38. Mga Aral na Natutuhan Sa Pamamagitan ng mga Kabiguan

Ni Jiang Ping, Tsina

Dati, noong ako ay nananampalataya sa Panginoong Jesus, madalas akong magbasa ng Bibliya at magpalaganap ng ebanghelyo ng Panginoon. Pagkatapos manampalataya sa Makapangyarihang Diyos at basahin ang Kanyang mga salita, nalaman ko na ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan sa mga huling araw upang gawin ang gawain ng paghatol sa mga tao—upang dalisayin at iligtas sila. Kaya, lalo akong naging aktibo sa aking tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pagsasanay, naging mas malinaw sa akin ang tungkol sa katotohanan ng pagpapatotoo sa gawain ng Diyos, naunawaan ang mga prinsipyo ng pangangaral ng ebanghelyo at nagkaroon ako ng ilang karanasan, kaya mabisa talaga ang aking pangangaral. Sinabi ng lahat ng aking mga kapatid na talagang magaling ako dito, at na nauunawaan ko ang mga kuru-kuro at pagbabahaginan ng mga kandidato sa ebanghelyo upang malutas ang mga ito. Ang mga problemang mahirap para sa kanila ay hindi masyadong mahirap para sa akin. Kalaunan, habang ipinangangaral ko ang ebanghelyo, inaresto ako ng pulis at sinentensyahan ng isang taon sa bilangguan. Nang makalaya ako, kaagad akong nagsimula na muling ipangaral ang ebanghelyo. Marami sa aking mga kapatid ang ngayon pa lamang natutong mangaral ng ebanghelyo, at hindi sila nakakakuha ng magagandang resulta, kaya itinalaga ako ng lider para mamuno sa gawain ng ebanghelyo. Kasama ang aking mga kapatid, sinuri ko ang ilang mga kuru-kuro na karaniwang pinanghahawakan ng mga kandidato sa ebanghelyo, at ipinaliwanag ko kung paano lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng pagbabahagi. Kung minsan ay nakakatagpo kami ng mga kandidato sa ebanghelyo na may maraming kuru-kuro sa relihiyon, at nakikipagbahaginan ang mga kapatid sa kanila nang maraming beses nang walang epekto. Ngunit noong ako ang nakipagbahaginan sa kanila, mabilis kong naresolba ang kanilang mga kuru-kuro. Sa paglipas ng panahon, paganda nang paganda ang mga resulta na nakukuha ng gawain ng ebanghelyo. At, unti-unti, nagsimula akong humanga sa aking sarili. Inisip ko na mataas talaga ang kakayahan ko, at madali kong nareresolba ang mga problemang hindi kaya ng ibang mga kapatid. Naisip ko na ako ay isang bihirang talento. Nagsimulang tumaas nang tumaas ang tingin ko sa aking sarili, at kinutya ko ang iba dahil sa kanilang kawalang-ingat at mababang kakayahan.

Minsan, lumapit sa akin ang isang kapatid na nagdidilig sa mga baguhan. Sinabi niya na nagtanong ang isang baguhan, at gusto niyang makipagbahaginan ako sa baguhan kasama siya. Inis na inis ako sa kanya. Naisip ko, “Bakit hindi mo kayang lutasin ang simpleng problema na tulad niyan? Ganyan ka ba kawalang-interes sa iyong tungkulin, walang pasanin? Sobrang baba ba ng kakayahan mo na hindi mo kayang lutasin ang mga kuru-kuro ng isang baguhan?” Kaya sinaway ko siya, at sinabi ko, “Kung hindi mo man lang kayang diligan nang mabuti ang isang baguhan, ano pa ang silbi mo?” Yumuko lang ang aking kapatid, at walang sinabi. Bumagsak ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Alam kong hindi tama na sinabi ko iyon. Pero naisip ko, “Kung hindi ako magiging mahigpit sa kanya, hindi niya ito isasapuso, at hindi siya huhusay.” Pagkatapos niyon, hindi na siya naglakas-loob na lumapit sa akin kapag may problema siya. Siya ay negatibo, at kontrolado. Pakiramdam niya ay napakababa ng kanyang kakayahan para gawin ang kanyang tungkulin at diligan ang mga baguhan. Alam ko kung ano ang nararamdaman niya, ngunit hindi ko pinagnilayan ang aking sarili. Hindi ako nakipagbahaginan o sinubukang tulungan siya. Sa isip ko, minaliit ko siya. Hindi ba’t pag-aantala ng mga bagay-bagay ang pagpapagawa sa kanya ng gawaing ito gayong hindi niya kayang lutasin ang mga simpleng problema? Kaya, pagkatapos niyon, pinahinto ko siya sa pagdidilig sa baguhan na iyon. Sa isa pang pagkakataon, ako at isang lider sa iglesia ay nagdaos ng pagtitipon para sa mga baguhan. Ngunit pagkatapos ng pagbabahagi ng lider, hindi nalutas ang mga problema ng mga baguhan. Naisip ko, “Ikaw ang lider, pero hindi mo man lang madiligan ang mga baguhan.” Kaya, ako na ang nagkusa at tinanong ko sila, “Naunawaan ba ninyong lahat ang sinabi ngayon ng kapatid?” Umiling sila at sinabing hindi pa sila nalinawan. Pagkatapos niyon, tinalakay ko sa kanila nang detalyado ang tungkol sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Masaya silang nakinig, at marami sa kanila ang nagsabi, “Ngayong ipinaliwanag mo ito nang ganito, naiintindihan na namin.” Ang makitang ganito ang pagturing nila sa akin ay sobrang nagpasaya sa akin. Nadama ko na mas mahusay ako kaysa sa lider sa pangangaral ng ebanghelyo at pagdidilig.

Pagkatapos, palagi kong ipinagmamalaki ang sarili ko at minamaliit ang iba. Lalong naging mayabang ang aking disposisyon. Ipinataw ko ang aking kalooban sa lahat ng bagay na may kinalaman sa gawain, malaki man o maliit. Naisip ko lang na mas magaling ako kaysa sa aking mga kapatid, at kahit na pinag-usapan namin ang mga bagay-bagay, ako pa rin naman ang masusunod, kaya maaari akong basta na lang magdesisyon sa aking sarili at iwasang mag-aksaya ng oras. At sa gawaing pangangaral at pagdidilig, pakiramdam ko ay nasa ilalim ko ang lahat, at mas mabuti kung ako mismo ang gumawa ng lahat. Kaya, nagsimula akong mangaral at magdilig nang sabay. Kinuha ko ang lahat ng uri ng trabaho nang mag-isa. Sa sobrang abala ko ay halos hindi ko na magawang magpahinga. Ngunit nalaman ng lider na hindi ako nagsasanay ng sinuman, na hindi ko pinayagang magsanay ang iba, at pinungusan niya ako. Sinabi n’ya, “Ginagawa mo ang lahat nang mag-isa. Hindi mo ba naiisip na ito ay kayabangan?” Kahit na naharap sa pagpupungos at pagsuway, hindi ko sineryoso iyon. Pakiramdam ko bawat araw, mula madaling-araw hanggang dapit-hapon, abala ako sa pangangaral at pagdidilig sa mga baguhan, na sa opinyon ko ay nagpapakita na nagdadala ako ng pasanin para sa aking tungkulin. Inakala ko rin na magaling ang aking kakayahan at kahusayan sa pagtatrabaho, at, hangga’t nagkakaroon ako ng mga resulta, hindi problema ang aking pagmamataas. Pagkatapos, ipinagpatuloy ko ang paggawa ng mga bagay-bagay sa sarili kong paraan. Anuman ang nangyari, hinarap ko ito nang mag-isa, nang hindi nakikipag-usap sa iba. Ang ilan sa aking mga kapatid ay nakaramdam na napipigilan. Inisip nila na hindi sila sapat, at namuhay sa pagiging negatibo. Ang iba ay lalo nang umasa sa akin. Wala silang dinalang pasanin sa kanilang mga tungkulin, at laging naghihintay sa aking mga tagubilin, at naapektuhan nito ang gawain ng ebanghelyo at ang gawain ng pagdidilig. Hindi nagtagal pagkatapos ng lahat ng ito, ang mga mata ko ay nagsimulang tuluy-tuloy na lumuha. Minsan ay sobrang lubha nito na hindi na ako makakita. Sinabi ng doktor na nabarahan ang aking tear ducts, at kailangan akong maoperahan. Habang naglalakad ako pauwi, nagsimula akong mapaisip, “Sa biglaang pagkakaroon ng ganitong sakit sa mata, siguradong may layunin ng Diyos sa likod nito. Nasaktan ko ba ang Diyos sa anumang paraan?” Noon ako nagsimulang pagnilayan ang kalagayan kung paano ko ginagawa ang aking tungkulin. Nanalangin ako sa Diyos sa aking puso, humihiling sa Kanya na liwanagan ako, upang maunawaan ko ang aking problema.

