61. Ang mga Kahihinatnan ng Pagiging Mahilig Magpalugod ng mga Tao
Dati akong mahilig magpalugod ng mga tao. Sa tuwing makakakita ako ng isa sa mga kapatid na nagpapakita ng katiwalian o ginagawa ang kanyang tungkulin sa pabasta-bastang paraan, hindi ako mangangahas na tukuyin iyon sa kanya, sa takot na masira ang kanyang reputasyon at magkaroon siya ng masamang impresyon sa akin. Sa pakikisalamuha sa mga kapatid ay sinunod ko ang satanikong pilosopiya na “Mag-isip bago magsalita at magsalita nang may pagtitimpi,” at kapag may tinutukoy man ako sa mga tao para tulungan sila, nagsasabi lang ako ng ilang kaswal na salita na nagmamaliit sa sitwasyon. Minsan, talagang nakakataba ng puso kapag naririnig ko ang mga kapatid na inilalarawan ako bilang magiliw. Pinaniwalaan kong gusto nila ako, at na kung gayon, tiyak na gusto rin ako ng Diyos. Noong napungusan ako, at noong nabigo ako at nadapa, saka lang ako nagkaroon ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili, at malinaw na nakita ang kalikasan, pinsala, at mga kahihinatnan ng pagiging mahilig magpalugod ng mga tao.
Nahalal ako bilang lider ng iglesia noong 2018. Alam kong isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng paglilingkod bilang isang lider ay ang pagbabahagi sa katotohanan, paglutas sa mga paghihirap ng iba sa kanilang pagpasok sa buhay, at pagprotekta sa buhay-iglesia. Pero natakot akong mapasama ang loob ng sinuman, kaya sa tuwing may natutuklasan akong problema, lagi kong ginagamit ang taktika ng pagbibigay ng mabait at banayad na payo sa pag-aasikaso nito. Noong panahong iyon, napansin ko na ang diyakono ng pagdidilig na si Brother Liu Liang ay nagiging pabasta-basta, hindi nagdadala ng pasanin sa kanyang tungkulin at kapag ang mga baguhan ay humaharap sa mga problema, hindi siya nagbabahagi sa kanila para agarang makahanap ng resolusyon, na nagdudulot sa ilan sa kanila na maging negatibo at mahina. Batid ko kung gaano kalubha ang kalikasan ng problemang iyon, at na dapat akong magbahagi sa kanya at suriin kung paano siya nagiging pabasta-basta sa kanyang tungkulin. Kung magpapatuloy siya sa ganoong gawi nang hindi nagsisisi, tiyak na kasusuklaman ito ng Diyos. Pero sa sandaling makita ko si Liu Liang, bigla na lang akong napaatras. Naisip ko, “Pinahahalagahan talaga niya ang kanyang reputasyon, kaya kung tutukuyin ko ang mga isyung ito sa kanya at talagang masasaktan ang kanyang damdamin, tiyak na hindi magiging maganda ang tingin niya sa akin. Kung hindi niya ito tatanggapin, at mapopoot o lalayo siya sa akin, bukod sa kung gaano magiging nakakahiya iyon para sa akin, magiging mahirap makisama pagkatapos niyon. Kung iisipin ng mga kapatid na nagsisimula na akong pagalitan at sawayin ang mga tao ngayong ako ay lider na, magkakaroon pa rin ba sila ng magandang impresyon sa akin? Hindi bale na lang, hindi ako magbabahagi sa kanya o magsusuri ng kanyang problema.” Kaya malumanay ko na lang siyang pinayuhan, pinaliliit ang isyu, “Kailangan nating higit pang magsumikap sa ating mga tungkulin, magdala ng pasanin….” Dahil dito, hindi nakita ni Liu Liang ang diwa ng pabasta-basta niyang pagharap sa kanyang tungkulin, at nagpatuloy sa ganoong iresponsableng paraan. Nakakabagabag para sa akin na makita iyon. Bilang isang lider ng iglesia, pinagmamasdan ko ang isang brother na iniraraos lang ang kanyang tungkulin at naaapektuhan ang gawain ng iglesia, pero hindi ko ito nilulutas sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan. Paano iyon naging paggawa ng totoong gawain? Isa iyong malalang pagpapabaya sa tungkulin. Mas lalong sumasama ang pakiramdam ko habang mas naiisip ko iyon, pero hindi ko pa rin maibuka ang bibig ko para ilantad siya. Nababahala ako na kung sakaling ilantad at pungusan ko siya, baka isipin niyang wala akong awa, at kung maging negatibo siya, sumuko at huminto sa kanyang tungkulin, baka isipin ng ibang mga kapatid na wala akong kakayahan sa gawain. Hindi lamang niyon makokompromiso ang aming pangkalahatang pagsasamahan, kundi masisira din nito ang aking reputasyon. Naisip ko, “Hindi bale na lang, may nasabi na rin naman ako kay Liu Liang, kaya hahayaan ko siyang pagnilay-nilayan iyon nang unti-unti.” Sa ganitong paraan, hindi ko na nalantad o nasuri pa ang kanyang problema kahit kailan.
Kalaunan, napansin ko na ang dalawa pang brother na kasama ko sa gawain ay palaging hindi nagkakasundo dahil mayroon silang magkaibang mga ideya tungkol sa mga bagay-bagay. Wala sa kanila ang nagpapaubaya at hindi kailanman produktibo ang kanilang mga talakayan sa gawain. Minsan pagkatapos ng kanilang pagtatalo, lumalayo ang loob nila sa isa’t isa, na nakakaapekto sa gawain ng iglesia. Batid ko kung gaano kalubha ang isyu at naisip kong hindi dapat ako mag-aksaya ng anumang oras sa pagbubunyag ng mga pagpapamalas, kalikasan, at mga kahihinatnan ng kanilang kayabangan, pagmamatuwid sa sarili at katigasan ng ulo. Pero muling nabahag ang buntot ko sa sandaling nakita ko sila. Naisip ko, “Pareho silang naging lider sa loob ng maraming taon, kaya dapat alam na nila ang problemang ito kahit hindi ko banggitin. At saka, pareho silang napakabait sa akin, kaya kung magbabahagi ako sa kalikasan at malulubhang kahihinatnan ng kanilang problema, baka isipin nilang hinahanapan ko lang sila ng mali. Kung magkagayon ay magiging mahirap nang makisama sa kanila. Hindi bale na lang. Madalas naman nilang binabasa ang mga salita ng Diyos, kaya mapag-iisipan pa nila iyon sa paglipas ng panahon.” Kaya binigyan ko lang sila ng ilang payo nang makita ko silang nag-aaway na naman, hinimok silang kumalma nang hindi man lang sila direktang inilalantad.
Isang araw, sinabi sa akin ng isang sister, “Hindi masyadong maayos ang takbo ng gawain natin sa iglesia. May mga malinaw na problema sa tungkulin ng ilang mga kapatid at hindi kayo nagbabahagi para lutasin ang mga bagay na iyon. Hindi ba’t nagiging huwad kayong mga lider dahil sa hindi ninyo paggawa ng totoong gawain?” Nakakasama talaga ng loob na marinig iyon mula sa kanya. Alam na alam ko na nananatili akong tahimik tungkol sa mga problema ng ilang mga kapatid. Hindi ko man lang tinutupad ang mga responsibilidad ng isang lider. Hindi nga ba’t nagiging isa akong huwad na lider? Alam ko na kung patuloy akong mabibigong isagawa ang katotohanan, itataboy ako ng Diyos at ititiwalag ako. Natakot ako sa posibilidad na ito, at nanalangin ako: “Diyos ko, nakita ko ang ilang kapatid na namumuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at malubhang naapektuhan ang aming buhay-iglesia at iba’t ibang aspeto ng gawain ng iglesia, pero hindi ko maisagawa ang katotohanan para ayusin ito. Diyos ko, pakiusap gabayan Mo akong makilala ang aking sarili.”
Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos ng aking panalangin: “Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi tungkol sa pagsasabi ng mga walang-saysay na salita o pagsigaw ng mga islogan. Sa halip, tungkol ito sa kung paanong, anuman ang makaharap ng mga tao sa buhay, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, ng kanilang mga perspektiba sa mga bagay-bagay, o ang usapin ng pagganap sa kanilang mga tungkulin, kailangan nilang magpasya, at dapat nilang hanapin ang katotohanan, hanapin ang batayan at mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hanapin ang isang landas sa pagsasagawa. Ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang pagtahak sa landas ni Pedro, sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat sundin pagdating sa pakikisalamuha sa iba? Marahil ang orihinal mong pananaw ay na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,’ at na dapat mong makasundo ang lahat, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob, sa gayong paraan ay matatamo ang magandang ugnayan sa iba. Nalilimitahan ng ganitong pananaw, nananahimik ka kapag nasasaksihan mo na gumagawa ang iba ng masasamang bagay o lumalabag sila sa mga prinsipyo. Mas gugustuhin mo nang ang iglesia ang mawalan kaysa mapasama mo ang loob ng sinuman. Hinahangad mong makasundo ang lahat, kahit sino pa sila. Iniisip mo lamang ang mga damdamin ng tao at na hindi ka mapahiya kapag ikaw ay nagsasalita, at lagi kang nagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan para pasayahin ang iba. Kahit pa matuklasan mong may mga problema sa isang tao, pinipili mong pagtimpian siya, at pag-usapan na lamang siya kapag siya ay nakatalikod, ngunit kapag kaharap siya ay pinapangalagaan mo ang kapayapaan at pinananatili mo ang inyong ugnayan. Ano ang palagay mo sa gayong asal? Hindi ba’t iyon ay asal ng isang mapagpalugod ng mga tao? Hindi ba’t medyo mapanlinlang ito? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-asal ng tao. Hindi ba’t kababaan ang umasal ka sa ganoong paraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, hindi ito marangal na paraan ng pag-asal. Kahit gaano ka pa nagdusa, at kahit gaano pa kalaki ang iyong pinagbayaran, kung umaasal ka nang walang prinsipyo, nabigo ka sa aspektong ito, at hindi kikilalanin, tatandaan, o tatanggapin ang iyong pag-asal sa harap ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran). Talagang nabahala ako nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga mahilig magpalugod ng mga tao. Hindi ko nilulutas ang mga problema sa iglesia hindi dahil hindi ko iyon nakikita nang malinaw, kundi dahil ayaw kong mapasama ang loob ng sinuman, at natatakot ako na magiging pangit ang tingin nila sa akin. Sinusubukan kong protektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan. Kinamumuhian ng Diyos ang mga taong katulad ko na hindi kumikilos ayon sa prinsipyo o nagsasagawa ng katotohanan, na makasarili at mapanlinlang. Nagbalik-tanaw ako sa naging asal ko. Nakita ko na si Liu Liang ay palaging pabasta-basta sa kanyang tungkulin at inaantala ang aming gawain ng pagdidilig, kaya dapat ay inilantad at sinuri ko ang kalikasan ng kanyang pag-uugali. Pero natakot akong magmukhang masama sa paningin ng lahat, na sasabihin nilang pinagagalitan at hinahanapan ko ng mali ang mga tao ngayong lider na ako, kaya’t hindi ko kailanman hinimay ang kalikasan ng problema ni Liu Liang para maprotektahan ang aking reputasyon. Nagsabi lang ako ng bagay na bahagyang tumalakay sa problema nang walang ginagawang anuman para makatulong. At kahit noong nakita ko ang dalawang brother na hindi kailanman nagkakasundo, at ang naging malubhang epekto nito sa aming gawaing iglesia, hindi ko kailanman inilantad o sinuri ang problema para matulungan silang maunawaan ang kanilang sarili. Naapektuhan ang gawain ng iglesia dahil dito. Namuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya tulad ng “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” at “Ang isa pang kaibigan ay nangangahulugan ng isa pang landas.” Sa kagustuhang protektahan ang aking reputasyon at katayuan at makita ako ng lahat bilang isang mabait na tao, malinaw kong nakita ang mga bagay pero hindi ko lubos na ibinahagi ang naiisip ko. Hindi lamang nito napinsala ang ibang mga kapatid, kundi naantala rin ang gawain ng iglesia. Nakita kong walang-wala akong konsensya at katwiran at wala ni katiting na debosyon sa Diyos. Paano iyon pagiging mabuting tao? Kahit pa sa panlabas ay kasundo ko ang lahat at sinasabi nila na mabuti akong tao at maganda ang impresyon nila sa akin, sa harap ng Diyos, hindi ko naisasakatuparan ang anumang tungkulin. Sa mga mata ng Diyos, ako ay isang taong hindi tapat, at hindi mapagkakatiwalaan. Nasusuklam sa akin ang Diyos. Nang mapagtanto ito, dali-dali akong nagsisi sa Diyos. Alam ko na hindi ako maaaring magpatuloy nang ganoon, at na kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ang problema kong ito.
Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos nang normal at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang pagpasok nila sa buhay, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba ito masasabing pagtahak sa landas ng isang anticristo? Kapag hinihingi ng Diyos na isantabi ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi naman sa pinagkakaitan Niya ang mga tao ng karapatang mamili; bagkus, ito ay dahil habang hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagagambala at nagugulo ng mga tao ang gawain ng iglesia at ang pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, at maaari pa ngang makaimpluwensiya sa pagkain at pag-inom ng maraming tao ng mga salita ng Diyos, sa pag-unawa nila sa katotohanan, at sa pagkamit nila ng kaligtasan ng Diyos. Ito ay isang katunayang hindi mapag-aalinlanganan. Kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, siguradong hindi nila hahangarin ang katotohanan at hindi nila matapat na tutuparin ang kanilang tungkulin. Magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at lahat ng gawaing ginagawa nila, nang wala ni katiting na eksepsyon, ay alang-alang sa mga bagay na iyon. Ang umasal at kumilos sa gayong paraan ay walang pagdududang pagtahak sa landas ng mga anticristo; ito ay isang paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos, at lahat ng iba’t ibang kahihinatnan nito ay nakakahadlang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos sa loob ng iglesia. Kaya, maaaring sabihin ng isang tao nang may katiyakan na ang landas na tinatahak ng mga naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay ang landas ng paglaban sa Diyos. Ito ay sadyang paglaban sa Kanya, pagkontra sa Kanya—ito ay ang makipagtulungan kay Satanas sa paglaban sa Diyos at pagsalungat sa Kanya. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang problema sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga mithiin ni Satanas—ang mga ito ay mga mithiin na masasama at hindi makatarungan. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga personal na interes gaya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagiging kasangkapan na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa iglesia; sa gawain ng iglesia, at sa normal na buhay-iglesia at normal na paghahangad ng mga taong hinirang ng Diyos, ang epekto nila ay mang-abala at maminsala; mayroon silang masama at negatibong epekto” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Nakita ko sa salita ng Diyos na ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagiging mahilig magpalugod ng mga tao na iniingatan ang sariling mga interes at hindi nagsasagawa ng katotohanan ay paggambala at pagsabotahe sa gawain ng sambahayan ng Diyos at pagiging isang kampon ni Satanas. Kung mananatili akong ganoon nang hindi nagsisisi, kamumuhian at ititiwalag ako ng Diyos. Bilang isang lider ng iglesia, ang responsibilidad ko ay ang magbahagi sa katotohanan para malutas ang mga problema at paghihirap ng mga kapatid sa kanilang pagpasok sa buhay, at pangalagaan ang buhay-iglesia. Sa halip, nang makita ko ang mga problema ng mga tao, hindi ko sila tinulungang magbago, hindi inilantad at sinuri ang diwa ng kanilang pag-uugali, bagkus ako ay naging mahilig magpalugod ng mga tao para protektahan ang aking sariling katayuan at reputasyon, kumikilos bilang kampon ni Satanas, pinipinsala ang gawain ng iglesia at ang buhay ng mga kapatid. Mahigpit akong nasa ilalim ng kontrol ng aking tiwaling disposisyon, masyadong duwag para isagawa ang katotohanan at itaguyod ang pagiging makatarungan. Kampon ako ni Satanas, mahina at walang kakayahan, namumuhay nang lubhang kahiya-hiya, lubhang kaawa-awa. Kung hindi ko sisimulang isagawa ang katotohanan at maghimagsik laban sa aking sarili, tunay na hindi ako karapat-dapat na mamuhay sa harap ng Diyos! Kung wala ang paghatol at mga paglalantad ng Kanyang mga salita, kailanman ay hindi ko mababatid ang sarili kong katiwalian o malalaman ang mga panganib at kahihinatnan ng pagiging mahilig magpalugod ng mga tao at hindi pagsasagawa ng katotohanan. Handa na akong maghimagsik laban sa aking sarili at itigil ang pagiging mahilig magpalugod ng mga tao.
Kalaunan ay nabasa ko ang ilang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng ilang landas ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Sa diwa, matapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na tapat sa Kanya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). “Kung taglay mo ang mga motibasyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo makakayang isagawa ang katotohanan at sumunod sa prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa kaligtasan, at hilingin na bigyan ka Niya ng higit pang pananampalataya at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, dangal, at kinatatayuan ng isang mapagpalugod ng mga tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan. Kung lagi kang nagpupumilit na mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na pinoprotektahan ang mga relasyon mo sa iba, hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, at hindi naglalakas-loob na sumunod sa mga prinsipyo, magagawa mo bang isagawa ang katotohanan sa iba pang mga bagay? Wala ka pa ring pananampalataya o lakas. Kung hindi mo nagagawa kahit kailan na hanapin o tanggapin ang katotohanan, tutulutan ka ba ng gayong pananampalataya sa Diyos na matamo ang katotohanan? (Hindi.) At kung hindi mo matamo ang katotohanan, maaari ka bang maligtas? Hindi maaari. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, lubos na walang katotohanang realidad, hindi ka maliligtas kailanman. Dapat maging malinaw sa iyo na ang pagtatamo ng katotohanan ay isang kinakailangang kondisyon para sa kaligtasan. Kung gayon, paano mo matatamo ang katotohanan? Kung naisasagawa mo ang katotohanan, kung nakakapamuhay ka ayon sa katotohanan, at ang katotohanan ang nagiging batayan ng iyong buhay, makakamit mo ang katotohanan at magkakaroon ka ng buhay, at sa gayon ay magiging isa ka sa mga maliligtas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa nito, nakita kong gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Ang matatapat na tao ay hindi nakatuon sa pagprotekta sa kanilang mga relasyon sa iba, at wala silang pakialam kung paano sila nakikita, pero may puwang ang Diyos sa kanilang mga puso. Itinataguyod nila ang mga prinsipyo sa lahat ng bagay, may pagpapahalaga sa pagiging katarungan, at tapat sa Diyos. Pero nang muling isipin ang aking sarili, nakita ko na labis kong pinahalagahan ang aking mga relasyon sa ibang mga tao, ang aking reputasyon, at katayuan. Kapag may nangyayari na nangangailangan ng pagpoprotekta sa mga interes ng iglesia at pagsasagawa ng katotohanan, palagi akong pumapanig kay Satanas, hindi nangangahas na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo; paulit-ulit akong nagrebelde at lumaban sa Diyos, sinasaktan at binibigo Siya. Sa katunayan, ang pagsasabi ng totoo at pagtutukoy ng problema ng isang tao ay hindi para hiyain siya. Ang paggawa niyon ay talagang kapaki-pakinabang, iyon man ay tungkol sa isang kapatid, o tungkol sa gawain ng iglesia. Kung mapapansin ko ang isang tao na nagpapakita ng katiwalian pero hindi ko ipinagbibigay-alam ang tungkol sa kalikasan o mga kahihinatnan ng ganitong uri ng pagkilos, hindi niya kailanman malalaman kung gaano kalubha ang kanyang problema, at hindi niya magagawang magbago. Hindi lamang nito hinahadlangan ang buhay pagpasok nila, kundi nakakaapekto rin ito sa gawain ng iglesia, at kasuklam-suklam ito sa Diyos dahil namumuhay ako sa loob ng isang tiwaling disposisyon at hindi ko pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Palaging laman ng isip ko ang aking reputasyon at katayuan, palaging inaalala ang opinyon ng iba nang hindi inuuna ang opinyon ng Diyos. Hindi ko isinasaalang-alang kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan. Palagi akong pinipigilan ng aking tiwaling disposisyon—napakahangal ko. Hindi ko na pwedeng hayaan na pangunahan ako ng aking tiwaling disposisyon at ayoko nang maging isang walang kwentang katatawanan ni Satanas. Kailangan kong maging isang matapat na tao na may pagpapahalaga sa pagiging katarungan na nagpapalugod sa Diyos. Nang maunawaan ito, nagkaroon ako ng kapasyahang isagawa ang katotohanan at maghimagsik laban sa laman. Itataguyod ko ang mga prinsipyo at papanig sa Diyos sa pagprotekta sa gawain ng iglesia, anuman ang maging tingin sa akin ng iba. Kinabukasan ay hinanap ko ang dalawang brother at habang naghahanda akong tukuyin ang kanilang problema, nagsimula akong mag-alala nang kaunti, iniisip na, “Paano kung hindi nila matanggap na sila’y inilalantad at pinupungusan at ibaling nila ang kanilang galit sa akin? Ano pang mukha ang maihaharap ko kung gayon?” Napagtanto kong napipigilan ako ng tiwali kong disposisyon, kaya’t nanalangin ako, humihiling sa Diyos na tulungan akong isagawa ang katotohanan. Pagkatapos ay may isang bagay akong naalala na sinabi ng Diyos: “Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagtataksil. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagtataksil” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1). Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na kung patuloy akong magiging mahilig magpalugod ng mga tao at hindi isasagawa ang katotohanan o poprotektahan ang mga interes ng iglesia, kung gayon ay pinagtataksilan ko ang Diyos. Alam kong kailangan kong itigil ang pagprotekta sa mga relasyon ko sa ibang mga tao, at anuman ang isipin nila sa akin pagkatapos kong magsalita tungkol sa kanilang problema, kailangan kong harapin ang Diyos at isagawa ang katotohanan. Kaya’t inilantad ko ang kanilang mapagmataas at hindi mapagkaisang pag-uugali, at ang diwa at mga kahihinatnan ng mga bagay na iyon. Nakahanap din ako ng ilang salita ng Diyos para basahin sa kanila. Pagkatapos makinig, nakapagnilay sila at naunawaan ang kanilang sarili batay sa mga salita ng Diyos at ninais nilang magsisi at magbago. Napakasaya ko na makitang nagawa nilang makita ang kanilang sarili, pero medyo nakonsensya rin ako. Kung naisagawa ko ang katotohanan at natulungan ko silang malaman kung gaano kalubha ang problema nila nang mas maaga, at naitama sana nila ang mga bagay nang mas maaga. Hindi na sana sila nagpatuloy na mamuhay sa katiwalian, na pinipinsala at pinaglalaruan ni Satanas, at lalong hindi na sana nila naantala ang gawain ng iglesia. Dati ay palagi akong natatakot na kung tutukuyin ko ang mga problema ng iba, maiinis sila at mapopoot sa akin. Pero sa katunayan, nasa isip ko lang ang lahat ng iyon. Hangga’t kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, hindi siya magkakaroon ng anumang masasamang palagay, bagkus ay matututo siya ng isang leksyon. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay kapaki-pakinabang para sa iba at para sa sarili ko.
Mas nagkaroon na ako ng kumpiyansa sa pagsasagawa ng katotohanan at pagiging isang matapat na tao pagkatapos niyon. Hindi na ako gaanong napipigilan ng pag-iisip sa katayuan at reputasyon. Kapag nakikita ko ang mga problema ng aking mga kapatid, kaya ko nang magbahagi at tumulong sa kanila kaagad, inilalantad at sinusuri ang kanilang mga isyu. Talagang nadama ko ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng mga karanasang ito. Ito ang paghatol at paglalantad ng salita ng Diyos ang nagpabago sa aking kaisipan ng pagpapalugod ng mga tao. Nadama ko na ang pagsasagawa ng katotohanan ay nagbibigay ng kapanatagan at ng tunay na kapayapaan ng isipan, higit na mas mabuti ito kaysa sa palaging pagsusumikap na makapagpalugod, natatakot na makapagpasama ng loob. Nagawa ko ring mamuhay nang may kaunting wangis ng tao. Nakita ko na tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at maaari tayong bigyan nito ng direksyon at landas para sa kung anong ginagawa natin at sa kung sino tayo. Ang mabuhay bilang isang matapat na tao ayon sa mga salita ng Diyos ay ang tanging paraan para maging isang mabuting tao.