83. Bakit Hindi Ko Ibinabahagi ang Lahat Kapag Nagtuturo sa Iba?
Noong Hulyo 2021, gumagawa ako ng video sa iglesia. Alam kong napakahalagang tungkulin talaga nito, kaya gumugol ako ng maraming oras araw-araw sa panonood ng mga tutoryal at pagsasaliksik ng mga impormasyon. Nakikinig akong mabuti sa tuwing nagtatalakay ang iba ng isang teknikal na kasanayan, at pagkatapos ay inaalisa at sinasaliksik ko ito nang detalyado, at pagkatapos ay talagang ginagamit ito. Humihingi rin ako ng tulong sa Diyos kapag nahihirapan ako. Pagkatapos mangapa nang ilang panahon, medyo humusay na ang aking mga teknikal na kasanayan. Mas mahusay akong nakakaisip ng ilang panibagong istilo ng produksyon. Talagang tinitingala ako ng lahat at nilalapitan ako para magtanong tungkol sa mga teknikal na isyu. Naramdaman kong tunay na may napagtagumpayan ako. Pakiramdam ko ay hindi nawalan ng saysay ang lahat ng pagsusumikap ko, na sa wakas ay nakikita ko na ang bunga nito.
Nang makita kung gaano ako kahusay sa paggawa ng video, hiniling sa akin ng superbisor na ibahagi sa ibang mga kapatid ang aking mga teknikal na kasanayan at karanasan sa produksyon. Sadya pa ngang hiniling ng ilan sa kanila na makinig sa akin na magsalita. Pakiramdam ko ay talagang naging matagumpay ako. Pero nag-alala ako nang maisip ko ang pagbabahagi sa mga naging susi ng tagumpay ko. Kung ihahayag ko ang diwa ng mga kasanayang ito at natutunan ng lahat ang mga ito, unti-unti silang magiging mas epektibo sa gawain nila. May hihingi pa ba sa akin ng tulong kung magkagayon? Titingalain pa ba nila ako? Hindi ko dapat sabihin sa kanila ang lahat. Kaya, ipinaliwanag ko ang ilang bagay, pero sinarili ko ang ilan. Alam kong hindi iyon ang tamang gawin, pero hindi ko na itinuloy ang sasabihin ko, para sa sarili kong kapakinabangan. Kalaunan, sinabi sa akin ng isang sister: “Mas magaganda kaysa dati ang mga video na ginawa batay sa mga turo mo, pero hindi pa rin kami epektibo. May hindi ka pa ba naituturo sa amin?” Nang hindi nababahala, sumagot ako, “Ganyan ang ginagawa ko. Baka kailangan niyong mas magsanay pa para maging mas mahusay?” Wala na siyang sinabi pa. Noong oras na iyon, medyo nakonsensya ako at napagtanto ko na nagiging mapanlinlang ako, pero kapag naiisip ko kung paanong mas nagiging epektibo ako sa gawain ko kaysa sa iba, sinusugpo ko ang katiting na konsensyang iyon.
Kapag ginagawa namin ang aming mga buwanang pagbubuod, ako ang nakakagawa ng pinakamaraming video, na may pinakamagandang kalidad. Labis akong nasisiyahan sa sarili ko na makita ang mga numerong iyon, at natutuwa ako na hindi ko itinuro sa iba ang buong lawak ng mga kasanayan ko. Kung nagkagayon, hindi sana ako magkakaroon ng pinakamahuhusay na numero. Kung kailan labis akong nasisiyahan sa sarili, saka nalaman ng superbisor na hindi ko naibahagi sa iba ang lahat ng kasanayan ko, at iwinasto ako nito: “Napakamakasarili mo! Hindi mo iniisip ang gawain ng iglesia, kundi ang pagiging produktibo mo lang. Gusto mo lang magpakitang-gilas. Gaano karami ang matatapos mo kung ikaw lang mag-isa? Kung alam lang ng lahat ang mga kasanayang ito, mapapabuti natin ang pangkalahatang pag-usad ng gawain natin.” Alam kong makakabuti ito sa gawain ng iglesia, pero kapag naiisip ko na magiging mas mahusay ang iba at hindi na nila ako hahangaan, nagtatalo talaga ang kalooban ko. Nagdasal ako, “Diyos ko! Kamakailan ay hindi ko mapigilang kumilos nang mapanlinlang para sa pansariling pakinabang. Ayaw ko nang mabuhay sa katiwaliang ito. Pakiusap gabayan Mo po ako na maunawaan ang problema ko at iwaksi ang tiwaling disposisyong ito.”
Pagkatapos, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos. “Ang mga di-mananampalataya ay may isang tiyak na klase ng tiwaling disposisyon. Kapag nagtuturo sila sa ibang tao ng isang propesyonal na kaalaman o kasanayan, iniisip nila, ‘Kapag alam na ng isang estudyante ang lahat ng alam ng guro, mawawalan ng kanyang kabuhayan ang guro. Kung ituturo ko ang lahat ng nalalaman ko sa iba, wala nang titingala o hahanga sa akin at mawawala na ang buong katayuan ko bilang isang guro. Hindi maaari ito. Hindi ko maaaring ituro sa kanila ang lahat ng nalalaman ko, kailangang may ilihim ako. Otsenta porsiyento lamang ng nalalaman ko ang ituturo ko sa kanila at ililihim ko ang iba pa; ito lamang ang paraan para maipakita na mas magaling ang kasanayan ko sa iba.’ Anong uri ng disposisyon ito? Panlilinlang ito. Kapag nagtuturo ka sa iba, tumutulong sa iba, o nagbabahagi sa kanila ng isang bagay na pinag-aralan mo, anong saloobin ang dapat taglayin mo? (Dapat nating gawin ang lahat, at huwag tayong maglihim.) … Kung buong-buo mong inaambag ang iyong mga kaloob at kadalubhasaan, magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa lahat ng mga tumutupad ng tungkulin, pati na rin sa gawain ng iglesia. Huwag mong isipin na ayos lang ito o na hindi ka nagkait ng kaalaman sa pagsasabi lamang sa lahat ng mga pinakabatayang bagay; hindi ito maaari. Nagtuturo ka lang ng ilang teorya o mga bagay na literal na mauunawaan ng mga tao, ngunit ang diwa at mahahalagang punto ay hindi maunawaan ng isang baguhan. Nagbibigay ka lang ng buod, nang hindi ito pinalalawak o idinedetalye, samantalang iniisip mo pa rin sa sarili mo, ‘Ano’t anuman, nasabi ko na sa iyo, at wala akong sinadyang ipagkait na anuman. Kung hindi mo nauunawaan, ito ay dahil lubhang napakababa ng iyong kakayahan, kaya huwag mo akong sisihin. Tingnan na lang natin kung paano ka gagabayan ng Diyos ngayon.’ Ang gayong pag-iisip ay may kasamang panlilinlang, hindi ba? Hindi ba iyon makasarili at di-marangal? Bakit hindi mo maituro sa mga tao ang lahat ng nasa puso mo at lahat ng nauunawaan mo? Bakit sa halip ay ipinagkakait mo ang kaalaman? Problema ito sa iyong mga layon at iyong disposisyon. … Nakapapagod ito para sa mga hindi naghahanap ng katotohanan at namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon na gaya ng mga di-mananampalataya. Sa mga di-mananampalataya, laganap ang kompetisyon. Ang pagiging dalubhasa sa diwa ng isang kasanayan o isang propesyon ay hindi simpleng bagay, at kapag nalaman ito ng ibang tao, at naging dalubhasa siya mismo rito, namimiligro ang kabuhayan ng isang tao. Para maprotektahan ang kabuhayang iyon, napipilitang kumilos ang mga tao sa ganitong paraan. Kailangan nilang maging maingat sa lahat ng oras—ang pinagkadalubhasaan nila ang kanilang pinakamahalagang puhunan. Ito ang kanilang kabuhayan, ang kanilang kapital, ang pinakamahalaga sa buhay nila, at hindi nila dapat hayaang malaman ito ng iba. Ngunit naniniwala ka sa Diyos—kung ganito ka kung mag-isip at kumilos sa sambahayan ng Diyos, hindi ka naiiba sa isang di-mananampalataya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa ng siping ito, para akong direktang hinuhusgahan at inilalantad ng Diyos. Nakita ko na pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya, hindi man lang nagbago ang disposisyon ko sa buhay. Katulad lang ako ng isang hindi mananampalataya, namumuhay ayon sa mga satanikong panuntunan para makaligtas, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili” at “Sa sandaling maging dalubhasa ang estudyante, nawawalan ng trabaho ang maestro.” Kapag mayroon akong ilang kasanayan o espesyal na mga pamamaraan, gusto kong sarilinin ang mga ito. Hindi ako pumapayag na ituro ang lahat sa iba nang ganoon-ganoon na lang at ipagsapalaran na mawala ang posisyon ko at kabuhayan. Noong panahong iyon, kapag mas marami akong teknikal na kasanayan kaysa sa iba at mas produktibo sa aking tungkulin, labis akong kontento sa sarili ko at natutuwa na tinitingala ako. Hiniling sa akin ng superbisor na turuan ang iba, pero hindi ko sinabi sa kanila ang lahat para mapanatili ko ang posisyon ko. Natatakot ako na mahihigitan ako ng iba kapag natutunan nila ang lahat, tapos wala nang hahanga sa akin. Kahit na paisa-isa akong nilalapitan at tinatanong ng ilang tao, itinatago ko ang totoo, hindi ko sinasabi sa kanila ang lahat. Isinasagawa ko ang satanikong pilosopiya ng “Sa sandaling maging dalubhasa ang estudyante, nawawalan ng trabaho ang maestro.” Para sa reputasyon at katayuan, naging masama ako at nanlansi, natatakot na kung ganap na matututunan ng iba ang mga kasanayan ko, hindi na ako magkakaroon ng pagkakataong makapagpakitang-gilas. Hindi ko man lang isinaalang-alang ang gawain ng iglesia, at pati na rin ang kalooban ng Diyos. Itinuring ko ang mga kasanayang ito na parang sarili kong mga personal na kasangkapan para mapanatili ang reputasyon at katayuan ko. Napakamakasarili ko, ubod ng sama, at walang pagkatao! Nagdasal ako sa Diyos, handang isagawa ang katotohanan at talikdan ang laman. Naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Kapag ipinaaalam sa karamihan ng mga tao sa unang pagkakataon ang ilang partikular na aspeto ng propesyonal na kaalaman, kaya lamang nilang maunawaan ang literal na kahulugan nito; mangangailangan ng panahon ng pagsasagawa bago magawang maunawaan ang mga pangunahing punto at diwa. Kung naging daluhasa ka na sa mga pangunahing punto at diwang ito, dapat mong sabihin ito sa kanila nang diretsahan; huwag kang magpaliguy-ligoy at magsayang ng oras sa pagpapasikot-sikot. Responsibilidad mo ito; ito ang dapat mong gawin. Saka ka lang hindi magkakait ng anuman kung sasabihin mo sa kanila ang pinaniniwalaan mong mga pangunahing punto at diwa, at doon ka lamang magiging hindi makasarili” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa: Dapat kong ibahagi sa mga kapatid ang lahat ng teknik at kaalaman ko na nauugnay sa gawain namin, para wala nang kailangang mag-aksaya ng mas maraming oras sa mga pasikot-sikot na pamamaraan. Pagkatapos, makakakuha sila ng maraming inspirasyon batay sa pundasyong iyon at patuloy na huhusay sa kanilang tungkulin. Kapaki-pakinabang iyon sa gawain ng iglesia. At saka, mayroon akong ilang propesyonal na kasanayan at matagumpay naman sa aking tungkulin hindi dahil sa mas matalino ako o mas masigasig kaysa sa iba, kundi dahil sa biyaya ng Diyos na ipinagkakaloob sa akin ang kaunting inspirasyong ito. Hindi ko pwedeng isipin lang ang sarili ko, kundi kailangan kong tuparin ang mga responsibilidad ko, at ibahagi ang lahat ng kaalaman ko sa iba. Tapos ay mapapabuti ang gawain namin sa kabuuan. Kaya naman, itinuro ko na ang lahat ng propesyonal na kasanayan na alam ko sa mga kapatid, at kusang-loob na sinasabi sa kanila kapag natutuklasan ko ang isa pang magandang pamamaraan. Pagtagal-tagal, mabilis na lumakas ang pagiging produktibo ng grupo namin, at ang ilan sa amin ay nakaisip ng mga bagong kaparaanan batay sa mga kasanayang itinuro ko sa kanila.
Makalipas ang isang buwan, dahil sa pagbabago ng mga tauhan, inatasan ng superbisor ang lider ng grupo na si Colin na mangasiwa sa isang bagong grupo at pinaako sa akin ang tungkulin niya. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos at gusto kong gawin nang maayos ang trabaho. Dahil walang kasanayan at bago lahat sa pag-eedit ng video ang mga kapatid sa grupo ni Colin, ang ilan sa kanila na may mahusay na kakayahan ay pumunta para matuto mula sa amin. Lahat sila ay mabilis matuto, at hindi nagtagal ay naunawaan na nilang mabuti ang mga kasanayan at nagiging mas mahusay na sa kanilang tungkulin. Medyo hindi ako natuwa. Nagawa nilang matuto ng ilang kasanayan at naibahagi namin sa kanila ang lahat. Kung mapapanatili iyon at patuloy na bubuti ang pagiging produktibo ng grupo nila, baka malamangan nila ang grupo namin. Para mapanatili ang mataas na pagka-produktibo ng aming grupo, inalis ko ang mga dumating para matuto mula sa online na grupo. Sinimulan ko ring pag-aralan ang mga produktibong pamamaraan at kasanayan ng ibang mga iglesia. Ang iniisip ko ay na natutunan na nila ang lahat ng kasanayan na alam namin noon, kaya kung may matututunan kaming mga bago at hindi sasabihin sa kanila, hindi nila kami malalamangan. Pero sa gulat ko, matapos ko silang alisin sa grupo, bukod sa hindi tumaas ang pagiging produktibo ng grupo namin, talagang bumagsak pa ito. Nakaranas ng higit pang negatibong mga kalagayan at isyu ang mga miyembro ng grupo, at ako mismo ay naguguluhan. Wala akong ideya sa paggawa ng mga video at hindi ko malutas ang mga problema ng grupo. Napagtanto ko na kung hindi ko babaguhin ang kalagayan ko, siguradong makakaapekto iyon sa pagganap ng grupo. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, kamakailan sa tungkulin ko, kahit anong pilit kong gawin, wala talaga akong direksyon. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako na makilala ang sarili ko at makaalis sa problemang ito.”
Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang mga tao ay namumuhay sa isang maling kalagayan, at hindi nagdarasal sa Diyos o naghahanap ng katotohanan, tatalikdan sila ng Banal na Espiritu, at hindi paroroon ang Diyos. Paanong tataglayin ng mga hindi naghahanap ng katotohanan ang gawain ng Banal na Espiritu? Nasusuklam sa kanila ang Diyos, nakatago ang Kanyang mukha sa kanila, at nakatago rin ang Banal na Espiritu sa kanila. Kapag hindi na gumagawa ang Diyos, magagawa mo na ang gusto mo. Kapag isinantabi ka na Niya, hindi ba’t katapusan mo na? Wala ka nang makakamit pa. Bakit hirap na hirap ang mga hindi nananalig na gumawa ng mga bagay-bagay? Hindi ba’t dahil sinusunod nila ang sarili nilang payo? Sinusunod nila ang sarili nilang payo, at wala silang maisagawang anuman—lahat ay lubhang mabigat gawin, kahit ang pinakasimpleng bagay. Ito ang buhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung gagawin ninyo ang ginagawa ng mga hindi nananalig, ano pa ang ipinagkaiba ninyo sa kanila? Walang kayong anumang pinagkaiba. Kung ang kapangyarihan ay ginagamit ng mga namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon, kung ito ay ginagamit ng mga hindi nagtataglay ng katotohanan, hindi ba’t si Satanas nga ang gumagamit ng kapangyarihan? Kung ang mga kilos ng isang tao, sa karaniwan, ay salungat sa katotohanan, tumitigil ang gawain ng Banal na Espiritu, at ipinapasa sila ng Diyos kay Satanas. Kapag nasa mga kamay na ni Satanas, lumalabas ang lahat ng anyo ng kapangitan—mga inggitan at alitan, halimbawa—sa pagitan ng mga tao. Ano ang inilalarawan ng mga pangyayaring ito? Na tumigil na ang gawain ng Banal na Espiritu, lumisan na Siya, at hindi na gumagawa ang Diyos. Kung wala ang paggawa ng Diyos, ano pa ang silbi ng mga simpleng titik at doktrinang nauunawaan ng tao? Walang silbi ang mga iyon. Kung wala ang paggawa ng Banal na Espiritu, hungkag ang kalooban ng mga tao—wala silang anumang maaarok. Para silang mga patay, at pagdating ng panahon, matutulala sila. Lahat ng inspirasyon, karunungan, katalinuhan, kabatiran, at kaliwanagan sa sangkatauhan ay nagmumula sa Diyos; lahat ng iyon ay gawa ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Naramdaman ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos mula sa Kanyang mga salita. May iba’t ibang saloobin ang Diyos sa mga tao depende sa kanilang pag-uugali. Kung ang isang tao ay may tamang motibo sa kanyang tungkulin, naghahanap sa katotohanan, at nakikipagkaisa sa iba para itaguyod ang gawain ng iglesia, nakakamit niya ang gawain ng Banal na Espiritu. Pero kung hindi niya isinasagawa ang katotohanan at namumuhay sa kanyang mga satanikong disposisyon, sa pagkasuklam ng Diyos ay tatalikuran Siya nito. Naisip ko ang mga kapatid na mula sa kabilang grupo na nagsisikap na matuto mula sa amin. Nakita kong mabilis silang matuto at mas epektibo kaysa sa amin, kaya nainggit ako. Inalis ko sila sa grupo para malampasan namin sila, hindi sila hinayaang patuloy na lumahok sa mga pagsasanay namin. Nang sa gayon ay hindi nila kami mapag-iiwanan. Kumikilos ako na parang isang hindi mananampalataya—lahat ito ay para sa sarili kong pakinabang. Palagi akong natatakot na malalampasan ako ng iba, at na makakaapekto iyon sa reputasyon at katayuan ko. Hindi ko itinaguyod ang gawain ng iglesia—napakamakasarili ko at kasuklam-suklam. Nabasa ko sa mga salita ng Diyos: “Kung wala ang paggawa ng Diyos, ano pa ang silbi ng mga simpleng titik at doktrinang nauunawaan ng tao? Walang silbi ang mga iyon. Kung wala ang paggawa ng Banal na Espiritu, hungkag ang kalooban ng mga tao—wala silang anumang maaarok. Para silang mga patay, at pagdating ng panahon, matutulala sila.” Noong sinimulan ko ang trabahong iyon, gusto kong matutunan ang mga kasanayan at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Nagdarasal ako at humihingi ng tulong kapag nagkakaproblema ako, mabilis akong natututo, at hindi ako kailanman napapagod. Pero mula nang maging mapagkumpitensya ako, hindi naghahanap sa katotohanan, at kumikilos batay sa katiwalian sa bawat pagkakataon, kinasuklaman at tinalikuran na ako ng Diyos. Wala akong direksyon at layunin sa tungkulin ko at naramdamang wala akong kakayahan sa lahat ng bagay. Nakita ko na kapag hindi gumagawa sa akin ang Diyos, nagiging walang silbi ang kung anong maliit na propesyonal na kaalaman na mayroon ako. Ito ang bunga ng hindi pagkakaroon ng tamang mga motibo sa aking tungkulin, palaging pinoprotektahan ang sarili kong mga interes, at hindi isinasagawa ang katotohanan.
Pagkatapos ay naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Inilalantad ng Diyos ang mga anticristo dahil sa pagsasaalang-alang lamang ng kanilang sariling mga interes, hindi iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Kahit ano pa ang suungin nilang gawain, hindi kailanman iniisip ng uri ng tao na isang anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling mga interes, ang iniisip lamang nila ay ang medyo magaan na gawaing nasa harapan nila na napapakinabangan nila. Para sa kanila, ang pangunahing gawain ng iglesia ay isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras. Hinding-hindi talaga nila ito sineseryoso. Wala silang gana sa kanilang pagsisikap, ginagawa lamang ang gusto nilang gawin, at ginagawa lamang ang gawain na mapanatili ang sarili nilang posisyon at kapangyarihan. Sa paningin nila, ang anumang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos ay hindi mahalaga. Anuman ang mga paghihirap ng ibang mga tao sa kanilang gawain, anuman ang mga isyung matuklasan at maiulat sa kanila, gaano man katapat ang kanilang mga salita, walang pakialam ang mga anticristo, hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Lubos silang walang malasakit sa mga nagaganap sa iglesia, gaano man kahalaga ang mga kaganapang ito. Kahit pa nga nasa harapan na nila mismo ang problema, hinaharap lang nila ito nang pabasta-basta. Kapag tuwiran lamang silang iwinasto ng Itaas at inutusang ayusin ang isang problema ay saka lamang sila padabog at totohanang magtatrabaho nang kaunti at magpapakita ng resulta sa Itaas; pagkatapos na pagkatapos nito, magpapatuloy sila sa sarili nilang gawain. Wala silang interes at walang pakialam patungkol sa gawain ng iglesia, patungkol sa mahahalagang bagay na may mas malalawak na konteksto. Binabalewala pa nga nila ang mga problemang natutuklasan nila, at nagbibigay sila ng mga walang ganang sagot o ginagamit ang kanilang mga salita upang balewalain ka kapag tinatanong sila tungkol sa mga problema, hinaharap lamang ang mga ito nang may labis na pag-aatubili. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at masama, hindi ba? Higit pa rito, anuman ang tungkuling ginagampanan ng mga anticristo, ang iniisip lamang nila ay kung ikaaangat ba nila ito; hangga’t patataasin nito ang kanilang reputasyon, pinipiga nila ang kanilang utak makaisip lamang ng paraan kung paano matutuhan ito, at kung paano ito isasakatuparan; ang iniintindi lamang nila ay kung magiging bukod-tangi ba sila dahil dito. Anuman ang gawin o isipin nila, iniisip lamang nila ang sarili nilang katanyagan at katayuan. Anuman ang tungkuling ginagampanan nila, nakikipagkumpitensya lamang sila para makita kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung sino ang mananalo at sino ang matatalo, kung sino ang mas may reputasyon. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kung gaano karaming tao ang mataas ang tingin sa kanila, gaano karami ang sumusunod sa kanila, at kung gaano karaming tagasunod ang mayroon sila. Hindi nila kailanman ibinabahagi ang katotohanan o nilulutas ang mga totoong problema. Hindi nila kailanman iniisip kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagampanan ang tungkulin ng isang tao, kung naging matapat ba sila, kung natupad ba nila ang kanilang mga pananagutan, kung nagkaroon ba sila ng paglihis, o kung mayroon bang anumang mga problema, ni hindi nila pinag-iisipan kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung ano ang kalooban ng Diyos. Hindi nila binibigyang-pansin ni bahagya ang lahat ng bagay na ito. Determinado lang silang nagsisikap at gumagawa ng mga bagay-bagay alang-alang sa katayuan at katanyagan, upang maisakatuparan ang sarili nilang mga ambisyon at ninanais. Pagpapamalas ito ng pagkamakasarili at pagiging ubod ng sama, hindi ba? Lubos nitong inilalantad kung paanong ang kanilang mga puso ay nag-uumapaw sa sarili nilang mga ambisyon, kagustuhan, at walang katuturang hinihingi; lahat ng ginagawa nila ay naiimpluwensyahan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais. Kahit ano pa ang gawin nila, ang motibasyon at pinag-uumpisahan ay ang sarili nilang mga ambisyon, kagustuhan, at walang katuturang hinihingi. Ito ang pinakatipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus (Unang Bahagi)). Inihahayag ng mga salita ng Diyos na ginagawa lang ng mga anticristo ang mga bagay-bagay para sa sarili nilang reputasyon at katayuan nang hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Hindi mahalaga sa kanila ang mga pagsasaayos ng iglesia at ang mga problema na mayroon ang iba sa kanilang tungkulin. Nagbubulag-bulagan sila sa anumang mga paghihirap na kinakaharap ng mga kapatid, talagang makasarili sila at ubod ng sama, at wala silang pagkatao. Sinuri ko ang pag-uugali ng mga anticristo at nagnilay-nilay kung paanong mukha akong nagdurusa at nagsasakripisyo, at ginagawa ang aking makakaya para matuto ng mga kasanayan sa tungkulin ko, pero hindi ko isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Itinuring ko ang tungkulin ko na parang isang kasangkapan na magagamit ko para magkamit ng katayuan at magandang reputasyon. Ang tanging isinasaalang-alang ko ay kung may katayuan ako sa mga tao, at kung hahangaan at pahahalagahan ba ako ng iba. Hindi ko kailanman inisip kung ano ang hinihingi ng Diyos o kung paano ko Siya dapat palugurin. Nang magkaroon ako ng kaunting tagumpay sa aking tungkulin at nilalapitan ako ng lahat kapag may mga katanungan, lubos na natugunan ang pag-aasam ko para sa reputasyon at katayuan. Kapag nagbabahagi ng aking propesyonal na kaalaman sa iba, nanloloko ako, nanlilinlang, at nililihim ang ilang nalalaman ko. Hindi ko ibinabahagi ang buong lawak ng mga kasanayan ko at inaalis ko ang mga taong lumalapit para matuto sa grupo namin upangwala silang matutunan mula sa amin, dahil natatakot ako na magiging mas mahusay sila at masasapawan ako. Pero gumagawa kami ng mga video upang ipalaganap ang mga salita ng Diyos, kaya dapat ay nakipagtulungan ako sa iba para magawa nang maayos ang mga tungkulin namin, para mas marami sa mga nananabik sa pagpapakita ng Diyos ang makakaharap sa Kanya nang mas maaga, mahahangad ang katotohanan, at maliligtas. Pero alang-alang sa pagpapanatili ng sarili kong reputasyon at katayuan, ayaw kong ibahagi ang mga kasanayan ko kaninuman. Itinuring ko ang aking mga propesyonal na kasanayan at mga rekurso sa pag-aaral na parang pansarili kong ari-arian para mag-isa kong tamasahin. Gusto ko lang magpakitang-gilas at tugunan ang aking matinding ambisyon na hangaan ng iba. Ni hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia o ang kalooban ng Diyos. Paanong naiiba ang pag-uugali ko sa isang anticristo? Tila isa talaga itong mapanganib na kalagayan, kaya’t nagdasal ako sa puso ko: “Diyos ko! Ayaw kong patuloy na balewalain ang konsensya ko at isipin lang ang aking mga interes. Handa na po akong magsisi, na ituro sa lahat ang mga kasanayan ko, at gawin nang maayos ang tungkulin ko.”
Pagkatapos ay nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala nang iba pang mas mahirap talikuran kaysa sa sarili nilang mga interes. Iyon ay dahil ang mga pilosopiya nila sa buhay ay ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba’ at ‘Pilitin mong yumaman hanggang sa mamatay ka.’ Malinaw na nabubuhay lang sila para sa sarili nilang mga interes. Iniisip ng mga tao na kung hindi sa kanilang sariling mga interes—kung mawawala ang kanilang mga interes—hindi sila mabubuhay, para bang hindi maihihiwalay ang buhay nila sa sarili nilang mga interes, kaya nga karamihan sa mga tao ay bulag sa lahat maliban sa sarili nilang mga interes. Mas mataas ang tingin nila sa mga ito kaysa sa iba pang bagay, nabubuhay lang sila para sa sarili nilang mga interes, at kapag hinikayat mo silang isuko ang sarili nilang mga interes, para mo na ring hiniling na isuko nila ang buhay nila. Kaya, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Dapat nilang tanggapin ang katotohanan. Ang tanging paraan para makita ng mga tao ang diwa ng sarili nilang mga interes ay kapag naunawaan nila ang katotohanan; sa ganitong paraan lamang nila matututunang bitawan, talikuran, at tiisin ang sakit na pakawalan ang mga bagay na labis nilang mahal. At kapag kaya mo na itong gawin, at talikuran ang mga sarili mong mga interes, mas mapapanatag ka at mas magiging payapa sa iyong puso, at kapag ginawa mo iyon madadaig mo ang laman. Kung kumakapit ka sa sarili mong mga interes at hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti—kung sinasabi mo sa iyong puso na, ‘Anong problema na pagsikapan ko ang sarili kong mga interes at tumangging mawalan? Hindi naman ako pinarusahan ng Diyos, at ano ang magagawa ng mga tao sa akin?’—kung gayon, walang sinuman ang gagawa ng anumang bagay sa iyo. Pero kung ito ang pananampalataya mo sa Diyos, mabibigo ka sa huli na matamo ang katotohanan at ang buhay, na magiging isang malaking kawalan para sa iyo: Hindi ka maliligtas. May mas matindi pa bang panghihinayang dito? Ito ang kasasapitan sa huli ng pagsisikap mo para sa sarili mong mga interes. Kung katayuan at katanyagan lamang ang hinahangad ng mga tao—kung sariling mga interes lamang ang pinagsisikapan nila—hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan at ang buhay, at sila ang mawawalan sa huli. Inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, at kung wala kang kakayahang pagnilay-nilayan at alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, tunay ngang hindi ka magsisisi, at hindi ka magkakaroon ng pagpasok sa buhay. Ang pagtanggap sa katotohanan at ang kilalanin ang iyong sarili ay ang landas tungo sa pag-unlad ng iyong buhay at sa kaligtasan, ito ang pagkakataon para sa iyo na lumapit sa harapan ng Diyos at tanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at matamo ang buhay at ang katotohanan. Kung susukuan mo ang paghahangad ng katotohanan dahil naghahangad ka ng katayuan at katanyagan at sarili mong mga interes, katumbas lang ito ng pagsuko sa oportunidad na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at pagtatamo ng kaligtasan. Pinipili mo ang katayuan at katanyagan at ang sarili mong mga interes, pero ang isinusuko mo naman ay ang katotohanan, at ang mawawala sa iyo ay buhay, at ang pagkakataong maligtas. Ano ang mas mahalaga? Kung pipiliin mo ang sarili mong mga interes at tatalikuran ang katotohanan, hindi ka ba hangal? Sa madaling salita, isa itong malaking kawalan para sa isang maliit na pakinabang. Ang katanyagan, katayuan, pera, at interes ay pawang pansamantala lamang, panandalian ang lahat ng ito, samantalang ang katotohanan at ang buhay ay walang-hanggan at hindi nagbabago. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang tiwaling disposisyon na nagsasanhi para hangarin nila ang katayuan at katanyagan, may pag-asa silang magtamo ng kaligtasan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na kung lagi akong kakapit sa sarili kong mga interes at lubusang magpapabaya sa pagsasagawa ng katotohanan, ako ang magdurusa ng kawalan, hindi ang ibang tao. Mawawalan ako ng pagkakataong makamit ang katotohanan, kaya magiging napakahangal ko. Noon, namuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya. Naniwala ako na “Sa sandaling maging dalubhasa ang estudyante, nawawalan ng trabaho ang maestro,” iniisip na sa pamamagitan ng pagtuturo sa iba ng nalalaman ko, madedehado ako. Kung mabilis silang matuto, at sa huli ay mas maraming matamo kaysa sa akin, hindi ako magkakaroon ng anumang espesyal na katayuan sa mga tao. Noon ko lang nakita na isa iyong satanikong maling paniniwala at mapanlinlang na pagharap sa mga bagay-bagay. Ang pamumuhay nang ganoon ay ginagawa lang akong higit na makasarili, mapanlinlang, at walang pagkatao. Sa huli ay ilalantad at palalayasin ako ng Diyos. Kailangan kong isantabi ang sarili kong mga interes at ituro sa iba ang nalalaman ko. Iyon lang ang naaayon sa kalooban ng Diyos at tutupad sa mga responsibilidad ko. Iyon ang paraan para maging mapayapa ang puso ko. At saka, kapag nakakabuo ng mga bagong ideya ang mga kapatid mula sa naituro ko sa kanila, maaaring mas huhusay ang mga kasanayan ko dahil dito. Hindi iyon kawalan. Ayaw kong patuloy na mamuhay nang napakamakasarili, at sa tuwing mayroon akong magandang pamamaraan o kasanayan, ikinagagalak kong sabihin ito sa lahat.
Isang araw, tinanong ako ng isang sister kung paano mapapabuti ang kahusayan sa gawain. Naisip ko na kung ibabahagi ko sa kanya ang mga pamamaraan ng aming grupo at mas gumaling ang grupo niya, magmumukha kaming mas mahina. Tapos, ano ang iisipin ng mga tao sa akin? Nang sandaling iyon, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, magkaroon ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, at unahin mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay nang makatarungan at marangal kaysa pagiging kasuklam-suklam at salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Lumapit ang sister na iyon para magtanong kung paano pagbutihin ang kanyang kahusayan dahil iniisip niya ang gawain ng iglesia. Kailangan kong ihinto ang pag-aalala sa sarili kong reputasyon at katayuan, isaalang-alang ang mga interes ng iglesia, bitiwan ang aking mga makasariling hangarin at motibo, at tulungan ang iba. Kaya, sinabi ko sa sister ang lahat ng nalalaman ko. Napayapa ang pakiramdam ko nang gawin ko iyon. Sa gulat ko, binigyan din niya ako ng ilang magagandang materyal sa pag-aaral, na nakatulong sa akin na mapabuti ang aking mga kasanayan. Sobra akong naantig na hindi ko alam ang sasabihin ko. Paulit-ulit lang akong nagpapasalamat sa Diyos sa puso ko. Ang matutong bitiwan nang paunti-unti ang pansarili kong mga interes ay nagbigay-daan sa akin na matikman ang tamis ng pagsasagawa ng katotohanan. Pagkatapos niyon, ipinadala ko sa iba ang lahat ng materyal sa pag-aaral at mga kapaki-pakinabang na kasanayan at pamamaraan na nakolekta ko bilang sanggunian.
Ipinakita sa akin ng karanasang ito kung gaano ako kalubhang ginawang tiwali ni Satanas. Ang mga pansarili kong interes ang pinakamahalaga sa lahat, at hindi ko inisip ang gawain ng iglesia. Nagpakita ako ng disposisyon na tulad sa isang anticristo, pero hindi ako pinakitunguhan ng Diyos ayon sa aking mga paglabag. Nagsaayos Siya ng iba’t ibang sitwasyon para linisin at baguhin ako. Ito ang pagmamahal ng Diyos. Naranasan ko rin ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Noong nasa maling landas ako, itinago ng Diyos ang Kanyang mukha sa akin at nahirapan ako sa lahat ng ginawa ko. Nang isagawa ko ang mga salita ng Diyos, itinuwid ang aking mga motibo, itinaguyod ang gawain ng iglesia, at ibinahagi sa lahat ang kaalamang taglay ko, nagsimulang makipagpalitan ng mga kasanayan at pamamaraan ang lahat, at napabuti ang gawain ng video ng grupo namin. Talagang naranasan ko ang kapayapaang iyon na nagmumula sa pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos. Minsan naiisip ko pa rin ang mga sarili kong interes sa harap ng mga problema, pero natuto akong manalig sa Diyos at talikdan ang aking sarili. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!