79. Pag-unawa sa Ibig Sabihin ng Pagiging Isang Mabuting Tao

Ni Vanessa, Myanmar

Magmula noong bata ako, tinuruan ako ng aking mga magulang na maging makatwiran, mabuti sa kapwa, maunawain sa mga paghihirap ng iba, at huwag makipagtalo sa bawat maliit na bagay. Sinabi nilang ito ang katangian ng isang mabuting tao, at na makukuha nito ang respeto at paghanga ng iba. Inisip ko ring magandang paraan iyon para mamuhay, at madalas kong pinaaalalahanan ang aking sarili na maging maaalalahanin at mabait. Hindi ako kailanman nakipag-alitan sa aking pamilya o sa ibang mga taganayon, at sobra kong inalala kung paano makagagawa ng magandang impresyon. Madalas akong purihin ng aking mga kanayon, sinasabi nilang ako ay may mabuting pagkatao at maaalalahanin, at hindi ako nakikipagtalo kahit pa sa mga nakapagpapasama ng aking loob. Talagang napasaya ako ng ganitong uri ng papuri. Naisip kong bilang isang tao, ganito dapat ako kabuti makitungo sa iba, at dapat akong maging maunawain kahit nagkamali ang isang tao. Tiyak kong ito ang pamantayan sa pagiging isang mabuting tao. Patuloy ko ring ginawa ang mga bagay-bagay nang gayon matapos maging isang mananampalataya.

Tapos noong Nobyembre 2021, nahalal ako bilang diyakono ng iglesia at nagsimula akong magpalaganap ng ebanghelyo kasama ang ilan pang kapatid. Isa sa kanila si Kevin na kanayon ko. May kaunti siyang kakayahan—medyo malinaw ang kanyang pagbabahagi kapag nagbabahagi siya ng ebanghelyo, at nagagawa niyang gumamit ng mga halimbawa sa pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay, para matulungang makaunawa iyong mga nagsisiyasat sa tunay na daan. Pero natuklasan kong medyo mapagmataas siya, at hindi tumatanggap ng mga mungkahi ng iba. Madalas ding hindi niya sinusunod ang mga prinsipyo ng kanyang tungkulin. Sa halip na dakilain at patotohanan ang Diyos sa kanyang gawain ng ebanghelyo, madalas niyang sabihin kung gaano karaming tao na ang kaniyang napagbalik-loob. Sinasabi rin niya na gusto siyang pinakikinggang mangaral ng lahat ng mga kapatid at talagang iniidolo nila siya. Minsan, may isang taong nagsisiyasat sa tunay na daan ang pumuri sa kanyang mahusay na kakayahan at pangangaral. Napansin kong itinaas ni Kevin ang kanyang sarili at medyo nagpasikat siya, at kapag nagbabahagi siya ng ebanghelyo ay hindi siya tumuon sa pagpapatotoo sa gawain ng Diyos sa mga huling araw o sa paglutas sa mga kuru-kurong panrelihiyon ng mga tao. Ninais ko itong banggitin kay Kevin, pero matapos dagling pag-isipan ay napagpasyahan kong maghintay pa nang kaunti. Ninais kong malaman niya na isa akong mabait at makatwirang tao na hindi namumuna sa bawat maliit na problemang nakikita ko. Naisip kong mas dapat kong palakasin ang loob niya at tulungan siya. Kalaunan, madalas na nagpadala ang lider ng mga prinsipyo kaugnay sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa aming grupo at medyo naibahagi ko nang hindi tuwiran ang tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa pag-uugali ni Kevin. Umasa akong mapagtatanto niya ang kaniyang mga isyu sa pamamagitan ng pagbabahaginang iyon. Subalit lumipas ang panahon, at hindi pa rin siya nagbabago. Ninais ko muling banggitin ang kaniyang mga problema, pero naisip kong dahil medyo mapagmataas siya, baka hindi niya tanggapin ang aking payo. Natakot akong isipin niyang hindi ako makatwiran at hindi ako mabait, at magkaroon siya ng masamang impresyon sa akin. Kung magkakaroon kami ng hindi pagkakasunduan at hindi kami maayos na makapagtatrabaho nang magkasama, masisira ang imahe ko bilang isang mabuting tao. Sa pag-iisip nito, pinili ko na lamang na huwag magsalita. Medyo sumama ang loob ko noong panahong iyon, kaya’t nanalangin ako sa Diyos, humihiling sa Kanya ng lakas para isagawa ang katotohanan. Pagkatapos niyon, nagpunta ako, si Kevin, at ang ilan pang mga kapatid sa isang nayon para magbahagi ng ebanghelyo. Napansin kong nagpapasikat pa rin si Kevin sa kanyang pagbabahagi—nagsasalita tungkol sa kung paanong hindi niya iniintindi ang pera, at kung paano siya nagbabayad ng halaga para sa Diyos. Hindi siya nakatuon sa pagbabahagi ng katotohanan. Habang pauwi na kami, tinipon ko ang aking lakas ng loob at sinabi sa kanya, “Hindi ka pumasok sa mga prinsipyo sa iyong pangangaral at pagpapatotoo sa Diyos. Kailangan mong pagtuonan ang pagbabahagi ng katotohanan sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, sa pagdadala sa kanila sa harapan ng Diyos….” Bago ako matapos, tumugon siya ng, “Walang mali sa pagbabahagi ko. Masyado mong pinag-iisipan ang mga bagay-bagay.” Natakot ako na kapag nagsalita pa ako ay masasaktan ko ang pagpapahalaga niya sa kaniyang sarili, at masisira ang mabuti naming ugnayan. Nag-alala rin akong pag-iisipan niya ako nang masama, kaya’t hindi na ako nagsalita pa. Pakiramdam ko ay sapat na iyon—na hayaang siya mismo ang unti-unting makatanto niyon. Napansin ko kalaunan na kahit lagi kaming abala ay hindi kami nakakukuha ng magagandang resulta sa aming gawaing pang-ebanghelyo. Ilang mga kanayon na nagsisiyasat ang ilang beses nang nakarinig ng pagbabahagi ni Kevin ngunit hindi pa rin sila nakauunawa. Dagdag pa riyan, naapektuhan sila ng mga sabi-sabi, nagkaroon ng mga kuru-kuro, at nawalan na ng kagustuhang siyasatin ang gawain ng Diyos. Tapos may mga iba na talagang tumitingala kay Kevin at sa kanyang pagbabahagi lamang gustong makinig, sa halip na sa kahit kanino. Nang nakita ko ito ay nabalisa ako at medyo nakonsensya. Malaki ang kinalaman ng mga isyung ito kay Kevin mismo. Kung mas maaga kong binanggit ang mga problema niya, nakita niya na sana ang mga iyon at nabago, at hindi na sana naantala ang aming gawain ng ebanghelyo. Pero pagkatapos niyon, noong talagang ninais ko na iyong banggitin, nag-alala na naman akong masisira niyon ang aming mabuting ugnayan, at talagang nagtalo ang kalooban ko. Naisip kong pwede kong kausapin ang lider at sabihin sa kaniyang makipagbahaginan kay Kevin, sa gayon ay hindi maaapektuhan ang pagtutulungan namin sa aming tungkulin, at patuloy kaming magkakasundo. Kaya’t kinausap ko ang lider tungkol sa nangyayari kay Kevin. Nakahanap siya ng ilang nauugnay na salita ng Diyos at pinapasok kami roon nang magkasama, at mukhang nagbago nang kaunti si Kevin. Kaya hinayaan ko na lamang iyon.

Minsan, nabanggit ko ang bagay na iyon sa isa pang sister na pumuna sa pagiging maingat ko sa aking mga relasyon sa iba, at nagsabing iyon ay isang tanda ng pagiging mahilig magpalugod ng mga tao. Naisip kong imposibleng isa akong mahilig magpalugod ng mga tao—mapanlinlang ang mga iyon. Kahit kailan ay hindi ako nakagawa ng mapanlinlang, kaya paano ako naging isa sa kanila? Hindi ko tinanggap ang puna niya noong panahong iyon, pero alam ko ring may aral akong matututuhan mula sa sinabi niya. Nagdasal ako sa Diyos, humihiling sa Kanyang patnubayan akong makilala ang aking sarili. Kalaunan ay nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang asal at mga pamamaraan ng mga tao sa pakikitungo sa mundo ay kailangang nakabatay sa mga salita ng Diyos; ito ang pinakapangunahing prinsipyo para sa pag-uugali ng tao. Paano maisasagawa ng mga tao ang katotohanan kung hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi tungkol sa pagsasabi ng mga walang-saysay na salita o pagsigaw ng mga islogan. Sa halip, tungkol ito sa kung paanong, anuman ang makaharap ng mga tao sa buhay, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, ng kanilang mga perspektiba sa mga bagay-bagay, o ang usapin ng pagganap sa kanilang mga tungkulin, kailangan nilang magpasya, at dapat nilang hanapin ang katotohanan, hanapin ang batayan at mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hanapin ang isang landas sa pagsasagawa. Ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang pagtahak sa landas ni Pedro, sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat sundin pagdating sa pakikisalamuha sa iba? Marahil ang orihinal mong pananaw ay na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,’ at na dapat mong makasundo ang lahat, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob, sa gayong paraan ay matatamo ang magandang ugnayan sa iba. Nalilimitahan ng ganitong pananaw, nananahimik ka kapag nasasaksihan mo na gumagawa ang iba ng masasamang bagay o lumalabag sila sa mga prinsipyo. Mas gugustuhin mo nang ang iglesia ang mawalan kaysa mapasama mo ang loob ng sinuman. Hinahangad mong makasundo ang lahat, kahit sino pa sila. Iniisip mo lamang ang mga damdamin ng tao at na hindi ka mapahiya kapag ikaw ay nagsasalita, at lagi kang nagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan para pasayahin ang iba. Kahit pa matuklasan mong may mga problema sa isang tao, pinipili mong pagtimpian siya, at pag-usapan na lamang siya kapag siya ay nakatalikod, ngunit kapag kaharap siya ay pinapangalagaan mo ang kapayapaan at pinananatili mo ang inyong ugnayan. Ano ang palagay mo sa gayong asal? Hindi ba’t iyon ay asal ng isang mapagpalugod ng mga tao? Hindi ba’t medyo mapanlinlang ito? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-asal ng tao. Hindi ba’t kababaan ang umasal ka sa ganoong paraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, hindi ito marangal na paraan ng pag-asal. Kahit gaano ka pa nagdusa, at kahit gaano pa kalaki ang iyong pinagbayaran, kung umaasal ka nang walang prinsipyo, nabigo ka sa aspektong ito, at hindi kikilalanin, tatandaan, o tatanggapin ang iyong pag-asal sa harap ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran). Pinagnilayan ko ang aking sarili batay sa mga salita ng Diyos. Pakiramdam ko ay hindi ako isang taong mahilig magpalugod ng mga tao, pero paano nga ba talaga ako kumilos? Noong panahong iyon, nakita kong madalas magpasikat si Kevin sa kanyang gawain ng ebanghelyo. Dapat ay pinuna ko na noon ang isyung iyon para natulungan siyang makilala ang kanyang sarili at magawa ang kanyang tungkulin nang naaayon sa mga prinsipyo, pero nag-alala akong ang pagiging prangka ay makapipinsala sa aming relasyon. Lagi kong isinasaalang-alang ang damdamin niya at hindi ako naglakas-loob na maging masyadong prangka sa pakikipag-usap sa kanya. Gusto ko pa ngang mas palakasin ang kanyang loob para magkaroon siya ng impresyong ako ay isang mabuting tao, at tumaas ang tingin niya sa akin. Pero sa katunayan, alam kong sa tuwing nakikipagtulungan sa mga kapatid sa isang tungkulin, kung makapapansin tayo ng mga problema, kailangan nating ipaalam ang mga iyon sa isa’t isa, punan ang mga kahinaan ng isa’t isa, at sama-samang itaguyod ang gawain ng iglesia. Sadya akong gumagawa ng mali at hindi nagsasagawa ng katotohanan. Bilang resulta, hindi natukoy ni Kevin ang sarili niyang mga isyu. Patuloy siyang nagpasikat habang nagbabahagi ng ebanghelyo, at hindi binigyang-pansin ang pagbabahagi ng katotohanan. Ibig sabihin niyon ay hindi nalutas ang mga kuru-kurong panrelihiyon ng mga taong nagsisiyasat at may ilang tao, nang nabagabag, ay tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon. Nakita ko ang naging epekto niyon sa aming gawain at medyo nakonsensya ako, pero natatakot akong magkaroon si Kevin ng pagkiling laban sa akin kung magiging prangka ako, at na masisira niyon ang aming relasyon. Kaya, mapanlinlang kong hinikayat ang isang lider ng iglesia na makipagbahaginan sa kanya para hindi ko na mapasama ang kaniyang loob. Nakita ko na sinubukan kong protektahan ang mga relasyon ko sa iba at nagpalakas sa kanila sa aking tungkulin, na talagang hindi ko itinataguyod ang mga interes ng iglesia, at wala akong pagkaunawa sa hustisya, at na wala ako ni katiting na prinsipyo. Hindi talaga ako iyong tao na nagsasagawa ng katotohanan. Hindi ba’t ganoon mismo kumilos ang isang mahilig magpalugod ng mga tao? Pagkatapos niyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo: “Kung titingnan, parang napakabait, edukado, at kagalang-galang ng mga salita ng mga anticristo. Kahit sino pa ang lumabag sa prinsipyo o gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia, hindi inilalantad o pinupuna ng mga anticristo ang mga taong ito; nagbubulag-bulagan sila, pinapaniwala ang mga tao na mapagbigay sila sa lahat ng bagay. Anumang mga katiwaliang ipinapakita ng mga tao o kasamaang ginagawa nila, maunawain at matiisin ang anticristo. Hindi sila nagagalit, o nagwawala, hindi sila maiinis at maninisi ng mga tao kapag gumagawa ang mga ito ng mali at napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sinuman ang gumagawa ng masama at nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi nila pinapansin, na para bang wala itong kinalaman sa kanila, at hinding-hindi nila pasasamain ang loob ng mga tao dahil dito. Ano ba ang ipinag-aalala nang husto ng mga anticristo? Kung ilang tao ang nagpapahalaga sa kanila, at kung ilang tao ang nakakakita sa kanila kapag nagdurusa sila, at pumupuri sa kanila dahil dito. Naniniwala ang mga anticristo na ang pagdurusa ay hinding-hindi dapat walang kapalit; anumang paghihirap ang kanilang tinitiis, anumang halaga ang kanilang binabayaran, anumang mabubuting gawa ang kanilang ginagawa, gaano man sila mapagmalasakit, mapagpaubaya, at mapagmahal sa iba, dapat isagawa ang lahat ng ito sa harap ng iba para mas maraming tao ang makakita nito. At ano ang layon nila sa pagkilos nang ganito? Upang makuha ang loob ng mga tao, upang mapasang-ayon ang mas maraming tao sa kanilang mga kilos, sa kanilang asal, at sa kanilang karakter sa puso nila, inaaprubahan sila. May mga anticristo pa nga na nagsisikap magtatag ng isang imahe ng kanilang sarili bilang ‘isang mabuting tao’ sa pamamagitan ng panlabas na mabuting pag-uugaling ito, para mas maraming tao ang lumapit sa kanila para humingi ng tulong(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Labis akong nakonsensya matapos basahin ang mga salita ng Diyos, na tila nasa harap ko mismo ang Diyos, inilalantad ang aking satanikong disposisyon. Pinagnilayan ko na lagi kong sinusubukang maging isang maalalahanin at mabait na tao dahil pakiramdam ko na sa gayong paraan ay makakukuha ako ng paggalang at papuri sa iba—magugustuhan ako ng mga taong nakapaligid sa akin. Ganoon din ako kapag tumutupad ng tungkulin kasama ang ibang mga kapatid. Sa panlabas, hindi ko inilantad ang mga isyu ni Kevin dahil sa takot na mapinsala ang pagpapahalaga niya sa kaniyang sarili at ang aming samahan. Pero sa katunayan, ang lahat ng ginawa ko ay para protektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan. Nagpakita ako ng kabaitan para magbalatkayo at pagandahin ang imahe ko, para magpalakas nang sa gayon ay isipin ng mga tao na mapagmahal, mapagpasensya, at mapagparaya ako—na mabuti at mabait akong tao. Pero hindi ko naisapuso kung napipinsala ba ang gawain ng iglesia o ang buhay ng mga kapatid. Noon ko lamang nakita kung gaano ako katuso at kamapanlinlang. Mukhang hindi ko kailanman napasama ang loob ng kahit sino, na parang isa akong mabuting tao, pero sa katunayan, ang mga kasuklam-suklam kong motibo ang nasa likod ng lahat ng aking mga kilos. Nakita kong may katulad akong disposisyon sa isang anticristo, na isinasakripisyo ko ang mga interes ng iglesia para itaguyod ang sarili kong reputasyon at katayuan. Malalagay ako sa matinding panganib kung mananatili ako sa landas na ito—mapapalayo ako nang mapapalayo sa Diyos at sa huli ay itataboy Niya ako! Talagang namuhi ako sa aking sarili nang napagtanto ko ito, at medyo sumama rin ang loob ko. Nagdasal ako, “Diyos ko, lagi akong nagbabalatkayo at nagpapanggap na mabuti, nakatuon sa paggawa ng isang positibong imahe. Ayaw kong manatili sa landas na ito. Nais kong magsisi, at maghimagsik laban sa aking tiwaling disposisyon.”

Nakabasa pa ako ng mga salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao upang hatulan ang ibang mga tao; matuwid yaong ang asal ay mabuti, habang masama yaong ang asal ay karumal-dumal. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o hindi sa Kanya ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay kaaway at isang masamang tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). “Maaaring sa lahat ng taon ng pagsampalataya mo sa Diyos, hindi ka pa nakasumpa ng sinuman o nakagawa ng masama kailanman, subalit sa pakikisama mo kay Cristo, hindi mo kayang magsabi ng katotohanan, kumilos nang tapat, o magpasakop sa salita ni Cristo; kung gayon, sinasabi Ko na ikaw ang pinakamasama at mapaminsalang tao sa mundo. Maaaring napakabait mo at tapat ka sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, asawa, anak, at magulang, at hindi ka nagsasamantala sa iba kailanman, ngunit kung hindi mo kayang umayon kay Cristo, kung hindi mo magawang makihalubilo sa Kanya nang maayos, kahit gugulin mo pa ang iyong lahat-lahat sa pagtulong sa iyong mga kapitbahay o sa masusing pag-aalaga sa iyong ama, ina, at mga miyembro ng inyong sambahayan, sasabihin Ko na masama ka pa ring tao, at bukod dito ay puno ka ng mga tusong panlilinlang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na ang pamantayan ng mga tao sa pagsukat sa iba ay nakabatay sa kung gaano kabuti ang kanilang pag-uugali. Iyong may mabubuting asal ay mabubuting tao, habang iyong may masasamang asal ay masasamang tao. Pero ang pamantayan ng Diyos ay nakabatay sa kung sumusunod sila sa Kanyang daan, at sa kanilang diwa at saloobin sa pagpapasakop sa Diyos. Hindi ito nakabatay sa kung gaano kabuti ang kanilang panlabas na pag-uugali. Noon pa man ay itinuturing ko na ang aking sarili na isang mabuting tao, dahil simula noong bata ako ay hindi ako kailanman nakipagtalo o nagsimula ng alitan sa kanino man, kapamilya o hindi. Kahit pa may nagsimulang makipagtalo sa akin, nilulutas ko ito sa pamamagitan ng pagpapalubag sa kaniyang loob. Lagi akong pinupuri ng aking mga kanayon dahil sa pagiging mabuting tao; inakala ko ring sa pagiging ganito ay naabot ko na ang pamantayan ng isang mabuting tao. Ngayon ay naging malinaw sa akin na bagaman mukhang hindi ako gumagawa ng masama, hindi ako naging tapat sa salita o sa gawa. Nakita ko na ang pagtupad ni Kevin sa kanyang tungkulin nang walang prinsipyo, at palaging pagpapasikat, ay nakaapekto sa pagiging epektibo ng aming gawain. Ngunit para protektahan ang aking imahe bilang isang mabuting tao, hindi ko siya inilantad o tinulungan, at hindi ko itinaguyod ang mga interes ng iglesia. Kaya kahit na sa tingin ng iba ay isa akong mabuting tao, sa harapan ng Diyos ay salungat pa rin ako sa Kanya at sa katotohanan, at sa diwa, ay gumagawa ako ng masama. Nakita kong ang panghuhusga kung mabuti o masama ang isang tao batay sa panlabas na pag-uugali ay hindi ang tamang pamantayan. May ilang tao na mukhang gumagawa ng maraming mabubuting bagay, pero matindi nilang nilalabanan at kinokondena ang gawain at mga salita ng Diyos. Masasama silang tao. Naisip ko ang isang sister na nakatrabaho ko. Sa pagkakaalam ko, hindi mahalaga sa kanya ang pagiging magiliw o mabait sa kanyang pananalita, pero may kalaliman ang pagkaunawa niya sa katarungan. Sinasabi niya kung ano ang kinakailangang sabihin kapag nakikita niyang hindi kumikilos ang iba ayon sa katotohanan. Tinutulungan niya ang kanyang mga kapatid na hanapin ang katotohanan at gawin ang kanilang tungkulin ayon sa prinsipyo, na nagbibigay sa kanila ng mga totoong pakinabang. Ang pag-iisip nito ang nagbigay sa akin ng kaunting determinasyon para tumigil sa pagsunod sa mga mali kong perspektibo na subuking magmukhang mabait na tao. Kailangan kong kumilos alinsunod sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, at hangarin ang pagiging isang tunay na mabuting tao.

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang dapat pagsumikapan ng mga tao na makamtan nang husto ay ang gawin nilang batayan ang mga salita ng Diyos, at gawing pamantayan ang katotohanan; saka lamang sila makakapamuhay sa liwanag at makakapagsabuhay sa wangis ng isang normal na tao. Kung nais mong mabuhay sa liwanag, dapat kang kumilos ayon sa katotohanan; dapat kang maging isang matapat na tao na nagsasabi ng matatapat na salita at gumagawa ng matatapat na bagay. Ang mahalaga ay ang magkaroon ng mga katotohanang prinsipyo sa pag-asal ng isang tao; kapag nawala sa mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, at nagtuon lamang sila sa magandang pag-uugali, hindi maiiwasang magpasimula ito ng panloloko at pagpapanggap. Kung walang prinsipyo sa pag-asal ng mga tao, gaano man kaganda ang kanilang asal, mga mapagpaimbabaw sila; maaari nilang malihis sandali ang iba, ngunit hinding-hindi sila magiging katiwa-tiwala. Kapag kumilos at umasal ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, saka lamang sila magkakaroon ng tunay na pundasyon. Kung hindi sila umaasal ayon sa mga salita ng Diyos, at tumutuon lamang sila sa pagpapanggap na kumikilos sila nang maayos, magiging mabubuting tao ba sila dahil dito? Talagang hindi. Ang magagandang doktrina at pag-uugali ay hindi mababago ang mga tiwaling diwa ng tao, at hindi mababago ng mga ito ang kanyang diwa. Tanging ang katotohanan at mga salita ng Diyos ang maaaring magpabago sa mga tiwaling disposisyon, kaisipan, at opinyon ng mga tao, at maaaring maging buhay nila. … Hinihingi ng Diyos na sabihin ng mga tao ang totoo, sabihin ang iniisip nila, at hindi niloloko, inililigaw, pinagtatawanan, tinutudyo, nililibak, tinutuya, hinihigpitan ang iba, o inilalantad ang mga kahinaan nila, o sinasaktan sila. Hindi ba’t mga prinsipyo ng pananalita ang mga ito? Ano ang ibig sabihin ng hindi dapat ilantad ng isang tao ang mga kahinaan ng mga tao? Ang ibig sabihin nito ay huwag dungisan ang ibang mga tao. Huwag kumapit sa kanilang nakaraang mga pagkakamali o pagkukulang para husgahan o kondenahin sila. Ito ang pinakamaliit na bagay na dapat mong gawin. Sa maagap na banda, paano ipinapahayag ang nakakatulong na pananalita? Ito ay pangunahing nanghihikayat, nagtuturo, gumagabay, nagpapayo, umuunawa, at nagpapanatag. Isa pa, sa ilang natatanging pagkakataon, kinakailangan na direktang ibunyag ang mga kamalian ng ibang tao at pungusan sila, upang magtamo sila ng kaalaman sa katotohanan at kagustuhang magsisi. Saka lang makakamtan ang nararapat na epekto. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Tunay na tulong ito sa kanila, at mapakikinabangan nila ito, hindi ba?(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 3). Sa mga salita ng Diyos, nahanap ko ang prinsipyo kung paano ako kikilos. Kailangan nating maging matapat alinsunod sa Kanyang mga salita. Kapag nakita natin ang mga problema ng iba ay dapat nating punahin ang mga iyon at tulungan sila—ito ay kapaki-pakinabang sa kanila. Dapat nating protektahan ang gawain ng iglesia at maging inspirasyon sa iba. Nang naunawaan ko ang landas na ito ay ninais kong agad na isagawa ang katotohanan, na makipag-usap kay Kevin nang puso-sa-puso at banggitin ang kanyang mga isyu. Ito ay para maituwid niya ang kanyang saloobin sa kanyang tungkulin at pahintulutan siyang maunawaan ang kanyang tiwaling disposisyon at mga paglilihis sa kanyang tungkulin—ito ay para matulungan siya. Kaya hinanap ko siya, handang ipaalam ang kanyang mga problema. Sa sandaling iyon, nakaramdam na naman ako ng kaunting pag-aalala, nangangamba kung ano ang iisipin niya sa akin. Dali-dali akong nagdasal sa Diyos, naghihimagsik laban sa mga kinikimkim kong maling motibo. Naisip ko kung paanong kamakailan ay hindi ko isinasagawa ang katotohanan, na nakapinsala sa aming gawain, at talagang nakonsensya ako. Alam kong sinusuri ng Diyos ang aking bawat saloobin at gawa, at na kailangan kong maging isang matapat na tao. Hindi ko na dapat protektahan ang aking imahe at labagin ang katotohanan. Binigyan ako ng pag-iisip na ito ng lakas ng loob para maghimagsik laban sa aking tiwaling disposisyon at kausapin si Kevin tungkol sa kanyang mga isyu. Sa aking pagkabigla, pinakinggan niya ako at nagawa niya itong tanggapin. Sinabi niya, “Hindi ko lubos na naunawaan ang ilang prinsipyo. Sa hinaharap, sabihin mo sana sa akin ang anumang isyung makikita mo. Maaari nating tulungan ang isa’t isa at magkasamang gawin nang mabuti ang ating tungkulin.” Labis akong natuwa nang marinig kong sabihin niya ito, at labis akong nagpasalamat sa Diyos. Nahiya at nagsisi rin ako dahil hindi ko agad isinagawa ang katotohanan. Kung binanggit ko na ito sa kanya noon, mas mabilis sana naming napabuti ang mga resulta ng aming gawain, at mas maaga sana niyang nalaman ang tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon. Napagtanto kong ang pagsasagawa ng katotohanan ay kapaki-pakinabang sa iba, sa sarili, at sa tungkulin ng isang tao.

Ngayon, kapag nakikita ko ang mga isyu ng mga kapatid ay aktibo kong ipinaaalam ang mga iyon, dahil alam kong pagsasagawa ito ng katotohanan at nakatutulong sa kanila. Napagtanto ko ring ang pamumuhay ayon sa mga hinihingi ng Diyos at paggawa sa mga bagay-bagay batay sa mga katotohanang prinsipyo ay ang tanging paraan para isagawa ang katotohanan at maging isang mabuting tao.

Sinundan: 78. Paano Ako Napinsala ng Pagiging Tuso

Sumunod: 80. Ang Aking Kuwento ng Pagsalubong sa Panginoon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito