33. Ibinunyag Ako ng Pagkakaroon ng Covid
Nitong mga nakaraang taon, habang kumakalat ang pandemya ng coronavirus sa buong mundo, parami nang parami ang nahawahan ng virus, at marami sa kanila ang namatay dahil dito. Naisip ko, “Susundan ng malaking kalamidad ang pagtatapos ng gawain ng Diyos, at lahat ng gumagawa ng masama at lumalaban sa Diyos ay lulubog sa kapahamakan at malilipol. Tanging ang mga tumatanggap ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at nadadalisay ang makatatanggap ng proteksyon ng Diyos at makapapasok sa kaharian ng Diyos. Kailangan kong pag-ibayuhin ang aking pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagganap ng aking tungkulin at maghanda ng higit pang mabubuting gawa. Saka lang ako magkakaroon ng magandang kalalabasan at destinasyon.” Naisip ko rin, “Pagkatapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, tumigil ako sa pagtatrabaho para ipalaganap ang ebanghelyo. Ilang beses na akong inaresto, at hindi ko ipinagkanulo kailanman ang mga kapatid o ang iglesia. Pagkatapos, ipinagpatuloy ko ang pagpapalaganap ng ebanghelyo tulad ng ginagawa ko dati, at medyo marami na akong nakamit na tao sa loob ng mga taong ito. Kahit na ako ay 70 taong gulang na, ako pa rin ang namamahala sa gawain ng ebanghelyo ng ilang iglesia, at hindi naman masama ang naging resulta ng mga ito. Nagtitiwala ako na hangga’t nagsusumikap akong gawin nang maayos ang aking tungkulin, tiyak na ililigtas ako ng Diyos sa hinaharap!” Sa pag-iisip nito, nagalak ako sa aking puso, at lubos akong naging aktibo sa aking tungkulin.
Isang araw noong Disyembre 2022, pagkagising ko sa umaga, medyo may sinat ako, at may makating lalamunan at ubo. Nakisalamuha ako kamakailan sa isang taong may Covid, kaya naghinala ako na nahawa na rin ako. Gayunpaman, hindi pa gaanong malubha ang aking mga sintomas noong panahong iyon, at natitiis ko pa ang mga ito, kaya hindi ko ito masyadong sineryoso. Pagkatapos magpahinga sa bahay nang ilang araw, medyo bumuti na ang pakiramdam ko. Sa oras na iyon, lubos akong masaya, inisip ko na dahil nananalig ako sa Diyos at palagi kong ginagawa ang aking tungkulin sa iglesia sa loob ng mga taong ito, pinahintulutan ako ng Diyos na gumaling kaagad, kaya mas lalong nararapat na magpalaganap ako ng ebanghelyo at maghanda ng higit pang mabubuting gawa. Pero sa hindi inaasahan, mas lumala ang sakit ko nang maglaon. Isang araw, nakauwi na ako pagkatapos kong ipalaganap ang ebanghelyo nang biglang nanghina ang buong katawan ko, at mataas ang lagnat ko at nahihilo ako. Kinabukasan, mataas pa rin ang lagnat ko at hindi ito bumababa. Sa oras na iyon, medyo nataranta ako, at naisip ko na, “Noong nagkasakit ako, hindi ako nagreklamo at patuloy kong ginawa ang aking tungkulin gaya ng dati. Dapat ay natanggap ko ang proteksyon ng Diyos, kaya bakit biglang lumala ang pakiramdam ko? Mula noong lumaganap ang coronavirus, maraming tao sa buong mundo ang namatay, marami sa kanila ay matatanda. Kapag patuloy na lumala ang kalagayan ko, mamamatay din ba ako?” Sa loob ng ilang araw na iyon, uminom ako ng gamot para bumaba ang lagnat ko, pero nanatili itong mataas. Nakaramdam ako ng pagod at patuloy na inuubo. Lalo na noong marinig ko na namamatay sa Covid ang matatandang kilala ko, medyo natakot at nabalisa ako, iniisip ko, “Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos. Kung mamamatay ako ngayon, maliligtas pa rin ba ako? Masasayang ba ang lahat ng ginugol ko sa mga taong ito? Mayroong ilang tao sa iglesia na hindi gumaganap ng anumang tungkulin; paanong hindi pa sila nahawa? Samantala, isinakripisyo ko ang aking pamilya at propesyon at palagi kong ginagampanan ang aking tungkulin, at nagdusa ako nang husto at nagbayad ng malaking halaga. Bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos?” Sa pag-iisip nito, hindi ko maiwasang masiraan ng loob. Bagama’t wala akong sinabi at ipinagpatuloy ko ang paggawa ng aking tungkulin, nawalan ng sigla ang puso ko, at ayaw kong magdusa o magbayad ng halaga sa aking tungkulin. Nang kausapin ako ng lider tungkol sa paglalagay sa akin bilang tagapamahala sa gawain ng ebanghelyo ng ilang iba pang mga iglesia, medyo hindi ako nasiyahan tungkol dito. Naisip ko na mas mahalaga na panatilihing maayos ang kalusugan ko. Kung kailangan kong mag-alala tungkol sa napakaraming bagay, hindi na ito kakayanin ng aking katawan. At saka, hindi pa ako tuluyang nakakabawi sa huling pakikipaglaban ko sa Covid. Kapag nahawa ulit ako, baka hindi ko na kayanin. Sa paggawa ko ng aking tungkulin pagkatapos noon, sa tuwing nilalamig at inuubo ako, natatakot ako na baka lumala ang mga ito, at madalas akong nag-aalala at natatakot. Napagtanto ko na hindi tama ang kalagayan ko, at nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Pinahintulutan Mo akong magkaroon ng ganitong sakit, ngunit may mga hinihingi ako sa Iyo at hindi ako kailanman makapagpasakop. Pakigabayan Mo ako na magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos at hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral mula rito!”
Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Kapag ang mga tao ay hindi lubos na naiintindihan o hindi nauunawaan, natatanggap o nakapagpapasakop sa mga kapaligirang pinangangasiwaan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at kapag ang mga tao ay nahaharap sa iba’t ibang paghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o kapag ang mga paghihirap na ito ay lampas na sa kayang tiisin ng pangkaraniwang tao, hindi nila namamalayan na nakadarama sila ng iba’t ibang uri ng pag-aalala at pagkabalisa, at maging ng pagkabagabag. Hindi nila alam kung ano ang mangyayari bukas, o sa susunod na araw, o kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay sa mga susunod na ilang taon, o kung ano ang kanilang kinabukasan, kaya sila ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay. Ano ang konteksto kung saan ang mga tao ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay? Ito ay ang hindi nila pananalig sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ibig sabihin, hindi nila magawang manalig at lubos na maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kahit pa makita ito ng sarili nilang mga mata, hindi pa rin nila ito mauunawaan o paniniwalaan. Hindi sila naniniwala na hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang kapalaran, hindi sila naniniwala na ang kanilang buhay ay nasa mga kamay ng Diyos, kaya umuusbong sa kanilang puso ang kawalan ng tiwala sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at pagkatapos ay lumilitaw ang paninisi at hindi nila magawang makapagpasakop” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). “Ang mga may karamdaman ay madalas na iniisip na, ‘Determinado akong gampanan nang mabuti ang tungkulin ko, ngunit may ganito akong karamdaman. Hinihiling ko sa Diyos na ilayo ako sa kapahamakan, at hindi ko kailangang matakot dahil nariyan ang proteksyon ng Diyos. Ngunit kung mapagod ako habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, lalala ba ang aking kalagayan? Ano ang gagawin ko kung talagang lumala ang kalagayan ko? Kung kailangan kong maospital upang sumailalim sa operasyon, wala akong perang pambayad para dito, kaya kung hindi ko uutangin ang pera para sa paggagamot, lalo bang lalala ang kalagayan ko? At kung lumala nga talaga ito, mamamatay ba ako? Maituturing bang normal na pagkamatay ang gayong kamatayan? Kung mamamatay nga talaga ako, maaalala ba ng Diyos ang mga tungkulin na ginampanan ko? Maituturing kayang gumawa ako ng mabubuting gawa? Makakamtan ko ba ang kaligtasan?’ … Tuwing iniisip nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila ang pag-usbong ng matinding pagkabalisa sa kanilang puso. Kahit na hindi sila kailanman tumitigil sa pagganap ng kanilang tungkulin at palagi nilang ginagawa ang dapat nilang gawin, palagi nilang iniisip ang kanilang karamdaman, kalusugan, hinaharap, at ang tungkol sa kanilang buhay at kamatayan. Sa huli, ang nagiging konklusyon nila ay nangangarap silang, ‘Pagagalingin ako ng Diyos, papanatilihin akong ligtas ng Diyos. Hindi ako aabandonahin ng Diyos, at hindi babalewalain ng Diyos kung makikita Niyang nagkakasakit ako.’ Walang anumang basehan na mag-isip nang ganito, at masasabi pa ngang isang uri ito ng kuru-kuro. Kailanman ay hindi malulutas ng mga tao ang kanilang praktikal na mga paghihirap gamit ang ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kaibuturan ng kanilang puso, bahagya silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan at mga karamdaman; hindi nila alam kung sino ang magiging responsable para sa mga bagay na ito, o kung mayroon man lang bang magiging responsable para sa mga ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Isiniwalat ng Diyos na hindi tunay na nauunawaan ng mga tao ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at palagi silang natatakot sa kamatayan. Dahil dito, nabubuhay sila sa mga negatibong emosyon ng pagkabahala at pag-aalala. Ang kalagayan ko ay ang mismong isiniwalat ng Diyos. Pagkatapos magkaroon ng Covid, mabilis akong gumaling noong una, kaya masaya ako at nagpasalamat sa Diyos sa Kanyang pangangalaga at proteksyon. Nang maglaon, noong naging malubha ang aking kalagayan at nagkaroon ako ng mataas na lagnat, natakot ako, nag-aalala na dahil matanda na ako, maaari akong mamatay sa virus na ito kapag lumala ang aking sakit. Nabuhay ako sa pagkasira ng loob, walang sigla kapag ginagawa ang aking tungkulin. Sa partikular, noong nais ng lider na gawin akong tagapamahala ng gawain ng ebanghelyo ng ilang iba pang mga iglesia, natakot ako na kung ang aking tungkulin ay masyadong mabigat, lalala ang aking kalagayan, at mamamatay ako sa Covid, at kaya hindi ako naglakas-loob na tanggapin ito. Madalas akong nabuhay sa kabalisahan at takot sa gitna ng sakit na ito, ni wala sa tamang pag-iisip upang gawin ang tungkulin na dapat kong gampanan. Ang Diyos ang Lumikha na may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan at kumokontrol sa lahat. Kung kailan ako magkakasakit, kung kailan ako gagaling, kung kailan magtatapos ang buhay ko—ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at dapat akong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Gayunpaman, hindi ako sumampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o naniwala na Siya ang kumokontrol sa lahat, at palagi akong nabubuhay sa pag-aalala at takot. Napakahangal ko! Pinahintulutan ako ng Diyos na magdusa sa sakit na ito, at dapat kong hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral mula rito. Kung palagi akong mabubuhay sa ganitong damdamin ng pagiging negatibo, kapag kinaharap ko na talaga ang kamatayan isang araw, magrereklamo pa rin ako, mali ang pagkakaunawa at sinisisi ang Diyos habang nagsasabi pa nga ng mga salitang lumalaban sa Kanya, na Kanyang kamumuhian at kokondenahin. Sa pag-iisip nito, natakot ako, at naramdaman ko rin na kailangan kong magmadali, at gusto kong hanapin ang katotohanan at lutasin ang kalagayang ito.
Habang naghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa anong batayan ka—na isang nilikhang nilalang—may mga kahingian sa Diyos? Ang mga tao ay hindi kwalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggawa ng mga kahingian sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. … Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na noon, hindi ko lubos na nauunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Palagi kong iniisip na dahil ginugol ko ang aking sarili para sa Diyos sa paggawa ng aking tungkulin, dapat kong matanggap ang Kanyang pangangalaga at proteksyon at hindi ako dapat na maharap sa sakit o kamatayan man. Inakala ko na ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Sa ilalim ng impluwensiya ng maling pananaw na ito, palagi kong inakala na dahil maraming taon na akong nananalig sa Diyos, nagdusa na ako ng husto at nagbayad ng malaking halaga, at nagtiyaga pa sa aking tungkulin matapos magka-Covid, ay dapat akong ingatan ng Diyos o tulungan akong gumaling sa sakit sa lalong madaling panahon. Gayunpaman, nang hindi mangyari ang mga bagay tulad ng inaasahan ko, naging mali ang pagkakaunawa ko at nagreklamo ako tungkol sa Diyos, walang sigla kapag ginagawa ang aking tungkulin. Lalo na nang makita kong may mga kapatid na walang tungkulin na hindi nagka-Covid habang ako naman ay palaging ginugol nang masigasig ang aking sarili at ginawa ang aking tungkulin pero nahawahan ako, nadama ko na ito ay hindi patas at naisip ko na ang Diyos ay hindi matuwid, at hindi ko na iginugol ang aking sarili sa tungkulin ko at umayaw pa nga akong pangasiwaan ang gawain ng ilan pang mga iglesia. Noong una, naisip ko na pagkatapos kong manalig sa Diyos sa loob ng maraming taon at palaging magtiyaga sa aking tungkulin, nagkaroon na ako ng kaunting pagpapasakop sa Diyos, ngunit nang minsan ay nakaharap ko ang kamatayan, nabunyag ang aking pagiging mapaghimagsik at paglaban, at wala akong anumang pagpapasakop. Nagtamasa ako ng labis na pagdidilig at pagtustos mula sa mga salita ng Diyos; ang pagganap ng aking tungkulin at bahagyang paggugol ng aking sarili ay mga bagay na dapat kong gawin. Gayunpaman, umabot na ako sa puntong ginagamit ko na ang mga ito bilang puhunan sa pakikipagtawaran at pakikipagtransaksyon sa Diyos, at nagreklamo ako tungkol sa Kanya nang hindi matugunan ang aking mga ninanasa. Tunay akong hindi makatwiran! Ang Diyos ang Lumikha; anuman ang ginagawa ng Diyos at paano man Niya pinapakitunguhan ang mga tao, ang lahat ng iyon ay matuwid at ang lahat ng iyon ay nagtataglay ng Kanyang layunin. Hindi ko dapat husgahan ang mga bagay na ginagawa ng Diyos batay sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi ba’t kahangalan na mabagabag, mabalisa, at mag-alala sa mga bagay na hindi naman ikaw ang makapagpapasya? (Oo.) Dapat ay lutasin ng mga tao ang mga bagay na kaya nilang lutasin, at para naman sa mga bagay na hindi nila kayang gawin, dapat nilang hintayin ang Diyos; dapat magpasakop nang tahimik ang mga tao at humingi sa Diyos ng proteksyon—ito ang kaisipang dapat taglayin ng mga tao. Kapag talagang dumating na ang sakit at malapit na ang kamatayan, ang mga tao ay dapat magpasakop at hindi magreklamo o magrebelde laban sa Diyos o magsabi ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos o ng mga bagay na umaatake sa Kanya. Sa halip, ang mga tao ay dapat na tumindig bilang mga nilikha at danasin at pahalagahan ang lahat ng nagmumula sa Diyos—hindi nila dapat subukan na pumili ng mga bagay para sa kanilang sarili” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4). Sa pagmumuni-muni sa mga salita ng Diyos, mas lalo kong sinisi ang aking sarili at lalo akong napahiya. Napakalayo ko sa pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos. Ang aking kalusugan, ang aking kamatayan, at ang lahat ng iba pa sa akin ay ayon sa pamamatnugot ng Diyos. Kung mamamatay ako sa Covid, ito ay isang bagay na pinahintulutan ng Diyos, at mabuhay man ako o mamatay, dapat akong magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Dapat man lang ay may ganito kalaking katwiran ang isang nilikha. Kaya, lumuhod ako at nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, napakamapaghimagsik ko! Gumaling man o hindi ang aking sakit, handa akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos. Hindi na ako magrereklamo tungkol sa Iyo, at hindi na ako gagawa ng hindi makatwirang mga kahilingan sa Iyo.”
Kalaunan, nagnilay ako sa aking sarili, at naisip ko, “Kapag hindi ako nahaharap sa sakit o sakuna, kaya kong maging aktibo sa aking tungkulin at madalas akong magbahagi sa mga kapatid na anuman ang mangyari sa atin, dapat tayo ay palaging magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kaya bakit naging mali ang pagkakaunawa ko sa Diyos at nagreklamo ako tungkol sa Kanya nang lumala ang aking sakit, at nawalan pa nga ako ng sigla na gawin ang tungkulin ko? Bakit ako nagpakita ng pagiging mapaghimagsik at paglaban na ito?” Habang naghahanap, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Bago magpasyang gawin ang kanilang tungkulin, sa kaibuturan ng kanilang puso, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon tungkol sa kanilang kinabukasan, nagtatamo ng mga pagpapala, magandang hantungan, at maging ng isang korona, at malaki ang kanilang kumpiyansa na matatamo nila ang mga bagay na ito. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may gayong mga layunin at hangarin. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita ng isang tao ang kanyang tunay na katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim ang lahat ng isang ganap na transaksyunal na pag-iisip bago nila gawin ang kanilang mga tungkulin; lahat ay nagdedesisyon na gawin ang kanilang tungkulin batay sa kanilang mga hilig, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanilang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang layunin ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin? Ito ay upang makipagkasundo, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggawa ng tungkulin: ‘Kung gagawin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng diyos na inihanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagawin ang tungkuling ito.’ Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may mga gayong layunin, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang na gawin ang kanilang tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Kung titingnan ang saloobing ito ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin, ito ay ganap na transaksyunal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtatamo ng mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala. Kaya, sa panlabas, bago mapatalsik, mukhang maraming anticristo ang gumagawa ng tungkulin nila at mas marami na nga silang tinalikuran at pinagdusahan kaysa sa karaniwang tao. Ang iginugugol nila at ang halagang ibinabayad nila ay kapantay ng kay Pablo, at hindi rin masasabi na hindi sila gaanong abala kumpara kay Pablo. Isa itong bagay na nakikita ng lahat. Sa usapin ng pag-uugali nila at ng kagustuhan nilang magdusa at magbayad ng halaga, nararapat na wala silang makuha. Gayumpaman, hindi tinatrato ng Diyos ang isang tao batay sa panlabas niyang pag-uugali, kundi batay sa diwa niya, sa disposisyon niya, sa kung ano ang ibinubunyag niya, at sa kalikasan at diwa ng bawat bagay na ginagawa niya. Kapag hinuhusgahan at tinatrato ng mga tao ang iba, tinutukoy nila kung sino ang mga tao batay lamang sa panlabas na kilos ng mga ito, kung gaano nagdurusa ang mga ito, at kung anong halaga ang ibinabayad ng mga ito, at isa itong mabigat na pagkakamali” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Sa isiniwalat ng Diyos, sa wakas ay naunawaan ko na noong ginagawa ko ang aking tungkulin at masigasig kong ginugugol ang aking sarili sa loob ng mga taong ito, hindi ko tunay na isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at ginawa ang aking tungkulin bilang isang nilikha, at hindi rin ito nagmula sa aking sinseridad o pagkamatapat sa Diyos. Sa halip, ginamit ko ang paggawa ko ng aking tungkulin bilang isang kasangkapan at isang bagay sa pakikipagtawaran upang matugunan ang pagnanasa kong magtamo ng mga pagpapala, ginawa ko ito para mabuhay ako sa hinaharap at magtamasa ng walang hanggang pagpapala. Nang makita ko na sunod-sunod na nagaganap ang mga sakuna at malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, binati ko ang sarili ko, iniisip na dahil tinalikuran at ginugol ko ang aking sarili para sa Diyos at ginampanan ko ang aking tungkulin, tiyak na matatanggap ko ang Kanyang proteksyon at mabubuhay ako. Gayunpaman, nang magka-Covid ako at lumala ang aking kondisyon, nag-alala ako na dahil matanda na ako, baka mamatay ako sa virus na ito, kaya nasiraan ako ng loob at nadismaya at nawala ang aking pananampalataya. Sinimulan ko pa ngang gamitin ang tinatawag kong kapital para mangatwiran sa Diyos, iniisip na dahil nagdusa ako nang husto sa aking tungkulin at nagbunga ng mga resulta sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat akong protektahan ng Diyos. Nang hindi nangyari ang mga labis-labis kong ninanasa, inisip ko na hindi ako pinoprotektahan ng Diyos at hindi patas ang pagtrato Niya sa akin, at wala akong sigla kapag ginagawa ko ang aking tungkulin. Nang mabunyag ang mga katotohanan, sa wakas ay nakita ko na mula nang magsimula akong manalig sa Diyos, ginagawa ko na ito upang makakuha ng mga pagpapala. Paulit-ulit kong sinabi na nananalig ako sa Diyos, na ang pagganap ng aking tungkulin ay ganap na natural at makatwiran, pero ang totoo, ginagamit at dinadaya ko ang Diyos. Talagang naging makasarili at mapanlinlang ako! Naisip ko si Pablo, na naglakbay sa halos buong Europa upang ipalaganap ang ebanghelyo noong Kapanahunan ng Biyaya, nagtitiis ng maraming pagdurusa at nagpapabalik-loob ng maraming tao. Gayunpaman, ang kanyang paggugol at pagdurusa ay lahat para makapasok siya sa kaharian ng langit at magkamit ng mga gantimpala. Ito ay transaksyon at pandaraya, at hindi lamang hindi sinang-ayunan ng Diyos ang kanyang paggugol, labis Niya rin itong kinasuklaman. Sa huli, sa halip na pagpalain ng Diyos, pinarusahan si Pablo. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal, at kapag tinutukoy Niya ang ating kalalabasan at destinasyon, hindi Siya humahatol batay sa kung gaano tayo nagdurusa at gumagawa sa panlabas, o kung gaano karaming magandang pag-uugali ang ipinapakita natin. Sa halip, ito ay nakabatay sa kung nakamit ba natin ang katotohanan at kung nagbago ba ang ating disposisyon. Kung palagi kong nais na magkaroon ng magandang kalalabasan at destinasyon kapalit ng pagpapakaabala at paggugol ng aking sarili, hindi hinahangad ang katotohanan o nililinis ang aking katiwalian, ang aking kalalabasan ay magiging katulad ng kay Pablo; ititiwalag ako ng Diyos at parurusahan. Ang kabiguan ni Pablo ay nagsisilbing paalala at babala para sa akin! Pagkatapos, naisip ko kung paanong inilalagay ng Diyos ang Kanyang buong puso sa pagliligtas sa sangkatauhan, ginugugol ang lahat ng Kanyang pagsisikap at binabayaran ang lahat ng halaga, lahat habang hindi kailanman nangangailangan o humihingi ng anuman mula sa atin. Sobrang walang pag-iimbot ang Diyos! Samantala, natamasa ko ang lahat ng ipinagkaloob sa akin ng Diyos nang hindi ko kailanman isinasaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Nakikipagtransaksyon pa ako sa Diyos kapag ginagawa ko ang aking tungkulin para makatanggap ng magandang destinasyon. Tunay na makasarili at kasuklam-suklam ako! Itinuring ko ang Diyos bilang isang tao na puwedeng gamitin at dayain. Dahil sa paraan na ginugol ko ang aking sarili, paanong hindi ito kasusuklaman at kamumuhian ng Diyos? Sa pag-unawa rito, nakaramdam ako ng paninisi sa sarili at pagkakautang sa Diyos, at nanalangin ako sa Diyos sa aking puso, sinasabi na hindi ko na gustong makipagtransaksyon sa Kanya para makakuha ng mga pagpapala, at sa halip ay gusto kong hangarin sa tamang paraan ang katotohanan, gawin ang aking tungkulin bilang isang nilikha, at bigyang kasiyahan Siya.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nagpaantig ng damdamin ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, ito ang pinakanararapat na bagay na magagawa nila, ang pinakamaganda at pinakamakatarungang bagay sa gitna ng sangkatauhan. Bilang mga nilikha, dapat gampanan ng mga tao ang tungkulin nila, at saka lamang sila makatatanggap ng pagsang-ayon ng Lumikha. Namumuhay ang mga nilalang sa ilalim ng kapangyarihan ng Lumikha, at tinatanggap nila ang lahat ng ibinibigay ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ay ganap na natural at may katwiran, at inorden ng Diyos. Mula rito ay makikita na, ang paggampan ng mga tao sa tungkulin ng isang nilikha ay mas makatarungan, maganda, at marangal kaysa sa anumang iba pang bagay na nagawa habang namumuhay sa lupa; wala sa sangkatauhan ang mas makabuluhan o karapat-dapat, at walang nagdudulot ng mas malaking kabuluhan at halaga sa buhay ng isang nilikhang tao, kaysa sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa lupa, tanging ang grupo ng mga taong tunay at taos-pusong gumaganap ng tungkulin ng isang nilikha ang siyang mga nagpapasakop sa Lumikha. Hindi sumusunod sa mga makamundong kalakaran ang grupong ito; nagpapasakop sila sa pamumuno at pagpatnubay ng Diyos, nakikinig lamang sa mga salita ng Lumikha, tumatanggap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Lumikha, at namumuhay ayon sa mga salita ng Lumikha. Ito ang pinakatunay, pinakamatunog na patotoo, at ito ang pinakamagandang patotoo ng pananalig sa Diyos. Ang matupad ng isang nilikha ang tungkulin ng isang nilikha, ang mabigyang-kasiyahan ang Lumikha, ay ang pinakamagandang bagay sa gitna ng sangkatauhan, at isa itong bagay na dapat ipalaganap bilang isang kuwento na pupurihin ng lahat ng tao. Anumang ipinagkakatiwala ng Lumikha sa mga nilikha ay dapat nilang tanggapin nang walang kondisyon; para sa sangkatauhan, ito ay isang usapin ng kapwa kaligayahan at pribilehiyo, at para sa lahat ng tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha, wala nang ibang mas maganda o karapat-dapat sa pagpaparangal—ito ay isang positibong bagay. … Bilang isang nilikha, kapag humarap ang isang tao sa Lumikha, kailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin. Ito ay isang bagay na talagang nararapat gawin, at dapat niyang tuparin ang responsabilidad na ito. Sa batayan na ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang mga tungkulin, nakagawa ang Lumikha ng mas higit na dakilang gawain sa sangkatauhan, at isinakatuparan Niya ang isang karagdagang yugto ng gawain sa mga tao. At anong gawain iyon? Tinutustusan Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, na tinutulutan silang makamit ang katotohanan mula sa Kanya habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sa ganoong paraan ay naiwawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nadadalisay sila. Kaya, natutugunan nila ang mga layunin ng Diyos at tumatahak na sila sa tamang landas sa buhay, at, sa huli, nagagawa nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, magtamo ng ganap na kaligtasan, at hindi na mapasailalim sa mga pagpapahirap ni Satanas. Ito ang epektong gusto ng Diyos na makamtan ng sangkatauhan sa huli sa pamamagitan ng paggampan nila sa kanilang mga tungkulin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagganap ng mga nilikha sa kanilang mga tungkulin sa harap ng Lumikha ang pinakamakabuluhan at pinakamagandang bagay na mangyayari. Ito ay katulad ng pagiging mabuti ng mga anak sa kanilang mga magulang; ito ay isang responsabilidad at obligasyon na dapat gampanan ng mga tao nang walang anumang transaksyon o hinihingi. Higit sa lahat, sa pagtupad ng ating mga tungkulin, inihahanda ng Diyos ang iba’t ibang pangyayari na magbubunyag ng ating mga katiwalian at pagkukulang, na nagpapahintulot sa atin na hanapin ang katotohanan, maunawaan ang ating sarili, lutasin ang ating mga tiwaling disposisyon, husgahan ang mga tao at mga bagay batay sa Kanyang mga salita, hindi na magdusa sa katiwalian at pinsala ni Satanas, at sa huli ay makamit ang kaligtasan; ito ang layunin ng Diyos. Sa paglipas ng mga taon, ilang beses na akong inaresto ng pulis, at sa gitna ng aking pasakit, ang mga salita ng Diyos ang nagbigay-liwanag at gumabay sa akin, na nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas at pinahintulutan akong madaig ang kalupitan ng mga demonyong iyon. Gayundin, nang itaas ko ang sarili ko at magpakitang-gilas ako sa aking tungkulin, na nagbunyag ng isang mapagmataas na disposisyon, ang Diyos ang nagbigay ng mga pangyayari para kastiguhin at disiplinahin ako. Sa inilantad ng Kanyang mga salita, nagkaroon ako ng kaunting pang-unawa sa aking sarili at nagawa kong magsisi kaagad sa Kanya. Ang lahat ng ito ay pagliligtas ng Diyos! Napakaraming pagsisikap ang ginawa ng Diyos sa akin, ngunit hindi ko hinangad ang katotohanan o sinuklian ang Kanyang pag-ibig, nagtuon lang ako sa mga pagpapala kapag ginagawa ko ang aking tungkulin. Wala talaga akong konsensiya. Noong magkasakit ako sa pagkakataong ito, pagkatapos hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang sarili, sa wakas ay nakita ko nang malinaw ang aking kasuklam-suklam na motibo sa paggawa lamang ng aking tungkulin upang makakuha ng mga pagpapala sa loob ng mga taon na ito, nagkaroon din ako ng kaunting pag-unawa sa aking tiwaling disposisyon. Ang lahat ng ito ay pagliligtas sa akin ng Diyos. Ngayon, binigyan ako ng Diyos ng hininga at hinayaan akong mabuhay, at ito ang Kanyang awa at biyaya. Kailangan kong bitiwan ang aking hangarin na magtamo ng mga pagpapala at kailangan kong gawin nang maayos ang aking tungkulin.
Nang maglaon, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Para sa sinumang isinilang sa mundong ito, ang kanilang kapanganakan ay kinakailangan at ang kanilang kamatayan ay hindi maiiwasan; walang sinumang makakalampas sa kaganapang ito. Kung nais ninuman na lisanin ang mundong ito nang hindi nasasaktan, kung nais ng isang tao na harapin ang huling sugpungan ng buhay na walang pag-aatubili o pag-aalala, ang tanging paraan ay ang lumisan nang walang mga panghihinayang. At ang tanging paraan ng paglisan na walang mga panghihinayang ay ang makilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ang makilala ang Kanyang awtoridad, at ang magpasakop sa mga ito. Tanging sa ganitong paraan maaaring manatiling malayo mula sa mga alitan ng tao, mula sa kasamaan, mula sa pang-aalipin ni Satanas, at tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay ang isang tao na tulad ni Job, na ginagabayan at pinagpapala ng Lumikha, isang buhay na malaya at hindi nakagapos, isang buhay na may kahalagahan at kahulugan, isang buhay na tapat at bukas-puso. Tanging sa ganitong paraan maaaring magpasakop ang isang tao, tulad ni Job, sa mga pagsubok at pagkakait ng Lumikha at sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Tanging sa ganitong paraan maaaring sambahin ng isang tao ang Lumikha nang buong buhay niya at makamit ang Kanyang papuri, gaya ng nangyari kay Job, at marinig ang Kanyang tinig at makita Siya. Tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay at mamatay ang isang tao nang maligaya, tulad ni Job, na walang sakit, walang inaalala, walang mga panghihinayang. Tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay sa liwanag, tulad ni Job, at daanan ang bawat sugpungan ng buhay sa liwanag, maayos na kinukumpleto ang sariling paglalakbay sa liwanag, at matagumpay na tinatapos ang sariling misyon—upang maranasan, matutuhan, at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha bilang isang nilalang—at mamatay sa liwanag, at magpakailanman ay tumindig sa tabi ng Lumikha bilang isang taong nilalang, na pinupuri Niya” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, mas nagliwanag ang aking puso. Dati, lagi kong iniisip na dahil matanda na ako at ang aking sakit ay mas lumalala nang lumalala, nanganganib akong mamatay anumang oras, at kung mamamatay ako sa Covid, wala akong magandang kalalabasan o destinasyon. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang totoo, ang bawat tao ay mamamatay, ngunit ang pagkamatay ng mga tao ay may iba’t ibang kalikasan. Ang pagkamatay ng ilang tao ay nagpapakita na sila ay ibinunyag at itiniwalag ng Diyos, habang ang mga katawan ng iba ay maaaring patay na sa lupa, ngunit ang kanilang mga kaluluwa ay nailigtas. Tingnan mo si Job, bilang halimbawa, na may tunay na pananampalataya sa Diyos at nagawang purihin ang pangalan ng Diyos kahit sa gitna ng mga pagsubok at nagbigay ng tunay na patotoo sa harapan ng Diyos, at nakumpleto ang kanyang misyon bilang isang nilikha. Nang mamatay si Job, wala siyang mga kabalisahan o takot, at sa halip ay nasiyahan at nagpasalamat siya nang umalis siya sa mundo. Namatay ang kanyang katawan, ngunit nailigtas ang kanyang kaluluwa. Nariyan din si Pedro, na hinangad na mahalin at mapalugod ang Diyos sa buong buhay niya at nagawang magpasakop hanggang kamatayan sa harap ng mga pagsubok at kapighatian. Sa huli, siya ay ipinako nang patiwarik para sa Diyos, na mabuting nagpatotoo at nagtamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Ngayon, nauunawaan ko na na ang pagkamatay ng katawan ng isang tao ay hindi nangangahulugan na magkakaroon siya ng hindi magandang kalalabasan at destinasyon. Ang mahalaga ay kung kaya ba niyang hangarin ang katotohanan at gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha habang nabubuhay siya. Ito ang tunay na susi sa pagtukoy kung ang isang tao ay may maganda bang kalalabasan at destinasyon sa huli. Ang dapat kong gawin ay tumayong matatag sa aking posisyon bilang isang nilikha at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Habang ako ay nabubuhay, kailangan kong umasa sa Diyos at gawin ang aking tungkulin nang maayos, hangarin ang katotohanan at gawin ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo sa kabuuan ng aking tungkulin, at sa gayon ay gawin ang aking tungkulin nang maayos at aluin ang puso ng Diyos. Sa pagkaunawa ko rito, naging mas kalmado ang pakiramdam ko, at hindi na ako napipigilan ng aking karamdaman. Ang hindi ko inaasahan ay pagkaraan ng ilang araw, bumuti ang aking kalagayan.
Itong karanasan sa pagkakaroon ng Covid ay tumulong sa akin na makita na mayroon akong mga maling pananaw sa aking pananalig, na ginagawa ko ang lahat para magkaroon ng mga pagpapala at makipagtransaksyon sa Diyos. Na nagawa kong bitiwan ang ilan sa aking pagnanais na makakuha ng mga pagpapala at ituwid ang aking mga motibo sa paggawa ng aking tungkulin ay lahat paraan ng Diyos para iligtas ako.