35. Kung Bakit Napakayabang Ko Noon

Ni Joanne, Timog Korea

Isang araw, binanggit sa akin ng dalawang lider ng iglesia ang isang isyu. Sinabi nila na si Isabella, na siyang namamahala sa gawain ng ebanghelyo, ay hindi maprinsipyo sa kanyang mga kilos at na hindi niya tinatalakay ang mga bagay-bagay sa mga lider ng iglesia. Sinabi nila na walang pili na lang niyang inililipat ang mga tao para magbahagi ng ebanghelyo, na nakaaapekto sa gawain na inaasikaso ng mga kapatid noong panahong iyon at nakagagambala sa gawain ng iglesia. Nang wala ni isang sandaling pagninilay-nilay, sinabi ko, “Tiyak na binago ni Isabella ang mga tungkulin ng mga tao para matugunan ang mga pangangailangan ng gawain.” Sinabi ng isa sa mga lider, “Kulang sa kakayahan si Isabella at hindi siya maabilidad sa trabaho niya. Hindi nagagawa nang maayos ang mga pagtatakda ng mga tauhan at hindi masaya ang iba tungkol dito. Naging negatibo ang kalagayan ng ilang tao dahil dito at naapektuhan ang ating gawain ng ebanghelyo. Hindi ba’t hindi siya angkop na mamahala sa gawaing ito?” Nainis talaga ako nang marinig kong gusto nila siyang palitan, at sumagot ako, “Ano? Kung hindi si Isabella ang mamamahala sa gawain ng ebanghelyo, makahahanap ba kayo ng sinumang mas mahusay? Mayroon ba tayong sinumang nababagay? Totoong umiiral iyong mga isyung binanggit ninyo, pero hindi ito masyadong kritikal. Nagkakaroon siya ng mga resulta sa gawain ng ebanghelyo—hindi natin siya pwedeng tanggalin dahil sa ganyan kaliliit na bagay! Kailangan nating pangalagaan ang gawain ng iglesia.” Habang pinabubulaanan ko ang mga lider ng iglesia, iniisip ko na naghahanap lang sila ng mali, at na walang taong perpekto. Lahat tayo ay tiwali at may kapintasan, kaya tama bang punahin ang isang tao dahil hindi niya nagagawa ang lahat nang tamang-tama? Bakit hindi nila unahin ang mga resulta ng gawain? Paano kung tanggalin namin siya at mabawasan ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo? Baka pagmukhain ako noon na hindi ko kayang gumawa ng aktuwal na gawain, tulad ng isang huwad na lider. Pagkatapos ay ano na lang ang iisipin ng iba sa akin? At papalitan ba ako ng aming nakatataas na lider kapag nalaman niya? Hindi nakapagsalita ang kausap kong dalawang lider ng iglesia sa isinagot ko. Sa wakas, sinabi ng isa sa kanila, “O siya, panatilihin natin siya sa pwesto sa ngayon.” Pagkalipas ng ilang araw, nakipag-ugnayan sa akin ang nakatataas na lider at kinumusta si Isabella sa tungkulin nito. Sabi ko, “Maayos naman siya. May ilan siyang natutupad sa gawain niya, at natatapos talaga niya ang mga bagay-bagay.” Pagkatapos ay tinanong ako ng lider, “Ano itong mga natutupad niya na binanggit mo? Nasuri mo na ba nang detalyado kung gaano karaming tao ang aktuwal niyang nakamit sa pamamagitan ng gawain ng ebanghelyo? Alam mo bang dinadagdagan niya ang mga bilang niya? Mahina ang kakayahan niya at kulang siya sa husay. Hindi niya kayang lumutas ng mga problema. Alam mo ba iyon? Alam mo ba na walang prinsipyo siyang nagtatalaga ng mga tao, na ginagambala ang gawain ng ebanghelyo?” Nang maharap sa sunod-sunod na tanong, kumabog ang puso ko at nablangko ang isipan ko. Nang makitang hindi ako makasagot sa kahit isang tanong, nagpatuloy ang lider: “Masyado kang kumbinsido na tama ka! Ang mga ganyang tao ay walang kamalayan sa sarili. Kung kilala mo talaga ang sarili mo, bakit hindi ka maghimagsik laban sa sarili mo? Bakit hindi mo tanggihan ang sarili mo? Malinaw nang binanggit ng ibang tao ang isyung ito, pero hindi mo pa ito tinatanggap. Kayabangan iyan, hindi ba? Taglay mo ba ang katotohanang realidad? Ang isang taong talagang may katotohanang realidad ay hindi naniniwala na lagi siyang tama. Kaya niyang makinig kapag tama ang ibang tao. Kaya niyang tumanggap at magpasakop sa katotohanan. Iyan ang taong may normal na pagkatao. Pero paano naman ang uri ng tao na lubhang mayabang? Kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan? Hindi tinatanggap ng mayayabang na tao ang katotohanan at hindi sila kailanman magpapasakop sa katotohanan. Hindi nila kilala ang kanilang sarili, hindi nila kayang maghimagsik laban sa sarili nila, at talagang hindi nila kayang isagawa ang katotohanan o itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila nakakasundo ang iba. Sila ay mga tao na hindi pa nagbabago ang disposisyon. Mula sa lahat ng ito, makikita natin na ang mayayabang na tao ay matatandang Satanas na hindi pa nababago. Kailangan mong pagnilayan kung ganoong uri ka ba ng tao.” Natigilan ako noon, at pagkatapos ay nakaupo lang ako roon, pinag-iisipan ang sinabi niya: Hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi sila kailanman magpapasakop sa katotohanan, hindi nila nakakasundo ang iba, hindi pa nagbabago ang disposisyon nila, at matatandang Satanas sila na hindi pa nababago. Habang mas iniisip ko ito ay mas lumalala ang pakiramdam ko, at malayang dumaloy ang mga luha ko. Sa pasakit ko, nagdasal ako habang lumuluha, “Diyos ko! Hindi ko kailanman inakala na ako ang uri ng tao na mayabang, at na hindi tumatanggap ng katotohanan. Pakiusap gabayan Mo po ako para mapagnilayan at makilala ko ang sarili ko.”

Pagkatapos, isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mapagmataas ang mga tao, mas hindi sila makatwiran, at kapag mas hindi sila makatwiran, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang itinuturing ng mga taong may mapagmataas na disposisyon ang lahat ng iba pa bilang mas mababa kaysa sa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos, at wala silang pusong may takot sa Diyos. Bagama’t maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mapagmataas na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—maliit na bagay iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mapagmataas na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging hilig ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos para sa kapangyarihan at kontrol sa iba. Ang ganitong tao ay walang pusong may takot sa Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Ang mga taong mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili, lalo na iyong mga nawalan na ng katwiran sa sobrang mapagmataas, ay hindi kayang magpasakop sa Diyos sa kanilang paniniwala sa Kanya, at sarili pa nga nila ang kanilang pinararangalan at pinatototohanan. Ang gayong mga tao ang pinakalumalaban sa Diyos at talagang hindi nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kung nais ng mga tao na magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, kailangan muna nilang lutasin ang mapagmataas nilang disposisyon. Habang mas masinsinan mong nilulutas ang mapagmataas mong disposisyon, mas lalong magkakaroon ka ng pusong may takot sa Diyos, at saka ka lang makakapagpasakop sa Kanya at makakapagtamo ng katotohanan at makikilala Siya. Ang mga nagkakamit lamang ng katotohanan ang siyang tunay na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Labis na nagbigay-liwanag sa akin ang mga salita ng Diyos. Totoo iyon. Ang kayabangan ang ugat ng katiwalian. Dahil mayabang ako, itinuring ko ang sarili ko na mas magaling kaysa sa iba, at ang mas malala pa roon, naging bulag ako sa Diyos. Kapag nagkakaroon ng mga isyu, hindi ako lumalapit sa Diyos at hinahanap ang layunin Niya, ni hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, kundi mapagmataas kong inoobliga na makinig sa akin ang lahat. Naalala ko ang komento sa akin ng mga lider ng iglesia tungkol sa mga isyu ni Isabella. Pinabulaanan ko ang lahat ng sinabi nila nang hindi iyon pinag-iisipan. Sinabi nilang hindi maprinsipyo si Isabella, na walang pili niyang inililipat ang mga tao nang hindi nakikipag-usap sa mga lider ng iglesia, na gumagambala sa mga bagay-bagay hanggang sa puntong hindi na alam ng mga tao kung anong tungkulin ang dapat nilang gawin. Ganap kong hindi tinanggap ang isyung ito at hindi man lang ako nakinig. Lubos kong ipinagtanggol si Isabella, at sinabing ganoon ang ginawa niya dahil agarang nangangailangan ng mga tao ang gawain ng ebanghelyo, at na kailangan iyong gawin. Sinabi ng mga lider ng iglesia na mahina ang kakayahan niya at hindi siya maabilidad sa trabaho, at hindi siya angkop na mamahala sa gawain ng ebanghelyo. Hindi ko inalam ang aktuwal na sitwasyon o kinonsidera kung dapat ba siyang tanggalin batay sa prinsipyo. Sa halip, tumutol ako at nainis. Inusisa ko kung bakit hindi dapat mamahala si Isabella, at tinanong ang mga lider ng iglesia kung makahahanap ba sila ng mas mahusay na superbisor kaysa sa kanya, at sa ganitong paraan ay nasindak ko silang manahimik. Sa pagbanggit ng isyung ito, ang mga lider ng iglesia ay nagpapakaresponsable at itinataguyod ang gawain ng iglesia, pero pakiramdam ko noon ay mas nauunawaan ko ang katotohanan kaysa sa kanila. Pakiramdam ko ay mas higit ang kabatiran ko habang may mababaw lang silang pagkaunawa sa katotohanan at hindi nila nakikita nang tama ang mga bagay-bagay, kaya hindi ko kailangang makinig sa kanila. Napakayabang ko at mapaghari-harian! Nagmatigas ako, tumangging tanggapin ang katotohanan—wala ni isang tamang pahayag. Pinabulaanan ko ang bawat sinabi nila, nakipagtalo hanggang sa tumigil na silang magpahayag ng kanilang mga opinyon. Wala na sa katwiran ang yabang ko at wala talaga akong may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi ako gumagamit ng mga tao ayon sa prinsipyo at napinsala ko na ang gawain ng iglesia. Hindi lang ako nabigong aminin ang mga pagkakamali ko, bagkus nang-atake pa ako, inakusahan ang mga lider ng iglesia na mapaghanap ng mali at hindi patas ang pagtrato kay Isabella. Hindi ba’t isa lang akong matandang Satanas na hindi pa nababago, na ang disposisyon ay hindi pa sumasailalim sa ni katiting na pagbabago? Paano ko makakasundo nang normal ang ibang tao at magagawang makipagtulungan nang maayos? Nabalisa talaga ako nang maisip ko iyon nang ganoon, at nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi at agad na harapin ang sitwasyon tungkol kay Isabella. Pagkatapos kong aktuwal na suriin ang mga bagay-bagay, nalaman ko na si Isabella ay mapanlinlang sa kanyang pag-uulat at ginugulo ang mga bagay-bagay, at na maraming bagong mananampalataya ang hindi dumadalo sa mga pagtitipon dahil hindi pa siya nagtatalaga ng mga tagapagdilig. Mahina na nga ang kakayahan ni Isabella, pero mayabang pa siya at mapandikta, at hindi niya tinatalakay ang gawain niya sa kahit sino. Nang lumitaw ang mga problema, hindi niya nalutas ang mga ito at hindi niya tinanggap ang mga mungkahi ng iba, kaya maraming isyu ang matagal na hindi natugunan, na hinadlangan ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo. Sa harap ng mga katunayang ito, sa wakas ay inamin kong maling tao ang napili ko. Nang imungkahi ng mga lider ng iglesia na palitan siya, tumutol ako, at sinindak ko sila na magpasakop. Mas nababalisa ako habang mas iniisip ko iyon, at kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagiging mayabang at laging pag-iisip na tama ako. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na maunawaan ang diwa ng aking problema.

Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na tumatalakay sa isyu ng kayabangan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang pagiging mayabang at mapagmatuwid ay ang pinakakapansin-pansing satanikong disposisyon ng tao, at kung hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, hinding-hindi nila malilinis ito. Ang lahat ng tao ay may mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, at palaging may labis na pagtingin sa sarili. Anuman ang iniisip nila, o ang sinasabi nila, o kung paano man nila nakikita ang mga bagay-bagay, palagi nilang iniisip na tama ang sarili nilang mga pananaw at saloobin, at na hindi kasingganda o kasingtama ng kanilang sinasabi ang sinasabi ng iba. Palagi silang kumakapit sa sarili nilang mga opinyon, at kahit sino pa ang magsalita, hindi sila makikinig dito. Tama man ang sinasabi ng iba, o naaayon sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; magmumukha lamang silang nakikinig pero hindi talaga nila tatanggapin ang ideya, at pagdating ng panahon na kailangan nang kumilos, gagawin pa rin nila ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, palaging iniisip na tama at makatwiran ang sinasabi nila. Posible na tama at makatwiran nga ang sinasabi mo, o na tama at walang mali ang ginawa mo, ngunit anong uri ng disposisyon ang naibunyag mo? Hindi ba’t iyon ay kayabangan at pagmamatuwid? Kung hindi mo iwawaksi ang mayabang at mapagmatuwid na disposisyong ito, hindi ba nito maaapektuhan ang pagganap mo sa iyong tungkulin? Hindi ba nito maaapektuhan ang pagsasagawa mo sa katotohanan? Kung hindi mo lulutasin ang iyong mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, hindi ba ito magdudulot sa iyo ng malulubhang dagok sa hinaharap? Siguradong makararanas ka ng mga dagok, hindi ito maiiwasan. Sabihin mo sa Akin, nakikita ba ng Diyos ang gayong pag-uugali ng tao? Higit pa rito ang kayang makita ng Diyos! Hindi lamang sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, pinagmamasdan din Niya ang bawat salita at gawa ng mga ito sa lahat ng oras at lugar. Ano ang sasabihin ng Diyos kapag nakita Niya ang pag-uugali mong ito? Sasabihin ng Diyos: ‘Mapagmatigas ka! Kauna-unawa na maaaring kumapit ka sa sarili mong mga ideya kapag hindi mo alam na nagkakamali ka, ngunit kapag malinaw sa iyo na nagkakamali ka at kumakapit ka pa rin sa iyong mga ideya, at mamamatay ka muna bago magsisi, isa ka talagang mapagmatigas na hangal, at may problema ka. Kung, kahit sino pa ang nagmumungkahi, palagi kang mayroong negatibo, mapanlaban na saloobin tungkol dito, at hindi mo tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan, at kung ang puso mo ay lubusang mapanlaban, sarado, at mapagwalang-bahala, ikaw ay sobrang katawa-tawa, isa kang hangal na tao! Masyado kang mahirap pakitunguhan!’ Sa anong paraan ka mahirap pakitunguhan? Mahirap kang pakitunguhan dahil ang ipinapakita mo ay hindi isang maling diskarte, o maling pag-uugali, kundi isang pagbubunyag ng iyong disposisyon. Isang pagbubunyag ng anong disposisyon? Isang disposisyon kung saan tutol ka sa katotohanan, at napopoot sa katotohanan. Sa sandaling nakilala ka bilang isang taong napopoot sa katotohanan, sa mga mata ng Diyos, may problema ka, at itataboy at babalewalain ka Niya. Mula sa perspektiba ng mga tao, ang pinakamasasabi nila ay: ‘Masama ang disposisyon ng taong ito, masyado siyang suwail, mapagmatigas, at mayabang! Mahirap pakisamahan ang taong ito at hindi siya nagmamahal sa katotohanan. Hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan at hindi niya isinasagawa ang katotohanan.’ Sa pinakamataas na antas, ito ang ibibigay na pagtatasa sa iyo ng lahat, ngunit mapagpapasyahan ba sa pagtatasang ito ang kapalaran mo? Hindi mapagpapasyahan sa pagtatasang ibinibigay sa iyo ng mga tao ang kapalaran mo, ngunit may isang bagay na hindi mo dapat kalimutan: Sinusuri ng Diyos ang puso ng mga tao, at kasabay nito ay pinagmamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa nila. Kung tinutukoy ka ng Diyos nang ganito, at sinasabing kinasusuklaman mo ang katotohanan, kung hindi lang Niya sinasabi na mayroon kang kaunting tiwaling disposisyon, o na medyo masuwayin ka, hindi ba’t isa itong napakalubhang problema? (Malubha ito.) Nangangahulugan ito na magkakaroon ng problema, at ang problemang ito ay hindi nakasalalay sa pananaw ng mga tao sa iyo, o sa kung paano ka nila tinatasa, ito ay nakasalalay sa kung paano tinitingnan ng Diyos ang iyong tiwaling disposisyon ng pagkapoot sa katotohanan. Kaya, paano ito tinitingnan ng Diyos? Tinukoy lang ba ng Diyos na napopoot ka sa katotohanan at na hindi mo minamahal ito, at iyon na iyon? Ganoon ba iyon kasimple? Saan nanggagaling ang katotohanan? Sino ang kinakatawan ng katotohanan? (Kumakatawan ito sa Diyos.) Pagnilayan ito: Kung napopoot ang isang tao sa katotohanan, kung gayon, mula sa perspektiba ng Diyos, paano Niya titingnan ang taong iyon? (Bilang kaaway Niya.) Hindi ba’t isa itong seryosong problema? Kapag napopoot sa katotohanan ang isang tao, napopoot siya sa Diyos!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya). Malaki ang naging epekto sa akin ng paghahayag ng mga salita ng Diyos. Nakita ko ang pangit na katiwalian ng aking kayabangan. Nagbigay ng ilang mungkahi ang dalawang sister tungkol sa isang taong pinili ko, pero basta ko na lang iyong hindi tinanggap—dahil pakiramdam ko ay tama ako. Hindi ko man lang sila binigyan ng pagkakataong makapagsalita, patuloy ko na lang silang pinagalitan at sinindak. Napakarami kong mayayabang na sinabi, hanggang sa kinailangan nilang umatras. Hindi lang iyon pagkakamali sa pakikitungo at pag-uugali ko. Nagmula iyon sa satanikong disposisyon ng pagiging tutol at pagkapoot sa katotohanan. Nasuklam ako—na para bang may nalunok akong nakakadiri—nang maisip ko kung paano ako nagsalita at kumilos noong nilalabanan ko ang mga lider na iyon. Sobra akong nahiya, na parang isang kaawa-awang hangal. Sa mata ng Diyos, ang pagiging tutol at pagkamuhi sa katotohanan ay pagkapoot sa Diyos at pagiging kaaway Niya, at lahat ng kaaway ng Diyos ay mga diyablo at Satanas. Ganap na tumpak ang paglalantad sa akin ng nakatataas na lider bilang isang hindi pa nababagong matandang Satanas. Iyon ang kalikasang diwa ko. Humaharap sa mga isyu nang may paglaban at pagtanggi; hindi tumatanggap ng katotohanan; ginagawa ang tungkulin ko ayon sa aking tiwali at satanikong disposisyon. Paanong hindi ito magiging paglaban sa Diyos at paanong hindi ako pupungusan dahil dito? Sa puntong iyon, napagtanto ko na ang mapungusan sa ganoong paraan ay pagiging matuwid ng Diyos. Bagamat nasaktan ang pride ko at nahirapan ako nang mailantad ako at mapungusan, tinulungan ako nitong makita ang aking mayabang na kalikasan at binigyan ako nito ng may-takot-sa-Diyos na puso.

Kalaunan, nabasa ko ang ilan pang mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng mas mabuting pagkaunawa at pagkakilala sa sarili kong kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang kanilang ginagawa, palaging may sariling mga pakay at layunin ang mga anticristo, palagi silang kumikilos ayon sa kanilang sariling plano, at ang kanilang saloobin sa mga pagsasaayos at sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay, ‘Maaaring mayroon kang isang libong plano, pero mayroon akong isang patakaran’; ang lahat ng ito ay natutukoy ng kalikasan ng mga anticristo. Maaari bang baguhin ng mga anticristo ang kanilang mentalidad at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Tiyak na imposible iyon, maliban na lang kung direktang hihingin ng Itaas sa kanila na gawin ito, kung saan ay medyo magagawa nila ito nang may pag-aalinlangan, dahil kinakailangan. Kung wala man lang silang ginawa, malalantad at matatanggal sila. Sa ganitong mga sitwasyon lang sila nakagagawa ng kaunting tunay na gawain. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa paggawa ng mga tungkulin; ito rin ang saloobin nila sa pagsasagawa ng katotohanan: Kapag kapaki-pakinabang para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan, kapag sasang-ayunan at hahangaan sila ng lahat dahil dito, siguradong gagawin nila ito at gagawa sila ng mga pakitang-tao na pagsusumikap na nagmumukhang katanggap-tanggap para sa iba. Kung hindi sila nakikinabang sa pagsasagawa ng katotohanan, kung walang nakakakita nito, at hindi rin ito nakikita ng mga nakatataas na lider, kung gayon, sa ganitong mga pagkakataon, tiyak na hindi nila isasagawa ang katotohanan. Nakasalalay sa konteksto at sitwasyon ang kanilang pagsasagawa sa katotohanan, at isinasaalang-alang nila kung paano nila ito gagawin sa paraang makikita ng iba, at kung gaano kalaki ang mga makukuhang pakinabang; mayroon silang mahusay na pag-arok sa mga bagay na ito, at kaya nilang umangkop sa iba’t ibang sitwasyon. Isinasaalang-alang nila sa lahat ng oras ang kanilang sariling kasikatan, pakinabang at katayuan, at hindi nagpapakita ng anumang pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos, at dahil dito, nabibigo silang isagawa ang katotohanan at itaguyod ang mga prinsipyo. Binibigyang-pansin lamang ng mga anticristo ang kanilang sariling kasikatan, pakinabang, katayuan, mga pansariling interes, at ang hindi nila pagkamit ng anumang pakinabang o pagbabandera nila sa kanilang sarili ay hindi katanggap-tanggap, at malaking abala para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi pinapansin ang kanilang mga pagsisikap, at kahit na gumagawa sila sa harap ng iba ngunit hindi nakikita ang kanilang gawain, kung gayon, hindi sila magsasagawa ng anumang katotohanan. Kung ang gawain ay direktang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, at wala silang magagawa kundi gawin ito, isinasaalang-alang pa rin nila kung makikinabang ba ang kanilang katayuan at reputasyon dito. Kung mainam ito para sa kanilang katayuan at mapapaangat nito ang kanilang reputasyon, ibinubuhos nila ang lahat ng mayroon sila sa gawaing ito at ginagalingan nila ang trabaho rito; pakiramdam nila ay nasapul nila ang dalawang ibon sa isang bato. Kung hindi ito makabubuti sa kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at ang paggawa nito nang hindi maayos ay makapagpapasama sa kanilang imahe, umiisip sila ng paraan o dahilan para matakasan ito. Anuman ang tungkuling gampanan ng mga anticristo, lagi silang kumakapit sa iisang prinsipyo: Dapat silang magkaroon ng kaunting nakamit pagdating sa reputasyon, katayuan, o sa kanilang mga interes, at hindi sila dapat magkaroon ng anumang kawalan. Ang klase ng gawaing pinakagusto ng mga anticristo ay kapag hindi nila kailangang magdusa o magbayad ng anumang halaga, at may pakinabang iyon sa kanilang reputasyon at katayuan. Sa kabuuan, anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi sila tunay, sinsero, at lubos na nagpapasakop sa katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga katotohanang prinsipyo, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapalulugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang kanilang sariling reputasyon at mapagtatanto ng maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang paggawa ng tunay na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, tulutan silang magkaroon ng mas higit pang katanyagan, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasang diwa ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang paglaban at pagkainis kapag binabanggit ng iba ang mga isyu ni Isabella, at ang hindi pagsang-ayon na palitan siya, ay hindi lamang dahil sa mayabang na disposisyon. Nakatago sa likod nito ang aking mga makasarili at masamang motibo. Tumanggi akong tanggapin ang mga mungkahi ng dalawang lider na iyon para lang maprotektahan ko ang aking katayuan sa iglesia. Pero tama sila tungkol sa mga isyu ni Isabella. Hindi siya angkop na maging superbisor at nahahadlangan na niya ang aming gawain ng ebanghelyo. Dapat ay tinanggal ko na siya kaagad, pero sa halip ay naghanap ako ng lahat ng uri ng dahilan para mahadlangan na magawa iyon upang mapanatili ko ang aking katayuan. Dahil dito, hindi alam ng dalawang lider ng iglesia kung paano isaayos nang naaangkop ang mga bagay-bagay, at lalo pa nitong nahadlangan ang aming gawain ng ebanghelyo. Ang aking kayabangan, ang pagkabigo kong itaguyod ang gawain ng iglesia, at ang pag-una ko sa sarili kong personal na katayuan ay nakaapekto lahat sa aming gawain ng ebanghelyo at sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Ginagambala ko ang gawain ng iglesia. Sinabi kong susuportahan ko ang pagtataguyod ng gawain ng iglesia, pero ang totoo, lahat ng iyon ay pagtataguyod lang ng sarili kong katayuan. Hangga’t napoprotektahan ko ang katayuan ko sa iglesia, kahit pa ang isang taong pinili ko ay may mga isyu at nahahadlangan ang gawain ng iglesia, nagbubulag-bulagan ako. Handa akong makitang magdusa ang mga interes ng iglesia kung nangangahulugan ito na mapoprotektahan ko ang sarili kong katayuan. Hindi ba’t ugali iyon ng isang anticristo? Sa pamamagitan ng paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos, nakita ko ang kalikasang diwa ko na lumalaban sa Diyos, at malinaw kong nakita ang sarili kong masasamang motibo. Sa puntong iyon, medyo natakot ako, at handa nang magsisi sa Diyos, at tumigil na sa paggawa ng masasama at paglaban sa Kanya dahil sa kayabangan.

Minsan, sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon, paano ka magsasagawa para maiwasang maging pabasta-basta at padalos-dalos? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang makapagbahaginan ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagtugon sa mga layunin ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi pagkapit sa sarili mong mga opinyon, dapat kang magdasal, hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng batayan sa mga salita ng Diyos—tukuyin kung paano kikilos batay sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakaangkop at tumpak na pagsasagawa. Kapag hinahanap mo ang katotohanan at inilalabas ang isang problema para sama-samang mapagbahaginan at masiyasat ng lahat, sa panahong iyon nagbibigay ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu. Binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga tao ayon sa mga prinsipyo, sinisiyasat Niya ang kanilang saloobin. Kung ayaw mong makipagkompromiso kahit tama man o mali ang pananaw mo, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at babalewalain ka; hindi ka Niya hahayaang umusad para ibunyag ka at ilantad ang iyong pangit na kalagayan. Sa kabilang banda, kung tama ang iyong saloobin, hindi mapilit sa sarili mong paraan, ni hindi mapagmagaling, ni hindi pabasta-basta at padalos-dalos, bagkus ay saloobin ng paghahanap at pagtanggap sa katotohanan, kung makikipagbahaginan ka sa lahat, kung gayon ay magsisimulang gumawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at marahil ay aakayin ka Niya sa pag-unawa sa pamamagitan ng mga salita ng iba. Minsan, kapag binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, inaakay ka Niya na maunawaan ang pinakakahulugan ng isang bagay sa pamamagitan lamang ng ilang salita o parirala, o sa pagbibigay sa iyo ng isang ideya. Napagtatanto mo, sa sandaling iyon, na anuman ang iyong kinakapitan ay mali, at, sa sandali ring iyon, nauunawaan mo ang pinakaangkop na paraan ng pagkilos. Sa pagdating sa gayong antas, hindi ba’t nagtagumpay ka nang maiwasan ang paggawa ng kasamaan, at kasabay niyon ay naiwasan mo na ang pagpasan ng mga kahihinatnan ng isang pagkakamali? Hindi ba’t ito ang proteksyon ng Diyos? (Oo.) Paano nakakamit ang ganoong bagay? Natatamo lamang ito kapag mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at kapag hinahanap mo ang katotohanan nang may pusong nagpapasakop. Kapag natanggap mo na ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at natukoy ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, ang iyong pagsasagawa ay maaayon sa katotohanan, at magagawa mong matugunan ang mga layunin ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Para hindi makagawa ng masama sa tungkulin ko o makagambala sa gawain ng iglesia, ang susi ay ang magkaroon ng saloobing naghahanap ng katotohanan kapag may mga lumilitaw na isyu at ng may-takot-sa-Diyos na puso, at ang magawang makipagtulungan sa iba, at magawang isantabi muna ang sarili ko, manalangin, at maghanap, kapag nakakatagpo ako ng naiibang opinyon. Iyon ang tanging paraan para makamit ang gawain ng Banal na Espiritu, magawa nang tama ang mga bagay-bagay, at mabawasan ang mga pagkakamali. Ang pagkaunawa rito ay nagbigay-liwanag sa akin, at alam ko na kung paano magpatuloy. Tinanggal ko si Isabella pagkatapos niyon, at napili ang isang bagong superbisor. Pagkaraan ng kaunting panahon, kapansin-pansing bumuti ang gawain ng ebanghelyo. Lalo pa akong nagsisi nang makita ko ang mga resultang ito. Kinasuklaman ko ang dati kong kayabangan, at kung paano ko sinadyang panatilihin si Isabella sa pwesto, na paggambala ko sa gawain ng iglesia at paggawa ng paglabag. Nagdasal ako na handa na akong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, hindi na maghahari-harian gaya ng dati at mamumuhay nang may mayabang na disposisyon.

Hindi nagtagal, naharap ako sa isa pang sitwasyon. Nagbigay ako ng ilang mungkahi sa isang talakayan sa gawain kasama ang ilang diyakono ng ebanghelyo, na agad na tinanggihan ng lahat. Medyo napahiya ako at napaisip ako kung mali ba talaga ang sinabi ko. Tama ba ang lahat ng sinabi ng iba? Ano na lang ang iisipin sa akin ng iba, bilang lider, kung ganap na tinanggihan ang mga pananaw ko? Tiyak na iisipin nilang hindi ko nauunawaan ang katotohanan at kulang ako sa realidad. Makikinig ba sila sa akin pagkatapos noon? Magkakaroon pa rin ba ako ng katanyagan ng isang lider sa mata ng mga tao? Nang maisip ko ito, gusto ko na namang pabulaanan ang sinabi ng iba para hindi ako mapahiya. Pagkatapos ay talagang nakonsensya ako, napagtantong wala ako sa tamang kalagayan. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, alam kong tama sila, pero nasaktan ang pride ko at gusto ko na namang protektahan ang katayuan ko. Pakiusap bantayan Mo po ako at tulungan akong tanggapin ang mga tamang mungkahi ng mga kapatid ko, sundin ang mga katotohanang prinsipyo at huwag mamuhay sa aking katiwalian.” Nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos pagkatapos kong manalangin: “Dapat talakayin ng isang tao sa iba ang lahat ng ginagawa niya. Pakinggan muna ang sasabihin ng lahat. Kung ang pananaw ng nakararami ay tama at naaayon sa katotohanan, dapat mo itong tanggapin at sundin. Anuman ang ginagawa mo, huwag kang magsabi ng matatayog pakinggan na mga pananaw. Kailanman, ang paggawa nito ay hindi isang mabuting bagay, saanmang grupo ng mga tao. … Dapat kang makipagbahaginan nang madalas sa iba, nang nagmumungkahi at nagpapahayag ng sarili mong mga pananaw—ito ay iyong tungkulin at iyong kalayaan. Ngunit sa huli, kapag kailangang magdesisyon, kung ikaw lamang ang gumagawa ng huling pasya, at pinasusunod mo ang lahat sa iyong sinasabi at pinaaayon sila sa iyong kagustuhan, nilalabag mo ang mga prinsipyo. … Kung walang anumang malinaw sa iyo at wala kang opinyon, matutong makinig at sumunod, at na hanapin ang katotohanan. Ito ang tungkuling dapat mong gampanan; ito ay isang maayos na saloobin. Kung wala kang sariling opinyon at palagi kang natatakot na magmukhang hangal, na hindi mamukod-tangi, at na mapahiya—kung natatakot kang hamakin ng iba at hindi magkaroon ng puwang sa kanilang puso, kung kaya’t palagi kang nagsisikap na mamukod-tangi at palagi mong gustong magpahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya, nagsusulong ng mga kakatwang pahayag na hindi tumutugma sa realidad, na gusto mong tanggapin ng iba—ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? (Hindi.) Ano ang ginagawa mo? Ikaw ay nagiging mapanira(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nagbibigay-liwanag ang mga salita ng Diyos. Ang pakikipagbahaginan sa iba at pagpapahayag ng mga opinyon at mungkahi ay bahagi ng tungkulin at mga responsibilidad ko, pero ang pilitin ang lahat na gawin ang gusto ko at makinig sa akin ay kayabangan lang. Sa mga talakayan sa gawain, lahat ay may karapatang magpahayag ng kanilang opinyon, at dapat tayong sumunod sa kung ano ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Iyon ang saloobing tumatanggap sa katotohanan. Pagkatapos noon, nagsimula akong tumuon sa pagsasagawa ng katotohanan, at kapag nagkakaroon ng magkakaibang opinyon sa mga talakayan sa gawain, nagtatanong pa ako tungkol sa mga ideya ng mga tao para may mapagkasunduan kami na pwede naming ipatupad. Naalala ko minsan, natapos kong gawin ang isang bagay nang mag-isa at medyo hindi ako mapakali. Sa pamamagitan ng pagdarasal at pagninilay-nilay, napagtanto ko na hindi ko pa nakakausap ang mga kapareha ko para may mapagkasunduan kami, at na hindi iyon ang tamang paraan. Ipinagtapat ko sa lahat sa pagbabahaginan na mayabang ako, na hindi ko tinalakay ang mga bagay-bagay bago gumawa ng desisyon, at na hindi ako naging makatwiran sa ganoong paraan. Sinabi ko na magbabago na ako at ititigil ko na ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganoong paraan. Hiniling ko rin sa lahat na tumulong sa pagbantay sa akin. Naramdaman kong ang pagsasantabi sa sarili ko nang ganito at ang pagsasagawa ng katotohanan ay nagbigay sa akin ng kapayapaan ng isip.

Isinagawa ko iyon sa ilang sumunod na talakayan sa gawain at nakita kong mas mabuti kong nagagawa ang mga bagay-bagay, nang hindi nagkakaroon ng anumang partikular na mga problema. Laking pasasalamat ko sa Diyos. Sa pamamagitan nito, naranasan ko na sa pagiging hindi mayabang sa tungkulin at sa pakikipagtulungan nang mabuti sa iba, makakamit mo ang gawain ng Banal na Espiritu at mas malamang na matatapos mo ang mga bagay-bagay. Ngayon ay may kaunti na akong pagkaunawa sa aking mayabang at tiwaling disposisyon. Kaya ko nang isagawa ang katotohanan at medyo nagbago na ako. Ito ang idinulot ng mga salita ng Diyos.

Sinundan: 34. Ang Nasa Likod ng Pagkanegatibo at Pagpapakatamad sa mga Tungkulin

Sumunod: 36. Pinahirapan Dahil sa Paghahatid ng mga Aklat

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito