Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 8

Noong nakaraan ay nagbahaginan tayo tungkol sa unang pangunahing aspekto ng kung paano sikaping matamo ang katotohanan, ito ay ang pagbitiw. Hinggil sa pagbitiw, nagbahaginan tayo tungkol sa unang aspekto ng pagsasagawa—ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon. Ang pakay natin sa pagbabahaginan at pagsusuri sa iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao ay upang matugunan, unang-una, ang mga mali at baluktot na ideya at pananaw na nakatago sa ilalim ng mga negatibong emosyong iyon. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Ibig sabihin, sa pamamagitan ng paglutas sa mga negatibong emosyon sa puso ng mga tao, nilalayon nating tugunan ang mga negatibong ideya at pananaw na pinanghahawakan nila sa kaibuturan ng kanilang puso ukol sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Siyempre, sa pamamagitan din ng paglalantad at pagsusuri sa iba’t ibang negatibong emosyon at pagbibigay sa mga tao ng mga tamang kaisipan, pananaw, at pag-unawa na maaaring malutas ang iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao. Ito ay upang hindi mabagabag o magapos ang mga tao sa mga mali at baluktot na ideya at pananaw sa tuwing may nangyayari sa kanila, sa kanilang pang-araw-araw man na buhay o sa kanilang landas sa buhay, at sa halip ay harapin ng mga tao ang bawat araw, at ang mga tao, pangyayari, at bagay na sumasapit sa kanila sa bawat araw, nang may positibo, mga tamang ideya at pananaw na umaayon sa katotohanan. Kaya, kapag nahaharap sa mga tao, pangyayari, at bagay sa totoong buhay, hindi sila tutugon nang may mainit na ulo, bagkus ay mamumuhay sila sa saklaw ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, at magagawa nilang harapin at pangasiwaan nang makatwiran ang bawat sitwasyon na kanilang kinakaharap o dinaranas sa buhay at sa landas ng buhay, gamit ang mga tumpak at tamang paraan na itinuro ng Diyos. Ang isang aspekto ng paggawa nito ay upang mamuhay ang mga tao sa ilalim ng patnubay at impluwensiya ng mga tamang ideya at pananaw. Ang isa pang aspekto ay upang mapangasiwaan nila nang tama ang bawat sitwasyon sa ilalim ng patnubay at impluwensiya ng mga positibong ideya at pananaw na ito. Siyempre, ang kakayahang mapangasiwaan nang tama ang bawat sitwasyon ay hindi ang pinakalayon. Ang pinakalayon ay ang tuparin ng mga nananalig sa Diyos ang dapat nilang tuparin, na matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, na magpasakop sa Diyos, at sa Kanyang mga pagsasaayos at pangangasiwa, na magpasakop sa bawat kapaligirang itinakda Niya, at siyempre, magpasakop sa tadhana ng isang tao kung saan Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan, at mamuhay nang makatwiran sa piling ng bawat tao, pangyayari, at bagay, sa bawat kapaligiran. Sa kabuuran, nagbabahaginan man tayo at nagsusuri sa mga negatibong emosyon ng mga tao o mga negatibong ideya at pananaw, ang lahat ng ito ay nauugnay sa landas na dapat tahakin ng isang nilikha, ang landas ng buhay na hinihingi ng Diyos sa isang normal na tao. At, siyempre, nauugnay rin ito sa mga prinsipyo na dapat taglayin ng isang nilikha, pagdating sa kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay, kung paano sila umasal, at kung paano sila kumilos. Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ay malinaw na tungkol sa paglutas sa mga negatibong emosyon ng mga tao at pagtugon sa mga negatibo at nakalilinlang na ideya at pananaw na nakatago sa ilalim ng mga negatibong emosyong iyon. Ngunit sa katunayan, masasabi mo rin na talagang tungkol ito sa paggabay sa mga tao, pagtustos sa kanila, at pagtulong sa kanila, o tungkol sa pagtuturo sa mga tao kung paano umasal, at kung paano maging isang totoo at normal na tao, maging isang makatwirang tao, isang taong gaya ng hinihingi sa kanila ng Diyos, isang taong Kanyang minamahal, at isang taong nagpapalugod sa Diyos, kapag nahaharap sa iba’t ibang kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay. Katulad ito ng iba pang aspekto ng mga katotohanang prinsipyo, lahat ng ito ay nauugnay sa pag-asal ng isang tao. Kung titingnan, ang paksa ng pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ay tila may kasamang ganap na karaniwang emosyon, o isang kalagayan kung saan namumuhay ang mga tao sa kasalukuyan. Pero ang totoo, ang mga emosyong ito at ang mga simpleng kalagayang ito ay nauugnay sa landas na tinatahak ng mga tao at sa mga prinsipyo ng kanilang pag-asal. Mula sa perspektiba ng isang tao, maaaring tila hindi gaanong mahalaga at walang kabuluhan ang mga ito. Gayunpaman, dahil nauugnay ang mga ito sa mga pananaw na dala-dala ng mga tao at sa mga perspektiba at paninindigan na pinanghahawakan nila kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, may kinalaman ang mga ito sa pag-asal ng isang tao. Sa mas partikular na salita, kabilang dito kung paano tingnan ang mga tao at bagay, kung paano umasal, at kung paano kumilos. Dahil may kinalaman ang mga ito sa kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, kung paano umasal, at kung paano kumilos, kailangang palaging suriin at pagnilayan sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao ang mga negatibong emosyon at mga negatibong ideya at pananaw na ito. Siyempre, kailangan din na maitama kaagad ng mga tao ang kanilang sarili sa tuwing natutuklasan nila sa pagninilay-nilay na mayroon silang mga negatibong emosyon o mga negatibo at nakalilinlang na ideya at pananaw, at mapalitan kaagad ang mga negatibong emosyon at nakalilinlang na ideya at mga pananaw na ito ng mga positibo at tamang kaisipan at pananaw na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Magbibigay-daan ito sa kanila na tingnan ang mga tao at bagay, umasal, at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos bilang pundasyon at sa katotohanan bilang pamantayan. Isa rin itong paraan para mabago ang mga disposisyon ng mga tao, upang umayon ang mga ito sa Diyos, at upang makamit ang takot sa Diyos at makalayo sa kasamaan. Ang mga bagay sa itaas na pinagbahaginan natin ay karaniwang mga pangunahing detalye ng unang aspekto, “pagbitiw,” sa “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan.” Sa iba’t ibang emosyon ng tao, siyempre, mayroon ding ilang partikular na maliliit na negatibong bagay, o ilang espesyal na negatibong emosyon na hindi talaga tipikal, at na nauugnay rin sa ilang negatibo o nakalilinlang na kaisipan at pananaw. Masasabi na ang mga negatibong emosyon o nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito ay may kaunti lamang na epekto sa mga tao, kaya hindi na natin iisa-isahing pagbahaginan ang mga ito nang mas detalyado.

Ang lahat ng negatibong emosyon na pinagbahaginan natin kanina ay maaaring kumatawan sa mga isyung umiiral sa tunay na buhay ng mga tao o sa landas ng kanilang buhay. Kabilang sa mga emosyong ito ang iba’t ibang pananaw sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano umasal at kumilos. Ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw na ito sa kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, at kung paano umasal at kumilos ay nauugnay sa mga mas malawak na direksyon, mga pangunahing prinsipyo, at sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Kaya, ito ang mga bagay na dapat bitiwan at tugunan ng mga tao sa loob ng kanilang mga kaisipan at pananaw. Ang ilang partikular, hindi tipikal, o mas pangpersonal na bagay na natitira—tulad ng pagkain, pananamit, personal na buhay, at iba pa—ay hindi kasama sa mga pangunahing prinsipyo ng kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay, at kung paano siya umaasal at kumikilos, at masasabing walang kinalaman ang mga ito sa pagtukoy sa kaibahan ng mga positibo at negatibong bagay. Samakatuwid, ang mga ito ay wala sa saklaw ng paksang pinagbabahaginan natin. Halimbawa, kapag sinabi ng isang tao na, “Gusto ko ang mga bagay na kulay itim,” iyon ay isang bagay na malaya niyang magagawa, ang personal niyang panlasa at kagustuhan. May kinalaman ba rito ang anumang prinsipyo? (Wala.) Walang kinalaman dito kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay, lalo na ang kung paano sila umasal at kumilos. Halimbawa, sinasabi ng isang taong nagsusuot ng salamin dahil sa pagiging shortsighted na, “Gusto ko ng mga frame na kulay ginto ang rim.” At sinabi ng isa pa na, “Masyado nang makaluma ang mga kulay ginto na rim. Mas gusto ko ang mga salamin na walang rim.” May kinalaman ba ito sa mga prinsipyo ng kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano umasal at kumilos? (Wala.) Wala itong kinalaman sa mga prinsipyo ng kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano umasal at kumilos. Sinasabi ng iba, “May mga negatibo akong nararamdaman tungkol sa pang-araw-araw na gawaing pambahay at paglilinis. Palagi kong nararamdaman na matrabaho at nakakapagod sa buhay ko ang mga ito. Maging ang pagkain ay nakakaabala. Mahigit isang oras ang paghahanda ng pagkain, at pagkatapos kumain, kailangan ko pa ring maghugas ng mga pinggan, maglinis ng mga kaldero, at mag-ayos ng kusina, at talagang nakayayamot din ang mga bagay na ito.” Gayunpaman, sinasabi ng iba, “Masyadong matrabaho ang buhay. Kailangang palitan ang mga damit mo sa bawat pagpalit ng panahon, pero masyado pa ring mainit sa tag-araw kahit gaano pa kanipis ang mga damit mo, at masyado pa ring maginaw sa taglamig kahit gaano pa kakapal ang iyong mga damit. Talagang puro pasakit ang pisikal na katawang ito!” Kapag nagiging madumi ang buhok nila, ayaw nilang hugasan ito, pero kapag hindi nila hinuhugasan ito, nangangati ito. May ugali sila ng pagiging tamad at madungis. Hindi sila makaiwas sa paghuhugas ng buhok, pero naiirita sila kapag hinuhugasan nila ito, iniisip na, “Hindi ba’t mas mabuti pang wala na lang buhok? Nakakainis na kailangan itong gupitan at hugasan palagi!” Mga negatibong emosyon ba ito? (Oo.) Dapat bang lutasin ang mga negatibong emosyong ito? Nabibilang ba ang mga ito sa iba’t ibang negatibong emosyon na kailangang bitiwan? (Hindi.) Bakit hindi nabibilang ang mga ito? (Ito ay ilang gawi at isyu lamang na nauugnay sa pisikal na buhay ng katawan.) Ang kababaihan, lalo na ang mga babaeng nasa hustong gulang, ay kayang pangasiwaan ang pang-araw-araw na maliliit na bagay na ito, tulad ng paghuhugas, pag-aayos, at paglilinis ng sarili nilang mga gamit. Medyo mas masahol ang mga lalaki. Madalas ay matrabaho ang tingin nila sa pagluluto, paglalaba, at mga gawaing bahay. Partikular silang nahihirapan sa paglalaba. Dapat ba nilang labhan ito? Ayaw nila. Dapat bang hindi nila labhan ito? Masyado itong marumi, at nag-aalala sila na kukutyain sila, kaya binabanlawan na lang nila ito nang ilang segundo sa tubig. Medyo magkaiba ang mga diskarte at saloobin ng kalalakihan at kababaihan sa pangangasiwa ng maliliit na pang-araw-araw na bagay na ito. May tendensiya ang mga babae na maging mas maselan at partikular, nagbibigay-pansin sa kalinisan at hitsura, samantalang ang mga lalaki ay maaaring medyo magaspang sa pangangasiwa ng mga bagay na ito. Ngunit walang mali roon. Hindi magandang maging sobrang makalat; lalo na kapag naninirahan ka kasama ang ibang tao, mailalantad mo ang napakarami mong kapintasan at dahil dito ay hindi ka magugustuhan ng iba. Ang mga kapintasang ito ay mga depekto sa iyong pagkatao, at dapat mong malampasan ang mga kailangang lampasan, at lutasin ang mga kailangang lutasin. Maging mas masigasig nang kaunti, ayusin ang mga bagay sa iyong tinitirhan, tiklupin nang maayos ang iyong mga damit at kumot, at linisin at ayusin ang kapaligiran mo sa trabaho kada makalawa o kada ilang araw para hindi makaabala sa iba—ganoon lang talaga ito kasimple. Hindi mo na kailangang mahirapan, hindi ba? (Oo.) Tungkol naman sa kung gaano ka kadalas naliligo o nagpapalit ng damit, ayos lang basta’t hindi ito nakakaapekto sa lagay ng loob ng iba. Ito ang pamantayan. Kung hindi ka maliligo, maghuhugas ng iyong buhok, o magpapalit ng damit sa loob ng maraming araw, magsisimula kang mangamoy, at walang gustong lumapit sa iyo, hindi iyon mabuti. Dapat kang maligo at ayusin ang iyong hitsura, para kahit papaano ay hindi maapektuhan ang lagay ng loob ng iba. Hindi na dapat nila kailangang takpan ang kanilang ilong o bibig habang nakikipag-usap sa iyo, at hindi sila dapat mahiya dahil sa iyo. Kung tinatrato ka ng iba nang ganito at binabalewala mo ito o hindi pinapahalagahan, kung gayon, maaari kang magpatuloy na mamuhay sa ganoong paraan. Walang humihingi sa iyo nang labis-labis. Hangga’t kaya mong tanggapin ito. Ngunit kung nahihiya ka, subukan mo ang iyong makakaya upang mapamahalaan mo ang personal mong tinitirhan na kapaligiran at ang iyong kalinisan, upang hindi maabala ang iba dahil sa mga ito. Ang layon ay hindi ang maglagay ng anumang labis na pasanin o stress sa sarili mong buhay at ang isaalang-alang ang damdamin ng iba. Huwag mong idiin o ipilit ang iyong impluwensiya sa iba. Ito ang pinakamaliit na hinihingi para sa normal na konsiyensiya at katwiran ng tao. Kung hindi mo man lang taglay ang ganito kaliit na hinihingi, paano ka makakaasal nang disente? Samakatuwid, hindi nangangailangan ng mahabang paliwanag ang mga bagay na ito na dapat makamit ng isang taong may normal na pagkatao. Hindi ka kailangang bigyan ng sambahayan ng Diyos ng mga partikular na tungkulin o utos. Kailangan mong mapangasiwaan ang mga ito nang mag-isa. Ang mga personal na bagay na binanggit Ko sa itaas ay walang kasamang mga prinsipyo o pamantayan sa kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, kung paano umasal, at kung paano kumilos. Samakatuwid, maaari kang umasa sa pinakabatayang konsiyensiya at katwiran ng tao para pangasiwaan ang mga ito. Ang isang taong may normal na konsiyensiya at katwiran ay dapat magkaroon ng ganitong antas ng katalinuhan. Hindi ito kailangang problemahin pa, at higit pa rito, ang maliliit na bagay na ito ay hindi dapat ituring bilang mga isyu na nangangailangan ng pag-unawa o paglutas sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, dahil ito ay mga bagay na kayang isakatuparan ng sinumang may normal na pagkatao. Maging ang isang munting aso ay nakauunawa kung ano ang ibig sabihin ng pagiging disente. Kung hindi iyon nauunawaan ng mga tao, kung gayon, hindi nila naaabot ang mga pamantayan ng pagiging tao, hindi ba? (Oo.) Mayroon Akong alagang aso. Talagang maganda ang histura ng asong ito, malalaki ang mata nito, malapad ang bibig, at maganda ang hugis ng ilong. Isang beses, nakipag-away ito sa sarili nitong tuta dahil sa pagkain, at kinagat ito ng tuta sa ilong. May maliit na sugat sa gitna ng ilong nito pagkatapos niyon, na ikinasira ng hitsura nito. Mabilis Kong nilagyan ng gamot ang sugat at sinabing, “Ano ang gagawin natin ngayon? Nakakalungkot naman tingnan ang isang magandang aso na may peklat!” Sinabi Ko sa aso, “Mula ngayon, huwag kang susunod kapag lumalabas kami. Kung makikita ng mga tao ang peklat sa mukha mo, iisipin nilang pangit ka.” Matapos marinig ito, umungol ito bilang pagsang-ayon, saglit na natulala, at nanlaki ang mga mata. Nagpatuloy Ako, “Nasugatan ka. Napakalaki ng sugat mo sa ilong, baka pagtawanan ka ng mga tao kapag nakita nila ito. Kailangan mong magpahinga at magpagaling. Hindi ka pwedeng sumunod sa amin hanggang sa ganap ka nang gumaling.” Matapos marinig ang mga sinabi Ko, hindi na ito umungol pa, at hindi nagpumilit na lumabas. Naisip Ko, maging ang isang aso ay alam kung ano ang nangyayari. Pagkalipas ng ilang panahon, nagkalangib at medyo gumaling ang sugat, kaya dinala Ko ito sa labas. Isang sister ang nakakita sa munting aso at nagtanong, “Uy, ano ang nangyari sa ilong mo?” Matapos iyong marinig, tumalikod ito at tumakbo nang hindi lumilingon, dumiretso sa sasakyan, ayaw nang bumalik. Nang kausapin ito ng sister, umayos ito, uminom ng tubig nang alukin ng sister. Hindi ito tumakbo palayo. Ngunit sa sandaling nagtanong ang sister na, “Ano ang nangyari sa ilong mo?” tumalikod ito at tumakbo nang hindi lumilingon. Pagkauwi namin, tinanong Ko ito, “Nasugatan ang ilong mo, bakit ka tumakbo nang tanungin ka ng sister tungkol dito? Nahihiya ka ba?” Tiningnan Ako nito nang mukhang nahihiya, patuloy na nakayuko at sobrang nahihiyang tumingin sa Akin. Kumalong ito sa mga bisig Ko, hinahayaan Akong haplusin at hawakan ito. Sinabi Ko rito, “Hindi ka na pwedeng makipag-away sa tuta mo. Kung masugatan ka at muling magkakapeklat, baka magiging pangit ka tingnan. Pagtatawanan ka ng mga tao. Saan mo itatago ang mukha mo?” Tingnan mo, kahit ang isang munting aso na limang taong gulang pa lang ay alam kung ano ang ibig sabihin ng makaramdam ng hiya. Marunong itong magtago sa mga tao dahil sugatan ang mukha nito at takot itong mapagtawanan. Kung ang isang maliit na aso ay may ganitong antas ng katalinuhan, hindi ba’t dapat mayroon din nito ang mga tao? (Oo.) Dapat taglay ito ng mga tao, ibig sabihin, dapat isa itong bagay na taglay nila sa saklaw ng kanilang katwiran. Ano ang ibig sabihin ng pagiging disente? Ano ang ibig sabihin ng maging isang taong napapabuti at hindi inaayawan o kinasusuklaman ng iba? Dapat mayroon ka ng pamantayang ito sa sarili mo. Ito ang pinakasimpleng bagay sa pang-araw-araw na buhay, at gamit ang normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, tumpak mong mapapangasiwaan ang mga bagay-bagay nang hindi nangangailangan ng pagbabahaginan tungkol sa mga katotohanan tulad ng paglutas sa tiwaling disposisyon o mga negatibong emosyon ng mga tao. Siyempre, kung nakatira ka sa sarili mong bahay, maaaring medyo makalat ka, hindi naman ganoon kahigpit ang mga pamantayan. Gayunpaman, kung nakatira ka kasama ng mga kapatid, dapat mong tiyakin na napapanatili nang maayos ang iyong normal na pagkatao. Bagamat wala tayong anumang partikular na hinihingi o mahigpit na pamantayan para dito, bilang isang normal na tao, dapat mayroon kang pag-unawa sa mga bagay na ito. Ito ay mga bagay na dapat gawin at taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Walang kinalaman dito ang mga kaisipan, pananaw, perspektiba, o paninindigan sa kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, paano umasal, at kumilos, at tiyak na walang kinalaman dito ang isang mas malaking landas sa buhay, direksiyon, o layon. Dahil dito, pinakamainam na lutasin mo ang mga bagay na ito ayon sa mga hinihingi ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, upang hindi magtsismisan o masuklam sa iyo ang iba dahil sa mga bagay na ito. Kung tungkol sa mga personal na gawi, libangan, pagkakaiba sa personalidad, o mga desisyon tungkol sa mga bagay na walang kaugnayan sa mga prinsipyo, ang mga bagay na ito na walang kinalaman sa mga kaisipan at pananaw, malaya kang pumili at panatilihin ang mga sarili mong kagawian. Hindi makikialam ang sambahayan ng Diyos. Binigyan ng Diyos ang mga tao ng kalayaang magpasya at ng batayang konsiyensiya at katwiran, na nagtutulot sa mga tao na pumili ng sarili nilang mga hilig, libangan at mga gawi, o ng mga paraan ng pamumuhay na naaangkop sa kanilang mga personalidad. Walang may karapatang ppigilan, igapos, o sisihin ka. Tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo o sa mga hinihingi ng Diyos sa Kanyang mga salita, partikular na ang mga bagay na walang kinalaman kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay, paano umasal, at kumilos, may karapatan ang mga tao na malayang pumili ng sarili nilang paraan ng pamumuhay nang walang panghihimasok ng iba. Kung ang isang lider, pinuno ng grupo, o superbisor ay pumupuna o nakikialam sa iyo tungkol sa mga personal na bagay, may karapatan kang itaboy sila. Sa pagbubuod, ang mga bagay na ito ng normal na pagkatao ay walang kinalaman sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo. Hangga’t komportable at wasto ang pakiramdam mo, at hindi nakakaapekto o nakakaabala sa iba ang pag-uugali mo, ayos lang iyon. Halimbawa, kung natutuwa kang magbihis at manatiling malinis, hangga’t hindi ka nakakaapekto sa iba, hindi ito problema. Pero kung dis-oras na ng gabi at kailangan nang matulog ng iba pagsapit ng alas-onse, at naglalaba o naglilinis ka pa rin, hindi na iyon katanggap-tanggap. Kung ikaw ay nasa sarili mong pamamahay at hindi mo naaapektuhan ang buhay ng ibang tao, pwede kang hindi matulog hanggang alas-kuwatro o alas-singko ng umaga kung gusto mo. Malaya kang gawin iyon. Gayunpaman, ngayong naninirahan ka kasama ng mga kapatid, makakaapekto ang mga kilos mo sa kanilang mga pang-araw-araw na nakagawian at iskedyul. Hindi maganda iyon. Kung gayon ang ginagawa mo, hindi mo ginagamit nang tama ang iyong mga karapatan at kalayaan; sa halip, nagiging sutil ka, ito ay tinatawag na kawalan ng pagkatao. Alang-alang sa sarili mong kalayaan at upang matugunan ang mga kagustuhan at pagnanais ng sarili mong laman, ginagambala mo ang buhay ng iba at isinasakripisyo mo pa nga ang kanilang oras ng pahinga. Hindi naaayon ang pag-uugaling ito sa normal na konsiyensiya at katwiran ng tao. Kailangan itong magbago. Nauugnay ito sa mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi ito tungkol sa kung may mali sa iyong personal na pamumuhay o mga gawi sa kalinisan. Ito ay tungkol sa problema sa mga prinsipyo ng kung paano ka umasal. Hindi mo isinasaalang-alang ang damdamin, lagay ng loob, o mga interes ng iba. Pinoprotektahan at pinangangalagaan mo ang sarili mong mga interes kapalit ang kapakanan ng iba. Ang ganitong paraan ng pag-uugali ay hindi naaayon sa mga hinihingi ng Diyos sa pag-asal o sa mga prinsipyo ng pag-asal na hinihingi ng Diyos. Kaya, ang anumang kagustuhan, interes, pasya sa pamumuhay, gawi, kalayaan, karapatan, atbp., ng normal na pagkatao ay dapat manatili sa saklaw ng konsiyensiya at katwiran ng isang tao upang maituring na normal na pagkatao. Kung lampas ang mga ito sa mga hangganan ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, hindi iyon normal na pagkatao, hindi ba? (Hindi.) Sa loob ng saklaw ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, kumikilos ka tulad ng isang normal na tao. Kung lumampas ka sa mga hangganan ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao at binibigyang-diin mo pa rin ang iyong kalayaan, kung gayon, hindi ka kumikilos gaya ng isang normal na tao; mababa ka kaysa sa isang tao. Isa itong bagay na kailangang mabago, dapat malinaw ito. Ano ang dapat na malinaw? Dapat malinaw na ang mga personal na bagay na ito ay kailangang pangasiwaan sa loob ng mga hangganan ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, at na ito ay isang prinsipyo ng pag-asal. Ikaw na ang bahala lahat sa iyong mga personal na gawi, hinihingi, pasya sa paraan ng pamumuhay, atbp., basta’t hindi ka lumalampas sa mga hangganan ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao. Walang mga partikular na hinihingi tungkol sa mga bagay na ito.

Sa unang seksyon ng kung paano sikaping matamo ang katotohanan, “pagbitiw,” tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon, tulad ng pagiging mas mababa, poot, galit, depresyon, pagkabagabag, pag-aalala, pagkabalisa, at pagpipigil, ang mga ito ang pangunahing malalaking isyu sa direksiyon at mga isyung may kinalaman sa mga prinsipyo na kailangan nating pagbahaginan. Para sa mga maliit, dagdag na isyu na walang kinalaman sa mga prinsipyo o direksiyon, komprehensibo tayong nagbahaginan tungkol sa mga ito kanina. Tungkol naman sa pag-aatubili, pagkayamot, kawalang-kasiyahan, at iba pa, na nararamdaman mo hinggil sa iyong mga personal na isyu, hangga’t walang kinalaman ang mga ito sa mga tunay na kaisipan at pananaw at hindi tumutukoy sa mga prinsipyo ng kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay, o kung paano siya umaasal at kumikilos, sarili mong mga personal na isyu ang mga ito. Kailangan mong ayusin at tugunan ang mga ito sa loob ng saklaw ng iyong konsiyensiya at katwiran. Halimbawa, nagugutom ka at wala kang ganang magluto, pero masyado kang nanghihina para magtrabaho nang walang laman ang tiyan, at nang magluto ka na nga, nairita ka naman. Maaaring isipin mo, “Isa ba itong negatibong emosyon?” Hindi ito isang negatibong emosyon; ito ay katamaran ng iyong katawan at pag-ayaw sa pagluluto. Isa itong isyu ng iyong tiwaling laman. Kung mayroon kang pera, maaari kang kumuha ng isang taong tutulong sa iyo sa pagluluto. Kung wala kang pera, ikaw lang mismo ang makalulutas nito. Hindi obligado ang iba na lutasin para sa iyo ang mga problemang ito sa buhay; sariling responsabilidad mo ito. Ang mga karaniwang gawaing ito ng pagkain, pagbibihis, at pagsisipilyo at pagkukuskos ay bahagi ng buhay ng tao. Likas na ito sa pag-iral ng tao. Ang mga tao ay naiiba sa mga aso at pusa. Sa sandaling mag-ampon ka ng isang kuting o tuta, responsabilidad mo ang pagkain at inumin nito. Kapag nagugutom ito, kailangan mo itong pakainin. Pero hindi ito uubra sa mga tao; kailangang ang mga tao mismo ang mag-asikaso at magbalikat ng mga aspetong ito ng buhay. Hindi ito isang pasanin; ang matutunang pangasiwaan ang mga bagay na ito nang tama ay isang bagay na kayang isakatuparan ng mga taong may normal na pagkatao. Kaya lang, maaaring nararamdaman ng ilang tao na hindi pa nila nagawa ang mga bagay na ito dati, lalo na ang mga taong tinulungan ng kanilang mga magulang o kapamilya na manatiling organisado at labis na pinalayaw na hindi nila kailanman natutunan kung paano magluto, maglaba, o mangasiwa sa mga bagay-bagay sa sarili nilang buhay. Resulta ito ng kapaligiran sa pamilya. Gayunpaman, sa sandaling iwanan nila ang kanilang mga magulang at magsimulang mamuhay nang nagsasarili, kaya na nilang gawin ang lahat ng bagay nang sila-sila lang, kabilang na ang paglalaba at pag-aayos ng kanilang higaan. Sa katunayan, ito ay mga bagay na kayang makamit ng normal na pagkatao. Para sa sinumang nasa hustong gulang na, ang mga gampaning ito ay hindi mahirap at hindi labis na mabigat. Madaling lutasin ang mga problemang ito. Kung mayroon kang mas matataas na pamantayan para sa kalidad ng buhay mo, mas maganda pa ang magagawa mo. Kung hindi gaanong mahigpit o mas mababa ang ekspektasyon para sa kalidad ng iyong buhay, maaari kang maging mas kaswal tungkol dito. Ang mga ito ay pawang mga usapin na walang kinalaman sa mga prinsipyo.

Tungkol sa unang pangunahing paksa kung paano sikaping matamo ang katotohanan—pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon—tapusin natin ang pagbabahaginan natin dito, dahil tapos naman na tayo rito kung tutuusin. Ang kasunod, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, bukod sa pagbitiw sa mga negatibong emosyon, dapat ding bitiwan ng isang tao ang mga pansariling paghahangad, mithiin, at hangarin. Ito ang ikalawang pangunahing aspekto ng “pagbitiw” sa pagsasagawa ng kung paano sikaping matamo ang katotohanan, na siyang pagbabahaginan natin ngayong araw. Ang pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao—naiintindihan ba ninyo? (Oo, naiintindihan namin.) Kababanggit Ko lang ngayon sa mga pakay nitong partikular na pagsasagawa ng “pagbitiw,” at nabigyang-pansin na rin ninyo ang mga ito. Suriin natin ngayon ang paksa: Ano ang pumapasok sa isipan kapag pinag-uusapan natin ang pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao? Anong mga halimbawa ang naiisip ninyo? (Naiisip ko ang mga mithiin ng mga tao, na ibinahagi ng Diyos kanina, tulad ng mga taong may partikular na talento, gaya ng pag-arte, pag-asam na maging mga kilalang tao o superstar. Maaaring inaasam ng ibang may abilidad sa pagsusulat at kaunting talento sa panitikan na gumanap ng mga tekstuwal na tungkulin sa sambahayan ng Diyos at maging mga manunulat. Ito ang ilang mithiin na lumilitaw sa mga tao.) Ano pa? (Hinahangad ng mga tao ang tagumpay, gayundin ang sarili nilang mga inaasam at ninanais, at hinahangad nilang makatanggap ng mga pagpapala.) Mag-isip ka pa, ano pa ang mayroon? Ano ang dapat bigyang-diin dito? Tungkol ito sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin na dapat bitiwan ng mga tao. Dagdag pa sa mga marangyang pagnanais ng mga tao at sa mga ekspektasyon nila sa kanilang mga inaasam at tadhana, sa konteksto ng totoong buhay ng mga tao, sa mga kinakailangang sitwasyon ng pag-iral ng tao, ano pa ang may kinalaman sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin na dapat bitiwan ng mga tao? Ano ang ilang mahalagang bagay sa buhay na maaaring makaapekto sa iyong pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan? (Kapag nasa edad na ng pag-aasawa ang mga tao, maaari silang mapasailalim sa mga limitasyon ng pag-aasawa. Isa pa, kapag ang propesyon ng isang tao ay sumasalungat sa pananalig niya sa Diyos, maaaring piliin niya na hangarin ang sarili niyang propesyon. Ito ang dalawang aspeto na kailangan ding bitiwan.) Mahusay ang pagkakasabi mo. Ang pananalig mo sa Diyos sa nakalipas na ilang taon ay nagbigay sa iyo ng mga resulta at pagpapahalaga. Nabanggit mo nang tama ang dalawang mahalagang aspeto—pag-aasawa at propesyon. Ang dalawang pangunahing bagay na ito ay kabilang sa mga isyung may kinalaman sa mga panghabambuhay na usapin sa landas ng buhay ng tao. Mahalagang bagay para sa lahat ang pag-aasawa, at isang malaking alalahanin din ang propesyon ng isang tao, na hindi matatakasan at hindi maiiwasan. Mayroon bang iba pang mahahalagang bagay maliban sa dalawang ito? (Nariyan din ang aspeto ng pakikitungo sa pamilya, mga magulang at mga anak. Kapag sumasalungat ang mga bagay na ito sa pananalig sa Diyos at sa paghahangad sa katotohanan, nahihirapan ang mga tao na bumitiw.) Kapag gumagawa kayo ng isang balangkas, hindi kayo dapat gumagamit ng masyadong mahahabang pangungusap. Kanina, binanggit natin ang pag-aasawa at propesyon. Kaya, ano ang dapat itawag sa paksang ito? (Pamilya.) Tama, isa ring pangunahing aspeto ang pamilya. Kasama ba rito ang bawat indibidwal? (Oo.) Kasama rito ang bawat indibidwal, at ito ay sapat na partikular at tipikal. Ang pag-aasawa, pamilya, at propesyon ay pawang malalaking paksa na may kinalaman sa pangunahing tema ng mga pansariling paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Sa kabuuan ay may apat na pangunahing paksa na nauugnay sa pagbitiw sa mga pansariling paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Natukoy ninyo nang tama ang tatlo sa mga ito, mabuti kung gayon. Tila nangangailangan ng detalyadong pagbabahaginan ang paksang ito, isa itong paksa na nasa isipan na ninyo, at mahigpit itong nauugnay sa inyong buhay o sa inyong tayog at karanasan. May isa pang paksa, na talagang napakasimple. Ano ito? Ito ay ang mga hilig at libangan ng isang tao. Hindi ba’t simple lang iyon? (Oo.) Bakit Ko sinasabi ang mga hilig at libangan ng isang tao? Suriing mabuti ang paksa at tingnan kung ang mga hilig at libangan ay nauugnay sa mga pansariling paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao na kailangan nating talakayin. (Oo.) May kaugnayan ba sa mga ito ang pag-aasawa? (Oo.) May kaugnayan ba sa mga ito ang pamilya? (Oo.) May kaugnayan ba sa mga ito ang propesyon? Mayroon din. Ang bawat isa sa apat na aspektong ito ay nauugnay sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng isang tao. Kasama sa bawat aspeto ang mga imahinasyon at partikular na hinihingi tungkol dito sa kaibuturan ng kanyang puso, at ang mga bagay na nais makamit ng isang tao sa kanyang laman at mga damdamin. Ang bawat aspeto ay may mga partikular na elemento at kongkretong paghahangad, at kasama rin dito ang pagsisikap at halagang ibinabayad ng isang tao para sa mga ito. May kinalaman at impluwensya ang bawat aspeto sa mga kaisipan at pananaw ng isang tao sa buong buhay niya at ang mga ito ay maaaring makaapekto sa paghahangad niya sa mga tamang layon. Siyempre, nakakaapekto rin ito sa kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay at kung paano sila umasal at kumilos. Kung magsasalita Ako nang pangkalahatan, maaaring maging hindi malinaw at mahirap para sa inyo na maunawaan ito. Kaya, isa-isa nating pagbahaginan ang bawat aspeto, suriin nating mabuti ang mga ito, at maaaring unti-unti ay malinaw ninyong maunawaan ang mga isyu. Sa sandaling maging malinaw ang mga ito, maaaring hanapin dito ng mga tao ang mga prinsipyo na dapat nilang ipatupad at sundin.

Una, pag-usapan natin ang tungkol sa mga hilig at libangan. Siyempre, hindi kasama sa mga hilig at libangan kung ano ang paminsan-minsang ginagawa ng mga tao para magsaya, o ang kanilang mga pansamantalang pampalipas ng oras o mga hilig pag-aralan—walang kinalaman sa mga pansamantalang bagay ang mga hilig at libangan. Dito, ang mga hilig at libangan ay tumutukoy sa tunay na pananabik at paghahangad na nananahan sa espirituwal na katauhan ng isang tao at sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Kikilos pa nga siya at gagawa ng mga plano para sa mga bagay na ito, at higit pa roon, gagawa siya ng mga kongkretong pagsisikap at sisikapin niyang matugunan o higit na mapaunlad ang mga hilig at libangan na ito, o upang makagawa ng gawaing naaayon sa sarili niyang mga hilig at libangan. Sa kontekstong ito, ipinahihiwatig ng mga hilig at libangan na nakapagtakda na ng mga layon at mithiin ang mga indibidwal, at nagbayad pa nga ng halaga, gumugol ng lakas, o gumawa ng mga partikular na aksyon. Halimbawa, umalis sila at nag-aral ng mga nauugnay na kaalaman para sa kanilang mga hilig at libangan, ginugugol ang karamihan ng kanilang pang-araw-araw na buhay sa pag-aaral ng kaalamang ito, at nagtatamo ng praktikal na karanasan at aktuwal na pagkaunawa rito. Halimbawa, ang ilang tao ay may partikular na hilig at libangan sa pagpipinta, at ang mga painting na ito ay hindi kasingsimple ng pagguhit lamang ng mga litrato o tanawin. Higit pa ito sa gayong mga simpleng hilig at libangan. Pinag-aaralan nila ang iba’t ibang pamamaraan ng pagpipinta, tulad ng sketching, mga landscape, at mga portrait, at nag-aaral pa nga ang ilan ng oil at ink painting. Nag-aaral sila nang ganito hindi lamang dahil sa kanilang mga hilig at libangan, kundi dahil sa mga mithiin na kanilang binuo at itinatag, at sa mga pagnanais na taglay nila, dahil sa kanilang hilig sa pagpipinta. Nais pa nga nilang ilaan ang buong lakas ng buhay nila sa pagpipinta, maging matagumpay na pintor, at hangarin bilang isang propesyon ang pagpipinta. Bago lumahok sa propesyong ito, kinakailangan ang malawakang paghahanda at pagpaplano, halimbawa, pag-aaral sa mga espesyalistang paaralan para sa karagdagang edukasyon at pagsasanay, pag-aaral sa iba’t ibang aspeto ng pagpipinta, pagsasagawa ng mga on-site sketch, paghingi ng patnubay mula sa mga eksperto at master artist, at pagsali sa mga kompetisyon, bukod sa iba pang bagay. Ang lahat ng aktibidad na ito ay nakatuon sa kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin. Siyempre, nakabatay ang lahat ng paghahangad, mithiin, at hangarin na ito sa kanilang mga hilig at libangan. Dahil sa mga hilig at libangan na ito kaya sila nagkaroon ng mga paghahangad, mithiin, at hangarin sa buhay. Ang ilang tao ay may matinding hilig sa pag-aaral ng kasaysayan, kabilang na ang sinauna at moderno, lokal at dayuhang kasaysayan. Habang mas tumitindi ang kanilang pagkahilig, nagsisimula namang makita nila ang kanilang sarili bilang mga indibidwal na may talento sa larangang ito, at napipilitan silang maghangad ng isang propesyong nauugnay rito. Patuloy silang nag-aaral at mas pinapalawak nila ang kanilang edukasyon. Siyempre, sa prosesong ito, patuloy na nabubuo at tumitibay ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, at sa huli ay inaasam nilang maging historyador. Bago maging isang historyador, karamihan sa oras nila ay nakatuon sa hilig at libangang ito. Mayroon ding ilang tao na may partikular na pagkahilig sa ekonomiya, at nasisiyahang magtrabaho ng may kinalaman sa mga numero at mag-aral ng mga bagay na nauugnay sa ekonomiya. Umaasa sila na balang araw ay mamumukod-tangi sila o magiging matagumpay sa industriya ng finance. Sa madaling salita, nagkakaroon din sila ng paghahangad batay sa kanilang hilig at libangan, at nagkakaroon ng mga mithiin at pagnanais na may kaugnayan sa hilig at libangang iyon. Kasabay nito, ipinupuhunan din nila ang kanilang oras, gumagawa sila ng aksiyon, nagbabayad ng halaga, at gumugugol ng lakas para matuto, magsaliksik, mas magpalawak ng kanilang edukasyon, at magkamit ng komprehensibong kaalaman na nauugnay sa kanilang mga hilig at libangan. Ang iba ay mahilig sa sining, gaya ng sining ng pagtatanghal, pagsayaw, pagkanta, o pagdidirekta. Matapos magkaroon ng gayong mga hilig at libangan, sa ilalim ng motibasyon ng mga hilig at libangang ito, unti-unting nabubuo at tumitibay ang kanilang mga mithiin at hangarin. Habang unti-unting nagiging layon nila sa buhay ang mga mithiin at hangarin nila, inilalaan din nila ang kanilang mga pagsisikap, pagtatrabaho, at mga kilos sa paghahangad ng mga layong iyon. May ilang taong mahilig magtrabaho sa larangan ng edukasyon. Pinag-aaralan nila ang iba’t ibang aspeto ng edukasyon, gaya ng sikolohiya at iba pang nauugnay na kaalaman, para maghangad ng propesyong nauugnay sa kanilang mga hilig at libangan. Ang ilang tao naman ay mahilig sa disenyo, pag-iinhinyero, teknolohiya, elektronika, o pagsasaliksik sa mga insekto, mikroorganismo, at iba’t ibang pag-uugali ng hayop, mga gawi upang mabuhay, mga pinagmulan, at marami pang iba. Ang ilang tao ay mahilig sa trabaho sa media at nais nilang makapagtrabaho sa industriya ng media bilang mga host, anchor, reporter, at iba pa. Dahil sa udyok ng kanilang iba’t ibang hilig at libangan, patuloy na nag-aaral ang mga tao at malalimang nagsasaliksik, at unti-unti silang nagkakamit ng pagkaunawa. Mas tumitindi ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin sa puso nila at patuloy na nabubuo. Siyempre, habang unti-unting nabubuo ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, nagsusumikap din ang mga indibidwal at sumusulong tungo sa kanilang mga mithiin at hangarin. Sa tuwing gumagawa sila ng partikular na aksiyon, ipinupuhunan nila ang kanilang lakas, oras, kabataan, at maging ang mga emosyon at pagsisikap nila, para sa mga mithiin at hangarin na ito.

Sa anumang larangan o industriya nabibilang ang mga hilig at libangan ng isang tao, anuman ang kategoryang kanilang kinabibilangan, sa sandaling magtakda sila ng isang paghahangad at magtatag ng mga kaukulang mithiin at pagnanais, nakatakda na rin ang kanilang mga layon at direksiyon sa buhay. Kapag ang mga mithiin at hangarin ng isang tao ang siyang nagiging mga layon ng buhay niya, tiyak na nakatakda na ang landas niya sa hinaharap. Bakit Ko sinasabing nakatakda na ito? Ano ang isyung tinutukoy rito? Ito ay, sa sandaling matukoy mo ang mga mithiin at hangarin na nagmumula sa iyong mga hilig at libangan, kailangan mo ring magsikap at magpunyagi sa direksiyong iyon, kahit hanggang sa puntong magkaroon ka ng di-natitinag at determinadong kapasyahan at kaisipan, handang magbayad ng habambuhay na lakas, oras, at halaga. Ang iyong buhay, tadhana, mga inaasam, at maging ang pinakahuli mong hantungan ay hindi maiiwasang maimpluwensiyahan ng, o di kaya’y nakakabit sa, mga layon sa buhay na naitatag mo na. Ano ang pangunahing punto na nais Kong bigyang-diin dito? Sa sandaling itatag ng isang tao ang kanyang mga paghahangad, mithiin, at hangarin batay sa isang partikular na hilig o libangan, hindi na siya mananatiling nakatunganga at walang ginagawa. Nagsisimulang mabuo ang mga kongkretong aksiyon dahil sa mga partikular na hilig at libangan. Kasabay nito, itatatag mo ang iyong mga mithiin at pagnanais, sa ilalim ng patnubay ng mga partikular na pagkilos na ito. Mula sa puntong iyon, hindi titigil ang puso mo, at hindi hihinto ang iyong mga paa. Nakatakda kang mamuhay para sa iyong mga mithiin at pagnanais. Hinding-hindi ka basta-bastang papayag sa pagkakaroon lang ng kaunting kaalaman at na tapusin iyon sa ganoon lang. Dahil mayroon kang gayong mga talento, at nagtataglay ka ng potensyal at mga kaloob, siguradong maghahanap ka ng isang posisyong nababagay sa iyo, o walang humpay kang magsisikap para pumaitaas ka at maging pambihira sa mundong ito at sa gitna ng karamihan, nang walang anumang pagsisisi. Hahangarin mo ang iyong mga mithiin at mga hangarin nang may matatag na paniniwala sa tagumpay, at magiging handa ka pa ngang magbayad ng anumang halaga, at harapin ang anumang paghihirap, panganib, at pagdurusa upang makamit ang mga ito. Bakit nagagawa ito ng mga tao? Bakit nagagawa nilang kumilos sa gayong paraan pagkatapos magkaroon ng mga mithiin at hangarin batay sa kanilang mga hilig at libangan? (Ginagawa nila ito para maisakatuparan ang kanilang mga mithiin, para maghangad ng mas matataas na bagay, at para maging mas magaling kaysa sa iba. Dahil dito, hindi sila umuurong sa harap ng anumang paghihirap, bagkus ay patuloy nilang hinahangad ang kanilang mga mithiin at hangarin.) Mayroong likas na gawi sa mga tao. Kung hindi nila kailanman malalaman kung ano ang kanilang mga kalakasan, kung ano ang kanilang mga hilig at libangan, mararamdaman nila na wala silang puwang, hindi nila mapagtatanto ang sarili nilang halaga, at mararamdaman nilang wala silang halaga. Hindi nila magawang ipakita ang kanilang halaga. Gayunpaman, sa sandaling matuklasan ng isang tao ang kanyang mga hilig at libangan, gagawin niya itong tulay o isang pambuwelo para maipamalas ang kanyang halaga. Handa siyang magbayad ng halaga para hangarin ang kanyang mga mithiin, para mamuhay ng mas makabuluhang buhay, para maging isang kapaki-pakinabang na indibidwal, para mamukod-tangi sa karamihan at mapansin, para hangaan at sang-ayunan, at para maging isang katangi-tanging tao. Sa ganitong paraan, makapamumuhay siya nang kontento, magkakaroon ng matagumpay na propesyon sa mundong ito, at maisasakatuparan ang kanyang mga mithiin at pagnanais, at sa gayon ay magiging makabuluhan ang kanyang buhay. Kung titingnan ang karamihan sa mga tao, iilan lamang ang likas na kasingtalino niya, na nakapagtakda ng matatayog na mithiin at hangarin, at na sa huli ay nakapagkamit ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng walang humpay na pagsusumikap. Nakabuo siya ng propesyon habang ginagawa ang gusto niya, natamo niya ang kasikatan, pakinabang, at katanyagan na nais niya, naipakita ang kanyang kabuluhan, at naipamalas ang kanyang halaga. Ito ang paghahangad ng mga tao. Ang bawat tao, na inuudyukan ng kanilang mga natatanging hilig at libangan, ay may mga sariling paghahangad, mithiin, at hangarin. Siyempre, pagkatapos itakda ang mga sarili nilang paghahangad, mithiin, at hangarin, maaaring hindi nila makamit ang mga mithiin at hangarin na ito. Gayunpaman, sa sandaling maitatag ng mga indibidwal ang kanilang mga mithiin at hangarin, sa sandaling magkaroon sila ng mga paghahangad na ito, tiyak na hindi nila hahayaang sila ay manatiling ordinaryo. Gaya ng kasabihan—ang lahat ay mahilig magmalaki, gusto nilang isipin ng iba na sila ay natatangi. Walang handang maging isang ordinaryong tao ang magsasabi na, “Ganito na ang magiging buhay ko. Pwede akong maging isang pastol ng baka, magsasaka, ordinaryong ladrilyero, o janitor. Pwede pa nga akong maging taga-deliver o tagahatid ng pagkain.” Walang sinuman ang may gayong mithiin. Ipagpalagay na sasabihin mong, “Isa bang uri ng mithiin ang maging isang masayang taga-deliver?” Sasagot ang lahat, “Hindi, talagang hindi iyan isang mithiin! Ang maging may-ari ng isang delivery company, isang kilalang amo sa buong mundo, ganyan ang isang mithiin at pagnanais!” Walang sinuman ang handang tumanggap sa kanilang papel bilang isang ordinaryong tao. Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng kahit katiting na hilig o libangan, at kung may isang bihirang pagkakataon na siya ay magiging isang kilalang tao sa lipunan o makakapagkamit ng kaunting tagumpay, hindi siya susuko. Ibubuhos niya ang 120 porsiyento niya at magbabayad siya ng anumang halaga para dito, tama ba? (Oo.) Hindi kailanman sumusuko ang mga tao.

Ano ang likas na katangian ng mga mithiin at hangarin na nagmumula sa mga hilig at libangan ng mga tao? Hindi natin inilalantad ang mga hilig at libangan ng mga tao rito, kaya ano ba talaga ang inilalantad at sinusuri natin? Hindi ba’t ito ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa ilang partikular na hilig at libangan ng mga tao? (Oo.) Hindi ba’t inilalantad natin ang iba’t ibang pag-uugali na ipinapakita ng mga tao at ang mga landas na tinatahak nila bilang resulta ng kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin? Hindi ba’t ito ang diwa na inilalantad natin? (Oo.) Kaya, ano ang mga landas na tinatahak ng mga tao para sa kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin? Sa anong uri ng landas humahantong ang sinumang tao dahil sa kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin? Anong uri ng mga layon ang natatamo nila? Habang isinasakatuparan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, bukod sa paglalaan ng kanilang lakas at oras, pati na rin sa pagtitiis ng higit na pasakit at ng lahat ng uri ng pisikal na trabaho, pagkahapo, stress, at iba pang katulad na paghihirap, higit sa lahat ng ito, ano ang landas na tinatahak nila? Ibig sabihin, habang hinahangad ng mga tao ang pagsasakatuparan ng kanilang mga sariling mithiin at hangarin, ano ang landas na dapat nilang tahakin upang maisakatuparan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin? Unang-una sa lahat, upang maisakatuparan ng mga tao ang mga sarili nilang paghahangad, mithiin, at hangarin sa mundong ito, ano ang kailangan nilang pag-aralan bilang unang hakbang nila? (Ang lahat ng uri ng kaalaman.) Tama, kailangan nilang matutunan at isangkapan sa kanilang sarili ang lahat ng uri ng kaalaman. Kung mas marami, komprehensibo, at malalim ang kaalaman nila, mas malapit nilang maaabot ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin. Kung mas komprehensibo, marami, at malalim ang kanilang kaalaman, mas malamang na kikilalanin sila bilang mga indibidwal na may mga karanasan na, at magtatamasa sila ng mas mataas na katayuan sa lipunan. Kasabay nito, kung mas marami, malalim, at komprehensibo ang kanilang kaalaman, ibig sabihin nito ay kakailanganin nilang gumugol ng mas maraming oras at lakas. Ipinapahayag ito mula sa perspektiba ng pisikal na enerhiya. Higit pa rito, pagkatapos magkaroon ng pundasyon ng kaalaman, mas malapit nang maisasakatuparan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin. Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman ay ang unang hakbang lamang, ang batayang pundasyon. Pagkatapos nito, kailangang makisalamuha ng mga tao sa lipunan, sa masa, kailangan nilang mapaloob sa napakalaking timba ng pantina o sa gilingan ng karne ng industriya na kaugnay ng kanilang mga mithiin at hangarin, nakikipaglaban, nakikibaka, at nakikipagkumpitensya sa mga puwersa sa lahat ng panig, at nakikilahok sa iba’t ibang paligsahan, patimpalak, at seminar. Habang gumugugol ng maraming lakas, kailangan ding umangkop ng mga tao sa iba’t ibang sitwasyon at kapaligiran upang maisakatuparan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin. Kasabay nito, sa napakalaking timba ng pantinang ito, ang mga tao ay dapat umasa sa kanilang kaalaman, at lalo na sa kung ano ang natutunan nila mula sa masa, pati na rin sa mga taglay na nilang pamamaraan, pilosopiya, at panuntunan para manatiling buhay, upang umangkop sa masa at sa mga mekanismo at patakaran ng laro ng lipunan. Sa pamamagitan ng prosesong ito, unti-unting naaabot ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin. Matapos malagpasan ang napakaraming pagsubok, napakaraming pasikot-sikot, ano ang huling kalalabasan? Bilang mga nagwagi, napapasakanila ang korona, at walang nakukuha ang mga talunan. Sa huli, nakakamit nila sa resultang ito ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin sa buhay, naisasakatuparan ang kanilang mga layon sa buhay at nagkakaroon ng matatag na posisyon sa kanilang industriya. Sa oras na iyon, karaniwang nasa katanghaliang gulang o katandaan na ang mga tao, at ang ilan ay maaaring nasa mga huling taon na nga ng buhay nila, na may malabong paningin, nakakalbong buhok, humihinang pandinig, at mahuhunang ngipin. Sa edad na iyon, bagamat nakamit na nila ang kanilang mga mithiin at hangarin, marami na rin silang nagawang nakakapinsala. Ibinuhos nila ang kanilang buong buhay rito. Sa buong buhay nila, upang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at hangarin, marami silang nasabi na labag sa kanilang kalooban, nakagawa sila ng maraming bagay na lumalabag sa etika at konsiyensiya at lumagpas sa ilang hangganan, at gumawa pa nga ng maraming gawaing labag sa konsiyensiya at imoral. Nilinlang nila ang iba at nalinlang na rin sila nang maraming beses, tinalo nila ang iba at natalo rin sila. Masuwerte silang nakaligtas at nagkaroon ng matibay na katatayuan, at tila perpekto ang buhay nila, na para bang napagtanto nila ang kanilang halaga at hindi naging walang saysay ang buhay nila. Buong buhay silang nagpunyagi para sa kanilang mga mithiin at hangarin, at tila nakapamuhay sila ng isang mahalaga at makabuluhang buhay. Gayunpaman, nabigo silang maunawaan ang landas ng pag-asal na dapat sana ay tinahak nila, wala sila ng anumang uri ng kasabihan bilang patnubay sa buhay nila, at naghirap sila sa buong buhay nila para lamang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at hangarin, nakikipaglaban sa sangkatauhan, lipunan, at maging sa kanilang sarili. Nawala sa kanila ang konsiyensiya, mga hangganan, at mga prinsipyong kinakailangan para sa pag-asal. Bagamat naisakatuparan na ang kanilang mga mithiin at pagnanais, at pagkatapos ng maraming pasikot-sikot, nakamit na ang mga layon sa buhay na itinakda nila sa bawat yugto, sa loob-loob nila ay hindi magaan ang pakiramdam nila at hindi sila nasisiyahan. Ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na naitatag nila alang-alang sa mga sarili nilang hilig at libangan, sa simpleng salita, ay nagdadala sa kanila sa huli sa landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang. Bagamat maaaring maramdaman nila na, pagkatapos matamo ang kanilang mga pinakalayon, natanto na nila ang kanilang halaga, nagkaroon na sila ng presensiya, at nagkamit at nagtaglay ng kapwa kasikatan at pakinabang, nananatili silang mangmang tungkol sa kinabukasan, sa kanilang hantungan, at sa halaga ng pag-iral ng tao na kailangan talagang maunawaan ng mga tao. Habang tumatanda sila, lalo nilang nararamdaman na ang lahat ng hinangad nila ay lubhang mailap at hungkag. Dahil sa kahungkagan at pagiging mailap na ito, nakakaramdam sila ng bugso ng kahungkagan at pangamba. Sa katandaan lamang napagtatanto ng mga tao na ang mga mithiin at hangarin na hinangad nila ay tinugunan lamang ang kanilang banidad at nagbigay sa kanila ng pansamantalang kasikatan at pakinabang, na pawang panandaliang konsuwelo lamang. Mabilis na nagiging pagkabalisa at pangamba ang ganitong konsuwelo, dahil habang tumatanda ang mga tao, mas madali sa kanila na pagnilayan ang kanilang kinabukasan, kung ano ang mangyayari sa kanila, at kung ano ang mangyayari sa kanila pagkatapos mamatay, at kapag hindi nasasagot ang lahat ng katanungang ito, kapag wala silang anumang wastong kaisipan at pananaw sa mga usaping ito, mangangamba at mababalisa ang mga tao. Mananatili ang pagkabalisa at pangambang ito hanggang sa ipikit nila ang kanilang mga mata at sila ay yumao. Ang kagalakang nagmumula sa kasikatan at pakinabang ay mabilis na naglalaho sa puso ng tao, at habang mas sinusubukan ng isang tao na sunggaban at hawakan ito, mas lalong madali itong naglalaho, at mas madaling napapalitan ng pagkabalisa at takot ang kagalakang ito. Dahil dito, anuman ang mga mithiin at hangarin na nagmumula sa iba’t ibang hilig at libangan ng mga tao, sa huli ay humahantong ang mga ito sa isang landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at natamo ang pinakalayon. Ang nakakamit ng mga tao, ay walang iba kundi kasikatan at pakinabang lamang. Ang kasikatan at pakinabang na ito ay nagdudulot lamang ng pansamantalang konsuwelo at panandaliang pagtugon sa banidad ng laman. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, pakiramdam nila ay totoo ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, na panatag sila dahil sa mga ito, na mas nahahanap nila ang kanilang posisyon sa mundo, na mas kaya nilang kontrolin ang direksiyon ng buhay nila at mapanghawakan ito, upang sila ang mamahala sa sarili nilang tadhana. Gayunpaman, kapag naisasakatuparan na ang kanilang mga mithiin at hangarin, sa wakas ay namumulat ang mga tao. Ano ang dahilan ng pagkamulat na ito? Napagtanto nila na ang pinaglaanan nila ng lakas ng kanilang buhay ay isang walang kabuluhang bagay na hindi mapanghahawakan, o mararamdaman ng puso. Habang mas sinusubukan nilang sunggaban at panghawakan ito, lalo lang itong dumudulas sa kanilang kamay, kaya labis silang nakakaramdam ng kawalan at kahungkagan, at siyempre, ng mas matinding takot at pagsisisi. Dahil may mga hilig at libangan ang mga tao, nagkakaroon sila ng mga mithiin at hangarin, at ang mga mithiin at hangarin na ito ay lumilikha ng isang ilusyon na nagpapapaniwala sa mga tao na mayroon silang abilidad na kontrolin ang kanilang buhay, na igiya ang kanilang landas sa buhay, at tukuyin ang kanilang pamamaraan at mga layon sa pag-iral. Nasa ugat ng ilusyong ito ang katunayan na hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, wala silang pagmamahal sa katotohanan, at talagang masasabi na sanhi ito ng hindi pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kadalasan ay likas nilang hinahangad ang mga bagay na makapagpapasaya sa kanilang laman o espiritu. Gaano man kalayo sa kanila ang mga bagay na ito, hangga’t sa palagay nila ay maaari nilang matamo at mapanghawakan ang mga ito, handa silang magbayad ng halaga, kahit gumugol pa sila ng panghabambuhay na lakas at oras. Dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, madali nilang napagkakamalan ang kanilang mga hilig at libangan bilang ang pundasyon o bilang isang uri ng kwalipikasyon o kapital sa paghahangad sa kanilang mga layon sa buhay, at handa silang magbayad ng anumang halaga para dito. Hindi mo napagtatanto na sa sandaling mabayaran mo ang halagang ito, sa sandaling tumahak ka sa landas na ito, nakatakda ka nang tumahak sa isang landas na kontrolado ni Satanas at ng mga kalakaran ng mundo at ng mga patakaran ng laro. Kasabay nito, nakatadhana kang hindi kusang mapaloob sa timba ng pantina, sa gilingan ng karne ng lipunan. Anuman ang kulay na ipantina nito sa iyo, anuman ang maging paggiling nito sa iyo, gaano man maging buktot ang pagkatao mo, inaalo mo ang iyong sarili, sinasabing, “Upang maisakatuparan ang aking mga mithiin at hangarin, at alang-alang sa kinabukasan ko, dapat akong magtiis!” Palagi mo ring sinasabi sa sarili mo na, “Dapat akong umangkop sa lipunang ito, anuman ang kulay na ipantina sa akin, dapat akong pumayag at umangkop dito.” Habang umaangkop ka sa lahat ng iba’t ibang kapaligirang ito, umaangkop ka rin sa iba’t ibang kulay na ginagamit na pantina sa iyo, at patuloy mong tinatanggap ang iba’t ibang bersyon ng iyong sarili na may iba’t ibang istilo at katangian. Sa ganitong paraan, hindi namamalayang nagiging lalong manhid ang mga tao, lalong nawawalan ng kahihiyan, at lalong hindi nagagabayan o nakokontrol ng kanilang konsiyensiya at katwiran ang kanilang mga kaisipan, pagnanais, at pasya. Sa huli, sa iba’t ibang antas, nakakamit ng karamihan sa mga tao ang kanilang mga mithiin at hangarin habang hinahangad nila ang mga ito. Siyempre, para sa ilang indibidwal, gaano man sila naghahangad, o gaano man sila nagsisikap at naghihirap, hindi pa rin nila naisasakatuparan ang kanilang mga mithiin at hangarin. Anuman ang huling kalalabasan, ano ang nakakamit ng mga tao? Ang mga nagtatagumpay ay nagkakamit ng kasikatan at pakinabang, habang ang mga nabibigo ay maaaring hindi makapagkamit ng kasikatan at pakinabang na ito, ngunit ang natatanggap nila ay kapareho ng sa mga matagumpay na tao—natatanggap nila ang iba’t ibang pinsala at negatibong kaisipang ikinikintal ni Satanas, ng masamang sangkatauhang ito, at ng buong mekanismong panlipunan at masamang impluwensiya ng lipunan. Kung hindi, bakit madalas gamitin ng mga tao ang mga pariralang tulad ng: “marami nang karanasan,” “isang tusong tao,” “isang taong bihasa na sa panggugulang,” o “nalagpasan na ang maraming bagyo,” at iba pa? Ito ay dahil habang hinahangad mo ang iyong mga mithiin at hangarin, marami ka ring “natututunan” sa napakalaking timba ng pantina na ito at sa gilingan ng karne ng lipunan. “Natututo” ka ng mga bagay na wala sa likas na gawi ng iyong pisikal na katawan—ang terminong “natututo” rito ay dapat nasa loob ng mga panipi. Ano ang tinutukoy ng “natututo”? Ang kahulugan nito ay ang pag-iindoktrina sa iyo ng lipunan, ni Satanas, at ng masamang sangkatauhan ng iba’t ibang kaisipan na lumalabag sa normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, na nagsasanhing mamuhay ka nang may paunti nang paunting konsiyensiya at katwiran, lalong nawawalan ng kahihiyan, at lalong namumuhi sa mga normal na tao at sa mga tumatahak sa tamang landas. Kasabay nito, ano ang pinakamalalang resulta? Bukod sa lalo mong hahamakin ang mga taong may normal na pagkatao, konsiyensiya, at katwiran, kasabay nito ay kaiinggitan at hahangaan mo ang mga kasuklam-suklam na gawa ng mga taong nagtataksil sa kanilang konsiyensiya at moralidad, at kaiinggitan ang masaganang materyal o pang-ekonomiyang benepisyo na nakukuha nila mula sa kanilang mga kasuklam-suklam na gawa at masamang pag-uugali. Hindi ba’t ito ang kahihinatnan? (Oo.) Mas nakatatakot na kahihinatnan ito, ibig sabihin, habang hinahangad ng mga tao na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at hangarin, lalong nagiging malupit at nakatatakot ang mukha nila, unti-unting nawawala ang kanilang konsiyensiya at katwiran, at lalong nagiging mas masama, pangit, kamuhi-muhi, at kasuklam-suklam ang kanilang moral na pananaw, pananaw sa buhay, at pag-uugali.

Mula sa sandaling mabuo ang mga hilig at libangan ng isang tao hanggang sa maisakatuparan nila ang kanilang mga mithiin at hangarin, sa panahon ng prosesong ito, ang landas na tinatahak nila at ang mga aktibidad na nilalahukan nila—ibig sabihin, ang buong sitwasyon ng buhay nila sa kasalukuyan—ay isang sitwasyon sa buhay, na masasabing nasa mahigpit na pagkakahawak ng lipunan at ng masasamang kalakaran. Sa katunayan, isa rin itong proseso kung saan kusang tinatanggap ng mga tao ang pagmamanipula, pagyurak, at pananamantala ni Satanas habang hinahangad na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at hangarin. Syempre, isa rin itong proseso kung saan mas higit at mas tiyak na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa lahat ng bagay. Sa bawat sitwasyong nakakaharap mo, patuloy na ikinikintal sa iyo ni Satanas ang ideya na upang matamo ang mga layon mo, dapat mong gamitin ang anumang paraan na kinakailangan, talikuran ang mga bagay na positibo at na dapat itaguyod ng normal na pagkatao, tulad ng dignidad ng tao, personal na integridad, mga moral na hangganan, konsiyensiya ng isang tao, at ang pamantayan sa pag-asal. Habang nililinlang ka ni Satanas na unti-unting talikuran ang mga ito, sinusubok din ni Satanas ang iyong konsiyensiya, katwiran, at mga moral na hangganan, gayundin ang katiting na kahihiyang natitira sa iyo. Pagkatapos nitong subukin ang mga bagay na ito, aakayin ka nito na patuloy na magkompromiso sa gitna ng panlilihis, tukso, kontrol, at pagyurak ng masasamang kalakaran. Habang palagi kang nagkokompromiso, pinipili mong panghawakan ang mga kaisipan at pananaw na ikinintal ni Satanas tungkol sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay at kung paano umasal at kumilos, at aktibo mong isinasagawa ang mga kaisipan at pananaw na ibinahagi sa iyo ni Satanas, pati na rin ang mga gawi at pamamaraan sa kung paano umasal at kumilos. Atubili at labag sa iyong loob na nakikibahagi ka sa lahat ng ito, ngunit kasabay nito, upang makamit ang iyong mga mithiin at hangarin, maluwag sa iyong loob at aktibo mong ginagawa ang lahat ng ito nang may mapagpaunlak na saloobin. Sa madaling salita, sa prosesong ito, nananatiling pasibo ang mga tao, ngunit mula sa ibang perspektiba, aktibo silang sumusunod sa pangongontrol at pagtitiwali ni Satanas. Habang hinahangad na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at hangarin, palagi silang namumuhay sa napakalaking timba ng pantina ng masasamang kalakaran ng lipunan, sa mahigpit na pagkakahawak ng mga ito. Gayundin, namumuhay sila sa isang masalimuot at magkasalungat na mentalidad ng pagiging parehong handa at hindi handa, at sa isang totoong kapaligiran na parehong masalimuot at magkasalungat. Sa pamamagitan ng prosesong ito, habang papalapit ang mga tao sa mga mithiin, pagnanais, at layon sa buhay na hinahangad nila, nagiging paunti nang paunti ang pagkakatulad nila sa isang tao, lalong nagiging manhid ang kanilang konsiyensiya, at naglalaho ang kanilang katwiran. Gayunpaman, sa kaloob-looban, naniniwala ang mga tao na mayroon silang mga mithiin at hangarin, sinasabi pa nga ng ilan na ang kanilang mga mithiin at hangarin ang kanilang paninindigan, na ang pagkakaroon ng paninindigan sa puso nila ay nangangahulugan na mayroon silang pananampalataya, at na dapat mayroong pananampalataya sa buhay ang isang tao. Naniniwala sila na sila ay normal na tao dahil mayroon silang pananampalataya, at kaya, dapat nilang ipagpatuloy ang kanilang mga paghahangad ayon sa mga dati nilang pamamaraan at batas upang manatiling buhay, at na hangga’t maganda ang mga resulta nito, at mas malapit nilang naaabot ang mga mithiin at layon nila sa buhay dahil dito, kung gayon, karapat-dapat lang ang anumang halagang ibinayad nila para dito, kahit na nangangahulugan ito na mawawala ang lahat. Dahil dito, sa loob ng magkasalungat na mentalidad ng pagiging parehong handa at hindi handa, patuloy na tatanggapin ng mga tao ang pangongontrol ni Satanas, ang mga kaisipan nito, at ang pagmamanipula at panlalansi nito. Kahit na alam na alam ng mga tao na ginawa silang tiwali ng lipunan at ng masasamang kalakaran, sa mga ganitong uri ng sitwasyon, walang humpay pa rin silang magpapatuloy sa paghahangad upang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at matamo ang mga layon nila sa buhay. Maaaring binabati pa nga nila ang kanilang sarili dahil nagagawa nilang gumamit ng anumang pamamaraang kinakailangan at hindi sila kailanman sumuko, ikinagagalak ang kanilang kakayahang magpatuloy hanggang ngayon. Kung titingnan ang mga pag-uugali na ipinapakita ng mga tao sa panahon ng paghahangad sa kanilang mga mithiin at hangarin, pati na rin ang mga landas na tinatahak nila at ang kanilang iba’t ibang pagbabago, anong uri ng landas ang paghahangad na maisakatuparan ang mga mithiin at hangarin ng mga tao? (Ito ay isang landas na hahantong sa pagkawasak.) Ito ay isang landas na walang balikan, kung saan habang patuloy na tinatahak ito ng mga tao, mas lalo silang nalalayo sa Diyos. Masasabi rin na isa itong landas ng pagkawasak. Ang mga layon sa buhay, kung saan humahantong ang mga mithiin at hangarin na itinatag ng mga tao, naghihintay sa kanila si Satanas sa hantungang iyon. At habang patungo sa mga layon sa buhay na ito, hindi ang katotohanan ang sumasama at sumusunod sa kanila, hindi ang mga salita ng Diyos. Kung gayon, sino ito? (Ito ay si Satanas, kasama ang masasamang kalakaran nito at iba’t ibang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.) Sinasamahan sila ni Satanas, sa pamamagitan ng kontrol, pagtitiwali, panlalansi, at paulit-ulit na mga tukso nito. Isa itong landas na walang balikan, isang landas ng pagkawasak, hindi ba? (Oo.) Sapagkat habang hinahangad ng mga tao ang kanilang mga mithiin at hangarin, ang talagang hinahangad nilang layon ay hindi ang pagsasakatuparan ng kanilang mga mithiin at hangarin, sa halip ay ginagamit nila ang paghahangad sa mga bagay na ito bilang kanilang motibasyon at pundasyon upang magkamit ng kasikatan at pakinabang. Iyon ang diwa at katotohanan sa bagay na iyon. Sa landas na ito, lalo lamang nananabik ang mga tao sa kasikatan at pakinabang, sa masasamang kalakaran ng mundo. Sa landas na ito, lalo lamang lumalalim ang pagkakasadlak ng mga tao, at lalo silang nagiging napakasama, at higit na nawawalan ng katwiran at konsiyensiya, na naglalayo sa kanila mula sa mga positibong bagay. Kasabay nito, higit sila nitong inilalayo sa mga mas praktikal na paraan ng pamumuhay at mga layon sa buhay na dapat taglay ng isang taong may normal na pagkatao. Magsasanhi lang ito ng mas malalim na pagkakaugat ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at lalo lamang silang ilalayo nito sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos. Syempre, dahil dito ay lalo ring nagiging mahirap para sa mga tao na makilala ang kaibahan ng mga positibo at negatibong bagay. Ito ay isang katunayan. Kaya, paano natin malulutas ang mga problemang ito? Sa sandaling maunawaan natin ang diwa ng mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng tao, tungkol saan ang kailangan nating pagbahaginan? Kailangang tungkol ito sa kung paano bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao, hindi ba’t tama iyon? (Tama.)

Nagbabahaginan tayo ngayon lang tungkol sa kung bakit ang paghahangad na maisakatuparan ang mga sariling mithiin at hangarin ay isang landas na walang balikan, isang daan patungo sa pagkawasak—kung gayon, dapat bang talikuran ng mga tao ang gayong paraan ng pamumuhay? (Oo.) Dapat nilang bitiwan at baguhin ang paraan ng pamumuhay nila: Hindi ito isang tamang pamamaraan, ni isang tamang landas sa buhay. Dahil hindi ito tama, dapat itong bitiwan ng tao, dapat nilang baguhin ang paraan ng kanilang pamumuhay at panghawakan ang tamang pamamaraan sa buhay at pag-iral. Siyempre, dapat may panghawakan silang tamang pamamaraan sa kung paano nila tinatrato ang mga hilig at libangan ng mga tao, at kung paano nila tinatrato ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Ang mga talento at kaloob ng mga tao, kasama na ang mga hilig at libangang ito, ay nagtutulot sa kanila na maitatag ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, at kasabay nito, hinahayaan sila ng mga ito na buuin ang mga layong hahangarin. Ang mga layong ito ay hindi tama, at aakayin nito ang mga tao sa isang landas na walang balikan, lalo silang inilalayo sa Diyos at sa huli ay dinadala sila sa pagkawasak. Dahil hindi tama ang mga ito, ano ba ang tamang aksiyon? Tingnan muna natin kung tama ba na magkaroon ang mga tao ng mga hilig at libangan, ibig sabihin, maituturing bang mga negatibong bagay ang kanilang mga hilig at libangan? (Hindi.) Hindi likas na mali ang mga hilig at libangan ng mga tao, at siyempre, hinding-hindi masasabi na negatibong bagay ang mga ito. Hindi dapat kondenahin o punahin ang mga ito. Parte ng normal na pagkatao na magkaroon ang mga tao ng mga hilig, libangan, at talento sa ilang partikular na aspeto—bawat tao ay mayroon nito. Ang ilang tao ay mahilig sumayaw, ang ilan naman ay mahilig sa pagkanta, pagguhit, pagtatanghal, mekanika, ekonomiya, pag-iinhinyero, medisina, agrikultura, paglalayag, o sa ilang partikular na sports, ang iba ay mahilig mag-aral ng heograpiya, heolohiya, o abyasyon, at, siyempre, maaaring mahilig din ang iba na mag-aral ng mas mga kakatwang paksa. Anuman ang mga hilig at libangan ng isang tao, lahat ito ay parte ng pagkatao at ng normal na buhay ng tao. Hindi dapat sinisiraan ang mga ito bilang mga negatibong bagay, hindi dapat pinupuna, at lalong hindi dapat ipinagbabawal ang mga ito. Ibig sabihin, marapat lang ang anumang hilig at libangang maaaring mayroon ka. Sapagkat marapat ang anumang interes o libangan at dapat tulutang umiral, paano dapat tratuhin ang mga mithiin at hangarin na nauugnay sa mga ito? Halimbawa, ang ilang tao ay mahilig sa musika. Sinasabi nila, “Gusto kong maging isang musikero o isang konduktor,” at pagkatapos ay binabalewala ang lahat-lahat para mag-aral at itaguyod ang kanilang sarili sa musika, itinatakda ang kanilang mga layon at direksiyon sa buhay upang maging isang musikero. Ito ba ang tamang gawin? (Hindi ito ang tamang gawin.) Kung hindi ka nananampalataya sa Diyos, kung bahagi ka ng mundo at ginugugol mo ang iyong buhay sa pagsasakatuparan ng mga mithiin at hangarin na itinatag ng mga sarili mong hilig at libangan, wala kaming masasabi tungkol doon. Ngayon, bilang isang mananampalataya sa Diyos, kung mayroon kang gayong mga hilig at libangan at nais mong ilaan ang buong buhay mo roon, magbayad ng buong buhay na halaga upang matamo ang mga mithiin at hangarin na itinatag ng sarili mong mga hilig at libangan, mabuti ba ang landas na ito o masama? Karapat-dapat ba itong itaguyod? (Hindi ito karapat-dapat na itaguyod.) Huwag muna nating pag-usapan kung karapat-dapat ba itong itaguyod o hindi; lahat ng bagay ay dapat harapin nang mataimtim, kaya paano mo gagawin iyon upang matukoy kung tama o mali ang bagay na ito? Kailangan mong isaalang-alang kung ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na itinatag mo ay may anumang kaugnayan sa mga turo ng Diyos at sa Kanyang pagliligtas at mga ekspektasiyon para sa iyo, sa mga layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, sa iyong misyon, at sa iyong tungkulin, kung tutulungan ka ba ng mga bagay na ito na matapos ang iyong misyon at mas mabisang matupad ang iyong tungkulin, o kung madaragdagan ba ng mga ito ang iyong tsansa na maligtas at kung matutulungan kang makamit ang katugunan ng mga layunin ng Diyos. Bilang isang ordinaryong tao, ang paghahangad mo sa mga mithiin at hangarin ay iyong karapatan, ngunit habang isinasakatuparan mo ang iyong mga mithiin at hangarin at tinatahak ang landas na ito, aakayin ka ba ng mga ito tungo sa landas ng kaligtasan? Aakayin ka ba ng mga ito sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Sa huli, aakayin ka ba ng mga ito na humantong sa ganap na pagpapasakop at pagsamba sa Diyos? (Hindi.) Sigurado iyon. Dahil hindi magagawa ang mga bagay na iyon, kung gayon, bilang isang mananampalataya sa Diyos, ang mga mithiin at hangarin ba na naitatag dahil sa iyong mga hilig, libangan, at maging sa iyong mga talento at kaloob, ay positibo o negatibo? Dapat bang mayroon ka ng mga ito o wala? (Negatibo ang mga ito; hindi tayo dapat magkaroon ng mga bagay na ito.) Hindi ka dapat magkaroon ng mga bagay na ito. Kaya, ano ang nagiging likas na katangian ng mga mithiin at hangarin ng isang tao? Nagiging positibo o negatibong bagay ba ang mga ito? Ang mga ito ba ay nagiging isang karapatan na dapat mayroon ka o isang bagay na dapat wala sa iyo? (Nagiging negatibo ang mga ito, isang bagay na wala dapat sa akin.) Ang mga ito ay nagiging isang bagay na dapat wala sa iyo. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi ako dapat magkaroon ng mga bagay na ito, ibig sabihin nito ay inaalis Mo ang mga karapatan ko!” Hindi Ko inaalis ang mga karapatan mo; ang sinasabi Ko ay tungkol sa kung anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao at kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Hindi Ko inaalis ang mga karapatan mo; nasa sa iyo ang kalayaang magpasya, ikaw ay tinutulutang pumili. Ngunit tungkol sa kung ano ang likas na katangian ng bagay na ito at kung paano ito dapat husgahan, mayroon tayong batayan para sa ating mga argumento at hindi lang basta-bastang nagsasalita. Kung pinagbabatayan mo ang mga salita ng Diyos at magsasalita ka mula sa perspektiba ng katotohanan, kung gayon, hindi mga positibong bagay ang mga mithiin at hangarin ng isang tao. Siyempre, upang maging mas tumpak, kung bilang isang mananampalataya sa Diyos ay nais mong sikaping matamo ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, kung nais mong sikaping matamo ang katotohanan at kamtin ang pagkatakot sa Diyos, pag-iwas sa kasamaan, at pagpapasakop sa Diyos, kung gayon, ang iyong mga mithiin at hangarin ay hindi dapat maging katulad ng sa mga makamundong tao. Sa madaling salita, kung gusto mong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, dapat mong bitiwan ang mga sarili mong paghahangad, mithiin, at hangarin. Sa ibang salita, kung gusto mong sikaping matamo ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, hindi mo dapat hangarin ang mga sarili mong mithiin at hangarin, at lalong hindi mo dapat gamitin ang paghahangad sa mga mithiin at hangarin na ito para magtamo ng kasikatan at pakinabang. Maaari ba itong sabihin sa ganitong paraan? (Oo.) Malinaw na ang lahat. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dahil handa kang sikaping matamo ang katotohanan at nais mong kamtin ang kaligtasan, kailangan mong bitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin, kailangan mong talikuran ang landas na ito, na landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at bitiwan ang mga mithiin at hangarin na ito. Hindi mo dapat piliing layon sa buhay mo ang pagsasakatuparan ng iyong mga mithiin at hangarin; sa halip, ang layon mo dapat ay ang sikaping matamoang katotohanan at kamtin ang kaligtasan.

Nagtatanong ang ilang tao, “Dahil hindi ko maisakatuparan ang aking mga paghahangad, mithiin, at hangarin, at binitiwan ko na ang lahat ng ito, ano ang dapat kong gawin sa aking mga hilig at libangan?” Nasa sa iyo na iyan. Bagamat maaaring mayroon kang mga hilig at libangan, basta’t hindi nakakaabala ang mga ito sa iyong normal na paghahangad, hindi nakahahadlang sa paggampan sa iyong tungkulin at pagkompleto ng iyong misyon, at hindi nakaaapekto sa mga layon sa buhay mo o sa landas na iyong tinatahak, kung gayon, maaari mong panatilihin ang mga hilig at libangang ito. Siyempre, maaari din itong unawain nang ganito: Dahil bahagi ng iyong pagkatao ang mga hilig at libangang ito, maaari ding sabihin na ang mga ito ay ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Ang lahat ng aspeto, gaya ng hitsura, pamilya, pinagmulan, at tirahan ng isang tao para mamuhay, ay pauna nang itinakda ng Diyos. Samakatuwid, hindi natin maikakaila na ang mga hilig at libangang mayroon ka ay ipinagkaloob din ng Diyos. Hindi maitatanggi ang katunayang ito, tiyak ito. Halimbawa, ang ilang tao ay bihasa sa mga wika, sa pagguhit, sa musika, sa pagkilala ng mga tunog, kulay, atbp. Hindi mahalaga kung ang mga bagay na ito ay ang iyong mga espesyal na kasanayan o mga hilig at libangan, masasabi na ang lahat ng ito ay bahagi ng pagkatao. Bakit pinagkakalooban ng Diyos ang mga tao ng mga partikular na hilig at libangan? Ito ay para gawing mas masagana at makulay ang buhay mo, upang magkaroon ng paglilibang at pagsasaya ang buhay mo nang hindi naaapektuhan ang iyong pagtahak sa tamang landas sa buhay, upang hindi gaanong maging nakababagot, nakaiinip at paulit-ulit na lang ang buhay mo. Halimbawa, kapag oras na para kumanta ng mga himno sa mga pagtitipon, maaaring sabayan ng isang taong marunong tumugtog ng instrumentong pangmusika ang pagkanta sa pamamagitan ng pagtutugtog ng piyano o gitara. Kung walang makapagtatanghal, hindi magkakaroon ng ganitong kasiyahan ang lahat. Kung mayroong makapagbibigay ng saliw ng instrumento, magiging mas kaaya-aya ang resulta kaysa sa pag-awit nang walang saliw, at masisiyahan ang lahat. Kasabay nito, pinalalawak nito ang mga pananaw, pinayayaman ang mga karanasan, nagkakaroon ng higit na kabuluhan ang buhay, dama ng mga tao na mas maganda ang buhay, at sila ay nagiging mas masayahin. Kapaki-pakinabang ito sa kanilang normal na pagkatao at sa landas na kanilang tinatahak sa pananampalataya sa Diyos. Halimbawa, kung mahilig ka sa pagguhit, kapag naging paulit-ulit na lang ang buhay ng mga kapatid, maaari kang gumuhit ng mga nakatatawang larawan, at ilarawan ang mga negatibong ekspresyon at mukha ng ilang partikular na tao, at ang mga negatibong komento bilang mga matalino at nakakatawang cartoon, at pagkatapos ay pagsama-samahin ang mga ito sa isang maliit na booklet at ibahagi ito sa lahat, kasama na ang mga Pesimistang iyon. Kapag nakita nila ito at sinabing, “Naku, larawan ko ba ito?” hahagikgik sila at matutuwa, at hindi na sila magiging negatibo. Hindi ba’t mabuting bagay ito? Hindi ito gaanong matrabaho, ngunit nakatulong ito sa kanila na madaling makawala sa pagkanegatibo. Sa libreng oras ng isang tao, ang pagguhit, pagtugtog ng mga instrumentong pangmusika, pagtalakay ng sining, o pagsaliksik tungkol sa pag-arte at ang paggampan ng iba’t ibang karakter, kabilang ang iba’t ibang uri ng negatibong tao, iba’t ibang uri ng mayabang na indibidwal, at ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na kumikilos nang di-makatwiran, ay maaaring makatulong sa mga tao na mapabuti ang kanilang pag-unawa at mapalawak ang kanilang mga pananaw. Hindi ba’t mabuting bagay ito? Paanong hindi kapaki-pakinabang ang mga hilig at libangang ito? Makakabuti ang mga ito sa mga tao. Gayunpaman, kung nagkakaroon ka ng mga mithiin at hangarin dahil sa iyong mga hilig at libangan, at inaakay ka nito tungo sa isang landas na walang balikan, kung gayon, hindi mabuti ang mga ito para sa iyo. Ngunit kung gagamitin mo ang iyong mga hilig at libangan sa buhay mo sa paraang nagbibigay-kabatiran sa iyong pagkatao, ginagawang mas masagana at makulay ang buhay mo, at ginagawa kang mas matalino at masayahin, namumuhay nang mas masigla, malaya, at maluwag, kung gayon, magkakaroon ng positibong epekto ang mga hilig at libangan mo, na makakabuti sa lahat at makapagpapatibay sa iyo, habang hindi nakaaapekto sa pagganap ng iyong tungkulin at sa pagkompleto ng iyong misyon. Siyempre, sa isang antas ay tutulungan ka ng mga ito sa pagtupad ng iyong tungkulin. Kapag malungkot ka o pinanghihinaan ng loob, makapagpapasigla sa iyo ang pag-awit ng isang kanta, pagtugtog ng isang instrumento, o pagtugtog ng masigla at maindayog na musika, na maghihikayat sa iyo na humarap sa Diyos sa panalangin. Hindi ka na magkikimkim ng pagkanegatibo, hindi ka na magrereklamo o magnanais na huminto. Kasabay nito, matutuklasan mo ang iyong mga kahinaan at kapintasan, mapagtatanto mo na masyado kang marupok at hindi mo matiis ang mahubog o ang mga problema. Ang pagtugtog ng instrumento ay makakatulong sa iyo na mapabuti ang lagay ng iyong loob; tinatawag ito na pagkatuto kung paano mamuhay. Hindi ba’t nagkaroon ng positibong epekto ang mga hilig at libangang ito? (Oo.) Maaaring ituring bilang mga kasangkapan ang mga hilig at libangang ito na, kapag ginamit nang tama, ay maaaring makapagpabago ng lagay ng iyong loob, tinutulutan kang mamuhay ng mas normal at makatwirang buhay. Sa isang antas, maaaring mapabilis o mapadali ng mga ito ang iyong pagpasok sa katotohanang realidad at makapagbigay ng karagdagang kasangkapan para matulungan kang gampanan ang iyong mga tungkulin. Siyempre, may ilan na imoral at masama ang pagkatao; palagi silang ambisyoso, may disposisyon ng isang anticristo, o sila ay mga anticristo. Kung sila ang may mga hilig at libangan, maaari itong maging problema dahil maaaring gamitin nila ang mga ito bilang kapital at sila ay maging hambog, na walang dudang nagpapalala sa kanilang pagkaagresibo at kapangahasan sa paggawa ng masasamang gawa. Kaya, ang mga hilig at libangan mismo ay hindi mga likas na masama o negatibong bagay. Ginagamit ang mga ito ng mga mabuti at normal na tao para sa mga positibong bagay, samantalang ginagamit naman ang mga ito ng mga imoral, masama, at negatibong indibidwal para gumawa ng mga masama at maling gawa. Kaya, ang mga hilig at libangan ay maaaring mas makapagpapabuti sa iyo o mas makapagpapasama, hindi ba? (Oo.) Balikan natin ang tema ng kung paano bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Matapos maunawaan ang diwa ng mga hilig at libangan, hindi dapat mga positibong bagay lang ang tingnan ng mga tao sa mga hilig at libangan ng isang tao, at lalong hindi nila dapat tanggihan ang mga taong may anumang hilig o libangan. Ang mga hilig at libangan ay bahagi ng normal na pagkatao, at dapat tratuhin ng mga tao ang mga ito nang tama. Maliban kung nagsisimula nang makaapekto sa buhay ng iba ang mga hilig at libangan mo o magsanhi ng paghihirap sa iba, o kung pinananatili mo ang iyong mga hilig at libangan kahit na nakakaapekto at nakakaabala na ito sa iba, hindi na ito tama. Bukod dito, marapat lang ang mga hilig at libangan mo, at inaasahan na tatratuhin ng mga tao ang mga ito nang tama at gagamitin ang mga ito sa makatwirang paraan. Siyempre, ang pinakamainam at pinakatamang paggamit ng mga ito ay ang hayaan ang iyong mga hilig at libangan na magkaroon ng pinakamalaking epekto sa iyong gawain at sa mga tungkuling ginagampanan mo, at gamitin ang mga ito nang husto, nang hindi hinahayaang masayang ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Maaaring may mahalagang papel ang aking mga hilig at libangan sa paggawa ng aking mga tungkulin, pero pakiramdam ko ay hindi gaanong sapat at komprehensibo ang kaalaman ko sa larangang ito sa ngayon. Gusto kong pagbutihin pa ang sarili ko at mas mahusay at mas sistematikong pag-aralan ang mga paksang nauugnay sa larangang ito, at pagkatapos ay gamitin ito sa mga tungkulin ko. Maaari ko bang gawin iyon?” Oo, maaari. Paulit-ulit kayong hinihikayat ng sambahayan ng Diyos na patuloy na mag-aral. Ang kaalaman ay isang kasangkapan, at kung hindi ito naglalaman ng anumang bagay na nakasisira sa mga kaisipan ng isang tao, maaari mong pag-aralan at palalimin ang pagkaunawa mo rito. Magagamit mo ito bilang isang positibo at kapaki-pakinabang na kasangkapan upang magampanan ang iyong mga tungkulin, na nagbibigay-daan para maging epektibo ito at magkaroon ng epekto. Hindi ba’t mabuting bagay iyon? Hindi ba’t angkop na pamamaraan ito? (Oo.) Siyempre, isa rin itong tamang pamamaraan ng pagsasagawa para mapangasiwaan ang iyong mga hilig at libangan, at gayundin, ito ay isang tamang paraan para mabitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Ginagamit mo ang iyong mga hilig at libangan nang tama, hindi mo ginagamit ang mga ito para magtamo ng mga personal na layon o maghangad na matugunan ang mga pansariling ambisyon at pagnanais. Kung gayon, isa itong marapat at tumpak na paraan ng pagsasagawa, at siyempre, isa rin itong tama at positibong paraan ng pagsasagawa. Bukod dito, nagsisilbi rin itong isang kongkretong landas sa kung paano bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin.

Nilinaw natin ang isyu kung paano tratuhin nang tama ang mga hilig at libangan; ngayon, ano ba talaga ang tinutukoy ng pagbitiw? Hindi natin pinupuna o kinokondena ang mga hilig at libangan, sa halip ay sinusuri natin ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na itinatatag ng mga tao gamit ang mga hilig at libangan bilang kanilang pundasyon at kapital. Dahil dito, ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na ito ang talagang dapat bitiwan. Nagbahaginan tayo kanina tungkol sa pagpapahintulot sa iyong mga hilig at libangan na gumanap ng positibong papel at magdulot ng positibong epekto—ito ay isang aktibong paraan ng pagsasagawa sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Sa isa pang aspeto, hindi dapat itaguyod ng mga tao ang sarili nilang mga mithiin at hangarin dahil lang sa mayroon silang mga hilig at libangan—ito ay mas praktikal na paraan ng pagbitiw. Sa madaling salita, ang isang aspeto ay ang gamitin nang maayos ang iyong mga hilig at libangan, samantalang ang isa pang aspeto ay, hindi mo dapat itaguyod ang mga mithiin at hangarin na itinatag dahil lang sa mga sarili mong hilig at libangan, ibig sabihin, huwag hangarin ang mga layong mayroon ka nang dahil lang sa iyong mga hilig at libangan. Kaya, paano mo matutukoy kung normal mong ginagamit ang mga hilig at libangan, at hindi mo itinataguyod ang mga mithiin at hangarin? Kung mayroon kang hilig o libangan, at ginagamit mo ito nang tama sa iyong gawain, sa pagganap ng iyong tungkulin, at sa sarili mong pang-araw-araw na buhay, kung ang layon ng paghahangad mo ay hindi para magpakitang-gilas o magyabang, talagang hindi para mas sumikat ka o makamit ang pagpapahalaga, papuri, at paghanga ng iba, at lalong hindi para magkaroon ang mga tao ng puwang sa puso nila para sa iyo nang dahil sa iyong mga hilig at libangan, at sa gayon ay sang-ayunan at sundin ka, kung gayon ay naisakatuparan mo na ang isang positibo, tama, angkop, at makatwirang paggamit ng iyong mga hilig at libangan, na naaayon sa normal na pagkatao at alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at ginagamit mo ang mga ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Subalit kung, habang ginagamit ang iyong mga hilig at libangan ay pinipilit mo ang iba na hangaan at tanggapin ka, kalakip ang matatag na layon na magpakitang-gilas, kung walang prinsipyo, walang kahihiyan, at pilit mong itinutulak ang iba na makinig sa iyo at tanggapin ka, tinutugunan ang banidad na nakukuha mo mula sa pagpapakitang-gilas ng iyong mga hilig at libangan, walang pakialam sa nararamdaman ng iba, sa huli ay ginagamit ang iyong mga hilig at libangan bilang kapital para kontrolin ang iba, magkamit ng puwang sa puso nila, at maging tanyag sa mga tao, at kung sa huli ay natamo mo ang kasikatan at pakinabang bilang resulta ng sarili mong mga hilig at libangan, kung gayon, hindi ito isang marapat na paggamit ng mga hilig at libangan, ni isang normal na paggamit ng iyong mga hilig at libangan. Ang gayong mga kilos ay dapat kondenahin, dapat itong makilala at tanggihan ng iba, at siyempre dapat din itong bitiwan ng mga tao. Kapag gumagamit ka ng mga oportunidad ng paggampan sa iyong mga tungkulin, o kung ginagamit mo ang pagiging isang lider, isang taong nangangasiwa, o isang taong may pambihirang talento, upang ipakita sa iba na mayroon kang ilang partikular na talento at kasanayan, at ipakita sa kanila na nakahihigit ang iyong mga hilig at abilidad sa kanila, hindi angkop ang ganitong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Ito ay paggamit sa iyong mga hilig at libangan para maging tanyag sa mga tao at matugunan ang sarili mong mga ambisyosong pagnanais. Sa tumpak na salita, ang proseso o paraan ng pagkilos na ito ay katumbas ng pagsasamantala sa iyong mga hilig at libangan at sa paghanga ng mga tao sa mga ito upang maisakatuparan mo ang iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin. Ito ang dapat mong bitiwan. Sinasabi ng ilang tao, “Matapos marinig ito, hindi ko pa rin alam kung paano bumitiw.” Sa totoo lang, madali lang ba ang pagbitiw? Kapag nagtataglay ka ng ilang di-pangkaraniwang hilig at libangan, kung wala kang ginagawa, mananatili sa loob ng iyong pagkatao ang mga hilig at libangang ito at walang anumang kinalaman sa kung anong landas ang tatahakin mo. Gayunpaman, kung palagi mong ipinagyayabang ang iyong mga hilig at libangan, sinusubukang maging sikat sa mga tao o maging mas tanyag, makilala ng mas maraming tao, at makaakit ng higit pang atensiyon, ang proseso at paraan ng pakilos na ito ay hindi mga simpleng paraan ng paggawa sa mga bagay. Kapag pinagsama-sama ang lahat ng kilos at pag-uugaling ito, binubuo ng mga ito ang landas na tinatahak ng isang tao. Ano ang landas na ito? Ito ay ang pagtatangkang maisakatuparan ang mga mithiin at hangarin ng isang tao sa loob ng sambahayan ng Diyos, hangarin ang paghanga ng iba, at matugunan ang kanilang sariling mga ambisyon at hangarin. Sa sandaling simulan mo ang ganitong uri ng paghahangad, ang landas na tinatahak mo ay magiging isang landas na walang balikan, isang landas na hahantong sa pagkawasak. Hindi ba’t kailangan mong magbago kaagad, baliktarin ang mga kilos na ito, at bitiwan ang mga kilos, ambisyon at hangarin na ito? Maaaring sinasabi ng ilan, “Hindi ko pa rin alam kung paano bumitiw.” Kung gayon, huwag mong gawin ito. Ano ang ibig sabihin ng “huwag mong gawin ito”? Ibig sabihin nito ay dapat itago mo ang iyong mga hilig at libangan at subukan sa abot ng iyong makakaya na huwag ipakitang-gilas ang mga ito. Maaaring tinatanong ng ilan, “Pero kung kinakailangan ito sa paggawa ng mga tungkulin ko, dapat ko bang ipakita ang mga ito?” Kapag dapat mong ipakita, kapag kailangan mong ipakita ang mga ito, dapat mong ipakita ito—iyon ang tamang oras para dito. Gayunpaman, kung kasalukuyan kang nasa landas ng paghahangad sa iyong mga mithiin at hangarin, huwag mong ihayag ang mga ito. Kapag natutukso kang ipangalandakan ang mga ito, dapat kang manalangin sa Diyos, gumawa ng matatag na pagpapasya, pigilan ang mga pagnanais na ito, at kasabay nito, tanggapin mo ang pagsisiyasat at pagdidisiplina ng Diyos, kontrolin ang puso mo at pigilan ang iyong mga ambisyon at pagnanais, upang maglaho ang mga ito, at hinding-hindi hahayaang maging realidad ang mga ito—mabuting bagay ba ito? (Oo.) Madali bang gawin ito? Hindi ito madali, hindi ba? Mayroon bang sinumang may kaunting talento ngunit ayaw ipangalandakan ito? Lalo na ang mga may espesyal na kasanayan. Ang ilang tao ay marunong magluto at maghanda ng mga pagkain, at gusto nilang magpasikat saanman sila magpunta, tinatawag pa nga ang sarili nila na “Tofu Beauty” o “Reyna ng Pansit.” Nararapat bang ipakitang-gilas ang maliliit na kasanayang ito? Kung magtataglay sila ng mga pambihirang kaloob, magiging gaano kaya sila kayabang? Walang dudang hahantong sila sa isang landas na walang balikan. Siyempre, bukod sa mga taong tumatahak sa maling landas, o sa isang landas na walang balikan, dahil sa kanilang mga hilig at libangan, karamihan sa kanila ay madalas na nagkakaroon ng mga aktibong kaisipan dala ng kanilang mga hilig at libangan habang nananampalataya sa Diyos. Habang nananampalataya sa Diyos at ginagawa ang kanilang mga tungkulin, walang tigil nilang pinag-iisipan ang mga mithiin at hangarin na itinatag nila, o maaaring patuloy nilang pinaaalalahanan ang kanilang sarili sa mga hindi pa nila natutupad na mga mithiin at hangarin, palaging sinasabi sa kanilang sarili sa puso nila na mayroon pa rin sila nitong mga mithiin at hangarin na hindi pa kailanman natutupad. Bagamat hindi sila kailanman nagbayad ng anumang partikular na halaga o gumamit ng anumang partikular na pagsasagawa sa mga bagay na ito, nag-ugat na nang malalim sa puso nila ang mga mithiin at hangarin na ito, at hindi nila kailanman binitiwan ang mga ito.

Kanina, nagbahaginan tayo at sinuri natin na ang paghahangad na maisakatuparan ang mga mithiin at hangarin, pati ang pagsunod sa landas ng mundong ito, ay isang landas na walang balikan, isang daan na humahantong sa pagkawasak. Ito at ang paghahangad sa katotohanan ay parang dalawang linyang paralelo, hinding-hindi magkakaroon ng punto kung saan magsasalubong ang mga linyang ito, at siyempre hindi rin kailanman magsasalubong ang mga ito. Kung nananampalataya ka sa Diyos at nais mong sikaping matamo ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, dapat ganap mong bitiwan ang anumang mga mithiin at hangarin na dati mong pinanghahawakan sa iyong puso. Huwag panatilihin o pahalagahan ang mga ito; dapat iwaksi ang mga ito. Ang paghahangad na maisakatuparan ang iyong mga mithiin at hangarin at ang paghahangad sa katotohanan ay parang mga landas ng langis at tubig. Kung mayroon kang mga mithiin at hangarin at nais mong matupad ang mga ito, hindi mo magagawang sikaping matamo ang katotohanan. Kung, sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan at sa napakaraming taon ng karanasan, nais mong magpasya na sikaping matamo ang katotohanan sa makatwirang paraan, dapat mong talikuran ang iyong mga dating mithiin at hangarin, ganap na alisin ang mga ito mula sa iyong kamalayan o sa kaibuturan ng iyong kaluluwa. Kung nais mong sikaping matamo ang katotohanan, kung gayon, hinding-hindi matutupad ang iyong mga mithiin at hangarin. Sa halip, gagambalain ng mga ito ang paghahangad mo sa katotohanan at ang pagpasok mo sa katotohanang realidad, habang hinihila ka pababa at ginagawang nakapapagod at mahirap ang iyong landas sa paghahangad sa katotohanan. Dahil alam mong hindi mo maisasakatuparan ang iyong mga mithiin at hangarin, mas mabuting lubayan mo ang mga ito, at ganap na bitiwan ang mga ito, huwag mo nang isipin ang mga ito, at huwag kumapit sa anumang ilusyon tungkol sa mga ito. Kung sasabihin mong, “Hindi pa rin ako gaanong interesado sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan. Hindi ko pa rin alam kung kaya kong sikaping matamo ang katotohanan, kung ako ba ay isang tagahangad sa katotohanan. Hindi pa rin malinaw sa akin ang landas na ito ng pagkamit ng kaligtasan, bagkus ay mayroon akong napakakongkretong landas sa paghahangad ng mga makamundong mithiin at hangarin, at isang napakakongkretong plano at estratehiya.” Kung ganito ang kaso, maaari mong bitiwan ang landas ng paghahangad sa katotohanan at paggawa sa iyong mga tungkulin para maisakatuparan ang iyong mga mithiin at hangarin. Siyempre, kung hindi ka sigurado kung hahangarin mo ba ang iyong sariling mga mithiin at hangarin, o ang katotohanan, ang payo Ko sa iyo ay manatiling kalmado nang ilang panahon. Marahil ay manatili ka ng isa o dalawa pang taon sa sambahayan ng Diyos: Kung mas lalo kang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, mas maraming kapaligiran ang mararanasan mo, mas mahihinog ang iyong perspektiba at pamamaraan sa kung paano mo tinitingnan ang mga bagay, bubuti ang iyong lagay ng loob at kalagayan, na walang dudang magiging isang napakalaking pagpapala para sa iyo. Marahil pagkatapos ng ilang taon, mauunawaan mo na ang ilang partikular na katotohanan, magkakaroon ka ng masusing kabatiran sa mundo at sangkatauhan, pagkatapos ay ganap mo nang mabibitiwan ang iyong mga mithiin at hangarin at magiging handa kang sundan ang Diyos hangga’t nabubuhay ka, tinatanggap ang Kanyang mga pangangasiwa. Gaano man kabigat ang mga paghihirap na maaari mong kaharapin sa sambahayan ng Diyos, makapagpapatuloy ka sa pagtupad sa iyong mga tungkulin at pagkumpleto sa iyong misyon. At higit sa lahat, matatag mong malulutas at mapagpapasyahan na talikuran ang iyong mga dating mithiin at hangarin, tinutulutan kang mahangad ang katotohanan sa makatwirang paraan nang walang pag-aalinlangan. Gayunpaman, kung hindi ka makatitiyak ngayon at nais mong suriing muli sa loob ng isa o dalawang taon kung magagawa mong sikaping matamo ang katotohanan, hindi ka pipilitin ng sambahayan ng Diyos, o sasabihing, “Magulo ang isip mo at hindi ka matatag.” Pagkatapos ng isa o dalawang taon, habang nagbabasa ka ng mas maraming salita ng Diyos, nakikinig ng mas maraming sermon, nakauunawa ng kaunting katotohanan, at nagiging hinog ang iyong pagkatao, magbabago ang iyong perspektiba sa kung paano mo tinitingnan ang mga bagay, ang pananaw mo sa buhay, at ang pananaw mo sa mundo. Sa panahong iyon, ang mga pasya mo ay magiging medyo mas tumpak kaysa sa ngayon, o, kung gagamit tayo ng isang parirala mula sa mga walang pananampalataya, sa panahong iyon ay malalaman mo na kung ano ang iyong kailangan, aling landas ang dapat mong tahakin, at kung anong uri ng tao ka dapat. Ito ay isang aspeto. Ipagpalagay na tunay kang hindi interesado sa pananampalataya sa Diyos at na ginagawa mo lamang ito dahil ipinresenta ng iyong mga magulang o katrabaho ang ebanghelyo, at tinanggap mo naman para hindi ka mapahiya o para maging magalang; atubili kang dumadalo sa mga pagtitipon at gumagawa ng iyong mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, habang iniisip na hindi masama ang mga kapatid sa iglesia at, kahit papaano, hindi sila nang-aapi ng mga tao, at ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar na may katwiran, kung saan may awtoridad ang katotohanan, at kung saan hindi sinisiil ang mga tao o inaapi ng iba ang mga ito, at nararamdaman mo na ang sambahayan ng Diyos ay mas maganda kaysa sa mundo ng mga walang pananampalataya; subalit hindi mo kailanman nabitiwan o nabago ang iyong mga mithiin at hangarin, at sa kabaligtaran, ang mga dati mo nang pinanghahawakan na mga mithiin at hangarin ay lumalakas at mas nagiging malinaw sa kaibuturan ng iyong puso, isip, at kaluluwa; at habang nagiging mas malinaw ang mga ito, nakikita mo na, pagdating sa pananalig sa Diyos, ang katotohanang pinagbabahaginan, gayundin ang mga pang-araw-araw na salita, kilos, at paraan ng pamumuhay, atbp., ay lalong nagiging nakayayamot at walang kabuluhan; hindi ka na komportable, at nagiging malabong mahangad ang katotohanan, wala kang anumang interes sa paghahangad sa katotohanan, at walang magagandang opinyon sa isipan mo tungkol sa pagtahak sa tamang landas sa buhay, kung paano umasal nang tama, o kung ano ang bumubuo sa mga positibong bagay; kung ganito kang tao, sinasabi Ko na sa iyo, magmadali ka at hangarin mo na ang sarili mong mga mithiin at hangarin! Mayroong lugar para sa iyo sa mundong ito, isang lugar sa gitna ng masalimuot at magulong agos ng kasamaan. Walang duda na maisasakatuparan mo ang iyong mga mithiin at hangarin gaya ng iyong inaasam at matatamo mo ang mga bagay na iyong ninanais. Hindi ka angkop na manatili sa sambahayan ng Diyos, hindi ito ang ideyal na lugar para sa iyo, at tiyak naman na ang landas ng paghahangad sa katotohanan ay hindi ang gusto mong tahakin, at lalong hindi ito ang kailangan mo. Samantalahin mo na ngayon, habang nabubuo na ang iyong mga mithiin at hangarin, at habang bata ka pa at mayroon ka pang lakas o mga mapagkukunan na magsikap sa mundo, magmadali ka at umalis ka na sa sambahayan ng Diyos, isakatuparan mo ang iyong mga mithiin at hangarin. Hindi ka pipigilan ng sambahayan ng Diyos. Huwag mong hintayin ang araw na mawalan ka ng pag-asang makatanggap ng mga pagpapala at wala kang masasabi tungkol sa patotoong batay sa karanasan, kapag hindi mo natapos tuparin nang tama ang iyong mga tungkulin at sa wakas ay nagising ka sa edad na limampu, animnapu, pitumpu, o walumpu, na nagnanais sikaping matamo ang katotohanan—kung gayon, magiging huli na ang lahat. Kung ayaw mong manatili sa sambahayan ng Diyos, mailalagay mo ang iyong sarili sa kapahamakan. Para sa mga taong katulad mo, hindi na kailangang sumalungat sa iyong kagustuhan at bitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin. Dahil ang pangunahing batayan ng tinalakay Ko tungkol sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao ay na isa kang taong naghahangad sa katotohanan o bagamat sa ngayon ay magsisimula ka pa lang na maghangad sa katotohanan, nagpasya ka na sa puso mo na maging isang taong nagsisikap na matamo ang katotohanan, at hindi ka aalis sa sambahayan ng Diyos matamo mo man ang kaligtasan o hindi, mabuhay ka man o mamatay. Ang ganitong mga tao ang tinutukoy Ko. Siyempre, dapat Akong magdagdag ng disclaimer: Habang nagbabahagi Ako ngayon tungkol sa paksa ng “pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao,” ito ay nasa konteksto na handang sikaping matamo ng mga tao ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan. Ito ay partikular na tumutukoy sa mga taong handang sikaping matamo ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan. Bukod sa kanila, ang mga walang pakialam sa landas, direksiyon, pagiging handa, o kapasyahang sikaping matamo ang katotohanan at makamit ang kaligtasan, ay hindi kailangang makinig sa paksa ngayong araw. Ito ang disclaimer na idinagdag Ko; kinakailangan ito, hindi ba? (Oo.) Binibigyan natin ng kalayaan ang mga tao, hindi natin pinipilit ang sinuman. Anumang katotohanang prinsipyo, anumang pagtuturo, pagtutustos, suporta, o tulong ay ibinibigay sa mga tao batay sa katwiran at sa kondisyon na handa sila. Kung hindi ka handang makinig, maaari mong takpan ang iyong mga tainga at huwag pakinggan o tanggapin ito, o maaari ka ring umalis—parehong katanggap-tanggap ang mga iyon. Ang pagbabahaginan sa katotohanan sa sambahayan ng Diyos ay hindi ipinipilit na ipatanggap sa sinuman. Pinagkakalooban ng Diyos ng kalayaan ang mga tao at hindi pinipilit ang sinuman. Sabihin mo sa Akin, mabuting bagay ba ito? (Oo.) Kailangan pa bang pilitin sila? (Hindi.) Hindi na kailangang mamilit. Ang katotohanan ay nagdadala ng buhay, buhay na walang hanggan. Kung handa kang tumanggap sa katotohanan, at sumasang-ayon at nagpapasakop ka rito, kung gayon ay matatanggap mo ito. Kung hindi ka sumasang-ayon rito, bagkus ay tinatanggihan at nilalabanan mo ito, hindi mo ito makakamit. Makamit mo man ito o hindi, dapat mong tanggapin ang mga kahihinatnan. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo.)

Ang dahilan kung bakit tayo nagbabahaginan tungkol sa kung bakit kailangang bitiwan ang ilang bagay habang naghahangad sa katotohanan ay dahil ang paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan ay katulad ng kapag lumalahok ang isang tao sa isang marathon. Ang mga kalahok sa isang marathon ay hindi nangangailangan ng di-pangkaraniwang pisikal na lakas o ng mga pambihirang kasanayan, ngunit kinakailangan nilang magtaglay ng tibay at tiyaga, at kinakailangang mayroon silang pananalig, pati na rin ng determinasyon na magtiyaga. Siyempre, sa proseso ng paglahok sa isang marathon, bukod sa mga espirituwal na elementong ito, kinakailangan din ng mga tao na unti-unting bitiwan ang ilang pasanin upang marating nila ang kanilang destinasyon nang mas madali, mas malaya, o sa paraang mas naaayon sa kanilang mga kagustuhan. Ang marathon, bilang isang palakasan, ay walang pakialam sa ranggo ng pag-abot ng mga kalahok sa kanilang destinasyon; sa halip, isinasaalang-alang lamang nito ang pagganap ng mga indibidwal sa panahon ng marathon, ang kanilang pagpupursige, pagtitiis, at lahat ng pinagdaraanan nila habang nasa marathon. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Pagdating sa pananampalataya sa Diyos, ang paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan sa huli ay katulad ng isang marathon; nangangailangan ito ng napakahabang proseso, at sa prosesong ito, kinakailangan din na bitiwan ang maraming bagay na walang kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan. Ang mga bagay na ito ay hindi lamang basta-bastang walang kaugnayan sa katotohanan, kundi higit pa roon, maaaring hadlangan ng mga ito ang iyong paghahangad sa katotohanan. Dahil dito, sa proseso ng pagbitiw at paglutas sa mga bagay na ito, maaaring hindi maiiwasang makaranas ang isang tao ng kaunting pasakit at kakailanganin niyang talikuran ang ilang bagay at gumawa ng mga tamang pasya. Sa paghahangad sa katotohanan, kinakailangang bitiwan ng mga tao ang maraming bagay dahil ang mga bagay na ito ay lumilihis mula sa landas ng paghahangad sa katotohanan at sumasalungat sa mga tamang layon at direksyon sa buhay na pinapasundan ng Diyos sa mga tao. Ang anumang bagay na sumasalungat sa katotohanan at humahadlang sa isang tao na mahangad ang katotohanan at matahak ang tamang landas sa buhay ay isang negatibong bagay, lahat ito ay para lang hangarin ang kasikatan at pakinabang, o upang magkamit ng mga resulta gaya ng maraming ari-arian at pera. Ang landas na ito ng paghahangad na maisakatuparan ang sariling mga mithiin at hangarin ay umaasa sa mga abilidad ng mga tao, gayundin sa kanilang kaalaman, sa kanilang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw, at sa kanilang iba’t ibang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, pati na ang iba’t ibang pamamaraan, panlalansi, at pakana. Habang mas hinahangad ng isang tao na maisakatuparan ang sarili niyang mga mithiin at hangarin, lalo siyang nalalayo sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos, at sa tamang landas na itinuro ng Diyos para sa kanya. Ang tinatawag na mga mithiin at hangarin sa puso ng isang tao, sa totoo lang, ay mga walang kabuluhang bagay, hindi ka matuturuan ng mga ito kung paano umasal, kung paano sumamba at makaunawa sa Diyos, o kung paano magpasakop sa Diyos, sa kalooban ng Diyos, at sa Kataas-taasang Kapangyarihan, bukod sa iba pang mga positibong bagay na tulad nito. Kapag naghangad ka ng iyong mga mithiin at hangarin, hindi ka magkakamit ng alinman sa mga positibo at mahalagang bagay na ito na naaayon sa katotohanan. Anumang landas sa buhay na nakatuon sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao ay may parehong pangunahing layon, diwa, at kalikasan—lahat ito ay sumasalungat sa katotohanan. Gayunpaman, ang landas ng paghahangad sa katotohanan ay naiiba. Gagabayan nito nang wasto ang iyong landas sa buhay—medyo malawak ang pagkakasabing ito. Sa mas partikular na salita, ilalantad nito ang iyong mga mali at baluktot na kaisipan at pananaw sa kung paano mo tinatrato ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Kasabay nito, ito ay magbibigay-alam sa iyo, gagabay sa iyo, magtutustos at magtuturo sa iyo ng mga tama at tumpak na kaisipan at pananaw. Siyempre, sasabihin din nito sa iyo kung anong uri ng mga kaisipan at pananaw ang dapat mayroon ka habang tinitingnan mo ang mga tao at bagay, habang umaasal ka, at kumikilos. Sinasabi sa iyo ng landas na ito ng paghahangad sa katotohanan kung paano umasal, kung paano mamuhay sa loob ng mga hangganan ng normal na pagkatao at umasal ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa pinakamababa, hindi ka dapat bumaba kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya at katwiran—dapat kang mamuhay katulad ng isang tao at bilang isang tao. Bukod dito, mas partikular na ipinapaalam sa iyo ng landas na ito ang tungkol sa mga kaisipan, pananaw, perspektiba, at paninindigan na dapat mong taglayin habang tinitingnan mo ang bawat usapin at ginagawa ang bawat bagay. Ang mga wastong kaisipan, pananaw, perspektiba, at paninindigang ito ay ang mga tamang pamantayan at prinsipyo rin ng pag-asal at pagkilos na dapat itaguyod ng isang tao. Kapag nakamit o nakapasok ang isang tao sa realidad ng pagtingin sa mga tao at bagay, at pag-asal at pagkilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, ang taong iyon ay naligtas na. Sa sandaling maligtas ang isang tao at makamit niya ang katotohanan, tuluyan nang magbabago ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay, ganap na umaayon sa mga salita ng Diyos at alinsunod sa Diyos. Kapag naabot na ang yugtong ito, hindi na magrerebelde ang isang tao laban sa Diyos, at hindi na siya kakastiguhin o hahatulan ng Diyos, at hindi na rin siya kamumuhian ng Diyos. Ito ay dahil hindi na kaaway ng Diyos ang taong ito, hindi na siya kumokontra sa Diyos, at ang Diyos ay tunay at nararapat nang naging ang Lumikha sa Kanyang mga nilalang. Nagbalik na ang mga tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at tinatamasa ng Diyos ang pagsamba, pagpapasakop, at pagkatakot na dapat ihandog ng mga tao sa Kanya. Natural na nagiging maayos ang lahat. Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay para sa sangkatauhan, at ang sangkatauhan naman, ay namamahala sa lahat ng bagay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng pamamahala ng sangkatauhan, lahat ay sumusunod sa mga panuntunan at batas na itinakda ng Diyos, umuusad at patuloy na sumusulong sa maayos na paraan. Tinatamasa ng sangkatauhan ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at ang lahat ng bagay ay umiiral sa maayos na paraan sa ilalim ng pamamahala ng sangkatauhan. Ang lahat ng bagay ay para sa sangkatauhan, at ang sangkatauhan ay para sa lahat ng bagay. Ang lahat ng ito ay matiwasay at maayos, lahat ito ay nagmumula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan. Isa talaga itong napakagandang bagay. Ito ang isa sa mga pinakapangunahing kahulugan ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin. Kita mo, kahit bitiwan mo ngayon ang iyong mga pansamantalang mithiin at hangarin, sa huli, ang makakamit mo ay ang katotohanan, ito ay buhay, ito ang pinakamahalagang bagay. Kung ikukumpara sa mga walang kwentang mithiin at hangarin na binitiwan mo, mas mahalaga ang mga ito nang ilang libo o sampung libong beses. Talagang walang kapantay ang mga ito. Hindi ba? (Oo.) Siyempre, isang bagay ang dapat linawin: Dapat maunawaan ng mga tao na ang paghahangad sa mga mithiin at hangarin ay hindi ka kailanman matuturuan kung paano umasal. Mula sa araw na isinilang ka, sinabi sa iyo ng mga magulang mo, “Dapat kang matutong magsinungaling, matutong protektahan ang sarili mo, at huwag hayaan ang iba na apihin ka. Kapag may nang-aapi sa iyo, dapat kang maging malakas, huwag maging mahina, huwag mong hayaang isipin ng iba na madali kang api-apihin. Higit pa rito, dapat kang magkaroon ng kaalaman at palakasin mo ang iyong sarili, para makapanindigan ka sa lipunan. Dapat mong hangarin ang kasikatan at pakinabang, ang mga babae ay dapat nakapagsasarili, at dapat pasanin ng mga lalaki ang bigat ng mundo.” Mula sa murang edad, tinuruan ka ng mga magulang mo sa ganitong paraan, na para bang tinuturuan ka nila kung paano umasal; ngunit sa katunayan, nagsusumikap sila, ginagawa ang anumang kailangan, at tila itinataya pa nga ang kanilang buhay para itulak ka sa mundong ito, sa masamang agos na ito, para maging mangmang ka sa kung ano ang positibo at kung ano ang negatibo, mangmang sa kung paano makilala ang kaibahan ng katarungan at kasamaan, kung paano matukoy ang mga positibo at negatibong bagay. Kasabay nito, tinuruan ka rin ng iyong mga magulang, “Gawin mo anuman ang kinakailangan, huwag masyadong maging magalang sa iba. Ang pagpaparaya sa iba ay kalupitan sa iyong sarili.” Tinuturuan ka nila nang ganito mula pa noong una kang matutong makaintindi ng mga bagay-bagay, at pagkatapos, sa paaralan, at sa lipunan, ganoon din ang mga bagay na itinuturo sa iyo ng lahat. Hindi nila ito itinuturo sa iyo para umasal ka bilang isang tao, kundi upang ikaw ay maging isang demonyo, magsinungaling, gumawa ng kasamaan, at mamatay. Pagkatapos mong manampalataya sa Diyos, saka mo lang malalaman na dapat ang isang tao ay umasal bilang isang matapat na tao at magsabi ng katotohanan at mga katunayan. Nag-iipon ka ng lakas ng loob at sa wakas ay nakapagsasalita ng katotohanan, pinanghahawakan mo ang iyong konsiyensiya at mga moral na hangganan upang ipahayag ito nang isang beses, ngunit itinataboy ka ng lipunan, sinisisi ng iyong pamilya, kinukutya pa nga ng iyong mga kaibigan, at sa huli, ano ang nangyayari? Malakas ang dagok sa iyo, hindi mo makayanan ito, at hindi mo na alam kung paano umasal. Pakiramdam mo na ang pag-asal bilang isang tao ay napakahirap, ang pagiging isang demonyo ay mas madali. Maging isang demonyo ka na lang at sundin ang masamang agos ng lipunang ito—walang sasabihin ang sinuman. Walang sinuman sa buong sangkatauhan ang magtuturo sa iyo kung paano umasal. Pagkatapos mong manampalataya sa Diyos, naririnig mo na ang bawat salitang sinasalita ng Diyos at ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para turuan ka kung paano umasal, kung paano isagawa ang katotohanan upang ikaw ay maging isang tunay na tao. Sa mga salita lamang ng Diyos mo mahahanap ang tamang sagot sa kung ano ang tunay na buhay ng tao. Dahil dito, kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang tinatawag na pagkilos katulad ng isang tao. Kapag nauunawaan mo ang batayan ng pag-asal ayon sa mga salita ng Diyos, at nauunawaan mo at nakapapasok ka sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, malalaman mo kung paano umasal, at magiging isa kang tunay na tao. Ito ang pundasyon ng pag-asal, at tanging ang gayong buhay ng tao ang may halaga, tanging sila lamang ang karapat-dapat mabuhay at hindi dapat mamatay. Sa kabaligtaran, ang mga kumikilos na parang mga demonyo, ang mga naglalakad na bangkay na nakasuot ng balat ng tao, ang mga taong iyon ay hindi karapat-dapat na mabuhay. Bakit? Dahil ang lahat ng nilikha ng Diyos ay inihahanda para sa sangkatauhan, para sa mga nilikha ng Diyos, hindi para sa kauri ng demonyo. Kung gayon, bakit nananatili pa ring buhay ang mga taong iyon hanggang ngayon? Hindi ba’t nakikibahagi sila sa kapakinabangan ng mga taong nilalayong iligtas ng Diyos? Kung hindi dahil sa gawain ng pagliligtas ng Diyos sa yugtong ito, na ginagamit ang mga diyablo at mga Satanas upang magserbisyo, hinahayaan ang mga hinirang ng Diyos na makilala ang mga negatibong bagay, at naaarok ang diwa ng mga diyablo, matagal na sana silang nilipol ng Diyos, dahil ang mga taong ito ay hindi karapat-dapat na magtamasa sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at kanilang nilulustay at sinisira ang mga bagay na ginawa ng Diyos. Ano sa palagay mo ang mararamdaman ng Diyos kapag nakita Niya ito? Magiging maganda ba ang lagay ng Kanyang loob? (Hindi.) Samakatuwid, apurahang nais ng Diyos na iligtas ang isang grupo ng mga tao na may normal na pagkatao at mga tunay na tao, at turuan ang mga ito kung paano umasal. Kapag nagtamo ng kaligtasan ang mga taong ito, naging karapat-dapat na manatili at hindi mawasak—kung gayon, matutupad na ang dakilang gawain ng Diyos. Ibig sabihin, hindi mahalaga kung ang mga bagay na ito ay nasa tumpak at tamang antas, kapag ang mga alituntunin nila sa pananatiling buhay, ang kanilang mga pananaw sa buhay, ang mga landas na tinatahak nila, pati na ang kanilang mga paghahangad, at ang mga saloobin nila sa pagtrato nila sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay, ay hindi naman sumasalungat sa katotohanan, at tiyak na hindi umaabot sa puntong nilalabag ang disposisyon ng Diyos, kapag hindi mawawasak ang mga taong ito, dahil nagagawa nilang magpasakop sa Diyos sa isang batayang paraan—kung gayon ay matutupad na ang dakilang gawain ng Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag natupad ang dakilang gawaing ito? Nangangahulugan ito na ang mga iniligtas ng Diyos ay maaaring umiral magpakailanman, mabubuhay magpakailanman. Kumbaga sa wika ng tao, nangangahulugan ito na ang sangkatauhang ito ay magkakaroon ng mga kahalili, magkakaroon ng mga kahalili ang mga ninuno ng mga tao na nilikha ng Diyos, at magkakaroon ng mga tao na may kakayahang mamahala sa lahat ng bagay. Pagkatapos, mapapanatag ang Diyos, magpapahinga Siya, at hindi na Niya kailangang alalahanin pa ang mga bagay-bagay. Ang lahat ng bagay ay may kani-kanilang mga panuntunan at batas, na itinatag na ng Diyos, at hindi na kailangang alalahanin ng Diyos ang mga ito, bigyan ang mga ito ng ideya, o proyekto. Ang lahat ng bagay ay umiiral sa loob ng kani-kanilang mga panuntunan at batas, ang kailangan lang gawin ng mga tao ay panatilihin at pamahalaan ang mga ito. Sa ganitong lahi ng mga tao, sa palagay mo ba ay kakailanganin pang mag-alala ng Diyos? Kakailanganin pa ba Niyang maging abala? Ang Diyos ay magpapahinga, at kapag nagpahinga Siya, darating na ang oras para maisakatuparan ang Kanyang dakilang gawain. Siyempre, ito rin ang magiging panahon para magdiwang ang mga tao—ibig sabihin, sa wakas ay makakamit nila ang kaligtasan sa pundasyon ng landas ng paghahangad sa katotohanan, hindi na naghihimagsik laban sa Diyos, bagkus ay umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang mga tao ay makakamit na ng Diyos, at hindi na nila kailangang matikman ang kamatayan—pagkatapos ay matatanggap na nila ang kaligtasan. Hindi ba’t karapat-dapat na ipagdiwang ang bagay na ito? (Oo.) Ngayon, sapagkat magkakaroon ng mga napakalaking pakinabang, at alam mo na ang mga ito ang mga layunin ng Diyos, hindi ba’t nararapat lang na bitiwan ng mga tao ang maliliit na mithiin at hangarin na pinanghawakan nila noon? (Oo.) Naaangkop lang ito sa anumang paraan mo tingnan. Kaya, sapagkat naaangkop ito, hindi ba’t dapat bumitiw ka? (Oo.) Sa teorya, alam ng lahat na dapat silang bumitiw, ngunit paano ba ito mismong ginagawa? Sa totoo lang, napakasimple lang nito. Nangangahulugan ito na hindi ka na gagawa ng anumang aksiyon, magbubuhos ng anumang pagsisikap, o magbabayad ng anumang halaga para sa iyong mga mithiin at pagnanais. Hindi mo na hahayaan ang mga ito na mamalagi sa isipan mo o hindi ka na gagawa ng anumang sakripisyo para sa mga ito. Sa halip, babalik ka sa Diyos, bibitiwan ang iyong mga pansariling hangarin at mithiin, titigil sa pagkahumaling sa mga ito, at titigil pa nga na mangarap tungkol sa mga ito kapag nananaginip ka. Sa halip, sa iyong puso ay unti-unti mong ililipat ang iyong direksiyon at kagustuhan patungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan. Araw-araw, lahat ng iyong gagawin, ang mga kaisipan, lakas, at halagang ibabayad mo, ay lahat gagawin para sa paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan—ganito ka unti-unting bibitiw.

Tungkol sa pagbabahaginan ngayong araw sa paksang “pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao,” naiintindihan ba ang naging pagbabahagi Ko tungkol dito? Alam mo ba kung paano bumitiw? Maaaring sinasabi ng ilang tao, “Naku, matagal na akong bumitiw bago Mo pa man ito binanggit.” Ngunit hindi talaga iyon totoo. Sa katunayan, sa pamamagitan lamang ng proseso ng paghahangad sa katotohanan na unti-unting makikita ng mga tao ang masamang takbo ng mundo at unti-unti ring makikilala at mabibitiwan ang landas ng paghahangad sa kasikatan at pakinabang na tinatahak ng mga walang pananampalataya. Kung hindi mo pa nahangad ang katotohanan, at basta mo lang iniisip ang tungkol sa pagbitiw sa loob ng iyong puso, hindi talaga iyon katulad ng totoong pagbitiw. Ang paghahanda mong bumitiw at ang tunay mong pagbitiw ay dalawang magkahiwalay na bagay—may kaibahan pa rin ang mga ito. Samakatuwid, ang pinakamahalaga ay ang simulang hangarin ang katotohanan, at hindi iyon dapat magbago kahit kailan—iyon ang pinakamahalaga. Sa sandaling simulan mong hangarin ang katotohanan, nagiging mas madali ang pagbitiw sa mga mithiin at hangarin. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan ngunit sinasabi mo, “Gusto ko talagang bitiwan ang mga mithiin at hangarin na ito. Ayaw kong makulayan sa malawak na timba ng pantina o magiling sa gilingan ng karne,” at kung gusto mo pa ring manatiling buhay, sinasabi Ko sa iyo na hindi iyon posibleng mangyari. Imposible, hindi iyon magiging ganoon kapabor sa iyo! Kung ayaw mong sikaping hangarin ang katotohanan pero gusto mo pa ring bitiwan ang mga mithiin at hangarin, imposible iyon. Ang lahat ng normal na tao ay may mga mithiin at hangarin, lalo na ang mga may kaunting kaloob o talento. Mayroon bang tao na masayang nag-iisa at kusang-loob na tumatalikod sa pamumuhay ng isang ordinaryong buhay? Walang taong ganito. Lahat ay gustong mamukod-tangi, may mapatunayan sa kanilang sarili, magkaroon ng partikular na awra, at gawing mas komportable ang kanilang buhay. Kung nais mong bitiwan ang mga pansariling mithiin at hangarin, kamtin ang kaligtasan, at isabuhay ang isang makabuluhang buhay, dapat mong tanggapin ang katotohanan, sikaping matamo ang katotohanan, at magpasakop ka sa gawain ng Diyos—sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng pag-asa. Ang pakikinig sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa Diyos ang tanging paraan. Samakatuwid, sa kabila ng lahat ng malinaw na pagbabago, may isang bagay na hindi nagbabago—ang paghahangad sa katotohanan. Ito ang pinakamahalagang paksa, hindi ba? (Oo.) Sige, tapusin na natin dito ang pagbabahaginan ngayong araw tungkol sa ating paksa. Paalam na!

Disyembre 17, 2022

Sinundan: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 7

Sumunod: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 9

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito