8. Mga Aral na Natutuhan Mula sa Paglalaan ng mga Iglesia
Sa unang bahagi ng 2021, dahil lumalago nang husto ang mga iglesia namin, nagpasya ang lider na hatiing muli ang mga responsibilidad ko at ng iba ko pang mga kasamahan. Hindi ko ito masyadong pinag-isipan noong una, pero nang mas nalaman ko kung anong nangyayari, nakita ko na mas maraming problema ang mga iglesiang magiging responsabilidad ko. Karamihan sa mga baguhan ay wala pang magandang posisyon sa kanilang pananalig, at ang mga lider at diyakono ay hindi pa napipili lahat. Pero ang mga iglesiang pinamahalaan ni Sister Lilly ay mas maayos ang lagay kaysa sa akin. Ang mga bagong mananampalataya na iyon ay medyo matatag ang lagay at may mahusay na kakayahan, at ang kanilang mga lider at diyakono ay talagang responsable. Hindi ko naiwasang mainggit sa kanya. Inisip ko kung bakit niya nakuha ang mas maaayos na mga iglesia, habang iyong sa akin ay may napakaraming problema. Mangangailangan ito ng sobra-sobrang pagsusumikap ko para pamahalaan ang gawain! Kung hindi ko mapagalaw ang mga bagay-bagay, anong iisipin ng lider sa akin? Sasabihin ba niyang wala akong kakayahan at walang magawa na kahit ano? Baka hindi niya ako masyadong magustuhan. Ang pag-iisip niyon sa gano’ng paraan ay talagang nakakadismaya para sa akin. Pagkatapos noon, kapag pumupunta sa mga pagtitipon ng mga iglesiang iyon, palaging maraming problema na kailangang lutasin na kumakain ng maraming oras. Pareho ang sitwasyon sa bawat iglesia. Hindi ako masyadong nakakapagpahinga at talagang nahihirapan ako sa mga tungkulin ko. Iniisip ko na ang isang bagay na kayang gawin ni Sister Lilly sa loob ng isang oras ay tatagal ng dalawa o tatlong oras sa akin. Ang sarili kong kakayahan at mga kasanayan ay limitado, pero napakaraming problema ng mga iglesia. Wala akong nagagawang kapansin-pansin na pag-unlad sa kabila ng lahat ng oras at pagsusumikap na iyon, kaya kapag ikinumpara ng lider ang mga resulta ko kay Sister Lilly, tiyak na iisipin niyang pangkaraniwan ako, na hindi ako magaling at walang binatbat kay Sister Lilly. Sobrang sama ng kalagayan ko nang panahon iyon, at sa tuwing may nakakaharap akong problema, talagang hindi ako nasiyahan at pakiramdam ko’y ginagawan ako ng masama. Pagod ang isip at katawan ko. Kaya, lumapit ako sa Diyos para manalangin at maghanap, sinasabing, “Diyos ko, alam kong pinahintulutan Mo ang pamamahaging ito ng gawain at dapat akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos, pero lumalaban pa rin ako. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan na maunawaan ang Iyong layunin at makilala ang sarili kong katiwalian.”
Tapos nabasa ko ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos, at ang isa sa mga ito ay eksakto sa kalagayan ko nang panahong iyon. Sabi ng Diyos: “Kung marami ka nang natutunan at nabigyan ka na ng Diyos ng marami, dapat kang bigyan ng mas mabigat na pasanin—hindi para pahirapin ang buhay mo, kundi dahil ito ang mismong nababagay sa iyo. Tungkulin mo ito, kaya huwag mong subukang mamili, o tanggihan, o takasan ito. Bakit mo iniisip na mahirap ito? Ang totoo, kung medyo isasapuso mo ito, ganap na makakaya mo ito. Ang pag-iisip mo na mahirap ito, na hindi ito patas na pagtrato, na sadya kang pinag-iinitan—iyan ay pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. Ito ay pagtangging gampanan ang iyong tungkulin, hindi pagtanggap mula sa Diyos. Hindi ito pagsasagawa ng katotohanan. Kapag namimili ka sa paggampan ng iyong tungkulin, ginagawa kung ano ang magaan at madali, ginagawa kung ano lang ang pinagmumukha kang magaling, ito ay isang tiwaling satanikong disposisyon. Ang hindi mo magawang tanggapin ang iyong tungkulin o makapagpasakop ay nagpapatunay na mapaghimagsik ka pa rin laban sa Diyos, na ikaw ay sumasalungat sa Kanya, at tumatanggi, at umiiwas sa Kanyang mga pagsasaayos at hinihingi. Ito ay isang tiwaling disposisyon. Ano ang dapat mong gawin kapag nalaman mong ito ay isang tiwaling disposisyon? Kung nadarama mo na ang mga gawaing ibinibigay sa iba ay madaling tapusin samantalang ang mga gawaing ibinibigay sa iyo ay ginagawa kang abala sa mahabang panahon at kinakailangan dito na magsikap ka sa pagsasaliksik, at dahil dito ay hindi ka masaya, tama ba na hindi ka maging masaya? Talagang hindi. Kaya, ano ang dapat mong gawin kapag nadama mong mali ito? Kung ikaw ay mapanlaban at sinasabi mong, ‘Tuwing nagbibigay sila ng mga trabaho, ibinibigay nila sa akin ang mahihirap, marurumi, at higit na mabigat na gawain, at ibinibigay nila sa iba ang magagaan, simple, at kapansin-pansin na gawain. Iniisip ba nilang isa akong tao na madali nilang ipagtulakan? Hindi ito patas na paraan ng pamamahagi ng mga trabaho!’—kung ganyan ka mag-isip, iyan ay mali. Mayroon man o walang mga paglihis sa pamamahagi ng mga trabaho, o makatwiran man o hindi ang pamamahagi ng mga ito, ano ang masusing sinisiyasat ng Diyos? Ang puso ng tao ang masusi Niyang sinisiyasat. Tinitingnan Niya kung ang isang tao ay may pagpapasakop sa kanyang puso, kung nakapagdadala siya ng ilang pasanin para sa Diyos, at kung minamahal niya ang Diyos. Batay sa pagsukat ng mga hinihingi ng Diyos, imbalido ang iyong mga palusot, hindi pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa iyong tungkulin, at hindi mo taglay ang katotohanang realidad. Walang-wala kang pagpapasakop, at nagrereklamo ka kapag gumagawa ka ng ilang gawaing maraming hinihingi o marumi. Ano ang problema rito? Unang-una, mali ang iyong mentalidad. Ano ang ibig sabihin niyan? Nangangahulugan iyan na mali ang iyong saloobin sa iyong tungkulin. Kung lagi mong iniisip ang sarili mong pride at mga interes, at wala kang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at walang-wala kang pagpapasakop, hindi iyan ang wastong saloobin na dapat mayroon ka sa iyong tungkulin. Kung matapat kang gumugugol para sa Diyos at may mapagmahal-sa-Diyos na puso, paano mo tatratuhin ang mga gawaing marurumi, mabibigat, o mahihirap? Magiging iba ang iyong mentalidad: Pipiliin mong gawin ang anumang mahirap at hahanapin ang mabibigat na pasanin na isasabalikat. Tatanggapin mo ang mga gawaing ayaw tanggapin ng ibang tao, at gagawin mo ito dahil lamang sa pagmamahal sa Diyos at para mapalugod Siya. Mapupuno ka ng galak sa paggawa nito, nang walang anumang bahid ng reklamo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa nito, pinagnilayan ko kung anong ibinunyag ko noong mga nakaraang araw na iyon. Nang makitang walang magandang pundasyon ang mga baguhan ng mga iglesiang pinamahalaan ko at kakaunti ang may kayang umako ng tungkulin, talagang nakaramdam ako ng paglaban. Hindi pa napili ang lahat ng lider at diyakono at mahirap pangasiwaan ang iba’t ibang proyekto, kaya hindi ko lang kailangang gumugol ng oras at lakas para pamahalaan ang mga bagay, kundi baka hindi rin maging maganda ang kalabasan ng mga ito at pagkatapos ay hindi ako magmukhang magaling. Ginusto ko lang pangasiwaan ang mga iglesiang maayos na ang takbo, nang sa gayon ay hindi ko na kailangang mag-alala nang husto tungkol sa mga bagay-bagay at mas madali akong makakakuha ng mga resulta, at mas gaganda ang tingin sa akin ng iba. Palagi kong iniisip na ang paghahati ng gawain sa gayong paraan ay hindi patas para sa akin, na nakuha ni Sister Lilly ang madaling gawain na magpapamukhang magaling siya, samantalang nakuha ko ang mahirap at nakakapagod na gawain. Hindi ako mamumukod-tangi o magkakamit ng pagpupugay. Kaya talagang tutol ako sa gayong paghahati ng gawain at ayokong tanggapin ito. Pero sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita kong ang paraan ko ng pag-iisip tungkol dito ay pagtanggi sa tungkuling iyon, pagiging pihikan at pag-ayaw gawin ang kahit ano na hindi nagdadala sa akin ng mga pakinabang. Ni katiting ay hindi ako naging masunurin. Palagi kong inisip na talagang tapat at responsable ako sa tungkulin ko, at hindi ko kailanman inasahan na mabubunyag ako sa gayong paraan. Nakita kong mali ang mga motibo at pananaw ko sa aking tungkulin. Sa halip na subukang tuparin ang aking tungkulin para mapalugod ang Diyos, ginusto kong makuha ang paghanga at papuri ng iba. Paano ko makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagkikimkim ng mga layuning iyon sa aking tungkulin?
Kalaunan, may nabasa akong sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung nais mong maging deboto sa lahat ng bagay at matugunan ang mga layunin ng Diyos, hindi mo iyon magagawa sa pamamagitan lamang ng paggampan ng isang tungkulin; kailangan mong tanggapin ang anumang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo. Tumutugon man ito sa iyong panlasa o sa iyong mga interes, o isang bagay man ito na hindi nakakasiya sa iyo, o na hindi mo pa nagawa dati at mahirap para sa iyo, dapat mo itong tanggapin at magpasakop ka rito. Hindi mo lamang dapat tanggapin ito, kundi kailangan mo ring aktibong makipagtulungan, matuto ng mga propesyonal na kasanayan, at magkamit ng mga karanasan at pagpasok. Kahit pa magdusa ka ng paghihirap, pagkapagal, kahihiyan, o pagbubukod, kailangan mo pa ring gampanan ito nang may debosyon. Sa pagsasagawa lamang sa ganitong paraan mo magagawang maging deboto sa lahat ng bagay at matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat mo itong gampanan bilang iyong tungkulin, hindi bilang sarili mong proyekto. Paano mo dapat maunawaan ang tungkulin? Ang tungkulin ay isang bagay na ibinibigay ng Lumikha—ng Diyos—sa isang tao para gawin; ganito nalilikha ang mga tungkulin ng mga tao. Ang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo ay tungkulin mo, at ganap na likas at may katwiran na gampanan mo ang iyong tungkulin gaya ng hinihingi ng Diyos. Kung malinaw sa iyo na ang tungkuling ito ay atas ng Diyos, at na ito ay pagmamahal ng Diyos at pagpapala ng Diyos para sa iyo, magagawa mong tanggapin ang iyong tungkulin nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at magagawa mong maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magagawa mong mapagtagumpayan ang lahat ng paghihirap para mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang mga tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos ay hinding-hindi dapat tumanggi sa atas ng Diyos; hindi nila dapat tanggihan kailanman ang anumang tungkulin. Kahit ano pang tungkulin ang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo, kahit ano pang mga paghihirap ang nasasangkot dito, hindi mo ito dapat tanggihan, kundi tanggapin. Ito ang landas ng pagsasagawa, ang isagawa ang katotohanan at maging deboto sa lahat ng bagay upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Ano ang susing punto rito? Ito ang mga salitang ‘sa lahat ng bagay.’ Ang ‘lahat ng bagay’ ay hindi naman laging umaayon sa iyong mga nais, at hindi rin naman laging mga bagay na gusto mong gawin o na nalulugod kang tanggapin. May ilang gampanin na hindi ka sanay at dapat mong matutunang gawin; may ilan na mahirap; ang iba ay nangangailangan na magdusa ka. Ngunit anuman ito, hangga’t ito ay isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos; dapat mong akuin ang tungkuling ito, at ibuhos ang iyong puso sa pagtupad nito nang maayos, upang maihandog mo ang iyong debosyon at matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa. Anuman ang mangyari, dapat lagi mong hanapin ang katotohanan, at sa sandaling nakatitiyak ka na kung anong uri ng pagsasagawa ang naaayon sa mga layunin ng Diyos, ganoon ka dapat magsagawa. Tanging sa paggawa nito mo isinasagawa ang katotohanan, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa katotohanang realidad” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nang mabasa ko ito, alam kong totoo ito. Ang isang tungkulin ay nagmumula sa Diyos, atas Niya ito sa atin at responsibilidad natin ito. Gaano man ito kahirap o gaano man kaliit ang karangalan dito, obligasyon natin ito na kailangan nating tanggapin. Iyon ang saloobing dapat mayroon tayo, at ito ang katwiran na kailangang taglayin ng isang nilikha sa harap ng Diyos. Ang mga iglesiang iyon na pinangasiwaan ko ay hindi ang gusto ko, at ang pagnanasa ko sa katayuan ay hindi matutugunan, pero ito ang pinahintulutan ng Diyos. Kailangan ko itong tanggapin mula sa Diyos, at ihinto ang pagtrato sa tungkulin ko mula sa maling perspektiba. Lumapit ako sa Diyos para manalangin, gustong magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, para gawin ang lahat ng makakaya ko sa aking tungkulin, diligan nang maayos ang mga bagong mananampalataya, at tulungan silang maging matatag sa tunay na landas sa lalong madaling panahon. Medyo bumuti ang pag-uugali ko sa tungkulin ko pagkatapos ng dasal na iyon at hindi na masyadong masama ang loob ko.
Makalipas ang ilang panahon, parami nang parami ang iglesia na itinatayo, kaya muling hinati ng lider ang aming mga responsibilidad. Ang nag-iisang iglesia na medyo maayos ang lagay at ang nag-iisang sister na mahusay sa pagdidilig ng mga baguhan sa loob ng saklaw ko ay inilipat sa responsabilidad ng ibang mga katrabaho. Talagang sumama ang loob ko at hindi ako natuwa rito. Akala ko’y lubos nilang naunawaan ang sitwasyon ko, na pinangasiwaan ko ang mga iglesiang may pinakamaraming problema at nahihirapan na ako sa gawain. Hindi naging madaling hanapin ang magaling na tagapagdilig na kapatid na iyon, at ililipat pa siya, kaya paano ko magagawa ang kahit ano sa gawain ko? Kung patuloy akong mahihirapan na makakuha ng magagandang resulta, anong iisipin ng iba sa akin? Iisipin nilang wala akong kakayahan at hindi ko kayang gawin ang mga bagay. Magiging sobrang kahiya-hiya iyon! Anong mukha ang ihaharap ko sa mga pagpupulong ng mga kasamahan pagkatapos no’n? Naiyak ako sa pag-iisip nito. Napagtanto ko ring hindi na naman ako nasiyahan at naging masuwayin. Kaagad akong lumuhod sa panalangin, at sinimulang pagnilayan ang aking sarili. Pagkatapos ay nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit ano pa ang gawaing pananagutan nila, hindi kailanman iniisip ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung naaapektuhan ba ang kanilang sariling mga interes at ang iniisip lamang nila ay ang maliit na bahagi ng gawaing nasa harapan nila na napapakinabangan nila. Para sa kanila, ang pangunahing gawain ng iglesia ay isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras. Hinding-hindi talaga nila ito sineseryoso. Gumagalaw lang sila kapag pinapakilos sila, ginagawa lamang ang gusto nilang gawin, at ginagawa lamang ang gawain na alang-alang sa pagpapanatili ng sarili nilang kapangyarihan at katayuan. Sa paningin nila, ang anumang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos ay hindi mahalaga. … Anuman ang tungkuling ginagawa ng mga anticristo, lagi nilang isinasaalang-alang kung makakapagpasikat ba sila; hangga’t nakapagpapaganda ng kanilang reputasyon ang isang tungkulin, pipigain nila ang kanilang utak at susubukan nilang umisip ng lahat ng posibleng paraan upang matutunan kung paano ito gawin at isakatuparan. Hangga’t kaya nilang humigit sa iba, nasisiyahan sila. Anuman ang ginagawa o iniisip nila, ang iniisip lang nila ay ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan sa bawat pagkakataon. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, nakikipagkompetensiya lang sila upang makita kung sino ang nakatataas, kung sino ang nananalo, at kung sino ang may mas malaking katanyagan. Ang pinapahalagahan lang nila ay kung ilang tao ang umiidolo at tumitingala sa kanila, kung ilang tao ang nakikinig sa kanila at sumusunod sa kanila. Hindi sila kailanman nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan o lumulutas ng mga tunay na problema. Hindi nila kailanman isinasaalang-alang kung paano gagawin ang kanilang tungkulin sa paraang mapangangasiwaan nila ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, ni hindi nila pinagninilayan kung mayroon silang debosyon, kung natupad ba nila ang kanilang mga responsabilidad, kung mayroon bang anumang mga paglihis, nakaligtaan, o problema sa kanilang gawain, lalong hindi nila isinasaalang-alang kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, at kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila binibigyang-pansin ang lahat ng bagay na ito kahit kaunti. Nagpapakasubsob lang sila sa kanilang gawain alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at upang bigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga ambisyon at pagnanais. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama? Ganap nitong inilalantad ang katunayan na ang kanilang puso ay puno ng mga ambisyon, pagnanais, at mga hindi makatwirang hinihingi, at na ang bawat kilos nila ay pinamamahalaan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais. Anuman ang gawin nila, ang motibasyon at pinagmulan ng kanilang mga kilos ay nagmumula sa sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at mga hindi makatwirang hinihingi. Isa itong tipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Sinasabi ng mga salita ng Diyos kung gaano kamakasarili at kasuklam-suklam ang mga anticristo, na mayroon silang mga sariling ambisyon at pagnanasa sa kanilang tungkulin at palaging pinoprotektahan ang mga sarili nilang interes sa kanilang diskarte sa mga bagay-bagay. Anuman ang tungkulin na ginagawa nila, hindi nila kailanman iniisip ang mga layunin ng Diyos, kung paano gagawin nang maayos ang kanilang tungkulin, o siguraduhing hindi naaapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Reputasyon at katayuan lang ang iniisip nila, walang pakialam sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tungkol naman sa aking pag-uugali, nang makitang maraming problema ang mga iglesiang nasa pangangalaga ko, ang unang pumasok sa isip ko ay hindi kung paano sumandal sa Diyos para gawin ang makakaya ko para suportahan sila, kundi ang takot ko na hindi ako makagawa nang maayos at na hamakin ako ng iba, na magiging isang kahihiyan. Tutol at hindi ako natuwa sa pamamahagi ng gawain, at nagpabaya pa nga sa aking tungkulin. Noong nalaman kong ang isang magaling na kapatid na gumagawa sa ilalim ng pamamahala ko ay ililipat, ang unang reaksyon ko ay mawawalan ako ng isang magaling na manggagawa, kaya ang mga sarili kong tagumpay sa gawain ay mababawasan. Pagkatapos ay iisipin ng lider na wala akong kakayahan at hindi ko mapamahalaan ang gawain ng iglesia. Napagtanto kong ang inisip ko lang sa tungkulin ko ay ang sarili kong reputasyon at katayuan, kung paano ako makakaraos nang walang masyadong pagsusumikap, at makapagpapasikat pa rin at makakamit ang paghanga ng iba. Hindi ko tiningnan ang kabuuan ng gawain ng iglesia. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam, at iyon ay disposisyon ng isang anticristo. Nang mapag-isipan itong mabuti, alam kong ang maitalaga sa mga iglesia na mas maraming problema ay layunin ng Diyos. Ang mga iglesiang iyon na may mas maraming isyu at baguhan na hindi pa masyadong matatag ay nagtulak sa akin na sumandal sa Diyos at mas hanapin ang katotohanan para lutasin ang lahat ng mga problemang iyon. Kinailangan ko ring mas magbayad ng halaga para suportahan sila, nang sa gayon ay matutuhan nila ang katotohanan sa gawain ng Diyos at magkaroon ng pundasyon sa tunay na daan. Isa itong magandang pagsasanay para sa akin. At habang pahirap nang pahirap ang mga bagay, mas lalo akong napilitan nito na ang katotohanan at maghanap ng mga solusyon, nang sa gayon ay matutuhan ko ang maraming katotohanan sa gayong paraan. Mabuti ito para sa pagpasok ko sa buhay. Tapos napagtanto ko na ang tungkuling iyon ay hindi pagpapahirap sa akin ng kahit sino, kundi, may pagsang-ayon ito ng Diyos at nakabubuti ito para sa akin. Kailangan kong tanggapin ito at magpasakop, at isapuso ito. Ang pagkatantong ito ay nakatulong sa akin na baguhin ang pag-uugali ko, at hindi na masyadong masama ang loob ko.
Pagkatapos noon, may nabasa pa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na mas maunawaan ang aking problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung sinasabi ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahangad niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang layong hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang paggampan ng kanyang tungkulin ay hindi upang magpasakop o magbigay-kaluguran sa Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanyang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagsasagawa ng sarili nilang proyekto, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagawa ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa diwa, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos nang normal at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang kanilang buhay pagpasok, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba’t masasabing ito ay pagtahak sa landas ng isang anticristo? Kapag hinihingi ng Diyos na bitiwan ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi naman sa inaalis Niya ang karapatan ng mga tao na pumili nang malaya; bagkus, ito ay dahil habang naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagagambala at nagugulo ng mga tao ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos, at maaari pa nga silang makaimpluwensiya sa pagkain at pag-inom ng maraming tao ng mga salita ng Diyos, sa pag-unawa nila sa katotohanan, at pagtatamo ng pagliligtas ng Diyos. Ito ay isang katunayang hindi maipagkakaila. Kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, siguradong hindi nila hahangarin ang katotohanan at hindi nila debotong tutuparin nang maayos ang kanilang tungkulin. Magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at lahat ng gawaing ginagawa nila, nang wala ni katiting na eksepsiyon, ay alang-alang sa mga bagay na iyon. Ang umasal at kumilos sa gayong paraan ay walang pagdududang pagtahak sa landas ng mga anticristo; ito ay isang paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos, at lahat ng iba’t ibang kahihinatnan nito ay nakakahadlang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos sa loob ng iglesia. Kaya, maaaring sabihin nang may katiyakan na ang mga naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay tumatahak sa landas ng paglaban sa Diyos; sadya nilang nilalabanan ang Diyos at kinokontra Siya, at nakikipagtulungan kay Satanas sa paglaban sa Diyos at pagsalungat sa Kanya. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang mali sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga mithiin ni Satanas, at ang mga ito ay mga buktot at hindi makatarungang layon. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga personal na interes gaya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagagamit na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan na sila ni Satanas. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa iglesia; sa gawain ng iglesia, at sa normal na buhay iglesia at normal na paghahangad ng mga taong hinirang ng Diyos, ang epekto nila ay ang mang-abala at maminsala; mayroon silang masama at negatibong epekto. Kapag hinahangad ng isang tao ang katotohanan, nagagawa niyang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at ang pasanin ng Diyos. Kapag ginagawa niya ang kanyang tungkulin, itinataguyod niya ang gawain ng iglesia sa lahat ng aspekto. Nagagawa niyang dakilain ang Diyos at magpatotoo sa Diyos, pakinabang ang dulot niya sa mga kapatid, at sinusuportahan at tinutustusan niya ang mga ito, at nakakamit ng Diyos ang kaluwalhatian at patotoo, na nagdadala ng kahihiyan kay Satanas. Bilang resulta ng kanyang paghahangad, nagkakamit ang Diyos ng isang nilikha na tunay ngang may kapabilidad na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, na nagagawang sambahin ang Diyos. Bilang resulta rin ng kanyang paghahangad, naisasakatuparan ang kalooban ng Diyos, at ang gawain ng Diyos ay umuunlad. Sa mga mata ng Diyos, positibo ang gayong paghahangad—ito ay matapat. Ang gayong paghahangad ay napakalaking pakinabang para sa mga hinirang ng Diyos, at lubos ding kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, nakakatulong ito upang mapausad ang mga bagay-bagay, at sinasang-ayunan ito ng Diyos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Binigyan ako nito ng higit na pag-unawa sa paghahangad ko ng pansariling interes. Napagtanto kong kapag ginagawa iyon ng mga tao, kumikilos sila sa ngalan ni Satanas, nagiging kasangkapan nito para gambalain ang gawain ng iglesia. Dati, inisip ko na tanging ang paggawa ng mga halatang masasamang bagay, malinaw na paghadlang sa gawain ng iglesia at sa buhay-iglesia ay pag-asta bilang isang alagad ni Satanas. Pero nakita ko na kung ang hahangarin lang natin sa ating tungkulin ay mga pansariling interes at babalewalain ang mga interes ng iglesia, magkakaroon lang tayo ng negatibong epekto sa gawain ng iglesia at makakagambala tayo. Inisip ko kung ano ang ibinunyaga ko sa aking tungkulin, at kahit na mukhang hindi ako kailanman nagpakatamad, na kaya kong pangasiwaan ang ilang mahihirap na gawain at magpuyat sa trabaho, at kahit kailan ay wala akong ginawang anumang talagang nakakagambala, wala akong mga tamang motibo sa aking tungkulin. Hindi ito para mapalugod ang Diyos, sa halip, ito’y isang pagtatangkang mamukod-tangi at makamit ang paghanga ng iba. Noong hindi ko nagustuhan ang pagkakahati-hati ng gawain, talagang hindi ako nakuntento at nagpakatamad ako. Hindi ko kayang basta magpasakop at isipin kung paano gagawin nang maayos ang tungkulin ko, o kung paano mag-aalok ng agarang suporta sa mga kapatid. Nahadlangan ko na ang aming gawain ng pagdidilig nang hindi ko namamalayan. Ang totoo niyan, mas marami akong karanasan kaysa sa mga kasamahan ko. Bago lang sa gawain ang ibang mga kapatid at hindi pamilyar sa gawain ng iglesia, kaya ang pagtatalaga ng mas maaayos na iglesia at tagapagdilig sa kanila ay mabuti para sa aming pangkalahatang gawain. Pero makasarili ako, gustong panatilihin ang maaayos na iglesia at tagapagdilig sa ilalim ng pamamahala ko. Kung nasunod ang gusto ko, at napunta sa mga bagong katrabaho ang mga iglesia na mayroong mas maraming problema, maaapektuhan ang gawain at hindi ito magiging mabisa, na hindi magiging mabuti para sa gawain ng iglesia. Mas marami ang problema ng mga iglesia ko, pero sa totoo ay magandang pagsasanay ito para sa akin. Kung makapaglalaan lang ako ng kaunti pang pagsusumikap at isasapuso ito, magagawa ko pa rin ang ilan sa mga bagay na iyon, at maaaring bumuti ang aming pangkalahatang kahusayan. Hindi ba’t iyon ang pinakamainam na pagsasaayos? Tapos napagtanto ko kung paanong inilantad ng hatian ng gawaing ito ang aking makasarili, kasuklam-suklam, at di-makatwirang pag-iisip. Nakita ko rin na kung may mga makasarili akong interes sa tungkulin ko, maaaring makagambala lang iyon sa gawain ng iglesia. Dati-rati, reputasyon at katayuan, at mga personal na interes lang ang habol ko sa aking tungkulin, at bilang resulta, nakagawa ako ng mga pagsalangsang. Kung hindi ako nagbago sa pagkakataong iyon, sa halip ay nagpatuloy na suwail na protektahan ang mga sarili kong interes, alam kong magagambala kong muli ang gawain ng iglesia, at maitataboy ako ng Diyos. Nakakatakot na isipin ito para sa akin. Lumapit ako sa Diyos para magdasal at magsisi. Sabi ko, “Diyos ko, wala akong ibang ginawa sa tungkulin ko kundi protektahan ang mga sarili kong interes nang hindi iniisip ang kabuuang gawain ng iglesia o ang Iyong mga layunin. Sa pagkataong taglay ko, hindi ako karapat-dapat na tumanggap ng tungkulin. Diyos ko, gusto kong tunay na magsisi.”
Pagkatapos noon, may nabasa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nagbigay sa akin ng landas para sa pagpasok: “Para sa lahat ng gumagampan ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng pagsasagawa para sa pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa bawat pagkakataon, binibitiwan ang kanilang mga makasariling pagnanais, mga personal na intensyon, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan, at inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamababang dapat nilang gawin. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumagampan ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon paggampan ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at ikonsidera ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hatiin ito sa dalawang hakbang, gumagawa ng kaunting kompromiso—hindi ba’t nararamdaman ninyo na ginagawa nitong medyo mas madali ang mga bagay-bagay? Kung magsasagawa ka nang ganito sa loob ng ilang panahon, mararamdaman mo na ang pagbibigay-kasiyahan sa Diyos ay hindi isang mahirap na bagay. Dagdag pa rito, kung magagawa mong tuparin ang iyong mga responsabilidad; tuparin ang iyong mga obligasyon at tungkulin; isantabi ang iyong mga makasariling pagnanais, intensiyon, at motibo; magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkuling dapat mong gampanan, kung gayon, pagkatapos dumanas nang ganito sa loob ng ilang panahon, mararamdaman mo na ang pag-asal sa ganitong paraan ay mabuti, na dapat mamuhay ang mga tao sa isang matapat at hayag na paraan, at na hindi sila dapat mamuhay nang walang paninindigan, marumi, at mababang-uri, kundi sa halip ay dapat silang maging marangal at makatarungan. Mararamdaman mo na ito ang wangis na dapat isabuhay ng isang tao. Unti-unti, mababawasan ang pagnanais mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, natutuhan ko na ang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ang dapat mauna sa lahat ng nangyayari, hindi ang mga pansarili kong kapakinabangan. Ang reputasyon at katayuan ay pansamantala lang, at ang paghahangad sa mga gano’ng bagay ay walang katuturan. Ang hindi pamumuhay sa katiwalian, pagsasagawa sa katotohanan, at pagtugon sa mga layunin ng Diyos ang tanging paraan para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Nabigyan ako ng kaliwanagan nang maunawaan ko ito. Paano man hatiin ang gawain, hindi ko pwedeng patuloy na protektahan ang mga pansarili kong interes, at ang aking karangalan at katayuan, sa halip ay kailangan kong sumunod at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Kahit na hindi ako makakuha ng magagandang resulta, kailangan kong pagtuunan ang pamumuhay sa harap ng Diyos at tanggapin ang Kanyang pagsusuri. Anuman ang isipin ng iba sa akin, ang pagsasapuso ng aking tungkulin at pagiging responsable ay ang tanging paraan para umayon sa layunin ng Diyos.
Sa sumunod na ilang araw, isinapuso ko ang tungkulin ko, hindi iniisip ang mga sarili kong interes. Sa paggawa nito, pakiramdam ko’y hindi na ako masyadong kontrolado ng aking katiwalian. Makalipas ang ilang araw, habang tinatalakay ang gawain sa isang kapatid, sinabi niyang hindi siya masyadong magaling magsalita ng Ingles at kinailangan niya ng isang tagapagsalin nang kumustahin niya ang isang iglesia ng mga baguhan. Nahihirapan siya at walang masyadong nagagawa sa kanyang tungkulin. Nang sabihin niya iyon, naisip ko na maayos ang pag-i-Ingles ko, kaya baka pwede akong makipagpalit sa kanya, at pwede kong subaybayan ang gawain ng iglesiang iyon. Pero naisip ko na maraming problema ang iglesiang iyon, kaya ang pangangasiwa roon ay malamang na mangangailangan ng maraming pagsusumikap at baka walang gaanong maging pag-unlad. Nag-alala akong baka maapektuhan nito ang opinyon ng iba sa akin, kaya ayokong makipagpalit sa kanya. Pero sa isiping iyon, napagtanto kong sariling kapakinabangan ko na naman ang isinasaalang-alang ko, pinoprotektahan ang karangalan at katayuan ko, kaya dali-dali akong lumapit sa Diyos sa panalangin, handang maghimagsik laban sa sarili ko at isagawa ang katotohanan. Matapos magdasal, napagtanto ko na ang sitwasyon ay pagsubok sa akin at pagbibigay sa akin ng pagkakataong isagawa ang katotohanan. Hindi ako pwedeng patuloy na mamuhay sa katiwalian, pinoprotektahan ang mga pansarili kong interes kagaya ng dati. Kung ang pagbabagong ito ay magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, kailangan kong gawin ito. Kaya pinag-isipan ko ang mga responsibilidad ng iba naming mga kasamahan at naramdaman kong talagang mas makabubuting makipagpalit ako sa kapatid na iyon. Ibinahagi ko ang mga naisip ko sa lider at siya at ang iba pang mga kasamahan ay sumang-ayon dito. Talagang naging kalmado ako pagkatapos naming gawin ang mga pagbabago, at lubos akong nasiyahan. Pakiramdam ko’y isinasagawa ko na sa wakas ang katotohanan at nagiging isang tunay na tao. Tulad nga ng sinasabi ng Diyos: “Kung magagawa mong tuparin ang iyong mga responsabilidad; tuparin ang iyong mga obligasyon at tungkulin; isantabi ang iyong mga makasariling pagnanais, intensiyon, at motibo; magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkuling dapat mong gampanan, kung gayon, pagkatapos dumanas nang ganito sa loob ng ilang panahon, mararamdaman mo na ang pag-asal sa ganitong paraan ay mabuti, na dapat mamuhay ang mga tao sa isang matapat at hayag na paraan, at na hindi sila dapat mamuhay nang walang paninindigan, marumi, at mababang-uri, kundi sa halip ay dapat silang maging marangal at makatarungan. Mararamdaman mo na ito ang wangis na dapat isabuhay ng isang tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon).
Pagkatapos noon, tinigilan ko na ang pagiging negatibo tungkol sa mga iglesiang pinamamahalaan ko, sa halip ay ginawa ko ang makakaya ko para pangalagaan ang gawain ng bawat iglesia. Kapag may ilang tagadilig na nagrereklamo tungkol sa kanilang mga hirap sa gawain, magbabahagi ako tungkol sa mga salita ng Diyos para itama ang mga mali nilang pananaw, at aasa sa Diyos at hahanapin ang katotohanan kasama sila para lutasin ang mga problemang iyon. Kapag nakikita kong maraming problema ang ilang baguhan at hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon, hindi ko na sila sinisisi sa pagiging sakit ng ulo, sa halip ay kinakausap ko nang masinsinan ang mga kapatid para maunawaan ang kanilang mga paghihirap, at nagbabahagi sa kanila tungkol sa mga salita ng Diyos. Tungkol naman sa kawalan ng sapat na mga lider at diyakono sa posisyon, mas pinagtuunan ko ang pagsasanay ng mga may talento. Nagbahagi ako sa mga kapatid na may mas mahusay na kakayahan, na mas akmang sanayin para sa mga tungkuling iyon, tungkol sa kahalagahan at mga prinsipyo ng paggawa ng isang tungkulin, at gumugol ng oras sa paggawa nang kasama sila. Kapag napapansin kong may ilang medyo kumplikadong gawain sa mga iglesia at walang tumitingin dito, ginagawan ko ng paraan para pangasiwaan ito. Noong una, hindi ko alam kung maayos kong magagawa ito, pero wala akong pag-aalinlangan na hindi ko pwedeng patuloy na ilayo ang sarili ko sa mga bagay na iyon, na hindi ko pwedeng makasariling isaalang-alang lamang ang munting sakop ng aking gawain, sa halip ay kailangan kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at itaguyod ang pangkalahatang gawain ng iglesia. Makalipas ang ilang panahon, nagkaroon ng pag-usad sa gawaing ito. Dagdag pa rito, pinili ang lahat ng lider at diyakono sa mga iglesiang pinamamahalaan ko. Sa ilang iglesia, dumoble ang bilang ng mga taong tumatanggap ng tungkulin, at kayang magtrabaho nang mag-isa ang mga baguhang sinanay ko. Sa mga iglesiang hindi maayos ang takbo dati, bawat bahagi ng kanilang gawain ay bumubuti na. Talagang nakikita ko ang mga gawa ng Diyos doon. Tunay ko ring naranasan na ang gusto ng Diyos ay ang puso at pagpapasakop ng mga tao, kaya kung kaya nating isaalang-alang ang mga layunin Niya at isipin lang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi ang mga sarili nating interes, makakamit natin ang patnubay at mga pagpapala ng Diyos. Pinatatag ng pag-unawa rito ang pananampalataya ko sa Diyos. Salamat sa Diyos!