Pag-uwi ko, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang ilang tao na nakagawa ng kaunting gawain at nakapamuno nang maayos sa isang iglesia ay talagang nag-iisip na nakahihigit sila kaysa sa iba, at kadalasang nagpapakalat ng mga salitang tulad ng: ‘Bakit ako inilalagay ng Diyos sa isang mahalagang posisyon? Bakit palagi Niyang binabanggit ang pangalan ko? Bakit palagi Niya akong kinakausap? Mataas ang tingin sa akin ng Diyos dahil may kakayahan ako at dahil nakaaangat ako sa ordinaryong tao. Naiinggit pa nga kayo na tinatrato ako ng Diyos nang mas mabuti. Ano ang dapat ninyong ikainggit? Hindi ba ninyo nakikita kung gaano karami ang ginagawa ko at kung gaano kalaki ang isinasakripisyo ko? Hindi kayo dapat mainggit sa anumang magagandang bagay na ibinibigay sa akin ng Diyos, dahil karapat-dapat ako sa mga ito. Maraming taon akong nagtrabaho at labis akong nagdusa. Karapat-dapat ako sa papuri at kwalipikado ako.’ May iba na nagsasabing: ‘Tinulutan ako ng Diyos na sumali sa mga pagpupulong ng magkakatrabaho at makinig sa Kanyang pagbabahagi. Mayroon akong ganitong kwalipikasyon—mayroon ba kayo niyon? Una, mayroon akong mataas na kakayahan, at hinahangad ko ang katotohanan nang higit sa inyo. Bukod dito, ginugugol ko ang aking sarili nang higit sa inyo, at kaya kong tapusin ang gawain ng iglesia—kaya ba ninyo iyon?’ Ito ay kayabangan. Magkakaiba ang mga resulta ng pagganap ng mga tao sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang gawain. Ang ilan ay may magagandang resulta, samantalang ang iba ay may hindi magagandang resulta. Ang ilang tao ay ipinanganak na may mahusay na kakayahan at nagagawa rin nilang hanapin ang katotohanan, kaya mabilis na bumubuti ang mga resulta ng kanilang mga tungkulin. Ito ay dahil sa kanilang mahusay na kakayahan, na paunang itinakda ng Diyos. Ngunit paano lutasin ang problema ng hindi magagandang resulta sa pagganap ng tungkulin ng isang tao? Dapat kayong patuloy na maghanap sa katotohanan at magsikap, at pagkatapos, kayo rin ay unti-unting makakakuha ng magagandang resulta. Hangga’t nagsusumikap kayo para sa katotohanan at nagkakamit sa abot ng inyong mga kakayahan, sasang-ayon ang Diyos. Ngunit magaganda man o hindi ang mga resulta ng inyong gawain, hindi kayo dapat magkaroon ng mga maling ideya. Huwag ninyong isiping, ‘Kwalipikado akong maging kapantay ng Diyos,’ ‘Kwalipikado akong tamasahin ang ibinigay sa akin ng Diyos,’ ‘Kwalipikado akong purihin ng Diyos,’ ‘Kwalipikado akong mamuno sa iba,’ o ‘Kwalipikado akong magsermon sa iba.’ Huwag mong sabihing kwalipikado ka. Hindi dapat magkaroon ng ganitong mga kaisipan ang mga tao. Kung mayroon ka ng mga kaisipang ito, nagpapatunay ito na wala ka sa iyong angkop na kinalalagyan, at ni wala ka ng pangunahing katinuan na dapat taglayin ng isang tao. Kaya paano mo maiwawaksi ang iyong mayabang na disposisyon? Hindi mo ito magagawa(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Napagtanto ko na nangingibabaw sa pag-uugali ko ang aking mapagmataas na kalikasan. Nang magkaroon ako ng mga resulta sa gawaing pangangaral at pagdidilig, nabuhayan ako ng loob. Naisip ko na ang aking mga abilidad at kakayahan ay napakahuhusay, na ako ay kailangang-kailangan sa gawain ng ebanghelyo. Ginawa kong kapital ang mga kasanayang ito. Masyado akong mayabang kaya binalewala ko ang iba. Kumilos ako na parang mas mataas ako sa iba, pinagagalitan at kinokontrol sila. Nang nahirapan ang kapatid ko sa pagdidilig ng mga baguhan, hindi ko siya tinulungan na lutasin ang problema—ginamit ko lang ang katayuan ko para sawayin siya. At nang sabay naming diniligan ng lider ang mga baguhan, at hindi nalutas ng lider ang kanilang mga problema, hindi ako nakipagtulungan sa pagbabahaginan. Sa halip, minaliit ko ang lider, at sadyang ipinakita ito sa harap ng mga baguhan. Kapag may mga problema sa gawain, hindi ko hinanap ang mga katotohanang prinsipyo o tinalakay ang mga bagay-bagay sa aking mga kapatid. Inisip ko na mayroon akong karanasan upang makita nang malinaw ang mga bagay, na kaya kong magdesisyon at asikasuhin ang lahat nang ako lang. Hindi ko binigyan ng pagkakataong magsagawa ang iba, at nang ako ay pinungusan, hindi ko ito itinuring bilang isang problema. Inisip ko na ako ay nagdadala ng pasanin sa aking tungkulin. Inisip ko ang aking senyoridad at hindi tinanggap ang pagpupungos. Tunay na sobrang mapagmataas ako. Sa puso ko, hindi ako natakot o nagpasakop sa Diyos. Ako ang namamahala sa gawain ng ebanghelyo. Dapat ay sinanay ko ang aking mga kapatid na ipangaral din ang ebanghelyo. Ngunit sa halip, hinamak at minamaliit ko sila, at inasikaso ang lahat nang mag-isa. Bilang resulta, naramdaman nilang kinokontrol ko sila, at ang ilan ay tunay na nakaasa sa akin, at hindi na mabuhat ang pasanin sa kanilang tungkulin, at naapektuhan ang gawain ng ebanghelyo. Hindi ito paggawa ng aking tungkulin—ito ay paggawa ng masama, at humahadlang sa gawain ng ebanghelyo. Dati, inisip ko na dinadala ko ang pasanin sa aking tungkulin sa pamamagitan ng paggawa ng lahat nang ako lang. Pero sa totoo lang, mayabang lang ako. Inuuna ko ang sarili ko kaysa ang iba, tinatrato ko sila bilang hindi mahalaga at pinangangasiwaan ko ang lahat, kumikilos nang kusa at walang ingat sa aking mapagmataas na disposisyon, nang hindi iniisip ang Diyos o ang ibang tao. Hindi ba’t ito ang disposisyon ng arkanghel? Kung hindi ako magsisisi, itataboy ako at ititiwalag ng Diyos. Nang iniisip ito, napagtanto ko na itinutuwid at dinidisiplina ako ng Diyos sa pamamagitan ng sakit na ito. Kung hindi ginamit ng Diyos ang sitwasyong ito para sa akin, baka ipinagpatuloy ko pa ang pagkilos ayon sa aking mapagmataas na disposisyon. Patuloy sana akong gumawa ng masasamang bagay, sinasaktan ang disposisyon ng Diyos, at pinarurusahan. Nang matanto ko ito, umiyak ako at nanalangin sa Diyos, “O Diyos ko! Masyado akong mayabang na wala akong pagkatao o katwiran. Hindi ako karapat-dapat na mabuhay sa harapan Mo. Diyos ko! Ayaw kong lumaban o maghimagsik laban sa Iyo. Gusto kong magsisi!” Pagkatapos noon, hayagan kong ibinahagi ang aking kalagayan sa aking mga kapatid. Isiniwalat at hinimay ko kung paano ko sila nasaktan dahil sa aking mapagmataas na disposisyon, at humingi ako ng tawad. Pagkatapos noon, naging mas mapagpakumbaba ako sa pagtupad ng aking tungkulin. Tinalakay ko ang lahat sa aking mga kapatid, at hindi nagtagal ay gumaling ang aking sakit. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso.

Pagkaraan ng ilang panahon, dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng ebanghelyo, inatasan ako ng iglesia na ipalaganap ang ebanghelyo sa ibang lugar. Hindi ko maiwasang magsimulang humanga muli sa aking sarili: Mukhang maganda ang ginagawa ko sa pangangaral ng ebanghelyo. Kung hindi, bakit nila ako ipapadala sa ibang lugar upang ipalaganap ang ebanghelyo? Isang araw, umalis ako para ipangaral ang ebanghelyo sa dalawang relihiyosong mananampalataya. Hindi ko inisip na magiging mahirap, kaya hindi ko sinubukang unawain nang maaga ang kanilang sitwasyon o ang kanilang pangunahing mga kuru-kuro. Sa halip, tulad ng ginawa ko dati, direkta kong pinatotohanan ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Pagkarinig nila rito, nalaman nila na ako ay isang mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, at kaya naging depensibo sila. Hindi na nila gustong makarinig ng kahit ano mula sa akin. Sa oras na iyon, natulala ako. Pumunta ako sa malayong lugar na ito, at inisip ko na mabilis kong mapapalawak ang gawain ng ebanghelyo. Hindi ko akalain na mabibigo ako nang ganito kaaga. Paano ko palalawakin ang gawain ng ebanghelyo ngayon? Gayunpaman, hindi pa ako handang sumuko. Marahil ito ay isang beses lang na problema, at nabigo lang ako sa pagkakataong ito. Ipinalalaganap ko ang ebanghelyo sa loob ng napakaraming taon, kaya natitiyak kong makakakumbinsi ako ng mga tao. Pero kahit saan ako nagpunta, nabigo ako. Nakaramdam ako ng labis na pagkabigo, at napakalungkot ng kalagayan ko. Pagkatapos niyon, tinanggal ako. Nasasaktan akong isipin na napakawalang-bisa ng aking pangangaral. Pakiramdam ko ay wala akong silbi. Kung magpapatuloy ito, matitiwalag ba ako? Hinahanap-hanap ko iyong mga panahon na masigasig kong ipinangangaral ang ebanghelyo. Kahit na mahirap ang gawain at nakakapagod, sumasaya ako kapag nakakakuha ng magagandang resulta. Ngunit bakit hindi ko makuha ang mga resultang iyon ngayon? Sa isiping iyon, nakaramdam ako ng sobrang kirot sa aking puso. Sa aking kirot na nararamdaman, paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos ko! Anong mga aral ang kailangan kong matutunan sa sitwasyong ito? Pakiusap, bigyan Mo ako ng kaliwanagan, at gabayan Mo ako upang maunawaan ko ang aking sarili.”

Habang naghahanap, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay pinagkalooban ng talino o may talento, ibig sabihin na siya ay likas na mas magaling sa isang bagay o nangunguna sa ibang paraan kung ihahambing sa iba. Halimbawa, maaaring mas mabilis kang tumugon kaysa sa iba, mas mabilis maunawaan ang mga bagay-bagay kaysa sa iba, nalinang ang kasanayan sa ilang partikular na kakayahang propesyonal, o maaaring isa kang magaling na tagapagsalita, at iba pa. Ang mga ito ay mga kaloob at talentong maaaring taglayin ng isang tao. Kung may mga partikular kang talento at kalakasan, napakahalaga kung paano mo nauunawaan at pinangangasiwaan ang mga ito. Kung iniisip mong hindi ka mapapalitan dahil wala nang ibang taong mayroong mga talento at kaloob na gaya ng sa iyo, at na isinasagawa mo ang katotohanan kung ginagamit mo ang mga kaloob at talento mo para gampanan ang iyong tungkulin, tama ba o mali ang pananaw na ito? (Mali.) Bakit mo sinabing mali ito? Ano ba talaga ang mga talento at kaloob? Paano mo dapat unawain ang mga ito, gamitin ang mga ito at harapin ang mga ito? Ang katunayan ay anumang kaloob o talento ang mayroon ka, hindi ito nangangahulugang mayroon ka ng katotohanan at buhay. Kung mayroong partikular na mga kaloob at talento ang mga tao, nararapat lang para sa kanila na gumanap ng isang tungkulin kung saan ginagamit ang mga kaloob at talentong ito, pero hindi ibig sabihin nito na isinasagawa nila ang katotohanan, hindi rin ito nangangahulugang ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Halimbawa, kung ipinanganak kang may kaloob sa pagkanta, kinakatawan ba ng kakayahan mong kumanta ang pagsasagawa ng katotohanan? Ibig sabihin ba nito na kumakanta ka ayon sa mga prinsipyo? Hindi. Sabihin natin, halimbawa, na mayroon kang likas na talento sa mga salita at magaling ka sa pagsusulat. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, sasang-ayon ba ang iyong pagsusulat sa katotohanan? Ibig sabihin ba nito may patotoo kang batay sa karanasan? (Hindi, hindi ito ang ibig sabihin.) Kaya, ang mga kaloob at talento ay iba sa katotohanan at hindi maaaring paghambingin ang mga ito. Anuman ang kaloob na mayroon ka, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo gagampanan nang maayos ang iyong tungkulin. May ilang taong madalas na ipinagmamalaki ang mga kaloob nila at karaniwang pakiramdam nila na mas magaling sila sa iba, kaya hinahamak nila ang ibang tao at ayaw nilang makipagtulungan sa iba kapag tumutupad sila ng mga tungkulin nila. Palagi nilang gustong sila ang nasusunod, at ang resulta nito ay madalas nilang nilalabag ang mga prinsipyo kapag ginagampanan nila ang mga tungkulin nila, at napakababa rin ng kahusayan nila sa pagtatrabaho. Dahil sa mga kaloob, naging mapagmataas sila at mapagmagaling, naging mapanghamak sa iba, at nagdulot ito upang palagi nilang maramdaman na mas mabuti sila kaysa ibang tao at na walang sinumang kasingbuti nila, at dahil dito ay naging hambog sila. Hindi ba’t nasira na ang mga taong ito ng kanilang mga kaloob? Ganoon nga. Ang mga taong likas na matalino at may mga talento ay ang pinakamalamang na maging mapagmataas at mapagmagaling. Kung hindi nila hahangarin ang katotohanan at palagi silang mabubuhay sa mga kaloob nila, napakamapanganib na bagay iyan. Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao sa sambahayan ng Diyos, anumang uri ng talento ang mayroon siya, kung hindi niya hahangarin ang katotohanan tiyak na mabibigo siyang tuparin ang tungkulin niya. Anuman ang mga kaloob at talentong mayroon ang isang tao, dapat niyang gampanan nang maayos ang uri ng tungkuling iyan. Kung nauunawaan din niya ang katotohanan at nagagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, magkakaroon ng papel na gagampanan ang mga kaloob at talento niya sa pagtupad ng tungkuling iyan. Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan, at hindi humahanap sa mga katotohanang prinsipyo, at sumasandig lamang sa mga kaloob nila para gawin ang mga bagay-bagay ay hindi magkakamit ng anumang resulta mula sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin, at maaari pa silang matiwalag. … Iniisip ng mga taong may kaloob at may mga talento na napakatalino nila, na nauunawaan nila ang lahat ng bagay—ngunit hindi nila alam na ang mga kaloob at talento ay hindi kumakatawan sa katotohanan, na ang mga bagay na ito ay walang koneksyon sa katotohanan. Kapag sumasandig ang mga tao sa mga kaloob nila at imahinasyon sa mga kilos nila, kadalasang sumasalungat sa katotohanan ang mga kaisipan at opinyon nila—ngunit hindi nila ito nakikita, iniisip pa rin nila, ‘Tingnan ninyo kung gaano ako katalino; napakatalino nang nagawa kong mga pagpapasya! Napakatalinong mga desisyon! Hindi ako kayang pantayan ng sinuman sa inyo.’ Magpakailanman silang nabubuhay sa kalagayan ng narsisismo at pagpapahalaga-sa-sarili. Nahihirapan silang patahimikin ang kanilang puso at nahihirapan silang magbulay-bulay sa hinihingi sa kanila ng Diyos, kung ano ang katotohanan, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Kaya nahihirapan silang maunawaan ang katotohanan, at kahit na gumaganap sila ng isang tungkulin, hindi nila nagagawang isagawa ang katotohanan, kaya napakahirap din para sa kanila na pumasok sa katotohanang realidad. Sa madaling salita, kung hindi kaya ng isang taong hangarin ang katotohanan at tanggapin ang katotohanan, anuman ang mga kaloob at talentong mayroon siya, hindi niya magagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin—walang kahit katiting na pagdududa dito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay?). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagkakaroon ng mga natatanging talento at kaloob ay hindi nangangahulugan na nasa iyo ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, o ginagampanan mo ang iyong tungkulin nang hindi naghahanap ng mga alituntunin, at palagi mong ginagamit ang iyong mga talento at regalo bilang kapital, lalo kang magiging mayabang sa paglipas ng panahon. Napagtanto ko na, mula noong simulan ko ang aking tungkulin, nabuhay ako sa aking mga kaloob. Lubos kong alam ang Bibliya, at nagkaroon ako ng karanasan sa pangangaral ng ebanghelyo, kaya’t itinuring ko ang mga bagay na ito bilang kapital, nagiging mas at mas mayabang pa. Minaliit ko silang lahat. Itinuring ko silang lahat na hindi mahalaga. Pinungusan ako ng lider dahil sa aking kayabangan, pero hindi ko ito tinanggap. Ginamit ko pa rin ang aking mga kaloob bilang kapital, at tinanggihan ang kanyang mga mungkahi. Kapag nangangaral ako sa ibang lugar, hindi ko hinanap ang mga prinsipyo ng katotohanan. Umasa ako sa aking mga kaloob at karanasan, at sinubukan kong makamit ang magagandang bagay. At, bilang resulta, paulit-ulit akong nabigo. Pero kahit noon pa man, hindi ko naisip na problema ang ugali ko. Hindi ako nagnilay-nilay. Inisip ko nang walang kahihiyan na dahil may mga kaloob at karanasan ako, kaya kong gawin ang tungkulin ko nang maayos. Masyado akong mayabang at hindi makatwiran. Naisip ko si Pablo, na may kaloob, matalino at mahusay magsalita. Siya ay may malalim na kaalaman sa Kasulatan, at mahusay sa pangangaral ng ebanghelyo at pagpapabalik-loob ng mga tao. Ngunit ginamit niya ang lahat ng ito bilang kapital. Lalong naging mapagmataas ang kanyang disposisyon, at hindi niya isinaalang-alang ang ibang tao. Sinabi niya na hindi siya nahuhuli sa mga apostol, at gumawa lamang para sa kapakanan ng mga gantimpala at korona. Sinabi niya pa na para sa kanya, ang mabuhay ay si cristo. At sa huli, pinarusahan siya ng Diyos. Ang kanyang kuwento ay nagpapakita na ang pagkakaroon ng mga kaloob ay hindi nangangahulugan na nasa sa iyo ang katotohanang realidad. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi magbabago ang iyong tiwaling disposisyon, at mabubunyag at matitiwalag ka. Kalaunan, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay-linaw sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa pagganap ninyo ng inyong tungkulin, nadarama ba ninyo ang patnubay ng Diyos at ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu? (Oo.) Kung nagagawa ninyong maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, pero mataas pa rin ang tingin ninyo sa inyong sarili, at iniisip ninyong nagtataglay kayo ng realidad, ano ang nangyayari rito? (Kapag nagbunga na ang pagganap natin ng ating tungkulin, iniisip natin na kalahati ng papuri ay para sa Diyos, at kalahati ay para sa atin. Pinalalaki natin nang walang hangganan ang ating pakikipagtulungan, iniisip natin na wala nang mas hahalaga pa kaysa sa ating naitulong, at na hindi naging posible ang pagbibigay-kaliwanagan ng Diyos kung wala ito.) Kaya bakit nga ba binigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos? Mabibigyan din ba ng Diyos ng kaliwanagan ang ibang tao? (Oo.) Kapag binibigyang-liwanag ng Diyos ang isang tao, ito ay dahil sa biyaya ng Diyos. At ano naman ang kaunting naitulong mo? Dapat ka bang purihin para sa bagay na ito, o tungkulin at responsabilidad mo ba ito? (Tungkulin at responsabilidad namin ito.) Kapag kinikilala mong tungkulin at responsabilidad mo ito, wasto ang pag-iisip mo, at hindi mo maiisip na subukang umani ng papuri para dito. Kung palagi mong iniisip na ‘Kontribusyon ko ito. Magiging posible kaya ang pagbibigay ng Diyos ng kaliwanagan kung wala ang kooperasyon ko? Ang gawaing ito ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao; malaki ang bahagi ng ating pakikipagtulungan sa mga naisasakatuparan,’ kung gayon ay mali ka. Paano ka makikipagtulungan kung hindi ka naman binigyan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at kung wala namang nagbahagi ng mga katotohanang prinsipyo sa iyo? Hindi mo malalaman kung ano ang hinihingi ng Diyos, ni hindi mo malalaman ang landas ng pagsasagawa. Kahit ginusto mong magpasakop sa Diyos at makipagtulungan, hindi mo malalaman kung paano. Hindi ba mga salitang walang kabuluhan lamang ang ‘kooperasyon’ mong ito? Kapag walang tunay na pakikipagtulungan, kumikilos ka lang nang ayon sa sarili mong mga ideya—kung ganito ang kaso, tumutugon kaya sa pamantayan ang tungkuling ginagampanan mo? Talagang hindi, na nagpapahiwatig ng kasalukuyang isyu. Ano ang isyu? Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, nagkakamit man siya ng mga resulta, tumutugon man sa pamantayan ang pagganap niya sa kanyang tungkulin, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay nakasalalay sa mga kilos ng Diyos. Kahit tuparin mo ang iyong mga responsabilidad at tungkulin, kung hindi gumagawa ang Diyos, kung hindi ka binibigyang-liwanag at ginagabayan ng Diyos, hindi mo malalaman ang iyong landasin, ang iyong direksyon, o ang iyong mga mithiin. Ano ang resulta niyan sa huli? Matapos magpagal sa loob ng buong panahong iyon, hindi mo nagawang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ni hindi mo nakamit ang katotohanan at ang buhay—nauwi lang sa wala ang lahat. Samakatuwid, ang paggawa ng iyong tungkulin na pasado sa pamantayan, na nakapagpapatibay sa iyong mga kapatid, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay lubos na nakasalalay sa Diyos! Maaari lamang gawin ng mga tao ang mga bagay na personal na kaya nilang gawin, na dapat nilang gawin, at na likas silang may kakayahang gawin—wala nang iba. Kung gayon, sa huli, ang pagganap sa iyong mga tungkulin sa epektibong paraan ay nakasalalay sa patnubay ng mga salita ng Diyos at sa kaliwanagan at pamumuno ng Banal na Espiritu; saka mo lamang mauunawaan ang katotohanan, at matatapos ang atas ng Diyos ayon sa landas na ibinigay sa iyo ng Diyos at sa mga prinsipyo na itinakda Niya. Ito ay biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at kung hindi ito nakikita ng mga tao, nabubulagan sila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga resulta na aking nakamit nang mangaral ako ng ebanghelyo at nagdilig sa mga baguhan, ay hindi ang aking merito at kapital. Ito ay dahil sa biyaya ng Diyos at patnubay ng Banal na Espiritu. Kung ang mga salita ng Diyos ay hindi nagbahagi ng lahat ng aspeto ng mga katotohanang prinsipyo upang bigyan tayo ng direksyon at landas ng pagsasagawa, ano ang maiintindihan ko? Kung wala ang pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu, at ang pagpatnubay ng mga salita ng Diyos, kahit gaano ako kahusay magsalita, kataas ang kakayahan o kapamilyar sa Bibliya, hindi ko kailanman malulutas ang mga kuru-kuro ng mga taong relihiyoso. Sa paghahayag ng mga katotohanan, nakita ko na kung wala ang pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu, isa lang akong mangmang na hindi makakapaglutas ng kahit ano, na hindi man lang makakapagpabalik-loob ng kahit isang tao. Palagi kong iniisip na ang pagkakaroon ng mga resulta sa aking tungkulin ay nangangahulugan na ang aking kakayahan ay mataas, na magaling ako. Ngunit ang totoo, hindi ko naunawaan ang gawain ng Diyos o ang sarili kong sukat. Palagi kong ginagamit ang mga bagay na ito bilang kapital para magyabang. Sobrang wala akong kahihiyan noon.

Kalaunan, mas binasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, inaalagaan ang sangkatauhan, at nagpapakita ng malasakit para sa sangkatauhan, gayundin ay patuloy at walang-tigil na naglalaan para sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman nararamdaman sa Kanyang puso na ito ay karagdagang gawain o bagay na karapat-dapat bigyan ng malaking parangal. Ni hindi rin Niya nararamdaman na ang pagliligtas sa sangkatauhan, pagtutustos sa kanila, at pagbibigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay pagbibigay ng napakalaking ambag sa sangkatauhan. Tahimik at walang-imik lamang Siyang naglalaan para sa sangkatauhan, sa sarili Niyang paraan at sa pamamagitan ng sarili Niyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya. Gaano man karami ang paglalaan at gaano man karaming tulong ang natatanggap ng sangkatauhan mula sa Kanya, hindi kailanman iniisip o sinusubukan ng Diyos na angkinin ang papuri. Ito ay itinatakda ng diwa ng Diyos, at tiyak rin na isa itong tunay na pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I). Nang mabasa ang mga salita ng Diyos, naantig ang kalooban ko. Napakabuti at napakaganda ng disposisyon ng Diyos! Upang iligtas tayo, na labis na ginawang tiwali ni Satanas, dalawang beses naging laman ang Diyos. Napakarami Niyang ginawa, at napakaraming sinabi, at nagtiis Siya ng matinding kahihiyan at pasakit. Ngunit hindi ito kailanman ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi niya kailanman nadama na ito ay isang usapin na karapat-dapat na purihin nang husto. Ang diwa ng Diyos ay hindi nagpapakita ng bakas ng pagmamataas at pagpapakitang gilas. Sa halip, tahimik Siyang gumawa upang tapusin ang Kanyang gawain. Kahanga-hanga ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos. Ni hindi man lang ako kasing-galing ng langgam. Nakakuha ako ng ilang magagandang resulta sa aking tungkulin at inisip kong kamangha-mangha ako. Inisip ko na marami na akong naabot kaya minaliit ko na ang iba. Nang maisip ko kung paano ako umakto noong sinermunan at minaliitt ko ang ibang tao—ang aking tono, at ang aking ugali—nakaramdam ako ng pagkamuhi. Kung hindi isinaayos ng Diyos ang lahat ng ito upang ibunyag at pungusan ako, ang mapagmataas na kalikasan ko ay nakagulo at nakagambala na ako sa gawain ng iglesia. Ngunit pinigilan ako ng Diyos na tahakin ang masamang landas na iyon, at pinahintulutan akong magsisi at magbago. Iniligtas ako ng Diyos. Ako ay labis na nagpapasalamat sa Kanya! Kaya, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Ayokong mamuhay ayon sa mapagmataas kong disposisyon. Nawa’y gabayan at iligtas Mo ako, at tulungan akong mamuhay bilang isang tao.”

Makalipas ang ilang panahon, medyo bumuti ang kalagayan ko. Itinalaga ako ng lider ko para diligan ko ulit ang mga baguhan. Sa isang pagkakataon, ang isa sa aking mga kapatid ay nagkaroon ng problema sa pagdidilig ng isang baguhan, at hindi niya alam kung ano ang gagawin. Kaya lumapit siya sa akin, gustong makipagbahaginan. Lumalabas na hindi niya naunawaan nang maayos ang ugat ng mga problema ng baguhan na iyon, at nagsimula akong makaramdam ng pangmamaliit sa kanya. Naisip ko, “Masyadong mababa ang kakayahan mo. Hindi mo man lang makita ang mga problema ng baguhan. Kung lahat nagdidilig sa mga baguhan ay kagaya mo, hindi ba mapipigilan ang gawain ng iglesia?” Ngunit, sa pagkakataong ito, alam kong ibinubunyag ko ang aking mapagmataas na disposisyon. Kaya nanalangin ako sa Diyos, naghimagsik ako sa aking sarili. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na ito: “Bilang isang taong bihasa sa propesyonal na kaalaman, hindi ka dapat magmagaling o magmalaki sa iyong mga kuwalipikasyon; dapat mong ituro nang maagap ang iyong mga kasanayan at kaalaman sa mga baguhan, para lahat ay sama-samang magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin. Maaaring ikaw ang pinakamaalam tungkol sa iyong propesyon at nangunguna pagdating sa kasanayan, ngunit ito ay isang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos, at dapat mo itong gamitin upang magampanan ang iyong tungkulin at mapakinabangan ang iyong mga kalakasan. Gaano ka man kasanay o katalentado, hindi mo kakayaning mag-isa ang gawain; mas mabisang nagagampanan ang isang tungkulin kung ang bawat isa ay kayang unawain ang mga kasanayan at kaalaman ng isang propesyon. Ayon nga sa kasabihan, ‘Ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao.’ Gaano man kahusay ang isang indibidwal, kung wala ang tulong ng iba, hindi ito sapat. Samakatuwid, walang sinuman ang dapat maging mapagmataas at walang sinuman ang dapat maghangad na kumilos o magdesisyon nang mag-isa. Dapat maghimagsik ang mga tao laban sa laman, isantabi ang kanilang sariling mga ideya at opinyon, at makipagtulungan nang maayos sa lahat. Ang sinumang may propesyonal na kaalaman ay dapat na buong pagmamahal na tumulong sa iba, upang maging dalubhasa rin ang iba sa mga kasanayan at kaalamang ito. Kapaki-pakinabang ito sa pagganap sa tungkulin. … Kung isinasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos at handa kang maging tapat sa gawain ng Kanyang sambahayan, dapat mong ialay ang lahat ng iyong mga kalakasan at kasanayan, upang matutunan at maunawaan ng iba ang mga ito, at magampanan nila nang mas mahusay ang kanilang mga tungkulin. Ito ang naaayon sa mga layunin ng Diyos; ang gayong mga tao lamang ang may pagkatao, at sila ay minamahal at pinagpapala ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Ang mga salita ng Diyos ay nagpakita sa akin ng isang landas ng pagsasagawa. Ang aking kapatid ay nagsasanay pa lamang sa pagdidilig sa mga baguhan. Natural lang na hindi pa niya maunawaan o malutas ang ilang partikular na isyu. Dapat kong gawin ang lahat para matulungan siya at turuan siya kung paano lutasin ang mga isyung iyon. Kaya, nagbahagi ako sa kanya, at magkasama kaming nakakita ng mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos. Kalaunan, nalutas ang mga isyu ng baguhan, at naging handa siyang ipangaral ang ebanghelyo. Tuwang-tuwa kami ng kapatid ko. Pagkatapos, nang magtrabaho ako kasama ang aking mga kapatid, mas naging mapagpakumbaba ako. Kung minsan, kapag ipinapangaral ang ebanghelyo at nagdidilig sa mga baguhan, hindi nila kayang lutasin ang mga problema ng mga kandidato sa ebanghelyo at ng mga baguhan. Pero hindi ko na sila minamaliit. Sa halip, nagbabahaginan kami at magkakasamang naghahanap ng mga prinsipyo. Kapag nag-aalok sila ng mga alternatibong mungkahi, sinasadya kong tanggihan ang aking sarili, at nakikinig ako sa kanila. Hindi ko na sila dinidiktahan o minamaliit. Ang paggawa nito ay nagbigay sa akin ng kapayapaan at kalayaan sa aking puso.

Sinundan: 37. Isang Masakit na Aral na Natutunan Mula sa Pagiging Tuso at Mapanlinlang

Sumunod: 39. Ang Transaksyon sa Likod ng Pagbabayad ng Halaga

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito