20. Ang Inggit ang Kabulukan ng mga Buto
Noong Nobyembre ng 2020, nahalal ako bilang lider ng grupo na nangangasiwa sa gawain ng pagdidilig. Napakasaya ko noong panahong iyon, at naramdaman ko na ang pagkakahalal ko bilang lider ng grupo ay nangangahulugan na sa usapin ng pagkaarok sa katotohanan at pagpasok sa buhay ay mas magaling ako kaysa sa ibang mga kapatid. Gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko para maging maganda ang isipin sa akin ng lahat. Pagkaraan ng ilang panahon, nagbunga ng ilang resulta ang mga pagsisikap na madiligan ang mga baguhan, at karamihan sa mga baguhan ay regular na dumadalo sa mga pagtitipon at gumagawa ng kanilang tungkulin. Sinabi ng mga kapatid na malinaw ang pagbabahagi ko tungkol sa katotohanan, at na kaya kong lumutas ng ilang aktuwal na problema. Nang marinig ko na pinupuri ako ng lahat, natuwa talaga ako sa sarili ko. Pero makalipas ang isang buwan, hindi inaasahang nagbago ang lahat dahil sa pagdating ni Sister Xiang Zhen.
Si Xiang Zhen ay naging lider na sa iglesia noon, at malinaw siyang nagbahagi tungkol sa katotohanan. Isa siyang taong may mataas na kakayahan at isa siyang mahusay na manggagawa. Nakakita siya ng ilang isyu at paglihis sa gawain namin pagkarating na pagkarating niya, at mabilis na nakahanap ng mga salita ng Diyos para magbahagi at lutasin ang mga bagay-bagay. Unti-unti, napansin kong hinahanap ng mga kapatid si Xiang Zhen para magbahagi tungkol sa kanilang mga problema, at nagsimula akong mainis. Naisip ko, “Ako ang lider ng grupo, kaya kung ang pagbabahagi ko tungkol sa katotohanan at ang kakayahan kong lumutas ng mga problema ay hindi kasinghusay ng kay Xiang Zhen, ano na lang ang iisipin ng lahat sa akin? Iisipin ba nila na hindi ako mahusay na lider ng grupo, at hindi ko kayang lumutas ng mga problema?” Nang ganoon ang maisip ko, talagang napahiya ako at nagkaroon ako ng pagkiling laban kay Xiang Zhen. Pakiramdam ko ay nagpapakitang-gilas siya sa pagtukoy ng mga paglihis sa aming gawain at sa paglutas ng mga problema ng mga kapatid. Pakiramdam ko ay wala siyang respeto sa akin—na siyang lider ng grupo—at sinasadya niya akong ipahiya at hamakin. Naisip ko, “Kahit na isa kang lider noon at may ilan kang karanasan sa gawain, hindi mas mababa ang kakayahan ko kaysa sa iyo, at naniniwala ako na kasinghusay mo ako.” Para hindi mapahiya, sa mga pagtitipon ay sinusubukan kong maigi na pagnilayan ang mga salita ng Diyos, at gusto kong makapagbahagi nang mas mahusay kaysa sa kanya. Kapag nagkakaproblema at nahihirapan ang mga kapatid, gumugugol ako ng oras sa paghahanap ng mga salita ng Diyos para magbahagi at malutas ang mga ito, at nag-iisip ako kung paano ako makakapagkuwento tungkol sa ilang magagandang karanasan para makita ng mga kapatid kung sino talaga ang may katotohanang realidad.
Minsan, sa isang pagtitipon, binanggit ng isang sister ang isang paghihirap na kinakaharap niya sa paggawa ng kanyang tungkulin, at gusto niyang malaman kung paano ito lulutasin. Naisip ko: “Kailangan kong magmadali at humanap ng ilang nauugnay na sipi sa salita ng Diyos para lutasin ang problema ng sister. Sa pagkakataong ito, kailangan ko talagang makabawi at malampasan si Xiang Zhen.” Pero habang mas nagmamadali ako sa kagustuhang gawin ito, mas nalilito ako. Nagpabalik-balik ako sa teksto, hindi alam kung aling sipi ng salita ng Diyos ang naaangkop. Sa huli ay nakipagbahaginan sa kanya si Xiang Zhen at nalutas ang kanyang problema. Nakaramdam ako ng labis na pagkabigo, at habang nag-iinit ang mukha ko sa kahihiyan, gusto ko na lang maghanap ng mapagtataguan at maglaho. Habang mas gusto kong patunayan ang sarili ko, mas lalo lang akong nagmumukhang hangal. Pakiramdam ko ay hinding-hindi ko mapapantayan si Xiang Zhen, gaano man ako magsikap. Talagang nagdurusa ako at nanlulumo, at pakiramdam ko ay napahiya ako sa pagsisikap na gawin ang tungkulin ko. Pakiramdam ko rin ay lubusan nang nakikita ng lahat ang totoo kong mga abilidad, at tiyak na nakita ng mga kapatid na mas karapat-dapat na lider ng grupo si Xiang Zhen kaysa sa akin. Kung gayon, siguro dapat magbitiw na lang ako sa lalong madaling panahon para hindi mapahiya kahit papaano. Alam kong hindi ako dapat mainggit kay Xiang Zhen, pero hindi ko ito makontrol. Nagdurusa ako at negatibo, at hindi ko alam kung paano takasan ang mga gapos ng reputasyon at katayuan. Tinukoy ko pa nga ang sarili ko, at naramdaman ko na dahil palagi kong hinahangad ang mga bagay na iyon, marahil ay iyon lang talaga ang kalikasan ko at hindi ko ito mababago. Gusto kong magtapat sa mga kapatid at maghanap ng solusyon sa problema ko, pero natatakot ako na maliitin nila ako. Ayaw ko ring aminin sa mga kapatid na hindi ako kasinggaling ni Xiang Zhen. Kaya palagi akong negatibo, at palalim nang palalim ang pagkiling ko laban kay Xiang Zhen. Nang makita ko kung gaano siya kaaktibo sa mga pagtitipon, inisip ko na nagpapakitang-gilas siya, nakikipagkumpitensiya sa akin para sa katayuan. Tumindi nang tumindi ang pagnanais kong huwag siyang pansinin. Naisip ko pa nga na magtapat sa isa pang sister tungkol sa aking kawalang-kasiyahan, at gawin siyang pumanig sa akin at husgahan si Xiang Zhen. Hindi ko gaanong namalayan na sa paggawa niyon, nakikipagsabwatan ako laban kay Xiang Zhen. Pero hindi ako nagnilay-nilay sa sarili ko. Isang gabi, sinabi ko sa isang sister kung gaano ako kanegatibo. Sa mga pagtitipon, kadalasan ay si Xiang Zhen ang nagmumungkahi kung aling mga salita ng Diyos ang dapat naming pagbahaginan, kaya pakiramdam ko ay hindi niya ako nirerespeto. Pakiramdam ko ay pinipigilan ako, at ayaw ko na ngang maging lider ng grupo. Akala ko ay papanigan ako ng sister na iyon, pero sa halip, pinayuhan niya ako na pakitunguhan nang maayos si Xiang Zhen, at mas pagnilayan pa ang sarili kong mga problema. Sa mga sumunod na araw, nakita ko na nakakasundo niya si Xiang Zhen, at hindi ako naging komportable dahil dito. Naisip ko: “Napakarami kong ibinahagi sa iyo, kaya paanong hindi ka nagkaroon ng pagkiling laban kay Xiang Zhen?” Nagulat ako sa ganoong uri ng pag-iisip. “Ni paano ko naisip iyon? Hindi ba’t sinusubukan kong bumuo ng isang grupo at ibukod si Xiang Zhen?” Habang mas nag-iisip ako, mas lalo akong natatakot, at nagsimula akong magnilay-nilay sa sarili ko. Pagkatapos ay naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Anong uri ng disposisyon ito kapag may nakita ang isang tao na mas mahusay kaysa sa kanya at sinusubukan niya siyang pabagsakin, nagkakalat ng mga tsismis tungkol sa kanya, o gumagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para siraan siya at isabotahe ang kanyang reputasyon—inaapakan pa ang kanyang pagkatao—para maprotektahan ng taong ito ang sarili niyang puwang sa isip ng mga tao? Hindi lang ito kayabangan at kapalaluan, ito ay disposisyon ni Satanas, ito ay isang malisyosong disposisyon. Mapaminsala at buktot na nagagawa ng taong ito na batikusin at ihiwalay ang mga taong mas mahusay at mas malakas kaysa sa kanya. At ipinapakita ng hindi niya pagtigil hanggang sa mapabagsak ang mga tao kung gaano siya kademonyo! Dahil namumuhay siya ayon sa disposisyon ni Satanas, malamang na maliitin niya ang mga tao, subukang isangkalan sila, at pahirapan sila. Hindi ba ito paggawa ng masama? At habang namumuhay nang ganito, iniisip pa rin niyang maayos ang lagay niya, na mabuti siyang tao—subalit kapag may nakita siya na taong mas magaling kaysa sa kanya, malamang na pahirapan niya ito, na tapak-tapakan niya ito. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t ang mga taong kayang gumawa ng ganoong masasamang gawa ay mga imoral at matitigas ang ulo? Ang mga gayong tao ay iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, isinasaalang-alang lamang nila ang sarili nilang damdamin, at ang tanging nais nila ay matupad ang sarili nilang mga pagnanasa, ambisyon, at mithiin. Wala silang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, at mas gugustuhin nilang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang kanilang katayuan sa isipan ng mga tao at ang sarili nilang reputasyon. Hindi ba’t ang mga taong gaya nito ay mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, mga makasarili at ubod ng sama? Ang gayong mga tao ay hindi lamang mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis din silang makasarili at ubod ng sama. Hinding-hindi sila mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. May takot sa Diyos na puso ba ang gayong mga tao? Wala man lang silang takot sa Diyos na puso. Ito ang dahilan kung bakit wala silang pakundangan kung kumilos at ginagawa nila ang anumang gusto nila, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga ibubunga nito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos). Noong binasa ko dati ang siping iyon ng salita ng Diyos, hindi ko kailanman naisip na naaangkop ito sa akin. Pagkatapos ay nakita ko sa wakas na inihayag ng salita ng Diyos ang sarili kong sitwasyon. Hindi ko kailanman inakala na maaari akong maging sobrang taksil at mapaminsala. Ang makitang mas mahusay na nagbabahagi tungkol sa katotohanan si Xiang Zhen kaysa sa akin, at nilulutas ang mga aktuwal na problema ng mga kapatid, ay hindi lang nagpalungkot sa akin, kundi nainis at nainggit pa ako sa kanya. Pakiramdam ko ay napahiya ako sa pagiging nakahihigit niya. Para hindi mapahiya at para maprotektahan ang aking katayuan, palagi akong nag-iisip ng mga paraan para malampasan siya. Kapag hindi ko iyon magawa, humahantong iyon sa pagkiling laban sa kanya, at hinuhusgahan ko siya na nagpapakitang-gilas at sinusubukang nakawin ang katayuan ko. Nagtangka akong bumuo ng isang grupo sa likod niya, at magpakalat ng pagkiling laban sa kanya para ibukod siya ng lahat. Ang yabang ko talaga. Hindi ko kayang hayaan ang sinuman na maging mas mahusay kaysa sa akin, at walang makapipigil sa akin para kumapit sa aking katayuan bilang lider ng grupo. Sa paggawa niyon, naiiba ba ako sa mga anticristong iyon na umatake at nagbukod sa iba para lang sa katayuan? Mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at hindi ako makalutas ng mga aktuwal na problema. Pero ayaw kong hayaan si Xiang Zhen na magbahagi at tumulong sa lahat, kaya hindi ba’t ipinapahamak ko ang mga kapatid? Wala akong pagkatao! Nang mapagtanto ko iyon, nakonsensya ako. Binigo ko ang mga kapatid. Pagkatapos ay nag-ipon ako ng lakas ng loob para magtapat at magbahagi tungkol sa pakikipagkumpitensya ko kay Xiang Zhen para sa reputasyon, at humingi ako ng tawad sa kanya. Sinabi niya na napapansin niyang hindi ako gaanong natutuwa habang nagbabahagi siya sa mga pagtitipon, kaya pakiramdam niya ay napipigilan siya at hindi siya nangahas na magbahagi nang napakarami, sa takot na maaapektuhan ako niyon. Noon ko napagtanto na nakapahamak sa kanya ang pakikipaglaban ko para sa reputasyon, at nakonsensya ako.
Pagkatapos niyon ay ipinagpatuloy kong hanapin ang landas ng pagsasagawa, at nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Bilang isang lider ng iglesia, hindi mo lamang kailangang pag-aralan na gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema, kailangan mo ring matutunang tumuklas at luminang ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang naghahangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo at gawin nang maayos ang lahat ng gawain, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, kuwalipikado kang lider o manggagawa. Kung nagagawa mong asikasuhin ang lahat nang ayon sa mga prinsipyo, kung gayon ay iniaalay mo ang iyong katapatan. Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging malisyoso! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga hangarin, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila. Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng katapatan sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider. … Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad ang iyong mga pananagutan, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at intindihin ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na kailangang matutunan ng mga lider at manggagawa kung paano kilalanin at linangin ang mga taong may talento. Hindi nila pwedeng kainggitan o pigilan ang mga may talento para protektahan ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, na kinasusuklaman ng Diyos. Malinaw na nagbahagi si Xiang Zhen tungkol sa katotohanan, at kaya niyang lumutas ng mga aktuwal na problema. Nakabuti iyon sa gawain ng iglesia at nakatulong sa mga kapatid na makapasok sa buhay. Kailangan kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at bitawan ang sarili kong reputasyon at katayuan, makipagtulungan nang matiwasay kay Xiang Zhen, at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Isang biyaya ng Diyos na mapili bilang lider ng grupo, nagbibigay ito sa akin ng pagkakataong magsagawa. Hindi ito nangangahulugan na nauunawaan ko ang lahat, o na nararapat ako para sa tungkuling iyon. Mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at normal lang ang kawalan ko ng kakayahan na matukoy ang totoong kalikasan ng mga problema, kaya dapat ay natuto ako mula kay Xiang Zhen. Pero palagi kong itinuturing ang sarili ko bilang ang lider ng grupo, iniisip na dapat kong malutas at makita ang tunay na kalikasan ng bawat problema, at hindi ako maaaring maging mas mababa ang kakayahan kaysa sa sinuman. Kaya palagi akong nakikipaglaban at nakikipagkumpitensya kay Xiang Zhen, at kapag hindi ko siya nahihigitan, nagiging negatibo at nagdurusa ako. Napakahangal ko! Sa katunayan, hindi kailanman hiningi ng Diyos na magawang lutasin ng mga lider at manggagawa ang bawat problema. Umaasa ang Diyos na magiging matapat ako, magbabahagi lang sa kung ano ang nauunawaan ko, at makikipagtulungan sa mga kapatid para talakayin ang anumang hindi ko nauunawaan. Iyon ang pagsasagawa na naaayon sa layunin ng Diyos. Matapos kong maunawaan ang layunin ng Diyos, tumigil na ako sa sobrang pagkainggit kay Xiang Zhen, at nagawa kong tanggapin at ipatupad ang anumang magagandang ideya na mayroon siya. Kapag binabanggit ng mga kapatid ang kanilang mga paghihirap sa mga pagtitipon, magkasama kaming gumagawa ni Xiang Zhen para magbahagi at tumulong sa kanila, at maraming problema ang nalutas.
Pagkatapos ng karanasang iyon, akala ko ay nagbago na ako, at hindi ko na gaanong binibigyang-pansin ang reputasyon at katayuan. Pero labis na akong nagawang tiwali ni Satanas na noong naharap ako sa tamang sitwasyon, bumalik ako sa dati kong gawi. Noong Hulyo ng 2021, natanggal ako dahil hindi ako makagawa ng aktuwal na gawain, at nahalal si Xiang Zhen bilang bagong lider ng grupo. Nang maharap sa kinahinatnan na ito, tinanggap ko na talagang mas mahusay siya kaysa sa akin sa lahat ng aspeto, at makabubuti sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid ang paghalal sa kanya. Pero pagkaraan ng ilang panahon ay nakita ko na nagdadala ng pasanin si Xiang Zhen sa paggawa ng kanyang tungkulin. Kapag nahihirapan at nagkakaproblema ang mga kapatid, nagagawa niyang magbahagi sa kanila at napapanahon niyang nalulutas ang kanilang mga isyu. Nagawa rin niyang ibuod ang mga paglihis sa aming buhay-iglesia. Medyo napukaw nito ang damdamin ko: “Kung mas epektibo si Xiang Zhen kaysa sa akin bilang lider ng grupo, hindi ba’t lalo lang akong magmumukhang hindi magaling? Ano na lang ang iisipin ng lahat sa akin? Tiyak na iisipin nila na wala akong abilidad at mababa ang kakayahan ko.” Dahil sa ganoong pag-iisip noong panahong iyon, hindi ko ninais na bumuti ang buhay-iglesia. Sa mga pagtitipon dati, nagbabahagi man ako tungkol sa kaalaman sa salita ng Diyos o nagbubuod ng mga isyu sa gawain namin, palagi akong nagkukusang magbahagi at nagbibigay-sigla ako sa lahat na gawin din iyon. Pero sa mga pagtitipon noong panahong iyon, ako ang palaging huling nagsasalita. Kung minsan kapag nagkakaroon ako ng kaunting kaliwanagan at pagtanglaw, ayaw kong pag-usapan ito, at labag sa loob akong nagsasabi ng ilang salita kapag patapos na. Kapag hinihiling sa akin ni Xiang Zhen na magdagdag ng mga paliwanag, ayaw ko nang magsalita pa. Noong panahong iyon, nahihirapan ang mga kapatid na gawin ang kanilang tungkulin at namumuhay sila sa mga negatibong kalagayan, pero masyadong abala si Xiang Zhen sa gawain para agarang maharap ang mga isyu. Hindi lang ako hindi nag-alok ng tulong, bagkus ay talagang nasiyahan pa ako sa kanyang mahirap na kalagayan, iniisip na: “Kita mo na—hindi ka talaga ganoon kagaling na lider ng grupo. Hindi ka mas mahusay kaysa sa akin!” Nakita ko na hindi agad nalulutas ang mga problema ng mga kapatid, at hindi epektibo ang buhay-iglesia. Pero hindi ko tinulungan si Xiang Zhen, at ninais ko pa nga na magpatuloy ang ganoong sitwasyon. Pagkatapos ay nakita kong mabilis na inayos ni Xiang Zhen ang kanyang iskedyul at nilutas ang mga isyung iyon. Talagang nalungkot na naman ako dahil doon, at lalo pa akong nainggit sa kanya. Unti-unti, lalo akong naiinis sa kanya. Umabot na ito sa puntong ni ayaw ko nang marinig ang anumang sasabihin niya o anumang pananaw na ipapahayag niya. Sa mga pagtitipon, hindi ko siya tinitignan kapag nagbabahagi siya. Alam kong lalo at lalo akong naiinggit, at na mapaminsala ang disposisyon ko, na parehong makapipinsala sa kanya at makaaapekto sa buhay-iglesia. Ayaw kong magpatuloy iyon, pero hindi ako makawala sa sitwasyon ko. Sa pasakit kong ito, nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos! Ayaw kong kainggitan si Xiang Zhen, pero hindi ko mapigilan ang sarili ko. Pakiusap iligtas Mo po ako para malagpasan ko ang mga panganib at kahihinatnan ng paghahangad ng reputasyon at katayuan, at hindi na ako magapos ng tiwali kong disposisyon.” Pagkatapos niyon, hayagan kong ipinagtapat sa mga kapatid ang aking maling kalagayan. Matapos marinig ang sinabi ko, sinabi ni Xiang Zhen na hindi niya akalain na gagawin ko iyon sa kanya, at nasasaktan siya. Nang sabihin niya iyon, sobra akong nakonsensya. Sobrang tagal na naming magkakilala, at madalas ko siyang kinaiinggitan at hinuhusgahan sa likod niya, pero hindi siya nakipagtalo sa akin. Pinatawad niya ako, at nagbahagi siya tungkol sa katotohanan para tulungan ako. Tiyak na wala akong pagkatao at naging labis na mapaminsala para pakitunguhan siya nang ganoon.
Isang beses sa isang pagtitipon, nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mapanlinlang, tuso, at buktot, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag napag-alaman nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla na lang silang nagbabago. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, nagiging pabasta-basta na lang sila sa lahat ng kanilang ginagawa, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang nalilihis, lumalabas ang poot, inggit, at paghihiganti. Bukod sa wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, wala rin silang ni katiting na pagpapasakop. Bukod pa rito, sa kanilang mga puso, malamang na kapootan nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; pinakaaasam-asam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinapopootan din nila ang sinumang naghahangad ng katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magsakripisyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo—at hindi ba’t malupit ito? Malinaw na masasamang tao sila; ang mga anticristo sa diwa nila ay masasamang tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos ang pagkamapanlinlang, ang kasamaan, at ang mapaminsalang kalikasan ng mga anticristo. Sa sandaling mawala ang kanilang katayuan o ang suporta ng iba, naiinggit sila at nagiging mapaghiganti. Hindi lang nila basta-basta iniraraos ang kanilang tungkulin, kundi ninanais pa nila na magkaroon ng mga pagkakamali sa gawain ng iglesia para makukutya nila ang sambahayan ng Diyos at ang mga kapatid. Inihayag ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Matapos matanggal, nakita ko na nagdadala ng pasanin si Xiang Zhen sa paggawa ng kanyang tungkulin, at na kaya niyang aktibong lutasin ang mga problema ng mga kapatid. Natakot ako na kung magiging mahusay siya at bubuti ang buhay-iglesia, ipakikita niyon na hindi ako kasinggaling niya. Para protektahan ang katayuan at imahe ko sa puso ng mga kapatid, ninais ko na hindi magiging epektibo ang buhay-iglesia. Kaya kahit na malinaw na mayroon akong kaliwanagan at pagtanglaw, ayaw kong magbahagi tungkol sa mga ito. Kung hindi kaagad malutas ni Xiang Zhen ang mga problema ng mga kapatid dahil abala siya sa gawain, hindi ako tumutulong. Sa halip, nasisiyahan ako sa mahirap niyang kalagayan, naghihintay na pagtawanan siya. Nainggit ako sa kanya dahil mas may kakayahan siya kaysa sa akin sa gawain. Wala akong anumang nagustuhan sa kanya, at lubusan ko siyang inayawan. Ipinapahayag ko ang mapaminsalang disposisyon ng isang anticristo! Ang pagiging epektibo ng buhay-iglesia ay direktang nauugnay sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid, at magagawa lamang nila nang maayos ang kanilang tungkulin kapag normal ang kanilang sitwasyon at nakapasok na sila sa buhay. Pero upang mapanatili ang katayuan ko sa mata ng mga tao, hindi lamang ako nabigong suportahan ang buhay-iglesia, kundi ninais ko pa na hindi malutas ang mga problema ng mga kapatid, at na hindi sila maging epektibo sa paggawa ng kanilang tungkulin. Masyado akong taksil at mapaminsala! Kung ang isang tao ay itataas ang ranggo o tatanggalin ng sambahayan ng Diyos ay nakabatay sa mga hinihingi ng gawain. Hindi ko nagawa ang trabaho ko, kaya natanggal ako, at pagkatapos ay inako ito ng isang mas nababagay na tao. Hindi lang ako hindi nakipagtulungan nang maayos kay Xiang Zhen, palihim ko pa siyang siniraan. Nagdulot ako ng paggambala at kaguluhan, at nasaktan ko siya. Tao pa ba ako? Sa isiping iyon, napuno ako ng pagsisisi, at hindi ko mapigilan ang pag-agos ng mga luha. Kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagiging sobrang mapaminsala, at hindi ako karapat-dapat na mamuhay sa harap ng Diyos. Naalala ko na sinabi ng Bibliya: “Ang inggit ay kabulukan ng mga buto” (Kawikaan 14:30). Totoong-totoo iyon. Dahil sa inggit, napopoot ang mga tao at nakagagawa pa ng mga bagay na hindi makatwiran.
Noong gabing iyon, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Kung palagi mong guguluhin, gagambalain, at sisirain ang mga bagay na gustong ipagtanggol ng Diyos, kung palagi mong hahamakin ang mga bagay na ito, at palagi kang may mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa mga ito, kung gayon ay tinututulan mo ang Diyos at kinokontra mo Siya. Kung hindi mo itinuturing na mahalaga ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at palagi mong gustong sirain ang mga ito, at palagi mong gustong magsanhi ng pagkawasak, o palaging gustong makinabang mula sa mga ito, manloko, o mangupit, magagalit ba ang Diyos sa iyo? (Oo.) Ano ang mga kahihinatnan ng galit ng Diyos? (Parurusahan kami.) Tiyak iyan. Hindi ka patatawarin ng Diyos, talagang hindi! Dahil ang ginagawa mo ay gumigiba at sumisira sa gawain ng iglesia, at ito ay salungat sa gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang malaking kasamaan, ito ay pakikipagtunggali sa Diyos, at ito ay isang bagay na direktang sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Paanong hindi magagalit ang Diyos sa iyo? Kung ang ilang tao, dahil sa mahina ang kakayahan nila, ay hindi mahusay sa gawain nila at hindi sinasadyang nakakagawa ng mga bagay na nagsasanhi ng pagkagambala at kaguluhan, maaari itong mapatawad. Gayumpaman, kung dahil sa sarili mong mga personal na interes ay nasasangkot ka sa inggit at alitan at sadya kang gumagawa ng mga bagay na gumagambala, gumugulo, at sumisira sa gawain ng sambahayan ng Diyos, itinuturing itong kusang paglabag, at isang bagay ito ng pagsalungat sa disposisyon ng Diyos. Patatawarin ka ba ng Diyos? Ginagawa ng Diyos ang Kanyang 6,000-taong plano ng pamamahala, at inilalaan dito ang lahat ng puspusang pagsisikap Niya. Kung may isang taong kumokontra sa Diyos, sadyang pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at sadyang naghahangad ng mga personal niyang interes at personal niyang katanyagan at katayuan kapalit ang pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi nag-aalinlangang sirain ang gawain ng iglesia, na nagsasanhi ng pagkahadlang at pagkasira ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at na gumagawa pa nga ng napakalaking materyal at pinansiyal na pinsala sa sambahayan ng Diyos, sa palagay ba ninyo ay dapat patawarin ang ganitong mga tao? (Hindi, hindi dapat.)” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Mula sa salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi kinukunsinti ng disposisyon Niya ang pagkakasala. Para mapanatili ang katayuan ko sa lahat, kinontra ko si Xiang Zhen nang walang anumang makatwirang dahilan, palagi akong umaasa na mapahiya siya, na nakaapekto sa gawain ng iglesia. Handa akong isakripisyo ang interes ng iglesia kapalit ng pagtatamo ng sarili kong mga layunin. Ito ay paglaban sa Diyos. Inisip ko kung paanong nagbayad ang Diyos ng napakalaking halaga para iligtas ang sangkatauhan, umaasang makakamit ng sangkatauhan ang katotohanan, mababago ang kanilang mga disposisyon sa buhay, at matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Kapag may magandang buhay-iglesia at mabubuting tao bilang lider ang mga kapatid, saka lang nila mauunawaan ang katotohanan, mapapasok ang katotohanang realidad, at matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Pero hindi ko man lang isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Nang makita ko na hindi epektibo ang buhay-iglesia, kataka-takang natuwa ako, at ninais ko pa nga na magpatuloy ang sitwasyong iyon. Paanong masyado akong naging kasuklam-suklam at mapaminsala? Ang diyablong si Satanas ay umaasa na mabibigo ang gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, at mahihinto ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Umaasa ito na mawawala sa mga kapatid ang pagliligtas ng Diyos, at sa huli ay bababa sila sa impiyerno kasama nito at mawawasak. Hindi ba’t ang katunayan na kaya kong mag-isip at kumilos nang ganoon ngayon ay nangangahulugan na katulad ako ng diyablong si Satanas sa panggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia? Hindi kinukunsinti ng matuwid na disposisyon ng Diyos ang mga pagkakasala, at kung magpapatuloy ako sa landas na iyon at mabibigong magsisi, tiyak na makagagawa ako ng mas malaki pang kasamaan, malalabag ang disposisyon ng Diyos, at itataboy, at ititiwalag Niya. Noon ko talaga nalaman sa puso ko na hindi magandang landas ang paghahangad sa karangalan at katayuan. Naalala ko ang sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Inagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay katanyagan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at nagtataksil sa Kanya at lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng katanyagan at pakinabang ni Satanas” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Dati, hindi ko sineryoso ang paghahangad ko ng kasikatan at katayuan. Palagi kong nararamdaman na gusto ko lang na mataas ang tingin sa akin ng iba, at hinding-hindi ko ipapahamak ang mga kapatid o ilalagay sa panganib ang mga interes ng iglesia. Pero sa puntong iyon, ipinakita ng pagbubunyag ng salita ng Diyos at ng mga katunayan na ang mga bagay-bagay ay hindi kasingsimple ng inaakala ko. Ang reputasyon at katayuan ay mga kasangkapan na ginagamit ni Satanas para saktan at ipahamak ang mga tao, mga kadena na inilagay ni Satanas na kumokontrol sa akin, kaya naghihimagsik at nilalabanan ko ang Diyos anumang oras. Kung hindi ko hahangarin ang katotohanan at tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, bagkus ay patuloy akong maghahabol sa mga bagay na iyon, masisira ako. Mula pa noong sinaunang panahon, ang paghahangad ng katayuan at kapangyarihan ay naging dahilan na para maging magkakaaway ang mabuting magkakaibigan, at maging tuso at malupit sa isa’t isa ang malapit na magkakamag-anak. Ganoon ko rin pinakitunguhan si Xiang Zhen. Para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan, hinding-hindi ko siya matanggap. Nakipagkumpitensya ako sa kanya nang parehong hayagan at palihim, at kapag hindi ko siya mahigitan, bumubuo ako ng mga grupo sa likod niya para husgahan siya. Nang makita ko na hindi nakagagawa ng magagandang resulta ang buhay-iglesia, hindi ko sinubukang tustusan ito. Hindi ako nakialam, sa kagustuhan kong makitang mabigo si Xiang Zhen para mapagtawanan ko siya. Handa pa nga akong makitang magdusa ang gawain ng iglesia para matugunan ang pagnanais ko sa katayuan. Nakita ko na ang pagtahak ng landas ng paghahangad sa reputasyon at katayuan ay paglaban sa Diyos. Natakot ako, at alam kong kapag hindi ako nagsisi at patuloy kong hinangad ang reputasyon at katayuan, ginambala at ginulo ang gawain ng iglesia, maaari akong maging isang anticristo at matiwalag sa iglesia, at mawalan ng pagkakataon na mailigtas. Labis ang pasasalamat ko sa Diyos noong sandaling makita ko iyon. Sa kabila ng intensyon ko, palagi akong naghahabol ng reputasyon at katayuan. Sa pagkakataong iyon, gumagawa ang Diyos ng totoong sitwasyon para makita ko ang kapangitan ng pakikipagkumpitensiya para sa mga bagay na iyon, at naunawaaan ko sa wakas mula sa personal na karanasan ang mga pagdurusa at mapanganib na kahihinatnan ng paghahangad sa reputasyon at katayuan. Sa pamamagitan ng paghatol at pagbubunyag ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko rin na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay hindi kumukunsinti ng mga paglabag, at sa puso ko, gusto kong putulin ang gapos ng reputasyon at katayuan. Gusto kong magsisi at magbago. Dati, palagi akong negatibo at mahina, dahil inaakala ko na masyado nang malubha para baguhin pa ang pagnanasa ko sa reputasyon at katayuan, at wala akong lakas ng loob na hangarin ang katotohanan. Sa pagkakataong iyon, naunawaan ko na na kahit na tiwali ako, basta handa akong hangarin ang katotohanan at magbago, gagabayan ako ng Diyos para maunawaan ko ang katotohanan, maalis ang pagkakagapos ng reputasyon at katayuan, at matahak ang landas tungo sa kaligtasan.
Kalaunan, nabasa ko ito sa salita ng Diyos: “Huwag mong isipin palagi na malampasan ang lahat ng tao, na gawin ang lahat ng bagay nang mas magaling kaysa sa iba, at mamukod-tangi sa karamihan sa lahat ng paraan. Anong klaseng disposisyon iyan? (Isang mayabang na disposisyon.) Palaging nagtataglay ng mayabang na disposisyon ang mga tao, at kahit nais nilang magsumikap para sa katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos, nagkukulang sila. Mas malamang na malihis ng landas kapag kontrolado ng mayabang na disposisyon ang mga tao. Halimbawa, may ilang tao na nais na magpasikat palagi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mabubuting layunin nila sa halip na ipahayag ang mga hinihingi ng Diyos. Sasang-ayunan ba ng Diyos ang gayong klaseng pagpapahayag ng mabubuting layunin? Para maisaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, kailangan mong sundin ang mga hinihingi ng Diyos, at para magampanan ang iyong tungkulin, kailangan mong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang mga taong nagpapahayag ng mabubuting layunin ay hindi isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, kundi sa halip ay palaging sinusubukang gumawa ng mga panibagong panlalansi at bumibigkas ng mabulaklak na mga salita. Hindi hinihingi ng Diyos na isaalang-alang mo Siya sa ganitong paraan. Sinasabi ng ilang tao na ganito sila kapag nakikipagtagisan. Sa anumang anggulo, ang pakikipagtagisan ay isang bagay na negatibo. Isa itong paghahayag—isang pagpapamalas—ng mayabang na disposisyon ni Satanas. Kapag may ganoon kang disposisyon, palagi mong sinisikap na pigilan ang iba, palagi mong sinusubukang maungusan ang iba, palagi mong minamanipula ang iba, palaging sinusubukang may makuha sa mga tao. Labis kang naiinggit, wala kang sinusunod, at palagi mong sinusubukan na mamukod-tangi sa lahat. Magiging problema ito; ganito kumilos si Satanas. Kung talagang nais mong maging isang katanggap-tanggap na nilikha ng Diyos, huwag mo nang hangarin ang iyong sariling mga pangarap. Masama ang subukang maging higit pa at mas mahusay kaysa sa kung ano ka para makamit ang iyong mga pakay. Dapat kang matutong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at dapat kang tumindig sa posisyon na dapat okupahin ng tao; ito lamang ang pagpapakita ng katwiran” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). “Ano ang inyong mga prinsipyo sa inyong pag-uugali? Dapat kayong umasal ayon sa inyong puwesto, hanapin ang tamang lugar para sa inyo, at gampanan ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan; ito lamang ang taong may katwiran. Bilang halimbawa, may mga taong mahuhusay sa mga partikular na propesyunal na kasanayan at may pagkaunawa sa mga prinsipyo, at dapat nilang akuin ang responsabilidad at gawin ang panghuling pagsisiyasat sa larangang iyon; may mga taong makapagbibigay ng mga ideya at malilinaw na pagkaunawa, nagiging inspirasyon sa iba at tinutulungan silang mapabuti ang kanilang mga tungkulin—sa gayon ay dapat silang magbigay ng mga ideya. Kung matatagpuan mo ang tamang lugar para sa iyo at makagagawa nang tugma sa iyong mga kapatid, tinutupad mo ang iyong tungkulin, at umaasal ka ayon sa iyong puwesto” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Mula sa salita ng Diyos, nakahanap ako ng mga landas ng pagsasagawa. Nagbibigay ang Diyos ng iba’t ibang kaloob at kakayahan sa bawat tao. Umaasa Siya na magpapasakop tayo sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, at ganap na gagamitin ang ating mga kasanayan sa sarili nating posisyon. May mas mataas na kakayahan si Xiang Zhen kaysa sa akin, at kaya niyang lumutas ng mga aktuwal na problema. Nakikinabang ang gawain sa pagiging lider niya ng grupo, at isa iyong magandang bagay. Hindi pa ako gaanong nakapasok sa buhay, kaya dapat akong magsikap nang maigi na umunlad, at gawin ang lahat ng aking makakaya para magawa ko nang maayos ang aking tungkulin. Iyon ang sensibilidad na dapat ay mayroon ako. Palagi akong natatakot na sasabihin ng mga tao na wala akong kasanayan at kulang ako sa kakayahan. Ito ay dahil masyadong mapagmataas ang kalikasan ko, at hindi ko naiintindihan ang sarili ko, at hindi ako lumulugar sa tamang posisyon. Nakatuon si Xiang Zhen sa pagpasok sa buhay, at may pagmamahal siya sa mga kapatid. Nang makita niya ang mga problema ko, nagawa niyang magpayo at tumulong sa akin. Dapat kong pahalagahan ang pagkakataong makatrabaho siya, matuto mula sa kanyang mga kalakasan, at tumuon sa sarili kong pagpasok sa buhay sa kapaligiran na ibinigay ng Diyos. Ang pagsasagawa sa ganoong paraan ay makabubuti sa aking pagpasok sa buhay. Sa ganoong uri ng mentalidad, nakaramdam ako ng kalayaan. Pagkatapos niyon, hindi na ako naiinggit kay Xiang Zhen. Sa mga pagtitipon, nagagawa ko nang aktibong magbahagi at makipagtulungan sa kanya, magbahagi tungkol sa kung ano ang nauunawaan ko, at gawin ang buong makakaya ko para tulungan ang mga kapatid. Pagkatapos kong magsagawa sa ganoong paraan, nakaramdam ako ng kapayapaan at kaginhawahan na hindi ko kailanman naramdaman noon.
Ang pagdaanan ang karanasang iyon ay nakatulong na magkaroon ako ng mas mabuting pagkaunawa sa aking tiwaling kalikasan. Nakita ko na labis na akong ginawang tiwali ni Satanas na gagawin ko ang lahat para lang maprotektahan ang aking reputasyon at katayuan, at talagang napakasama at mapaminsala ko. Noong nakikipaglaban ako para sa katayuan at naiinggit sa mga abilidad ng ibang tao, talagang masakit iyon. Ang paghatol at pagbubunyag ng salita ng Diyos ang naging dahilan para malinaw kong makita ang diwa ng paghahangad ng reputasyon at katayuan, na nagpalaya sa akin mula sa mga gapos ng inggit, para maging mas maluwag at malaya ang pakiramdam ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!