puso, pag-isipan ang mga salita ng Diyos, at magnilay sa sarili. Kapag naunawaan ko na ang mas maraming katotohanan at nagkaroon na ako ng kaalaman tungkol sa aking mga tiwaling disposisyon habang natututunang lutasin ang mga iyon, saka ko lang makikita nang malinaw at malulutas ang mga kalagayan at problema ng mga kapatid. Para magawa ko nang maayos ang tungkulin ko, kailangan kong pahalagahan ang buhay pagpasok, at ang pagsusulat ng mga artikulo ay napakagandang landas para hangarin ang katotohanan. Lalo na bilang isang lider, kailangan kong higit pang pagtuunan ang paghahangad sa katotohanan at pagkukusang magsulat ng mga artikulong nagpapatotoo sa Diyos. Doon ko lang magagawa nang maayos ang aking tungkulin. Dahil alam kong hindi opsyonal na bagay ang pagsusulat ng mga artikulo ng patotoo, wala akong dahilan para hindi magsulat ng mga iyon.
Naisip ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Gaano man karami ang mga tao na nasa isang iglesia, ang lider ang pinuno. Ano ang ginagampanang papel ng lider na ito sa mga miyembro? Pinamumunuan niya ang lahat ng hinirang sa iglesia. Ano ang epekto niya sa buong iglesia? Kung tumahak ang lider na ito sa maling landas, susundan ng mga taong hinirang ng Diyos sa iglesia ang lider tungo sa maling landas, na magkakaroon ng malaking epekto sa kanilang lahat. Halimbawa si Pablo. Pinamunuan niya ang marami sa mga iglesiang itinatag niya at ang mga taong hinirang ng Diyos. Noong naligaw si Pablo, naligaw rin ang mga iglesia at ang mga taong hinirang ng Diyos na pinamunuan niya. Kaya, kapag naliligaw ang mga lider, hindi lang sila ang naaapektuhan, kundi ang mga iglesia at ang mga taong hinirang ng Diyos na pinamumunuan nila ay naaapektuhan din. Kung ang isang lider ay isang tamang tao, na lumalakad sa tamang landas at hinahangad at isinasagawa ang katotohanan, ang mga taong pinamumunuan niya ay maayos na kakain at iinom ng mga salita ng Diyos at maayos na hahangarin ang katotohanan, at, kasabay nito, ang karanasan sa buhay at pagsulong ng lider ay makikita ng iba, at makakaapekto sa iba. Kaya, ano ang tamang landas na dapat lakaran ng isang lider? Ito ang kakayahang pangunahan ang iba tungo sa pagkaunawa ng katotohanan at sa pagpasok sa katotohanan, at akayin ang iba sa harapan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, malalim kong naunawaan na bilang isang lider at manggagawa, napakahalaga ng landas na sinusundan ko. Kung hindi ako magtutuon sa paghahangad sa katotohanan sa aking tungkulin at hahangarin ko lang ang mataas na pagtingin sa akin ng mga tao, ang pagiging aktibo at abala para sa reputasyon at katayuan at ang pag-asa sa aking talino at mga kaloob para gumawa at mangaral, hindi rin pahahalagahan ng mga kapatid na pinamumunuan ko ang buhay pagpasok at mabubuhay lang sila sa kalagayan ng paggawa ng gawain. Bilang isang lider, hindi lang personal na bagay ang hindi pagkakaroon ng buhay pagpasok; makakaapekto rin ito at magdudulot ng panganib sa buhay ng maraming kapatid. Nang maunawaan ko ito, nakaramdam ako ng lungkot at paninisi sa sarili, at nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, hindi ko hinahangad ang katotohanan at naglalakad ako sa maling landas. Naging pabaya ako at nabigo ako sa gawain ko bilang isang lider. May pagkakautang ako sa mga kapatid, at nahihiya ako sa paraan ko ng pag-aasikaso sa gawaing ibinigay Mo. O Diyos! Handa akong mag-iba ng landas; hinihingi kong gabayan Mo ako para malakaran ko ang landas patungo sa paghahangad sa katotohanan.”
Pagkatapos, nakipagbahaginan ako sa mga kapatid tungkol sa layunin ng Diyos, at tungkol din sa sarili kong karanasan at pagkaunawa. Kalaunan, medyo bumuti ang kalagayan ng mga kapatid. May ilan sa kanilang nagsimulang magnilay sa sarili at sinubukang kilalanin ang sarili nila kapag nagkakaroon sila ng mga problema at paghihirap sa kanilang mga tungkulin, natutong makahanap ng isang landas mula sa mga salita ng Diyos at hindi mabuhay sa loob ng isang kalagayan ng pagiging negatibo. Unti-unti silang nagkamit ng ilang resulta sa kanilang mga tungkulin. Pagkakita sa kinalabasang ito, naramdaman ko na ito ay paggawa at paggabay ng Banal na Espiritu, na ito ay resulta ng pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Naunawaan ko rin na kung gusto ng isang tao na gawin nang maayos ang tungkulin niya, napakaimportante ng pagtutuon sa paghahangad sa katotohanan at ang pagkakaroon ng buhay pagpasok. Mula noon, nagsimula akong pahalagahan ang paghahanap sa katotohanan. Kapag may nararanasan at nauunawaan akong isang bagay, nagsasanay akong magsulat tungkol doon. Kalaunan, nakapagsulat ako ng ilang artikulo ng patotoo batay sa karanasan at pakiramdam ko ay may ilan na akong natamo. Sa ilang artikulo, inasinta ko ang mga nakalilinlang na pananaw at hinanap ko ang katotohanan para maunawaan ito. Kapag nakakapanahimik ako sa harapan ng Diyos at napag-iisipan ko ang Kanyang mga salita, nagagawa kong maunawaan kung ano ang mali sa nakalilinlang na pananaw na ito. Kasabay nito, nakikita ko nang malinaw na ang nakalilinlang na pananaw na ito ay humahadlang sa akin na magsagawa ng katotohanan at nakakaapekto rin sa gawain. Sa ibang mga artikulo, pinagnilayan ko sa sarili ko ang tiwaling disposisyon na naipakita ko tungkol sa isang partikular na bagay. Mula sa inilantad ng mga salita ng Diyos, nakita ko na makasarili ako at kasuklam-suklam at hindi nabubuhay na gaya ng tunay na tao, at pakiramdam ko ay masyado na akong nagawang tiwali ni Satanas. Gayundin, noon ay hindi ako nagtuon sa buhay pagpasok at hindi ko malutas ang mga problema ng mga kapatid. Pero, pagkatapos kong magsanay magsulat ng mga artikulo nang ilang panahon, unti-unti kong naunawaan ang ilang katotohanan. May ilang problema na mas malinaw ko nang nakikita, at kapaki-pakinabang para sa mga kapatid kapag nakikipagbahaginan ako tungkol sa mga iyon.
Sa pagninilay ko sa saloobin ko tungkol sa pagsusulat ng mga artikulo ng patotoo, nakita ko na hindi ako isang tao na naghahangad sa katotohanan, na hindi ko pinahalagahan ang aking buhay pagpasok, at na marami akong maling pananaw na pumipigil sa akin na hangarin ang katotohanan. Dahil sa lahat ng ito, nagtuon lang ako sa paggawa ng gawain habang ginagampanan ko ang aking tungkulin, at lumalakad ako sa landas ng pagtatrabaho. Sa paggawa nito, hindi ko matatamo ang katotohanan gaano man ako kaabala sa panlabas. Naunawaan ko rin kung ano ang kahulugan ng tunay na pagganap sa tungkulin at kung paano magsagawa para magkaroon ng tunay na pagpapahalaga sa pasanin sa aking tungkulin. Naunawaan ko rin na ang pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ay isang napakagandang landas sa paghahangad sa katotohanan. Ang pagkakaroon ko ngayon ng mga ganitong pagkaunawa at natamo ay ganap na dahil sa paggawa at paggabay ng Diyos.