24. Hindi na Ako Nagagapos ng Pagsalangsang
Isang araw noong Hulyo 2006, bigla akong inaresto habang papunta ako para makipagkita sa mga kapwa ko manggagawa. Nang gabing iyon, dinala ako sa isang lihim na lugar para sa interogasyon. Nakakita ang mga pulis ng mga resibo ng pera ng iglesia sa bulsa ko, kaya naghalinhinan sila sa pagtatanong sa akin, pinipilit akong ibigay ang mga pangalan ng mga tagapag-ingat ng pera ng iglesia at ng mga nakatataas na lider. Hindi ko sila sinagot, kaya hinampas nila ako ng sinturon, pinosasan nila ako at ibinitin gamit ang isang bakal na kadena. Pinahirapan nila ako nang ganito sa loob ng isang linggo. Nauuhaw at nagugutom ako, at wala na akong natitirang anumang lakas. Sa isang punto, nawalan ako ng malay. Nang magising ako, hindi ako sigurado kung ano ang ibinigay nila sa aking inumin, pero may kakaibang lasa sa bibig ko; nasasamid ako roon at may makikirot na sakit sa buong katawan ko. Noong panahong iyon, naabot na ng laman ko ang limitasyon na kaya nitong tiisin, at hindi ko na alam kung ano ang sunod na gagawin nila sa akin. Takot na takot ako; natatakot ako na baka hindi ko kayanin ang pagpapahirap at maging isang Hudas ako, at taimtim akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, humihiling sa Kanya na tulungan akong makapanindigan sa aking patotoo. Pagkakita na hindi ko pa rin tinatraydor ang mga lider at ang pera ng iglesia kahit na pinahirapan na nila ako nang ganito, nag-iba ng taktika ang mga pulis at gumamit sila ng pagmamahal sa pamilya bilang pamain sa akin, sinabing, “Ilang taon ka nang hindi umuuwi. Siguradong nangungulila na sa iyo ang pamilya mo. Nasaan ang pera ng iglesia? Kung sasabihin mo sa amin ang lahat, hahayaan ka naming umuwi na.” Naglabas din sila ng pera at sinabing nahanap na nila ang mga tagapag-ingat ng pera ng iglesia. Pagkarinig nito, naisip ko, “Dahil nakuha na nila ang pera, wala naman nang pinagkaiba kung sabihin ko man sa kanila o hindi. Kung may sasabihin ako sa kanila, baka hindi na nila ako pahirapan pa.” Sinabi ko sa kanila ang tungkol sa isa sa mga pamilyang nagtatago ng pera ng iglesia, at iniutos ng mga pulis na dalhin ko sila roon para kuhanin ang perang iyon. Noon ko lang napagtanto na nahulog ako sa patibong nila. Nang panahong iyon, napagtiisan ko na ang lahat ng kaya kong tanggapin. Naisip ko, “Tinraydor ko na ang pamilyang tagapag-ingat. Kung hindi ko sila dadalhin doon, siguradong patuloy nila akong pahihirapan. Bukod pa roon, isang linggo na mula noong maaresto ako, at baka nailipat na sa ibang lugar ang pera ng iglesia.” Sa sandaling ito ng hindi mabuting pagdedesisyon, dinala ko ang mga pulis sa tahanan ng tagapag-ingat. Pagkarinig ng iglesia ng balitang naaresto ako, agad na nilang inilipat ang kinalalagyan ng pera ng iglesia. Muntik nang maaresto ang kapatid na mula sa pamilyang tagapag-ingat, pero sa ilalim ng proteksyon ng Diyos, nakatakas siya sa paglusob ng mga pulis. Dahil hindi nila nahanap ang pera ng iglesia, basta na lang akong sinentensyahan ng mga pulis ng isang taon at siyam na buwan na pagkakakulong.
Bawat araw na inilagi ko sa kulungan ay puno ng paghihirap at pasakit, lalo na kapag naaalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Alam na alam ko na sa pagtraydor ko sa kapatid, naging isang Hudas ako. Nasalungat ko ang disposisyon ng Diyos; nakagawa ako ng isang kasalanang hindi mapapatawad. Habang iniisip ko ito, may matinding kirot sa puso ko. Ipinagkanulo ko ang Diyos; siguradong hindi Niya ako ililigtas. Baka natapos na nang tuluyan ang panahon ng pananampalataya ko sa Diyos. Mula noon, sobrang nalumbay ako, at ginugol ko ang bawat araw nang nasasaktan. Naghihirap ang aking puso, at pakiramdam ko ay mas mabuti pang mamatay na lang ako. Hinihintay ko na lang na mamatay ako, at sa araw na iyon ay magiging malaya na ako. Kahit na nananalangin pa rin ako sa Diyos, sa tuwing naiisip ko ang pagsalangsang ko, pakiramdam ko ay aayawan na ako ng Diyos, at inisip kong hindi ako karapat-dapat na lumapit sa Kanya. Dalawang taon matapos akong makalaya sa kulungan, natagpuan ako ng mga kapatid, at nang makitang may kaunti akong pagkakilala sa sarili, pinayagan nila akong makabalik sa buhay-iglesia at nagsaayos sila ng isang tungkulin para sa akin. Sobrang naantig ang damdamin ko at naisip kong binibigyan ako ng Diyos ng pagkakataong magsisi, at mas lalo kong naramdaman na may pagkakautang ako sa Kanya. Mapait akong umiyak habang nananalangin sa Diyos, “O Diyos! Talagang hindi ako karapat-dapat na lumapit sa Iyo. Nang maharap ako sa mga sitwasyon, hindi man lang ako nagpatotoo. Ipinagkanulo ko ang kapatid, naging isang Hudas at isang tanda ng kahihiyan. Ngayon, binigyan Mo ako ng isang pagkakataon para magbalik sa iglesia at gawin ang aking tungkulin; nakikita ko ang Iyong awa.” Sa puso ko, palihim akong nagdesisyon na gagawin ko nang masigasig ang tungkulin ko, babawi ako para sa pagsalangsang ko, at susuklian ko ang pag-ibig ng Diyos. Kalaunan, kahit anong tungkulin ang isaayos ng iglesia para sa akin, palagi akong masigasig na nakikipagtulungan. Kahit gaano kasama ang sitwasyong kinakaharap ko, hindi ko hinahayaang pabagsakin ako ng mga paghihirap na ito. Gusto kong gawin ang makakaya ko para makabawi sa aking pagsalangsang.
Isang araw, narinig kong naaresto si Chen Hua at naging isang Hudas siya, ipinagkanulo niya ang maraming lider, manggagawa, at tagapag-ingat na pamilya, at pagkatapos ay pinaalis siya sa iglesia. Pagkarinig ko sa balitang ito, agad kong naalala ang sarili kong sitwasyon. Nagkanulo rin ako ng mga tao, na muntik nang mauwi sa pagkakuha ng mga pulis sa pera ng iglesia, at dahil doon, ang kapatid na tagapag-ingat ay hindi makauwi. Naisip ko na ang kalikasan ng aking pagkakanulo sa kapatid ay katulad ng kay Chen Hua; isa iyong napakalaking mantsa. Hindi patatawarin ng Diyos ang aking pagsalangsang. Ngayon, pinaalis na si Chen Hua sa iglesia; siguro isang araw ay paaalisin at ititiwalag din ako. Habang iniisip ito, sobra akong nalumbay. Pagkatapos niyon, sa bawat tungkulin na itinatakda sa akin ng iglesia, kahit na gagawin ko iyon, wala na akong sigla na gugulin ang sarili ko para sa Diyos na siyang ginawa ko noon. Minsan, kapag kailangan kong magbayad ng halaga at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ko hinahanap ang mga ito. Pipiliin ko na lang na tapusin ang gawain sa iminumungkahing paraan at gumawa ng kaunting trabaho. Hindi ko rin pinag-iisipan kung ang paggawa ko ba ay nagkakamit ng resulta, umaasa lang ako sa pinakamababang antas ng konsensiya para matupad ang aking tungkulin. Naaalala ko na noong oras na iyon, isang kapatid ang natatakot na maaresto at hindi siya nangahas na gawin ang tungkulin niya. Alam kong dapat ko siyang tulungan at suportahan, pero dahil naipagkanulo ko ang Diyos, paano ako naging angkop na magbahagi sa iba? Wala akong ganang pag-isipan kung paano magbahagi para magkamit ng resulta, at gumagawa lang ako nang pabasta-basta at nagsasalita ng kaunting doktrinal na kaalaman. Alam ko na ang pagharap sa aking tungkulin nang may ganitong saloobin ay hindi nakaayon sa layunin ng Diyos, at gusto kong magsikap na baguhin ang kalagayan ko, pero sa sandaling maisip ko kung paano ako nakagawa ng isang napakalaking pagsalangsang at na wala na akong pag-asang maligtas, napapagod ang puso ko, at ginugugol ko ang bawat araw nang walang layunin. Nang magpakita ako ng tiwaling disposisyon sa pagganap ng aking tungkulin, alam kong dapat kong hanapin ang katotohanan para malutas ang aking problema at na ang paggawa nito ay kapaki-pakibanag sa gawain ko at sa aking buhay pagpasok, pero sa sandaling maisip ko ang walang kapatawarang pagsalangsang ko at na maaari akong mapaalis, sadyang hindi ko iyon magawa. Sapat na sa akin na makompleto ko ang gawain ko araw-araw, at hindi ako nagtuon sa paghahanap sa katotohanan para lutasin ang aking kalagayan. Kalaunan, madalas sumakit ang ulo ko, at nagkaroon ako ng paulit-ulit na karamdaman sa tiyan. Noong simula, ginagamot ko nang tama ang aking kalagayan, pero nang magtagal, hindi lang ako hindi gumaling sa sakit ko, lumala pa ito. Napaisip ako kung ang karamdamang ito ay parusa ba ng Diyos. Noon, ipinagkanulo ko ang Diyos, kung kaya namuhi at nasuklam Siya sa akin, at ngayon ay nagkasakit ako. Siguradong ayaw sa akin ng Diyos. Minsan, wala akong nagiging resulta sa aking tungkulin, at naiisip ko na hindi gumagawa ang Diyos sa akin. Wala nang saysay pa na ipagpatuloy ko ang paghahangad sa katotohanan at paggawa ng tungkulin ko. Tuwing naiisip ko ang mga ito, nagkakaroon ako ng di-maipaliwanag na sama ng loob sa puso ko. Talagang pinagsisisihan ko ang pagkakanulo ko sa Diyos noon. Kung nagawa ko lang magtiis nang kahit sandali pa, hindi ba’t nakapanindigan sana ako sa patotoo ko? Bakit ko ipinagkanulo ang kapatid? Namuhi ako sa sarili ko dahil sa pangangalaga ko masyado sa aking laman at sa hindi ko pagkakaroon ng puso na totoong gusto ang Diyos. Kung nanindigan ako sa patotoo ko noon, hindi ba’t hindi ko na kailangang tiisin ang espirituwal na paghihirap na ito? Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalong sumasama ang loob ko, at madalas nabubuhay ako sa kalagayan ng pagkanegatibo.
Isang beses, tinalakay ko sa isang kapatid ang aking kalagayan, at binasa niya sa akin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “May isa pang sanhi kung bakit nalulugmok ang mga tao sa emosyon ng depresyon, at ito ay na may ilang partikular na bagay na nangyayari sa mga tao kapag wala pa sila sa hustong gulang o pagkatapos nilang tumuntong sa hustong gulang, ibig sabihin, gumagawa sila ng mga paglabag o ng mga bagay na walang kabuluhan, mga bagay na pawang kahangalan, at mga bagay na pawang kamangmangan. Nalulugmok sila sa depresyon dahil sa mga paglabag na ito, dahil sa mga bagay na kanilang ginawa na pawang walang kabuluhan at mangmang. Ang ganitong uri ng depresyon ay isang pagkondena sa sarili, at ito rin ay isang uri ng pagtukoy sa kung anong uri sila ng tao. … Tuwing sila ay nakikinig sa isang sermon o sa isang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, unti-unting pumapasok ang depresyon na ito sa kanilang isipan at sa kaibuturan ng kanilang puso, at nag-iisip sila nang husto, tinatanong ang kanilang sarili, ‘Kaya ko bang gawin ito? Kaya ko bang hangarin ang katotohanan? Kaya ko bang makamit ang kaligtasan? Anong uri ako ng tao? Nagawa ko ang bagay na iyon dati, dati akong ganoong uri ng tao. Wala na ba akong pag-asang mailigtas? Ililigtas pa ba ako ng Diyos?’ Ang ilang tao ay nagagawa minsan na bitiwan at talikdan ang kanilang emosyon na depresyon. Ibinubuhos nila ang kanilang sinseridad at ang lahat ng kanilang enerhiya at ginagamit ang mga ito sa pagganap ng kanilang tungkulin, mga obligasyon, at responsabilidad, at nagagawa pa nga nilang buong puso at isip na hangarin ang katotohanan at pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos, at pinagsusumikapan nila nang husto ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, sa sandaling may maganap na espesyal na sitwasyon o pangyayari, muli silang nalulugmok sa depresyon, at nararamdaman nilang muli sa kaibuturan ng kanilang puso na sila ay may sala. Iniisip nila, ‘Ginawa mo ang bagay na iyon dati, at ganoon kang uri ng tao noon. Makapagkakamit ka ba ng kaligtasan? May saysay pa ba ang pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang tingin ng Diyos sa nagawa mo? Patatawarin ka ba ng Diyos sa nagawa mo? Mapapatawad ba ang paglabag na iyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga sa ganitong paraan?’ Madalas nilang pinupuna ang kanilang sarili at sa loob-loob nila ay nadarama nila na may sala sila, at palagi silang nagdududa, palaging ginigisa sa pagtatanong ang kanilang sarili. Hindi nila kailanman matalikdan o maiwaksi ang emosyong ito ng depresyon at palagi silang nababagabag sa nakakahiyang bagay na kanilang nagawa. Kaya, bagamat maraming taon na silang nananalig sa Diyos, tila ba hindi nila napakinggan o naunawaan ang anumang sinabi ng Diyos. Para bang hindi nila alam kung ang pagkakamit ng kaligtasan ay may kinalaman sa kanila, kung maaari ba silang mapatawad at matubos, o kung sila ba ay kwalipikado na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang Kanyang pagliligtas. Wala silang kaalam-alam tungkol sa lahat ng bagay na ito. Dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang mga kasagutan, at dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang tumpak na hatol, sa kaibuturan nila ay palagi silang nalulugmok sa depresyon. Sa kaibuturan ng kanilang puso, paulit-ulit nilang naaalala ang kanilang ginawa, paulit-ulit nila itong iniisip, inaalala nila kung paano ito nagsimula at kung paano ito nagwakas, inaalala nila ang lahat mula simula hanggang wakas. Paano man nila ito maalala, palagi nilang nadarama na makasalanan sila, kaya palagi silang nalulugmok sa depresyon tungkol sa bagay na ito sa loob ng maraming taon. Kahit na kapag sila ay gumaganap sa kanilang tungkulin, kahit na kapag sila ay namumuno sa isang partikular na gawain, pakiramdam pa rin nila na wala silang pag-asa na mailigtas. Samakatuwid, hindi nila kailanman direktang hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan at itinuturing ito bilang isang bagay na pinakatama at pinakamahalaga. Naniniwala sila na ang kanilang mga pagkakamali o ang mga bagay na kanilang nagawa sa nakaraan ay hindi maganda sa paningin ng karamihan, o na maaaring sila ay makondena at kasuklaman ng mga tao, o na makondena pa nga ng Diyos. Nasa anong yugto man ang gawain ng Diyos o gaano man karami ang Kanyang sinabi, hindi nila kailanman hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan sa tamang paraan. Bakit ganito? Wala silang lakas ng loob na talikdan ang kanilang depresyon. Ito ang panghuling konklusyon ng ganitong uri ng tao mula sa kanyang karanasan sa ganitong uri ng bagay, at dahil hindi tama ang kanyang konklusyon, hindi niya kayang talikdan ang kanyang depresyon” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Ang mga salitang ito ng Diyos ay may malapit na kaugnayan sa aking kalagayan. Sa totoo lang, sa ilang taong ito, kapag naririnig kong may itinitiwalag dahil sa pagiging isang Hudas, iniuugnay ko ito sa sarili ko, sa paniniwala na ipinagkanulo ko ang kapatid, naging isa akong Hudas, at nagsalangsang ako sa harap ng Diyos; gugustuhin pa ba ako ng Diyos pagkatapos niyon? Mayroon pa ba akong anumang pag-asa na maligtas? Pagkaisip na pagkaisip ko nito, mabubuhay ako sa pagkanegatibo. Kahit na sa panlabas ay gagawin ko ang tungkulin ko, hindi talaga ako nagdadala ng pasanin sa loob ko, at lalong pakiramdam ko ay walang kaugnayan sa akin ang paghahangad sa katotohanan. Palagi kong hinihiwalay ang sarili ko sa hanay ng mga naghahangad sa katotohanan. Hindi ko na pinangahasang tanggapin ang mga salita ng Diyos ng paggabay, pagpapalakas ng loob, o paghikayat, iniisip na ang mga salitang iyon ay hindi sinabi sa mga taong kagaya ko. Naramdaman ko pa nga na hindi ako karapat-dapat na manumpa sa harap na Diyos, at lalong hindi ako karapat-dapat na tumanggap ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Lalo pa noong marinig ko na naging isang Hudas si Chen Hua at inalis siya, inisip ko na iisa at pareho lang kami ni Chen Hua. Gusto kong iligtas ang sarili ko kaya ipinagkanulo ko ang pera ng iglesia at ang kapatid, na nagresulta kung bakit pinaghahanap ang kapatid na ito at hindi siya makauwi. Para sa kapakanan ng pagpoprotekta sa sarili ko, nagdala ako ng matinding sakuna sa kapatid na ito. Napakamakasarili ko talaga, masyadong kulang sa pagkatao! Ang kalikasan ng aking mga kilos ay kagaya ng kay Hudas. Ayon sa nagawa ko, puwedeng gawin ng Diyos sa akin ang anuman. Kahit pa ipadala Niya ako sa impiyerno, hindi iyon magiging kalabisan. Pero hindi man lang ako tinrato ng Diyos ayon sa pagsalangsang ko, at binigyan Niya ako ng pagkakataong mamuhay ng buhay iglesia at magawa ang aking tungkulin. Iyong maaari akong mabuhay at magawa ang tungkulin ko ngayon ay biyaya at pagtataas ng Diyos. Dapat hinanap ko ang katotohanan at nilutas ko ang katiwalian ko, at nagsisi ako at ginawa ko nang maayos ang tungkulin ko. Gayunpaman, nakatuon pa rin ako sa aking pagsalangsang, na nagpabalisa sa akin tungkol sa mga oportunidad at kapalaran ko. Dahil nabubuhay ako sa isang kalagayan ng pagkalumbay at pagkanegatibo, naging mas lalo pa akong pasibo sa paggawa ko ng aking tungkulin, na hindi lang nagdala ng mga kalugihan sa aking gawain, kundi nakasagabal din sa aking buhay pagpasok. Nawalan ako ng maraming pagkakataon na matamo ang katotohanan. Pagkatapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, naramdaman kong kinakausap ako ng Diyos nang harapan. Ayaw Niyang mahulog sa pagkalumbay ang mga tao pagkatapos nilang magsalangsang; Gusto Niyang makapagnilay sila sa sarili at makapagpatuloy na magsikap sa kanilang paghahangad. Anuman ang oras, dapat hindi sumusuko ang isang tao sa paghahangad sa katotohanan. Nang makita ko kung gaano katotoo ang pag-ibig ng Diyos, nagdesisyon akong hanapin ang katotohanan at itapon ang mga kadena ng aking negatibong kalagayan.
Kalaunan, binasa ko ang ilang mga salita ng Diyos: “Nananalig ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t may ganito sa puso ng lahat? Totoo na mayroon nga. Bagamat hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at hangaring magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay hindi matinag-tinag noon pa man. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang karanasan o kaalaman ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang isinasakripisyo nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung mawawala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang paniniwala sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Nakita ko na isinisiwalat ng Diyos kung paanong ang mga mananampalataya ng Diyos ay lahat may sari-sariling natatagong motibo. Lahat ng ito ay para sa kapakanan ng pagtatamo ng mga pagpapala, at sa sandaling masangkot ang mga oportunidad at ang tadhana ng isang tao at hindi na siya makapagtamo ng mga pagpapala, iisipin niya na walang saysay ang pananampalataya sa Diyos, mabubuhay siya sa malumbay na kalagayan, at hindi siya magsisikap sa puso niya. Ito ang maling paghahangad ng tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Nagnilay ako sa sarili ko ayon sa mga salita ng Diyos: Noon, noong katatanggap ko pa lang sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, ginugugol ko ang sarili ko at nagsisikap ako sa bawat paraan para magtamo ng mga pagpapala. Pagkatapos kong maaresto, tinraydor ko ang kapatid at nagsalangsang ako dahil natatakot akong magtiis ng hirap at mapahirapan hanggang kamatayan. Inakala ko na hindi na ako magkakaroon ng isa pang pagkakataon para maligtas, at nabuhay ako sa kalagayan ng pagkalumbay at hinatulan ko na ang sarili ko. Pagkalabas sa kulungan, ang kagustuhan kong tumanggap at magpasakop sa anumang tungkulin na ginawa ko ay para lang magbayad sa aking mga kasalanan at magtamo ng mga pagpapala, at hindi iyon tunay na pagsisisi. Sa sandaling maisip ko na hindi na ako maliligtas at hindi na magkakamit ng mga pagpapala, naging napakanegatibo ko na na wala na akong ganang gawin ang tungkulin ko. Nakita ko na ginagawa ko lang ang tungkulin ko para magkamit ng mga pagpapala, na nakikipagtransaksyon ako sa Diyos. Kagaya ako ni Pablo. Noon, ginawa ni Pablo ang makakaya niya para labanan ang Panginoong Jesus, hinuli at inusig ang mga disipulo ng Panginoon, at sa huli, tinamaan siya ng maliwanag na ilaw. Sa panahong iyon, inamin lang niya ang mga kasalanan niya, pero kalaunan, noong pinapakalat na niya ang ebanghelyo para sa Panginoon, iyon ay para din lang sa pagbabayad-sala; wala sa mga ito ang tunay na pagsisisi at pagbabago. Hindi niya alam ang sarili niyang diwa ng paglaban sa Diyos, at nang magbunga ng ilang resulta ang gawain niya, inisip niyang may kapital siya, hanggang sa puntong hayagan siyang nakipagtransaksyon sa Diyos, sinasabing, “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:8). Sinalungat niya ang disposisyon ng Diyos at isinumpa at pinarusahan siya ng Diyos. Habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos, lalo akong namuhi sa sarili ko. Nakagawa ako ng napakalaking kasamaan at nakikipagtransaksyon pa rin ako sa Diyos; wala akong anumang katwiran! Kahit pa wala akong maging mabuting kahihinatnan at hantungan sa hinaharap, iyon ay pagiging matuwid ng Diyos. Iyon ay magiging bunga ng sarili kong paggawa ng kasamaan at pagkakanulo sa Diyos. Ang mga paltos sa paa ko ay mula sa landas na nilakaran ko; kailangan kong anihin ang aking itinanim. Anuman ang kahinatnan ko, dapat akuin ko ang posisyon ko bilang isang nilikha at gawin ang tungkulin ko nang maayos; ito ang katwiran at pagsasagawa na dapat mayroon ako. Lumapit ako sa Diyos at nanalangin sa Kanya, “O Diyos! Nanampalataya ako sa Iyo para magkamit ng mga pagpapala at gantimpala, at sa pagtalikod at paggugol ko ay nakikipagtransaksyon ako sa Iyo. Wala akong anumang katwiran! Kapag may aso ang isang tao, alam ng asong iyon kung paano suklian ang kanyang amo at babantayan nito ang bahay niya. Pero ako… diniligan Mo ako at binigyan ng napakaraming katotohanan at pinakitaan ng awa at pagpaparaya, pero nakipagtransaksyon ako sa Iyo. Nang maisip kong baka hindi ako magkakaroon ng magandang hantungan, ayaw ko nang gawin nang masigasig ang tungkulin ko. Mas masahol pa ako kaysa sa aso! O Diyos, handa po akong magsisi. Anuman ang aking kalalabasan sa hinaharap, tapat kong gagawin ang aking tungkulin at hindi na ako mananampalataya sa Iyo para lang magtamo ng mga pagpapala.”
Pagkatapos nito, nabasa ko ang ilan pang mga salita ng Diyos na nagdala sa akin ng ilang kaalaman tungkol sa Kanyang matuwid na disposisyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Karamihan sa mga tao ay sumalangsang at dinungisan ang kanilang sarili sa ilang partikular na paraan. Halimbawa, ang ilang tao ay lumaban sa Diyos at nagsalita ng mga kalapastanganang bagay; tinanggihan ng ilang tao ang atas ng Diyos at hindi ginampanan ang kanilang tungkulin, at itinaboy ng Diyos; ipinagkanulo ng ilang tao ang Diyos nang maharap sila sa mga tukso; ipinagkanulo ng ilan ang Diyos nang lagdaan nila ang ‘Tatlong Sulat’ noong arestuhin sila; ang ilan ay nagnakaw ng mga handog; ang ilan ay naglustay ng mga handog; ang ilan ay ginulo nang madalas ang buhay-iglesia at nagdulot ng pinsala sa mga taong hinirang ng Diyos; ang ilan ay bumuo ng mga pangkat at pinagmalupitan ang iba, kaya nagkagulo sa iglesia; ang ilan ay madalas na nagpakalat ng mga kuru-kuro at kamatayan, na nakapinsala sa mga kapatid; at ang ilan ay gumawa ng kalaswaan at kahalayan, at naging masamang impluwensiya. Sapat nang sabihin na lahat ay may kani-kanyang mga paglabag at dungis. Pero nagagawa ng ilang tao na tanggapin ang katotohanan at magsisi, samantalang ang iba ay hindi at mamamatay bago magsisi. Kaya dapat tratuhin ang mga tao ayon sa kanilang kalikasang diwa at sa kanilang hindi nagbabagong pag-uugali. Ang mga puwedeng magsisi ay ang mga tunay na nananalig sa Diyos; pero para sa mga ayaw talagang magsisi, ang mga dapat alisin at patalsikin ay aalisin at patatalsikin. … Ang pakikitungo ng Diyos sa bawat tao ay batay sa mga aktuwal na sitwasyon ng kalagayan at kinalakhan ng taong iyon sa panahong iyon, pati na sa mga kilos at pag-uugali ng taong iyon at sa kanyang kalikasang diwa. Hindi kailanman gagawan ng Diyos ng masama ang sinuman. Isang panig ito ng pagiging matuwid ng Diyos. … Ang pakikitungo ng Diyos sa isang tao ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao. Kapag ang Kanyang saloobin ukol sa isang tao ay pagkamuhi o pagkasuklam, o pagdating sa sinasabi ng taong ito sa isang partikular na konteksto, nauunawaan Niyang mabuti ang mga kalagayan nito. Ito ay dahil masusing sinisiyasat ng Diyos ang puso at diwa ng tao. Palaging iniisip ng mga tao, ‘Ang Kanyang pagka-Diyos lamang ang taglay ng Diyos. Siya ay matuwid at hindi pinalalampas ang pagkakasala ng tao. Hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng tao o inilalagay ang Kanyang sarili sa sitwasyon ng mga tao. Kung lalabanan ng isang tao ang Diyos, parurusahan Niya ito.’ Hindi talaga ganoon ang mga bagay-bagay. Kung ganoon ang pagkaunawa ng isang tao sa Kanyang pagiging matuwid, Kanyang gawain, at Kanyang pagtrato sa mga tao, maling-mali ang taong ito. Ang pagtatakda ng Diyos sa kalalabasan ng bawat tao ay hindi batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kundi sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Gagantihan Niya ang bawat tao ayon sa nagawa nila. Ang Diyos ay matuwid, at sa malao’t madali, titiyakin Niya na lahat ng tao ay lubusang nakumbinsi” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ay may mga prinsipyo sa Kanyang pagtrato sa tao. Hindi Niya tinutukoy ang kalalabasan ng mga tao base sa isang sandali ng pagsalangsang, kundi sa konteksto at kalikasan ng mga kilos ng mga tao, at kung kaya ba o hindi ng isang tao na tumanggap ng katotohanan at tunay na magsisi; ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Habang pinag-iisipan ito, bigla kong nakita ang liwanag. Nakita ko na hindi lang matuwid na paghatol ang mayroon sa pagtrato ng Diyos sa tao, kundi awa rin. Hindi Niya tinatrato ang mga tao sa iisang paraan lang. Nang isipin ko ang panahong ipinagkanulo ko ang Diyos dahil mahina ang aking laman, naniwala ako na hangga’t may nagawa akong kagaya nito, kokondenahin at ititiwalag ako, at kahit gaano pa ako magsisi, walang paraan para maligtas ako. Ngayon, mukhang hindi ko naunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Kagaya kung paanong pareho kami ni Chen Hua na nagtraydor sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Binigyan ako ng iglesia ng isa pang pagkakataon para gawin ang aking tungkulin, at iyon ay pangunahing nakabase sa konteksto at kalikasan ng aking pagkakanulo, ikinumpara iyon sa madalas kong pag-uugali kapag ginagawa ko ang aking tungkulin. Noon, pinahirapan ako ng mga pulis sa loob ng pitong araw at gabi, at hindi na iyon kinaya pa ng katawan ko. Hindi ko nahalata ang tusong pakana ni Satanas, at sa isang sandali ng kahinaan ay ipinagkanulo ko ang Diyos. Hindi ito nagresulta sa malalaking kawalan, at pagkatapos ay sising-sisi ako at nasusuklam sa sarili ko. Ito ay maituturing na isang seryosong pagsalangsang, at binigyan ako ng sambahayan ng Diyos ng isang pagkakataon para magsisi. Sa kabilang banda, matapos maaresto ni Chen Hua, binigyan lang siya ng mga pulis ng ilang tanong nang sumuko siya sa mapang-abusong kapangyarihan ng malaking pulang dragon at nagtraydor siya sa maraming lider, manggagawa, at tahanan ng mga nag-iingat ng mga libro, na naging dahilan para maaresto ang maraming kapatid at nagdulot ng napakalaking kawalan sa gawain ng iglesia. Ang pagsalangsang ni Chen Hua ay hindi isang sandali ng kahinaan; mayroon siyang diwa ng isang Hudas. Pinaalis siya ng iglesia ayon sa kalikasan ng kanyang aksyon at sa mga kinahinatnan niyon. Ito ay ganap na pagiging matuwid ng Diyos. Pagkatapos ko itong maunawaan, nagkaroon ako ng kaunting kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at nakita ko na ang disposisyon Niya ay maganda at mabuti. Gayunpaman, nakabantay ako palagi at nagdududa sa Diyos nitong nakaraan, at ngayon ay higit ko pang naramdaman na may pagkakautang ako sa Kanya. Nagdesisyon akong magsisi at magbago, at kung muli akong aarestuhin at uusigin, gaano man kalaking pasakit sa laman ang maranasan ko, at kahit mamatay pa ako, maninindigan ako sa aking patotoo sa Diyos at ipapahiya ko si Satanas, hindi ko na ipagkakanulo pa ang Diyos.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at natutunan ko kung paano ko dapat ituring ang aking pagsalangsang. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “At paano ka mapapawalang-sala at mapapatawad ng Diyos? Ito ay nakasalalay sa iyong puso. Kung tunay kang magtatapat, kung tunay mong kikilalanin ang iyong pagkakamali at problema, at kung ikaw man ay nakagawa ng isang paglabag o ng isang pagkakasala ay magkakaroon ka ng saloobin na tunay na magtapat, tunay kang makakaramdam ng pagkapoot sa iyong nagawa, at tunay kang magbabago, upang hindi mo na ulit magawa ang maling bagay na iyon, kung magkakagayon ay isang araw, matatanggap mo ang pagpapatawad ng Diyos, ibig sabihin, ang iyong magiging wakas ay hindi na ibabatay ng Diyos sa mga mangmang, hangal, at maruruming bagay na iyong nagawa noon. … May mga nagtatanong din: ‘Gaano karaming dasal ang kailangan kong gawin bago ko malaman na pinatawad na ako ng Diyos?’ Kapag hindi mo na nararamdaman na may kasalanan ka sa bagay na ito, kapag hindi ka na nalulugmok sa depresyon dahil dito, iyon na ang panahon na nakapagkamit ka na ng mga resulta, at ipapakita nito na pinawalang-sala ka na ng Diyos. Kapag walang sinuman, walang kapangyarihan, at walang panlabas na puwersa ang makakaistorbo sa iyo, at kapag hindi ka napipigilan ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay, iyon na ang panahon na nakapagkamit ka na ng mga resulta. Ito ang unang hakbang na kailangan mong tahakin. Ang pangalawang hakbang ay ang habang palagi kang lumalapit sa Diyos para sa pagpapawalang-sala, dapat ay aktibo mong hinahanap ang mga prinsipyo na dapat mong sundin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—ito lamang ang magpapahintulot sa iyo na mabuti mong magampanan ang iyong tungkulin. Siyempre, ito rin ay isang praktikal na pagkilos, isang praktikal na pagpapahayag at saloobin na nagiging pambawi sa iyong kasalanan, at na nagpapatunay na ikaw ay nagsisisi at nagbago na; ito ay isang bagay na dapat mong gawin. Gaano kaayos mo nga bang ginagampanan ang iyong tungkulin, ang gawain na ibinibigay sa iyo ng Diyos? Hinaharap mo ba ito nang may saloobin na lugmok sa depresyon, o gamit ang mga prinsipyong hinihingi sa iyo ng Diyos na sundin? Iniaalay mo ba ang iyong katapatan? Ano ang dapat maging batayan ng Diyos para pawalang-sala ka? Nagpakita ka ba ng anumang pagsisisi? Ano ang ipinapakita mo sa Diyos? Kung nais mong matanggap ang pagpapawalang-sala ng Diyos, kailangan mo munang maging tapat: Dapat kang magkaroon ng saloobin na taimtim na magtapat, at kailangan mo ring ialay ang iyong sinseridad at maayos na gampanan ang iyong tungkulin, kung hindi ay wala nang dapat pag-usapan pa. Kung magagawa mo ang dalawang bagay na ito, kung maaantig mo ang Diyos sa iyong sinseridad at tapat na pananampalataya, at mapapawalang-sala ka ng Diyos sa iyong mga kasalanan, magiging kagaya ka ng ibang tao. Titingnan ka ng Diyos sa paraang katulad ng pagtingin niya sa ibang tao, pakikitunguhan ka Niya sa paraang katulad ng pakikitungo Niya sa ibang tao, at hahatulan at kakastiguhin, susubukin at pipinuhin ka Niya sa paraang katulad ng ginagawa Niya sa ibang tao—hindi magiging iba ang magiging pagturing sa iyo. Sa ganitong paraan, hindi ka lamang magkakaroon ng determinasyon at pagnanais na hangarin ang katotohanan, kundi ikaw ay bibigyang-liwanag, gagabayan, at tutustusan din ng Diyos sa parehong paraan sa iyong paghahangad sa katotohanan. Siyempre, dahil ngayon ay mayroon ka nang sinsero at tunay na hangarin at isang taimtim na saloobin, hindi magiging iba ang pagtrato sa iyo ng Diyos sa kung paano Niya tinatrato ang iba at, tulad ng ibang tao, magkakaroon ka ng pagkakataon na mailigtas. Nauunawaan mo ito, tama? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anumang pagsalangsang ang nagawa ng isang tao noon, ang gusto ng Diyos ay ang kanyang tunay na pagsisisi at pagbabago. Kung makagawa ng kamalian ang isang tao, kailangan niyang lumapit sa Diyos at taos-pusong aminin ang kanyang mga kasalanan. Pagkatapos, dapat panghawakan niya ang kanyang tungkulin at gawin ito nang matapat, gumamit ng mga praktikal na aksyon para makabawi sa kanyang mga pagsalangsang. Gaya lang ni David, na may isang propeta na pinadala ng Diyos para kausapin siya, dahil nangalunya siya noong sumiping siya sa asawa ni Urias. Alam ni David na nakagawa siya ng kasalanan, at inamin niya ito at nagpakita siya ng pagsisisi sa Diyos. Sapat ang iniyak niyang luha para lumutang ang kama sa silid niya, at nang tumanda siya, ni hindi niya hinawakan ang dalagang nagpainit ng higaan niya. Bukod doon, kasama ng malalim na pagsisisi, gumamit din siya ng praktikal na aksyon para panghawakan ang kanyang tungkulin, nagpatayo siya ng isang banal na templo at pinangunahan niya ang mga Israelita sa pagsamba sa Diyos na si Jehova. Ang saloobin ni David sa kanyang pagsalangsang ay hindi pagkalumbay, kundi pagiging positibo at pagsulong. Nagkaroon siya ng tunay na pagsisisi at pagbabago. Nariyan din si Pedro, na itinatwa ang Panginoon nang tatlong beses at naiwala ang kanyang patotoo. Ang saloobin ni Pedro ay hindi rin pagkalumbay. Sa halip, taos-puso niyang inamin sa Diyos ang kanyang mga pagsalangsang at nagkaroon siya ng tunay na pagsisisi. Sa huli, ipinako siya nang pabaliktad para sa Panginoon bilang isang patotoo ng kanyang pag-ibig para sa Diyos. Kailangan kong sundan ang halimbawa nina David at Pedro, positibong harapin ang aking pagsalangsang, at bitiwan ang aking kalagayan ng pagkalumbay, hangarin ang tunay na pagsisisi at pagbabago sa harap ng Diyos. Ganito ang pagsasagawa at saloobin na dapat mayroon ako.
Kalaunan, pinagnilayan ko kung bakit ko ipinagkanulo ang Diyos noong naaresto ako dati. Iyon ay dahil masyado akong nag-aalala sa aking laman at masyado kong pinahahalagahan ang sarili kong buhay. Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa’t sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon” (Lucas 9:24). Sa totoo lang, kung mabubuhay ba ako o mamamatay ay pinamamatnugutan at pinamamahalaan ng Diyos. Kahit usigin ako ng mga pulis hanggang sa punto ng kamatayan, hangga’t makapaninindigan ako sa aking patotoo sa Diyos, magkakaroon ng halaga at kabuluhan ang aking kamatayan. Ngayon, ipinagkanulo ko ang Diyos, at kahit hindi nagtitiis ng paghihirap ang katawan ko, ang dala-dala ko ay ang paghihirap ng aking puso. Kapag naiisip ko kung paano ko tinraydor ang kapatid at ang pera ng iglesia, ang sakit nito ay para bang sinaksak ng kutsilyo ang puso ko. Naging permanenteng mantsa na ito; isang hindi natatapos na pasakit. Ang totoo, ang paghihirap ng laman ay pansamantala, at matatapos din iyon kung titiisin mo lang, pero ang paghihirap ng puso ay nagtatagal magpakailanman. Iningatan ko ang laman ko pero nawala ang lahat ng kapayapaan at galak ko; nabuhay ako na parang naglalakad na bangkay. Naisip ko ang mga kapatid sa kulungan na nanindigan sa kanilang patotoo. Kahit na nagtiis ng maraming paghihirap ang kanilang laman, at ang ilan ay binugbog pa nga ng mga pulis hanggang mamatay, namatay sila para sa katarungan. Ang ganoong kamatayan ay may halaga at kabuluhan, at sinasang-ayunan at tinatandaan ito ng Diyos. Napagtanto ko na may isa pang aspekto kung bakit ko tinraydor ang iglesia, iyon ay dahil hindi ko nakilatis ang tusong pakana ng mga pulis. Nang marinig kong sabihin nila na natagpuan na nila ang pera ng iglesia, inakala ko na dahil nakuha na nila iyon, hindi na importante kung may sabihin ba ako o wala. Kung magsasalita ako, hindi na ako pahihirapan pa. Bilang resulta, nawala ko ang aking patotoo. Ang totoo, nakita man nila ang pera ng iglesia o hindi, dapat itinikom ko ang bibig ko. Ang nais ng Diyos ay ang aking katapatan at patotoo. Pagkatapos kong mahanap ang dahilan ng aking kabiguan, gumawa ako ng isang desisyon: Sa hinaharap, kung maaaresto akong muli, hindi ko na tatraydurin ang mga interes ng iglesia kahit pa kamatayan ang maging kahulugan niyon. Nang balikan ko ang mga nagdaang taon, nakita kong palagi kong iniiwasan ang problemang ito. Hindi ako handang harapin ang realidad at lutasin ang sarili kong isyu. Kahit na namumuhi ako sa sarili ko, hindi ko talaga kilala ang sarili ko. Hindi pa ako nakakaahon mula sa pagkalumbay ko. Sa ilalim ng gabay ng mga salita ng Diyos, sa wakas ay naalis ko na ang pagkakalayo ng loob at ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan namin ng Diyos. Ngayon, biniyayaan ako ng Diyos ng tungkulin ng pagdidilig sa mga baguhan, at dapat kong isagawa ang aking gawain ng pagdidilig nang ayon sa mga prinsipyo, gabayan ang mga kapatid para maunawaan nila ang katotohanan, maglatag ng pundasyon ng tunay na daan at maghanda ng mabubuting gawa. Ngayon, natatrato ko na nang tama ang aking pagsalangsang, at hindi na ako namamali ng pagkaunawa ni nagbabantay laban sa Diyos. Naging bukas na rin ako at nagbahagi ako sa mga kapatid tungkol sa karanasang ito ng kabiguan, nagpapatotoo sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag nagtitipon kami sa maliliit na grupo, aktibo akong nakikipagbahaginan, at kapag nahaharap ako sa mga problema at hirap sa aking tungkulin, kaya ko nang sadyang hangarin ang katotohanan at pagnilayan ang sarili ko. Sa pamamagitan ng pagsasagawa sa loob ng ilang panahon, malinaw na nabago ko ang aking kalagayan at ginagabayan ako ng Diyos sa pagganap ko ng aking tungkulin. Nang makita kong hindi ako inabandona ng Diyos dahil sa aking pagsalangsang at na inaakay at ginagabayan Niya pa rin ako, napagtanto ko na ang pagsalangsang ay hindi ang pinakanakakatakot na bagay. Hangga’t taos-pusong nagsisisi ang isang tao at kaya niyang isagawa ang katotohanan ayon sa mga prinsipyo, puwede niyang matamo ang awa at gabay ng Diyos. Gaya nga ng sinasabi ng Diyos: “Ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos ay Hindi Bihira—Ang Totoong Pagsisisi ng Tao ang Ganoon” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Nagagawa kong magkaroon ng ganitong kaalaman at ng mga personal na karanasang ito dahil lahat sa gabay ng Diyos! Luwalhatiin ang Diyos!